The Daily Audio Bible
Today's audio is from the CSB. Switch to the CSB to read along with the audio.
Napatay si Absalom
18 Pinaggrupo-grupo ni David ang mga tauhan niya sa tig-1,000 at tig-100 at pumili siya ng mga pinuno na mamumuno sa kanila. 2 Pinalakad niya sila sa tatlong grupo. Si Joab ang pinuno ng isang grupo, si Abishai na kapatid ni Joab ang sa isang grupo, at si Itai naman na taga-Gat ang sa isa pang grupo. Sinabi ni Haring David sa kanila, “Ako mismo ang mamumuno sa inyo sa pakikipaglaban.” 3 Pero sinabi ng mga tauhan niya, “Hindi po kayo dapat sumama sa amin. Wala pong halaga sa mga kalaban kung tatakas kami, o kung mapatay ang kalahati sa amin. Mas gusto nilang mapatay kayo kaysa sa 10,000 sa amin. Kaya mabuti pang maiwan na lang kayo rito sa lungsod at magpadala sa amin ng tulong kung kinakailangan.” 4 Sumagot si Haring David, “Gagawin ko kung ano ang mabuti sa tingin ninyo.” Tumayo si Haring David sa gilid ng pintuan ng lungsod habang lumalabas ang lahat ng tauhan niya na nakagrupo sa tig-1,000 at tig-100. 5 Nag-utos si Haring David kina Joab, Abishai at Itai, “Alang-alang sa akin, huwag nʼyong sasaktan ang binatang si Absalom.” Narinig ng lahat ng grupo ang utos na ito ni David sa mga kumander ng mga sundalo niya.
6 Lumakad na ang mga sundalo ni David para makipaglaban sa mga sundalo ng Israel, at sa kagubatan ng Efraim sila naglaban. 7 Natalo ng mga sundalo ni David ang mga Israelita. Maraming namatay nang araw na iyon – 20,000 tao. 8 Lumaganap ang labanan sa buong kagubatan, at mas maraming namatay sa panganib sa kagubatan kaysa sa mga namatay sa espada.
9 Sa panahon ng labanan, nasalubong ni Absalom ang mga tauhan ni David, at tumakas siya sakay ng mola[a] niya. At habang nagpapasuot-suot siya sa ilalim ng malalagong sanga ng malaking puno ng ensina, sumabit ang ulo niya sa sanga. Dumiretso ng takbo ang mola at naiwan siyang nakabitin sa puno. 10 Nang makita ito ng isang tauhan ni David, pinuntahan niya si Joab at sinabi, “Nakita ko si Absalom na nakabitin sa puno ng ensina.” 11 Sinabi sa kanya ni Joab, “Ano? Nakita mo siya? Bakit hindi mo siya pinatay? Binigyan sana kita ng gantimpalang sampung pirasong pilak at espesyal na sinturon para sa isang opisyal.” 12 Pero sumagot ang tauhan, “Kahit na bigyan mo pa ako ng 1,000 pirasong pilak, hindi ko papatayin ang anak ng hari. Narinig namin ang iniutos ng hari sa iyo, kay Abishai at kay Itai, na huwag ninyong sasaktan ang binatang si Absalom alang-alang sa kanya. 13 At kahit na suwayin ko pa ang hari sa pamamagitan ng pagpatay kay Absalom, malalaman din ito ng hari, at hindi mo naman ako ipagtatanggol.” 14 Sinabi ni Joab, “Nagsasayang lang ako ng oras sa iyo!” Pagkatapos, kumuha siya ng tatlong sibat at pinuntahan si Absalom na buhay pang nakasabit sa puno ng ensina. Pagkatapos, sinibat niya sa dibdib si Absalom. 15 Pinalibutan pa ng sampung tagadala ng armas ni Joab si Absalom at tinuluyan siyang patayin. 16 Pinatunog ni Joab ang trumpeta para itigil na ang labanan, at upang tumigil na ang mga tauhan niya sa paghabol sa mga sundalo ng Israel. 17 Kinuha nila ang bangkay ni Absalom at inihulog sa malalim na hukay sa kagubatan, at tinabunan ito ng napakaraming malalaking tipak ng bato. Samantala, tumakas pauwi ang lahat ng sundalo ng Israel.
18 Noong buhay pa si Absalom, nagpatayo siya ng monumento para sa sarili niya sa Lambak ng Hari, dahil wala siyang anak na lalaki na magdadala ng pangalan niya. Tinawag niya itong “Monumento ni Absalom”, at hanggang ngayon, ito pa rin ang tawag dito.
Ipinagluksa ni David ang Pagkamatay ni Absalom
19 Sinabi ng anak ni Zadok na si Ahimaaz, kay Joab, “Payagan mo akong pumunta kay David para ibalita sa kanya na iniligtas siya ng Panginoon sa mga kalaban niya.” 20 Sinabi ni Joab, “Hindi ka magbabalita sa hari sa araw na ito. Pwede sa ibang araw, pero hindi ngayon, dahil namatay ang anak ng hari.” 21 Sinabi ni Joab sa isang tao na galing sa Etiopia,[b] “Puntahan mo si Haring David at sabihin mo ang nakita mo.” Yumukod muna ito kay Joab bago patakbong umalis. 22 Muling sinabi ni Ahimaaz kay Joab, “Kahit ano pa ang mangyari, payagan mo akong sumunod sa taong taga-Etiopia.” Sinabi ni Joab, “Anak, bakit gusto mong gawin ito? Wala ka namang makukuhang gantimpala sa pagbabalita mo.” 23 Sinabi ni Ahimaaz, “Kahit anong mangyari, aalis ako.” Kaya sinabi ni Joab sa kanya, “Sige, umalis ka!” Kaya tumakbo si Ahimaaz at tinahak ang daan papuntang kapatagan ng Jordan, at naunahan pa niya ang taong taga-Etiopia.
24 Habang nakaupo si David sa pagitan ng pintuan ng unang pader at pintuan ng ikalawang pader ng lungsod, umakyat sa pader ang tagapagbantay ng lungsod at tumayo sa bubong ng pintuan. Habang tumitingin-tingin siya roon, may nakita siyang isang taong tumatakbo. 25 Sumigaw siya kay David na may dumarating na tao, nang mga panahong iyon ay nasa ilalim ng bubong ang hari. Sinabi ni David, “Kung mag-isa lang siya, may dala siguro siyang balita.” Habang papalapit nang papalapit ang tao, 26 may nakita pa siyang isang taong tumatakbo rin. Sumigaw siya sa ibaba na may isa pang taong paparating. Sinabi ng hari, “May dala rin siguro siyang balita.” 27 Sinabi ng tagapagbantay, “Para pong si Ahimaaz na anak ni Zadok ang unang paparating.” Sinabi ng hari, “Mabuti siyang tao. Magandang balita siguro ang dala niya.” 28 Pagdating ni Ahimaaz, kinamusta niya ang hari at yumukod siya rito bilang paggalang. Pagkatapos, sinabi niya, “Purihin ang Panginoon na inyong Dios, Mahal na Hari! Pinagtagumpay niya po kayo laban sa mga taong naghimagsik sa inyo.” 29 Nagtanong ang hari, “Kumusta ang binatang si Absalom? Ayos lang ba siya?” Sumagot si Ahimaaz, “Nang ipinatawag ako ni Joab na lingkod nʼyo, nakita ko pong nagkakagulo ang mga tao pero hindi ko alam kung ano iyon.” 30 Sinabi ng hari, “Diyan ka lang.” Kaya tumayo siya sa tabi. 31 Maya-maya pa, dumating ang taong taga-Etiopia at sinabi, “Mahal na Hari, may maganda po akong balita. Iniligtas po kayo ng Panginoon sa araw na ito sa lahat ng naghimagsik laban sa inyo.” 32 Nagtanong sa kanya ang hari, “Kumusta ang binata kong si Absalom? Hindi ba siya nasaktan?” Sumagot ang tao, “Ang nangyari po sana sa kanya ay mangyari sa lahat ng kalaban nʼyo, Mahal na Hari.”
33 Nanginig si David. Umakyat siya sa kwarto sa itaas ng pintuan ng lungsod at umiyak. Habang umaakyat siya, sinasabi niya, “O Absalom, anak ko, ako na lang sana ang namatay sa halip na ikaw. O Absalom, anak ko, anak ko!”
19 May nagsabi kay Joab na umiiyak ang hari at nagluluksa dahil kay Absalom. 2 Nang marinig ito ng mga sundalo, natigil ang kasayahan ng kanilang tagumpay at napalitan ito ng pagluluksa. 3 Tahimik silang bumalik sa lungsod ng Mahanaim, gaya ng mga sundalong nahihiya dahil tumakas mula sa labanan. 4 Tinakpan ni David ang mukha niya at umiyak nang labis, “O Absalom, anak ko, anak ko!”
5 Pumunta si Joab sa bahay ng hari at sinabi, “Ipinahiya nʼyo ngayon ang mga tauhan ninyong nagligtas sa buhay nʼyo at sa buhay ng mga anak at asawa ninyo. 6 Minamahal nʼyo ang mga napopoot sa inyo, at kinapopootan ang mga nagmamahal sa inyo. Malinaw po na hindi nʼyo pinapahalagahan ang mga opisyal at tauhan ninyo. Sa tingin ko, mas masisiyahan pa kayo kung namatay kaming lahat at nabuhay si Absalom. 7 Lumabas po kayo ngayon at pasalamatan ang mga tauhan ninyo. Dahil kung hindi, isinusumpa ko sa Panginoon na wala ni isa sa kanilang maiiwan na kasama nʼyo ngayong gabi. Ito ang pinakamasamang mangyayari sa inyo mula noon hanggang ngayon.” 8 Kaya tumayo si David at umupo sa may pintuan ng lungsod. Nang malaman ito ng mga tao, nagtipon silang lahat sa kanya.
Bumalik si David sa Jerusalem
Samantala, tumakas pauwi ang mga sundalo ng Israel na mga tauhan ni Absalom. 9 Nagtalo-talo ang mga tao sa buong Israel. Sinabi nila, “Iniligtas tayo ni Haring David sa kamay ng mga Filisteo, pero tumakas siya sa bayan natin dahil kay Absalom. 10 Pinili nating maging hari si Absalom, pero napatay naman siya sa labanan. Bakit hindi tayo humanap ng paraan para mapabalik natin si David bilang hari?”
Muling Nabuhay si Jesus(A)
20 Kinaumagahan ng Linggo, habang madilim pa, pumunta si Maria na taga-Magdala sa libingan. Nakita niyang naalis na ang batong nakatakip sa pintuan nito. 2 Kaya tumakbo siya at pumunta kay Simon Pedro at sa tagasunod na mahal ni Jesus. Pagdating niya sa kinaroroonan nila, sinabi niya sa kanila, “Kinuha nila sa libingan ang Panginoon at hindi namin alam kung saan dinala.” 3 Kaya tumakbo si Pedro papunta sa libingan kasama ang nasabing tagasunod. 4 Pareho silang tumakbo, pero mas mabilis ang isa kaysa kay Pedro, kaya nauna itong nakarating sa libingan. 5 Yumuko siya at sumilip sa loob ng libingan. Nakita niya ang mga telang linen na ipinambalot kay Jesus, pero hindi siya pumasok. 6 Kasunod naman niyang dumating si Simon Pedro, at pumasok siya sa loob ng libingan. Nakita niya ang mga telang linen, 7 maging ang ipinambalot sa ulo ni Jesus. Nakatiklop ito sa mismong lugar nito, at nakahiwalay sa ibang pang mga tela. 8-9 Pumasok na rin ang tagasunod na naunang nakarating, at nakita rin niya ang mga ito. Kahit na hindi pa nila nauunawaan ang tungkol sa sinasabi ng Kasulatan na si Jesus ay muling mabubuhay, naniwala siya na muling nabuhay si Jesus. 10 Pagkatapos nito, umuwi ang dalawang tagasunod.
Nagpakita si Jesus kay Maria na Taga-Magdala(B)
11 Naiwan si Maria sa labas ng libingan na umiiyak. Habang umiiyak, sumilip siya sa loob ng libingan 12 at nakita niya ang dalawang anghel na nakaputi. Nakaupo sila sa pinaglagyan ng bangkay ni Jesus, isa sa may ulunan at isa sa may paanan. 13 Tinanong nila si Maria, “Babae, bakit ka umiiyak?” Sumagot siya, “May kumuha sa Panginoon ko, at hindi ko alam kung saan siya dinala.” 14 Pagkasabi nitoʼy lumingon siya at nakita si Jesus na nakatayo, pero hindi niya nakilala na si Jesus iyon. 15 Tinanong siya ni Jesus, “Babae, bakit ka umiiyak? Sino ba ang hinahanap mo?” Sa pag-aakalang siya ang hardinero roon, sumagot si Maria, “Kung kayo po ang kumuha sa kanya, ituro nʼyo sa akin kung saan nʼyo siya dinala, at kukunin ko siya.” 16 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Maria!” Humarap si Maria kay Jesus at sinabi sa wikang Hebreo, “Rabboni!” (Ang ibig sabihin ay “Guro”.) 17 Sinabi ni Jesus, “Huwag mo akong hawakan, dahil hindi pa ako nakakabalik sa aking Ama. Pumunta ka sa mga kapatid ko at sabihing babalik na ako sa aking Ama na inyong Ama, at sa aking Dios na inyong Dios.” 18 Kaya pinuntahan ni Maria na taga-Magdala ang mga tagasunod ni Jesus at ibinalita sa kanila na nakita niya ang Panginoon. At sinabi niya sa kanila ang mga ipinapasabi ni Jesus.
Nagpakita si Jesus sa mga Tagasunod Niya(C)
19 Nang takip-silim na ng araw na iyon, nagsama-sama ang mga tagasunod ni Jesus. Ikinandado nila ang mga pinto dahil sa takot sa mga pinuno ng mga Judio. Dumating si Jesus at tumayo sa gitna nila, at sinabi, “Sumainyo ang kapayapaan.” 20 Pagkasabi niya nito, ipinakita niya ang sugat sa mga kamay at tagiliran niya. Labis na natuwa ang mga tagasunod nang makita ang Panginoon. 21 Muling sinabi ni Jesus sa kanila, “Sumainyo ang kapayapaan. Kung paanong sinugo ako ng Ama, kayo ay isinusugo ko rin.” 22 Pagkasabi niya nito, hiningahan niya sila at sinabi, “Tanggapin nʼyo ang Banal na Espiritu. 23 Kung patatawarin nʼyo ang kasalanan ng isang tao, pinatawad na siya ng Dios. At kung hindi nʼyo patatawarin ang kanyang kasalanan, hindi rin siya pinatawad ng Dios.”
Ang Pagdududa ni Tomas
24 Si Tomas na tinatawag na Kambal,[a] na isa rin sa 12 apostol ay hindi nila kasama noong nagpakita si Jesus. 25 Kaya ibinalita nila sa kanya na nakita nila ang Panginoon. Pero sinabi niya sa kanila, “Hindi ako maniniwala hanggaʼt hindi ko nakikita ang mga sugat ng pagkakapako sa mga kamay niya at mahipo ang mga ito, pati na ang sugat sa kanyang tagiliran.”
26 Makalipas ang walong araw, nagtipon ulit ang mga tagasunod ni Jesus sa loob ng bahay. Kasama na nila si Tomas. Kahit nakakandado ang mga pinto, dumating si Jesus at tumayo sa gitna nila, at sinabi, “Sumainyo ang kapayapaan.” 27 Sinabi ni Jesus kay Tomas, “Tingnan mo ang mga kamay ko. Hipuin mo, pati na rin ang aking tagiliran. Huwag ka nang magduda; maniwala ka na.” 28 Sinabi ni Tomas sa kanya, “Panginoon ko at Dios ko!” 29 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Naniniwala ka na ba dahil nakita mo ako? Mapalad ang mga naniniwala kahit hindi nila ako nakita.”
Ang Layunin ng Aklat na Ito
30 Marami pang himalang ginawa si Jesus na nasaksihan ng mga tagasunod niya ang hindi naisulat sa aklat na ito. 31 Pero ang nasa aklat na itoʼy isinulat upang sumampalataya kayo na si Jesus nga ang Cristo, ang Anak ng Dios. At kung sasampalataya kayo sa kanya, magkakaroon kayo ng buhay na walang hanggan.
153 Masdan nʼyo ang dinaranas kong paghihirap at akoʼy inyong iligtas,
dahil hindi ko kinakalimutan ang inyong kautusan.
154 Ipagtanggol nʼyo ako at iligtas,
panatilihin nʼyo akong buhay ayon sa inyong pangako.
155 Hindi maliligtas ang masasama,
dahil hindi nila ipinamumuhay ang inyong mga tuntunin.
156 Napakamaawain nʼyo Panginoon;
panatilihin nʼyo akong buhay ayon sa inyong paghatol.[a]
157 Marami ang umuusig sa akin,
ngunit hindi ako lumayo sa inyong mga turo.
158 Kinasusuklaman ko ang mga hindi tapat sa inyo,
dahil hindi nila sinusunod ang inyong salita.
159 Tingnan nʼyo Panginoon kung paano ko sinusunod ang inyong mga tuntunin.
Panatilihin nʼyo akong buhay ayon sa inyong tapat na pag-ibig.
160 Totoo ang lahat ng inyong salita,
at ang inyong mga utos ay makatuwiran magpakailanman.
161 Inuusig ako ng mga namumuno ng walang dahilan,
ngunit salita nʼyo lang ang aking kinatatakutan.
162 Nagagalak ako sa inyong mga pangako na tulad ng isang taong nakatuklas ng malaking kayamanan.
163 Namumuhi ako at nasusuklam sa kasinungalingan,
ngunit iniibig ko ang inyong kautusan.
164 Pitong beses[b] akong nagpupuri sa inyo bawat araw dahil matuwid ang inyong mga utos.
165 Magiging payapaʼt tiwasay ang kalagayan ng mga umiibig sa inyong kautusan,
at silaʼy hindi mabubuwal.
166 Panginoon umaasa ako na akoʼy inyong ililigtas,
at sinusunod ko ang inyong mga utos.
167 Buong puso kong iniibig ang inyong mga turo,
at itoʼy sinusunod ko.
168 Ang lahat kong ginagawa ay inyong nalalaman,
kaya sinusunod ko ang inyong mga tuntunin at katuruan.
169 Panginoon, pakinggan nʼyo sana ang aking hinaing.
Bigyan nʼyo ako ng pang-unawa ayon sa inyong pangako.
170 Sanaʼy dinggin nʼyo ang aking dalangin, at iligtas ako katulad ng inyong ipinangako.
171 Lagi akong magpupuri sa inyo,
dahil tinuturuan nʼyo ako ng inyong mga tuntunin.
172 Akoʼy aawit tungkol sa inyong mga salita,
dahil matuwid ang lahat nʼyong mga utos.
173 Palagi sana kayong maging handa na akoʼy tulungan,
dahil pinili kong sundin ang inyong mga tuntunin.
174 Panginoon, nananabik ako sa inyong pagliligtas.
Ang kautusan nʼyo ay nagbibigay sa akin ng kagalakan.
175 Panatilihin nʼyo ang aking buhay upang kayoʼy aking mapapurihan,
at sanaʼy tulungan ako ng inyong mga utos na masunod ang inyong kalooban.
176 Para akong tupang naligaw at nawala,
kaya hanapin nʼyo ako na inyong lingkod,
dahil hindi ko kinakalimutan ang inyong mga utos.
14 Kapag ang hari ay nagalit maaaring may masawi, kaya sinisikap ng taong marunong na malugod ang hari.
15 Hindi pinapatay ng hari ang taong sa kanya ay kalugod-lugod; pinakikitaan niya ito ng kabutihan gaya ng ulan sa panahon ng tagsibol.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®