The Daily Audio Bible
Today's audio is from the NIV. Switch to the NIV to read along with the audio.
12 Isang araw, nagpunta si Abner sa Gibeon mula sa Mahanaim kasama ang mga tauhan ni Ishboshet. 13 Sinalubong sila ni Joab na anak ni Zeruya, kasama ng iba pang mga tauhan ni David doon sa Imbakan ng Tubig sa Gibeon. Umupo ang grupo ni Abner sa kabilang panig ng Imbakan ng Tubig at ang grupo naman ni Joab ay naupo rin sa kabilang panig. 14 Sinabi ni Abner kay Joab, “Paglabanin natin sa ating harapan ang ilan sa mahuhusay nating sundalo.” Pumayag si Joab, 15 at tumayo ang 12 tauhan ni Ishboshet na mula sa lahi ni Benjamin para makipaglaban sa 12 tauhan ni David. 16 Hinawakan nila ang ulo ng isaʼt isa at nagsaksakan hanggang sa mamatay silang lahat. Kaya tinawag na Helkat Hazurim[a] ang lugar na iyon sa Gibeon. 17 At nagkaroon ng matinding labanan sa pagitan ng dalawang grupo. At nang araw na iyon, natalo si Abner at ang mga tauhan ng Israel laban sa mga tauhan ni David.
18-19 Kasama sa labanan ang tatlong anak ni Zeruya na sina Joab, Abishai at Asahel. Mabilis tumakbo si Asahel gaya ng usa, at hinabol niya si Abner nang walang lingon-lingon. 20 Nang lumingon si Abner, nakita niya ito at tinanong, “Ikaw ba iyan, Asahel?” Sumagot si Asahel, “Ako nga.” 21 Pagkatapos, sinabi ni Abner sa kanya, “Huwag mo na akong habulin, iyong isa na lang sa mga kasama ko ang habulin mo at kunin mo ang kagamitan niya.” Pero hindi tumigil si Asahel sa paghabol sa kanya.
22 Muling sinabi ni Abner kay Asahel, “Tumigil ka sa paghabol sa akin! Huwag mo akong piliting patayin ka. Wala na akong mukhang maihaharap sa kapatid mong si Joab kung papatayin kita.” 23 Pero hindi tumigil si Asahel sa paghabol sa kanya, kaya tinusok niya ito ng dulo ng sibat, at tumagos ito hanggang sa likod. Bumagsak siya sa lupa at tuluyang namatay. Napahinto ang lahat ng dumadaan sa lugar na kinamatayan ni Asahel.
24 Nang malaman nina Joab at Abishai ang nangyari, hinabol nila si Abner. Papalubog na ang araw nang makarating sila sa burol ng Amma malapit sa Gia, sa daang papunta sa ilang ng Gibeon. 25 Nagtipon kay Abner sa itaas ng burol ang mga sundalo mula sa lahi ni Benjamin para maghanda sa pakikipaglaban. 26 Sinigawan ni Abner si Joab, “Itigil na natin ang patayang ito! Hindi mo ba naunawaan na sama lang ng loob ang ibubunga nito? Kailan mo patitigilin ang mga tauhan mo sa paghabol sa aming mga kadugo nʼyo?”
27 Sumagot si Joab, “Tinitiyak ko sa iyo, sa harap ng presensya ng Dios na buhay, na kung hindi mo iyan sinabi patuloy kayong hahabulin ng mga tauhan ko hanggang umaga.” 28 Kaya pinatunog ni Joab ang trumpeta, at ang lahat niyang tauhan ay tumigil sa pagtugis sa mga Israelita. At tumigil ang labanan. 29 Buong gabing naglakad si Abner at ang mga tauhan niya sa Lambak ng Jordan.[b] Tumawid sila sa Ilog ng Jordan at nagpatuloy sa paglalakad buong umaga hanggang sa makarating sila sa Mahanaim.
30 Nang huminto si Joab sa paghabol kay Abner, siya at ang mga tauhan niya ay umuwi na rin. Nang tipunin ni Joab ang mga tauhan niya, nalaman niyang bukod kay Asahel, 19 ang napatay sa kanila. 31 Pero 360 ang napatay nila sa mga tauhan ni Abner, at ang lahat ng iyon ay mula sa lahi ni Benjamin. 32 Kinuha nina Joab ang bangkay ni Asahel at inilibing sa libingan ng kanyang ama sa Betlehem. Pagkatapos, buong gabi silang naglakad, at kinaumagahan, nakarating sila sa Hebron.
3 Iyon ang simula ng mahabang labanan sa pagitan ng mga matatapat na tauhan ni Saul at ni David. Lumakas nang lumakas ang grupo ni David. Pero ang kay Saul naman ay humina nang humina.
2 Ito ang mga anak na lalaki ni David na isinilang sa Hebron: Si Amnon ang panganay, na anak niya kay Ahinoam na taga-Jezreel. 3 Si Kileab ang pangalawa, na anak niya kay Abigail, ang biyuda ni Nabal na taga-Carmel. Si Absalom ang pangatlo, na anak niya kay Maaca, ang anak ni Haring Talmai ng Geshur. 4 Si Adonia ang pang-apat, na anak niya kay Hagit. Si Shefatia ang panglima, na anak niya kay Abital. 5 Si Itream ang pang-anim, na anak niya kay Egla. Sila ang mga anak ni David na isinilang sa Hebron.
Kumampi si Abner kay David
6 Habang patuloy ang labanan sa pagitan ng mga tauhan ni Saul at ni David, naging makapangyarihang pinuno si Abner sa mga tauhan ni Saul. 7 Isang araw, inakusahan ni Ishboshet si Abner, “Bakit mo sinipingan ang isa sa mga asawa ng ama kong si Saul?” Ang tinutukoy ni Ishboshet ay si Rizpa na anak ni Aya. 8 Nagalit si Abner sa sinabi ni Ishboshet, kaya sumagot siya, “Iniisip mo bang pinagtaksilan ko ang iyong ama, at kumakampi ako sa Juda? Mula pa noon, matapat na ako sa iyong ama, sa pamilya niya at mga kaibigan, at hindi kita ibinigay kay David. Pero ngayon, inaakusahan mo akong nagkasala dahil sa isang babae! 9 Kung ganyan din lang, mabuti pang tulungan ko na lang si David na matupad ang ipinangako ng Panginoon sa kanya, at parusahan sana ako nang matindi ng Dios kapag hindi ko siya tinulungan. 10 Ipinangako ng Panginoon na hindi na niya paghahariin ang sinumang kalahi ni Saul kundi si David ang paghahariin niya sa Israel at Juda, mula Dan hanggang sa Beersheba.”[c] 11 Hindi na nangahas pang magsalita si Ishboshet dahil natatakot siya kay Abner.
12 Pagkatapos, nagsugo si Abner ng mga mensahero kay David na sinasabi, “Kayo ang dapat na maghari sa buong lupain ng Israel. Gumawa po tayo ng kasunduan at tutulungan ko kayong masakop ang buong bayan ng Israel.” 13 Sumagot si David, “Sige, pumapayag akong makipagkasundo sa isang kundisyon: Ibalik ninyo sa akin ang asawa kong si Mical na anak ni Saul sa pagpunta ninyo rito.”
14 Pagkatapos, nagsugo si David ng mga mensahero kay Ishboshet para sabihin, “Ibalik mo sa akin ang asawa kong si Mical, dahil ipinagkasundo kaming ipakasal kapalit ng 100 buhay at balat ng pinagtulian ng mga Filisteo.” 15 Kaya ipinag-utos ni Ishboshet na bawiin si Mical sa asawa nitong si Paltiel na anak ni Laish. 16 Umiiyak na sumunod si Paltiel kay Mical hanggang sa Bahurim. Sinabihan siya ni Abner na umuwi na, at umuwi nga ito.
17 Nakipag-usap si Abner sa mga tagapamahala ng Israel. Sinabi niya, “Matagal nʼyo ng gustong maging hari si David. 18 Ito na ang pagkakataon nʼyo, dahil nangako ang Panginoon sa lingkod niyang si David na sa pamamagitan niya, ililigtas niya ang mga mamamayan niyang Israelita sa kamay ng mga Filisteo at sa lahat ng kalaban nito.”
19 Nakipag-usap din si Abner sa lahi ni Benjamin. At pumunta siya sa Hebron para sabihin kay David na sinusuportahan ng mga mamamayan ng Israel at Benjamin ang pagiging hari niya sa kanila.
20 Nang dumating si Abner sa Hebron kasama ang 20 niyang tauhan, nagdaos si David ng pagdiriwang para sa kanila. 21 Sinabi ni Abner kay David, “Mahal na Hari, payagan nʼyo po akong umalis para kumbinsihin ang lahat na mamamayan ng Israel na suportahan kayo bilang hari. Sa ganitong paraan, makikipagkasundo sila inyo na tatanggapin nila kayo bilang hari. Pagkatapos, makakapamuno na po kayo sa buong Israel, sa paraang gusto ninyo.” At hinayaan ni David si Abner na umalis ng matiwasay.
Pinatay ni Joab si Abner
22 Dumating si Joab at ang ibang tauhan ni David sa Hebron mula sa pagsalakay, at marami silang dalang samsam mula sa labanan. Pero wala na roon si Abner dahil pinaalis na siya ni David ng matiwasay. 23 Nang mabalitaan ni Joab na pumunta si Abner sa hari at pinaalis ng matiwasay, 24 pumunta si Joab sa hari at sinabi, “Ano po ang ginawa nʼyo? Pumunta na sa inyo si Abner, bakit pinaalis pa ninyo? Ngayon, wala na siya! 25 Kilala nʼyo naman si Abner na anak ni Ner, pumunta siya rito para dayain at obserbahan ang bawat kilos ninyo.” 26 Iniwan agad ni Joab si David, at nag-utos siyang habulin si Abner. Inabutan nila ito sa balon ng Sira at dinala pabalik sa Hebron. Pero hindi ito alam ni David. 27 Nang naroon na si Abner sa Hebron, dinala siya ni Joab sa may pintuan ng lungsod at kunwariʼy kakausapin niya ito nang silang dalawa lang. At doon sinaksak ni Joab si Abner sa tiyan bilang paghihiganti sa pagpatay ni Abner sa kapatid niyang si Asahel. At namatay si Abner.
28 Nang mabalitaan ito ni David, sinabi niya, “Alam ng Panginoon na inosente ako at ang mga tauhan ko sa pagkamatay ni Abner na anak ni Ner. 29 Si Joab at ang pamilya niya ang may pananagutan dito. Sumpain nawa ang pamilya niya at huwag mawalan ng may sakit na tulo, malubhang sakit sa balat,[d] pilay, mamamatay sa labanan, at namamalimos.” 30 (Kaya pinatay ni Joab at ng kapatid niyang si Abishai si Abner dahil pinatay nito ang kapatid nilang si Asahel sa labanan doon sa Gibeon.)
31 Pagkatapos, sinabi ni David kay Joab at sa lahat ng kasama niya, “Punitin ninyo ang inyong mga damit at magsuot kayo ng sako. Magluksa kayo habang naglalakad sa unahan ng bangkay ni Abner sa paglilibing sa kanya.” Nakipaglibing din si Haring David na sumusunod sa bangkay. 32 Inilibing si Abner sa Hebron, at labis ang pag-iyak ni Haring David doon sa pinaglibingan. Ganoon din ang lahat ng tao na nakipaglibing. 33 Inawit ni Haring David ang awit ng kalungkutan para kay Abner:
“Bakit namatay si Abner na gaya ng isang kriminal?
34 Hindi iginapos ang mga kamay niya ni ikinadena ang mga paa niya, pero pinatay siya ng masasamang tao.”
Muling iniyakan ng mga tao si Abner. 35 Nang araw na iyon, hindi kumain si David, kaya pinilit siya ng mga tao na kumain. Pero nanumpa si David, “Parusahan sana ako nang matindi ng Dios kapag kumain ako ng anuman bago lumubog ang araw.” 36 Natuwa ang mga tao sa mga sinabi ni David. Pati na rin ang lahat ng ginagawa ni David ay kanilang ikinatuwa. 37 Kaya nalaman ng lahat ng mamamayan ng Israel na walang kinalaman si Haring David sa pagkamatay ni Abner.
38 Pagkatapos, sinabi ni David sa mga tauhan niya, “Hindi nʼyo ba naiisip na napatay ang isang makapangyarihang pinuno ng Israel sa araw na ito? 39 At kahit ako ang piniling hari ngayon, hindi ko kaya sina Joab at Abishai na mga anak ni Zeruya. Mas malakas sila sa akin. Kaya ang Panginoon na lang ang maghihiganti sa masasamang taong ito dahil sa kasamaang ginawa nila.”
Hinugasan ni Jesus ang Paa ng mga Tagasunod Niya
13 Bago sumapit ang Pista ng Paglampas ng Anghel, alam ni Jesus na dumating na ang panahon ng pag-alis niya sa mundong ito upang bumalik sa Ama. Mahal na mahal niya ang kanyang mga tagasunod dito sa mundo, at ipinakita niya ang kanyang pagmamahal sa kanila hanggang sa katapusan.
2 Nang gabing iyon, naghapunan si Jesus kasama ang mga tagasunod niya. Inudyukan na ni Satanas si Judas Iscariote na anak ni Simon na traydurin si Jesus. 3 Alam ni Jesus na ang lahat ng kapangyarihan ay ibinigay sa kanya ng Ama. At alam din niyang galing siya sa Dios at babalik din sa Dios. 4 Tumayo si Jesus habang naghahapunan sila. Hinubad niya ang kanyang damit-panlabas at nagbigkis ng tuwalya sa baywang niya. 5 Pagkatapos, nagbuhos siya ng tubig sa isang planggana, at sinimulang hugasan ang paa ng mga tagasunod niya at pinunasan ng tuwalyang nakabigkis sa kanya. 6 Paglapit niya kay Simon Pedro, sinabi nito, “Panginoon, huhugasan nʼyo po ba ang mga paa ko?” 7 Sumagot si Jesus, “Hindi mo naiintindihan ang ginagawa ko ngayon, pero maiintindihan mo rin sa bandang huli.” 8 Sinabi ni Pedro sa kanya, “Hindi pwedeng kayo ang maghugas ng mga paa ko.” Sumagot si Jesus, “Kung ayaw mong hugasan ko ang paa mo, wala kang kaugnayan sa akin.” 9 Kaya sinabi ni Simon Pedro, “Kung ganoon Panginoon, hindi lang po ang mga paa ko ang hugasan nʼyo kundi pati na rin ang mga kamay at ulo ko!” 10 Pero sinabi ni Jesus sa kanya, “Ang naligo na ay malinis na ang buong katawan, kaya hindi na siya kailangang hugasan pa, maliban sa mga paa niya. Malinis na nga kayo, pero hindi kayong lahat.” 11 (Sinabi ni Jesus na hindi lahat sila ay malinis dahil alam niya kung sino ang magtatraydor sa kanya.)
12 Nang mahugasan na ni Jesus ang mga paa nila, muli niyang isinuot ang kanyang damit-panlabas at bumalik sa hapag-kainan. Pagkatapos, tinanong niya sila, “Naintindihan nʼyo ba ang ginawa ko sa inyo? 13 Tinatawag nʼyo akong ‘Guro’ at ‘Panginoon’, at tama kayo dahil iyan nga ang totoo. 14 Kung ako na Guro at Panginoon ninyo ay hinugasan ang inyong mga paa, dapat ay ganoon din ang gawin ninyo sa isaʼt isa. 15 Ginawa ko ito bilang halimbawa na dapat ninyong tularan. Kaya gawin din ninyo ang ginawa ko sa inyo. 16 Sinasabi ko sa inyo ang totoo, walang alipin na mas higit sa kanyang amo; at wala ring isinugo na mas higit sa nagsugo sa kanya. 17 Ngayong alam nʼyo na ang mga bagay na ito, mapalad kayo kung gagawin nʼyo ang mga ito.
18 “Hindi ko sinasabing mapalad kayong lahat, dahil kilala ko ang mga pinili ko. Pero kailangang matupad ang sinasabi sa Kasulatan na ‘Trinaydor ako ng nakisalo sa akin sa pagkain.’[a] 19 Sinasabi ko ito sa inyo bago pa man mangyari, upang kapag nangyari na ay maniwala kayo na ako nga ang Cristo. 20 Sinasabi ko sa inyo ang totoo, ang tumatanggap sa mga taong isinugo ko ay tumatanggap sa akin, at ang tumatanggap sa akin ay tumatanggap sa nagsugo sa akin.”
Inihayag ni Jesus na May Magtatraydor sa Kanya(A)
21 Pagkasabi nito ni Jesus, labis siyang nabagabag. Sinabi niya, “Ang totoo, tatraydurin ako ng isa sa inyo.” 22 Nagtinginan ang mga tagasunod niya na naguguluhan kung sino ang tinutukoy niya. 23 Nakasandal kay Jesus ang tagasunod na minamahal niya. 24 Kaya sinenyasan siya ni Simon Pedro na tanungin si Jesus kung sino ang tinutukoy nito. 25 Kaya habang nakasandal siya kay Jesus, nagtanong siya, “Panginoon, sino po ang tinutukoy ninyo?” 26 Sumagot si Jesus, “Kung sino ang bibigyan ko ng tinapay na isinawsaw ko, siya iyon.” Kaya kumuha si Jesus ng tinapay at matapos isawsaw ay ibinigay kay Judas na anak ni Simon Iscariote. 27 Nang matanggap ni Judas ang tinapay, pumasok sa kanya si Satanas. Sinabi ni Jesus sa kanya, “Gawin mo na agad ang gagawin mo.” 28 Hindi naintindihan ng mga kasalo sa hapunan kung bakit sinabi iyon ni Jesus. 29 Ang akala ng iba, inutusan lang ni Jesus si Judas na bumili ng mga kakailanganin sa pista o kayaʼy magbigay ng limos sa mga mahihirap, dahil siya ang tagapag-ingat ng pera nila. 30 Pagkakain ni Judas ng tinapay, agad siyang umalis. Gabi na noon.
Ang Kautusan ng Dios
119 Mapalad ang taong namumuhay nang malinis, na naaayon sa utos ng Panginoon.
2 Mapalad ang taong sumusunod sa mga katuruan ng Dios, at buong pusong hinahanap ang kanyang kalooban.
3 Hindi sila gumagawa ng masama kundi sumusunod sa mga pamamaraan ng Dios.
4 Panginoon, ibinigay nʼyo sa amin ang inyong mga tuntunin upang itoʼy matapat naming sundin.
5 Labis kong ninanais na maging tapat sa pagsunod sa inyong mga tuntunin.
6 At hindi ako mapapahiya kapag sinunod ko ang inyong mga utos.
7 Akoʼy magpupuri sa inyo nang may malinis na puso,
habang pinag-aaralan ko ang inyong matuwid na mga utos.
8 Susundin ko ang inyong mga tuntunin,
kaya huwag nʼyo akong pababayaan.
9 Paano mapapanatili ng isang kabataan na maging malinis ang kanyang buhay?
Mamuhay siya ayon sa inyong mga salita.
10 Buong puso akong lumalapit sa inyo;
kaya tulungan nʼyo akong huwag lumihis sa inyong mga utos.
11 Ang salita nʼyo ay iningatan ko sa aking puso upang hindi ako magkasala sa inyo.
12 Purihin kayo Panginoon!
Ituro nʼyo sa akin ang inyong mga tuntunin.
13 Paulit-ulit kong sinasabi ang mga kautusang ibinigay ninyo.
14 Nagagalak akong sumunod sa inyong mga katuruan,
higit pa sa kagalakang dulot ng mga kayamanan.
15 Ang inyong mga tuntunin ay aking pinagbubulay-bulayan
at iniisip kong mabuti ang inyong pamamaraan.
16 Magagalak ako sa inyong mga tuntunin,
at ang inyong mga salitaʼy hindi ko lilimutin.
29 Malayo ang Panginoon sa masasama, ngunit malapit siya sa mga matuwid at pinapakinggan niya ang kanilang dalangin.
30 Ang masayang mukha ay nagbibigay ng tuwa at nagpapasigla ang magandang balita.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®