Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the CSB. Switch to the CSB to read along with the audio.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
1 Hari 2:1-3:2

Ang mga Habilin ni David kay Solomon

Nang malapit nang mamatay si David, naghabilin siya kay Solomon na kanyang anak ng ganito: “Malapit na akong mamatay, kaya magpakatatag ka at magpakatapang, at sundin ang mga iniuutos ng Panginoon na iyong Dios. Sumunod ka sa kanyang mga pamamaraan, mga tuntunin at mga utos na nakasulat sa Kautusan ni Moises para magtagumpay ka sa lahat ng gagawin mo, saan ka man magpunta. Kung gagawin mo ito, tutuparin ng Panginoon ang pangako niya sa akin, na kung ang aking mga lahi ay mamumuhay nang tama at buong buhay na susunod sa kanya nang may katapatan, laging sa kanila magmumula ang maghahari sa Israel.

“Ito pa ang bilin ko sa iyo: Nalaman mo kung ano ang ginawa sa akin ni Joab na anak ni Zeruya. Pinatay niya ang dalawang kumander ng mga sundalo ng Israel na si Abner na anak ni Ner at si Amasa na anak ni Jeter. Pinatay niya sila na parang mga kaaway, pero ginawa niya iyon sa panahon na walang labanan. Siya ang may pananagutan sa pagkamatay nila.[a] Kaya gawin mo ang naiisip mong mabuting gawin sa kanya, pero huwag mong hayaan na payapa siyang mamatay sa katandaan.

“Ngunit maging mabuti ka sa mga anak ni Barzilai na taga-Gilead at pakainin silang kasama mo, dahil tinulungan nila ako nang tumakas ako sa kapatid mong si Absalom.

“Tandaan mo si Shimei na anak ni Gera, na taga-Bahurim at mula sa lahi ni Benjamin. Isinumpa niya ako ng matindi nang pumunta ako sa Mahanaim. Pero nang magkita kami sa Ilog ng Jordan, nakipagkasundo ako sa kanya sa pangalan ng Panginoon na hindi ko siya papatayin. Pero ngayon, ikaw ang hahatol sa kanya. Matalino ka, at alam mo kung ano ang dapat gawin. Kahit matanda na siya, ipapatay mo siya.”

10 Pagkatapos, namatay si David at inilibing sa kanyang lungsod.[b] 11 Naghari siya sa buong Israel sa loob ng 40 taon – pitong taon sa Hebron at 33 taon sa Jerusalem. 12 Si Solomon ang pumalit sa ama niyang si David bilang hari, at tunay na matatag ang kaharian niya.

Namatay si Adonia

13 Ngayon, si Adonia na anak ni Hagit ay pumunta kay Batsheba na ina ni Solomon. Nagtanong si Batsheba sa kanya, “Mabuti ba ang pakay mo sa pagpunta rito?” Sumagot si Adonia, “Mabuti po. 14 May hihilingin lang ako sa inyo.” Nagtanong si Batsheba, “Ano ba ang hihilingin mo?” 15 Sumagot si Adonia, “Nalalaman ninyo na ako na sana ang naging hari, at hinihintay ito ng buong Israel. Pero iba ang nangyari; ang kapatid ko ang siyang naging hari, dahil iyan ang gusto ng Panginoon. 16 Ngayon, may hihilingin ako sa inyo. At kung maaari, huwag nʼyo akong biguin.” Nagtanong si Batsheba, “Ano ba iyon?” 17 Sumagot si Adonia, “Kung maaari ay hilingin nʼyo kay Haring Solomon na mapangasawa ko si Abishag na taga-Shunem. Alam kong hindi siya tatanggi sa inyo.” 18 Sumagot si Batsheba, “Sige, sasabihin ko sa hari.”

19 Kaya pumunta si Batsheba kay Haring Solomon para sabihin sa kanya ang tungkol sa kahilingan ni Adonia. Pagkakita ni Solomon sa kanya, tumayo si Solomon mula sa kanyang trono para salubungin siya, at agad siyang yumukod sa kanyang ina bilang paggalang. Pagkatapos, muli siyang naupo sa kanyang trono. Nagpakuha siya ng upuan at ipinalagay sa kanan niya at doon pinaupo ang kanyang ina. 20 Sinabi ni Batsheba, “Mayroon akong maliit na kahilingan sa iyo. Huwag mo sana akong tatanggihan.” Sumagot ang hari, “Ano po ang hihilingin ninyo? Hindi ko kayo bibiguin.” 21 Sinabi ni Batsheba, “Hayaan mong mapangasawa ng iyong kapatid na si Adonia si Abishag na taga-Shunem.”

22 Nagtanong si Haring Solomon, “Bakit hinihiling ninyo na mapangasawa ni Adonia si Abishag? Baka hilingin nʼyo rin na ibigay ko sa kanya ang kaharian ko dahil mas matanda siya sa akin at kakampi niya ang paring si Abiatar at si Joab na anak ni Zeruya!” 23 Pagkatapos, sumumpa si Haring Solomon sa pangalan ng Panginoon, “Parusahan sana ako ng Dios kung hindi ko mapatay si Adonia dahil sa kahilingan niya. 24 Ang Panginoon ang siyang nagluklok sa akin sa trono ng aking amang si David. Tinupad niya ang kanyang pangako na ibibigay niya ang kaharian sa akin at sa aking mga angkan. Kaya sumusumpa ako sa buhay na Panginoon na mamamatay si Adonia sa araw na ito!” 25 Kaya iniutos ni Haring Solomon kay Benaya, na anak ni Jehoyada, na patayin si Adonia, at pinatay nga niya ito.

26 Pagkatapos, sinabi ni Haring Solomon kay Abiatar na pari, “Umuwi ka sa iyong bukirin sa Anatot. Dapat kang patayin pero hindi kita papatayin ngayon dahil katiwala ka ng Kahon ng Panginoong Dios noong kasama ka pa ng aking amang si David, at nakihati ka sa kanyang mga pagtitiis.” 27 Kaya tinanggal ni Solomon si Abiatar sa kanyang tungkulin bilang pari ng Panginoon. At natupad ang sinasabi ng Panginoon doon sa Shilo tungkol sa pamilya ni Eli.

Namatay si Joab

28 Hindi tumulong si Joab kay Absalom na maging hari, pero tumulong siya kay Adonia. Kaya nang mabalitaan niya ang pagkamatay ni Adonia, tumakas siya papunta sa tolda ng Panginoon at humawak sa parang mga sungay na bahagi ng altar.[c] 29 Nang mabalitaan ni Haring Solomon na tumakas si Joab papunta sa tolda ng Panginoon at lumapit sa altar, inutusan niya si Benaya na patayin si Joab. 30 Kaya pumunta si Benaya sa tolda ng Panginoon at sinabihan si Joab, “Lumabas ka, sabi ng hari!” Pero sumagot si Joab, “Hindi ako lalabas; dito ako mamamatay!” Bumalik si Benaya sa hari at sinabi ang sagot ni Joab. 31-32 Sinabi ni Solomon kay Benaya, “Gawin mo ang sinabi niya. Doon siya patayin sa tolda at ilibing, para ako at ang pamilya ng aking ama ay hindi managot sa pagpatay niya kay Abner na anak ni Ner, na kumander ng mga sundalo ng Israel, at kay Amasa na kumander ng mga sundalo ng Juda. Pinatay niya ang mga taong inosente nang hindi nalalaman ng aking ama. Mas matuwid at mabuti ang mga taong ito kaysa sa kanya. Ngayon, gagantihan siya ng Panginoon sa ginawa niya sa kanila. 33 Siya at ang angkan niya ang mananagot magpakailanman sa pagkamatay ng mga taong ito. Pero si David at ang angkan niyaʼt kaharian ay bibigyan ng mabuting kalagayan magpakailanman.”

34 Kaya pinuntahan ni Benaya si Joab at pinatay. Inilibing siya malapit sa bahay[d] niya sa ilang. 35 Pagkatapos, ipinalit ng hari si Benaya kay Joab bilang kumander ng mga sundalo at ang ipinalit niya kay Abiatar ay ang paring si Zadok.

Ang Pagkamatay ni Shimei

36 Ipinatawag ng hari si Shimei at sinabi sa kanya, “Magpatayo ka ng sarili mong bahay sa Jerusalem at doon ka tumira. Huwag kang umalis sa lungsod at pumunta sa ibang lugar. 37 Sa oras na umalis ka at tumawid sa Lambak ng Kidron, tiyak na mamamatay ka. At kapag nangyari ito, ikaw na ang may pananagutan nito.” 38 Sumagot si Shimei, “Mabuti po ang sinabi nʼyo, susundin ko ito!” Kaya tumira si Shimei sa Jerusalem nang matagal na panahon. 39 Pero pagkalipas ng tatlong taon, lumayas ang dalawa sa mga alipin ni Shimei, at pumunta sa hari ng Gat na si Akish, na anak ni Maaca. Nang mabalitaan ito ni Shimei, 40 nilagyan niya agad ng upuan ang kanyang asno at sumakay, pumunta siya kay Akish sa Gat para hanapin ang dalawang alipin niya. Nakita niya sila at isinama pauwi.

41 Nang mabalitaan ni Solomon na umalis si Shimei sa Jerusalem at pumunta sa Gat at nakabalik na, 42 ipinatawag niya ito at sinabihan, “Hindi baʼt pinasumpa kita sa pangalan ng Panginoon at binalaan na sa oras na umalis ka sa Jerusalem at pumunta sa ibang lugar ay tiyak na mamamatay ka? At hindi ba sinabi mo na mabuti ang sinabi ko at susundin mo ito? 43 Ngayon, bakit hindi mo sinunod ang ipinangako mo sa Panginoon? Bakit hindi mo tinupad ang mga iniutos ko sa iyo?”

44 Sinabi pa ng hari sa kanya, “Tiyak na naaalala mo ang lahat ng kasamaan na ginawa mo sa aking amang si David. Ngayon, gagantihan ka ng Panginoon sa masamang ginawa mo. 45 Pero pagpapalain ako ng Panginoon, at ang kaharian ng aking ama na si David ay magpapatuloy sa kanyang mga angkan magpakailanman.”

46 Pagkatapos, inutusan ng hari si Benaya na patayin si Shimei. Kaya dinala ni Benaya si Shimei sa labas at pinatay.

Mas lalong tumatag ang kaharian sa ilalim ng pamamahala ni Solomon.

Humingi si Solomon ng Karunungan(A)

Nakipag-alyansa si Solomon sa Faraon na hari ng Egipto at naging asawa niya ang anak nito. Dinala niya ang kanyang asawa sa Lungsod ni David[e] hanggang sa matapos niya ang pagpapatayo ng kanyang palasyo, ng templo ng Panginoon, at ng mga pader sa paligid ng Jerusalem. Wala pang templo noon para sa Panginoon, kaya ang mga tao ay naghahandog sa mga sambahan sa matataas na lugar.[f]

Gawa 5

Sina Ananias at Safira

May mag-asawang nagbenta rin ng kanilang lupa. Ang pangalan ng lalaki ay Ananias, at ang babae naman ay Safira. Pero binawasan ni Ananias ang pinagbilhan ng kanilang lupa. At pumayag naman ang kanyang asawa. Pagkatapos, ibinigay niya ang natirang pera sa mga apostol, at sinabi niyang iyon ang buong halaga ng lupa. Agad namang nagtanong si Pedro, “Ananias, bakit ka nagpalinlang kay Satanas? Nagsisinungaling ka sa Banal na Espiritu dahil binawasan mo ang pinagbilhan ng lupa ninyo. Hindi baʼt ikaw ang may-ari ng lupang iyon bago mo ibinenta? At nang maibenta na, hindi baʼt nasa sa iyo ang pagpapasya kung ano ang gagawin mo sa pera? Bakit mo pa nagawa ang ganito? Nagsinungaling ka hindi lang sa tao kundi lalung-lalo na sa Dios.”

5-6 Pagkarinig noon ni Ananias, natumba siya at namatay. Agad naman siyang nilapitan ng mga binata at binalot ang kanyang bangkay. Pagkatapos, dinala nila siya palabas at inilibing. At ang lahat ng nakarinig sa pangyayaring iyon ay lubhang natakot.

Pagkaraan ng mga tatlong oras, pumasok ang asawa ni Ananias. Wala siyang kamalay-malay sa nangyari sa kanyang asawa. Tinanong siya ni Pedro, “Sabihin mo sa akin ang totoo, ito lang ba ang pinagbilhan ng inyong lupa?” Sumagot si Safira, “Oo, iyan nga ang buong halaga.” Kaya sinabi ni Pedro sa kanya, “Bakit nagkaisa kayong mag-asawa na subukan ang Espiritu ng Panginoon? Tingnan mo, nandiyan na sa pintuan ang mga binata na naglibing sa asawa mo, at bubuhatin ka rin nila para ilibing.”

10 Natumba noon din si Safira sa harapan ni Pedro at namatay. Pagpasok ng mga binata, nakita nilang patay na si Safira. Kaya binuhat nila siya palabas at inilibing sa tabi ng kanyang asawa. 11 Dahil sa mga pangyayaring iyon, lubhang natakot ang buong iglesya at ang lahat ng nakabalita nito.

Mga Himala at mga Kamangha-manghang Gawa

12 Maraming himala at kamangha-manghang ginawa ang mga apostol sa mga tao. Laging nagtitipon ang lahat ng mga mananampalataya sa Balkonahe ni Solomon. 13 Kahit na mataas ang pagtingin sa kanila ng mga tao, ang ibaʼy hindi nangahas na sumama sa kanila. 14 Sa kabila nito, nadagdagan pa ang bilang ng mga lalaki at babaeng sumasampalataya sa Panginoon. 15 Dahil sa mga himalang ginawa ng mga apostol, dinala ng mga tao ang mga may sakit sa tabi ng daan at inilagay sa mga higaan, para pagdaan ni Pedro ay madadaanan sila kahit anino man lang nito. 16 Hindi lang iyan, kundi marami ring mga tao mula sa mga kalapit baryo ang dumating sa Jerusalem na may dalang mga may sakit at mga taong sinasaniban ng masamang espiritu. At gumaling silang lahat.

Ang Pag-uusig sa mga Apostol

17 Labis na nainggit ang punong pari at ang mga kasama niyang miyembro ng grupong Saduceo. 18 Kaya dinakip nila ang mga apostol at ikinulong. 19 Pero kinagabihan, binuksan ng anghel ng Panginoon ang pintuan ng bilangguan at pinalabas sila. Sinabi ng anghel sa kanila, 20 “Pumunta kayo sa templo at turuan ninyo ang mga tao tungkol sa bagong buhay na ibinibigay ng Dios.” 21 Sinunod nila ang sinabi ng anghel. Pagsikat ng araw, pumasok sila sa templo at nagturo sa mga tao.

Ipinatawag ng punong pari at ng kanyang mga kasamahan ang lahat ng pinuno ng mga Judio para magpulong ang buong Korte ng mga Judio. May mga inutusan din silang pumunta sa bilangguan para kunin ang mga apostol at dalhin sa kanila. 22 Pero pagdating ng mga inutusan sa bilangguan, wala na roon ang mga apostol. Kaya bumalik sila sa Korte ng mga Judio 23 at sinabi, “Pagdating namin sa bilangguan nakasusi pa ang mga pintuan, at nakabantay doon ang mga guwardya. Pero nang buksan namin, wala kaming nakitang tao sa loob.” 24 Nang marinig ito ng kapitan ng mga guwardya sa templo at ng punong pari, naguluhan sila at hindi maunawaan kung ano ang nangyari sa mga apostol. 25 Nang bandang huli, may taong dumating at nagbalita, “Ang mga taong ikinulong ninyo ay naroon na sa templo at nagtuturo sa mga tao.” 26 Agad na pumunta sa templo ang kapitan ng mga guwardya at ang kanyang mga tauhan at muling dinakip ang mga apostol, pero hindi nila sila pinuwersa dahil natatakot sila na baka batuhin sila ng mga tao.

27 Dinala nila ang mga apostol doon sa Korte ng mga Judio. Sinabi ng punong pari sa kanila, 28 “Hindi baʼt pinagbawalan na namin kayong mangaral tungkol kay Jesus? Pero tingnan ninyo ang inyong ginawa! Kumalat na ang inyong aral sa buong Jerusalem, at kami pa ang pinagbibintangan ninyong pumatay sa kanya!” 29 Sumagot si Pedro at ang kanyang mga kasama, “Ang Dios ang dapat naming sundin, at hindi ang tao. 30 Pinatay ninyo si Jesus sa pamamagitan ng pagpako sa kanya sa krus. Ngunit binuhay siyang muli ng Dios, ang Dios na sinasamba ng ating mga ninuno. 31 Itinaas ng Dios si Jesus, at naroon na siya sa kanyang kanan bilang Pinuno at Tagapagligtas, para tayong mga Judio ay mabigyan ng pagkakataon na magsisi at sa gayoʼy mapatawad ang ating mga kasalanan. 32 Nagpapatunay kami na ang lahat ng ito ay totoo, at ganoon din ang Banal na Espiritu na ibinigay ng Dios sa lahat ng sumusunod sa kanya.”

33 Nang marinig ito ng mga miyembro ng Korte, galit na galit sila at gusto nilang patayin ang mga apostol. 34 Pero tumayo ang kanilang kasamang si Gamaliel. Isa siyang Pariseo at tagapagturo ng Kautusan, at iginagalang ng lahat. Nag-utos siya na palabasin muna ang mga apostol. 35 Nang makalabas na ang mga apostol, sinabi ni Gamaliel sa kanyang mga kasama, “Mga kababayan kong Israelita, isipin ninyong mabuti kung ano ang gagawin ninyo sa mga taong iyan, at baka magkamali kayo. 36 Sapagkat noong araw ay may taong ang pangalan ay Teudas na nagmalaki na parang kung sino, at may mga 400 siyang tagasunod. Pero nang bandang huli, pinatay siya at ang kanyang mga tagasunod ay nagkawatak-watak, at naglaho na lang ang grupong iyon. 37 Pagkatapos, noong panahon ng sensus, si Judas naman na taga-Galilea ang nakapagtipon ng mga tagasunod. Pero pinatay din siya at nagkawatak-watak ang kanyang mga tagasunod. 38 Kaya ito ang masasabi ko sa inyo: pabayaan na lang natin ang mga taong ito, at huwag silang pansinin. Sapagkat kung ang mga ginagawa at itinuturo nila ay galing lang sa tao, mawawala rin iyan. 39 Pero kung galing iyan sa Dios, hindi natin sila mapipigilan. Hindi lang iyan, baka lumabas pa na ang Dios na mismo ang ating kinakalaban.” Kaya sinunod ng Korte ang payo ni Gamaliel. 40 Ipinatawag nilang muli ang mga apostol at ipinahagupit. Pagkatapos, binalaan sila na huwag nang magturo pa tungkol kay Jesus, at pinalaya sila. 41 Umalis doon ang mga apostol na masayang-masaya, dahil binigyan sila ng Dios ng pagkakataon na magtiis alang-alang sa pangalan ni Jesus. 42 Araw-araw ay pumupunta sila sa templo at sa mga bahay-bahay, patuloy ang kanilang pagtuturo at pangangaral ng Magandang Balita na si Jesus ang Cristo.

Salmo 125

Ang Kaligtasan ng mga Mamamayan ng Dios

125 Ang mga nagtitiwala sa Panginoon ay tulad ng Bundok ng Zion na hindi natitinag,
    sa halip ay nananatili magpakailanman.
Kung paanong ang mga bundok ay nakapaligid sa lungsod ng Jerusalem,
    ang Panginoon ay nasa paligid din ng kanyang mga mamamayan magpakailanman.
Ang masama ay hindi mananatiling namamahala sa lupaing para sa mga matuwid,
    dahil baka makagawa rin ng masama ang mga matuwid.
Panginoon, gawan nʼyo ng mabuti ang mga taong mabuti na namumuhay nang matuwid.
Ngunit parusahan nʼyo kasama ng masasama ang inyong mamamayan na sumusunod sa hindi wastong pamumuhay.

    Mapasaiyo nawa Israel ang kapayapaan.

Kawikaan 16:25

25 Maaaring iniisip mo na nasa tamang daan ka, ngunit ang dulo pala nito ay kamatayan.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®