Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NET. Switch to the NET to read along with the audio.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Job 8-11

Nagsalita si Bildad

Sumagot si Bildad na taga-Shua, “Hanggang kailan ka magsasalita ng ganyan? Nag-iingay ka lang at walang kabuluhan ang mga sinasabi mo. Hindi maaaring pilipitin ng Makapangyarihang Dios ang katarungan o baluktutin ang katuwiran. Nagkasala ang iyong mga anak laban sa Dios kaya nararapat lamang ang natanggap nilang kaparusahan. Pero kung lalapit ka sa Makapangyarihang Dios, at magmamakaawa sa kanya, at mamumuhay nang malinis at matuwid, kahit ngayon ay agad ka niyang tutulungan at ibabalik sa mabuting kalagayan. At ang kayamanang ibibigay sa iyo ay higit pa kaysa sa kayamanan mo noon.

“Tanungin mo ang mga matatanda. Alamin mo kung ano ang natutunan[a] ng kanilang mga ninuno. Sapagkat parang kailan lang tayo ipinanganak at kaunti lang ang ating nalalaman, at ang mga araw natin dito sa mundo ay tulad ng anino na hindi nagtatagal. 10 Pakinggan mo sila, at sasabihin nila sa iyo ang kanilang nalalaman.

11 “Hindi mabubuhay ang halamang tubig kung walang tubig. 12 Mamamatay iyon kahit na pasibol pa lang at hindi pa panahong putulin. 13 Ganyan din ang kahihinatnan ng lahat ng taong tumatalikod sa Dios. Ang kanyang pag-asa ay mawawala. 14 Ang lahat ng inaasahan at pinagtitiwalaan niya ay kasinrupok ng sapot ng gagamba. 15 Kapag sinandalan ito, agad nalalagot; dumidikit ngunit mahina ang kapit. 16 Kung titingnan parang mabuti ang kalagayan niya, parang tanim na sagana sa dilig at sikat ng araw. Yumayabong ito sa buong hardin 17 at kumakapit ang mga ugat nito sa mga bato. 18 Pero kapag nabunot na ito, hindi na pinapansin. 19 Ganyan ang wakas ng buhay niya, at may tanim na tutubong muli sa lugar na kanyang tinubuan.

20 “Ang totoo, hindi itinatakwil ng Dios ang taong matuwid at hindi niya tinutulungan ang taong masama. 21 Patatawanin ka niyang muli, at pasisigawin sa kagalakan. 22 Ipapahiya niya ang mga napopoot sa iyo at wawasakin ang kanilang sambahayan.”

Sumagot si Job

Sumagot si Job,

“Totoo ang sinabi mo. Pero paano mapapatunayan ng tao na wala siyang kasalanan sa harapan ng Dios? Kahit na makipagtalo pa siya sa Dios sa hukuman, wala siyang magagawa, dahil sa isang libong katanungan ng Dios, hindi niya masasagot isa man sa mga ito. Marunong at makapangyarihan ang Dios. Sino ang nakipaglaban sa kanya at nagtagumpay?

“Walang anu-anoʼy pinauuga niya ang mga bundok at natitibag ito sa tindi ng kanyang galit. Niyayanig niya ang lupa at ang mga pundasyon nito ay nauuga. Kapag inutusan niya ang araw o ang mga bituin, hindi ito sisikat o magbibigay ng liwanag. Tanging siya lang ang nakapaglalatag ng langit at nakapagpapatigil ng alon. Siya ang manlilikha ng grupo ng mga bituin na tinatawag na Oso, Orion, Pleyades, at mga bituin sa katimugan. 10 Gumagawa siya ng mga kahanga-hangang bagay at mga himalang hindi kayang unawain at bilangin. 11 Kapag dumadaan siya sa tabi ko, hindi ko siya nakikita o nararamdaman. 12 Kung may gusto siyang kunin, walang makakapigil sa kanya. At sino ang makakapagreklamo sa mga ginagawa niya? 13 Hindi pinipigil ng Dios ang kanyang galit. Kahit ang mga katulong ng dragon na si Rahab ay yumuyukod sa takot sa kanya. 14 Kaya papaano ko ipagtatanggol ang sarili ko sa Dios? Ano ang mga salitang maaari kong gamitin para makipagtalo sa kanya? 15 Kahit na wala akong kasalanan, hindi ko maipagtatanggol ang sarili ko. Ang magagawa ko lamang ay magmakaawa sa Dios na aking Hukom. 16 Kahit hilingin kong magkausap kami at pumayag siya, hindi pa rin niya ako pakikinggan. 17 Sapagkat pinapahirapan niya ako na parang sinasalanta ng bagyo, at dinadagdagan pa niya ang paghihirap ko nang walang dahilan. 18 Halos malagot na ang aking hininga dahil sa paghihirap na idinulot niya sa akin. 19 Kung lakas ang pag-uusapan walang tatalo sa kanya! At kung sa hukuman idadaan, sinong makapaghahabla sa kanya? 20 Kahit na wala akong kasalanan, paparusahan pa rin ako dahil sa mga sinabi ko. 21 Kahit na wala akong kapintasan, wala na itong halaga sa akin ngayon. Kinamumuhian ko na ang aking buhay. 22 Pareho lang naman ang kapalaran ng matuwid at masama. Lahat sila ay mamamatay. 23 Kapag biglang namatay sa kalamidad ang matuwid, natatawa lang siya. 24 Ipinagkatiwala niya ang mundo sa masasama. Tinatakpan niya ang mata ng mga hukom para hindi sila humatol ng tama. Kung hindi siya ang gumagawa nito, sino pa kaya?

25 “Madaling lumipas ang mga araw sa buhay ko; mas mabilis pa ito kaysa sa mananakbo. Lumilipas ito nang walang nakikitang kabutihan. 26 Dumadaan ito na kasimbilis ng isang matuling sasakyang pandagat o ng agilang dumadagit ng pagkain. 27 Kahit tumigil na ako sa pagdaing at pagdadalamhati at akoʼy ngumiti na, 28 nananaig pa rin sa akin ang takot sa mga paghihirap na maaaring dumating sa akin. Dahil alam kong hindi niya ako ituturing na walang kasalanan. 29 Yaman din lamang na itinuring na niya akong may kasalanan, wala nang halaga na ipagtanggol ko pa ang aking sarili. 30 Kahit sabunan ko pa ang aking buong katawan para luminis, 31 ilulubog pa rin niya ako sa maputik na hukay, upang kahit ang sarili kong damit ay ikahiya ako. 32 Hindi tao ang Dios na katulad ko; hindi ko siya kayang sagutin o isakdal man sa hukuman. 33 Mayroon sanang mamagitan sa amin para pagkasunduin kaming dalawa, 34 at mapatigil sana niya ang pagpalo ng Dios sa akin, para hindi na ako matakot. 35 Kung magkagayoʼy makakausap ko na ang Dios nang walang takot, pero sa ngayon hindi ko pa ito magagawa.”

10 “Kinasusuklaman ko ang buhay ko, kaya dadaing ako hanggaʼt gusto ko. Sasabihin ko ang aking sama ng loob. Ito ang sasabihin ko sa Dios: ‘Huwag nʼyo akong hatulan na masama ako. Sabihin nʼyo sa akin kung ano ang kasalanan ko sa inyo. Natutuwa ba kayo na pinahihirapan nʼyo ako? Bakit nʼyo itinatakwil ang inyong nilikha, at sinasang-ayunan naman ang binabalak ng masama? Ang paningin nʼyo baʼy tulad ng paningin ng tao? Ang buhay nʼyo baʼy kasing-ikli ng buhay ng tao? Bakit pilit nʼyo akong hinahanapan ng kasalanan? Alam nʼyong wala akong kasalanan, pero sino ang makapagtatanggol sa akin mula sa inyong kamay?

“ ‘Kayo ang gumawa at humubog sa akin, at ngayon kayo rin ang sisira sa akin. Alalahanin ninyong akoʼy hinubog nʼyo mula sa lupa[b] at ngayon baʼy ibabalik nʼyo na ako sa lupa? 10 Hindi baʼt kayo ang humubog sa akin mula sa sinapupunan ng aking ina na parang keso na hinubog mula sa gatas? 11 Binuo nʼyo ang aking mga buto at litid, at saka binalutan ng laman at balat. 12 Pagkatapos, binigyan nʼyo ako ng buhay, pinakitaan ng kabutihan at iningatan. 13 Pero nalaman ko na ang tunay ninyong plano sa akin 14 ay ang bantayan ako kung magkakasala ako at kapag nangyari iyon, hindi nʼyo ako patatawarin. 15 Nagkasala man ako o hindi, pareho lang naman na nakakaawa ako, dahil sa labis na kahihiyan at paghihirap na dinaranas ko. 16 Pinagsisikapan kong bumangon, pero para kayong leon na nakaabang sa akin. Ginagamit nʼyo ang inyong kapangyarihan laban sa akin. 17 Patuloy nʼyo akong isinasakdal at lalo kayong nagagalit sa akin. Walang tigil nʼyo akong nilulusob.

18 “ ‘Bakit niloob nʼyo pa na isilang ako? Sanaʼy namatay na lang ako at wala nang nakakita sa akin. 19 Hindi na lang sana ako nilikha. Namatay na lang sana ako bago isinilang at itinuloy sa libingan. 20 Maikling panahon na lang ang natitira sa akin, kaya hayaan nʼyo na lang ako para kahit saglit man lang ay sumaya naman ako, 21 bago ako pumunta sa lugar na malungkot at madilim, at hindi na ako makakabalik pa rito. 22 Napakadilim sa lugar na iyon; palaging gabi at walang liwanag, at naghahari doon ang kaguluhan.’ ”

Nagsalita si Zofar

11 Pagkatapos, sumagot si Zofar na taga-Naama,

“Hindi dapat palampasin itong mga sinabi mo. Hindi mapapatunayan ng isang tao na wala siyang kasalanan sa pamamagitan lang ng kanyang mga salita. Sa tingin mo baʼy mapapatahimik kami ng mga sinasabi mong walang saysay? Akala mo baʼy hindi ka namin sasawayin sa iyong panunuya? Sinasabi mong tama ang iyong paniniwala at matuwid ka sa paningin ng Dios. Magsalita sana ang Dios laban sa iyo, at sabihin sa iyo ang mga bagay na hindi mo pa alam. May mga bagay na alam mo na at may mga bagay ding hindi mo pa alam. Alam mo bang ang parusa ng Dios sa iyo ay kulang pa sa nararapat sa iyo?

“Kaya mo bang unawain ang lahat-lahat tungkol sa Dios? 8-9 Mas mataas pa ito kaysa sa langit at mas malalim pa kaysa sa lugar ng mga patay. Mas malawak pa ito kaysa sa mundo at mas maluwang pa kaysa sa dagat. Maihahambing mo kaya ang karunungan mo sa kanya?

10 “Halimbawang dakpin ka ng Dios, iharap sa hukuman at ipakulong, may makakapigil ba sa kanya? 11 Alam niya kung sino ang mga mandaraya at hindi lingid sa kanya ang kanilang kasamaan. 12 Ang mangmang ay imposibleng maging marunong gaya ng asnong-gubat na imposibleng manganak ng tao.

13 Job, kung magsisisi ka at lalapit sa Dios, 14 at tatalikuran ang iyong mga kasalanan, at kung pati ang sambahayan mo ay magsisisi sa kanilang kasalanan, 15 tiyak na hindi ka na mapapahiya, tatatag ang iyong pamumuhay at wala ka nang katatakutan. 16 Makakalimutan mo na rin ang iyong paghihirap na parang tubig na umagos lang at nawala. 17 At ang buhay moʼy magiging mas maliwanag pa kaysa sa sikat ng araw sa katanghaliang tapat. At ang dati mong buhay na madilim ay magiging maliwanag na parang umaga. 18 Mapapanatag ang buhay mo dahil may bago kang pag-asa. Iingatan ka ng Dios at makapagpapahinga ka ng walang kinatatakutan. 19 Matutulog ka ng walang mananakot sa iyo, at marami ang hihingi ng tulong sa iyo. 20 Pero ang masasama ay mabibigo at walang patutunguhan. At ang tanging pag-asa nila ay kamatayan.”

1 Corinto 15:1-28

Ang Muling Pagkabuhay ni Cristo

15 Mga kapatid, nais kong ipaalala sa inyo ang Magandang Balita na ipinangaral ko sa inyo. Ito ang aral na inyong tinanggap at hanggang ngayon ay pinaninindigan ninyo. Sa pamamagitan nitoʼy maliligtas kayo kung panghahawakan ninyong mabuti ang ipinangaral ko, maliban na lamang kung hindi talaga tunay ang inyong pananampalataya.

Sapagkat ibinigay ko sa inyo ang pinakamahalagang aral na ibinigay sa akin: Na si Cristoʼy namatay upang iligtas tayo sa ating mga kasalanan, ayon sa Kasulatan. Inilibing siya ngunit muling nabuhay sa ikatlong araw, ayon din sa Kasulatan. Nagpakita siya kay Pedro, at sa iba pang 12 apostol. Pagkatapos, nagpakita rin siya sa mahigit 500 na mga kapatid na nagkakatipon. Karamihan sa kanilaʼy buhay pa hanggang ngayon, ngunit ang ilan sa kanila ay patay na. Nagpakita rin siya kay Santiago, at pagkatapos sa lahat ng apostol.

At sa kahuli-hulihan ay nagpakita rin siya sa akin. Ang katulad koʼy isang sanggol na ipinanganak nang wala sa panahon dahil biglaan ang aking pagkakilala sa kanya. Ako ang pinakahamak sa mga apostol at hindi nga ako karapat-dapat tawaging apostol dahil inusig ko ang iglesya ng Dios. 10 Ngunit dahil sa awa ng Dios sa akin, naging apostol ako. At hindi nasayang ang biyayang ipinagkaloob niya sa akin, dahil higit akong nagpagal kung ihahambing sa ibang mga apostol, bagamaʼt itoʼy sa pamamagitan ng tulong ng Dios at hindi ng aking sarili lamang. 11 Kaya nga, walang pagkakaiba kung sila o ako ang nangangaral sa inyo. Ang mahalagaʼy iisa ang aming ipinangangaral at iyon din ang inyong pinananaligan.

Ang Muling Pagkabuhay ng mga Patay

12 Ngayon, kung ipinangangaral namin sa inyo na si Cristoʼy muling nabuhay, bakit sinasabi ng ilan sa inyo na walang muling pagkabuhay? 13 Kung totoong walang muling pagkabuhay, nangangahulugan na maging si Cristo ay hindi rin muling nabuhay. 14 At kung si Cristoʼy hindi muling nabuhay, walang kabuluhan ang aming pangangaral, at wala ring silbi ang inyong pananampalataya. 15 At hindi lang iyan, lalabas din na sinungaling kami tungkol sa Dios dahil ipinapahayag namin na binuhay niyang muli si Cristo. 16 Ngunit hindi siya muling nabuhay kung talagang walang muling pagkabuhay. 17 At kung si Cristoʼy hindi muling nabuhay, walang silbi ang inyong pananampalataya at hindi pa kayo napapatawad sa inyong mga kasalanan. 18 At nangangahulugan din na ang mga mananampalataya kay Cristo na namatay na ay hindi naligtas. 19 Kung ang pag-asa natin kay Cristo ay hanggang sa buhay na ito lamang, tayo ang pinakakawawa sa lahat ng tao.

20 Ngunit ang totoo, muling nabuhay si Cristo bilang katibayan na muling bubuhayin ang mga patay. 21 Dahil sa isang tao na si Adan, dumating ang kamatayan sa lahat ng tao. At dahil din sa isang tao na si Cristo, muling mabubuhay ang mga patay. 22 Sapagkat kung paanong tayong mga tao ay mamamatay dahil sa kaugnayan natin kay Adan, ganoon din naman, dahil sa ating kaugnayan kay Cristo, tayong lahat ay muling mabubuhay. 23 Ngunit may kanya-kanyang takdang panahon ang muling pagkabuhay. Unang nabuhay si Cristo; pagkatapos, ang mga nakay Cristo naman ang bubuhayin pagbalik niya rito sa mundo. 24 At pagkatapos nito, darating ang katapusan. Lulupigin niya ang lahat ng kaharian, pamahalaan at kapangyarihan, at ibibigay ang paghahari sa Dios Ama. 25 Sapagkat si Cristoʼy dapat maghari hanggang sa lubusan niyang malupig ang lahat ng kanyang mga kaaway. 26 At ang huling kaaway na kanyang lulupigin ay ang kamatayan. 27 Sinasabi sa Kasulatan na ang lahat ng bagay ay ipinasakop ng Dios kay Cristo.[a] Ngunit sa salitang “lahat ng bagay,” hindi nangangahulugan na kasama rito ang Dios na siyang nagpasakop ng lahat ng bagay sa ilalim ng kapangyarihan ni Cristo. 28 At kung ang lahat ay naipasakop na sa kapangyarihan ni Cristo, maging si Cristo ay magpapasakop sa Dios na siyang naglagay ng lahat ng bagay sa ilalim ng kanyang kapangyarihan, upang ang Dios ang siyang maghari sa lahat.

Salmo 38

Dalangin ng Taong Dumaranas ng Hirap

38 Panginoon, sa inyong galit, huwag nʼyo akong patuloy na parusahan.
Para bang pinalo nʼyo ako at pinana.
Dahil sa galit nʼyo sa akin, nanlulupaypay ang aking katawan.
    Sumasakit ang buong katawan ko dahil sa aking mga kasalanan.
Parang nalulunod na ako sa nag-uumapaw kong kasalanan.
    Itoʼy para bang pasanin na hindi ko na makayanan.
Dahil sa aking kamangmangan ang aking mga sugat ay namamaga at nangangamoy.
Akoʼy namimilipit sa sobrang sakit at lubos ang kalungkutan ko buong araw.
Sumasakit ang buo kong katawan,
    at bumagsak na rin ang aking kalusugan.
Akoʼy pagod na at nanghihina pa,
    at dumadaing din ako dahil sa sobrang bigat ng aking kalooban.
Panginoon, alam nʼyo ang lahat kong hinahangad,
    at naririnig nʼyo ang lahat kong mga daing.
10 Kumakabog ang aking dibdib at nawawalan ako ng lakas;
    pati ang ningning ng aking mga mata ay nawala na.
11 Dahil sa aking karamdaman,
    akoʼy iniwasan ng aking mga kaibigan, kasamahan,
    at maging ng aking mga kamag-anak.
12 Ang mga tao na gustong pumatay sa akin ay naglalagay ng bitag upang akoʼy hulihin.
    Ang mga gustong manakit sa akin ay nag-uusap na akoʼy ipahamak.
    Buong araw silang nagpaplano ng kataksilan.

13 Ngunit para akong pipi at bingi na hindi nakaririnig at hindi nakapagsasalita.
14 Nagbibingi-bingihan ako at hindi sumasagot sa kanila.
15 Dahil naghihintay pa rin ako sa inyo, Panginoon.
    Kayo, Panginoon na aking Dios, sasagutin nʼyo ako.
16 Kayaʼt hinihiling ko sa inyo:
    “Huwag nʼyong payagan na matuwa ang aking mga kaaway
    o kayaʼy magmalaki kapag akoʼy natumba.”
17 Akoʼy parang babagsak na
    sa walang tigil na paghihirap.
18 Kaya inihahayag ko ang aking kasalanan na nagpapahirap sa akin.

19 Tungkol naman sa aking mga kaaway, napakarami at napakalakas nila.
    Kinamumuhian nila ako ng walang dahilan.
20 Sa mabuti kong ginawa,
    sinusuklian nila ako ng masama.
    At kinakalaban nila ako
    dahil nagsisikap akong gumawa ng mabuti.

21 Panginoon kong Dios, huwag nʼyo akong pababayaan;
    huwag nʼyo akong lalayuan.
22 Panginoon kong Tagapagligtas, agad nʼyo po akong tulungan.

Kawikaan 21:28-29

28 Patitigilin sa pagsasalita ang saksing sinungaling, ngunit ang saksing nagsasabi ng katotohanan ay pakikinggan.
29 Ang taong masama ay hindi pinag-iisipan ang kanyang ginagawa, ngunit ang taong matuwid ay pinag-iisipan muna nang mabuti ang kanyang ginagawa.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®