Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the GW. Switch to the GW to read along with the audio.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
1 Hari 15:25-17:24

Ang Paghahari ni Nadab sa Israel

25 Naging hari ng Israel si Nadab na anak ni Jeroboam noong ikalawang taon ng paghahari ni Asa sa Juda. Naghari si Nadab sa Israel sa loob ng dalawang taon. 26 Masama ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon. Sumunod siya sa pamumuhay ng kanyang ama at sa kasalanang ginawa nito, na naging dahilan ng pagkakasala ng mga Israelita.

27 Ngayon, si Baasha na anak ni Ahia, na mula sa lahi ni Isacar ay nagbalak ng masama laban kay Nadab. Ipinapatay ni Baasha si Nadab habang sinasalakay ni Nadab at ng buong Israel ang Gibeton, na isang bayan ng mga Filisteo. 28 Ang pagpatay ni Baasha kay Nadab ay nangyari noong ikatlong taon ng paghahari ni Asa sa Juda. At si Baasha ang pumalit kay Nadab bilang hari. 29 Nang magsimulang maghari si Baasha, pinagpapatay niya ang buong pamilya ni Jeroboam; hindi siya nagtira kahit isa. Nangyari ito ayon sa sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng kanyang lingkod na si Ahia na taga-Shilo. 30 Dahil nagalit ang Panginoon, ang Dios ng Israel, kay Jeroboam sa mga kasalanang ginawa niya, na naging dahilan ng pagkakasala ng mga Israelita.

31 Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Nadab, at ang lahat ng ginawa niya ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Israel. 32 Sa buong paghahari nila, palaging naglalaban sina Asa at Baasha.

Ang Paghahari ni Baasha sa Israel

33 Naging hari ng Israel si Baasha na anak ni Ahia noong ikatlong taon ng paghahari ni Asa sa Juda. Sa Tirza tumira si Baasha, at naghari siya roon sa loob ng 24 na taon. 34 Masama ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon. Sumunod siya sa pamumuhay ni Jeroboam at sa kasalanan na ginawa nito, na naging dahilan ng pagkakasala ng mga Israelita.

16 Ito ang mensahe ng Panginoon laban kay Baasha na sinabi niya sa pamamagitan ni Jehu na anak ni Hanani: “Pinabangon kita mula sa lupa, at ginawang pinuno ng mga mamamayan kong Israelita. Pero sinunod mo ang pamumuhay ni Jeroboam at ikaw ang naging dahilan ng pagkakasala ng aking mga mamamayan, at ginalit mo ako dahil sa kanilang mga kasalanan. Kaya lilipulin kita at ang iyong pamilya katulad ng ginawa ko sa pamilya ni Jeroboam na anak ni Nebat. Ang mga kabilang sa pamilya mo na mamamatay sa lungsod ay kakainin ng mga aso, at ang mamamatay sa bukid ay kakainin ng mga ibon.”

Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Baasha, at ang mga ginawa niya at pagtatagumpay ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Israel. Nang mamatay si Baasha, inilibing siya sa Tirza. At ang anak niyang si Elah ang pumalit sa kanya bilang hari.

Ang mensaheng iyon ng Panginoon laban kay Baasha at sa pamilya niya ay sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng propetang si Jehu na anak ni Hanani. Sinabi iyon ng Panginoon dahil sa lahat ng masasamang ginawa nito sa paningin ng Panginoon. Ginalit niya ang Panginoon dahil sa mga ginawa niya na katulad ng ginawa ng pamilya ni Jeroboam, at dahil sa kanyang pagpatay sa buong pamilya ni Jeroboam.

Ang Paghahari ni Elah sa Israel

Naging hari ng Israel si Elah na anak ni Baasha noong ika-26 na taon ng paghahari ni Asa sa Juda. Sa Tirza siya tumira, at naghari siya sa loob ng dalawang taon.

Si Zimri, na isa sa mga opisyal niya at kumander ng kalahati ng kanyang mga mangangarwahe ay nagbalak ng masama laban sa kanya. Isang araw, naglasing si Elah sa Tirza, sa bahay ni Arsa na siyang tagapamahala ng palasyo roon. 10 Pumasok si Zimri sa bahay at pinatay niya si Ela. Nangyari ito noong ika-27 taon ng paghahari ni Asa sa Juda. At si Zimri ang pumalit kay Elah bilang hari.

11 Nang magsimulang maghari si Zimri, pinagpapatay niya ang buong pamilya ni Baasha. Wala siyang itinirang lalaki, kahit sa mga kamag-anak at mga kaibigan ni Baasha. 12 Pinatay ni Zimri ang buong pamilya ni Baasha ayon sa sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng propetang si Jehu. 13 Sapagkat ginalit ni Baasha at ng anak niyang si Elah ang Panginoon, ang Dios ng Israel, dahil sa mga kasalanang ginawa nila na naging dahilan ng pagkakasala ng mga Israelita sa pamamagitan ng pagsamba sa walang kwentang mga dios-diosan.

14 Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Elah, at ang lahat ng ginawa niya ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Israel.

Ang Paghahari ni Zimri sa Israel

15 Naging hari ng Israel si Zimri noong ika-27 taon ng paghahari ni Asa sa Juda. Doon siya tumira sa Tirza, pero pitong araw lang ang itinagal ng paghahari niya. Habang nagkakampo ang mga sundalo ng Israel malapit sa Gibeton na isang bayan ng mga Filisteo, 16 nabalitaan nila na pinatay ni Zimri ang hari. Kaya nang araw ding iyon sa kampo, ginawa nilang hari ng Israel si Omri. Si Omri ang kumander ng mga sundalo ng Israel.

17 Umalis agad sa Gibeton si Omri at ang mga lahat ng kasama niyang mga Israelita, at sinalakay nila ang Tirza. 18 Nang makita ni Zimri na naaagaw na ang lungsod, pumunta siya sa tore ng palasyo at sinunog ang paligid nito, kaya namatay siya. 19 Nangyari ito dahil sa mga kasalanang ginawa niya. Masama ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon, at sumunod siya sa pamumuhay ni Jeroboam at sa kasalanan na ginawa nito, na naging dahilan ng pagkakasala ng mga Israelita.

20 Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Zimri at ang tungkol sa pagrerebelde niya ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Israel.

Ang Paghahari ni Omri sa Israel

21 Nahati ang mga mamamayan ng Israel sa dalawang grupo. Ang isang grupo ay gustong maging hari si Tibni na anak ni Ginat, at ang isang grupo naman ay gusto si Omri. 22 Pero mas malakas ang mga pumapanig kay Omri kaysa sa mga pumapanig kay Tibni na anak ni Ginat. Napatay si Tibni, at si Omri ang naging hari.

23 Sumunod na naghari si Omri sa Israel noong ika-31 taon ng paghahari ni Asa sa Juda. Naghari siya sa loob ng 12 taon; ang anim na taon nito ay doon sa Tirza. 24 Binili niya kay Shemer ang bundok ng Samaria ng 70 kilong pilak, at pinatayuan niya ito ng lungsod. Pagkatapos, pinangalanan niya itong lungsod ng Samaria, mula sa pangalan ni Shemer na siyang dating nagmamay-ari ng bundok.

25 Masama ang ginawa ni Omri sa paningin ng Panginoon, at nagkasala siya ng higit pa sa mga hari na nauna sa kanya. 26 Sumunod siya sa pamumuhay ni Jeroboam na anak ni Nebat at sa kasalanan na ginawa nito, na naging dahilan ng pagkakasala ng mga Israelita, sa pamamagitan ng pagsamba sa mga walang kwentang mga dios-diosan. Kaya ginalit nila ang Panginoon, ang Dios ng Israel.

27 Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Omri, at ang mga ginawa niya at pagtatagumpay ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Israel. 28 Nang mamatay si Omri, inilibing siya sa Samaria. At ang anak niyang si Ahab ang pumalit sa kanya bilang hari.

Ang Paghahari ni Ahab sa Israel

29 Naging hari ng Israel si Ahab na anak ni Omri noong ika-38 taon ng paghahari ni Asa sa Juda. Sa Samaria siya tumira, at naghari siya sa loob ng 22 taon. 30 Masama ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon, higit pa sa ginawa ng mga haring nauna sa kanya. 31 Kulang pa sa kanya ang pagsunod sa mga kasalanang ginawa ni Jeroboam, kinuha pa niyang maging asawa si Jezebel na anak ni Haring Etbaal ng mga Sidoneo. At mula noon, naglingkod siya at sumamba sa dios-diosang si Baal. 32 Nagpatayo siya ng templo at altar para kay Baal doon sa Samaria. 33 Nagpagawa rin siya ng posteng simbolo ng diosang si Ashera. Ginalit niya ang Panginoon, ang Dios ng Israel, higit pa sa ginawa ng mga hari ng Israel na nauna sa kanya.

34 Nang panahon ng paghahari ni Ahab, muling ipinatayo ni Hiel na taga-Betel ang Jerico. Habang ipinapatayo niya ang mga pundasyon nito, namatay ang panganay niyang anak na si Abiram. At habang ipinapagawa naman niya ang mga pintuan nito, namatay ang bunso niyang anak na si Segub. Nangyari ang lahat ng ito ayon sa sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ni Josue na anak ni Nun.[a]

Nagdala ng Pagkain ang Uwak kay Elias

17 May isang propeta na ang pangalan ay Elias. Nakatira siya sa Tisbe na sakop ng Gilead. Sinabi niya kay Ahab, “Tinitiyak ko sa iyo, sa harap ng buhay na Panginoon, ang Dios ng Israel na aking pinaglilingkuran, na wala ni hamog o ulan na darating sa loob ng ilang taon hanggaʼt hindi ko sinasabi na umulan o humamog.”

Pagkatapos, sinabi ng Panginoon kay Elias, “Umalis ka rito, tuntunin mo ang daan pasilangan at magtago ka sa daluyan ng tubig Kerit, sa bandang silangan ng Jordan. Sa ilog ka uminom, at uutusan ko ang mga uwak na magdala sa iyo ng pagkain doon.” Sinunod ni Elias ang utos ng Panginoon sa kanya. Pumunta siya sa daluyan ng tubig sa Kerit, sa bandang silangan ng Jordan at doon nanirahan. Dinadalhan siya ng mga uwak ng tinapay at karne tuwing umaga at gabi, at sa ilog siya umiinom.

Ang Biyuda sa Zarefat

Kinalaunan, natuyo ang ilog dahil hindi na umuulan. Iniutos agad ng Panginoon kay Elias, “Pumunta ka sa Zarefat sa Sidon, at doon ka manirahan. May isang biyuda roon na inutusan kong magpapakain sa iyo.” 10 Kaya pumunta si Elias sa Zarefat. Pagdating niya sa pintuan ng bayan, may nakita siyang biyuda na nangangahoy. Sinabi niya sa babae, “Pakiusap, dalhan mo ako ng kaunting tubig na maiinom.” 11 Nang paalis na ang biyuda para kumuha ng tubig, sinabi pa sa kanya ni Elias, “Pakiusap dalhan mo rin ako ng tinapay.”

12 Sinabi ng biyuda, “Nagsasabi po ako ng totoo, sa harap ng buhay na Panginoon na inyong Dios, na wala na akong tinapay. Ang natitira na lang ay isang dakot na harina sa mangkok at kaunting langis sa banga. Nangunguha nga po ako ng ilang pirasong kahoy dito para dalhin sa bahay at lutuin ang natitirang harina para sa akin at sa anak ko, at kapag naubos na namin ito, mamamatay na kami sa gutom.”

13 Sinabi ni Elias sa kanya, “Huwag kang mag-alala. Umuwi ka at gawin ang sinabi mo. Pero ipagluto mo muna ako ng maliit na tinapay mula sa natirang harina, at dalhin mo agad ito sa akin. Pagkatapos, magluto ka rin para sa iyo at sa anak mo. 14 Sapagkat ito ang sinasabi ng Panginoon, ang Dios ng Israel, ‘Hindi mauubusan ng harina ang iyong mangkok at hindi mauubusan ng langis ang iyong banga hanggang sa araw na padalhan ko ng ulan ang lupa.’ ” 15 Lumakad ang babae at ginawa niya ang sinabi ni Elias. Kaya may pagkain araw-araw para kay Elias, at para sa biyuda at sa kanyang anak.[b] 16 Sapagkat hindi nauubos ang harina sa mangkok at hindi rin nauubos ang langis sa banga, ayon sa sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ni Elias.

17 Kinalaunan, nagkasakit ang anak ng babae. Lumala ang sakit nito hanggang sa mamatay. 18 Sinabi ng babae kay Elias, “Ano po ang ikinagalit ninyo sa akin, lingkod ng Dios? Pumunta po ba kayo rito para patayin ang aking anak bilang parusa sa aking mga kasalanan?” 19 Sumagot si Elias, “Ibigay mo sa akin ang bata.” Kinuha ni Elias ang bata sa kanyang ina, at dinala ito sa kwarto sa itaas, kung saan siya nakatira. Inihiga niya ang bata sa kanyang higaan, 20 at nanalangin siya sa Panginoon, “O Panginoon, na aking Dios, pinadalhan po ba ninyo ng pagdurusa ang biyudang ito na nagpatuloy sa akin sa pamamagitan ng pagkamatay ng kanyang anak?” 21 Dumapa si Elias ng tatlong beses sa bata at tumawag sa Panginoon, “O Panginoon na aking Dios, buhayin po ninyo ang batang ito!” 22 Sinagot ng Panginoon ang panalangin ni Elias at muling nabuhay ang bata. 23 Pagkatapos, dinala ni Elias ang bata sa ibaba at ibinigay sa kanyang ina. Sinabi ni Elias, “Tingnan mo ang iyong anak, buhay siya!” 24 Agad na sinabi ng babae kay Elias, “Ngayon, napatunayan kong lingkod nga kayo ng Dios at totoong nagsasalita ang Panginoon sa pamamagitan ninyo.”

Gawa 10:24-48

24 Dumating sila sa Cesarea pagkaraan ng isang araw. Naghihintay sa kanila si Cornelius at ang kanyang mga kamag-anak at mga kaibigan na inimbitahan niyang dumalo. 25 Nang dumating si Pedro, sinalubong siya ni Cornelius at lumuhod para sambahin siya. 26 Pero pinatayo siya ni Pedro at sinabi, “Tumayo ka, dahil akoʼy tao ring katulad mo.” 27 At patuloy ang kanilang pag-uusap habang papasok sila sa bahay. Sa loob ng bahay, nakita ni Pedro na maraming tao ang nagkakatipon doon. 28 Nagsalita si Pedro sa kanila, “Alam ninyo na kaming mga Judio ay pinagbabawalan ng aming relihiyon na dumalaw o makisama sa mga hindi Judio. Pero ipinaliwanag sa akin ng Dios na hindi ko dapat ituring na marumi ang sinuman. 29 Kaya nang ipasundo ninyo ako, hindi ako nag-atubiling sumama. Kaya gusto ko ngayong malaman kung bakit ipinatawag ninyo ako.”

30 Sumagot si Cornelius, “Tatlong araw na ngayon ang lumipas nang nananalangin ako rito sa bahay, at ganito ring oras, mga alas tres ng hapon. Habang nananalangin ako, biglang nagpakita sa akin ang isang taong may damit na nakakasilaw. 31 Sinabi niya sa akin, ‘Cornelius, dininig ng Dios ang iyong panalangin at hindi niya nakalimutan ang pagtulong mo sa mga mahihirap. 32 Magsugo ka ngayon ng mga tao sa Jopa at ipasundo si Simon na tinatawag na Pedro. Doon siya nakatira sa bahay ni Simon na mangungulti ng balat. Ang kanyang bahay ay sa tabi ng dagat.’ 33 Kaya ipinatawag kita agad. Salamat naman at dumating ka. At ngayon, narito kami sa presensya ng Dios para pakinggan ang ipinapasabi sa inyo ng Panginoon.”

Nangaral si Pedro sa Bahay ni Cornelius

34 Kaya nagsalita si Pedro, “Ngayon alam ko nang walang pinapaboran ang Dios. 35 Kung ang tao ay may takot sa Dios at tama ang kanyang ginagawa, kahit ano ang lahi niyaʼy tatanggapin siya ng Dios. 36 Narinig ninyo ang Magandang Balita na ipinahayag ng Dios sa aming mga Israelita, na ang taoʼy magkakaroon na ng magandang relasyon sa Dios sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesu-Cristo na siyang Panginoon ng lahat. 37-38 Alam din ninyo ang mga nangyari sa buong Judea tungkol kay Jesus na taga-Nazaret. Nagsimula ito sa Galilea matapos mangaral ni Juan tungkol sa bautismo. Binigyan ng Dios si Jesus ng Banal na Espiritu at kapangyarihan. At dahil kasama niya ang Dios, pumunta siya sa ibaʼt ibang lugar at gumawa ng kabutihan. Pinagaling niya ang lahat ng sinaniban at pinahirapan ng diyablo. 39 Kami mismo ay makakapagpatotoo sa lahat ng ginawa niya, dahil nakita namin ito sa Jerusalem at sa iba pang mga bayan ng mga Judio. Pinatay siya ng mga Judio sa pamamagitan ng pagpako sa krus. 40 Pero muli siyang binuhay ng Dios sa ikatlong araw at nagpakita sa amin na siyaʼy buhay. 41 Hindi siya nagpakita sa lahat kundi sa amin lamang na mga pinili ng Dios na maging saksi para ipamalita sa iba ang tungkol sa kanya. Nakasama pa nga namin siyang kumain at uminom pagkatapos na siyaʼy muling nabuhay. 42 Inutusan niya kaming mangaral ng Magandang Balita sa mga tao at magpatotoo na siya ang tunay na pinili ng Dios na maging tagahatol ng mga buhay at ng mga patay. 43 Si Jesu-Cristo ang tinutukoy ng lahat ng propeta nang ipahayag nila na ang lahat ng sumasampalataya sa kanya ay patatawarin sa kanilang mga kasalanan sa pamamagitan ng kanyang pangalan.”

Dumating ang Banal na Espiritu sa mga Hindi Judio

44 Habang nagsasalita pa si Pedro, napuspos ng Banal na Espiritu ang lahat ng nakikinig. 45 Ang mga mananampalatayang Judio na sumama kay Pedro mula sa Jopa ay namangha dahil ipinagkaloob din ng Dios ang Banal na Espiritu sa mga hindi Judio. 46 Dahil narinig nilang nagsasalita sila ng ibaʼt ibang wika na hindi nila natutunan at nagpupuri sila sa Dios. Kaya sinabi ni Pedro, 47 “Natanggap na nila ang Banal na Espiritu tulad natin kahit hindi sila mga Judio. Kaya wala nang makakapigil sa kanila para bautismuhan sila sa tubig.” 48 At iniutos ni Pedro na bautismuhan sila sa pangalan ni Jesu-Cristo. Pagkatapos noon, pinakiusapan nila si Pedro na manatili muna sa kanila ng ilang araw.

Salmo 134

Paanyaya para Purihin ang Dios

134 Purihin ang Panginoon,
    lahat kayong mga naglilingkod sa kanyang templo kung gabi.
Itaas ninyo ang inyong mga kamay kapag mananalangin kayo sa loob ng templo,
    at purihin ninyo ang Panginoon.
Pagpalain sana kayo ng Panginoon na nasa Zion na siyang lumikha ng langit at ng lupa.

Kawikaan 17:9-11

Kung patatawarin mo ang kasalanan ng iyong kaibigan, mananatili ang inyong samahan, ngunit kung patuloy mong uungkatin ang kanyang kasalanan, masisira ang inyong pagkakaibigan.
10 Sa isang saway lang natututo ang taong may pang-unawa, ngunit ang taong mangmang ay hindi natututo hampasin mo man ng walang awa.
11 Laging naghahanap ng gulo ang taong masama, kaya ipapadala laban sa kanya ang isang taong malupit na magpaparusa sa kanya.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®