The Daily Audio Bible
Today's audio is from the NIV. Switch to the NIV to read along with the audio.
Naglaban ang Israel at ang Moab
3 Naging hari ng Israel ang anak ni Ahab na si Joram nang ika-18 taon ng paghahari ni Jehoshafat sa Juda. Sa Samaria tumira si Joram, at naghari siya sa loob ng 12 taon. 2 Masama ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon, pero hindi kasinsama ng ginawa ng kanyang ama at ina. Ipinagiba niya ang alaalang bato na ipinatayo ng kanyang ama sa pagpaparangal kay Baal. 3 Pero ginawa rin niya ang mga kasalanang ginawa ni Jeroboam na anak ni Nebat at ito ang naging dahilan ng pagkakasala ng mga taga-Israel. Hindi niya tinalikuran ang mga kasalanang ito.
4 Si Haring Mesha ng Moab ay nag-aalaga ng mga tupa. Taun-taon ay nagbibigay siya sa hari ng Israel ng 100,000 batang tupa at balahibo ng 100,000 lalaking tupa dahil sakop ng Israel ang bansa nila. 5 Pero pagkamatay ni Ahab, nagrebelde siya sa hari ng Israel. 6 Nang panahong iyon, tinipon ni Joram ang buong Israel at umalis sila sa Samaria para lusubin ang Moab. 7 Nagpadala siya ng ganitong mensahe kay Haring Jehoshafat ng Juda: “Nagrebelde sa akin ang hari ng Moab. Sasama ka ba sa akin para makipaglaban sa kanila?” Sumagot si Jehoshafat, “Oo, sasama ako sa iyo. Handa akong sumama sa iyo at handa akong ipagamit sa iyo ang mga sundaloʼt mga kabayo ko.” 8 Nagtanong si Jehoshafat, “Saan tayo dadaan kung lulusob tayo?” Sumagot si Joram, “Sa ilang ng Edom.”
9 Kaya lumakad ang hari ng Israel, ang hari ng Juda at ang hari ng Edom. Pagkatapos ng pitong araw nilang paglalakad, naubusan ng tubig ang mga sundalo at ang mga hayop nila. 10 Sinabi ng hari ng Israel, “Ano ang gagawin natin? Ipinatawag ba tayong tatlo ng Panginoon para ibigay lang sa kamay ng hari ng Moab?” 11 Kaya nagtanong si Jehoshafat, “Wala bang propeta ng Panginoon dito para makapagtanong tayo sa Panginoon sa pamamagitan niya?” Sumagot ang isang opisyal ng hari ng Israel, “Si Eliseo na anak ni Shafat ay nandito. Dati siyang lingkod ni Elias.” 12 Sinabi ni Jehoshafat, “Ang salita ng Panginoon ay sumasakanya.” Kaya pumunta si Jehoshafat ang hari ng Israel, at ang hari ng Edom kay Eliseo.
13 Sinabi ni Eliseo sa hari ng Israel, “Ano ang pakialam natin sa isaʼt isa? Pumunta kayo sa mga propeta ng inyong ama at ina!” Sinabi ng hari ng Israel, “Hindi! Dahil ang Panginoon ang nagdala sa aming tatlo upang ibigay lang sa kamay ng mga Moabita.” 14 Sinabi ni Eliseo, “Nagsasabi ako ng katotohanan sa presensya ng buhay at Makapangyarihang Panginoon, na aking pinaglilingkuran, na hindi kita papansinin kung hindi lang dahil sa paggalang ko kay Haring Jehoshafat ng Juda. 15 Ngayon, dalhan nʼyo ako ng taong marunong tumugtog ng alpa.”
Habang pinapatugtog ang alpa, napuspos ng kapangyarihan ng Panginoon si Eliseo, 16 at sinabi niya, “Sinabi ng Panginoon na magkakaroon ng maraming tubig sa lambak na ito. 17 Kahit na walang ulan o hangin, mapupuno pa rin ng tubig ang lambak na ito, at makakainom kayo at ang inyong mga baka at ang iba pa ninyong mga hayop. 18 Madali lang ang bagay na ito para sa Panginoon. Ibibigay din niya ang Moab sa inyong mga kamay. 19 Pupuksain ninyo ang bawat napapaderang lungsod at pangunahing bayan nila. Puputulin ninyo ang magaganda nilang puno, tatakpan ang kanilang mga bukal at sisirain ang sagana nilang bukirin sa pamamagitan ng mga bato.” 20 Kinaumagahan, sa oras ng paghahandog, umagos ang tubig mula sa Edom at napuno ng tubig ang lupa.
21 Pagkatapos, nabalitaan ng lahat ng Moabita na lulusubin sila ng mga hari. Kaya tinipon nila ang lahat ng kalalakihan, bata man o matanda, na may kakayahan sa pakikipaglaban at pinapwesto sila sa hangganan ng Moab. 22 Nang maagang bumangon ang mga Moabita, nakita nilang kasing pula ng dugo ang tubig nang masikatan ito ng araw. 23 Sinabi nila, “Dugo iyan! Siguradong naglaban-laban ang tatlong hari at nagpatayan. Kaya samsamin natin ang mga ari-arian nila!”
24 Pero pagdating ng mga Moabita sa kampo ng Israel, lumabas ang mga Israelita at nilusob sila hanggang sa silaʼy magsitakas. Sinalakay nila ang lupain ng mga Moabita at pinagpapatay sila. 25 Winasak nila ang mga bayan, hinagisan ng mga bato ang bawat magagandang bukirin hanggang sa itoʼy matabunan. Pinagtatakpan nila ang mga bukal at pinagpuputol ang magagandang puno. Ang Kir Hareset na lang ang natira, pero pinalibutan din sila ng mga lalaking may dalang tirador at nilusob.
26 Nang makita ng hari ng Moab na natatalo na sila sa labanan, dinala niya ang 700 tao na may mga espada para hawiin ang mga sundalo ng hari ng Edom at makatakas, pero nabigo sila. 27 Kaya kinuha niya ang panganay niyang anak na papalit sana sa kanya bilang hari, at inialay niya ito sa may pader bilang handog na sinusunog. Dahil sa sobrang galit[a] laban sa Israel, pinabayaan na lang nila ang hari ng Moab at umuwi sila sa lupain nila.
Dumami ang Langis ng Biyuda
4 May isang biyuda na ang asawa ay kaanib noon sa grupo ng mga propeta. Isang araw, humingi siya ng tulong kay Eliseo. Sinabi niya, “Patay na po ang asawa ko na inyong lingkod at alam nʼyo kung gaano niya iginagalang ang Panginoon. Ngayon, ang tao po na pinagkakautangan niya ay dumating para kunin ang dalawa naming anak na lalaki upang gawing alipin bilang kabayaran sa utang.” 2 Sinabi sa kanya ni Eliseo, “Ano ang maitutulong ko sa iyo? Sabihin mo sa akin, ano ang mayroon sa bahay mo?” Sumagot ang babae, “Wala po, maliban lang sa kaunting langis sa lalagyan.” 3 Sinabi ni Eliseo, “Puntahan mo ang lahat ng kapitbahay mo at manghiram ka ng maraming sisidlan. 4 Pumasok kayo ng mga anak mo sa bahay nʼyo at isara nʼyo ang pinto. Ibuhos nʼyo ang langis sa lahat ng sisidlan. Itabi mo ang bawat sisidlan na mapupuno mo.”
5 Kaya ginawa ng babae ang iniutos ni Eliseo sa kanya, at isinara nila ang pinto ng bahay nila. Pagkatapos, dinala sa kanya ng mga anak niya ang mga sisidlan, at nilagyan niya ito ng langis. 6 Nang mapuno na ang lahat ng sisidlan, sinabi niya sa isa sa kanyang mga anak, “Bigyan mo pa ako ng sisidlan.” Sumagot ang anak niya, “Wala na pong sisidlan.” At tumigil na ang pag-agos ng langis.
7 Pumunta ang babae kay Eliseo na lingkod ng Dios at sinabi niya ang nangyari sa kanya. Sinabi ni Eliseo sa kanya, “Umalis ka at ipagbili ang langis, at bayaran mo ang utang mo. May matitira ka pang sapat na pera para mabuhay kayo ng mga anak mo.”
Si Eliseo at ang Babaeng Taga-Shunem
8 Isang araw, pumunta si Eliseo sa Shunem. May mayamang babae roon na nag-imbita kay Eliseo na kumain. Simula noon, kapag dumaraan si Eliseo sa Shunem, dumadaan siya sa bahay ng babae at kumakain.
9 Ngayon, nagsabi ang babae sa asawa niya, “Nalalaman ko na isang banal na lingkod ng Dios ang taong ito na palaging dumadaan dito sa atin. 10 Igawa natin siya ng maliit na kwarto sa may bubungan, at lagyan natin ito ng higaan, mesa, upuan at ilawan, para kapag pupunta siya rito sa atin ay may matuluyan siya.”
11 Isang araw, nang pumunta si Eliseo sa Shunem, umakyat siya sa kwarto at nagpahinga. 12 Inutusan niya ang katulong niyang si Gehazi na tawagin ang babae. Kaya tinawag ni Gehazi ang babae. Pagdating ng babae, 13 sinabi ni Eliseo sa katulong niya, “Dahil sa mabuting pag-aaruga niya sa atin, tanungin mo siya kung ano ang magagawa natin para sa kanya. Gusto ba niyang kausapin ko ang hari o ang kumander ng mga sundalo para sa kanya?” Sumagot ang babae, “Hindi na po kailangan, mabuti naman po ang kalagayan ko kasama ng aking mga kababayan.” 14 Nagtanong si Eliseo kay Gehazi, “Ano kaya ang magagawa natin para sa kanya?” Sumagot si Gehazi, “Wala po siyang anak na lalaki at matanda na ang asawa niya.” 15 Sinabi ni Eliseo, “Tawagin mo siya ulit.” Kaya tinawag siya ni Gehazi at tumayo ang babae sa pintuan. 16 Sinabi ni Eliseo sa kanya, “Sa susunod na taon, sa ganito ring panahon, may kinakalong ka nang anak na lalaki.” Sumagot ang babae, “Huwag naman po sana ninyo akong paasahin. Lingkod po kayo ng Dios.”
17 At nagbuntis nga ang babae at nanganak ng lalaki sa ganoon ding panahon nang sumunod na taon, ayon sa sinabi ni Eliseo.
Sina Pablo at Bernabe sa Lystra
8 May isang lalaki sa Lystra na lumpo mula nang ipinanganak. 9 Nakinig siya sa mga mensahe ni Pablo. Tinitigan ni Pablo ang lumpo at nakita niyang may pananampalataya ito na gagaling siya. 10 Kaya malakas niyang sinabi, “Tumayo ka!” Biglang tumayo ang lalaki at naglakad-lakad. 11 Nang makita ng mga tao ang ginawa ni Pablo, sumigaw sila sa wikang Lycaonia, “Bumaba ang mga dios dito sa atin sa anyo ng tao!” 12 Tinawag nilang Zeus si Bernabe, at Hermes naman si Pablo dahil siya ang mismong tagapagsalita. 13 Ang templo ng kanilang dios na si Zeus ay malapit lang sa labas ng lungsod. Kaya nagdala ang pari ni Zeus ng mga torong may kwintas na bulaklak doon sa pintuan ng lungsod. Gusto niya at ng mga tao na ihandog ito sa mga apostol. 14 Nang malaman iyon nina Bernabe at Pablo, pinunit nila ang kanilang damit[a] at tumakbo sila sa gitna ng mga tao at sumigaw, 15 “Mga kaibigan, bakit maghahandog kayo sa amin? Kami ay mga tao lang na katulad ninyo. Ipinangangaral namin sa inyo ang Magandang Balita para talikuran na ninyo ang mga walang kwentang dios na iyan at lumapit sa Dios na buhay. Siya ang lumikha ng langit, ng lupa, ng dagat, at ng lahat ng bagay na narito. 16 Noon, hinayaan na lang ng Dios ang mga tao na sumunod sa gusto nila. 17 Ngunit hindi nagkulang ang Dios sa pagpapakilala ng kanyang sarili sa mga tao sa pamamagitan ng kanyang mabubuting gawa. Binibigyan niya kayo ng ulan at mga ani sa takdang panahon. Masaganang pagkain ang ibinibigay niya sa inyo para matuwa kayo.” 18 Pero kahit ganito ang sinasabi ng mga apostol, nahirapan pa rin silang pigilan ang mga tao na maghandog sa kanila.
19 May mga Judiong dumating mula sa Antioc na sakop ng Pisidia at sa Iconium. Kinumbinsi nila ang mga tao na kumampi sa kanila. Pagkatapos, pinagbabato nila si Pablo at kinaladkad palabas ng lungsod sa pag-aakalang siyaʼy patay na. 20 Pero nang paligiran siya ng mga tagasunod ni Jesus, bumangon siya at bumalik sa lungsod. Kinabukasan, pumunta silang dalawa ni Bernabe sa Derbe.
Bumalik sina Pablo at Bernabe sa Antioc na Sakop ng Syria
21 Ipinangaral nina Pablo at Bernabe ang Magandang Balita sa Derbe at marami silang nahikayat na sumunod kay Jesu-Cristo. Pagkatapos, bumalik na naman sila sa Lystra, Iconium, at sa Antioc na sakop ng Pisidia. 22 Pinatatag nila ang mga tagasunod ni Jesus at pinayuhang magpatuloy sa kanilang pananampalataya. Sinabi pa nila, “Maraming kahirapan ang dapat nating danasin para mapabilang sa paghahari ng Dios.” 23 Pumili sina Pablo at Bernabe ng mga mamumuno sa bawat iglesya. Nag-ayuno sila at nanalangin para sa mga napili, at ipinagkatiwala nila ang mga ito sa Panginoon na kanilang pinananaligan.
24 Pagkatapos, dumaan sila sa Pisidia at dumating sa Pamfilia. 25 Nangaral sila roon sa Perga at pagkatapos ay bumaba sila sa Atalia. 26 Mula roon, bumiyahe sila pabalik sa Antioc na sakop ng Syria. Ito ang lugar na kanilang pinanggalingan, at dito rin sila ipinanalangin ng mga mananampalataya na pagpalain ng Dios ang kanilang gawain na ngayon ay natapos na nila.
27 Nang dumating sina Pablo at Bernabe sa Antioc, tinipon nila ang mga mananampalataya[b] at ikinuwento sa kanila ang lahat ng ginawa ng Dios sa pamamagitan nila, at kung paanong binigyan ng Dios ang mga hindi Judio ng pagkakataong sumampalataya. 28 At nanatili sila nang matagal sa Antioc kasama ang mga tagasunod ni Jesus doon.
Panalangin para Ingatan ng Dios
140 Panginoon, iligtas nʼyo ako sa mga taong masama at malupit.
2 Nagpaplano sila ng masama at palaging pinag-aaway ang mga tao.
3 Ang kanilang mga dila ay parang mga makamandag na ahas;
at ang kanilang mga salita ay makakalason na parang kamandag ng ahas.
4 Panginoon, ingatan nʼyo ako sa masasama at malulupit na mga taong nagpaplanong akoʼy ipahamak.
5 Ang mga hambog ay naglagay ng mga bitag para sa akin;
naglagay sila ng lambat sa aking dinadaanan upang ako ay hulihin.
6 Panginoon, kayo ang aking Dios.
Dinggin nʼyo Panginoon ang pagsamo ko sa inyo.
7 Panginoong Dios, kayo ang aking makapangyarihang Tagapagligtas;
iniingatan nʼyo ako sa panahon ng digmaan.
8 Panginoon, huwag nʼyong ipagkaloob sa masama ang kanilang mga hinahangad.
Huwag nʼyong payagang silaʼy magtagumpay sa kanilang mga plano,
baka silaʼy magmalaki.
9 Sana ang masasamang plano ng aking mga kaaway na nakapaligid sa akin ay mangyari sa kanila.
10 Bagsakan sana sila ng mga nagniningas na baga,
at ihulog sana sila sa hukay nang hindi na sila makabangon pa.
11 Madali sanang mawala sa lupa ang mga taong nagpaparatang ng mali laban sa kanilang kapwa.
Dumating sana ang salot sa mga taong malupit upang lipulin sila.
12 Panginoon, alam kong iniingatan nʼyo ang karapatan ng mga dukha,
at binibigyan nʼyo ng katarungan ang mga nangangailangan.
13 Tiyak na pupurihin kayo ng mga matuwid at sa piling nʼyo silaʼy mananahan.
22 Ang pagiging masayahin ay parang gamot na nakabubuti sa katawan, ngunit ang pagiging malungkutin ay nagpapahina ng katawan.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®