Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the CEV. Switch to the CEV to read along with the audio.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
1 Hari 5-6

Ang Paghahanda sa Pagpapatayo ng Templo(A)

Matagal nang magkaibigan si Haring Hiram ng Tyre at si Haring David. Kaya nang mabalitaan ni Hiram na pinalitan ni Solomon ang ama niyang si David bilang hari, nagpadala siya ng mga opisyal kay Solomon. Pagkatapos, nagpadala si Solomon ng mensahe kay Hiram:

“Nalalaman mong hindi nakapagpatayo ang aking amang si David ng templo para sa Panginoon na kanyang Dios dahil palagi siyang nakikipaglaban sa mga kalabang bansa sa palibot. Hindi siya makakapagpatayo nito hanggang hindi pa ipinapatalo sa kanya ng Panginoon ang lahat ng kanyang kalaban. Pero ngayon ay binigyan ako ng Panginoon na aking Dios ng kapayapaan sa paligid, wala na akong mga kalaban at wala na ring panganib. Kaya naisip ko na magpatayo na ng templo para sa karangalan ng Panginoon na aking Dios, ayon sa sinabi ng Panginoon sa aking amang si David. Ito ang kanyang sinabi, ‘Ang iyong anak, na ipapalit ko sa iyo bilang hari ang siyang magpapatayo ng templo para sa karangalan ng aking pangalan.’

“Kaya iutos mo sa iyong mga tauhan na pumutol ng mga puno ng sedro sa Lebanon para sa akin. Patutulungin ko sa kanila ang mga tauhan ko at uupahan ko ang mga tauhan mo ayon sa gusto mo. At alam mo rin na wala talaga kaming tao na mahusay pumutol ng mga puno tulad ng mga tauhan mong Sidoneo.”

Tuwang-tuwa si Hiram nang matanggap niya ang mensahe ni Solomon. Sinabi niya, “Purihin natin ang Panginoon sa araw na ito, dahil binigyan niya si David ng matalinong anak para pamahalaan ang makapangyarihang bansang ito!” Kaya nagpadala si Hiram ng mensahe kay Solomon na nagsasabi:

“Natanggap ko ang ipinadala mong mensahe, at ibibigay ko sa iyo ang mga kailangan mong kahoy na sedro at sipres.[a] Hahakutin ito ng mga tauhan ko mula sa Lebanon hanggang sa dagat at gagawin nila itong parang balsa, at palulutangin papunta sa lugar na pipiliin mo. At doon ito kakalagin ng mga tauhan ko at kayo na ang bahalang kumuha nito. Bilang kabayaran, bigyan mo ako ng pagkain para sa mga tauhan ko sa palasyo.”

10 Pinadalhan nga ni Hiram si Solomon ng lahat ng kahoy na sedro at sipres na kailangan niya. 11 At pinadalhan naman ni Solomon si Hiram ng 60,000 sakong trigo at 110,000 galong langis ng olibo bawat taon. 12 Binigyan ng Panginoon si Solomon ng karunungan ayon sa kanyang ipinangako. Maganda ang relasyon nina Solomon at Hiram, at gumawa sila ng kasunduan na hindi sila maglalaban.

13 Pagkatapos, sapilitang pinagtrabaho ni Haring Solomon ang 30,000 tao mula sa buong Israel. 14 Pinagpangkat sila ayon sa bilang na 10,000 bawat isang pangkat at ipinapadala sa Lebanon bawat buwan. Kaya ang bawat grupo ay isang buwan sa Lebanon at dalawang buwan sa kanilang lugar. Si Adoniram ang tagapamahala ng mga trabahador na ito. 15 May 70,000 tao si Solomon na tagahakot ng mga materyales at 80,000 tao na tagatabas ng bato sa kabundukan. 16 Mayroon din siyang 3,300 kapatas na namamahala sa trabaho at mga trabahador. 17 At sa utos niya, nagtabas sila ng malalakiʼt magagandang uri ng bato para sa pundasyon ng templo. 18 Kaya inihanda ng mga tauhan nina Solomon at Hiram, kasama ng mga taga-Gebal,[b] ang mga bato at mga kahoy para sa pagpapatayo ng templo.

Ang Pagpapatayo ni Solomon ng Templo

Sinimulan ni Solomon ang pagpapatayo ng templo ng Panginoon nang ikalawang buwan, ang buwan ng Ziv, sa ikaapat na taon ng paghahari niya sa Israel. Ika-480 taon iyon ng paglaya ng mga Israelita sa Egipto. Ang templo na ipinatayo ni Haring Solomon para sa Panginoon ay 90 talampakan ang haba, 30 talampakan ang luwang at 45 talampakan ang taas. Ang luwang ng balkonahe ng templo ay 15 talampakan, at ang haba ay 30 talampakan na katulad mismo ng luwang ng templo. Nagpagawa rin si Solomon ng mga bintana sa templo. Mas malaki ang sukat nito sa loob kaysa sa labas.

Nagpagawa rin siya ng mga kwarto sa mga gilid at likod ng templo. Ang mga kwartong ito ay may tatlong palapag at nakadugtong sa pader ng templo. Ang luwang ng unang palapag ay pitoʼt kalahating talampakan, siyam na talampakan ang pangalawang palapag at ang pangatlong palapag naman ay sampuʼt kalahating talampakan. Ang pader ng templo ay unti-unting numinipis sa bawat palapag upang maipatong ang mga kwarto sa pader nang hindi na kailangan ng mga biga.

Nang ipinatayo ang templo, ang mga bato na ginamit ay tinabas na sa pinagkunan nito, kaya wala nang maririnig na pukpok ng martilyo, pait o anumang gamit na bakal.

Ang daanan papasok sa unang palapag ay nasa bandang timog ng templo. May mga hagdan papuntang pangalawa at pangatlong palapag. Nang nailagay na ang mga dingding ng templo, pinalagyan ito ni Solomon ng kisame na ang mga tabla ay sedro. 10 At ang mga kwarto sa mga gilid at likod ng templo, na ang taas ay pitoʼt kalahating talampakan, na nakakabit sa templo ay ginamitan din ng mga kahoy na sedro.

11 Sinabi ng Panginoon kay Solomon, 12-13 “Kung tutuparin mo ang aking mga tuntunin at mga utos, tutuparin ko rin sa pamamagitan mo ang ipinangako ko kay David na iyong ama. Maninirahan ako kasama ng mga Israelita sa templong ito na iyong ipinatayo at hindi ko sila itatakwil.”

14 Natapos ni Solomon ang pagpapatayo ng templo.

Ang mga Ipinagawa sa Loob ng Templo(B)

15 Ang dingding sa loob ng templo ay natatakpan ng tablang sedro mula sa sahig hanggang sa kisame, at ang sahig ay kahoy na sipres. 16 Nagpagawa si Solomon ng dalawang kwarto sa loob ng templo sa pamamagitan ng paglalagay ng dibisyon mula sa sahig hanggang kisame. Ang ginamit na dibisyong tabla ay sedro. Ang kwarto sa bandang likod ng templo ay tinawag na Pinakabanal na Lugar at ang haba nito ay 30 talampakan. 17 Ang haba naman ng kwarto sa labas ng Pinakabanal na Lugar ay 60 talampakan. 18 Ang buong dingding sa loob ng templo ay natatakpan ng tablang sedro kaya hindi makita ang mga bato sa dingding. May mga inukit din ditong mga bulaklak at mga gumagapang na halaman.

19 Inihanda ni Solomon ang Pinakabanal na Lugar sa loob ng templo para mailagay ang Kahon ng Kasunduan ng Panginoon. 20 Ang kwartong ito ay kwadrado; ang haba, luwang at taas ay pare-parehong 30 talampakan. Ang mga dingding at kisame nito ay pinatakpan ni Solomon ng purong ginto at ganoon din ang altar na gawa sa kahoy ng sedro. 21 Ang ibang bahagi ng loob ng templo ay pinatakpan din niya ng purong ginto. Nagpagawa siya ng gintong kadena at ipinatali niya ito ng pahalang sa daanan na papasok sa Pinakabanal na Lugar. 22 Kaya natatakpan lahat ng ginto ang loob ng templo, pati na ang altar na nasa loob ng Pinakabanal na Lugar.

23 Nagpalagay si Solomon sa loob ng Pinakabanal na Lugar ng dalawang kerubin[c] na gawa sa kahoy na olibo, na ang bawat isa ay 15 talampakan ang taas. 24-26 Ang dalawang kerubing ito ay magkasinglaki at magkasinghugis. Ang bawat isa ay may dalawang pakpak, at bawat pakpak ay may habang pitoʼt kalahating talampakan. Kaya ang haba mula sa dulo ng isang pakpak hanggang sa dulo ng isa pang pakpak ay 15 talampakan. 27 Pinagtabi ito ni Solomon sa loob ng Pinakabanal na Lugar na nakalukob ang mga pakpak. Ang isa nilang pakpak ay nagpapang-abot, at nakatutok sa gitna ng kwarto. At ang kabilang pakpak naman ay nakasayad sa dingding. 28 Pinatakpan din ni Solomon ng ginto ang dalawang kerubin.

29 Ang lahat ng dingding sa dalawang kwarto ng templo ay pinaukitan ni Solomon ng mga kerubin, mga palma at mga bulaklak na nakabukadkad. 30 Kahit ang sahig sa dalawang kwarto ay pinatakpan din niya ng ginto.

31 Ang daanan papasok sa Pinakabanal na Lugar ay may dalawang pinto na gawa sa kahoy ng olibo at lima ang gilid ng mga hamba nito. 32 Ang mga pintong ito ay pinaukitan ni Solomon ng mga kerubin, mga palma at mga namumukadkad na bulaklak, at pinabalutan ng ginto.

33 Ang daanan papasok sa templo ay pinagawan din ni Solomon ng parihabang mga hamba na gawa sa kahoy na olibo. 34 May dobleng pinto din ito na gawa sa kahoy na sipres at ang bawat isa nito ay may dalawang hati na maaaring itiklop. 35 Pinaukitan din ito ni Solomon ng mga kerubin, mga palma at mga namumukadkad na bulaklak, at maayos na binalutan ng ginto.

36 Ipinagawa rin niya ang loob ng bakuran ng templo. Napapaligiran ito ng pader na ang bawat tatlong patong ng mga batong tinabas ay pinatungan ng kahoy na sedro.

37 Inilagay ang pundasyon ng templo ng Panginoon nang ikalawang buwan, na siyang buwan ng Ziv, noong ikaapat na taon ng paghahari ni Solomon. 38 Natapos ang templo nang ikawalong buwan, na siyang buwan ng Bul, noong ika-11 taon ng paghahari ni Solomon. Pitong taon ang pagpapatayo ng templo, at sinunod ang mga detalye nito ayon sa plano.

Gawa 7:1-29

Ang Pangangaral ni Esteban

Nagtanong ang punong pari kay Esteban, “Totoo ba ang sinasabi ng mga taong ito?” Sumagot si Esteban, “Mga kapatid at mga magulang, pakinggan ninyo ako. Noong unang panahon, nagpakita ang makapangyarihang Dios sa ating ninunong si Abraham noong siyaʼy nasa Mesopotamia pa, bago siya lumipat sa Haran. Sinabi ng Dios sa kanya, ‘Lisanin mo ang iyong bansa, ang mga kamag-anak mo at pumunta ka sa lugar na ipapakita ko sa iyo.’[a] Kaya umalis si Abraham sa bayan ng Caldeo at doon siya nanirahan sa Haran. Pagkamatay ng kanyang ama, pinapunta siya ng Dios sa lugar na ito na tinitirhan natin ngayon. Noong panahong iyon, hindi pa binibigyan ng Dios si Abraham ng kahit kapirasong lupa. Pero nangako ang Dios na ang lugar na ito ay ibibigay niya kay Abraham at sa kanyang mga lahi. Wala pang anak si Abraham nang ipinangako ito ng Dios. Sinabi rin ng Dios sa kanya, ‘Ang iyong mga lahi ay maninirahan sa ibang bansa, at gagawin silang mga alipin doon at pagmamalupitan sa loob ng 400 taon. Ngunit parurusahan ko ang bansang aalipin sa kanila. Pagkatapos, aalis sila sa bansang iyon at babalik sa lugar na ito, at dito sila sasamba sa akin.’ At bilang tanda ng kanyang pangako, nag-utos ang Dios kay Abraham na ang lahat ng lalaki ay dapat tuliin. Kaya nang isilang ang kanyang anak na si Isaac, tinuli niya ito noong walong araw pa lang. Ganito rin ang ginawa ni Isaac sa kanyang anak na si Jacob. At ginawa rin ito ni Jacob sa kanyang 12 anak na siyang pinagmulan nating mga Judio.

“Si Jose na isa sa mga 12 anak ni Jacob ay kinainggitan ng mga kapatid niya, kaya ipinagbili nila siya. Dinala siya sa Egipto at naging alipin doon. Pero dahil ang Dios ay kasama ni Jose, 10 tinulungan siya nito sa lahat ng mga paghihirap na kanyang dinanas. Binigyan din siya ng Dios ng karunungan, kaya nagustuhan siya ng Faraon, ang hari ng Egipto. Ginawa siya ng hari na tagapamahala ng buong Egipto at ng lahat ng kanyang ari-arian. 11 Dumating ang taggutom sa buong Egipto at Canaan. Hirap na hirap ang mga tao, at ang ating mga ninuno ay walang makunan ng pagkain. 12 Kaya nang mabalitaan ni Jacob na may pagkain sa Egipto, pinapunta niya roon ang kanyang mga anak, na siyang ating mga ninuno. Iyon ang una nilang pagpunta sa Egipto. 13 Sa ikalawang pagpunta nila, nagpakilala na si Jose na siyaʼy kapatid nila, at sinabi rin niya sa Faraon ang tungkol sa kanyang pamilya. 14 Pagkatapos, ipinag-utos ni Jose na papuntahin ang ama niyang si Jacob sa Egipto kasama ang kanyang buong pamilya. (Mga 75 silang lahat.) 15 Kaya pumunta si Jacob at ang ating mga ninuno sa Egipto. Doon sila nanirahan at doon na rin namatay. 16 Dinala ang kanilang mga bangkay sa Shekem at inilibing sa libingang binili ni Abraham noon sa mga anak ni Hamor.

17 “Nang malapit nang matupad ang pangako ng Dios kay Abraham, lalo pang dumami ang ating mga ninuno na naroon sa Egipto. 18 Dumating din ang araw na nagkaroon ng bagong hari ang Egipto na hindi kilala si Jose. 19 Dinaya ng haring ito ang ating mga ninuno at pinagmalupitan. Pinilit niya silang itapon ang kanilang sanggol para mamatay. 20 Iyon din ang panahon nang isilang si Moises, isang bata na kinalugdan ng Dios. Inalagaan siya ng kanyang mga magulang sa kanilang bahay sa loob ng tatlong buwan. 21 At nang napilitan na silang iwan siya, kinuha siya ng anak na babae ng Faraon at inalagaan na parang tunay niyang anak. 22 Tinuruan si Moises ng lahat ng karunungan ng Egipto, at naging dakila sa salita at sa gawa.

23 “Nang si Moises ay 40 taon na, naisipan niyang dalawin ang kanyang mga kababayang Israelita. 24 Nakita niya na pinagmamalupitan ng isang Egipcio ang isa niyang kababayan. Ipinagtanggol niya ito, at bilang paghihiganti, pinatay niya ang Egipcio. 25 Sa ginawa niyang iyon inakala niya na mauunawaan ng mga Israelita na siya ang gagamitin ng Dios sa pagpapalaya sa kanila. Pero hindi nila ito naunawaan. 26 Kinabukasan, bumalik si Moises at nakita niya ang dalawang Israelitang nag-aaway. Gusto niyang pagkasunduin ang dalawa, kaya sinabi niya sa kanila, ‘Pareho kayong mga Israelita. Bakit kayo nag-aaway?’ 27 Pero itinulak siya ng lalaking nang-aapi at sinabi, ‘Sino ang nagtalaga sa iyo para maging pinuno at hukom namin? 28 Ano, papatayin mo rin ba ako tulad ng ginawa mo roon sa Egipcio kahapon?’ 29 Nang marinig ito ni Moises, tumakas siya at pumunta sa Midian. Doon siya nanirahan at nag-asawa, at doon din isinilang ang dalawa niyang anak na lalaki.

Salmo 127

Papuri sa Kabutihan ng Dios

127 Kung wala ang tulong ng Panginoon sa pagtayo ng bahay, walang kabuluhan ang pagtatayo nito.
    Kung wala ang pag-iingat ng Panginoon sa bayan, walang kabuluhan ang pagbabantay dito.
Walang kabuluhan ang paggising nang maaga at pagtulog nang gabing-gabi na sa pagtatrabaho upang may makain,
    dahil ang Panginoon ang nagbibigay ng mga pangangailangan ng kanyang mga minamahal, kahit silaʼy natutulog.

Ang mga anak ay pagpapala at gantimpalang mula sa Panginoon.
Ang anak na isinilang sa panahon ng kabataan ng kanyang ama ay parang pana sa kamay ng sundalo.
Mapalad ang taong may maraming anak,
    dahil may tutulong sa kanya kapag humarap siya sa kanyang mga kaaway sa hukuman.

Kawikaan 16:28-30

28 Ang taong nanlilibak ng kapwa ay nagsisimula ng away, at ang matalik na magkaibigan ay kanyang pinaghihiwalay.
29 Ang taong nabubuhay sa karahasan ay nanghihikayat ng kanyang kapwa sa kasamaan.
30 Mag-ingat sa taong ngingiti-ngiti at kikindat-kindat dahil maaaring masama ang kanyang binabalak.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®