The Daily Audio Bible
Today's audio is from the CEV. Switch to the CEV to read along with the audio.
3 Ipinakita ni Solomon ang pagmamahal niya sa Panginoon sa pamamagitan ng pagtupad ng mga tuntunin na iniwan ng ama niyang si David. Maliban doon, naghandog siya at nagsunog ng mga insenso sa mga sambahan sa matataas na lugar.
4 Isang araw, pumunta si Haring Solomon sa Gibeon para maghandog dahil naroon ang pinakatanyag na sambahan sa mataas na lugar. Nag-alay siya sa altar ng 1,000 handog na sinusunog. 5 Kinagabihan, nagpakita sa kanya ang Panginoon sa pamamagitan ng isang panaginip. Sinabi ng Dios sa kanya, “Humingi ka ng kahit ano at ibibigay ko ito sa iyo.” 6 Sumagot si Solomon, “Nagpakita po kayo ng malaking kabutihan sa aking amang si David, na inyong lingkod, dahil matapat siya sa inyo, at matuwid ang kanyang pamumuhay. Patuloy nʼyo pong ipinakita sa kanya ang inyong malaking kabutihan sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanya ng isang anak na siya pong pumalit sa kanya bilang hari ngayon. 7 Panginoon na aking Dios, ako na inyong lingkod ang ipinalit ninyo sa ama kong si David bilang hari, kahit binatilyo pa ako at wala pang karanasan sa pamamahala. 8 At ngayon narito po ako kasama ang pinili ninyong mga mamamayan, na hindi mabilang sa sobrang dami. 9 Kaya bigyan nʼyo po ako ng karunungan para pamahalaan ang inyong mga mamamayan at kaalamang malaman kung ano ang mabuti at masama. Dahil sino po ba ang may kakayahang mamahala sa inyong mga mamamayan na napakarami?”
10 Natuwa ang Panginoon sa hiningi ni Solomon. 11 Kaya sinabi ng Dios sa kanya, “Dahil humingi ka ng kaalaman na mapamahalaan ang aking mga mamamayan at hindi ka humingi ng mahabang buhay o kayamanan o kamatayan ng iyong mga kaaway, 12 ibibigay ko sa iyo ang kahilingan mo. Bibigyan kita ng karunungan at kaalaman na hindi pa naangkin ng kahit sino, noon at sa darating na panahon. 13 Bibigyan din kita ng hindi mo hiningi, ang kayamanan at karangalan para walang hari na makapantay sa iyo sa buong buhay mo. 14 At kung susunod ka sa aking mga pamamaraan at tutupad sa aking mga tuntunin at mga utos, katulad ng ginawa ng iyong ama na si David, bibigyan kita ng mahabang buhay.”
15 Nagising si Solomon, at naunawaan niya na nakipag-usap ang Panginoon sa kanya sa pamamagitan ng panaginip. Pagbalik ni Solomon sa Jerusalem, tumayo siya sa harap ng Kahon ng Kasunduan ng Panginoon at nag-alay ng mga handog na sinusunog at mga handog para sa mabuting relasyon.[a] Nagpahanda agad siya ng mga pagkain para sa lahat ng pinuno niya.
Ang Mahusay na Paghatol ni Solomon
16 May dalawang babaeng bayaran na pumunta kay Haring Solomon. 17 Nagsalita ang isa sa kanila, “Mahal na Hari, ako at ang babaeng ito ay nakatira sa iisang bahay. Nanganak ako habang naroon siya sa bahay. 18 Pagkalipas ng tatlong araw, siya naman ang nanganak. Kaming dalawa lang ang nasa bahay at wala nang iba. 19 Isang gabi, nahigaan niya ang kanyang anak at namatay ito. 20 Nang maghatinggabi, bumangon siya habang natutulog ako at pinagpalit ang mga anak namin. Inilagay niya ang anak ko sa tabi niya at ang anak naman niyang namatay ay inilagay niya sa tabi ko. 21 Kinabukasan, nang bumangon ako para pasusuhin ang anak ko, nakita kong patay na ito. At nang mapagmasdan ko nang mabuti ang sanggol sa liwanag, nakita kong hindi siya ang aking anak.”
22 Sumagot ang isang babae, “Hindi totoo iyan! Akin ang buhay na sanggol at sa iyo ang patay.” Pero sinabi ng unang babae, “Hindi totoo iyan! Iyo ang patay na sanggol at akin ang buhay.” Kaya nagsagutan silang dalawa sa harapan ng hari.
23 Sinabi ng hari, “Ang bawat isa sa inyo ay gustong angkinin ang buhay na sanggol at walang isa man sa inyo ang gustong umangkin sa patay na sanggol.” 24 Kaya nag-utos ang hari na bigyan siya ng espada. At nang dalhan siya ng espada, 25 inutos niya, “Hatiin ang buhay na sanggol at ibigay ang bawat kalahati sa kanilang dalawa.”
26 Dahil sa awa ng totoong ina sa kanyang sanggol, sinabi niya sa hari, “Maawa po kayo, Mahal na Hari, huwag po ninyong patayin ang sanggol. Ibigay nʼyo na lang po siya sa babaeng iyan.” Pero sinabi ng isang babae, “Hatiin nʼyo na lang po ang sanggol para wala ni isa man sa amin ang makaangkin sa kanya.”
27 Pagkatapos, sinabi ng hari, “Huwag hatiin ang buhay na sanggol. Ibigay ito sa babae na nagmamakaawa na huwag itong patayin, dahil siya ang tunay na ina.”
28 Nang marinig ng mga mamamayan ng Israel ang pagpapasya ng hari, lumaki ang paggalang nila sa kanya, dahil nakita nila na may karunungan siyang mula sa Dios sa paghatol ng tama.
Ang mga Pinuno ni Solomon
4 Naghari si Solomon sa buong Israel. 2 At ito ang kanyang matataas na pinuno:
Si Azaria ang punong pari mula sa angkan ni Zadok.
3 Sina Elihoref at Ahia na mga anak ni Sisha, ang mga kalihim ng hari.
Si Jehoshafat na anak ni Ahilud, ang namamahala ng mga kasulatan ng kaharian.
4 Si Benaya na anak ni Jehoyada ang kumander ng mga sundalo.
Sina Zadok at Abiatar ang mga pari.
5 Si Azaria na anak ni Natan ang pinuno ng mga gobernador sa mga distrito ng Israel.
Ang paring si Zabud na anak din ni Natan ang personal na tagapayo ng hari.
6 Si Ahisar ang tagapamahala ng palasyo.
At si Adoniram na anak ni Abda, ang namamahala sa mga aliping sapilitang pinagtatrabaho.
7 Mayroon ding 12 gobernador si Solomon sa mga distrito ng buong Israel. Sila ang nagbibigay ng pagkain sa hari at sa sambahayan niya. Bawat isa sa kanila ay nagbibigay ng pagkain sa isang buwan bawat taon. 8 Ito ang kanilang mga pangalan:
Si Ben Hur, na namamahala sa kabundukan ng Efraim.
9 Si Ben Deker na namamahala sa Makaz, Saalbim, Bet Shemesh at sa Elon Bet Hanan.
10 Si Ben Hesed na namamahala sa Arubot, kasama na rito ang Soco at ang buong lupain ng Hefer.
11 Si Ben Abinadab na namamahala sa Nafat Dor. (Asawa siya ni Tafat na anak ni Solomon.)
12 Si Baana na anak ni Ahilud, na namamahala sa Taanac, Megido, sa buong Bet Shan malapit sa Zaretan sa ibaba ng Jezreel at sa mga lugar na mula sa Bet Shan hanggang Abel Mehola at patawid sa Jokmeam.
13 Si Ben Geber, na namamahala sa Ramot Gilead, kasama na rito ang mga bayan ni Jair na anak ni Manase, at sa mga distrito ng Argob sa Bashan, kasama na ang 60 malalaki at napapaderang bayan, na ang mga pintuan ay may tarangkahang tanso.
14 Si Ahinadab na anak ni Iddo, na namamahala sa Mahanaim.
15 Si Ahimaaz, na namamahala sa Naftali. (Asawa siya ni Basemat na anak ni Solomon.)
16 Si Baana na anak ni Hushai, na namamahala sa Asher at sa Alot.
17 Si Jehoshafat na anak ni Parua, na namamahala sa Isacar.
18 Si Shimei na anak ni Ela, na namamahala sa Benjamin.
19 Si Geber na anak ni Uri, na namamahala sa Gilead na sakop noon ni Sihon na hari ng mga Amoreo at ni Haring Og ng Bashan. Si Geber lang ang gobernador sa buong distritong ito.[b]
Ang Kasaganaan at ang Karunungan ni Solomon
20 Ang bilang ng mga tao sa Juda at Israel ay tulad ng buhangin sa dalampasigan na hindi mabilang. Sagana sila sa pagkain at inumin, at masaya sila. 21 Si Solomon ang namamahala sa lahat ng kaharian mula sa Ilog ng Eufrates hanggang sa lupain ng mga Filisteo, hanggang sa hangganan ng Egipto. Ang mga kahariang ito ay nagbabayad ng buwis kay Solomon at nagpapasakop sa kanya habang nabubuhay siya.
22 Ito ang mga pagkaing kailangan ni Solomon sa kanyang palasyo bawat araw: 100 sako ng magandang klaseng harina, 200 sako ng ordinaryong harina, 23 sampung pinatabang baka sa kulungan, 20 baka na galing sa pastulan, 100 tupa o kambing, hindi pa kasama ang ibaʼt ibang uri ng mga usa at magandang uri ng ibon at manok.
24 Sakop ni Solomon ang buong lupain sa kanlurang Ilog ng Eufrates mula sa Tifsa hanggang sa Gaza. At maganda ang pakikitungo niya sa lahat ng bansa sa palibot niya. 25 Kaya habang nabubuhay si Solomon, may kapayapaan sa Juda at sa Israel, mula Dan hanggang sa Beersheba. Ang bawat tao ay payapang nakaupo sa ilalim ng kanyang tanim na ubas at puno ng igos.
26 May 40,000[c] kwadra si Solomon para sa kanyang mga kabayong pangkarwahe at may 12,000 siyang mangangabayo.[d] 27 Ang mga gobernador sa mga distrito ang nagbibigay ng pangangailangan ni Haring Solomon at ng lahat ng nasa palasyo. Ang bawat isa sa kanila ay may responsibilidad sa pagbibigay bawat buwan. Tinitiyak nilang maibibigay ang mga pangangailangan ni Solomon. 28 Nagbibigay din sila ng sebada at dayami para sa mga kabayo. Dinadala nila ito sa lugar na dapat nitong pagdalhan sa oras na kailangan ito.
29 Binigyan ng Dios si Solomon ng di-pangkaraniwang karunungan at pang-unawa, at kaalaman na hindi masukat. 30 Ang kaalaman niya ay higit pa sa kaalaman ng lahat ng matatalino sa silangan at sa Egipto. 31 Siya ang pinakamatalino sa lahat. Mas matalino pa siya kaysa kay Etan na Ezrano at sa mga anak ni Mahol na sina Heman, Calcol at Darda. At naging tanyag siya sa mga nakapaligid na bansa. 32 Gumawa siya ng 3,000 kawikaan at 1,005 awit. 33 Makapagsasabi siya ng tungkol sa lahat ng uri ng pananim, mula sa malalaking punongkahoy hanggang sa maliliit na pananim.[e] Makapagsasabi rin siya tungkol sa lahat ng uri ng hayop na lumalakad, gumagapang, lumilipad, at lumalangoy. 34 Nabalitaan ng lahat ng hari sa mundo ang karunungan ni Solomon, kaya nagpadala sila ng mga tao para makinig sa kanyang karunungan.
Ang Pagpili ng Pitong Lalaki
6 Nang mga panahong iyon, dumarami na ang mga tagasunod ni Jesus. Nagreklamo ang mga Judiong nagsasalita ng Griego laban sa mga Judiong nagsasalita ng Hebreo. Itoʼy sa dahilang hindi nabibigyan ng pang-araw-araw na rasyon ang kanilang mga biyuda. 2 Kaya ipinatawag ng 12 apostol ang lahat ng tagasunod ni Jesus, at sinabihan sila, “Hindi mabuting pabayaan namin ang pangangaral ng salita ng Dios para mag-asikaso lang ng materyal na mga tulong. 3 Kaya mga kapatid, pumili kayo sa mga kasamahan ninyo ng pitong lalaking may malinis na pangalan, marunong, at puspos ng Banal na Espiritu. Sila ang pamamahalain natin sa mga materyal na tulong. 4 At ilalaan naman namin ang aming oras sa pananalangin at sa pangangaral ng salita ng Dios.” 5 Sumang-ayon ang lahat ng mga mananampalataya sa sinabi ng mga apostol. Kaya pinili nila si Esteban na may matibay na pananampalataya at puspos ng Banal na Espiritu. Pinili rin nila sina Felipe, Procorus, Nicanor, Timon, Parmenas, at Nicolas na taga-Antioc. Si Nicolas ay hindi Judio pero umanib sa relihiyon ng mga Judio. 6 Dinala nila ang mga napiling ito sa mga apostol. At ipinanalangin sila ng mga apostol at pinatungan ng kamay bilang pagtatalaga sa tungkulin.
7 Kaya patuloy na kumalat ang salita ng Dios. Marami pang mga taga-Jerusalem ang naging tagasunod ni Jesus, at marami ring pari ang sumampalataya sa kanya.
Ang Pagdakip kay Esteban
8 Pinagkalooban ng Dios si Esteban ng pambihirang kapangyarihan. Kaya maraming himala at mga kamangha-manghang ginawa niya ang nasaksihan ng mga tao. 9 Pero may mga taong kumalaban sa kanya. Ito ay ang mga Judiong mula sa Cyrene, Alexandria, Cilicia, at Asia. Mga miyembro sila ng sambahan ng mga Judio na tinatawag na Sambahan ng mga Pinalaya sa Pagkaalipin. Nakikipagtalo sila kay Esteban, 10 pero hindi nila kayang talunin si Esteban dahil binigyan siya ng karunungan ng Banal na Espiritu. 11 Kaya lihim nilang sinulsulan[a] ang ilang tao na magsabi, “Narinig namin si Esteban na nagsalita ng masama laban kay Moises at sa Dios.” 12 Sa ganitong paraan, naudyukan nilang magalit ang mga tao, ang mga pinuno ng mga Judio, at ang mga tagapagturo ng Kautusan. Dinakip nila si Esteban at dinala sa korte ng mga Judio. 13 Mayroon din silang pinapasok na ilang tao para tumestigo ng kasinungalingan laban kay Esteban. Sinabi nila, “Ang taong ito ay palaging nagsasalita ng laban sa ating sagradong templo at sa Kautusan ni Moises. 14 Narinig naming sinabi niya na ang ating templo ay gigibain ni Jesus na taga-Nazaret at papalitan niya ang mga kaugaliang iniwan sa atin ni Moises!” 15 Ang lahat ng miyembro ng Korte ay tumitig kay Esteban, at nakita nila ang kanyang mukha na nagliwanag na parang mukha ng anghel.
Dalangin para Iligtas
126 Nang muling ibinalik ng Panginoon sa Zion ang mga nabihag,[a] parang itoʼy panaginip lang.
2 Kami ay nagtawanan at nag-awitan dahil sa kagalakan.
At sinabi ng mga bansang hindi kumikilala sa Panginoon,
“Gumawa ng dakilang bagay ang Panginoon sa kanila.”
3 Totoong ginawan tayo ng dakilang bagay ng Panginoon,
at punong-puno tayo ng kagalakan.
4 Panginoon, muli nʼyo kaming paunlarin,
tulad ng tuyong batis na muling nagkaroon ng tubig.
5 Silang nagtatanim na lumuluha ay mag-aaning tuwang-tuwa.
6 Ang umalis na lumuluha, na may dalang binhi na itatanim ay babalik na masaya, na may dala-dalang mga ani.
26 Ang kagutuman ang nagtutulak sa tao na magtrabaho.
27 Ang taong masama ay nag-iisip ng kasamaan, at ang bawat sabihin niya ay parang apoy na nakakapaso.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®