Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the CSB. Switch to the CSB to read along with the audio.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
2 Samuel 23:24-24:25

24 Ito ang iba pang miyembro ng 30 matatapang na tao:

si Asahel na kapatid ni Joab;

si Elhanan na anak ni Dodo na taga-Betlehem;

25 sina Shama at Elika na taga-Harod;

26 si Helez na taga-Palti;

si Ira na anak ni Ikkes na taga-Tekoa;

27 si Abiezer na taga-Anatot;

si Mebunai[a] na taga-Husha;

28 si Zalmon na taga-Ahoa;

si Maharai na taga-Netofa;

29 si Heleb[b] na anak ni Baana na taga-Netofa;

si Itai na anak ni Ribai na taga-Gibea, na sakop ng Benjamin;

30 si Benaya na taga-Piraton;

si Hidai[c] na nakatira malapit sa mga daluyan ng tubig sa Gaas;

31 si Abi Albon na taga-Arba;

si Azmavet na taga-Bahurim;

32 si Eliaba na taga-Shaalbon;

mga anak ni Jasen;

33 si Jonatan na anak ni Shama[d] na taga-Harar;

si Ahiam na anak ni Sharar na taga-Harar;

34 si Elifelet na anak ni Ahasbai na taga-Maaca;

si Eliam na anak ni Ahitofel na taga-Gilo;

35 si Hezro na taga-Carmel;

si Paarai na taga-Arba;

36 si Igal na anak ni Natan na taga-Zoba;

ang anak ni Haggadi;[e]

37 si Zelek na taga-Ammon;

si Naharai na taga-Beerot (ang tagadala ng armas ni Joab na anak ni Zeruya);

38 sina Ira at Gareb na mga taga-Jatir;

39 at si Uria na Heteo.

Silang lahat ay 37.

Isinensus ni David ang mga Sundalo Niya(A)

24 Muling nagalit ang Panginoon sa mga Israelita, kaya ginamit niya si David laban sa kanila sa pamamagitan ng pagsasabi sa kanya na isensus ang mga mamamayan ng Israel at Juda. Kaya sinabi ni Haring David kay Joab at sa mga kumander ng mga sundalo, “Puntahan nʼyo ang lahat ng lahi ng Israel, mula Dan hanggang sa Beersheba,[f] at isensus nʼyo ang mga mamamayan, para malaman ko kung ilan silang lahat.” Pero sumagot si Joab sa hari, “Paramihin sana ng Panginoon na inyong Dios ang mga tauhan nʼyo ng 100 beses, at makita nʼyo sana ito. Ngunit, Mahal na Hari, bakit gusto nʼyong gawin ang bagay na ito?” Ngunit nagpumilit si David, kaya lumakad si Joab at ang mga opisyal ng mga sundalo para isensus ang mga mamamayan ng Israel. Tumawid sila sa Ilog ng Jordan at nagsimula[g] sa pagsensus sa Aroer, timog ng bayan na nasa gilid ng daluyan ng tubig. Mula roon dumiretso sila sa Gad hanggang sa Jazer. Pumunta rin sila sa Gilead, sa Tatim Hodsi, sa Dan Jaan, at umikot sila papuntang Sidon. Pagkatapos, pumunta sila sa napapaderang lungsod ng Tyre, at sa lahat ng bayan ng mga Hiveo at Cananeo, at sa kahuli-hulihan, nagpunta sila sa Beersheba, sa timog[h] ng Juda. Nalibot nila ang buong bansa sa loob ng 9 na buwan at 20 araw, at pagkatapos, bumalik sila sa Jerusalem.

Sinabi niya kay Haring David ang bilang ng mga lalaki na may kakayahang makipaglaban: 800,000 sa Israel at 500,000 sa Juda. 10 Nakonsensya si David, matapos niyang ipasensus ang mga tao. Kaya sinabi niya sa Panginoon, “Nagkasala po ako dahil sa ginawa ko. Kaya nakikiusap ako sa inyo, Panginoon, na patawarin nʼyo ako na inyong lingkod sa kasalanan ko, dahil isa pong kahangalan ang ginawa ko.”

11 Hindi pa nakakabangon si David kinaumagahan nang sabihin ng Panginoon kay Gad na propeta ni David, 12 “Pumunta ka kay David at papiliin mo siya kung alin sa tatlong parusa ang gusto niyang gawin ko sa kanya.”

13 Kaya pumunta si Gad at sinabi, “Alin po sa tatlong ito ang pipiliin nʼyo: Tatlong taon[i] na taggutom sa bansa nʼyo, tatlong buwan na tumatakas kayo sa mga kalaban nʼyo habang hinahabol nila kayo, o tatlong araw na salot sa bansa nʼyo? Pag-isipan nʼyo po ito nang mabuti, at ipaalam nʼyo po sa akin kung ano ang isasagot ko sa Panginoon na nagsugo sa akin.”

14 Sumagot si David kay Gad, “Nahihirapan akong pumili. Mas mabuti pang ang kamay ng Panginoon ang magparusa sa amin kaysa ang mga tao, dahil maawain ang Panginoon.”

15 Kaya nagpadala ang Panginoon ng matinding salot sa Israel mula noong umagang iyon hanggang sa itinakda niyang panahon. At 70,000 tao ang namatay mula Dan hanggang sa Beersheba. 16 Nang papatayin na ng anghel ang mga mamamayan ng Jerusalem, naawa ang Panginoon sa mga tao.[j] Kaya sinabi niya sa anghel na nagpaparusa sa mga tao, “Tama na! Huwag na silang parusahan.” Nang oras na iyon, nakatayo ang anghel ng Panginoon sa may giikan ni Arauna na Jebuseo.

Gumawa ng Altar si David

17 Nang makita ni David ang anghel na pumapatay ng mga tao, sinabi niya sa Panginoon, “Ako po ang may kasalanan. Ang mga taong itoʼy gaya ng mga tupa na walang nagawang kasalanan. Ako na lang po at ang sambahayan ko ang parusahan ninyo.”

18 Nang araw na iyon, nagpunta si Gad kay David at sinabi sa kanya, “Umakyat kayo sa giikan ni Arauna na Jebuseo at gumawa kayo roon ng altar para sa Panginoon.” 19 Kaya umakyat si David gaya ng iniutos ng Panginoon kay Gad. 20 Nang makita ni Arauna na paparating si David at ang mga tauhan nito, lumabas siya at lumuhod sa harapan ni David bilang paggalang sa kanya. 21 Sinabi ni Arauna, “Mahal na Hari, bakit po kayo nandito?” Sumagot si David, “Pumunta ako rito para bilhin ang giikan mo, dahil gagawa ako ng altar para sa Panginoon, upang matigil na ang salot.” 22 Sinabi ni Arauna, “Kunin nʼyo na lang po at ihandog sa Panginoon ang anumang gustuhin nʼyo, Mahal na Hari. Narito ang mga baka para ialay nʼyo bilang handog na sinusunog. Narito rin po ang mga pamatok pati ang mga tabla na ginagamit sa paggiik, at gawin nʼyong panggatong. 23 Mahal na Hari, ibibigay ko po itong lahat sa inyo, at tanggapin sana ng Panginoon na inyong Dios ang handog ninyo.”

24 Pero sumagot si David, “Hindi ko ito tatanggapin ng libre; babayaran kita. Hindi ako maghahandog sa Panginoon kong Dios ng mga handog na sinusunog na walang halaga sa akin.” Kaya binili ni David ang giikan at ang mga baka sa halagang 50 pirasong pilak. 25 Pagkatapos, gumawa siya roon ng altar para sa Panginoon at nag-alay ng mga handog na sinusunog at mga handog para sa mabuting relasyon.[k] Sinagot ng Panginoon ang panalangin ni David para sa Israel, at huminto ang matinding salot.

Gawa 3

Ang Paggaling ng Taong Lumpo

Isang araw, bandang alas tres ng hapon, pumunta si Pedro at si Juan sa templo. Oras noon ng pananalangin. Sa pintuan ng templo na tinatawag na “Maganda” ay may isang taong lumpo mula nang ipinanganak. Araw-araw siyang dinadala roon para humingi ng limos sa mga taong pumapasok sa templo. Nang makita niya sina Pedro at Juan na papasok sa templo, humingi siya ng limos. Tinitigan siya nina Pedro at Juan. Pagkatapos, sinabi ni Pedro sa kanya, “Tumingin ka sa amin.”

Tumingin ang lalaki sa kanila na naghihintay na malimusan. Pero sinabi ni Pedro sa kanya, “Wala akong pera.[a] Ngunit may ibibigay ako sa iyo: Sa pangalan[b] ni Jesu-Cristo na taga-Nazaret, lumakad ka!” At hinawakan ni Pedro ang kanang kamay nito at pinatayo siya. Biglang lumakas ang kanyang mga paa at bukong-bukong. Tumayo siya agad at lumakad-lakad. Pagkatapos, sumama siya kina Pedro at Juan sa templo. Palakad-lakad at patalon-talon siyang nagpupuri sa Dios. Nakita ng lahat na lumalakad siya at nagpupuri sa Dios. 10 Napansin nila na siya pala ang taong palaging nakaupo at humihingi ng limos doon sa pintuan ng templo na tinatawag na “Maganda.” Kaya lubos ang kanilang pagkamangha sa nangyari sa kanya.

Nagsalita si Pedro sa Balkonahe ni Solomon

11 Parang ayaw nang humiwalay ng taong iyon kina Pedro at Juan. Lagi siyang nakahawak sa kanila habang naglalakad sila sa lugar na tinatawag na “Balkonahe ni Solomon.” Nagtakbuhan ang lahat ng tao palapit sa kanila, dahil manghang-mangha sila. 12 Pagkakita ni Pedro sa mga tao, sinabi niya sa kanila, “Mga kababayan kong mga Israelita, bakit kayo namangha sa pangyayaring ito? Bakit ninyo kami tinititigan? Akala ba ninyoʼy napalakad namin ang taong ito dahil sa aming kapangyarihan at kabanalan? 13 Hindi! Ang Dios ng ating mga ninunong sina Abraham, Isaac, at Jacob ang siyang gumawa nito upang parangalan niya ang kanyang lingkod na si Jesus. Ang Jesus na ito ang siyang ibinigay ninyo sa mga may kapangyarihan at itinakwil ninyo sa harapan ni Pilato, kahit napagpasyahan na niyang pakawalan siya. 14 Banal siya at matuwid, ngunit itinakwil nʼyo at hiniling kay Pilato na pakawalan ang isang mamamatay-tao sa halip na siya. 15 Pinatay nʼyo ang nagbibigay ng buhay, ngunit binuhay siyang muli ng Dios. At makapagpapatunay kami na nabuhay siyang muli. 16 Ang pananampalataya kay Jesus[c] ang siyang nagpalakas sa taong ito na inyong namukhaan at nakikita ngayon. Kayo man ay mga saksi na gumaling siya. Nangyari ito dahil sa pananampalataya kay Jesus.

17 “Mga kapatid, alam kong nagawa ninyo at ng inyong mga pinuno ang mga bagay na iyon kay Jesus dahil hindi nʼyo alam kung sino talaga siya. 18 Ipinahayag na ng Dios noon sa pamamagitan ng mga propeta na si Cristo ay kinakailangang magdusa. At sa inyong ginawa sa kanya, natupad ang sinabi ng Dios. 19 Kaya ngayon, kailangang magsisi na kayo at lumapit sa Dios, para patawarin niya ang inyong mga kasalanan, 20 at matanggap nʼyo ang bagong kalakasan mula sa Panginoon. Pagkatapos, ipapadala niya si Jesus, ang Cristo na itinalaga niya noon para sa inyo. 21 Ngunit kinakailangang manatili muna si Jesus sa langit hanggang sa dumating ang panahon na mabago ng Dios ang lahat ng bagay. Iyan din ang sinabi ng Dios noon sa pamamagitan ng kanyang mga propeta. 22 Katulad ng sinabi ni Moises, ‘Ang Panginoon na ating Dios ay magbibigay sa inyo ng isang propetang katulad ko at kalahi ninyo. Kinakailangang sundin ninyo ang lahat ng sasabihin niya sa inyo. 23 Ang hindi susunod sa sinasabi ng propetang ito ay ihihiwalay sa bayan ng Dios at lilipulin.’[d] 24 Ganyan din ang sinabi ng lahat ng propeta mula kay Samuel. Silang lahat ay nagpahayag tungkol sa mga bagay na mangyayari ngayon. 25 Ang mga ipinangako ng Dios sa pamamagitan ng kanyang mga propeta ay para talaga sa atin na mga Judio, at kasama tayo sa kasunduan na ginawa ng Dios sa ating mga ninuno, dahil sinabi niya kay Abraham, ‘Pagpapalain ko ang lahat ng tao sa mundo sa pamamagitan ng iyong lahi.’ 26 Kaya sinugo ng Dios ang kanyang piniling Lingkod, una sa atin na mga Judio, para tulungan niya tayong talikuran ang kasamaan.”

Salmo 123

Dalangin para Kahabagan

123 Panginoon, dumadalangin ako sa inyo,
    sa inyo na nakaupo sa inyong trono sa langit.
Kung paanong ang alipin ay naghihintay sa ibibigay ng kanyang amo,
    naghihintay din kami Panginoon naming Dios, na tulungan nʼyo at kahabagan.
Maawa kayo sa amin Panginoon, dahil labis na ang panghahamak sa amin.
Sobra na ang pangungutya sa amin ng mga taong hambog at walang magawa.

Kawikaan 16:21-23

21 Ang marunong ay kinikilalang may pang-unawa, at kung siyaʼy magaling magsalita marami ang matututo sa kanya.
22 Kapag may karunungan ka, buhay moʼy bubuti at hahaba; ngunit kung hangal ka, parurusahan ka dahil sa iyong kahangalan.
23 Ang taong marunong ay nag-iingat sa kanyang mga sinasabi, kaya natututo ang iba sa kanya.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®