Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NLT. Switch to the NLT to read along with the audio.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
2 Samuel 14:1-15:22

Bumalik si Absalom sa Jerusalem

14 Alam ni Joab, anak ni Zeruya, na nangungulila si Haring David kay Absalom. Kaya nagpatawag siya ng isang matalinong babae galing sa Tekoa. Pagdating ng babae, sinabi ni Joab sa kanya, “Magkunwari kang nagluluksa. Magsuot ka ng damit na panluksa at huwag kang magpahid ng mabangong langis. Umarte kang gaya ng isang nagluluksa ng mahabang panahon. Pagkatapos, pumunta ka sa hari at sabihin mo sa kanya ang sasabihin ko sa iyo.” At sinabi ni Joab sa kanya ang dapat niyang sabihin sa hari.

Pumunta ang babae sa hari at nagpatirapa siya bilang paggalang. Pagkatapos, sinabi ng babae, “Tulungan nʼyo po ako, Mahal na Hari!” Tinanong siya ng hari, “Ano ba ang problema mo?” Sumagot siya, “Isa po akong biyuda, at may dalawa akong anak na lalaki. Isang araw, nag-away po silang dalawa sa bukid, at dahil walang umawat sa kanila, napatay ang isa. Pinuntahan ako ng lahat ng kamag-anak ko at sinabi, ‘Ibigay mo sa amin ang anak mo, at papatayin namin siya dahil pinatay niya ang kapatid niya. Hindi siya nararapat magmana ng mga ari-arian ng kanyang ama.’ Kung gagawin nila ito, mawawala pa ang isa kong anak na siya na lang ang inaasahan kong tutulong sa akin, at mawawala na rin ang pangalan ng asawa ko rito sa mundo.”

Sinabi ng hari sa babae, “Umuwi ka na, ako na ang bahala. Mag-uutos akong huwag na nilang saktan ang anak mo.” Sinabi ng babae, “Mahal na Hari, kung kayo man po ay babatikusin dahil sa pagpanig nʼyo sa akin, ako po at ang aking pamilya ang mananagot at hindi kayo.” 10 Sumagot ang hari, “Kung may magbabanta sa iyo, dalhin mo siya sa akin at titiyakin kong hindi ka na niya muling gagambalain.” 11 Sinabi ng babae, “Mahal na Hari, sumumpa po kayo sa Panginoon na inyong Dios, na hindi nʼyo papayagang may maghiganti pa sa anak ko para hindi na lumala ang pangyayari, at para hindi mapatay ang anak ko.” Sumagot si Haring David, “Isinusumpa ko sa Panginoon na buhay, na hindi mapapahamak ang anak mo.”[a]

12 Sinabi ng babae, “Mahal na Hari, may isa pa po akong hihilingin sa inyo.” Sumagot ang hari, “Sige, sabihin mo.” 13 Sinabi ng babae, “Bakit hindi nʼyo po gawin sa mga mamamayan ng Dios ang ipinangako nʼyong gagawin para sa akin? Kayo na ang humatol sa inyong sarili sa ginawa nʼyong desisyon, dahil sa hindi nʼyo pagpapabalik sa itinaboy nʼyong anak. 14 Mamamatay tayong lahat; magiging gaya tayo ng tubig na natapon sa lupa at hindi na muling makukuha. Pero hindi lang po basta-basta kinukuha ng Dios ang buhay ng tao, sinisikap niyang mapanumbalik ang mga taong napalayo sa kanya.

15 “Mahal na Hari, pumunta po ako rito para sabihin ang problema ko dahil natatakot ako sa mga kamag-anak ko. Nagpasya akong makipag-usap sa inyo dahil baka magawan nʼyo ng paraan ang kahilingan ko, 16 na mailigtas nʼyo kami ng aking anak sa mga taong nagtatangkang kunin ang lupaing ibinigay sa amin ng Dios. 17 Ang desisyon nʼyo ang makapagbibigay sa akin ng kapayapaan dahil tulad kayo ng isang anghel ng Dios, na nakakaalam kung ano ang masama at mabuti. Lagi sana kayong samahan ng Panginoon na inyong Dios.” 18 Sinabi ng hari sa babae, “May itatanong ako sa iyo at gusto kong sagutin mo ako nang totoo.” Sumagot ang babae, “Sige po, Mahal na Hari.” 19 Nagtanong ang hari, “Si Joab ba ang nagturo nito sa iyo?” Sumagot ang babae, “Hindi ko po kayang magsinungaling sa inyo, Mahal na Hari. Si Joab nga po ang nag-utos sa aking gawin ito at siya rin ang nagturo sa akin kung ano ang mga dapat kong sabihin. 20 Ginawa po niya ito para magkaayos na po kayo ni Absalom. Pero matalino kayo, Mahal na Hari, gaya ng isang anghel ng Dios, nalalaman nʼyo ang lahat ng nangyayari sa bansa natin.”

21 Kaya ipinatawag ng hari si Joab at sinabi, “Sige, lumakad ka at dalhin mo pabalik dito ang binatang si Absalom.” 22 Nagpatirapa siya sa hari at sinabi, “Pagpalain sana kayo ng Panginoon, Mahal na Hari. Ngayon, nalalaman kong nalulugod kayo sa akin dahil tinupad nʼyo ang kahilingan ko.” 23 Pagkatapos, pumunta si Joab sa Geshur at dinala si Absalom pabalik sa Jerusalem. 24 Pero iniutos ng hari, “Doon siya pauwiin sa bahay niya. Ayaw ko siyang makita rito sa palasyo.” Kaya umuwi si Absalom sa sarili niyang bahay at hindi na siya nagpakita sa hari.

25 Wala nang hihigit pa sa kagwapuhan ni Absalom sa buong Israel kaya hinahangaan siya ng lahat. Wala siyang kapintasan mula ulo hanggang paa. 26 Isang beses lang siya magpagupit bawat taon kapag nabibigatan na siya sa buhok niya. Kung titimbangin ang buhok niya, aabot ito ng dalawang kilo, ayon sa timbangang ginagamit ng hari. 27 Si Absalom ay may tatlong anak na lalaki at isang napakagandang babaeng nagngangalang Tamar. 28 Nanirahan si Absalom sa Jerusalem sa loob ng dalawang taon na hindi nakikita ang hari.

29 Isang araw, ipinatawag ni Absalom si Joab para hilingin na makipag-usap ito sa hari para sa kanya. Pero hindi pumunta si Joab kay Absalom. Kaya muling ipinatawag siya ni Absalom, pero hindi na naman siya pumunta. 30 Sinabi ni Absalom sa mga lingkod niya, “Sunugin nʼyo ang bukid ni Joab na taniman ng sebada. Katabi lang ito ng bukid ko.” Kaya sinunog nila ang bukid ni Joab.

31 Pumunta si Joab kay Absalom at sinabi, “Bakit sinunog ng mga lingkod mo ang bukid ko?” 32 Sumagot si Absalom, “Dahil hindi ka pumunta rito noong ipinatawag kita. Gusto ko sanang pumunta ka sa hari at tanungin siya kung bakit ipinakuha pa niya ako sa Geshur. Mas mabuti pang nagpaiwan na lang ako roon. Gusto kong makita ang hari, kung nagkasala ako, patayin niya ako.”

33 Kaya pumunta si Joab sa hari, at ipinaabot dito ang mga sinabi ni Absalom. Pagkatapos, ipinatawag ng hari si Absalom, pagdating niya, yumukod ito sa hari bilang paggalang. At hinalikan siya ng hari.

Naghimagsik si Absalom Laban kay David

15 Pagkatapos, nagkaroon si Absalom ng karwahe at mga kabayo, at nakapagtipon siya ng 50 personal na tagapagbantay. Maaga siyang gumigising araw-araw at tumatayo sa gilid ng daan papunta sa pintuan ng lungsod. Kapag may dumarating na tao para idulog ang kaso niya sa hari, tinatanong siya ni Absalom kung taga-saan, at sinasabi ng tao kung saang lahi siya ng Israel nagmula. Pagkatapos, sinasabi sa kanya ni Absalom, “Malaki ang pag-asa mong manalo sa iyong kaso, kaya lang, walang kinatawan ang hari para duminig ng kaso mo. Kung ako sana ang hukom, makakalapit sa akin ang bawat tao na mayroong reklamo o kaso, at titiyakin kong mabibigyan siya ng hustisya.” At kung may lalapit na tao kay Absalom at yuyukod bilang paggalang, niyayakap niya ito at hinahalikan bilang pagbati. Ganito ang ginagawa ni Absalom sa lahat ng Israelitang pumupunta sa hari para idulog ang kaso nila. Kaya nakuha niya ang tiwala ng mga Israelita.

Pagkalipas ng apat na taon,[b] sinabi ni Absalom sa hari, “Payagan nʼyo po akong pumunta sa Hebron para tuparin ang ipinangako ko sa Panginoon. Noong naninirahan pa ako sa Geshur na sakop ng Aram, nangako ako sa Panginoon na kung pababalikin ulit ako ng Panginoon sa Jerusalem, sasamba ako sa kanya sa Hebron.” Sinabi ng hari sa kanya, “Sige, magkaroon ka sana ng matiwasay na paglalakbay.” Kaya pumunta si Absalom sa Hebron.

10 Pero nang dumating si Absalom sa Hebron, lihim siyang nagsugo ng mga mensahero sa buong Israel para sabihin, “Kapag narinig nʼyo ang tunog ng trumpeta, sumigaw kayo, ‘Si Absalom na ang hari ng Israel, at doon siya naghahari sa Hebron!’ ” 11 Isinama ni Absalom ang 200 tao para pumunta sa Hebron. Subalit ang mga taong itoʼy walang alam sa mga plano ni Absalom. 12 Habang naghahandog si Absalom, ipinatawag niya si Ahitofel sa bayan ng Gilo. Taga-Gilo si Ahitofel at isa sa mga tagapayo ni David. Habang tumatagal, lalong dumarami ang mga tagasunod ni Absalom, kaya lumakas nang lumakas ang plano niyang pagrerebelde laban kay David.

Tumakas si David

13 May isang mensaherong nagsabi kay David na ang mga Israelitaʼy nakipagsabwatan na kay Absalom. 14 Sinabi ni David sa lahat ng kasama niyang opisyal sa Jerusalem, “Dali, kailangan nating makatakas agad. Baka sumalakay si Absalom at maabutan niya tayo at pagpapatayin tayong lahat pati na ang mga nakatira sa Jerusalem. Dalian nʼyo, kung gusto ninyong makaligtas kay Absalom!” 15 Sinabi ng mga opisyal, “Mahal na Hari, handa po kaming gawin ang anumang sabihin nʼyo sa amin.” 16 Kaya lumakad si David kasama ang buong sambahayan niya, pero iniwan niya ang sampu niyang asawang alipin para asikasuhin ang palasyo.

17 Lumakad na si David at ang mga tauhan niya, at huminto sila sa tapat ng kahuli-hulihang bahay ng lungsod, 18 at pinauna ni David ang lahat ng tauhan niya, pati na ang lahat ng personal niyang tagapagbantay na mga Kereteo at Peleteo. Sumunod ang 600 tao na galing sa Gat at sumama kay David. 19 Sinabi ni David kay Itai na pinuno ng mga taga-Gat, “Bakit kayo sumasama sa amin? Bumalik kayo sa Jerusalem, sa bagong hari ninyo na si Absalom. Mga dayuhan lang kayo sa Israel na tumakas mula sa lugar ninyo. 20 Kadarating lang ninyo dito, tapos ngayon sasama kayo sa amin na hindi nga namin alam kung saan kami pupunta? Bumalik na kayo kasama ng mga kababayan nʼyo, at ipakita sana sa inyo ng Panginoon ang pagmamahal niya at katapatan.” 21 Pero sumagot si Itai sa hari, “Sumusumpa po ako sa Panginoon na buhay at sa inyo, Mahal na Hari, sasama po kami sa inyo kahit saan kayo pumunta, kahit na kamatayan pa ang kahihinatnan namin.” 22 Sinabi ni David sa kanya, “Kung ganoon, sige, sumama kayo sa amin.” Kaya lumakad si Itai at ang lahat ng tauhan niya, at ang pamilya niya.

Juan 18:1-24

Ang Pagdakip kay Jesus(A)

18 Pagkatapos manalangin ni Jesus, umalis siya kasama ang mga tagasunod niya at tumawid sila sa Lambak ng Kidron. Pumunta sila sa isang lugar na may taniman ng mga olibo. Alam ng traydor na si Judas ang lugar na iyon, dahil madalas magtipon doon si Jesus at ang mga tagasunod niya. Kaya pumunta roon si Judas kasama ang isang pangkat ng mga Romanong sundalo at ilang mga guwardya sa templo na isinugo ng mga namamahalang pari at ng mga Pariseo. May dala-dala silang mga sulo at mga sandata. Alam ni Jesus ang lahat ng mangyayari sa kanya, kaya sinalubong niya sila at tinanong, “Sino ang hinahanap nʼyo?” Sumagot sila, “Si Jesus na taga-Nazaret.” Sinabi ni Jesus sa kanila, “Ako iyon.”

Naroon din ang traydor na si Judas na nakatayong kasama ng mga taong naghahanap kay Jesus. Nang sabihin ni Jesus na siya ang hinahanap nila, napaurong sila at natumba sa lupa. Kaya muling nagtanong si Jesus, “Sino ang hinahanap nʼyo?” Sumagot silang muli, “Si Jesus na taga-Nazaret.” Sinabi sa kanila ni Jesus, “Hindi baʼt sinabi ko na sa inyo na ako iyon? Kung ako nga ang hinahanap nʼyo, hayaan nʼyong makaalis ang mga kasama ko.” (Sinabi niya ito para matupad ang sinabi niya sa Ama, “Wala ni isa mang napahamak sa mga ibinigay mo sa akin.”) 10 Sa pagkakataong iyon, bumunot ng espada si Simon Pedro at tinaga ang alipin ng punong pari. Naputol ang kanang tainga ng alipin na ang pangalan ay Malcus. 11 Pero sinaway ni Jesus si Pedro, “Ibalik mo ang espada mo sa lalagyan nito. Sa palagay mo baʼy hindi ko titiisin ang paghihirap na ibinigay sa akin[a] ng Ama?”

Dinala si Jesus kay Anas

12 Dinakip si Jesus ng mga Romanong sundalo sa pangunguna ng kanilang kapitan, kasama ng mga guwardyang Judio. Siyaʼy iginapos nila at 13 dinala muna kay Anas na biyenan ni Caifas. Si Caifas ang punong pari nang taon na iyon, 14 at siya ang nagpayo sa mga pinuno ng mga Judio na mabuting mamatay ang isang tao kaysa sa mapahamak ang buong bansa.

Ipinagkaila ni Pedro na Kilala Niya si Jesus(B)

15 Si Simon Pedro at ang isa pang tagasunod ay sumunod kay Jesus. At dahil kilala ng punong pari ang tagasunod na ito, nakapasok siyang kasama ni Jesus sa bakuran ng punong pari. 16 Naiwan namang nakatayo si Pedro sa labas ng pintuan. Lumabas muli ang tagasunod na kilala ng punong pari at nakiusap sa babaeng nagbabantay sa pinto, kaya pinapasok si Pedro. 17 Sinabi ng babae kay Pedro, “Hindi baʼt isa ka sa mga tagasunod ng taong iyan?” Sumagot si Pedro, “Hindi!”

18 Maginaw noon, kaya nagsiga ang mga alipin at mga guwardya, at tumayo sila sa paligid nito para magpainit. Nakihalo si Pedro sa kanila at nagpainit din.

Tinanong si Jesus ng Punong Pari(C)

19 Samantala, tinanong ng punong pari si Jesus tungkol sa mga tagasunod niya at sa mga itinuturo niya. 20 Sumagot si Jesus, “Hayagan akong nagsasalita sa mga tao. Lagi akong nangangaral sa mga sambahan at sa templo kung saan nagtitipon-tipon ang lahat ng Judio. Wala akong itinuro nang palihim. 21 Bakit nʼyo ako tinatanong ngayon? Tanungin nʼyo ang mga nakarinig sa akin; alam nila kung ano ang mga sinabi ko.” 22 Nang masabi ito ni Jesus, sinampal siya ng isa sa mga guwardya na malapit sa kanya. Sinabi ng guwardya, “Bakit ganyan ka sumagot sa punong pari?” 23 Sinagot siya ni Jesus, “Kung may masama akong sinabi, patunayan mo. Pero kung totoo ang sinabi ko, bakit mo ako sinampal?”

24 Habang nakagapos pa si Jesus, ipinadala siya ni Anas kay Caifas na punong pari.

Salmo 119:97-112

97 Iniibig ko ang inyong kautusan.
    Palagi ko itong pinagbubulay-bulayan.
98 Ang mga utos nʼyo ay nasa puso ko,
    kaya mas marunong ako kaysa sa aking mga kaaway.
99 Mas marami ang aking naunawaan kaysa sa aking mga guro,
    dahil ang lagi kong pinagbubulay-bulayan ay ang inyong mga turo.
100 Higit pa ang aking pang-unawa kaysa sa matatanda,
    dahil sinusunod ko ang inyong mga tuntunin.
101 Iniiwasan ko ang masamang pag-uugali,
    upang masunod ko ang inyong mga salita.
102 Hindi ako lumihis sa inyong mga utos,
    dahil kayo ang nagtuturo sa akin.
103 Kay tamis ng inyong mga salita, mas matamis pa ito kaysa sa pulot.
104 Sa pamamagitan ng inyong mga tuntunin,
    lumalawak ang aking pang-unawa,
    kaya kinamumuhian ko ang lahat ng gawaing masama.

105 Ang salita nʼyo ay katulad ng ilaw na nagbibigay-liwanag sa aking dadaanan.
106 Tutuparin ko ang aking ipinangako na susundin ang inyong matuwid na mga utos.
107 Hirap na hirap na po ako Panginoon;
    panatilihin nʼyo akong buhay ayon sa inyong pangako.
108 Tanggapin nʼyo Panginoon ang taos-puso kong pagpupuri sa inyo,
    at ituro nʼyo sa akin ang inyong mga utos.
109 Kahit na akoʼy palaging nasa bingit ng kamatayan,
    hindi ko kinakalimutan ang inyong mga kautusan.
110 Ang masasama ay naglagay ng patibong para sa akin,
    ngunit hindi ako humihiwalay sa inyong mga tuntunin.
111 Ang inyong mga turo ang aking mana na walang hanggan,
    dahil itoʼy nagbibigay sa akin ng kagalakan.
112 Aking napagpasyahan na susundin ko ang inyong mga tuntunin hanggang sa katapusan.

Kawikaan 16:8-9

Mas mabuti ang kaunting halaga na pinaghirapan, kaysa sa malaking kayamanang galing sa masamang paraan.
Ang tao ang nagpaplano, ngunit nasa Panginoon ang kaganapan nito.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®