The Daily Audio Bible
Today's audio is from the NIV. Switch to the NIV to read along with the audio.
Nalaman ni David ang Pagkamatay ni Saul
1 Bumalik sina David sa Ziklag pagkatapos nilang matalo ang mga Amalekita. Patay na noon si Saul. Nanatili sila ng dalawang araw sa Ziklag. 2 Nang ikatlong araw, may dumating na tao sa Ziklag mula sa kampo ni Saul; punit ang damit niya at may alikabok ang ulo bilang pagluluksa. Lumapit siya kay David at yumukod bilang paggalang sa kanya. 3 Tinanong siya ni David, “Saan ka nanggaling?” Sumagot siya, “Nakatakas po ako mula sa kampo ng mga Israelita.” 4 Nagtanong si David, “Bakit, ano ang nangyari? Sabihin mo sa akin.” Sinabi niya, “Tumakas po ang mga sundalo ng Israel sa labanan. Maraming napatay sa kanila pati na po si Saul at ang anak niyang si Jonatan.” 5 Nagtanong si David sa binata, “Paano mo nalamang patay na sina Saul at Jonatan?” 6 Ikinuwento ng binata ang nangyari, “Nagkataon na nandoon po ako sa Bundok ng Gilboa, at nakita ko roon si Saul na nakasandal sa sibat niya. Palapit na po sa kanya ang mga kalaban na nakasakay sa mga karwahe at kabayo. 7 Nang lumingon siya, nakita niya ako at tinawag niya ako. Sumagot ako, ‘Ano po ang maitutulong ko?’ 8 Tinanong niya kung sino ako. Sumagot ako na isa akong Amalekita. 9 Pagkatapos, nakiusap siya sa akin, ‘Lumapit ka rito at patayin mo ako, tapusin mo na ang paghihirap ko. Gusto ko nang mamatay dahil hirap na ako sa kalagayan ko.’ 10 Kaya nilapitan ko siya at pinatay dahil alam kong hindi na rin siya mabubuhay sa grabeng sugat na natamo niya. Pagkatapos, kinuha ko po ang korona sa ulo niya at pulseras sa kamay niya, at dinala ko po rito sa inyo.”
11 Nang marinig ito ni David at ng mga tauhan niya, pinunit nila ang kanilang mga damit bilang pagluluksa. 12 Umiyak at nag-ayuno sila hanggang gabi para kay Saul at sa anak nitong si Jonatan, at para sa mga mamamayan ng Panginoon, ang bayan ng Israel, dahil marami ang namatay sa digmaan. 13 Tinanong pa ni David ang binatang nagbalita sa kanya, “Taga-saan ka?” Sumagot siya, “Isa po akong dayuhang Amalekita na nakatira sa lupain ninyo.” 14 Nagtanong si David, “Bakit hindi ka man lang natakot na patayin ang piniling hari ng Panginoon?” 15 Pagkatapos, tinawag ni David ang isa sa mga tauhan niya at inutusan, “Patayin mo ang taong ito!” Pinatay nga ng tauhan niya ang tao. 16 Sinabi ni David, “Ikaw ang dapat sisihin sa kamatayan mo. Ikaw na mismo ang tumestigo laban sa sarili mo nang sabihin mong pinatay mo ang piniling hari ng Panginoon.”
Ang Awit ng Kalungkutan ni David para kina Saul at Jonatan
17 Gumawa si David ng isang awit para kay Saul at sa anak nitong si Jonatan, 18 at iniutos niyang ituro ito sa mga mamamayan ng Juda. Tinawag itong Awit Tungkol sa Pana at nakasulat ito sa Aklat ni Jashar. Ito ang panaghoy niya:
19 “O Israel, ang mga dakilang mandirigma moʼy namatay sa kabundukan mismo ng Israel.
Napatay din ang mga magigiting mong sundalo.
20 Huwag itong ipaalam sa Gat, o sa mga lansangan ng Ashkelon,
baka ikagalak ito ng mga babaeng Filisteo na hindi nakakakilala sa Dios.
21 O Bundok ng Gilboa, wala sanang ulan o hamog na dumating sa iyo.
Wala sanang tumubong pananim sa iyong bukirin upang ihandog sa Dios.[a]
Sapagkat diyan nadungisan ng mga kaaway ang pananggalang ng magiting na si Haring Saul.
At wala nang magpapahid dito ng langis upang itoʼy linisin at pakintabin.
22 Sa pamamagitan ng espada ni Saul at pana ni Jonatan, maraming magigiting na kalaban ang kanilang napatay.
23 Minahal at kinagiliwan ng mga Israelita sina Saul at Jonatan.
Magkasama sila sa buhay at kamatayan.
Sa digmaan, mas mabilis pa sila sa agila at mas malakas pa sa leon.
24 Mga babae ng Israel, magdalamhati kayo para kay Saul.
Dahil sa kanyaʼy nakapagsuot kayo ng mga mamahaling damit at alahas na ginto.
25 Ang magigiting na sundalo ng Israel ay napatay sa labanan.
Pinatay din si Jonatan sa inyong kabundukan.
26 Nagdadalamhati ako sa iyo, Jonatan kapatid ko!
Mahal na mahal kita; ang pagmamahal mo sa akin ay mas higit pa sa pagmamahal ng mga babae.
27 Nangabuwal ang magigiting na sundalo ng Israel.
Ang kanilang mga sandataʼy nangawala.”
Ginawang Hari ng Juda si David
2 Pagkatapos nito, nagtanong si David sa Panginoon, “Pupunta po ba ako sa isa sa mga bayan ng Juda?” Sumagot ang Panginoon, “Pumunta ka.” Muling nagtanong si David, “Saan po roon?” Sumagot ang Panginoon, “Sa Hebron.” 2 Kaya pumunta roon si David kasama ang dalawa niyang asawang sina Ahinoam na taga-Jezreel at Abigail na biyuda ni Nabal na taga-Carmel. 3 Isinama rin ni David ang mga tauhan niya at mga pamilya nila, at doon sila tumira sa Hebron at sa mga lugar sa paligid nito. 4 Di nagtagal, pumunta ang mga pinuno ng Juda sa Hebron, at pinahiran ng langis ang ulo ni David bilang pagkilala na siya na ang hari ng Juda.
Nang mabalitaan ni David na ang mga taga-Jabes Gilead ang naglibing kay Saul, 5 nagpadala siya ng mga mensahero na nagsabi, “Pagpalain sana kayo ng Panginoon sa ipinakita nʼyong kabutihan kay Saul na hari ninyo sa pamamagitan ng paglilibing sa kanya. 6 Ipakita sana ng Panginoon ang pagmamahal at katapatan niya sa inyo, at ipapakita ko rin sa inyo ang kabutihan ko dahil sa ginawa ninyo. 7 At ngayon, magpakatatag kayo at lakasan nʼyo ang loob nʼyo kahit patay na ang hari[b] ninyong si Saul. Ako naman ay pinili ng mga taga-Juda bilang kanilang hari.”
Ang Alitan sa Pagitan ng Pamilya nina David at Saul
8 Ngayon, ang kumander ng mga sundalo ni Saul, na si Abner na anak ni Ner ay pumunta sa Mahanaim kasama si Ishboshet na anak ni Saul. 9 Doon, hinirang niyang hari ng buong Israel si Ishboshet, kasama na rito ang mga lugar ng Gilead, Ashuri, Jezreel, Efraim at Benjamin. 10 Si Ishboshet ay 40 taong gulang nang maging hari ng Israel, at naghari siya sa loob ng dalawang taon. Si David naman ang kinikilalang hari ng mga taga-Juda, 11 at naghari siya sa Juda sa loob ng pitong taon at anim na buwan. Doon siya nanirahan sa Hebron.
May mga Griegong Naghanap kay Jesus
20 May mga Griego ring pumunta sa Jerusalem upang sumamba sa Dios sa kapistahan. 21 Lumapit sila kay Felipe na taga-Betsaida sa probinsya ng Galilea. Sinabi nila sa kanya, “Gusto po sana naming makita si Jesus.” 22 Pinuntahan ni Felipe si Andres at sinabi sa kanya ang kahilingan ng mga Griego. Pagkatapos, pinuntahan nila si Jesus at ipinaalam ang kahilingan. 23 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Dumating na ang oras upang dakilain ako na Anak ng Tao. 24 Sinasabi ko sa inyo ang totoo, malibang mamatay ang isang butil ng trigong itinanim sa lupa, mananatili itong nag-iisa. Ngunit kung mamatay, tutubo ito at mamumunga nang marami. 25 Ang taong labis na nagpapahalaga sa kanyang buhay ay mawawalan nito, ngunit ang hindi nanghihinayang sa buhay niya sa mundong ito alang-alang sa akin ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan. 26 Ang sinumang gustong maglingkod sa akin ay dapat sumunod sa akin, at kung nasaan ako naroon din dapat siya. Ang sinumang naglilingkod sa akin ay pararangalan ng Ama.”
Ipinahiwatig ni Jesus ang Kanyang Kamatayan
27 Sinabi pa ni Jesus, “Nababagabag ako ngayon. Sasabihin ko ba sa Ama na iligtas niya ako sa nalalapit na paghihirap? Hindi, dahil ito ang dahilan ng pagpunta ko rito.” 28 Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa Ama, “Ama, ipakita nʼyo ang inyong kadakilaan.” Isang tinig mula sa langit ang sumagot, “Ipinakita ko na sa pamamagitan mo, at muli ko itong ipapakita.”
29 Nang marinig ng mga taong naroon ang tinig, sinabi nila, “Kumulog!” Pero sinabi naman ng iba, “Kinausap siya ng isang anghel.” 30 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Ang tinig na iyon ay ipinarinig hindi para sa akin kundi para sa kapakanan ninyo. 31 Dumating na ang paghatol sa mga tao sa mundo. Malulupig na si Satanas na siyang naghahari sa mundong ito. 32 At kapag itinaas na ako mula sa lupa, ilalapit ko ang lahat ng tao sa akin.” 33 (Sinabi ito ni Jesus upang ipahiwatig kung paano siya mamamatay.) 34 Sumagot ang mga tao sa kanya, “Nakasaad sa Kasulatan na ang Cristoʼy mabubuhay nang walang hanggan. Bakit mo sinasabing kailangang mamatay[a] ang Anak ng Tao? Sino ba ang Anak ng Tao na tinutukoy mo?” 35 Sumagot si Jesus, “Maikling panahon na lang ninyong makakasama ang ilaw. Kaya mamuhay kayo sa liwanag ng ilaw na ito habang narito pa, para hindi kayo abutan ng dilim. Sapagkat hindi alam ng naglalakad sa dilim kung saan siya papunta. 36 Kaya sumampalataya kayo sa akin na siyang ilaw ninyo habang narito pa ako, para maliwanagan ang isipan ninyo.”[b] Pagkasabi ni Jesus nito, umalis siya at nagtago sa kanila.
Ayaw Manampalataya ng mga Judio kay Jesus
37 Kahit na nakita ng mga Judio ang maraming himala na ginawa ni Jesus, hindi pa rin sila sumampalataya sa kanya. 38 Sa ganoon, natupad ang sinabi ni Propeta Isaias,
“Panginoon, sino ang naniwala sa aming mensahe?
Sino sa mga pinakitaan mo ng iyong kapangyarihan ang sumampalataya?”[c]
39 Sinabi pa ni Isaias na kaya ayaw nilang sumampalataya ay dahil:
40 “Binulag ng Dios ang kanilang mga mata upang hindi sila makakita,
at isinara niya ang kanilang mga isip[d] upang hindi sila makaunawa,
dahil baka manumbalik pa sila sa kanya, at pagalingin niya sila.”[e]
41 Sinabi ito ni Isaias dahil nakita niya ang kadakilaan ni Jesus, at nagsalita siya tungkol sa kanya.
42 Ganoon pa man, maraming pinuno ng mga Judio ang sumampalataya kay Jesus. Pero inilihim nila ang kanilang pananampalataya dahil takot silang hindi na tanggapin ng mga Pariseo sa mga sambahan. 43 Sapagkat mas ginusto pa nilang purihin sila ng tao kaysa ng Dios.
Ang Salita ni Jesus ang Hahatol sa mga Tao
44 Nagsalita si Jesus nang malakas: “Ang sumasampalataya sa akin ay hindi lang sa akin sumasampalataya kundi pati sa nagsugo sa akin. 45 At ang nakakita sa akin ay nakakita na rin sa nagsugo sa akin. 46 Naparito ako bilang ilaw ng mundo, upang ang sinumang sumampalataya sa akin ay hindi na manatili sa kadiliman. 47 Ang sinumang nakarinig ng aking mga aral pero hindi sumunod ay hahatulan, ngunit hindi ako ang hahatol sa kanya. Sapagkat hindi ako naparito sa mundo para hatulan ang mga tao kundi iligtas sila. 48 May ibang hahatol sa ayaw tumanggap sa akin at sa aking mga aral. Ang mga salitang ipinangaral ko ang hahatol sa kanila sa huling araw. 49 Sapagkat ang mga aral koʼy hindi galing sa sarili ko lang kundi galing sa Amang nagsugo sa akin. Siya ang nag-uutos kung ano ang sasabihin ko. 50 At alam ko na ang mga utos niya ay nagbibigay ng buhay na walang hanggan. Kaya kung ano ang ipinasasabi ng Ama, iyon lang ang sinasabi ko.”
19 Buksan ninyo ang pintuan ng templo ng Panginoon para sa akin dahil papasok ako at siyaʼy aking pasasalamatan.
20 Ito ang pintuan ng Panginoon na ang mga matuwid lang ang makakapasok.
21 Magpapasalamat ako sa inyo Panginoon, dahil sinagot nʼyo ang aking dalangin.
Kayo ang nagligtas sa akin.
22 Ang batong itinakwil ng mga tagapagtayo ay siyang naging batong pundasyon.
23 Ang Panginoon ang may gawa nito at tunay na kahanga-hanga sa ating paningin.
24 Ito ang araw na ginawa ng Panginoon, kaya tayoʼy magalak at magdiwang.
25 Panginoon, patuloy nʼyo kaming iligtas.
Pagtagumpayin nʼyo kami sa lahat ng aming ginagawa.
26 Pinagpapala ang dumarating sa ngalan ng Panginoon.
Pagpalain sana kayo ng Panginoon mula sa kanyang templo.
27 Ang Panginoon ay Dios at napakabuti niya sa atin.
Magdala tayo ng mga sanga ng punongkahoy para sa pagdiriwang ng pista, at pumarada paikot sa altar.
28 Panginoon, kayo ang aking Dios;
nagpapasalamat ako at nagpupuri sa inyo.
29 Pasalamatan ang Panginoon, dahil siyaʼy mabuti;
ang kanyang tapat na pag-ibig ay walang hanggan.
27 Ang taong yumaman sa masamang paraan ay nagdudulot ng kaguluhan sa kanyang sambahayan. Mabubuhay naman nang matagal ang taong hindi nasusuhulan.
28 Ang taong matuwid ay pinag-iisipan muna ang sasabihin, ngunit ang taong masama ay basta na lamang nagsasalita.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®