The Daily Audio Bible
Today's audio is from the CSB. Switch to the CSB to read along with the audio.
8 1 nagtipon silang lahat sa Jerusalem nang may pagkakaisa, doon sa plasa na nasa harapan ng Pintuan ng Tubig. Hiniling nila kay Ezra na tagapagturo ng kautusan na kunin niya at basahin ang Aklat ng Kautusan ni Moises na iniutos ng Panginoon sa mga Israelita.
2-3 Kaya nang araw na iyon, ang unang araw ng ikapitong buwan, dinala ng paring si Ezra ang Kautusan sa harap ng mga tao – mga lalaki, babae, at mga batang nakakaunawa na. Binasa niya ito sa kanila nang malakas mula sa pagsikat ng araw hanggang tanghali, doon sa plasa na nasa harapan ng Pintuan ng Tubig. At pinakinggang mabuti ng lahat ang Aklat ng Kautusan. 4 Tumayo si Ezra sa mataas na entabladong kahoy na ginawa para sa okasyong iyon. Sa bandang kanan niya ay nakatayo sina Matitia, Shema, Anaya, Uria, Hilkia, at Maaseya. At sa bandang kaliwa ay nakatayo sina Pedaya, Mishael, Malkia, Hashum, Hasbadana, Zacarias, at Meshulam.
5 Nakikita si Ezra ng lahat dahil mataas ang kinatatayuan niya. At nang binuksan niya ang aklat, tumayo ang lahat ng tao. 6 Pinapurihan ni Ezra ang Panginoon, ang makapangyarihang Dios! At sumagot ang mga tao, “Amen! Amen!” habang itinataas nila ang kanilang mga kamay. Pagkatapos, nagpatirapa sila at sumamba sa Panginoon.
7 Nang tumayo na ang mga tao, ipinaliwanag sa kanila ang Kautusan. Ang nagpaliwanag sa kanila ay ang mga Levita na sina Jeshua, Bani, Sherebia, Jamin, Akub, Shabetai, Hodia, Maaseya, Kelita, Azaria, Jozabad, Hanan, at Pelaya. 8 Bumasa sila mula sa Aklat ng Kautusan ng Dios at ipinaliwanag ang kahulugan nito,[a] para maunawaan ng mga tao.
9 Habang nakikinig ang mga tao sa sinasabi ng Kautusan ay umiiyak sila. Sinabi sa kanila nina Nehemias na gobernador, Ezra na pari at tagapagturo ng kautusan, at ng mga Levita na nagpapaliwanag sa kanila ng Kautusan, “Ang araw na ito ay banal sa Panginoon na inyong Dios, kaya huwag kayong umiyak.” 10 Sinabi pa ni Nehemias, “Magdiwang kayo, kumain ng masasarap na pagkain at uminom ng masasarap na inumin. Bigyan nʼyo ang mga walang pagkain, dahil ang araw na ito ay banal sa Panginoon. At huwag kayong mabalisa, dahil ang kagalakang ibinigay ng Panginoon ay magpapatatag sa inyo.” 11 Sinabi rin ng mga Levita, “Tumahimik kayo! Huwag kayong mabalisa! Sapagkat banal ang araw na ito.” 12 Kaya umuwi ang lahat ng tao para kumain at uminom at magbigay ng pagkain sa iba. Nagdiwang sila nang may lubos na kagalakan dahil naunawaan nila ang mga mensahe ng Dios na binasa sa kanila.
Ang Pista ng Pagtatayo ng mga Kubol
13 Nang ikalawang araw ng buwang iyon, nagtipon sa harapan ni Ezra ang mga pinuno ng mga pamilya, ang mga pari at ang mga Levita para mag-aral pa tungkol sa Kautusan. 14 Natuklasan nila sa Kautusan na iniutos ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises na ang mga Israelita ay dapat tumira sa mga kubol sa oras ng pista na ginaganap tuwing ikapitong buwan. 15 At dapat nilang ipaalam sa Jerusalem at sa iba pa nilang mga bayan ang utos ng Panginoon na pumunta sila sa mga kaburulan at kumuha ng mga sanga ng olibo, mirto, palma, at ng iba pang mga kahoy na malago para gawing mga kubol, ayon sa nakasulat sa Kautusan.
16 Kaya kumuha ang mga tao ng mga sanga at gumawa ng kubol sa patag na bubong ng mga bahay nila, sa bakuran ng mga bahay nila, sa bakuran ng templo ng Dios, sa plasa na nasa harapan ng Pintuan ng Tubig, at sa Pintuan ni Efraim. 17 Lahat sila na bumalik mula sa pagkabihag ay gumawa ng mga kubol at doon tumira. Hindi pa nila nagawa ang ganito simula noong panahon ni Josue na anak ni Nun; at labis ang kasiyahan nila. 18 Araw-araw ay binabasa ni Ezra sa mga tao ang Aklat ng Kautusan ng Dios, mula sa una hanggang sa huling araw ng pista. Ipinagdiwang nila ang pista ng pitong araw, at nang ikawalong araw, nagtipon sila para sumamba sa Panginoon, ayon sa Kautusan.
Ipinahayag ng mga Israelita ang Kanilang mga Kasalanan
9 Nang ika-24 na araw ng buwan ding iyon, nagtipon ang mga Israelita para mag-ayuno. Nagdamit sila ng sako at naglagay ng alikabok sa kanilang ulo.[b] 2 Hindi nila isinama sa pag-aayuno ang mga dayuhan. Tumayo sila at ipinahayag ang kanilang mga kasalanan at ang mga kasalanan ng kanilang mga ninuno. 3 Nakatayo sila sa loob ng tatlong oras habang binabasa sa kanila ang Kautusan ng Panginoon na kanilang Dios. At sa loob din ng tatlong oras, ipinahayag nila ang kanilang mga kasalanan at sumamba sa Panginoon na kanilang Dios. 4 Ang ibang mga Levita ay nakatayo sa hagdanan, at malakas na nananalangin sa Panginoon na kanilang Dios. Sila ay sina Jeshua, Bani, Kadmiel, Shebania, Buni, Sherebia, Bani, at Kenani. 5 At ang mga Levita na tumawag sa mga tao para sumamba ay sina: Jeshua, Kadmiel, Bani, Hashabneya, Sherebia, Hodia, Shebania, at Petahia. Sabi nila, “Tumayo kayo at purihin ang Panginoon na inyong Dios na walang hanggan!”[c]
Pagkatapos, sinabi nila, “O Panginoon, kapuri-puri po ang inyong pagiging makapangyarihan! Hindi ito mapapantayan ng aming pagpupuri. 6 Ikaw lang po ang Panginoon. Ginawa nʼyo ang kalangitan, ang lupa, ang dagat, at ang lahat ng mga naroroon. Binigyan nʼyo po ng buhay ang lahat ng inyong nilikha, at sinasamba kayo ng mga anghel sa langit.
7 “Kayo ang Panginoong Dios na pumili kay Abram at naglabas sa kanya sa Ur, na sakop ng mga Caldeo. At pinangalanan nʼyo siyang Abraham. 8 Nakita nʼyong tapat siya sa inyo, at gumawa kayo ng kasunduan sa kanya na ibibigay nʼyo sa mga lahi niya ang lupain ng mga Cananeo, Heteo, Amoreo, Perezeo, Jebuseo, at ng mga Gergaseo. At tinupad po ninyo ang pangako nʼyo, dahil matuwid kayo.
9 “Nakita nʼyo po ang pagtitiis ng aming mga ninuno sa Egipto. Narinig nʼyo ang paghingi nila ng tulong sa inyo noong naroon sila sa Dagat na Pula. 10 Gumawa kayo ng mga himala at kamangha-manghang bagay laban sa Faraon, at sa lahat ng mga opisyal niya at tauhan, dahil nalalaman nʼyo kung paano nila inapi ang aming mga ninuno. At ang inyong pangalan ay tanyag hanggang ngayon. 11 Sa harap ng inyong mga mamamayan ay hinati ninyo ang dagat at sa gitna nitoʼy dumaan sila sa tuyong lupa. Ngunit nilunod nʼyo ang mga kalaban nilang humahabol sa kanila. Para silang bato na lumubog sa nagngangalit na dagat. 12 Sa araw, ginagabayan nʼyo ang inyong mga mamamayan sa pamamagitan ng ulap na parang haligi, at sa gabiʼy sa pamamagitan ng apoy na parang haligi, para bigyan sila ng liwanag sa kanilang nilalakaran.
13 “Bumaba kayo sa Bundok ng Sinai mula sa langit at nakipag-usap kayo sa kanila. Binigyan nʼyo sila ng mga tamang katuruan, mabubuting utos at ng mga tuntunin. 14 Itinuro nʼyo sa kanila ang tungkol sa dapat nilang gawin sa Araw ng Pamamahinga. At inutusan nʼyo sila sa pamamagitan ng inyong lingkod na si Moises, na tuparin ang mga utos nʼyo, mga tuntunin, at mga katuruan. 15 Nang magutom sila, binigyan nʼyo sila ng pagkain mula sa langit, at nang mauhaw ay pinainom nʼyo ng tubig mula sa bato. Sinabihan nʼyo silang pasukin at angkinin ang lupaing pangako na ibinigay ninyo sa kanila. 16 Ngunit sila na aming mga ninuno ay naging mapagmataas, matigas ang ulo, at masuwayin sa inyong mga utos. 17 Ayaw nilang makinig sa mga sinasabi nʼyo, at kinalimutan lang ang mga himalang ginawa ninyo sa kanila. Naging matigas ang kanilang ulo, at sumalungat sila sa inyong pamamaraan sa pamamagitan ng pagpili ng pinuno na magdadala sa kanila pabalik sa pagkaalipin sa Egipto. Ngunit kayo ay mapagpatawad na Dios, mahabagin, maalalahanin, hindi madaling magalit, at mapagmahal. Kaya hindi nʼyo po sila pinabayaan, 18 kahit gumawa sila ng imaheng baka, at nagsabi, ‘Ito ang dios nating nagpalaya at nagpalabas sa atin sa Egipto.’ Lubos ang paglapastangan nila sa inyo! 19 Ngunit dahil sa dakilang habag ninyo sa kanila, hindi nʼyo po sila pinabayaan sa ilang. Hindi nʼyo kinuha ang makapal na ulap na gumagabay sa kanila kapag araw, at ang naglalagablab na apoy na nagbibigay liwanag sa nilalakaran nila kapag gabi. 20 Ibinigay nʼyo po ang mabuting Espiritu ninyo sa pagtuturo sa kanila. Patuloy nʼyo silang pinakain ng ‘manna,’ at binigyan ng tubig kapag nauuhaw sila. 21 Ibinibigay nʼyo po sa kanila ang mga pangangailangan nila sa loob ng 40 taon sa ilang, kaya hindi sila nagkulang ng anuman. Hindi naluma ang mga damit nila at hindi rin namaga ang mga paa nila sa paglalakad.
Mga Karapatan at Responsibilidad ng Isang Apostol
9 Hindi baʼt malaya ako? Hindi baʼt isa akong apostol? Hindi baʼt nagpakita mismo sa akin ang ating Panginoong Jesus? Hindi baʼt dahil sa akin kaya kayo naging mga mananampalataya? 2 Kahit hindi man ako kilalanin ng iba bilang apostol, alam kong kikilalanin ninyo ako dahil kayo mismo ang katunayan ng aking pagiging apostol, at dahil sa akin kaya ngayon kayo ay nasa Panginoon. 3 At ito nga ang isinasagot ko sa mga taong hindi kumikilala sa akin bilang apostol.
4 Bilang apostol, wala ba kaming karapatang tumanggap ng pagkain at inumin mula sa mga napangaralan namin? 5 Wala ba kaming karapatang magsama ng asawang mananampalataya sa aming mga paglalakbay, tulad ng ginagawa ng mga kapatid sa Panginoon, ni Pedro, at ng iba pang mga apostol? 6 Kami lang ba ni Bernabe ang kinakailangang magtrabaho para sa aming ikabubuhay? 7 Mayroon bang sundalo na siya pa ang gumagastos para sa kanyang paglilingkod? Mayroon bang nagtatanim na hindi nakikinabang sa mga bunga nito? At mayroon bang nag-aalaga ng kambing na hindi nakikinabang sa gatas nito?
8 Ang sinasabi kong ito ay hindi lamang opinyon ng tao, kundi itinuturo mismo ng Kautusan. 9 Sapagkat nasusulat sa Kautusan ni Moises, “Huwag mong bubusalan ang baka habang gumigiik.”[a] Ang mga baka lamang ba ang tinutukoy dito ng Dios? 10 Hindi. Maging tayo ay tinutukoy niya, kaya ito isinulat. Sapagkat ang nag-aararo at ang gumigiik ay umaasang makakabahagi sa aanihin. 11 Nagtanim kami sa inyo ng mga espiritwal na pagpapapala. Malaking bagay ba kung umani naman kami ng mga materyal na pagpapala sa inyo? 12 Kung ang ibang mga mangangaral ay may karapatang tumanggap mula sa inyo, hindi baʼt lalo na kami? Ngunit kahit may karapatan kami ay hindi kami humingi sa inyo. Tiniis namin ang lahat upang sa ganoon ay walang maging hadlang sa pagpapalaganap ng Magandang Balita tungkol kay Cristo. 13 Hindi nʼyo ba alam na ang mga naglilingkod sa templo ay tumatanggap ng pagkain mula sa templo, at ang mga naglilingkod sa altar ay tumatanggap din ng parte sa mga bagay na inialay sa altar? 14 Sa ganito rin namang paraan, iniutos ng Panginoon na ang mga tumanggap ng Magandang Balita ay dapat tumulong sa mga pangangailangan ng mga nangangaral ng Magandang Balita para mabuhay sila.
15 Ngunit hindi ko ginamit ang karapatan kong iyan. At hindi ako sumusulat sa inyo upang magbigay kayo sa akin ng tulong. Mas gugustuhin ko pang mamatay kaysa sa maalis ang karapatan kong ipagmalaki ito.[b] 16 Hindi ko ipinagmamalaki ang pangangaral ko ng Magandang Balita, dahil tungkulin ko ito. Nakakaawa ako kung hindi ko ipapangaral ang Magandang Balita! 17 Kung ginagawa ko ito nang kusang-loob, may maaasahan akong gantimpala. Ngunit ang totoo, ginagawa ko lamang ang aking tungkulin dahil ito ang gawaing ipinagkatiwala ng Dios sa akin. 18 Ano ngayon ang gantimpala ko? Ang itinuturing kong gantimpala ay ang kaligayahan na akoʼy hindi nagpapabayad sa aking pangangaral ng Magandang Balita, kahit may karapatan akong tumanggap ng bayad sa pangangaral ko nito.
12 Mapalad ang bansa na ang Dios ay ang Panginoon.
At mapalad ang mga taong pinili niya na maging kanya.
13 Mula sa langit ay minamasdan ng Panginoon ang lahat ng tao.
14 Mula sa kanyang luklukan,
tinitingnan niya ang lahat ng narito sa mundo.
15 Siya ang nagbigay ng puso sa mga tao,
at nauunawaan niya ang lahat ng kanilang ginagawa.
16 Hindi nananalo ang isang hari dahil sa dami ng kanyang kawal,
at hindi naman naililigtas ang kawal gamit ang kanyang lakas.
17 Ang mga kabayo ay hindi maaasahan na maipanalo ang digmaan;
hindi sila makapagliligtas sa kabila ng kanilang kalakasan.
18 Ngunit binabantayan ng Panginoon ang mga may takot sa kanya,
sila na nagtitiwala sa kanyang pag-ibig.
19 Silaʼy inililigtas niya sa kamatayan,
at sa panahon ng taggutom, silaʼy kanyang inaalalayan.
20 Tayoʼy naghihintay nang may pagtitiwala sa Panginoon.
Siya ang tumutulong at sa atin ay nagtatanggol.
21 Nagagalak tayo,
dahil tayoʼy nagtitiwala sa kanyang banal na pangalan.
22 Panginoon, sumaamin nawa ang inyong matapat na pag-ibig.
Ang aming pag-asa ay nasa inyo.
11 Kapag ang manunuya ay pinarusahan mo, ang mga mangmang ay matututo. Kapag ang marunong naman ang tinuruan mo, lalo pa siyang magiging matalino.
12 Alam ng matuwid na Dios kung ano ang ginagawa ng sambahayan ng masasama, at parurusahan niya sila.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®