The Daily Audio Bible
Today's audio is from the EHV. Switch to the EHV to read along with the audio.
Sumagot si Job
23 Pagkatapos, sinabi ni Job, 2 “Hanggang ngayoʼy labis pa rin ang hinaing ko. Pinahihirapan pa rin ako ng Dios sa kabila ng labis kong pagdaing. 3 Kung alam ko lang kung saan ko siya hahanapin; kung makakapunta lang sana ako sa kinaroroonan niya, 4 sasabihin ko sa kanya ang aking kaso at ilalahad ang aking katuwiran. 5 Gusto kong malaman kung ano ang isasagot niya sa akin at gusto ko ring maintindihan ang sasabihin niya. 6 Makikipagtalo kaya siya sa akin gamit ang kapangyarihan niya? Hindi! Hindi niya iyon gagawin, kundi pakikinggan niya ako. 7 Ang taong matuwid na tulad ko ay maaaring mangatuwiran sa harap ng Dios na aking hukom, at palalayain niya ako nang lubusan.
8-9 “Hinanap ko ang Dios sa kung saan-saan – sa silangan, kanluran, hilaga, at timog, pero hindi ko siya matagpuan. 10 Ngunit alam niya ang ginagawa ko. Pagkatapos na masubukan niya ako, makikita niyang malinis ako tulad ng lantay na ginto. 11 Sinunod ko ang kanyang mga pamamaraan; hindi ko ito sinuway. 12 Sinusunod ko ang kanyang mga utos, at iniingatan ko ito sa aking puso. Pinahahalagahan ko ang mga salita niya ng higit pa sa pang-araw-araw na pagkain ko.
13 “Pero malaya ang Dios na gawin ang nais niyang gawin; walang sinumang makahahadlang sa kanya. 14 Kaya gagawin niya ang binabalak niyang gawin sa akin, at marami pa siyang planong gagawin sa akin. 15 Kaya natatakot ako sa kanya. At kapag iniisip ko ito, lalo akong natatakot. 16 Pinanghihina ako at tinatakot ng Makapangyarihang Dios. 17 Pero hindi ako tumigil sa pagdaing kahit na para akong nababalutan ng kadiliman.
Nagtanong si Job tungkol sa Paghatol ng Dios
24 “Bakit hindi pa itakda ng Dios na Makapangyarihan ang kanyang paghatol sa masasamang tao? Bakit hindi makita ng mga nakakakilala sa kanya ang panahong iyon ng paghatol? 2 Nangangamkam ng lupain ang masasamang tao sa pamamagitan ng paglilipat ng muhon. Nagnanakaw sila ng mga hayop at isinasama sa sarili nilang mga hayop. 3 Ninanakaw nila ang mga asno ng mga ulila, at kinukuha nila ang baka ng biyuda bilang sangla sa utang. 4 Inaapi nila ang mga dukha kaya napipilitang magtago ang mga ito. 5 Naghahanap sila ng kanilang pagkain sa ilang na parang mga asnong-gubat, dahil wala silang ibang lugar na mapagkukunan ng pagkain para sa kanilang mga anak. 6 Namumulot sila ng mga tirang bunga sa mga bukid, pati na sa ubasan ng taong masama. 7 Sa gabiʼy natutulog silang giniginaw dahil wala silang damit o kumot man lamang. 8 Nababasa sila ng ulan sa mga kabundukan, at sumisiksik na lang sa mga siwang ng bato dahil walang masilungan.
9 “Kinukuha ng taong masasama ang anak ng biyuda at babaeng dukha bilang garantiya sa pagkakautang nila. 10 Lumalakad na walang damit ang mga dukha; tagapasan sila ng mga inaning trigo, pero silaʼy nagugutom. 11 Pumipiga sila ng mga olibo at ubas, pero sila mismo ay nauuhaw. 12 Naririnig sa lungsod ang daing ng mga nag-aagaw buhay at mga sugatang humihingi ng tulong, pero hindi ginagantihan ng Dios ang mga gumawa nito sa kanila.
13 “May mga taong kumakalaban sa liwanag. Hindi sila lumalakad sa liwanag at hindi nila ito nauunawaan. 14 Ang mga mamamatay-tao ay bumabangon ng maaga at pinapatay ang mga dukha, at sa gabi namaʼy nagnanakaw. 15 Ang mangangalunyaʼy naghihintay na dumilim para walang makakita sa kanya. Tinatakpan niya ang kanyang mukha para walang makakilala sa kanya. 16 Sa gabi, pinapasok ng mga magnanakaw ang mga bahay. Sa araw, nagtatago sila dahil umiiwas sila sa liwanag. 17 Itinuturing nilang liwanag ang dilim, dahil gusto nila ang nakakatakot na kadiliman.”
Ang Sagot ni Zofar
18 “Pero ang masasama ay hindi magtatagal, gaya ng bula sa tubig. Kahit na ang lupa na kanilang pag-aari ay isinumpa ng Dios. Kaya walang pumaparoon kahit sa kanilang ubasan. 19 Kung paanong ang yelo ay natutunaw at nawawala dahil sa init, ang makasalanan ay mawawala rin sa daigdig. 20 Lilimutin na sila at hindi na maaalala kahit ng kanilang ina. Lilipulin sila na parang punongkahoy na pinutol at kakainin sila ng mga uod. 21 Sapagkat hindi maganda ang pakikitungo nila sa mga babaeng baog at hindi sila nahahabag sa mga biyuda.
22 “Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Dios, ibabagsak niya ang mga taong makapangyarihan. Kahit na malakas sila, walang katiyakan ang buhay nila. 23 Maaaring hayaan sila ng Dios na mamuhay na walang panganib, pero binabantayan niya ang lahat ng kilos nila. 24 Maaari rin silang magtagumpay, pero sandali lang iyon dahil hindi magtatagal ay mawawala sila na parang bulaklak na nalalanta o parang uhay na ginapas.
25 “Kung hindi tama ang sinabi ko, sinong makapagpapatunay na sinungaling ako? Sino ang makapagsasabing mali ako?”
Nagsalita si Bildad
25 Sumagot si Bildad na taga-Shua, 2 “Makapangyarihan ang Dios at kagalang-galang. Pinaghahari niya ang kapayapaan sa langit. 3 Mabibilang ba ang kanyang hukbo? May lugar bang hindi nasisinagan ng kanyang liwanag? 4 Paano makakatayo ang isang tao sa harapan ng Dios at sasabihing siya ay matuwid? Mayroon bang taong ipinanganak na walang kapintasan? 5 Kung ang buwan at mga bituin ay hindi maliwanag sa kanyang paningin, 6 di lalo na ang tao na parang uod lamang.”
Sumagot si Job
26 Sumagot si Job, 2 “Ang akala mo baʼy natulungan mo ang walang kakayahan at nailigtas ang mahihina? 3 Ang akala mo baʼy napayuhan mo ang kapos sa karunungan sa pamamagitan ng iyong karunungan? 4 Saan ba nanggaling ang mga sinasabi mong iyan? Sinong espiritu ang nagturo sa iyo na sabihin iyan?
5 “Nanginginig sa takot ang mga patay sa kinalalagyan nila sa ilalim ng tubig. 6 Lantad sa paningin ng Dios ang lugar ng mga patay. Hindi maitatago ang lugar na iyon ng kapahamakan. 7 Inilatag ng Dios ang hilagang kalangitan sa kalawakan at isinabit ang mundo sa kawalan. 8 Ibinabalot niya ang ulan sa makakapal na ulap, pero hindi ito napupunit gaano man kabigat. 9 Tinatakpan niya ng makapal na ulap ang bilog na buwan.[a] 10 Nilagyan niya ng hangganan ang langit at dagat na parang hangganan din ng liwanag at dilim. 11 Sa pagsaway niya ay nayayanig ang mga haligi ng langit. 12 Sa kanyang kapangyarihan ay pinaaalon niya ang dagat; sa kanyang karunungan ay tinalo niya ang dragon na si Rahab. 13 Sa pamamagitan ng pag-ihip niya ay umaaliwalas ang langit, at sa kanyang kapangyarihan pinatay niya ang gumagapang na dragon. 14 Mga simpleng bagay lang ito para sa kanya. Parang isang bulong lang na ating napakinggan. Sino ngayon ang makakaunawa sa kapangyarihan ng Dios?”
27 Nagpatuloy sa pagsasalita si Job, 2 “Sumusumpa ako sa Makapangyarihan at buhay na Dios na nagkait ng katarungan at nagdulot sa akin ng sama ng loob. 3 Habang akoʼy may hininga at pinapahintulutan niyang mabuhay, 4 hindi ako magsasalita ng masama at kasinungalingan. 5 Hinding-hindi ko matatanggap na tama kayo. Ipipilit ko pa rin na wala akong kasalanan hanggang sa mamatay ako. 6 Ipaglalaban kong tama ako, at hindi ako titigil. Malinis ang aking konsensya habang akoʼy nabubuhay.
7 “Parusahan nawa ng Dios ang mga kumakalaban sa akin ng parusang nararapat sa masasamang tao! 8 Sapagkat ano ang pag-asa ng taong walang takot sa Dios kung bawiin na ng Dios ang kanyang buhay? 9 Didinggin kaya ng Dios ang paghingi niya ng tulong kung dumating sa kanya ang kagipitan? 10 Matutuwa kaya siya sa Makapangyarihang Dios? Tatawag kaya siya sa kanya sa lahat ng oras?
11 “Tuturuan ko sana kayo ng tungkol sa kapangyarihan ng Dios. Sasabihin ko sa inyo ang mga pamamaraan niya. 12 Pero alam na pala ninyo ang lahat ng ito. Kaya bakit pa kayo nagsasalita sa akin ng walang kabuluhan?
13 “Ito ang kapalaran na itinakda ng Makapangyarihang Dios sa taong masama at malupit. 14 Kahit gaano kadami ang anak niya, mamamatay ang iba sa kanila sa digmaan at ang iba naman ay sa gutom. 15 Ang matitira sa kanila ay mamamatay sa sakit, at walang magluluksa sa pagkamatay nila, kahit ang kanilang mga asawa.
16 “Kahit mag-ipon ng maraming pilak at damit ang masamang tao, 17 hindi rin siya ang makikinabang nito. Ang matutuwid at walang kasalanan ang magsusuot ng kanyang mga damit at ang maghahati-hati sa kanyang mga pilak. 18 Ang itinatayo niyang bahay ay magiging kasinrupok ng sapot ng gagamba o kayaʼy silungan ng tagapagbantay sa bukid. 19 Matutulog siyang mayaman pero paggising niyaʼy wala na ang kanyang kayamanan. 20 Darating sa kanya ang takot na parang rumaragasang baha at tatangayin siya ng ipu-ipo pagsapit ng gabi. 21 Tatangayin siya ng hangin na mula sa silangan at mawawala siya sa kanyang tirahan. 22 Walang awa siyang tatangayin nito habang pinipilit niyang makatakas. 23 May mga papalakpak at susutsot sa kanya para mangutya, dahil wala na siya sa kanyang tinitirhan.
Nagbago ng Plano si Pablo
12 Isang bagay ang maipagmamalaki namin: Namumuhay kaming matuwid at tapat sa harap ng lahat ng tao, lalung-lalo na sa inyo. Nagawa namin ito hindi sa pamamagitan ng karunungan ng mundo kundi dahil sa biyaya ng Dios. At pinatutunayan ng aming konsensya na talagang totoo itong aming ipinagmamalaki. 13-14 Sapagkat wala kaming isinusulat sa inyo na hindi ninyo mabasa o maintindihan. Kahit na hindi nʼyo pa kami kilalang mabuti, umaasa akong darating ang araw na makikilala nʼyo kami nang lubusan, para maipagmalaki ninyo kami sa araw ng pagdating ng Panginoong Jesus, at maipagmamalaki rin namin kayo.
15 Dahil sa tiwalang ito, binalak kong bisitahin kayo noong una, para makatanggap kayo ng dobleng pagpapala[a] sa pagbisita ko sa inyo ng dalawang beses. 16 Binalak kong dumaan muna sa inyo pagpunta ko sa Macedonia, at sa aking pagbalik mula roon, muli akong dadaan diyan para matulungan ninyo ako sa aking paglalakbay papuntang Judea. 17 Iyon sana ang plano ko noon. Ngunit dahil hindi ito natuloy, masasabi ba ninyong pabago-bago ang aking isip? Katulad din ba ako ng mga taong makamundo na “Oo” nang “Oo,” pero “Hindi” naman pala ang ibig sabihin? 18 Aba, hindi! Kung paanong tapat ang Dios, ganoon din naman kami sa aming mga sinasabi. 19 Kami nina Silas at Timoteo ay nangaral sa inyo tungkol kay Jesu-Cristo na Anak ng Dios. At alam ninyong si Cristoʼy tapat sa kanyang mga salita. Talagang tutuparin niya ang kanyang mga pangako. 20 Sapagkat kahit gaano man karami ang pangako ng Dios, tutuparin niyang lahat ito sa pamamagitan ni Cristo. Kaya nga masasabi natin na tapat ang Dios,[b] at itoʼy nakapagbibigay ng kapurihan sa kanya. 21 Ang Dios ang nagpapatibay sa atin, at sa ating pakikipag-isa kay Cristo. Pinili niya tayo para maglingkod sa kanya. 22 Tinatakan niya tayo bilang tanda na tayoʼy nasa kanya na. Ginawa niya ito sa pamamagitan ng paglalagay ng kanyang Banal na Espiritu sa ating mga puso. Ang Banal na Espiritu ang nagsisilbing garantiya na matatanggap natin ang kanyang mga ipinangako.
23 Saksi ko ang Dios, na kaya hindi na ako tumuloy diyan sa Corinto ay dahil ayaw kong sumama ang loob ninyo sa akin. 24 Ayaw naming diktahan kayo sa inyong pananampalataya dahil matatag na kayo riyan. Nais lamang naming magkatulungan tayo para maging masaya kayo.
2 Naisip kong huwag na munang pumunta riyan kung makapagdudulot lang naman ng kalungkutan ang pagdalaw ko sa inyo. 2 Kayo lang ang nagpapasaya sa akin. Ngunit kung magiging malungkot kayo nang dahil sa akin, papaano nʼyo pa ako mapapasaya? 3 Iyan ang dahilan kung bakit sumulat ako sa inyo noon. Ayaw kong sa pagpunta ko riyan ay maging malungkot ang mga taong dapat sanaʼy magpapaligaya sa akin. At naniniwala ako na ang kaligayahan ko ay kaligayahan din ninyong lahat. 4 Nang sumulat ako noon sa inyo, nabagabag ang aking kalooban. Nalungkot akoʼt lumuha. Sumulat ako sa inyo hindi dahil sa gusto ko kayong saktan kundi dahil gusto kong maipakita kung gaano ko kayo kamahal.
Patawarin ang Nagkasala
5 Ngayon, tungkol naman sa taong nagdulot ng kalungkutan kaninuman, hindi lamang ako ang binigyan niya ng kalungkutan. Ayaw kong magmalabis, pero nagbigay din siya ng kalungkutan sa inyong lahat. 6 Pero sapat na ang kaparusahang ibinigay ninyo sa kanya. 7 Kaya patawarin na ninyo siya at patatagin, dahil baka maging labis ang kanyang hinagpis at tuluyang panghinaan ng loob. 8 Nakikiusap ako na ipakita ninyo sa kanya na mahal nʼyo pa rin siya. 9 At ito nga ang dahilan ng pagsulat ko sa inyo, dahil gusto kong malaman kung sinusunod ninyong mabuti ang lahat ng sinasabi ko sa inyo. 10 Kung pinatawad na ninyo ang taong nagkasala, pinatawad ko na rin siya. At kung nagpatawad man ako, saksi si Cristo na ginawa ko iyon alang-alang sa inyo. 11 Nararapat lamang na magpatawad tayo para hindi tayo madaig ni Satanas. Alam naman natin ang mga binabalak niyang masama.
Ang Dalangin ng Taong may Sakit
41 Mapalad ang taong nagmamalasakit sa mga mahihirap.
Tutulungan siya ng Panginoon sa panahon ng kaguluhan.
2 Ipagtatanggol siya ng Panginoon, at iingatan ang kanyang buhay.
Pagpapalain din siya sa lupain natin.
At hindi siya isusuko sa kanyang mga kaaway.
3 Tutulungan siya ng Panginoon kung siya ay may sakit,
at pagagalingin siya sa kanyang karamdaman.
4 Sinabi ko,
“O Panginoon, nagkasala ako sa inyo.
Maawa kayo sa akin, at pagalingin ako.”
5 Ang aking mga kaaway ay nagsasalita laban sa akin.
Sinasabi nila,
“Kailan pa ba siya mamamatay upang makalimutan na siya?”
6 Kapag dumadalaw sila sa akin, nagkukunwari silang nangungumusta,
pero nag-iipon lang pala sila ng masasabi laban sa akin.
Kapag silaʼy lumabas na, ikinakalat nila ito.
7 Ang lahat ng galit sa akin ay masama ang iniisip tungkol sa akin,
at pinagbubulung-bulungan nila ito.
8 Sinasabi nila,
“Malala na ang karamdaman niyan,
kaya hindi na iyan makakatayo!”
9 Kahit ang pinakamatalik kong kaibigan na kasalo ko lagi sa pagkain at pinagkakatiwalaan –
nagawa akong pagtaksilan!
10 Ngunit kayo Panginoon, akoʼy inyong kahabagan.
Pagalingin nʼyo ako upang makaganti na ako sa aking mga kaaway.
11 Alam ko na kayoʼy nalulugod sa akin,
dahil hindi ako natatalo ng aking mga kaaway.
12 Dahil akoʼy taong matuwid,
tinutulungan nʼyo ako at pinapanatili sa inyong presensya magpakailanman.
13 Purihin ang Panginoon, ang Dios ng Israel, magpakailanman.
Amen! Amen!
5 Lumalakad ang taong masama sa daang matinik at may mga patibong. Ang nag-iingat sa sarili ay umiiwas sa daang iyon.
6 Ituro sa bata ang tamang pag-uugali, at hindi niya ito malilimutan hanggang sa kanyang pagtanda.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®