Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Bible in 90 Days

An intensive Bible reading plan that walks through the entire Bible in 90 days.
Duration: 88 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Leviticus 14:33-26:26

Ang mga Tuntunin Tungkol sa mga Amag na Kumakalat sa Bahay

33 Ito ang sinabi ng Panginoon kina Moises at Aaron 34 tungkol sa dapat gawin kung patutubuin ng Panginoon ang mga amag[a] sa kanilang mga bahay kapag silaʼy nasa Canaan na, ang lugar na ibibigay ng Panginoon sa kanila bilang pag-aari:

35 Kung mapuna ng may-ari ng bahay na nagkakaamag ang kanyang bahay, dapat niya itong sabihin sa pari. 36 At bago pumasok ang pari sa bahay na iyon, ipag-uutos niyang ilabas lahat ang kagamitan sa loob ng bahay, dahil baka pati iyon ay maibilang na marumi. Pagkatapos, papasok ang pari sa bahay 37 at titingnan niya ang amag. Kapag nakita niyang ang dingding ay parang kulay berde o namumula, at parang makapal ang tagos sa dingding,[b] 38 lalabas ang pari sa bahay na iyon at ipapasara niya ang bahay sa loob ng pitong araw. 39 Sa ikapitong araw, babalik ang pari at muling titingnan ang amag sa bahay. At kung iyon ay kumalat pa sa ibang bahagi ng dingding, 40 ipapatanggal niya ang mga dingding na may amag at ipapatapon sa labas ng bayan, doon sa pinagtatapunan ng mga bagay na itinuturing na marumi. 41 At ipababakbak niya ang lahat ng bahagi ng dingding sa loob ng bahay at ang lahat ng binakbak ay ipapatapon din niya sa labas ng bayan, doon sa lugar na pinagtatapunan ng mga bagay na itinuturing na marumi. 42 At ipag-uutos niya na palitan ang lahat ng bahagi ng dingding na tinanggal.

43 Pero kung pagkatapos nitoʼy muling magkaamag ang bahay, 44 pupuntahan niyang muli ang pari at muling ipapasuri ito. Kung ang amag ay kumakalat, ituturing na marumi na naman ang bahay na iyon dahil pabalik-balik ang amag sa bahay. 45 Kaya dapat nang gibain ang bahay at ang mga gamit nitoʼy ipatapon sa labas ng bayan, doon sa lugar na pinagtatapunan ng mga bagay na itinuturing na marumi.

46 Ang sinumang pumasok sa bahay na iyon na ipinasara ay ituturing na marumi hanggang sa paglubog ng araw. 47 At ang sinumang kumain o matulog sa bahay na iyon ay kinakailangang maglaba ng kanyang damit.[c]

48 Pero kung sa pagsusuri ng pari ay hindi na nagkaamag ang bahay pagkatapos palitan ang mga bahagi ng dingding na may amag, ipapahayag ng pari na malinis na ang bahay dahil wala nang amag. 49 At para maituring na malinis ang bahay, kinakailangan ng pari ang dalawang ibon, kahoy na sedro, pulang panali, at halamang isopo. 50 Papatayin niya ang isang ibon sa ibabaw ng palayok na may tubig mula sa bukal. 51 At kukunin niya ang kahoy na sedro, ang pulang panali, halamang isopo, at ang buhay na ibon. At ilulubog niyang lahat ito sa tubig sa palayok na may dugo ng ibong pinatay. At ang tubig na may dugo ay iwiwisik niya ng pitong beses sa bahay. 52 Kaya sa pamamagitan ng dugo ng ibon, tubig na galing sa bukal, buhay na ibon, kahoy na sedro, halamang isopo, at ng pulang panali, malilinis ng pari ang bahay. 53 Pagkatapos, pakakawalan niya ang buhay na ibon sa labas ng bayan. Ganito ang paraan na gagawin ng pari para maalis ang karumihan sa bahay at magiging malinis na ito.

54-57 Ito ang mga tuntunin tungkol sa sakit sa balat na nakakahawa at kumakati, o namamaga, o may butlig o namumuti, at tungkol sa amag ng damit at amag sa bahay. At sa pamamagitan ng mga tuntuning ito, malalaman ninyo kung alin ang malinis at marumi.

Ang mga Lumalabas sa Katawan ng Tao na Itinuturing na Marumi

15 Inutusan ng Panginoon sina Moises at Aaron na sabihin ito sa mga taga-Israel:

Kung may lumalabas sa ari ng lalaki dahil sa kanyang sakit, ang lumalabas na iyon ay itinuturing na marumi. At kahit na magpatuloy ang pagtulo o hindi, ituturing pa rin siyang marumi. At ituturing na marumi ang anumang mahigaan o maupuan niya. 5-7 At ang sinumang makahipo sa kanya o sa kanyang hinigaan o inupuan ay kinakailangang maglaba ng kanyang damit at maligo,[d] pero ituturing pa rin siyang marumi hanggang sa paglubog ng araw.

Ang sinumang maduraan ng taong ito ay kinakailangang maglaba ng kanyang damit at maligo, pero ituturing pa rin siyang marumi hanggang sa paglubog ng araw. 9-10 Ang anumang maupuan ng taong ito, katulad ng upuang ginagamit kapag sumasakay sa kabayo ay magiging marumi. Ang sinumang makahipo ng mga bagay na iyon ay kinakailangang maglaba ng kanyang damit at maligo, pero ituturing pa rin siyang marumi hanggang sa paglubog ng araw.

11 Ang sinumang makahipo sa taong iyon habang hindi pa siya nakakapaghugas ng kanyang kamay ay kinakailangang maglaba ng kanyang damit at maligo, pero ituturing pa rin siyang marumi hanggang sa paglubog ng araw. 12 Ang palayok na mahihipo ng taong iyon ay dapat basagin, at ang mga bagay na gawa sa kahoy ay dapat hugasan.

13-14 Kung gumaling na ang may sakit na ito, maghihintay siya ng pitong araw. Pagkatapos, lalabhan niya ang kanyang damit at maliligo ng tubig na galing sa bukal. Sa ikawalong araw, kinakailangang magdala siya ng dalawang kalapati o dalawang ibon na batu-bato sa presensya ng Panginoon malapit sa pintuan ng Toldang Tipanan. At ibibigay niya sa paring maghahandog noon. 15 Ang isaʼy bilang handog sa paglilinis at ang isaʼy bilang handog na sinusunog. Ganito ang paraan na gagawin ng pari para maalis ang karumihan ng taong iyon dahil sa tumutulo sa ari niya; magiging malinis siya.

16 Kung ang isang lalaki ay nilabasan ng kanyang binhi, kinakailangang maligo siya pero ituturing pa rin siyang marumi hanggang sa paglubog ng araw. 17 Ang alin mang damit o gamit na yari sa balat na natuluan ng binhi ay kinakailangang labhan, pero iyon ay ituturing pa ring marumi hanggang sa paglubog ng araw. 18 Kapag nagsiping ang lalaki at babae, at nilabasan ang lalaki ng binhi, kinakailangang maligo silang dalawa, pero ituturing pa rin silang marumi hanggang sa paglubog ng araw.

19 Kung ang isang babae ay may buwanang dalaw, ituturing siyang marumi sa loob ng pitong araw, at ang sinumang makahipo sa kanya ay ituturing ding marumi hanggang sa paglubog ng araw. 20 Ang anumang mahigaan o maupuan niya habang siyaʼy may buwanang dalaw ay magiging marumi. 21-23 Ang sinumang makahipo sa kanyang hinigaan o inupuan ay kinakailangang maglaba ng kanyang damit at maligo, at ituturing pa rin siyang marumi hanggang sa paglubog ng araw.

24 Kung ang lalaki ay sumiping sa babaeng may buwanang dalaw, ituturing siyang marumi sa loob ng pitong araw. At ang anumang kanyang mahigaan ay ituturing na marumi.

25 Kung ang babae ay dinudugo nang hindi pa panahon ng buwanan niyang dalaw o pagtatapos ng buwanan niyang dalaw, ituturing siyang marumi katulad ng kung siyaʼy may buwanang dalaw. At ituturing siyang marumi habang dinudugo siya. 26 Ang anumang mahigaan niya at maupuan habang siyaʼy dinudugo ay magiging marumi katulad ng kung siyaʼy may buwanang dalaw. 27 At ang sinumang makahipo ng mga iyon ay magiging marumi, kinakailangang maglaba siya ng kanyang damit at maligo, pero ituturing pa rin siyang marumi hanggang sa paglubog ng araw.

28-29 Kung huminto na ang buwanang dalaw ng babae, maghihintay siya ng pitong araw at ituturing na siyang malinis. Sa ikawalong araw, kinakailangang magdala siya ng dalawang kalapati o dalawang ibon na batu-bato malapit sa may pintuan ng Toldang Tipanan. 30 Ihahandog ng pari ang isa bilang handog sa paglilinis at ang isaʼy bilang handog na sinusunog. Ganito ang paraan na gagawin ng pari sa presensya ng Panginoon para maalis ang karumihan ng babae dahil sa buwanan niyang dalaw at magiging malinis na siya.

31 Sinabihan ng Panginoon sina Moises at Aaron na bigyang babala ang mga taga-Israel tungkol sa mga bagay na nakapagpaparumi sa kanila, para hindi sila mamatay kapag lumapit sila sa Tolda ng Panginoon sa gitna ng kampo.

32-33 Ito ang mga tuntunin tungkol sa lalaking nilalabasan ng kanyang binhi o may lumalabas sa ari niya dahil sa kanyang sakit, at tungkol sa babaeng dinudugo sa panahon ng buwanang dalaw o dinudugo bago ang kanyang buwanang dalaw, at tungkol sa lalaking sumisiping sa babaeng itinuturing na marumi.[e]

Ang Seremonya sa Araw ng Pagtubos

16 1-2 Pagkamatay ng dalawang anak na lalaki ni Aaron nang silaʼy naghandog sa Panginoon, sinabi ng Panginoon kay Moises, “Sabihin mo sa kapatid mong si Aaron na huwag siyang papasok sa Pinakabanal na Lugar sa kabila ng tabing, sa anumang oras na naisin niya. Kapag ginawa niya iyon, mamamatay siya. Sapagkat doon ako nagpapakita sa anyong ulap sa itaas ng takip ng Kahon ng Kasunduan.”[f]

Ito ang utos ng Panginoon na gagawin ni Aaron sa araw na papasok siya sa Pinakabanal na Lugar: Magdadala siya ng batang toro bilang handog sa paglilinis at lalaking tupa bilang handog na sinusunog. Kinakailangang maligo muna siya at pagkatapos, isuot niya ang kanyang damit pampari na purong linen: pang-ilalim na damit na tatakip sa kanyang kahubaran, ang kanyang sinturon, ang turban na linen, at ang kanyang panlabas na damit.[g] Ang mamamayan ng Israel ay magbibigay sa kanya ng dalawang lalaking kambing bilang handog sa paglilinis, at isang lalaking tupa bilang handog na sinusunog.

Ihahandog ni Aaron ang batang toro bilang handog sa paglilinis para maging malinis siya at ang sambahayan niya. Pagkatapos, kukunin niya ang dalawang kambing at dadalhin din niya sa presensya ng Panginoon, malapit sa may pintuan ng Toldang Tipanan. At sa pamamagitan ng palabunutan, pipiliin niya kung alin sa dalawang kambing ang para sa Panginoon at ang para kay Azazel.[h] Ang kambing na nabunot sa pamamagitan ng palabunutan na para sa Panginoon ay ang ihahandog niya bilang handog sa paglilinis. 10 Pero ang kambing na nabunot para kay Azazel ang ihahandog niyang buhay sa Panginoon at saka niya ito pakakawalan sa ilang para matubos ang mga tao sa kanilang mga kasalanan.

Ang mga Detalye ng Seremonyang Iyon

11 Papatayin ni Aaron ang batang toro bilang handog sa paglilinis para sa kanyang sarili at sa sambahayan niya. 12 Pagkatapos, kukuha siya ng lalagyan ng insenso at pupunuin niya ng baga galing sa altar na nasa loob ng Tolda. At kukuha rin siya ng dalawang dakot ng mabangong insenso na pinong-pino, at dadalhin niya sa loob ng Pinakabanal na Lugar. 13 Doon sa presensya ng Panginoon, ilalagay niya ang insenso sa apoy, at ang usok nito ay papailanlang sa palibot ng takip ng Kahon ng Kasunduan, kaya hindi siya mamamatay. 14 Kukuha rin siya ng dugo ng batang toro at tatayo sa harap ng Kahon ng Kasunduan na nakaharap sa silangan. At sa pamamagitan ng mga daliri niya, iwiwisik niya ang dugo sa takip ng pitong beses.

15 Papatayin din niya ang kambing bilang handog sa paglilinis para sa mga tao. Dadalhin din niya ang dugo nito sa Pinakabanal na Lugar at iwiwisik sa takip ng Kahon ng Kasunduan katulad ng kanyang ginawa sa dugo ng batang toro. 16 Ganito ang paraan na gagawin ni Aaron para luminis ang Pinakabanal na Lugar dahil sa karumihan ng mga taga-Israel at sa kanilang mga kasalanan at pagsuway. Itoʼy gagawin din ni Aaron sa lahat ng bahagi ng Tolda[i] na nasa gitna ng maruming mga taga-Israel. 17 Walang sinumang mananatili sa loob ng Tolda sa oras na pumasok si Aaron sa loob ng Pinakabanal na Lugar hanggang sa siyaʼy lumabas. Pagkatapos niyang magawa ang seremonya para matubos siya, ang sambahayan niya at ang lahat ng taga-Israel, 18 saka siya lalabas mula sa Pinakabanal na Lugar at pupunta siya sa altar, malapit sa may pintuan ng Tolda. Kukuha siya ng dugo ng baka at ng kambing na inihandog at ipapahid sa parang sungay sa mga sulok ng altar para iyon ay linisin. 19 Sa pamamagitan ng kanyang mga daliri, iwiwisik niya ng pitong beses ang natirang dugo sa altar para itoʼy ihandog sa Panginoon at upang itoʼy linisin sa karumihan dahil sa kasalanan ng mga taga-Israel.

20 Pagkatapos magawa ni Aaron ang paglilinis sa Pinakabanal na Lugar at sa iba pang bahagi ng Tolda pati na ang altar, dadalhin niya sa gitna ang buhay na kambing. 21 Ipapatong niya ang dalawang kamay niya sa ulo ng kambing at ipapahayag ang lahat ng kasalanan at pagsuway ng mga taga-Israel. Sa ganitong paraan, malilipat ang kanilang kasalanan sa ulo ng kambing. Pagkatapos, ibibigay ni Aaron ang kambing sa taong namamahalang magpakawala nito roon sa ilang. 22 Kaya dadalhin ng kambing ang lahat ng kasalanan ng mga taga-Israel doon sa ilang.

23 Pagkatapos, papasok si Aaron sa Tolda at huhubarin niya ang kanyang damit bilang punong pari na kanyang isinuot bago siya pumasok sa Pinakabanal na Lugar at iiwan niya iyon doon. 24 Maliligo siya sa banal na lugar doon sa Tolda at saka niya isusuot ang pangkaraniwan niyang damit. Pagkatapos, lalabas siya at ihahandog ang dalawang handog na sinusunog para mapatawad ang kanyang mga kasalanan at ang kasalanan ng mga taga-Israel. 25 Susunugin din niya sa altar ang mga taba ng hayop na iniaalay bilang handog sa paglilinis.

26 Ang taong nagpakawala ng kambing sa ilang para kay Azazel ay kinakailangang maglaba ng kanyang damit at maligo bago siya bumalik sa kampo. 27 Ang mga natirang bahagi ng baka at kambing na ang dugo ay dinala sa Pinakabanal na Lugar para sa paglilinis ay kailangang dalhin sa labas ng kampo at sunugin. 28 At ang taong magsusunog nito ay kinakailangang maglaba rin ng kanyang damit at maligo bago siya bumalik sa kampo.

29-31 Ito naman ang mga tuntuning dapat gawin ng mga katutubong Israelita at mga dayuhang naninirahang kasama nila, at itoʼy dapat sundin magpakailanman. Sa ikasampung araw ng ikapitong buwan, dapat silang mag-ayuno at huwag magtrabaho, katulad ng Araw ng Pamamahinga. Sapagkat sa araw na iyon gagawin ang seremonya ng pagtubos sa kanilang mga kasalanan para silaʼy maging malinis sa presensya ng Panginoon. 32 Sa mga susunod na salinlahi, ang paring napili at inordinahan upang pumalit sa kanyang ama bilang punong pari ang siyang gagawa ng seremonyang ito. Isusuot niya ang kanyang damit bilang punong pari, 33 at gagawin niya ang seremonya ng paglilinis sa Pinakabanal na Lugar, ng iba pang bahagi ng Tolda pati na ang altar, ng mga pari, at ng mga mamamayan ng Israel.

34 Kinakailangang sundin nila ang mga tuntuning ito magpakailanman. At itoʼy gagawin nila minsan sa isang taon.

At ginawa ito ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises.

Ang mga Tuntunin Tungkol sa Tamang Lugar ng Paghahandog

17 Inutusan ng Panginoon si Moises na sabihin ito kay Aaron at sa mga anak niyang lalaki, at sa lahat ng mga taga-Israel:

Ang sinuman sa inyo na maghahandog ng baka, tupa, o kambing sa ibang lugar 4-5 maliban sa Toldang Tipanan ay katulad ng taong nakapatay ng kapwa, kaya huwag ninyo siyang ituturing na kababayan ninyo. Ang tuntuning itoʼy ginawa para ang paghahandog ay gagawin ninyo malapit sa may pintuan ng Tolda at hindi sa ibang lugar. Ang inyong mga handog para sa mabuting relasyon ay ibibigay ninyo sa pari na siyang maghahandog nito sa Panginoon. Iwiwisik ng pari ang dugo ng handog na hayop sa altar na pinaghahandugan para sa Panginoon malapit sa may pintuan ng Toldang Tipanan. Pagkatapos, susunugin niya ang taba ng mga hayop. At ang mabangong samyo nitoʼy makalulugod sa Panginoon. Kaya hindi na kayo dapat maghandog sa mga demonyo na mukhang kambing,[j] dahil ito ang maglalayo sa inyo sa Panginoon. Dapat ninyong sundin ang tuntuning ito, kayo at ng susunod pang mga henerasyon magpakailanman.

Kayong mga taga-Israel at ang mga dayuhang naninirahang kasama ninyo, tandaan ninyo ito:

Ang sinuman sa inyo na maghahandog ng anumang uri ng handog sa ibang lugar at hindi sa may pintuan ng Tolda ay huwag na ninyong ituring na kababayan.

10 Ang sinuman sa inyo na kakain ng dugo ay magiging kalaban ng Panginoon at huwag na ninyong ituring na kababayan. 11 Sapagkat ang buhay ng bawat nilalang ay nasa kanyang dugo at iniutos sa inyo ng Panginoon na ang dugo ay gamitin ninyo bilang pantubos sa inyong mga kasalanan, dahil ang dugo ang nagbibigay ng buhay, ang siyang pantubos ng tao sa kanyang mga kasalanan. 12 Ito ang dahilan kung bakit hindi ninyo dapat kainin ang dugo.

13 Ang sinuman sa inyong huhuli ng hayop o ibon na maaaring kainin, dapat niyang patuluin ang dugo at tabunan ng lupa, 14 dahil ang buhay ng bawat nilalang ay nasa kanyang dugo. Kaya nga sinabi sa inyo ng Panginoon na huwag kayong kakain ng dugo ng anumang nilalang. Ang sinuman sa inyong kakain ng dugo ay huwag na ninyong ituring na kababayan.

15 Ang sinuman sa inyo; katutubong Israelita man o dayuhang kumain ng hayop na namatay o pinatay ng kapwa hayop, kailangan niyang maglaba ng kanyang damit at maligo, pero ituturing pa rin siyang marumi hanggang sa paglubog ng araw. 16 Kapag hindi niya nilabhan ang kanyang damit at hindi naligo, may pananagutan siya.

Ang mga Ipinagbabawal na Gawaing Mahahalay

18 Inutusan ng Panginoon si Moises na sabihin ito sa mga taga-Israel:

Ako ang Panginoon na inyong Dios. Huwag nʼyong gawin ang mga ginagawa ng mga taga-Egipto, kung saan kayo tumira noon. Huwag din ninyong gayahin ang mga ginagawa ng mga taga-Canaan na pagdadalhan ko sa inyo. 4-5 Dapat ninyong sundin ang aking mga utos at mga tuntunin dahil ang mga susunod dito ay mabubuhay. Ako ang Panginoon na inyong Dios.

Huwag kayong sumiping sa malapit ninyong kamag-anak. Ako ang Panginoon.

7-8 Huwag mong ilagay sa kahihiyan ang iyong ama sa pamamagitan ng pagsiping sa iyong ina o sa iba pa niyang asawa.

Huwag kang sumiping sa iyong kapatid na babae, kahit na kapatid mo siya sa ama o sa ina, kahit na lumaki siya sa inyo o hindi.

10 Huwag kang sumiping sa iyong apong babae dahil magbibigay ito sa iyo ng kahihiyan.

11 Huwag kang sumiping sa anak na babae ng iyong ama sa iba niyang asawa, dahil kapatid mo rin siya.

12-13 Huwag kang sumiping sa iyong tiyahin na kapatid ng iyong ama o ina.

14 Huwag mong ilalagay sa kahihiyan ang iyong tiyuhin sa pamamagitan ng pagsiping sa kanyang asawa, dahil tiyahin mo rin siya.

15 Huwag kang sumiping sa iyong manugang na babae dahil asawa siya ng iyong anak.

16 Huwag kang sumiping sa iyong hipag na babae dahil itoʼy magbibigay ng kahihiyan sa iyong kapatid.

17 Huwag kang sumiping sa anak o apo ng babaeng sinipingan mo noon, dahil baka anak o apo mo iyon at itoʼy nakakahiya.

18 Huwag kang mag-asawa ng kapatid na babae ng iyong asawa habang buhay pa ang iyong asawa.

19 Huwag kang sumiping sa babaeng may buwanang dalaw dahil itinuturing siyang marumi.

20 Huwag kang sumiping sa asawa ng iba dahil kapag ginawa mo ito, ituturing kang marumi.

21 Huwag mong ibibigay ang iyong anak para ihandog sa dios na si Molec, dahil iyan ay paglapastangan sa aking pangalan na iyong Dios. Ako ang Panginoon.

22 Huwag kang sumiping sa kapwa mo lalaki o kapwa mo babae dahil kasuklam-suklam ito.

23 Huwag kang sumiping sa hayop dahil ito ay napakasama at ikaw ay ituturing na marumi kapag ginawa mo iyon.

24 Huwag ninyong dumihan ang inyong sarili sa pamamagitan ng paggawa ng ganitong mga gawain dahil ito ang nagparumi sa mga taong pinaalis ko sa lupaing ibinigay ko sa inyo. 25-28 At kahit ang lupain ay nadungisan dahil sa ginawa nilang iyon. Pinadalhan ko ng mga salot ang lupaing iyon para silaʼy magsialis doon. Pero kayong mga katutubong Israelita at mga dayuhang naninirahang kasama ninyo, huwag ninyong gawin ang kasuklam-suklam na gawaing iyon, kundi sundin ninyo ang mga tuntunin at mga kautusan ko. Sapagkat kung dudungisan din ninyo ang lupaing iyon, sa pamamagitan ng paggawa ng mga gawaing iyon, paaalisin ko rin kayo sa lupaing iyon katulad ng mga taong unang tumira roon. 29 Ang sinumang gumawa ng mga kasuklam-suklam na gawaing ito ay huwag na ninyong ituring na kababayan. 30 Kaya sundin ninyo ang iniuutos ko sa inyo at huwag ninyong susundin ang mga kasuklam-suklam na ginawa ng mga taong nauna sa inyo, para hindi ninyo madungisan ang inyong sarili katulad nila. Ako ang Panginoon na inyong Dios.

Ibaʼt ibang Kautusan

19 Inutusan ng Panginoon si Moises na sabihin ito sa lahat ng mamamayan ng Israel: Magpakabanal kayo dahil ako ang Panginoon na inyong Dios ay banal. Dapat ninyong igalang ang inyong ina at ama. Sundin ninyo ang ipinapagawa ko sa inyo sa Araw ng Pamamahinga. Ako ang Panginoon na inyong Dios.

Huwag kayong sasamba sa mga dios-diosan o gagawa ng mga imahen nila. Ako ang Panginoon na inyong Dios.

Kung mag-aalay kayo ng handog para sa mabuting relasyon, ialay ninyo ito sa paraang katanggap-tanggap sa akin. Kainin ninyo ito sa araw ding iyon o sa kinabukasan. Pero kung may matitira pa sa pangatlong araw, sunugin na ninyo ito. Kapag sa ikatlong araw ay kinain pa ninyo ito, hindi ko na ito tatanggapin dahil itoʼy karumal-dumal na. At ang sinumang kumain nito ay mananagot dahil binalewala niya ang banal na bagay na para sa akin, kaya ang taong iyon ay huwag na ninyong ituring na kababayan.

Kung mag-aani kayo, huwag ninyong uubusin ang mga nasa gilid ng inyong bukirin, at huwag na ninyong balikan para pulutin ang mga natira. 10 Ganoon din sa inyong ubasan, huwag na ninyong babalikan para kunin ang mga natirang bunga o mga nalaglag. Iwanan ninyo iyon para sa mahihirap at mga dayuhan. Ako ang Panginoon na inyong Dios.

11 Huwag kayong magnanakaw, o magsisinungaling, o mandadaya ng inyong kapwa.

12 Huwag kayong manunumpa ng kasinungalingan sa aking pangalan dahil kapag iyon ay ginawa ninyo iyon nilalapastangan ninyo ang aking pangalan. Ako ang Panginoon. 13 Huwag ninyong lalamangan o pagnanakawan ang inyong kapwa. Huwag ninyong ipagpapaliban ang pagbabayad ng sweldo ng taong pinagtatrabaho ninyo.

14 Huwag kayong magsasalita ng masama sa bingi, at huwag ninyong lalagyan ng katitisuran ang dinadaanan ng bulag. Ipakita ninyong kayoʼy may takot sa akin sa pamamagitan ng pagsunod ng mga utos ko. Ako ang Panginoon.

15 Kinakailangang matuwid at walang kinikilingan ang inyong paghatol sa inyong kapwa, mayaman man o dukha.

16 Huwag kayong magtsitsismisan tungkol sa inyong kapwa. Huwag kayong magsasalita o gagawa ng anumang makasisira sa inyong kapwa. Ako ang Panginoon.

17 Huwag ninyong kapopootan ang inyong kapwa. Paalalahanan ninyo siya kung siyaʼy nagkasala para kayoʼy walang panagutan.

18 Huwag kayong gumanti ng masama o magtatanim ng galit sa inyong kapwa, kundi mahalin ninyo siya gaya ng inyong sarili. Ako ang Panginoon.

19 Sundin ninyo ang aking mga utos. Huwag ninyong palalahian ang isang hayop sa ibang uri ng hayop. Huwag kayong magtatanim ng dalawang klaseng binhi sa iisang bukid. Huwag kayong magsusuot ng damit na yari sa dalawang klaseng tela.

20 Kung ang isang lalaki ay sumiping sa isang aliping babae na nakatakdang ikasal sa ibang lalaki, pero hindi pa natutubos o napapalaya ang babae,[k] dapat silang parusahan. Pero huwag silang patayin dahil hindi pa napapalaya ang nasabing babae. 21-22 Kinakailangang magdala ang lalaki ng lalaking tupa malapit sa may pintuan ng Toldang Tipanan bilang handog na pambayad sa kanyang kasalanan sa Panginoon. Sa paghahandog ng pari ng tupang iyon sa aking harapan, matutubos ang lalaking iyon sa kanyang kasalanan at patatawarin ko siya.

23 Kapag dumating na kayo sa lupaing ibibigay ko sa inyo, huwag ninyong kakainin ang bunga ng mga punongkahoy na inyong itinanim sa loob ng tatlong taon. Ituring ninyong marumi iyon. 24 Sa ikaapat na taon, ang lahat ng bunga ay ihandog ninyo sa akin bilang papuri sa akin kaya huwag ninyo itong kakainin. 25 Sa ikalimang taon, makakain na ninyo ang mga bunga ng inyong mga pananim. At kung susundin ninyo ang tuntuning ito, magiging sagana ang bunga ng inyong mga pananim. Ako ang Panginoon na inyong Dios.

26 Huwag kayong kakain ng karneng may dugo pa.

Huwag ninyong gagawin ang ginagawa ng mga manghuhula at mangkukulam.

27 Kung magluluksa kayo sa patay, huwag ninyong pagugupitan ang inyong buhok sa palibot ng inyong ulo o magpuputol ng inyong balbas. 28 At huwag din ninyong susugatan ang inyong katawan. Huwag din kayong magpapatato. Ako ang Panginoon.

29 Huwag ninyong ilagay sa kahihiyan ang inyong anak na babae sa pamamagitan ng pagpilit sa kanila na ipagbili ang kanilang sarili para sa panandaliang-aliw, dahil ito ang magiging dahilan ng paglaganap ng kasamaan sa inyong bayan.

30 Sundin ninyo ang ipinapagawa ko sa inyo sa Araw ng Pamamahinga, at igalang ninyo ang lugar na inyong pinagsasambahan sa akin. Ako ang Panginoon.

31 Huwag kayong sasangguni sa mga espiritistang nakikipag-usap sa kaluluwa ng mga patay, dahil kapag ginawa ninyo ito, ituturing kayo na marumi. Ako ang Panginoon na inyong Dios.

32 Igalang ninyo ang matatanda. Igalang nʼyo ako na inyong Dios, ako ang Panginoon.

33 Huwag ninyong aapihin ang mga dayuhang naninirahang kasama ninyo. 34 Ituring ninyo silang gaya ng inyong mga kababayan at ibigin ninyo sila gaya ng sa inyong sarili, dahil kayo rin noon ay naging mga dayuhan sa Egipto. Ako ang Panginoon na inyong Dios.

35 Huwag kayong mandadaya sa inyong pagtitimbang, pagsukat at pagtatakal. 36-37 Gamitin ninyo ang tamang timbangan, sukatan, o takalan.

Ako ang Panginoon na inyong Dios na naglabas sa inyo sa Egipto. Sundin ninyo ang lahat ng tuntunin at utos ko. Ako ang Panginoon.

Mga Parusa sa mga Kasalanan

20 Inutusan ng Panginoon si Moises, na sabihin ito sa mga taga-Israel:

Ang sinuman sa inyo at sa mga dayuhang naninirahang kasama ninyo na maghahandog ng kanyang anak sa dios-diosang si Molec ay dapat batuhin ng taong bayan hanggang sa mamatay. 3-4 Kasusuklaman ko ang taong iyon at huwag na ninyong ituring na kababayan. Sapagkat dahil sa paghahandog niya ng kanyang anak kay Molec, dinungisan niya ang lugar na pinagsasambahan sa akin at nilapastangan niya ang aking pangalan. Kapag ang taong iyon ay hinahayaan ninyo sa kanyang ginagawang iyon, ako mismo ang uusig sa kanya, at sa sambahayan niya, at sa lahat ng sumusunod sa kanya sa paghahandog kay Molec. Hindi ko sila ituturing na kababayan ninyo.

Kasusuklaman ko ang mga sumasangguni at sumusunod sa mga espiritistang nakikipag-usap sa mga kaluluwa ng patay. Hindi ko sila ituturing na kababayan ninyo.

Italaga ninyo ang inyong sarili para sa akin at magpakabanal kayo dahil ako ang Panginoon na inyong Dios. Sundin ninyo ang aking mga tuntunin dahil ako ang Panginoon na nagtalaga sa inyo para maging bayan ko.

Ang sinumang lumapastangan sa kanyang ama at ina ay kailangang patayin.

10 Kung ang isang lalaki ay sumiping sa asawa ng iba, siya at ang babae ay dapat patayin.

11 Kung ang isang lalaki ay sumiping sa asawa ng kanyang ama, nilalapastangan niya ang kanyang ama. Kaya siya at ang babae ay dapat patayin. Sila ang responsable sa sinapit nilang kamatayan.

12 Kung ang isang amaʼy sumiping sa kanyang manugang na babae, siya at ang babae ay dapat patayin, dahil masama ang kanilang ginawa. Sila ang responsable sa sinapit nilang kamatayan.

13 Kung ang isang lalaki ay sumiping sa kapwa lalaki, pareho silang dapat patayin dahil pareho silang gumawa ng kasuklam-suklam na gawain. Sila ang responsable sa sinapit nilang kamatayan.

14 Kung ang isang lalaki ay sumiping sa mag-ina, silang tatlo ay dapat sunugin dahil masama ang kanilang ginawa. Ang kasamaang ito ay dapat mawala sa inyo.

15-16 Kung ang isang lalaki o babae ay sumiping sa hayop, dapat siyang patayin pati na ang hayop. Sila ang responsable sa kanilang kamatayan.

17 Kung ang isang lalaki ay magpakasal sa kapatid niyang babae at sumiping dito, maging itoʼy kapatid niya sa ama o sa ina, inilalagay niya ang kanyang kapatid sa kahihiyan kaya dapat siyang managot. At dahil masama ang ginawa nila, huwag na silang ituring na kababayan ninyo.

18 Kung ang lalaki ay sumiping sa babaeng may buwanang dalaw dahil gusto rin ng babae, silang dalawa ay huwag na ninyong ituring na kababayan.

19 Kung ang isang lalaki ay sumiping sa kanyang tiyahin, inilalagay niya sa kahihiyan ang kanyang tiyahin. Silang dalawa ay dapat managot sa kanilang ginawa.

20 Kung ang isang lalaki ay sumiping sa asawa ng kanyang tiyuhin, inilalagay niya ang kanyang tiyuhin sa kahihiyan. Silang dalawa ay dapat managot at mamatay na walang anak.

21 Kung ang isang lalaki ay sumiping sa asawa ng kanyang kapatid, inilalagay niya ang kanyang kapatid sa kahihiyan. At dahil masama ang ginawa nila, mamamatay silang dalawa na walang anak.

22 Sundin ninyo ang lahat ng tuntunin at utos upang hindi kayo paalisin sa lupaing pagdadalhan ko sa inyo para roon kayo manirahan. 23 Ang mga taong paaalisin ko sa lupaing iyon ay gumagawa ng mga kasamaang ito, at dahil dooʼy itinatakwil ko sila. Kaya huwag ninyong gagayahin ang ginagawa nila. 24 At ayon na rin sa aking sinabi sa inyo, magiging inyo ang kanilang lupain. Ibibigay ko sa inyo ang lupaing iyon na maganda at sagana[l] sa ani para maging pag-aari ninyo. Ako ang Panginoon na inyong Dios na humirang sa inyo mula sa mga tao.

25 Dapat ninyong malaman kung aling mga hayop at mga ibon ang malinis o marumi. Huwag ninyong dudungisan ang inyong sarili sa pamamagitan ng pagkain ng mga maruming hayop na ipinagbawal ko. 26 Kayoʼy magpakabanal dahil ako, ang Panginoon ay banal. At kayoʼy hinirang ko mula sa ibang mga bansa para maging akin.

27 Kung mayroong espiritista sa inyo na nakikipag-usap sa mga kaluluwa ng patay, kailangang batuhin ninyo siya hanggang sa mamatay. Siya ang responsable sa kanyang kamatayan.

Mga Tuntunin tungkol sa mga Pari

21 Inutusan ng Panginoon si Moises na sabihin ito sa mga paring mula sa angkan ni Aaron:

Huwag ninyong dudungisan ang inyong sarili sa pamamagitan ng paglapit o paghipo sa bangkay ng tao, maliban na lamang kung ang namatay ay malapit ninyong kamag-anak gaya ng inyong ina, ama, anak, kapatid na lalaki, o dalagang kapatid at walang inaasahan kundi kayo. Huwag din ninyong dungisan ang inyong sarili sa inyong pagpunta sa libing ng kamag-anak ng inyong asawa. Kung kayoʼy magluluksa sa patay, huwag ninyong aahitin ang inyong buhok o puputulan ang inyong balbas o susugatan ang inyong katawan. Italaga ninyo ang inyong sarili para sa akin na inyong Dios, at huwag ninyong lapastanganin ang aking pangalan. Itoʼy dapat ninyong gawin dahil kayo ang nag-aalay ng mga handog sa pamamagitan ng apoy,[m] para sa akin na siyang pagkain ko.

Huwag kayong mag-asawa ng babaeng marumi dahil nagbebenta siya ng panandaliang aliw, o ng babaeng hiwalay sa asawa, dahil kayoʼy hinirang ko para sa aking sarili. Kinakailangang kayo ay ituring na banal ng inyong kapwa Israelita dahil kayo ang nag-aalay ng mga handog para sa akin.[n] Dapat nila kayong ituring na banal dahil ako ang Panginoon ay banal at ginawa kong banal ang aking mga tao.[o]

Kung kayoʼy may anak na babae na nagdudulot ng kahihiyan sa inyo dahil sa nagbebenta siya ng panandaliang-aliw, siyaʼy ituturing na marumi, dapat siyang sunugin.

10 Kung ang punong pari[p] ay namatayan ng kamag-anak, huwag niyang guguluhin ang kanyang buhok ni pupunitin ang kanyang damit bilang tanda ng pagluluksa. 11 Dapat din niyang iwasan ang paglapit sa patay kahit na iyon ay kanyang ama o ina. 12 At dahil siyaʼy itinalaga sa akin bilang punong pari sa pamamagitan ng pagpapahid sa kanya ng langis ng pagtatalaga, hindi siya dapat umalis sa Toldang Tipanan dahil kapag siyaʼy umalis doon at sumama sa libing, marurumihan ang Tolda. Ako ang Panginoon.

13-14 Kung ang punong pari ay mag-aasawa, dapat Israelitang katulad niya at tunay na dalaga. Huwag siyang mag-aasawa ng biyuda, o ng babaeng hiwalay sa asawa, o ng babaeng marumi na nagbebenta ng panandaliang-aliw, 15 upang sa ganoon ay walang maging kapintasan ang mga anak niya. Ako ang Panginoong humirang sa kanya para siyaʼy maging banal.

16 Inutusan ng Panginoon si Moises 17 na sabihin ito kay Aaron:

Walang sinuman sa angkan mo hanggang sa susunod pang mga henerasyon na may kapansanan ang katawan na makapaghahandog sa akin ng mga handog na pagkain. 18 Hindi maaari ang bulag, pilay, may kapansanan ang mukha, may kapansanan ang isang bahagi ng katawan, 19 bali ang paa o kamay, 20 kuba, unano, may sakit sa mata o sa balat, o baog. 21-23 Kaya kung ang angkan ni Aaron ay may kapansanan sa katawan, hindi siya maaaring maghandog sa akin ng mga handog sa pamamagitan ng apoy na siyang pagkain ko. Hindi rin siya maaaring pumasok sa Banal na Lugar o lumapit sa altar dahil madudungisan ang aking Tolda. Pero maaari siyang kumain ng mga pagkaing bahagi ng mga pari sa mga banal at pinakabanal na handog. Ako ang Panginoong nagtalaga sa inyo para maging akin.

24 Ang lahat ng ito ay sinabi ni Moises kay Aaron at sa mga anak niyang lalaki at sa lahat ng mga Israelita.

Ang mga Handog sa Panginoon

22 Inutusan ng Panginoon si Moises na sabihin ito kay Aaron at sa mga anak niyang lalaki:

Huwag ninyong lapastanganin ang banal kong pangalan. Igalang ninyo ang mga handog na inihahandog sa akin ng mga Israelita. Ako ang Panginoon.

Ang sinumang anak ni Aaron ngayon at sa susunod pang mga henerasyon na hihipo ng handog para sa akin ngunit siyaʼy itinuturing na marumi,[q] ay hindi na makapaglilingkod bilang pari. Ako ang Panginoon.

4-7 Walang sinuman sa inyo ang maaaring kumain ng handog kung siyaʼy may malubhang sakit sa balat,[r] o may sakit na tulo o nakahipo ng anumang bagay na marumi dahil nadikit ito sa patay, o nilabasan ng binhi, o nakahipo ng hayop o tao na itinuturing na marumi. Siyaʼy maaari lamang kumain ng mga handog kung siyaʼy nakapaligo na.[s] Pero maghihintay siya hanggang sa paglubog ng araw at saka pa lang siya makakakain ng mga handog na pagkain niya bilang pari.

Hindi kayo dapat kumain ng alin mang karne ng namatay na hayop o pinatay ng kapwa hayop, dahil kapag ginawa ninyo ito, kayoʼy ituturing na marumi. Ako ang Panginoon.

Kaya dapat ninyong sundin ang mga iniuutos kong ito sa inyo para hindi kayo magkasala sa akin o mamatay. Ako ang Panginoong nagtalaga sa inyo para sa akin.

10 Kayong mga pari at ang inyong sambahayan lang ang makakakain ng bahagi ng handog na para sa mga pari. Hindi maaaring kumain nito ang inyong mga panauhin o ang inyong mga upahang manggagawa. 11 Pero maaaring kumain ang inyong aliping binili, o ipinanganak sa tahanan ninyo. 12 Hindi rin maaaring kumain nito ang babaeng anak ng pari na nakapag-asawa ng hindi pari. 13 Pero kung siyaʼy nabiyuda o naghiwalay sila ng kanyang asawa at wala silang anak, at muling tumira sa kanyang ama, siyaʼy maaaring kumain ng pagkaing tinatanggap ng kanyang ama bilang pari.

Tandaan ninyong mabuti na kayong mga pari lang at ang inyong sambahayan ang maaaring kumain ng bahagi ng handog na para sa inyo. 14 Pero kung sa hindi inaasahang pangyayari ay may taong nakakain na hindi kabilang sa inyong sambahayan, dapat niyang palitan ang kanyang kinain at dadagdagan pa niya ng 20 porsiyento ang halaga noon.

15 Kayong mga pari, pakaingatan ninyo ang mga handog na inihahandog sa akin ng mga Israelita, 16 para sa inyong pagkain nito ay hindi kayo magkasala at nang wala kayong pananagutan sa akin. Ako ang Panginoong nagtalaga sa inyo para sa akin.

Mga Tuntunin tungkol sa Pagpili ng Hayop na Ihahandog

17 Inutusan ng Panginoon si Moises 18 na sabihin ito kay Aaron at sa mga anak niyang lalaki, sa lahat ng mga Israelita pati na sa mga dayuhang naninirahang kasama nila:

Kung ang iaalay ay handog na sinusunog bilang handog para tuparin ang isang panata o handog na kusang-loob, 19 ang kailangan ay lalaking baka o tupa, o kambing na walang kapintasan para tanggapin ko. 20 Huwag kayong maghahandog ng may kapansanan dahil hindi ko iyon tatanggapin. 21 Kung ang handog para sa mabuting relasyon sa akin ay inialay bilang handog para tuparin ang isang panata o handog na kusang-loob, itoʼy kailangang baka, tupa, o kambing na walang kapintasan upang itoʼy tanggapin ko. 22 Huwag kayong maghahandog sa akin ng bulag, may bali, may sugat, o may sakit sa balat. Huwag ninyo itong ialay sa altar bilang handog sa akin sa pamamagitan ng apoy. 23 Pero maaari kayong mag-alay ng handog na kusang-loob na baka o tupang bansot o may kapansanan ang isang bahagi ng katawan, pero hindi ito maaaring ialay bilang handog para tuparin ang isang panata. 24 Huwag kayong maghahandog sa akin ng hayop na kinapon o may kapansanan ang itlog. Huwag ninyong gagawin iyon sa inyong lupain. 25 Huwag din kayong bumili ng mga hayop na ganoong uri mula sa ibang lugar at ihandog sa akin, dahil hindi ko iyon tatanggapin.

26-27 Ang bagong ipinanganak na baka, tupa, o kambing ay dapat manatili sa kanyang ina sa loob ng pitong araw. Pero mula sa ikawalong araw, maaari na itong ialay sa akin bilang handog sa pamamagitan ng apoy. 28 Huwag ninyong ihahandog nang sabay sa isang araw ang baka o tupa at ang kanyang anak.

29 Kung kayoʼy maghahandog sa akin ng handog ng pasasalamat, sundin ninyo ang tamang paraan sa paghahandog nito para tanggapin ko ito. 30 At dapat ninyo itong kainin sa araw ding iyon ng paghahandog at huwag kayong magtitira hanggang sa kinabukasan. Ako ang Panginoon.

31 Sundin ninyo ang aking mga utos. Ako ang Panginoon. 32 Huwag ninyong lapastanganin ang banal kong pangalan, at akoʼy kilalanin ninyong banal. Ako ang Panginoong nagtalaga sa inyo para sa akin. 33 Ako ang naglabas sa inyo sa Egipto para maging Dios ninyo. Ako ang Panginoon.

Mga Espesyal na Araw ng Pagsamba

23 Inutusan ng Panginoon si Moises na sabihin sa mga Israelita ang mga tuntuning ito tungkol sa mga espesyal na araw na magtitipon sila para sumamba sa Panginoon.

Ang Araw ng Pamamahinga

May anim na araw kayo para magtrabaho, pero sa ikapitong araw ay magpahinga kayo, dahil ito ang Araw ng Pamamahinga. Huwag kayong magtrabaho sa araw na ito, sa halip ay magtipon kayo para sumamba dahil ito ang araw para purihin ang Panginoon.

Ang Pista ng Paglampas ng Anghel at ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa(A)

Ang Pista ng Paglampas ng Anghel at ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa ay mga natatanging upang magtipon ang mga Israelita para sumamba sa Panginoon. Ang Pista ng Paglampas ng Anghel ay ginaganap sa gabi nang ika-14 na araw ng unang buwan. At sa ika-15 araw ng buwan ding iyon, magsisimula naman ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa. Pitong araw ang pistang ito at sa mga araw na iyon, ang tinapay na kakainin ninyo ay dapat walang pampaalsa. Sa unang araw ng pistang ito, huwag kayong magtatrabaho, sa halip ay magtipon kayo at sumamba sa Panginoon. Sa loob ng pitong araw, mag-aalay kayo sa Panginoon ng handog sa pamamagitan ng apoy. At sa ikapitong araw, huwag kayong magtatrabaho sa halip ay magtipon nga kayo at sumamba sa Panginoon.

Ang Pista ng Pag-aani(B)

9-11 Kapag naroon na kayo sa lupaing ibibigay sa inyo ng Panginoon, ihandog ninyo sa kanya ang unang bigkis ng bawat ani. Dalhin ninyo ito sa pari sa susunod na araw pagkatapos ng Araw ng Pamamahinga. Itataas ito ng pari sa Panginoon para tanggapin kayo ng Panginoon sa pamamagitan nito. 12 Sa araw ding iyon, maghahandog din kayo sa Panginoon ng tupa na isang taong gulang na walang kapintasan bilang handog na sinusunog. 13 Kasama nito, maghandog din kayo ng apat na kilo ng magandang klaseng harina na hinaluan ng langis bilang handog ng pagpaparangal sa Panginoon, at isang litrong katas ng ubas bilang handog na inumin. Mga handog ito sa pamamagitan ng apoy, at ang mabangong samyo nitoʼy makalulugod sa Panginoon. 14 Kung hindi pa kayo nakapaghahandog nito, huwag kayong kakain ng kahit anong klase ng pagkain mula sa inyong bagong ani, ito may sariwa o binusa o nilutong tinapay. Dapat ninyong sundin ang tuntuning ito kahit saan kayo tumira, kayo at ng susunod pang mga henerasyon.

15-17 Pagkatapos ng pitong linggo mula sa araw na kayoʼy naghandog ng mga ibinigkis na ani, muli kayong magtipon at mag-alay ng handog ng pagpaparangal mula sa mga ibinigkis ng unang ani ninyo. Itoʼy sa ika-50 araw, ang araw pagkatapos ng ikapitong Araw ng Pamamahinga. Ang inyong ihahandog ay dalawang tinapay na bawat isa ay gawa sa apat na kilo ng magandang klaseng harina na may pampaalsa. Ihandog ninyo ito bilang handog na itinataas, mula sa inyong unang ani. 18 Kasama nito, magdala rin kayo ng pitong lalaking tupa na isang taong gulang na walang kapansanan, isang batang toro, at dalawang lalaking tupa na walang kapintasan. Ihahandog ninyo ang mga ito bilang handog na sinusunog kasama ng handog ng pagpaparangal sa Panginoon at handog na inumin. Mga handog ito para sa Panginoon. Ang mabangong samyo ng handog na ito sa pamamagitan ng apoy ay makalulugod sa Panginoon. 19 Maghandog din kayo ng isang lalaking kambing bilang handog sa paglilinis. At dalawang tupa na tig-isang taong gulang bilang handog para sa mabuting relasyon. 20 Itataas ng pari sa presensya ng Panginoon ang dalawang tupa at ang handog na mula sa unang ani. Itoʼy banal na mga handog sa Panginoon dahil itoʼy bahagi ng mga pari. 21 Huwag kayong magtatrabaho sa araw ding iyon, kundi magtipon kayo at sumamba sa Panginoon. Dapat ninyong sundin ang tuntuning ito kahit saan kayo tumira, kayo at ng susunod pang mga henerasyon.

22 Kung aani kayo, huwag ninyong uubusin ang mga nasa gilid ng inyong mga bukid, at huwag na ninyong balikan para ipunin ang mga naiwan. Ipaubaya na lang ninyo iyon sa mga dukha at sa mga dayuhan. Ito ang utos ng Panginoon na inyong Dios.

Ang Pista ng Pagpapatunog ng mga Trumpeta(C)

23-24 Sa unang araw ng ikapitong buwan, magpahinga kayo para alalahanin ang Panginoon. Kung marinig ninyo ang tunog ng trumpeta, magtipon kayo para sumamba sa kanya. 25 Huwag kayong magtrabaho sa araw na iyon, sa halip mag-alay kayo ng handog sa pamamagitan ng apoy para sa Panginoon.

Ang Araw ng Pagtubos(D)

26-28 Ang ikasampung araw ng ikapitong buwan ding iyon ay Araw ng Pagtubos.[t] Huwag kayong magtatrabaho sa araw na iyon kundi magtipon kayo sa pagsamba sa Panginoon na may pag-aayuno at pag-aalay ng handog sa pamamagitan ng apoy. Sapagkat sa araw na iyon gagawin ang seremonya ng pagtubos sa inyong mga kasalanan sa Panginoon na inyong Dios. 29 Ang ayaw mag-ayuno sa araw na iyon ay huwag na ninyong ituring na kababayan. 30 Papatayin ng Panginoon ang sinumang magtatrabaho sa araw na iyon. 31-32 Kaya magpahinga kayo at mag-ayuno mula sa paglubog ng araw nang ikasiyam na araw ng buwang iyon hanggang sa susunod na paglubog ng araw. Dapat ninyong sundin ang tuntuning ito kahit saan kayo tumira, kayo at ng susunod pang mga henerasyon.

Ang Pista ng Pagtatayo ng mga Kubol(E)

33-34 Inutusan ng Panginoon si Moises na sabihin ito sa mga Israelita: Sa ika-15 araw ng ikapitong buwan, magsisimula ang Pista ng Pagtatayo ng mga Kubol at itoʼy ipagdiriwang ninyo sa loob ng pitong araw. 35 Sa unang araw, huwag kayong magtatrabaho, sa halip magtipon kayo at sumamba sa Panginoon. 36 Sa loob ng pitong araw, mag-aalay kayo ng handog sa pamamagitan ng apoy para sa Panginoon. Sa ikawalong araw,[u] hindi rin kayo magtatrabaho kundi muli kayong magtipon sa pagsamba sa Panginoon, at maghandog sa kanya. Iyan ang panghuling araw ng inyong pagtitipon.

37 Iyon ang itinakdang espesyal na mga araw na magtitipon kayo para sumamba sa Panginoon at para mag-alay ng mga handog sa pamamagitan ng apoy para sa Panginoon. Dapat magdala kayo ng mga handog na sinusunog, handog ng pagpaparangal sa Panginoon, at mga handog na inumin. Ang mga handog na ito ay kinakailangang ihandog ninyo sa itinakdang araw ng paghahandog nito. 38 Ipagdiwang ninyo ang itinakdang mga araw na ito bukod pa sa lingguhang Araw ng Pamamahinga na ginagawa ninyo. At ang mga handog na ito ay dapat ninyong ialay dagdag sa inyong mga kaloob, mga handog para tuparin ang isang panata, at handog na kusang-loob na iniaalay ninyo sa Panginoon. 39 Tungkol naman sa Pista ng Pagtatayo ng mga Kubol, ipagdiriwang ninyo ito para parangalan ang Panginoon mula sa ika-15 araw ng ikapitong buwan, pagkatapos ng anihan. Ipagdiwang nʼyo ito sa loob ng pitong araw. Huwag kayong magtatrabaho sa una at sa ikawalong araw. 40 Sa unang araw, kumuha kayo ng pinakamagandang bunga ng mga punongkahoy, mga dahon ng palma, mga mayayabong na sanga ng puno sa lambak, at kayoʼy masayang magdiwang sa presensya ng Panginoon na inyong Dios sa loob ng pitong araw. 41-43 Ipagdiwang ninyo ang pistang ito sa ikapitong buwan bawat taon para parangalan ang Panginoon. Sa loob ng pitong araw, lahat kayong mga Israelita ay dapat tumira sa mga kubol para malaman ng inyong mga anak na pinatira ng Panginoon na inyong Dios ang inyong mga ninuno sa mga kubol nang sila ay inilabas sa Egipto. Dapat ninyong sundin ang mga tuntuning ito hanggang sa susunod pang mga henerasyon.

44 Ito ang tungkol sa mga itinakdang pagdiriwang sa pagsamba sa Panginoon na sinabi ni Moises sa mga Israelita.

Ang mga Ilaw at mga Tinapay sa Loob ng Toldang Tipanan(F)

24 1-4 Sinabi ng Panginoon kay Moises na iutos ito sa mga Israelita:

Magdala kayo ng purong langis mula sa pinigang olibo para sa ilaw na nasa labas ng kwarto kung saan nakalagay ang Kahon ng Kasunduan doon sa Toldang Tipanan, para patuloy itong magningas sa presensya ng Panginoon. Sisindihan ito ni Aaron tuwing takip-silim at patuloy na pagniningasin hanggang sa umaga. Dapat tiyakin na laging nagniningas ang mga ilaw sa patungang ginto nito. Dapat ninyong sundin ang tuntuning ito, kayo at ng susunod pang mga henerasyon.

Ang mga Tinapay na Inihahandog sa Presensya ng Dios

Magluto kayo ng 12 pirasong tinapay, na ang bawat isa ay gawa sa apat na kilo ng magandang klaseng harina. Pagkatapos, ilagay ninyo ito sa mesang ginto sa presensya ng Panginoon. Ihanay ninyo ito ng dalawang hanay, tig-anim ang bawat hanay. Lagyan ninyo ng purong insenso ang gilid[v] ng bawat hanay. Ang insenso ang siyang magsisilbing handog para alalahanin ang Panginoon. Susunugin ito bilang handog sa pamamagitan ng apoy sa halip na ang tinapay. Dapat laging maglagay ng tinapay sa presensya ng Panginoon tuwing Araw ng Pamamahinga. Itoʼy tungkulin ninyong mga Israelita magpakailanman. Ang mga tinapay na itoʼy para kay Aaron at sa kanyang angkan. Kakainin nila ito sa banal na lugar doon sa Tolda, dahil ito ang pinakabanal na bahagi ng mga handog sa pamamagitan ng apoy para sa Panginoon, at itoʼy para sa kanila magpakailanman.

Ang Parusa sa Panlalait sa Dios at Pamiminsala sa Kapwa

10-11 May isang tao noon na ang ama ay isang Egipcio at ang ina ay Israelita. (Ang pangalan ng ina niya ay si Shelomit na anak ni Dibri na mula sa lahi ni Dan). Siyaʼy nakipag-away sa isang Israelita roon sa kampo, at nilapastangan niya ang pangalan ng Panginoon. Kaya dinala nila siya kay Moises, 12 at ikinulong nila siya hanggang sa malaman nila kung ano ang kalooban ng Panginoon na gawin sa kanya.

13 Ngayon, sinabi ng Panginoon kay Moises, 14 “Dalhin ninyo sa labas ng kampo ang taong iyon na lumapastangan sa akin. At ang lahat ng nakarinig ng kanyang paglapastangan ay magpatong ng kanilang mga kamay sa ulo niya bilang patunay na siyaʼy dapat managot, at pagkatapos, babatuhin siya ng buong mamamayan. 15-16 At sabihin mo sa mga Israelita na ang sinumang katutubong Israelita o dayuhang naninirahang kasama nila na lalapastangan sa aking pangalan ay mananagot. At dapat siyang batuhin ng lahat hanggang sa mamatay siya.

17 “Ang sinumang pumatay ng tao ay dapat ding patayin. 18 At ang taong pumatay sa hayop ng kanyang kapwa ay dapat palitan ito. Buhay na hayop ang ipapalit niya sa pinatay na hayop. 19-20 Kapag sinaktan ng sinuman ang kanyang kapwa, kailangang saktan din siya katulad ng ginawa niya. Kung binali niya ang buto ng iba, babaliin din ang buto niya, kung dinukot niya ang mata ng iba, dudukutin din ang mata niya, at kung binungi niya ang ngipin ng iba, bubungiin din ang ngipin niya. 21 Ang sinumang makapatay ng hayop ng iba ay dapat niya itong palitan, ngunit ang makapatay ng tao ay dapat ding patayin. 22 Ang mga utos na itoʼy para sa inyong lahat, katutubong Israelita man o dayuhan. Ako ang Panginoon na inyong Dios.”

23 Pagkatapos itong sabihin ni Moises sa mga Israelita, dinala nila ang taong iyon na lumapastangan sa Dios doon sa labas ng kampo at binato ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises.

Ang Taon ng Pamamahinga ng Lupa

25 Noong si Moises ay nasa bundok ng Sinai, inutusan siya ng Panginoon na sabihin ito sa mga Israelita:

Kapag naroon na kayo sa lupaing ibibigay ko sa inyo, huwag ninyong tataniman ang inyong mga bukid tuwing ikapitong taon para akoʼy inyong maparangalan. 3-4 Sa loob ng anim na taon ay makakapagtanim kayo at makakapag-ani, pero sa ikapitong taon ay dapat ninyong pagpahingahin ang lupa. Huwag ninyong tataniman ang inyong mga bukid at puputulan ng mga sanga ang inyong mga ubas. At huwag din ninyong aanihin ang mga butil o pipitasin ang mga bunga ng mga tanim na kusang tumubo. Pero maaari kayong kumuha nito para may makain kayo, ang inyong mga alipin mga manggagawa, mga dayuhang naninirahang kasama ninyo, mga alaga nʼyong hayop, at mga hayop sa gubat na nasa inyong lupain.

Ang Taon ng Pagpapalaya at Pagsasauli

8-9 Tuwing ika-49 na taon,[w] sa ikasampung araw ng ikapitong buwan, ang Araw ng Pagtubos, patunugin ninyo ang mga trumpeta sa buong lupain. 10 Ang ika-50 taon ay ituring ninyong natatanging taon dahil iyon ay panahon ng pagpapalaya ng mga alipin para silaʼy makabalik na sa sarili nilang sambahayan. Panahon din ito ng pagsasauli sa may-ari ng mga lupain na ipinagbili niya. 11-12 Sa taong ito, na Taon ng Pagpapalaya at Pagsasauli, huwag kayong magtatanim sa inyong mga bukirin at huwag din kayong mag-aani o mamimitas ng mga bunga ng mga tanim na kusang tumubo, pero pwede kayong kumuha para may makain kayo. Itoʼy banal na taon para sa inyo.

13 Sa taong ito, lahat ng mga ari-ariang ipinagbili sa inyo ay ibalik ninyo sa may-ari. 14 Kaya kung kayoʼy magbebenta o bibili ng lupain sa inyong kapwa Israelita, huwag kayong magdadayaan. 15 Ang halaga ng lupa ay ibabatay ayon sa dami ng taon ng pamumunga nito bago dumating ang Taon ng Pagpapalaya at Pagsasauli. 16 Kung mahaba pa ang mga taon bago dumating ang Taon ng Pagpapalaya at Pagsasauli, taasan ninyo ang halaga ng lupa, pero kung maigsi na lang, babaan ninyo. Sapagkat ang binibili ninyo ay hindi ang lupang iyon kundi ang dami ng magiging ani nito. 17 Huwag kayong magdadayaan, sa halip ay matakot kayo sa akin, dahil ako ang Panginoon na inyong Dios. 18-19 Sundin ninyo ang mga tuntunin at utos ko para kayoʼy mamuhay ng mapayapa sa lupaing inyong titirhan at hindi kayo mawawalan ng pagkain dahil sa masaganang ani ng lupain. 20 Huwag kayong mababahala sa kung ano ang inyong kakainin sa ikapitong taon na hindi kayo makakapagtanim o makakapag-ani. 21 Pagpapalain ko ang inyong mga bukid tuwing ikaanim na taon upang maging masagana ang ani para maging sapat para sa tatlong taon. 22 Kaya sa tuwing magtatanim kayo sa ikawalong taon, ang kakainin ninyo ay ang inyong ani pa rin noong ikaanim na taon, at magiging marami pa ang pagkain ninyo hanggang sa dumating ang tag-ani sa ikasiyam na taon.

23 Huwag ninyong ipagbibili ang inyong lupain na hindi na ninyo matutubos pa, dahil ang lupaing ito ay akin. Pinatitirhan at pinasasakahan ko lang ito sa inyo. 24 Kaya payagan ninyong matubos pa ng may-ari ang kanyang lupain na ipinagbili sa inyo. Ganyan ang gawin ninyo sa lahat ng lupaing binili ninyo.

25 Kung maghirap ang inyong kapwa Israelita at napilitan siyang ipagbili ang kanyang lupain, ang pinakamalapit niyang kamag-anak ang tutubos ng lupaing kanyang ipinagbili. 26 Pero kung wala siyang kamag-anak na tutubos nito para sa kanya, maaari pa rin niya itong tubusin kapag kaya na niya. 27 Kapag nangyari ito, babayaran niya ang bumili ng kanyang lupain ng halagang ayon sa maaani sa lupain hanggang sa dumating ang Taon ng Pagpapalaya at Pagsasauli, at saka pa lang niya maaaring bawiin ang kanyang lupain. 28 Pero kung kulang ang perang pantubos niya, mananatili ang lupain sa bumili hanggang sa dumating ang Taon ng Pagpapalaya at Pagsasauli. At sa taong iyon, ibabalik na sa kanya ang lupain niya nang walang bayad.

29 Kung may taong magbenta ng kanyang bahay na nasa napapaderang lungsod, maaari pa rin niya itong tubusin sa loob ng isang taon pagkatapos niyang ipagbili. 30 Pero kung hindi niya ito matubos sa loob ng isang taon, ang bahay na iyon ay lubusan nang magiging pag-aari ng bumili at ng mga angkan nito magpakailanman. Hindi na ito maaaring bawiin ng may-ari sa Taon ng Pagpapalaya at Pagsasauli. 31 Ngunit ang mga bahay sa mga baryo na walang pader ay ituturing na katulad ng bukid na maaaring matubos o mabawi sa Taon ng Pagpapalaya at Pagsasauli.

32 Maaaring tubusin ng mga Levita kahit kailan ang kanilang mga bahay na nasa kanilang bayan. 33 Kung hindi nila iyon matubos, ibabalik iyon sa kanila sa Taon ng Pagpapalaya at Pagsasauli. Sapagkat ang mga bahay sa kanilang bayan ay para sa kanila dahil bahagi nila ito na ibinigay ng kapwa nila Israelita. 34 Pati ang mga pastulang nasa palibot ng kanilang bayan ay hindi dapat ipagbili, dahil iyon ay pag-aari nila magpakailanman.

35 Kung maghirap ang kapwa ninyo Israelita at hindi na niya kayang buhayin ang kanyang sarili, tulungan nʼyo siya katulad ng inyong pagtulong sa isang dayuhan o bisita para patuloy siyang makapamuhay kasama ninyo. 36-37 Pahiramin ninyo siya ng pera na walang tubo, at pagbilhan ninyo siya ng pagkain na walang tubo para patuloy siyang naninirahang kasama ninyo. Gawin ninyo ito para ipakita na may takot kayo sa akin na inyong Dios. 38 Ako ang Panginoon na inyong Dios na naglabas sa inyo sa Egipto para maibigay ko sa inyo ang lupain ng Canaan upang akoʼy maging Dios ninyo.

39 Kung sa labis na kahirapan ng inyong kapwa Israelita ay napilitang ipagbili ang sarili upang maging alipin, huwag ninyo siyang pagtrabahuhin katulad ng pangkaraniwang alipin. 40 Ituring ninyo siyang isang upahang manggagawa o isang panauhing nakatira sa inyo. Magtatrabaho siya sa inyo hanggang sa sumapit ang Taon ng Pagpapalaya at Pagsasauli. 41 Sa taong iyon, malaya na siya at ang mga anak niya, at makakabalik na sila sa kanilang mga kamang-anak at mapapasakanilang muli ang mga pag-aari ng kanilang mga ninuno. 42 Kayoʼy mga alipin ko, kayoʼy mga Israelitang inilabas ko sa Egipto. Kaya huwag ninyong ipagbibili ang inyong sarili para maging alipin. 43 Huwag ninyong pagmamalupitan ang inyong kapwa Israelita na alipin ninyo. Ipakita ninyong kayoʼy may takot sa akin na inyong Dios.

44 Kung gusto ninyong kayoʼy may alipin, bumili kayo sa mga bansa sa palibot ninyo. 45 Maaari rin kayong bumili ng mga dayuhang naninirahang kasama ninyo, o ng kanilang mga anak na ipinanganak sa inyong lugar. At ang mga aliping nabili ninyo sa kanila ay magiging pag-aari na ninyo. 46 At maaari nʼyo silang ipamana sa inyong mga anak upang maglingkod sa kanila habang silaʼy nabubuhay. Pero huwag ninyong pagmalupitan ang inyong kapwa Israelita na alipin ninyo.

47 Kung sa labis na kahirapan ay ipinagbili ng isang Israelita ang kanyang sarili bilang alipin sa isang dayuhang naninirahang kasama ninyo, o sa kamag-anak ng dayuhang iyon, 48 ang Israelitang iyon ay maaari pang tubusin. Maaari siyang tubusin ng kanyang kapatid, 49 tiyuhin, pinsan, o sinumang malapit niyang kamag-anak. Maaari ring siya mismo ang tumubos ng kanyang sarili kung kaya na niya. 50-52 Kukuwentahin niya at ng bumili sa kanya kung ilang taon siyang naglingkod at kung magkano ang katumbas na halaga nito kung babayaran siya katulad ng isang upahang manggagawa. At ang halaga nito ay ibabawas niya sa halagang ibinayad sa kanya noong siya ay binili bilang isang alipin. (Ang halagang iyon ay batay sa dami ng taon mula nang siyaʼy binili hanggang sa Taon ng Pagpapalaya at Pagsasauli.) At kung magkano ang natira, iyon ang babayaran niya para matubos ang kanyang sarili. 53 Kinakailangang ituring siya ng dayuhang bumili sa kanya na parang isang upahang manggagawa at huwag siyang pagmamalupitan. 54 Kung hindi siya makakalaya at ang mga anak niya sa ganoong paraan, maaari pa rin silang lumaya sa Taon ng Pagpapalaya at Pagsasauli. 55 Kaya hindi kayo magiging alipin ng inyong mga kababayan magpakailanman, dahil alipin ko kayo, ako ang naglabas sa inyo mula sa Egipto. Ako ang Panginoon na inyong Dios.

Ang Gantimpala sa mga Masunurin(G)

26 Huwag kayong gagawa ng mga dios-diosan katulad ng mga inukit na imahen, mga alaalang bato, o batong may larawan para sambahin, dahil ako ang Panginoon na inyong Dios.

Sundin ninyo ang ipinapagawa ko sa inyo sa Araw ng Pamamahinga at igalang ninyo ang lugar na pinagsasambahan ninyo sa akin. Ako ang Panginoon.

Kung susundin ninyo ang aking mga tuntunin at mga utos, pauulanin ko sa inyong lugar sa tamang panahon para umani ng sagana ang lupain ninyo at mamunga ng marami ang mga punongkahoy. Kaya gigiik kayo ng mga butil hanggang sa panahon ng pamimitas ng ubas, at ang pamimitas naman ng ubas ay magpapatuloy hanggang sa panahon ng paghahasik. Kaya magiging sagana kayo sa inyong pagkain at mamumuhay kayong payapa sa inyong lupain.

Bibigyan ko ng kapayapaan ang inyong lupain kaya makakatulog kayo ng walang kinatatakutan. Palalayasin ko ang mababangis na hayop sa inyong lugar, at walang kalaban na sasalakay sa inyo. Kayo ang sasalakay sa inyong mga kalaban at papatayin ninyo sila. Tatalunin ng lima sa inyo ang 100, at ang 100 sa inyo ay tatalo ng 10,000. Iingatan ko kayo at pararamihin para matupad ko ang aking pangako sa inyo. 10 At dahil sa kasaganaan ng inyong ani, ang inyong kakainin ay mula pa sa dati ninyong inani, na hindi pa nauubos sa lalagyan hanggang sa dumating ang bagong ani na papalit dito. 11 Maninirahan akong kasama ninyo at hindi ko kayo pababayaan. 12 Akoʼy magiging kasama ninyo, at patuloy akong magiging Dios ninyo, at patuloy kayong magiging mga mamamayan ko. 13 Ako ang Panginoon na inyong Dios na naglabas sa inyo sa Egipto para huwag na kayong maging mga alipin ng mga taga-Egipto. Pinalaya ko na kayo, kaya wala na kayong dapat ikahiya.

Ang Parusa sa mga Sumusuway(H)

14-15 Pero kung hindi kayo makikinig sa akin, at hindi ninyo susundin ang aking mga utos at tuntunin, nilalabag ninyo ang kasunduan ko sa inyo. 16 Kaya ganito ang gagawin ko sa inyo. Bigla kayong masisindak sa takot dahil padadalhan ko kayo ng mga sakit na hindi gumagaling, at lagnat na magpapadilim ng inyong paningin at magpapahina ng inyong katawan. Magtatanim kayo, pero hindi rin ninyo pakikinabangan dahil sasalakayin kayo ng inyong mga kalaban at kukunin nila at kakainin ang inyong mga ani. 17 Pababayaan ko kayong matalo ng inyong mga kalaban, at kayoʼy sasakupin nitong mga napopoot sa inyo. At dahil sa takot sa kanila, tatakas kayo kahit na walang humahabol sa inyo. 18 At kung hindi pa rin kayo makikinig sa akin, parurusahan ko kayo ng pitong beses.[x] 19 Aalisin ko ang katigasan ng inyong ulo sa pamamagitan ng hindi pagpapadala ng ulan sa inyo, kaya matitigang ang inyong mga lupain.[y] 20 Mawawalan ng kabuluhan ang inyong pagtatrabaho, dahil wala kayong aanihin sa inyong mga lupain at hindi rin mamumunga ang inyong mga punongkahoy.

21 At kung patuloy pa rin kayong hindi makikinig sa akin, dadagdagan ko pa ng pitong beses ang tindi ng parusa sa inyo. 22 Padadalhan ko kayo ng mababangis na hayop at papatayin nila ang inyong mga anak at mga alagang hayop. At dahil dito, kakaunti na lang ang matitira sa inyo at iilan-ilan na lang ang makikitang lumalakad sa daan ninyo.

23 Kung hindi pa rin kayo makikinig at patuloy pa rin na susuway sa akin, 24 ako na ang makakalaban ninyo at parurusahan ko kayo ng pitong beses. 25 Ipapasalakay ko kayo sa inyong mga kalaban para parusahan kayo dahil sa inyong pagsuway sa kasunduan natin. Kahit na magtago kayo sa loob ng inyong lungsod, padadalhan ko pa rin kayo ng salot. At dahil dito, mapipilitan kayong sumuko sa inyong mga kalaban. 26 Kukulangin kayo ng pagkain, kaya iisang kalan ang paglulutuan ng tinapay ng sampung babae at iyon ay paghahati-hatian pa ninyo. Makakakain nga kayo pero hindi kayo mabubusog.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®