The Daily Audio Bible
Today's audio is from the NLT. Switch to the NLT to read along with the audio.
Si Amnon at si Tamar
13 Ang anak ni David na si Absalom ay may magandang kapatid na ang pangalan ay Tamar. Ngayon, si Amnon, na isa rin sa mga anak ni David ay umiibig kay Tamar. 2 Pero hindi niya magawa ang gusto niyang gawin kay Tamar dahil dalaga pa ito at lagi itong may bantay. Dahil dito, sumama ang loob niya hanggang sa magkasakit siya.
3 May napakatusong kaibigan si Amnon na ang pangalan ay Jonadab. Anak siya ng kapatid ni David na si Shimea. 4 Isang araw, nagtanong siya kay Amnon, “Anak ka ng hari, pero bakit araw-araw kitang nakikitang malungkot? Sabihin mo nga sa akin kung ano ang problema mo.” Sinabi ni Amnon sa kanya, “Gusto ko si Tamar, ang kapatid ni Absalom na kapatid ko sa ama.” 5 Sinabi sa kanya ni Jonadab, “Humiga ka at magkunwaring may sakit. Kapag dinalaw ka ng iyong ama, sabihin mong payagan niya si Tamar na puntahan ka at pakainin. Sabihin mo sa kanyang gusto mong makita si Tamar na naghahanda ng pagkain mo at gusto mo rin na siya ang magpakain sa iyo.”
6 Kaya humiga nga si Amnon at nagkunwaring may sakit. Nang dalawin siya ni Haring David, sinabi niya, “Gusto ko pong pumunta rito ang kapatid kong si Tamar at gumawa ng tinapay sa tabi ko, at siya ang magpakain sa akin.” 7 Kaya nagpasabi si David kay Tamar na nasa palasyo, na puntahan niya ang kapatid niyang si Amnon at maghanda ng pagkain para rito.
8 Pumunta si Tamar sa bahay ng kapatid niyang si Amnon at dinatnan niya itong nakahiga. Kumuha siya ng harina, minasa ito at niluto ang tinapay kung saan nakikita siya ni Amnon. 9 Pagkaluto, kinuha niya ito para pakainin si Amnon, pero tumanggi ito. Sinabi ni Amnon, “Palabasin mo ang lahat ng tao rito!” At lumabas ang lahat ng tao. 10 Pagkatapos, sinabi ni Amnon kay Tamar, “Dalhin mo sa aking silid ang pagkain at subuan mo ako.” Kaya dinala ni Tamar ang pagkain kay Amnon.
11 Pero habang pinapakain niya si Amnon, niyakap siya nito at sinabing magsiping sila.
12 Ngunit tumanggi si Tamar at sinabi, “Huwag mo akong piliting gawin ito! Magkapatid tayo! Huwag mong gawin sa akin ang masamang bagay na ito. Hindi ito dapat mangyari sa Israel. 13 Ano na lang ang mukhang ihaharap ko sa mga tao? At ikaw, ituturing na pinakadakilang hangal sa buong Israel. Pakiusap, kausapin mo ang hari tungkol dito; nasisiguro kong papayag siyang maging asawa mo ako.”
14 Pero hindi siya pinakinggan ni Amnon at dahil sa mas malakas siya kay Tamar napagsamantalahan niya ito. 15 Pagkatapos ng nangyari, kinasuklaman ni Amnon si Tamar, at ang pagkasuklam niya kay Tamar ay mas matindi pa sa pag-ibig na naramdaman niya rito noong una. Sinabi ni Amnon sa kanya, “Lumabas ka!” 16 Sumagot si Tamar, “Hindi ako lalabas! Mas malaking kasalanan ang ginagawa mong pagtataboy sa akin ngayon kaysa sa ginawa mo sa akin.” Pero hindi siya pinakinggan ni Amnon. 17 Sa halip, ipinatawag niya ang personal niyang lingkod at inutusan, “Palabasin mo ang babaeng ito at isara mo ang pinto.”
18 Kaya pinalabas nga niya si Tamar at isinara ang pinto. Nakasuot noon ng maganda at mahabang damit si Tamar dahil iyon ang isinusuot ng mga dalagang anak ng hari nang panahong iyon. 19 Pero dahil sa sinapit ni Tamar, pinunit niya ang maganda at mahaba niyang damit, at naglagay ng abo sa ulo niya. Pagkatapos, lumakad siyang umiiyak habang nakatakip ang kamay niya sa mukha niya.
20 Nang makita siya ng kapatid niyang si Absalom, tinanong siya nito, “May masamang ginawa ba sa iyo si Amnon? Kung mayroon maʼy, huwag mo na lang itong sabihin sa iba dahil kapatid mo siya sa ama. Huwag mo na lang masyadong isipin ang nangyari sa iyo.” At doon na sa bahay ni Absalom nanirahan si Tamar, pero palagi siyang malungkot at nag-iisa. 21 Nang malaman ni Haring David ang nangyari, galit na galit siya. 22 At kahit walang binanggit si Absalom kay Amnon tungkol sa ginawa nito sa kapatid niya, kinasuklaman niya ito sa kahihiyang idinulot nito sa kapatid niyang si Tamar.
Pinatay ni Absalom si Amnon
23 Pagkaraan ng dalawang taon, nang pinapagupitan ni Absalom ang mga tupa niya sa Baal Hazor, malapit sa Efraim, inimbita niya ang lahat ng anak ng hari na sumama para magdiwang doon. 24 Nagpunta siya kay Haring David at sinabi, “Nagpapagupit po ako ng mga tupa, makakapunta po ba kayo at ang mga opisyal nʼyo sa okasyong ito?” 25 Sumagot ang hari, “Hindi na lang anak, mahihirapan ka lang kung sasama kaming lahat.” Pinilit siya ni Absalom pero hindi siya pumayag. Binasbasan na lang niya si Absalom. 26 Sinabi ni Absalom, “Kung hindi po kayo pupunta, si Amnon na lang na kapatid ko ang payagan nʼyong pumunta.” Nagtanong ang hari, “Bakit gusto mo siyang papuntahin doon?” 27 Sa halip na sumagot, nagpumilit pa rin si Absalom, kaya ipinasama na lang ni David si Amnon, at ang iba pa niyang mga anak na lalaki.
28 Sinabi ni Absalom sa mga tauhan niya, “Hintayin nʼyong malasing si Amnon, at pagsenyas ko, patayin nʼyo siya. Huwag kayong matakot; ako ang nag-uutos sa inyo. Lakasan nʼyo ang loob ninyo at huwag kayong magdalawang-isip!” 29 Kaya pinatay ng mga tauhan ni Absalom si Amnon ayon sa utos niya. Sumakay agad ang ibang anak na lalaki ng hari sa kani-kanilang mola[a] at nagsitakas. 30 Habang pauwi na sila sa Jerusalem, may nakapagbalita kay David na pinagpapatay ni Absalom ang mga anak niyang lalaki at walang natira kahit isa. 31 Tumayo si David at pinunit ang damit niya bilang pagluluksa, at dumapa siya sa lupa. Pinunit din ng mga lingkod niya na nakatayo roon ang kanilang damit gaya ng ginawa ni David. 32 Pero sinabi ni Jonadab na anak ng kapatid ni David na si Shimea, “Mahal na Hari, hindi po napatay ang lahat ng anak ninyo kundi si Amnon lang po. Matagal na pong plano ni Absalom na patayin si Amnon mula pa nang pagsamantalahan nito ang kapatid niyang si Tamar. 33 Huwag kayong maniwalang namatay ang lahat ng anak nʼyong lalaki. Si Amnon lang po ang pinatay.” 34 Samantala, tumakas si Absalom.
Nang mga oras ding iyon, may nakita ang mga tagapagbantay sa pader ng Jerusalem na may isang grupong paparating mula sa gilid ng burol sa gawing kanluran. Pumunta ang isang tagapagbantay sa hari at sinabi, “May nakita po kaming mga tao sa daan ng Horonaim, sa gilid ng burol.”[b] 35 Sinabi ni Jonadab sa hari, “Mahal na Hari, tingnan nʼyo po! Nandiyan po ang mga anak ninyong lalaki gaya ng sinabi ko.” 36 Pagkatapos niyang magsalita, dumating ang mga anak na lalaki ni David na umiiyak. Labis ding umiyak si David at ang lahat ng lingkod niya. 37-38 Ipinagluksa ni David ang anak niyang si Amnon sa loob ng mahabang panahon.
Nang tumakas si Absalom, pumunta siya kay Haring Talmai ng Geshur na anak ni Amihud. Doon siya nanirahan sa loob ng tatlong taon. 39 Nang lumipas na ang pangungulila ni Haring David kay Amnon, nangulila naman siya kay Absalom.[c]
Nanalangin si Jesus para sa mga Tagasunod Niya
17 Pagkasabi ni Jesus ng mga bagay na ito, tumingala siya sa langit at sinabi, “Ama, dumating na ang oras. Parangalan mo ako na iyong Anak para maparangalan din kita. 2 Sapagkat binigyan mo ako ng kapangyarihan sa lahat ng tao para mabigyan ko ng buhay na walang hanggan ang lahat ng taong ibinigay mo sa akin. 3 At ito ang kahulugan ng buhay na walang hanggan: ang makilala ka ng mga tao na ikaw lang ang tunay na Dios, at makilala rin nila ako na isinugo mo. 4 Pinarangalan kita rito sa lupa dahil natapos ko na ang ipinagawa mo sa akin. 5 Kaya ngayon, Ama, parangalan mo ako sa piling mo. Ipagkaloob mo sa akin ang karangalang taglay ko sa piling mo bago pa man nilikha ang mundo.
6 “Ipinakilala kita sa mga taong pinili mo mula sa mga tao sa mundo at ibinigay sa akin. Sila ay sa iyo at ibinigay mo sila sa akin, at sinunod nila ang iyong salita. 7 Ngayon alam na nila na ang lahat ng ibinigay mo sa akin ay nanggaling sa iyo. 8 Sapagkat itinuro ko sa kanila ang mga itinuro mo sa akin, at tinanggap naman nila. Sigurado silang nagmula ako sa iyo, at naniniwala silang isinugo mo ako.
9 “Idinadalangin ko sila. Hindi ako nananalangin para sa mga taong makamundo kundi para sa mga taong ibinigay mo sa akin, dahil sila ay sa iyo. 10 Ang lahat ng akin ay sa iyo, at ang lahat ng iyo ay sa akin, at napaparangalan ako sa pamamagitan nila. 11 At ngayon, babalik na ako sa iyo at hindi na ako mananatili rito sa mundo, pero sila ay mananatili pa sa mundo. Banal na Ama, ingatan mo sila sa pamamagitan ng kapangyarihang ibinigay mo sa akin, upang silaʼy maging isa katulad natin. 12 Habang kasama nila ako, iningatan ko sila sa pamamagitan ng kapangyarihang ibinigay mo sa akin. Iningatan ko sila at walang napahamak sa kanila maliban sa taong itinakdang mapahamak para matupad ang Kasulatan. 13 Ngayon ay babalik na ako sa iyo. Sinasabi ko ang mga bagay na ito habang nandito pa ako sa mundo para lubos silang magalak tulad ko. 14 Itinuro ko na sa kanila ang salita mo. Napopoot sa kanila ang mga taong makamundo, dahil hindi na sila makamundo, tulad ko na hindi makamundo. 15 Hindi ko idinadalangin na kunin mo na sila sa mundo, kundi ingatan mo sila laban kay Satanas.[a] 16 Hindi sila makamundo, tulad ko na hindi makamundo. 17 Ibukod mo sila upang maging iyo sa pamamagitan ng katotohanan; ang salita mo ay katotohanan. 18 Isinugo mo ako rito sa mundo, kaya isinusugo ko rin sila sa mundo upang mangaral. 19 Alang-alang sa kanila, itinatalaga ko ang aking sarili sa iyo, upang sila man ay maitalaga sa iyo sa pamamagitan ng katotohanan.
20 “Ang panalangin koʼy hindi lang para sa kanila na sumasampalataya sa akin, kundi pati na rin sa mga sasampalataya pa sa akin sa pamamagitan ng pangangaral nila. 21 Idinadalangin ko sa iyo, Ama, na silang lahat ay maging isa gaya natin. Kung paanong ikaw ay nasa akin at akoʼy nasa iyo, nawaʼy sila man ay sumaatin, para maniwala ang mga tao sa mundo na ikaw ang nagsugo sa akin. 22 Binigyan ko sila ng karangalan tulad ng ibinigay mo sa akin, upang silaʼy maging isa katulad natin. 23 Nasa kanila ako at ikaw ay nasa akin, para silaʼy lubos na maging isa. Sa ganoon ay malalaman ng mga tao sa mundo na isinugo mo ako, at malalaman din nilang minamahal mo ang mga mananampalataya tulad ng pagmamahal mo sa akin.
24 “Ama, gusto ko sanang makasama sa pupuntahan ko ang mga taong ibinigay mo sa akin, para makita rin nila ang kapangyarihang ibinigay mo sa akin, dahil minahal mo na ako bago pa man nilikha ang mundo. 25 Amang Makatarungan,[b] kahit hindi ka nakikilala ng mga taong makamundo, nakikilala naman kita, at alam ng mga mananampalataya na ikaw ang nagsugo sa akin. 26 Ipinakilala kita sa kanila, at patuloy kitang ipapakilala upang ang pagmamahal mo sa akin ay mapasakanila at ako man ay mapasakanila.”
81 Napapagod na ako sa paghihintay ng inyong pagliligtas sa akin,
ngunit umaasa pa rin ako sa inyong mga salita.
82 Nagdidilim na ang aking paningin sa paghihintay ng pangako nʼyo sa akin.
Ang tanong koʼy, “Kailan nʼyo pa ako palalakasin at aaliwin?”
83 Kahit na ako ay para nang sisidlang-balat na nilalagyan ng inumin na parang hindi na mapakinabangan, hindi ko pa rin nakakalimutan ang inyong mga tuntunin.
84 Hanggang kailan pa kaya ang aking paghihintay?
Kailan nʼyo parurusahan ang mga umuusig sa akin na inyong lingkod?
85 Ang mga mapagmataas na hindi sumusunod sa inyong mga kautusan ay naghukay ng mga patibong upang akoʼy hulihin.
86-87 Kaya tulungan nʼyo ako dahil akoʼy kanilang inuusig nang walang dahilan,
hanggang sa akoʼy nabingit na sa kamatayan.
Ngunit hindi ko tinalikuran ang inyong mga tuntunin dahil maaasahan ang inyong mga utos.
88 Ingatan nʼyo ang aking buhay ayon sa pag-ibig nʼyo sa akin,
upang masunod ko ang mga turong ibinigay ninyo.
89 Panginoon, ang salita mo ay mananatili magpakailanman;
hindi ito magbabago tulad ng kalangitan.
90 Ang inyong katapatan ay magpapatuloy sa lahat ng salinlahi.
Matibay nʼyong itinatag ang mundo, kaya itoʼy nananatili.
91 Ang lahat ng bagay ay nananatili hanggang ngayon ayon sa inyong nais.
Dahil ang lahat ng bagay ay sumusunod sa inyo.
92 Kung ang inyong kautusan ay hindi nagbibigay sa akin ng kaaliwan, namatay na sana ako dahil sa pagdadalamhati.
93 Hindi ko kailanman lilimutin ang inyong mga tuntunin,
dahil sa pamamagitan nitoʼy patuloy nʼyo akong binubuhay.
94 Akoʼy inyo, kaya iligtas nʼyo po ako!
Dahil pinagsisikapan kong sundin ang inyong mga tuntunin.
95 Nag-aabang ang masasama upang akoʼy patayin,
ngunit iisipin ko ang inyong mga turo.
96 Nakita kong ang lahat ng bagay ay may katapusan,
ngunit ang inyong mga utos ay mananatili magpakailanman.
6 Kung minamahal natin ang Panginoon nang may katapatan, patatawarin niya ang ating mga kasalanan. Kung may takot tayo sa kanya nang may paggalang, makalalayo tayo sa kasamaan.
7 Kapag kinalulugdan ng Panginoon ang ating pamumuhay, kahit na ang ating kaaway ay gagawin niyang ating kaibigan.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®