The Daily Audio Bible
Today's audio is from the EHV. Switch to the EHV to read along with the audio.
Sumagot si Job
12 Sumagot si Job, 2 “Ang akala nʼyo baʼy kayo lang ang marunong at wala nang matitirang marunong kapag namatay kayo? 3 Ako man ay marunong din gaya ninyo; hindi kayo nakahihigit sa akin. Alam ko rin ang lahat ng sinasabi ninyo. 4 Pero naging katawa-tawa ako sa aking mga kaibigan, kahit na matuwid ako at walang kapintasan, at kahit sinagot ng Dios ang mga dalangin ko noon. 5 Ang mga taong naghihirap na gaya ko na tila mabubuwal ay kinukutya ng mga taong walang problema. 6 Pero ang mga tulisan at ang mga taong ginagalit ang Dios ay namumuhay ng payapa gayong ang dinidios nilaʼy ang sarili nilang kakayahan.
7-8 “Matututo ka sa ibaʼt ibang hayop – ang lumalakad, lumilipad, gumagapang, at ang lumalangoy. 9 Sapagkat alam nila na ang Panginoon ang may gawa nito.[a] 10 Nasa kamay niya ang buhay o hininga ng bawat nilalang, pati na ng tao. 11 Kung alam ng dila ng tao kung alin ang masarap o hindi masarap na pagkain, alam din ng tainga ng tao kung alin ang mabuti o masamang salita. 12 Maraming alam sa buhay ang matatanda, dahil habang tumatagal ang buhay nila, lalong dumarami ang kanilang nalalaman.
13 “Pero ang Dios ay hindi lang nagtataglay ng karunungan, nasa kanya rin ang kapangyarihan, at siya lang ang nakakaunawa kung ano ang dapat gawin. 14 Walang makapag-aayos ng kanyang sinisira, at walang makapagpapalaya sa kanyang ikinukulong. 15 Kung pipigilin niya ang ulan, matutuyo ang lupa, at kung ibubuhos naman niya ito, babahain ang lupa. 16 Makapangyarihan siyaʼt matagumpay, at nasa ilalim ng kanyang kapangyarihan ang mandaraya at ang dinadaya. 17 Inaalisan niya ng karunungan ang mga tagapayo, at ginagawang mangmang ang mga hukom. 18 Pinaaalis niya ang mga hari sa kanilang trono at ipinabibihag. 19 Tinatanggal niya sa tungkulin ang mga pari at ang mga taong may kapangyarihan. 20 Pinatatahimik niya ang mga pinagkakatiwalaang tagapayo at inaalis ang karunungan ng matatanda. 21 Hinahamak niya ang mga mararangal na tao at inaalisan ng kakayahan ang mga may kapangyarihan. 22 Ang mga lihim ay kanyang inihahayag, at ang madilim ay pinapalitan ng liwanag. 23 Pinalalakas niya ang mga bansa at pinapalawak ang kanilang teritoryo, pero ibinabagsak din niya ito at winawasak. 24 Ginagawa niyang mangmang ang kanilang mga pinuno at inililigaw sila sa ilang. 25 Kaya para silang bulag na kumakapa sa dilim at sumusuray-suray na parang lasing.
13 “Nakita koʼt napakinggan ang lahat ng sinabi ninyo, at itoʼy aking naunawaan. 2 Ang alam ninyo ay alam ko rin. Hindi kayo nakahihigit sa akin. 3 Pero hindi na ako makikipagtalo sa inyo tungkol sa kalagayan ko. Sa Makapangyarihang Dios ko na lang ito idudulog. 4 Sapagkat pinagsisikapan ninyong gamutin ako ng kasinungalingan. Lahat kayoʼy parang manggagamot na walang silbi. 5 Mas mabuti pang tumahimik na lang kayo. Iyan ang pinakamabuti nʼyong gawin.
6 “Pakiusap naman! Pakinggan ninyo ang katuwiran ko. 7 Ipagtatanggol nʼyo ba ang Dios sa pamamagitan ng pagsisinungaling? 8 Kumakampi ba kayo sa kanya? Ipagtatanggol ba ninyo siya? 9 Kung siyasatin kaya kayo ng Dios, may kabutihan kaya siyang makikita sa inyo? Huwag ninyong isipin na madadaya ninyo siya tulad ng pandaraya ninyo sa mga tao. 10 Tiyak na sasawayin kayo ng Dios kahit na kinakampihan ninyo siya. 11 Hindi ba kayo natatakot sa kapangyarihan niya? 12 Ang mga binabanggit nʼyong kasabihan ay walang kabuluhan; itoʼy parang abo. Ang mga katuwiran nʼyo ay marupok gaya ng palayok.
13 “Tumahimik kayo habang nagsasalita ako, at anuman ang mangyari sa akin, bahala na. 14 Nakahanda akong itaya ang buhay ko. 15 Tiyak na papatayin ako ng Dios; wala na akong pag-asa. Pero ipagtatanggol ko pa rin ang aking sarili sa kanya. 16 Baka sakaling sa pamamagitan nito ay maligtas ako, dahil walang masamang tao na makakalapit sa kanya.
17 “Pakinggan ninyong mabuti ang sasabihin ko. 18 Ngayong handa na akong ipagtanggol ang sarili ko; alam kong mapapawalang-sala ako. 19 Sino ang makapagpaparatang na nagkasala ako? Kung mayroon nga, mananahimik na lang ako hanggang sa mamatay.
20 “O Dios, dalawang bagay lang ang hinihiling ko sa inyo, na kung ibibigay nʼyo sa akin ay hindi na ako magtatago sa inyo: 21 Tigilan nʼyo na ang pagpaparusa sa akin at huwag nʼyo na akong takutin ng mga nakakatakot na parusa ninyo. 22 Kausapin nʼyo ako at sasagot ako, o kayaʼy ako ang magsasalita sa iyo at sagutin nʼyo ako. 23 Anu-ano po ba ang mga nagawa kong pagkakamali at kasalanan? Sabihin nʼyo po sa akin ang aking pagkakamali at mga kasalanan. 24 Bakit umiiwas kayo sa akin at itinuturing nʼyo akong kaaway? 25 Bakit nʼyo ako tinatakot at hinahabol? Para lang akong dahon o tuyong ipa na tinatangay ng hangin. 26 Inililista nʼyo ang mabibigat na paratang laban sa akin at isinasama nʼyo pa ang lahat ng kasalanan ko noong bata pa ako. 27 Para nʼyong ikinadena ang aking mga paa. Bawat hakbang koʼy binabantayan nʼyo, at pati bakas ng paa koʼy sinusundan ninyo. 28 Kaya para na akong isang bagay na nabubulok o isang damit na sinisira ng amag.
14 “Ang buhay ng tao ay maikli lamang at puno ng kahirapan. 2 Ang katulad nito ay isang bulaklak, namumukadkad pero agad nalalanta. Katulad din ito ng aninong biglang nawawala. 3 Kaya Panginoon, bakit kailangan nʼyo pang bantayan nang ganito ang tao? Gusto nʼyo pa ba siyang[b] hatulan sa inyong hukuman? 4 May tao bang nabubuhay na lubusang matuwid? Wala! Sapagkat ang lahat ay ipinanganak na makasalanan. 5 Sa simula paʼy itinakda nʼyo na kung gaano kahaba ang itatagal ng buhay ng isang tao. At hindi siya lalampas sa itinakda nʼyong oras sa kanya. 6 Kaya hayaan nʼyo na lamang siya para makapagpahinga naman siya katulad ng isang manggagawa pagkatapos magtrabaho.
7 “Kapag pinutol ang isang puno, may pag-asa pa itong mabuhay at tumubong muli. 8 Kahit na matanda na ang ugat nito at patay na ang tuod, 9 tutubo itong muli na parang bagong tanim kapag nadiligan. 10 Pero kapag ang taoʼy namatay, mawawala na ang lakas niya. Pagkalagot ng hininga niya, iyon na ang wakas niya. 11 Kung papaanong bumababa ang tubig sa dagat at natutuyo ang mga ilog, 12 gayon din naman, ang taoʼy namamatay at hindi na makakabangon pa o magigising sa kanyang pagkakatulog hanggang sa maglaho ang langit.
13 “Panginoon, itago nʼyo na lamang po sana ako sa lugar ng mga patay hanggang sa mawala ang galit nʼyo sa akin, at saka nʼyo ako alalahanin sa inyong itinakdang panahon. 14 Kung mamatay ang tao, mabubuhay pa kaya ito? Kung ganoon, titiisin ko ang lahat ng paghihirap na ito hanggang sa dumating ang oras na matapos ito. 15 At sa oras na tawagin nʼyo ako, Panginoon, sasagot ako, at kasasabikan nʼyo ako na inyong nilikha. 16 Sa mga araw na iyon, babantayan nʼyo pa rin ang aking mga ginagawa, pero hindi nʼyo na aalalahanin pa ang aking mga kasalanan. 17 Parang ipinasok nʼyo ito sa bag at tinakpan para hindi nʼyo na makita.
18 “Pero kung papaanong gumuguho ang mga bundok at nahuhulog ang mga bato mula sa kanilang kinalalagyan, 19 at kung paanong nagiging manipis ang bato sa patuloy na pag-agos ng tubig, at gumuguho ang lupa dahil sa malakas na ulan, ganyan nʼyo rin sinisira ang pag-asa ng tao. 20 Nilulupig nʼyo siyang lagi at namamatay siya, at binabago nʼyo ang mukha niya kapag patay na siya. 21 Hindi na niya malalaman kung ang mga anak niyaʼy nagtamo ng karangalan o kahihiyan. 22 Ang tanging madarama na lang niya ay ang sarili niyang paghihirap at kalungkutan.”
Nagsalita si Elifaz
15 Sumagot si Elifaz na taga-Teman, 2 “Job, ang taong marunong ay hindi nagsasalita ng walang kabuluhan. 3 Hindi siya nakikipagtalo sa mga salitang walang saysay. 4 Pero ang mga sinasabi moʼy magtutulak sa tao upang mawalan ng paggalang sa Dios at magiging hadlang sa paglilingkod sa kanya. 5 Ang sinasabi mo ay bunga ng iyong kasamaan. At dinadaya mo ang iba sa pamamagitan ng iyong mga sinasabi. 6 Hindi na kailangang hatulan pa kita, dahil ang iyong mga sinasabi mismo ang nagpapatunay laban sa iyo. 7 Akala mo baʼy ikaw ang unang isinilang? Ipinanganak ka na ba bago nilikha ang mga bundok? 8 Narinig mo na ba ang mga plano ng Dios? Ikaw lang ba ang marunong? 9 Ano bang alam mo na hindi namin alam? At ano ang naunawaan mo na hindi namin naunawaan? 10 Natuto kami sa matatanda na mas matanda pa kaysa sa iyong ama. 11 Sinabi namin sa iyo ang mga salitang mula sa Dios na makapagbibigay ng lakas at aliw sa iyo. Hindi pa ba sapat iyon? 12 Bakit nagpapadala ka sa iyong damdamin? Nabubulagan ka na ba sa katotohanan 13 para magalit ka sa Dios at magsalita ng masama laban sa kanya? 14 Kaya ba ng isang tao na mamuhay ng malinis at matuwid sa paningin ng Dios? 15 Ni hindi nga lubusang nagtitiwala ang Dios sa mga anghel niya. Kung ang mga nilalang niyang ito na nasa langit ay hindi lubusang malinis sa kanyang paningin, 16 ang tao pa kaya na ipinanganak na masama at makasalanan, at uhaw sa paggawa ng masama?
17 “Job, pakinggan mo ako. Sasabihin ko sa iyo at ipapaliwanag ang mga naranasan ko. 18 May masasabi rin tungkol dito ang mga marurunong na tao na natuto sa kanilang mga ninuno. 19 Sila lang ang nagmamay-ari ng kanilang lupain, at walang dayuhang sumakop sa kanila.
20 “Ang taong masama ay maghihirap habang buhay. 21 Palagi siyang kinakabahan kahit na walang panganib, dahil iniisip niya na baka salakayin siya ng mga tulisan. 22 Takot din siyang pumunta sa dilim dahil baka may pumatay sa kanya. 23 Kung saan-saan siya naghahanap ng pagkain. Alam niyang malapit nang dumating ang kapahamakan.[c] 24 Kaya labis ang kanyang pagkatakot, katulad ng hari na naghahanda sa pagsalakay sa kanyang mga kaaway. 25 Nangyayari ito sa kanya dahil nagrerebelde at sumusuway siya sa Makapangyarihang Dios. 26 Para siyang nakahawak sa matibay na kalasag at handang kalabanin ang Dios. 27 Kahit mataba at mayaman siya ngayon, 28 titira siya sa mga gibang bayan, sa mga bahay na walang nakatira at malapit nang gumuho. 29 Hindi na dadami ang kanyang kayamanan, at ang mga natitira niyang yaman at ari-arian ay hindi na magtatagal. 30 Hindi siya makakatakas sa kapahamakan.[d] Magiging tulad siya ng puno na ang mga sangaʼy masusunog. Lahat ng ari-arian niya ay mawawala sa isang ihip lamang ng Dios. 31 Huwag sana niyang dayain ang sarili niya sa pamamagitan ng pagtitiwala sa mga bagay na walang kabuluhan, dahil wala siyang makukuha sa mga iyon. 32 Maagang darating sa kanya ang kanyang parusa at hindi na siya uunlad pa.[e] 33 At magiging tulad siya ng ubas na nalalagas ang mga hilaw na bunga o katulad ng olibo na nalalagas ang mga bulaklak. 34 Sapagkat mamamatay ng walang lahi ang mga taong walang takot sa Dios. At ang mga bahay na itinayo nila mula sa mga suhol ay masusunog. 35 Ang lagi nilang iniisip ay ang manggulo, gumawa ng masama, at mandaya.”
29 May mga taong nagpapabautismo para sa mga namatay. Ano ang halaga ng ginagawa nila kung hindi naman muling mabubuhay ang mga patay? 30 At bakit pa namin inilalagay ang aming mga sarili sa panganib oras-oras? 31 Araw-araw akong nasa bingit ng kamatayan, mga kapatid! At kung paanong totoo na ipinagmamalaki ko kayo sa ating pakikipag-isa kay Cristo Jesus na ating Panginoon, totoo rin ang sinasabi kong ito. 32 Nahihirapan ako dito sa Efeso, dahil ang mga kumakalaban sa akin ay tulad ng mababangis na hayop. Kung ang paghihirap kong itoʼy para lang sa kapakanan ng tao sa buhay na ito, ano ang kabuluhan nito? Kung totoong hindi na mabubuhay ang mga patay, mabuti pang sundin na lang natin ang kasabihang, “Kumain tayoʼt uminom, dahil baka bukas, mamamatay na tayo.”
33 Huwag kayong palilinlang sa kasabihang iyan. Sa halip, ito ang inyong paniwalaan: “Ang masasamang kasamaʼy nakakasira ng mabuting ugali.” 34 Magpakatino kayo at talikuran nʼyo na ang kasalanan. Sinasabi ko ito upang mahiya kayo sa inyong sarili, dahil may ilan sa inyo na mali ang pagkakakilala sa Dios.
Ang Katawan sa Muling Pagkabuhay
35 Maaaring may magtanong, “Paano bubuhaying muli ang mga patay? Anong uri ng katawan ang matatanggap nila?” 36 Ito ang sagot ko sa taong iyan na walang nalalaman: Ang inihahasik na binhi ay hindi mabubuhay hanggaʼt hindi ito namamatay. 37 At kahit anong binhi ang itanim mo, trigo man o ibang binhi, magiging iba ang anyo nito kapag tumubo na. 38 Ang Dios ang nagbibigay anyo sa binhing iyon, ayon sa kanyang kalooban. At ang bawat binhi ay may kanya-kanyang anyo kapag tumubo na.
39 Ganoon din sa katawan; hindi lahat ng katawan ay pare-pareho. Iba ang katawan ng tao, ng hayop, ng ibon at ng isda.
40 May mga katawang panlupa at may mga katawang panlangit, at ang bawat isaʼy may kanya-kanyang kagandahan. Iba ang kagandahan ng katawan dito sa lupa, at iba rin naman ang kagandahan ng katawan doon sa langit. 41 Iba ang ningning ng araw sa ningning ng buwan, at iba rin naman ang ningning ng mga bituin. At kahit ang mga bituin ay may ibaʼt ibang ningning.
42 Ganyan din sa muling pagkabuhay ng mga patay. Ang katawang inilibing ay mabubulok, ngunit kapag itoʼy muling binuhay, hindi na ito mabubulok kailanman. 43 Ang katawang inilibing ay pangit at mahina, ngunit kapag itoʼy muling binuhay, itoʼy maganda na at malakas. 44 Ang katawang inilibing ay panlupa, ngunit kapag itoʼy muling binuhay, itoʼy panlangit na. Sapagkat kung mayroong katawang panlupa ay mayroon din namang katawang panlangit. 45 Sinasabi sa Kasulatan, “Ang unang tao na si Adan ay binigyan ng buhay.” Ngunit ang huling Adan na si Cristo ay espiritung nagbibigay-buhay. 46 Hindi ang panlangit na katawan ang nauna kundi ang panlupa, at pagkatapos noon ay ang panlangit naman. 47 Ang unang tao na si Adan ay mula sa lupa, ngunit ang pangalawang tao na si Cristo ay mula sa langit. 48 Ang katawang panlupa ay katulad ng katawan ng tao na gawa sa lupa, at ang katawang panlangit ay katulad ng katawan ng nagmula sa langit. 49 Kaya kung paanong ang katawan natin ngayon ay katulad ng kay Adan na nagmula sa lupa, darating ang araw na ang katawan natin ay magiging katulad ng kay Cristo na nagmula sa langit.
50 Mga kapatid, ito ang gusto kong sabihin: Ang ating katawan na binubuo ng laman at dugo ay hindi magkakaroon ng bahagi sa paghahari ng Dios. Ang katawang ito na nabubulok ay hindi maaaring makatanggap ng buhay na walang hanggan.
51 Ngunit makinig kayo dahil may sasabihin ako sa inyo na isang lihim: Hindi lahat sa atin ay mamamatay, ngunit tayong lahat ay bibigyan ng bagong katawan 52 sa isang iglap, sa isang kisap-mata, kasabay ng pagtunog ng huling trumpeta. At sa pagtunog ng trumpetaʼy muling bubuhayin ang mga patay at bibigyan ng katawang hindi nabubulok. At tayong mga buhay pa ay bibigyan din ng bagong katawan. 53 Sapagkat itong katawan nating nabubulok at namamatay ay dapat mapalitan ng katawang hindi nabubulok at hindi namamatay. 54 At kapag ang katawang ito na nabubulok at namamatay ay napalitan na ng katawang hindi nabubulok at hindi namamatay, matutupad na ang sinasabi sa Kasulatan na,
“Nalupig na ang kamatayan; ganap na ang tagumpay!”
55 “Nasaan, O kamatayan, ang iyong tagumpay?
Nasaan na ang iyong kapangyarihan?”
56 May kapangyarihan lamang ang kamatayan sa atin dahil sa kasalanan, at may kapangyarihan ang kasalanan sa atin dahil mayroong Kautusan. 57 Ngunit salamat sa Dios dahil binigyan niya tayo ng tagumpay sa mga bagay na ito sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 58 Kaya nga, mga minamahal na kapatid, magpakatatag kayo at huwag manghina sa inyong pananampalataya. Magpakasipag kayo sa gawaing ibinigay sa inyo ng Panginoon, dahil alam ninyo na hindi masasayang ang mga paghihirap ninyo para sa kanya.
Ang Pagpapahayag ng Kasalanan ng Taong Nahihirapan
39 Sinabi ko sa aking sarili,
“Ang ugali koʼy aking babantayan, sa pagsasalita, ang magkasalaʼy iiwasan.
Pipigilan ko ang aking mga labi habang malapit ako sa masasamang tao.”
2 Kaya tumahimik ako at walang anumang sinabi kahit mabuti,
ngunit lalong nadagdagan ang sakit ng aking kalooban.
3 Akoʼy tunay na nabahala,
at sa kaiisip koʼy lalo akong naguluhan,
kaya nang hindi ko na mapigilan ay sinabi ko,
4 “Panginoon, paalalahanan nʼyo ako na may katapusan at bilang na ang aking mga araw,
na ang buhay ko sa mundoʼy pansamantala lamang.
Paalalahanan nʼyo akong sa mundo ay lilisan.
5 Kay ikli ng buhay na ibinigay nʼyo sa akin.
Katumbas lang ng isang saglit para sa inyo.
Itoʼy parang hangin lamang na dumadaan,
6 o kayaʼy parang anino na nawawala.
Abala siya sa mga bagay na wala namang kabuluhan.
Nagtitipon siya ng kayamanan, ngunit kapag siyaʼy namatay,
hindi na niya alam kung sino ang makikinabang.
7 At ngayon, Panginoon, ano pa ang aasahan ko?
Kayo lang ang tanging pag-asa ko.
8 Iligtas nʼyo ako sa lahat kong kasalanan,
at huwag nʼyong hayaang pagtawanan ako ng mga hangal.
9 Akoʼy mananahimik at hindi na ibubuka pa ang aking bibig,
dahil nanggaling sa inyo ang pagdurusa kong ito.
10 Huwag nʼyo na akong parusahan.
Akoʼy parang mamamatay na sa dulot nʼyong kahirapan.
11 Dinidisiplina nʼyo ang tao kapag siya ay nagkakasala.
Katulad ng anay, inuubos nʼyo rin ang kanilang mga pinahahalagahan.
Tunay na ang buhay ng tao ay pansamantala lamang.[a]
12 “Panginoon, dinggin nʼyo ang dalangin ko.
Pakinggan nʼyo ang paghingi ko ng tulong sa inyo.
Huwag nʼyo sanang balewalain ang aking mga pag-iyak.
Dahil dito sa mundo akoʼy dayuhan lamang,
gaya ng aking mga ninuno, sa mundo ay lilisan.
13 Huwag na kayong magalit sa akin,
upang akoʼy maging masaya bago ako mamatay.”
30 Walang karunungan, pang-unawa o payo ang makakapantay sa Panginoon.
31 Kahit nakahanda na ang mga kabayo para sa labanan, ang Panginoon pa rin ang nagbibigay ng katagumpayan.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®