Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Bible in 90 Days

An intensive Bible reading plan that walks through the entire Bible in 90 days.
Duration: 88 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Deuteronomio 8:1-23:11

Huwag Kalilimutan ang Panginoon

“Sundin ninyong mabuti ang lahat ng utos na ibinibigay ko sa inyo sa araw na ito, para mabuhay kayo nang matagal at dumami, at makapanirahan sa lupaing ipinangako ng Panginoon sa inyong mga ninuno. Alalahanin ninyo kung paano kayo ginabayan ng Panginoon na inyong Dios sa paglalakbay ninyo sa disyerto sa loob ng 40 taon. Ginawa niya ito upang turuan kayong magpakumbaba, at sinubok niya kayo upang malaman kung ano talaga ang nilalaman ng inyong puso, kung susundin ninyo ang kanyang mga utos o hindi. Ibinaba niya kayo sa pamamagitan ng paggutom sa inyo at pagkatapos, binigyan niya kayo ng ‘manna’ – isang klase ng pagkain na hindi pa ninyo natitikman maging ng inyong mga ninuno mula pa noong una. Ginawa ito ng Panginoon para ituro sa inyo na hindi lang sa tinapay nabubuhay ang tao kundi sa bawat salita ng Panginoon. Sa loob ng 40 taon, hindi naluma ang mga damit ninyo at hindi namaga ang mga paa ninyo sa paglalakbay. Dapat ninyong maisip na gaya ng pagdidisiplina ng ama sa kanyang anak, ang Panginoon na inyong Dios ay dumidisiplina rin sa inyo.

“Kaya sundin ninyo ang mga utos ng Panginoon na inyong Dios. Mamuhay kayo ayon sa kanyang pamamaraan at igalang ninyo siya. Sapagkat dadalhin kayo ng Panginoon na inyong Dios sa magandang lupain, na may mga sapa at mga bukal na umaagos sa mga lambak at mga kaburulan. Ang lupaing ito ay may mga trigo, sebada, ubas, igos, pomegranata, olibo at pulot. Hindi kayo mawawalan ng pagkain sa lupaing ito at hindi kayo kukulangin ng anuman. Makakakuha kayo ng bakal sa mga bato nito, at makakahukay kayo ng tanso sa mga kabundukan. 10 Kapag nakakain na kayo at nangabusog, purihin ninyo ang Panginoon na inyong Dios dahil sa magandang lupaing ibinigay niya sa inyo.

11 “Ingatan ninyong huwag makalimutan ang Panginoon na inyong Dios at huwag ninyong susuwayin ang kanyang mga utos at mga tuntunin na ibinigay ko sa inyo sa araw na ito. 12 Kapag nakakain na kayo at nangabusog, at kapag nakapagpatayo na kayo ng maaayos na matitirhan, 13 at dumami na ang inyong mga hayop, pilak, ginto at mga ari-arian, 14 siguraduhin ninyong hindi kayo magyayabang at lilimot sa Panginoon na inyong Dios na naglabas sa inyo sa Egipto kung saan kayo inalipin. 15 Ginabayan niya kayo sa malawak at nakakatakot na disyerto na may mga makamandag na ahas at mga alakdan. Walang tubig sa lugar na iyon pero binibigyan niya kayo ng tubig mula sa bato. 16 Doon sa disyerto, binibigyan niya kayo ng ‘manna’ – isang pagkain na hindi natitikman ng inyong mga ninuno. Ginawa ito ng Panginoon para magpakumbaba kayo at para subukin kayo upang sa bandang huliʼy maging mabuti ang inyong kalagayan. 17 Baka sabihin ninyo sa inyong mga sarili, ‘Sa pamamagitan ng sarili kong kakayahan at lakas, naging akin ang lahat ng kayamanang ito.’ 18 Pero alalahanin ninyo na ang Panginoon na inyong Dios ang siyang nagbigay sa inyo ng kakayahang maging mayaman, at ginawa niya ito para matupad niya ang kasunduan niya sa inyong mga ninuno, katulad ng ginawa niya ngayon.

19 “Ngunit binabalaan ko kayo ngayon, na kung kakalimutan ninyo ang Panginoon na inyong Dios at susunod kayo sa ibang mga dios, at sasamba kayo at maglilingkod sa kanila, siguradong malilipol kayo. 20 Kagaya ng pagwasak ng Panginoon sa mga bansa sa inyong harapan, lilipulin din niya kayo kung hindi kayo susunod sa Panginoon na inyong Dios.

Pagtatagumpay sa Pamamagitan ng Tulong ng Dios

“Makinig kayo, mga mamamayan ng Israel. Tatawid kayo ngayon sa Jordan para sakupin ang mga bansa na mas malaki at mas makapangyarihan kaysa sa inyo. Malalaki ang kanilang lungsod at may matataas na pader na parang umabot na sa langit. Malalakas at matatangkad ang mga naninirahan dito – mga angkan ni Anak! Alam naman ninyo ang tungkol sa mga angkan ni Anak at narinig ninyo na walang makalaban sa kanila. Ngunit ngayon, makikita ninyo na ang Panginoon na inyong Dios ang mangunguna sa inyo na parang apoy na lumalamon sa inyong mga kaaway. Tatalunin niya sila para madali ninyo silang maitaboy at malipol ayon sa ipinangako ng Panginoon sa inyo.

“Kapag naitaboy na sila ng Panginoon na inyong Dios sa inyong harapan, huwag ninyong sasabihin sa inyong mga sarili, ‘Dinala tayo ng Panginoon para angkinin ang lupaing ito dahil matuwid tayo.’ Hindi, palalayasin sila ng Panginoon dahil masama silang bansa. Mapapasainyo ang kanilang lupain hindi dahil matuwid kayo o mabuti kayong mga tao kundi dahil masama sila, at para matupad ng Panginoon ang kanyang ipinangako sa inyong mga ninuno na sina Abraham, Isaac, at Jacob. Alalahanin ninyo na hindi dahil matuwid kayo kaya ibinibigay ng Panginoon na inyong Dios ang magandang lupaing ito. Ang totoo, matitigas ang inyong ulo.

“Alalahanin ninyo kung paano ninyo ginalit ang Panginoon na inyong Dios sa disyerto. Mula nang araw na lumabas kayo sa Egipto hanggang ngayon, palagi na lang kayong nagrerebelde sa Panginoon. Kahit doon sa Bundok ng Sinai,[a] ginalit ninyo ang Panginoon, kaya gusto na lang niya kayong patayin. Nang umakyat ako sa bundok para kunin ang malalapad na bato, kung saan nakasulat ang kasunduan ng Panginoon na kanyang ginawa sa inyo, nanatili ako roon sa loob ng 40 araw at 40 gabi na walang kinakain at iniinom. 10 Ibinigay ng Panginoon sa akin ang dalawang malalapad na bato, na siya mismo ang sumulat ng mga utos na sinabi niya sa inyo na mula sa apoy doon sa Bundok ng Sinai habang nagtitipon kayo.

11 “Pagkatapos ng 40 araw at 40 gabi, ibinigay ng Panginoon sa akin ang dalawang malalapad na bato kung saan nakasulat ang kautusan. 12 At sinabi ng Panginoon sa akin, ‘Bumaba ka agad dahil ang mga mamamayan na pinangunahan mo sa paglabas sa Egipto ay naging masama na. Napakadali nilang tumalikod sa mga tuntunin na iniutos ko sa kanila at gumawa sila ng mga dios-diosan para sambahin nila.’

13 “At sinabi pa ng Panginoon sa akin, ‘Nakita ko kung gaano katigas ang ulo ng mga mamamayang ito. 14 Pabayaan mo akong puksain sila para hindi na sila maalala pa. Pagkatapos, gagawin kita at ang iyong salinlahi na isang bansa na mas makapangyarihan at mas marami pa kaysa sa kanila.’

15 “Kaya bumaba ako mula sa naglalagablab na bundok, dala ang dalawang malalapad na bato kung saan nakasulat ang tuntunin ng kasunduan. 16 At nakita ko ang pagkakasala nʼyo sa Panginoon na inyong Dios. Gumawa kayo ng dios-diosang guya.[b] Napakadali ninyong tumalikod sa mga iniutos ng Panginoon sa inyo. 17 Kaya sa harapan ninyo, ibinagsak ko ang dalawang malalapad na bato at nabiyak ang mga ito.

18 “Pagkatapos, nagpatirapa ako sa harapan ng Panginoon sa loob ng 40 araw at 40 gabi na walang kinakain at iniinom, dahil sa lahat ng mga ginawa ninyong kasalanan. Masama ang ginawa ninyo sa paningin ng Panginoon at nakapagpapagalit ito sa kanya. 19 Natakot ako dahil sa matinding galit ng Panginoon sa inyo dahil baka patayin niya kayo. Ngunit pinakinggan pa rin ako ng Panginoon. 20 Matindi rin ang galit ng Panginoon noon kay Aaron at gusto rin siyang patayin ng Panginoon, pero nanalangin din ako nang panahong iyon para sa kanya. 21 Pagkatapos, kinuha ko ang bakang ginawa ninyo, na nagtulak sa inyo sa kasalanan, at tinunaw ko ito sa apoy. Dinurog ko ito na kasingpino ng alikabok at isinabog sa sapa na umaagos mula sa bundok.

22 “Ginalit din ninyo ang Panginoon doon sa Tabera, sa Masa at sa Kibrot Hataava.

23 “Nang pinalakad kayo ng Panginoon mula sa Kadesh Barnea, sinabi niya sa inyo, ‘Lumakad kayo at angkinin na ninyo ang lupain na ibinigay ko sa inyo.’ Ngunit nagrebelde kayo, hindi ninyo sinunod ang utos ng Panginoon na inyong Dios. Hindi kayo nagtiwala o sumunod sa kanya. 24 Mula nang makilala ko kayo, puro na lang pagrerebelde ang ginagawa ninyo.

25 “Iyan ang dahilan kung bakit ako nagpatirapa sa harapan ng Panginoon sa loob ng 40 araw at 40 gabi dahil sinabi ng Panginoon na pupuksain niya kayo. 26 Nanalangin ako sa Panginoon, ‘O Panginoong Dios, huwag po ninyong puksain ang sarili ninyong mamamayan. Iniligtas po ninyo sila at inilabas sa Egipto sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan. 27 Huwag na ninyong pansinin ang katigasan ng ulo, ang kasamaan at ang mga kasalanan ng mga mamamayang ito, kundi alalahanin ninyo ang inyong mga lingkod na sina Abraham, Isaac, at Jacob. 28 Kung lilipulin nʼyo sila, sasabihin ng mga Egipcio, “Nilipol sila dahil hindi sila kayang dalhin ng Panginoon sa lupaing ipinangako niya sa kanila.” O sasabihin nila, “Pinatay sila ng Panginoon dahil galit siya sa kanila; inilabas niya sila sa Egipto at dinala sa disyerto para patayin.”

29 “ ‘Ngunit sila ay inyong mamamayan. Sila ang sarili ninyong mamamayan na inilabas ninyo sa Egipto sa pamamagitan ng inyong dakilang kapangyarihan.’

Ang Ikalawang Malalapad na Bato(A)

10 “Nang panahong sinabi sa akin ng Panginoon, ‘Gumawa ka ng dalawang malalapad na bato kagaya noong una, at umakyat ka sa bundok papunta sa akin. Gumawa ka rin ng kahon na yari sa kahoy. Isusulat ko sa malalapad na bato ang mga salita na isinulat ko sa unang malalapad na bato na biniyak mo. At ilagay mo ito sa kahon.’

“Kaya gumawa ako ng kahon na yari sa akasya at ng dalawang malalapad na bato gaya noong una, at umakyat sa bundok dala ang dalawang malalapad na bato. Isinulat ng Panginoon sa dalawang malalapad na batong ito ang isinulat niya noong una, ang Sampung Utos na ibinigay niya sa inyo nang nagsalita siya mula sa apoy noong araw na nagtipon kayo sa bundok. Nang maibigay na ito ng Panginoon sa akin, bumaba ako sa bundok at inilagay ito sa kahong ginawa ko, ayon sa iniutos ng Panginoon, at hanggang ngayoʼy naroon pa ito.”

(Naglakbay ang mga Israelita mula sa balon ng mga taga-Jaakan[c] papunta sa Mosera. Doon namatay si Aaron at doon din inilibing. At si Eleazar na anak niya ang pumalit sa kanya bilang punong pari. Mula roon, pumunta sila sa Gudgoda at sa Jotbata, isang lugar na may mga sapa. Nang panahong iyon, pinili ng Panginoon ang lahi ni Levi para sila ang magbuhat ng Kahon ng Kasunduan ng Panginoon, para maglingkod sa kanyang presensya, at para magbasbas sa mga tao sa kanyang pangalan. At hanggang ngayoʼy ganito ang gawain nila. Ito ang dahilan kung bakit walang bahagi o mana ang mga Levita sa lupain, hindi gaya ng ibang mga Israelita. Ang Panginoon ang bahagi nila ayon sa sinabi ng Panginoon na inyong Dios.)

10 Sinabi pa ni Moises, “Gaya ng ginawa ko noong una, nanatili ako sa bundok sa loob ng 40 araw at 40 gabi, at muli akong pinakinggan ng Panginoon at hindi niya kayo pinatay. 11 Sinabi niya sa akin, ‘Lumakad ka at pamunuan ang mga Israelita sa pagpasok at sa pag-angkin sa lupaing ipinangako kong ibibigay sa inyo at sa inyong mga ninuno.’

Igalang at Sundin ang Panginoon

12 “At ngayon, O mga mamamayan ng Israel, ang hinihingi lang ng Panginoon na inyong Dios sa inyo ay igalang ninyo siya, mamuhay ayon sa kanyang pamamaraan, mahalin siya, maglingkod sa kanya nang buong pusoʼt kaluluwa, 13 at sundin ang lahat ng mga utos at tuntunin niya na ibinibigay ko sa inyo sa araw na ito para sa ikabubuti ninyo.

14 “Sa Panginoon na inyong Dios ang kalangitan, kahit ang pinakamataas na langit, pati ang mundo at lahat ng narito. 15 Ngunit pinili ng Panginoon ang inyong mga ninuno para mahalin, at sa lahat ng bansa kayo na mula sa kanilang lahi ang pinili niya hanggang ngayon. 16 Kaya baguhin[d] ninyo ang mga puso ninyo at huwag nang patigasin ang mga ulo ninyo. 17 Sapagkat ang Panginoon na inyong Dios ay Dios ng mga dios at Panginoon ng mga panginoon. Makapangyarihan siya at kamangha-manghang Dios. Wala siyang pinapanigan at hindi siya tumatanggap ng suhol. 18 Ipinagtatanggol niya ang karapatan ng mga ulila at mga biyuda. Minamahal niya ang mga dayuhan[e] at binibigyan sila ng pagkain at mga damit. 19 Kaya mahalin din ninyo ang mga dayuhan, dahil mga dayuhan din kayo noon sa Egipto. 20 Igalang ninyo ang Panginoon na inyong Dios at paglingkuran ninyo siya. Manatili kayo sa kanya at sumumpa kayo sa pangalan lang niya. 21 Purihin ninyo siya, dahil siya ang Dios ninyo na gumawa ng dakila at kamangha-manghang bagay na nakita ninyo. 22 Nang dumating ang inyong mga ninuno sa Egipto, 70 lang silang lahat, pero ngayon, pinadami na kayo ng Panginoon na inyong Dios na katulad ng mga bituin sa langit.

Mahalin at Sundin ang Panginoon

11 “Mahalin ninyo ang Panginoon na inyong Dios at tuparin ang kanyang mga utos, tuntunin, panuntunan at kautusan. Alalahanin ninyo ang naranasang pagtutuwid ng Panginoon na inyong Dios sa inyo. Kayo ang nakaranas nito at hindi ang mga anak ninyo. Hindi sila ang nakakita ng kadakilaan at kapangyarihan ng Panginoon, at ng mga himala na ginawa niya sa Egipto laban sa Faraon na hari nito at sa buong bansa nito. Hindi rin nila nakita ang ginawa ng Panginoon sa mga sundalong Egipcio at sa mga kabayo at mga karwahe nila, at kung paano nilunod ng Panginoon ang mga ito sa Dagat na Pula nang hinabol nila kayo. Nangamatay silang lahat. Hindi rin nakita ng mga anak ninyo ang ginawa ng Panginoon sa inyo roon sa disyerto hanggang sa makarating kayo sa lugar na ito, at kung ano ang ginawa niya kina Datan at Abiram, na mga anak ni Eliab na lahi ni Reuben. Nilamon sila ng lupang bumuka, pati ang kanilang pamilya, tolda at ang lahat ng nakatirang kasama nila. Nangyari ito sa harap ng mga Israelita. Kayo ang nakakita ng mga dakilang bagay na ito na ginawa ng Panginoon.

“Kaya sundin ninyo ang lahat ng utos na ibinibigay ko sa inyo ngayon para may lakas kayo sa paglalakbay at sa pag-agaw ng lupain sa kabila ng Jordan. Kung susunod kayo, mabubuhay kayo nang matagal doon sa maganda at masaganang lupain[f] na ipinangako ng Panginoon na ibibigay sa inyong mga ninuno at sa kanilang mga salinlahi. 10 Sapagkat ang lupain na aangkinin at titirhan ninyo ay hindi gaya ng lupain sa Egipto na pinanggalingan ninyo. Doon sa Egipto, kapag magtatanim kayo, magpapakahirap pa kayo ng todo sa pagpapatubig nito. 11 Ngunit ang lupain na aangkinin ninyo ay may mga bundok at lambak na laging nauulanan. 12 Ang lupaing ito ay inaalagaan ng Panginoon na inyong Dios; binabantayan niya ito araw-araw sa buong taon!

13 “Kaya kung lagi lang ninyong susundin ang mga utos na ibinibigay ko sa inyo ngayon, na mahalin ninyo ang Panginoon na inyong Dios at paglingkuran ninyo nang buong pusoʼt kaluluwa, 14 padadalhan niya kayo ng ulan sa tamang panahon para makapag-ani kayo ng trigo, ng bagong katas ng ubas at ng olibo para gawing langis. 15 Bibigyan niya ng pastulan ang mga hayop ninyo, at magkakaroon kayo ng masaganang pagkain.

16 “Mag-ingat kayo dahil baka matukso kayong lumayo sa Dios at sumamba sa ibang mga dios at maglingkod sa kanila. 17 Kapag ginawa ninyo ito, magagalit ang Panginoon sa inyo at hindi na niya pauulanin at hindi na kayo makakapag-ani, at sa huli ay mawawala kayo sa magandang lupain na ibibigay ng Panginoon sa inyo. 18 Kaya panatilihin ninyo ang mga salita kong ito sa inyong pusoʼt isipan. Itali ninyo ito sa mga braso ninyo at ilagay sa inyong noo bilang paalala sa inyo. 19 Ituro ito sa inyong mga anak. Pag-usapan ninyo ito kapag naroon kayo sa inyong bahay at kapag naglalakad kayo, kapag nakahiga kayo o kapag kayoʼy babangon. 20 Isulat ninyo ito sa mga hamba ng inyong mga pintuan at sa pintuan ng inyong lungsod, 21 para kayo at ang inyong mga anak ay mabuhay nang matagal doon sa lupaing ipinangako ng Panginoon na ibibigay sa inyong mga ninuno. Maninirahan kayo rito hanggaʼt may langit sa ibabaw ng mundo.

22 “Kung susundin ninyong mabuti ang lahat ng mga utos na ibinibigay ko sa inyo, na mahalin ninyo ang Panginoon na inyong Dios at mabuhay ayon sa kanyang pamamaraan at manatili sa kanya, 23 itataboy ng Panginoon ang mga tao sa lupain na inyong aangkinin kahit na mas malaki at mas makapangyarihan pa sila sa inyo. 24 Ang lahat ng lupang matatapakan ninyo ay magiging inyo: mula sa disyerto papunta sa Lebanon, at mula sa Ilog ng Eufrates hanggang sa Dagat ng Mediteraneo.[g] 25 Walang makakapigil sa inyo. Ayon sa ipinangako ng Panginoon na inyong Dios sa inyo, loloobin niyang matakot ang mga tao sa inyo saanmang dako kayo pumunta sa lugar na iyon. 26 Makinig kayo! Pinapapili ko kayo ngayon sa pagpapala o sa sumpa. 27 Pagpapalain kayo kung susundin ninyo ang mga utos ng Panginoon na inyong Dios na ibinibigay ko sa inyo ngayon. 28 Susumpain ko kayo kung hindi ninyo susundin ang mga utos na ito ng Panginoon na ibinibigay ko sa inyo ngayon, at sumamba sa ibang mga dios na hindi naman ninyo kilala. 29 Kapag dinala kayo ng Panginoon na inyong Dios sa lupain na inyong titirhan at aangkinin, ipahayag ninyo ang mga pagpapala sa Bundok ng Gerizim at ang sumpa ay ipahayag ninyo sa Bundok ng Ebal. 30 Ang mga bundok na ito ay nasa kanluran ng Ilog ng Jordan, sa lupain ng mga Cananeo na naninirahan sa Lambak ng Jordan[h] malapit sa bayan ng Gilgal. Hindi ito malayo sa mga malalaking puno ng Moreh. 31 Tatawid na kayo sa Jordan para pasukin at angkinin ang lupaing ibinibigay ng Panginoon na inyong Dios sa inyo. Kapag nakuha na ninyo ito at doon na kayo naninirahan, 32 sundin ninyo ang lahat ng mga utos at tuntunin na ibinibigay ko sa inyo sa araw na ito.

Ang Lugar na Pinagsasambahan

12 “Ito ang mga utos at tuntunin na dapat nʼyong sundin nang mabuti habang nabubuhay kayo rito sa lupaing ibinibigay sa inyo ng Panginoon, ang Dios ng inyong mga ninuno. Kapag pinalayas na ninyo ang mga taong naninirahan doon, gibain ninyo ang lahat ng lugar na pinagsasambahan nila sa kanilang mga dios-diosan: sa matataas na mga bundok, sa mga kaburulan at sa ilalim ng bawat malalagong punongkahoy. Gibain din ninyo ang kanilang mga altar, durugin ang mga alaalang bato nila, sunugin ang kanilang mga posteng simbolo ng diosang si Ashera, at durugin ang imahen ng kanilang mga dios para hindi na ito alalahanin pa sa mga lugar na iyon.

“Huwag ninyong sasambahin ang Panginoon na inyong Dios na gaya ng paraan ng kanilang pagsamba, kundi dumulog kayo sa Panginoon na inyong Dios at parangalan siya sa lugar na kanyang pipiliin mula sa lahat ng teritoryo ng mga lahi ng Israel. Doon ninyo dalhin ang mga handog ninyo na sinusunog at iba pang mga handog, ang inyong mga ikapu, ang inyong mga espesyal na handog, ang inyong mga ipinangakong regalo at mga handog na kusang-loob, gayon din ang panganay ng inyong mga hayop. Doon kayo kumain at ang inyong pamilya sa presensya ng Panginoon na inyong Dios, at magsaya kayo sa lahat ng inyong nagawa dahil pinagpala kayo ng Panginoon.

8-9 “Kapag dumating na kayo sa lugar na kung saan makapagpapahinga na kayo, ang lugar na ibinibigay ng Panginoon na inyong Dios bilang inyong mana, huwag na ninyong gawin ang ginagawa natin ngayon, na kahit saan lang tayo naghahandog. 10 Kapag nakatawid na kayo sa Jordan at nanirahan sa lugar na ibinibigay ng Panginoon na inyong Dios bilang inyong mana, mabubuhay kayo nang mapayapa dahil hindi papayag ang Panginoon na gambalain kayo ng mga kaaway sa inyong paligid. 11 Pagkatapos, dalhin ninyo ang mga handog doon sa lugar na pipiliin ng Panginoon na inyong Dios, kung saan pararangalan siya. Ito ang mga handog na iniutos ko sa inyo: mga handog na sinusunog at ang iba pang mga handog, ang inyong ikapu, ang mga espesyal na regalo at ang lahat ng handog na ipinangako ninyo sa Panginoon. 12 Doon kayo magsasaya sa presensya ng Panginoon na inyong Dios, pati ang inyong mga anak, mga alipin at ang mga Levita na naninirahan sa mga bayan ninyo na walang lupang mamanahin. 13 Huwag ninyong ihandog ang inyong mga handog na sinusunog sa kahit saang lugar lang na gustuhin ninyo, 14 kundi, ihandog ninyo ito sa lugar ng lahi na pipiliin ng Panginoon, at doon ninyo gawin ang lahat ng iniutos ko sa inyo.

15 Pero kung hindi panghandog, maaari ninyong katayin at kainin ang hayop saanman kayo nakatira. Magpakasawa kayong kumain ng karne nito, kagaya ng pagkain ninyo ng usa at ng gasela[i] ayon sa pagpapalang ibinibigay sa inyo ng Panginoon na inyong Dios. Ang bawat tao ay makakakain nito, itinuturing man siyang malinis o marumi. 16 Pero huwag ninyong kakainin ang dugo; ibuhos ninyo ito sa lupa kagaya ng tubig. 17 Huwag din ninyong kainin o inumin ang mga sumusunod: ang ikapu ng inyong mga trigo, bagong katas ng ubas at langis, ang panganay na anak ng inyong mga hayop, ang anumang ipinangako ninyong handog at espesyal na mga regalo, at handog na kusang-loob. 18 Kundi kainin lang ninyo ito sa presensya ng Panginoon na inyong Dios doon sa lugar na pipiliin niya kasama ng inyong mga anak, mga alipin at ng mga Levita na naninirahan sa inyong mga bayan. Magsasaya kayo sa presensya ng Panginoon na inyong Dios sa lahat ng kanyang ginawa. 19 Huwag ninyong pababayaan ang mga Levita habang nabubuhay kayo sa inyong lupain.

20 “Kapag napalawak na ng Panginoon na inyong Dios ang teritoryo ninyo ayon sa ipinangako niya sa inyo, at gusto ninyong kumain ng karne, maaari kayong kumain anumang oras na gustuhin ninyo. 21 Kung malayo sa inyo ang lugar na pinili ng Panginoon na kung saan ninyo siya pararangalan, maaari kayong magkatay ng inyong mga baka o tupa sa inyong lugar. At ayon sa iniutos ko sa inyo, maaari kayong magpakasawa sa pagkain ng mga hayop na ibinigay ng Panginoon sa inyo, 22 katulad ng pagkain ninyo ng gasela at ng usa. Ang bawat tao ay makakakain nito, itinuturing man siyang malinis o marumi. 23 Pero siguraduhin ninyong hindi ninyo kakainin ang dugo, dahil ang buhay ay nasa dugo, at huwag ninyong kakainin ang buhay kasama ng karne. 24 Sa halip, ibuhos ninyo ang dugo sa lupa gaya ng tubig. 25 Huwag ninyo itong kakainin para maging mabuti ang kalagayan ninyo at ng inyong mga lahi, dahil ang pag-iwas sa pagkain ng dugo ay mabuti sa paningin ng Panginoon.

26 “Dalhin ninyo sa lugar na pinili ng Panginoon ang mga bagay na ibibigay ninyo sa Panginoon at ang mga handog na ipinangako ninyo sa kanya. 27 Ihandog ninyo ang dugo at karne ng inyong mga handog sa altar ng Panginoon na inyong Dios. Dapat ninyong ibuhos ang dugo sa gilid ng altar ng Panginoon na inyong Dios, pero pwede ninyong kainin ang karne. 28 Sundin ninyo ang lahat ng tuntuning ito na ibinibigay ko sa inyo, para laging maging mabuti ang kalagayan ninyo at ng lahi ninyo, dahil mabuti at tama ang pagsunod sa mga ito sa paningin ng Panginoon na inyong Dios.

29 “Kapag winasak na ng Panginoon na inyong Dios ang mga bansa na sasalakayin ninyo, at pinalayas ninyo ang mga naninirahan dito at inagaw ang kanilang lugar, 30 huwag kayong magpapabitag sa pamamagitan ng pagsunod sa pagsamba nila sa kanilang mga dios. Huwag ninyong sasabihin, ‘Paano sila sumasamba sa kanilang mga dios? Susundin din namin ang ginagawa nila.’ 31 Huwag ninyo itong gagawin para sambahin ang Panginoon na inyong Dios, dahil sa kanilang pagsamba, ginagawa nila ang lahat ng klase ng kasuklam-suklam na bagay na kinasusuklaman ng Panginoon. Sinusunog pa nila ang mga anak nila bilang handog sa kanilang mga dios.

32 “Sundin ninyo ang lahat ng iniutos ko sa inyo. Huwag ninyo itong dadagdagan o babawasan.

Babala Laban sa Pagsamba sa mga Dios-diosan

13 “Kung may isang propeta o tagapagpaliwanag ng panaginip na nangako sa inyo, na magpapakita siya ng mga himala at kamangha-manghang bagay, at nangyari ang sinabi niya, at sabihin niya sa inyo, ‘Sumunod tayo at sumamba sa ibang mga dios na hindi pa natin nakikilala.’ Huwag kayong maniwala sa kanya, dahil sinusubukan lang kayo ng Panginoon na inyong Dios kung minamahal nʼyo ba siya nang buong pusoʼt kaluluwa. Ang Panginoon ninyong Dios lang ang dapat ninyong sundin at igalang. Tuparin ninyo ang kanyang mga utos at sundin nʼyo siya; paglingkuran siya at manatili kayo sa kanya. Dapat patayin ang propeta o ang tagapagpaliwanag ng panaginip dahil itinuturo niyang magrebelde kayo sa Panginoon na inyong Dios na naglabas sa inyo sa Egipto at nagligtas sa inyo sa pagkaalipin. Tinatangka ng mga taong ito na ilayo kayo sa mga pamamaraang iniutos ng Panginoon na inyong Dios na sundin ninyo. Sa pamamagitan nito, mawawala ang masasamang gawa sa inyong bansa.

“Halimbawang ang iyong kapatid o anak, o ang iyong minamahal na asawa o ang pinakamatalik mong kaibigan ay lihim kang hinikayat at sabihing, ‘Halika, sumamba tayo sa ibang mga dios’ (mga dios na hindi pa natin nakikilala maging ng ating mga ninuno. Kapag hinikayat ka niyang sambahin ang mga dios na sinasamba ng mga tao sa paligid ninyo o ng mga tao sa malalayong lugar), huwag kang magpapadala o makikinig sa kanya. Huwag mo siyang kaaawaan o kakampihan. Dapat mo siyang patayin. Ikaw ang unang babato at susunod ang lahat ng tao, para patayin siya. 10 Babatuhin siya hanggang sa mamatay dahil tinangka niyang ilayo kayo sa Panginoon na inyong Dios na naglabas sa inyo sa Egipto kung saan kayo inalipin. 11 Pagkatapos itong marinig ng mga Israelita, natakot sila, at hindi na sila gumawa ng masasamang gawa.

12 “Kung makabalita kayo na ang isa sa mga bayang ibinibigay ng Panginoon na inyong Dios na inyong titirhan, 13 ay may masasamang taong nag-uudyok sa mga naninirahan sa bayang iyon na sumamba sila sa ibang mga dios na hindi pa nila nakikilala, 14 dapat alamin ninyong mabuti kung totooito. At kung totoong nangyari nga ang kasuklam-suklam na gawang ito, 15 dapat ninyong patayin ang lahat ng naninirahan sa bayang iyon pati na ang kanilang mga hayop. Lipulin ninyo silang lahat bilang handog sa Panginoon. 16 Tipunin ninyo ang lahat ng masasamsam ninyo sa bayang iyon at tumpukin sa gitna ng plasa, at sunugin ninyo ito bilang isang handog na sinusunog sa Panginoon na inyong Dios. Mananatiling wasak ang bayang iyon magpakailanman; hindi na iyon dapat itayong muli. 17 Huwag kayong magtatago ng anumang bagay mula sa bayang iyon na naitakda nang wasakin nang lubusan. Kung susundin ninyo ito, aalisin ng Panginoon ang kanyang matinding galit, at kaaawaan niya kayo. At sa kanyang awa, pararamihin niya kayo ayon sa ipinangako niya sa inyong mga ninuno. 18 Gagawin ito ng Panginoon na inyong Dios kung susundin ninyo ang lahat ng utos na ibinibigay ko sa inyo ngayon at kung gagawa kayo ng matuwid sa kanyang paningin.

Mga Utos tungkol sa Pagluluksa sa Patay

14 “Mga anak kayo ng Panginoon na inyong Dios. Kaya kung magluluksa kayo sa patay, huwag ninyong susugatan ang mga sarili ninyo o aahitan ang mga ulo ninyo. Sapagkat mga mamamayan nga kayo ng Panginoon na inyong Dios. Sa lahat ng tao sa mundo, kayo ang kanyang pinili na maging espesyal niyang mga mamamayan.

Ang mga Hayop na Itinuturing na Malinis at Marumi(B)

“Huwag kayong kakain ng anumang hayop na itinuturing na marumi. Ito ang mga hayop na pwede ninyong kainin: baka, tupa, kambing, usa, mailap na kambing, mailap na tupa at iba pang klase ng usa.[j] Pwede ninyong kainin ang anumang hayop na biyak ang kuko at ngumunguya ng kanilang kinain. Ngunit huwag ninyong kakainin ang mga hayop na nginunguyang muli ang kinain nito pero hindi biyak ang kuko, gaya ng kamelyo, kuneho at daga sa batuhan. Ituring ninyong marumi ang mga hayop na ito. Huwag din ninyong kakainin ang baboy, dahil kahit biyak ang kuko nito, hindi naman nginunguya ang kinakain nito. Huwag ninyong kakainin ang mga hayop na ito o hahawakan ang kanilang patay na katawan.

“Pwede ninyong kainin ang anumang hayop na nabubuhay sa tubig na may mga palikpik at mga kaliskis. 10 Pero huwag ninyong kainin ang walang palikpik at kaliskis. Ituring ninyo itong marumi. 11 Pwede ninyong kainin ang anumang klase ng ibon na itinuturing na malinis. 12-18 Pero huwag ninyong kakainin ang mga ibon katulad ng agila, uwak, ibon na kumakain ng bangkay ng tao o hayop, lawin, kuwago, ibong naninila, ibong dumadagit ng isda, tagak, at paniki.[k] 19 Huwag din ninyong kakainin ang mga insektong may pakpak na gumagapang. 20 Pero pwede ninyong kainin ang mga insektong itinuturing na malinis.

21 “Huwag ninyong kakainin ang anumang hayop na patay na. Maaari ninyo itong ipagbili sa mga dayuhan o ibigay sa mga dayuhang naninirahang sa bayan nʼyo, at kakainin nila ito. Pero huwag kayong kakain nito, dahil ibinukod kayo bilang mamamayan ng Panginoon na inyong Dios.

“Huwag ninyong lulutuin ang batang kambing sa gatas ng kanyang ina.

Ang Ikapu

22 “Dapat ninyong ibukod ang ikasampung bahagi ng lahat ng ani ng inyong bukid bawat taon. 23 Dalhin ninyo ang ikasampung bahagi ng trigo, bagong katas ng ubas at langis, at ang panganay ng inyong mga hayop sa lugar na pipiliin ng Panginoon na inyong Dios, kung saan pararangalan siya. Doon ninyo ito dalhin sa kanyang presensya. Gawin ninyo ito para matuto kayo na laging gumalang sa Panginoon na inyong Dios. 24 Pero kung malayo sa inyo ang lugar na pinili ng Panginoon, at mahihirapan kayo sa pagdadala ng ikasampung bahagi ng mga pagpapala ng Panginoon na inyong Dios, 25 ipagpalit ninyo ang ikasampung bahagi ninyo sa pilak at dalhin ninyo ito roon sa lugar na pinili ng Panginoon na inyong Dios. 26 Pagkatapos, ang pilak na iyon ang ipambili ninyo ng baka, tupa, katas ng ubas o ng iba pang inumin, o ng anumang magustuhan ninyo. Pagkatapos, kainin ninyo ito ng inyong pamilya sa presensya ng Panginoon na inyong Dios at magsaya. 27 At huwag ninyong kalilimutan ang mga Levita na naninirahan sa bayan ninyo, dahil wala silang bahagi o lupang minana.

28 “Sa katapusan ng bawat tatlong taon, tipunin ninyo ang ikasampung bahagi ng ani ninyo sa taong iyon, at dalhin ninyo ito sa pinagtataguan nito sa mga bayan ninyo. 29 Ibigay ninyo ito sa mga Levita na walang lupang minana, sa mga dayuhan na naninirahang kasama ninyo, sa mga ulila at sa mga biyuda sa bayan ninyo para makakain din sila at mabusog. Kung gagawin ninyo ito, pagpapalain kayo ng Panginoon na inyong Dios sa lahat ng ginagawa ninyo.

Ang Taon ng Pagkansela ng Utang

15 “Sa katapusan ng bawat ikapitong taon, dapat ninyong kanselahin na ang lahat ng utang. Ito ang gawin ninyo: Hindi na dapat singilin ng nagpautang ang utang ng kapwa niya Israelita. Hindi na niya ito sisingilin dahil umabot na ang panahon na itinakda ng Panginoon na kanselahin ang mga utang. Pwede ninyong singilin ang mga dayuhan pero kanselahin dapat ninyo ang utang ng kapwa ninyo Israelita.

“Kailangang walang maging mahirap sa inyo sa lupaing ibinibigay sa inyo ng Panginoon na inyong Dios na inyong aangkinin, dahil tiyak na pagpapalain niya kayo, basta sundin ninyong mabuti ang Panginoon na inyong Dios at tuparin ang lahat ng utos na ibinibigay ko sa inyo ngayon. Pagpapalain kayo ng Panginoon na inyong Dios ayon sa ipinangako niya sa inyo. Maraming bansa ang mangungutang sa inyo, pero kayo ay hindi mangungutang. Pamamahalaan ninyo ang maraming bansa pero hindi kayo mapamamahalaan.

“Kung may mahirap sa bayan ninyo, sa lupaing ibinibigay sa inyo ng Panginoon na inyong Dios, huwag kayong maging maramot sa kanya. Kundi maging mapagbigay kayo at pautangin ninyo siya ng kanyang mga pangangailangan. Huwag kayong mag-iisip ng masama, na dahil sa malapit na ang ikapitong taon, ang taon ng pagkakansela ng mga utang, hindi na lang kayo magpapautang sa mga kababayan ninyong mahihirap. Kapag dumaing sa akin ang mga mahihirap na ito dahil sa inyong ginawa, may pananagutan kayo. 10 Magbigay kayo sa kanila nang bukal sa loob. Kung gagawin ninyo ito, pagpapalain kayo ng Panginoon na inyong Dios sa lahat ng inyong ginagawa. 11 Hindi maiiwasan na may mahihirap sa inyong bayan, kaya inuutusan ko kayong maging lubos na mapagbigay sa kanila.

Ang Pagpapalaya sa mga Alipin(C)

12 “Kung ang kapwa mo Hebreo, lalaki man o babae ay ipinagbili ang sarili niya sa iyo bilang alipin, at naglingkod siya sa iyo sa loob ng anim na taon, kailangang palayain mo siya sa ikapitong taon. 13 At kapag palalayain mo na siya, huwag mo siyang paaalisin na walang dala. 14 Bigyan mo siya nang saganang hayop, trigo at katas ng ubas ayon sa pagpapala ng Dios sa iyo. 15 Alalahanin ninyo na mga alipin din kayo noon sa Egipto at pinalaya rin kayo ng Panginoon na inyong Dios. Iyan ang dahilan kaya ibinibigay ko ang mga utos na ito sa inyo ngayon.

16 “Pero kung sabihin ng alipin mo sa iyo, ‘Hindi po ako aalis sa inyo dahil mahal ko kayo at ang pamilya ninyo, at mabuti ang kalagayan ko dito sa inyo,’ 17 dalhin mo siya sa pintuan ng bahay mo, butasan ang tainga niya at magiging alipin mo siya sa buong buhay niya. Ganito rin ang gawin mo sa iyong aliping babae.

18 “Huwag sasama ang loob mo kung palalayain mo ang alipin mo dahil ang halaga ng pagseserbisyo niya sa iyo sa loob ng anim na taon ay doble pa sa sweldo na tinatanggap ng isang trabahador. Kung gagawin mo ito, pagpapalain ng Panginoon na inyong Dios ang lahat ng ginagawa mo.

19 “Ibukod ninyo para sa Panginoon na inyong Dios ang lahat ng panganay na lalaki ng inyong mga hayop. Huwag ninyong pag-aararuhin ang mga panganay ng inyong mga baka o pagugupitan ang mga panganay ng inyong mga tupa. 20 Sa halip, kainin ninyo ito at ng inyong pamilya sa presensya ng Panginoon na inyong Dios bawat taon, sa lugar na pipiliin niya. 21 Pero kung may kapintasan ang hayop na ito, halimbawaʼy pilay o bulag o anumang malalang kapansanan, hindi ninyo ito dapat ihandog sa Panginoon na inyong Dios. 22 Sa halip, kainin ninyo ito sa inyong mga bayan. Ang lahat ay makakakain nito, itinuturing man siyang malinis o marumi, katulad ng pagkain ninyo ng usa at ng gasela. 23 Pero huwag ninyong kainin ang dugo, kundi ibuhos ninyo ito sa lupa gaya ng tubig.

Ang Pista ng Paglampas ng Anghel(D)

16 “Ipagdiwang ninyo ang Pista ng Paglampas ng Anghel sa buwan ng Abib[l] bilang pagpaparangal sa Panginoon na inyong Dios, dahil sa buwan na itoʼy inilabas niya kayo nang gabi sa Egipto. Maghandog kayo ng tupa o baka bilang pagdiriwang ng Pista ng Paglampas ng Anghel. Ihandog ninyo ito para sa Panginoon na inyong Dios doon sa lugar na pinili niya, kung saan pararangalan siya. Kainin ninyo ito kasama ng tinapay na walang pampaalsa. Sa loob ng pitong araw, kumain kayo ng tinapay na walang pampaalsa gaya ng ginawa ninyo noong nagmamadali kayong umalis sa Egipto. Kainin ninyo ang tinapay na ito, ang simbolo ng inyong pagtitiis, para maalala ninyo sa buong buhay ninyo ang panahon na lumabas kayo sa Egipto. Wala dapat makitang pampaalsa sa mga bahay ninyo sa buong bansa sa loob ng pitong araw. At ang karneng inihandog nang gabi ng unang araw ay walang matitira sa kinaumagahan.

“Bilang pagdiriwang sa Pista ng Paglampas ng Anghel, ang hayop na ihahandog ninyo ay huwag ninyong ihahandog sa kahit saang bayan na ibinigay sa inyo ng Panginoon na inyong Dios, kundi sa lugar lang na pipiliin niya, kung saan pararangalan siya. Kailangang ihandog ninyo ito sa paglubog ng araw, ang oras na umalis kayo sa Egipto. Lutuin ninyo ito at kainin sa lugar na pinili ng Panginoon na inyong Dios. Pagkaumaga, bumalik kayo sa inyong mga tolda. Sa susunod na anim na araw, kumain kayo ng tinapay na walang pampaalsa, at sa ikapitong araw, huwag kayong magtrabaho, kundi magtipon kayo para sumamba sa Panginoon na inyong Dios.

Ang Pista ng Pag-aani(E)

“Bumilang kayo ng pitong linggo mula sa pag-uumpisa ng tag-ani. 10 Pagkatapos, ipagdiwang ninyo ang Pista ng Pag-aani para parangalan ang Panginoon na inyong Dios sa pamamagitan ng pag-aalay ng mga handog na kusang-loob ayon sa mga pagpapala na natanggap ninyo mula sa Panginoon na inyong Dios. 11 At magsaya kayo sa presensya ng Panginoon na inyong Dios sa lugar na pipiliin niya, kung saan pararangalan siya. Magdiwang kayo kasama ang inyong mga anak, alipin at Levita na naninirahan sa inyong mga bayan, mga dayuhan, mga ulila at mga biyudang naninirahan sa inyong mga bayan. 12 Alalahanin ninyo na naging mga alipin muna kayo sa Egipto, kaya sundin ninyong mabuti ang mga tuntuning ito.

Ang Pista ng Pagtatayo ng mga Kubol(F)

13 “Ipagdiwang ninyo ang Pista ng Pagtatayo ng mga Kubol sa loob ng pitong araw sa katapusan ng tag-ani, pagkatapos na magiik ninyo ang mga trigo at mapiga ang mga ubas. 14 Magsaya kayo sa pagdiriwang ninyo ng pistang ito kasama ng inyong mga anak, mga alipin, mga Levita, mga dayuhan, mga ulila at mga biyudang naninirahan sa bayan ninyo. 15 Sa loob ng pitong araw, ipagdiwang ninyo ang Pistang ito para parangalan ang Panginoon na inyong Dios doon sa lugar na pinili niya. Sapagkat pagpapalain ng Panginoon na inyong Dios ang lahat ng ani ninyo at ang lahat ng ginagawa ninyo, at magiging lubos ang inyong kaligayahan.

16 “Bawat taon, dapat makiisa ang bawat lalaki sa tatlong pistang ito: ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa, ang Pista ng Pag-aani at ang Pista ng Pagtatayo ng mga Kubol. Pupunta ang bawat isa sa kanila sa presensya ng Panginoon na inyong Dios sa lugar na pipiliin niya, 17 at nararapat na magdala sila ng handog sa Panginoon ayon sa pagpapalang ibinigay sa kanila ng Panginoon na inyong Dios.

Ang mga Hukom

18 “Maglagay kayo ng mga hukom at opisyal sa bawat lahi ninyo sa lahat ng bayan na ibinibigay sa inyo ng Panginoon na inyong Dios. Sila ang maghuhukom sa mga mamamayan nang walang pinapanigan. 19 Huwag nilang babaluktutin ang hustisya at dapat wala silang pinapaboran sa paghuhukom. Huwag silang tatanggap ng suhol dahil makakabulag ito sa marurunong at matutuwid, at makakaimpluwensya sa desisyon nila. 20 Dapat mangibabaw ang tamang hustisya para mabuhay kayo at makapanirahan sa lupaing ibinibigay sa inyo ng Panginoon na inyong Dios.

Ang Pagsamba sa Ibang mga Dios-diosan

21 “Huwag kayong magpapatayo ng poste na simbolo ng diosang si Ashera sa tabi ng altar na ginawa ninyo para sa Panginoon na inyong Dios, 22 at huwag kayong magpapatayo ng mga alaalang bato para sambahin, dahil kinasusuklaman ito ng Panginoon na inyong Dios.

17 “Huwag kayong maghahandog sa Panginoon na inyong Dios ng baka o tupa na may kapintasan o kapansanan, dahil kasuklam-suklam ito sa Panginoon.

“Kung ang isang lalaki o babae na naninirahan sa isa sa mga bayan na ibinibigay ng Panginoon ay nahuling gumagawa ng masama sa paningin ng Panginoon na inyong Dios, sinira niya ang kasunduan sa Panginoon at sumuway sa pamamagitan ng pagsamba sa ibang mga dios o sa araw o sa buwan o sa mga bituin; kapag narinig ninyo ito, kailangang imbestigahan ninyo ito nang mabuti. Kung totoo ngang ginawa sa Israel ang kasuklam-suklam na bagay na ito, dalhin ninyo ang taong gumawa ng masama sa pintuan ng lungsod at batuhin hanggang sa mamatay. Pwede lang patayin ang tao kapag napatunayang nagkasala siya sa pamamagitan ng patotoo ng dalawa o tatlong saksi, pero kung isa lang ang saksi, hindi siya pwedeng patayin. Ang mga saksi ang unang babato sa taong nagkasala, at susunod na babato ang lahat ng tao. Sa pamamagitan nito, mawawala ang masasamang gawa sa inyong bansa.

“Kung may mga kaso sa korte ninyo tungkol sa pagpatay, pag-aaway o pananakit na mahirap bigyan ng desisyon; ang gawin ninyo, dalhin ninyo ang kasong ito sa lugar na pinili ng Panginoon na inyong Dios kung saan ang mga pari na mga Levita at ang mga hukom na naglilingkod sa panahong iyon ang magdedesisyon sa kaso. 10 Kailangang tanggapin ninyo ang kanilang desisyon doon sa lugar na pinili ng Panginoon. Sundin ninyong mabuti ang lahat ng sinabi nila sa inyo. 11 Kung anuman ang kanilang napagdesisyunan ayon sa kautusan, dapat ninyo itong sundin. Huwag ninyong susuwayin ang sinabi nila sa inyo. 12 Ang taong hindi tatanggap sa desisyon ng hukom o ng pari na naglilingkod sa Panginoon na inyong Dios ay dapat patayin. Sa pamamagitan nito, mawawala ang masasamang gawa sa inyong bansa. 13 Kapag narinig ito ng lahat ng tao, matatakot sila at hindi na muling gagawa ng bagay na iyon.

Ang mga Hari

14 “Kapag nakapasok na kayo sa lupaing ibinibigay ng Panginoon na inyong Dios at maangkin na ninyo iyon at doon na kayo manirahan, sasabihin ninyo, ‘Pumili tayo ng hari na mamumuno sa atin katulad ng mga bansa sa palibot natin.’ 15 Siguraduhin ninyo na ang pipiliin ninyong hari ay ang pinili rin ng Panginoon na inyong Dios, at kailangang katulad ninyo siyang Israelita. Huwag kayong pipili ng dayuhan. 16 Hindi dapat mag-ipon ng maraming kabayo ang hari ninyo, at hindi niya dapat pabalikin sa Egipto ang mga tauhan niya para bumili ng mga kabayo, dahil sinabi ng Panginoong Dios sa inyo na huwag na kayong babalik doon. 17 Hindi siya dapat magkaroon ng maraming asawa dahil baka tumalikod siya sa Panginoon. At hindi dapat siya nagmamay-ari ng maraming pilak at ginto.

18 “Kung uupo na siya sa trono bilang hari, kailangan niyang kopyahin ang mga kautusang ito para sa kanyang sarili sa harapan ng mga pari na mga Levita. 19 Dapat niya itong ingatan at laging basahin sa buong buhay niya para matuto siyang gumalang sa Panginoon na kanyang Dios, at masunod niya nang mabuti ang lahat ng sinasabi ng mga kautusan at mga tuntunin. 20 Sa pamamagitan din ng laging pagbabasa nito, makakaiwas siya sa pagyayabang sa kapwa niya Israelita, at makakaiwas siya sa pagsuway sa mga utos ng Panginoon. Kung susundin niyang lahat ito, maghahari siya at ang kanyang angkan nang matagal sa Israel.

Mga Handog para sa mga Pari at sa mga Levita

18 “Ang mga pari na mga Levita, at ang iba pang mga sakop ng lahi ni Levi ay walang lupaing mamanahin sa Israel. Makakakain lang sila sa pamamagitan ng mga handog sa pamamagitan ng apoy para sa Panginoon, dahil ito ang kanilang mana. Wala silang mamanahing lupain hindi tulad ng kapwa nila Israelita; ang Panginoon ang kanilang mana ayon sa ipinangako niya sa kanila.

“Balikat, pisngi at tiyan ang mga bahaging mula sa baka o tupa na mula sa handog ng mga tao ang nakalaan para sa mga pari. Ibigay din ninyo sa mga pari ang naunang bahagi ng inyong trigo, bagong katas ng ubas, langis at balahibo ng tupa. Sapagkat sa lahat ng lahi ng Israel, sila at ang kanilang mga angkan ang pinili ng Panginoon na inyong Dios para maglingkod sa kanya magpakailanman.

“Ang sinumang Levita na naninirahan sa kahit saang lugar ng Israel ay makakapunta sa lugar na pinili ng Panginoon, at makapaglilingkod siya roon sa Panginoon na kanyang Dios, katulad ng kapwa niya Levita na naglilingkod doon sa presensya ng Panginoon. Makakatanggap din siya ng kanyang bahagi sa mga handog kahit na mayroon pa siyang tinatanggap mula sa iba na kanyang ikinabubuhay.

Ang mga Kasuklam-suklam na Kaugalian

“Kapag nakapasok na kayo sa lupaing ibinibigay sa inyo ng Panginoon na inyong Dios, huwag ninyong susundin ang kasuklam-suklam na mga kaugalian ng mga naninirahan doon. 10 Wala ni isa man sa inyo na magsusunog ng kanyang anak bilang handog. At huwag din kayong manghuhula, mangkukulam, 11 manggagaway, gumagawa ng mga ginagawa ng mga espiritista, at makikipag-usap sa espiritu ng mga patay. 12 Kinasusuklaman ng Panginoon ang sinumang gumagawa ng mga bagay na ito. Ito ang dahilan kung bakit palalayasin ng Panginoon na inyong Dios ang mga bansa sa inyong harapan. 13 Wala dapat kayong maging kapintasan sa harap ng Panginoon na inyong Dios.

Ang mga Propeta

14 “Ang mga bansang ito na palalayasin ninyo ay sumasangguni sa mga mangkukulam at mga manghuhula. Pero kayo, pinagbabawalan ng Panginoon na inyong Dios sa paggawa nito. 15 Sa halip, magpapadala sa inyo ang Panginoon na inyong Dios ng isang propeta na mula sa inyo at kadugo ninyo tulad ko. At kailangang makinig kayo sa kanya. 16 Sapagkat ito ang hinihingi ninyo sa Panginoon na inyong Dios nang magtipon kayo roon sa Horeb. Sinabi ninyo sa Panginoon, ‘Huwag nʼyong iparinig sa amin ang boses nʼyo o ipakita ang naglalagablab na apoy dahil baka mamatay kami.’

17 “Kaya sinabi ng Panginoon sa akin, ‘Mabuti ang kanilang hinihingi. 18 Magpapadala ako sa kanila ng isang propeta na mula sa kanila at kadugo nila tulad mo. Ipasasabi ko sa kanya ang lahat ng gusto kong sabihin sa kanila. 19 Parurusahan ko ang sinumang hindi makikinig sa aking mga salita na sinasabi ng propeta na ito sa pamamagitan ng aking pangalan. 20 At kailangang patayin ang sinumang propetang magsasalita sa aking pangalan nang hindi ko inuutusan o magsasalita sa pangalan ng ibang dios.’

21 “Maaaring isipin ninyo, ‘Paano ba namin malalaman kung iyon nga ay mensahe ng Panginoon?’ 22 Kapag ang sinabi ng propeta na gumamit ng pangalan ng Panginoon ay hindi mangyari o magkatotoo, ang mensahe niya ay hindi galing sa Panginoon. Gawa-gawa lang iyon ng propeta, kaya huwag kayong matakot sa kanya.

Ang mga Lungsod na Tanggulan(G)

19 “Kapag nilipol na ng Panginoon na inyong Dios ang mga mamamayan na ang mga lupain ay ibinibigay niya sa inyo, at kapag napalayas na ninyo sila at doon na kayo naninirahan sa kanilang mga bayan at mga bahay, pumili kayo ng tatlong lungsod na tanggulan sa lupaing ibinibigay sa inyo ng Panginoon na inyong Dios na aangkinin ninyo. Hatiin ninyo sa tatlong distrito ang lupaing ibinibigay sa inyo ng Panginoon na inyong Dios, na may isang lungsod na tanggulan sa bawat distrito. Ayusin ninyo ang mga daan papunta doon, para ang sinumang makapatay ng tao ay makakatakas papunta sa isa sa mga lungsod na iyon. Kung nakapatay ng tao ang kanyang kapwa nang hindi sinadya at hindi dahil sa galit, makakatakas siya papunta sa mga lungsod na tanggulan at walang makakapanakit sa kanya doon.

“Kung ang isang tao ay pumunta sa kakahuyan para mangahoy kasama ang kanyang kapitbahay, at habang pumuputol siya ng kahoy ay biglang natanggal ang ulo ng palakol niya at natamaan ang kapitbahay niya, at namatay ito, pwede siyang makatakas papunta sa isa sa mga lungsod na tanggulan at walang makakapanakit sa kanya doon. Kung ang lungsod na tanggulan ay malayo sa taong nakapatay, baka habulin siya ng tao na gustong gumanti sa kanya, at mapatay siya. Pero hindi siya dapat patayin dahil hindi sinasadya ang pagkakapatay niya at wala naman siyang galit sa napatay. Ito ang dahilan kung bakit ko kayo inuutusang pumili ng tatlong lungsod na tanggulan.

“Palalawakin ng Panginoon na inyong Dios ang teritoryo ninyo ayon sa ipinangako niya sa inyong mga ninuno, at magiging inyo ang buong lupain na ipinangako niya sa kanila. Gagawin ito ng Panginoon na inyong Dios kung susundin ninyong mabuti ang lahat ng utos na iniuutos ko sa inyo ngayon, na mahalin ninyo ang Panginoon na inyong Dios at mamuhay kayong lagi ayon sa kanyang mga pamamaraan. Kapag lumawak na ang inyong lupain, magdagdag pa kayo ng tatlo pang bayan na tanggulan. 10 Gawin ninyo ito para walang inosenteng tao na mamamatay sa lupain ninyo, na ibinibigay sa inyo ng Panginoon na inyong Dios bilang mana, at para hindi na kayo magkasala kung may inosenteng tao na mapatay.

11 “Ngunit kung ang isang tao ay napopoot sa kanyang kapwa at inabangan niya ito at pinatay, at pagkatapos ay tumakas siya papunta sa isa sa mga lungsod na tanggulan, 12 kailangang ipakuha siya ng mga tagapamahala ng kanyang bayan at ibigay sa gustong gumanti sa kanya para patayin siya. 13 Huwag kayong maaawa sa kanya. Kailangang alisin ninyo sa Israel ang pumapatay ng mga inosenteng tao para maging mabuti ang inyong kalagayan.

Ang Hangganan ng Lupa

14 “Kapag dumating na kayo sa lupaing ibinibigay sa inyo ng Panginoon na inyong Dios na inyong aangkinin, huwag ninyong nanakawin ang lupain ng inyong kapwa sa pamamagitan ng paglilipat ng muhon[m] ng kanyang lupain na inilagay noon ng inyong ninuno.

Ang mga Saksi

15 “Huwag ninyong hahatulan na nagkasala ang isang tao dahil lang sa patotoo ng isang saksi. Kailangang may dalawa o tatlong saksi na magpapatotoo na ang isang tao ay nagkasala. 16 Kung ang isang saksi ay tatayo sa korte at magpapahayag ng kasinungalingan na nagkasala ang isang tao, 17 patatayuin silang dalawa sa presensya ng Panginoon, sa harap ng mga pari at ng mga hukom na naglilingkod sa panahong iyon. 18-19 Dapat itong imbestigahang mabuti ng mga hukom, at kung mapapatunayang nagsisinungaling nga ang saksi sa pamamagitan ng pambibintang sa kanyang kapwa, dapat siyang parusahan ng parusang dapat sana ay sa taong pinagbintangan niya. Sa pamamagitan nito, mawawala ang masasamang gawa sa inyong bansa. 20 Matatakot ang makakarinig nito at wala nang gagawa muli ng masamang gawang ito. 21 Huwag kayong magpakita ng awa. Kung pinatay ng isang tao ang kapwa niya, dapat din siyang patayin. Kung nambulag siya, dapat din siyang bulagin. Kung nambungi siya, dapat din siyang bungiin. Kung nambali siya ng kamay at paa, dapat ding baliin ang kamay at paa niya.

Ang mga Kautusan tungkol sa Digmaan

20 “Kung kayoʼy makikipagdigma, at makita ninyo na mas marami ang mga kabayo, karwahe at sundalo ng inyong kalaban, huwag kayong matatakot, dahil kasama ninyo ang Panginoon na inyong Dios na naglabas sa inyo sa Egipto. Bago kayo pumunta sa digmaan, dapat lumapit muna ang pari sa harapan ng mga sundalo at sabihin, ‘Makinig kayo, O mamamayan ng Israel! Sa araw na ito ay makikipagdigma kayo sa inyong mga kaaway. Lakasan ninyo ang inyong loob at huwag kayong matakot. Sapagkat ang Panginoon na inyong Dios ang sasama sa inyo! Makikipaglaban siya para sa inyo laban sa mga kaaway ninyo at pagtatagumpayin niya kayo!’

“Pagkatapos, ganito dapat ang sasabihin ng mga opisyal sa mga sundalo: ‘Sinuman sa inyo ang may bagong bahay na hindi pa naitatalaga, umuwi siya, dahil baka mapatay siya sa labanan, at ibang tao ang magtalaga ng bahay niya. Kung mayroon sa inyong nakapagtanim ng ubas at hindi pa niya napapakinabangan ang bunga nito, umuwi rin siya dahil baka mapatay siya sa labanan at ang ibang tao ang makinabang nito. Kung may ikakasal sa inyo, umuwi siya dahil baka mapatay siya sa labanan at ang ibang tao ang pakasalan ng kanyang mapapangasawa.’

“Sasabihin pa ng mga opisyal, ‘Kung mayroon sa inyong natatakot o naduduwag, umuwi siya dahil baka maduwag din ang mga kasama niya.’ Kapag natapos na ng mga opisyal ang pagsasabi nito sa mga sundalo, pipili sila ng mga pinuno para pamahalaan ang mga sundalo.

10 “Kung sasalakay kayo sa isang lungsod, bigyan nʼyo muna sila ng pagkakataong sumuko. 11 Kapag sumuko sila at buksan ang pintuan ng kanilang lungsod, gawin nʼyong alipin silang lahat at pagtrabahuhin para sa inyo. 12 Pero kung hindi sila susuko kundi makikipaglaban sila sa inyo, salakayin ninyo sila. 13 Kapag silaʼy natalo na ninyo sa tulong ng Panginoon na inyong Dios sa inyo, patayin ninyo ang lahat ng kanilang mga lalaki. 14 Ngunit maaari ninyong bihagin ang mga babae, mga bata, at ang mga hayop, at maaari ninyong samsamin ang lahat ng ari-arian na nasa lungsod. Gamitin ninyo ang mga samsam na ito na ibinigay sa inyo ng Panginoon na inyong Dios mula sa mga kaaway ninyo. 15 Gawin lang ninyo ito sa mga lungsod na hindi bahagi ng lupaing sasakupin ninyo. 16 Pero patayin ninyong lahat ang tao sa mga lungsod na ibinibigay sa inyo ng Panginoon na inyong Dios bilang inyong mana. 17 Lipulin ninyo ang lahat ng Heteo, Amoreo, Cananeo, Perezeo, Hiveo at Jebuseo, bilang handog sa Panginoon na inyong Dios ayon sa kanyang iniutos. 18 Sapagkat kung hindi, tuturuan nila kayo ng lahat ng kasuklam-suklam na gawa na ginagawa nila sa pagsamba nila sa kanilang mga dios, at dahil ditoʼy magkakasala kayo sa Panginoon na inyong Dios. 19 Kung matagal ang inyong pagsalakay sa isang lungsod, huwag ninyong puputulin ang mga punong namumunga. Kainin ninyo ang mga bunga nito, pero huwag nga ninyong puputulin, dahil hindi ninyo sila kalaban na inyong lilipulin. 20 Pero maaari ninyong putulin ang mga puno na walang bunga o walang bunga na maaaring kainin, at gamitin ito sa pagsakop sa lungsod hanggang sa maagaw ninyo ito.

Ang Hindi pa Nakikilalang Mamamatay-Tao

21 “Kapag naroon na kayo sa lupaing ibinibigay sa inyo ng Panginoon na inyong Dios na aangkinin ninyo, at may nakita kayong bangkay ng tao at hindi ninyo alam kung sino ang pumatay dito, dapat sukatin ng mga tagapamahala sa inyo kung aling bayan sa palibot ang pinakamalapit kung saan natagpuan ang bangkay. Pagkatapos, kukuha ang mga tagapamahala ng bayang iyon ng dumalagang baka na hindi pa nakakapagtrabaho o nakakapag-araro. Dadalhin nila ito sa lambak na palaging dinadaluyan ng tubig, na ang lupa doon ay hindi pa naaararo o natataniman. At doon nila babaliin ang leeg ng dumalagang baka. Dapat ding pumunta roon ang mga pari na mula sa lahi ni Levi, dahil pinili sila ng Panginoon na inyong Dios na maglingkod at magbigay ng basbas sa pangalan ng Panginoon, at magdesisyon sa lahat ng kaso. Pagkatapos, ang lahat ng tagapamahala ng bayan sa pinakamalapit na lugar kung saan nakita ang bangkay ay maghuhugas ng kamay sa ibabaw ng dumalagang baka na binali ang leeg sa lambak. At sasabihin nila, ‘Hindi kami ang pumatay at hindi rin namin nakita kung sino ang pumatay. 8-9 O Panginoon, patawarin nʼyo po ang mga mamamayan ninyong Israelita na inyong iniligtas sa Egipto. Huwag ninyo kaming panagutin sa kamatayan ng inosenteng taong ito.’ Kung ganito ang gagawin ninyo hindi na kayo pananagutin ng Panginoon sa pagpatay, dahil makikita niya na matuwid kayo.

Ang Pag-aasawa ng Bihag na Babae

10 “Kung nakipaglaban kayo sa inyong mga kaaway at ibinigay sila sa inyo ng Panginoon na inyong Dios, at binihag ninyo sila, 11 at ang isa sa inyo ay nakakita ng magandang babae sa mga bihag at nagustuhan niya ito at gusto niya itong mapangasawa, 12 dadalhin niya ang babae sa kanyang bahay at kakalbuhin ang ulo niya, puputulin ang mga kuko, 13 at papalitan ang suot niyang damit nang binihag siya. Dapat magpaiwan ang babae sa bahay ninyo sa loob ng isang buwan habang nagluluksa siya para sa kanyang mga magulang. Pagkatapos nito, maaari na siyang maging asawa. 14 Pero kung sa bandang huli ay mawalan ang lalaki ng gana sa babae, dapat niya itong payagang pumunta saan man gustuhin ng babae. Hindi na siya dapat pang ipagbili o gawing alipin dahil siyaʼy ipinahiya niya.

Ang Karapatan ng mga Panganay

15 “Kung may isang lalaki na dalawa ang asawa, at mahal niya ang isa pero hindi ang isa, at may mga anak siya sa dalawa. At kung ang panganay niyang lalaki ay anak ng asawa niyang hindi niya mahal, 16 kapag hahatiin na niya ang kanyang ari-arian, kailangang ang parte na para sa panganay na anak ay huwag ibigay sa anak ng asawa niyang minamahal. Dapat niya itong ibigay sa panganay kahit na hindi niya mahal ang ina nito. 17 Kailangan niyang kilalanin na panganay niyang anak ang anak ng asawa niyang hindi minamahal. Ibibigay niya sa kanya nang doble ang bahagi ng ari-arian niya dahil siya ang naunang anak at may karapatan siyang tumanggap ng kanyang bahagi bilang panganay na anak.

Ang Hindi Matapat na Anak

18 “Kung ang isang tao ay may anak na lalaki na matigas ang ulo at suwail na ayaw makinig sa kanyang mga magulang kapag siyaʼy dinidisiplina, 19 dadalhin siya ng kanyang mga magulang sa mga tagapamahala doon sa pintuan ng bayan. 20 Sasabihin nila sa mga tagapamahala, ‘Matigas ang ulo nitong anak namin at rebelde siya; hindi siya sumusunod sa amin. Gastador siya at lasenggo.’ 21 Pagkatapos, dapat siyang batuhin ng lahat ng naninirahan sa bayan hanggang sa mamatay siya. Marinig ito ng lahat ng Israelita at matatakot sila. Sa pamamagitan nito, mawawala ang masasamang gawa sa inyong bansa.

Ang Iba pang mga Kautusan

22 “Kung ang isang tao ay pinarusahan ng kamatayan dahil sa isang krimen na ginawa niya, at ibinitin ang bangkay niya sa puno, 23 hindi dapat umabot hanggang umaga ang bangkay niya roon. Dapat ninyo itong ilibing sa araw ding iyon, dahil ang sinumang ibinitin sa puno ay isinumpa ng Dios. Kung hindi ninyo ito ililibing sa araw ding iyon, madudungisan nito ang lupaing ibinibigay sa inyo ng Panginoon na inyong Dios bilang mana ninyo.

22 “Kapag nakita ninyong nakawala ang baka o tupa ng inyong kapwa, huwag ninyo itong pababayaan, sa halip dalhin ito sa may-ari. Pero kung malayo ang tinitirhan ng may-ari o hindi ninyo alam kung kanino ito, iuwi muna ninyo ito. Kapag hinanap ito ng may-ari, saka ninyo ito ibigay sa kanya. Ganito rin ang gagawin ninyo sa asno o kasuotan o anumang bagay na nawala sa inyong kapwa. Huwag ninyo itong babalewalain.

“Kung makita mo na ang asno o ang baka ng iyong kapwa ay nabuwal sa daan, huwag mo itong pabayaan. Tulungan mo ang may-ari para itayo ito.

“Hindi dapat magsuot ng kasuotang panlalaki ang mga babae, o ang mga lalaki ng kasuotang pambabae, dahil kinasusuklaman ng Panginoon na inyong Dios ang gumagawa nito.

“Kung may makita kayong mga pugad ng ibon sa tabi ng daan, sa punongkahoy, o sa lupa, at ang inahin ay nakaupo sa mga itlog o sa kanyang mga inakay, huwag ninyong kukunin ang inahing kasama ng mga itlog o mga inakay. Maaari ninyong kunin ang mga itlog o mga inakay, pero kailangang pakawalan ninyo ang inahin, para maging mabuti ang inyong kalagayan at mabuhay kayo nang matagal.

“Kung magpapatayo kayo ng bahay, lagyan ninyo ng rehas ang palibot ng inyong patag na bubong para wala kayong pananagutan kung may mahulog mula sa bubong ninyo at mamatay.

“Huwag kayong magtatanim ng ibang binhi sa ubasan. Kung gagawin ninyo ito, magiging pag-aari na ng templo ang bungang itinanim ninyo at pati na rin ang bunga ng inyong ubasan.

10 “Huwag ninyong pagpaparisin ang baka at ang asno sa pag-aararo. 11 Huwag kayong magsusuot ng damit na ginawa sa dalawang klase ng tela.

12 “Lagyan ninyo ng palawit ang apat na gilid ng balabal na damit ninyo.

Ang Kautusan tungkol sa Dangal ng Babae

13 “Kung napangasawa ng isang lalaki ang isang babae, at pagkatapos nilang magsiping ay inayawan ng lalaki ang kanyang asawa 14 at pinagbintangan niya ito. At sinabi niya, ‘Natuklasan kong hindi na birhen ang aking asawa nang sumiping ako sa kanya.’ 15 Pupunta ang magulang ng babae sa mga tagapamahala doon sa may pintuan ng bayan. Magdadala sila ng ebidensya na birhen ang anak nila. 16 At sasabihin ng ama ng babae sa mga tagapamahala, ‘Ipinakasal ko ang anak ko sa taong ito at ngayoʼy nagagalit siya sa anak ko. 17 Pinagbibintangan niya ang anak ko na hindi na siya birhen nang mapangasawa niya. Pero heto ang ebidensya na birhen ang aking anak.’ At ipapakita ng magulang sa mga tagapamahala ang sapin ng mag-asawa na may dugo. 18 Pagkatapos nito, huhulihin ng mga tagapamahala ang lalaki at parurusahan. 19 Pagmumultahin siya ng 100 pirasong pilak at ibibigay ito sa ama ng babae, dahil ipinahiya niya ang isang birheng Israelita. At dapat ay huwag niyang hihiwalayan ang babae habang nabubuhay siya.

20 “Pero kung totoo ang bintang at walang makitang ebidensya na birhen ang babae, 21 dadalhin ang babaeng iyon sa harap ng bahay ng kanyang ama at doon babatuhin siya ng mga lalaki ng bayan hanggang sa mamatay. Sa pamamagitan nito, mawawala ang masasamang gawa sa inyong bansa. Nakakahiya ang bagay na ginawa niya sa Israel sa pamamagitan ng pakikiapid habang nasa poder pa siya ng kanyang ama.

Ang Kautusan tungkol sa Pakikiapid

22 “Kung nakiapid ang isang lalaki sa isang babaeng may asawa, dapat na patayin silang dalawa. Sa pamamagitan nito, mawawala ang masasamang gawa sa inyong bansa.

23 “Kung ang isang lalaki ay nakiapid sa isang dalagang malapit nang ikasal, at nangyari ito sa isang bayan, 24 dadalhin silang dalawa sa pintuan ng bayan at babatuhin hanggang sa mamatay. Papatayin ang babae dahil kahit na naroon siya sa bayan, hindi siya sumigaw para humingi ng tulong. Papatayin din ang lalaki dahil nakiapid siya sa babaeng ikakasal na. Sa pamamagitan nito, mawawala ang masasamang gawa sa inyong bansa.

25 “Ngunit kung ang babaeng ikakasal na ay pinagsamantalahan ng lalaki sa labas ng bayan, ang lalaki lang ang papatayin. 26 Huwag ninyong sasaktan ang babae; hindi siya nagkasala at hindi siya dapat parusahan ng kamatayan. Ang kasong ito ay katulad ng kaso ng tao na sumalakay sa kanyang kapwa at pinatay ito. 27 Dahil sa labas ng bayan pinagsamantalahan ang babae, kahit na sumigaw siya para humingi ng tulong, walang makakarinig sa kanya para tumulong.

28 “Kung nahuli ang isang lalaki na pinagsamantalahan ang isang dalaga na walang nobyo, 29 magbabayad ang lalaki ng 50 pirasong pilak sa ama ng babae. Dapat niyang pakasalan ang babae dahil kinuha niya ang kanyang pagkababae, at hindi niya ito dapat hiwalayan habang siyaʼy nabubuhay.

30 “Hindi dapat makiapid ang anak sa asawa ng kanyang ama, dahil kahiya-hiya ito sa kanyang ama.

Ang mga Taong Itiniwalag sa Kapulungan ng Israel

23 “Walang taong kinapon o pinutulan ng ari ang makakasama sa pagtitipon ng mga mamamayan ng Panginoon.

“Ang anak sa labas ay hindi makakasama sa pagtitipon ng mga mamamayan ng Panginoon pati na ang kanyang angkan hanggang sa ikasampung salinlahi. Walang Amoreo o Moabita o sinuman sa kanilang lahi hanggang sa ikasampung salinlahi ang makakasama sa pagtitipon ng mga mamamayan ng Panginoon. Sapagkat hindi nila kayo binigyan ng pagkain o tubig nang naglalakbay kayo mula sa Egipto, at sinulsulan pa nila si Balaam na anak ni Beor na taga-Petor sa Mesopotamia para sumpain kayo. Ngunit hindi nakinig ang Panginoon na inyong Dios kay Balaam. Sa halip, ginawa niyang basbas ang sumpa sa inyo, dahil minamahal kayo ng Panginoon na inyong Dios. Habang buhay kayo, huwag kayong tutulong sa mga Amoreo o Moabita sa anumang paraan.

“Huwag ninyong kamumuhian ang mga Edomita, dahil kadugo nʼyo sila. Huwag din ninyong kamumuhian ang mga Egipcio dahil tumira kayo dati sa kanilang lupain bilang mga dayuhan. Ang kanilang mga angkan sa ikatlong salinlahi ay maaaring makasama sa pagtitipon ng mga mamamayan ng Panginoon.

Iba pang mga Tuntunin

“Kapag makikipaglaban kayo sa inyong mga kaaway, umiwas kayo sa anumang bagay na makakadungis sa inyo. 10 Kung may isa sa inyo na nilabasan ng binhi sa kanyang pagtulog sa gabi, kailangang lumabas siya sa kampo at doon muna siya manatili.

11 “Pagdating ng hapon, maliligo siya, at paglubog ng araw, maaari na siyang makabalik sa kampo.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®