The Daily Audio Bible
Today's audio is from the NLT. Switch to the NLT to read along with the audio.
Ang Paghahari ni Hoshea sa Israel
17 Naging hari ng Israel ang anak ni Elah na si Hoshea nang ika-12 taon ng paghahari ni Ahaz sa Juda. Sa Samaria siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng siyam na taon. 2 Masama ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon, pero hindi kasinsama ng ginawa ng mga hari ng Israel na nauna sa kanya.
3 Nilusob ni Haring Shalmanaser ng Asiria si Hoshea at natalo niya ito, kaya napilitang magbayad ng buwis taun-taon ang Israel sa Asiria. 4 Pero nagplano si Hoshea laban sa hari ng Asiria sa pamamagitan ng paghingi ng tulong kay Haring So ng Egipto para makalaya sa kapangyarihan ng Asiria. Hindi na rin siya nagbayad ng buwis katulad ng ginagawa niya taun-taon. Nang malaman ng hari ng Asiria na nagtraydor si Hoshea, ipinadakip niya ito at ipinakulong.
5 Pagkatapos, nilusob ng hari ng Asiria ang buong Israel. Sa loob ng tatlong taon, pinaligiran niya ang Samaria. 6 Nang ikasiyam na taon ng paghahari ni Hoshea, sinakop ng hari ng Asiria ang Samaria at dinala ang mga taga-Israel sa Asiria bilang mga bihag. Pinatira niya sila sa lungsod ng Hala, sa mga lugar na malapit sa Ilog ng Habor sa Gozan at sa mga bayan ng Media.
7 Nangyari ito sa mga taga-Israel dahil nagkasala sila sa Panginoon na kanilang Dios na naglabas sa kanila sa Egipto at nagpalaya mula sa kapangyarihan ng Faraon na hari ng Egipto. Sumamba sila sa mga dios-diosan 8 at ginaya nila ang mga kasuklam-suklam na ginagawa ng mga bansang pinalayas ng Panginoon sa pamamagitan nila. Sumunod din sila sa kasuklam-suklam na pamumuhay ng mga hari nila. 9 Palihim din silang gumawa ng mga bagay na hindi nakalulugod sa Panginoon na kanilang Dios. Gumawa rin sila ng mga sambahan sa matataas na lugar[a] sa lahat ng bayan mula sa pinakamaliit na barangay hanggang sa malalaking napapaderang lungsod. 10 Nagpatayo sila ng mga alaalang bato at mga posteng simbolo ng diosang si Ashera sa ibabaw ng bawat matataas na burol at sa ilalim ng bawat malalagong punongkahoy. 11 Nagsunog sila ng mga insenso sa bawat sambahan sa matataas na lugar katulad ng ginagawa ng mga bansang pinalayas ng Panginoon sa pamamagitan nila. Gumawa sila ng mga kasuklam-suklam na bagay na nakapagpagalit sa Panginoon. 12 Sumamba sila sa mga dios-diosan kahit na sinabi ng Panginoon, “Huwag kayong sasamba sa mga dios-diosan.” 13 Paulit-ulit na nagpapadala ang Panginoon ng mga propeta para bigyang babala ang Israel at ang Juda: “Itigil ninyo ang mga kasuklam-suklam ninyong ginagawa. Sundin ninyo ang mga utos ko at tuntunin ayon sa kautusan na iniutos ko sa inyong mga ninuno at ibinigay ko sa inyo sa pamamagitan ng aking mga lingkod na propeta.” 14 Pero hindi sila nakinig. Matitigas ang ulo nila katulad ng mga ninuno nilang walang tiwala sa Panginoon na kanilang Dios. 15 Itinakwil nila ang tuntunin ng Panginoon, ang kasunduang ginawa niya sa mga ninuno nila, at hindi rin sila nakinig sa mga babala niya. Sinunod nila ang mga walang kwentang dios-diosan at silaʼy naging walang kwenta na rin. Ginawa nila ang mga bagay na ipinagbabawal ng Panginoon na ginagawa ng mga bansang nakapalibot sa kanila. 16 Itinakwil nila ang lahat ng utos ng Panginoon na kanilang Dios. Gumawa sila ng larawan ng dalawang guya at posteng simbolo ng diosang si Ashera. Sumamba sila sa lahat ng bagay na nasa langit, at kay Baal. 17 Inihandog nila ang mga anak nila sa apoy. Sumangguni sila sa mga manghuhula, gumamit ng pangkukulam at ipinagbili ang sarili nila sa paggawa ng masama sa paningin ng Panginoon, at ito ang nakapagpagalit sa kanya.
18 Galit na galit ang Panginoon sa Israel kaya pinalayas niya ang mga ito sa harapan niya. Ang lahi lang ni Juda ang natira sa lupain. 19 Pero kahit ang mga taga-Juda ay hindi rin sumunod sa mga utos ng Panginoon na kanilang Dios. Ginawa rin nila kung ano ang mga ginawa ng mga taga-Israel. 20 Kaya itinakwil ng Panginoon ang lahat ng mamamayan ng Israel. Ibinigay niya sila sa mga kaaway nila bilang parusa hanggang sa mawala sila sa kanyang presensya.
21 Nang ihiwalay ng Panginoon ang Israel sa kaharian ni David, ginawang hari ng mga taga-Israel si Jeroboam na anak ni Nebat. Hinikayat ni Jeroboam ang mga taga-Israel sa pagtalikod sa Panginoon at siya ang nagtulak sa kanila sa paggawa ng napakalaking kasalanan. 22 Nagpatuloy sa pagsunod ang mga taga-Israel sa mga kasalanan ni Jeroboam at hindi sila tumalikod dito, 23 hanggang sa pinalayas sila ng Panginoon sa kanyang harapan, ayon sa babala niya sa kanila sa pamamagitan ng mga lingkod niyang propeta. Kaya binihag ng Asiria ang lahat ng mamamayan ng Israel at doon sila nakatira hanggang ngayon.
Nanirahan ang mga Taga-Asiria sa Israel
24 Nagpadala ang hari ng Asiria ng mga tao mula sa Babilonia, Cuta, Ava, Hamat at Sefarvaim, at pinatira niya sila sa mga bayan ng Samaria para palitan ang mga Israelita. Sinakop ng mga taga-Asiria ang Samaria at ang iba pang mga bayan ng Israel. 25 Sa simula pa lang ng pagtira nila roon ay hindi na sila sumamba sa Panginoon, kaya pinadalhan sila ng Panginoon ng mga leon para patayin sila. 26 Sinabi ng mga tao sa hari ng Asiria: “Ang mga pinatira mo sa mga bayan ng Samaria ay walang alam sa kautusan ng dios sa lugar na iyon. Kaya nagpadala siya ng mga leon para patayin sila dahil hindi nga nila nalalaman ang kanyang kautusan.”
27 Kaya, nag-utos ang hari ng Asiria, “Pabalikin sa Samaria ang isa sa mga pari na binihag natin. Hayaan nʼyo siyang magturo sa mga bagong nakatira roon kung ano ang kautusan ng dios sa lugar na iyon.” 28 Kaya ang isa sa mga pari na binihag mula sa Samaria ay bumalik at tumira sa Betel, at tinuruan niya ang mga bagong nakatira roon kung paano sambahin ang Panginoon. 29 Pero ang ibaʼt ibang grupo ng mga taong ito ay patuloy pa rin sa paggawa ng sarili nilang mga dios-diosan. Sa bawat bayan na tinitirhan nila ay nilalagyan nila ng mga dios-diosan sa mgasambahan sa matataas na lugar na ginawa ng mga taga-Samaria. 30 Ginawang dios ng mga taga-Babilonia si Sucot Benot. Sinamba ng mga taga-Cuta ang dios nilang si Nergal. Sinamba naman ng mga taga-Hamat si Ashima. 31 Sinamba ng mga taga-Ava ang dios nilang sina Nibhaz at Tartac. Sinunog naman sa apoy ng mga taga-Sefarvaim ang mga anak nila bilang handog sa dios nilang sina Adramelec at Anamelec. 32 Sinamba nila ang Panginoon, pero pumili sila ng mga pari na mula sa kanila para mag-alay ng mga handog sa mga sambahan sa matataas na lugar. 33 Kahit sinasamba nila ang Panginoon, patuloy pa rin sila sa pagsamba sa kanilang mga dios-diosan ayon sa kaugalian ng mga bansang pinanggalingan nila. 34 Hanggang ngayon, ginagawa pa rin nila ito. Wala silang takot sa Panginoon, at hindi sila sumusunod sa mga tuntunin, mga turo at mga kautusan na ibinigay ng Panginoon sa lahi ni Jacob, na pinangalanan niyang Israel. 35 Gumawa ang Panginoon ng kasunduan sa mga Israelita, at iniutos sa kanila: “Huwag kayong sumamba sa mga dios-diosan o lumuhod sa kanila o maglingkod, o kayaʼy maghandog sa kanila. 36 Sambahin ninyo ako, ang Panginoon na naglabas sa inyo mula sa Egipto sa pamamagitan ng dakila kong kapangyarihan at lakas. Ako lamang ang inyong sasambahin at hahandugan. 37 Palagi ninyong sundin ang mga tuntunin, turo at mga kautusan na isinulat ko para sa inyo. Hindi kayo dapat sumamba sa ibang dios. 38 Huwag ninyong kalimutan ang kasunduang ginawa ko sa inyo at huwag kayong sasamba sa ibang dios. 39 Sa halip, ako lamang ang sambahin ninyo, ang Panginoon na inyong Dios. Ako lang ang magliligtas sa inyo sa lahat ng kaaway ninyo.”
40 Pero hindi nakinig ang mga taong iyon at nagpatuloy sila sa dati nilang ginagawa. 41 Habang sinasamba ng mga bagong naninirahan ang Panginoon, sumasamba rin sila sa mga dios-diosan nila. Hanggang ngayon ito pa rin ang ginagawa ng mga angkan nila.
Ang Paghahari ni Hezekia sa Juda(A)
18 Naging hari ng Juda ang anak ni Ahaz na si Hezekia nang ikatlong taon ng paghahari ng anak ni Elah na si Hoshea sa Israel. 2 Si Hezekia ay 25 taong gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng 29 na taon. Ang ina niya ay si Abijah na anak ni Zacarias. 3 Matuwid ang ginawa ni Hezekia sa paningin ng Panginoon, tulad ng ginawa ng ninuno niyang si David. 4 Ipinatanggal niya ang mga sambahan sa matataas na lugar, ipinadurog ang mga alaalang bato at ipinagiba ang mga posteng simbolo ng diosang si Ashera. Ipinadurog din niya ang tansong ahas na ginawa ni Moises, dahil mula noong nagsunog dito ng insenso si Moises ay sinamba na ito ng mga mamamayan ng Israel. Tinawag na Nehushtan ang tansong ahas.
5 Nagtiwala si Hezekia sa Panginoon, ang Dios ng Israel. Walang naging hari sa Juda na katulad niya, kahit ang mga nauna o mga sumunod pa sa kanya. 6 Nanatili siyang tapat sa Panginoon at hindi siya tumalikod sa kanya. Sinunod niya ang mga utos na ibinigay ng Panginoon kay Moises. 7 Sumakanya ang Panginoon kaya nagtagumpay siya sa lahat ng ginawa niya. Nagrebelde siya sa hari ng Asiria at hindi niya ito pinaglingkuran. 8 Nasakop ni Hezekia ang Filistia hanggang sa Gaza at mga hangganan nito, mula sa mga bantayang tore hanggang sa napapaderang lungsod.
9 Nang ikaapat na taon ng paghahari ni Hezekia, na siyang ikapitong taon ng paghahari ni Hoshea sa Israel, lumusob si Haring Shalmanaser ng Asiria sa Israel at sinimulang paligiran ang bayan ng Samaria. 10 Pagkalipas ng tatlong taon, nang ikaanim na taon ng paghahari ni Hezekia at ikasiyam na taong paghahari ni Hoshea, nasakop ng Asiria ang Samaria. 11 Dinala ng hari ng Asiria ang mga Israelita sa Asiria at pinatira sila sa lungsod ng Hala, sa mga lugar na malapit sa Ilog ng Habor sa Gozan at sa mga bayan ng Media. 12 Nangyari ito sa mga taga-Israel dahil hindi sila sumunod sa Panginoon na kanilang Dios. Nilabag nila ang kanyang kasunduan at hindi sumunod sa lahat ng utos na ibinigay ng Panginoon sa pamamagitan ng lingkod niyang si Moises. Hindi nila pinakinggan o sinunod ang mga utos nito.
Ang Pagpunta ni Pablo sa Macedonia at Grecia
20 Nang matapos na ang gulo, ipinatawag ni Pablo ang mga tagasunod ni Jesus. Pinayuhan niya sila na magpakatatag, at pagkatapos niyang magpaalam sa kanila, pumunta siya sa Macedonia. 2 Maraming lugar ang kanyang pinuntahan sa Macedonia, at pinalakas niya ang loob ng mga mananampalataya sa pamamagitan ng pangangaral sa kanila. Pagkatapos, pumunta siya sa Grecia, 3 at nanatili siya roon ng tatlong buwan. Nang bibiyahe na sana siya papuntang Syria, nalaman niya ang plano ng mga Judio na patayin siya. Kaya nagpasya siyang bumalik at sa Macedonia dumaan. 4 Sumama sa kanya si Sopater na taga-Berea na anak ni Pyrhus, sina Aristarcus at Secundus na mga taga-Tesalonica, si Gaius na taga-Derbe, si Timoteo, at sina Tykicus at Trofimus na mga taga-Asia.[a] 5 Pagdating namin sa Filipos, nauna sila sa amin sa Troas at doon nila kami hinintay. 6 Pinalampas muna namin ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa bago kami bumiyahe galing sa Filipos. Limang araw ang biyahe namin at nagkita kaming muli sa Troas. Nanatili kami roon ng pitong araw.
Ang Huling Pagdalaw ni Pablo sa Troas
7 Nang Sabado ng gabi,[b] nagtipon kami sa paghahati-hati ng tinapay. At dahil bibiyahe si Pablo kinabukasan, nangaral siya hanggang hatinggabi. 8 Maraming ilaw sa itaas ng silid na pinagtitipunan namin. 9 May isang binata roon na ang pangalan ay Euticus na nakaupo sa bintana. At dahil sa haba ng pagsasalita ni Pablo, inantok siya at nakatulog nang mahimbing, at nahulog siya sa bintana mula sa pangatlong palapag. Patay na siya nang buhatin nila. 10 Pero bumaba si Pablo at dinapaan niya si Euticus at niyakap. Sinabi niya sa mga tao, “Huwag kayong mag-alala, buhay siya!” 11 At bumalik si Pablo sa itaas, hinati-hati ang tinapay at kumain. Pagkatapos, nangaral pa siya hanggang madaling-araw. At saka siya umalis. 12 Ang binatang nahulog ay iniuwi nilang buhay, at lubos silang natuwa.
Mula sa Troas Papuntang Miletus
13 Sumakay kami ng barko papuntang Asos. Doon namin tatagpuin si Pablo, dahil sinabi niyang maglalakad lang siya papunta roon. 14 Nang magkita kami sa Asos, pinasakay namin siya at pumunta kami sa Mitilene. 15 Mula sa Mitilene, tumuloy kami sa Kios, at nakarating kami roon kinabukasan. Nang sumunod na araw, nasa Samos na kami, at makaraan ang isa pang araw ay narating namin ang Miletus. 16 Hindi kami dumaan sa Efeso, dahil ayaw ni Pablo na maggugol ng oras sa lalawigan ng Asia. Nagmamadali siya dahil gusto niyang makarating sa Jerusalem bago dumating ang Araw ng Pentecostes.
Ang Pamamaalam ni Pablo sa mga Namumuno ng Iglesya sa Efeso
17 Habang nasa Miletus si Pablo, may pinapunta siya sa Efeso para sabihin sa mga namumuno sa iglesya na makipagkita sa kanya. 18 Pagdating nila, sinabi ni Pablo sa kanila, “Alam ninyo kung paano akong namuhay noong kasama pa ninyo ako, mula nang dumating ako sa lalawigan ng Asia. 19 Naglingkod ako sa Panginoon nang may kapakumbabaan at pagluha.[c] Maraming kahirapan ang tiniis ko dahil sa masasamang balak ng mga Judio laban sa akin. 20 Alam din ninyo na wala akong inilihim sa inyo sa aking pagtuturo tungkol sa mga bagay na para sa inyong ikabubuti, na itinuro ko sa publiko at sa bahay-bahay. 21 Pinaalalahanan ko ang mga Judio at mga hindi Judio na kailangan nilang magsisi sa kanilang mga kasalanan at magbalik-loob sa Dios, at sumampalataya sa ating Panginoong Jesus. 22 Ngayon, pupunta ako sa Jerusalem dahil ito ang utos ng Banal na Espiritu sa akin. Hindi ko alam kung ano ang mangyayari sa akin doon. 23 Ang alam ko lang, kahit saang lungsod ako pumunta, pinapaalalahanan ako ng Banal na Espiritu na bilangguan at pag-uusig ang naghihintay sa akin. 24 Pero hindi mahalaga sa akin kung ano man ang mangyari sa akin, matapos ko lamang ang gawain na ibinigay sa akin ng Panginoong Jesus, na maipangaral ang Magandang Balita tungkol sa biyaya ng Dios.
25 “Napuntahan ko kayong lahat sa aking pangangaral tungkol sa paghahari ng Dios, at ngayon alam kong hindi na tayo magkikita pang muli. 26 Kaya sasabihin ko sa inyo ngayon, na kung mayroon sa inyo na hindi maliligtas, wala na akong pananagutan sa Dios. 27 Sapagkat wala akong inilihim sa inyo sa aking pagtuturo tungkol sa buong layunin at plano ng Dios. 28 Ingatan ninyo ang inyong sarili at ang lahat ng mga mananampalatayang[d] pinababantayan sa inyo ng Banal na Espiritu. Pangalagaan ninyo ang iglesya ng Dios na kanyang tinubos sa pamamagitan ng sariling dugo. 29 Sapagkat alam kong pagkaalis koʼy may mga tagapagturo riyan na katulad ng mga lobo na papasok sa inyo at sisira sa inyong grupo. 30 Darating din ang panahon na may magtuturo ng kasinungalingan mula mismo sa inyong grupo at ililigaw nila ang mga tagasunod ni Jesus para sila ang kanilang sundin. 31 Kaya mag-ingat kayo, at alalahanin ninyong sa loob ng tatlong taon, walang tigil ko kayong pinaalalahanan araw at gabi nang may pagluha.
32 “At ngayon, ipinagkakatiwala ko kayo sa Dios at sa kanyang salita na tungkol sa kanyang biyaya. Makapagpapatibay ito sa inyong pananampalataya at makapagbibigay ng lahat ng pagpapalang inilaan ng Dios para sa lahat ng taong itinuring niyang sa kanya. 33 Hindi ko hinangad ang inyong mga kayamanan at mga damit. 34 Alam ninyong nagtrabaho ako para matustusan ang mga pangangailangan namin ng aking mga kasamahan. 35 Ginawa ko ito upang maipakita sa inyo na sa ganitong pagsusumikap ay matutulungan natin ang mga dukha. Lagi nating alalahanin ang sinabi ng Panginoong Jesus na mas mapalad ang nagbibigay kaysa sa tumatanggap.”
36 Pagkatapos magsalita ni Pablo, sama-sama silang lumuhod at nanalangin. 37 Umiyak silang lahat, at niyakap nila si Pablo at hinalikan. 38 Labis nilang ikinalungkot ang sinabi ni Pablo na hindi na sila magkikitang muli. Pagkatapos, inihatid nila si Pablo sa barko.
Panawagan sa Lahat para Purihin ang Panginoon
148 Purihin ang Panginoon!
Purihin ninyo ang Panginoon, kayong mga nasa langit.
2 Purihin ninyo siya, kayong lahat ng kanyang anghel na hukbo niya sa langit.
3 Purihin ninyo siya, araw, buwan at mga bituin.
4 Purihin ninyo siya, pinakamataas na langit at tubig sa kalawakan.
5 Lahat ng nilalang ay magpuri sa Panginoon!
Sa kanyang utos silang lahat ay nalikha.
6 Inilagay niya sila sa kanilang kinalalagyan,
at mananatili roon magpakailanman, ayon sa kanyang utos sa kanila.
7 Purihin ang Panginoon, kayong nasa mundo, malalaking hayop sa karagatan, at lahat ng nasa kailaliman ng dagat,
8 mga kidlat at ulan na yelo, niyebe, mga ulap, at malalakas na hangin na sumusunod sa kanyang utos,
9 mga bundok, mga burol, mga punongkahoy na namumunga o hindi[a],
10 lahat ng mga hayop, maamo o mailap, mga hayop na gumagapang at lumilipad.
11 Purihin ninyo ang Panginoon, kayong mga hari, mga pinuno, mga tagapamahala, at lahat ng tao sa mundo,
12 mga kabataan, matatanda at mga bata.
13 Lahat ay magpuri sa Panginoon, dahil siyaʼy dakila sa lahat,
at ang kanyang kapangyarihan ay higit pa sa lahat ng nasa langit at lupa.
14 Pinalalakas niya at pinararangalan ang kanyang mga tapat na mamamayan, ang Israel na kanyang pinakamamahal.
Purihin ang Panginoon!
6 Ang sinasabi ng taong hangal ang pinagsisimulan ng alitan at magdadala sa kanya sa kaguluhan.
7 Ang salita ng hangal ang maglalagay sa kanya sa panganib at kapahamakan.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®