Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Bible in 90 Days

An intensive Bible reading plan that walks through the entire Bible in 90 days.
Duration: 88 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
2 Hari 4:38-15:26

Ang Himala sa Panahon ng Taggutom

38 Mayroong taggutom sa Gilgal nang bumalik si Eliseo roon. Isang araw, habang nakikipag-usap ang grupo ng mga propeta sa kanya, sinabi niya sa katulong niya, “Isalang mo ang malaking palayok at magluto ka ng pagkain para sa mga taong ito.” 39 Pumunta sa bukid para kumuha ng mga gulay ang isa sa mga propeta. Nakakita siya roon ng gulay na gumagapang, at kumuha siya ng mga bunga nito hanggang mapuno ang damit niya. Pagkauwi, hiniwa-hiwa niya ito at inilagay sa palayok, pero hindi niya alam kung anong klaseng pananim ito. 40 Pagkaluto ng pagkain, ipinamahagi niya ito sa mga tao. Pero habang kumakain, sumigaw sila, “Lingkod ng Dios, napakasama ng lasa nito!”[a] Kaya hindi na nila ito kinain. 41 Sinabi ni Eliseo, “Kumuha ka ng harina.” Ibinuhos niya ang harina sa palayok at sinabi sa katulong, “Ipamahagi mo na ito sa kanila para kainin.” Hindi na masama ang lasa nito.

42 Isang araw, may isang lalaking galing sa Baal Shalisha na nagdala kay Eliseo ng isang sako na may lamang 20 tinapay na gawa sa unang ani ng sebada at mga bagong aning butil. Sinabi ni Eliseo, “Ibigay mo iyan sa grupo ng mga propeta[b] para kainin.” 43 Sinabi ng katulong niya, “Paano ko po ito mapagkakasya sa 100 tao?” Sumagot si Eliseo, “Ibigay mo ito sa kanila para kainin. Ito ang sinasabi ng Panginoon: Makakakain sila at may matitira pa.” 44 Kaya ibinigay niya ito sa kanila, at kumain sila at may natira pa, ayon sa sinabi ng Panginoon.

Pinagaling ang Sakit sa Balat ni Naaman

Iginagalang ng hari ng Aram si Naaman na pinuno ng kanyang hukbo, dahil pinagtagumpay ng Panginoon ang Aram sa pamamagitan niya. Matapang siyang sundalo, pero may malubhang sakit sa balat.[c]

Noong lumusob ang mga sundalo ng Aram sa Israel, may nabihag silang dalagita na naging alipin ng asawa ni Naaman. Isang araw, sinabi ng dalagita sa kanyang amo, “Kung makikipagkita lang ang amo ko na si Naaman sa propeta na nasa Samaria, pagagalingin siya nito sa sakit niya sa balat.”

Pumunta si Naaman sa hari at sinabi niya ang sinabi ng dalagita na mula sa Israel. Sinabi ng hari ng Aram, “Lumakad ka, dalhin mo ang sulat ko sa hari ng Israel.” Kaya umalis si Naaman na may dalang regalo na 350 kilong pilak, 70 kilong ginto at sampung pirasong damit. Ito ang mensahe ng sulat na dinala niya sa hari: Ipinadala ko sa iyo si Naaman na aking lingkod para pagalingin mo ang sakit niya sa balat.

Nang mabasa ng hari ng Israel ang sulat, pinunit niya ang damit niya at sinabi, “Bakit ipinadala niya sa akin ang taong ito na may malubhang sakit sa balat para pagalingin? Dios ba ako? May kapangyarihan ba ako para pumatay at bumuhay? Gumagawa lang siya ng paraan para makipag-away!” Nang malaman ni Eliseo na lingkod ng Dios ang nangyari, nagpadala siya ng ganitong mensahe sa hari: “Bakit mo pinunit ang damit mo? Papuntahin mo sa akin ang taong iyan para malaman niya na may propeta sa Israel.”

Kaya umalis si Naaman sakay ng mga kabayo at karwahe niya at huminto sa pintuan ng bahay ni Eliseo. 10 Nagsugo si Eliseo ng mensahero para sabihin kay Naaman na pumunta siya sa Ilog ng Jordan, lumubog doon ng pitong beses at gagaling siya. 11 Pero nagalit si Naaman at umalis nang padabog. Sinabi niya, “Akala ko, talagang lalabas siya at haharap sa akin. Iniisip ko na tatawagin niya ang Panginoon niyang Dios, at ikukumpas ang kanyang kamay sa ibabaw ng aking balat at pagagalingin ako. 12 Ang mga ilog ng Abana at Farpar sa Damascus ay mas mabuti kaysa sa ibang mga ilog dito sa Israel. Bakit hindi na lang ako roon lumubog para gumaling?” Kaya umalis siyang galit na galit.

13 Pero lumapit ang mga utusan niya at sinabi, “Amo, kung may ipinapagawa po sa inyo na malaking bagay ang propeta, hindi ba gagawin ninyo ito? Pero bakit hindi ninyo magawa ang sinabi niya na maghugas at gagaling kayo.” 14 Kaya pumunta si Naaman sa Ilog ng Jordan at lumubog ng pitong beses, ayon sa sinabi ng lingkod ng Dios. Gumaling nga ang kanyang sakit at kuminis ang kanyang balat gaya ng balat ng sanggol. 15 Pagkatapos, bumalik si Naaman at ang mga kasama niya sa lingkod ng Dios. Tumayo siya sa harap ni Eliseo at sinabi, “Ngayon, napatunayan ko na wala nang ibang Dios sa buong mundo maliban sa Dios ng Israel. Kaya pakiusap, tanggapin mo ang regalo ko sa iyo, Ginoo.”

16 Sumagot si Eliseo, “Sumusumpa ako sa buhay na Panginoon na aking pinaglilingkuran, na hindi ako tatanggap ng anumang regalo.” Pinilit siya ni Naaman na tanggapin ang regalo, pero tumanggi siya. 17 Sinabi ni Naaman, “Kung hindi mo tatanggapin ang regalo ko, bigyan mo na lang po ako ng lupa na kayang dalhin ng aking dalawang mola[d] at dadalhin ko sa amin.[e] Mula ngayon, hindi na ako mag-aalay ng mga handog na sinusunog at iba pang mga handog sa ibang dios maliban sa Panginoon. 18 Pero patawarin sana ako ng Panginoon kapag sumama ako sa hari na pumunta sa templo ng dios na si Remon para sumamba. Dapat lang na gawin ko ito bilang opisyal ng hari. Patawarin sana ako ng Panginoon kung luluhod din ako roon.” 19 Sinabi ni Eliseo, “Umalis ka nang payapa.”

Pero hindi pa nakakalayo si Naaman, 20 sinabi ni Gehazi sa sarili niya, “Hindi dapat hinayaan ng aking amo na paalisin ang Arameong si Naaman nang hindi tinatanggap ang regalong dala niya. Sumusumpa ako sa buhay na Panginoon na hahabulin ko siya at kukuha ako ng kahit ano sa kanya.”

21 Kaya nagmamadaling hinabol ni Gehazi si Naaman. Nang makita ni Naaman si Gehazi na tumatakbo papunta sa kanya, bumaba siya sa karwahe at sinalubong ito. Nagtanong si Naaman, “May masama bang nangyari?” 22 Sumagot si Gehazi, “Wala naman po. Isinugo po ako ng aking amo para sabihin sa inyo na may dumating na dalawang binatang propeta mula sa kaburulan ng Efraim. Pakibigyan ninyo sila ng 35 kilong pilak at dalawang pirasong damit.” 23 Sinabi ni Naaman, “Oo, narito ang 70 kilong pilak.” At pinilit niya si Gehazi na tanggapin iyon. Ipinasok ni Naaman ang pilak sa dalawang sisidlan kasama ang dalawang pirasong damit, ibinigay ito sa dalawa niyang lingkod at dinala kay Gehazi. 24 Pagdating ng mga lingkod sa bundok, kinuha ni Gehazi ang dalawang sisidlan at pinabalik sila. Pagkatapos, dinala niya iyon sa bahay niya at itinago. 25 Nang pumunta siya kay Eliseo, tinanong siya nito, “Saan ka nanggaling, Gehazi?” Sumagot si Gehazi, “Wala po akong pinuntahan.” 26 Pero sinabi ni Eliseo, “Hindi mo ba alam na ang espiritu ko ay naroon, nang bumaba si Naaman sa karwahe niya para salubungin ka? Hindi ito ang oras para tumanggap ng pera, damit, taniman ng olibo, ubasan, mga baka, tupa, at mga utusan. 27 Dahil sa ginawa mong ito, malilipat sa iyo ang malubhang sakit sa balat ni Naaman at sa mga lahi mo magpakailanman.” Nang umalis na si Gehazi, nagkaroon nga siya ng mapanganib na sakit sa balat at naging kasingputi ng niyebe ang balat niya.

Lumutang sa Tubig ang Ulo ng Palakol

Isang araw, pumunta ang grupo ng mga propeta kay Eliseo at sinabi, “Nakikita po ninyo na maliit ang pinagtitipunan natin. Kaya pumunta po tayo sa Ilog ng Jordan kung saan maraming punongkahoy, at doon tayo gumawa ng lugar na pagtitipunan natin.” Sinabi ni Eliseo, “Sige, lumakad na kayo.” Pero sinabi ng isa sa kanila, “Kung maaari po, Guro, sumama na lang kayo sa amin.” Sumagot siya, “O sige, sasama ako.” Kaya sumama siya sa kanila.

Pumunta nga sila sa Ilog ng Jordan at pumutol ng mga punongkahoy. Habang ang isa sa kanila ay pumuputol ng punongkahoy, nahulog ang ulo ng palakol niya sa tubig, kaya sumigaw siya, “Guro, hiniram ko lang po iyon!” Tinanong ni Eliseo, “Saang banda nahulog?” Itinuro niya kung saang banda ito nahulog, pumutol si Eliseo ng sanga at inihagis ito sa tubig. At lumutang ang ulo ng palakol. Sinabi ni Eliseo, “Kunin mo na.” At kinuha nga niya ito.

Pinahinto ni Eliseo ang Paglusob ng mga Arameo

Nang nakikipaglaban ang hari ng Aram sa Israel, nagkaroon sila ng pagpupulong ng kanyang mga opisyal at sinabi niya, “Dito ko itatayo ang kampo ko.”

Sinabi ni Eliseo sa hari ng Israel, “Mag-ingat kayo! Huwag kayong dumaan sa lugar na iyon dahil pupunta roon ang mga Arameo.” 10 Kaya nag-utos ang hari ng Israel na sabihan ang mga nakatira sa lugar na sinasabi ni Eliseo na maging handa sila. Palaging nagbibigay ng babala si Eliseo sa hari.[f]

11 Dahil dito, nagalit ang hari ng Aram. Ipinatawag niya ang mga opisyal niya at sinabi, “Sino sa inyo ang kumakampi sa hari ng Israel?” 12 Nagsalita ang isa sa opisyal niya, “Wala po talaga kahit isa man sa amin, Mahal na Hari. Ang propeta sa Israel na si Eliseo ang nagpapahayag sa hari ng Israel ng lahat ng sinasabi ninyo kahit pa ang sinasabi nʼyo sa loob ng inyong kwarto.” 13 Sinabi ng hari, “Lumakad ka at hanapin siya para makapagpadala ako ng mga tauhan upang hulihin siya.”

Nang sinabi sa hari na si Eliseo ay naroon sa Dotan, 14 nagpadala siya roon ng maraming sundalo na nakasakay sa mga kabayo at karwahe. Gabi na nang nakarating sila sa Dotan at pinaligiran nila ito.

15 Kinabukasan, gumising ng maaga ang katulong ni Eliseo, nakita niya ang mga sundalo na nakasakay sa mga kabayo at karwahe na nakapaligid sa lungsod. Sinabi niya kay Eliseo, “Ano po ang gagawin natin, amo?” 16 Sumagot si Eliseo, “Huwag kang matakot. Mas marami tayong kasama kaysa sa kanila.” 17 Nanalangin si Eliseo, “Panginoon, buksan po ninyo ang mga mata ng katulong ko para makakita siya.” Binuksan ng Panginoon ang mga mata ng katulong, at nakita niya na puno ng mga kabayo at karwaheng apoy ang kaburulan sa paligid ni Eliseo.

18 Habang papunta ang mga kaaway kay Eliseo, nanalangin siya, “Panginoon, bulagin[g] po ninyo ang mga taong ito.” Kaya binulag sila ng Panginoon ayon sa hiling ni Eliseo. 19 Sinabi ni Eliseo sa mga kaaway, “Hindi ito ang tamang daan at hindi ito ang lungsod ng Dotan. Sumunod kayo sa akin, dadalhin ko kayo sa taong hinahanap ninyo.” Kaya dinala sila ni Eliseo sa Samaria.

20 Pagpasok nila sa Samaria nanalangin si Eliseo, “Panginoon, buksan po ninyo ang mga mata nila para makakita sila.” Binuksan nga ng Panginoon ang mga mata ng mga sundalo ng Aram at nakita nila na nasa loob na sila ng Samaria. 21 Pagkakita ng hari ng Israel sa kanila, tinanong niya si Eliseo, “Papatayin ko po ba sila, ama?” 22 Sumagot si Eliseo, “Huwag mo silang patayin. Pinapatay ba natin ang mga bihag sa labanan? Bigyan mo sila ng makakain at maiinom at pabalikin mo sila sa kanilang hari.”[h] 23 Kaya naghanda ang hari ng isang malaking salo-salo para sa kanila at pagkatapos, pinauwi sila sa kanilang hari. At mula noon, hindi na muling lumusob ang mga Arameo sa lupain ng Israel.

Pinaligiran ang Samaria

24 Kinalaunan, tinipon ni Haring Ben Hadad ng Aram ang kanyang buong hukbo, at nilusob ang Samaria. 25 Dahil dito, nagkaroon ng malaking taggutom sa lungsod, hanggang sa nagsitaasan ang mga bilihin. Ang halaga ng ulo ng asno ay 80 pirasong pilak at ang isang gatang na dumi ng kalapati[i] ay limang pirasong pilak.

26 Isang araw, habang dumaraan ang hari ng Israel sa itaas ng pader,[j] may isang babae na sumigaw sa kanya, “Tulungan po ninyo ako, Mahal na Hari!” 27 Sumagot ang hari, “Kung hindi ka tinutulungan ng Panginoon, paano kita matutulungan? Wala akong trigo o katas ng ubas na maibibigay sa iyo.” 28 Pagkatapos nagtanong ang hari, “Ano ba ang problema mo?” Sumagot ang babae, “Sinabi po sa akin ng babaeng ito, ‘Kainin natin ang anak mong lalaki at bukas ang anak ko namang lalaki.’ 29 Kaya niluto po namin ang aking anak at kinain. Nang sumunod na araw sinabi ko sa kanya na ibigay na niya ang kanyang anak para makain namin. Pero itinago niya ito.”

30 Nang marinig ng hari ang sinabi ng babae, pinunit niya ang damit niya sa sobrang kalungkutan. Habang naglalakad siya sa gilid ng pader, nakita siya ng mga tao na nakasuot ng sako na nakasuson sa kanyang damit dahil sa pagluluksa niya. 31 Sinabi niya, “Parusahan sana ako nang matindi ng Panginoon kung hindi ko mapaputol ang ulo ni Eliseo na anak ni Shafat sa araw na ito!”

32 Nakaupo si Eliseo sa bahay niya na nakikipag-usap sa mga tagapamahala ng Israel nang magsugo ang hari ng mensahero para mauna sa kanya doon kay Eliseo. Pero bago dumating ang mensahero ng hari, sinabi ni Eliseo sa mga tagapamahala, “Tingnan ninyo, isang mamamatay-tao ang nagpadala ng tao para pugutan ako. Kapag dumating na ang taong iyon, isara ninyo ang pinto at huwag siyang papapasukin. Ang hari mismo na kanyang amo ay kasunod niya.” 33 Habang nagsasalita si Eliseo, dumating ang mensahero ng hari at sinabi, “Ang Panginoon ang nagpadala ng paghihirap sa atin. Bakit hihintayin ko pa na tumulong siya?”

Sinabi ni Eliseo, “Pakinggan mo ang mensahe ng Panginoon: Bukas, sa ganito ring oras, magiging mura ang bilihin sa pamilihan[k] ng Samaria. Isang pirasong pilak na lang ang halaga ng isang takal na harina at ganoon din ang halaga ng dalawang takal ng sebada.” Sinabi ng opisyal na katiwala ng hari, “Kahit na magpaulan pa ang Panginoon hindi magiging ganoon kadami ang ani.” Sumagot si Eliseo, “Makikita mo na mangyayari iyon, pero hindi ka makakakain ng kahit ano.”

Huminto ang mga Arameo sa Paglusob

May apat na tao na may malubhang sakit sa balat[l] na nakaupo sa pintuan ng lungsod. Sinabi nila sa isaʼt isa, “Bakit kailangan nating umupo rito hanggang sa mamatay? Kung papasok tayo sa lungsod, mamamatay tayo sa gutom at kung mauupo lang tayo rito, mamamatay din tayo. Kaya pumunta na lang tayo sa kampo ng mga Arameo at sumuko. Nasa kanila na kung bubuhayin nila tayo o papatayin.”

Kaya kinagabihan, pumunta sila sa kampo ng mga Arameo. Pero pagdating nila roon, walang tao. Ipinarinig ng Panginoon sa mga sundalo ng Aram ang ingay ng mga karwahe, kabayo at mga sundalo, kaya nasabi nila sa isaʼt isa, “Baka inupahan ng hari ng Israel ang hari ng Heteo at ang hari ng Egipto para lusubin tayo.” Kaya tumakas sila nang gabing iyon at iniwanan nila ang mga tolda, kabayo at mga asno nila. Iniwan din nila ang kampo nila at iniligtas ang mga sarili nila.

Nang dumating sa kampo ang mga taong may malubhang sakit sa balat, isa-isa nilang pinasok ang mga tolda, kumain sila at uminom. Kinuha nila ang mga pilak, ginto at damit, at itinago ang mga ito. Sa bandang huli, sinabi nila sa isaʼt isa, “Hindi ito tama. Magandang balita ang nangyari sa araw na ito, kaya hindi natin dapat ilihim. Kung ipagpapabukas pa natin ang pagsasabi nito, tiyak na parurusahan tayo. Pumunta tayo ngayon sa palasyo ng hari at ibalita ang nangyari.”

10 Kaya bumalik sila sa lungsod ng Samaria at tinawag ang mga guwardya ng pintuan ng lungsod at sinabi, “Pumunta kami sa kampo ng mga Arameo at walang tao roon, maliban sa mga nakataling kabayo at asno. At naroon pa ang mga kagamitan sa tolda.”

11 Kaya isinigaw ng mga tagapagbantay ang balitang ito sa mga tao hanggang sa nakarating ito sa palasyo. 12 Bumangon ang hari nang madaling-araw at sinabi sa mga opisyal niya, “Sasabihin ko sa inyo kung ano ang plano ng mga Arameo. Alam nilang nagugutom tayo, kaya iniwan nila ang kampo nila at nagtago sa bukid. Iniisip nila: ‘Kapag umalis ang mga Israelita sa lungsod, huhulihin natin sila ng buhay, pagkatapos papasukin natin ang lungsod nila.’ 13 Sumagot ang isa sa mga opisyal niya, ‘Mas mabuti po na magpadala tayo ng mga tao para alamin ang nangyari. Hayaan nating gamitin nila ang limang natirang kabayo. Kung may mangyayari po sa kanila, hindi ito malaking kawalan kaysa manatili sila rito at mamatay rin na kasama natin.’ ”

14 Kaya naghanda sila ng dalawang karwahe na may mga kabayo at nagpadala ang hari ng mga tao para alamin kung ano talaga ang nangyari sa mga sundalo ng Aram. 15 Nakaabot sila hanggang sa Ilog ng Jordan, at nakita nila sa daan ang mga damit at mga kagamitan na itinapon ng mga Arameo sa pagmamadaling makatakas. Bumalik ang mga inutusan at ibinalita ito sa hari. 16 Pagkatapos, lumabas ang mga tao sa bayan at kinuha nila ang mga mahahalagang bagay na naiwan sa kampo ng mga Arameo. Nangyari ang sinabi ng Panginoon na magiging isang pirasong pilak lang ang halaga ng isang takal ng harina at ganoon din ang halaga ng dalawang takal na sebada.

17 Pinili ng hari ang pinagkakatiwalaan niyang opisyal para magbantay sa pintuan ng lungsod. Nang magtakbuhan ang mga tao, natumba ang opisyal at natapak-tapakan siya ng mga tao roon sa pintuan, at namatay siya ayon sa sinabi ni Eliseo na lingkod ng Dios nang pumunta ang hari sa kanya. 18 Nangyari rin ang sinabi ng lingkod ng Dios sa hari, “Bukas, sa ganito ring oras, magiging mura ang bilihin sa pamilihan ng Samaria. Isang pirasong pilak na lang ang halaga ng isang takal ng harina at ganoon din ang halaga ng dalawang takal ng sebada.” 19 Sumagot noon ang opisyal ng hari, “Kahit na magpaulan pa ang Panginoon hindi magiging ganoon kadami ang ani.” Sumagot si Eliseo, “Makikita mo na mangyayari iyon, pero hindi ka makakakain nito.” 20 Iyon nga ang nangyari sa opisyal, dahil natapak-tapakan siya ng mga tao na nagsiksikan sa pintuan ng lungsod hanggang sa mamatay siya.

Bumalik ang Babae na Taga-Shunem

Kinausap ni Eliseo ang ina ng batang lalaki na kanyang binuhay, “Dalhin mo ang iyong pamilya at manirahan kayo sa ibang lugar dahil nagpadala ang Panginoon ng taggutom sa Israel na tatagal ng pitong taon.” Kaya sinunod ng babae ang sinabi sa kanya ng lingkod ng Dios. Umalis siya at ang pamilya niya, at nanirahan sa lupain ng mga Filisteo sa loob ng pitong taon.

Pagkatapos ng pitong taon, bumalik siya sa Israel at pumunta sa hari para magmakaawa na ibalik sa kanya ang bahay at lupa niya. Habang pumapasok siya, nakikipag-usap ang hari kay Gehazi na katulong ni Eliseo. Sinabi ng hari, “Sabihin mo sa akin ang lahat ng kamangha-manghang bagay na ginawa ni Eliseo.” Habang ikinukwento ni Gehazi sa hari kung paano binuhay ni Eliseo ang isang batang namatay, lumapit sa hari ang ina ng bata at nagmakaawa na maibalik ang bahay at lupa niya. Sinabi ni Gehazi, “Mahal na Hari, ito po ang babae at ang anak niyang binuhay ni Eliseo.” Tinanong ng hari ang babae kung totoo ba ang tungkol doon at sinabi ng babae na totoo iyon. Kaya nagpatawag ang hari ng isang opisyal para tulungan ang babae. Sinabi niya sa opisyal, “Tulungan mo siyang maibalik ang lahat ng nawala sa kanya, kasama ang lahat ng perang dapat kinita niya na galing sa bukid niya mula nang siyaʼy umalis hanggang ngayon.”

Pinatay ni Hazael si Ben Hadad

Pumunta si Eliseo sa Damascus, kung saan naroon ang may sakit na si Ben Hadad na hari ng Aram.[m] Nang mabalitaan ng hari na dumating ang lingkod ng Dios, sinabi niya kay Hazael, “Magdala ka ng regalo at salubungin mo ang lingkod ng Dios. Sabihin mo sa kanya na tanungin ang Panginoon kung gagaling pa ako sa aking sakit.”

Kaya pumunta si Hazael kay Eliseo na may dalang 40 kamelyo na kinargahan ng pinakamagandang produkto ng Damascus bilang regalo. Pagdating niya kay Eliseo, sinabi niya, “Inutusan po ako ng lingkod[n] ninyong si Haring Ben Hadad ng Aram, para tanungin kayo kung gagaling pa siya sa sakit niya.” 10 Sumagot si Eliseo, “Sabihin mo sa kanya na siguradong gagaling siya, pero sinabi sa akin ng Panginoon na tiyak na mamamatay siya.” 11 Tinitigan niyang mabuti si Hazael hanggang sa nahiya ito. Pagkatapos, umiyak si Eliseo. 12 Tinanong siya ni Hazael, “Ginoo, bakit po kayo umiiyak?” Sumagot siya, “Dahil nalalaman ko ang masamang gagawin mo sa mga Israelita. Susunugin mo ang matatatag na lungsod, papatayin mo ang mga binata nila sa pamamagitan ng espada, ihahampas mo ang maliliit nilang anak at hahatiin mo ang tiyan ng mga buntis.” 13 Sumagot si Hazael, “Paano magagawa ng isang aliping katulad ko ang mga bagay na yan. Gayong akoʼy isang hamak na tagasunod lang?[o]” Sumagot si Eliseo, “Ipinakita sa akin ng Panginoon na magiging hari ka ng Aram.”

14 Umalis si Hazael at bumalik sa amo niya na si Haring Ben Hadad. Tinanong siya ni Ben Hadad, “Ano ang sinabi ni Eliseo sa iyo?” Sumagot si Hazael, “Sinabi niya po sa akin na tiyak na gagaling kayo.” 15 Pero nang sumunod na araw, kumuha si Hazael ng makapal na tela, isinawsaw ito sa tubig at itinakip sa mukha ng hari hanggang sa mamatay ito. Kaya si Hazael ang pumalit bilang hari ng Aram.

Ang Paghahari ni Jehoram sa Juda(A)

16 Naging hari ng Juda ang anak ni Jehoshafat na si Jehoram nang ikalimang taon ng paghahari ni Joram sa Israel. Si Joram ay anak ni Ahab. 17 Si Jehoram ay 32 taong gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya sa loob ng walong taon. 18 Sumunod siya sa pamumuhay ng mga hari ng Israel, tulad ng ginawa ng pamilya ni Ahab, dahil naging asawa niya ang anak nito. Masama ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon. 19 Pero dahil kay David, hindi winasak ng Panginoon ang Juda dahil nangako ang Panginoon na hindi mawawalan si David ng angkan na maghahari magpakailanman.[p]

20 Nang panahon ng paghahari ni Jehoram, nagrebelde ang Edom sa Juda at pumili sila ng sarili nilang hari. 21 Kaya pumunta si Jehoram sa Zair dala ang lahat ng kanyang karwahe. Pinalibutan sila ng mga Edomita. Ngunit kinagabihan, sinalakay nila ang mga Edomita, nakalusot sila at nakatakas. Pagkatapos, nagsiuwi ang mga sundalo niya sa tolda nila. 22 Hanggang ngayon, nagrerebelde pa rin ang Edom sa Juda. Sa panahon ding iyon, nagrebelde rin ang Libna.

23 Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Jehoram, at ang lahat na ginawa niya at pagtatagumpay ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Israel. 24 Nang mamatay si Jehoram, inilibing siya sa libingan ng mga ninuno niya sa Lungsod ni David. At ang anak niyang si Ahazia ang pumalit sa kanya bilang hari.

Ang Paghahari ni Ahazia sa Juda(B)

25 Naging hari ng Juda ang anak ni Jehoram na si Ahazia nang ika-12 taon ng paghahari ni Joram sa Israel. Si Joram ay anak ni Ahab. 26 Si Ahazia ay 22 taong gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya sa loob ng isang taon. Ang ina niya ay si Atalia na apo ni Haring Omri ng Israel. 27 Sumunod siya sa pamumuhay ng pamilya ni Ahab. Masama ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon gaya ng ginawa ng pamilya ni Ahab dahil ginawa niyang asawa ang isa sa kapamilya nito. 28-29 Sumama si Ahazia sa anak ni Ahab na si Joram sa pakikipaglaban kay Haring Hazael ng Aram. Nakipaglaban sila sa Ramot Gilead at nasugatan si Joram. Umuwi si Haring Joram sa lungsod ng Jezreel para magpagaling ng sugat niya. Habang naroon siya, dinalaw siya ni Haring Ahazia ng Juda.

Ginawang Hari ng Israel si Jehu

Ipinatawag ni Eliseo ang isa sa miyembro ng grupo ng mga propeta at sinabi, “Maghanda ka, dalhin mo ang lalagyan ng langis, at pumunta ka sa Ramot Gilead. Pagdating mo roon, hanapin mo si Jehu na anak ni Jehoshafat na apo ni Nimsi. Kunin mo siya sa mga kasama niya at dalhin mo sa isang kwarto na dalawa lang kayo. Pagkatapos, kunin mo ang langis, ibuhos mo sa ulo niya at sabihin, ‘Ito ang sinasabi ng Panginoon: Pinili kitang maging hari ng Israel.’ Pagkatapos, buksan mo ang pintuan at tumakbo ka nang mabilis.”

Kaya pumunta ang binatang propeta sa Ramot Gilead. Pagdating niya roon, nakita niyang nakaupo ang mga opisyal na mga sundalo. Sinabi niya, “May mensahe po ako para sa inyo, mahal na pinuno.” Nagtanong si Jehu, “Para kanino iyan?” Sumagot ang tao, “Para po sa inyo, mahal na pinuno.” Tumayo si Jehu at pumasok sa bahay. Pagkatapos, ibinuhos ng propeta ang langis sa ulo ni Jehu at sinabi, “Ito ang sinasabi ng Panginoon, ang Dios ng Israel: Pinili kitang maging hari ng mga mamamayan ng Panginoon sa Israel. Patayin mo ang pamilya ni Ahab na iyong amo. Sa ganitong paraan, maipaghihiganti ko ang mga propeta at ang iba pang mga lingkod ng Panginoon na pinatay ni Jezebel. Mauubos ang lahat ng miyembro ng pamilya ni Ahab. Papatayin ko ang lahat ng lalaki sa kanyang pamilya, alipin man o hindi. Gagawin ko sa pamilya ni Ahab ang ginawa ko sa pamilya ni Jeroboam na anak ni Nebat, at sa pamilya ni Baasha na anak ni Ahia. 10 Si Jezebel naman ay kakainin ng mga aso sa lupain ng Jezreel at walang maglilibing sa kanya.” Binuksan ng batang propeta ang pinto at tumakbo papalayo.

11 Pagbalik ni Jehu sa mga kasama niyang opisyal, isa sa kanila ang nagtanong sa kanya, “May problema ba? Bakit ka pinuntahan ng baliw na iyon?” Sumagot si Jehu, “Kilala ninyo kung sino siya at kung ano ang kanyang pinagsasabi.” 12 Sumagot sila, “Hindi totoo iyan. Sabihin mo sa amin kung ano talaga ang sinabi niya.” Sinabi ni Jehu, “Ito ang sinabi niya sa akin, ‘Sinabi ng Panginoon, ang Dios ng Israel: Pinili kitang maging hari ng Israel.’ ” 13 Nang marinig ito ng mga opisyal, tinanggal nila ang mga balabal nila at inilatag sa hagdanan para kay Jehu. Pinatunog nila ang trumpeta at sumigaw, “Si Jehu na ang hari!”

Pinatay ni Jehu sina Joram at Ahazia

14 Nagplano si Jehu na anak ni Jehoshafat at apo ni Nimsi laban kay Joram. (Nang panahong iyon, ipinagtatanggol ni Joram at ng mga taga-Israel ang Ramot Gilead laban kay Haring Hazael ng Aram. 15 Pero nasugatan si Joram sa pakikipaglaban nila sa mga Arameo kaya kinailangan niyang umuwi sa Jezreel para magpagaling.) Sinabi ni Jehu sa mga kasama niyang opisyal, “Kung gusto ninyo maging hari ako, huwag ninyong hayaang may lumabas sa lungsod para pumunta sa Jezreel at ibalita na ginawa ninyo akong hari.” 16 Sumakay agad si Jehu sa karwahe niya at pumunta sa Jezreel kung saan nagpapagaling si Joram. Si haring Ahazia ay naroon din dahil binisita niya si Joram.

17 Ngayon, nakita ng guwardya sa tore ng Jezreel si Jehu na paparating kasama ang mga sundalo nito, kaya sumigaw siya, “May paparating na mga sundalo!” Sumagot si Joram, “Magpadala ka ng mangangabayo para alamin kung kapayapaan ang sadya nila sa pagpunta rito.” 18 Kaya umalis ang mangangabayo para salubungin si Jehu at sinabi, “Gusto pong malaman ng hari kung kapayapaan ang sadya ninyo rito.” Sumagot si Jehu, “Wala ka nang pakialam doon! Sumunod ka sa akin!”

Sumigaw ang guwardya sa hari, “Nakarating na po sa kanila ang mangangabayo pero hindi pa siya bumabalik.” 19 Kaya muling nagpadala ang hari ng isang mangangabayo. Pagdating niya kina Jehu sinabi niya, “Gustong malaman ng hari kung kapayapaan ang sadya ninyo rito.” Sumagot si Jehu, “Wala ka nang pakialam doon! Sumunod ka sa akin!”

20 Muling sumigaw ang guwardya sa hari, “Nakarating na po sa kanila ang ikalawang mangangabayo, pero hindi pa siya bumabalik! Sobrang bilis magpatakbo ng karwahe ng kanilang pinuno; parang si Jehu na apo ni Nimsi!” 21 Sinabi ni Joram, “Ihanda mo ang karwahe ko.” Nang maihanda na, umalis sina Haring Joram ng Israel at Haring Ahazia ng Juda, para salubungin si Jehu. Nakasakay sila sa kani-kanilang karwahe. Nagkita sila ni Jehu sa lupain ni Nabot na taga-Jezreel. 22 Pagkakita ni Joram kay Jehu, tinanong niya ito, “Kapayapaan ba ang sadya mo rito, Jehu?” Sumagot si Jehu, “Kahit kailan hindi magkakaroon ng kapayapaan hanggaʼt may pagsamba sa dios-diosan sa pamamagitan ng prostitusyon at pangkukulam na inumpisahan ng iyong ina na si Jezebel.” 23 Pinabalik ni Joram ang kabayo niya at pinatakbo nang mabilis. Sinigawan niya si Ahazia, “Nagtraydor si Jehu sa akin!”

24 Kinuha ni Jehu ang palaso niya at pinana si Joram sa likod. Tumagos ang pana sa puso nito at humandusay ito sa loob ng karwahe. 25 Sinabi ni Jehu kay Bidkar na kanyang opisyal, “Kunin mo ang bangkay ni Joram at itapon sa bukid ni Nabot na taga-Jezreel. Naaalala mo ba noong nakasakay tayo sa karwahe sa likuran ni Ahab na kanyang ama? Ito ang sinabi ng Panginoon laban sa kanya: 26 ‘Nakita ko kahapon ang pagkamatay ni Nabot at ng kanyang mga anak. At nangangako ako na parurusahan kita sa lupain mismo ni Nabot. Ako ang Panginoon ang nagsasabi nito.’ Kaya kunin mo ang katawan niya at itapon sa bukid ni Nabot ayon sa sinabi ng Panginoon.”

27 Nang makita ni Haring Ahazia ng Juda ang nangyari, tumakas siya papunta sa Bet Haggan. Hinabol siya ni Jehu na sumisigaw, “Panain din siya!” Kaya pinana nila siya[q] sa kanyang karwahe sa daan papunta sa Gur, malapit sa Ibleam. Nakatakas siya na sugatan hanggang sa Megido, pero namatay siya roon. 28 Kinuha ng mga lingkod ni Ahazia ang bangkay niya at isinakay sa karwahe papunta sa Jerusalem. Inilibing siya sa libingan ng mga ninuno niya sa Lungsod ni David.

29 Naging hari ng Juda si Ahazia nang ika-11 taon ng paghahari ni Joram na anak ni Ahab sa Israel.

Pinatay si Jezebel

30 Pumunta si Jehu sa Jezreel. Nang nalaman ito ni Jezebel, kinulayan ni Jezebel ng pampaganda ang kanyang mga mata, inayos ang buhok niya at dumungaw sa bintana ng palasyo. 31 Pagpasok ni Jehu sa pintuan ng palasyo sinabi ni Jezebel sa kanya, “Kapayapaan ba ang sadya mo rito, ikaw na mamamatay-tao? Katulad ka ni Zimri na pinatay ang kanyang amo!” 32 Tumingala si Jehu at nakita niya si Jezebel sa bintana at nagtanong, “Sino sa inyo riyan ang kakampi sa akin?” May dalawa o tatlong opisyal na dumungaw sa kanya sa bintana. 33 Sinabi ni Jehu sa kanila, “Ihulog ninyo siya!” Kaya inihulog nila si Jezebel. Tumalsik ang dugo nito sa pader at sa mga kabayo. Tinapak-tapakan ng mga kabayo ni Jehu ang katawan ni Jezebel. 34 Nang pumasok si Jehu sa palasyo, kumain siya at uminom. Pagkatapos ay sinabi niya, “Kunin ninyo ang isinumpang babaeng iyan at ilibing dahil anak siya ng hari.” 35 Pero nang kukunin na nila ang bangkay niya para ilibing, wala nang natira sa kanya, maliban sa kanyang bungo, mga paa at mga kamay. 36 Kaya bumalik sila at sinabi kay Jehu ang nangyari. Sinabi ni Jehu, “Natupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng lingkod niyang si Elias na taga-Tisbe: Sa isang lupain ng Jezreel, kakainin ng mga aso ang laman ni Jezebel. 37 Ang katawan niya ay kakalat na parang dumi sa bukid ng Jezreel at walang makakakilala sa kanya.”

Pinatay ang Pamilya ni Ahab

10 May 70 anak[r] si Ahab sa Samaria. Kaya nagpadala ng sulat doon si Jehu sa mga opisyal ng lungsod,[s] sa mga tagapamahala at mga tagapag-alaga ng mga anak ni Ahab. Ito ang sinasabi sa sulat, “Ang mga anak ni Haring Ahab ay nasa inyo pati ang mga karwahe, mga kabayo, napapaderang lungsod at mga armas. Kaya pagkatanggap ninyo ng sulat na ito, pumili kayo ng nararapat na maging hari sa mga anak ni Haring Ahab at makipaglaban kayo para sa angkan niya.”

Pero labis silang natakot at sinabi, “Kung hindi natalo ng dalawang hari si Jehu, kami pa kaya?” Kaya ang namamahala ng palasyo, gobernador sa lungsod, mga tagapamahala at mga tagapag-alaga ng mga anak ng hari ay sumulat kay Jehu. Ito ang sinasabi sa sulat, “Mga lingkod nʼyo kami at gagawin namin ang lahat ng iuutos ninyo. Hindi kami pipili ng ibang hari; gawin nʼyo kung ano sa tingin nʼyo ang pinakamabuti.”

Sinagot sila ni Jehu sa pamamagitan ng pangalawang sulat: “Kung kakampi ko kayo at handa kayong sumunod sa akin, pugutan ninyo ng ulo ang mga anak ni Ahab at dalhin ninyo sa akin dito sa Jezreel bukas, sa ganito ring oras.”

Inalagaan ng mga namumuno ng Samaria mula pagkabata ang 70 anak ni Haring Ahab. Pagdating ng sulat ni Jehu, pinatay nila ang 70 anak ng hari. Inilagay nila ang mga ulo nito sa mga basket at ipinadala kay Jehu sa Jezreel. Nang dumating ang mensahero, sinabi niya kay Jehu, “Ipinadala nila ang ulo ng mga anak ng hari.” Pagkatapos, sinabi ni Jehu, “Itumpok ninyo sa dalawa ang mga ulo sa pintuan ng lungsod at iwanan doon hanggang umaga.”

Kinaumagahan, lumabas si Jehu, tumayo sa harap ng mga tao at sinabi, “Wala kayong kasalanan. Ako ang nagplano laban sa aking amo at pumatay sa kanya. Pero sino ang pumatay sa kanilang lahat? 10 Gusto kong malaman ninyo na matutupad ang lahat ng sinabi ng Panginoon laban sa pamilya ni Ahab. Tinupad ng Panginoon ang sinabi niya sa pamamagitan ng lingkod niyang si Elias.” 11 Pagkatapos, pinatay ni Jehu ang lahat ng kamag-anak ni Ahab sa Jezreel, pati ang mga opisyal, kaibigan at mga pari nito. Wala talagang natirang buhay sa kanila. 12 Lumakad si Jehu papunta sa Samaria. Habang nasa daan siya, sa lugar na tinatawag na Pinagtitipunan ng mga Pastol ng mga Tupa, 13 nakita niya ang mga kamag-anak ni Haring Ahazia ng Juda. Tinanong niya ang mga ito, “Sino kayo?” Sumagot sila, “Mga kamag-anak po kami ni Ahazia at nagpunta kami rito para dumalaw sa pamilya ni Haring Ahab at Reyna Jezebel.” 14 Inutusan ni Jehu ang mga tauhan niya, “Hulihin ninyo sila nang buhay!” Kaya hinuli sila nang buhay. Dinala sila at pinatay doon sa balon sa lugar na tinatawag na Pinagtitipunan ng mga Pastol ng mga Tupa – 42 silang lahat. Walang iniwang buhay si Jehu.

15 Pag-alis ni Jehu roon, nakita niyang paparating ang anak ni Recab na si Jehonadab para makipagkita sa kanya. Pagkatapos nilang batiin ang isaʼt isa, tinanong siya ni Jehu, “Tapat ka ba sa akin tulad ng pagiging tapat ko sa iyo?” Sumagot si Jehonadab, “Opo.” Sinabi ni Jehu, “Kung ganoon, iabot mo sa akin ang kamay mo.” Iniabot ni Jehonadab ang kamay niya at pinaakyat siya ni Jehu sa kanyang karwahe. 16 Sinabi ni Jehu, “Sumama ka sa akin para makita mo ang katapatan ko sa Panginoon.” Kaya sumama si Jehonadab sa kanya. 17 Pagdating ni Jehu sa Samaria, pinapatay niya ang lahat ng natira sa pamilya ni Ahab, ayon sa sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ni Elias.

Pinapatay ang mga Naglilingkod kay Baal

18 Tinipon ni Jehu ang lahat ng tao at sinabi, “Hindi ganoon katapat si Ahab sa paglilingkod niya kay Baal kung ikukumpara sa gagawin kong paglilingkod. 19 Kaya papuntahin ninyo sa akin ang lahat ng propeta, pari ni Baal at ang lahat ng naglilingkod sa kanya. Kailangang nandito silang lahat, dahil mag-aalay ako ng malaking handog para kay Baal. Ipapapatay ko ang hindi pupunta.” Pero nagkukunwari lang si Jehu para mapatay niya ang mga naglilingkod kay Baal.

20 Sinabi ni Jehu, “Maghanda ng banal na pagtitipon para sambahin si Baal.” Kaya ipinaalam nila ito sa mga tao. 21 Ipinatawag ni Jehu sa buong Israel ang lahat ng naglilingkod kay Baal. Pumunta silang lahat at walang naiwan sa bahay nila. Pumasok silang lahat sa templo ni Baal at napuno ito. 22 Sinabi ni Jehu sa nangangasiwa ng espesyal na kasuotan, “Ipasuot mo ito sa bawat isa na sasamba kay Baal.” Kaya binigyan niya ng damit ang mga ito.

23 Pagkatapos, pumasok si Jehu at ang anak ni Recab na si Jehonadab sa templo ni Baal. Sinabi ni Jehu sa mga naglilingkod kay Baal, “Tiyakin ninyo na walang sumasamba sa Panginoon na napasama sa inyo. Kayo lang na mga sumasamba kay Baal ang dapat na nandito.” 24 Nang nandoon sila sa loob ng templo, nag-alay sila ng mga handog na sinusunog at ng iba pang handog. Mayroong 80 tauhan si Jehu sa labas ng templo. Sinabi niya sa kanila, “Ibinigay ko sila sa inyong mga kamay para patayin. Ang sinuman sa inyo ang magpabaya na makatakas kahit isa sa kanila ay papatayin ko.”

25 Matapos ialay ni Jehu ang mga handog na sinusunog, inutusan niya ang mga guwardya at mga opisyal, “Pumasok kayo at patayin ninyo ang mga sumasamba kay Baal! Huwag ninyong hayaang may makatakas sa kanila!” Kaya pinatay nila ang mga ito sa pamamagitan ng espada at itinapon ang mga bangkay nila sa labas. Pagkatapos, pumasok sila sa pinakaloob na bahagi ng templo ni Baal 26 at kinuha nila roon ang alaalang bato at dinala sa labas ng templo, at sinunog. 27 Dinurog nila ang alaalang bato ni Baal at giniba nila ang templo nito. Ginawa nila itong pampublikong palikuran hanggang ngayon. 28 Sa ganitong paraan sinira ni Jehu ang pagsamba ng Israel kay Baal. 29 Pero sinunod pa rin niya ang mga kasalanan ni Jeroboam, na anak ni Nebat, na naging dahilan ng pagkakasala ng mga taga-Israel. Ito ay ang pagsamba sa mga gintong baka sa Betel at Dan.

30 Sinabi ng Panginoon kay Jehu, “Mabuti ang ginawa mong pagsunod sa mga utos ko na patayin ang pamilya ni Ahab. Dahil sa ginawa mong ito, magiging hari sa Israel ang angkan mo hanggang sa ikaapat na henerasyon.” 31 Pero hindi sumunod si Jehu sa kautusan ng Panginoon, ang Dios ng Israel, nang buong puso. Sa halip, sinunod niya ang kasalanan ni Jeroboam, na naging dahilan ng pagkakasala ng mga taga-Israel.

32 Nang panahong iyon, unti-unting pinaliliit ng Panginoon ang teritoryo ng Israel. Nasakop ni Haring Hazael ang mga lugar ng Israel 33 sa silangan ng Ilog ng Jordan: ang buong Gilead, Bashan, at mga lugar sa hilaga ng bayan ng Aroer na malapit sa Lambak ng Arnon. Ang mga lugar na ito ay dating pinamayanan ng mga lahi ni Gad, Reuben at Manase.

34 Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Jehu, at ang lahat ng ginawa niya at pagtatagumpay ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Israel. 35 Nang mamatay si Jehu, inilibing siya sa Samaria. At ang anak niyang si Jehoahaz ang pumalit sa kanya bilang hari. 36 Naghari si Jehu sa Israel doon sa Samaria sa loob ng 28 taon.

Si Atalia at si Joash(C)

11 Nang malaman ni Atalia na patay na ang anak niyang si Ahazia na hari ng Juda, nagpasya siyang patayin ang lahat ng miyembro ng pamilya ng hari ng Juda. Pero iniligtas ni Jehosheba ang anak ni Ahazia na si Joash nang papatayin na ito at ang iba pang mga anak ng hari. Si Jehosheba ay kapatid ni Ahazia at anak na babae ni Haring Jehoram. Itinago niya si Joash at ang kanyang tagapag-alaga sa isang silid sa templo, kaya hindi siya napatay ni Atalia Sa loob ng anim na taon, doon nagtago sa templo ng Panginoon si Joash at ang tagapag-alaga niya habang si Atalia ang namamahala sa kaharian at lupain.

Nang ikapitong taon, ipinatawag ng paring si Jehoyada ang mga pinunong personal na tagapagbantay ng hari at mga guwardya ng palasyo para papuntahin sa templo ng Panginoon. Gumawa siya ng kasunduan sa kanila at sinumpaan nila ang mga ito roon sa templo ng Panginoon. Pagkatapos, ipinakita sa kanila ang anak ng hari. Sinabi niya sa kanila, “Ito ang gagawin nʼyo: Ang ikatlong bahagi ng mga nagbabantay kapag Araw ng Pamamahinga ang magbabantay sa palasyo ng hari. Ang isa pang ikatlong bahagi naman ang magbabantay sa Pintuan ng Sur. Ang isa pang grupo ang magbabantay sa pintuan ng palasyo para tumulong sa iba pang mga guwardya na naroon. Ang dalawang grupo sa inyo na hindi nagbabantay kapag Araw ng Pamamahinga ang siyang magbabantay sa templo ng Panginoon para ingatan ang hari. Dapat ninyong bantayang mabuti ang hari, dala ang inyong mga sandata, sundan nʼyo siya kahit saan siya magpunta. Patayin ninyo ang sinumang lalapit sa inyo.” Ginawa ng mga pinuno ang iniutos ng paring si Jehoyada. Tinipon nila ang mga tauhan nila na nagbabantay kapag Araw ng Pamamahinga, pati na rin ang mga hindi nagbabantay sa araw na iyon at dinala nila kay Jehoyada. 10 Ibinigay ni Jehoyada sa mga pinuno ang mga sibat at pananggalang na nakatago sa templo ng Panginoon, na pag-aari noon ni Haring David. 11 Pumwesto ang mga armadong guwardya sa palibot ng templo at ng altar para protektahan ang hari.

12 Pagkatapos, inilabas ni Jehoyada si Joash na anak ng hari at kinoronahan. Binigyan niya ito ng kopya ng mga kautusan ng Panginoon. Idineklara siyang hari at pinahiran ng langis bilang pagkilala na siya na ang hari. Pagkatapos, nagpalakpakan ang mga tao at sumigaw, “Mabuhay ang Hari!”

13 Nang marinig ni Atalia ang ingay ng mga guwardya at ng mga tao, pinuntahan niya ang mga ito sa templo ng Panginoon. 14 Nakita niya roon ang bagong hari na nakatayo malapit sa haligi, ayon sa kaugalian ng pagdedeklara sa isang hari. Nakapalibot sa hari ang mga pinuno at mga tagapagpatunog ng trumpeta. Ang lahat ng tao ay nagsasaya at nagpapatunog ng mga trumpeta. Nang makita ito ni Atalia, pinunit niya ang kanyang damit sa sama ng loob at sumigaw, “Mga traydor! Mga traydor!”

15 Inutusan ni Jehoyada ang mga kumander ng mga sundalo, “Dalhin ninyo si Atalia sa labas. Huwag ninyo siyang patayin sa loob ng templo ng Panginoon. Patayin ang sinumang magliligtas sa kanya.” 16 Kaya dinakip nila siya at dinala sa labas ng pintuan na dinadaanan ng mga kabayong papunta sa palasyo, at doon siya pinatay.

Mga Pagbabagong Ginawa ni Jehoyada(D)

17 Pagkatapos, pinagawa ni Jehoyada ang hari at ang mga tao ng kasunduan sa Panginoon, na magiging mamamayan sila ng Panginoon. Gayon din ang ginawang kasunduan sa pagitan ng hari at ng mga tao na kanyang nasasakupan. 18 Pumunta ang lahat ng tao sa templo ni Baal at giniba ito. Dinurog nila ang mga altar at mga dios-diosan doon, at pinatay nila si Matan na pari ni Baal sa harapan ng mga altar.

Pagkatapos, naglagay si Jehoyada ng mga guwardya sa templo ng Panginoon. 19 Isinama niya ang mga kumander ng mga sundalo, mga personal na tagapagbantay ng hari, mga guwardya ng palasyo at ang lahat ng tao. Inihatid nila ang hari sa palasyo mula sa templo ng Panginoon. Doon sila dumaan sa pintuan ng mga guwardya. Pagkatapos, naupo ang hari sa kanyang trono. 20 Nagdiwang ang mga tao at naging mapayapa ang lungsod matapos patayin si Atalia sa palasyo.

21 Si Joash ay pitong taong gulang nang maging hari.

Ang Paghahari ni Joash sa Juda(E)

12 Naging hari si Joash ng Juda nang ikapitong taon ng paghahari ni Jehu sa Israel. Sa Jerusalem siya nakatira, at naghari siya sa loob ng 40 taon. Ang ina niya ay si Zibia na taga-Beersheba. Sa buong buhay niya, matuwid ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon dahil tinuruan siya ng paring si Jehoyada. Pero hindi niya ipinagiba ang mga sambahan sa matataas na lugar,[t] kaya nagpatuloy ang mga tao sa paghahandog at pagsusunog ng mga insenso.

Sinabi ni Joash sa mga pari, “Kolektahin ninyo ang lahat ng pera na dinala sa templo ng Panginoon bilang handog: ang perang kinolekta sa buwis ng sensus, ang perang ibinayad para sa panata, at ang perang handog na kusang-loob na ibinigay. Gamitin ninyo ang lahat ng ito sa pagpapaayos ng templo.”

Pero hanggang sa ika-23 taong paghahari ni Joash, hindi pa rin naipapaayos ng mga pari ang templo. Kaya ipinatawag ni Haring Joash si Jehoyada at ang iba pang mga pari at tinanong, “Bakit hindi pa ninyo naipapaayos ang templo? Simula ngayon, huwag na ninyong gagastusin ang mga pera para sa sarili ninyong pangangailangan. Dapat gastusin ito sa pagpapaayos ng templo.” Pumayag ang mga pari na hindi na sila ang mangongolekta ng pera sa mga tao at hindi na rin sila ang magpapaayos ng templo.

Kumuha si Jehoyada ng kahon at binutasan ang takip nito. Pagkatapos, inilagay niya ito sa tabi ng altar, sa gawing kanan papasok sa templo ng Panginoon. Kung mayroong magbibigay ng pera sa templo, ang mga paring nagbabantay sa pintuan ang maglalagay nito sa kahon. 10 Kapag puno na ang kahon, binibilang ng kalihim ng hari at ng punong pari ang pera at inilalagay nila ito sa mga lalagyan. 11-12 Pagkatapos, ibibigay nila ang pera sa mga tao na namamahala sa pagpapaayos ng templo. Ito ang ibinabayad nila sa mga nagtatrabaho sa templo ng Panginoon – ang mga karpintero, mga mason, at iba pang mga manggagawa. Ito rin ang ginagamit nilang pambili ng kahoy at mga hinating bato para sa pagpapaayos ng templo ng Panginoon. Binabayaran din nila ang iba pang mga gastusin sa pagpapaayos nito.

13 Hindi ginamit ang perang dinala sa templo sa paggawa ng mga pilak na planggana, mga panggupit ng mitsa ng mga ilaw, mga mangkok, mga trumpeta o kahit anong gamit na ginto o pilak para sa templo ng Panginoon. 14 Ibinayad ang pera sa mga manggagawa ng templo at sa mga materyales. 15 Hindi na sila hinihingan ng listahan kung paano ginastos ang pera, dahil tapat at mapagkakatiwalaan sila. 16 Ang perang ibinigay kasama ng mga handog na pambayad ng kasalanan at ng mga handog sa paglilinis ay hindi dinadala sa templo ng Panginoon, dahil para ito sa mga pari.

17 Nang panahong iyon, si Haring Hazael ng Aram ay lumusob sa Gat at nasakop ito. Pagkatapos, binalak din niyang lusubin ang Jerusalem. 18 Tinipon ni Haring Joash ang mga inihandog niya pati ang lahat ng bagay na inihandog para sa Panginoon ng mga ninuno niya na sina Jehoshafat, Jehoram at Ahazia na mga hari ng Juda. Ipinadala ni Joash ang lahat ng ito kay Hazael pati na ang lahat ng ginto na naroon sa bodega ng templo ng Panginoon at ang mga nasa palasyo. Kaya hindi na lumusob si Hazael sa Jerusalem.

19 Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Joash at lahat ng ginawa niya ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Juda. 20 Nang bandang huli, nagplano ang mga opisyal niya laban sa kanya at pinatay siya sa Bet Millo sa daang papunta sa Silla. 21 Ang kanyang mga opisyal na pumatay sa kanya ay sina Josacar[u] na anak ni Shimeat at Jehozabad na anak ni Shomer. Inilibing siya sa libingan ng mga ninuno niya sa Lungsod ni David. At ang anak niyang si Amazia ang pumalit sa kanya bilang hari.

Ang Paghahari ni Jehoahaz sa Israel

13 Naging hari ng Israel ang anak ni Jehu na si Jehoahaz nang ika-23 taon ng paghahari ng anak ni Ahazia na si Joash sa Juda. Sa Samaria siya nakatira, at naghari siya roon sa loob ng 17 taon. Masasama ang ginawa ni Jehoahaz sa paningin ng Panginoon. Sumunod siya sa mga ginawa ni Jeroboam, na anak ni Nebat, na naging dahilan ng pagkakasala ng mga taga-Israel. Hindi niya tinalikuran ang mga kasalanang ito. Kaya nagalit nang matindi ang Panginoon sa Israel. Hinayaan niyang masakop ito ni Haring Hazael ng Aram at ng anak nitong si Ben Hadad nang matagal na panahon.

Nanalangin si Jehoahaz sa Panginoon at pinakinggan siya ng Panginoon, sapagkat nakita ng Panginoon ang sobrang kalupitan ng hari ng Aram sa Israel. Binigyan sila ng Panginoon ng tao na magliligtas sa kanila mula sa mga taga-Aram. Kaya muling namuhay ng may kapayapaan ang mga Israelita tulad ng dati. Pero hindi sila tumigil sa paggawa ng mga kasalanang ginawa ng pamilya ni Jeroboam, na naging dahilan ng pagkakasala nila. Nanatiling nakatayo ang posteng simbolo ng diosang si Ashera sa Samaria.

Walang natira sa mga sundalo ni Jehoahaz maliban sa 50 mangangabayo, 10 karwahe at 10,000 sundalo, dahil ang iba ay pinatay ng hari ng Aram, na parang alikabok na tinatapak-tapakan.

Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Jehoahaz, at ang lahat ng kanyang ginawa at pagtatagumpay ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Israel. Nang mamatay si Jehoahaz, inilibing siya sa Samaria, sa libingan ng kanyang mga angkan. At ang anak niyang si Jehoash ang pumalit sa kanya bilang hari.

Ang Paghahari ni Jehoash sa Israel

10 Naging hari ng Israel ang anak ni Jehoahaz na si Jehoash nang ika-37 taon ng paghahari ni Joash sa Juda. Sa Samaria siya nakatira, at naghari siya roon sa loob ng 16 na taon. 11 Masama ang mga ginawa niya sa paningin ng Panginoon. Sumunod siya sa mga ginawa ni Jeroboam, na anak ni Nebat, na naging dahilan ng pagkakasala ng mga taga-Israel.

12 Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Jehoash at lahat ng ginawa niya at pagtatagumpay, pati ang pakikipaglaban kay Haring Amazia ng Juda ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Israel. 13 Nang mamatay si Jehoash, inilibing siya sa libingan ng mga hari ng Israel sa Samaria. Ang anak niyang si Jeroboam II ang pumalit sa kanya bilang hari.

Namatay si Eliseo

14 Nang magkasakit si Eliseo at malapit nang mamatay, pumunta sa kanya si Haring Jehoash noong buhay pa ito at umiyak. Sinabi ni Jehoash, “Ama ko! Ama ko! Ang mga karwahe at mangangabayo ng Israel!”[v] 15 Sinabi ni Eliseo, “Kumuha ka ng pana at mga palaso.” Ginawa nga ito ni Jehoash. 16 Sinabi ni Eliseo, “Hawakan mo ang pana.” Habang hawak ito ni Jehoash, ipinatong ni Eliseo ang kamay niya kay Jehoash 17 at sinabi, “Buksan mo ang bintana sa bandang silangan.” Binuksan nga niya ito. Pagkatapos, sinabi ni Eliseo, “Pumana ka.” Pumana nga siya. Sinabi ni Eliseo, “Ang palasong iyon ay palatandaan na pagtatagumpayin ka ng Panginoon laban sa Aram. Tatalunin mo ang mga Arameo sa Apek hanggang sa malipol sila.”

18 Muling sinabi ni Eliseo kay Jehoash na kumuha siya ng mga palaso. Nang makakuha siya, sinabi ni Eliseo, “Panain mo ang lupa.” Pinana nga niya ang lupa ng tatlong beses at huminto siya. 19 Nagalit ang lingkod ng Dios sa kanya at sinabi, “Pinana mo dapat ng lima o anim na beses para tuluyan mong mawasak ang lahat ng Arameo. Pero ngayon, tatlong beses mo lang sila matatalo.”

20 Kinalaunan, namatay si Eliseo at inilibing.

Tuwing tagsibol, may grupo ng mga tulisang Moabita na lumulusob sa Israel. 21 Minsan, may mga Israelita na naglilibing ng patay pero nang makita nila ang grupo ng mga Moabita na lumulusob, naihagis nila ang bangkay sa pinaglibingan kay Eliseo at sila ay tumakas. Nang sumagi ang bangkay sa mga buto ni Eliseo, nabuhay ang patay at tumayo.

22 Pinahirapan ni Haring Hazael ng Aram ang Israel sa buong panahon ng paghahari ni Jehoahaz. 23 Pero kinahabagan at inalala sila ng Panginoon dahil sa pangako niya kina Abraham, Isaac, at Jacob. Hanggang ngayon, hindi niya ito winawasak o itinatakwil.

24 Namatay si Haring Hazael ng Aram, at ang anak niyang si Ben Hadad ang pumalit sa kanya bilang hari. 25 Natalo ni Jehoash si Ben Hadad ng tatlong beses. Nabawi niya ang mga bayang kinuha ng ama ni Ben Hadad na si Hazael mula sa ama niyang si Jehoahaz nang maglaban ang mga ito.

Ang Paghahari ni Amazia sa Juda(F)

14 Naging hari ng Juda ang anak ni Joash na si Amazia nang ikalawang taon ng paghahari ng anak ni Jehoahaz na si Jehoash sa Israel. Si Amazia ay 25 taong gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya sa loob ng 29 na taon. Ang ina niya ay si Jehoadin na taga-Jerusalem. Matuwid ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon, pero hindi kapantay ng ginawa ni David na ninuno niya. Sinunod niya ang ama niyang si Joash. Hindi rin niya ipinagiba ang mga sambahan sa matataas na lugar, kaya nagpatuloy ang mga tao sa paghahandog at pagsusunog ng insenso roon.

Nang matatag na ang paghahari ni Amazia, ipinapatay niya ang mga opisyal na pumatay sa kanyang amang hari. Pero hindi niya ipinapatay ang mga anak nila, dahil ayon sa nasusulat sa Aklat ng Kautusan ni Moises, sinabi ng Panginoon, “Huwag papatayin ang mga magulang dahil sa kasalanan ng kanilang mga anak, at ang mga anak ay hindi rin dapat patayin dahil sa kasalanan ng kanilang mga magulang. Ang taong nagkasala lamang ang dapat managot sa kanyang mga kasalanan.”

Si Amazia ang nakapatay ng 10,000 taga-Edom sa Lambak ng Asin. Nasakop niya ang Sela at pinalitan niya ang pangalan nito ng Jokteel, at hanggang sa kasalukuyan ito pa rin ang tawag sa lugar.

Isang araw, nagsugo si Amazia ng mga mensahero kay Haring Jehoash ng Israel, na anak ni Jehoahaz at apo ni Jehu. Hinamon niya si Jehoash at sinabi, “Makipaglaban ka sa akin.” Pero sinagot siya ni Haring Jehoash sa pamamagitan ng kwentong ito: “Doon sa Lebanon ay may halamang may tinik na nagpadala ng mensahe sa puno ng sedro: ‘Ipakasal mo ang anak mong babae sa anak kong lalaki.’ Pero may dumaang hayop mula sa gubat at tinapak-tapakan ang halamang may tinik. 10 Amazia, totoong natalo mo ang Edom at ipinagyayabang mo ito. Magdiwang ka at huwag ka na lang makipaglaban sa amin. Manatili ka na lang sa iyong lugar. Bakit gusto mo ng gulo na magdadala lang ng kapahamakan sa iyo at sa Juda?”

11 Pero hindi nakinig si Amazia, kaya nilusob siya ni Haring Jehoash at ng mga sundalo nito. Naglaban sila sa Bet Shemesh na sakop ng Juda. 12 Natalo ng Israel ang Juda, at ang bawat sundalo ng Juda ay tumakas pauwi sa kanilang bahay. 13 Nadakip ni Haring Jehoash si Haring Amazia roon sa Bet Shemesh, at dinala niya siya sa Jerusalem. Pagkatapos, giniba ni Jehoash ang mga pader ng Jerusalem mula sa Pintuan ng Efraim hanggang sa Sulok na Pintuan, na mga 600 talampakan ang haba. 14 Kinuha niya ang lahat ng ginto, pilak at kagamitan na nakita niya sa templo ng Panginoon at kabang-yaman ng palasyo. Nagdala rin siya ng mga bihag pagbalik niya sa Samaria.

15 Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Jehoash, at lahat ng ginawa niya at pagtatagumpay, pati ang pakikipaglaban kay Haring Amazia ng Juda ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Israel. 16 Nang mamatay si Jehoash, inilibing siya sa libingan ng mga hari ng Israel sa Samaria. At ang anak niyang si Jeroboam II ang pumalit sa kanya bilang hari.

17 Nabuhay pa si Haring Amazia ng Juda ng 15 taon matapos mamatay si Haring Jehoash ng Israel. 18 Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Amazia ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Juda.

19 May mga taga-Jerusalem na nagplanong patayin si Amazia. Kaya tumakas siya papunta sa bayan ng Lakish, pero nagpadala sila ng tao para sundan siya roon at patayin. 20 Ikinarga sa kabayo ang bangkay niya pabalik sa Jerusalem at inilibing sa libingan ng mga ninuno niya sa Lungsod ni David. 21 Ipinalit ng mga taga-Juda si Azaria na anak ni Amazia bilang hari. Si Azaria[w] ay 16 na taong gulang nang maging hari. 22 Muli niyang itinayo ang Elat at naging bahagi ulit ito ng Juda nang mamatay ang ama niyang si Amazia.

Ang Paghahari ni Jeroboam II sa Israel

23 Nagsimulang maghari sa buong Israel ang anak ni Joash na si Jeroboam II nang ika-15 taon ng paghahari ni Amazia sa Juda. Sa Samaria siya nakatira, at naghari siya roon sa loob ng 41 taon. 24 Masama ang mga ginawa niya sa paningin ng Panginoon. Sumunod siya sa mga ginawa ni Jeroboam, na anak ni Nebat, na naging dahilan ng pagkakasala ng mga taga-Israel. 25 Nabawi niya ang mga teritoryo ng Israel sa pagitan ng Lebo Hamat hanggang sa Dagat na Patay[x] tulad ng ipinangako ng Panginoon, ang Dios ng Israel, sa pamamagitan ng anak ni Amitai na si Propeta Jonas na taga-Gat Hefer. 26 Niloob ng Panginoon na mangyari ito dahil nakita niya ang paghihirap ng mga Israelita, alipin man o hindi, at walang sinumang makakatulong sa kanila. 27 Dahil sinabi ng Panginoon na hindi niya aalisin ang Israel sa mundo, kaya iniligtas niya ang mga Israelita sa pamamagitan ni Jeroboam II na anak ni Joash.

28 Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Jeroboam II, at lahat ng ginawa niya at pagtatagumpay, pati ang pagbawi niya sa Damascus at Hamat na sakop noon ng Juda,[y] ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Israel. 29 Nang mamatay si Jeroboam II, inilibing siya sa libingan ng mga hari ng Israel, at ang anak niyang si Zacarias ang pumalit sa kanya bilang hari.

Ang Paghahari ni Azaria sa Juda(G)

15 Naging hari ng Juda ang anak ni Amazia na si Azaria[z] nang ika-27 taon ng paghahari ni Jeroboam II sa Israel. Si Azaria ay 16 na taong gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng 52 taon. Ang ina niya ay si Jecolia na taga-Jerusalem. Matuwid ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon katulad ng ginawa ng ama niyang si Amazia. Pero hindi niya ipinagiba ang mga sambahan sa matataas na lugar,[aa] kaya nagpatuloy ang mga tao sa paghahandog at pagsusunog ng mga insenso roon.

Binigyan siya ng Panginoon ng malubhang sakit sa balat,[ab] na hindi gumaling hanggang sa araw nang kamatayan niya. Nakatira siya sa isang bukod na bahay. Si Jotam na anak niya ang siyang namahala sa palasyo ng Juda at sa mga mamamayan. Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Azaria, at lahat ng ginawa niya ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Juda. Nang mamatay si Azaria, inilibing siya sa libingan ng mga ninuno niya sa Lungsod ni David. At ang anak niyang si Jotam ang pumalit sa kanya bilang hari.

Ang Paghahari ni Zacarias sa Israel

Naging hari ng Israel ang anak ni Jeroboam II na si Zacarias nang ika-38 taon ng paghahari ni Azaria sa Juda. Nakatira siya sa Samaria at naghari siya sa loob ng anim na buwan. Masama ang mga ginawa niya sa paningin ng Panginoon, katulad ng ginawa ng mga ninuno niya. Sumunod siya sa mga ginawang kasalanan ni Jeroboam, na anak ni Nebat, na naging dahilan ng pagkakasala ng mga taga-Israel.

10 Nagplano ng masama ang anak ni Jabes na si Shalum laban kay Zacarias. Pinatay niya si Zacarias sa harap ng mga tao at siya ang pumalit bilang hari. 11 Ang iba pang pangyayari tungkol sa paghahari ni Zacarias ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Israel.

12 Kaya natupad ang sinabi ng Panginoon kay Jehu, “Ang mga angkan mo ay maghahari sa Israel hanggang sa ikaapat na henerasyon.”

Ang Paghahari ni Shalum sa Israel

13 Naging hari ng Israel ang anak ni Jabes na si Shalum nang ika-39 na taon ng paghahari ni Uzia[ac] sa Juda. Sa Samaria siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng isang buwan. 14 Pinatay siya ni Menahem na anak ni Gadi nang dumating ito sa Samaria galing Tirza. Si Menahem ang pumalit kay Shalum bilang hari.

15 Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Shalum, pati ang balak niyang pagpatay kay Zacarias ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Israel.

16 Nang mga panahong iyon, nilusob ni Menahem ang Tifsa at ang mga lugar sa paligid nito hanggang sa Tirza, dahil ang mga naninirahan dito ay ayaw sumuko sa kanya. Pinatay niya ang lahat ng naninirahan dito at hinati ang tiyan ng mga buntis.

Ang Paghahari ni Menahem sa Israel

17 Naging hari ng Israel ang anak ni Gadi na si Menahem nang ika-39 na taon ng paghahari ni Azaria sa Juda. Sa Samaria siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng sampung taon. 18 Masama ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon. Sumunod siya sa mga ginawang kasalanan ni Jeroboam, na anak ni Nebat, na naging dahilan ng pagkakasala ng mga taga-Israel. Hindi niya tinalikuran ang mga kasalanang ito sa buong paghahari niya.

19 Nang pumunta si Haring Tiglat Pileser[ad] ng Asiria sa Israel para lusubin ito, binigyan siya ni Menahem ng 35 toneladang pilak para tulungan siya nito na mapatibay pa ng husto ang paghahari niya. 20 Kinuha ni Menahem ang mga pilak sa mga mayayaman ng Israel sa pamamagitan ng pagpilit sa bawat isa sa kanila na magbigay ng tig-50 pirasong pilak. Kaya huminto sa paglusob ang hari ng Asiria at umuwi sa bansa niya.

21 Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Menahem at lahat ng ginawa niya ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Israel. 22 Nang mamatay si Menahem, ang anak niyang si Pekaya ang pumalit sa kanya bilang hari.

Ang Paghahari ni Pekaya sa Israel

23 Naging hari ng Israel ang anak ni Menahem na si Pekaya nang ika-50 taon ng paghahari ni Azaria sa Juda. Sa Samaria siya nakatira, at naghari siya roon sa loob ng dalawang taon. 24 Masama ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon. Sumunod siya sa mga ginawang kasalanan ni Jeroboam, na anak ni Nebat, na naging dahilan ng pagkakasala ng mga taga-Israel. Hindi niya tinalikuran ang mga kasalanang ito.

25 Nagplano ng masama ang anak ni Remalia na si Peka laban kay Pekaya. Si Peka ang kumander ng mga sundalo ni Pekaya. Kasama ng 50 tao mula sa Gilead, pinatay ni Peka si Pekaya pati sina Argob at Arie sa matatatag na gusali ng palasyo sa Samaria. Pinalitan ni Peka si Pekaya bilang hari.

26 Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Pekaya at lahat ng ginawa niya ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Israel.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®