The Daily Audio Bible
Today's audio is from the EHV. Switch to the EHV to read along with the audio.
31 “Ipinangako ko sa aking sarili na hinding-hindi ako titingin nang may pagnanasa sa isang dalaga. 2 Sapagkat anong igaganti ng Makapangyarihang Dios na nasa langit sa mga ginagawa ng tao? 3 Hindi baʼt kapahamakan at kasawian para sa mga gumagawa ng kasamaan? 4 Alam ng Dios ang lahat ng aking ginagawa. 5 Kung nagsinungaling man ako at nandaya, 6 hahayaan kong hatulan ako ng Dios, dahil siya ang nakakaalam kung nagkasala nga ako. 7 Kung hindi ako sumunod sa tamang daan, o kung sinunod ko ang nais ng aking mata, at dinungisan ko ang aking sarili, 8 masira nawa ang aking mga pananim o di kayaʼy pakinabangan ng iba. 9 Kung naakit ako ng ibang babae o napaibig sa asawa ng aking kapwa, 10 kunin nawa at sipingan ng ibang lalaki ang asawa ko. 11 Sapagkat ang pangangalunya ay kasalanang nakakahiya, at dapat na parusahan ang taong ganyan ang ginagawa. 12 Iyan ay parang mapamuksang apoy na uubos sa lahat ng aking kabuhayan.
13 “Kung hindi ko pinahalagahan ang karapatan ng aking alipin nang dumaing sila sa akin, 14 anong gagawin ko kung hatulan ako ng Dios? Anong isasagot ko kung tanungin niya ako? 15 Hindi baʼt ang Dios na lumikha sa akin ang siya ring Dios na lumikha sa aking mga alipin?
16 “Kung hindi ako tumulong sa mga dukha at sa mga biyuda na nahihirapan, 17 at kung naging madamot ako sa mga ulila, parusahan nawa ako ng Dios. 18 Pero mula pa noong kabataan ko, tumutulong na ako sa mga ulila, at sa buong buhay ko hindi ko pinabayaan ang mga biyuda. 19 Kapag nakakita ako ng taong nahihirapan sa lamig dahil kapos siya sa damit, 20 binibigyan ko siya ng damit pangginaw na yari sa balahibo ng aking mga tupa. At buong puso siyang nagpapasalamat sa akin. 21 Kung pinagbuhatan ko ng kamay ang mga ulila, dahil alam kong malakas ako sa hukuman, 22 maputol sana ang mga braso ko. 23 Hindi ko magagawa ang mga bagay na iyan dahil natatakot ako sa parusa at kapangyarihan ng Dios.
24 “Hindi ako nagtiwala sa aking kayamanan o nag-isip man na magbibigay ito sa akin ng katiyakan. 25 Hindi ko ipinagyabang ang kayamanan ko at lahat ng aking ari-arian. 26 Hindi ako sumamba sa araw na nagbibigay ng liwanag o sa buwan na kumikinang. 27 Ang puso koʼy hindi nahikayat na sumamba sa mga ito. 28 Kung nagkasala ako sa paggawa ng mga ito, dapat akong parusahan dahil nagtaksil ako sa Dios na nasa langit.
29 “Hindi ko ikinatuwa ang kapahamakan ng aking kaaway o ang pagsapit sa kanila ng kahirapan. 30 Hindi ako nagkasala sa pamamagitan ng pagsumpa sa kanila. 31 Alam ng aking mga kasambahay na pinapakain ko ang lahat kahit na ang mga dayuhan. 32 Hindi ko pinabayaang matulog kahit saan ang mga dayuhan, dahil palaging bukas ang pintuan ng aking tahanan para sa kanila. 33 Hindi ko itinatago ang aking kasalanan katulad ng ginagawa ng iba. 34 Hindi ako tumahimik o nagtago dahil takot ako sa anumang sasabihin ng mga tao.
35 “Kung mayroon lang sanang makikinig ng panig ko, nakahanda akong lumagda para patunayan na wala akong kasalanan. Kung may reklamo ang Dios na Makapangyarihan laban sa akin, ipapakiusap ko sa kanyang sabihin niya ito sa akin o kayaʼy isulat na lang. 36 At ikakabit ko ito sa aking balikat o sa ulo ko na parang korona para ipakita sa lahat na nakahanda akong humarap sa mga usapin. 37 Sasabihin ko sa Dios ang lahat ng aking ginawa. Haharap ako sa kanya katulad ng pinuno na hindi nahihiya.
38 “Kung inaabuso ko ang aking lupain, o kinamkam ko ito sa iba,[a] 39 o kung pinasama ko ang loob ng mga manggagawa sa aking lupain dahil kinuha ko ang kanilang ani ng walang bayad, 40 tumubo nawa sa lupain ko ang mga matitinik na halaman at mga damo sa halip na trigo at sebada.”
Dito natapos ang mga sinabi ni Job.
Nagsalita si Elihu
32 Kinalaunan, tumigil na sa pagsasalita ang tatlong kaibigan ni Job, dahil ipinipilit ni Job na wala siyang kasalanan.
2 May isang tao roon na ang pangalan ay Elihu. Anak siya ni Barakel, na taga-Buz. Mula siya sa angkan ni Ram. Nagalit siya kay Job dahil sinisisi nito ang Dios, sa halip na ang kanyang sarili. 3 Nagalit din siya sa tatlong kaibigan ni Job dahil hindi nila napatunayang nagkasala si Job at lumalabas pa na ang Dios ang may kasalanan. 4 At dahil mas matanda sila kaysa kay Elihu, naghintay muna si Elihu na matapos silang magsalita bago siya nagsalita kay Job. 5 Pero nang wala ng masabi ang tatlo, nagalit siya. 6 Kaya sinabi niya, “Bata pa ako at kayoʼy matatanda na, kaya nag-aatubili akong magsalita. Hindi ako nangahas na magsalita sa inyo tungkol sa nalalaman ko. 7 Ang akala ko ay kayo ang dapat magturo dahil matatanda na kayo at maraming nalalaman. 8 Pero ang totoo, ang espiritu ng Dios na Makapangyarihan na nasa tao, ang siyang nagbibigay ng pang-unawa. 9 Ang katandaan ay hindi garantiya ng karunungan at kaalaman kung ano ang tama. 10 Kaya pakinggan ninyo ako. Sasabihin ko ang nalalaman ko. 11 Naghintay ako habang iniisip ninyo kung ano ang nararapat ninyong sabihin. Pinakinggan ko ang inyong mga katuwiran. 12 Pinakinggan kong mabuti ang mga sinabi ninyo, pero ni isa sa inyoʼy walang nakapagpatunay na nagkasala si Job; ni hindi ninyo nasagot ang mga pangangatwiran niya. 13 Huwag ninyong sasabihing, ‘Napag-alaman naming mas marunong siya. Hayaan ninyong ang Dios ang sumagot sa kanya at hindi ang tao!’ 14 Kung sa akin siya nakipagtalo, hindi ko siya sasagutin na katulad ng mga sinabi ninyo. 15 Hindi na kayo makakibo ngayon at wala nang maisagot sa kanya. 16 At ngayong wala na kayong maisagot, kailangan ko pa bang maghintay? 17 Ako rin ay may sasabihin ayon sa nalalaman ko. 18 Dahil marami akong gustong sabihin, at hindi ko na talaga ito mapigilan. 19 Para akong bagong sisidlang-balat na punong-puno at malapit nang sumabog. 20 Kinakailangan kong magsalita para gumaan ang pakiramdam ko. 21 Wala akong kakampihan o pupurihin. 22 Hindi ako marunong mambola. Kung gagawin ko ito, parusahan nawa ako ng aking Manlilikha.”
33 “Ngayon, Job, pakinggan mong mabuti ang sasabihin ko sa iyo. 2 Handang-handa na akong magsalita, at ang mga sasabihin koʼy nasa dulo na ng aking dila. 3 Ang sasabihin koʼy mula sa tapat kong puso at tuwiran kong sasabihin ang aking nalalaman. 4 Ang espiritu ng Makapangyarihang Dios ang gumawa sa akin at nagbigay buhay. 5 Sagutin mo ako, kung kaya mo. Ihanda mo ang iyong katuwiran at harapin ako. 6 Pareho lang tayo sa harapan ng Dios. Tulad mo rin akong nagmula sa lupa. 7 Kaya huwag kang matakot sa akin at huwag mong isipin na aapihin kita.
8 “Narinig ko ang mga sinabi mo. Sinabi mong, 9 ‘Wala akong kasalanan. Malinis ako at walang ginawang masama. 10 Pero naghahanap ang Dios ng dahilan para akoʼy pahirapan. Itinuturing niya akong kaaway. 11 Kinadenahan niya ang mga paa ko at binabantayan ang lahat ng kilos ko.’
12 “Pero Job, mali ka sa mga sinabi mo. Hindi baʼt ang Dios ay higit kaysa sa tao? 13 Bakit mo siya pinararatangan na hindi niya sinasagot ang daing ng tao? 14 Ang totoo, palaging[b] nagsasalita ang Dios, kaya lang hindi nakikinig ang mga tao. 15 Nagsasalita siya sa pamamagitan ng panaginip o ng pangitain habang ang taoʼy natutulog ng mahimbing sa gabi. 16 Bumubulong siya sa mga tainga nila para magbigay ng babala, at ito ang nakapagpatakot sa kanila. 17 Ginagawa niya ito para pigilan sila sa paggawa ng kasalanan at pagmamataas, 18 at para mailigtas sila sa kamatayan. 19 Kung minsan naman, itinutuwid ng Dios ang tao sa pamamagitan ng sakit tulad ng walang tigil na pananakit ng buto, 20 at nawawalan siya ng ganang kainin kahit na ang pinakamasasarap na pagkain. 21 Kaya pumapayat siya, at nagiging butoʼt balat na lamang. 22 Malapit na siyang mamatay at mapunta sa lugar ng mga patay.
23 “Pero kung may kahit isa man sa isang libong anghel na mamamagitan sa kanya at sa Dios, at sasabihing siya ay matuwid, 24 kahahabagan siya ng Dios.[c] At sasabihin ng Dios, ‘Iligtas nʼyo siya sa kamatayan. Nakatagpo ako ng pantubos sa kanya.’ 25 Muli siyang magiging malusog. Lalakas siya tulad noong kanyang kabataan. 26 At kapag nanalangin siya sa Dios, sasagutin siya ng Dios at masayang tatanggapin, ibabalik ng Dios ang matuwid niyang pamumuhay. 27 Pagkatapos, sasabihin niya sa mga tao, ‘Nagkasala ako at gumawa ng hindi tama, pero hindi ko natanggap ang parusang nararapat sa akin. 28 Iniligtas niya ako sa kamatayan at patuloy akong nabubuhay.’
29 “Oo, lagi itong ginagawa ng Dios sa tao. 30 Inililigtas niya ang tao sa kamatayan para mabuhay ito.
31 “Job, pakinggan mo akong mabuti. Tumahimik kaʼt hayaan akong magsalita. 32 Kung may gusto kang sabihin, sabihin mo, dahil gusto kong malaman kung wala ka talagang kasalanan. 33 Pero kung wala ka namang sasabihin, tumahimik ka na lang at makinig sa karunungan ko.”
3 Baka sabihin ninyong pinupuri na naman namin ang aming mga sarili. Hindi kami katulad ng iba riyan na kailangan ang rekomendasyon para tanggapin ninyo, at pagkatapos hihingi naman ng rekomendasyon mula sa inyo para tanggapin din sa ibang lugar. 2 Hindi na namin kailangan ito dahil kayo na mismo ang aming rekomendasyon na nakasulat sa aming puso. Sapagkat ang pamumuhay ninyo ay parang sulat na nakikita at nababasa ng lahat. 3 Malinaw na ang buhay ninyo ay parang isang sulat mula kay Cristo na isinulat sa pamamagitan namin. At hindi tinta ang ginamit sa sulat na ito kundi ang Espiritu ng Dios na buhay. At hindi rin ito isinulat sa malapad na mga bato, kundi sa puso ng mga tao.
4 Nasasabi namin ang mga ito dahil sa mga ginagawa ni Cristo sa pamamagitan namin at dahil sa aming pagtitiwala sa Dios. 5 Kung sa aming sarili lamang, wala kaming sapat na kakayahang gawin ito. Lahat ng aming kakayahan ay mula sa Dios. 6 Siya ang nagbigay sa amin ng kakayahan para maipahayag namin ang kanyang bagong pamamaraan para mailapit ang mga tao sa kanya. At ang bagong pamamaraan na ito ay hindi ayon sa isinulat na Kautusan kundi sa pamamagitan ng Espiritu. Sapagkat ang Kautusan ay nagdudulot ng kamatayan, ngunit ang Espiritu ay nagbibigay-buhay.
7 Noong ibinigay ng Dios kay Moises ang Kautusan na nakasulat sa malapad na mga bato, hindi matingnan ng mga Israelita ang mukha ni Moises dahil nasisilaw sila. Ngunit ang ningning na iyon sa kanyang mukha ay unti-unti ring nawala. Ngayon, kung nagpakita ang Dios ng kanyang kapangyarihan sa Kautusan na nagdudulot ng kamatayan, 8 higit pa ang ipapakita niyang kapangyarihan kung kikilos na ang Espiritu. 9 Kung nagpakita ang Dios ng kapangyarihan niya sa pamamagitan ng Kautusan na nagdudulot ng hatol na kamatayan, higit pa ang ipapakita niyang kapangyarihan sa pagpapawalang-sala sa mga tao. 10 Ang totoo, balewala ang kapangyarihan ng Kautusan kung ihahambing sa kapangyarihan ng bagong pamamaraan ng Dios. 11 Kung may kapangyarihang ipinakita ang Dios sa pamamagitan ng Kautusan na lumilipas, higit pa ang kapangyarihang ipinapakita niya sa bagong pamamaraang ito na nananatili magpakailanman.
12 At dahil sa pag-asa naming ito, malakas ang aming loob na ipahayag ang salita ng Dios. 13 Hindi kami tulad ni Moises na nagtakip ng mukha para hindi makita ng mga Israelita ang liwanag sa kanyang mukha na unti-unting nawawala. 14 Ang totoo, hindi naintindihan ng mga Israelita ang kahulugan nito noon dahil may nakatakip sa kanilang isipan. At kahit ngayon, may nakatakip pa rin sa kanilang isipan habang binabasa nila ang dating kasunduan. At maaalis lamang ito kapag ang isang taoʼy nakay Cristo. 15 Totoong hanggang ngayon ay may nakatakip sa kanilang isipan habang binabasa nila ang mga isinulat ni Moises. 16 Ngunit kung lalapit ang tao sa Panginoon, maaalis ang takip sa kanyang isipan. 17 Ngayon, ang binabanggit ditong Panginoon ay ang Banal na Espiritu, at kung ang Espiritu ng Panginoon ay nasa isang tao, malaya na siya. 18 At dahil naalis na ang takip sa ating isipan, nakikita na natin ang kapangyarihan ng Panginoon. At ang kapangyarihang ito ay mula sa Panginoon, na siyang Banal na Espiritu, ang siyang unti-unting bumabago sa atin hanggang tayoʼy maging katulad niya.
Ang Panalangin sa Panahon ng Kagipitan
43 Patunayan nʼyo, O Dios, na akoʼy walang kasalanan,
at akoʼy inyong ipagtanggol sa mga hindi matuwid.
Iligtas nʼyo ako sa mga mandaraya at sa masasama.
2 Kayo ang Dios na nag-iingat sa akin,
bakit nʼyo ako itinakwil?
Bakit kailangan pang magdusa ako sa pang-aapi ng aking mga kaaway?
3 Paliwanagan nʼyo ako at turuan ng inyong katotohanan,
upang akoʼy magabayan pabalik sa inyong templo sa banal na bundok.
4 Nang sa gayon, makalapit ako sa inyong altar, O Dios,
na nagpapagalak sa akin.
At sa pamamagitan ng pagtugtog ng alpa ay pupurihin ko kayo, O aking Dios.
5 Bakit nga ba ako nalulungkot at nababagabag?
Dapat magtiwala ako sa inyo.
Pupurihin ko kayong muli, aking Dios at Tagapagligtas!
8 Ang naghahasik ng kasamaan ay aani ng kapahamakan, at matitigil na ang kanyang pamiminsala sa iba.
9 Ang nagbibigay ng pagkain sa dukha ay tiyak na pagpapalain.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®