The Daily Audio Bible
Today's audio is from the CSB. Switch to the CSB to read along with the audio.
14 Samantala, pumunta si Sheba sa lahat ng lahi ng Israel para tipunin ang lahat ng kamag-anak niya.[a] Sumunod sa kanya ang mga kamag-anak niya at nagtipon sila sa Abel Bet Maaca. 15 Nang mabalitaan ito ni Joab at ng mga tauhan niya, nagpunta sila sa Abel Bet Maaca at pinalibutan ito. Gumawa sila ng mga tumpok ng lupa sa gilid ng pader para makaakyat sila, at unti-unti nilang sinira ang pader.
16 May isang matalinong babae sa loob ng lungsod na sumigaw sa mga tauhan ni Joab, “Makinig kayo sa akin! Sabihin nʼyo kay Joab na pumunta sa akin dahil gusto kong makipag-usap sa kanya.” 17 Kaya pumunta si Joab sa kanya, at nagtanong ang babae, “Kayo ba si Joab?” Sumagot si Joab, “Oo, ako nga.” Sinabi ng babae, “Makinig po kayo sa sasabihin ko sa inyo.” Sumagot si Joab, “Sige, makikinig ako.” 18 Sinabi ng babae, “May isang kasabihan noon na nagsasabi, ‘Kung gusto nʼyong malutas ang problema nʼyo, humingi kayo ng payo sa lungsod ng Abel.’ 19 Isa po ako sa mga umaasang magpapatuloy ang kapayapaan sa Israel. Pero kayo, bakit pinipilit nʼyong ibagsak ang isa sa mga nangungunang lungsod[b] sa Israel? Bakit gusto nʼyong ibagsak ang lungsod na pag-aari ng Panginoon?” 20 Sumagot si Joab, “Hindi ko gustong ibagsak ang lungsod nʼyo! 21 Hindi iyan ang pakay namin. Sumalakay kami dahil kay Sheba na anak ni Bicri na galing sa kaburulan ng Efraim. Nagrebelde siya kay Haring David. Ibigay nʼyo siya sa amin at aalis kami sa lungsod ninyo.” Sinabi ng babae, “Ihahagis namin sa inyo ang ulo niya mula sa pader.”
22 Kaya pinuntahan ng babae ang mga nakatira sa lungsod at sinabi niya sa kanila ang plano niya. Pinugutan nila ng ulo si Sheba at inihagis nila ito kay Joab. Pagkatapos, pinatunog ni Joab ang trumpeta at umalis ang mga tauhan niya sa lungsod at umuwi. Si Joab ay bumalik sa hari, sa Jerusalem.
Ang mga Opisyal ni David
23 Si Joab ang kumander ng buong hukbo ng Israel. Si Benaya naman na anak ni Jehoyada ang pinuno ng personal na tagapagbantay ni David na mga Kereteo at Peleteo. 24 Si Adoniram ang namumuno sa mga alipin na sapilitang pinagtatrabaho. Si Jehoshafat na anak ni Ahilud ang tagapag-ingat ng mga kasulatan sa kaharian. 25 Si Sheva ang kalihim ng hari. Sina Zadok at Abiatar ang pinuno ng mga pari. 26 Si Ira na taga-Jair ang personal na pari ni David.
Pinatay ang mga Angkan ni Saul
21 Noong panahon ng paghahari ni David, nagkaroon ng taggutom sa loob ng tatlong taon. Kaya nanalangin si David sa Panginoon. Sinabi ng Panginoon, “Dumating ang taggutom dahil pinatay ni Saul at ng pamilya niya ang mga Gibeonita.” 2 Ang mga Gibeonita ay hindi mula sa lahi ng Israelita kundi sa natitirang buhay na mga Amoreo. Nangako ang mga Israelita na hindi nila sila papatayin pero tinangka silang lipulin ni Saul dahil sa matindi niyang pag-alala sa Israel at Juda.
Ipinatawag ni David ang mga Gibeonita, 3 at tinanong, “Ano ang maaari kong gawin sa inyo para mabayaran ang kasalanang ginawa ni Saul sa inyo, at para pagpalain ninyo ang mamamayan ng Panginoon?” 4 Sumagot ang mga Gibeonita, “Hindi po mababayaran ng pilak o ginto ang galit namin kay Saul at sa pamilya niya. At ayaw din naming pumatay ng sinumang Israelita bilang paghihiganti maliban na lang kung ipahintulot nʼyo ito.” Nagtanong si David, “Kung ganoon, ano ang gusto nʼyong gawin ko para sa inyo?” 5 Sumagot sila, “Tinangka po kaming patayin ni Saul para walang matira sa amin sa Israel. 6 Kaya ibigay nʼyo sa amin ang pitong lalaki na mula sa angkan niya, dahil papatayin namin sila at pababayaan ang kanilang bangkay sa lugar na malapit sa lugar kung saan sumasamba sa Panginoon doon sa Gibea, bayan ito ni Saul na haring pinili ng Panginoon.” Sinabi ng hari, “Sige, ibibigay ko sila sa inyo.” 7 Hindi ibinigay ni David sa kanila si Mefiboset na anak ni Jonatan at apo ni Saul, dahil sa sumpaan nila ni Jonatan sa presensya ng Panginoon. 8 Ang ibinigay ni David ay ang dalawang anak ni Saul na sina Armoni at Mefiboset. Ang ina nila ay si Rizpa na anak ni Aya. Ibinigay din ni David ang limang anak na lalaki ni Merab. Anak ni Saul si Merab at asawa ni Adriel na anak ni Barzilai na taga-Mehola. 9 Ibinigay sila ni David sa mga Gibeonita, at pinagpapatay silang pito roon sa burol na malapit sa lugar kung saan sumasamba sa Panginoon. At pinabayaan lang nila roon ang mga bangkay. Nangyari ito noong nagsisimula pa lang ang anihan ng sebada.
10 Si Rizpa na anak ni Aya ay kumuha ng sako at inilatag ito sa isang malaking bato para gawin niyang higaan. Binantayan niya ang mga bangkay upang hindi kainin ng mga ibon kapag araw at para hindi kainin ng mababangis na hayop kapag gabi. Nanatili siya roon simula nang mag-umpisa ang anihan hanggang sa magtag-ulan.
11 Nang malaman ni David ang ginawa ni Rizpa na asawa ni Saul, 12 nagpunta siya sa mga naninirahan sa Jabes Gilead at hiningi ang mga buto ni Saul at ng anak nitong si Jonatan. (Nang mapatay sina Saul at Jonatan sa pakikipaglaban nila sa mga Filisteo sa Gilboa, ibinitin ng mga Filisteo ang mga bangkay nila sa plasa ng Bet Shan, at lihim na kinuha ng mga taga-Jabes Gilead ang mga bangkay nila.) 13 Dinala ni David ang mga buto nina Saul at Jonatan, pati na rin ang mga buto ng pitong pinagpapatay ng mga Gibeonita. 14 Ipinalibing niya ito sa mga tauhan niya sa pinaglibingan ng ama ni Saul na si Kish, sa bayan ng Zela sa Benjamin. Natupad ang lahat ng iniutos ni David. Pagkatapos nito, sinagot ng Panginoon ang mga panalangin nila na huminto ang taggutom sa kanilang bansa.
Ang Pakikidigma Laban sa mga Filisteo(A)
15 Dumating ang panahon na muling naglaban ang mga Filisteo at mga Israelita. At nang nakikipaglaban na si David at ang mga tauhan niya, napagod siya. 16 Si Ishbi Benob na Filisteo na mula sa angkan ng mga Rafa,[c] ay nagtangkang patayin si David. Tanso ang dulo ng sibat niya na tumitimbang ng mga apat na kilo, at may nakasukbit pa siyang bagong espada. 17 Pero dumating si Abishai na anak ni Zeruya para iligtas si David, at pinatay niya ang Filisteo. Pagkatapos nito, sinabi ng mga tauhan ni David sa kanya, “Hindi na po kami papayag na muli kayong sumama sa amin sa labanan. Tulad kayo ng ilaw sa Israel at ayaw naming mawala kayo.”
18 Nang sumunod na mga panahon, muling naglaban ang mga Filisteo at mga Israelita sa Gob. Sa labanang ito, pinatay ni Sibecai na taga-Husha si Saf, na isa sa mga angkan ng Rafa. 19 At sa isa pa nilang labanan sa Gob, pinatay ni Elhanan na anak ni Jaare Origem, na taga-Betlehem, si Goliat na taga-Gat. Ang sibat ni Goliat ay mabigat at makapal.[d]
20 Muli pang naglaban ang mga Filisteo at mga Israelita, nangyari ito sa Gat. Sa labanang ito, may isang tao na sobrang laki, may tig-aanim na daliri sa mga kamay at paa niya. Isa rin siya sa mga angkan ng mga Rafa. 21 Nang kutyain niya ang mga Israelita, pinatay siya ni Jonatan na anak ng kapatid ni David na si Shimea.
22 Ang apat na Filisteong ito ay mula sa angkan ng Rafa na taga-Gat. Pinatay sila ni David at ng mga tauhan niya.
1 Minamahal kong Teofilus:
Sa aking unang aklat, isinulat ko ang lahat ng ginawa at itinuro ni Jesus mula nang nagsimula siya sa kanyang gawain 2-3 hanggang sa araw na dinala siya sa langit. Matapos siyang mamatay at mabuhay muli, makailang beses siyang nagpakita sa kanyang mga apostol sa ibaʼt ibang paraan para patunayan sa kanila na muli siyang nabuhay. Sa loob ng 40 araw, nagpakita siya sa kanila at nagturo tungkol sa paghahari ng Dios. At sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, nag-iwan siya ng mga utos sa kanyang piniling mga apostol. 4 Isang araw noon, habang kumakain sila kasama ni Jesus, sinabi niya, “Huwag muna kayong umalis sa Jerusalem. Hintayin ninyo ang Banal na Espiritu na ipinangako ng Dios Ama. Sinabi ko na ito noon sa inyo. 5 Nagbautismo si Juan sa tubig, ngunit makalipas lang ang ilang araw ay babautismuhan kayo sa Banal na Espiritu.”
Ang Pag-akyat ni Jesus sa Langit
6 Minsan nang nagtitipon sila, tinanong nila si Jesus, “Panginoon, ito na po ba ang panahon na ibabalik ninyo ang kaharian ng Israel?”[a] 7 Sumagot si Jesus, “Hindi pinahihintulutan ng Ama na malaman ninyo kung kailan mangyayari ang mga bagay na itinakda niya. 8 Ngunit pagdating ng Banal na Espiritu sa inyo, bibigyan niya kayo ng kapangyarihan. At ipapahayag ninyo ang mga bagay tungkol sa akin, mula rito sa Jerusalem hanggang sa buong Judea at Samaria, at hanggang sa buong mundo.” 9 Pagkasabi niya nito, dinala siya paitaas. At habang nakatingin sila sa kanya na pumapaitaas, tinakpan siya ng ulap at agad na nawala sa kanilang paningin.
10 Habang nakatitig sila sa langit, may dalawang lalaking nakaputi na biglang tumayo sa tabi nila 11 at nagsabi, “Kayong mga taga-Galilea, bakit nakatayo pa kayo rito at nakatingala sa langit? Si Jesus na inyong nakita na dinala paitaas ay babalik dito sa mundo. At kung paano siya pumaitaas, ganyan din ang kanyang pagbalik.”
Pumili ang mga Apostol ng Kapalit ni Judas
12 Pagkatapos noon, bumalik ang mga apostol sa Jerusalem galing sa Bundok ng mga Olibo. Ang bundok na ito ay halos isang kilometro ang layo mula sa lungsod ng Jerusalem. 13 Pagdating nila sa Jerusalem, dumiretso sila sa kwarto na nasa itaas ng bahay na tinutuluyan nila. Sila ay sina Pedro, Juan, Santiago, Andres, Felipe, Tomas, Bartolome, Mateo, Santiago na anak ni Alfeus, Simon na makabayan,[b] at si Judas na anak ni Santiago. 14 Lagi silang nagtitipon para manalangin, kasama ang ilang mga babae, pati si Maria na ina ni Jesus, at ang mga lalaking kapatid ni Jesus.
15 Nang mga araw na iyon, nagtipon ang mga 120 mananampalataya. Tumayo si Pedro at nagsalita,
16 “Mga kapatid, kinakailangang matupad ang sinasabi ng Kasulatan na ipinahayag ng Banal na Espiritu noong una sa pamamagitan ni David. Ito ay tungkol kay Judas na nanguna sa mga dumakip kay Jesus. 17 Dati, kasama namin siya bilang apostol, at may bahagi siya sa aming gawain.”
18 (Pero bumili si Judas ng lupa mula sa perang isinuhol sa kanya sa pagtatraydor kay Jesus, at doon ay pasubsob siyang nahulog. Pumutok ang tiyan niya at lumabas ang kanyang bituka. 19 Nalaman ito ng lahat ng tao sa Jerusalem, kaya tinawag nila ang lugar na iyon na Akeldama, na ang ibig sabihin ay “Bukid ng Dugo”.) 20 Sinabi pa ni Pedro, “Nasusulat sa mga Salmo,
‘Pabayaan na lang ang kanyang tirahan,
at dapat walang tumira roon.’[c]
At nasusulat din,
‘Ibibigay na lang sa iba ang kanyang tungkulin.’
21-22 “Kaya kinakailangan nating pumili ng tao na ipapalit kay Judas, na kasama nating magpapatotoo sa muling pagkabuhay ni Jesus. Dapat isa siya sa mga kasama natin na naglingkod sa Panginoong Jesus noong nandito pa siya sa mundo, mula noong nagbabautismo si Juan hanggang sa panahon na dinala si Jesus sa langit.” 23 Kaya dalawang lalaki ang kanilang pinagpilian: si Matias at si Jose na tinatawag na Barsabas (o Justus). 24 At bago sila pumili, nanalangin sila, “Panginoon, ikaw ang nakakaalam ng puso ng lahat ng tao. Kaya ipaalam nʼyo sa amin kung sino sa dalawang ito ang pipiliin nʼyo 25 na maging apostol bilang kapalit ni Judas. Sapagkat tinalikuran ni Judas ang kanyang gawain bilang isang apostol, at pumunta siya sa lugar na nararapat sa kanya.” 26 Pagkatapos nilang manalangin, nagpalabunutan sila. At ang nabunot nila ay si Matias. Kaya si Matias ang idinagdag sa 11 apostol.
Ang Panginoon ang Aking Tagapag-ingat
121 Tumitingin ako sa mga bundok;
saan kaya nanggagaling ang aking saklolo?
2 Ang tulong para sa akin ay nanggagaling sa Panginoon,
na gumawa ng langit at ng lupa.
3 Hindi niya papayagan na ikaw ay mabuwal.
Siyang nag-iingat sa iyo ay hindi natutulog.
4 Pakinggan mo ito!
Ang nag-iingat sa mga taga-Israel ay hindi umiidlip o natutulog.
5 Ang Panginoon ang nag-iingat sa iyo;
siyaʼy kasama mo upang ikaw ay patnubayan.
6 Hindi makakasakit sa iyo ang init ng araw o ang liwanag ng buwan kung gabi.[a]
7 Iingatan ka ng Panginoon sa anumang kapahamakan;
pati ang buhay moʼy kanyang iingatan.
8 Ang Panginoon ang mag-iingat sa iyo nasaan ka man,
ngayon at magpakailanman.
18 Ang kayabangan ay humahantong sa kapahamakan, at ang nagmamataas ay ibabagsak.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®