Bible in 90 Days
Inapi ang mga Israelita sa Egipto
1 Ito ang mga anak na lalaki ni Jacob[a] na sumama sa kanya sa Egipto, kasama ang kanilang mga pamilya: 2 sina Reuben, Simeon, Levi, Juda, 3 Isacar, Zebulun, Benjamin, 4 Dan, Naftali, Gad, at Asher. 5 Si Jose ay matagal nang nasa Egipto. Ang bilang ng lahat ng lahi ni Jacob na sumama sa kanya sa Egipto ay 70.
6 Dumating ang panahon na namatay si Jose at ang lahat ng kanyang kapatid, at lumipas na ang kanilang henerasyon 7 pero mabilis na dumami ang lahi nila. Sa sobrang dami nila, nangalat sila sa buong lupain ng Egipto.
8 Ngayon, nagkaroon ng bagong hari ang Egipto, na walang alam tungkol kay Jose. 9 Sinabi niya sa kanyang mga mamamayan, “Tingnan ninyo. Masyado nang marami ang mga Israelita at nanganganib tayo. 10 Dahil baka magkaroon ng digmaan at kumampi sila sa mga kaaway natin, at lumaban sa atin para makaalis sa ating bansa. Kaya maghanap tayo ng paraan para hindi na sila dumami pa.”
11 Kaya naglagay sila ng mahihigpit na tao na mamamahala sa mga Israelita para pahirapan sila at pagtrabahuhin nang mabigat. Ipinagawa sa mga Israelita ang mga lungsod ng Pitom at Rameses para magkaroon dito ng mga bodega ang Faraon.[b] 12 Pero habang patuloy silang pinahihirapan, lalo naman silang dumarami at nangangalat sa Egipto. Kaya lalong natakot ang mga taga-Egipto sa kanila. 13 Dahil dito, lalo pa nilang pinagmalupitan ang mga Israelita. 14 Wala silang awa sa mga ito. Pinahirapan nila ang mga Israelita sa paggawa ng mga tisa at pangsemento nito, at pinagtrabaho nang matindi sa bukid.
15 Pagkatapos, sinabi ng hari ng Egipto sa mga Hebreong kumadrona na sina Shifra at Pua, 16 “Kung magpapaanak kayo ng mga babaeng Hebreo, patayin ninyo kung lalaki ang anak, pero kung babae, huwag nʼyo nang patayin.” 17 Pero dahil may takot sa Dios ang mga kumadrona, hindi nila sinunod ang iniutos ng hari. Sa halip, hinahayaan nilang mabuhay ang mga sanggol na lalaki.
18 Kaya ipinatawag ng hari ng Egipto ang mga kumadrona at tinanong, “Bakit ninyo ito ginawa? Bakit hinahayaan ninyong mabuhay ang mga sanggol na lalaki?” 19 Sumagot sila, “Ang mga babaeng Hebreo ay hindi tulad ng mga babaeng Egipcio; madali silang manganak at bago pa po kami dumating, nakapanganak na sila.”
20 Kaya pinagpala ng Dios ang mga kumadrona at dumami pa nang dumami ang mga Israelita. 21 At dahil sa iginagalang ng mga kumadrona ang Dios, binigyan sila ng Dios ng sarili nilang pamilya.
22 Nang bandang huli, nag-utos ang Faraon sa lahat ng mamamayan niya, “Itapon ninyo sa Ilog ng Nilo ang lahat ng bagong panganak na sanggol na lalaki ng mga Israelita, pero pabayaan ninyong mabuhay ang mga batang babae.”
Ang Kapanganakan ni Moises
2 May isang tao mula sa lahi ni Levi na nakapag-asawa ng isang babae na galing din sa lahi ni Levi. 2 Hindi nagtagal, nagbuntis ang babae at nanganak ng isang lalaki. Nang makita niyang malusog ang sanggol, itinago niya ito sa loob ng tatlong buwan. 3 Pero nang hindi na niya maitago ang sanggol, kumuha siya ng basket na gawa sa halaman na papyrus at pinahiran ng alkitran. Pagkatapos, inilagay niya ang sanggol sa basket at pinalutang sa tubig sa tabi ng matataas na damo sa pampang ng Ilog ng Nilo. 4 Nakatayo naman sa di-kalayuan ang kapatid na babae ng sanggol para tingnan kung ano ang mangyayari rito.
5 Ngayon, lumusong ang anak na babae ng Faraon sa Ilog ng Nilo para maligo. Habang naliligo ang prinsesa,[c] ang mga utusang babae naman niya ay naglalakad-lakad sa pampang. Nakita ng prinsesa ang basket sa matataas na damo kaya ipinakuha niya ito sa isa sa kanyang mga utusan. 6 Binuksan niya ang basket at nakita ang umiiyak na sanggol, kaya naawa siya rito. Sinabi niya, “Isa ito sa mga sanggol ng mga Hebreo.”
7 Pagkatapos, lumapit ang kapatid na babae ng sanggol sa prinsesa[d] at nagtanong, “Gusto nʼyo po bang ikuha ko kayo ng isang babaeng Hebreo na magpapasuso at mag-aalaga sa sanggol para sa inyo?”
8 Sumagot ang prinsesa, “Sige.” Kaya umalis ang kapatid ng sanggol at pinuntahan ang kanilang ina at dinala sa prinsesa. 9 Sinabi ng prinsesa sa ina ng bata, “Dalhin mo ang sanggol na ito at pasusuhin para sa akin. Alagaan mo siya at babayaran kita.” Kaya kinuha niya ang sanggol at inalagaan.
10 Nang lumaki na ang sanggol, dinala siya ng kanyang ina sa prinsesa at itinuring siya ng prinsesa bilang tunay niyang anak. Pinangalanan ng prinsesa ang bata na Moises,[e] dahil sinabi niya, “Kinuha ko siya sa tubig.”
Tumakas si Moises Papuntang Midian
11 Isang araw, nang binata na si Moises, pumunta siya sa mga kadugo niya at nakita niya kung paano sila pinapahirapan. Nakita niya ang isang Egipcio na hinahagupit ang isang Hebreo na kadugo niya. 12 Luminga-linga si Moises sa paligid kung may nakatingin. At nang wala siyang nakita, pinatay niya ang Egipcio at ibinaon ang bangkay sa buhangin.
13 Kinabukasan, bumalik siya at may nakita siyang dalawang Hebreong nag-aaway. Tinanong niya ang may kasalanan, “Bakit mo hinahagupit ang kapwa mo Hebreo?”
14 Sumagot ang lalaki, “Sino ang naglagay sa iyo para maging pinuno at hukom namin? Papatayin mo rin ba ako katulad ng ginawa mo sa Egipcio kahapon?” Natakot si Moises at sinabi sa kanyang sarili, “May nakakaalam pala ng ginawa ko.”
15 Nang malaman ng Faraon ang ginawa ni Moises, tinangka niya itong patayin, pero tumakas si Moises papuntang Midian para roon manirahan. Pagdating niya sa Midian, naupo siya sa gilid ng balon. 16 Ngayon, dumating naman ang pitong anak na babae ng pari ng Midian para umigib at painumoin ang mga alagang hayop ng kanilang ama. 17 May dumating doon na mga pastol at pinapaalis nila ang mga babae at ang kanilang mga hayop, pero tinulungan ni Moises ang mga babaeng anak ng pari at pinainom pa niya ang mga alaga nilang hayop.
18 Pag-uwi ng mga babae sa ama nilang si Reuel,[f] tinanong niya sila, “Bakit parang napaaga ang pag-uwi nʼyo?”
19 Sumagot sila, “May isang Egipcio po na tumulong sa amin laban sa mga pastol. Ipinag-igib niya kami ng tubig at pinainom ang aming mga hayop.”
20 Nagtanong ang kanilang ama, “Nasaan na siya? Bakit ninyo siya iniwan? Tawagin ninyo siya at anyayahang kumain.”
21 Tinanggap ni Moises ang paanyaya, at pumayag siyang doon na tumira sa bahay ni Reuel. Nang magtagal, ipinakasal ni Reuel ang anak niyang si Zipora kay Moises 22 Nagbuntis si Zipora at nanganak ng isang lalaki, at pinangalanan ito ni Moises na Gershom,[g] dahil sinabi niya, “Dayuhan ako sa lupaing ito.”
23 Pagkalipas ng maraming taon, namatay ang hari ng Egipto. Pero patuloy pa rin ang paghihirap ng mga Israelita sa kanilang pagkaalipin. Humingi sila ng tulong at umabot sa Dios ang kanilang hinaing. 24 Narinig ng Dios ang kanilang hinaing, at inalala niya ang kanyang kasunduan kina Abraham, Isaac, at Jacob. 25 Nakita ng Dios ang kalagayan nila at naawa ang Dios sa kanila.
Ang Pagtawag kay Moises
3 Isang araw, binabantayan ni Moises ang mga hayop ng biyenan niyang si Jetro[h] na pari ng Midian. Dinala ni Moises ang mga hayop malapit sa ilang at nakarating siya sa Horeb,[i] ang bundok ng Dios. 2 Nagpakita sa kanya roon ang anghel ng Panginoon sa anyo ng naglalagablab na apoy sa isang mababang punongkahoy. Nakita ni Moises na naglalagablab ang punongkahoy pero hindi naman nasusunog. 3 Sinabi niya, “Nakapagtataka! Bakit kaya hindi iyon nasusunog? Malapitan nga at nang makita ko.”
4 Nang makita ng Panginoon na papalapit si Moises para tumingin, tinawag siya ng Dios mula sa gitna ng mababang punongkahoy, “Moises, Moises!”
Sumagot si Moises, “Narito po ako.”
5 Sinabi ng Dios, “Huwag ka nang lumapit pa. Tanggalin mo ang iyong sandalyas, dahil banal ang lugar na kinatatayuan mo. 6 Ako ang Dios ng iyong mga ninuno, ang Dios nina Abraham, Isaac, at Jacob.” Nang marinig ito ni Moises, tinakpan niya ang kanyang mukha, dahil natatakot siyang tumingin sa Dios.
7 Pagkatapos, sinabi ng Panginoon, “Nakita ko ang paghihirap ng aking mga mamamayan sa Egipto. Narinig ko ang paghingi nila ng tulong dahil sa sobrang pagmamalupit ng mga namamahala sa kanila, at naaawa ako sa kanila dahil sa kanilang mga paghihirap. 8 Kaya bumaba ako para iligtas sila sa kamay ng mga Egipcio, at para dalhin sila sa mayaman, malawak at masaganang lupain[j] na tinitirhan ngayon ng mga Cananeo, Heteo, Amoreo, Perezeo, Hiveo at mga Jebuseo. 9 Narinig ko ang paghingi ng tulong ng mga Israelita, at nakita ko kung paano sila inalipin ng mga Egipcio. 10 Kaya ipapadala kita sa Faraon para palayain ang mga mamamayan kong Israelita sa Egipto.”
11 Pero sinabi ni Moises sa Dios,
“Sino po ba ako para pumunta sa Faraon at ilabas ang mga Israelita sa Egipto?”
12 Sinabi ng Dios, “Sasamahan kita, at ito ang tanda na ako ang nagpadala sa iyo: Kapag nailabas mo na ang mga Israelita sa Egipto, sasambahin ninyo ako sa bundok na ito.”
13 Sinabi ni Moises sa Dios, “Kung sakali pong pumunta ako ngayon sa mga Israelita at sabihin ko sa kanila na ang Dios ng kanilang mga ninuno ang nagpadala sa akin para iligtas sila, at magtanong sila sa akin, ‘Ano ang pangalan niya?’ Ano po ang isasagot ko sa kanila?”
14 Sumagot ang Dios kay Moises, “Ako nga ang Dios na ganoon pa rin.[k] Ito ang isagot mo sa kanila: ‘Ang Dios na ganoon pa rin ang nagpadala sa akin.’ ”
15 Sinabi pa ng Dios kay Moises, “Sabihin mo ito sa mga Israelita: ‘Ang Panginoon,[l] ang Dios ng inyong mga ninuno na sina Abraham, Isaac, at Jacob, ang nagpadala sa akin sa inyo.’ Kikilalanin ako sa pangalang Panginoon magpakailanman.”
16 At sinabi pa ng Panginoon kay Moises, “Lumakad ka at tipunin ang mga tagapamahala ng Israel at sabihin mo sa kanila, ‘Ang Panginoon, ang Dios ng inyong mga ninuno na sina Abraham, Isaac, at Jacob ay nagpakita sa akin, at nagsabi na: Binabantayan ko kayo, at nakita ko ang ginagawa ng mga Egipcio sa inyo. 17 Nangako ako na palalabasin ko kayo sa Egipto kung saan naghihirap kayo, at dadalhin sa maganda at masaganang lupain – ang lupain ng mga Cananeo, Heteo, Amoreo, Perezeo, Hiveo at mga Jebuseo.’
18 “Pakikinggan ka ng mga tagapamahala ng Israel. At pagkatapos, pumunta kayo ng mga tagapamahala ng Israel sa hari ng Egipto, at sabihin sa kanya, ‘Nagpakita sa amin ang Panginoon, ang Dios ng mga Hebreo. Kaya kung maaari, payagan nʼyo kaming umalis ng tatlong araw papunta sa disyerto para maghandog sa Panginoon naming Dios.’ 19 Pero alam kong hindi kayo papayagan ng hari ng Egipto maliban na lang kung mapipilitan siya. 20 Kaya parurusahan ko ang mga Egipcio sa pamamagitan ng mga himalang gagawin ko sa kanila. At pagkatapos noon, papayagan na niya kayong umalis.
21 “Magiging mabuti sa inyo ang mga Egipcio, at pababaunan pa nila kayo sa pag-alis ninyo. 22 Ang mga Israelitang babae ay manghihingi ng mga alahas na pilak at ginto at mga damit sa mga kapitbahay nila na Egipcio at sa mga babaeng bisita nito. At ipapasuot ninyo ang mga bagay na ito sa inyong mga anak. Sa pamamagitan nito, masasamsam ninyo ang mga ari-arian ng mga Egipcio.”
Ang mga Himalang Nagpapakita ng Kapangyarihan ng Dios
4 Nagtanong si Moises, “Paano po kung hindi maniwala sa akin ang mga Israelita o makinig sa sasabihin ko? Baka sabihin nila na hindi kayo nagpakita sa akin.”
2 Sinabi sa kanya ng Panginoon, “Ano iyang hawak mo?”
Sumagot si Moises, “Baston[m] po.”
3 Sinabi ng Panginoon, “Ihagis mo sa lupa.”
Kaya inihagis ni Moises ang baston at naging ahas ito. Natakot si Moises, kaya napatakbo siya. 4 Sinabi sa kanya ng Panginoon, “Hulihin mo ito sa buntot.” Kaya hinuli ito ni Moises at muling naging baston. 5 Sinabi ng Panginoon, “Gawin mo ang himalang ito para maniwala sila na ako ang Panginoon, ang Dios ng mga ninuno nilang sina Abraham, Isaac, at Jacob ay nagpakita sa iyo.”
6 Sinabi pa ng Panginoon, “Ilagay mo ang kamay mo sa loob ng damit mo.” Sinunod ito ni Moises, at nang ilabas niya ang kanyang kamay, namuti ito dahil tinubuan ng isang malubhang sakit sa balat.[n]
7 Sinabi ng Panginoon, “Muli mong ilagay ang kamay mo sa loob ng iyong damit.” Sinunod ito ni Moises, at nang ilabas niya ito, maayos na muli ito katulad ng ibang bahagi ng kanyang katawan.
8 Pagkatapos, sinabi ng Panginoon, “Kung hindi sila maniwala sa unang himala, sa ikalawaʼy maniniwala na sila. 9 Pero kung hindi pa rin sila maniwala sa iyo pagkatapos ng dalawang himala, kumuha ka ng tubig sa Ilog ng Nilo at ibuhos mo ito sa tuyong lupa, at magiging dugo ito.”
10 Sinabi ni Moises, “Panginoon, hindi po ako magaling magsalita. Mula pa man noon, hirap na ako sa pagsasalita, kahit na ngayong nakikipag-usap kayo sa akin. Pautal-utal ako kapag nagsasalita.”
11 Sinabi sa kanya ng Panginoon, “Sino ba ang gumawa ng bibig ng tao? Sino ba ang may kakayahang gawing bingi o pipi? Sino ba ang nagdedesisyon na makakita o mabulag siya? Hindi ba ako, ang Panginoon? 12 Kaya lumakad ka, dahil tutulungan kita sa pagsasalita at ituturo ko sa iyo ang mga sasabihin mo.”
13 Pero sinabi ni Moises, “O Panginoon, kung maaari po magpadala na lang kayo ng iba.”
14 Nagalit nang matindi ang Panginoon kay Moises. Kaya sinabi niya, “O sige, si Aaron na lang na kapatid mo, na isang Levita ang siyang magsasalita para sa iyo. Alam kong mahusay siyang magsalita. Papunta na siya rito para makipagkita sa iyo. Matutuwa siyang makita ka. 15 Kausapin mo siya at turuan kung ano ang kanyang sasabihin. Tutulungan ko kayong dalawa sa pagsasalita, at tuturuan ko rin kayo kung ano ang gagawin ninyo. 16 Si Aaron ang magsasalita sa mga tao para sa iyo. Turuan mo siya ng mga sasabihin niya na parang ikaw ang Dios. 17 Dalhin mo ang baston mo para sa pamamagitan nito ay makagawa ka ng mga himala.”
Bumalik si Moises sa Egipto
18 Bumalik si Moises sa biyenan niyang si Jetro at sinabi sa kanya, “Payagan po ninyo akong bumalik sa mga kababayan ko sa Egipto para tingnan kung buhay pa sila.”
Sinabi ni Jetro, “Sige, maging maayos sana ang paglalakbay mo.”
19 Bago umalis si Moises sa Midian, sinabi sa kanya ng Panginoon, “Bumalik ka na sa Egipto. Patay na ang mga gustong pumatay sa iyo.” 20 Kaya kinuha ni Moises ang asawa niya at mga anak na lalaki, at pinasakay sa asno at bumalik sa Egipto. Dinala rin niya ang baston na ipinapadala sa kanya ng Panginoon.
21 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Pagdating mo sa Egipto, gawin mo sa harapan ng Faraon ang lahat ng himalang ipinapagawa ko sa iyo. Binigyan kita ng kapangyarihang gawin iyan. Pero patitigasin ko ang puso ng hari para hindi niya payagang umalis ang mga Israelita. 22 Pagkatapos, sabihin mo sa kanya, ‘Sinabi ng Panginoon na: Itinuturing ko ang Israel na panganay kong anak na lalaki, 23 kaya iniuutos ko sa iyo na payagan mo silang umalis para makasamba sa akin, pero hindi ka pumayag. Kaya papatayin ko ang panganay mong na anak na lalaki!’ ”
24 Nang naglalakbay na sina Moises at ang kanyang pamilya, nagpahinga sila sa isang bahay-pahingahan. Pinuntahan ng Panginoon si Moises at pinagtangkaang patayin. 25-26 Pero kumuha si Zipora ng matalim na bato at tinuli ang kanyang anak, at ang nakuha niyang balat ay idinikit niya sa paa ni Moises. At sinabi ni Zipora, “Ikaw ang duguang asawa ko.” (Ang ibig sabihin ni Zipora ay may kaugnayan sa pagtutuli.) Kaya hindi pinatay ng Panginoon si Moises.
27 Samantala, sinabi ng Panginoon kay Aaron, “Lumakad ka at salubungin si Moises sa disyerto.” Kaya sinalubong niya si Moises sa Bundok ng Dios at hinagkan bilang pagbati. 28 Sinabi ni Moises kay Aaron ang lahat ng iniutos ng Panginoon na sabihin niya, at ang lahat ng himalang iniutos ng Panginoon na gawin niya.
29 Kaya lumakad ang dalawa, at tinipon ang lahat ng tagapamahala ng Israel. 30 Sinabi sa kanila ni Aaron ang lahat ng sinabi ng Panginoon kay Moises. At ginawa ni Moises ang mga himala sa harap ng mga tao, 31 at naniwala sila. Nang malaman nilang nagmamalasakit ang Panginoon sa kanila at nakikita niya ang mga paghihirap nila, lumuhod sila at sumamba sa Panginoon.
Nakipag-usap sina Moises at Aaron sa Hari ng Egipto
5 Pagkatapos, pumunta sina Moises at Aaron sa Faraon[o] at sinabi, “Ito ang sinasabi ng Panginoon, ang Dios ng Israel: ‘Payagan mong umalis ang mga mamamayan ko, para makapagdaos sila ng pista sa ilang para sa akin.’ ”
2 Sinabi ng Faraon, “Sino ba ang Panginoon para makinig ako sa kanya at payagang umalis ang mga Israelita? Hindi ko kilala ang Panginoon at hindi ko paaalisin ang mga Israelita.”
3 Sumagot sina Moises at Aaron, “Nagpakita sa amin ang Dios ng mga Israelita. Kaya kung maaari, payagan mo kaming umalis ng tatlong araw papunta sa ilang para makapaghandog kami sa Panginoon naming Dios, dahil kung hindi, papatayin niya kami sa pamamagitan ng sakit o digmaan.”[p]
4 Pero sinabi ng hari ng Egipto, “Bakit ninyo patitigilin sa pagtatrabaho ang mga tao? Bumalik na kayo sa trabaho! 5 Tingnan ninyo kung gaano kadami ang mga taong patitigilin ninyo sa pagtatrabaho.”
6 Nang araw na iyon, nag-utos ang Faraon sa mga Egipciong namamahala sa mga Israelita sa trabaho at sa mga kapatas na Israelita. Sinabi niya, 7 “Hindi na kayo magbibigay sa mga trabahador ng mga dayaming gagamitin sa paggawa ng tisa, kundi sila na mismo ang maghahanap nito. 8 Pero kailangang ganoon pa rin kadaming tisa ang gagawin nila. Mga tamad sila, iyan ang dahilan na nakikiusap silang paalisin ko sila para makapaghandog sa kanilang Dios. 9 Pagtrabahuhin pa ninyo sila nang matindi para lalo silang maging abala at mawalan ng panahong makinig sa mga kasinungalingan.”
10 Kaya pinuntahan nila ang mga Israelita at sinabi, “Nag-utos ang Faraon na hindi na namin kayo bibigyan ng dayami. 11 Kayo na ang maghahanap nito kahit saan, pero ganoon pa rin kadaming tisa ang gagawin ninyo.” 12 Kaya kumalat ang mga Israelita sa buong Egipto sa pangunguha ng dayami. 13 Pinagmamadali sila ng mga namamahala sa kanila at sinasabi, “Dapat ganoon pa rin kadaming tisa ang gagawin ninyo bawat araw, kagaya ng ginagawa ninyo noong binibigyan pa kayo ng dayami.” 14 Pagkatapos, hinagupit nila ang mga kapatas na Israelita at tinanong, “Bakit hindi ninyo nagawa kahapon at ngayon ang dating bilang ng mga tisang ipinapagawa sa inyo, kagaya ng ginagawa ninyo noon?”
15 Kaya pumunta ang mga kapatas sa Faraon at nagreklamo, “Bakit ganito ang trato nʼyo sa amin na inyong mga lingkod? 16 Hindi kami binibigyan ng dayami, pero pinipilit kaming gumawa ng ganoon pa rin kadaming tisa. Binubugbog pa kami, gayong ang mga tauhan ninyo ang mali!”
17 Sinabi ng Faraon, “Napakatatamad ninyo! Iyan ang dahilan kung bakit nakikiusap kayong paalisin ko kayo para makapaghandog kayo sa Panginoon. 18 Bumalik na kayo sa mga trabaho nʼyo! Hindi kayo bibigyan ng dayami pero ganoon pa rin kadaming tisa ang gagawin ninyo.”
19 Dahil sa ipinilit ng Faraon na gawin nila ang dami ng tisang ipinapagawa sa kanila araw-araw. Napag-isip-isip ng mga kapatas na Israelita na mahihirapan sila. 20 Pagkagaling nila sa Faraon, nakita nila sina Moises at Aaron na naghihintay sa kanila. 21 Sinabi nila kina Moises at Aaron, “Parusahan sana kayo ng Panginoon. Dahil sa inyo nagalit sa amin ang Faraon at ang mga tauhan niya. Magiging dahilan nila ang ginawa ninyo para patayin kami.”
Ang Pangako ng Dios na Ililigtas ang mga Israelita
22 Bumalik si Moises sa Panginoon at nanalangin, “O Panginoon, bakit nʼyo po pinahihirapan ang inyong mga mamamayan? Bakit pa ninyo ako isinugo sa kanila? 23 Mula nang sinabi ko sa Faraon ang mensahe ninyo, lalo pa niyang pinagmalupitan ang inyong mga mamamayan, at hindi nʼyo man lang sila iniligtas.”
6 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Makikita mo ngayon kung ano ang gagawin ko sa Faraon. Dahil sa kapangyarihan ko, papayagan niyang umalis kayo sa bayan niya. Itataboy pa nga niya kayo.”
2 Sinabi pa ng Dios kay Moises, “Ako ang Panginoon. 3 Nagpakita ako kina Abraham, Isaac, at Jacob bilang Makapangyarihang Dios, pero hindi ko ipinakilala sa kanila ang pangalan kong Panginoon. 4 Gumawa ako ng kasunduan sa kanila, na ibibigay ko sa kanila ang lupain ng Canaan kung saan sila nanirahan bilang mga dayuhan. 5 Narinig ko ang hinaing ng mga Israelita na inaalipin ng mga Egipcio at inalala ko ang kasunduan ko sa kanila.
6 “Kaya sabihin mo sa mga Israelita: ‘Ako ang Panginoon. Palalayain ko kayo sa pagkaalipin sa Egipto. Sa pamamagitan ng aking kapangyarihan, matinding parusa ang ibibigay ko sa mga Egipcio, at ililigtas ko kayo sa pagkaalipin. 7 Ituturing ko kayong mga mamamayan at akoʼy magiging Dios ninyo. At malalaman ninyo na ako ang Panginoon na inyong Dios na nagligtas sa inyo sa pagkaalipin sa Egipto. 8 Dadalhin ko kayo sa lupaing ipinangako kong ibibigay kina Abraham, Isaac, at Jacob. Ibibigay ko ito sa inyo bilang pag-aari ninyo. Ako ang Panginoon.’ ”
9 Sinabi ito ni Moises sa mga Israelita pero hindi sila naniwala sa kanya dahil nawalan na sila ng pag-asa sa sobrang pagpapahirap sa kanila bilang mga alipin.
10 Sinabi ng Panginoon kay Moises, 11 “Lumakad ka at sabihin sa Faraon na hari ng Egipto na payagan na niyang umalis ang mga Israelita sa bayan niya.”
12 Pero sinabi ni Moises sa Panginoon, “Kung ang mga Israelita nga poʼy hindi nakikinig sa akin, ang Faraon pa kaya? Lalo naʼt hindi ako magaling magsalita!”
13 Sinabi ng Panginoon kina Moises at Aaron, “Sabihin ninyo sa mga Israelita at sa Faraon na hari ng Egipto na inutusan ko kayong pangunahan ang mga Israelita para lumabas ng Egipto.”
Ang mga Ninuno nina Moises at Aaron
14 Ito ang mga ninuno ng mga sambahayan na nagmula sa lahi ng Israel:
Ang mga anak na lalaki ni Reuben, na panganay na anak ni Israel ay sina Hanoc, Palu, Hezron at Carmi. Sila at ang mga pamilya nila ay ang mga angkan na nagmula kay Reuben.
15 Ang mga anak na lalaki ni Simeon ay sina Jemuel, Jamin, Ohad, Jakin, Zohar at Shaul. (Si Shaul ang anak ni Simeon sa isang Cananea.) Sila at ang mga pamilya nila ay ang mga angkan na nagmula kay Simeon.
16 Ang mga anak na lalaki ni Levi ayon sa kasaysayan ng lahi niya ay sina Gershon, Kohat at Merari. Nabuhay si Levi ng 137 taon.
17 Ang mga anak na lalaki ni Gershon ay sina Libni at Shimei.
18 Ang mga anak na lalaki ni Kohat ay sina Amram, Izar, Hebron at Uziel. Nabuhay si Kohat ng 133 taon.
19 Ang mga anak na lalaki ni Merari ay sina Mahli at Mushi. Ang mga angkan nila ay nagmula kay Levi ayon sa kasaysayan ng lahi niya.
20 Napangasawa ni Amram si Jochebed na kapatid ng kanyang ama. Ang kanilang mga anak na lalaki ay sina Aaron at Moises. Nabuhay si Amram ng 137 taon.
21 Ang mga anak na lalaki ni Izar ay sina Kora, Nefeg at Zicri.
22 Ang mga anak na lalaki ni Uziel ay sina Mishael, Elzafan at Sitri.
23 Napangasawa ni Aaron si Elisheba na anak ni Aminadab at kapatid ni Nashon. Ang mga anak nilang lalaki ay sina Nadab, Abihu, Eleazar at Itamar.
24 Ang mga anak na lalaki ni Kora ay sina Asir, Elkana at Abiasaf. Sila at ang mga pamilya nila ay ang mga angkan nagmula kay Kora.
25 Si Eleazar na anak ni Aaron ay nakapag-asawa ng isa sa mga anak ni Putiel. Ang kanilang anak na lalaki ay si Finehas.
Sila ang mga ninuno ng pamilyang nagmula kay Levi.
26 Ang Aaron at Moises na nabanggit sa listahang ito ay ang Aaron at Moises na inutusan ng Panginoon na manguna sa pagpapalaya ng bawat lahi ng Israel sa Egipto. 27 Sila ang nakipag-usap sa Faraon na hari ng Egipto na palayain ang mga Israelita sa Egipto.
Inutusan ng Panginoon si Aaron na Magsalita para kay Moises
28 Nang nakikipag-usap ang Panginoon kay Moises sa Egipto, 29 sinabi niya kay Moises, “Ako ang Panginoon. Sabihin ninyo sa Faraon na hari ng Egipto ang lahat ng sinabi ko sa iyo.”
30 Pero sinabi ni Moises sa Panginoon, “Hindi po ako magaling magsalita, kaya hindi makikinig ang Faraon sa akin.”
7 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Makinig ka! Gagawin kitang parang Dios sa Faraon. Makikipag-usap ka sa kanya sa pamamagitan ng kapatid mong si Aaron. 2 Sabihin mo kay Aaron ang lahat ng sinabi ko sa iyo at ipasabi mo ito sa kanya sa Faraon. Sasabihin niya sa Faraon na palayain ang mga Israelita sa kanyang bayan. 3 Pero patitigasin ko ang puso ng Faraon at kahit na gumawa pa ako ng maraming himala at mga kamangha-manghang bagay sa Egipto, 4 hindi siya makikinig sa iyo. Pagkatapos, parurusahan ko nang matindi ang Egipto, at palalayain ko ang bawat lahi ng Israel na mga mamamayan ko. 5 Kapag naparusahan ko na ang mga Egipcio at napalabas na ang mga Israelita sa kanilang bansa, malalaman nilang ako ang Panginoon.”
6 Sinunod nila Moises at Aaron ang iniutos ng Panginoon sa kanila. 7 Si Moises ay 80 taong gulang at si Aaron ay 83 naman nang makipag-usap sila sa Faraon.
8 Sinabi ng Panginoon kina Moises at Aaron, 9 “Kapag sinabi ng Faraon na gumawa kayo ng himala, sabihin mo Moises kay Aaron, ‘Ihagis mo ang baston sa harap ng Faraon,’ at magiging ahas ito.”
10 Kaya pumunta sina Moises at Aaron sa Faraon at ginawa ang sinabi ng Panginoon. Inihagis ni Aaron ang baston niya sa harap ng Faraon at ng kanyang mga opisyal, at naging ahas ito. 11 Ipinatawag naman ng Faraon ang kanyang matatalinong tao at mga salamangkero. Sa pamamagitan ng kanilang salamangka, nagawa rin nila ang ganoong himala. 12 Inihagis ng bawat isa sa kanila ang mga baston nila at naging ahas din ang mga ito. Pero nilunok ng ahas ni Aaron ang mga ahas nila. 13 Pero nagmatigas pa rin ang puso ng Faraon at hindi siya nakinig kina Moises at Aaron, gaya na rin ng sinabi ng Panginoon.
Naging Dugo ang Tubig sa Ilog Nilo
14 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Matigas pa rin ang puso ng Faraon; hindi niya pinaalis ang mga mamamayan ng Israel. 15 Kaya puntahan mo bukas ng umaga ang Faraon habang papunta siya sa Ilog Nilo. Dalhin mo ang baston na naging ahas at makipagkita ka sa kanya sa pampang ng ilog. 16 Sabihin mo sa kanya, ‘Inutusan po ako ng Panginoon, ang Dios ng mga Hebreo, na sabihin ito sa inyo: Paalisin mo ang mamamayan ko para makasamba sila sa akin sa ilang. Pero hanggang ngayon, hindi mo ito sinusunod. 17 Ako, ang Panginoon ay nagsasabing, sa pamamagitan ng gagawin ko, malalaman mo na ako ang Panginoon. Sa pamamagitan ng bastong ito, hahampasin ko ang tubig ng Nilo at magiging dugo ang tubig. 18 Mamamatay ang mga isda, at babaho ang ilog, at hindi na makakainom dito ang mga Egipcio.’ ”
19 Sinabi pa ng Panginoon kay Moises, “Sabihin mo kay Aaron na iunat niya ang kanyang baston sa lahat ng tubig ng Egipto: sa mga ilog, sapa, kanal at sa lahat ng pinag-iipunan ng tubig, at magiging dugo ang lahat ng ito. Ganito ang mangyayari sa buong lupain ng Egipto. Kahit na ang mga tubig sa mga sisidlang kahoy o bato ay magiging dugo.”
20 Sinunod nila Moises at Aaron ang iniutos ng Panginoon. Habang nakatingin ang Faraon at ang kanyang mga opisyal, itinaas ni Aaron ang kanyang baston at hinampas ang Ilog ng Nilo, at naging dugo ang tubig. 21 Namatay ang mga isda at bumaho ang ilog, kaya hindi nakainom ang mga Egipcio. Naging dugo ang lahat ng tubig sa Egipto.
22 Nagawa rin ito ng mga Egipciong salamangkero sa pamamagitan ng kanilang salamangka, kaya nagmatigas pa rin ang puso ng Faraon. Hindi pa rin siya nakinig kila Moises at Aaron, gaya ng sinabi ng Panginoon. 23 Bumalik ang Faraon sa palasyo niya at hindi pinansin ang nangyari. 24 Naghukay ang mga Egipcio sa palibot ng ilog para makakuha ng tubig na inumin dahil hindi nila mainom ang tubig sa ilog.
Ang Salot na mga Palaka
25 Pagkaraan ng pitong araw mula nang hampasin ng Panginoon ang Ilog ng Nilo sa pamamagitan ni Aaron.
8 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Puntahan mo ang Faraon at sabihin mo sa kanya, ‘Ito ang sinasabi ng Panginoon: Paalisin mo ang mga mamamayan ko para makasamba sila sa akin. 2 Kung hindi mo sila paaalisin, pupunuin ko ng mga palaka ang iyong bansa. 3 Mapupuno ng palaka ang Ilog ng Nilo at papasok ito sa palasyo mo, sa kwarto at kahit sa higaan mo. Papasok din ang mga ito sa bahay ng mga opisyal at mga mamamayan mo, at pati sa mga pugon at sa pinagmamasahan ng harina. 4 Tatalunan ka ng mga palaka pati na ang mga mamamayan at ang lahat ng opisyal mo.’ ”
5 Sinabi pa ng Panginoon kay Moises, “Sabihin mo kay Aaron na iunat niya ang kanyang baston sa mga ilog, sapa, at mga kanal, at mapupuno ng palaka ang buong Egipto.”
6 Kaya iniunat ni Aaron ang kanyang baston sa mga tubig ng Egipto, at lumabas ang mga palaka at napuno ang buong Egipto. 7 Pero ginawa rin ito ng mga salamangkero sa pamamagitan ng kanilang salamangka. Napalabas din nila ang mga palaka sa tubig ng Egipto.
8 Ipinatawag ng Faraon sina Moises at Aaron, at sinabi sa kanila, “Manalangin kayo sa Panginoon na tanggalin niya ang mga palakang ito sa aking bansa, at paaalisin ko ang mga kababayan nʼyo para makapaghandog sila sa Panginoon.”
9 Sinabi ni Moises sa Faraon, “Sabihin mo sa akin kung kailan ako mananalangin para sa inyo, sa mga opisyal at sa mga mamamayan mo, para mawala ang mga palakang ito sa inyo at sa mga bahay ninyo. At ang matitira na lang na palaka ay ang mga nasa Ilog ng Nilo.”
10 Sumagot ang Faraon, “Ipanalangin mo ako bukas.”
Sinabi ni Moises, “Matutupad ito ayon sa sinabi nʼyo, para malaman nʼyo na walang ibang katulad ng Panginoon naming Dios. 11 Mawawala ang lahat ng palaka sa inyo maliban sa nasa Ilog ng Nilo.”
12 Pag-alis nila Moises at Aaron sa harap ng Faraon, nanalangin si Moises sa Panginoon na alisin na ang mga palaka na ipinadala niya sa Egipto. 13 At ginawa ng Panginoon ang ipinakiusap ni Moises. Namatay ang mga palaka sa mga bahay, mga hardin at sa mga bukid. 14 Tinipon ito ng mga Egipcio at ibinunton, dahil ditoʼy bumaho ang buong Egipto. 15 Pero nang makita ng Faraon na wala na ang mga palaka, nagmatigas na naman siya, at ayaw niyang makinig kina Moises at Aaron, gaya ng sinabi ng Panginoon.
Ang Salot na mga Lamok
16 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Sabihin mo kay Aaron na ihampas niya ang kanyang baston sa lupa, at magiging lamok[q] ang mga alikabok sa buong lupain ng Egipto.” 17 Sinunod nila ito, kaya nang hampasin ni Aaron ng kanyang baston ang lupa, naging lamok ang mga alikabok sa buong lupain ng Egipto. At dumapo ang mga ito sa mga tao at mga hayop. 18 Tinangka rin ng mga salamangkero na gayahin ito sa pamamagitan ng kanilang salamangka pero nabigo sila. Patuloy na nagsidapo ang mga lamok sa mga tao at mga hayop.
19 Sinabi ng mga salamangkero sa Faraon, “Ang Dios ang may gawa nito!” Pero matigas pa rin ang puso ng Faraon, at hindi siya nakinig kina Moises at Aaron, gaya ng sinabi ng Panginoon.
Ang Salot na mga Langaw
20 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Bumangon ka nang maaga bukas at abangan mo ang Faraon habang papunta siya sa ilog. Sabihin mo sa kanya na ito ang sinasabi ko, ‘Paalisin mo ang mga mamamayan ko para makasamba sila sa akin. 21 Kung hindi mo sila paaalisin, padadalhan kita ng maraming langaw, pati na ang mga opisyal at mga mamamayan mo. Mapupuno ng mga langaw ang mga bahay ninyo, at matatabunan ng mga ito ang lupa. 22 Pero hindi ito mararanasan sa lupain ng Goshen kung saan naninirahan ang mga mamamayan ko; hindi dadapo ang mga langaw sa lugar na iyon, para malaman nila na akong Panginoon ay nasa lupaing iyon. 23 Hindi magiging pareho ang trato ko sa mga mamamayan ko at sa iyong mga mamamayan. Ang himalang ito ay mangyayari bukas.’ ”
24 Nagpadala nga ang Panginoon ng maraming langaw sa palasyo ng Faraon at sa mga bahay ng kanyang mga opisyal, at naminsala ang mga ito sa buong lupain ng Egipto.
25 Kaya ipinatawag ng Faraon sina Moises at Aaron, at sinabi, “Sige, maghandog na kayo sa Dios ninyo, pero rito lang sa Egipto.”
26 Sumagot si Moises, “Hindi pwedeng dito kami maghandog sa Egipto, dahil ang mga handog namin sa Panginoon naming Dios ay kasuklam-suklam sa mga Egipcio. At kung maghahandog kami ng mga handog na kasuklam-suklam sa kanila, siguradong babatuhin nila kami. 27 Kailangang umalis kami ng tatlong araw papunta sa ilang para maghandog sa Panginoon naming Dios, gaya ng iniutos niya sa amin.”
28 Sinabi ng Faraon, “Papayagan ko kayong maghandog sa Panginoon na inyong Dios sa ilang pero huwag kayong lalayo. Ngayon, ipanalangin ninyo ako.”
29 Sumagot si Moises, “Pag-alis ko rito, mananalangin ako sa Panginoon. At bukas, mawawala ang mga langaw sa inyo, at sa mga opisyal at mamamayan mo. Pero siguraduhin mo na hindi mo na kami lolokohing muli at pipigilang umalis para maghandog sa Panginoon.”
30 Umalis sila Moises at nanalangin sa Panginoon, 31 at ginawa ng Panginoon ang pakiusap ni Moises. Umalis ang mga langaw sa lahat ng Egipcio. Walang natira kahit isa. 32 Pero nagmatigas pa rin ang Faraon at hindi niya pinaalis ang mga Israelita.
Ang Salot sa mga Hayop
9 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Puntahan mo ang Faraon at sabihin sa kanya, ‘Ito ang sinasabi ng Panginoon, ang Dios ng mga Hebreo: Paalisin mo ang mga mamamayan ko para makasamba sila sa akin. 2 Kung hindi mo sila paaalisin, 3 padadalhan ko ng nakamamatay na sakit ang mga hayop mo na nasa bukid – kabayo, asno, kamelyo, baka, tupa at kambing. 4 Hindi magiging pareho ang trato ko sa mga hayop ng mga Israelita at sa mga hayop ng mga Egipcio, at walang mamamatay sa mga hayop ng mga Israelita.’ ”
5-6 Ipinaalam ng Panginoon na gagawin niya ito kinabukasan, at nangyari nga. Namatay ang lahat ng hayop ng mga Egipcio, pero walang namatay ni isa man lang sa mga hayop ng mga Israelita. 7 Nagpadala ang Faraon ng mga tao at nalaman niya na walang namatay kahit isa sa mga hayop ng mga Israelita. Pero matigas pa rin ang puso niya at hindi pinaalis ang mga Israelita.
Ang Salot na mga Bukol
8 Sinabi ng Panginoon kina Moises at Aaron, “Kumuha kayo ng ilang dakot ng abo sa pugon at isasaboy ito ni Moises sa hangin sa harap ng Faraon. 9 Kakalat ang mga abo sa buong Egipto, at dahil dito tutubuan ng mga bukol ang katawan ng mga tao at mga hayop.”
10 Kaya kumuha ng abo sa pugon sila Moises at Aaron, at tumayo sa harap ng Faraon. Isinaboy ito ni Moises sa hangin, at tinubuan ng mga bukol ang mga tao at mga hayop. 11 Kahit na ang mga salamangkero ay hindi makaharap kay Moises dahil tinubuan din sila ng mga bukol katulad ng lahat ng Egipcio. 12 Pero pinatigas ng Panginoon ang puso ng Faraon, at hindi siya nakinig kina Moises at Aaron, gaya ng sinabi ng Panginoon kay Moises.
Ang Pag-ulan ng Yelo
13 Pagkatapos, sinabi ng Panginoon kay Moises, “Bumangon ka nang maaga bukas at puntahan mo ang Faraon, at sabihin sa kanya, ‘Ito ang sinasabi ng Panginoon, ang Dios ng mga Hebreo: Paalisin mo ang mga mamamayan ko para makasamba sila sa akin. 14 Dahil kung hindi, magpapadala ako ng matinding salot na magpaparusa sa iyo, sa mga opisyal at mga mamamayan mo para malaman mo na wala akong katulad sa buong mundo. 15 Kahit noon pa, kaya na kitang patayin pati na ang mga mamamayan mo sa pamamagitan ng karamdaman, at wala na sana kayo ngayon. 16 Pero pinayagan kitang mabuhay dahil dito: para makita mo ang kapangyarihan ko at para makilala ang pangalan ko sa buong mundo. 17 Pero nagyayabang ka pa rin sa mamamayan ko, at hindi mo pa rin sila pinapayagang umalis. 18 Kaya bukas, sa ganito ring oras, magpapaulan ako ng mga yelong parang bato, at ang lakas ng pagbagsak nitoʼy hindi pa nararanasan ng Egipto mula nang maging bansa ito. 19 Kaya iutos mo ngayon na isilong ang lahat ng hayop mo at ang lahat ng alipin mo na nasa bukid, dahil ang sinumang nasa labas, tao man o hayop ay mamamatay kapag tinamaan ng mga yelong parang bato.’ ”
20 Natakot ang ibang mga opisyal ng Faraon sa sinabi ng Panginoon, kaya nagmadali silang isilong ang mga alipin at mga hayop nila.
21 Pero may ilan na binalewala ang babala ng Panginoon; pinabayaan lang nila ang mga hayop at alipin nila sa labas.
22 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Itaas mo ang baston mo sa langit para umulan ng mga yelong parang bato sa buong Egipto – sa mga tao, mga hayop at sa lahat ng pananim.” 23 Kaya itinaas niya ang kanyang baston, at nagpadala ang Panginoon ng kulog, mga yelo na parang bato, at kidlat. Ang mga yelong pinaulan ng Panginoon sa lupain ng Egipto 24 ang pinakamatindi mula nang maging bansa ang Egipto. Habang umuulan, patuloy naman ang pagkidlat. 25 Namatay lahat ang hayop at mga tao na naiwan sa labas, at pati na ang mga halaman at punongkahoy. 26 Tanging sa Goshen lang hindi umulan ng yelo kung saan nakatira ang mga Israelita.
27 Ipinatawag ng Faraon sila Moises at Aaron. Sinabi niya sa kanila, “Sa pagkakataong ito, inaamin ko na nagkasala ako. Tama ang Panginoon, at ako at ang mga mamamayan ko ang mali. 28 Pakiusapan ninyo ang Panginoon na itigil na niya ang matinding kulog na ito at ang pag-ulan ng yelo. Paaalisin ko na kayo, hindi na kayo dapat pang manatili rito.”
29 Sumagot si Moises, “Kapag nakalabas na ako ng lungsod, itataas ko ang aking kamay sa Panginoon para manalangin. At titigil ang kulog at hindi na uulan ng yelo, para malaman mo na pag-aari ng Panginoon ang mundo. 30 Pero alam kong ikaw at ang mga opisyal mo ay hindi pa rin natatakot sa Panginoong Dios.”
31 (Nasira ang mga pananim na flax[r] at sebada,[s] dahil aanihin na noon ang sebada at namumulaklak na ang flax. 32 Pero hindi nasira ang mga trigo[t] dahil hindi pa aanihin ang mga ito.)
33 Umalis si Moises sa harapan ng Faraon at lumabas ng lungsod. Itinaas niya ang kanyang kamay sa Panginoon para manalangin at huminto ang kulog, ang pag-ulan ng yelong parang bato at ang ulan. 34 Pagkakita ng Faraon na huminto na ang ulan, ang yelo at ang kulog, muli siyang nagkasala. Nagmatigas siya at ang mga opisyal niya. 35 Sa pagmamatigas niya, hindi niya pinaalis ang mga Israelita, gaya ng sinabi ng Panginoon kay Moises.
Ang Salot na mga Balang
10 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Puntahan mo ang Faraon dahil pinatigas ko ang puso niya at ng mga opisyal niya, para patuloy kong maipakita sa kanila ang aking mga himala. 2 At para maikuwento ninyo sa mga anak at apo ninyo kung paano ko pinarusahan ang mga Egipcio at kung paano ako gumawa ng mga himala sa kanila. Sa ganitong paraan, malalaman nilang ako ang Panginoon.”
3 Kaya pumunta sina Moises at Aaron sa Faraon at sinabi sa kanya, “Ito ang sinasabi ng Panginoon, ang Dios ng mga Hebreo, ‘Hanggang kailan ka pa ba magmamataas sa akin? Paalisin mo ang mamamayan ko para makasamba sila sa akin. 4 Kung hindi mo sila paaalisin, magpapadala ako ng mga balang sa bansa mo bukas. 5 Sa sobrang dami nila, hindi na makikita ang lupa. Kakainin nila ang mga pananim na hindi nasira ng pag-ulan ng yelo, maging ang lahat ng punongkahoy. 6 Mapupuno ng balang ang iyong palasyo at ang mga bahay ng mga opisyal at mga mamamayan mo. Wala pang ganitong pangyayari sa kasaysayan ng Egipto mula nang dumating ang inyong mga ninuno hanggang ngayon.’ ” Nang masabi ito ni Moises, umalis na siya.
7 Sinabi ng mga opisyal ng Faraon sa kanya, “Hanggang kailan nʼyo pa ba hahayaan ang kalamidad na ito na magparusa sa atin? Paalisin nʼyo na po ang mga Israelita, para makasamba na sila sa Panginoon na kanilang Dios. Hindi nʼyo ba naiisip na nasalanta na ang Egipto?”
8 Kaya pinabalik sina Moises at Aaron sa Faraon. Sinabi ng Faraon sa kanila, “Maaari na kayong umalis para makasamba kayo sa Panginoon na inyong Dios. Pero sabihin nʼyo sa akin kung sino ang isasama ninyo sa pag-alis.”
9 Sumagot si Moises, “Aalis kaming lahat, bata at matanda. Dadalhin namin ang aming mga anak at mga hayop, dahil lahat kami ay magdaraos ng pista para sa Panginoon.”
10 Sinabi ng Faraon nang may pang-iinsulto, “Sanaʼy samahan kayo ng Panginoon kung palalakarin ko kayo at ang pamilya ninyo! Malinaw na masama ang intensyon ninyo dahil tatakas kayo. 11 Hindi ako papayag! Ang mga lalaki lang ang aalis para sumamba sa Panginoon kung iyan ang gusto ninyo.” At pinalayas sina Moises at Aaron sa harapan ng Faraon.
12 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Itaas mo ang iyong baston sa Egipto para dumating ang mga balang, at kainin ng mga ito ang mga naiwang pananim na hindi nasira nang umulan ng yelo.”
13 Kaya itinaas ni Moises ang kanyang baston, at nagpadala ang Panginoon ng hangin mula sa silangan buong araw at gabi. Kinaumagahan, nagdala ang hangin ng napakaraming balang 14 at dumagsa ito sa buong Egipto. Hindi pa kailanman nagkaroon ng pagsalakay ng mga balang tulad nito sa buong Egipto at hindi na magkakaroon pang muli. 15 Dumagsa ang mga ito sa buong Egipto hanggang sa mangitim ang lupa. Kinain ang mga naiwang pananim na hindi nasira ng mga yelo, pati ang lahat ng bunga ng mga puno. Walang naiwang pananim sa buong Egipto.
16 Agad na ipinatawag ng Faraon sina Moises at Aaron, at sinabi, “Nagkasala ako sa Panginoon na inyong Dios at sa inyo. 17 Patawarin nʼyo akong muli, at manalangin kayo sa Panginoon inyong Dios na tanggalin niya sa akin ang nakakamatay na salot na ito.”
18 Umalis si Moises at nanalangin sa Panginoon. 19 Sumagot ang Panginoon sa pamamagitan ng pagpapadala ng malakas na hangin galing sa kanluran, at inilipad nito ang mga balang sa Dagat na Pula. At wala ni isang balang na naiwan sa Egipto. 20 Pero pinatigas pa rin ng Panginoon ang puso ng Faraon, at hindi niya pinaalis ang mga Israelita.
Ang Salot na Kadiliman
21 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Itaas mo ang iyong kamay sa langit para mabalot ng kadiliman ang buong Egipto.” 22 Kaya itinaas ni Moises ang kamay niya sa langit, at nagdilim sa buong Egipto sa loob ng tatlong araw. 23 Walang lumabas na mga Egipcio sa kani-kanilang bahay dahil hindi nila makita ang isaʼt isa. Pero may liwanag sa lugar na tinitirhan ng lahat ng mga Israelita.
24 Ipinatawag ng Faraon si Moises at sinabi, “Sige, sumamba na kayo sa Panginoon. Dalhin ninyo pati na ang inyong pamilya, pero iwan ninyo ang mga hayop.”
25 Pero sumagot si Moises, “Kailangan naming dalhin ang mga hayop namin para makapag-alay kami ng mga handog na sinusunog para sa Panginoon naming Dios. 26 Dadalhin namin ang mga hayop namin; walang maiiwan kahit isa sa kanila. Sapagkat hindi namin alam kung anong hayop ang ihahandog namin sa Panginoon. Malalaman lang namin ito kapag naroon na kami.”
27 Pero pinatigas ng Panginoon ang puso ng Faraon, at hindi niya sila pinaalis. 28 Sinabi ng Faraon kay Moises, “Umalis ka sa harapan ko! Huwag ka na ulit magpapakita sa akin, dahil kung makikita pa kita, ipapapatay kita.”
29 Sumagot si Moises, “Kung iyan ang gusto mo, hindi na ako muling magpapakita sa iyo.”
Ang Kamatayan ng mga Panganay na Lalaki sa Egipto
11 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Padadalhan ko ng isa pang salot ang Faraon at ang Egipto. Pagkatapos nito, paaalisin na niya kayo. Itataboy pa niya kayo dahil gusto niyang makaalis agad kayo. 2 Sabihin mo sa mga Israelita, lalaki man o babae, na humingi sila ng mga alahas na pilak at ginto sa mga kapitbahay nila na Egipcio.” 3 (Niloob ng Panginoon na maging mabait ang mga Egipcio sa mga Israelita. At iginalang si Moises ng mga opisyal ng Faraon at ng mga mamamayan ng Egipto.)
4 Kaya sinabi ni Moises sa Faraon, “Ito ang sinasabi ng Panginoon: ‘Dadaan ako sa Egipto mga bandang hatinggabi, 5 at mamamatay ang lahat ng panganay na lalaki sa Egipto, mula sa panganay ng Faraon na papalit sa kanyang trono, hanggang sa panganay ng pinakamababang aliping babae. Mamamatay din ang lahat ng panganay ng mga hayop. 6 Maririnig ang matinding iyakan sa buong Egipto na hindi pa nangyayari kailanman at hindi na mangyayari pang muli. 7 Pero magiging tahimik ang mga Israelita; kahit tahol ng asoʼy walang maririnig.’ Sa pamamagitan nito, malalaman ninyo na iba ang pagtrato ng Panginoon sa mga Israelita at sa mga Egipcio. 8 Lahat ng iyong mga opisyal ay lalapit sa akin na nakayuko at magsasabi, ‘Umalis ka na at isama mo ang mga mamamayang sumusunod sa iyo!’ Pagkatapos nito, aalis na ako.” At umalis si Moises sa harapan ng galit na galit na Faraon.
9 Sinabi noon ng Panginoon kay Moises, “Hindi maniniwala ang Faraon sa iyo, para marami pang himala ang magawa ko sa Egipto.” 10 Ginawa nila Moises at Aaron ang mga himalang ito sa harap ng Faraon, pero pinatigas ng Panginoon ang puso ng Faraon, at hindi pinayagan ng Faraon na umalis ang mga Israelita sa kanyang bansa.
Ang Paglampas ng Anghel
12 Sinabi ng Panginoon kina Moises at Aaron doon sa Egipto, 2 “Mula ngayon, ang buwan na ito ang magiging unang buwan ng taon para sa inyo. 3 Ipaalam ninyo sa buong kapulungan ng Israel na sa ikasampung araw ng buwan na ito, maghahanda ang bawat pamilya ng isang tupa o kambing. 4 Kung maliit lang ang isang pamilya at hindi makakaubos ng isang tupa, maghati sila ng kapitbahay niya. Hatiin nila ito ayon sa dami nila at ayon sa makakain ng bawat tao. 5 Kailangang piliin ninyo ang lalaking kambing o tupa na isang taon pa lang at walang kapintasan. 6 Alagaan ninyo ito hanggang sa dapit-hapon nang ika-14 na araw ng buwan. Ito ang panahon na kakatayin ng buong kapulungan ng Israel ang mga hayop. 7 Pagkatapos, kunin ninyo ang dugo nito at ipahid sa ibabaw at sa gilid ng hamba ng mga pintuan ng mga bahay na kakainan ninyo ng mga tupa. 8 Sa gabing iyon, ang kakainin ninyoʼy ang nilitsong tupa, mapapait na gulay at tinapay na walang pampaalsa. 9 Huwag ninyong kakainin nang hilaw o nilaga ang karne kundi litsunin ninyo ito nang buo kasama ang ulo, paa at mga lamang-loob. 10 Ubusin ninyo ito, at kung may matira kinaumagahan, sunugin ninyo. 11 Habang kumakain kayo, handa na dapat kayo sa pag-alis. Isuot ninyo ang inyong mga sandalyas at hawakan ang inyong mga baston, at magmadali kayong kumain. Ito ang Pista ng Paglampas ng Anghel na ipagdiriwang ninyo bilang pagpaparangal sa akin.
12 “Sa gabing iyon, dadaan ako sa Egipto at papatayin ko ang lahat ng panganay na lalaki ng mga Egipcio pati na ang panganay ng kanilang mga hayop. Parurusahan ko ang lahat ng dios ng Egipto. Ako ang Panginoon. 13 Ang dugong ipinahid ninyo sa hamba ng pintuan ninyo ang magiging tanda na nakatira kayo roon. Kapag nakita ko ang dugo, lalampasan ko ang bahay ninyo, at walang salot na sasapit sa inyo kapag pinarusahan ko ang Egipto.
14 “Dapat ninyong tandaan ang araw na ito magpakailanman. Ipagdiwang ninyo ito taun-taon bilang pista ng pagpaparangal sa akin. Ang tuntuning itoʼy dapat ninyong sundin hanggang sa mga susunod pang henerasyon. 15 Sa loob ng pitong araw, kakain kayo ng tinapay na walang pampaalsa. Sa unang araw, alisin ninyo ang lahat ng pampaalsa sa bahay ninyo, dahil ang sinumang kumain ng tinapay na may pampaalsa mula sa una hanggang sa ikapitong araw ay hindi ituturing na kabilang sa Israel. 16 Sa una at sa ikapitong araw, magtipon kayo para sumamba sa akin. Huwag kayong magtatrabaho sa araw na iyon, maliban na lamang sa paghahanda ng pagkain na kakainin ninyo. Ito lang ang gagawin ninyo.
17 “Ipagdiwang ninyo ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa, dahil magpapaalala ito sa inyo ng araw na inilabas ko ang bawat lahi ninyo mula sa Egipto. Ipagdiwang ninyo ito magpakailanman bilang tuntunin na dapat sundin hanggang sa mga susunod pang henerasyon. 18 Simulan ninyong ipagdiwang ito sa dapit-hapon ng ika-14 na araw ng unang buwan hanggang sa dapit-hapon ng ika-21 araw. Kakain kayo ng tinapay na walang pampaalsa. 19 Sa loob ng pitong araw, dapat walang makitang pampaalsa sa bahay ninyo. Ang sinumang kumain ng tinapay na may pampaalsa, katutubo na Israelita man o hindi ay ituturing na hindi na kabilang sa mamamayan ng Israel. 20 Huwag na huwag kayong kakain ng tinapay na may pampaalsa sa panahon ng pista, saan man kayo nakatira.”
21 Pagkatapos, ipinatawag ni Moises ang lahat ng tagapamahala ng Israel at sinabi, “Sabihin ninyo sa lahat ng pamilya ninyo na kumuha sila ng tupa o kambing at katayin nila para ipagdiwang ang Pista ng Paglampas ng Anghel. 22 Patuluin ninyo ang dugo nito sa mangkok. Pagkatapos, kumuha kayo ng mga sanga ng isopo at isawsaw ito sa dugo, at ipahid sa ibabaw at gilid ng hamba ng pintuan ninyo. At walang lalabas sa mga bahay ninyo hanggang umaga. 23 Dahil dadaan ang Panginoon sa Egipto para patayin ang mga panganay na lalaki ng mga Egipcio. Pero kapag nakita ng Panginoon ang dugo sa ibabaw at sa gilid ng hamba ng mga pintuan ninyo, lalampasan lang niya ang mga bahay ninyo at hindi niya papayagan ang Mamumuksa na pumasok sa mga bahay ninyo at patayin ang inyong mga panganay na lalaki.
24 “Ang tuntuning itoʼy dapat ninyong sundin at ng inyong mga salinlahi magpakailanman. 25 Ipagpatuloy pa rin ninyo ang seremonyang ito kapag nakapasok na kayo sa lupaing ipinangako ng Panginoon na ibibigay sa inyo. 26 Kapag nagtanong ang mga anak ninyo kung ano ang ibig sabihin ng seremonyang ito, 27 ito ang isasagot ninyo: Pista ito ng Paglampas ng Anghel bilang pagpaparangal sa Panginoon, dahil nilampasan lang niya ang mga bahay ng mga Israelita sa Egipto nang patayin niya ang mga Egipcio.”
Pagkatapos magsalita ni Moises, yumukod ang mga Israelita at sumamba sa Panginoon. 28 At sinunod nila ang iniutos ng Panginoon kina Moises at Aaron.
29 Nang hatinggabing iyon, pinatay ng Panginoon ang lahat ng panganay na lalaki sa Egipto mula sa panganay ng Faraon, na tagapagmana ng kanyang trono, hanggang sa panganay ng mga bilanggo na nasa bilangguan. Pinatay din niya ang lahat ng panganay ng hayop. 30 Nang gabing iyon, nagising ang Faraon at ang kanyang mga opisyal, at ang lahat ng Egipcio. At narinig ang matinding iyakan sa Egipto, dahil walang bahay na hindi namatayan.
31 Nang gabi ring iyon, ipinatawag ng Faraon sila Moises at Aaron at sinabi, “Umalis na kayo! Lisanin na ninyo ang aking bansa. Umalis na kayo at sumamba sa Panginoon, gaya ng ipinapakiusap ninyo. 32 Dalhin ninyo ang mga hayop ninyo, gaya rin ng pakiusap ninyo at umalis kayo. Pero ipanalangin ninyo na kaawaan ako ng inyong Dios.”
33 Pinagmadali ng mga Egipcio ang mga Israelita na umalis sa kanilang bansa, dahil sabi nila, “Kung hindi kayo aalis, mamamatay kaming lahat!” 34 Kaya dinala ng mga Israelita ang mga minasa nilang harina na walang pampaalsa na nakalagay sa lalagyan. Ibinalot nila ito sa mga damit nila at pinasan. 35 Sinunod ng mga Israelita ang sinabi sa kanila ni Moises na humingi sa mga Egipcio ng mga alahas na pilak at ginto, at mga damit. 36 Niloob ng Panginoon na maging mabuti ang mga Egipcio sa mga Israelita, kaya ibinigay ng mga Egipcio ang mga hinihingi nila. Sa ganitong paraan, nasamsam nila ang mga ari-arian ng mga Egipcio.
37 Naglakbay ang mga Israelita mula Rameses papuntang Sucot. Mga 600,000 lahat ang lalaki, hindi pa kabilang dito ang mga babae at mga bata. 38 Marami ring mga dayuhan ang sumama sa kanila at marami silang dinalang hayop. 39 Nang huminto sila para kumain, nagluto sila ng tinapay na walang pampaalsa mula sa minasang harina na dala nila galing sa Egipto. Hindi ito nalagyan ng pampaalsa dahil pinagmadali sila ng mga Egipcio na umalis at wala na silang panahong hintayin pa ang pag-alsa ng minasang harina.
40 Nanirahan ang mga Israelita sa Egipto nang 430 taon. 41 Sa huling araw ng 430 taon, umalis sa Egipto ang buong mamamayan ng Panginoon. 42 Nang gabing umalis ang mga Israelita sa Egipto, binantayan sila ng Panginoon buong gabi. Kaya katulad ng gabing iyon taun-taon, magpupuyat ang lahat ng mga Israelita bilang pagpaparangal sa Panginoon at gagawin nila ito hanggang sa mga susunod pang henerasyon.
Ang mga Tuntunin tungkol sa Pista ng Paglampas ng Anghel
43 Sinabi ng Panginoon kina Moises at Aaron, “Ito ang mga tuntunin tungkol sa Pista ng Paglampas ng Anghel:
“Hindi dapat kumain ang mga dayuhan ng mga pagkaing inihanda sa pistang ito. 44 Makakakain ang lahat ng aliping binili kung natuli sila, 45 pero hindi maaaring kumain ang mga upahang trabahador at ang mga dayuhan.
46 “Dapat itong kainin sa loob ng bahay kung saan ito inihanda; hindi dapat ilabas ang karne sa bahay, at huwag babaliin ang buto nito. 47 Dapat itong ipagdiwang ng buong mamamayan ng Israel.
48 “Kung may dayuhan na naninirahang kasama ninyo na gustong makipagdiwang ng Pista ng Paglampas ng Anghel sa pagpaparangal sa Panginoon, kailangang tuliin ang lahat ng lalaki sa sambahayan niya. At maaari na siyang makasama sa pagdiriwang bilang isang katutubong Israelita. Pero hindi maaaring makipagdiwang ang taong hindi natuli. 49 Ang tuntuning itoʼy para sa lahat – sa mga katutubong Israelita at sa mga dayuhang naninirahang kasama ninyo.”
50 Sinunod ng lahat ng mga Israelita ang iniutos ng Panginoon kina Moises at Aaron. 51 At nang araw na iyon, inilabas ng Panginoon ang bawat lahi ng Israel mula sa Egipto.
Ang Pagtatalaga sa mga Panganay na Lalaki
13 Sinabi ng Panginoon kay Moises, 2 “Italaga nʼyo sa akin ang lahat ng panganay na lalaki ng mga Israelita at ang panganay ng lahat ng hayop.”
3 Pagkatapos, sinabi ni Moises sa mga tao, “Alalahanin ninyo ang araw na ito, ang araw na inilabas kayo sa Egipto mula sa pagkaalipin. Sapagkat inilabas kayo ng Panginoon sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan. Huwag kayong kakain ng tinapay na may pampaalsa. 4 Alalahanin ninyo ang araw na ito ng buwan ng Abib[u] – ang araw na inilabas kayo sa Egipto. 5 Dapat nʼyo itong ipagdiwang kapag dinala na kayo ng Panginoon sa lupain ng mga Cananeo, Heteo, Amoreo, Hiveo at mga Jebuseo. Ito ang lupaing ipinangako niya sa inyong mga ninuno na ibibigay sa inyo. Maganda at masaganang lupain[v] na ito. 6 Sa panahon ng pagdiriwang ninyo, kakain kayo ng tinapay na walang pampaalsa sa loob ng pitong araw, at sa ikapitong araw ninyo sisimulang idaos ang pista para sa Panginoon. 7 Huwag na huwag kayong kakain ng tinapay na may pampaalsa sa loob ng pitong araw, at wala dapat makikitang pampaalsa sa inyo o kahit saan sa lugar ninyo. 8 Sa panahon ng pagdiriwang ninyo, ipaliwanag nʼyo sa inyong mga anak na ginagawa ninyo ito para ipagdiwang ang ginawa ng Panginoon nang inilabas niya kayo sa Egipto. 9 Ang pistang itoʼy katulad ng isang tatak sa inyong mga kamay o sa inyong mga noo na magpapaalaala sa inyo na dapat ninyong sabihin sa iba ang mga utos ng Panginoon, dahil inilabas niya kayo sa Egipto sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan. 10 Kaya ipagdiwang ninyo ang pistang ito sa itinakdang panahon bawat taon.
11 “Kapag dinala na kayo ng Panginoon sa lupain ng mga Cananeo na ipinangako niyang ibibigay sa inyong mga ninuno at sa inyo, 12 italaga nʼyo sa Panginoon ang inyong mga panganay na lalaki at pati na rin ang panganay ng inyong mga hayop, dahil pag-aari ito ng Panginoon. 13 Maaaring tubusin sa Panginoon ang mga panganay ng mga asno sa pamamagitan ng pagpapalit nito ng tupa. Pero kung hindi ninyo ito tutubusin, kailangang patayin ang asno sa pamamagitan ng pagbali sa leeg nito. Maaari rin ninyong tubusin ang inyong mga panganay na lalaki.
14 “Sa hinaharap, kapag tinanong kayo ng anak ninyo kung bakit ninyo ito ginagawa, sabihin ninyo sa kanila, ‘Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Panginoon, inilabas niya kami sa Egipto kung saan kami inalipin. 15 Nang hindi pa kami pinapayagan ng Faraon na umalis, pinatay ng Panginoon ang lahat ng panganay na lalaki sa Egipto, maging tao o hayop. Ito ang dahilan kung bakit inihahandog namin sa Panginoon ang lahat ng panganay na lalaki ng aming mga hayop at tinutubos namin ang mga panganay naming lalaki.’ 16 Ang seremonyang ito ay tulad ng tatak sa inyong mga kamay o sa inyong mga noo na magpapaalala sa inyo nang inilabas kayo ng Panginoon sa Egipto sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan.”
Ang Pagtawid ng mga Israelita sa Dagat na Pula
17 Nang pinaalis na ng Faraon ang mga Israelita, hindi sila pinadaan ng Dios sa daang papunta sa lupain ng mga Filisteo kahit na iyon ang pinakamalapit na daan. Sapagkat sinabi ng Dios, “Kung may labanang haharapin ang mga Israelita, baka magbago ang isip nila at bumalik sila sa Egipto.” 18 Kaya pinaliko sila ng Dios sa disyerto papunta sa Dagat na Pula.[w] Armado ang mga Israelita para sa labanan nang lisanin nila ang Egipto.
19 Dinala ni Moises ang mga buto ni Jose, ayon sa ipinanumpa noon ni Jose na gagawin ng mga Israelita. Sinabi noon ni Jose, “Siguradong palalayain kayo ng Dios. Kapag nangyari na iyon, dalhin ninyo ang mga buto ko sa pag-alis ninyo sa lugar na ito.”
20 Pag-alis nila sa Sucot, nagkampo sila sa Etam, sa dulo ng disyerto. 21 Kapag araw, ginagabayan sila ng Panginoon sa pamamagitan ng makapal na ulap, at kapag gabi ay ginagabayan sila sa pamamagitan ng naglalagablab na haliging apoy na nagbibigay sa kanila ng liwanag, para makapaglakbay sila araw man o gabi. 22 Nangunguna sa kanila ang makapal na ulap kapag araw at ang naglalagablab na haliging apoy kapag gabi.
14 Sinabi ng Panginoon kay Moises, 2 “Sabihin mo sa mga Israelita na bumalik sila malapit sa Pi Hahirot, sa gitna ng Migdol at Dagat na Pula, at magkampo sila roon sa tabi ng dagat, sa harap ng Baal Zefon. 3 Iisipin ng Faraon na nagkaligaw-ligaw kayo at hindi na makalabas ng disyerto. 4 At patitigasin ko ang kanyang puso at hahabulin niya kayo. Pero papatayin ko siya at ang kanyang mga sundalo. Sa pamamagitan nitoʼy mapaparangalan ako, at malalaman ng mga Egipcio na ako ang Panginoon.” Kaya ginawa ito ng mga Israelita.
5 Nang mabalitaan ng hari ng Egipto na tumakas ang mga Israelita, nagbago ang isip niya at ang lahat ng opisyal tungkol sa pag-alis ng mga Israelita. Sinabi nila, “Ano ba ang ginawa natin? Bakit natin pinaalis ang mga Israelita? Ngayon, wala na tayong mga alipin.” 6 Kaya inihanda ng Faraon ang karwahe niya at ang kanyang mga sundalo. 7 Dinala niya ang 600 na pinakamahuhusay na karwahe ng Egipto at ang iba pang mga karwahe. Bawat isaʼy pinamamahalaan ng opisyal. 8 Pinatigas ng Panginoon ang puso ng Faraon na hari ng Egipto, kaya hinabol niya ang mga Israelita na naglalakbay na buo ang loob. 9 Ang mga Egipcio na sumama sa paghabol ay ang mga sundalo ng hari, kasama ang mga mangangabayo niya sakay ng kanilang mga kabayo at karwahe. Naabutan nila ang mga Israelita sa pinagkakampuhan nila sa tabi ng Dagat na Pula malapit sa Pi Hahirot, sa harap ng Baal Zefon.
10 Nang papalapit na ang Faraon at ang kanyang mga sundalo, nakita sila ng mga Israelita. Kaya lubha silang natakot at humingi ng tulong sa Panginoon. 11 Sinabi nila kay Moises, “Bakit dito mo pa kami dinala sa disyerto para mamatay? Wala bang libingan doon sa Egipto? Bakit mo pa kami pinalabas sa Egipto? 12 Hindi baʼt sinabi namin sa iyo sa Egipto na pabayaan mo na lang kaming magpaalipin sa mga Egipcio? Mas mabuti pang nanilbihan na lang kami sa mga Egipcio kaysa sa mamatay dito sa disyerto!”
13 Sumagot si Moises sa mga tao, “Huwag kayong matakot. Magpakatatag kayo at makikita ninyo ang pagliligtas ng Panginoon sa inyo sa araw na ito. Ang mga Egipciong nakikita ninyo ngayon ay hindi na ninyo makikita pang muli. 14 Ang Panginoon ang makikipaglaban para sa inyo. Hindi nʼyo na kailangang makipaglaban pa.”
15 Pagkatapos, sinabi ng Panginoon kay Moises, “Bakit patuloy ka pa ring humihingi ng tulong sa akin? Sabihin mo sa mga Israelita na magpatuloy sila sa paglalakbay. 16 Pagkatapos, itaas mo ang iyong baston sa dagat para mahati ang tubig at makatawid ang mga Israelita sa tuyong lupa. 17 Patitigasin ko ang puso ng mga Egipcio para habulin nila kayo. Pero lilipulin ko ang Faraon at ang kanyang mga sundalo, mangangabayo at mga karwahe. Sa pamamagitan nito, mapaparangalan ako. 18 At kapag nalipol ko na sila, malalaman ng mga Egipcio na ako ang Panginoon.”
19 Pagkatapos, lumipat sa hulihan ang anghel ng Dios na nangunguna sa mamamayan ng Israel, ganoon din ang makapal na ulap. 20 Tumigil ito sa gitna ng mga Israelita at mga Egipcio. Sa buong gabi, nagbigay ng liwanag ang ulap sa mga Israelita at nagbigay ng kadiliman sa mga Egipcio. Kaya lumipas ang gabi na hindi nakalapit ang mga Egipcio sa mga Israelita.
21 Pagkatapos, itinaas ni Moises ang kanyang kamay sa dagat, at nahati ang dagat sa pamamagitan ng malakas na hangin na ipinadala ng Panginoon mula sa silangan. Buong gabing umihip ang hangin hanggang ang gitna ng dagat ay naging tuyong lupa. 22 At tumawid ang mga Israelita sa tuyong lupa, na ang tubig ay parang pader sa magkabilang gilid.
23 Hinabol sila ng mga sundalo ng Egipto kasama ang kanilang mga mangangabayo, mga karwahe at mga kabayo. 24 Nang mag-uumaga na, tiningnan ng Panginoon ang mga sundalo ng Egipto mula sa makapal na ulap at naglalagablab na apoy, at nilito niya sila. 25 Tinanggal[x] niya ang mga gulong ng mga karwahe nila para mahirapan silang patakbuhin ito. Sinabi ng mga Egipcio, “Umatras na lang tayo sa mga Israelita, dahil ang Panginoon ang lumalaban sa atin para sa kanila.”
26 Nang nakatawid na ang mga Israelita, sinabi ng Panginoon kay Moises, “Itaas mo ang iyong kamay sa dagat para bumalik ang tubig at matabunan ang mga Egipcio at ang karwahe nila at mga mangangabayo.” 27 Kaya itinaas ni Moises ang kanyang kamay sa dagat, at nang sumisikat na ang araw, bumalik ang tubig sa dati nitong lugar. Tinangkang tumakas ng mga Egipcio pero ipinaanod sila ng Panginoon sa dagat. 28 Tinabunan ng tubig ang lahat ng sundalo ng Faraon na humabol sa mga Israelita pati na ang kanilang mga mangangabayo at karwahe. Wala ni isa mang nakaligtas sa kanila.
29 Pero ang mga Israelitaʼy dumaan sa tuyong lupa sa gitna ng dagat, na parang pader ang tubig sa magkabilang gilid. 30 Sa araw na iyon, iniligtas ng Panginoon ang mga Israelita sa kamay ng mga Egipcio. At nakita ng mga Israelita ang mga bangkay ng mga Egipcio na nakahandusay sa dalampasigan. 31 Nakita ng mga Israelita ang dakilang kapangyarihan ng Panginoon na ginamit niya laban sa mga Egipcio. At dahil dito, iginalang nila ang Panginoon at siyaʼy pinagtiwalaan nila at ang lingkod niyang si Moises.
Ang Awit ni Moises
15 Umawit si Moises at ang mga Israelita ng awit sa Panginoon:
“Aawitan ko ang Panginoon dahil lubos siyang nagtagumpay.
Itinapon niya sa dagat ang mga kabayo at ang mga sakay nito.
2 Ang Panginoon ang nagbibigay sa akin ng lakas,
at siya ang aking awit.
Siya ang nagligtas sa akin.
Siya ang aking Dios, at pupurihin ko siya.
Siya ang Dios ng aking ama,[y] at itataas ko siya.
3 Panginoon ang kanyang pangalan, isa siyang mandirigma.
4 Itinapon niya sa dagat ang mga karwahe at mga sundalo ng Faraon.
Nalunod ang pinakamagagaling na opisyal ng Faraon sa Dagat na Pula.
5 Nalunod sila sa malalim na tubig;
lumubog sila sa kailaliman katulad ng isang bato.
6 “Dakila ang kapangyarihan nʼyo, O Panginoon;
sa pamamagitan nito, dinurog nʼyo ang inyong mga kaaway.
7 Sa inyong kapangyarihan, ibinagsak nʼyo ang mga kumakalaban sa inyo.
Ipinadama nʼyo sa kanila ang inyong galit na siyang tumupok sa kanila na parang dayami.
8 Sa isang ihip nʼyo lang, nahati ang tubig.
Ang dumadaluyong na tubig ay nahati at tumayo na parang pader;
natuyo ang malalim na dagat.
9 Sinabi ng nagyayabang na kaaway,
‘Hahabulin ko sila at huhulihin;
paghahati-hatiin ko ang kanilang mga kayamanan at bubusugin ko nito ang aking sarili.
Bubunutin ko ang aking espada at lilipulin sila.’
10 Pero sa isang ihip nʼyo lang, nalunod sila sa dagat.
Lumubog sila sa kailaliman kagaya ng tingga.
11 O Panginoon, sino po ba ang dios na katulad nʼyo?
Wala kayong katulad sa kabanalan at kapangyarihan.
Kayo lang po ang Dios na gumagawa ng mga kamangha-manghang bagay!
12 Sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan,[z] nilamon ng lupa ang aming mga kaaway.
13 “Sa pamamagitan ng walang tigil nʼyong pagmamahal, gagabayan nʼyo ang inyong mga iniligtas.
Sa pamamagitan ng inyong lakas, gagabayan nʼyo sila sa banal nʼyong tahanan.
14 Maririnig ito ng mga bansa at manginginig sila sa takot.
Lubhang matatakot ang mga Filisteo.
15 Ang mga pinuno ng Edom at Moab ay manginginig sa takot,
at ang mga pinuno[aa] ng Canaan ay hihimatayin sa takot.
16 “Tunay na matatakot sila.
Sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan, silaʼy magiging parang bato na hindi nakakakilos,
hanggang sa makadaan ang inyong mga mamamayan na inyong iniligtas, O Panginoon.
17 Dadalhin nʼyo ang mga mamamayan ninyo sa inyong lupain,
at ilalagay nʼyo sila sa bundok na pagmamay-ari ninyo –
ang lugar na ginawa nʼyong tahanan, O Panginoon,
ang templong kayo mismo ang gumawa.
18 Maghahari kayo, O Panginoon magpakailanman.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®