Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NLT. Switch to the NLT to read along with the audio.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
2 Cronica 35-36

Ipinagdiwang ni Josia ang Pista ng Paglampas ng Anghel(A)

35 Nang ika-14 na araw ng unang buwan, nagdiwang si Haring Josia ng Pista ng Paglampas ng Anghel sa Jerusalem bilang pagpaparangal sa Panginoon. Nagkatay sila ng tupa para sa pistang ito. Binigyan ni Josia ang mga pari ng kanilang tungkulin sa templo ng Panginoon, at pinatatag niya sila sa kanilang paglilingkod. Binigyan din niya ng mga tungkulin ang mga Levita na tagapagturo sa Israel, na itinalaga sa paglilingkod sa Panginoon. Sinabi niya sa kanila, “Nailagay na ang banal na kahon sa templo na ipinatayo ni Solomon na anak ni David, at hindi nʼyo na kailangang dalhin ito palagi. Kaya gamitin nʼyo ang inyong panahon sa paglilingkod sa Panginoon na inyong Dios at sa mga mamamayan niyang Israelita. Gawin nʼyo ang mga tungkulin ninyo sa templo ayon sa grupo ng inyong mga pamilya. Sundin nʼyo ang nakasulat na mga tuntunin ni Haring David ng Israel, at ng anak niyang si Solomon. Pumwesto kayo sa templo ayon sa inyong grupo, at tumulong sa mga pamilya na naghahandog, na ipinagkatiwala sa inyo. Maglinis kayo at maghanda ng inyong sarili sa paglilingkod sa inyong mga kababayan. Pagkatapos, katayin nʼyo ang mga tupa para sa Pista ng Paglampas ng Anghel. Sundin nʼyo ang mga utos ng Panginoon sa inyo sa pamamagitan ni Moises.”

Personal na nagbigay si Josia ng 30,000 tupa at kambing, at 3,000 baka, para sa handog ng mga tao sa panahon ng Pista ng Paglampas ng Anghel. Kusa ding nagbigay ang mga opisyal ni Josia sa mga tao, mga pari, at mga Levita. Ang mga tagapamahala ng templo na sina Hilkia, Zacarias, at Jehiel ay nagbigay sa kapwa nila pari ng 2,600 tupa at kambing, at 300 baka bilang handog sa pista. Ang mga pinuno ng mga Levita na si Conania, ang kanyang mga kapatid na sina Shemaya at Netanel, si Hashabia, Jeyel, at Jozabad ay nagbigay sa kapwa nila Levita ng 5,000 tupa at kambing, at 500 baka bilang handog sa pista.

10 Nang handa na ang lahat para sa pista, pumwesto ang mga pari at mga Levita sa templo, ayon sa gawain ng kani-kanilang grupo, dahil sa utos ng hari. 11 Kinatay ng mga Levita ang mga tupaʼt kambing, at ibinigay ang dugo sa mga pari. Iwinisik ito ng mga pari sa altar habang binabalatan ng mga Levita ang mga hayop. 12 Pagkatapos, ipinamahagi nila sa mga tao, ayon sa grupo ng kanilang mga pamilya, ang mga handog na sinusunog para ihandog sa Panginoon, ayon sa nakasulat sa Aklat ni Moises. Ganoon din ang ginawa nila sa mga baka. 13 At nilitson nila ang mga hayop na pampista, ayon sa nakasulat sa kautusan, at inilaga ang banal na mga handog sa mga palayok, mga kaldero, at mga kawali, at ipinamahagi agad nila sa mga tao.

14 Pagkatapos nito, naghanda ang mga Levita ng pagkain para sa kanilang sarili at sa mga pari, dahil ang mga paring mula sa angkan ni Aaron ay abala sa pag-aalay ng mga handog na sinusunog at ng mga taba ng hayop hanggang magtakip-silim. 15 Ang mga musikero na mula sa angkan ni Asaf ay naroon sa kanilang pwesto sa templo, ayon sa tuntunin na ibinigay nina David, Asaf, Heman at Jedutun na propeta ng hari. Ang mga guwardya ng pintuan ay hindi na umalis sa kinalalagyan nila dahil ang kapwa nila Levita ang siyang naghanda ng kanilang pagkain.

16 Nang araw ding iyon, natapos ang buong seremonya para sa Pista ng Paglampas ng Anghel na ipinagdiwang para sa Panginoon, pati ang pag-aalay ng mga handog na sinusunog na iniutos ni Haring Josia. 17 Ipinagdiwang ng mga Israelitang dumalo sa pistang ito at ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa sa loob ng pitong araw. 18 Mula nang panahon ni Samuel, hindi naipagdiwang ang Pista ng Paglampas ng Anghel na tulad nito. Hindi nakapagdiwang ang mga nakalipas na mga hari gaya ng pagdiriwang ni Haring Josia at ng mga pari, mga Levita, mga mamamayan ng Jerusalem, at ng mga mamamayan ng Juda at Israel. 19 Ipinagdiwang ang pista noong ika-18 taon ng paghahari ni Josia.

Ang Pagkamatay ni Josia(B)

20 Pagkatapos ng mga ginawa ni Josia para sa templo, pinangunahan ni Haring Neco ng Egipto ang kanyang mga sundalo sa pakikipaglaban doon sa Carkemish, sa may Ilog ng Eufrates. Pumunta roon si Josia at ang kanyang mga sundalo para makipaglaban kay Neco. 21 Pero nagsugo si Neco ng mga mensahero kay Josia at sinabi, “Ano ang pakialam mo, Haring Josia? Hindi ikaw ang nilulusob ko kundi ang bansang nakikipaglaban sa akin. At sinabi ng Dios sa akin na bilisan ko ang paglusob. Kasama ko ang Dios, kaya huwag mo akong kalabanin, dahil baka wasakin ka niya.”

22 Ngunit hindi nagbago ng isip si Josia. Ipinasya niyang lumaban. Hindi siya naniwala sa sinabi ng Dios sa pamamagitan ni Neco. Sa halip, nagbalat-kayo siya at umalis para labanan si Neco sa kapatagan ng Megido. 23 Pinana si Josia at nasugatan siya. Sinabi niya sa kanyang mga opisyal, “Ilayo nʼyo ako rito, dahil malubha ang sugat ko.” 24 Kaya kinuha nila siya sa kanyang karwahe at dinala sa Jerusalem. Namatay siya roon at inilibing sa libingan ng mga ninuno niya. Nagluksa para sa kanya ang lahat ng mamamayan ng Juda at Jerusalem. 25 Gumawa si Jeremias ng mga awit ng pagluluksa para kay Josia, at hanggang ngayon inaawit ito ng mga mang-aawit sa pag-alaala sa kanya. Ang mga awit ng pagluluksa ay palaging inaawit sa Israel, at nakasulat sa Aklat ng mga Pagluluksa. 26-27 Ang iba pang mga salaysay tungkol sa paghahari ni Josia, mula sa simula hanggang sa wakas ay nakasulat sa kasulatan ng kasaysayan ng mga hari ng Israel at Juda. Nakasulat din dito ang tungkol sa pagmamahal ni Josia sa Panginoon na ipinakita niya sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan ng Panginoon.

Ang Paghahari ni Jehoahaz sa Juda(C)

36 Ang anak ni Josia na si Jehoahaz ang ipinalit ng mga tao na hari sa Jerusalem. Si Jehoahaz ay 23 taong gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng tatlong buwan. Tinanggal siya sa kanyang trono ni Haring Neco ng Egipto, at pinagbayad ni Neco ang mga taga-Juda ng buwis na 3,500 kilong pilak at 35 kilong ginto. Dinalang bihag ni Neco si Jehoahaz sa Egipto, at ginawa niyang hari ng Juda at Jerusalem si Eliakim na kapatid ni Jehoahaz. Pinalitan niya ang pangalan ni Eliakim na Jehoyakim.

Ang Paghahari ni Jehoyakim sa Juda(D)

Si Jehoyakim ay 25 taong gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng 11 taon. Masama ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon na kanyang Dios. Nilusob siya ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia at kinadenahan, at dinala sa Babilonia. Dinala rin ni Nebucadnezar sa Babilonia ang ibang mga kagamitan ng templo ng Panginoon at inilagay sa kanyang palasyo.[a]

Ang ibang mga salaysay tungkol sa paghahari ni Jehoyakim at ang mga kasuklam-suklam at masasamang bagay na ginawa niya ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Israel at Juda. At ang anak niyang si Jehoyakin ang pumalit sa kanya bilang hari.

Ang Paghahari ni Jehoyakin sa Juda(E)

Si Jehoyakin ay 18 taong gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng tatlong buwan at sampung araw. Masama ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon. 10 Sa pagsisimula ng taon, binihag ni Haring Nebucadnezar si Jehoyakin sa Babilonia. Pinagkukuha niya ang mga mamahaling ari-arian sa templo ng Panginoon, at ginawa niyang hari ng Juda at Jerusalem ang tiyuhin ni Jehoyakin na si Zedekia.

Ang Paghahari ni Zedekia sa Juda(F)

11 Si Zedekia ay 21 taong gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng 11 taon. 12 Masama ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon na kanyang Dios at hindi siya nagpakumbaba kay Jeremias na propeta ng Panginoon. 13 Nagrebelde rin siya kay Haring Nebucadnezar, kahit pinanumpa siya nito sa pangalan ng Dios na hindi siya maghihimagsik sa kanya. Naging matigas ang puso ni Zedekia, at ayaw niyang manumbalik sa Panginoon, ang Dios ng Israel. 14 Gayon din ang lahat ng punong pari at ang mga mamamayan ay hindi naging tapat sa Dios. Sinunod nila ang kasuklam-suklam na mga ginagawa ng ibang mga bansa at dinungisan ang templo ng Panginoon, na itinalagang banal sa Jerusalem.

Ang Pagkawasak ng Jerusalem(G)

15 Laging nakikipag-usap sa kanila ang Panginoon, ang Dios ng kanilang mga ninuno, sa pamamagitan ng kanyang mga propeta, dahil naawa siya sa kanila at sa kanyang templo. 16 Pero hinamak nila ang mga propeta ng Dios, pinagtawanan, at binalewala ang kanilang mga mensahe. Kaya nagalit ang Panginoon sa kanila, at wala nang makakapigil sa kanya. 17 Ipinalusob niya ang mga taga-Babilonia sa kanila. Pinatay ng mga taga-Babilonia ang kanilang mga kabataang lalaki kahit sa templo. Wala silang awa kahit kaninuman, lalaki man o babae, bata man o matanda, sakitin man o hindi. Ipinaubaya ng Dios ang lahat niyang mamamayan kay Nebucadnezar. 18 Dinala ni Nebucadnezar sa Babilonia ang lahat ng kagamitan sa templo ng Dios, maliliit at malalaki, at ang lahat ng kayamanan ng templo, ng hari, at ng kanyang mga opisyal. 19 Pagkatapos, sinunog nila ang templo ng Dios at tinibag ang pader ng Jerusalem. Sinunog din nila ang lahat ng matitibay na bahagi ng lungsod, at giniba ang lahat ng mamahaling bagay. 20 Dinalang bihag ni Nebucadnezar sa Babilonia ang mga Israelita na hindi namatay, at ang mga ito ay naging alipin niya at ng kanyang mga anak hanggang sa naging makapangyarihan ang kaharian ng Persia. 21 Kaya natupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ni Propeta Jeremias, na magiging mapanglaw ang lupain at makakapagpahinga ito sa loob ng 70 taon.

Pinabalik ni Cyrus ang mga Israelita sa Kanilang Lupain(H)

22 Noong unang taon ng paghahari ni Cyrus sa Persia, tinupad ng Panginoon ang sinabi niya sa pamamagitan ni Jeremias. Hinipo niya ang puso ni Cyrus para gumawa ng isang pahayag. Isinulat ito at ipinadala sa kanyang buong kaharian. 23 Ito ang mensahe ni Haring Cyrus ng Persia:

“Ibinigay sa akin ng Panginoon, ang Dios ng kalangitan, ang lahat ng kaharian dito sa mundo, at pinagkatiwalaan niya ako sa pagpapatayo ng templo para sa kanya roon sa Jerusalem na sakop ng Juda. Kayong lahat ng mamamayan ng Dios, bumalik na kayo sa inyong lupain. At nawaʼy samahan kayo ng Panginoon.”

1 Corinto 1:1-17

Mula kay Pablo na tinawag upang maging apostol ni Cristo Jesus ayon sa kalooban ng Dios, kasama si Sostenes na ating kapatid.

Mahal kong mga kapatid sa iglesya[a] ng Dios diyan sa Corinto. Kayoʼy naging kanya sa inyong pakikipag-isa kay Cristo Jesus. Tinawag niya kayo upang maging banal,[b] kasama ng lahat ng kumikilala sa ating Panginoong Jesu-Cristo saan mang lugar. Siyaʼy Panginoon nating lahat.

Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang galing sa Dios na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo.

Mga Pagpapala Mula kay Cristo

Lagi akong nagpapasalamat sa Dios dahil sa mga pagpapalang ibinigay niya sa inyo sa pamamagitan ng inyong pakikipag-isa kay Cristo Jesus. Sapagkat sa inyong pakikipag-isa sa kanya, pinalago kayo ng Dios sa lahat ng bagay – sa pananalita at kaalaman. Dahil dito, napatunayan sa inyo na ang mga itinuro namin tungkol kay Cristo ay totoo. Kaya hindi kayo kinukulang sa anumang kaloob na espiritwal habang hinihintay ninyo ang pagbabalik ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Pananatilihin niya kayong matatag sa pananampalataya hanggang sa katapusan, upang kayoʼy maging walang kapintasan sa araw ng kanyang pagdating. Tapat ang Dios na tumawag sa inyo upang makipag-isa sa kanyang Anak na si Jesu-Cristo na ating Panginoon.

Dapat Magkaisa ang mga Mananampalataya

10 Mga kapatid, nakikiusap ako sa inyo, sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Cristo, na magkaisa kayong lahat, na walang hidwaang mamagitan sa inyo. Magkaisa kayo sa isip at layunin. 11 Sinasabi ko ito, dahil may nagbalita sa akin mula sa tahanan ni Cloe na may mga nag-aalitan sa inyo. 12 Ito ang ibig kong sabihin: Ang iba daw sa inyo ay nagsasabi, “Kay Pablo ako”; ang iba naman ay “Kay Apolos ako.” May iba ring nagsasabi, “Kay Pedro[c] ako”; at ang iba naman ay “Kay Cristo ako.” 13 Bakit, nahahati ba si Cristo? Si Pablo ba ang ipinako sa krus para sa inyo? Binautismuhan ba kayo sa pangalan ni Pablo?

14 Salamat sa Dios at wala akong binautismuhan sa inyo maliban kina Crispus at Gaius. 15 Kaya walang makapagsasabing binautismuhan kayo sa pangalan ko. 16 (Binautismuhan ko rin pala si Stefanas at ang kanyang pamilya. Maliban sa kanila, wala na akong natatandaang binautismuhan ko.) 17 Sapagkat hindi ako isinugo ni Cristo upang magbautismo, kundi upang mangaral ng Magandang Balita. At hindi ko ito ginagawa sa pamamagitan ng mahusay na pananalita at karunungan ng tao, upang hindi mawalan ng kapangyarihan ang pagkamatay ni Cristo sa krus.

Salmo 27:1-6

Panalangin ng Pagtitiwala

27 Ang Panginoon ang aking ilaw at Tagapagligtas.
    Sino ang aking katatakutan?
    Siya ang nagtatanggol sa akin kaya wala akong dapat katakutan.
Kapag sinasalakay ako ng masasamang tao o ng aking mga kaaway upang patayin,
    sila ang nabubuwal at natatalo!
Kahit mapaligiran ako ng maraming kawal,
    hindi ako matatakot.
    Kahit salakayin nila ako,
    magtitiwala ako sa Dios.
Isang bagay ang hinihiling ko sa Panginoon, ito ang tanging ninanais ko:
    na akoʼy manirahan sa kanyang templo habang akoʼy nabubuhay,
    upang mamasdan ang kanyang kadakilaan,
    at hilingin sa kanya ang kanyang patnubay.
Sa oras ng kagipitan ay itatago niya ako sa kanyang templo,
    at ilalagay niya ako sa ligtas na lugar.
Kaya mananaig ako sa mga kaaway ko na nakapaligid sa akin.
    Maghahandog ako sa templo ng Panginoon habang sumisigaw sa kagalakan,
    umaawit at nagpupuri.

Kawikaan 20:20-21

20 Mamamatay ang sinumang sumumpa sa kanyang magulang, para siyang ilaw na namatay sa gitna ng kadiliman.
21 Ang mana na kinuha ng maaga sa bandang huliʼy hindi magiging pagpapala.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®