The Daily Audio Bible
Today's audio is from the CSB. Switch to the CSB to read along with the audio.
11-12 Nang mabalitaan ni Haring David ang pinag-usapan nila, nagpadala siya ng mensahe sa mga paring sina Zadok at Abiatar, na sinasabi, “Sabihin nʼyo ito sa mga tagapamahala ng Juda: ‘Nabalitaan kong gusto ng inyong mga mamamayan na ibalik ako bilang hari, at kayo pa ang huling nagpasya na pabalikin ako sa aking trono? Hindi baʼt mga kamag-anak at kalahi ko kayo?’ 13 At sabihin nʼyo rin ito kay Amasa, ‘Dahil kalahi kita, gagawin kitang kumander ng mga sundalo ko kapalit ni Joab. Kung hindi ko ito gagawin, parusahan sana ako nang matindi ng Dios.’ ”
14 Napapayag ni David ang mga taga-Juda at nagkaisa sila sa kanilang desisyon. At ipinasabi nila kay David, “Bumalik po kayo rito at ang lahat ng tauhan ninyo.”
15 Habang pabalik si David, sinalubong siya ng mga mamamayan ng Juda roon sa Ilog ng Jordan. Ang mga taong itoʼy nagtipon sa Gilgal para samahan siya sa pagtawid sa ilog. 16 Nagmamadaling sumama sa pagsalubong kay David si Shimei na anak ni Gera, isang Benjaminita galing Bahurim. 17 May kasama siyang 1,000 Benjaminita, kasama na rito si Ziba na katiwala ng sambahayan ni Saul, at ang 15 nitong anak na lalaki at 20 utusan. Nagmamadali nilang sinalubong si David sa Ilog ng Jordan. 18 Tinulungan nilang lahat si David at ang sambahayan niya sa pagtawid ng ilog, at sinunod nila ang anumang gustuhin ni David.
Pinatawad ni David si Shimei
Nang patawid pa lang ng Ilog ng Jordan si David, nagpatirapa si Shimei sa harapan niya bilang paggalang, 19 at sinabi, “Mahal na Hari, patawarin nʼyo po ako. Kalimutan nʼyo na po sana ang masamang ginawa ko sa inyo noong umalis kayo sa Jerusalem. 20 Inaamin ko po na nagkasala ako, Mahal na Hari. Kaya nga nauna akong dumating dito kaysa sa ibang mga lahi sa hilaga[a] para salubungin kayo.”
21 Pagkatapos, sinabi ni Abishai na anak ni Zeruya, “Hindi baʼt dapat patayin si Shimei dahil isinumpa niya ang piniling hari ng Panginoon?” 22 Pero sinabi ni David, “Kayong mga anak ni Zeruya, ano ang pakialam nʼyo? Huwag na ninyong salungatin ang desisyon ko. Ako na ngayon ang hari ng Israel, at walang taong papatayin sa Israel sa araw na ito.” 23 Kaya sinabi ni David kay Shimei, “Isinusumpa ko na hindi ka papatayin.”
24-25 Pumunta rin doon si Mefiboset na apo ni Saul para salubungin si David. Galing siya sa Jerusalem. Hindi pa siya nakakapaghugas ng paa, nakakapag-ahit ng balbas, at nakakapagpalit ng damit niya mula nang umalis si David sa Jerusalem hanggang sa matagumpay na nakabalik ito. Nang makarating siya roon, tinanong siya ni David, “Mefiboset, bakit hindi ka sumama sa akin?” 26 Sumagot siya, “Mahal na Hari, alam ninyong lumpo ako. Sinabihan ko ang utusan kong si Ziba na ihanda ang asno para makasakay ako at makasama sa inyo pero nagtraydor siya sa akin. 27 At siniraan niya po ako sa inyo na hindi ako sasama. Pero nalalaman nʼyo ang totoo dahil katulad kayo ng anghel ng Dios, kaya gawin nʼyo kung ano sa tingin nʼyo ang mabuti. 28 Dapat ay papatayin nʼyo na ang buong angkan ng lolo ko pero binigyan nʼyo ako ng karapatang kumain kasama ninyo. Kaya wala na po akong karapatan pang humingi sa inyo ng pabor.” 29 Sinabi ni David sa kanya, “Huwag na nating pag-usapan ito. Nakapagdesisyon na akong paghatian nʼyo ni Ziba ang lupain ni Saul.” 30 Sinabi ni Mefiboset sa hari, “Ibigay nʼyo na lang po sa kanya lahat. Kontento na akong nakauwi kayo nang ligtas.”
Ang Kabaitan ni David kay Barzilai
31 Pumunta rin kay David si Barzilai na taga-Gilead galing sa Rogelim. Gusto rin niyang tumulong kina Haring David sa pagtawid sa Ilog ng Jordan. 32 Matanda na si Barzilai; 80 taong gulang na siya. Mayaman siya at siya ang nagbibigay ng mga kailangan ni David noong doon pa ito nakatira sa Mahanaim. 33 Sinabi sa kanya ni David, “Sumama kang tumawid sa akin at manirahan ka na rin sa Jerusalem. Ako ang bahala sa iyo roon.” 34 Pero sumagot si Barzilai, “Hindi na po magtatagal ang buhay ko, bakit pa ako sasama sa inyo sa Jerusalem? 35 Ako po ay 80 taong gulang na, at hindi ko na malaman ang ipinagkaiba ng masarap at hindi masarap. Hindi ko na malasahan ang kinakain at iniinom ko. Hindi ko na marinig ang mga umaawit. Magiging pabigat lang ako sa inyo, Mahal na Hari. 36 Maliit na bagay lang po ang paghahatid ko sa inyo sa Jordan, bakit kailangan nʼyo pa akong gantihan ng ganitong gantimpala? 37 Uuwi na lang ako, para kapag namatay ako, doon ako mamamatay sa sarili kong bayan, kung saan inilibing ang mga magulang ko. Narito ang anak kong si Kimham na magsisilbi sa inyo. Isama nʼyo siya, Mahal na Hari at gawin nʼyo kung ano sa tingin ninyo ang makakabuti sa kanya.” 38 Sumagot ang hari, “Isasama ko siya at gagawin sa kanya ang anumang kabutihang gagawin ko sana sa iyo, at gagawin ko ang anumang hilingin mo sa akin.” 39 Niyakap ni David si Barzilai at binasbasan. Pagkatapos, tumawid si David at ang mga tauhan niya sa Ilog ng Jordan, at umuwi si Barzilai sa bahay niya.
40 Nang makatawid na si David, pumunta siya sa Gilgal kasama si Kimham at ang buong hukbo ng Juda at kalahati ng hukbo ng Israel.
41 Nagpunta ang buong hukbo ng Israel sa hari at nagreklamo kung bakit ang mga kadugo nilang taga-Juda ang nanguna sa pagpapatawid sa kanya at sa sambahayan niya, at sa lahat ng tauhan niya. 42 Sumagot ang mga taga-Juda sa mga sundalo ng Israel, “Ginawa namin ito dahil ang hari ay malapit naming kamag-anak. Bakit kayo nagagalit? Nakatanggap ba kami ng pagkain o anumang regalo galing sa kanya? Hindi!” 43 Sumagot ang mga taga-Israel, “Sampu kaming lahi ng Israel kaya sampung beses ang karapatan namin sa hari kaysa sa inyo. Bakit ang baba ng tingin nʼyo sa amin? Hindi baʼt kami ang unang nagsabi na pabalikin natin ang ating hari?” Pero ayaw magpaawat ng mga taga-Juda, at masasakit na salita ang isinasagot nila sa mga taga-Israel.
Nagrebelde si Sheba kay David
20 Ngayon, may isang tao mula sa lahi ni Benjamin na laging naghahanap ng gulo. Siya ay si Sheba na anak ni Bicri. Pinatunog niya ang trumpeta at pagkatapos ay sumigaw, “Mga taga-Israel, wala tayong pakialam kay David na anak ni Jesse! Umuwi na tayong lahat!” 2 Kaya iniwan ng mga taga-Israel si David at sumunod kay Sheba na anak ni Bicri. Pero nagpaiwan ang mga taga-Juda sa hari nila at sinamahan siya mula Ilog ng Jordan papuntang Jerusalem.
3 Nang makabalik na si David sa palasyo niya sa Jerusalem, iniutos niyang dalhin sa isang bahay ang sampung asawa niyang iniwan para asikasuhin at bantayan ang palasyo. Ibinigay niya lahat ng pangangailangan nila pero hindi na niya sinipingan ang mga ito. Doon sila nanirahan na parang mga biyuda hanggang sa mamatay.
4 Pagkatapos, sinabi ng hari kay Amasa, “Tipunin mo ang mga sundalo ng Juda at pumunta kayo sa akin sa ikatlong araw mula ngayon.” 5 Kaya lumakad si Amasa at tinipon ang mga sundalo ng Juda, pero hindi siya nakabalik sa itinakdang araw ng hari. 6 Kaya sinabi ng hari kay Abishai, “Mas malaking pinsala ang gagawin sa atin ni Sheba kaysa sa ginawa ni Absalom. Kaya ngayon, isama mo ang mga tauhan ko at habulin nʼyo siya bago pa niya maagaw ang mga napapaderang lungsod at makalayo siya sa atin.”
7 Kaya umalis si Abishai sa Jerusalem para habulin si Sheba na anak ni Bicri. Isinama niya si Joab at ang mga tauhan nito, ang mga personal na tagapagbantay ni David na mga Kereteo at Peleteo, at ang lahat ng magigiting na sundalo. 8 Nang naroon na sila sa malaking bato sa Gibeon, nakasalubong nila si Amasa. Nakabihis pandigma si Joab at nakasuksok ang espada sa sinturon niya. Habang lumalapit siya kay Amasa, lihim niyang hinugot ang espada niya.[b] 9 Sinabi niya kay Amasa, “Kumusta ka, kaibigan?” Pagkatapos, hinawakan niya ng kanan niyang kamay ang balbas ni Amasa para halikan siya. 10 Pero hindi napansin ni Amasa ang espada sa kaliwang kamay ni Joab. Sinaksak siya ni Joab sa tiyan at lumuwa ang bituka niya sa lupa. Namatay siya agad kaya hindi na siya muling sinaksak ni Joab. Nagpatuloy sa paghabol kay Sheba ang magkapatid na Joab at Abishai. 11 Tumayo sa tabi ni Amasa ang isa sa mga tauhan ni Joab at sinabi sa mga tauhan ni Amasa, “Kung pumapanig kayo kina Joab at David, sumunod kayo kay Joab!” 12 Nakahandusay sa gitna ng daan ang bangkay ni Amasa na naliligo sa sarili niyang dugo. Sinumang dumadaan doon ay napapahinto at tinitingnan ang bangkay. Nang mapansin ito ng mga tauhan ni Joab, kinaladkad nila ang bangkay ni Amasa mula sa daan papunta sa bukid, at tinakpan ito ng tela. 13 Nang makuha na ang bangkay ni Amasa sa daan, nagpatuloy ang lahat sa pagsunod kay Joab sa paghabol kay Sheba.
Nagpakita si Jesus sa Kanyang Pitong Tagasunod
21 Pagkalipas ng ilang araw, muling nagpakita si Jesus sa mga tagasunod niya sa may lawa ng Tiberias. Ganito ang nangyari: 2 Magkakasama noon sina Simon Pedro, Tomas na tinatawag na Kambal, Natanael na taga-Cana na bayan sa Galilea, mga anak ni Zebedee, at dalawa pang mga tagasunod. 3 Sinabi ni Simon Pedro sa kanila, “Mangingisda ako.” Sumagot sila, “Sasama kami.” Kaya sumakay sila sa bangka at pumalaot. Pero wala silang nahuli nang gabing iyon. 4 Nang madaling-araw na, may nakita silang nakatayo sa dalampasigan. Pero hindi nila nakilala na si Jesus iyon. 5 Tinawag sila ni Jesus, “Mga kaibigan,[a] may huli ba kayo?” Sumagot sila, “Wala po.” 6 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Ihulog nʼyo ang lambat sa gawing kanan ng bangka at makakahuli kayo.” Iyon nga ang ginawa nila. Halos hindi na nila mahila ang lambat sa dami ng nahuli nilang isda. 7 Sinabi kay Pedro ng tagasunod na minamahal ni Jesus, “Ang Panginoon iyon!” Nang marinig ito ni Pedro, isinuot niya ang damit na hinubad niya, tumalon sa tubig, at lumangoy papunta sa dalampasigan. 8 Ang ibang mga tagasunod na nasa bangka ay bumalik din sa dalampasigan na hila-hila ang lambat na puno ng isda, dahil mga 90 metro lang ang layo nila sa pampang. 9 Pagdating nila sa dalampasigan, nakita nila roon ang nagbabagang uling na may nakasalang na isda, at ilang tinapay. 10 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Magdala kayo rito ng ilang isda na nahuli ninyo.” 11 Kaya sumampa sa bangka si Pedro at hinila papunta sa pampang ang lambat na puno ng malalaking isda na 153 lahat-lahat. Pero kahit ganoon karami ang isda, hindi nasira ang lambat. 12 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Mag-almusal na kayo.” Wala ni isa sa mga tagasunod ni Jesus ang nangahas magtanong kung sino siya dahil alam nila na siya ang Panginoon. 13 Kumuha si Jesus ng tinapay at ibinigay sa kanila. Ganoon din ang ginawa niya sa isda. 14 Ito na ang ikatlong pagpapakita ni Jesus sa mga tagasunod niya pagkatapos niyang mabuhay muli.
Si Jesus at si Pedro
15 Pagkatapos nilang mag-almusal, sinabi ni Jesus kay Simon Pedro, “Simon na anak ni Juan, mahal mo ba ako ng higit sa pagmamahal nila?” Sumagot si Pedro, “Opo, Panginoon, alam nʼyo po na mahal ko kayo.” Sinabi ni Jesus, “Alagaan mo ang aking mga tupa.” 16 Muling sinabi ni Jesus, “Simon na anak ni Juan, mahal mo ba ako?” Sumagot si Pedro, “Opo, Panginoon, alam nʼyo po na mahal ko kayo.” Sinabi ni Jesus, “Alagaan mo ang aking mga tupa.” 17 Sa ikatlong ulit ay sinabi ni Jesus, “Simon na anak ni Juan, mahal mo ba talaga ako?” Nasaktan si Pedro dahil tatlong beses na siyang tinanong kung mahal niya si Jesus. Kaya sumagot siya, “Panginoon, alam nʼyo po ang lahat ng bagay. Alam nʼyo rin po na mahal ko kayo.” Sinabi sa kanya ni Jesus, “Alagaan mo ang aking mga tupa. 18 Sinasabi ko sa iyo ang totoo, noong bata ka pa, ikaw mismo ang nagbibihis sa sarili mo, at pumupunta ka kung saan mo gusto. Pero pagtanda mo, iuunat mo ang mga kamay mo at iba na ang magbibihis sa iyo, at dadalhin ka sa lugar na hindi mo gusto.” 19 (Sinabi ito ni Jesus para ipahiwatig kung anong klaseng kamatayan ang daranasin ni Pedro upang maparangalan ang Panginoon.) Pagkatapos, sinabi ni Jesus kay Pedro, “Sumunod ka sa akin.”
Ang Tagasunod na Minamahal ni Jesus
20 Nang lumingon si Pedro, nakita niyang sumusunod sa kanila ang tagasunod na minamahal ni Jesus. (Siya ang tagasunod na nakasandal kay Jesus nang naghahapunan sila, at siya ang nagtanong kay Jesus kung sino ang magtatraydor sa kanya.) 21 Nang makita siya ni Pedro, nagtanong siya, “Panginoon, paano naman po siya?” 22 Sumagot si Jesus, “Kung gusto ko siyang mabuhay hanggang sa pagbalik ko, ano naman sa iyo? Sumunod ka lang sa akin.” 23 Dahil dito, kumalat ang balita na ang tagasunod na ito ay hindi mamamatay. Pero hindi sinabi ni Jesus na hindi siya mamamatay. Ang sinabi lang niya, “Kung gusto ko siyang mabuhay hanggang sa pagbalik ko, ano naman sa iyo?” 24 Ako ang tagasunod na nagpapatotoo sa mga bagay na ito, at siya ring sumulat nito. Alam ng iba na totoo ang sinasabi ko. 25 Marami pang mga bagay ang ginawa ni Jesus. Kung isusulat ang lahat ng ito, palagay koʼy hindi magkakasya sa buong mundo ang lahat ng aklat na maisusulat.
Dalangin para Tulungan ng Dios
120 Sa aking paghihirap akoʼy tumawag sa Panginoon,
at akoʼy kanyang sinagot.
2 Panginoon, iligtas nʼyo ako sa mga mandaraya at sinungaling.
3 Kayong mga sinungaling, ano kaya ang ipaparusa ng Dios sa inyo?
4 Parurusahan niya kayo sa pamamagitan ng matatalim na pana ng mga kawal at nagliliyab na baga.
5 Nakakaawa ako dahil naninirahan akong kasama ng mga taong kasinsama ng mga taga-Meshec at mga taga-Kedar.
6 Matagal na rin akong naninirahang kasama ng mga walang hilig sa kapayapaan.
7 Ang nais koʼy kapayapaan, ngunit kapag akoʼy nagsalita tungkol sa kapayapaan, ang gusto nilaʼy digmaan.
16 Higit na mabuti ang magkaroon ng karunungan at pang-unawa, kaysa sa magkaroon ng pilak at ginto.
17 Ang namumuhay nang matuwid ay lumalayo sa kasamaan, at ang nag-iingat ng kanyang sarili ay nalalayo sa kapahamakan.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®