Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Bible in 90 Days

An intensive Bible reading plan that walks through the entire Bible in 90 days.
Duration: 88 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Hukom 3:28-15:12

28 Sinabi niya sa kanila, “Sumunod kayo sa akin dahil pagtatagumpayin kayo ng Panginoon laban sa Moab na kalaban ninyo.” Kaya sumunod sila sa kanya at sinakop nila ang tawiran sa Ilog ng Jordan patungong Moab, at wala silang pinatawid doon ni isang tao. 29 Nang araw na iyon, nakapatay sila ng 10,000 malalakas at matatapang na Moabita. Wala ni isang nakatakas sa kanila. 30 Sinakop ng Israel ang Moab nang araw na iyon, at mula noon, naging mapayapa ang Israel sa loob ng 80 taon.

Si Shamgar

31 Si Shamgar na anak ni Anat ang sumunod kay Ehud bilang pinuno. Iniligtas niya ang Israel sa mga Filisteo. Nakapatay siya ng 600 Filisteo gamit ang tungkod niyang pangtaboy sa baka.

Si Debora at si Barak

Pagkamatay ni Ehud, muling gumawa ng kasamaan ang mga Israelita sa paningin ng Panginoon. Kaya hinayaan ng Panginoon na sakupin sila ni Haring Jabin ng Hazor, na isang hari ng mga Cananeo. Ang kumander ng mga sundalo ni Jabin ay si Sisera na nakatira sa Haroshet Hagoyim. May 900 karwaheng yari sa bakal si Jabin, at labis niyang pinagmalupitan ang mga Israelita sa loob ng 20 taon. Kaya muling humingi ng tulong ang mga Israelita sa Panginoon.

Nang panahong iyon, ang pinuno ng Israel ay si Debora, na isang propeta ng Dios at asawa ni Lapidot. Kapag gustong ayusin ng mga Israelita ang kanilang mga di-pagkakaunawaan, pumupunta sila kay Debora na nasa ilalim ng puno ng palma na pag-aari nito, sa pagitan ng Rama at Betel sa kabundukan ng Efraim.

Isang araw, ipinatawag ni Debora si Barak na anak ni Abinoam na taga-Kedesh na sakop ng lahi ni Naftali. Pagdating ni Barak, sinabi ni Debora sa kanya, “Inuutusan ka ng Panginoon, ang Dios ng Israel, na kumuha ng 10,000 lalaki sa lahi ni Naftali at Zebulun, at dalhin sila sa Bundok ng Tabor. Lilinlangin ko si Sisera, ang kumander ng mga sundalo ni Jabin, na pumunta sa Lambak ng Kishon, kasama ang kanyang mga sundalo at mga karwahe. At doon pagtatagumpayin ko kayo laban sa kanila.”

Sinabi ni Barak kay Debora, “Pupunta ako kung sasama ka, pero kung hindi ka sasama, hindi ako pupunta.” Sumagot si Debora, “Sige, sasama ako sa iyo, pero hindi mapupunta sa iyo ang karangalan dahil ipapatalo ng Panginoon si Sisera sa isang babae.” Kaya sumama si Debora kay Barak at pumunta sila sa Kedesh. 10 Doon, ipinatawag ni Barak ang mga lahi ni Naftali at ni Zebulun, at 10,000 tao ang sumama sa kanya. Sumama rin sa kanya si Debora.

11 Nang panahong iyon, si Heber na Keneo ay nagtayo ng tolda niya malapit sa puno ng terebinto sa Zaananim malapit sa Kedesh. Humiwalay siya sa ibang mga Keneo na mula sa angkan ni Hobab na bayaw[a] ni Moises.

12 Ngayon, may nakapagsabi kay Sisera na papunta si Barak sa Bundok ng Tabor. 13 Kaya tinipon ni Sisera ang 900 karwahe niyang yari sa bakal at ang lahat ng sundalo niya. At umalis sila mula sa Haroshet Hagoyim papunta sa Lambak ng Kishon.

14 Sinabi ni Debora kay Barak, “Humanda ka! Ito na ang araw na pagtatagumpayin ka ng Panginoon laban kay Sisera. Pangungunahan ka ng Panginoon.” Kaya bumaba si Barak sa Bundok ng Tabor kasama ng 10,000 niyang sundalo. 15 Nang lumusob na sina Barak, nilito ng Panginoon si Sisera at ang lahat ng mangangarwahe at sundalo niya. Pagkatapos, tumalon si Sisera sa karwahe niya at tumakas. 16 Hinabol nila Barak ang mga sundalo at ang mga mangangarwahe ni Sisera hanggang sa Haroshet Hagoyim at nilipol ang mga ito. Wala ni isang natira sa kanila.

17 Si Sisera naman ay tumakas papunta sa tolda ni Jael na asawa ni Heber, dahil magkaibigan si Haring Jabin ng Hazor at ang pamilya ni Heber na Keneo. 18 Sinalubong ni Jael si Sisera at sinabi, “Tuloy po kayo sa aking tolda at huwag kayong matakot.” Kaya pumasok si Sisera sa tolda, at tinakluban siya ni Jael ng kumot[b] para itago. 19 Sinabi ni Sisera kay Jael, “Pahingi ng tubig. Uhaw na uhaw na ako.” Kaya binuksan ni Jael ang balat na sisidlan ng gatas at pinainom si Sisera, at pagkatapos ay itinago siyang muli. 20 Sinabi ni Sisera, “Tumayo ka sa pintuan ng tolda. Kapag may dumating at magtanong kung may ibang tao rito sabihin mong wala.”

21 Dahil sa sobrang pagod ni Sisera, nakatulog siya. Nang makita ni Jael na nakatulog si Sisera, kumuha siya ng martilyo at tulos ng tolda at dahan-dahang lumapit kay Sisera. Pagkatapos, ibinaon niya ang tulos sa sentido ni Sisera, gamit ang martilyo, hanggang sa bumaon ang tulos sa lupa, at namatay si Sisera.

22 Nang dumating si Barak na naghahanap kay Sisera, sinalubong siya ni Jael, at sinabi, “Halika, ipapakita ko sa iyo ang taong hinahanap mo.” Pagpasok ni Barak sa tolda kasama ni Jael, nakita niya roon si Sisera na nakahandusay at patay na, at may tulos na nakabaon sa kanyang ulo. 23 Nang araw na iyon, pinagtagumpay ng Dios ang mga Israelita laban kay Haring Jabin na Cananeo. 24 Patuloy nilang nilabanan si Jabin hanggang sa mapatay nila ito.

Ang Awit ni Debora at ni Barak

Nang araw na iyon na silaʼy nanalo, umawit si Debora at si Barak na anak ni Abinoam. Ito ang awit nila:

Purihin ang Panginoon! Sapagkat ang mga pinuno ng Israel ay nangunang lumaban at kusang-loob na sumunod ang mga mamamayan.
Makinig kayong mga hari at mga pinuno!
Aawit ako ng mga papuri sa Panginoon, ang Dios ng Israel!
O Panginoon, nang umalis kayo sa Bundok ng Seir,
at nang lumabas kayo sa lupain ng Edom,
ang mundoʼy nayanig at umulan nang malakas.
Nayanig ang mga bundok sa harapan nʼyo, O Panginoon.
Kayo ang Dios ng Israel na nagpahayag ng inyong sarili sa Bundok ng Sinai.
Nang panahon ni Shamgar na anak ni Anat at nang panahon ni Jael, walang dumadaan sa mga pangunahing lansangan.
Ang mga naglalakbay doon ay dumadaan sa mga liku-likong daan.
Walang nagnanais tumira sa Israel, hanggang sa dumating ka, Debora, na kinikilalang ina ng Israel.
Nang sumamba ang mga Israelita sa mga bagong dios, dumating sa kanila ang digmaan.
Pero sa 40,000 Israelita ay wala ni isang may pananggalang o sibat man.
Nagagalak ang aking puso sa mga pinuno ng Israel at sa mga Israelita na masayang nagbigay ng kanilang sarili.
Purihin ang Panginoon!
10 Kayong mayayaman na nakasakay sa mga puting asno at nakaupo sa magagandang upuan nito,
at kayong mga mahihirap na naglalakad lang, makinig kayo!
11 Pakinggan nʼyo ang mga salaysay ng mga tao sa paligid ng mga balon.
Isinasalaysay nila ang mga pagtatagumpay[c] ng Panginoon sa pamamagitan ng kanyang mga sundalo sa Israel.
Pagkatapos, nagmartsa ang mga mamamayan ng Panginoon sa may pintuan ng lungsod na nagsasabi,
12 “Tayo na Debora, lumakad tayo habang umaawit ng mga papuri sa Dios.
Tayo na Barak na anak ni Abinoam, hulihin mo ang iyong mga bibihagin.”
13 Ang mga natirang buhay na mga mamamayan ng Panginoon ay kasama kong bumaba para lusubin ang mga kilala at mga makapangyarihang tao.
14 Ang iba sa kanilaʼy nanggaling sa Efraim – ang lupaing pagmamay-ari noon ng mga Amalekita – at ang ibaʼy mula sa lahi ni Benjamin.
Sumama rin sa pakikipaglaban ang mga kapitan ng mga kawal ng Makir at ang lahi ni Zebulun.
15 Sumama rin ang mga pinuno ng lahi ni Isacar kina Debora at Barak papunta sa lambak.
Pero ang lahi naman ni Reuben ay walang pagkakaisa, kaya hindi makapagpasya kung sasama sila o hindi.
16 O lahi ni Reuben, magpapaiwan na lang ba kayo kasama ng mga tupa?
Gusto nʼyo lang bang makinig sa pagtawag ng mga tagapagbantay ng kanilang mga tupa?
Wala talaga kayong pagkakaisa, kaya hindi kayo makapagpasya kung ano ang dapat ninyong gawin.
17 Nagpaiwan din ang lahi ni Gad sa silangan ng Jordan,
at ang lahi ni Dan naman ay nagpaiwan sa trabaho nila sa mga barko.
Ang lahi ni Asher naman ay nagpaiwan sa tinitirhan nila sa tabi ng dagat.
18 Pero itinaya ng lahi nina Zebulun at Naftali ang kanilang buhay sa pakikipaglaban.
19 Dumating ang mga haring Cananeo at nakipaglaban sa mga Israelita sa Taanac na nasa tabi ng Ilog ng Megido,
pero kahit isang pilak ay wala silang nasamsam.
20 Hindi lang ang Israel ang nakipaglaban kay Sisera, kundi pati rin ang mga bituin.
21 Inanod sila sa Lambak ng Kishon, ang napakatagal nang lambak.
Magpapatuloy ako sa pakikipaglaban sa pamamagitan ng lakas ng Panginoon.
22 At ngayon, maririnig ang yabag ng mga paa ng mga kabayo.
23 Pagkatapos, sinabi ng anghel ng Panginoon, “Sumpain ang Meroz!
Sumpain kayong mga naninirahan dito dahil hindi kayo tumulong nang makipaglaban ang Panginoon sa mga makapangyarihang tao.”
24 Higit na mapalad si Jael na asawa ni Heber na Keneo kaysa sa lahat ng babae na nakatira sa mga tolda.
25 Nang humingi ng tubig si Sisera, gatas ang kanyang ibinigay na nakalagay sa mamahaling sisidlan.
26 Pagkatapos, kumuha siya ng martilyo at tulos ng tolda at ipinukpok sa sentido ni Sisera.
27 At namatay si Sisera na nakahandusay sa paanan ni Jael.
28 Nakamasid sa bintana ang ina ni Sisera, na hindi mapakali at nagtatanong kung bakit hindi pa dumadating ang kanyang anak.
29 Sumagot ang mga pinakamatalino sa kanyang mga kababaihan, at ito rin ang paulit-ulit niyang sinasabi sa kanyang sarili,
30 “Baka natagalan sila sa pangunguha at paghahati ng mga bagay na nasamsam nila sa kanilang mga kalaban:
isa o dalawang babae para sa bawat sundalo, mamahaling damit para kay Sisera,
at binurdahang damit na napakaganda para sa akin.”
31 Kaya malipol sana ang lahat ng kalaban mo, O Panginoon.
Pero ang mga nagmamahal sana sa inyo ay matulad sana sa pagsikat ng araw na sobrang liwanag.

At nagkaroon ng kapayapaan sa Israel sa loob ng 40 taon.

Si Gideon

Muling gumawa ng kasamaan ang mga Israelita sa paningin ng Panginoon, kaya ipinasakop sila ng Panginoon sa mga Midianita sa loob ng pitong taon. Napakalupit ng mga Midianita, kaya napilitan ang mga Israelita na magtago sa mga bundok, mga kweba at sa iba pang tagong lugar. Tuwing magtatanim ang mga Israelita, nilulusob sila ng mga Midianita, Amalekita at iba pang mga tao sa silangan. Nagkampo sila sa lugar ng mga Israelita at sinira ang mga pananim nito hanggang sa Gaza. Kinuha nila ang lahat ng tupa, baka at asno; wala talaga silang itinira para sa mga Israelita. Sumalakay sila na dala ang kanilang tolda at mga hayop na parang kasindami ng mga balang. Hindi sila mabilang pati ang kanilang mga kamelyo. Winasak nila ang lugar ng mga Israelita. Naging kahabag-habag ang kalagayan ng mga Israelita, dahil sa mga Midianita, kaya humingi sila ng tulong sa Panginoon.

Nang tumawag sila sa Panginoon, pinadalhan sila ng Panginoon ng isang propeta na nagsabi sa kanila, “Ito ang sinasabi ng Panginoon na inyong Dios:[d] ‘Inilabas ko kayo sa Egipto na kung saan inalipin kayo. Iniligtas ko kayo sa mga Egipcio at sa lahat ng umaapi sa inyo. Pinagtagumpay ko kayo sa kanila at ibinigay ko sa inyo ang kanilang mga lupain. 10 Sinabi ko sa inyo, ako ang Panginoon na inyong Dios at hindi nʼyo dapat sambahin ang mga dios ng mga Amoreo kung saan kayo nakatira ngayon. Pero hindi kayo nakinig sa akin.’ ”

11 Pagkatapos, dumating ang anghel ng Panginoon sa Ofra. Naupo siya sa ilalim ng puno ng terebinto na pag-aari ni Joash na mula sa angkan ni Abiezer. Si Gideon na anak ni Joash ay naggigiik noon ng trigo sa ilalim ng pisaan ng ubas para hindi makita ng mga Midianita ang trigo. 12 Nagpakita sa kanya ang anghel ng Panginoon at sinabi, “Ikaw, magiting na sundalo, ang Panginoon ay sumasaiyo.”

13 Sumagot si Gideon, “Kung[e] sumasaamin nga ang Panginoon, bakit ganito ang kalagayan namin? Bakit hindi na siya gumagawa ng mga himala gaya ng ginawa niya noon nang inilabas niya sa Egipto ang aming mga ninuno, ayon na rin sa mga kwento nila sa amin? At ngayon, pinabayaan na kami ng Panginoon at ipinaubaya sa mga Midianita.”

14 Sinabi ng Panginoon kay Gideon, “Humayo ka at gamitin ang buong lakas mo sa pagliligtas sa Israel mula sa mga Midianita. Ako ang nagsusugo sa iyo.”

15 Sumagot si Gideon, “Pero paano ko po maililigtas ang Israel? Ang pamilya po namin ang pinakamahina sa lahi ni Manase at ako naman po ang pinakaaba sa pamilya namin.”

16 Sumagot ang Panginoon, “Tutulungan kita at lilipulin mo ang mga Midianita na parang nakikipaglaban ka lang sa isang tao.”

17 Sinabi ni Gideon, “Kung nalulugod po kayo sa akin, Panginoon, bigyan nʼyo po ako ng palatandaan na kayo talaga ang nag-uutos sa akin. 18 Huwag po muna kayong umalis dahil kukuha ako ng ihahandog ko sa inyo.”

Sumagot ang Panginoon, “Hihintayin kita.”

19 Umuwi si Gideon at nagluto ng isang batang kambing. At gumawa siya ng tinapay na walang pampaalsa gamit ang kalahating sako ng harina. Pagkatapos, inilagay niya ang karne sa basket at ang sabaw nito sa kaldero, at dinala niya ang pagkain sa anghel doon sa puno ng terebinto.

20 Sinabi sa kanya ng anghel ng Dios, “Ipatong mo ang karne at tinapay sa batong ito, at buhusan mo ng sabaw.” Sinunod ito ni Gideon. 21 Pagkatapos, inabot ng anghel ng Panginoon ang pagkain, sa pamamagitan ng tungkod na hawak niya. Bigla na lang lumabas ang apoy mula sa bato at tinupok ang karne at ang tinapay. At nawala na ang anghel ng Panginoon.

22 Napatunayan ni Gideon na anghel nga ng Panginoon ang nakita niya, sinabi niya, “O Panginoong Dios, nakita ko po nang harapan ang anghel ninyo.” 23 Pero sinabihan siya ng Panginoon, “Huwag kang mag-alala at matakot. Hindi ka mamamatay.”

24 Nagpatayo roon si Gideon ng altar para sa Panginoon at tinawag niya itong, “Nagbibigay ng Kapayapaan ang Panginoon.” Hanggang ngayon, naroon pa rin iyon sa Ofra, sa lugar ng mga angkan ni Abiezer.

25 Nang gabi ring iyon, sinabi ng Panginoon kay Gideon, “Kunin mo ang pangalawa sa pinakamagandang toro ng iyong ama, iyong pitong taong gulang na. Pagkatapos, gibain mo ang altar para kay Baal na ipinatayo ng iyong ama at gibain mo rin ang posteng simbolo ng diosang si Ashera na nasa tabi ng altar nito. 26 Pagkatapos, magpatayo ka ng tamang altar para sa akin, ang Panginoon na iyong Dios sa ibabaw ng bundok na ito. Pagkatapos, ialay mo sa akin ang baka bilang handog na sinusunog. At gamitin mong panggatong ang pinutol mong poste ni Ashera.” 27 Kaya isinama ni Gideon ang sampu niyang utusan at ginawa niya ang iniutos sa kanya ng Panginoon. Pero ginawa niya ito nang gabi dahil natatakot siya sa pamilya niya at sa kanyang mga kababayan.

28 Kinaumagahan, nakita ng mga tao na giba na ang altar para kay Baal, at putol-putol na ang poste ni Ashera at ito ang ipinanggatong sa baka na inihandog sa bagong altar. 29 Tinanong nila ang isaʼt isa kung sino ang gumawa noon. Inusisa nila ito at nalamang si Gideon na anak ni Joash ang gumawa nito. 30 Kayaʼt sinabihan nila si Joash, “Palabasin mo rito ang anak mo! Dapat siyang patayin! Dahil giniba niya ang altar para kay Baal at pinagputol-putol ang poste ni Ashera sa tabi nito.”

31 Sumagot si Joash sa mga taong galit na nakapaligid sa kanya, “Nakikipagtalo ba kayo sa akin para kay Baal? Ipinagtatanggol nʼyo ba siya? Ang nagtatanggol sa kanya ang dapat patayin sa umagang ito. Kung si Baal ay totoong dios, maipagtatanggol niya ang sarili niya sa gumiba ng altar niya.” 32 Mula noon, tinawag si Gideon na “Jerubaal” na ang ibig sabihin ay “Hayaang ipagtanggol ni Baal ang kanyang sarili,” dahil giniba niya ang altar nito.

33 Ngayon, nagkaisa ang mga Midianita, Amalekita at iba pang mga tao sa silangan sa paglaban sa Israel. Tumawid sila sa Ilog ng Jordan at nagkampo sa Lambak ng Jezreel. 34 Ginabayan si Gideon ng Espiritu ng Panginoon at pinatunog niya ang trumpeta para tawagin ang mga angkan ni Abiezer para sumunod sa kanya. 35 Nagsugo rin siya ng mga mensahero sa buong lahi nina Manase, Asher, Zebulun at Naftali para tawagin sila na sumama sa pakikipaglaban. At sumama sila kay Gideon.

36 Sinabi ni Gideon sa Dios, “Sinabi nʼyo po na gagamitin nʼyo ako para iligtas ang Israel. 37 Ngayon, maglalagay po ako ng balahibo ng tupa sa lupang ginigiikan namin ng trigo. Kung mabasa po ito ng hamog kahit tuyo ang lupa, malalaman ko po na ako nga ang gagamitin nʼyo para iligtas ang Israel ayon sa sinabi ninyo.” 38 At ganoon nga ang nangyari. Nang sumunod na araw, maagang gumising si Gideon at kinuha ang balahibo ng tupa at piniga, at napuno ng tubig ang isang mangkok. 39 Pagkatapos, sinabi ni Gideon sa Dios, “Huwag po kayong magalit sa akin; may isa na lang po akong kahilingan sa inyo. Nais ko po ng isa pang pagsubok para sa balahibo ng tupa. Gusto ko po sanang mabasa ng hamog ang lupa pero manatiling tuyo ang balahibo ng tupa.” 40 Kinagabihan, ginawa nga ito ng Dios. Tuyo ang balahibo ng tupa pero basa naman ng hamog ang lupa sa paligid nito.

Tinalo ni Gideon ang mga Midianita

Nang araw na iyon, maagang gumising si Jerubaal (na siya ring tawag kay Gideon) kasama ng mga tauhan niya. Nagkampo sila sa may bukal ng Harod. Nagkampo ang mga Midianita sa hilaga nila sa lambak malapit sa Bundok ng Moreh. Sinabi ng Panginoon kay Gideon, “Napakarami mong kasama. Baka isipin nila na natalo nila ang mga Midianita dahil sa sarili nilang kakayahan at hindi dahil sa akin. Kaya sabihan mo sila na kung sino man ang natatakot ay maaari nang umalis dito sa Bundok ng Gilead at umuwi na.” Nang sinabi ito ni Gideon, umuwi ang 22,000, at 10,000 na lang ang natira.

Pero sinabi ng Panginoon kay Gideon, “Marami pa rin ang naiwan. Dalhin mo sila sa ilog at susubukin ko sila. Kung sino ang sasabihin kong makakasama ay isama mo, at ang sasabihin ko na huwag isama ay huwag mong isama.”

Kaya dinala sila ni Gideon sa ilog. At dooʼy sinabi ng Panginoon, “Ibukod ang lahat ng umiinom ng tubig sa kanilang kamay na parang umiinom na aso, at ibukod din ang umiinom nang nakaluhod.” May 300 tao ang uminom sa kanilang mga kamay, at ang iba naman ay uminom na nakaluhod. Sinabi ng Panginoon kay Gideon, “Sa pamamagitan ng 300 taong ito ay ililigtas ko kayo at pagtatagumpayin sa mga Midianita. Ang mga natirang tao ay pauwiin na sa kani-kanilang lugar.” Kaya pinauwi nga sila ni Gideon matapos ipaiwan ang mga dala nilang baon at mga trumpeta; pinaiwan din niya ang 300 taong napili.

Ang kampo ng mga Midianita ay nasa ibaba lang ng bundok, kung saan sa itaas nito ay naroon sila Gideon. Nang gabing iyon, sinabi ng Panginoon kay Gideon, “Maghanda ka na! Lusubin nʼyo na ang kampo ng mga Midianita, dahil ipapatalo ko sila sa inyo. 10 Kung natatakot kang lumusob, isama mo ang lingkod mong si Pura at pumunta kayo sa kampo ng mga Midianita, 11 at pakinggan nʼyo kung ano ang sinasabi nila. Tiyak na lalakas ang loob mong lumusob dahil sa maririnig mo.” Kaya pumunta silang dalawa sa hangganan ng kampo ng mga Midianita, kung saan may mga sundalong nagbabantay. 12 Nagkampo sa lambak ang mga Midianita, Amalekita at ang iba pang mga tao sa silangan na parang kasindami ng balang. Ang mga kamelyo nila ay parang buhangin sa dagat na hindi mabilang.

13 Nang naroon na sina Gideon, may narinig silang dalawang tao na nag-uusap. Sinabi ng isa, “Nanaginip ako na may isang pirasong tinapay na sebada na gumulong papunta sa kampo natin at tumama ito nang malakas sa isang tolda. Pagkatapos, natumba ang tolda at nawasak.” 14 Sumagot ang isa, “Ang panaginip moʼy walang iba kundi ang espada ni Gideon, ang Israelitang anak ni Joash. Pagtatagumpayin siya ng Dios laban sa mga Midianita at sa ating lahat.”

15 Nang marinig ni Gideon ang panaginip at ang kahulugan nito, nagpuri siya sa Panginoon. At bumalik siya sa kampo ng mga Israelita at sinabi niya sa kanyang mga kasamahan, “Magsipaghanda kayo dahil pagtatagumpayin tayo ng Panginoon laban sa mga Midianita.” 16 Hinati niya sa tatlong grupo ang 300 niyang tauhan, at binigyan ang bawat isa ng trumpeta at mga banga na may ilaw sa loob nito. 17 At sinabi niya sa kanila, “Sundan nʼyo ako ng tingin. Kapag naroon na kami sa dulo ng kampo ng kalaban, gawin nʼyo kung ano ang gagawin ko. 18 Kapag pinatunog ko at ng mga kasama ko ang mga trumpeta namin, ganoon din ang gawin nʼyo sa palibot ng kampo, at isigaw nʼyo nang malakas, ‘Para sa Panginoon at kay Gideon!’ ”

19 Maghahatinggabi na nang dumating si Gideon at ang 100 niyang kasama sa hangganan ng kampo ng kalaban, kapapalit lang ng guwardya noon. Pinatunog nina Gideon ang mga trumpeta nila at pinagbabasag ang kanilang mga banga. 20 Ganoon din ang ginawa ng ibang grupo. At habang hawak nila ang ilaw sa kaliwang kamay at ang trumpeta sa kanang kamay, sumisigaw sila, “Lumaban tayo gamit ang ating espada para sa Panginoon at kay Gideon.” 21 Ang bawat isa ay pumwesto sa kanya-kanyang lugar sa palibot ng kampo, pero ang mga kalaban nila ay nagsisisigaw na nagsitakas. 22 Habang tumutunog ang trumpeta ng 300 Israelita, pinaglaban-laban ng Panginoon ang mga Midianita sa loob ng kampo. Ang iba ay tumakas papunta sa Bet Shita malapit sa Zerera hanggang sa Abel Mehola malapit sa Tabat.

23 Ipinatawag ni Gideon ang mga Israelita mula sa lahi nina Naftali, Asher at sa buong lahi ni Manase, at ipinahabol sa kanila ang mga Midianita. 24 Nagsugo rin si Gideon ng mga mensahero para sabihin sa mga naninirahan sa kabundukan ng Efraim na magbantay sila sa Ilog ng Jordan hanggang sa sapa ng Bet Bara para hindi makatawid ang mga Midianita roon. Sinunod ito ng lahat ng lalaki sa Efraim, at binantayan nila ang Ilog ng Jordan hanggang sa sapa ng Bet Bara. 25 Nabihag nila ang dalawang pinuno ng mga Midianita na sina Oreb at Zeeb. Pinatay nila si Oreb sa bato na tinawag na Bato ni Oreb, at si Zeeb ay pinatay nila sa pisaan ng ubas na tinawag na Pisaan ng Ubas ni Zeeb. Patuloy nilang hinabol ang mga Midianita. Pagkatapos, dinala nila ang ulo ni Oreb at ni Zeeb kay Gideon na naroon sa kabila ng Ilog ng Jordan.

Pinatay ni Gideon sina Zeba at Zalmuna

Ngayon, tinanong ng mga taga-Efraim si Gideon, “Bakit ganito ang ginawa mo sa amin? Bakit hindi mo kami tinawag nang makipaglaban kayo sa mga Midianita?” Nakipagtalo sila nang matindi kay Gideon. Pero sumagot si Gideon sa kanila, “Ano ba ang nagawa ko kung ikukumpara sa nagawa ninyo. Kahit ang maliit na ginawa nʼyo ay higit pa kung ikukumpara sa lahat ng nagawa ng pamilya namin. Hinayaan ng Dios na matalo nʼyo ang dalawang pinuno ng mga Midianita na sina Oreb at Zeeb. Ano ba ang nagawa ko kung ikukumpara roon?” Nang masabi ito ni Gideon, huminahon na sila.

Pagkatapos, tumawid si Gideon at ang 300 tauhan niya sa Ilog ng Jordan. Kahit pagod na pagod na, patuloy pa rin nilang hinabol ang mga kalaban nila. Nang makarating sila sa Sucot, humiling si Gideon sa mga taga-roon. Sinabi niya, “Pahingi po ng pagkain. Pagod na pagod at gutom na gutom na kami, hahabulin pa namin ang dalawang hari ng Midian na sina Zeba at Zalmuna.” Pero sumagot ang mga opisyal ng Sucot, “Hulihin muna ninyo sina Zeba at Zalmuna at saka namin kayo bibigyan ng pagkain.” Sinabi ni Gideon, “Kung ganoon, kapag ibinigay na sa amin ng Panginoon sina Zeba at Zalmuna, paghahahampasin ko ang katawan nʼyo ng matitinik na sanga!”

Mula roon, umahon sina Gideon sa Penuel[f] at ganoon din ang hiniling niya sa mga taga-roon, pero ang sagot nila ay katulad din ng sagot ng mga taga-Sucot. Sinabi ni Gideon sa kanila, “Pagkatapos naming manalo sa mga kalaban namin, babalik kami rito at gigibain ko ang tore ninyo.”

10 Ngayon, sina Zeba at Zalmuna ay nasa Karkor kasama ang 15,000 nilang sundalo na natira. Mga 120,000 na ang namatay sa kanila. 11 Nagpatuloy sina Gideon sa paghabol. Dumaan sila Gideon sa lugar ng mga taong nakatira sa tolda sa silangan ng Noba at Jogbeha. Saka nila biglang sinalakay ang mga Midianita. 12 Tumakas sina Zeba at Zalmuna, pero hinabol sila ni Gideon at nadakip, kaya nataranta ang lahat ng sundalo nila.

13 Nang umuwi na sina Gideon mula sa labanan, doon sila dumaan sa Paahong Daan ng Heres. 14 Nakahuli sila ng isang kabataang lalaki na taga-Sucot, at tinanong nila kung sinu-sino ang mga opisyal ng Sucot. At isinulat ng kabataang lalaki ang pangalan ng 77 opisyal na tagapamahala ng Sucot. 15 Pagkatapos, pinuntahan nina Gideon ang mga taga-Sucot at sinabi, “Natatandaan pa ba ninyo ang inyong pang-iinsulto sa akin? Sinabi ninyo, ‘Hulihin muna ninyo sina Zeba at Zalmuna at saka namin kayo bibigyan ng pagkain.’ Ngayon, heto na sina Zeba at Zalmuna!” 16 Kinuha ni Gideon ang mga tagapamahala ng Sucot at tinuruan sila ng leksyon sa pamamagitan ng paghampas sa kanila ng matitinik na sanga. 17 Giniba rin niya ang tore sa Penuel at pinatay ang mga lalaki roon.

18 At tinanong ni Gideon sina Zeba at Zalmuna, “Ano ba ang itsura ng mga lalaking pinatay nʼyo sa Tabor?” Sumagot sila, “Katulad mo na parang mga anak ng hari.” 19 Sinabi ni Gideon, “Mga kapatid ko sila; mga anak mismo ng aking ina. Nangangako ako sa buhay na Panginoon na hindi ko kayo papatayin kung hindi nʼyo sila pinatay.” 20 Pagkatapos, sinabi niya sa panganay niyang anak na si Jeter, “Patayin sila!” Pero dahil bata pa si Jeter, natakot siya, kaya hindi niya binunot ang kanyang espada. 21 Sinabi nina Zeba at Zalmuna kay Gideon, “Bakit hindi na lang ikaw ang pumatay sa amin? Kung tunay kang lalaki, ikaw na ang pumatay sa amin.” Kaya pinatay sila ni Gideon at kinuha niya ang mga palamuti sa leeg ng kanilang mga kamelyo.

Ang Espesyal na Damit ni Gideon

22 Sinabi ng mga Israelita kay Gideon, “Dahil ikaw ang nagligtas sa amin sa mga Midianita, ikaw na lang at ang mga angkan mo ang mamuno sa amin.” 23 Sumagot si Gideon, “Hindi ako o ang mga angkan ko ang mamumuno sa inyo kundi ang Panginoon. 24 Pero may hihilingin ako sa inyo: maaari bang ang bawat isa sa inyo ay magbigay sa akin ng mga hikaw na nasamsam nʼyo sa mga Midianita?” (Nakahikaw ng ginto ang mga Midianita ayon sa kanilang nakaugalian bilang mga Ishmaelita.) 25 Sumagot ang mga tao, “Oo, bibigyan ka namin.” Naglatag sila ng isang damit at naglagay ang bawat isa roon ng hikaw mula sa nasamsam nila sa mga Midianita. 26 Ang bigat ng mga gintong hikaw na natipon ay 20 kilo, hindi pa kasama ang mga dekorasyon, kwintas, damit na kulay ube ng mga hari ng Midian at ang mga nakasabit sa leeg ng mga kamelyo nila. 27 Mula sa natipon na ginto, nagpagawa si Gideon ng isang espesyal na damit[g] at inilagay ito sa bayan niya sa Ofra. Muling tumalikod ang mga Israelita sa Dios at sumamba sa ipinagawa ni Gideon. Naging malaking bitag ito kay Gideon at sa kanyang pamilya.

28 Lubusang natalo ng mga Israelita ang mga Midianita at hindi na nakabawi pa ang mga ito. Naging mapayapa ang Israel sa loob ng 40 taon habang nabubuhay si Gideon.

Ang Pagkamatay ni Gideon

29 Umuwi si Gideon[h] sa sarili niyang bahay at doon tumira. 30 May 70 siyang anak dahil marami siyang asawa. 31 May asawa pa siyang alipin sa Shekem at may anak silang lalaki na pinangalanan niyang Abimelec. 32 Namatay si Gideon sa katandaan. Inilibing siya sa libingan ng ama niyang si Joash sa Ofra, sa lugar ng mga angkan ni Abiezer. 33 Hindi pa nagtatagal mula nang mamatay si Gideon nang muling tumalikod ang mga Israelita sa Dios at sumambang muli sa mga imahen ni Baal. Ginawa nilang dios si Baal Berit. 34 Kinalimutan nila ang Panginoon na kanilang Dios na siyang nagligtas sa kanila laban sa lahat ng kaaway nilang nakapalibot sa kanila. 35 Hindi sila nagpakita ng utang na loob sa pamilya ni Jerubaal (na siya ring tawag kay Gideon) sa lahat ng kabutihang ginawa niya sa Israel.

Si Abimelec

Isang araw, pumunta si Abimelec na anak ni Gideon[i] sa mga kamag-anak ng kanyang ina sa Shekem. Sinabi niya sa kanila, “Tanungin ninyo ang lahat ng mga taga-Shekem kung alin ang gusto nila: pamunuan sila ng 70 anak ni Gideon o ng isang tao? Alalahanin ninyo na ako ay kadugo ninyo.”

Kaya nakipag-usap ang mga kamag-anak ni Abimelec sa mga taga-Shekem. Pumayag silang si Abimelec ang mamuno sa kanila, dahil kamag-anak nila ito. Binigyan nila si Abimelec ng 70 pirasong pilak mula sa templo ni Baal Berit, at ginamit niya itong pambayad sa mga taong walang kabuluhan ang ginagawa para sumunod sila sa kanya. Pagkatapos, pumunta si Abimelec sa bahay ng kanyang ama sa Ofra. At doon, sa ibabaw ng isang bato, pinatay niya ang 70[j] kapatid niya sa ama niyang si Gideon. Pero ang bunsong si Jotam ay hindi napatay dahil nakapagtago ito. Nagtipon ang mga taga-Shekem at taga-Bet Millo sa may puno ng terebinto sa Shekem at doon ginawa nilang hari si Abimelec.

Nang marinig ito ni Jotam, umakyat siya sa ibabaw ng Bundok ng Gerizim at sumigaw sa kanila, “Mga taga-Shekem, pakinggan nʼyo ako kung gusto nʼyong pakinggan kayo ng Dios. Isasalaysay ko sa inyo ang isang kwento tungkol sa mga kahoy na naghahanap ng maghahari sa kanila. Sinabi nila sa kahoy na olibo, ‘Ikaw ang maghari sa amin.’ Sumagot ang olibo, ‘Mas pipiliin ko ba ang maghari sa inyo kaysa sa magbigay ng langis na ginagamit sa pagpaparangal sa mga dios at sa mga tao? Hindi!

10 “At sinabi nila sa puno ng igos, ‘Ikaw na lang ang maghari sa amin.’ 11 Sumagot ang igos, ‘Mas pipiliin ko pa ba ang maghari sa inyo kaysa sa magbigay ng masarap na bunga? Hindi!

12 “Pagkatapos, sinabi nila sa ubas, ‘Ikaw na lang ang maghari sa amin.’ 13 Sumagot ang ubas, ‘Mas pipiliin ko pa ba ang maghari sa inyo kaysa sa magbigay ng alak na makapagpapasaya sa mga dios at sa mga tao? Hindi!

14 “Kaya sinabi na lang ng lahat sa mababang bungkos ng halamang may tinik, ‘Ikaw na lang ang maghari sa amin.’ 15 Sumagot ang halamang may tinik, ‘Kung gusto nʼyong ako ang maghari sa inyo, lumilim kayo sa akin. Pero kung ayaw nʼyo, magpapalabas ako ng apoy na makakatupok sa mga kahoy na sedro ng Lebanon.’ ”

16 At sinabi ni Jotam, “Tunay at tapat ba ang paghirang ninyo kay Abimelec na hari? Matuwid ba ang ginawa ninyo sa aking amang si Gideon at sa kanyang pamilya? At nababagay ba ito sa ginawa niya? 17 Alalahanin nʼyo na nakipaglaban ang aking ama para iligtas kayo sa mga Midianita. Itinaya niya ang buhay niya para sa inyo. 18 Pero ngayon, kinalaban nʼyo ang pamilya ng aking ama. Pinatay nʼyo ang 70 anak niya sa ibabaw lang ng isang bato. At ginawa nʼyong hari si Abimelec, na anak ng aking ama sa alipin niyang babae, dahil kamag-anak nʼyo siya. 19 Kaya kung para sa inyo, tunay at tapat ang ginawa nʼyo ngayon sa aking ama at sa pamilya niya, masiyahan sana kayo kay Abimelec at ganoon din siya sa inyo. 20 Pero kung hindi, matupok sana kayo ni Abimelec na parang lalamunin kayo ng apoy. At kayo na mga taga-Shekem at taga-Bet Millo ay tutupukin din ni Abimelec na parang lalamunin kayo ng apoy.” 21 At pagkatapos ay tumakas si Jotam papunta sa Beer at doon tumira dahil natakot siya sa kapatid niyang si Abimelec.

22 Pagkatapos ng tatlong taon na pamamahala ni Abimelec sa mga Israelita, 23 pinag-away ng Dios si Abimelec at ang mga tao ng Shekem. Nagrebelde ang mga taga-Shekem kay Abimelec. 24 Nangyari ito para pagbayarin si Abimelec at ang mga taga-Shekem na tumulong sa kanya sa pagpatay sa 70 anak ni Gideon. 25 Ang mga taga-Shekem ay naglagay ng mga tao paikot sa bundok para nakawan ang mga dumadaan doon. Nabalitaan ito ni Abimelec. 26 Nang panahong iyon, si Gaal na anak ni Ebed ay lumipat sa Shekem kasama ang kanyang mga kapatid. Nagtiwala sa kanila ang mga taga-Shekem. 27 Nang panahon ng pagbubunga ng ubas, gumawa ang mga tao ng alak mula rito. At nagdiwang sila ng pista sa templo ng kanilang dios. At habang kumakain sila roon at nag-iinuman, nililibak nila si Abimelec. 28 Sinabi ni Gaal, “Anong klase tayong mga tao sa Shekem. Bakit nagpapasakop tayo kay Abimelec? Sino ba talaga siya? Hindi ba anak lang siya ni Gideon? Kaya bakit magpapasakop tayo sa kanya o kay Zebul na tagapamahala niya? Dapat magpasakop kayo sa angkan ng inyong ninuno na si Hamor. 29 Kung pinamumunuan ko lang kayo, tiyak na mapapaalis ko si Abimelec. Sasabihin ko sa kanya na ihanda niya ang mga sundalo niya at makipaglaban sa atin.”

30 Nang marinig ni Zebul na pinuno ng lungsod ang sinabi ni Gaal, lubos siyang nagalit. 31 Kaya palihim siyang nag-utos sa mga mensahero na pumunta kay Abimelec. Ito ang ipinapasabi niya, “Si Gaal at ang mga kapatid niya ay lumipat dito sa Shekem at hinihikayat ang mga tao na lumaban sa iyo. 32 Kaya ngayong gabi, isama mo ang mga tauhan mo at magtago muna kayo sa parang, sa labas ng lungsod. 33 Bukas, pagsikat ng araw, bigla kayong lumusob sa lungsod. Kung makikipaglaban sila Gaal, gawin mo ang gusto mong gawin sa kanila.”

34 Kinagabihan, umalis si Abimelec at ang mga tauhan niya. Naghati sila sa apat na grupo at nagtago sa labas lang ng Shekem. 35 Nang makita nilang lumabas si Gaal at nakatayo sa may pintuan ng lungsod, lumabas sila sa pinagtataguan nila para lumusob. 36 Nang makita sila ni Gaal, sinabi niya kay Zebul, “Tingnan mo! May mga taong paparating mula sa tuktok ng bundok.” Sumagot si Zebul, “Mga anino lang iyan sa bundok. Akala mo lang na tao.”

37 Sinabi ni Gaal, “Pero tingnan mo nga! May mga tao ring bumababa sa may gitna ng dalawang bundok, at mayroon pang dumaraan malapit sa banal na puno ng terebinto!”[k]

38 Sumagot si Zebul sa kanya, “Nasaan na ngayon ang ipinagmamalaki mo? Hindi baʼt sinabi mo, ‘Bakit sino ba si Abimelec at magpapasakop tayo sa kanya?’ Ngayon, nandito na ang hinahamak mo! Bakit hindi ka makipaglaban sa kanila?”

39 Kaya tinipon ni Gaal ang mga taga-Shekem at nakipaglaban sila kay Abimelec. 40 Tumakas si Gaal at hinabol siya ni Abimelec. Marami ang namatay sa labanan; ang mga bangkay ay nagkalat hanggang sa may pintuan ng lungsod.

41 Pagkatapos noon, tumira si Abimelec sa Aruma. Hindi pinayagan ni Zebul na bumalik sa Shekem si Gaal at ang mga kapatid nito.

42 Kinaumagahan, nabalitaan ni Abimelec na pupunta sa bukirin ang mga taga-Shekem. 43 Kaya hinati niya sa tatlong grupo ang mga tauhan niya at pumunta sila sa bukirin at naghintay sa paglusob. Nang makita nila ang mga taga-Shekem na lumalabas sa lungsod, nagsimula silang lumusob. 44 Ang grupo ni Abimelec ay pumwesto sa may pintuan ng lungsod habang pinagpapatay ng dalawa niyang grupo ang mga taga-Shekem sa may kabukiran. 45 Buong araw na nakikipaglaban sina Abimelec. Nasakop nila ang lungsod at pinagpapatay ang mga naninirahan dito. Pagkatapos, giniba nila ang lungsod at sinabuyan ng asin.

46 Nang mabalitaan ito ng mga nakatira sa Tore ng Shekem, nagtago sila sa templo ni El Berit[l] na napapalibutan ng pader. 47 Nang malaman ito ni Abimelec, 48 dinala niya ang mga tauhan niya sa Bundok ng Zalmon. Pagdating nila roon, kumuha si Abimelec ng palakol at namutol ng ilang sanga ng kahoy at pinasan. Ganito ang ipinagawa niya sa kanyang mga tauhan. 49 Bawat isa sa kanila ay pumasan ng kahoy at iniligay sa paligid ng pader ng templo ng El Berit at sinindihan ito. Kaya namatay ang lahat ng tao na nakatira roon sa Tore ng Shekem. Mga 1,000 silang lahat pati mga babae.

50 Pagkatapos, pumunta sina Abimelec sa Tebez at sinakop din nila ito. 51 Pero may matatag doon na tore na kung saan tumatakas ang mga taga-Tebez. Isinasara nila ito at umaakyat sila sa bubungan ng tore. 52 Nilusob ni Abimelec ang tore. At nang susunugin na sana niya ito, 53 hinulugan siya ng babae ng gilingang bato at pumutok ang kanyang ulo. 54 Agad niyang tinawag ang tagadala ng armas niya at sinabihan, “Patayin mo ako ng espada mo para hindi nila masabi na isang babae lang ang nakapatay sa akin.” Kaya pinatay siya ng kanyang utusan. 55 Nang makita ng mga tauhan ni Abimelec[m] na patay na siya, nagsiuwi sila.

56 Sa ganitong paraan, pinagbayad ng Dios si Abimelec sa ginawa niyang masama sa kanyang ama dahil sa pagpatay niya sa 70 kapatid niya. 57 Pinagbayad din ng Dios ang mga taga-Shekem sa lahat ng kanilang kasamaan. Kaya natupad ang sumpa ni Jotam na anak ni Gideon.

Si Tola at si Jair

10 Pagkamatay ni Abimelec, si Tola na anak ni Pua at apo ni Dodo ang siyang namuno sa pagliligtas sa Israel. Mula siya sa lahi ni Isacar, pero tumira siya sa Shamir sa kabundukan ng Efraim. Pinamunuan niya ang Israel sa loob ng 23 taon. Nang mamatay siya, inilibing siya sa Shamir.

Sumunod kay Tola ay si Jair na taga-Gilead. Pinamunuan niya ang Israel sa loob ng 22 taon. Mayroon siyang 30 anak, at ang bawat isa sa kanilaʼy may asnong sinasakyan. Ang mga ito ang namamahala sa 30 bayan sa Gilead na tinatawag ngayon na bayan ni Jair.[n] Nang mamatay si Jair, inilibing siya sa Kamon.

Pinahirapan ng mga Ammonita ang mga Israelita

Muling gumawa ng kasamaan ang mga Israelita sa paningin ng Panginoon. Itinakwil nila ang Panginoon at sumamba sila sa mga imahen ni Baal at ni Ashtoret, at sa mga dios-diosan ng Aram,[o] Sidon, Moab, Ammon at Filisteo. Dahil dito, nagalit sa kanila ang Panginoon at pinasakop sila sa mga Ammonita at mga Filisteo. At nang taon ding iyon, pinagdusa at pinahirapan nila ang mga Israelita. Sa loob ng 18 taon, pinahirapan nila ang lahat ng mga Israelita sa Gilead, sa silangan ng Ilog ng Jordan na sakop noon ng mga Amoreo. Tumawid din ang mga taga-Ammon sa kanluran ng Ilog ng Jordan at nakipaglaban sa lahi nina Juda, Benjamin at ang sa sambahayan ni Efraim. Dahil dito, labis na nahirapan ang Israel.

10 Kaya humingi ng tulong ang mga Israelita sa Panginoon. Sinabi nila, “Nagkasala po kami laban sa inyo, dahil tumalikod kami sa inyo na aming Dios at sumamba sa mga imahen ni Baal.” 11-12 Sumagot ang Panginoon, “Nang pinahirapan kayo ng mga Egipcio, Amoreo, Ammonita, Filisteo, Sidoneo, Amalekita at mga Maon,[p] humingi kayo ng tulong sa akin at iniligtas ko kayo. 13 Pero tumalikod kayo sa akin at sumamba sa ibang mga dios. Kaya ngayon hindi ko na kayo ililigtas. 14 Bakit hindi kayo humingi ng tulong sa mga dios na pinili ninyo na sambahin? Sila na lang ang magligtas sa inyo sa oras ng inyong kagipitan.”

15 Pero sinabi nila sa Panginoon, “Nagkasala po kami sa inyo, kaya gawin nʼyo ang gusto nʼyong gawin sa amin. Pero maawa po kayo, iligtas nʼyo po kami ngayon.” 16 Pagkatapos, itinakwil nila ang mga dios-diosan nila at sumamba sa Panginoon. Kinalaunan, hindi na matiis ng Panginoon na makita silang nahihirapan.

17 Dumating ang araw na naglaban ang mga Ammonita at mga Israelita. Nagkampo ang mga Ammonita sa Gilead, at ang mga Israelita sa Mizpa. 18 Nag-usap ang mga pinuno ng Gilead. Sinabi nila, “Kung sino ang mamumuno sa atin sa pakikipaglaban sa mga Ammonita, siya ang gagawin nating pinuno sa lahat ng nakatira sa Gilead.”

Si Jefta

11 Si Jefta na taga-Gilead ay isang magiting na sundalo. Si Gilead ang kanyang ama at ang kanyang ina ay isang babaeng bayaran. May mga anak si Gilead sa asawa niya. At nang lumaki sila, pinalayas nila si Jefta. Sinabi nila, “Wala kang mamanahin sa aming ama, dahil anak ka sa ibang babae.” Kaya lumayo si Jefta sa kanila at tumira sa Tob, kung saan sumama sa kanya ang isang grupo ng mga taong palaboy-laboy.

Nang panahong iyon, naglaban ang mga Ammonita at mga Israelita. Dahil dito, pinuntahan ng mga tagapamahala ng Gilead si Jefta roon sa Tob. Sinabi nila, “Pamunuan mo kami sa pakikipaglaban namin sa mga Ammonita.” Pero sumagot si Jefta, “Hindi baʼt napopoot kayo sa akin at pinalayas ninyo ako sa bahay ng aking ama? Ngayon na nasa kagipitan kayo, humihingi kayo ng tulong sa akin?” Pero sinabi nila, “Kailangan ka namin. Sige na, sumama ka sa amin sa pakikipaglaban sa mga Ammonita at ikaw ang magiging pinuno sa Gilead.” Sumagot si Jefta, “Kung sasama ako sa labanan at pagtagumpayin ako ng Panginoon, ako ba talaga ang gagawin nʼyong pinuno?” 10 Sumagot sila, “Oo, ikaw ang gagawin naming pinuno. Ang Panginoon ang saksi namin.”

11 Kaya sumama si Jefta sa kanila at ginawa siyang pinuno at kumander ng mga taga-Gilead. At doon sa Mizpa, sa presensya ng Panginoon, sinabi ni Jefta ang mga pangako niya bilang pinuno.

12 Nagsugo si Jefta ng mga mensahero para itanong sa hari ng mga Ammonita kung bakit nilulusob nila ang Israel. 13 Ito ang sagot ng hari ng mga Ammonita sa mga mensahero ni Jefta: “Nang dumating ang mga Israelita mula sa Egipto, sinakop nila ang mga lupain namin mula sa Arnon hanggang sa Jabok, papunta sa Ilog ng Jordan. Kaya ngayon, ibalik nʼyo ito sa amin nang maayos.”

14 Pinabalik ni Jefta ang mga mensahero sa hari ng mga Ammonita 15 para sabihin, “Hindi namin sinakop ang lupain ng Moab o ng Ammon. 16 Nang umalis sa Egipto ang aming mga ninuno, dumaan sila sa ilang papunta sa Dagat na Pula hanggang nakarating sila sa Kadesh.

17 “Pagkatapos, nagsugo sila ng mga mensahero sa hari ng Edom para hilinging payagan silang dumaan sa lupain ng mga ito, pero hindi sila pinayagan. Ganito rin ang ginawa ng hari ng Moab sa kanila. Kaya nagpaiwan na lang sila sa Kadesh.

18 “Nagpatuloy sila sa paglalakbay sa ilang. Dumaan sila paikot ng Edom at Moab hanggang nakarating sila sa silangan ng Moab sa kabila ng Arnon. Doon sila nagkampo, pero hindi sila tumawid sa Arnon dahil hangganan iyon ng Moab.

19 “Pagkatapos, nagsugo sila ng mga mensahero kay Sihon na hari ng mga Amoreo (na naghari sa Heshbon) para hilinging payagan silang dumaan sa lupain ng mga ito para makarating sila sa lugar nila. 20 Pero hindi nagtiwala si Sihon sa kanila. Sa halip, tinipon niya ang mga sundalo niya sa Jahaz at nilusob ang mga Israelita. 21 Pero ipinatalo sila ng Panginoon, ang Dios ng Israel, sa mga Israelita. Kaya sinakop ng mga Israelita ang lahat ng lupain ng mga Amoreo na nakatira sa lugar na iyon: 22 mula sa Arnon hanggang sa Jabok, at mula sa ilang hanggang sa Ilog ng Jordan.

23 “Ang Panginoon, ang Dios ng Israel, ang siyang nagtaboy sa mga Amoreo at nagbigay ng kanilang lupain sa mga Israelita. At ngayon gusto nʼyo itong kunin? 24 Angkinin nʼyo ang ibinigay sa inyo ni Kemosh na inyong dios. At aangkinin din namin ang ibinigay sa amin ng Panginoon naming Dios. 25 Ano, mas magaling ka pa ba kay Balak na anak ni Haring Zipor ng Moab? Hindi ba, hindi nga sila nakipag-away sa Israel tungkol sa lupain o nakipaglaban sa kanila? 26 May 300 taon nang nakatira ang mga Israelita sa Heshbon, Aroer at sa mga bayan sa paligid nito, at pati sa mga bayan sa tabi ng Arnon. Bakit hindi nʼyo ito binawi noon pa? 27 Wala kaming masamang ginawa sa inyo, pero masasama ang ginagawa nʼyo sa amin dahil gusto nʼyong makipaglaban sa amin. Ang Panginoon na sana ang humatol sa atin kung sino ang tama.”

28 Pero hindi pinansin ng hari ng mga Ammonita ang mensahe ni Jefta.

29 At pinagharian si Jefta ng Espiritu ng Panginoon. Pumunta siya sa Gilead at sa Manase para tipunin ang mga sundalo. Pagkatapos, bumalik siya sa Mizpa na sakop ng Gilead. At mula roon, nilusob niya ang mga Ammonita. 30 Nangako si Jefta sa Panginoon. Sinabi niya, “Kung ipagkakaloob nʼyo pong matalo ko ang mga Ammonita, 31 iaalay ko po sa inyo bilang handog na sinusunog ang unang lalabas sa pintuan ng aking bahay para salubungin ako sa aking pagbabalik mula sa labanan.”

32 Nakipaglaban si Jefta sa mga Ammonita, at pinagtagumpay siya ng Panginoon. 33 Natalo nila ang mga Ammonita, at napakarami nilang pinatay. Sinakop nila ang 20 bayan mula sa Aroer papunta sa paligid ng Minit hanggang sa Abel Keramim.

Ang Anak ni Jefta

34 Nang umuwi si Jefta sa Mizpa, sinalubong siya ng anak niyang babae na sumasayaw habang tumutugtog ng tamburin. Siya ang nag-iisang anak ni Jefta. 35 Nang makita siya ni Jefta, pinunit niya ang kanyang damit dahil sa kalungkutan, at sinabi, “Anak ko, pinalungkot mo ako dahil nangako ako sa Panginoon na ihahandog ko sa kanya ang unang sasalubong sa akin, at hindi ko na ito mababawi.”

36 Sumagot ang anak ni Jefta, “Ama, nangako po kayo sa Panginoon, kaya tuparin nʼyo po iyon, dahil pinagtagumpay kayo ng Panginoon sa mga kalaban nʼyong mga Ammonita. 37 Pero may isang bagay lang akong hihilingin sa inyo: payagan nʼyo po akong mag-ikot-ikot ng dalawang buwan sa bundok para makapaghinagpis kasama ng mga kaibigan ko, dahil mamamatay na ako at hindi na makakapag-asawa.” 38 Pinayagan siya ni Jefta. Kaya sa loob ng dalawang buwan, nag-ikot siya sa bundok kasama ng mga kaibigan niya para maghinagpis, dahil mamamatay na siya at hindi na makakapag-asawa. 39 Pagkalipas ng dalawang buwan, bumalik siya sa kanyang ama. At tinupad ni Jefta ang panata niya sa Panginoon, at namatay ang kanyang anak na isang birhen. Dito nagmula ang kaugalian ng Israel 40 na sa bawat taon, nagpabalik-balik ang mga dalaga sa bundok ng Israel at naghihinagpis sa loob ng apat na araw bilang pag-alaala sa anak na babae ni Jefta na taga-Gilead.

Si Jefta at ang Lahi ni Efraim

12 Nagtipon ang mga sundalo ng Efraim, at tumawid sila sa Ilog ng Jordan, at pumunta sa Zafon para harapin si Jefta. Nagtanong sila sa kanya, “Bakit hindi mo kami tinawag nang makipaglaban kayo sa mga Ammonita? Dahil sa ginawa mong ito, susunugin namin ang bahay mo na nandoon ka sa loob.” Pero sinabi ni Jefta sa kanila, “Nang nakipaglaban kami sa mga Ammonita, humingi kami ng tulong sa inyo. Pero hindi nʼyo kami tinulungan. Nang malaman kong hindi kayo tutulong, itinaya ko ang buhay ko sa labanan. At pinagtagumpay ako ng Panginoon. Ngayon, bakit ba gusto nʼyong makipaglaban sa akin?”

Sumagot ang mga taga-Efraim, “Kayong mga taga-Gilead ay mga sampid lamang sa angkan ng Efraim at Manase.” Kaya tinipon ni Jefta ang mga lalaki sa Gilead at nakipaglaban sila sa mga taga-Efraim at nalupig nila ang mga ito. Sinakop nila ang mga lugar sa Ilog ng Jordan na tinatawiran papunta sa Efraim, para walang taga-Efraim na makatakas. Ang kahit sinong tatawid ay tinatanong nila kung taga-Efraim ba sila o hindi. Kung sasagot sila ng, “Hindi,” pinagsasalita nila ito ng “Shibolet”, dahil ang mga taga-Efraim ay hindi makabigkas nito. Kung ang pagkakasabi naman ay “Sibolet”, papatayin sila sa may tawiran ng Ilog ng Jordan. May 42,000 taga-Efraim ang namatay nang panahong iyon.

Pinamunuan ni Jefta ang Israel sa loob ng anim na taon. Nang mamatay siya, inilibing siya sa isang bayan sa Gilead.

Si Ibzan, si Elon, at si Abdon

Pagkamatay ni Jefta, si Ibzan na taga-Betlehem ang pumalit sa kanya bilang pinuno ng Israel. Si Ibzan ay may 60 anak: 30 lalaki at 30 babae. Pinapag-asawa niya ang mga anak niyang babae sa mga hindi kabilang sa kanilang angkan. Namuno siya sa Israel sa loob ng pitong taon. 10 Nang mamatay siya, inilibing siya sa Betlehem.

11 Ang pumalit sa kanya bilang pinuno ay si Elon na taga-Zebulun. Pinamunuan niya ang Israel sa loob ng sampung taon. 12 Nang mamatay siya, inilibing siya sa Ayalon na sakop ng Zebulun.

13 Ang pumalit sa kanya bilang pinuno ay si Abdon na anak ni Hilel na taga-Piraton. 14 May 40 siyang anak na lalaki at 30 apo na lalaki, at ang bawat isa sa kanilaʼy may asnong sinasakyan. Siya ang namuno sa Israel sa loob ng walong taon. 15 Pagkamatay niya, inilibing siya sa Piraton, sa kabundukan ng Efraim, na sakop ng mga Amalekita.

Ang Kapanganakan ni Samson

13 Muling gumawa ng kasamaan ang mga Israelita sa paningin ng Panginoon, kaya ipinasakop sila ng Panginoon sa mga Filisteo sa loob ng 40 taon.

Nang panahong iyon, may isang lalaki na ang pangalan ay Manoa. Kabilang siya sa lahi ni Dan, at nakatira siya sa Zora. Ang asawa niya ay baog. Isang araw, nagpakita ang anghel ng Panginoon sa asawa ni Manoa at nagsabi, “Hanggang ngayon ay wala ka pang anak. Pero hindi magtatagal, magbubuntis ka at manganganak ng isang lalaki. Mula ngayon, siguraduhin mong hindi ka na iinom ng alak o anumang uri ng inuming nakakalasing, o kakain ng anumang pagkain na itinuturing na marumi. At huwag mong gugupitan ang buhok niya, sapagkat ang sanggol na isisilang mo ay itatalaga sa Dios bilang isang Nazareo. Ililigtas niya ang Israel sa mga Filisteo.”

Pumunta ang babae sa kanyang asawa at sinabi, “Nagpakita sa akin ang isang kamangha-manghang lingkod ng Dios na parang anghel. Hindi ko naitanong kung taga-saan siya at hindi rin niya sinabi kung sino siya. Sinabi niya sa akin na mabubuntis ako at manganganak ng lalaki. Sinabihan din niya ako na huwag iinom ng alak o anumang uri ng inuming nakalalasing, o kumain ng anumang pagkain na itinuturing na marumi, dahil ang sanggol na isisilang ko ay itatalaga sa Dios bilang isang Nazareo mula sa kanyang pagkasilang hanggang sa mamatay siya.”

Dahil dito, nanalangin si Manoa, “Panginoon, kung maaari po, pabalikin ninyo ang taong isinugo nʼyo para turuan kami kung ano ang dapat naming gawin sa anak namin kapag isinilang na siya.”

Pinakinggan ng Dios ang panalangin ni Manoa. Muling nagpakita ang anghel ng Dios sa asawa ni Manoa habang nakaupo siyang nag-iisa sa bukid. 10 Mabilis niyang hinanap ang asawa niya at sinabi, “Manoa, halika! Narito ang tao na nagpakita sa akin noong isang araw.” 11 Tumayo si Manoa at sumunod sa kanyang asawa. Pagkakita niya sa tao, tinanong niya, “Kayo ba ang nakipag-usap sa asawa ko?” Sumagot siya, “Oo.” 12 Nagtanong si Manoa sa kanya, “Kung matutupad ang sinabi nʼyo, ano po ba ang mga dapat sundin ng batang ito patungkol sa kanyang pamumuhay at sa kanyang gawain?” 13 Sumagot ang anghel, “Kailangang sundin ng asawa mo ang lahat ng sinabi ko sa kanya. 14 Hindi siya kakain ng anumang mula sa ubas. Hindi rin siya iinom ng katas ng ubas o anumang uri ng inuming nakakalasing, o kakain ng anumang pagkain na itinuturing na marumi. Kailangang sundin niya ang lahat ng sinabi ko sa kanya.”

15 Sinabi ni Manoa sa anghel, “Huwag po muna kayong umalis dahil magkakatay kami ng batang kambing para sa inyo.” 16 Sumagot ang anghel, “Kahit hindi ako umalis, hindi ko kakainin ang pagkaing inihanda mo. Mabuti pa kung maghahanda ka ng handog na sinusunog para sa Panginoon.” (Hindi alam ni Manoa na anghel pala iyon ng Panginoon.)

17 Nagtanong si Manoa, “Ano po ang pangalan nʼyo, para mapasalamatan po namin kayo sa oras na matupad ang sinabi nʼyo?” 18 Sumagot ang anghel, “Bakit gusto mong malaman ang pangalan ko? Mahirap itong maintindihan.” 19 Pagkatapos, kumuha si Manoa ng batang kambing at inihandog niya bilang pagpaparangal sa Panginoon, at inilagay niya ito sa ibabaw ng altar na bato para sa Panginoon. Habang nakatitig si Manoa at ang asawa niya, gumawa ang Panginoon ng kamangha-manghang bagay. 20 Nakita nila ang anghel ng Panginoon na pumaitaas sa langit kasama ng naglalagablab na apoy. Dahil sa nakita nila, lumuhod sila at nagpatirapa sa lupa. 21 Doon nila naunawaan na anghel nga iyon ng Panginoon. Mula noon hindi na nila muling nakita ang anghel.

22 Sinabi ni Manoa sa kanyang asawa, “Tiyak na mamamatay tayo dahil nakita natin ang Dios.” 23 Pero sumagot ang kanyang asawa, “Kung gusto ng Panginoon na patayin tayo, hindi sana niya tinanggap ang mga handog natin. Hindi rin sana niya ipinakita sa atin ang himala o sinabi sa atin ang tungkol sa sanggol.”

24 Dumating ang panahon na nanganak ang asawa ni Manoa. Lalaki ang anak niya at pinangalanan nila siyang Samson. Pinagpala ng Panginoon ang sanggol habang lumalaki. 25 Ang Espiritu ng Panginoon ay nagsimulang kumilos sa kanya habang naroon siya sa kampo ng Dan,[q] sa kalagitnaan ng Zora at Estaol.

Si Samson at ang Babae sa Timnah

14 Isang araw, pumunta si Samson sa Timnah, at may nakita siya roon na isang dalagang Filisteo. Nang umuwi siya, nagkwento siya sa mga magulang niya. Sinabi niya, “May nakita ako sa Timnah na isang babaeng Filisteo. Kunin ninyo siya dahil gusto ko siyang mapangasawa.”

Pero sumagot ang mga magulang niya, “Bakit gusto mong makapag-asawa ng mula sa mga Filisteong hindi nakakakilala sa Dios?[r] Wala ka bang mapili sa mga kamag-anak o kababayan natin?” Sumagot si Samson sa kanyang ama, “Ah basta, siya po ang gusto kong mapangasawa.” Hindi pala alam ng mga magulang ni Samson na kalooban ng Panginoon ang pasya niya. Sapagkat naghahanap ang Panginoon ng pagkakataon na makipaglaban sa mga Filisteo, dahil sakop ng mga Filisteo ang Israel nang mga panahong iyon.

Pumunta si Samson sa Timnah kasama ang mga magulang niya. Nang papunta na si Samson[s] sa mga ubasan sa Timnah, bigla siyang sinalubong ng isang batang leon na umuungal. Pinalakas siya ng Espiritu ng Panginoon, at niluray niya ang leon sa pamamagitan ng mga kamay niya na tulad lang ng pagluray sa batang kambing. Pero hindi niya ito sinabi sa mga magulang niya. At pinuntahan ni Samson ang babae at nakipagkwentuhan. Nagustuhan talaga niya ang babae.

Pagkalipas ng ilang araw, bumalik siya sa Timnah para pakasalan ang babae. Doon siya dumaan sa kinaroroonan ng pinatay niyang leon para tingnan ang bangkay nito. At nakita niya ang maraming pulot at pukyutan sa bangkay ng leon. Isinandok niya ang kanyang kamay sa pulot at kinain ito habang naglalakad. Nang makita niya ang kanyang magulang, binigyan niya sila ng pulot, at kinain din nila ito. Pero hindi niya sinabi sa kanila na kinuha niya ito sa bangkay ng leon.

10-11 Pumunta ang ama ni Samson sa bahay ng magiging manugang niya, at doon ay nagpa-piging si Samson ayon sa kaugalian nila na dapat gawin ng isang nobyo. Nang makita nila si Samson, binigyan siya ng 30 binatang lalaki para makasama niya. 12 Sinabi ni Samson sa kanila, “May bugtong ako sa inyo. Kung mahuhulaan nʼyo ito bago matapos ang pitong araw na piging, bibigyan ko kayo ng 30 telang linen at 30 mamahaling damit. 13 Pero kapag hindi nʼyo ito nahulaan, kayo ang magbibigay sa akin ng mga ito.” Sumagot sila, “Sige, sabihin mo sa amin ang bugtong mo.”

14 Sinabi ni Samson,
“Mula sa nangangain, lumabas ang pagkain,
at mula sa malakas, matamis ay lumabas.”

Lumipas ang tatlong araw pero hindi nila ito mahulaan. 15 Nang ikaapat na araw, kinausap nila ang asawa ni Samson, “Hikayatin mo ang asawa mo na ipagtapat niya sa iyo ang sagot sa bugtong para malaman namin. Kung hindi, susunugin ka namin pati ang sambahayan ng iyong ama. Inimbita nʼyo ba kami sa piging na ito para kunin ang mga pag-aari namin?”

16 Kaya pumunta ang babae kay Samson na mangiyak-ngiyak. Sinabi niya, “Hindi mo pala ako mahal. Nagpahula ka ng bugtong sa mga kababayan ko pero hindi mo sinabi sa akin ang sagot.” Sumagot si Samson, “Hindi ko nga sinabi sa mga magulang ko, sa iyo pa kaya?” 17 Mula noon, patuloy na umiyak ang babae hanggang sa ikapitong araw. Kaya sinabi na lang ni Samson sa kanya ang sagot dahil tuloy pa rin ang pangungulit niya. At ang sinabi ni Samson sa kanya ay sinabi rin niya sa kanyang kababayan. 18 Kaya bago matapos ang ikapitong araw, sinagot nila ang bugtong. Sinabi nila kay Samson,

“Wala nang mas tatamis pa sa pulot, at wala nang mas lalakas pa sa leon.”

Sumagot si Samson,

“Kung hindi nʼyo pinilit ang asawa[t] ko,
hindi nʼyo sana nalaman ang sagot.”

19 Pinalakas ng Espiritu ng Panginoon si Samson. Pumunta siya sa Ashkelon at doon pinatay niya ang 30 tao at kinuha ang mga ari-arian at mga damit ng mga ito. Pagkatapos, ibinigay niya ang mga damit sa mga tao na nakasagot ng bugtong niya. Kaya umuwi siya sa magulang niya na galit na galit dahil sa nangyari. 20 Ang asawa ni Samson ay ibinigay sa pangunahing abay sa kanilang kasal.

Ang Paghihiganti ni Samson sa mga Filisteo

15 Panahon ng tag-ani noon, dumalaw si Samson sa kanyang asawa na may dalang batang kambing. Sinabi ni Samson sa biyenan niyang lalaki, “Papasok po ako sa kwarto ng asawa ko.” Pero hindi pumayag ang biyenan niya. Sinabi ng kanyang biyenan, “Akala ko kinasusuklaman mo na siya, kaya ibinigay ko siya sa kaibigan[u] mo. Kung gusto mo, nandiyan ang kapatid niyang mas maganda pa sa kanya. Siya na lang ang pakasalan mo.”

Sinabi ni Samson, “Sa ginawa nʼyong ito, huwag nʼyo akong sisisihin kapag may ginawa ako sa inyo, mga Filisteo.” Kaya umalis si Samson at humuli ng 300 asong-gubat. Pinagbuhol-buhol niya ang buntot ng mga ito ng tig-dadalawa at nilagyan ng sulo. Sinindihan niya ang mga sulo at pinakawalan ang mga asong-gubat sa mga trigo ng mga Filisteo. Nasunog ang lahat ng trigo, hindi lang ang nakatali kundi pati na rin ang aanihin pa. Nasunog din ang mga ubasan at mga taniman ng olibo.

Nagtanong ang mga Filisteo kung sino ang gumawa noon, at nalaman nilang si Samson. Nalaman din nilang ginawa iyon ni Samson dahil ipinakasal ng biyenan niyang taga-Timnah ang asawa niya sa isa niyang kaibigan.[v] Kaya hinanap ng mga Filisteo ang babae at ang kanyang ama at sinunog nila.

Sinabi ni Samson sa mga Filisteo, “Dahil sa ginawa nʼyong ito, hindi ako titigil hanggaʼt hindi ako nakakapaghiganti sa inyo.” Kaya buong lakas na nilusob ni Samson ang mga Filisteo at marami ang napatay niya. Pagkatapos, tumakas siya at nagtago sa kweba, sa may bangin ng Etam.

Nagkampo ang mga Filisteo sa Juda, at nilusob nila ang bayan ng Lehi. 10 Kaya nagtanong sa kanila ang mga taga-Juda, “Bakit nilulusob nʼyo kami?” Sumagot sila, “Para dakpin si Samson at gantihan sa mga ginawa niya sa amin.” 11 Kaya ang 3,000 lalaki ng Juda ay pumunta sa kweba, sa may bangin ng Etam, at sinabi nila kay Samson, “Hindi mo ba naisip na sakop tayo ng mga Filisteo? Ngayon pati kami ay nadamay sa ginawa mo.” Sumagot si Samson, “Ginantihan ko lang sila sa ginawa nila sa akin.” 12 Sinabi nila, “Pumunta kami rito para dakpin ka at ibigay sa mga Filisteo.” Sumagot si Samson, “Payag ako, basta mangako kayo sa akin na hindi nʼyo ako papatayin.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®