Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Bible in 90 Days

An intensive Bible reading plan that walks through the entire Bible in 90 days.
Duration: 88 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
2 Samuel 12:11-22:18

11 “Ito pa ang sinasabi ng Panginoon: May isang miyembro ng sambahayan mo ang maghihimagsik laban sa iyo. Ibibigay ko ang mga asawa mo sa taong iyon na hindi iba sa iyo at sisiping siya sa kanila na kitang-kita ng mga tao. 12 Ginawa mo ito nang lihim pero ang gagawin koʼy makikita nang hayagan ng buong Israel.”

13 Sinabi ni David kay Natan, “Nagkasala ako sa Panginoon.” Sumagot si Natan, “Pinatawad ka na ng Panginoon at hindi ka mamamatay sa kasalanang ginawa mo. 14 Pero dahil sa ginawa mo, binigyan mo ng dahilan ang mga kalaban ng Panginoon na lapastanganin siya kaya siguradong mamamatay ang anak mo.” 15 Nang makauwi na si Natan, ipinahintulot ng Panginoon na magkasakit ng malubha ang anak ni David kay Batsheba. 16 Nakiusap si David sa Dios para sa bata. Nag-ayuno siya sa loob ng kwarto niya, at natutulog siya sa lapag gabi-gabi. 17 Pinuntahan siya ng mga tagapamahala ng kanyang sambahayan para pabangunin, pero ayaw niya, at ayaw din niyang kumaing kasama nila.

18 Nang ikapitong araw, namatay ang bata. Natakot ang mga lingkod ni David na sabihin sa kanya na patay na ang bata. Sinabi nila, “Paano natin sasabihin sa kanya na patay na ang bata? Hindi nga niya pinapansin ang pagdamay natin sa kanya noong buhay pa ang bata, paano pa kaya ngayong patay na ito. Baka kung ano ang gawin niya sa sarili niya!”

19 Napansin ni David na nagbubulungan ang mga alipin niya, kaya pakiramdam niya, patay na ang bata. Nagtanong siya, “Patay na ba ang bata?” Sumagot sila, “Patay na po siya.” 20 Pagkarinig nito, bumangon si David, naligo, nagpahid ng mabangong langis at nagpalit ng damit. Pumunta siya sa bahay ng Panginoon at sumamba. Pagkatapos, umuwi siya, nagpahain, at kumain. 21 Sinabi ng mga lingkod niya, “Hindi po namin kayo maintindihan. Noong buhay pa ang bata, nag-aayuno po kayo at umiiyak, pero ngayong patay na ang bata, bumangon kayo at kumain!” 22 Sumagot si David, “Oo, nag-ayuno ako at umiyak noong buhay pa ang bata dahil iniisip ko na baka kaawaan ako ng Panginoon at hindi niya payagang mamatay ang bata. 23 Pero ngayong patay na ang bata, bakit pa ako mag-aayuno? Mabubuhay ko pa ba siya? Darating ang panahon na makakapunta ako sa kinaroroonan niya, pero hindi na siya makakabalik sa akin.”

24 Dinamayan ni David ang asawa niyang si Batsheba, at nagsiping sila. Nabuntis si Batsheba at nanganak ng isang lalaki, at pinangalanan nila siyang Solomon. Minahal ng Panginoon ang bata, 25 at nagpadala siya ng mensahe kay Propeta Natan na pangalanang Jedidia[a] ang bata dahil mahal siya ng Panginoon.

Sinakop ni David ang Rabba(A)

26 Sa kabilang dako, sumalakay sina Joab sa Rabba, ang kabisera ng Ammon, at malapit na nila itong masakop. 27 Nagsugo si Joab ng mga mensahero kay David para sabihin, “Sinalakay po namin ang Rabba at nasakop na namin ang imbakan nila ng tubig. 28 Ngayon, tipunin nʼyo po ang mga natitirang sundalo at tapusin na ninyo ang pagsakop sa lungsod para kayo ang maparangalan at hindi ako.”

29 Kaya tinipon ni David ang natitirang sundalo at sinalakay nila ang Rabba, at nasakop nila ito. 30 Kinuha ni David sa ulo ng hari ng mga Ammonita[b] ang gintong korona at ipinutong ito sa kanyang ulo. Ang bigat ng korona ay 35 kilo at may mga mamahaling bato. Marami pang bagay ang nasamsam ni David sa lungsod na iyon. 31 Ginawa niyang alipin ang mga naninirahan doon at sapilitan silang pinagtrabaho gamit ang lagare, piko, at palakol, at pinagawa rin sila ng mga tisa. Ito ang ginawa ni David sa mga naninirahan sa lahat ng bayan ng mga Ammonita. Pagkatapos, umuwi si David at ang lahat ng sundalo niya sa Jerusalem.

Si Amnon at si Tamar

13 Ang anak ni David na si Absalom ay may magandang kapatid na ang pangalan ay Tamar. Ngayon, si Amnon, na isa rin sa mga anak ni David ay umiibig kay Tamar. Pero hindi niya magawa ang gusto niyang gawin kay Tamar dahil dalaga pa ito at lagi itong may bantay. Dahil dito, sumama ang loob niya hanggang sa magkasakit siya.

May napakatusong kaibigan si Amnon na ang pangalan ay Jonadab. Anak siya ng kapatid ni David na si Shimea. Isang araw, nagtanong siya kay Amnon, “Anak ka ng hari, pero bakit araw-araw kitang nakikitang malungkot? Sabihin mo nga sa akin kung ano ang problema mo.” Sinabi ni Amnon sa kanya, “Gusto ko si Tamar, ang kapatid ni Absalom na kapatid ko sa ama.” Sinabi sa kanya ni Jonadab, “Humiga ka at magkunwaring may sakit. Kapag dinalaw ka ng iyong ama, sabihin mong payagan niya si Tamar na puntahan ka at pakainin. Sabihin mo sa kanyang gusto mong makita si Tamar na naghahanda ng pagkain mo at gusto mo rin na siya ang magpakain sa iyo.”

Kaya humiga nga si Amnon at nagkunwaring may sakit. Nang dalawin siya ni Haring David, sinabi niya, “Gusto ko pong pumunta rito ang kapatid kong si Tamar at gumawa ng tinapay sa tabi ko, at siya ang magpakain sa akin.” Kaya nagpasabi si David kay Tamar na nasa palasyo, na puntahan niya ang kapatid niyang si Amnon at maghanda ng pagkain para rito.

Pumunta si Tamar sa bahay ng kapatid niyang si Amnon at dinatnan niya itong nakahiga. Kumuha siya ng harina, minasa ito at niluto ang tinapay kung saan nakikita siya ni Amnon. Pagkaluto, kinuha niya ito para pakainin si Amnon, pero tumanggi ito. Sinabi ni Amnon, “Palabasin mo ang lahat ng tao rito!” At lumabas ang lahat ng tao. 10 Pagkatapos, sinabi ni Amnon kay Tamar, “Dalhin mo sa aking silid ang pagkain at subuan mo ako.” Kaya dinala ni Tamar ang pagkain kay Amnon.

11 Pero habang pinapakain niya si Amnon, niyakap siya nito at sinabing magsiping sila.

12 Ngunit tumanggi si Tamar at sinabi, “Huwag mo akong piliting gawin ito! Magkapatid tayo! Huwag mong gawin sa akin ang masamang bagay na ito. Hindi ito dapat mangyari sa Israel. 13 Ano na lang ang mukhang ihaharap ko sa mga tao? At ikaw, ituturing na pinakadakilang hangal sa buong Israel. Pakiusap, kausapin mo ang hari tungkol dito; nasisiguro kong papayag siyang maging asawa mo ako.”

14 Pero hindi siya pinakinggan ni Amnon at dahil sa mas malakas siya kay Tamar napagsamantalahan niya ito. 15 Pagkatapos ng nangyari, kinasuklaman ni Amnon si Tamar, at ang pagkasuklam niya kay Tamar ay mas matindi pa sa pag-ibig na naramdaman niya rito noong una. Sinabi ni Amnon sa kanya, “Lumabas ka!” 16 Sumagot si Tamar, “Hindi ako lalabas! Mas malaking kasalanan ang ginagawa mong pagtataboy sa akin ngayon kaysa sa ginawa mo sa akin.” Pero hindi siya pinakinggan ni Amnon. 17 Sa halip, ipinatawag niya ang personal niyang lingkod at inutusan, “Palabasin mo ang babaeng ito at isara mo ang pinto.”

18 Kaya pinalabas nga niya si Tamar at isinara ang pinto. Nakasuot noon ng maganda at mahabang damit si Tamar dahil iyon ang isinusuot ng mga dalagang anak ng hari nang panahong iyon. 19 Pero dahil sa sinapit ni Tamar, pinunit niya ang maganda at mahaba niyang damit, at naglagay ng abo sa ulo niya. Pagkatapos, lumakad siyang umiiyak habang nakatakip ang kamay niya sa mukha niya.

20 Nang makita siya ng kapatid niyang si Absalom, tinanong siya nito, “May masamang ginawa ba sa iyo si Amnon? Kung mayroon maʼy, huwag mo na lang itong sabihin sa iba dahil kapatid mo siya sa ama. Huwag mo na lang masyadong isipin ang nangyari sa iyo.” At doon na sa bahay ni Absalom nanirahan si Tamar, pero palagi siyang malungkot at nag-iisa. 21 Nang malaman ni Haring David ang nangyari, galit na galit siya. 22 At kahit walang binanggit si Absalom kay Amnon tungkol sa ginawa nito sa kapatid niya, kinasuklaman niya ito sa kahihiyang idinulot nito sa kapatid niyang si Tamar.

Pinatay ni Absalom si Amnon

23 Pagkaraan ng dalawang taon, nang pinapagupitan ni Absalom ang mga tupa niya sa Baal Hazor, malapit sa Efraim, inimbita niya ang lahat ng anak ng hari na sumama para magdiwang doon. 24 Nagpunta siya kay Haring David at sinabi, “Nagpapagupit po ako ng mga tupa, makakapunta po ba kayo at ang mga opisyal nʼyo sa okasyong ito?” 25 Sumagot ang hari, “Hindi na lang anak, mahihirapan ka lang kung sasama kaming lahat.” Pinilit siya ni Absalom pero hindi siya pumayag. Binasbasan na lang niya si Absalom. 26 Sinabi ni Absalom, “Kung hindi po kayo pupunta, si Amnon na lang na kapatid ko ang payagan nʼyong pumunta.” Nagtanong ang hari, “Bakit gusto mo siyang papuntahin doon?” 27 Sa halip na sumagot, nagpumilit pa rin si Absalom, kaya ipinasama na lang ni David si Amnon, at ang iba pa niyang mga anak na lalaki.

28 Sinabi ni Absalom sa mga tauhan niya, “Hintayin nʼyong malasing si Amnon, at pagsenyas ko, patayin nʼyo siya. Huwag kayong matakot; ako ang nag-uutos sa inyo. Lakasan nʼyo ang loob ninyo at huwag kayong magdalawang-isip!” 29 Kaya pinatay ng mga tauhan ni Absalom si Amnon ayon sa utos niya. Sumakay agad ang ibang anak na lalaki ng hari sa kani-kanilang mola[c] at nagsitakas. 30 Habang pauwi na sila sa Jerusalem, may nakapagbalita kay David na pinagpapatay ni Absalom ang mga anak niyang lalaki at walang natira kahit isa. 31 Tumayo si David at pinunit ang damit niya bilang pagluluksa, at dumapa siya sa lupa. Pinunit din ng mga lingkod niya na nakatayo roon ang kanilang damit gaya ng ginawa ni David. 32 Pero sinabi ni Jonadab na anak ng kapatid ni David na si Shimea, “Mahal na Hari, hindi po napatay ang lahat ng anak ninyo kundi si Amnon lang po. Matagal na pong plano ni Absalom na patayin si Amnon mula pa nang pagsamantalahan nito ang kapatid niyang si Tamar. 33 Huwag kayong maniwalang namatay ang lahat ng anak nʼyong lalaki. Si Amnon lang po ang pinatay.” 34 Samantala, tumakas si Absalom.

Nang mga oras ding iyon, may nakita ang mga tagapagbantay sa pader ng Jerusalem na may isang grupong paparating mula sa gilid ng burol sa gawing kanluran. Pumunta ang isang tagapagbantay sa hari at sinabi, “May nakita po kaming mga tao sa daan ng Horonaim, sa gilid ng burol.”[d] 35 Sinabi ni Jonadab sa hari, “Mahal na Hari, tingnan nʼyo po! Nandiyan po ang mga anak ninyong lalaki gaya ng sinabi ko.” 36 Pagkatapos niyang magsalita, dumating ang mga anak na lalaki ni David na umiiyak. Labis ding umiyak si David at ang lahat ng lingkod niya. 37-38 Ipinagluksa ni David ang anak niyang si Amnon sa loob ng mahabang panahon.

Nang tumakas si Absalom, pumunta siya kay Haring Talmai ng Geshur na anak ni Amihud. Doon siya nanirahan sa loob ng tatlong taon. 39 Nang lumipas na ang pangungulila ni Haring David kay Amnon, nangulila naman siya kay Absalom.[e]

Bumalik si Absalom sa Jerusalem

14 Alam ni Joab, anak ni Zeruya, na nangungulila si Haring David kay Absalom. Kaya nagpatawag siya ng isang matalinong babae galing sa Tekoa. Pagdating ng babae, sinabi ni Joab sa kanya, “Magkunwari kang nagluluksa. Magsuot ka ng damit na panluksa at huwag kang magpahid ng mabangong langis. Umarte kang gaya ng isang nagluluksa ng mahabang panahon. Pagkatapos, pumunta ka sa hari at sabihin mo sa kanya ang sasabihin ko sa iyo.” At sinabi ni Joab sa kanya ang dapat niyang sabihin sa hari.

Pumunta ang babae sa hari at nagpatirapa siya bilang paggalang. Pagkatapos, sinabi ng babae, “Tulungan nʼyo po ako, Mahal na Hari!” Tinanong siya ng hari, “Ano ba ang problema mo?” Sumagot siya, “Isa po akong biyuda, at may dalawa akong anak na lalaki. Isang araw, nag-away po silang dalawa sa bukid, at dahil walang umawat sa kanila, napatay ang isa. Pinuntahan ako ng lahat ng kamag-anak ko at sinabi, ‘Ibigay mo sa amin ang anak mo, at papatayin namin siya dahil pinatay niya ang kapatid niya. Hindi siya nararapat magmana ng mga ari-arian ng kanyang ama.’ Kung gagawin nila ito, mawawala pa ang isa kong anak na siya na lang ang inaasahan kong tutulong sa akin, at mawawala na rin ang pangalan ng asawa ko rito sa mundo.”

Sinabi ng hari sa babae, “Umuwi ka na, ako na ang bahala. Mag-uutos akong huwag na nilang saktan ang anak mo.” Sinabi ng babae, “Mahal na Hari, kung kayo man po ay babatikusin dahil sa pagpanig nʼyo sa akin, ako po at ang aking pamilya ang mananagot at hindi kayo.” 10 Sumagot ang hari, “Kung may magbabanta sa iyo, dalhin mo siya sa akin at titiyakin kong hindi ka na niya muling gagambalain.” 11 Sinabi ng babae, “Mahal na Hari, sumumpa po kayo sa Panginoon na inyong Dios, na hindi nʼyo papayagang may maghiganti pa sa anak ko para hindi na lumala ang pangyayari, at para hindi mapatay ang anak ko.” Sumagot si Haring David, “Isinusumpa ko sa Panginoon na buhay, na hindi mapapahamak ang anak mo.”[f]

12 Sinabi ng babae, “Mahal na Hari, may isa pa po akong hihilingin sa inyo.” Sumagot ang hari, “Sige, sabihin mo.” 13 Sinabi ng babae, “Bakit hindi nʼyo po gawin sa mga mamamayan ng Dios ang ipinangako nʼyong gagawin para sa akin? Kayo na ang humatol sa inyong sarili sa ginawa nʼyong desisyon, dahil sa hindi nʼyo pagpapabalik sa itinaboy nʼyong anak. 14 Mamamatay tayong lahat; magiging gaya tayo ng tubig na natapon sa lupa at hindi na muling makukuha. Pero hindi lang po basta-basta kinukuha ng Dios ang buhay ng tao, sinisikap niyang mapanumbalik ang mga taong napalayo sa kanya.

15 “Mahal na Hari, pumunta po ako rito para sabihin ang problema ko dahil natatakot ako sa mga kamag-anak ko. Nagpasya akong makipag-usap sa inyo dahil baka magawan nʼyo ng paraan ang kahilingan ko, 16 na mailigtas nʼyo kami ng aking anak sa mga taong nagtatangkang kunin ang lupaing ibinigay sa amin ng Dios. 17 Ang desisyon nʼyo ang makapagbibigay sa akin ng kapayapaan dahil tulad kayo ng isang anghel ng Dios, na nakakaalam kung ano ang masama at mabuti. Lagi sana kayong samahan ng Panginoon na inyong Dios.” 18 Sinabi ng hari sa babae, “May itatanong ako sa iyo at gusto kong sagutin mo ako nang totoo.” Sumagot ang babae, “Sige po, Mahal na Hari.” 19 Nagtanong ang hari, “Si Joab ba ang nagturo nito sa iyo?” Sumagot ang babae, “Hindi ko po kayang magsinungaling sa inyo, Mahal na Hari. Si Joab nga po ang nag-utos sa aking gawin ito at siya rin ang nagturo sa akin kung ano ang mga dapat kong sabihin. 20 Ginawa po niya ito para magkaayos na po kayo ni Absalom. Pero matalino kayo, Mahal na Hari, gaya ng isang anghel ng Dios, nalalaman nʼyo ang lahat ng nangyayari sa bansa natin.”

21 Kaya ipinatawag ng hari si Joab at sinabi, “Sige, lumakad ka at dalhin mo pabalik dito ang binatang si Absalom.” 22 Nagpatirapa siya sa hari at sinabi, “Pagpalain sana kayo ng Panginoon, Mahal na Hari. Ngayon, nalalaman kong nalulugod kayo sa akin dahil tinupad nʼyo ang kahilingan ko.” 23 Pagkatapos, pumunta si Joab sa Geshur at dinala si Absalom pabalik sa Jerusalem. 24 Pero iniutos ng hari, “Doon siya pauwiin sa bahay niya. Ayaw ko siyang makita rito sa palasyo.” Kaya umuwi si Absalom sa sarili niyang bahay at hindi na siya nagpakita sa hari.

25 Wala nang hihigit pa sa kagwapuhan ni Absalom sa buong Israel kaya hinahangaan siya ng lahat. Wala siyang kapintasan mula ulo hanggang paa. 26 Isang beses lang siya magpagupit bawat taon kapag nabibigatan na siya sa buhok niya. Kung titimbangin ang buhok niya, aabot ito ng dalawang kilo, ayon sa timbangang ginagamit ng hari. 27 Si Absalom ay may tatlong anak na lalaki at isang napakagandang babaeng nagngangalang Tamar. 28 Nanirahan si Absalom sa Jerusalem sa loob ng dalawang taon na hindi nakikita ang hari.

29 Isang araw, ipinatawag ni Absalom si Joab para hilingin na makipag-usap ito sa hari para sa kanya. Pero hindi pumunta si Joab kay Absalom. Kaya muling ipinatawag siya ni Absalom, pero hindi na naman siya pumunta. 30 Sinabi ni Absalom sa mga lingkod niya, “Sunugin nʼyo ang bukid ni Joab na taniman ng sebada. Katabi lang ito ng bukid ko.” Kaya sinunog nila ang bukid ni Joab.

31 Pumunta si Joab kay Absalom at sinabi, “Bakit sinunog ng mga lingkod mo ang bukid ko?” 32 Sumagot si Absalom, “Dahil hindi ka pumunta rito noong ipinatawag kita. Gusto ko sanang pumunta ka sa hari at tanungin siya kung bakit ipinakuha pa niya ako sa Geshur. Mas mabuti pang nagpaiwan na lang ako roon. Gusto kong makita ang hari, kung nagkasala ako, patayin niya ako.”

33 Kaya pumunta si Joab sa hari, at ipinaabot dito ang mga sinabi ni Absalom. Pagkatapos, ipinatawag ng hari si Absalom, pagdating niya, yumukod ito sa hari bilang paggalang. At hinalikan siya ng hari.

Naghimagsik si Absalom Laban kay David

15 Pagkatapos, nagkaroon si Absalom ng karwahe at mga kabayo, at nakapagtipon siya ng 50 personal na tagapagbantay. Maaga siyang gumigising araw-araw at tumatayo sa gilid ng daan papunta sa pintuan ng lungsod. Kapag may dumarating na tao para idulog ang kaso niya sa hari, tinatanong siya ni Absalom kung taga-saan, at sinasabi ng tao kung saang lahi siya ng Israel nagmula. Pagkatapos, sinasabi sa kanya ni Absalom, “Malaki ang pag-asa mong manalo sa iyong kaso, kaya lang, walang kinatawan ang hari para duminig ng kaso mo. Kung ako sana ang hukom, makakalapit sa akin ang bawat tao na mayroong reklamo o kaso, at titiyakin kong mabibigyan siya ng hustisya.” At kung may lalapit na tao kay Absalom at yuyukod bilang paggalang, niyayakap niya ito at hinahalikan bilang pagbati. Ganito ang ginagawa ni Absalom sa lahat ng Israelitang pumupunta sa hari para idulog ang kaso nila. Kaya nakuha niya ang tiwala ng mga Israelita.

Pagkalipas ng apat na taon,[g] sinabi ni Absalom sa hari, “Payagan nʼyo po akong pumunta sa Hebron para tuparin ang ipinangako ko sa Panginoon. Noong naninirahan pa ako sa Geshur na sakop ng Aram, nangako ako sa Panginoon na kung pababalikin ulit ako ng Panginoon sa Jerusalem, sasamba ako sa kanya sa Hebron.” Sinabi ng hari sa kanya, “Sige, magkaroon ka sana ng matiwasay na paglalakbay.” Kaya pumunta si Absalom sa Hebron.

10 Pero nang dumating si Absalom sa Hebron, lihim siyang nagsugo ng mga mensahero sa buong Israel para sabihin, “Kapag narinig nʼyo ang tunog ng trumpeta, sumigaw kayo, ‘Si Absalom na ang hari ng Israel, at doon siya naghahari sa Hebron!’ ” 11 Isinama ni Absalom ang 200 tao para pumunta sa Hebron. Subalit ang mga taong itoʼy walang alam sa mga plano ni Absalom. 12 Habang naghahandog si Absalom, ipinatawag niya si Ahitofel sa bayan ng Gilo. Taga-Gilo si Ahitofel at isa sa mga tagapayo ni David. Habang tumatagal, lalong dumarami ang mga tagasunod ni Absalom, kaya lumakas nang lumakas ang plano niyang pagrerebelde laban kay David.

Tumakas si David

13 May isang mensaherong nagsabi kay David na ang mga Israelitaʼy nakipagsabwatan na kay Absalom. 14 Sinabi ni David sa lahat ng kasama niyang opisyal sa Jerusalem, “Dali, kailangan nating makatakas agad. Baka sumalakay si Absalom at maabutan niya tayo at pagpapatayin tayong lahat pati na ang mga nakatira sa Jerusalem. Dalian nʼyo, kung gusto ninyong makaligtas kay Absalom!” 15 Sinabi ng mga opisyal, “Mahal na Hari, handa po kaming gawin ang anumang sabihin nʼyo sa amin.” 16 Kaya lumakad si David kasama ang buong sambahayan niya, pero iniwan niya ang sampu niyang asawang alipin para asikasuhin ang palasyo.

17 Lumakad na si David at ang mga tauhan niya, at huminto sila sa tapat ng kahuli-hulihang bahay ng lungsod, 18 at pinauna ni David ang lahat ng tauhan niya, pati na ang lahat ng personal niyang tagapagbantay na mga Kereteo at Peleteo. Sumunod ang 600 tao na galing sa Gat at sumama kay David. 19 Sinabi ni David kay Itai na pinuno ng mga taga-Gat, “Bakit kayo sumasama sa amin? Bumalik kayo sa Jerusalem, sa bagong hari ninyo na si Absalom. Mga dayuhan lang kayo sa Israel na tumakas mula sa lugar ninyo. 20 Kadarating lang ninyo dito, tapos ngayon sasama kayo sa amin na hindi nga namin alam kung saan kami pupunta? Bumalik na kayo kasama ng mga kababayan nʼyo, at ipakita sana sa inyo ng Panginoon ang pagmamahal niya at katapatan.” 21 Pero sumagot si Itai sa hari, “Sumusumpa po ako sa Panginoon na buhay at sa inyo, Mahal na Hari, sasama po kami sa inyo kahit saan kayo pumunta, kahit na kamatayan pa ang kahihinatnan namin.” 22 Sinabi ni David sa kanya, “Kung ganoon, sige, sumama kayo sa amin.” Kaya lumakad si Itai at ang lahat ng tauhan niya, at ang pamilya niya. 23 Humagulgol ang mga tao sa Jerusalem habang dumadaan ang mga tauhan ni David. Tumawid si David sa Lambak ng Kidron kasama ang kanyang mga tauhan patungo sa disyerto.

24 Nandoon ang mga paring sina Zadok at Abiatar, at ang mga Levita na buhat ang Kahon ng Kasunduan ng Dios. Inilagay nila ang Kahon ng Kasunduan sa tabi ng daan at naghandog si Abiatar hanggang sa makaalis ang lahat ng tauhan ni David sa lungsod. 25 Pagkatapos, sinabi ni David kay Zadok, “Ibalik ang Kahon ng Dios sa Jerusalem. Kung nalulugod sa akin ang Panginoon, pababalikin niya ako sa Jerusalem at makikita ko itong muli at ang lugar na kinalalagyan nito. 26 Pero kung hindi, handa ako kung anuman ang gusto niyang gawin sa akin.”

27 Sinabi pa ni David kay Zadok, “Matiwasay kayong bumalik ni Abiatar sa Jerusalem kasama ang anak mong si Ahimaaz at ang anak ni Abiatar na si Jonatan, at magmanman kayo roon. 28 Maghihintay ako sa tawiran ng ilog sa disyerto hanggang sa makatanggap ako ng balita galing sa inyo.” 29 Kaya ibinalik nina Zadok at Abiatar ang Kahon ng Dios sa Jerusalem, at nanatili sila roon.

30 Umiiyak na umakyat si David sa Bundok ng Olibo. Nakapaa lang siya at tinakpan niya ang ulo niya bilang pagdadalamhati. Nakatakip din ng ulo ang mga kasama niya at umiiyak habang umaakyat. 31 May nagsabi kay David na si Ahitofel ay sumama na kay Absalom. Kaya nanalangin si David, “Panginoon, gawin po ninyong walang kabuluhan ang mga payo ni Ahitofel.”

32 Nang makarating sina David sa ibabaw ng Bundok ng Olibo, kung saan sinasamba ang Dios, sinalubong siya ni Hushai na Arkeo. Punit ang damit niya at may alikabok ang kanyang ulo bilang pagdadalamhati. 33 Sinabi ni David sa kanya, “Wala kang maitutulong kung sasama ka sa akin. 34 Pero kung babalik ka sa lungsod at sasabihin mo kay Absalom na pagsisilbihan mo siya gaya ng pagsisilbing ginawa mo sa akin, matutulungan mo pa ako sa pamamagitan ng pagsalungat sa bawat payong ibibigay ni Ahitofel. 35 Naroon din sina Zadok at Abiatar na mga pari. Sabihin mo sa kanila ang lahat ng maririnig mo sa palasyo ng hari. 36 Pagkatapos, papuntahin mo sa akin ang mga anak nilang sina Ahimaaz at Jonatan para ibalita sa akin ang mga narinig nila.” 37 Kaya bumalik sa Jerusalem si Hushai na kaibigan ni David. Nagkataon naman na papasok noon ng lungsod si Absalom.

Si David at si Ziba

16 Kalalampas pa lang nang kaunti ni David sa ibabaw ng bundok nang salubungin siya ni Ziba na katiwala ni Mefiboset. May dalawa itong asno na may kargang 200 tinapay, 100 kumpol ng ubas, 100 piraso ng hinog na prutas,[h] at katas ng ubas na nakalagay sa balat na sisidlan. Tinanong ni David si Ziba, “Bakit nagdala ka ng mga iyan?” Sumagot si Ziba, “Ang mga asno po ay para sakyan ng sambahayan nʼyo, ang mga tinapay naman at prutas ay para kainin nʼyo at ng mga kasama ninyo, at ang katas ng ubas ay para naman inumin nʼyo kapag napagod kayo sa disyerto.” Nagtanong si David, “Nasaan na si Mefiboset, ang apo ng amo mong si Saul?” Sumagot si Ziba, “Nagpaiwan po siya sa Jerusalem, dahil iniisip niyang gagawin siyang hari ngayon ng mga Israelita sa kaharian ng lolo niyang si Saul.” Sinabi ni David, “Kung ganoon, ibinibigay ko na sa iyo ngayon ang lahat ng ari-arian ni Mefiboset.” Sinabi ni Ziba, “Mahal na Hari, handa po akong sumunod sa inyo. Malugod sana kayo sa akin.”

Sinumpa ni Shimei si David

Nang papalapit na si Haring David sa Bahurim, may taong lumabas sa bayang iyon at isinumpa si David. Ang taong ito ay si Shimei na anak ni Gera at kamag-anak ni Saul. Binato niya si David at ang mga opisyal nito kahit na napapaligiran si David ng mga tauhan at mga personal niyang tagapagbantay. Ito ang sinabi niya kay David: “Huwag kang papasok sa bayan namin, mamamatay-tao at masamang tao ka! Ginagantihan ka ng Panginoon sa pagpatay mo kay Saul at sa sambahayan niya. Kinuha mo ang kanyang trono, pero ngayon, ibinigay ito ng Panginoon sa anak mong si Absalom. Bumagsak ka dahil mamamatay-tao ka!”

Sinabi ni Abishai na anak ni Zeruya sa hari, “Mahal na Hari, bakit nʼyo po pinapabayaang sumpain kayo ng taong iyan na tulad lang ng patay na aso? Payagan nʼyo po akong pugutan siya ng ulo.” 10 Pero sinabi ng hari, “Kayong mga anak ni Zeruya, wala kayong pakialam dito! Kung inutusan siya ng Panginoong sumpain ako, sino ako para pigilan siya?” 11 Sinabi ni David kay Abishai at sa lahat ng opisyal niya, “Kung ang anak ko nga ay binabalak akong patayin, paano pa kaya itong kamag-anak ni Saul?[i] Inutusan siya ng Panginoon kaya hayaan nʼyo na lang siya. 12 Baka makita ng Panginoon ang paghihirap ko, at gantihan niya ng kabutihan ang kasamaang nararanasan ko ngayon.” 13 Kaya nagpatuloy sa paglakad sina David at ang mga tauhan niya. Sinusundan din sila ni Shimei, pero sa gilid ng burol lang siya dumadaan. Habang naglalakad siya, isinusumpa niya si David at hinahagisan ng bato at lupa. 14 Napagod sina David at ang mga tauhan niya kaya nagpahinga sila pagdating nila sa Ilog ng Jordan.[j]

Nakipagkita si Hushai kay Absalom

15 Samantala, dumating sa Jerusalem sina Absalom, Ahitofel at ang iba pang mga Israelita. 16 Dumating din doon si Hushai na Arkeo, na kaibigan ni David. Pumunta siya kay Absalom at sinabi, “Mabuhay ang hari! Mabuhay ang hari!” 17 Tinanong ni Absalom si Hushai, “Nasaan na ang katapatan mo sa kaibigan mo na si David? Bakit hindi ka sumama sa kanya?” 18 Sumagot si Hushai, “Hindi! Sa inyo po ako sasama dahil kayo ang pinili ng Panginoon at ng buong mamamayan ng Israel na maging hari. 19 Bukod pa riyan, sino pa ba ang pagsisilbihan ko, kundi kayo na anak ni David. Naglingkod ako noon sa ama nʼyo, ngayon, kayo naman ang paglilingkuran ko.”

Ang Payo ni Ahitofel kay Absalom

20 Sinabi ni Absalom kay Ahitofel, “Ngayon, ano ang maipapayo mong gawin natin?” 21 Sumagot si Ahitofel, “Sipingan nʼyo ang mga asawang alipin ng inyong ama na kanyang iniwan para asikasuhin ang palasyo. At malalaman ng buong Israel na ginalit nʼyo nang labis ang inyong ama at lalakas pa lalo ang suporta ng mga tauhan nʼyo sa inyo.” 22 Kaya nagpatayo sila ng tolda sa bubungan ng palasyo para kay Absalom, at nakikita ng buong Israel na pumapasok siya roon para sumiping sa mga asawa ng kanyang ama.

23 Nang mga panahong iyon, sinusunod ni Absalom ang mga payo ni Ahitofel, gaya ng ginawa ni David. Dahil ipinapalagay nilang galing sa Dios ang bawat payong ibinibigay ni Ahitofel.

17 Sinabi ni Ahitofel kay Absalom, “Payagan nʼyo po akong pumili[k] ng 12,000 tauhan para hanapin sina David ngayong gabi. Sasalakayin namin sila habang pagod sila at nanghihina. Matataranta sila at magsisitakas ang mga tauhan niya. Si David lang po ang papatayin ko, at pababalikin ko sa inyo ang lahat ng tauhan niya gaya ng pagbabalik ng asawa sa kabiyak nito.[l] Kapag napatay si David, hindi na makakalaban ang mga tauhan niya.” Mukhang mabuti naman ang payo na ito para kay Absalom at sa lahat ng tagapamahala ng Israel.

Pero sinabi ni Absalom, “Tawagin natin si Hushai na Arkeo, at nang malaman natin kung ano ang masasabi niya.” Kaya nang dumating si Hushai, sinabi sa kanya ni Absalom ang payo ni Ahitofel. Pagkatapos, nagtanong si Absalom, “Gagawin ba natin ang sinabi niya? Kung hindi, ano ang dapat nating gawin?” Sumagot si Hushai, “Sa ngayon, hindi maganda ang ipinayo ni Ahitofel. Kilala nʼyo ang ama nʼyo at ang mga tauhan niya; magigiting silang mandirigma at mababangis tulad ng oso na inagawan ng mga anak. Bukod pa riyan, bihasa ang ama nʼyo sa pakikipaglaban, at hindi siya natutulog na kasama ng mga tauhan niya. Maaaring sa oras na ito, nagtatago siya sa kweba o kung saang lugar. Kung sa unang paglalaban nʼyo ay mapatay ang iba sa mga sundalo nʼyo, sasabihin ng makakarinig nito na natalo na ang mga sundalo ninyo. 10 Kahit ang pinakamagigiting nʼyong sundalo na kasintapang ng leon ay matatakot. Sapagkat nalalaman ng lahat ng Israelita na ang ama ninyoʼy bihasang mandirigma at matatapang ang tauhan niya. 11 Ang payo ko, tipunin nʼyo ang buong hukbo ng mga Israelita mula sa Dan hanggang Beersheba,[m] na kasindami ng buhangin sa tabing dagat. At kayo mismo ang mamuno sa kanila sa pakikipaglaban. 12 Hahanapin natin si David saanman siya naroon. Susugod tayo sa kanya na gaya ng pagpatak ng hamog sa lupa at walang makakaligtas isa man sa kanila. 13 Kung tatakas siya sa isang bayan doon, ang buong Israel ay nandoon naghihintay sa iyong iuutos. Pagkatapos, maaari naming talian ang pader nito at hilahin papunta sa kapatagan hanggang sa magiba ito, at hanggang sa wala ng batong matitira roon.” 14 Sinabi ni Absalom at ng lahat ng namumuno sa Israel, “Mas mabuti ang payo ni Hushai na Arkeo kaysa kay Ahitofel.” Ang totoo, mas mabuti ang payo ni Ahitofel, pero niloob ng Panginoon na hindi ito sundin ni Absalom para ibagsak siya.

15 Sinabi ni Hushai sa mga paring sina Zadok at Abiatar ang payo ni Ahitofel kay Absalom at sa mga tagapamahala ng Israel, at pati na rin ang ibinigay niyang payo. 16 Pagkatapos, sinabi niya sa kanila, “Ipaalam nʼyo agad kay David na huwag siyang magpaiwan sa tawiran ng Ilog ng Jordan sa disyerto ngayong gabi, tumawid sila agad sa ilog para hindi sila mamatay.”

17 Nang mga panahong iyon, naghihintay sina Jonatan na anak ni Abiatar at Ahimaaz na anak ni Zadok sa En Rogel, dahil ayaw nilang makitang labas-masok sila ng Jerusalem. Pinapapunta na lang nila ang isang aliping babae para sabihin sa kanila ang nangyayari, at saka nila ito sasabihin kay David. 18 Pero isang araw, nakita sila ng isang binatilyo, kaya sinabi niya ito kay Absalom. Kaya nagmamadaling umalis ang dalawa, at pumunta sa bahay ng isang lalaki sa Bahurim. Mayroong balon ang lalaking ito na malapit sa bahay niya, at doon, bumaba sina Jonatan at Ahimaaz para magtago. 19 Kumuha ng takip ang asawa ng lalaki, tinakpan ang balon, at nagbilad siya ng butil sa ibabaw nito para walang maghinalang may nagtatago roon. 20 Nang makarating ang mga tauhan ni Absalom sa bahay ng lalaki, tinanong nila ang asawa nito, “Nakita nʼyo ba sina Ahimaaz at Jonatan?” Sumagot ang asawa, “Tumawid sila sa ilog.” Hinanap sila ng mga tauhan pero hindi sila nakita, kaya bumalik sila sa Jerusalem.

21 Nang makaalis ang mga tauhan ni Absalom, lumabas sina Jonatan at Ahimaaz sa balon, at pumunta sila kay David. Sinabi nila sa kanya “Tumawid po kayo agad sa ilog dahil nagpayo si Ahitofel na patayin kayo.” 22 Kaya tumawid si David at ang mga tauhan niya sa Ilog ng Jordan, at kinaumagahan, nakatawid na sila sa kabila.

23 Nang malaman ni Ahitofel na hindi sinunod ang payo niya, sumakay siya sa asno niya at umuwi sa bayan niya. Pagkatapos niyang magbigay ng mga habilin sa sambahayan niya, nagbigti siya. Inilibing siya sa pinaglibingan ng kanyang ama. 24 Nakarating na si David at ang mga tauhan niya sa Mahanaim. Nakatawid na noon si Absalom at ang mga tauhan nito sa Ilog ng Jordan. 25 Pinili ni Absalom si Amasa na kapalit ni Joab bilang kumander ng mga sundalo. Si Amasa ay anak ni Jeter na Ishmaelita.[n] Ang ina niya ay si Abigail na anak ni Nahash at kapatid ng ina ni Joab na si Zeruya. 26 Nagkampo si Absalom at ang mga Israelita sa Gilead.

27 Nang dumating sina David sa Mahanaim, binati sila nina Shobi na anak ni Nahash na Ammonitang taga-Rabba, Makir na anak ni Amiel na taga-Lo Debar, at Barzilai na Gileaditang taga-Rogelim. 28 May dala silang mga higaan, mangkok, palayok, trigo, sebada, harina, binusang butil, buto ng mga gulay, 29 pulot, mantika, keso at tupa. Ibinigay nila ito kay David at sa mga tauhan niya, dahil alam nilang gutom, pagod, at uhaw na ang mga ito sa paglalakbay nila sa ilang.

Napatay si Absalom

18 Pinaggrupo-grupo ni David ang mga tauhan niya sa tig-1,000 at tig-100 at pumili siya ng mga pinuno na mamumuno sa kanila. Pinalakad niya sila sa tatlong grupo. Si Joab ang pinuno ng isang grupo, si Abishai na kapatid ni Joab ang sa isang grupo, at si Itai naman na taga-Gat ang sa isa pang grupo. Sinabi ni Haring David sa kanila, “Ako mismo ang mamumuno sa inyo sa pakikipaglaban.” Pero sinabi ng mga tauhan niya, “Hindi po kayo dapat sumama sa amin. Wala pong halaga sa mga kalaban kung tatakas kami, o kung mapatay ang kalahati sa amin. Mas gusto nilang mapatay kayo kaysa sa 10,000 sa amin. Kaya mabuti pang maiwan na lang kayo rito sa lungsod at magpadala sa amin ng tulong kung kinakailangan.” Sumagot si Haring David, “Gagawin ko kung ano ang mabuti sa tingin ninyo.” Tumayo si Haring David sa gilid ng pintuan ng lungsod habang lumalabas ang lahat ng tauhan niya na nakagrupo sa tig-1,000 at tig-100. Nag-utos si Haring David kina Joab, Abishai at Itai, “Alang-alang sa akin, huwag nʼyong sasaktan ang binatang si Absalom.” Narinig ng lahat ng grupo ang utos na ito ni David sa mga kumander ng mga sundalo niya.

Lumakad na ang mga sundalo ni David para makipaglaban sa mga sundalo ng Israel, at sa kagubatan ng Efraim sila naglaban. Natalo ng mga sundalo ni David ang mga Israelita. Maraming namatay nang araw na iyon – 20,000 tao. Lumaganap ang labanan sa buong kagubatan, at mas maraming namatay sa panganib sa kagubatan kaysa sa mga namatay sa espada.

Sa panahon ng labanan, nasalubong ni Absalom ang mga tauhan ni David, at tumakas siya sakay ng mola[o] niya. At habang nagpapasuot-suot siya sa ilalim ng malalagong sanga ng malaking puno ng ensina, sumabit ang ulo niya sa sanga. Dumiretso ng takbo ang mola at naiwan siyang nakabitin sa puno. 10 Nang makita ito ng isang tauhan ni David, pinuntahan niya si Joab at sinabi, “Nakita ko si Absalom na nakabitin sa puno ng ensina.” 11 Sinabi sa kanya ni Joab, “Ano? Nakita mo siya? Bakit hindi mo siya pinatay? Binigyan sana kita ng gantimpalang sampung pirasong pilak at espesyal na sinturon para sa isang opisyal.” 12 Pero sumagot ang tauhan, “Kahit na bigyan mo pa ako ng 1,000 pirasong pilak, hindi ko papatayin ang anak ng hari. Narinig namin ang iniutos ng hari sa iyo, kay Abishai at kay Itai, na huwag ninyong sasaktan ang binatang si Absalom alang-alang sa kanya. 13 At kahit na suwayin ko pa ang hari sa pamamagitan ng pagpatay kay Absalom, malalaman din ito ng hari, at hindi mo naman ako ipagtatanggol.” 14 Sinabi ni Joab, “Nagsasayang lang ako ng oras sa iyo!” Pagkatapos, kumuha siya ng tatlong sibat at pinuntahan si Absalom na buhay pang nakasabit sa puno ng ensina. Pagkatapos, sinibat niya sa dibdib si Absalom. 15 Pinalibutan pa ng sampung tagadala ng armas ni Joab si Absalom at tinuluyan siyang patayin. 16 Pinatunog ni Joab ang trumpeta para itigil na ang labanan, at upang tumigil na ang mga tauhan niya sa paghabol sa mga sundalo ng Israel. 17 Kinuha nila ang bangkay ni Absalom at inihulog sa malalim na hukay sa kagubatan, at tinabunan ito ng napakaraming malalaking tipak ng bato. Samantala, tumakas pauwi ang lahat ng sundalo ng Israel.

18 Noong buhay pa si Absalom, nagpatayo siya ng monumento para sa sarili niya sa Lambak ng Hari, dahil wala siyang anak na lalaki na magdadala ng pangalan niya. Tinawag niya itong “Monumento ni Absalom”, at hanggang ngayon, ito pa rin ang tawag dito.

Ipinagluksa ni David ang Pagkamatay ni Absalom

19 Sinabi ng anak ni Zadok na si Ahimaaz, kay Joab, “Payagan mo akong pumunta kay David para ibalita sa kanya na iniligtas siya ng Panginoon sa mga kalaban niya.” 20 Sinabi ni Joab, “Hindi ka magbabalita sa hari sa araw na ito. Pwede sa ibang araw, pero hindi ngayon, dahil namatay ang anak ng hari.” 21 Sinabi ni Joab sa isang tao na galing sa Etiopia,[p] “Puntahan mo si Haring David at sabihin mo ang nakita mo.” Yumukod muna ito kay Joab bago patakbong umalis. 22 Muling sinabi ni Ahimaaz kay Joab, “Kahit ano pa ang mangyari, payagan mo akong sumunod sa taong taga-Etiopia.” Sinabi ni Joab, “Anak, bakit gusto mong gawin ito? Wala ka namang makukuhang gantimpala sa pagbabalita mo.” 23 Sinabi ni Ahimaaz, “Kahit anong mangyari, aalis ako.” Kaya sinabi ni Joab sa kanya, “Sige, umalis ka!” Kaya tumakbo si Ahimaaz at tinahak ang daan papuntang kapatagan ng Jordan, at naunahan pa niya ang taong taga-Etiopia.

24 Habang nakaupo si David sa pagitan ng pintuan ng unang pader at pintuan ng ikalawang pader ng lungsod, umakyat sa pader ang tagapagbantay ng lungsod at tumayo sa bubong ng pintuan. Habang tumitingin-tingin siya roon, may nakita siyang isang taong tumatakbo. 25 Sumigaw siya kay David na may dumarating na tao, nang mga panahong iyon ay nasa ilalim ng bubong ang hari. Sinabi ni David, “Kung mag-isa lang siya, may dala siguro siyang balita.” Habang papalapit nang papalapit ang tao, 26 may nakita pa siyang isang taong tumatakbo rin. Sumigaw siya sa ibaba na may isa pang taong paparating. Sinabi ng hari, “May dala rin siguro siyang balita.” 27 Sinabi ng tagapagbantay, “Para pong si Ahimaaz na anak ni Zadok ang unang paparating.” Sinabi ng hari, “Mabuti siyang tao. Magandang balita siguro ang dala niya.” 28 Pagdating ni Ahimaaz, kinamusta niya ang hari at yumukod siya rito bilang paggalang. Pagkatapos, sinabi niya, “Purihin ang Panginoon na inyong Dios, Mahal na Hari! Pinagtagumpay niya po kayo laban sa mga taong naghimagsik sa inyo.” 29 Nagtanong ang hari, “Kumusta ang binatang si Absalom? Ayos lang ba siya?” Sumagot si Ahimaaz, “Nang ipinatawag ako ni Joab na lingkod nʼyo, nakita ko pong nagkakagulo ang mga tao pero hindi ko alam kung ano iyon.” 30 Sinabi ng hari, “Diyan ka lang.” Kaya tumayo siya sa tabi. 31 Maya-maya pa, dumating ang taong taga-Etiopia at sinabi, “Mahal na Hari, may maganda po akong balita. Iniligtas po kayo ng Panginoon sa araw na ito sa lahat ng naghimagsik laban sa inyo.” 32 Nagtanong sa kanya ang hari, “Kumusta ang binata kong si Absalom? Hindi ba siya nasaktan?” Sumagot ang tao, “Ang nangyari po sana sa kanya ay mangyari sa lahat ng kalaban nʼyo, Mahal na Hari.”

33 Nanginig si David. Umakyat siya sa kwarto sa itaas ng pintuan ng lungsod at umiyak. Habang umaakyat siya, sinasabi niya, “O Absalom, anak ko, ako na lang sana ang namatay sa halip na ikaw. O Absalom, anak ko, anak ko!”

19 May nagsabi kay Joab na umiiyak ang hari at nagluluksa dahil kay Absalom. Nang marinig ito ng mga sundalo, natigil ang kasayahan ng kanilang tagumpay at napalitan ito ng pagluluksa. Tahimik silang bumalik sa lungsod ng Mahanaim, gaya ng mga sundalong nahihiya dahil tumakas mula sa labanan. Tinakpan ni David ang mukha niya at umiyak nang labis, “O Absalom, anak ko, anak ko!”

Pumunta si Joab sa bahay ng hari at sinabi, “Ipinahiya nʼyo ngayon ang mga tauhan ninyong nagligtas sa buhay nʼyo at sa buhay ng mga anak at asawa ninyo. Minamahal nʼyo ang mga napopoot sa inyo, at kinapopootan ang mga nagmamahal sa inyo. Malinaw po na hindi nʼyo pinapahalagahan ang mga opisyal at tauhan ninyo. Sa tingin ko, mas masisiyahan pa kayo kung namatay kaming lahat at nabuhay si Absalom. Lumabas po kayo ngayon at pasalamatan ang mga tauhan ninyo. Dahil kung hindi, isinusumpa ko sa Panginoon na wala ni isa sa kanilang maiiwan na kasama nʼyo ngayong gabi. Ito ang pinakamasamang mangyayari sa inyo mula noon hanggang ngayon.” Kaya tumayo si David at umupo sa may pintuan ng lungsod. Nang malaman ito ng mga tao, nagtipon silang lahat sa kanya.

Bumalik si David sa Jerusalem

Samantala, tumakas pauwi ang mga sundalo ng Israel na mga tauhan ni Absalom. Nagtalo-talo ang mga tao sa buong Israel. Sinabi nila, “Iniligtas tayo ni Haring David sa kamay ng mga Filisteo, pero tumakas siya sa bayan natin dahil kay Absalom. 10 Pinili nating maging hari si Absalom, pero napatay naman siya sa labanan. Bakit hindi tayo humanap ng paraan para mapabalik natin si David bilang hari?”

11-12 Nang mabalitaan ni Haring David ang pinag-usapan nila, nagpadala siya ng mensahe sa mga paring sina Zadok at Abiatar, na sinasabi, “Sabihin nʼyo ito sa mga tagapamahala ng Juda: ‘Nabalitaan kong gusto ng inyong mga mamamayan na ibalik ako bilang hari, at kayo pa ang huling nagpasya na pabalikin ako sa aking trono? Hindi baʼt mga kamag-anak at kalahi ko kayo?’ 13 At sabihin nʼyo rin ito kay Amasa, ‘Dahil kalahi kita, gagawin kitang kumander ng mga sundalo ko kapalit ni Joab. Kung hindi ko ito gagawin, parusahan sana ako nang matindi ng Dios.’ ”

14 Napapayag ni David ang mga taga-Juda at nagkaisa sila sa kanilang desisyon. At ipinasabi nila kay David, “Bumalik po kayo rito at ang lahat ng tauhan ninyo.”

15 Habang pabalik si David, sinalubong siya ng mga mamamayan ng Juda roon sa Ilog ng Jordan. Ang mga taong itoʼy nagtipon sa Gilgal para samahan siya sa pagtawid sa ilog. 16 Nagmamadaling sumama sa pagsalubong kay David si Shimei na anak ni Gera, isang Benjaminita galing Bahurim. 17 May kasama siyang 1,000 Benjaminita, kasama na rito si Ziba na katiwala ng sambahayan ni Saul, at ang 15 nitong anak na lalaki at 20 utusan. Nagmamadali nilang sinalubong si David sa Ilog ng Jordan. 18 Tinulungan nilang lahat si David at ang sambahayan niya sa pagtawid ng ilog, at sinunod nila ang anumang gustuhin ni David.

Pinatawad ni David si Shimei

Nang patawid pa lang ng Ilog ng Jordan si David, nagpatirapa si Shimei sa harapan niya bilang paggalang, 19 at sinabi, “Mahal na Hari, patawarin nʼyo po ako. Kalimutan nʼyo na po sana ang masamang ginawa ko sa inyo noong umalis kayo sa Jerusalem. 20 Inaamin ko po na nagkasala ako, Mahal na Hari. Kaya nga nauna akong dumating dito kaysa sa ibang mga lahi sa hilaga[q] para salubungin kayo.”

21 Pagkatapos, sinabi ni Abishai na anak ni Zeruya, “Hindi baʼt dapat patayin si Shimei dahil isinumpa niya ang piniling hari ng Panginoon?” 22 Pero sinabi ni David, “Kayong mga anak ni Zeruya, ano ang pakialam nʼyo? Huwag na ninyong salungatin ang desisyon ko. Ako na ngayon ang hari ng Israel, at walang taong papatayin sa Israel sa araw na ito.” 23 Kaya sinabi ni David kay Shimei, “Isinusumpa ko na hindi ka papatayin.”

24-25 Pumunta rin doon si Mefiboset na apo ni Saul para salubungin si David. Galing siya sa Jerusalem. Hindi pa siya nakakapaghugas ng paa, nakakapag-ahit ng balbas, at nakakapagpalit ng damit niya mula nang umalis si David sa Jerusalem hanggang sa matagumpay na nakabalik ito. Nang makarating siya roon, tinanong siya ni David, “Mefiboset, bakit hindi ka sumama sa akin?” 26 Sumagot siya, “Mahal na Hari, alam ninyong lumpo ako. Sinabihan ko ang utusan kong si Ziba na ihanda ang asno para makasakay ako at makasama sa inyo pero nagtraydor siya sa akin. 27 At siniraan niya po ako sa inyo na hindi ako sasama. Pero nalalaman nʼyo ang totoo dahil katulad kayo ng anghel ng Dios, kaya gawin nʼyo kung ano sa tingin nʼyo ang mabuti. 28 Dapat ay papatayin nʼyo na ang buong angkan ng lolo ko pero binigyan nʼyo ako ng karapatang kumain kasama ninyo. Kaya wala na po akong karapatan pang humingi sa inyo ng pabor.” 29 Sinabi ni David sa kanya, “Huwag na nating pag-usapan ito. Nakapagdesisyon na akong paghatian nʼyo ni Ziba ang lupain ni Saul.” 30 Sinabi ni Mefiboset sa hari, “Ibigay nʼyo na lang po sa kanya lahat. Kontento na akong nakauwi kayo nang ligtas.”

Ang Kabaitan ni David kay Barzilai

31 Pumunta rin kay David si Barzilai na taga-Gilead galing sa Rogelim. Gusto rin niyang tumulong kina Haring David sa pagtawid sa Ilog ng Jordan. 32 Matanda na si Barzilai; 80 taong gulang na siya. Mayaman siya at siya ang nagbibigay ng mga kailangan ni David noong doon pa ito nakatira sa Mahanaim. 33 Sinabi sa kanya ni David, “Sumama kang tumawid sa akin at manirahan ka na rin sa Jerusalem. Ako ang bahala sa iyo roon.” 34 Pero sumagot si Barzilai, “Hindi na po magtatagal ang buhay ko, bakit pa ako sasama sa inyo sa Jerusalem? 35 Ako po ay 80 taong gulang na, at hindi ko na malaman ang ipinagkaiba ng masarap at hindi masarap. Hindi ko na malasahan ang kinakain at iniinom ko. Hindi ko na marinig ang mga umaawit. Magiging pabigat lang ako sa inyo, Mahal na Hari. 36 Maliit na bagay lang po ang paghahatid ko sa inyo sa Jordan, bakit kailangan nʼyo pa akong gantihan ng ganitong gantimpala? 37 Uuwi na lang ako, para kapag namatay ako, doon ako mamamatay sa sarili kong bayan, kung saan inilibing ang mga magulang ko. Narito ang anak kong si Kimham na magsisilbi sa inyo. Isama nʼyo siya, Mahal na Hari at gawin nʼyo kung ano sa tingin ninyo ang makakabuti sa kanya.” 38 Sumagot ang hari, “Isasama ko siya at gagawin sa kanya ang anumang kabutihang gagawin ko sana sa iyo, at gagawin ko ang anumang hilingin mo sa akin.” 39 Niyakap ni David si Barzilai at binasbasan. Pagkatapos, tumawid si David at ang mga tauhan niya sa Ilog ng Jordan, at umuwi si Barzilai sa bahay niya.

40 Nang makatawid na si David, pumunta siya sa Gilgal kasama si Kimham at ang buong hukbo ng Juda at kalahati ng hukbo ng Israel.

41 Nagpunta ang buong hukbo ng Israel sa hari at nagreklamo kung bakit ang mga kadugo nilang taga-Juda ang nanguna sa pagpapatawid sa kanya at sa sambahayan niya, at sa lahat ng tauhan niya. 42 Sumagot ang mga taga-Juda sa mga sundalo ng Israel, “Ginawa namin ito dahil ang hari ay malapit naming kamag-anak. Bakit kayo nagagalit? Nakatanggap ba kami ng pagkain o anumang regalo galing sa kanya? Hindi! 43 Sumagot ang mga taga-Israel, “Sampu kaming lahi ng Israel kaya sampung beses ang karapatan namin sa hari kaysa sa inyo. Bakit ang baba ng tingin nʼyo sa amin? Hindi baʼt kami ang unang nagsabi na pabalikin natin ang ating hari?” Pero ayaw magpaawat ng mga taga-Juda, at masasakit na salita ang isinasagot nila sa mga taga-Israel.

Nagrebelde si Sheba kay David

20 Ngayon, may isang tao mula sa lahi ni Benjamin na laging naghahanap ng gulo. Siya ay si Sheba na anak ni Bicri. Pinatunog niya ang trumpeta at pagkatapos ay sumigaw, “Mga taga-Israel, wala tayong pakialam kay David na anak ni Jesse! Umuwi na tayong lahat!” Kaya iniwan ng mga taga-Israel si David at sumunod kay Sheba na anak ni Bicri. Pero nagpaiwan ang mga taga-Juda sa hari nila at sinamahan siya mula Ilog ng Jordan papuntang Jerusalem.

Nang makabalik na si David sa palasyo niya sa Jerusalem, iniutos niyang dalhin sa isang bahay ang sampung asawa niyang iniwan para asikasuhin at bantayan ang palasyo. Ibinigay niya lahat ng pangangailangan nila pero hindi na niya sinipingan ang mga ito. Doon sila nanirahan na parang mga biyuda hanggang sa mamatay.

Pagkatapos, sinabi ng hari kay Amasa, “Tipunin mo ang mga sundalo ng Juda at pumunta kayo sa akin sa ikatlong araw mula ngayon.” Kaya lumakad si Amasa at tinipon ang mga sundalo ng Juda, pero hindi siya nakabalik sa itinakdang araw ng hari. Kaya sinabi ng hari kay Abishai, “Mas malaking pinsala ang gagawin sa atin ni Sheba kaysa sa ginawa ni Absalom. Kaya ngayon, isama mo ang mga tauhan ko at habulin nʼyo siya bago pa niya maagaw ang mga napapaderang lungsod at makalayo siya sa atin.”

Kaya umalis si Abishai sa Jerusalem para habulin si Sheba na anak ni Bicri. Isinama niya si Joab at ang mga tauhan nito, ang mga personal na tagapagbantay ni David na mga Kereteo at Peleteo, at ang lahat ng magigiting na sundalo. Nang naroon na sila sa malaking bato sa Gibeon, nakasalubong nila si Amasa. Nakabihis pandigma si Joab at nakasuksok ang espada sa sinturon niya. Habang lumalapit siya kay Amasa, lihim niyang hinugot ang espada niya.[r] Sinabi niya kay Amasa, “Kumusta ka, kaibigan?” Pagkatapos, hinawakan niya ng kanan niyang kamay ang balbas ni Amasa para halikan siya. 10 Pero hindi napansin ni Amasa ang espada sa kaliwang kamay ni Joab. Sinaksak siya ni Joab sa tiyan at lumuwa ang bituka niya sa lupa. Namatay siya agad kaya hindi na siya muling sinaksak ni Joab. Nagpatuloy sa paghabol kay Sheba ang magkapatid na Joab at Abishai. 11 Tumayo sa tabi ni Amasa ang isa sa mga tauhan ni Joab at sinabi sa mga tauhan ni Amasa, “Kung pumapanig kayo kina Joab at David, sumunod kayo kay Joab!” 12 Nakahandusay sa gitna ng daan ang bangkay ni Amasa na naliligo sa sarili niyang dugo. Sinumang dumadaan doon ay napapahinto at tinitingnan ang bangkay. Nang mapansin ito ng mga tauhan ni Joab, kinaladkad nila ang bangkay ni Amasa mula sa daan papunta sa bukid, at tinakpan ito ng tela. 13 Nang makuha na ang bangkay ni Amasa sa daan, nagpatuloy ang lahat sa pagsunod kay Joab sa paghabol kay Sheba.

14 Samantala, pumunta si Sheba sa lahat ng lahi ng Israel para tipunin ang lahat ng kamag-anak niya.[s] Sumunod sa kanya ang mga kamag-anak niya at nagtipon sila sa Abel Bet Maaca. 15 Nang mabalitaan ito ni Joab at ng mga tauhan niya, nagpunta sila sa Abel Bet Maaca at pinalibutan ito. Gumawa sila ng mga tumpok ng lupa sa gilid ng pader para makaakyat sila, at unti-unti nilang sinira ang pader.

16 May isang matalinong babae sa loob ng lungsod na sumigaw sa mga tauhan ni Joab, “Makinig kayo sa akin! Sabihin nʼyo kay Joab na pumunta sa akin dahil gusto kong makipag-usap sa kanya.” 17 Kaya pumunta si Joab sa kanya, at nagtanong ang babae, “Kayo ba si Joab?” Sumagot si Joab, “Oo, ako nga.” Sinabi ng babae, “Makinig po kayo sa sasabihin ko sa inyo.” Sumagot si Joab, “Sige, makikinig ako.” 18 Sinabi ng babae, “May isang kasabihan noon na nagsasabi, ‘Kung gusto nʼyong malutas ang problema nʼyo, humingi kayo ng payo sa lungsod ng Abel.’ 19 Isa po ako sa mga umaasang magpapatuloy ang kapayapaan sa Israel. Pero kayo, bakit pinipilit nʼyong ibagsak ang isa sa mga nangungunang lungsod[t] sa Israel? Bakit gusto nʼyong ibagsak ang lungsod na pag-aari ng Panginoon?” 20 Sumagot si Joab, “Hindi ko gustong ibagsak ang lungsod nʼyo! 21 Hindi iyan ang pakay namin. Sumalakay kami dahil kay Sheba na anak ni Bicri na galing sa kaburulan ng Efraim. Nagrebelde siya kay Haring David. Ibigay nʼyo siya sa amin at aalis kami sa lungsod ninyo.” Sinabi ng babae, “Ihahagis namin sa inyo ang ulo niya mula sa pader.”

22 Kaya pinuntahan ng babae ang mga nakatira sa lungsod at sinabi niya sa kanila ang plano niya. Pinugutan nila ng ulo si Sheba at inihagis nila ito kay Joab. Pagkatapos, pinatunog ni Joab ang trumpeta at umalis ang mga tauhan niya sa lungsod at umuwi. Si Joab ay bumalik sa hari, sa Jerusalem.

Ang mga Opisyal ni David

23 Si Joab ang kumander ng buong hukbo ng Israel. Si Benaya naman na anak ni Jehoyada ang pinuno ng personal na tagapagbantay ni David na mga Kereteo at Peleteo. 24 Si Adoniram ang namumuno sa mga alipin na sapilitang pinagtatrabaho. Si Jehoshafat na anak ni Ahilud ang tagapag-ingat ng mga kasulatan sa kaharian. 25 Si Sheva ang kalihim ng hari. Sina Zadok at Abiatar ang pinuno ng mga pari. 26 Si Ira na taga-Jair ang personal na pari ni David.

Pinatay ang mga Angkan ni Saul

21 Noong panahon ng paghahari ni David, nagkaroon ng taggutom sa loob ng tatlong taon. Kaya nanalangin si David sa Panginoon. Sinabi ng Panginoon, “Dumating ang taggutom dahil pinatay ni Saul at ng pamilya niya ang mga Gibeonita.” Ang mga Gibeonita ay hindi mula sa lahi ng Israelita kundi sa natitirang buhay na mga Amoreo. Nangako ang mga Israelita na hindi nila sila papatayin pero tinangka silang lipulin ni Saul dahil sa matindi niyang pag-alala sa Israel at Juda.

Ipinatawag ni David ang mga Gibeonita, at tinanong, “Ano ang maaari kong gawin sa inyo para mabayaran ang kasalanang ginawa ni Saul sa inyo, at para pagpalain ninyo ang mamamayan ng Panginoon?” Sumagot ang mga Gibeonita, “Hindi po mababayaran ng pilak o ginto ang galit namin kay Saul at sa pamilya niya. At ayaw din naming pumatay ng sinumang Israelita bilang paghihiganti maliban na lang kung ipahintulot nʼyo ito.” Nagtanong si David, “Kung ganoon, ano ang gusto nʼyong gawin ko para sa inyo?” Sumagot sila, “Tinangka po kaming patayin ni Saul para walang matira sa amin sa Israel. Kaya ibigay nʼyo sa amin ang pitong lalaki na mula sa angkan niya, dahil papatayin namin sila at pababayaan ang kanilang bangkay sa lugar na malapit sa lugar kung saan sumasamba sa Panginoon doon sa Gibea, bayan ito ni Saul na haring pinili ng Panginoon.” Sinabi ng hari, “Sige, ibibigay ko sila sa inyo.” Hindi ibinigay ni David sa kanila si Mefiboset na anak ni Jonatan at apo ni Saul, dahil sa sumpaan nila ni Jonatan sa presensya ng Panginoon. Ang ibinigay ni David ay ang dalawang anak ni Saul na sina Armoni at Mefiboset. Ang ina nila ay si Rizpa na anak ni Aya. Ibinigay din ni David ang limang anak na lalaki ni Merab. Anak ni Saul si Merab at asawa ni Adriel na anak ni Barzilai na taga-Mehola. Ibinigay sila ni David sa mga Gibeonita, at pinagpapatay silang pito roon sa burol na malapit sa lugar kung saan sumasamba sa Panginoon. At pinabayaan lang nila roon ang mga bangkay. Nangyari ito noong nagsisimula pa lang ang anihan ng sebada.

10 Si Rizpa na anak ni Aya ay kumuha ng sako at inilatag ito sa isang malaking bato para gawin niyang higaan. Binantayan niya ang mga bangkay upang hindi kainin ng mga ibon kapag araw at para hindi kainin ng mababangis na hayop kapag gabi. Nanatili siya roon simula nang mag-umpisa ang anihan hanggang sa magtag-ulan.

11 Nang malaman ni David ang ginawa ni Rizpa na asawa ni Saul, 12 nagpunta siya sa mga naninirahan sa Jabes Gilead at hiningi ang mga buto ni Saul at ng anak nitong si Jonatan. (Nang mapatay sina Saul at Jonatan sa pakikipaglaban nila sa mga Filisteo sa Gilboa, ibinitin ng mga Filisteo ang mga bangkay nila sa plasa ng Bet Shan, at lihim na kinuha ng mga taga-Jabes Gilead ang mga bangkay nila.) 13 Dinala ni David ang mga buto nina Saul at Jonatan, pati na rin ang mga buto ng pitong pinagpapatay ng mga Gibeonita. 14 Ipinalibing niya ito sa mga tauhan niya sa pinaglibingan ng ama ni Saul na si Kish, sa bayan ng Zela sa Benjamin. Natupad ang lahat ng iniutos ni David. Pagkatapos nito, sinagot ng Panginoon ang mga panalangin nila na huminto ang taggutom sa kanilang bansa.

Ang Pakikidigma Laban sa mga Filisteo(B)

15 Dumating ang panahon na muling naglaban ang mga Filisteo at mga Israelita. At nang nakikipaglaban na si David at ang mga tauhan niya, napagod siya. 16 Si Ishbi Benob na Filisteo na mula sa angkan ng mga Rafa,[u] ay nagtangkang patayin si David. Tanso ang dulo ng sibat niya na tumitimbang ng mga apat na kilo, at may nakasukbit pa siyang bagong espada. 17 Pero dumating si Abishai na anak ni Zeruya para iligtas si David, at pinatay niya ang Filisteo. Pagkatapos nito, sinabi ng mga tauhan ni David sa kanya, “Hindi na po kami papayag na muli kayong sumama sa amin sa labanan. Tulad kayo ng ilaw sa Israel at ayaw naming mawala kayo.”

18 Nang sumunod na mga panahon, muling naglaban ang mga Filisteo at mga Israelita sa Gob. Sa labanang ito, pinatay ni Sibecai na taga-Husha si Saf, na isa sa mga angkan ng Rafa. 19 At sa isa pa nilang labanan sa Gob, pinatay ni Elhanan na anak ni Jaare Origem, na taga-Betlehem, si Goliat na taga-Gat. Ang sibat ni Goliat ay mabigat at makapal.[v]

20 Muli pang naglaban ang mga Filisteo at mga Israelita, nangyari ito sa Gat. Sa labanang ito, may isang tao na sobrang laki, may tig-aanim na daliri sa mga kamay at paa niya. Isa rin siya sa mga angkan ng mga Rafa. 21 Nang kutyain niya ang mga Israelita, pinatay siya ni Jonatan na anak ng kapatid ni David na si Shimea.

22 Ang apat na Filisteong ito ay mula sa angkan ng Rafa na taga-Gat. Pinatay sila ni David at ng mga tauhan niya.

Ang Awit ng Tagumpay ni David

(Salmo 18)

22 Umawit si David sa Panginoon nang iligtas siya ng Panginoon sa kamay ng mga kalaban niya at kay Saul. Ito ang awit niya:

    Panginoon, kayo ang aking matibay na bato na kanlungan at pananggalang.
    Kayo ang aking Tagapagligtas na nag-iingat sa akin.
    Bilang kanlungan na bato, makakapagtago ako sa inyo.
Sa inyo ako tumatakbo at kumakanlong.
    Inililigtas nʼyo ako sa mararahas na tao.
Karapat-dapat kayong purihin Panginoon, dahil kapag tumatawag ako sa inyo, inililigtas nʼyo ako sa mga kalaban ko.
Tulad ng mga alon, ang kamatayan ay nakapalibot sa akin.
    Ang mga pinsalaʼy tulad ng malakas na agos na tumatangay sa akin.
Ang kamatayaʼy parang lubid na nakapulupot sa akin at parang bitag sa aking daraanan.
Sa aking kahirapan, humingi ako ng tulong sa inyo, Panginoon na aking Dios,
    at pinakinggan nʼyo ang panalangin ko roon sa inyong templo.
Lumindol, at ang pundasyon ng kalangitan ay nayanig,
    dahil nagalit kayo, Panginoon.
Umusok din ang inyong ilong,
    at ang inyong bibig ay bumuga ng apoy at mga nagliliyab na baga.
10 Binuksan nʼyo ang langit at kayoʼy bumaba,
    at tumuntong sa maitim at makapal na ulap.
11 Kayoʼy sumakay sa isang kerubin,
    at mabilis na lumipad na dala ng hangin.
12 Pinalibutan mo ang iyong sarili ng kadiliman, ng madilim at makapal na ulap.
13 Kumidlat mula sa inyong kinaroroonan,
    at mula rooʼy bumagsak ang mga yelo at nagliliyab na baga.
14 Ang tinig nʼyo, Kataas-taasang Dios na aming Panginoon, ay dumadagundong mula sa langit.
15 Pinana nʼyo ng kidlat ang inyong mga kalaban
    at nataranta silang nagsitakas.
16 Sa inyong tinig at matinding galit, natuyo ang dagat at nakita ang lupa sa ilalim nito,
    pati na rin ang pundasyon ng mundo ay nalantad.
17 At mula sa langit akoʼy inabot nʼyo
    at inahon mula sa malalim na tubig.
18 Iniligtas nʼyo ako sa kapangyarihan ng aking mga kalaban na hindi ko kayang labanan.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®