Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Bible in 90 Days

An intensive Bible reading plan that walks through the entire Bible in 90 days.
Duration: 88 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
1 Samuel 2:30-15:35

30 Ako na inyong Panginoon, ang Dios ng Israel ay nangako noon na kayo lang at ang lahi ng inyong mga ninuno ang makapaglilingkod sa akin magpakailanman bilang pari. Ngunit hindi na ngayon, dahil pararangalan ko ang nagpaparangal sa akin, ngunit hahamakin ko ang humahamak sa akin. 31-32 Tandaan ninyo ito: Darating ang panahon na lilipulin ko ang lahat ng kabataan sa inyo at sa iba pang lahi ng inyong mga ninuno. Magdurusa kayo at hindi ninyo mararanasan ang kasaganaang ibibigay ko sa Israel. Magiging maikli ang inyong buhay. 33 Hindi ko aalisin ang iba sa inyo sa paglilingkod sa akin bilang pari, pero dadanas sila ng matinding pagdurusa, at hindi sila mabubuhay nang matagal. 34 At bilang tanda sa iyo na mangyayari ang mga bagay na ito, mamamatay nang sabay ang dalawa mong anak na sina Hofni at Finehas sa isang araw lang. 35 Pipili ako ng pari na matapat sa akin at susunod sa aking kalooban. Bibigyan ko siya ng mga angkan na maglilingkod sa aking piniling hari magpakailanman. 36 Lahat ng matitira sa mga angkan mo ay mamamalimos ng pera o pagkain sa mga angkan ng paring ito. Magmamakaawa sila na gawing alipin man lang ng mga pari para makakain lang sila.”

Ang Pagtawag ng Dios kay Samuel

Noong mga panahong naglilingkod si Samuel sa Panginoon sa ilalim ng pangangalaga ni Eli, madalang nang makipag-usap ang Panginoon, at kakaunti na rin ang mga pangitain. Isang gabi, natutulog si Eli sa kanyang kwarto. Hindi na siya gaanong nakakakita. Si Samuel naman ay doon natutulog sa bahay ng Panginoon kung saan naroon ang Kahon ng Kasunduan. At habang nakasindi pa ang ilawan ng Dios, tinawag ng Panginoon si Samuel. Sumagot si Samuel, “Ano po iyon?” Tumakbo siya kay Eli at sinabi, “Ano po iyon? Bakit nʼyo po ako tinawag?” Sumagot si Eli, “Hindi kita tinawag. Bumalik ka na at matulog ulit.” Kaya bumalik siya at muling natulog.

Muli siyang tinawag ng Panginoon, “Samuel!” Bumangon si Samuel, pumunta kay Eli at sinabi, “Ano po iyon? Bakit nʼyo po ako tinawag?” Sumagot si Eli, “Anak, hindi kita tinawag, bumalik ka na at matulog ulit.” Hindi pa nakikilala noon ni Samuel ang Panginoon dahil hindi pa nakikipag-usap sa kanya ang Panginoon.

Tinawag ng Panginoon si Samuel sa ikatlong pagkakataon. Bumangon siya at pumunta kay Eli, “Ano po iyon? Bakit nʼyo po ako tinawag?” At naunawaan ni Eli na ang Panginoon ang tumatawag kay Samuel, kaya sinabi niya kay Samuel, “Bumalik ka na ulit at matulog, kung tatawagin ka ulit, sabihin mo, ‘Magsalita po kayo, Panginoon. Nakikinig ang lingkod ninyo.’ ” Kaya bumalik si Samuel sa higaan at muling natulog.

10 Lumapit kay Samuel ang Panginoon at gaya ng dati, tinawag siya, “Samuel! Samuel!” Sumagot si Samuel, “Magsalita po kayo, Panginoon, sapagkat nakikinig ang lingkod ninyo.” 11 Sinabi ng Panginoon, “Tandaan mo ito, hindi magtatagal at may gagawin ako sa bayan ng Israel. Paghaharian ng matinding takot ang lahat ng makakarinig nito. 12 Pagdating ng takdang panahon, gagawin ko ang mga sinabi ko laban sa sambahayan ni Eli. 13 Sinabi ko sa kanya na parurusahan ko habang panahon ang sambahayan niya, dahil pinabayaan niya ang mga anak niya sa mga ginagawa nilang paglapastangan sa akin kahit alam na niya ang tungkol dito. 14 Kaya isinumpa ko, na ang kasalanan nilaʼy hindi mapapatawad ng anumang handog kahit kailan.”

15 Natulog si Samuel hanggang umaga, at binuksan niya ang pintuan ng sambahan para sa Panginoon. Natatakot siyang sabihin kay Eli ang tungkol sa pangitain. 16 Ngunit tinawag siya ni Eli, “Samuel, anak.” Sumagot si Samuel, “Ano po iyon?” 17 Nagtanong si Eli, “Ano ba ang sinabi ng Panginoon sa iyo? Huwag kang maglilihim sa akin. Parurusahan ka ng Dios ng matindi kung hindi mo sasabihin sa akin ang lahat ng sinabi niya sa iyo.” 18 Ipinagtapat nga ni Samuel ang lahat sa kanya. Wala siyang itinago. At sinabi ni Eli, “Siya ang Panginoon. Gagawin niya kung ano sa tingin niya ang mabuti.”

19 Patuloy na pinapatnubayan ng Panginoon si Samuel habang siyaʼy lumalaki. Niloob ng Panginoon na matupad ang lahat ng sinabi ni Samuel. 20 Kaya kinilala si Samuel na propeta ng Panginoon mula Dan hanggang sa Beersheba.[a] 21 Patuloy na nagpapakita ang Panginoon kay Samuel doon sa Shilo, at doon ay ipinakikilala ng Panginoon ang kanyang sarili sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa kanya.

Kumalat sa buong Israel ang mensahe ni Samuel.

Nakuha ng mga Filisteo ang Kahon ng Kasunduan

Nagkaroon ng digmaan sa pagitan ng mga Israelita at mga Filisteo nang mga panahong iyon. Nagkampo ang mga Israelita sa Ebenezer, at ang mga Filisteo naman ay sa Afek. Sinugod ng mga Filisteo ang mga Israelita at tinalo ang mga ito; 4,000 Israelita ang napatay nila. Pagkatapos ng digmaan, bumalik ang mga natirang Israelita sa kampo nila. Tinanong sila ng mga tagapamahala ng Israel, “Bakit hinayaan ng Panginoon na matalo tayo ng mga Filisteo? Mabuti pa sigurong kunin natin ang Kahon ng Kasunduan sa Shilo para samahan tayo ng Panginoon at iligtas tayo sa mga kalaban natin.”

Kaya ipinakuha nila sa Shilo ang Kahon ng Kasunduan ng Panginoong Makapangyarihan. Ang takip ng Kahon ay may estatwa ng dalawang kerubin, at nananahan sa kalagitnaan nito ang Panginoon. Sumama sa pagdala ng Kahon ng Kasunduan ang dalawang anak ni Eli na sina Hofni at Finehas. Nang madala na ang Kahon ng Kasunduan doon sa kampo, sumigaw nang malakas ang mga Israelita sa kasiyahan at yumanig ang lupa. Nang marinig ng mga Filisteo ang sigawan ng mga Israelita, nagtanong sila, “Bakit kaya sumisigaw ang mga Hebreo sa kanilang kampo?”

Nang malaman nila na ang Kahon ng Panginoon ay nasa kampo ng mga Israelita, natakot sila at sinabi, “May dumating na dios sa kampo ng mga Israelita! Nanganganib tayo! Kahit kailan, hindi pa nangyayari ang ganito sa atin. Nakakaawa tayo! Sino ang magliligtas sa atin sa mga makapangyarihan nilang dios? Sila rin ang mga dios na pumatay sa mga Egipcio sa disyerto sa pamamagitan ng ibaʼt ibang mga salot. Kaya magpakatatag tayo, dahil kung hindi, magiging alipin tayo ng mga Hebreo gaya ng pang-aalipin natin sa kanila. Labanan natin sila.”

10 Kaya nakipaglaban ang mga Filisteo at natalo ang mga Israelita. Napakarami ng napatay; 30,000 ang napatay na mga Israelita. Ang mga natira sa kanila ay tumakas pabalik sa kanilang tinitirhan. 11 Naagaw ng mga Filisteo ang Kahon ng Kasunduan at napatay ang dalawang anak ni Eli na sina Hofni at Finehas.

Ang Pagkamatay ni Eli

12 Nang araw ding iyon, may isang tao mula sa lahi ni Benjamin na tumatakbo galing sa digmaan papunta sa Shilo. Pinunit niya ang kanyang damit at nilagyan ng abo ang kanyang ulo bilang tanda ng pagluluksa. 13-15 Pagdating niya sa Shilo, nakaupo si Eli sa upuan na nasa gilid ng daan at nagbabantay dahil nag-aalala siya para sa Kahon ng Dios. Si Eli ay 98 taon na noon at halos hindi na nakakakita. Ibinalita ng tao ang nangyaring digmaan sa bayan. Nang marinig ito ng mga tao, nag-iyakan sila. Narinig ito ni Eli at nagtanong siya, “Bakit umiiyak ang mga tao?” Dali-daling lumapit sa kanya ang tao, 16 at sinabi, “Kagagaling ko lang po sa digmaan. Nakatakas po ako.” Nagtanong si Eli, “Ano ang nangyari, anak?” 17 Sumagot ang tao, “Nagsitakas po ang mga Israelita sa harap ng mga Filisteo. Napakarami pong namatay sa mga sundalo natin, kasama po ang dalawang anak nʼyo na sina Hofni at Finehas. At naagaw din po ang Kahon ng Dios.”

18 Nang mabanggit ng tao ang tungkol sa Kahon ng Dios, natumba si Eli mula sa kinauupuan niya na nasa gilid ng pintuan ng lungsod. Nabali ang kanyang leeg at agad na namatay, dahil mataba siya at matanda na. Pinamunuan niya ang Israel sa loob ng 40 taon.

19 Nang panahon ding iyon, kabuwanan ng manugang ni Eli na asawa ni Finehas. Nang mabalitaan niya na naagaw ang Kahon ng Dios at namatay ang kanyang asawa at biyenang lalaki, sumakit ang tiyan niya at napaanak ng wala sa panahon dahil sa matinding sakit. 20 Nang nag-aagaw buhay na siya, sinabi sa kanya ng mga manghihilot, “Lakasan mo ang loob mo. Lalaki ang anak mo.” Pero hindi na siya sumagot.

21-22 Bago siya namatay, Icabod[b] ang ipinangalan niya sa bata, dahil sinabi niya, “Wala na ang makapangyarihang presensya ng Dios sa Israel.” Sinabi niya ito dahil naagaw ang Kahon ng Dios at napatay ang asawa niya at biyenan niyang lalaki.

Ang Kahon ng Kasunduan sa Ashdod at Ekron

Nang maagaw ng mga Filisteo ang Kahon ng Dios, dinala nila ito mula sa Ebenezer papunta sa Ashdod. Pagkatapos, dinala nila ito sa templo ng kanilang dios-diosan na si Dagon at itinabi rito. Kinaumagahan, nakita ng mga taga-Ashdod ang rebulto ni Dagon na nakasubsob na sa harap ng Kahon ng Panginoon. Itinayo nila ito at ibinalik sa dating posisyon. Pero kinaumagahan, nakita ulit nila na nakasubsob ang rebulto sa harap ng Kahon ng Panginoon. Ang ulo at ang dalawang kamay nito ay putol na, at nakakalat sa bandang pintuan; katawan lang nito ang natirang buo. Kaya hanggang ngayon, ang mga pari ni Dagon at ang mga pumapasok sa templo niya roon sa Ashdod ay hindi na tumatapak sa bandang pintuan.

Pinarusahan nang matindi ng Panginoon ang mga taga-Ashdod at mga karatig lugar nito. Binigyan sila ng Panginoon ng mga tumor bilang parusa sa kanila. Nang makita ng mga taga-Ashdod ang nangyari, sinabi nila, “Hindi dapat manatili sa atin ang Kahon ng Dios ng Israel dahil pinarurusahan niya tayo at si Dagon na ating dios.” Kaya ipinatawag nila ang lahat ng pinuno ng mga Filisteo at nagtanong, “Ano ang gagawin natin sa Kahon ng Dios ng Israel?” Sumagot sila, “Dalhin ito sa Gat.” Kaya dinala nila ang Kahon ng Dios ng Israel sa Gat.

Pero nang dumating ito roon, pinarusahan din ng Panginoon ang mga tao sa lungsod na iyon. Labis na nagkagulo ang buong bayan dahil binigyan din sila ng Panginoon ng mga tumor, bata man o matanda. 10 Dahil doon, ipinadala nila ang Kahon ng Dios sa Ekron. Habang padating pa lang sila roon, nagrereklamo na ang mga mamamayan ng Ekron. Sinabi nila, “Dinala nila rito ang Kahon ng Dios ng Israel para patayin din tayong lahat.” 11 Kaya ipinatawag nila ang lahat ng pinuno ng mga Filisteo at sinabi, “Ilayo ninyo rito ang Kahon ng Dios ng Israel at ibalik ito sa kanyang lugar dahil kung hindi, mamamatay kaming lahat.” Ito ang sinabi nila dahil nagsimula na ang matinding parusa ng Dios sa kanilang lungsod. Nagkagulo ang lahat sa takot dahil marami na ang namatay. 12 Nagkaroon din ng tumor ang mga natitirang buhay. Abot hanggang langit ang pag-iyak nila dahil sa nangyari.

Ibinalik ang Kahon ng Kasunduan sa Israel

Nanatili ang Kahon ng Panginoon sa mga Filisteo sa loob ng pitong buwan. Noong naroon pa ang Kahon, ipinatawag ng mga Filisteo ang kanilang mga pari at manghuhula at nagtanong, “Ano ang gagawin namin sa Kahon ng Panginoon. Sabihin ninyo sa amin kung paano namin ito ibabalik sa kanyang lugar?” Sumagot sila, “Kung ibabalik ninyo ang Kahon ng Dios ng Israel, dapat samahan ninyo ito ng handog na pambayad ng kasalanan, sa pamamagitan nito, gagaling kayo at ihihinto na ng Dios ang pagpaparusa sa inyo.”

4-5 Nagtanong ang mga Filisteo, “Ano ang ipapadala namin bilang handog na pambayad ng kasalanan?” Sumagot ang mga pari at manghuhula, “Gumawa kayo ng limang gintong estatwa na hugis tumor at limang gintong estatwa na hugis daga, ayon sa dami ng mga pinuno natin, dahil dumating sa atin at sa mga pinuno natin ang salot ng mga tumor at daga na naminsala sa ating lupain. Ihandog ninyo ito bilang pagpaparangal sa Dios ng Israel, baka sakaling itigil na niya ang pagpaparusa sa atin sa mga dios natin, at sa ating lupain. Huwag na ninyong patigasin ang mga puso ninyo gaya ng ginawa ng mga Egipcio at ng kanilang Faraon. Pinayagan lang nilang makaalis ang mga Israelita nang matindi na ang pagpapahirap sa kanila ng Dios. Kaya ngayon, gumawa kayo ng bagong kariton at kumuha ng dalawang inahing baka na hindi pa napapahila ng kariton. Ikabit ninyo ang kariton sa mga baka pero ihiwalay ninyo ang kanilang mga bisiro at ikulong sa kwadra. Pagkatapos, kunin ninyo ang Kahon ng Panginoon at ilagay sa kariton. Ilagay din ninyo sa tabi nito ang isang Kahon na may lamang mga gintong handog na mga tumor at daga na ipapadala ninyo bilang handog na pambayad ng kasalanan. Palakarin ninyo ang mga baka nang walang umaakay at pabayaan silang pumunta kahit saan. Pero tingnan ninyo kung saan sila pupunta. Kung lalakad sila paakyat sa Bet Shemesh, na isa sa mga bayan ng mga Israelita, malalaman natin na ang Panginoon ang nagpadala ng matinding pinsalang ito sa atin. Pero kung hindi ito tutuloy sa Bet Shemesh, malalaman natin na hindi ang Panginoon ang nagpaparusa sa atin. Kundi nagkataon lang ito.”

10 Kaya sinunod nila ito. Kumuha sila ng dalawang inahing baka at ikinabit sa kariton. Ikinulong naman sa kwadra ang mga bisiro nito. 11 Isinakay nila ang Kahon ng Panginoon sa kariton at ang kahon na may lamang mga ginto na hugis tumor at daga. 12 Pagkatapos, lumakad ang mga baka patungo sa Bet Shemesh na hindi man lang lumilihis ng daan habang patuloy na umuunga. Sumusunod sa kanila ang mga pinuno ng mga Filisteo hanggang sa hangganan ng Bet Shemesh.

13 Nang mga panahong iyon, nag-aani ang mga taga-Bet Shemesh ng trigo sa lambak. Nang makita nila ang Kahon ng Kasunduan, tuwang-tuwa sila. 14-15 Dumating ang kariton sa bukid ni Josue na taga-Bet Shemesh, at tumigil sa tabi ng isang malaking bato. Kinuha ng mga Levita ang Kahon ng Panginoon at ang kahon na may lamang mga gintong estatwa, at ipinatong sa malaking bato. Pagkatapos, sinibak nila ang kariton at inialay ang mga baka sa Panginoon bilang handog na sinusunog, at nag-alay sila ng iba pang mga handog. 16 Nakita ng limang pinuno ng mga Filisteo ang lahat ng ito at pagkatapos ay umuwi sila sa Ekron nang araw ding iyon.

17 Ang limang gintong hugis tumor na ipinadala ng mga Filisteo bilang handog na pambayad ng kasalanan ay galing sa mga pinuno ng Ashdod, Gaza, Ashkelon, Gat at Ekron. 18 Kasama ng limang gintong hugis daga, ayon na rin sa bilang ng limang bayan ng mga Filisteo. Itong mga napapaderang bayan at ang mga baryo na walang pader ay sakop ng limang pinunong iyon. Ang malaking bato sa bukid ni Josue ng Bet Shemesh na pinagpatungan nila ng Kahon ng Panginoon ay naroon pa hanggang ngayon bilang alaala sa nangyari roon.

19 Ngunit may pinatay ang Dios na 70 tao na taga-Bet Shemesh dahil tiningnan nila ang laman ng Kahon ng Panginoon. Nagluksa ang mga tao dahil sa matinding dagok na ito ng Panginoon sa kanila. 20 Nagtanong sila, “Sino ba ang makakaharap sa presensya ng Panginoon, ang banal na Dios? Saan ba natin ipapadala ang Kahon ng Panginoon para mailayo ito sa atin?” 21 Pagkatapos, nagsugo sila ng mga mensahero sa mga taga-Kiriat Jearim at sinabi roon, “Ibinalik ng mga Filisteo ang Kahon ng Panginoon. Pumunta kayo rito at dalhin ninyo ito sa lugar ninyo.”

Kaya kinuha ng mga taga-Kiriat Jearim ang Kahon ng Panginoon at dinala sa bahay ni Abinadab na nasa burol. Pinili nila si Eleazar na anak ni Abinadab na magbantay dito.

Ang Pamumuno ni Samuel sa Israel

Nanatili sa Kiriat Jearim ang Kahon ng Panginoon sa mahabang panahon – mga 20 taon. Sa panahong iyon, nagdalamhati at humingi ng tulong sa Panginoon ang buong mamamayan ng Israel. Sinabi ni Samuel sa kanila, “Kung taos sa puso ninyo ang pagbabalik-loob sa Panginoon, itapon ninyo ang inyong mga dios-diosan pati na ang imahen ni Ashtoret. Ilaan ninyo ang inyong buhay sa Panginoon lamang at siya lang ang inyong paglingkuran. Kung gagawin ninyo ang mga ito, ililigtas niya kayo sa kamay ng mga Filisteo.” Kaya itinapon nila ang mga imahen ni na Baal at Ashtoret, at sa Panginoon lamang sila naglingkod.

Pagkatapos, sinabi ni Samuel sa mga Israelita, “Magtipon kayong lahat sa Mizpa at ipapanalangin ko kayo sa Panginoon.” Nang magkatipon na silang lahat sa Mizpa, kumuha sila ng tubig at ibinuhos sa harap ng presensya ng Panginoon. Nang araw na iyon, hindi sila kumain buong araw at nagsisi sa mga kasalanang ginawa nila sa Panginoon. Pinamunuan ni Samuel ang Israel doon sa Mizpa.

Nang mabalitaan ng mga Filisteo na nagtitipon ang mga Israelita sa Mizpa, naghanda ang mga pinuno ng mga Filisteo para salakayin sila. Nang mabalitaan ito ng mga Israelita, natakot sila sa mga Filisteo. Sinabi nila kay Samuel, “Huwag po kayong tumigil sa pananalangin sa Panginoon na ating Dios na iligtas niya tayo sa mga Filisteo.” Kaya kumuha si Samuel ng isang batang tupa at sinunog ito nang buo bilang handog na sinusunog para sa Panginoon. Humingi siya ng tulong sa Panginoon para sa Israel at sinagot siya ng Panginoon.

10 Habang iniaalay ni Samuel ang handog na sinusunog, dumating ang mga Filisteo para makipaglaban sa mga Israelita. Pero sa araw na iyon, nagpakulog nang malakas ang Panginoon kaya natakot at nalito ang mga Filisteo, at nagsitakas sila sa mga Israelita. 11 Hinabol sila at pinatay ng mga Israelita sa daan mula sa Mizpa hanggang sa Bet Car.

12 Pagkatapos, kumuha si Samuel ng isang bato at inilagay sa gitna ng Mizpa at Shen. Pinangalanan niya itong Ebenezer dahil sinabi niya, “Hanggang ngayon, tinutulungan kami ng Panginoon.” 13 Kaya natalo nila ang mga Filisteo, at hindi na nila muli pang sinalakay ang mga Israelita habang nabubuhay pa si Samuel dahil ang Panginoon ay laban sa mga Filisteo. 14 Naibalik sa Israel ang mga lupain malapit sa Ekron at Gat, na sinakop ng mga Filisteo. Natigil na rin ang digmaan sa pagitan ng mga Israelita at mga Amoreo.

15 Nagpatuloy si Samuel sa pamumuno sa Israel sa buong buhay niya. 16 Taun-taon, lumilibot siya mula Betel papuntang Gilgal at Mizpa para gampanan ang tungkulin niya bilang pinuno ng mga lugar na ito. 17 Pero bumabalik din siya sa Rama kung saan siya nakatira at namumuno rin sa mga tao roon. At gumawa siya roon ng altar para sa Panginoon.

Humingi ng Hari ang mga Israelita

Nang matanda na si Samuel, pinili niya ang mga anak niyang lalaki na maging pinuno ng Israel. Joel ang pangalan ng panganay at Abijah naman ang sumunod. Pareho silang namuno sa Beersheba, pero hindi sila gaya ng kanilang ama. Gahaman sila sa pera, tumatanggap ng suhol at binabaluktot ang katarungan.

Kaya nagtipon ang lahat ng tagapamahala ng Israel at pumunta kay Samuel sa Rama. Sinabi nila, “Matanda na po kayo; at ang mga anak ninyoʼy hindi naman sumusunod sa inyong mga pamamaraan. Ngayon, bigyan nʼyo po kami ng hari na mamumuno sa amin, gaya ng ibang bansa na mayroong hari.” Pero sumama ang loob ni Samuel sa hiniling nila, kaya nanalangin siya sa Panginoon. Sinabi sa kanya ng Panginoon, “Gawin mo ang ipinapagawa nila sa iyo, hindi ikaw ang tinatanggihan nila kundi ako. Mula nang ilabas ko sila sa Egipto hanggang ngayon, itinakwil nila ako at nagsisunod sa ibang mga dios. Ngayon, ganyan din ang ginagawa nila sa iyo. Kaya gawin mo ang kahilingan nila, pero bigyan mo sila ng babala kung ano ang gagawin ng haring mamumuno sa kanila.”

10 Sinabi ni Samuel sa mga Israelitang humihingi ng hari ang lahat ng sinabi ng Panginoon. 11 Sinabi niya, “Ito ang gagawin ng hari na mamumuno sa inyo: Kukunin niya ang mga anak ninyong lalaki at gagawin niyang mga sundalo. Ang ibaʼy gagawin niyang mga mangangarwahe, mangangabayo at ang ibaʼy mauuna sa kanyang karwahe. 12 Ang iba sa kanilaʼy gagawin niyang opisyal na mamamahala sa 1,000 sundalo at ang iba naman sa 50 sundalo. Ang ibaʼy pag-aararuhin niya sa kanyang bukid at ang ibaʼy pag-aanihin ng mga pananim niya, ang iba namaʼy gagawin niyang manggagawa ng mga armas para sa digmaan at mga kagamitan para sa kanyang karwahe. 13 Kukunin niya ang mga anak ninyong babae at gagawin niyang mga manggagawa ng pabango, kusinera at panadera. 14 Kukunin niya ang pinakamaganda ninyong mga bukid, mga ubasan, mga taniman ng olibo, at ibibigay niya ang mga ito sa mga tagasunod niya. 15 Kukunin niya ang ikasampung bahagi ng inyong mga trigo at mga ubas, at ibibigay niya sa mga opisyal at iba pa niyang mga tagasunod. 16 Kukunin din niya ang mga alipin nʼyong lalaki at babae, at ang pinakamaganda ninyong mga baka at mga asno para magtrabaho sa kanya. 17 Kukunin din niya ang ikasampung bahagi ng mga hayop ninyo, at pati kayo ay gagawin niyang mga alipin. 18 Pagdating ng araw na iyon, dadaing kayo sa Panginoon dahil sa kalupitan ng hari na pinili ninyo, pero hindi niya kayo sasagutin.”

19 Pero hindi nakinig kay Samuel ang mga tao. Sinabi nila, “Hindi maaari! Gusto namin na may haring mamamahala sa amin. 20 At magiging tulad kami ng ibang mga bansa, na may haring namamahala at nangunguna sa amin sa digmaan.” 21 Nang marinig ni Samuel ang lahat ng sinabi ng mga tao, sinabi niya ito sa Panginoon. 22 Sumagot ang Panginoon sa kanya. “Gawin mo ang sinabi nila, bigyan mo sila ng hari.” Pagkatapos, sinabi ni Samuel sa mga Israelita, “Sige, pumapayag na ako, magsiuwi na kayo sa mga bayan ninyo.”

Pinili ni Samuel si Saul para Maging Hari

May isang taong mayaman at kilala mula sa lahi ni Benjamin. Ang pangalan niya ay Kish, at anak siya ni Abiel. Si Abiel ay anak ni Zeror, si Zeror ay anak ni Becorat, at si Becorat ay anak ni Afia na mula sa lahi ni Benjamin. Si Kish ay may anak na ang pangalan ay Saul. Bata pa si Saul at siya ang pinakagwapo at pinakamatangkad na lalaki sa Israel.

Isang araw, nawala ang mga asno ni Kish, kaya sinabi niya sa anak niyang si Saul, “Magsama ka ng isang utusan at hanapin ninyo ang mga asno.” Kaya lumakad si Saul at ang utusan. Nakarating sila sa mga burol ng Efraim hanggang sa lugar ng Shalisha, pero wala silang nakitang mga asno. Kaya tumuloy sila sa lugar ng Shaalim hanggang sa mga lugar ng Benjamin pero hindi rin nila nakita ang mga asno doon. Nang makarating sila sa lugar ng Zuf, sinabi ni Saul sa kanyang utusan, “Umuwi na tayo. Baka lalong mag-alala sa atin ang aking ama kaysa sa mga asno.” Pero sumagot ang utusan, “Sandali lang po, may isang lingkod ng Dios na malapit lang dito. Iginagalang siya ng mga tao at nagkakatotoo ang lahat ng kanyang sinasabi. Pumunta po tayo sa kanya at baka sakaling masabi niya sa atin kung saan makikita ang mga asno.” Sinabi ni Saul sa utusan, “Kung pupunta tayo, ano ang ibibigay natin sa kanya? Wala na tayong natirang pagkain. Wala tayong maibibigay.” Sumagot ang utusan, “Mayroon pa po akong isang pirasong pilak. Ibibigay ko po ito sa lingkod ng Dios para sabihin niya sa atin kung saan natin makikita ang mga asno.” 9-10 “Mabuti,” ang sabi ni Saul. “Halika na, pumunta na tayo sa manghuhula.” (Noon sa Israel, kung may taong gustong makatanggap ng mensahe galing sa Dios sinasabi niya, “Halika, pumunta tayo sa manghuhula,” dahil ang mga tinatawag na propeta ngayon ay tinatawag na manghuhula noon.)

Pumunta si Saul at ang utusan sa bayan kung saan naroon ang propeta ng Dios. 11 Habang tinatahak nila ang daang paakyat sa burol ng bayan, nakasalubong nila ang mga dalagang palabas para umigib. Nagtanong sila sa mga dalaga, “Nandito ba ngayon ang manghuhula?” 12 Sumagot sila, “Oo, nandiyan siya. Nauna lang nang kaunti sa inyo. Kararating lang niya sa bayan namin para pangunahan ang mga tao sa paghahandog doon sa sambahan sa mataas na lugar. Dalian ninyo! 13 Habulin ninyo siya bago siya umakyat sa sambahan sa mataas na lugar para roon kumain. Hindi kakain ang mga taong inimbita kung hindi pa siya dumarating, dahil kailangang basbasan muna niya ang mga handog. Kaya umakyat na kayo dahil maaabutan ninyo siya habang may araw pa.”

14 Kaya umakyat sila sa bayan, at habang papasok sila, nakita nila si Samuel na dumarating na kasalubong nila papunta sa sambahan sa mataas na lugar.

15 Isang araw bago dumating si Saul, sinabi na ng Panginoon kay Samuel, 16 “Bukas sa ganito ring oras, papupuntahin ko sa iyo ang isang tao na galing sa lugar ng Benjamin. Pahiran mo ng langis ang kanyang ulo bilang tanda na siya ang pinili kong magiging pinuno ng mga mamamayan kong Israelita. Ililigtas niya ang aking mga mamamayan sa kamay ng mga Filisteo dahil nakita ko ang paghihirap nila at narinig ko ang paghingi nila ng tulong.”

17 Nang makita ni Samuel si Saul, nagsalita ang Panginoon kay Samuel, “Siya ang taong sinasabi ko sa iyo. Pamumunuan niya ang aking bayan.”

18 Lumapit si Saul kay Samuel sa may daang papasok ng bayan at nagtanong, “Saan ba rito ang bahay ng manghuhula?” 19 Sumagot si Samuel, “Ako ang manghuhula. Mauna kayo sa akin sa pagpunta sa sambahan sa mataas na lugar dahil sa araw na ito, kakain kayong kasama ko. Bukas ng umaga, sasabihin ko sa iyo ang gusto mong malaman at pagkatapos ay lumakad na kayo. 20 Tungkol sa mga asnong tatlong araw nang nawawala, huwag ka nang mag-alala pa dahil nakita na sila. At ngayon, sinasabi ko sa iyo na ikaw at ang sambahayan ng iyong ama ang inaasahan ng mga Israelita.” 21 Sumagot si Saul, “Pero galing lang po ako sa lahi ni Benjamin, ang pinakamaliit na lahi ng Israel, at ang sambahayan namin ang pinakamababa sa aming lahi. Bakit po ninyo sinasabi sa akin iyan?”

22 Nang makarating na sila sa sambahan sa mataas na lugar, dinala ni Samuel si Saul at ang kanyang utusan sa malaking kwarto kung saan nakaupo ang 30 tao na inimbita. Pagkatapos, pinaupo niya si Saul at ang kanyang utusan sa upuang para sa pangunahing bisita. 23 Sinabi ni Samuel sa tagapagluto, “Dalhin mo rito ang karneng ipinatabi ko sa iyo.” 24 Kaya kinuha ng tagapagluto ang hita at inilagay sa harapan ni Saul. Sinabi ni Samuel kay Saul, “Kainin mo, itinabi ko talaga iyan bago ko inimbitahan ang mga taong ito para sa ganitong mahalagang okasyon.” Kaya kumain si Saul kasama si Samuel nang araw na iyon.

25 Pagbalik nila sa bayan galing sa sambahan sa mataas na lugar, ipinaghanda siya ni Samuel ng matutulugan doon sa patag na bubong ng kanyang bahay, 26 at doon natulog si Saul. Kinaumagahan, tinawag ni Samuel si Saul kung saan siya natulog, “Bangon na! Maghanda ka na, dahil pauuwiin na kita.” Nang makapaghanda na si Saul, sabay silang lumabas ng bahay ni Samuel. 27 Nang palabas na sila ng bayan, sinabi ni Samuel kay Saul, “Paunahin mo ang utusan mo, may sasabihin lang ako sa iyo mula sa Dios.” Kaya nauna ang utusan.

10 Pagkatapos, kumuha si Samuel ng lalagyan ng langis at ibinuhos ang langis sa ulo ni Saul. Hinagkan niya si Saul at sinabi, “Ang Panginoon ang pumili sa iyo na mamuno sa kanyang bayan. Pag-alis mo ngayon, may makakasalubong kang dalawang tao malapit sa libingan ni Raquel sa Zelza, sa hangganan ng Benjamin. Sasabihin nila sa iyo, ‘Nakita na ang mga asnong hinahanap ninyo. At ngayon, hindi na ang mga asno ang inaalala ng iyong ama kundi kayo na. Patuloy niyang itinatanong, “Ano ang gagawin ko para makita ko ang aking anak?” ’

“Pagdating mo sa malaking puno ng Tabor, may makakasalubong kang tatlong tao na pupunta sa Betel para sumamba sa Dios. Ang isa sa kanilaʼy may dalang tatlong batang kambing, ang isaʼy may dalang tatlong tinapay at ang isa naman ay may dalang katas ng ubas na nakalagay sa balat na sisidlan. Babatiin ka nila at aalukin ng dalawang tinapay na tatanggapin mo naman. Pagdating mo sa bundok ng Dios sa Gibea, kung saan may kampo ng mga Filisteo, may makakasalubong kang grupo ng mga propeta pababa galing sa sambahan sa mataas na lugar. Tumutugtog sila ng lira, tamburin, plauta at alpa, at nagpapahayag ng mensahe ng Dios. At sasaiyo ang Espiritu ng Panginoon at magpapahayag ka ng mensahe ng Dios kasama nila, at mababago na ang pagkatao mo. Kapag nangyari na ang mga bagay na ito, gawin mo kung ano ang mabuti dahil kasama mo ang Dios.

“Mauna ka na sa akin sa Gilgal. Susunod ako para maghain ng mga handog na sinusunog at mga handog para sa mabuting relasyon.[c] Pero hintayin mo ako sa loob ng pitong araw hanggang sa dumating ako, at pagkatapos ay sasabihin ko sa iyo kung ano ang gagawin mo.”

Ginawang Hari si Saul

Nang maghiwalay sila ni Samuel, binago ng Dios ang buhay ni Saul, at ang lahat ng sinabi sa kanya ni Samuel ay nangyari nang araw na iyon. 10 Pagdating ni Saul at ng kanyang utusan sa Gibea, sinalubong siya ng mga propeta. Napuspos siya ng Espiritu ng Dios at nagpahayag din siya ng mensahe ng Dios kasama ng mga propetang iyon. 11 Nang makita siya ng mga nakakakilala sa kanya na nagpapahayag ng mensahe ng Dios kasama ng mga propeta, tinanong nila ang isaʼt isa, “Propeta na rin ba si Saul? Paano naging propeta ang anak ni Kish?” 12 Sumagot ang isang taga-roon, “Hindi na mahalaga kung sino ang kanyang ama; kahit sino ay pwedeng maging propeta.” Dito nagsimula ang kasabihang, “Propeta na rin ba si Saul?”

13 Pagkatapos magpahayag ng mensahe ng Dios, pumunta si Saul sa sambahan sa mataas na lugar. 14 Nagtanong ang tiyuhin ni Saul sa kanya at sa kanyang utusan, “Saan kayo nanggaling?” Sumagot si Saul, “Hinanap po namin ang mga asno. Nang hindi po namin makita ay pumunta kami kay Samuel.” 15 Sinabi ng tiyuhin ni Saul, “Sabihin mo sa akin kung ano ang sinabi ni Samuel sa iyo.” 16 Sumagot si Saul, “Sinabi niyang nakita na ang mga asno.” Pero hindi niya sinabi sa tiyuhin niya ang sinabi ni Samuel tungkol sa kanyang pagiging hari.

17 Tinipon ni Samuel ang mga Israelita sa Mizpa para sabihin sa kanila ang sinabi ng Panginoon. 18 Ito ang mensaheng ibinigay niya galing sa Panginoon, ang Dios ng Israel: “Inilabas ko kayo mula sa Egipto, iniligtas ko kayo sa mga kamay ng mga Egipcio at sa lahat ng bansang umaapi sa inyo. 19 Pero kahit na iniligtas ko kayo sa lahat ng kapahamakan at kagipitan, tinalikuran pa rin ninyo ako na inyong Dios, at humingi kayo ng hari na mamumuno sa inyo. Ngayon humarap kayo sa akin ayon sa lahi ninyo at angkan.”

20 Pinalapit ni Samuel ang bawat lahi ng Israel at ang lahi ni Benjamin ang napili. 21 Pagkatapos, pinapunta ni Samuel sa harapan ang lahi ni Benjamin ayon sa sambahayan at ang pamilya ni Matri ang napili. Si Saul na anak ni Kish ang napili sa pamilya ni Matri, pero nang hanapin nila si Saul ay hindi nila ito makita. 22 Kaya tinanong nila ang Panginoon, “Nasaan po siya?” Sumagot ang Panginoon, “Nandito siya. Nagtatago siya sa bunton ng mga bagahe.” 23 Kaya tumakbo sila papunta kay Saul at kinuha siya. Nang pinatayo siya sa gitna, siya ang pinakamatangkad sa lahat. 24 Sinabi ni Samuel sa lahat ng mga tao, “Ito ang taong pinili ng Panginoon para maghari sa inyo. Wala ni isa man sa atin na katulad niya.” At sumigaw ang lahat ng tao, “Mabuhay ang hari!”

25 Ipinaliwanag ni Samuel sa mga tao ang mga karapatan at pananagutan ng isang hari. Isinulat niya ito sa isang nakarolyong papel at itinago ito sa bahay ng Panginoon. Pagkatapos, pinauwi ni Samuel ang mga tao. 26 Umuwi rin si Saul sa bahay nila sa Gibea. Sinamahan siya ng mga sundalo na hinipo ng Dios ang puso para sumama sa kanya. 27 Dahil may masasamang taong nanlalait kay Saul na nagsabi, “Paano tayo maililigtas ng taong ito?” At hindi sila nagbigay ng regalo kay Saul bilang parangal sa kanya bilang hari. Pero hindi sila pinansin ni Saul.

Iniligtas ni Saul ang Lungsod ng Jabes

11 Nang panahong iyon, pinaligiran ni Nahash na hari ng mga Ammonita at ng mga kasama niyang sundalo ang lungsod ng Jabes Gilead. At sinabi ng mga mamamayan ng Jabes sa kanya, “Gumawa kayo ng kasunduan sa amin at magpapasakop kami sa inyo.” Sumagot si Nahash, “Payag ako, sa isang kundisyon. Dudukitin ko ang kanang mata ng bawat isa sa inyo para mapahiya ang buong Israel.” Sinabi ng mga tagapamahala ng Jabes, “Bigyan mo kami ng pitong araw para maikalat ang mensaheng ito sa buong Israel. Kung walang tulong na darating sa amin, susuko kami sa inyo.”

Dumating ang mga mensahero sa Gibea, kung saan nakatira si Saul. Nang sabihin nila sa mga tao ang sinabi ni Nahash, humagulgol ang lahat. Nang oras na iyon, pauwi si Saul galing sa bukid niya na hinihila ang kanyang mga baka. Nang marinig niya ang iyakan, nagtanong siya, “Ano ang nangyari? Bakit nag-iiyakan ang mga tao?” Kaya sinabi ng mga tao sa kanya ang mensahe ng mga taga-Jabes. Nang marinig ito ni Saul, napuspos siya ng Espiritu ng Dios at nagalit siya nang matindi. Kumuha siya ng dalawang baka at pinaghihiwa niya ito. Pagkatapos, ibinigay niya ito sa mga mensahero. Inutusan niya ang mga ito na pumunta sa buong lupain ng Israel at sabihin sa mga tao, “Ganito ang mangyayari sa baka ng mga hindi sasama kina Saul at Samuel sa pakikidigma.” Niloob ng Panginoon na magkaroon ng takot ang mga Israelita kay Saul, kaya sumama sila sa kanya. Tinipon sila ni Saul sa Bezek; 300,000 ang galing sa Israel at 30,000 ang galing sa Juda. Sinabi nila sa mga mensahero ng Jabes Gilead, “Sabihin ninyo sa mga kababayan ninyo, bukas ng tanghali, maliligtas kayo.” Nang sabihin ito ng mga mensahero sa mga kababayan nila, tuwang-tuwa ang lahat. 10 At sinabi nila sa mga Ammonita, “Bukas susuko kami sa inyo at gawin ninyo sa amin kung ano ang gusto ninyo.”

11 Kinabukasan, madaling-araw pa lang ay hinati na ni Saul sa tatlong grupo ang kanyang hukbo. Nang mag-umaga na, sinalakay nila ang kampo ng mga Ammonita at pinatay silang lahat hanggang tanghali. Ang mga natirang buhay ay nagsitakas.

12 Pagkatapos ng digmaan, sinabi ng mga Israelita kay Samuel, “Sinu-sino ang mga nagsasabing hindi natin dapat maging hari si Saul? Dalhin ninyo sila sa amin at papatayin namin sila.”

13 Pero sinabi ni Saul, “Walang papatayin ni isa man sa araw na ito, dahil ngayon ay iniligtas ng Panginoon ang Israel.” 14 Sinabi ni Samuel sa mga tao, “Pupunta tayo sa Gilgal at muli nating ipahayag si Saul bilang hari natin.” 15 Kaya pumunta silang lahat sa Gilgal at pinagtibay ang pagiging hari ni Saul sa presensya ng Panginoon. Nag-alay sila roon ng mga handog para sa mabuting relasyon, at nagkaroon sila ng malaking pagdiriwang.

Mga Huling Pananalita ni Samuel

12 Sinabi ni Samuel sa lahat ng Israelita, “Sinunod ko ang mga hiniling ninyo sa akin; binigyan ko kayo ng hari na mamumuno sa inyo. Ngayon, may hari na kayo bilang inyong pinuno. Matanda na ako, at maputi na ang buhok. At kasama naman ninyo ang mga anak ko. Naging pinuno nʼyo na ako mula pa noong kabataan ko. Narito ako ngayon sa harapan ninyo. Kung may nagawa akong masama sa inyo sabihin ninyo sa akin sa presensya ng Panginoon at ng kanyang piniling hari. May kinuha ba akong baka o asno sa sinuman sa inyo? May dinaya o ginipit ba ako sa inyo? Tumanggap ba ako ng suhol para balewalain ang kasalanang nagawa nang sinuman? Kung mapapatunayan ninyo na nagawa ko ang isa man sa mga bagay na ito, pananagutan ko ito.”

Sumagot ang mga tao, “Hindi po ninyo kami dinaya o ginipit man. Wala rin po kayong kinuhang anuman sa kahit kanino sa amin.” Sinabi ni Samuel sa kanila, “Sa araw na ito, saksi ang Panginoon at ang kanyang piniling hari na wala kayong maisusumbat sa akin.” Sumagot ang mga tao, “Opo, saksi ang Panginoon.” Sinabi ni Samuel, “Ang Panginoon ang pumili kina Moises at Aaron na maging pinuno ng inyong mga ninuno, at siya rin ang naglabas sa kanila sa Egipto. Ngayon tumayo kayo sa presensya ng Panginoon dahil ipapaalala ko sa inyo ang mga kabutihang ginawa ng Panginoon sa inyo at sa inyong mga ninuno.

“Noong nasa Egipto pa ang lahi ni Jacob, humingi sila ng tulong sa Panginoon. Ipinadala ng Panginoon sina Moises at Aaron na naglabas sa kanila sa Egipto at nagdala sa kanila sa lupaing ito. Pero kinalimutan nila ang Panginoon na kanilang Dios kaya hinayaan ng Panginoon na matalo sila ni Sisera na kumander ng mga sundalo ng Hazor, ng mga Filisteo at ng hari ng Moab. 10 Humingi na naman sila ng tulong sa Panginoon at sinabi, ‘Nagkasala kami, Panginoon. Tinalikuran namin kayo at sumamba sa imahen ni Baal at Ashtoret. Pero ngayon, iligtas nʼyo po kami sa kamay ng mga kalaban namin at sasambahin namin kayo.’ 11 Pagkatapos, isinugo ng Panginoon sina Gideon,[d] Barak, Jefta at ako; at iniligtas namin kayo sa kamay ng mga kalaban ninyo na nasa paligid at namuhay kayo nang ligtas sa anumang kapahamakan. 12 Pero nang salakayin kayo ni Haring Nahash ng mga Ammonita, humingi kayo sa akin ng haring mamumuno sa inyo, kahit na ang Panginoon na inyong Dios ang siyang hari ninyo. 13 Narito na ngayon ang pinili ninyong hari. Tingnan ninyo! Hiningi ninyo siya at ibinigay siya sa inyo ng Panginoon. 14 Kung kayo at ang hari ninyo ay mamumuhay nang may takot sa Panginoon, susunod sa mga utos niya, at maglilingkod sa kanya, walang masamang mangyayari sa inyo. 15 Pero kung hindi kayo susunod sa Panginoon at sa mga utos niya, parurusahan niya kayo gaya ng ginawa niya sa inyong mga ninuno.

16 “Manatili kayo sa kinaroroonan ninyo at tingnan ninyo ang kamangha-manghang bagay na gagawin ng Panginoon sa inyong harapan. 17 Hindi baʼt panahon ngayon ng pag-aani ng trigo at hindi umuulan? Pero mananalangin ako sa Panginoon na magpakulog at magpaulan, at nang mapag-isip-isip ninyo kung gaano kasama ang ginawa ninyo sa paningin ng Panginoon nang humingi kayo ng hari.”

18 Nanalangin nga si Samuel, at nang araw na iyon, nagpakulog at nagpaulan ang Panginoon. Pinagharian ang lahat ng tao ng matinding takot sa Panginoon at kay Samuel. 19 Sinabi nila kay Samuel, “Ipanalangin nʼyo po kami sa Panginoon na iyong Dios upang hindi kami mamatay, dahil dinagdagan namin ang aming mga kasalanan nang humingi kami ng hari.” 20 Sumagot si Samuel, “Huwag kayong matakot. Kahit na nakagawa kayo ng masama, huwag ninyong talikuran ang Panginoon, kundi paglingkuran ninyo siya nang buong puso. 21 Huwag kayong susunod sa mga walang kwentang dios-diosan. Hindi sila makakatulong o makakapagligtas sa inyo. 22 Alang-alang sa kanyang pangalan, hindi kayo pababayaan ng Panginoon. Ikinalulugod niyang gawin kayong mga mamamayan niya.

23 “Tungkol naman sa akin, hindi ako titigil ng pananalangin sa Panginoon para sa inyo dahil kung magkaganoon, magkakasala ako sa Panginoon. Tuturuan ko rin kayong mamuhay nang tama at matuwid. 24 Pero dapat kayong magkaroon ng takot sa Panginoon at maglingkod sa kanya nang tapat at buong puso. Alalahanin ninyo ang mga kamangha-manghang bagay na ginawa niya sa inyo. 25 Pero kung magpapatuloy kayo sa kasalanan, kayo at ang hari ninyo ay lilipulin.”

Sinaway ni Samuel si Saul

13 Si Saul ay 30[e] taong gulang nang maging hari ng Israel, at naghari siya rito sa loob ng 42[f] taon.

Pumili si Saul ng 3,000 lalaki sa Israel para makipaglaban sa mga Filisteo. Ang mga hindi napili ay pinauwi niya. Isinama niya ang 2,000 sa Micmash at sa kaburulan ng Betel at ang 1,000 naman ay pinasama niya sa anak niyang si Jonatan sa Gibea na sakop ng mga taga-Benjamin.

Sinalakay ni Jonatan ang kampo ng mga Filisteo sa Geba at nabalitaan ito ng iba pang Filisteo. Kaya iniutos ni Saul na patunugin ang trumpeta sa buong Israel bilang paghahanda ng mga Hebreo[g] sa digmaan. Nabalitaan ng mga Israelita na galit na galit ang mga Filisteo sa kanila dahil sinalakay ni Saul ang kampo. Kaya nagtipon ang mga Israelita sa Gilgal kasama ni Saul.

Nagtipon ang mga Filisteo para makipagdigma sa mga Israelita. Mayroon silang 3,000[h] karwahe, 6,000 mangangabayo at mga sundalo na kasindami ng buhangin sa tabing-dagat. Nagtipon sila at nagkampo sa Micmash, sa silangan ng Bet Aven. Nang makita ng mga Israelita na nanganganib ang sitwasyon nila, nagtago sila sa mga kweba, talahiban, mga batuhan, hukay at mga imbakan ng tubig. Ang iba sa kanilaʼy tumawid sa Ilog ng Jordan papuntang Gad at Gilead. Naiwan si Saul sa Gilgal, at nanginginig sa takot ang mga kasama niya.

Naghintay si Saul kay Samuel sa Gilgal ng pitong araw ayon sa sinabi ni Samuel sa kanya, pero hindi dumating si Samuel. Nang makita ni Saul na unti-unting nag-aalisan ang mga kasama niya, sinabi niya, “Dalhin ninyo sa akin ang handog na sinusunog at ang handog para sa mabuting relasyon.”[i] At inialay ni Saul ang mga handog na sinusunog. 10 Nang patapos na siya, dumating si Samuel. Sinalubong niya ito upang batiin, pero nagtanong si Samuel, 11 “Ano ang ginawa mo?” Sumagot si Saul, “Nakita ko na unti-unting nag-aalisan ang mga kasama ko, at hindi ka dumating sa oras na sinabi mo, at nagtitipon na ang mga Filisteo sa Micmash. 12 Inisip ko na baka salakayin kami ng mga Filisteo rito sa Gilgal at hindi pa nakakapaghandog sa Panginoon para humingi ng tulong sa kanya. Kaya napilitan akong mag-alay ng handog na sinusunog.”

13 Sinabi ni Samuel, “Kahangalan ang ginawa mo! Hindi mo sinunod ang utos na ibinigay sa iyo ng Panginoon na iyong Dios. Kung sumunod ka lang sana, ang sambahayan mo ang maghahari sa Israel habang panahon. 14 Pero hindi na ito mangyayari dahil nakakita na ang Panginoon ng taong susunod sa kagustuhan niya, at ginawa na siyang pinuno para sa kanyang mga mamamayan, dahil hindi ka sumunod sa utos ng Panginoon.”

15 Pagkatapos, umalis si Samuel sa Gilgal at pumunta sa Gibea, na sakop ng Benjamin. Binilang ni Saul ang mga natira niyang tauhan – 600 lahat.

Walang Armas ang mga Israelita

16 Nagkampo si Saul, ang anak niyang si Jonatan, at ang mga natitira pa niyang tauhan sa Geba, na sakop ng Benjamin, habang ang mga Filisteo naman ay nagkakampo sa Micmash. 17 Nagtatlong grupo ang mga Filisteo sa kanilang pagsalakay. Ang isang grupoʼy pumunta sa Ofra, sa lupain ng Shual. 18 Ang isang grupoʼy sa Bet Horon, at ang isaʼy pumunta sa hangganan kung saan matatanaw ang Lambak ng Zeboim na papunta sa disyerto.

19 Nang mga panahong iyon, walang panday sa buong Israel. Hindi sila pinayagan ng mga Filisteo dahil sinabi nila, “Baka gumawa ng mga espada at sibat ang mga Hebreo.” 20 Kaya kinakailangan pa ng mga Israelitang pumunta sa mga Filisteo kung maghahasa sila ng kanilang talim ng araro, piko, palakol at karit. 21 At mahal ang singil sa kanila. Ang bayad sa pagpapahasa ng araro at piko ay dalawang pirasong pilak at sa pagpapahasa ng palakol at talim ng pantaboy sa hayop ay isang pirasong pilak. 22 Kaya nang araw ng digmaan, wala ni isang sundalo sa Israel ang may espada at sibat maliban kina Saul at Jonatan. 23 Samantala, nagpadala ang mga Filisteo ng mga sundalo para bantayan ang daanan papuntang Micmash.

Sinalakay ni Jonatan ang mga Filisteo

14 Isang araw, sinabi ni Jonatan sa binata na tagapagdala ng kanyang armas, “Halika, pumunta tayo sa kampo ng mga Filisteo.” Pero hindi niya ito sinabi sa kanyang ama.

Si Saul naman noon ay nasa ilalim ng punong pomegranata sa Migron, na nasa labas ng Gibea, at kasama ang 600 niyang tauhan sa di-kalayuan. Naroon din ang paring si Ahia na nakasuot ng espesyal na damit[j] ng pari. Si Ahia ay anak ni Ahitub na kapatid ni Icabod. Si Ahitub ay anak ni Finehas na anak naman ni Eli na pari na naglingkod noon sa Shilo. Walang nakakaalam na umalis si Jonatan.

May bangin sa magkabilang gilid ng dinadaanan ni Jonatan papunta sa kampo ng mga Filisteo; ang isaʼy tinatawag na Bozez at ang isaʼy tinatawag na Sene. Ang isaʼy nasa gawing hilaga at nakaharap sa Micmash, at ang isaʼy nasa gawing timog at nakaharap sa Gibea.

Sinabi ni Jonatan sa tagapagdala niya ng armas, “Puntahan natin ang kampo ng mga taong iyon na hindi kumikilala sa Dios.[k] Baka sakaling tulungan tayo ng Panginoon, dahil walang makakapigil kung loloobin niyang magtagumpay tayo, kahit marami o kakaunti tayo.” Sinabi ng tagapagdala niya ng armas, “Gawin nʼyo po ang anumang iniisip ninyo. Kasama nʼyo ako kahit ano ang mangyari.”

Sinabi ni Jonatan, “Tayo na, pupuntahan natin sila at magpapakita tayo sa kanila. Kung sasabihin nilang sila ang lalapit sa atin para makipaglaban, hindi na tayo aakyat pa sa kanila, hihintayin na lang natin sila. 10 Pero kung sasabihin nilang tayo ang lumapit, aakyat tayo dahil iyon ang tanda na ipapatalo sila sa atin ng Panginoon.”

11 Nang magpakita silang dalawa roon sa mga Filisteo, sumigaw ang mga Filisteo, “Tingnan ninyo ang mga Hebreo![l] Naglalabasan na sila mula sa pinagtataguan nila.” 12 At sinigawan nila sina Jonatan at ang tagapagdala niya ng armas, “Lumapit kayo rito, nang maturuan namin kayo ng leksyon.” Sinabi ni Jonatan sa tagapagdala niya ng armas, “Halika, sumunod ka sa akin dahil tutulungan tayo ng Panginoon na talunin sila ng Israel.”

13 Kaya gumapang si Jonatan paakyat, kasunod ang tagapagdala niya ng armas. Pinatay ni Jonatan ang mga Filisteo at ganoon din ang ginawa ng tagapagdala niya ng armas. 14 Sa unang pagsalakay na ito, napatay nila ang 20 Filisteo at nagkalat ang mga bangkay ng mga ito sa kalahating ektaryang lupa roon. 15 Natakot nang matindi ang mga Filisteong nasa kampo, nasa bukid, at pati na ang mga sundalo nilang sasalakay. At lumindol, kaya lalo pang tumindi ang takot nila.[m]

16 Doon sa Gibea, sa lupain ng Benjamin, nakita ng mga tagapagbantay ni Saul ang mga sundalong Filisteo na nagtatakbuhan papunta sa ibaʼt ibang direksyon. 17 Sinabi ni Saul sa mga tauhan niya, “Tipunin ninyo ang mga sundalo at tingnan kung sino ang nawawala.” At nalaman nila na wala si Jonatan at ang tagapagdala niya ng armas.

18 Sinabi ni Saul kay Ahia, “Dalhin dito ang Kahon ng Dios.”[n] (Nang panahong iyon, ang Kahon ng Kasunduan ay nasa mga Israelita.)[o] 19 Habang nakikipag-usap si Saul sa pari, lalo pang lumakas ang sigawan at kaguluhan sa kampo ng mga Filisteo kaya sinabi ni Saul kay Ahia, “Hayaan mo na. Itigil mo na iyan.” 20 Agad na tinipon ni Saul ang mga tauhan niya at sumugod sa digmaan. Nakita nila ang mga Filisteo na nagkakagulo at sila-sila ang nagpapatayan. 21 Pati na ang mga Hebreong dating kakampi ng mga Filisteo ay pumunta sa kampo ng mga Israelita at kumampi kina Saul at Jonatan. 22 Nang makita ng lahat ng mga Israelitang nagtatago sa kaburulan ng Efraim na nagsisitakas ang mga Filisteo, sumama na rin sila sa paghabol. 23 Nang araw na iyon, iniligtas ng Panginoon ang mga Israelita at umabot pa ang digmaan hanggang sa Bet Aven.

Ang Sumpa ni Saul

24 Nang araw na iyon, nanghina ang mga Israelita sa gutom dahil pinanumpa sila ni Saul, na sinabi, “Sumpain ang sinumang kakain ng pagkain bago gumabi, hanggaʼt hindi pa ako nakakapaghiganti sa aking mga kalaban.” Kaya walang kumain kahit isa sa kanila. 25 Pumunta ang lahat ng sundalo sa kagubatan, kung saan may mga pulot na tumutulo sa lupa. 26 Hindi nila ito tinikman man lang dahil natatakot sila sa sumpa.

27 Pero hindi narinig ni Jonatan na pinanumpa ng kanyang ama ang mga tao, kaya isinawsaw niya ang dulo ng isang patpat sa pulot at kinain ito. Pagkakain niya, bumuti ang pakiramdam niya. 28 Nakita siya ng isa sa mga tauhan at sinabi sa kanya, “Pinanumpa ng inyong ama ang buong hukbo na huwag kumain ngayong araw na ito kaya hinang-hina na kami.” 29 Sinabi ni Jonatan, “Hindi tama ang ginagawa niya sa bayan natin. Tingnan mo kung paano bumuti ang pakiramdam ko nang tumikim ako ng kaunting pulot. 30 Ano pa kaya kung pinayagan silang kumain ng mga masasamsam natin sa ating mga kalaban, siguro mas marami pa tayong napatay na mga Filisteo.”

31 Nang araw na iyon, matapos talunin ng mga Israelita ang mga Filisteo mula sa Micmash hanggang sa Ayalon, napagod at nagutom sila nang husto. 32 Kaya, nagmamadali silang humuli ng mga tupa at baka na kanilang nasamsam, at doon mismo ay kinatay nila ang mga ito at kinain nang hindi inalisan ng dugo. 33 May nagsabi kay Saul, “Tingnan nʼyo, nagkakasala sa Panginoon ang mga tauhan ninyo dahil kumain sila ng karneng may dugo pa.” Sinabi ni Saul, “Isang malaking pagtataksil ito! Humanap kayo ng isang malaking bato at pagulungin nʼyo rito. 34 At puntahan nʼyo ang mga tauhan ko at sabihan silang dalhin dito ang mga baka at tupa. Dito nila katayin at kainin ang mga ito. Sabihin nʼyo rin sa kanila na huwag silang magkasala sa Panginoon dahil sa pagkain ng karneng may dugo pa.” Kaya nang gabing iyon, dinala ng mga tauhan ni Saul ang kanilang mga baka at tupa sa kanya at doon kinatay. 35 Gumawa naman si Saul ng altar para sa Panginoon. Ito ang unang altar na ginawa niya.

36 Sinabi ni Saul, “Sasalakayin natin ngayong gabi ang mga Filisteo at tatalunin natin sila hanggang sa umaga, sasamsamin natin ang mga ari-arian nila at papatayin silang lahat. Wala tayong ititirang buhay.” Sumagot ang mga tao, “Gawin nʼyo po kung ano sa tingin nʼyo ang mabuti.” Pero sinabi ng pari, “Tanungin muna natin ang Dios tungkol sa bagay na ito.” 37 Kaya nagtanong si Saul sa Dios, “Sasalakayin po ba namin ang mga Filisteo? Ipapatalo nʼyo ba sila sa amin?” Pero hindi sumagot ang Dios nang araw na iyon. 38 Kaya sinabi ni Saul sa mga pinuno ng mga mamamayan ng Israel, “Magtipon kayong lahat dito, kailangang malaman natin ang nagawa nating kasalanan sa araw na ito. 39 Isinusumpa ko sa ngalan ng buhay na Panginoon na nagligtas sa mga Israelita, mamamatay ang nagkasala kahit na siya ay ang anak kong si Jonatan.” Pero wala ni isa mang nagsalita sa mga Israelita.

40 Sinabi pa niya sa lahat ng mga Israelita, “Tumayo kayo riyan at tatayo rin kami ng anak kong si Jonatan.” Pumayag naman ang mga tao. 41 Pagkatapos, nanalangin si Saul, “Panginoon, Dios ng Israel, ipaalam nʼyo po sa amin kung sino ang nagkasala.” Sa pamamagitan ng palabunutan, sina Saul at Jonatan ang napiling nagkasala at hindi ang mga tao. 42 Sinabi ni Saul, “Magpalabunutan naman tayo ngayon para malaman kung sino sa aming dalawa ni Jonatan ang nagkasala. At si Jonatan ang nabunot.” 43 Tinanong ni Saul si Jonatan, “Ano ang ginawa mo?” Sumagot si Jonatan, “Isinawsaw ko po ang dulo ng patpat ko sa pulot at kumain ako ng kaunti. Karapat-dapat po ba akong mamatay?” 44 Sinabi ni Saul, “Oo, dapat kang mamatay. Lubos sana akong parusahan ng Dios kung hindi kita ipapatay.” 45 Pero sinabi ng mga tao kay Saul, “Si Jonatan po ang nagpanalo sa atin, at ngayon, papatayin natin siya? Hindi po maaari! Sumusumpa kami sa buhay na Panginoon na wala ni isa sa buhok niya ang mahuhulog sa lupa,[p] dahil ang Dios po ang tumulong sa kanya sa ginawa niya sa araw na ito.” At hindi nga pinatay si Jonatan dahil iniligtas siya ng mga Israelita. 46 Ipinatigil na ni Saul ang paghabol sa mga Filisteo at bumalik na ang mga Filisteo sa kanilang lugar.

47 Nang maghari si Saul sa Israel, nakipaglaban siya sa mga kalaban nila sa paligid. Ang mga kalaban niya ay ang mga Moabita, Ammonita, Edomita, hari ng mga Zobita at mga Filisteo. Natatalo niya ang sinumang makalaban niya. 48 Buong tapang siyang nakipaglaban at natalo niya ang mga Amalekita. Sa pamamagitan nito, iniligtas niya ang mga Israelita sa kamay ng mga sumasalakay sa kanila at sumamsam ng kanilang mga ari-arian.

Ang Sambahayan ni Saul

49 Ang mga anak na lalaki ni Saul ay sina Jonatan, Ishvi, at Malki Shua; si Merab naman ang kanyang panganay na babae, at si Mical ang bunsong babae. 50 Ang asawa ni Saul ay si Ahinoam na anak ni Ahimaaz. Ang pinuno ng kanyang hukbo ay ang pinsan niyang si Abner, anak ng tiyuhin niyang si Ner. 51 Ang ama ni Saul na si Kish at ang ama ni Abner na si Ner ay magkapatid, silaʼy mga anak ni Abiel.

52 Sa buong panahon ng paghahari ni Saul, naging matindi ang labanan sa pagitan ng mga Israelita at mga Filisteo. Kapag may nakikita si Saul na malakas at magiting na lalaki, ginagawa niya itong sundalo niya.

Itinakwil ng Panginoon si Saul Bilang Hari

15 Sinabi ni Samuel kay Saul, “Isinugo ako noon ng Panginoon para pahiran ka ng langis at ipakita sa mga mamamayan ng Israel na ikaw ang pinili niyang hari. Pakinggan mo ang mensahe ng Panginoon. ‘Ako ang Makapangyarihang Panginoon. Parurusahan ko ang mga Amalekita dahil sa pagsalakay nila sa mga Israelita nang inilabas ko sila sa Egipto. Salakayin ninyo ang mga Amalekita. Lipulin ninyo nang lubusan ang lahat ng naroroon. Patayin ninyo silang lahat, mga lalaki, babae, bata at mga sanggol, pati na rin ang kanilang mga baka, tupa, kamelyo at mga asno.’ ”

Kaya tinipon ni Saul ang mga sundalo sa Telaim. May 200,000 sundalo ang nagtipon, bukod pa ang 10,000 mula sa Juda. Pinangunahan sila ni Saul papunta sa lungsod ng Amalek at naghintay sa natuyong ilog para sumalakay. Nagpasabi siya sa mga Keneo, “Lumayo kayo sa mga Amalekita para hindi kayo mamatay kasama nila. Naging mabuti kayo sa lahat ng mga Israelita nang lumabas sila sa Egipto.” Kaya lumayo ang mga Keneo sa mga Amalekita. Sinalakay nina Saul ang mga Amalekita mula sa Havila hanggang sa Shur, sa gawing silangan ng Egipto. Nilipol nila nang lubusan ang lahat ng Amalekita, pero si Agag na kanilang hari ay hindi nila pinatay kundi binihag lang. Hindi rin nila pinatay ang pinakamainam na tupa at baka pati ang mga anak nito. Ang lahat ng maiinam ay hindi nila nilipol, pero ang hindi mapapakinabangan ay nilipol nila nang lubusan.

10 Sinabi ng Panginoon kay Samuel, 11 “Nalungkot ako na ginawa kong hari si Saul. Sapagkat tinalikuran niya ako at hindi sinunod ang utos ko.” Nang marinig ito ni Samuel, labis siyang nabagabag, at nanalangin siya sa Panginoon nang buong magdamag.

12 Kinabukasan, maagang bumangon si Samuel at lumakad para makipagkita kay Saul. Pero may nagsabi sa kanya, “Pumunta si Saul sa Carmel para magpatayo roon ng monumento para sa kanyang karangalan, at pagkatapos ay pumunta siya sa Gilgal.”

13 Pinuntahan ni Samuel si Saul at nang magkita sila, binati siya ni Saul, “Pagpalain ka sana ng Panginoon! Sinunod ko ang mga utos ng Panginoon.” 14 Pero sinabi ni Samuel, “Kung totoong sinunod mo ang utos ng Panginoon, bakit may naririnig akong ingay ng mga tupa at unga ng mga baka?” 15 Sumagot si Saul, “Ang mga iyon ay ang pinakamagandang tupa at mga baka, dala ng mga sundalo galing sa mga Amalekita. Hindi nila pinatay dahil iaalay nila sa Panginoon na iyong Dios, pero maliban sa mga iyon, pinatay naming lahat.” 16 Sinabi ni Samuel, “Tumigil ka! Pakinggan mo ang sinabi ng Panginoon sa akin kagabi.” “Ano iyon?” Tanong ni Saul. 17 Sinabi ni Samuel, “Kahit na maliit ang tingin mo sa sarili noong una, pinili ka pa rin ng Panginoon na maging hari ng buong lahi ng Israel. 18 Inutusan ka niyang ubusin ang lahat ng makasalanang Amalekita at labanan sila hanggang sa maubos silang lahat. 19 Pero bakit hindi ka sumunod sa Panginoon? Bakit dali-dali ninyong sinamsam ang mga ari-arian nila? Bakit mo ginawa ang masamang bagay na ito sa Panginoon?”

20 Sumagot si Saul, “Pero sinunod ko ang Panginoon. Ginawa ko ang iniutos niya sa akin. Binihag ko si Agag, ang hari ng mga Amalekita, at nilipol ko nang lubusan ang mga tao sa nasasakupan niya. 21 Pagkatapos, kinuha ng mga sundalo ko ang pinakamagandang tupa, baka at mga bagay-bagay na nasamsam sa digmaan, na nakatalagang wasakin nang lubos. Dinala nila ang mga ito rito sa Gilgal para ihandog sa Panginoon na iyong Dios.” 22 Pero sumagot si Samuel, “Mas nalulugod ba ang Panginoon sa mga handog ninyo kaysa sa pagsunod sa kanya? Ang pagsunod sa Panginoon ay mas mabuti kaysa sa mga handog. Ang pakikinig sa kanya ay mas mabuti kaysa sa paghahandog ng mga taba ng tupa. 23 Ang pagsuway sa Panginoon ay kasinsama ng pangkukulam at ang katigasan ng uloʼy kasinsama ng pagsamba sa mga dios-diosan. Dahil sa pagsuway mo sa salita ng Panginoon, inayawan ka rin niya bilang hari.”

24 Sinabi ni Saul kay Samuel, “Nagkasala ako; hindi ko sinunod ang mga turo mo at ang utos ng Panginoon. Natakot ako sa mga tao, kaya sinunod ko ang gusto nilang mangyari. 25 Nagmamakaawa ako sa iyo na patawarin mo ako sa mga kasalanan ko at samahan mo ako sa pagsamba sa Panginoon.” 26 Pero sinabi ni Samuel, “Hindi ako sasama sa iyo. Dahil sa pagsuway mo sa Panginoon, ayaw na niya sa iyo bilang hari ng Israel.”

27 Nang patalikod na si Samuel para umalis, hinawakan ni Saul ang laylayan ng damit niya at napunit ito. 28 Sinabi ni Samuel sa kanya, “Inalis na sa iyo ngayon ng Panginoon ang kaharian ng Israel at ibinigay ito sa iba – sa isang tao na mas mabuti kaysa sa iyo. 29 Ang Dios ng Israel ay hindi nagsisinungaling at hindi tulad ng tao na pabago-bago ng isip.” 30 Sumagot si Saul, “Nagkasala ako! Nakikiusap ako, parangalan mo ako sa harap ng mga tagapamahala ng aking mga mamamayan at ng buong Israel sa pamamagitan ng pagsama sa akin sa pagsamba sa Panginoon na iyong Dios.” 31 Kaya sumama si Samuel kay Saul at sumamba si Saul sa Panginoon.

32 Sinabi ni Samuel, “Dalhin mo sa akin si Agag na hari ng mga Amalekita.” Tiwalang-tiwala na lumapit kay Samuel si Agag. Iniisip niya na hindi na siya papatayin.[q] 33 Pero sinabi ni Samuel, “Kung paanong maraming ina ang nawalan ng anak dahil sa pagpatay mo, ngayon, mawawalan din ng anak ang iyong ina.” At pinagtataga ni Samuel si Agag sa presensya ng Panginoon sa Gilgal. 34 Pagkatapos, bumalik si Samuel sa Rama, at si Saul ay umuwi sa Gibea. 35 Mula noon, hindi na nagpakita si Samuel kay Saul hanggang sa mamatay si Samuel. Pero nagdalamhati siya para kay Saul. Nalungkot[r] ang Panginoon na ginawa niyang hari ng Israel si Saul.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®