The Daily Audio Bible
Today's audio is from the NET. Switch to the NET to read along with the audio.
Ang Matuwid na Pamumuhay ni Job
1 May isang lalaking nakatira sa lupain ng Uz na ang pangalan ay Job. Matuwid siya, walang kapintasan ang pamumuhay, may takot sa Dios at umiiwas sa kasamaan. 2 Mayroon siyang pitong anak na lalaki at tatlong anak na babae. 3 Ang mga pag-aari naman niya ay 7,000 tupa, 3,000 kamelyo, 500 pares ng baka at 500 ang kanyang asnong babae. Marami ang kanyang alipin. Siya ang pinakamayaman sa buong silangan ng Israel.
4 Nakaugalian na ng mga anak niyang lalaki na halinhinang maghanda sa kani-kanilang mga bahay at inaanyayahan nilang dumalo ang tatlo nilang kapatid na babae. 5 Tuwing matatapos ang handaan, naghahandog si Job para sa kanyang mga anak. Maaga siyang gumigising at nag-aalay ng handog na sinusunog[a] para sa bawat anak niya, dahil naisip niyang baka nagkasala ang mga ito at sinadyang magsalita ng masama laban sa Dios. Ito ang palaging ginagawa ni Job.
Ang Unang Pagsubok kay Job
6 Isang araw, nagtipon ang mga anghel[b] sa presensya ng Panginoon, at sumali sa kanila si Satanas. 7 Sinabi ng Panginoon kay Satanas, “Saan ka nanggaling?” Sumagot si Satanas, “Parooʼt parito na naglilibot sa mundo.” 8 Sinabi sa kanya ng Panginoon, “Napansin mo ba ang lingkod kong si Job? Wala siyang katulad sa buong mundo. Matuwid siya at malinis ang pamumuhay. May takot siya sa akin at umiiwas sa kasamaan.” 9 Sumagot si Satanas, “May takot si Job sa iyo dahil pinagpapala mo siya. 10 Iniingatan mo siya at ang sambahayan niya, pati na ang lahat ng ari-arian niya. Pinagpapala mo ang lahat ng ginagawa niya. Kaya lalong dumarami ang kanyang mga hayop sa buong lupain. 11 Pero subukan mong kunin ang lahat ng iyan sa kanya at siguradong isusumpa ka niya.” 12 Sinabi ng Panginoon kay Satanas, “Sige, kunin mo ang lahat ng mayroon siya, pero huwag mo siyang sasaktan.” Kaya umalis agad si Satanas sa harapan ng Panginoon.
13 Isang araw, habang nagkakasayahan sa handaan ang mga anak ni Job sa bahay ng panganay, 14 dumating sa bahay ni Job ang isa niyang tauhan at ibinalita ang ganito, “Habang nag-aararo po kami gamit ang inyong mga baka, at pinapastol ang inyong mga asno sa di-kalayuan, 15 bigla kaming sinalakay ng mga Sabeo. Kinuha po nila ang mga hayop at pinatay ang aking mga kasama. Ako lang po ang nakatakas para magbalita sa inyo!”
16 Habang nagsasalita pa ang tauhan, dumating din ang isa pang tauhan ni Job at sinabi, “Tinamaan po ng apoy ng Dios ang inyong mga tupa at ang mga pastol nito, at nasunog. Ako lang po ang nakaligtas para magbalita sa inyo!”
17 Habang nagsasalita pa siya, may isa pang dumating at nagbalita, “Sinalakay po kami ng tatlong pangkat ng mga Caldeo. Kinuha po nila ang mga kamelyo at pinatay ang aking mga kasama. Ako lang po ang nakatakas para magbalita sa inyo!”
18 Habang nagsasalita pa siya, may isa pang dumating at nagbalita, “Habang nagkakasayahan po ang inyong mga anak sa bahay ng kanilang nakatatandang kapatid, 19 bigla pong dumating ang malakas na hangin mula sa ilang at nawasak po ang bahay. Nabagsakan po ang inyong mga anak at namatay. Ako lang po ang nakaligtas para magbalita sa inyo!”
20 Nang marinig iyon ni Job, tumayo siya at pinunit ang kanyang damit dahil sa pagdadalamhati. Pagkatapos, inahitan niya ang kanyang buhok sa ulo at nagpatirapa sa lupa para sumamba sa Panginoon. 21 Sinabi niya, “Ipinanganak akong walang dala at mamamatay din akong walang dala. Ang Panginoon ang nagbigay ng lahat ng mayroon ako at ang Panginoon din ang kumuha nito. Purihin ang pangalan ng Panginoon!” 22 Sa kabila ng lahat ng nangyari, hindi nagkasala si Job. Hindi niya sinisi ang Dios.
Ang Pangalawang Pagsubok kay Job
2 Isang araw, muling nagtipon ang mga anghel[c] sa presensya ng Panginoon, at muli ring sumali sa kanila si Satanas. 2 Sinabi ng Panginoon kay Satanas, “Saan ka nanggaling?” Sumagot si Satanas, “Parooʼt parito na naglilibot sa mundo.” 3 Sinabi sa kanya ng Panginoon, “Napansin mo ba ang aking lingkod na si Job? Wala siyang katulad sa buong mundo. Matuwid siya, malinis ang pamumuhay, may takot sa akin at umiiwas sa kasamaan. Tapat pa rin siya sa akin, kahit na pinilit mo akong payagan ka na sirain siya ng walang dahilan.” 4 Sinabi ni Satanas, “Matatanggap ng tao na mawala ang lahat sa kanya bastaʼt buhay lang siya. 5 Pero kapag siya na ang sinaktan mo, tiyak na isusumpa ka niya.” 6 Sinabi ng Panginoon kay Satanas, “O sige, gawin mo ang gusto mong gawin sa kanya, pero huwag mo siyang papatayin.” 7 Kaya umalis si Satanas sa presensya ng Panginoon, at sinaktan si Job sa pamamagitan ng mga pigsa mula ulo hanggang talampakan. 8 Kumuha si Job ng basag na palayok at ginamit na pangkayod sa kanyang mga sugat habang nakaupo sa abo. 9 Sinabi sa kanya ng asawa niya, “Ano, tapat ka pa rin ba sa iyong Dios? Sumpain mo na siya at nang mamatay ka na!”
10 Sumagot si Job, “Nagsasalita ka ng walang kabuluhan. Mabubuting bagay lang ba ang tatanggapin natin mula sa Dios at hindi ang masasama?” Sa kabila ng lahat ng nangyari kay Job ay hindi siya nagkasala kahit sa pananalita.
Ang Tatlong Kaibigan ni Job
11 Tatlo sa kaibigan ni Job ang nakabalita tungkol sa masamang nangyari sa kanya. Itoʼy sina Elifaz na taga-Teman, si Bildad na taga-Shua, at si Zofar na taga-Naama. Nagkasundo silang dalawin si Job para makiramay at aliwin. 12 Malayu-layo pa sila, nakita na nila si Job, pero halos hindi na nila ito makilala. Kaya napaiyak sila nang malakas. Pinunit nila ang kanilang mga damit at naglagay ng alikabok sa kanilang ulo bilang pagpapakita ng pagdadalamhati. 13 Pagkatapos, umupo sila sa lupa kasama ni Job sa loob ng pitong araw at pitong gabi. Hindi sila nagsalita dahil nakita nila ang labis na paghihirap na dinaranas ni Job.
Nagsalita si Job
3 Kinalaunan, nagsalita si Job at isinumpa niya ang araw na isinilang siya. 2 Sinabi niya, 3 “Isinusumpa ko ang araw na akoʼy ipinanganak. 4 Naging madilim na lang sana ang araw na iyon at hindi na sinikatan ng araw. Kinalimutan na lang sana ng Dios sa langit ang araw na iyon. 5 Nanatili na lang sana itong madilim o natatakpan ng makapal na ulap, at nilukuban na lang sana ng kadiliman ang kaliwanagan. 6 Kinuha na lang sana ng kadiliman ang gabing iyon nang akoʼy isilang, at hindi na sana napabilang sa kalendaryo. 7 Hindi na nga lang sana ako ipinanganak ng gabing iyon, at wala rin sanang kasayahan noon. 8 Sumpain nawa ang gabing iyon ng mga manunumpa na alam kung paano pakilusin ang Leviatan.[d] 9 Hindi na sana sumikat ang tala sa umaga ng araw na iyon, at hindi na sana dumating ang bukang-liwayway. 10 Isinusumpa ko ang araw na iyon dahil hindi niya pinigilan ang pagsilang sa akin, nang hindi ko na sana naranasan ang ganitong paghihirap.
11 “Mabuti pang namatay na lang ako sa sinapupunan ng aking ina. 12 Bakit pa ako kinalingaʼt pinasuso ng aking ina? 13 Kung namatay na sana ako noon, tahimik na sana ako ngayong natutulog at nagpapahinga 14 kasama ng mga hari at mga pinuno ng mundo na nagtayo ng mga palasyo[e] na giba na ngayon.[f] 15 Nagpapahinga na rin sana ako kasama ng mga pinuno na ang mga tahanan ay puno ng mga gintoʼt pilak. 16 Mas mabuti pang akoʼy naging katulad ng mga batang patay na nang ipinanganak at hindi na nakakita ng liwanag. 17 Doon sa lugar ng mga patay, ang masama ay hindi na gumagawa ng kasamaan at ang mga pagod ay nagpapahinga na. 18 Doon, ang mga bihag ay nagpapahinga rin at hindi na nila naririnig ang sigaw ng taong pumipilit sa kanila na magtrabaho. 19 Naroon ang lahat ng uri ng tao, tanyag man o hindi. At ang mga alipin ay malaya na sa kanilang amo.
20 “Bakit pa pinapayagang mabuhay ang taong nagtitiis at nagdurusa? 21 Nagnanais silang mamatay pero hindi pa rin sila namamatay. Hangad nila ang kamatayan ng higit pa sa isang taong naghahanap ng nakatagong kayamanan. 22 Mas sasaya sila kapag namatay na at nailibing. 23 Bakit kaya niloob pa ng Dios na mabuhay ang tao nang hindi man lamang pinapaalam ang kanyang kahahantungan? 24 Hindi ako makakain dahil sa labis na pagdaramdam at walang tigil ang aking pagdaing. 25 Ang kinatatakutan koʼy nangyari sa akin. 26 Wala akong kapayapaan at katahimikan. Wala akong kapahingahan, pawang kabagabagan ang nararanasan ko.”
Ang Pagsasalita ng Ibang Wika na Hindi Natutunan
14 Sikapin ninyong makamtan ang pag-ibig, ngunit sikapin din ninyong makamtan ang mga kaloob na espiritwal, lalo na ang pagpapahayag ng mensahe ng Dios. 2 Ang taong nagsasalita sa ibang wika na hindi niya natutunan ay nakikipag-usap hindi sa tao kundi sa Dios, dahil wala namang nakakaunawa sa kanya. Nagsasalita siya ng mga hiwaga sa tulong ng Banal na Espiritu. 3 Ngunit ang taong nagpapahayag ng mensahe ng Dios ay nagsasalita sa mga tao upang silaʼy matulungan, mapalago at mapalakas ang loob. 4 Ang nagsasalita sa ibang wika na hindi niya natutunan ay pinatitibay ang kanyang sarili, ngunit ang nagpapahayag ng mensahe ng Dios ay nagpapatibay sa iglesya. 5 Gusto ko sanang kayong lahat ay makapagsalita sa ibang wika na hindi natutunan, ngunit mas ninanais kong makapagpahayag kayo ng mensahe ng Dios. Sapagkat ang taong nagpapahayag ng mensahe ng Dios ay mas mahalaga kaysa sa nagsasalita sa ibang wika na hindi natutunan, maliban na lamang kung ipapaliwanag niya ang kahulugan ng kanyang sinasabi upang mapatibay ang iglesya. 6 Ano ba ang mapapala ninyo, mga kapatid, kung pumunta ako riyan at magsalita ng ibang wika na hindi ninyo naiintindihan? Wala! Maliban na lang kung magbigay ako sa inyo ng pahayag mula sa Dios, o kaalaman, mensahe, o aral.
7 Kahit na ang mga instrumentong walang buhay tulad ng plauta at alpa, kung hindi malinaw ang mga notang tinutugtog, paano malalaman ng nakakarinig kung anong awit ang tinutugtog? 8 At kung hindi malinaw ang tunog ng trumpeta sa mga sundalo, sinong maghahanda para sa labanan? 9 Ganito rin sa inyo. Paano makakaunawa ang isang mananampalataya sa sinasabi mo sa ibang wika kung hindi naman niya naiintindihan? Para ka na ring nakikipag-usap sa hangin. 10 Maraming wika sa buong mundo at ang bawat salita nito ay may kahulugan. 11 Ngunit kung hindi ko maintindihan ang sinasabi ng isang tao at hindi rin naman niya ako maintindihan, wala kaming mapapala sa isaʼt isa. 12 At dahil nga hinahangad naman ninyo ang mga kaloob ng Banal na Espiritu, pagsikapan ninyong matanggap ang mga kaloob na nagpapatibay sa iglesya.
13 Kaya nga, ang taong nagsasalita sa ibang wika na hindi niya natutunan ay manalangin na bigyan din siya ng kakayahang maipaliwanag ito. 14 Kung nananalangin ako sa ibang wika na hindi ko natutunan, nananalangin nga ang aking espiritu, ngunit hindi naman naiintindihan ng aking isipan. 15 Kung ganoon, ano ang dapat kong gawin? Mananalangin ako at aawit sa pamamagitan ng aking espiritu kahit hindi ko ito naiintindihan, at mananalangin din ako at aawit sa paraang naiintindihan ng aking isipan. 16 Kung magpapasalamat ka sa Dios sa pamamagitan ng iyong espiritu lamang, at hindi ito maintindihan, paanong makakasagot ng “Amen” ang iba kung hindi naman nila naiintindihan ang iyong sinasabi? 17 Kahit maayos ang pagpapasalamat mo sa Dios, kung hindi naman naiintindihan ng iba, hindi ka rin makakapagpatatag sa kanila.
12 Ang mga masama ay nagpaplano ng hindi mabuti laban sa mga matuwid,
at galit na galit sila.
13 Ngunit tinatawanan lamang ng Panginoon ang mga masama,
dahil alam niyang malapit na ang oras ng paghahatol.
14 Binunot na ng masasama ang kanilang mga espada,
at nakaumang na ang kanilang mga pana
upang patayin ang mga dukha na namumuhay nang matuwid.
15 Ngunit sila rin ang masasaksak ng kanilang sariling espada
at mababali ang kanilang mga pana.
16 Ang kaunting tinatangkilik ng matuwid ay mas mabuti
kaysa sa kayamanan ng masama.
17 Dahil tutulungan ng Panginoon ang matuwid,
ngunit mawawalan ng kakayahan ang taong masama.
18 Araw-araw, inaalagaan ng Panginoon ang mga taong matuwid.
At tatanggap sila ng gantimpalang pangwalang hanggan.
19 Sa panahon ng kahirapan hindi sila malalagay sa kahihiyan.
Kahit na taggutom, magkakaroon pa rin sila ng kasaganaan.
20 Ngunit ang mga taong masamaʼy mamamatay.
Ang mga kaaway ng Panginoon ay mamamatay tulad ng bulaklak.
Silaʼy maglalaho na gaya ng usok.
21 Ang taong masama ay nangungutang pero hindi nagbabayad,
ngunit ang taong matuwid ay naaawa at nagbibigay ng sagana.
22 Ang mga pinagpapala ng Panginoon ay patuloy na titira sa lupain ng Israel.
Ngunit silang mga isinumpa niya ay palalayasin.
23 Ginagabayan ng Panginoon ang bawat hakbang ng taong matuwid na ang buhay ay nakakalugod sa kanya.
24 Matisod man siyaʼy hindi siya mabubuwal,
dahil hinahawakan siya ng Panginoon.
25 Akoʼy naging bata at ngayoʼy matanda na,
ngunit hindi ko pa nakita kahit kailan na ang matuwid ay pinabayaan ng Panginoon
o ang kanya mang mga anak ay namalimos ng pagkain.
26 Ang matuwid ay palaging nagbibigay at nagpapahiram,
at ang kanilang mga anak ay nagiging pagpapala sa iba.
27 Iwasan ang masama at gawin ang mabuti;
nang sa gayon ay manahan ka sa lupain magpakailanman.
28 Dahil ang nais ng Panginoon ay katarungan,
at ang mga taong tapat sa kanya ay hindi niya pinapabayaan.
Silaʼy iingatan niya magpakailanman.
Ngunit ang lahi ng mga taong masama ay mawawala.
29 Ang mga matuwid ay mananahan magpakailanman sa lupain ng Israel na sa kanilaʼy ipinamana.
25 Kung marami kang ninanais ngunit tamad kang magtrabaho, iyon ang sisira sa iyo.
26 Ang taong tamad ay laging naghahangad na makatanggap, ngunit ang taong matuwid ay nagbibigay nang walang alinlangan.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®