Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NLT. Switch to the NLT to read along with the audio.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
2 Samuel 15:23-16

23 Humagulgol ang mga tao sa Jerusalem habang dumadaan ang mga tauhan ni David. Tumawid si David sa Lambak ng Kidron kasama ang kanyang mga tauhan patungo sa disyerto.

24 Nandoon ang mga paring sina Zadok at Abiatar, at ang mga Levita na buhat ang Kahon ng Kasunduan ng Dios. Inilagay nila ang Kahon ng Kasunduan sa tabi ng daan at naghandog si Abiatar hanggang sa makaalis ang lahat ng tauhan ni David sa lungsod. 25 Pagkatapos, sinabi ni David kay Zadok, “Ibalik ang Kahon ng Dios sa Jerusalem. Kung nalulugod sa akin ang Panginoon, pababalikin niya ako sa Jerusalem at makikita ko itong muli at ang lugar na kinalalagyan nito. 26 Pero kung hindi, handa ako kung anuman ang gusto niyang gawin sa akin.”

27 Sinabi pa ni David kay Zadok, “Matiwasay kayong bumalik ni Abiatar sa Jerusalem kasama ang anak mong si Ahimaaz at ang anak ni Abiatar na si Jonatan, at magmanman kayo roon. 28 Maghihintay ako sa tawiran ng ilog sa disyerto hanggang sa makatanggap ako ng balita galing sa inyo.” 29 Kaya ibinalik nina Zadok at Abiatar ang Kahon ng Dios sa Jerusalem, at nanatili sila roon.

30 Umiiyak na umakyat si David sa Bundok ng Olibo. Nakapaa lang siya at tinakpan niya ang ulo niya bilang pagdadalamhati. Nakatakip din ng ulo ang mga kasama niya at umiiyak habang umaakyat. 31 May nagsabi kay David na si Ahitofel ay sumama na kay Absalom. Kaya nanalangin si David, “Panginoon, gawin po ninyong walang kabuluhan ang mga payo ni Ahitofel.”

32 Nang makarating sina David sa ibabaw ng Bundok ng Olibo, kung saan sinasamba ang Dios, sinalubong siya ni Hushai na Arkeo. Punit ang damit niya at may alikabok ang kanyang ulo bilang pagdadalamhati. 33 Sinabi ni David sa kanya, “Wala kang maitutulong kung sasama ka sa akin. 34 Pero kung babalik ka sa lungsod at sasabihin mo kay Absalom na pagsisilbihan mo siya gaya ng pagsisilbing ginawa mo sa akin, matutulungan mo pa ako sa pamamagitan ng pagsalungat sa bawat payong ibibigay ni Ahitofel. 35 Naroon din sina Zadok at Abiatar na mga pari. Sabihin mo sa kanila ang lahat ng maririnig mo sa palasyo ng hari. 36 Pagkatapos, papuntahin mo sa akin ang mga anak nilang sina Ahimaaz at Jonatan para ibalita sa akin ang mga narinig nila.” 37 Kaya bumalik sa Jerusalem si Hushai na kaibigan ni David. Nagkataon naman na papasok noon ng lungsod si Absalom.

Si David at si Ziba

16 Kalalampas pa lang nang kaunti ni David sa ibabaw ng bundok nang salubungin siya ni Ziba na katiwala ni Mefiboset. May dalawa itong asno na may kargang 200 tinapay, 100 kumpol ng ubas, 100 piraso ng hinog na prutas,[a] at katas ng ubas na nakalagay sa balat na sisidlan. Tinanong ni David si Ziba, “Bakit nagdala ka ng mga iyan?” Sumagot si Ziba, “Ang mga asno po ay para sakyan ng sambahayan nʼyo, ang mga tinapay naman at prutas ay para kainin nʼyo at ng mga kasama ninyo, at ang katas ng ubas ay para naman inumin nʼyo kapag napagod kayo sa disyerto.” Nagtanong si David, “Nasaan na si Mefiboset, ang apo ng amo mong si Saul?” Sumagot si Ziba, “Nagpaiwan po siya sa Jerusalem, dahil iniisip niyang gagawin siyang hari ngayon ng mga Israelita sa kaharian ng lolo niyang si Saul.” Sinabi ni David, “Kung ganoon, ibinibigay ko na sa iyo ngayon ang lahat ng ari-arian ni Mefiboset.” Sinabi ni Ziba, “Mahal na Hari, handa po akong sumunod sa inyo. Malugod sana kayo sa akin.”

Sinumpa ni Shimei si David

Nang papalapit na si Haring David sa Bahurim, may taong lumabas sa bayang iyon at isinumpa si David. Ang taong ito ay si Shimei na anak ni Gera at kamag-anak ni Saul. Binato niya si David at ang mga opisyal nito kahit na napapaligiran si David ng mga tauhan at mga personal niyang tagapagbantay. Ito ang sinabi niya kay David: “Huwag kang papasok sa bayan namin, mamamatay-tao at masamang tao ka! Ginagantihan ka ng Panginoon sa pagpatay mo kay Saul at sa sambahayan niya. Kinuha mo ang kanyang trono, pero ngayon, ibinigay ito ng Panginoon sa anak mong si Absalom. Bumagsak ka dahil mamamatay-tao ka!”

Sinabi ni Abishai na anak ni Zeruya sa hari, “Mahal na Hari, bakit nʼyo po pinapabayaang sumpain kayo ng taong iyan na tulad lang ng patay na aso? Payagan nʼyo po akong pugutan siya ng ulo.” 10 Pero sinabi ng hari, “Kayong mga anak ni Zeruya, wala kayong pakialam dito! Kung inutusan siya ng Panginoong sumpain ako, sino ako para pigilan siya?” 11 Sinabi ni David kay Abishai at sa lahat ng opisyal niya, “Kung ang anak ko nga ay binabalak akong patayin, paano pa kaya itong kamag-anak ni Saul?[b] Inutusan siya ng Panginoon kaya hayaan nʼyo na lang siya. 12 Baka makita ng Panginoon ang paghihirap ko, at gantihan niya ng kabutihan ang kasamaang nararanasan ko ngayon.” 13 Kaya nagpatuloy sa paglakad sina David at ang mga tauhan niya. Sinusundan din sila ni Shimei, pero sa gilid ng burol lang siya dumadaan. Habang naglalakad siya, isinusumpa niya si David at hinahagisan ng bato at lupa. 14 Napagod sina David at ang mga tauhan niya kaya nagpahinga sila pagdating nila sa Ilog ng Jordan.[c]

Nakipagkita si Hushai kay Absalom

15 Samantala, dumating sa Jerusalem sina Absalom, Ahitofel at ang iba pang mga Israelita. 16 Dumating din doon si Hushai na Arkeo, na kaibigan ni David. Pumunta siya kay Absalom at sinabi, “Mabuhay ang hari! Mabuhay ang hari!” 17 Tinanong ni Absalom si Hushai, “Nasaan na ang katapatan mo sa kaibigan mo na si David? Bakit hindi ka sumama sa kanya?” 18 Sumagot si Hushai, “Hindi! Sa inyo po ako sasama dahil kayo ang pinili ng Panginoon at ng buong mamamayan ng Israel na maging hari. 19 Bukod pa riyan, sino pa ba ang pagsisilbihan ko, kundi kayo na anak ni David. Naglingkod ako noon sa ama nʼyo, ngayon, kayo naman ang paglilingkuran ko.”

Ang Payo ni Ahitofel kay Absalom

20 Sinabi ni Absalom kay Ahitofel, “Ngayon, ano ang maipapayo mong gawin natin?” 21 Sumagot si Ahitofel, “Sipingan nʼyo ang mga asawang alipin ng inyong ama na kanyang iniwan para asikasuhin ang palasyo. At malalaman ng buong Israel na ginalit nʼyo nang labis ang inyong ama at lalakas pa lalo ang suporta ng mga tauhan nʼyo sa inyo.” 22 Kaya nagpatayo sila ng tolda sa bubungan ng palasyo para kay Absalom, at nakikita ng buong Israel na pumapasok siya roon para sumiping sa mga asawa ng kanyang ama.

23 Nang mga panahong iyon, sinusunod ni Absalom ang mga payo ni Ahitofel, gaya ng ginawa ni David. Dahil ipinapalagay nilang galing sa Dios ang bawat payong ibinibigay ni Ahitofel.

Juan 18:25-19:22

Muling Ipinagkaila ni Pedro na Kilala Niya si Jesus(A)

25 Samantala, nakatayo pa rin si Simon Pedro malapit sa siga at nagpapainit. Tinanong siya ng mga naroon, “Hindi baʼt isa ka sa mga tagasunod niya?” “Hindi!” Tanggi ni Pedro. 26 Tinanong din si Pedro ng isa sa mga alipin ng punong pari, na kamag-anak ng pinutulan niya ng tainga, “Hindi baʼt nakita kitang kasama niya roon sa may taniman ng mga olibo?” 27 Muli itong itinanggi ni Pedro, at noon din ay tumilaok ang manok.

Dinala si Jesus kay Pilato

28 Mula kay Caifas, dinala si Jesus sa palasyo ng gobernador. Umaga na noon. Hindi pumasok ang mga Judio sa palasyo dahil ayon sa kautusan nila, ang pumasok sa bahay ng isang hindi Judio ay hindi magiging karapat-dapat kumain ng hapunan sa Pista ng Paglampas ng Anghel. 29 Kaya sa labas sila kinausap ni Pilato at tinanong, “Ano ang paratang nʼyo laban sa taong ito?” 30 Sumagot sila, “Kung hindi po siya kriminal ay hindi namin siya dadalhin sa inyo.” 31 Sinabi ni Pilato sa kanila, “Dalhin nʼyo siya at kayo na ang humatol ayon sa inyong Kautusan.” Sumagot ang mga pinuno ng mga Judio, “Ngunit wala kaming kapangyarihang humatol ng kamatayan.” 32 (Nangyari ang mga ito upang matupad ang sinabi ni Jesus tungkol sa uri ng kamatayang dadanasin niya.) 33 Muling pumasok si Pilato sa palasyo at ipinatawag si Jesus, at tinanong, “Ikaw ba ang hari ng mga Judio?” 34 Sumagot si Jesus, “Sa iyo ba nanggaling ang tanong na iyan o may nagsabi lang sa iyo tungkol sa akin?” 35 Sumagot si Pilato, “Judio ba ako? Dinala ka rito sa akin ng mga kababayan mo at ng mga namamahalang pari. Ano ba ang ginawa mo?” 36 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Ang kaharian ko ay wala rito sa mundo. Kung nandito ang kaharian ko, makikipaglaban sana ang mga tagasunod ko upang hindi ako madakip ng mga Judio. Pero tulad nga ng sinabi ko, ang kaharian ko ay wala rito.” 37 Sinabi ni Pilato, “Kung ganoon, isa kang hari?” Sumagot si Jesus, “Tama ang sinabi mo na isa akong hari. At ang dahilan kung bakit ako ipinanganak at naparito sa mundo ay upang ipahayag ang katotohanan. At ang lahat ng gustong makaalam ng katotohanan ay nakikinig sa akin.” 38 Tinanong siya ni Pilato, “Ano ba ang katotohanan?”

Hinatulan si Jesus ng Kamatayan(B)

Nang masabi ito ni Pilato, lumabas siya at sinabi sa mga Judio, “Wala akong makitang kasalanan sa taong ito. 39 Pero ayon sa kaugalian ninyo, dapat akong magpalaya ng isang bilanggo tuwing Pista ng Paglampas ng Anghel. Kaya gusto ba ninyong palayain ko ang Hari ng mga Judio?” 40 Sumigaw ang mga tao, “Hindi siya. Si Barabas!” (Si Barabas ay isang tulisan.)

19 Kaya ipinakuha ni Pilato si Jesus at ipinahagupit. Gumawa ang mga sundalo ng koronang tinik at ipinutong kay Jesus, at sinuotan nila siya ng kulay ubeng kapa. At isa-isa silang lumapit sa kanya at nagsabi, “Mabuhay ang Hari ng mga Judio!” at pinagsasampal siya. Muling lumabas si Pilato at sinabi sa mga tao, “Makinig kayo! Ihaharap ko siyang muli sa inyo. Gusto kong malaman nʼyo na wala akong nakitang kasalanan sa kanya!” Nang lumabas si Jesus, suot ang koronang tinik at ang kulay ubeng kapa, sinabi ni Pilato, “Tingnan nʼyo siya!” Nang makita si Jesus ng mga namamahalang pari at ng mga guwardya, sumigaw sila, “Ipako siya sa krus! Ipako siya sa krus!” Pero sumagot si Pilato, “Kayo ang kumuha sa kanya at magpako sa krus, dahil kung sa akin lang ay wala akong makitang kasalanan sa kanya.” Pero nagpumilit ang mga Judio, “May Kautusan kami. At ayon dito, dapat siyang mamatay dahil sinasabi niyang Anak siya ng Dios.”

Nang marinig ito ni Pilato, lalo pa siyang natakot. Kaya muli niyang dinala si Jesus sa loob ng palasyo at tinanong, “Taga-saan ka ba?” Pero hindi sumagot si Jesus. 10 Kaya sinabi ni Pilato, “Bakit ayaw mo akong sagutin? Hindi mo ba alam na may kapangyarihan akong palayain ka o ipapako sa krus?” 11 Sumagot si Jesus, “Wala kang maaaring gawin sa akin kung hindi ka binigyan ng Dios ng kapangyarihan. Kaya mas malaki ang kasalanan ng taong nagdala sa akin dito sa iyo.” 12 Nang marinig ito ni Pilato, muli niyang sinikap na mapalaya si Jesus. Pero nagsigawan ang mga Judio, “Kapag pinalaya mo ang taong iyan, hindi ka kaibigan ng Emperador! Sapagkat ang sinumang nagsasabing hari siya ay kaaway ng Emperador.” 13 Nang marinig ito ni Pilato, inilabas niya si Jesus sa palasyo. Pagkatapos, umupo siya sa upuan ng tagahatol, sa lugar na kung tawagin ay “Batong Plataporma”, (na sa wikang Hebreo ay “Gabbata”).

14 Bandang tanghali na noon ng bisperas ng Pista ng Paglampas ng Anghel. Sinabi ni Pilato sa mga Judio, “Narito ang hari nʼyo!” 15 Pero nagsigawan ang mga Judio, “Patayin siya! Patayin siya! Ipako siya sa krus!” Sinabi ni Pilato sa kanila, “Ipapako ko ba sa krus ang hari nʼyo?” Sumagot ang mga namamahalang pari, “Wala kaming ibang hari kundi ang Emperador!” 16 Kaya ibinigay ni Pilato sa kanila si Jesus upang ipako sa krus.

Ipinako sa Krus si Jesus(C)

Dinala si Jesus ng mga sundalo 17 palabas ng lungsod. Ipinapasan nila kay Jesus ang kanyang krus papunta sa lugar na tinatawag na “Lugar ng Bungo” (na sa wikang Hebreo ay Golgota). 18 Doon nila ipinako sa krus si Jesus, kasama ng dalawa pa. Sa kanan ang isa at ang isa namaʼy sa kaliwa, at nasa gitna nila si Jesus. 19 Pinalagyan ni Pilato ng karatula ang krus ni Jesus, at ganito ang nakasulat: “Si Jesus na taga-Nazaret, ang Hari ng mga Judio.” 20 Nakasulat ito sa mga wikang Hebreo, Latin, at Griego. Maraming Judio ang nakabasa nito, dahil malapit lang sa lungsod ang lugar kung saan ipinako sa krus si Jesus. 21 Nagreklamo ang mga namamahalang pari kay Pilato, “Hindi dapat ‘Hari ng mga Judio’ ang isinulat nʼyo kundi, ‘Sinabi ng taong ito na siya raw ang hari ng mga Judio.’ ” 22 Pero sinagot sila ni Pilato, “Kung ano ang isinulat ko, iyon na.”

Salmo 119:113-128

113 Kinamumuhian ko ang mga taong hindi tapat sa inyo,
    ngunit iniibig ko ang inyong mga kautusan.
114 Kayo ang aking kanlungan at pananggalang;
    akoʼy umaasa sa inyong mga salita.
115 Lumayo kayo sa akin, kayong mga gumagawa ng masama,
    upang masunod ko ang mga utos ng aking Dios.
116 Panginoon, bigyan nʼyo ako ng kalakasan ayon sa inyong pangako
    upang ako ay patuloy na mabuhay;
    at huwag nʼyong hayaan na mabigo ako sa pag-asa ko sa inyo.
117 Tulungan nʼyo ako upang ako ay maligtas;
    at nang lagi kong maituon sa inyong mga tuntunin ang aking isipan.
118 Itinakwil nʼyo ang lahat ng lumayo sa inyong mga tuntunin.
    Sa totoo lang, ang kanilang panloloko ay walang kabuluhan.
119 Itinuturing nʼyo na parang basura ang lahat ng masasama rito sa mundo,
    kaya iniibig ko ang inyong mga turo.
120 Nanginginig ako sa takot sa inyo;
    sa hatol na inyong gagawin ay natatakot ako.

121 Ginawa ko ang matuwid at makatarungan,
    kaya huwag nʼyo akong pababayaan sa aking mga kaaway.
122 Ipangako nʼyong tutulungan nʼyo ako na inyong lingkod;
    huwag pabayaang apihin ako ng mga mayayabang.
123 Nagdidilim na ang aking paningin sa paghihintay sa inyong pangako na ililigtas ako.
124 Gawin nʼyo sa akin na inyong lingkod ang naaayon sa inyong pagmamahal,
    at ituro nʼyo sa akin ang inyong mga tuntunin.
125 Ako ay inyong lingkod, kaya bigyan nʼyo ako ng pang-unawa,
    upang maunawaan ko ang inyong mga katuruan.
126 Panginoon, ito na ang panahon upang kayo ay kumilos,
    dahil nilalabag ng mga tao ang inyong kautusan.
127 Pinahahalagahan ko ang inyong mga utos,
    nang higit pa kaysa sa ginto o pinakadalisay na ginto.
128 Sinusunod ko ang lahat nʼyong mga tuntunin,
    kaya kinamumuhian ko ang lahat ng masamang gawain.

Kawikaan 16:10-11

10 Ang haring pinapatnubayan ng Panginoon, palaging tama ang paghatol.
11 Ayaw ng Panginoon ang dayaan sa kalakalan.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®