The Daily Audio Bible
Today's audio is from the NIV. Switch to the NIV to read along with the audio.
Lumutang sa Tubig ang Ulo ng Palakol
6 Isang araw, pumunta ang grupo ng mga propeta kay Eliseo at sinabi, “Nakikita po ninyo na maliit ang pinagtitipunan natin. 2 Kaya pumunta po tayo sa Ilog ng Jordan kung saan maraming punongkahoy, at doon tayo gumawa ng lugar na pagtitipunan natin.” Sinabi ni Eliseo, “Sige, lumakad na kayo.” 3 Pero sinabi ng isa sa kanila, “Kung maaari po, Guro, sumama na lang kayo sa amin.” Sumagot siya, “O sige, sasama ako.” 4 Kaya sumama siya sa kanila.
Pumunta nga sila sa Ilog ng Jordan at pumutol ng mga punongkahoy. 5 Habang ang isa sa kanila ay pumuputol ng punongkahoy, nahulog ang ulo ng palakol niya sa tubig, kaya sumigaw siya, “Guro, hiniram ko lang po iyon!” 6 Tinanong ni Eliseo, “Saang banda nahulog?” Itinuro niya kung saang banda ito nahulog, pumutol si Eliseo ng sanga at inihagis ito sa tubig. At lumutang ang ulo ng palakol. 7 Sinabi ni Eliseo, “Kunin mo na.” At kinuha nga niya ito.
Pinahinto ni Eliseo ang Paglusob ng mga Arameo
8 Nang nakikipaglaban ang hari ng Aram sa Israel, nagkaroon sila ng pagpupulong ng kanyang mga opisyal at sinabi niya, “Dito ko itatayo ang kampo ko.”
9 Sinabi ni Eliseo sa hari ng Israel, “Mag-ingat kayo! Huwag kayong dumaan sa lugar na iyon dahil pupunta roon ang mga Arameo.” 10 Kaya nag-utos ang hari ng Israel na sabihan ang mga nakatira sa lugar na sinasabi ni Eliseo na maging handa sila. Palaging nagbibigay ng babala si Eliseo sa hari.[a]
11 Dahil dito, nagalit ang hari ng Aram. Ipinatawag niya ang mga opisyal niya at sinabi, “Sino sa inyo ang kumakampi sa hari ng Israel?” 12 Nagsalita ang isa sa opisyal niya, “Wala po talaga kahit isa man sa amin, Mahal na Hari. Ang propeta sa Israel na si Eliseo ang nagpapahayag sa hari ng Israel ng lahat ng sinasabi ninyo kahit pa ang sinasabi nʼyo sa loob ng inyong kwarto.” 13 Sinabi ng hari, “Lumakad ka at hanapin siya para makapagpadala ako ng mga tauhan upang hulihin siya.”
Nang sinabi sa hari na si Eliseo ay naroon sa Dotan, 14 nagpadala siya roon ng maraming sundalo na nakasakay sa mga kabayo at karwahe. Gabi na nang nakarating sila sa Dotan at pinaligiran nila ito.
15 Kinabukasan, gumising ng maaga ang katulong ni Eliseo, nakita niya ang mga sundalo na nakasakay sa mga kabayo at karwahe na nakapaligid sa lungsod. Sinabi niya kay Eliseo, “Ano po ang gagawin natin, amo?” 16 Sumagot si Eliseo, “Huwag kang matakot. Mas marami tayong kasama kaysa sa kanila.” 17 Nanalangin si Eliseo, “Panginoon, buksan po ninyo ang mga mata ng katulong ko para makakita siya.” Binuksan ng Panginoon ang mga mata ng katulong, at nakita niya na puno ng mga kabayo at karwaheng apoy ang kaburulan sa paligid ni Eliseo.
18 Habang papunta ang mga kaaway kay Eliseo, nanalangin siya, “Panginoon, bulagin[b] po ninyo ang mga taong ito.” Kaya binulag sila ng Panginoon ayon sa hiling ni Eliseo. 19 Sinabi ni Eliseo sa mga kaaway, “Hindi ito ang tamang daan at hindi ito ang lungsod ng Dotan. Sumunod kayo sa akin, dadalhin ko kayo sa taong hinahanap ninyo.” Kaya dinala sila ni Eliseo sa Samaria.
20 Pagpasok nila sa Samaria nanalangin si Eliseo, “Panginoon, buksan po ninyo ang mga mata nila para makakita sila.” Binuksan nga ng Panginoon ang mga mata ng mga sundalo ng Aram at nakita nila na nasa loob na sila ng Samaria. 21 Pagkakita ng hari ng Israel sa kanila, tinanong niya si Eliseo, “Papatayin ko po ba sila, ama?” 22 Sumagot si Eliseo, “Huwag mo silang patayin. Pinapatay ba natin ang mga bihag sa labanan? Bigyan mo sila ng makakain at maiinom at pabalikin mo sila sa kanilang hari.”[c] 23 Kaya naghanda ang hari ng isang malaking salo-salo para sa kanila at pagkatapos, pinauwi sila sa kanilang hari. At mula noon, hindi na muling lumusob ang mga Arameo sa lupain ng Israel.
Pinaligiran ang Samaria
24 Kinalaunan, tinipon ni Haring Ben Hadad ng Aram ang kanyang buong hukbo, at nilusob ang Samaria. 25 Dahil dito, nagkaroon ng malaking taggutom sa lungsod, hanggang sa nagsitaasan ang mga bilihin. Ang halaga ng ulo ng asno ay 80 pirasong pilak at ang isang gatang na dumi ng kalapati[d] ay limang pirasong pilak.
26 Isang araw, habang dumaraan ang hari ng Israel sa itaas ng pader,[e] may isang babae na sumigaw sa kanya, “Tulungan po ninyo ako, Mahal na Hari!” 27 Sumagot ang hari, “Kung hindi ka tinutulungan ng Panginoon, paano kita matutulungan? Wala akong trigo o katas ng ubas na maibibigay sa iyo.” 28 Pagkatapos nagtanong ang hari, “Ano ba ang problema mo?” Sumagot ang babae, “Sinabi po sa akin ng babaeng ito, ‘Kainin natin ang anak mong lalaki at bukas ang anak ko namang lalaki.’ 29 Kaya niluto po namin ang aking anak at kinain. Nang sumunod na araw sinabi ko sa kanya na ibigay na niya ang kanyang anak para makain namin. Pero itinago niya ito.”
30 Nang marinig ng hari ang sinabi ng babae, pinunit niya ang damit niya sa sobrang kalungkutan. Habang naglalakad siya sa gilid ng pader, nakita siya ng mga tao na nakasuot ng sako na nakasuson sa kanyang damit dahil sa pagluluksa niya. 31 Sinabi niya, “Parusahan sana ako nang matindi ng Panginoon kung hindi ko mapaputol ang ulo ni Eliseo na anak ni Shafat sa araw na ito!”
32 Nakaupo si Eliseo sa bahay niya na nakikipag-usap sa mga tagapamahala ng Israel nang magsugo ang hari ng mensahero para mauna sa kanya doon kay Eliseo. Pero bago dumating ang mensahero ng hari, sinabi ni Eliseo sa mga tagapamahala, “Tingnan ninyo, isang mamamatay-tao ang nagpadala ng tao para pugutan ako. Kapag dumating na ang taong iyon, isara ninyo ang pinto at huwag siyang papapasukin. Ang hari mismo na kanyang amo ay kasunod niya.” 33 Habang nagsasalita si Eliseo, dumating ang mensahero ng hari at sinabi, “Ang Panginoon ang nagpadala ng paghihirap sa atin. Bakit hihintayin ko pa na tumulong siya?”
7 Sinabi ni Eliseo, “Pakinggan mo ang mensahe ng Panginoon: Bukas, sa ganito ring oras, magiging mura ang bilihin sa pamilihan[f] ng Samaria. Isang pirasong pilak na lang ang halaga ng isang takal na harina at ganoon din ang halaga ng dalawang takal ng sebada.” 2 Sinabi ng opisyal na katiwala ng hari, “Kahit na magpaulan pa ang Panginoon hindi magiging ganoon kadami ang ani.” Sumagot si Eliseo, “Makikita mo na mangyayari iyon, pero hindi ka makakakain ng kahit ano.”
Huminto ang mga Arameo sa Paglusob
3 May apat na tao na may malubhang sakit sa balat[g] na nakaupo sa pintuan ng lungsod. Sinabi nila sa isaʼt isa, “Bakit kailangan nating umupo rito hanggang sa mamatay? 4 Kung papasok tayo sa lungsod, mamamatay tayo sa gutom at kung mauupo lang tayo rito, mamamatay din tayo. Kaya pumunta na lang tayo sa kampo ng mga Arameo at sumuko. Nasa kanila na kung bubuhayin nila tayo o papatayin.”
5 Kaya kinagabihan, pumunta sila sa kampo ng mga Arameo. Pero pagdating nila roon, walang tao. 6 Ipinarinig ng Panginoon sa mga sundalo ng Aram ang ingay ng mga karwahe, kabayo at mga sundalo, kaya nasabi nila sa isaʼt isa, “Baka inupahan ng hari ng Israel ang hari ng Heteo at ang hari ng Egipto para lusubin tayo.” 7 Kaya tumakas sila nang gabing iyon at iniwanan nila ang mga tolda, kabayo at mga asno nila. Iniwan din nila ang kampo nila at iniligtas ang mga sarili nila.
8 Nang dumating sa kampo ang mga taong may malubhang sakit sa balat, isa-isa nilang pinasok ang mga tolda, kumain sila at uminom. Kinuha nila ang mga pilak, ginto at damit, at itinago ang mga ito. 9 Sa bandang huli, sinabi nila sa isaʼt isa, “Hindi ito tama. Magandang balita ang nangyari sa araw na ito, kaya hindi natin dapat ilihim. Kung ipagpapabukas pa natin ang pagsasabi nito, tiyak na parurusahan tayo. Pumunta tayo ngayon sa palasyo ng hari at ibalita ang nangyari.”
10 Kaya bumalik sila sa lungsod ng Samaria at tinawag ang mga guwardya ng pintuan ng lungsod at sinabi, “Pumunta kami sa kampo ng mga Arameo at walang tao roon, maliban sa mga nakataling kabayo at asno. At naroon pa ang mga kagamitan sa tolda.”
11 Kaya isinigaw ng mga tagapagbantay ang balitang ito sa mga tao hanggang sa nakarating ito sa palasyo. 12 Bumangon ang hari nang madaling-araw at sinabi sa mga opisyal niya, “Sasabihin ko sa inyo kung ano ang plano ng mga Arameo. Alam nilang nagugutom tayo, kaya iniwan nila ang kampo nila at nagtago sa bukid. Iniisip nila: ‘Kapag umalis ang mga Israelita sa lungsod, huhulihin natin sila ng buhay, pagkatapos papasukin natin ang lungsod nila.’ 13 Sumagot ang isa sa mga opisyal niya, ‘Mas mabuti po na magpadala tayo ng mga tao para alamin ang nangyari. Hayaan nating gamitin nila ang limang natirang kabayo. Kung may mangyayari po sa kanila, hindi ito malaking kawalan kaysa manatili sila rito at mamatay rin na kasama natin.’ ”
14 Kaya naghanda sila ng dalawang karwahe na may mga kabayo at nagpadala ang hari ng mga tao para alamin kung ano talaga ang nangyari sa mga sundalo ng Aram. 15 Nakaabot sila hanggang sa Ilog ng Jordan, at nakita nila sa daan ang mga damit at mga kagamitan na itinapon ng mga Arameo sa pagmamadaling makatakas. Bumalik ang mga inutusan at ibinalita ito sa hari. 16 Pagkatapos, lumabas ang mga tao sa bayan at kinuha nila ang mga mahahalagang bagay na naiwan sa kampo ng mga Arameo. Nangyari ang sinabi ng Panginoon na magiging isang pirasong pilak lang ang halaga ng isang takal ng harina at ganoon din ang halaga ng dalawang takal na sebada.
17 Pinili ng hari ang pinagkakatiwalaan niyang opisyal para magbantay sa pintuan ng lungsod. Nang magtakbuhan ang mga tao, natumba ang opisyal at natapak-tapakan siya ng mga tao roon sa pintuan, at namatay siya ayon sa sinabi ni Eliseo na lingkod ng Dios nang pumunta ang hari sa kanya. 18 Nangyari rin ang sinabi ng lingkod ng Dios sa hari, “Bukas, sa ganito ring oras, magiging mura ang bilihin sa pamilihan ng Samaria. Isang pirasong pilak na lang ang halaga ng isang takal ng harina at ganoon din ang halaga ng dalawang takal ng sebada.” 19 Sumagot noon ang opisyal ng hari, “Kahit na magpaulan pa ang Panginoon hindi magiging ganoon kadami ang ani.” Sumagot si Eliseo, “Makikita mo na mangyayari iyon, pero hindi ka makakakain nito.” 20 Iyon nga ang nangyari sa opisyal, dahil natapak-tapakan siya ng mga tao na nagsiksikan sa pintuan ng lungsod hanggang sa mamatay siya.
Naghiwalay sina Pablo at Bernabe
36 Makalipas ang ilang araw, sinabi ni Pablo kay Bernabe, “Bumalik tayo sa lahat ng bayan na pinangaralan natin ng salita ng Panginoon, at dalawin natin ang ating mga kapatid para malaman natin ang kalagayan nila.” 37 Sumang-ayon si Bernabe pero gusto niyang isama si Juan na tinatawag ding Marcos. 38 Pero ayaw pumayag ni Pablo, dahil noong una nakasama nila si Marcos pero iniwan sila nito noong nasa Pamfilia sila. 39 Matindi ang kanilang pagtatalo, kaya naghiwalay sila. Isinama ni Bernabe si Marcos at pumunta sila sa Cyprus. 40 Isinama naman ni Pablo si Silas. Bago sila umalis, ipinanalangin sila ng mga kapatid na tulungan sila ng Panginoon sa kanilang paglalakbay. 41 Pumunta sina Pablo sa Syria at sa Cilicia at pinatatag nila ang mga iglesya roon.
Ang Pangalawang Paglalakbay ni Pablo Bilang Misyonero
16 Nagpatuloy sina Pablo sa paglalakbay sa Derbe at Lystra. May tagasunod ni Jesus doon sa Lystra na ang pangalan ay Timoteo. Ang kanyang ina ay Judio at mananampalataya rin, pero ang kanyang ama ay Griego. 2 Ayon sa mga kapatid doon sa Lystra at sa Iconium, si Timoteo ay mabuting tao. 3 Gusto ni Pablo na isama si Timoteo, kaya tinuli niya ito para walang masabi ang mga Judio laban kay Timoteo, dahil ang lahat ng Judio na nakatira sa lugar na iyon ay nakakaalam na Griego ang ama nito. 4 Pagkatapos, pinuntahan nila ang mga bayan at ipinaalam nila sa mga mananampalataya ang mga patakarang napagkasunduan ng mga apostol at ng mga namumuno sa iglesya sa Jerusalem. Sinabihan nila ang mga mananampalataya na sundin ang mga patakarang ito. 5 Kaya lalong tumibay ang pananampalataya ng mga iglesya, at araw-araw ay nadadagdagan pa ang bilang ng mga mananampalataya.
Ang Pangitain ni Pablo tungkol sa Lalaking Taga-Macedonia
6 Pumunta sina Pablo sa mga lugar na sakop ng Frigia at Galacia, dahil hindi sila pinahintulutan ng Banal na Espiritu na mangaral ng salita ng Dios sa lalawigan ng Asia. 7 Pagdating nila sa hangganan ng Mysia, gusto sana nilang pumunta sa Bitinia, pero hindi sila pinahintulutan ng Espiritu ni Jesus. 8 Kaya dumaan na lang sila sa Mysia at pumunta sa Troas. 9 Nang gabing iyon, ipinakita ng Dios kay Pablo ang isang pangitain. Nakita niya ang isang taga-Macedonia na nakatayo at nagmamakaawa sa kanya. Sinabi ng tao, “Tumawid ka rito sa Macedonia at tulungan kami.” 10 Pagkatapos makita ni Pablo ang pangitaing iyon, gumayak agad kami papunta sa Macedonia, dahil naramdaman naming pinapapunta kami roon ng Dios para mangaral ng Magandang Balita sa mga taga-roon.
Naniwala si Lydia kay Jesus
11 Bumiyahe kami mula Troas papuntang Samotrace, at kinabukasan ay dumating kami sa Neapolis. 12 Mula Neapolis, pumunta kami sa Filipos, ang pangunahing lungsod ng Macedonia. Maraming nakatira roon na taga-Roma. Tumigil kami roon ng ilang araw. 13 Pagdating ng Araw ng Pamamahinga, lumabas kami sa lungsod at pumunta sa tabi ng ilog sa pag-aakalang may lugar doon na pinagtitipunan ng mga Judio para manalangin. Nagkataong may mga babaeng nagtitipon doon, kaya nakiupo kami at nakipag-usap sa kanila. 14 Isa sa mga nakikinig sa amin ay si Lydia na taga-Tyatira. Siyaʼy isang negosyante ng mga mamahaling telang kulay ube, at sumasamba siya sa Dios. Binuksan ng Panginoon ang kanyang puso para tanggapin ang mga sinasabi ni Pablo. 15 Nagpabautismo siya at ang kanyang pamilya.[a] Pagkatapos, sinabi niya, “Kung naniniwala kayo na ako ay isa nang tunay na mananampalataya sa Panginoon, doon na kayo tumuloy sa aking bahay.” At nakumbinsi niya kaming tumuloy sa bahay nila.
Panalangin para Iligtas ng Dios
142 Tumawag ako nang malakas sa inyo, Panginoon.
Nananalangin ako na kaawaan nʼyo ako.
2 Sinasabi ko sa inyo ang aking mga hinaing at mga suliranin.
3 Kapag akoʼy nawawalan na ng pag-asa, kayo ay nariyan na nagbabantay kung ano ang nangyayari sa akin.
Ang aking mga kaaway ay naglagay ng bitag sa aking dinadaanan.
4 Tingnan nʼyo ang aking paligid, walang sinumang tumutulong sa akin.
Walang sinumang nangangalaga at nagmamalasakit sa akin.
5 Kaya tumawag ako sa inyo, Panginoon.
Sinabi ko, “Kayo ang aking kanlungan,
kayo lang ang kailangan ko rito sa mundo.”
6 Pakinggan nʼyo ang paghingi ko ng tulong,
dahil wala na akong magawa.
Iligtas nʼyo ako sa mga umuusig sa akin,
dahil silaʼy mas malakas sa akin.
7 Palayain nʼyo ako sa bilangguang ito,
upang akoʼy makapagpuri sa inyo.
At ang mga matuwid ay magtitipon sa paligid ko,
dahil sa kabutihan nʼyo sa akin, Panginoon.
24 Ang taong may pang-unawa ay naghahangad pa ng karunungan; ngunit ang isip ng mangmang ay pagala-gala.
25 Ang anak na hangal ay nagdudulot ng kapaitan at kalungkutan sa kanyang mga magulang.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®