Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NIV. Switch to the NIV to read along with the audio.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
2 Hari 8:1-9:13

Bumalik ang Babae na Taga-Shunem

Kinausap ni Eliseo ang ina ng batang lalaki na kanyang binuhay, “Dalhin mo ang iyong pamilya at manirahan kayo sa ibang lugar dahil nagpadala ang Panginoon ng taggutom sa Israel na tatagal ng pitong taon.” Kaya sinunod ng babae ang sinabi sa kanya ng lingkod ng Dios. Umalis siya at ang pamilya niya, at nanirahan sa lupain ng mga Filisteo sa loob ng pitong taon.

Pagkatapos ng pitong taon, bumalik siya sa Israel at pumunta sa hari para magmakaawa na ibalik sa kanya ang bahay at lupa niya. Habang pumapasok siya, nakikipag-usap ang hari kay Gehazi na katulong ni Eliseo. Sinabi ng hari, “Sabihin mo sa akin ang lahat ng kamangha-manghang bagay na ginawa ni Eliseo.” Habang ikinukwento ni Gehazi sa hari kung paano binuhay ni Eliseo ang isang batang namatay, lumapit sa hari ang ina ng bata at nagmakaawa na maibalik ang bahay at lupa niya. Sinabi ni Gehazi, “Mahal na Hari, ito po ang babae at ang anak niyang binuhay ni Eliseo.” Tinanong ng hari ang babae kung totoo ba ang tungkol doon at sinabi ng babae na totoo iyon. Kaya nagpatawag ang hari ng isang opisyal para tulungan ang babae. Sinabi niya sa opisyal, “Tulungan mo siyang maibalik ang lahat ng nawala sa kanya, kasama ang lahat ng perang dapat kinita niya na galing sa bukid niya mula nang siyaʼy umalis hanggang ngayon.”

Pinatay ni Hazael si Ben Hadad

Pumunta si Eliseo sa Damascus, kung saan naroon ang may sakit na si Ben Hadad na hari ng Aram.[a] Nang mabalitaan ng hari na dumating ang lingkod ng Dios, sinabi niya kay Hazael, “Magdala ka ng regalo at salubungin mo ang lingkod ng Dios. Sabihin mo sa kanya na tanungin ang Panginoon kung gagaling pa ako sa aking sakit.”

Kaya pumunta si Hazael kay Eliseo na may dalang 40 kamelyo na kinargahan ng pinakamagandang produkto ng Damascus bilang regalo. Pagdating niya kay Eliseo, sinabi niya, “Inutusan po ako ng lingkod[b] ninyong si Haring Ben Hadad ng Aram, para tanungin kayo kung gagaling pa siya sa sakit niya.” 10 Sumagot si Eliseo, “Sabihin mo sa kanya na siguradong gagaling siya, pero sinabi sa akin ng Panginoon na tiyak na mamamatay siya.” 11 Tinitigan niyang mabuti si Hazael hanggang sa nahiya ito. Pagkatapos, umiyak si Eliseo. 12 Tinanong siya ni Hazael, “Ginoo, bakit po kayo umiiyak?” Sumagot siya, “Dahil nalalaman ko ang masamang gagawin mo sa mga Israelita. Susunugin mo ang matatatag na lungsod, papatayin mo ang mga binata nila sa pamamagitan ng espada, ihahampas mo ang maliliit nilang anak at hahatiin mo ang tiyan ng mga buntis.” 13 Sumagot si Hazael, “Paano magagawa ng isang aliping katulad ko ang mga bagay na yan. Gayong akoʼy isang hamak na tagasunod lang?[c]” Sumagot si Eliseo, “Ipinakita sa akin ng Panginoon na magiging hari ka ng Aram.”

14 Umalis si Hazael at bumalik sa amo niya na si Haring Ben Hadad. Tinanong siya ni Ben Hadad, “Ano ang sinabi ni Eliseo sa iyo?” Sumagot si Hazael, “Sinabi niya po sa akin na tiyak na gagaling kayo.” 15 Pero nang sumunod na araw, kumuha si Hazael ng makapal na tela, isinawsaw ito sa tubig at itinakip sa mukha ng hari hanggang sa mamatay ito. Kaya si Hazael ang pumalit bilang hari ng Aram.

Ang Paghahari ni Jehoram sa Juda(A)

16 Naging hari ng Juda ang anak ni Jehoshafat na si Jehoram nang ikalimang taon ng paghahari ni Joram sa Israel. Si Joram ay anak ni Ahab. 17 Si Jehoram ay 32 taong gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya sa loob ng walong taon. 18 Sumunod siya sa pamumuhay ng mga hari ng Israel, tulad ng ginawa ng pamilya ni Ahab, dahil naging asawa niya ang anak nito. Masama ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon. 19 Pero dahil kay David, hindi winasak ng Panginoon ang Juda dahil nangako ang Panginoon na hindi mawawalan si David ng angkan na maghahari magpakailanman.[d]

20 Nang panahon ng paghahari ni Jehoram, nagrebelde ang Edom sa Juda at pumili sila ng sarili nilang hari. 21 Kaya pumunta si Jehoram sa Zair dala ang lahat ng kanyang karwahe. Pinalibutan sila ng mga Edomita. Ngunit kinagabihan, sinalakay nila ang mga Edomita, nakalusot sila at nakatakas. Pagkatapos, nagsiuwi ang mga sundalo niya sa tolda nila. 22 Hanggang ngayon, nagrerebelde pa rin ang Edom sa Juda. Sa panahon ding iyon, nagrebelde rin ang Libna.

23 Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Jehoram, at ang lahat na ginawa niya at pagtatagumpay ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Israel. 24 Nang mamatay si Jehoram, inilibing siya sa libingan ng mga ninuno niya sa Lungsod ni David. At ang anak niyang si Ahazia ang pumalit sa kanya bilang hari.

Ang Paghahari ni Ahazia sa Juda(B)

25 Naging hari ng Juda ang anak ni Jehoram na si Ahazia nang ika-12 taon ng paghahari ni Joram sa Israel. Si Joram ay anak ni Ahab. 26 Si Ahazia ay 22 taong gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya sa loob ng isang taon. Ang ina niya ay si Atalia na apo ni Haring Omri ng Israel. 27 Sumunod siya sa pamumuhay ng pamilya ni Ahab. Masama ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon gaya ng ginawa ng pamilya ni Ahab dahil ginawa niyang asawa ang isa sa kapamilya nito. 28-29 Sumama si Ahazia sa anak ni Ahab na si Joram sa pakikipaglaban kay Haring Hazael ng Aram. Nakipaglaban sila sa Ramot Gilead at nasugatan si Joram. Umuwi si Haring Joram sa lungsod ng Jezreel para magpagaling ng sugat niya. Habang naroon siya, dinalaw siya ni Haring Ahazia ng Juda.

Ginawang Hari ng Israel si Jehu

Ipinatawag ni Eliseo ang isa sa miyembro ng grupo ng mga propeta at sinabi, “Maghanda ka, dalhin mo ang lalagyan ng langis, at pumunta ka sa Ramot Gilead. Pagdating mo roon, hanapin mo si Jehu na anak ni Jehoshafat na apo ni Nimsi. Kunin mo siya sa mga kasama niya at dalhin mo sa isang kwarto na dalawa lang kayo. Pagkatapos, kunin mo ang langis, ibuhos mo sa ulo niya at sabihin, ‘Ito ang sinasabi ng Panginoon: Pinili kitang maging hari ng Israel.’ Pagkatapos, buksan mo ang pintuan at tumakbo ka nang mabilis.”

Kaya pumunta ang binatang propeta sa Ramot Gilead. Pagdating niya roon, nakita niyang nakaupo ang mga opisyal na mga sundalo. Sinabi niya, “May mensahe po ako para sa inyo, mahal na pinuno.” Nagtanong si Jehu, “Para kanino iyan?” Sumagot ang tao, “Para po sa inyo, mahal na pinuno.” Tumayo si Jehu at pumasok sa bahay. Pagkatapos, ibinuhos ng propeta ang langis sa ulo ni Jehu at sinabi, “Ito ang sinasabi ng Panginoon, ang Dios ng Israel: Pinili kitang maging hari ng mga mamamayan ng Panginoon sa Israel. Patayin mo ang pamilya ni Ahab na iyong amo. Sa ganitong paraan, maipaghihiganti ko ang mga propeta at ang iba pang mga lingkod ng Panginoon na pinatay ni Jezebel. Mauubos ang lahat ng miyembro ng pamilya ni Ahab. Papatayin ko ang lahat ng lalaki sa kanyang pamilya, alipin man o hindi. Gagawin ko sa pamilya ni Ahab ang ginawa ko sa pamilya ni Jeroboam na anak ni Nebat, at sa pamilya ni Baasha na anak ni Ahia. 10 Si Jezebel naman ay kakainin ng mga aso sa lupain ng Jezreel at walang maglilibing sa kanya.” Binuksan ng batang propeta ang pinto at tumakbo papalayo.

11 Pagbalik ni Jehu sa mga kasama niyang opisyal, isa sa kanila ang nagtanong sa kanya, “May problema ba? Bakit ka pinuntahan ng baliw na iyon?” Sumagot si Jehu, “Kilala ninyo kung sino siya at kung ano ang kanyang pinagsasabi.” 12 Sumagot sila, “Hindi totoo iyan. Sabihin mo sa amin kung ano talaga ang sinabi niya.” Sinabi ni Jehu, “Ito ang sinabi niya sa akin, ‘Sinabi ng Panginoon, ang Dios ng Israel: Pinili kitang maging hari ng Israel.’ ” 13 Nang marinig ito ng mga opisyal, tinanggal nila ang mga balabal nila at inilatag sa hagdanan para kay Jehu. Pinatunog nila ang trumpeta at sumigaw, “Si Jehu na ang hari!”

Gawa 16:16-40

Sina Pablo at Silas sa Bilangguan

16 Isang araw, habang papunta kami sa lugar na pinagtitipunan para manalangin, sinalubong kami ng isang dalagitang alipin. Ang dalagitang iyon ay sinasaniban ng masamang espiritu na nagbibigay sa kanya ng kakayahang manghula. Malaki ang kinikita ng kanyang mga amo dahil sa kanyang panghuhula. 17 Palagi kaming sinusundan ng babaeng ito at ganito ang kanyang isinisigaw, “Ang mga taong ito ay mga lingkod ng Kataas-taasang Dios! Ipinangangaral nila sa inyo kung paano kayo maliligtas!”

18 Araw-araw, iyon ang ginagawa niya hanggang sa nainis na si Pablo. Kaya hinarap niya ang babae at sinabi sa masamang espiritung nasa kanya, “Sa pangalan ni Jesu-Cristo, inuutusan kitang lumabas sa kanya!” At agad namang lumabas ang masamang espiritu. 19 Nang makita ng kanyang mga amo na nawalan sila ng pagkakakitaan, hinuli nila sina Pablo at Silas at kinaladkad sa plasa para iharap sa mga opisyal ng lungsod. 20 Sinabi nila sa mga opisyal, “Ang mga taong ito ay mga Judio at nanggugulo sa ating lungsod. 21 Nagtuturo sila ng mga kaugaliang labag sa kautusan nating mga Romano. Hindi natin pwedeng sundin ang mga itinuturo nila.” 22 Nakiisa ang mga tao sa pag-uusig[a] kina Pablo. Pinahubaran sila ng mga opisyal at ipinahagupit. 23 At nang mahagupit na sila nang husto, ikinulong sila. At inutusan ang guwardya na bantayan silang mabuti. 24 Kaya ipinasok sila ng guwardya sa kaloob-looban ng selda at itinali ang kanilang mga paa.

25 Nang maghahatinggabi na, nananalangin sina Pablo at Silas at umaawit ng mga papuri sa Dios. Nakikinig naman sa kanila ang ibang mga bilanggo. 26 Walang anu-anoʼy biglang lumindol nang malakas at nayanig ang bilangguan. Nabuksan ang lahat ng pintuan ng bilangguan at natanggal ang mga kadena ng lahat ng bilanggo. 27 Nagising ang guwardya at nakita niyang bukas ang mga pintuan. Akala niyaʼy tumakas na ang mga bilanggo, kaya hinugot niya ang kanyang espada at magpapakamatay na sana. 28 Pero sumigaw si Pablo, “Huwag kang magpakamatay! Narito kaming lahat!” 29 Nagpakuha ng ilaw ang guwardya at dali-daling pumasok sa loob at nanginginig na lumuhod sa harapan nina Pablo at Silas. 30 Pagkatapos, dinala niya sina Pablo sa labas at tinanong, “Ano ang dapat kong gawin para maligtas?” 31 Sumagot sila, “Sumampalataya ka sa Panginoong Jesus at maliligtas ka at ang iyong pamilya.” 32 At ipinangaral nina Pablo ang salita ng Dios sa kanya at sa lahat ng miyembro ng kanyang pamilya. 33 Nang gabing iyon, hinugasan ng guwardya ang kanilang mga sugat at nagpabautismo siya at ang kanyang buong pamilya. 34 Pagkatapos, isinama niya sina Pablo sa kanyang bahay at pinakain. Natuwa ang guwardya at ang kanyang buong pamilya na silaʼy sumasampalataya na sa Dios.

35 Kinaumagahan, nag-utos ang mga opisyal sa mga pulis na palayain na sina Pablo. 36 At itoʼy ibinalita ng guwardya kay Pablo. Sinabi niya, “Nagpautos ang mga opisyal na palayain na kayo. Kaya maaari na kayong lumabas at umalis nang mapayapa.” 37 Pero sinabi ni Pablo sa mga pulis na inutusan, “Nilabag ng mga opisyal ang kautusan ng Roma dahil ipinahagupit nila kami sa publiko at ipinabilanggo nang walang paglilitis, kahit na mga Romano kami. At ngayon gusto nilang palayain kami nang palihim. Hindi maaari! Sila mismong mga opisyal ang dapat pumunta rito at magpalaya sa amin.” 38 Kaya bumalik ang mga pulis sa mga opisyal at ipinaalam sa kanila ang sinabi ni Pablo. Nang malaman nilang mga Romano pala sina Pablo, natakot sila. 39 Kaya pumunta ang mga opisyal sa bilangguan at humingi ng paumanhin kina Pablo. Pagkatapos, pinalabas sila at pinakiusapang umalis na sa lungsod na iyon. 40 Nang makalabas na sina Pablo at Silas sa bilangguan, pumunta sila kaagad sa bahay ni Lydia. Nakipagkita sila roon sa mga kapatid, at pinalakas nila ang pananampalataya ng mga ito. Pagkatapos, umalis na sila.

Salmo 143

Panalangin sa Oras ng Kahirapan

143 Panginoon, dinggin nʼyo ang aking panalangin.
    Dinggin nʼyo ang aking pagsusumamo.
    Tulungan nʼyo ako dahil kayo ay matuwid at tapat.
Huwag nʼyong hatulan ang inyong lingkod,
    dahil walang sinumang matuwid sa inyong harapan.
Tinugis ako ng aking mga kaaway.
    Tinalo ako at inilagay sa madilim na bilangguan;
    tulad ako ng isang taong matagal nang patay.
Kaya nawalan na ako ng pag-asa,
    at punong-puno ng takot ang puso ko.
Naalala ko ang inyong mga ginawa noong una;
    pinagbulay-bulayan ko ang lahat ng inyong ginawa.
Itinaas ko ang aking mga kamay sa inyo at nanalangin,
    kinauuhawan ko kayo tulad ng tuyong lupa na uhaw sa tubig.
Panginoon, agad nʼyo akong sagutin.
    Nawawalan na ako ng pag-asa.
    Huwag nʼyo akong layuan, baka akoʼy mamatay.
Bawat umaga, ipaalala nʼyo sa akin ang inyong pag-ibig,
    dahil sa inyo ako nagtitiwala.
    Ipakita nʼyo sa akin ang tamang daan na dapat kong daanan,
    dahil sa inyo ako nananalangin.
Panginoon, iligtas nʼyo ako sa aking mga kaaway,
    dahil sa inyo ako humihingi ng kalinga.
10 Turuan nʼyo akong sundin ang inyong kalooban,
    dahil kayo ang aking Dios.
    Patnubayan sana ako ng inyong butihing Espiritu sa landas na walang kapahamakan.
11 Iligtas nʼyo ako, Panginoon, upang kayo ay maparangalan.
    Dahil kayo ay matuwid, iligtas nʼyo ako sa kaguluhan.
12 Alang-alang sa pag-ibig nʼyo sa akin na inyong lingkod,
    lipulin nʼyo ang aking mga kaaway.

Kawikaan 17:26

26 Hindi mabuti na parusahan ang taong matuwid o ang taong marangal.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®