Bible in 90 Days
19 Tinabunan ng Panginoon ng tubig ang mga kabayo, mga karwahe at mga mangangabayo ng Faraon matapos na makatawid ang mga Israelita sa tuyong lupa sa gitna ng dagat.
20 Kumuha ng tamburin si Miriam na propeta at kapatid ni Aaron, at pinangunahan niya ang mga babae sa pagtugtog ng tamburin at pagsayaw. 21 Inawit ni Miriam ang awit na ito sa kanila:
“Umawit kayo sa Panginoon dahil lubos siyang nagtagumpay.
Itinapon niya sa dagat ang mga kabayo at ang mga sakay nito.”
Ang Mapait na Tubig
22 At dinala ni Moises ang mga Israelita mula sa Dagat na Pula papunta sa ilang ng Shur. Sa loob ng tatlong araw, naglakbay sila sa ilang at wala silang nakitang tubig. 23 Nang makarating sila sa Mara, nakakita sila ng tubig, pero hindi nila ito mainom dahil mapait. (Ito ang dahilan kung bakit Mara ang pangalan ng lugar.)[a] 24 Dahil dito, nagreklamo ang mga Israelita kay Moises, “Ano ang iinumin natin?”
25 Kaya humingi ng tulong si Moises sa Panginoon, at ipinakita ng Panginoon sa kanya ang isang putol ng kahoy. Inihagis ito ni Moises sa tubig at nawala ang pait ng tubig.
Doon ibinigay ng Panginoon ang tuntunin at kautusang ito para subukin ang katapatan nila sa kanya: 26 “Kung susundin ninyo ako nang buong puso, ang Panginoon na inyong Dios, at gagawa ng mabuti sa aking paningin, at susundin ang aking mga kautusan at tuntunin, hindi ko kayo padadalhan ng mga karamdaman gaya ng ipinadala ko sa mga Egipcio, dahil ako ang Panginoon, ang nagpapagaling sa inyo.”
27 Dumating sila sa Elim, kung saan may 12 bukal at 70 puno ng palma, at nagkampo sila malapit sa tubig.
Ang Manna at mga Pugo
16 Mula sa Elim, nagpatuloy sa paglalakbay ang mamamayan ng Israel hanggang sa makarating sila sa ilang ng Zin, na nasa gitna ng Elim at ng Sinai. Nakarating sila roon sa ika-15 araw ng ikalawang buwan mula nang lumabas sila sa Egipto. 2 Doon sa ilang, nagreklamo ang lahat ng mga Israelita kina Moises at Aaron. 3 Sinabi nila, “Mabuti pang pinatay na lang kami ng Panginoon sa Egipto! Doon, kahit paanoʼy nakakakain kami ng karne at ng lahat ng pagkain na gusto namin. Pero dinala nʼyo kami rito sa ilang para patayin kaming lahat sa gutom.”
4 Pagkatapos, sinabi ng Panginoon kay Moises, “Makinig ka! Magpapaulan ako ng pagkain mula sa langit para sa inyo. Bawat araw, mangunguha ang mga Israelita ng pagkain nila para sa araw na iyon. Sa ganitong paraan, masusubok ko kung susundin nila ang mga utos ko. 5 Sabihin mo sa kanila na doblehin nila ang kukunin nilang pagkain tuwing ikaanim na araw ng bawat linggo.”
6 Kaya sinabi nila Moises at Aaron sa lahat ng mga Israelita, “Ngayong gabi, malalaman ninyo na ang Panginoon ang naglabas sa inyo sa Egipto, 7 at bukas ng umaga, makikita ninyo ang makapangyarihang presensya ng Panginoon. Sapagkat narinig niya ang mga reklamo ninyo. Sino ba kami para sa amin kayo magreklamo?” 8 Sinabi pa ni Moises, “Bibigyan kayo ng Panginoon ng karne na kakainin ninyo sa gabi at bubusugin niya kayo ng tinapay sa umaga, dahil narinig niya ang pagrereklamo ninyo sa kanya. Hindi kayo nagrereklamo sa amin kundi sa Panginoon. Sino ba kami para sa amin kayo magreklamo?”
9 Sinabi nina Moises at Aaron, “Sabihin ninyo sa buong mamamayan ng Israel na lumapit sila sa presensya ng Panginoon dahil narinig niya ang pagrereklamo ninyo.”
10 Habang nagsasalita si Aaron sa buong mamamayan ng Israel, tumingin sila sa ilang at nakita nila ang makapangyarihang presensya ng Panginoon sa ulap. 11 Sinabi ng Panginoon kay Moises, 12 “Narinig ko ang mga pagrereklamo ng mga Israelita. Sabihin mo sa kanilang gabi-gabi silang kakain ng karne at araw-araw silang magpapakabusog sa tinapay. At malalaman ninyong ako ang Panginoon na inyong Dios.”
13 Nang dapit-hapon ding iyon, dumagsa ang mga pugo at napuno nito ang buong kampo. Kinaumagahan, basa ng hamog ang buong kampo. 14 Nang mawala ang hamog, may nakita silang maliliit na bagay sa lupa na puting-puti. 15 Hindi nila alam kung ano ito kaya nagtanungan sila, “Ano kaya iyan?” Sinabi ni Moises sa kanila, “Iyan ang pagkain na ibinigay ng Panginoon sa inyo para kainin. 16 Sinabi ng Panginoon na ang bawat isa sa inyoʼy mag-ipon nito ayon sa inyong pangangailangan; mga isang salop bawat tao.”
17 Kaya nanguha ang mga Israelita ng mga pagkaing ito; marami ang kinuha ng iba habang ang iba naman ay kaunti lang. 18 Nang takalin nila ito, isang salop ang nakuha ng bawat tao. Ang nagtipon ng marami ay hindi sumobra, at ang nagtipon ng kaunti ay hindi naman kinulang. Tamang-tama lang ang nakuha ng bawat isa.
19 Sinabi ni Moises sa kanila, “Walang magtitira nito para sa susunod na araw.” 20 Pero ang iba sa kanilaʼy hindi nakinig kay Moises, nagtira sila para sa susunod na araw. Pero inuod ito at bumaho. Kaya nagalit si Moises sa kanila.
21 Tuwing umaga, nangunguha ang bawat isa ayon sa kanyang kailangan. At kapag uminit na, natutunaw ang pagkaing hindi nila nakukuha. 22 Sa ikaanim na araw, doble ang kanilang kinukuha – mga dalawang salop bawat tao. Kaya pumunta ang mga pinuno ng mamamayan ng Israel kay Moises at nagtanong kung bakit doble. 23 Sinabi ni Moises sa kanila, “Iniutos ng Panginoon na magpahinga kayo bukas dahil Araw ng Pamamahinga, na banal na araw para sa Panginoon. Kaya lutuin ninyo ang gusto ninyong lutuin, at ilaga ang gusto ninyong ilaga. Ang matitira ay ilaan para bukas.”
24 Kaya itinira nila ito para sa susunod na araw ayon sa iniutos ni Moises. At nang sumunod na araw hindi ito inuod o bumaho.
25 Sinabi ni Moises sa kanila, “Kainin nʼyo iyan ngayon, dahil ngayon ang Araw ng Pamamahinga para sa Panginoon. Wala kayong makikita niyan ngayon. 26 Makakakuha kayo ng pagkaing ito sa loob ng anim na araw, pero sa ikapitong araw ay magpahinga kayo. Sa araw na iyon, wala kayong makukuhang pagkain.”
27 May mga tao pa ring lumabas para manguha ng pagkain sa ikapitong araw, pero wala silang nakita. 28 At sinabi ng Panginoon kay Moises, “Hanggang kailan ba susuwayin ng mga taong ito ang aking mga utos at katuruan? 29 Alalahanin ninyo na binigyan ko kayo ng Araw ng Pamamahinga, kaya nga tuwing ikaanim na araw ay dinodoble ko ang pagkain ninyo. Dapat manatili sa bahay niya ang bawat isa sa ikapitong araw. Walang lalabas para kumuha ng pagkain.” 30 Kaya nagpahinga ang mga tao sa ikapitong araw.
31 Tinawag na “manna” ng mga Israelita ang pagkain. Para itong maliliit at mapuputing buto, at matamis kagaya ng manipis na tinapay na may pulot. 32 Sinabi sa kanila ni Moises, “Ipinag-utos ng Panginoon na magtago kayo ng isang salop na ‘manna’ para sa susunod pang mga henerasyon, para makita nila ang pagkaing ibinigay ko sa inyo sa ilang nang inilabas ko kayo sa Egipto.”
33 Sinabi ni Moises kay Aaron, “Kumuha kayo ng sisidlan at lagyan ito ng isang salop na ‘manna’. Pagkatapos, ilagay ninyo ito sa presensya ng Panginoon para sa susunod pang mga henerasyon.” 34 Sinunod ito ni Aaron ayon sa sinabi ng Panginoon kay Moises. Inilagay ni Aaron ang “manna” sa Kahon ng Kasunduan para maitago. 35 Kumain ang mga Israelita ng “manna” sa loob ng 40 taon, hanggang sa makarating sila sa lupain ng Canaan. 36 (Bawat araw, nag-iipon ang bawat isa sa kanila ng isang “omer” na “manna”, mga isang salop).
Tubig mula sa Bato(A)
17 Sa utos ng Panginoon, umalis ang buong mamamayan ng Israel sa ilang ng Zin at nagpatuloy sa paglalakbay. Nagpalipat-lipat sila ng lugar. Nagkampo sila sa Refidim, pero walang tubig na mainom doon. 2 Kaya nakipagtalo sila kay Moises at sinabi, “Bigyan mo kami ng tubig na maiinom.”
Sumagot si Moises, “Bakit kayo nakikipagtalo sa akin? Bakit ninyo sinusubok ang Panginoon?”
3 Pero uhaw na uhaw ang mga tao roon, kaya patuloy ang pagrereklamo nila kay Moises, “Bakit mo pa kami inilabas ng Egipto? Mamamatay din lang pala kami rito sa uhaw pati ang mga anak at mga hayop namin.”
4 Kaya humingi ng tulong si Moises sa Panginoon, “O Panginoon, ano po ba ang gagawin ko sa mga taong ito? Halos batuhin na nila ako!”
5 Sumagot ang Panginoon kay Moises, “Kunin mo ang iyong baston na inihampas mo sa Ilog ng Nilo, at pangunahan mo ang mga tao kasama ng ibang mga tagapamahala ng Israel. 6 Hihintayin kita roon sa may bato sa Horeb.[b] Kapag naroon ka na, paluin mo ang bato, at lalabas ang tubig na iinumin ng mga tao.” Kaya ginawa ito ni Moises sa harap ng mga tagapamahala ng Israel. 7 Tinawag ni Moises ang lugar na Masa[c] at Meriba,[d] dahil nakipagtalo sa kanya ang mga Israelita at sinubukan nila ang Panginoon sa pamamagitan ng pagsasabi, “Sinasamahan ba tayo ng Panginoon o hindi?”
Natalo ang mga Amalekita
8 Nang naroon pa ang mga Israelita sa Refidim, sinalakay sila ng mga Amalekita. 9 Sinabi ni Moises kay Josue, “Pumili ka ng ilang tauhan natin at makipaglaban kayo sa mga Amalekita. Tatayo ako bukas sa ibabaw ng burol habang hawak ang baston na iniutos ng Dios na dalhin ko.”
10 Kaya nakipaglaban sina Josue sa mga Amalekita ayon sa iniutos ni Moises, habang sina Moises, Aaron at Hur ay umakyat sa burol. 11 At habang nakataas ang kamay ni Moises, nananalo ang mga Israelita, pero kapag ibinababa niya ang kanyang kamay nananalo naman ang mga Amalekita. 12 Nang bandang huli, nangalay na ang kamay ni Moises. Kaya kinuha nila Aaron at Hur ang isang bato at pinaupo roon si Moises. Itinaas ni Aaron ang isang kamay ni Moises at ganoon din ang ginawa ni Hur sa isang kamay hanggang sa lumubog ang araw. 13 Kaya natalo nina Josue ang mga Amalekita.
14 Pagkatapos, sinabi ng Panginoon kay Moises, “Isulat mo ito para hindi makalimutan at ipaalam mo ito kay Josue: Uubusin ko ang lahi ng mga Amalekita.”
15 Gumawa si Moises ng altar at tinawag niya itong, “Ang Panginoon ang aking Bandila ng Tagumpay.” 16 Sinabi niya, “Dahil sa itinaas ng mga Amalekita ang mga kamao nila sa trono ng Panginoon, patuloy na makikipaglaban sa Amalekita ang Panginoon magpakailanman.”
Binisita ni Jetro si Moises
18 Nabalitaan ni Jetro, na pari ng Midian at biyenan ni Moises, ang lahat ng ginawa ng Dios kay Moises at sa mga mamamayan niyang Israelita. Nabalitaan niya kung paanong inilabas ng Panginoon ang mga Israelita sa Egipto.
2-3 Pinauwi noon ni Moises kay Jetro na kanyang biyenan ang asawa niyang si Zipora at ang dalawang anak nilang lalaki. Ang pangalan ng panganay ay Gershom,[e] dahil nang ipinanganak siya, sinabi ni Moises, “Dayuhan ako sa ibang lupain.” 4 Ang pangalan ng pangalawa ay Eliezer,[f] dahil nang ipinanganak siya, sinabi ni Moises, “Ang Dios ng aking ama[g] ang tumutulong sa akin. Iniligtas niya ako sa espada ng Faraon.”
5 Ngayon, pumunta sila Jetro, ang asawa ni Moises at ang dalawa nilang anak sa pinagkakampuhan ni Moises sa ilang, malapit sa bundok ng Dios. 6 Nagpasabi na si Jetro kay Moises na darating siya kasama si Zipora at ang dalawa nilang anak.
7 Kaya sinalubong ni Moises ang kanyang biyenan, at yumukod siya at humalik sa kanya bilang paggalang. Nagkamustahan sila at pagkatapos, pumasok sa tolda. 8 Sinabi ni Moises kay Jetro ang lahat ng ginawa ng Panginoon sa Faraon at sa mga Egipcio para sa mga Israelita. Sinabi rin niya ang lahat ng paghihirap na naranasan nila sa paglalakbay at kung paano sila iniligtas ng Panginoon.
9 Tuwang-tuwa si Jetro sa lahat ng kabutihang ginawa ng Panginoon sa mga Israelita nang iligtas niya sila sa kamay ng mga Egipcio. 10 Sinabi ni Jetro, “Purihin ang Panginoon na nagligtas sa inyo sa kamay ng mga Egipcio at ng Faraon. 11 Nalalaman ko ngayon na mas makapangyarihan ang Panginoon sa lahat ng dios, dahil iniligtas niya ang mga Israelita sa mga Egipciong nagmamaltrato sa kanila.” 12 Pagkatapos, nag-alay si Jetro ng mga handog na sinusunog at iba pang mga handog sa Dios. At habang ginagawa niya ito, dumating si Aaron at ang lahat ng tagapamahala ng Israel. Sumama sila kay Jetro para kumain sa presensya ng Dios.
Pumili si Moises ng mga Hukom(B)
13 Kinaumagahan, naupo si Moises bilang hukom para dinggin ang mga kaso ng mga tao. Nakapila ang mga tao sa harapan niya mula umaga hanggang gabi. 14 Nang makita ito ni Jetro, sinabi niya kay Moises, “Bakit ginagawa mo ito para sa mga tao? At bakit mag-isa mo itong ginagawa? Pumipila sa iyo ang mga tao mula umaga hanggang gabi.”
15 Sumagot si Moises, “Ginagawa ko po ito dahil lumalapit ang mga tao sa akin para malaman ang kalooban ng Dios. 16 Kung may pagtatalo ang mga tao, dinadala nila ito sa akin, at ako ang nagdedesisyon kung sino sa kanila ang tama. At tinuturuan ko sila ng mga tuntunin at utos ng Dios.”
17 Sinabi ni Jetro, “Hindi tama ang pamamaraan mong ito. 18 Pinapahirapan mo lang ang sarili mo at ang mga taong ito. Napakahirap nito kung ikaw lang. 19 Makinig ka sa akin at papayuhan kita, at sanaʼy samahan ka ng Dios. Ipagpatuloy mo ang ginagawa mong paglapit sa Dios para sa mga tao. Dalhin mo ang mga kaso nila sa kanya. 20 Ipagpatuloy mo rin ang pagtuturo mo sa kanila ng mga tuntunin at utos ng Dios. Turuan mo sila kung paano mamuhay at kung ano ang gagawin nila. 21 Pero pumili ka ng mga taong tutulong sa iyo. Dapat mayroon silang kakayahan sa paghuhukom, may takot sa Dios, mapagkakatiwalaan, at hindi tumatanggap ng suhol. Gawin mo silang mga hukom ng grupo na binubuo ng 1,000, 100, 50 at 10 tao. 22 Maglilingkod sila bilang mga hukom sa lahat ng oras. Sila ang magpapasya sa simpleng mga kaso, pero dadalhin nila sa iyo ang mabibigat na kaso. Sa ganitong paraan, mapapagaan ang trabaho mo dahil matutulungan ka nila. 23 Alam kong ito ang gusto ng Dios na gawin mo, at kung susundin mo ito, hindi ka na mahihirapan. At makakauwi ang mga taong ito nang mapayapa.”
24 Sinunod ni Moises ang ipinayo sa kanya ng kanyang biyenan. 25 Pumili siya sa mga Israelita ng mga taong may kakayahan sa paghuhukom, at ginawa niya silang mga hukom ng grupo na binubuo ng 1,000, 100, 50 at 10 tao. 26 Naglingkod sila bilang mga palagiang hukom ng mga tao. Sila ang nagpapasya sa mga simpleng kaso, pero kapag mabigat, dinadala nila ito kay Moises.
27 Pagkatapos noon, pinayagan ni Moises ang kanyang biyenan na umuwi at bumalik sa sariling bayan.
Sa Bundok ng Sinai
19 1-2 Umalis ang mga Israelita sa Refidim at pumunta sa ilang ng Sinai. Doon sa harap ng bundok sila nagkampo. Ikatlong buwan ito mula nang lisanin nila ang Egipto.
3 Umakyat si Moises sa bundok para makipagkita sa Dios. Tinawag siya ng Panginoon doon sa bundok at sinabi, “Sabihin mo ito sa mga Israelita na mga lahi ni Jacob: 4 ‘Nakita nʼyo mismo kung ano ang ginawa ko sa mga Egipcio, at kung paano ko kayo dinala rito sa akin, katulad ng pagdadala ng agila sa mga inakay niya sa pamamagitan ng kanyang pakpak. 5 Kung lubos ninyo akong susundin at tutuparin ang aking kasunduan, pipiliin ko kayo sa lahat ng bansa para maging mga mamamayan ko. Akin ang buong mundo, 6 pero magiging pinili ko kayong mamamayan at magiging isang kaharian ng mga paring maglilingkod sa akin.’ Sabihin mo ito sa mga Israelita.”
7 Kaya bumaba si Moises mula sa bundok at ipinatawag niya ang mga tagapamahala ng Israel at sinabi sa kanila ang sinabi ng Panginoon. 8 At sabay-sabay na sumagot ang mga tao, “Susundin namin ang lahat ng sinabi ng Panginoon.” At sinabi ni Moises sa Panginoon ang sagot ng mga tao.
9 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Darating ako sa iyo sa pamamagitan ng makapal na ulap para marinig ng mga tao ang pakikipag-usap ko sa iyo, at nang lagi silang magtiwala sa iyo.” At sinabi ni Moises sa Panginoon ang sagot ng mga tao.
10 At sinabi sa kanya ng Panginoon, “Puntahan mo ang mga tao at sabihin sa kanilang linisin ang sarili nila[h] ngayon at bukas. Kailangang labhan nila ang kanilang mga damit. 11 Siguraduhing handa sila sa ikatlong araw, dahil sa araw na iyon, ako, ang Panginoon ay bababa sa Bundok ng Sinai na kitang-kita ng mga tao. 12 Maglagay ka ng tanda sa paligid ng bundok kung hanggang saan lamang tatayo ang mga tao. Sabihin mo sa kanila na huwag silang aakyat o lalapit sa bundok. Ang sinumang lalapit sa bundok ay papatayin, 13 tao man o hayop. Kung gagawin niya ito, babatuhin siya o kaya naman ay papanain; walang kamay na hihipo sa kanya. Makakaakyat lang ang mga tao sa bundok kapag pinatunog na nang matagal ang tambuli.”
14 Bumaba si Moises sa bundok at inutusan niya silang linisin ang mga sarili nila. At nilabhan ng mga tao ang kanilang mga damit. 15 Sinabi ni Moises sa kanila, “Ihanda ninyo ang mga sarili ninyo para sa ikatlong araw; huwag muna kayong makipagtalik sa inyong asawa.”
16 Kinaumagahan ng ikatlong araw, kumulog at kumidlat, at may makapal na ulap na tumakip sa bundok at narinig ang malakas na tunog ng trumpeta. Nanginig sa takot ang lahat ng tao sa kampo. 17 Pagkatapos, dinala ni Moises sa labas ng kampo ang mga tao para makipagkita sa Dios, at tumayo sila sa paanan ng bundok. 18 Nabalot ng usok ang Bundok ng Sinai dahil bumaba roon ang Panginoon sa anyo ng apoy. Pumaitaas ang usok kagaya ng usok na nanggaling sa hurno at nayanig nang malakas ang bundok,[i] 19 at lalo pang lumakas ang tunog ng trumpeta. Nagsalita si Moises at sinagot siya ng Panginoon sa pamamagitan ng kulog.[j]
20 Bumaba ang Panginoon sa ibabaw ng Bundok ng Sinai, at tinawag niya si Moises na umakyat sa ibabaw ng bundok. Kaya umakyat si Moises, 21 at sinabi sa kanya ng Panginoon, “Bumalik ka sa ibaba at balaan mo sila na huwag na huwag silang lalampas sa hangganan na inilagay sa paligid ng bundok para tingnan ako, dahil kung gagawin nila ito, marami sa kanila ang mamamatay. 22 Kahit na ang mga pari na palaging lumalapit sa presensya koʼy kailangang maglinis ng kanilang mga sarili dahil kung hindi, parurusahan ko rin sila.”
23 Sinabi ni Moises sa Panginoon, “Paano po aakyat ang mga tao sa bundok gayong binigyan nʼyo na kami ng babala na ituring naming banal ang bundok, at sinabihan nʼyo kaming lagyan ng tanda ang paligid ng bundok kung hanggang saan lang kami tatayo.”
24 Sinabi sa kanya ng Panginoon, “Bumaba ka at dalhin si Aaron dito. Pero ang mga pari at ang mga tao ay hindi dapat pumunta rito sa akin, para hindi ko sila parusahan.”
25 Kaya bumaba si Moises at sinabihan ang mga tao.
Ang Sampung Utos(C)
20 Sinabi ng Panginoon,
2 “Ako ang Panginoon na inyong Dios na naglabas sa inyo sa Egipto kung saan kayo inalipin.
3 “Huwag kayong sasamba sa ibang mga dios maliban sa akin.
4 “Huwag kayong gagawa ng mga dios-diosan na anyo ng anumang bagay sa langit, o sa lupa, o sa tubig. 5 Huwag ninyo itong paglilingkuran o sasambahin, dahil ako ang Panginoon na inyong Dios ay ayaw na may sinasamba kayong iba. Pinaparusahan ko ang mga nagkakasala sa akin, pati na ang mga anak hanggang sa ikatlo at ikaapat na henerasyon ng mga napopoot sa akin. 6 Pero ipinapakita ko ang aking pagmamahal sa napakaraming henerasyon na nagmamahal sa akin at sumusunod sa mga utos ko.
7 “Huwag ninyong gagamitin ang pangalan ko sa walang kabuluhan. Ako ang Panginoon na inyong Dios, ang magpaparusa sa sinumang gagamit ng pangalan ko sa walang kabuluhan.
8 “Alalahanin ninyo ang Araw ng Pamamahinga, at gawin ninyo itong natatanging araw para sa akin. 9 Magtrabaho kayo sa loob ng anim na araw, 10 pero ang ikapitong araw, ang Araw ng Pamamahinga ay italaga ninyo para sa akin, ang Panginoon na inyong Dios. Huwag kayong magtatrabaho sa araw na iyon, pati ang inyong mga anak, mga alipin, mga hayop, o ang mga dayuhan na naninirahang kasama ninyo. 11 Dahil sa loob ng anim na araw, nilikha ko ang langit, ang lupa, ang dagat at ang lahat ng naririto, pero nagpahinga ako sa ikapitong araw. Kaya pinagpala ko ang Araw ng Pamamahinga at ginawa itong natatanging araw para sa akin.
12 “Igalang ninyo ang inyong amaʼt ina para mabuhay kayo nang matagal sa lupaing ibinibigay ko sa inyo.
13 “Huwag kayong papatay.
14 “Huwag kayong mangangalunya.
15 “Huwag kayong magnanakaw.
16 “Huwag kayong sasaksi ng hindi totoo sa inyong kapwa.
17 “Huwag ninyong pagnanasahan ang bahay ng inyong kapwa, o ang kanyang asawa, mga alipin, mga hayop, o alin mang pag-aari niya.”
18 Nang marinig ng mga tao ang kulog, at ang tunog ng trumpeta, at nang makita nila ang kidlat at ang bundok na umuusok, nanginig sila sa takot. Tumayo sila sa malayo 19 at sinabi kay Moises, “Kayo na lang ang magsalita sa amin at makikinig kami, huwag na po ang Dios at baka mamatay kami.”
20 Kaya sinabi ni Moises sa mga tao, “Huwag kayong matakot dahil pumunta ang Panginoon dito para subukin kayo sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan at magkaroon kayo ng takot sa kanya, at nang hindi kayo magkasala.”
21 Tumayo ang mga tao sa malayo habang si Moises ay lumalapit sa makapal na ulap kung saan naroon ang Dios.
22 Pagkatapos, sinabi ng Panginoon kay Moises, “Sabihin mo ito sa mga Israelita: Nakita ninyo na nakipag-usap ako sa inyo mula sa langit. 23 Kaya huwag kayong gagawa ng mga dios-diosang pilak o ginto para sambahing kasama nang pagsamba sa akin.
24 “Gumawa kayo ng altar na lupa para sa akin at gawin ninyo itong pag-aalayan ng inyong mga tupa, kambing at mga baka bilang handog na sinusunog at handog para sa mabuting relasyon.[k] Gawin ninyo ito sa lugar na pinili ko para sambahin ako, at doon ay pupuntahan ko kayo at pagpapalain. 25 Kung gagawa kayo ng altar na bato para sa akin, huwag ninyong tatapyasin; dahil kung gagamitan ninyo ito ng sinsel, hindi na ito karapat-dapat gamitin sa paghahandog sa akin. 26 At huwag din kayong gagawa ng altar na may hagdan dahil baka masilipan kayo sa pag-akyat ninyo.”
Ang Pagtrato sa mga Alipin(D)
21 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Ito ang mga tuntuning ipapatupad mo sa mga Israelita:
2 “Kung bibili kayo ng mga aliping Hebreo, maglilingkod siya sa inyo sa loob ng anim na taon. Pero sa ikapitong taon, lalaya siya sa pagkaalipin niya na walang babayaran. 3 Kung binili nʼyo siya na wala pang asawa at sa katagalan ay nakapag-asawa, siya lang ang lalaya sa ikapitong taon. Pero kung may asawa siya nang bilhin ninyo, lalaya rin ang kanyang asawa kasama niya. 4 Kung binigyan siya ng amo niya ng mapapangasawa at nagkaanak sila, lalaya siya sa ikapitong taon, pero ang asawa at ang mga anak niya ay maiiwan sa kanyang amo.
5 “Pero kung sasabihin ng alipin na minamahal niya ang kanyang amo, ang asawaʼt mga anak niya, at hindi niya gustong lumaya, 6 dadalhin siya ng amo niya sa presensya ng Dios[l] doon sa may pintuan o hamba ng lugar na pinagsasambahan. Bubutasan ng amo niya ang isa sa tainga niya at magiging alipin siya ng amo niya magpakailanman.
7 “Kung ipagbibili ng isang tao ang anak niyang babae para gawing alipin, hindi siya lalaya sa ikapitong taon kagaya ng lalaking alipin. 8 Kung hindi masisiyahan ang amo niyang bumili sa kanya, pwede siyang tubusin ng pamilya niya dahil hindi pananagutan ng amo niya ang responsibilidad sa kanya. Pero hindi siya pwedeng ipagbili ng amo niya sa mga dayuhan. 9 Kung ibibigay ng amo niya ang aliping ito sa kanyang anak bilang asawa, kailangan niyang ituring siya na anak niyang babae. 10 Kung gagawin niyang asawa ang alipin, at mag-aasawa pa siya ng iba pang babae, kailangang ipagpatuloy niya ang pagbibigay sa kanya ng mga pagkain at damit, at ang pagsiping sa kanya. 11 Kung hindi niya masusunod ang tatlong bagay na ito, papayagan niyang lumaya ang babae nang walang bayad.
Mga Kautusan Tungkol sa mga Krimen
12 “Ang sinumang makakasakit ng tao at mapatay ito, papatayin din siya. 13 Pero kung hindi niya ito sinadya at pinayagan ko itong mangyari, makakatakas siya sa lugar na ituturo ko sa kanya. 14 Pero kung sinadya niya at plinano ang pagpatay, patayin nʼyo siya kahit na lumapit pa siya sa altar ko.
15 “Ang sinumang mananakit[m] sa kanyang ama o ina ay papatayin.
16 “Ang sinumang dudukot sa isang tao ay papatayin kahit na ipinagbili na niya o hindi ang kanyang dinukot.
17 “Ang sinumang lumapastangan sa kanyang ama at ina ay papatayin.
18 “Halimbawang nag-away ang dalawang tao, sinuntok o binato ang kanyang kaaway at siyaʼy nabalda at hindi na makabangon pero hindi namatay, 19 ngunit kung sa bandang huliʼy makabangon at makalakad ang napilay, kahit na nakabaston pa siya, ang taong nanakit sa kanyaʼy hindi dapat parusahan. Pero kailangang magbayad ang tao sa kanya sa nasayang na panahon, at kailangan siyang alagaan ng taong nanakit hanggang sa gumaling siya.
20 “Kapag hinagupit ng tungkod ng sinuman ang kanyang alipin, lalaki man o babae, at agad itong namatay, parurusahan siya. 21 Pero kung makakabangon ang alipin pagkalipas ng isa o dalawang araw, hindi siya parurusahan dahil pagmamay-ari niya ang alipin.
22 “Kung may nag-aaway at nasaktan ang isang buntis, at napaanak ito nang wala pa sa oras,[n] pero walang masamang nangyari sa kanya, pagbabayarin ang nakasakit ayon sa halagang hinihingi ng asawa at pinayagan ng hukom. 23 Pero kung malubha ang nangyari sa babae, parurusahan ang responsable katulad ng nangyari sa babae. Kung namatay ang babae, papatayin din siya. 24 Kung mabulag ang babae, bubulagin din siya. Kung mabungi ang ngipin nito, bubungiin din siya. Kung nabali ang kamay o paa, babaliin din ang kanyang kamay o paa. 25 Kung napaso, papasuin din siya. Kung nasugatan, susugatan din siya. Kung nagalusan, gagalusan din siya.
26 “Kung sinuntok ng amo ang kanyang aliping lalaki o babae sa mata at nabulag ito, palalayain niya ito sa pagkaalipin bilang bayad sa mata na binulag niya. 27 Kung nabungi niya ang ngipin ng kanyang aliping lalaki o babae, palalayain din niya ito sa pagkaalipin bilang bayad sa ngiping nabungi.
28 “Kung ang toro ay nakasuwag ng lalaki o babae at namatay siya, kailangang batuhin ang toro hanggang sa mamatay, at huwag kakainin ang karne nito, pero walang pananagutan dito ang may-ari ng toro. 29 Pero kung nasanay nang manuwag ng tao ang toro at binigyan na ng babala ang may-ari tungkol dito, pero hindi niya ito ikinulong at nakapatay ito ng tao, kailangang batuhin ito hanggang sa mamatay at papatayin din ang may-ari. 30 Pero kung pagbabayarin ang may-ari para mabuhay siya, kailangang bayaran niya nang buo ang halagang hinihingi sa kanya. 31 Ganito rin ang tuntunin kung nakasuwag ang toro ng bata, lalaki man o babae. 32 Kung nakasuwag ang toro ng alipin, lalaki man o babae, kailangang magbayad ang may-ari nito ng 30 pirasong pilak sa amo ng alipin, at kailangang batuhin ang toro.
33 “Kung may taong nagtanggal ng takip ng balon o taong naghukay ng balon at hindi niya ito tinakpan, at may nahulog na baka o asno sa balong iyon, 34 dapat magbayad ang may-ari ng balon sa may-ari ng hayop, at magiging kanya na ang hayop.
35 “Kung makapatay ang toro ng kapwa toro, ipagbibili ng parehong may-ari ang buhay na toro at hahatiin ang pinagbilhan nito. Hahatiin din nila ang karne ng namatay na toro. 36 Pero kung nasanay nang manuwag ang torong nakapatay at hindi ito ikinulong ng may-ari, magbabayad ang may-ari ng isang toro kapalit ng namatay, at magiging kanya na ang namatay na toro.
Mga Kautusan Tungkol sa mga Ari-arian
22 “Kung nagnakaw ang isang tao ng baka o tupa, at kinatay niya ito o ipinagbili, kailangang magbayad siya. Sa isang bakang ninakaw niya, magbabayad siya ng limang baka. At sa isang tupang ninakaw niya, magbabayad siya ng apat na tupa.
2 “Kung nahuli siya sa gabi na aktong nagnanakaw, at napatay siya, walang pananagutan ang nakapatay sa kanya. 3 Pero kung nangyari ito sa araw, may pananagutan ang nakapatay sa magnanakaw.
“Ang magnanakaw na nahuli ay dapat magbayad sa ninakaw niya. Kung wala siyang maibabayad, ipagbibili siya bilang alipin at ang pinagbilhan ang ibabayad sa ninakaw niya. 4 Kung ang baka o asno o tupa na ninakaw niya ay nasa kanya pa, babayaran niya ito ng doble.
5 “Kung nanginain ang mga hayop sa taniman ng iba, kailangang bayaran ng may-ari ng pinakamagandang ani ng kanyang bukid o kaya ng kanyang ubasan ang nakaing mga pananim.
6 “Kung may nagsiga at kumalat ang apoy sa mga damo hanggang sa taniman ng ibang tao, kailangang bayaran ng nagsiga ang mga pananim na nasira.
7 “Kung nagpatago ang isang tao ng pera o kahit anong bagay sa bahay ng kapitbahay niya at ninakaw ito. Kung mahuhuli ang nagnakaw, kailangang magbayad siya ng doble. 8 Pero kung hindi nahuli ang magnanakaw, haharap sa presensya ng Dios[o] ang pinagpataguan para malaman kung kinuha niya o hindi ang ipinatago sa kanya.
9 “Kung may dalawang taong nagtatalo tungkol sa kung sino sa kanila ang may-ari ng isang pag-aari kagaya ng baka, asno, tupa, damit o kahit anong bagay, dapat nilang dalhin ang kaso nila sa presensya ng Dios.[p] Ang taong nagkasala ayon sa desisyon ng Dios ay magbabayad ng doble sa totoong may-ari.
10 “Kung pinaalagaan ng isang tao ang kanyang baka, asno, tupa o kahit anong hayop sa kanyang kapwa, at namatay ito, o nasugatan o nawala nang walang nakakita. 11 Dapat pumunta ang nag-alaga sa presensya ng Panginoon at susumpang wala siyang nalalaman tungkol sa nangyari. Dapat itong paniwalaan ng may-ari, at hindi na siya pagbabayarin. 12 Pero kung ninakaw ang hayop, dapat magbayad ang nag-alaga sa may-ari. 13 Kung napatay ng mabangis na hayop ang hayop, kailangang dalhin niya ang natirang parte ng hayop bilang patunay, at hindi na niya ito kailangang bayaran.
14 “Kung may nanghiram ng hayop sa kanyang kapwa at nasugatan ito o namatay, at wala ang may-ari nang mangyari ito. Dapat itong bayaran ng nanghiram. 15 Pero kung nariyan ang may-ari nang mangyari ito, hindi dapat magbayad ang nanghiram. Kung nirentahan ang hayop, ang perang ibinayad sa renta ang ibabayad sa nasugatan o namatay na hayop.
Ang Iba pang mga Kautusan
16 “Kung linlangin ng isang lalaki ang dalagang malapit nang ikasal, at sumiping siya sa kanya, dapat magbayad ang lalaki sa pamilya ng dalaga ng dote, at magiging asawa niya ang dalaga. 17 Kung hindi pumayag ang ama ng dalaga na ibigay ang kanyang anak na maging asawa ng nasabing lalaki, magbabayad pa rin ang lalaki ng dote.
18 “Patayin ninyo ang mga mangkukulam.
19 “Ang sinumang makikipagtalik sa hayop ay papatayin.
20 “Ang sinumang maghahandog sa ibang dios maliban sa akin ay kailangang patayin.[q]
21 “Huwag ninyong pagmamalupitan ang mga dayuhan[r] dahil mga dayuhan din kayo noon sa Egipto.
22 “Huwag ninyong aapihin ang mga biyuda at mga ulila. 23 Kung gagawin ninyo ito, at humingi sila ng tulong sa akin, siguradong tutulungan ko sila. 24 Talagang magagalit ako sa inyo at papatayin ko kayo sa labanan.[s] Mabibiyuda ang inyong mga asawa at mauulila ang inyong mga anak.
25 “Kung magpapahiram kayo ng pera sa sinuman sa mamamayan kong mahihirap na naninirahang kasama ninyo, huwag ninyong tutubuan gaya ng ginagawa ng mga nagpapahiram ng pera. 26 Kung kukunin ninyo ang balabal ng kapwa ninyo bilang garantiya na magbabayad siya ng utang sa iyo, isauli mo ito sa kanya bago lumubog ang araw. 27 Sapagkat ito lang ang pangtakip niya sa kanyang katawan kapag natutulog siya sa gabi. Kung hihingi siya ng tulong sa akin, tutulungan ko siya dahil maawain ako.
28 “Huwag ninyong lalapastanganin ang Dios at susumpain ang inyong pinuno.
29 “Huwag ninyong kalilimutan ang paghahandog sa akin mula sa inyong mga ani, alak at mga langis.
“Italaga rin ninyo sa akin ang inyong mga panganay na lalaki, 30 at ang panganay na mga baka at tupa. Dapat maiwan sa ina ang bagong panganak na baka at tupa sa loob ng pitong araw. Sa ikawalong araw, maaari na itong ihandog sa akin.
31 “Kayo ang pinili kong mamamayan, kaya hindi kayo kakain ng karne ng kahit anong hayop na pinatay ng mababangis na hayop. Ipakain ninyo ito sa mga aso.
Hustisya at Katarungan
23 “Huwag kayong magbabalita ng kasinungalingan. Huwag kayong magsisinungaling para tumulong sa isang taong masama.
2 “Huwag kayong makikiisa sa karamihan sa paggawa ng masama. Kung sasaksi kayo sa isang kaso, huwag nʼyong babaluktutin ang hustisya para lang masunod ang opinyon ng karamihan. 3 Huwag ninyong papaboran ang kaso ng mga mahihirap dahil lang sa kanilang kalagayan.
4 “Kung makita ninyong nakawala ang baka o asno ng inyong kaaway, kailangang isauli ninyo ito sa kanya. 5 Kung makita ninyong natumba ang asno ng inyong kaaway dahil sa bigat ng karga nito, huwag nʼyo itong pabayaan kundi tulungan itong makatayo.
6 “Siguraduhin ninyong mabibigyan ng hustisya ang mga mahihirap sa kaso nila. 7 Huwag kayong magbibintang sa iba nang walang katotohanan. Huwag ninyong papatayin ang mga inosenteng tao, dahil parurusahan ko ang sinumang gagawa nito.
8 “Huwag kayong tatanggap ng suhol dahil bumubulag ito sa tao sa katotohanan, at hindi nabibigyan ng hustisya ang mga inosente.
9 “Huwag ninyong pagmamalupitan ang mga dayuhan, dahil kayo mismo ang nakakaalam ng damdamin ng isang dayuhan, dahil mga dayuhan din kayo noon sa Egipto.
Ang Araw at Taon ng Pamamahinga
10 “Sa loob ng anim na taon, makakapagtanim kayo at makakapag-ani sa lupa ninyo. 11 Pero sa ikapitong taon, huwag nʼyo itong tataniman. Kung may tutubong pananim sa lupa ninyo, pabayaan ninyo ang mahihirap na makakuha ng mga pananim para kainin, at kung may matira, ipakain na lang ninyo sa mga hayop. Ganito rin ang gagawin ninyo sa mga ubasan at taniman ng olibo.
12 “Magtrabaho kayo sa loob ng anim na araw, pero huwag kayong magtatrabaho sa ikapitong araw, para makapagpahinga kayo, ang mga baka at asno ninyo, ang mga alipin ninyo at ang mga dayuhan na naninirahang kasama ninyo.
13 “Sundin ninyong mabuti lahat ng sinabi ko sa inyo. Huwag kayong mananalangin sa ibang dios o babanggit ng pangalan nila.
Ang Tatlong Pista Bawat Taon(E)
14 “Magdiwang kayo ng tatlong pista bawat taon para sa karangalan ko. 15 Ipagdiwang ninyo ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa. Kagaya ng iniutos ko sa inyo, kumain kayo ng tinapay na walang pampaalsa sa loob ng pitong araw. Gawin ninyo ito sa itinakdang panahon sa buwan ng Abib, dahil ito ang buwan na lumabas kayo ng Egipto. Ang bawat isa sa inyoʼy dapat magdala sa akin ng handog sa panahong iyon.
16 “Ipagdiwang din ninyo ang Pista ng Pag-aani sa pamamagitan ng pagdadala ng mga unang ani ng inyong bukid. Ipagdiwang din ninyo ang Pista ng Huling Pag-ani sa katapusan ng taon kapag titipunin na ninyo ang mga ani sa mga bukid ninyo.
17 “Dapat dumalo ang kalalakihan ninyo sa tatlong pistang ito bawat taon sa pagsamba sa akin, ang inyong Panginoong Dios.
18 “Huwag kayong maghahandog ng dugo sa akin at ng kahit anong may pampaalsa. Huwag kayong magtitira para sa kinaumagahan ng taba ng hayop na inyong inihandog sa akin sa pista.
19 “Dalhin ninyo sa templo ng Panginoon na inyong Dios ang pinakamagandang bahagi ng una ninyong ani.
“Huwag ninyong lulutuin ang batang kambing na hindi pa naaawat sa kanyang ina.
20 “Ngayon, isinugo ko ang anghel para bantayan at gabayan kayo sa lugar na inihanda ko para sa inyo. 21 Makinig kayo sa kanya at sundin ang sinasabi niya. Huwag kayong magrerebelde sa kanya dahil ang lahat ng ginagawa niyaʼy ginagawa niya sa aking pangalan, at hindi niya pababayaang magpatuloy kayo sa mga kasalanan ninyo.[t] 22 Kung makikinig lang kayo nang mabuti sa sinasabi niya at gagawin ang lahat ng sinasabi ko, lalabanan ko ang inyong mga kaaway. 23 Pangungunahan kayo ng aking anghel at dadalhin kayo sa lupain ng mga Amoreo, Heteo, Perezeo, Cananeo, Hiveo at Jebuseo, at lilipulin ko sila. 24 Huwag kayong sasamba o maglilingkod sa mga dios-diosan nila, o tutularan ang mga ginagawa nila. Durugin ninyo ang kanilang mga dios-diosan, at gibain ang mga alaalang bato nila. 25 Sambahin ninyo ako, ang Panginoon na inyong Dios, at bibigyan ko kayo ng masaganang pagkain at tubig. Pagagalingin ko ang inyong mga karamdaman, 26 at walang babaeng makukunan at walang magiging baog sa inyong lupain, at pahahabain ko ang inyong buhay.
27 “Tatakutin ko at lilituhin ang mga kaaway na makakaharap ninyo, at tatakas sila. 28 Magpapadala ako ng mga putakting mangunguna sa inyo, at itataboy nila ang mga Hiveo, Cananeo at Heteo. 29 Pero hindi ko sila itataboy sa loob lang ng isang taon para hindi mapabayaan ang lupain at nang mapigilan ang pagdami roon ng mga hayop sa gubat. 30 Unti-unti ko silang itataboy hanggang sa dumami na kayo at kaya na ninyong angkinin ang lupain.
31 “Sisiguraduhin ko na ang hangganan ng lupain ninyo ay magsisimula sa Dagat na Pula hanggang sa Dagat ng Mediteraneo,[u] at mula sa disyerto sa timog hanggang sa Ilog ng Eufrates. Ibibigay ko sa inyo ang mga nakatira sa lupaing iyon, at itataboy nʼyo sila. 32 Huwag kayong gagawa ng kasunduan sa kanila o sa mga dios-diosan nila. 33 Huwag nʼyo silang pabayaang manirahan sa inyong lupain dahil baka sila pa ang magtulak sa inyo na magkasala laban sa akin. Kung sasamba kayo sa mga dios-diosan nila, magiging bitag ito sa inyo.”
Tinanggap ng mga Israelita ang Kasunduan ng Panginoon
24 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Umakyat ka rito sa akin at isama mo sina Aaron, Nadab, Abihu at ang 70 tagapamahala ng Israel. Sa malayo mo sila pasambahin sa akin. 2 Ikaw lang, Moises, ang makakalapit sa akin, ang ibaʼy hindi na maaaring makalapit sa akin. Hindi dapat umakyat dito ang mga tao kasama mo.”
3 Nang sinabi ni Moises sa mga tao ang lahat ng itinuro at iniutos ng Panginoon, sabay-sabay silang sumagot, “Susundin namin ang lahat ng sinabi ng Panginoon.” 4 At isinulat ni Moises ang lahat ng sinabi ng Panginoon.
Kinaumagahan, bumangon si Moises at nagpatayo ng altar sa may paanan ng bundok, at naglagay siya ng 12 haliging bato na kumakatawan sa 12 lahi ng Israel. 5 Pagkatapos, inutusan niya ang mga kabataang lalaki na mag-alay sa Panginoon ng mga handog na sinusunog at mag-alay din ng mga toro bilang handog para sa mabuting relasyon sa Panginoon. 6 Kinuha ni Moises ang kalahati ng dugo at inilagay ito sa mga mangkok at iwinisik sa altar ang kalahati. 7 Kinuha rin niya ang Aklat ng Kasunduan at binasa ito sa mga tao. At sumagot ang mga tao, “Susundin namin ang lahat ng sinabi ng Panginoon. Susundin namin siya.”
8 Pagkatapos, kinuha niya ang dugo sa mga mangkok at iwinisik ito sa mga tao, at sinabi, “Ito ang dugo na nagpapatibay sa kasunduan na ginawa ng Panginoon sa inyo nang ibigay niya ang mga utos na ito.”
9 Pumunta paakyat sa bundok sina Moises, Aaron, Nadab, Abihu at 70 tagapamahala ng Israel, 10 at nakita nila ang Dios ng Israel. Sa paanan niya ay may parang daan na gawa sa batong safiro na kasinglinaw ng langit. 11 Kahit nakita na ng mga pinuno ang Dios, hindi sila pinatay ng Dios. Kumain pa sila at uminom doon sa kanyang presensya.
12 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Pumunta ka rito sa akin sa itaas ng bundok at maghintay, dahil ibibigay ko sa iyo ang malalapad na batong sinulatan ko ng mga kautusan at batas ko para ituro sa mga tao.” 13 Kaya umakyat si Moises sa bundok kasama ang lingkod niyang si Josue. 14 Bago sila umakyat, sinabi ni Moises sa mga tagapamahala ng Israel, “Hintayin nʼyo kami rito hanggang sa makabalik kami. Maiiwan dito sina Aaron at Hur, at kung may problema kayo, lumapit lang kayo sa kanila.”
15 Pagdating ni Moises sa itaas ng bundok, natakpan ng ulap ang bundok. 16 At bumaba ang makapangyarihang presensya ng Panginoon sa Bundok ng Sinai. At sa loob ng anim na araw, natakpan ng ulap ang bundok. Sa ikapitong araw, tinawag ng Panginoon si Moises mula sa ulap. 17-18 Kaya pumasok si Moises sa ulap habang papaakyat pa siya sa bundok. Nagpaiwan siya roon sa loob ng 40 araw at 40 gabi. Para sa mga Israelitang nasa ibaba, parang apoy na naglalagablab ang makapangyarihang presensya ng Panginoon sa tuktok ng bundok.
Mga Handog para sa Toldang Tipanan(F)
25 Sinabi ng Panginoon kay Moises, 2 “Sabihin mo sa mga Israelita na maghandog sila sa akin. Ikaw ang tumanggap ng kanilang mga handog na gusto nilang ialay sa akin. 3 Ito ang mga handog na tatanggapin mo mula sa kanila: ginto, pilak, tanso, 4 lanang kulay asul, ube at pula, manipis na telang linen, tela na gawa sa balahibo ng kambing, 5 balat ng lalaking tupa na kinulayan ng pula, magandang klase ng balat, kahoy na akasya, 6 langis ng olibo para sa ilaw, mga sangkap sa langis na pamahid at pabango sa insenso, 7 batong onix at iba pang mamahaling bato na ilalagay sa espesyal na damit[v] ng punong pari at sa bulsa sa dibdib nito.
8 “Ipagawa mo sa mga mamamayan ng Israel ang Toldang Sambahan para sa akin kung saan titira akong kasama nila. 9 Ipagawa mo ang Toldang Sambahan at ang mga kagamitan dito ayon sa eksaktong tuntunin na sinabi ko sa iyo.
Ang Kahon ng Kasunduan(G)
10 “Magpagawa ka ng Kahon na yari sa akasya – mga 45 pulgada ang haba, 27 pulgada ang lapad at 27 pulgada rin ang taas. 11 Balutan ninyo ito ng purong ginto sa loob at labas, at palagyan ng hinulmang ginto ang paligid nito. 12 Maghulma ka ng apat na argolyang[w] ginto at ikabit ito sa apat na paa nito, dalawa sa bawat gilid. 13 Magpagawa ka rin ng tukod na akasya at balutan ito ng ginto. 14 Isuot mo ang tukod sa mga argolyang ginto sa bawat gilid ng Kahon para mabuhat ang Kahon sa pamamagitan ng mga tukod. 15 Huwag ninyong tatanggalin ang argolyang ginto sa tukod ng Kahon. 16 Pagkatapos, ipasok mo sa Kahon ang malapad na bato na ibinigay ko sa iyo, kung saan nakasulat ang aking mga utos.
17 “Pagawan mo ng takip na purong ginto ang Kahon, na 45 pulgada ang haba at 27 pulgada ang lapad. 18-19 Magpagawa ka rin ng dalawang gintong kerubin, ilalagay ito sa dalawang dulo ng takip ng Kahon. 20 Kailangan nakalukob ang pakpak ng mga kerubin sa ibabaw ng takip para maliliman nila ito, at kailangang magkaharap silang dalawa na nakatingin sa takip. 21 Ilagay mo sa Kahon ang malapad na bato na ibinigay ko sa iyo, kung saan nakasulat ang mga utos ko, at pagkatapos ay takpan mo ang Kahon. 22 Makikipagkita ako sa iyo roon sa gitna ng dalawang kerubin na nasa ibabaw ng Kahon, at ibibigay ko sa iyo ang lahat ng utos para sa mga mamamayan ng Israel.
Ang Mesa na Pinaglalagyan ng Tinapay(H)
23 “Magpagawa ka rin ng mesang akasya, na may sukat na 36 na pulgada ang haba, 18 pulgada ang lapad at 27 pulgada ang taas. 24 Balutan mo ito ng purong ginto at lagyan ng hinulmang ginto ang mga paligid nito. 25 Palagyan nʼyo rin ito ng sinepa sa bawat gilid, apat na pulgada ang lapad, at palagyan ng hinulmang ginto ang sinepa. 26 Magpagawa ka rin ng apat na argolyang ginto at ikabit sa apat na sulok ng mesa, 27 malapit sa sinepa. Dito ninyo ipasok ang mga tukod na pambuhat sa mesa. 28 Dapat ay akasya ang tukod at nababalutan ng ginto.
29 “Magpagawa ka rin ng mga pinggan, tasa, banga at mga mangkok na gagamitin para sa handog na inumin. Kailangang purong ginto ang mga ito. 30 At kailangang palaging lagyan ng tinapay na inihahandog sa aking presensya ang mesang ito.
Ang Lalagyan ng Ilaw(I)
31 “Magpagawa ka rin ng lalagyan ng ilaw na purong ginto ang paa, katawan at mga palamuting hugis bulaklak, na ang ibaʼy buko pa lang at ang ibaʼy nakabuka na. Ang palamuting ito ay dapat kasama nang gagawin ang katawan ng lalagyan ng ilaw. 32 Ang lalagyan ng ilaw ay may anim na sanga, tigtatatlo sa bawat gilid. 33 Ang bawat sanga ay may tatlong lalagyan na hugis bulaklak ng almendro.[x] 34 Ang katawan ng lalagyan ng ilaw ay may apat na palamuting hugis bulaklak ng almendro, na ang ibaʼy buko pa at ang ibaʼy nakabuka na. 35 May isang hugis bulaklak sa ilalim ng bawat pares ng anim na sanga. 36 Ang mga palamuting bulaklak at ang mga sanga ay isang piraso lamang nang hinulma ang lalagyan ng ilaw.
37 “Magpagawa ka ng pitong ilawan at ilagay sa lalagyan nito para mailawan ang lugar sa harapan nito. 38 Ang mga panggupit ng mitsa ng ilaw at mga pansahod ng abo ng ilaw ay dapat purong ginto rin. 39 Ang kailangan mo sa pagpapagawa ng lalagyan ng ilaw at sa lahat ng kagamitan nito ay 35 kilo ng purong ginto. 40 Siguraduhin mong ipapagawa mo ang lahat ng ito ayon sa planong ipinakita ko sa iyo rito sa bundok.
Ang Toldang Sambahan(J)
26 “Magpagawa ka ng Toldang Sambahan. Ito ang mga gagamitin sa paggawa nito: sampung piraso ng pinong telang linen na may lanang kulay asul, ube at pula. At paburdahan ito ng kerubin sa mahuhusay na mambuburda. 2 Kailangang magkakasukat ang bawat tela na may habang 42 talampakan at may lapad na anim na talampakan. 3 Pagdugtong-dugtungin ninyo ito ng tiglilima. 4 At pagawan mo ng parang singsing na telang asul ang bawat gilid ng pinagdugtong na mga tela, 5 at tig-50 na parang singsing na tela sa bawat dulo at kailangan magkatapat sa isaʼt isa. 6 Magpagawa ka ng 50 kawit na ginto para mapagkabit ang parang mga singsing na tela sa dalawang pinagsamang tela. Sa pamamagitan nito, magagawa ang Toldang Sambahan.
7 “Pagawan mo ng talukbong ang Tolda. Labing-isang pirasong tela na gawa sa balahibo ng kambing ang gagamitin sa paggawa nito. 8 Kailangang may haba na 45 talampakan ang bawat tela at anim na talampakan ang lapad. 9 Pagdugtong-dugtungin mo ang limang tela at ganoon din ang gawin sa natirang anim. Ang ikaanim naman ay tutupiin at ilalagay sa harap ng tolda. 10 Palagyan mo rin ito ng 50 parang singsing na tela ang bawat gilid ng pinagdugtong na mga tela, 11 at ikabit dito ang 50 tansong kawit. 12 Ilaylay mo sa likod ng Tolda ang kalahati ng sobrang tela, 13 at ilaylay din sa bawat gilid ang isaʼt kalahating talampakan ng tela na sobra sa pangtalukbong ng Tolda. 14 Ang ibabaw ng talukbong ng Tolda ay papatungan ng balat ng lalaking tupa na kinulayan ng pula, at papatungan din ng magandang klase ng balat.[y]
15 “Dapat ang balangkas ng Tolda ay tablang akasya. 16 Ang haba ng bawat tabla ay 15 talampakan at ang lapad ay dalawang talampakan. 17 Ang bawat tabla ay nilagyan ng dalawang mitsa[z] para maidugtong ito sa isa pang tabla. Ganito ang ginawa nila sa bawat tabla. 18 Ang 20 sa mga tablang ito ay gagamitin sa pagtatayo ng Tolda sa timog na bahagi. 19 Ang mga tablang ito ay isinuksok sa 40 pundasyong pilak – dalawang pundasyon sa bawat tabla. 20 Ang hilagang bahagi ng Tolda ay gagamitan din ng 20 tabla, 21 at isinuksok din sa 40 pundasyong pilak – dalawang pundasyon sa bawat tabla. 22 Ang bandang kanlurang bahagi naman ng Tolda ay ginamitan nila ng anim na tabla, 23 at dalawang tabla sa mga gilid nito. 24 Pagdugtungin ang mga tabla sa mga sulok mula sa ilalim hanggang sa itaas. Kailangang ganito rin ang gawin sa dalawang tabla sa mga gilid. 25 Kaya may walong tabla sa bahaging ito ng Tolda, at nakasuksok ito sa 16 na pundasyong pilak – dalawang pundasyon sa bawat tabla.
26 “Magpagawa ka rin ng mga akasyang biga – lima para sa bahaging hilaga ng Tolda, 27 lima rin sa bahaging timog, at lima pa rin sa bahaging kanluran sa likod ng Tolda. 28 Ang biga sa gitna ng balangkas ay manggagaling sa dulo ng Tolda papunta sa kabilang dulo. 29 Pabalutan ng ginto ang mga tabla at palagyan ng mga argolyang[aa] ginto na pagsusuotan ng mga biga, pabalutan din ng ginto ang mga biga.
30 “Kailangang ipatayo mo ang Toldang Sambahan ayon sa planong sinabi ko sa iyo rito sa bundok.
31 “Magpagawa ka rin ng kurtina na gawa sa pinong telang linen na may lanang kulay asul, ube at pula. At paburdahan mo ito ng kerubin. 32 Ipakabit ito sa mga kawit na ginto sa apat na haliging akasya na nababalutan ng ginto. Ang apat na haliging ito ay nakasuksok sa apat na pundasyong pilak. 33 Kapag nakabit na ang kurtina sa mga kawit, ilagay sa likod nito ang Kahon ng Kasunduan. Ang kurtina ang maghihiwalay sa Banal na Lugar at sa Pinakabanal na Lugar. 34 Ang Kahon ng Kasunduan ay dapat ilagay sa Pinakabanal na Lugar at dapat may takip ito. 35 Ilagay ang mesa sa labas ng Pinakabanal na Lugar, sa hilagang bahagi ng Tolda, at sa bandang timog, ilagay sa tapat ng mesa ang lalagyan ng ilaw.
36 “Magpagawa ka ng isa pang kurtina para sa pintuan ng Toldang Sambahan. Pinong telang linen rin ito na binurdahan gamit ang lanang kulay asul, ube at pula. At napakaganda ng pagkakaburda nito. 37 Pagkatapos, ipakabit ito sa mga kawit na ginto sa limang haliging akasya na nababalutan ng ginto. Ang limang haliging ito ay nakasuksok sa limang pundasyong tanso.
Ang Altar na Pagsusunugan ng Handog(K)
27 “Magpagawa ka ng altar na gawa sa akasya. Pitoʼt kalahating talampakan ang haba, pitoʼt kalahating talampakan din ang lapad, at apat at kalahating talampakan ang taas. 2 Palagyan ito ng parang mga sungay sa apat na sulok, na kasama nang ginawa nang gawin ang altar. Pabalutan ng tanso ang altar. Ang lahat ng kagamitan ng altar ay kailangang gawa sa tanso – 3 ang mga lalagyan ng abo, pala, mangkok, malalaking tinidor para sa karne at mga lalagyan ng baga. 4 Magpagawa ka rin ng parilyang tanso para sa altar, at lagyan ito ng argolyang[ab] tanso sa bawat sulok. 5 Pagkatapos, ilagay mo ito sa ilalim ng altar, sa patungan nito sa bandang gitna ng altar. 6 Magpagawa ka rin ng tukod na pambuhat sa altar. Kailangang galing ito sa kahoy na akasya, at nababalutan ng tanso. 7 Ipasok ang tukod sa argolya sa bawat gilid ng altar para mabuhat ang altar. 8 Ang ipapagawa mong altar ay tabla at dapat bakante sa loob. Ipagawa ito ayon sa planong sinabi ko sa iyo roon sa bundok.
Ang Bakuran ng Toldang Sambahan(L)
9 “Palagyan ng bakuran ang Toldang Sambahan, at palibutan ito ng kurtina na gawa sa pinong telang linen. Ang haba ng kurtina sa bandang timog ay 150 talampakan. 10 Ikabit ang kurtina sa 20 haliging tanso na nakasuksok sa 20 pundasyong tanso. Ang pagkakabitan ng kurtina ay ang mga kawit na pilak na nakakabit sa baras na pilak sa mga haligi. 11 Ang kurtina sa bandang hilaga ay 150 talampakan din ang haba. Ikabit din ito sa 20 haliging tanso na nakasuksok sa 20 pundasyong tanso. Ang pagkakabitan ng mga kurtina ay ang mga kawit na pilak na nakakabit sa mga baras na pilak sa mga haligi.
12 “Ang kurtina sa bandang kanluran ay may sukat na 75 talampakan ang haba at nakakabit ito sa sampung haligi na nakasuksok sa sampung pundasyon. 13 Ang kurtina sa bandang silangan ay 75 talampakan ang haba. 14 Ang pintuan ng bakuran ay nasa silangan, at may mga kurtina rin ito sa gilid. Ang kurtina sa kanan ay 22 at kalahating talampakan ang haba, at nakakabit sa tatlong haligi na nakasuksok sa tatlo ring pundasyon. 15 Ang kurtina sa kaliwa ay 22 at kalahating talampakan ang haba, at nakakabit din ito sa tatlong haligi na nakasuksok sa tatlo ring pundasyon.
16 “Ang pintuan ng bakuran ay palagyan mo ng kurtina na 30 talampakan ang haba. Kailangang gawa ang kurtina mula sa pinong telang linen na may lanang kulay asul, ube at pula. Kailangang napakaganda ng pagkakaburda nito. Pagkatapos, isabit ang kurtina sa apat na haligi na nakasuksok sa apat na pundasyon. 17 Kailangang may kawit at baras na pilak ang lahat ng haligi sa palibot ng bakuran, at kailangan ding may mga tansong pundasyon. 18 Ang buong sukat ng bakuran ay 150 talampakan ang haba at 75 talampakan ang lapad. Napapalibutan ito ng kurtinang pinong telang linen, na pitoʼt kalahating talampakan ang taas. Ang mga haligi nito ay nakasuksok sa mga pundasyong tanso. 19 Kailangang purong tanso ang lahat ng kagamitan sa Toldang Sambahan pati na ang lahat ng tulos ng Tolda at sa bakuran nito.
Ang Pangangalaga sa Ilawan ng Toldang Sambahan(M)
20 “Utusan mo ang mga Israelita na dalhan ka nila ng purong langis na mula sa pinigang olibo para sa mga ilaw ng Tolda, para tuloy-tuloy ang pag-ilaw nito. 21 Ilagay ang lalagyan ng ilaw sa labas ng kurtina na tumatakip sa Kahon ng Kasunduan. Si Aaron at ang mga anak niyang lalaki ang mag-aasikaso sa mga ilaw sa Toldang Tipanan.[ac] Sisindihan nila ito sa aking presensya araw at gabi. Ang tuntuning itoʼy dapat sundin ng mga Israelita at ng susunod pa nilang mga henerasyon.
Ang Mga Damit ng mga Pari(N)
28 “Ibukod mo sa mga tao si Aaron at ang mga anak niyang lalaki na sina Nadab, Abihu, Eleazar at Itamar para makapaglingkod sila sa akin bilang mga pari. 2 Magpatahi ka ng banal na damit para sa kapatid mong si Aaron, para maparangalan siya. 3 Sabihin mo sa lahat ng mahuhusay na mananahi na binigyan ko ng kakayahang manahi na itahi nila ng damit si Aaron na magbubukod sa kanya sa mga tao para makapaglingkod siya sa akin bilang pari. 4 Ito ang mga damit na tatahiin nila: ang bulsa na nasa dibdib, ang espesyal na damit,[ad] ang damit-panlabas, ang damit-panloob na binurdahan, ang turban at ang sinturon. Itatahi rin nila ng banal na mga damit ang mga anak na lalaki ni Aaron para makapaglingkod sila sa akin bilang mga pari. 5 Kailangan na pinong telang linen na may lanang kulay ginto, asul, ube at pula ang gagamitin nilang tela.
Ang Espesyal na Damit ng mga Pari(O)
6 “Ang espesyal na damit ng mga pari ay kailangan na pinong telang linen na may lanang kulay ginto, asul, kulay ube at pula. Kailangang napakaganda ng pagkakaburda nito. 7 May dalawang parte ito, likod at harapan, at pinagdudugtong ng dalawang tirante sa may balikat. 8 Ang sinturon nito ay gawa sa pinong telang linen na binurdahan ng gintong sinulid at lanang kulay asul, ube at pula.
9 “Magpakuha ka ng dalawang batong onix at iukit mo rito ang mga pangalan ng mga anak na lalaki ni Jacob.[ae] 10 Dapat sunud-sunod ang paglalagay ng mga pangalan ayon sa kanilang kapanganakan, at anim na pangalan ang ilalagay sa bawat bato. 11 Dapat iukit ito kagaya ng pag-ukit ng platero sa pantatak. Pagkatapos, ilagay ang bato sa balangkas na ginto, 12 at ikabit ito sa tirante ng espesyal na damit bilang mga alaalang bato nila para sa mga lahi ng Israel. Sa pamamagitan nito, palaging madadala ni Aaron ang pangalan nila sa presensya ko, at aalalahanin ko sila. 13 Ang balangkas na ginto ay 14 palagyan mo ng dalawang mala-kwintas na tali na purong ginto para maikabit sa may balikat ng damit.
Ang Bulsa na Nasa Dibdib(P)
15 “Magpagawa ka ng bulsa sa dibdib na ginagamit sa pag-alam ng kalooban ng Panginoon.[af] Kailangang maganda ang pagkakagawa nito, at ang tela nitoʼy kapareho ng tela ng espesyal na damit ng mga pari: pinong telang linen na may lanang kulay ginto, asul, kulay ube at pula. 16 Ang bulsa na nasa dibdib ay dapat nakatupi nang doble at parisukat – siyam na pulgada ang haba at siyam na pulgada rin ang lapad. 17 Palagyan ito ng apat na hanay ng mga mamahaling bato. Sa unang hanay, ilalagay ang rubi, topaz at beril; 18 sa ikalawang hanay, esmeralda, safiro at turkois; 19 sa ikatlong hanay, hasinto, agata at ametista, 20 at sa ikaapat na hanay, krisolito, onix at jasper. Ilagay ang mga bato sa balangkas na ginto. 21 Dapat ang bawat bato ay may pangalan ng isa sa mga anak ni Jacob bilang kinatawan sa 12 lahi ng Israel. Ang pagkakaukit ng pangalan ay gaya ng pagkakaukit sa pantatak.
22 “Palagyan din ng mala-kwintas na tali na purong ginto ang bulsa na nasa dibdib. 23 Magpagawa ka ng dalawang parang singsing na ginto at ikabit ito sa ibabaw ng mga sulok ng bulsa na nasa dibdib. 24 Isuot sa parang singsing na ito ang dalawang mala-kwintas na taling ginto, 25 at ang dalawang dulo naman ng mala-kwintas na tali ay isinuot sa dalawang balangkas na ginto na nakakabit sa tirante ng espesyal na damit. 26 Magpagawa ka ng dalawang parang singsing na ginto at ipasok ito sa ilalim ng mga gilid ng bulsa na nasa dibdib na nakapatong sa espesyal na damit. 27 Magpagawa ka pa ng dalawang parang singsing na ginto at ikabit mo ito sa espesyal na damit sa may bandang sinturon. 28 Pagkatapos, talian ninyo ng asul na panali ang mga pang-ilalim na parang singsing na ginto sa espesyal na damit. Sa pamamagitan nito, maikakabit nang maayos ang bulsa na nasa dibdib ng espesyal na damit, sa itaas ng sinturon.
29 “Kung papasok si Aaron sa Banal na Lugar, kailangang suot niya ang bulsa sa dibdib na may pangalan ng mga lahi ng Israel para alalahanin ko silang palagi. 30 Ilagay sa bulsa na nasa dibdib ang ‘Urim’ at ‘Thummim’[ag] para naroon ito sa bulsa ni Aaron kapag pupunta siya sa aking presensya para malaman ang kalooban ko para sa mga Israelita.
Ang Iba pang Damit ng mga Pari(Q)
31 “Ang damit-panlabas na napapatungan ng espesyal na damit ay kailangang purong asul 32 at may butas sa gitna para sa ulo. At kailangang lagyan ng butas ang parang kwelyo para hindi ito mapunit. 33-34 Palagyan ang palibot ng mga laylayan nito ng mga palamuti na korteng prutas na pomegranata, na gawa sa lanang kulay asul, ube at pula. Isingit mo ang mga palamuting ito sa mga pagitan ng gintong mga kampanilya. 35 Kailangang isuot ito ni Aaron kapag papasok siya sa Banal na Lugar para maglingkod sa aking presensya, para marinig ang tunog ng mga kampanilya kung papasok at lalabas si Aaron sa Banal na Lugar. Kung gagawin niya ito, hindi siya mamamatay.
36 “Magpagawa ka ng medalyang ginto at paukitan mo ito ng ganitong mga salita: ‘Ibinukod para sa Panginoon.’ 37 Itali mo ito sa harap ng turban ni Aaron sa pamamagitan ng asul na panali, 38 para makita ito sa kanyang noo. Ipinapakita nito na dadalhin ni Aaron ang kahit anong kasalanang nagawa ng mga Israelita sa paghahandog nila sa Panginoon. Lagi itong ikakabit ni Aaron sa kanyang noo para matuwa ang Panginoon sa mga mamamayan.
39 “Ang damit-panloob ni Aaron ay kailangang pinong linen, ganoon din ang kanyang turban at ang sinturon na binurdahan ng maganda. 40 Magpatahi ka rin ng mga damit-panloob, mga sinturon, at mga turban para sa mga anak ni Aaron para sa ikararangal nila.
41 “Ipasuot mo ang mga damit sa kapatid mong si Aaron at sa mga anak niyang lalaki, at pagkatapos, pahiran[ah] mo sila ng langis at ordinahan. Italaga mo sila sa akin para makapaghandog sila sa akin bilang mga pari.
42 “Ipatahi mo rin sila ng mga pang-ilalim na damit na tatakip sa kanyang kahubaran. Ang haba nitoʼy mula sa baywang hanggang sa hita para hindi sila masilipan. 43 Kailangan nila itong isuot kapag papasok sila sa Toldang Tipanan, o kapag lalapit sila sa altar ng Banal na Lugar sa paglilingkod bilang mga pari, para hindi sila masilipan at mamatay. Ang tuntuning itoʼy dapat sundin ni Aaron at ng kanyang salinlahi magpakailanman.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®