Bible in 90 Days
12 Pumili kayo ng lugar sa labas ng kampo na gagawin ninyong palikuran. 13 Kailangang may panghukay ang bawat isa sa inyo, para huhukay kayo kapag nadudumi kayo, at tatabunan ito kapag tapos na kayo. 14 Sapagkat ang Panginoon na inyong Dios ay naglilibot sa inyong kampo para iligtas kayo at ibigay sa inyo ang mga kaaway ninyo. Kaya kailangang malinis ang inyong kampo para wala siyang makitang hindi maganda sa inyo, at para hindi niya kayo pabayaan.
15 “Kung tumakas ang isang alipin sa kanyang amo at tumakbo sa inyo, huwag ninyo siyang piliting bumalik sa kanyang amo. 16 Patirahin ninyo siya sa inyong lugar, kahit saang bayan niya gusto. Huwag ninyo siyang aapihin.
17 “Dapat walang Israelita, lalaki man o babae, na magbebenta ng kanyang katawan bilang pagsamba sa mga dios-diosan sa templo. 18 Huwag ninyong dadalhin sa bahay ng Panginoon na inyong Dios ang pera na natanggap ninyo sa pamamaraang ito bilang bayad sa inyong pangako sa Panginoon na inyong Dios, dahil kasuklam-suklam ito sa kanya.
19 “Kung magpapautang kayo sa kapwa ninyo Israelita, huwag ninyo itong tutubuan, pera man ito o pagkain o anumang bagay na maaaring patubuan. 20 Maaari kayong magpautang nang may patubo sa mga dayuhan, pero hindi sa mga kapwa ninyo Israelita. Gawin ninyo ito para pagpalain kayo ng Panginoon na inyong Dios sa lahat ng ginagawa ninyo roon sa lupain na titirhan at aangkinin ninyo.
21 “Kung gagawa kayo ng panata sa Panginoon na inyong Dios, huwag ninyong patatagalin ang pagtupad nito, dahil siguradong sisingilin kayo ng Panginoon na inyong Dios, at magkakasala kayo sa hindi pagtupad nito. 22 Hindi ito kasalanan kung hindi kayo gumawa ng panata sa Panginoon. 23 Pero anumang ipanata ninyo sa Panginoon na inyong Dios ay dapat ninyong tuparin.
24 “Kung pupunta kayo sa ubasan ng inyong kapwa, maaari kayong kumain hanggang gusto ninyo, pero huwag kayong kukuha at maglalagay sa inyong lalagyan para dalhin. 25 Kung mapapadaan kayo sa taniman ng trigo ng inyong kapwa, maaari kayong makaputol ng mga uhay, pero huwag ninyo itong gagamitan ng karit na panggapas.
24 “Kung nag-asawa ang isang lalaki, at sa bandang huli ay inayawan na niya ito dahil may natuklasan siyang hindi niya nagustuhan dito, dapat siyang gumawa ng kasulatan ng paghihiwalay at ibigay ito sa kanya, at maaari na niya itong paalisin sa kanyang bahay. 2 Kung mag-aasawa muli ang babae, 3 at hiwalayan na naman siya ng ikalawa niyang asawa o mamatay ito, 4 hindi na siya maaaring mapangasawang muli ng nauna niyang asawa dahil narumihan na siya.[a] Kung muli siyang mapapangasawa ng nauna niyang asawa, kasuklam-suklam ito sa paningin ng Panginoon. Hindi ninyo dapat gawin ang mga kasalanang ito sa lupaing ibinibigay sa inyo ng Panginoon na inyong Dios bilang inyong mana.
5 “Kung bagong kasal ang isang lalaki, huwag ninyo siyang isasama sa labanan o bibigyan ng anumang responsibilidad sa bayan sa loob ng isang taon, para manatili muna siya sa kanyang bahay at mabigyan ng kasiyahan ang kanyang asawa.
6 “Huwag ninyong kukuning sanla ang gilingan ng umutang sa inyo dahil para na rin ninyong kinuha ang kanyang ikinabubuhay.
7 “Sinuman sa inyo ang kumidnap sa kapwa niya Israelita at ginawa itong alipin o ipinagbili, dapat patayin ang kumidnap. Sa pamamagitan nito, mawawala ang masasamang gawa sa inyong bansa.
8 “Tungkol sa malubhang sakit sa balat, sundin ninyong mabuti ang mga tuntunin na ipinapagawa sa inyo ng mga pari na mga Levita. Sundin ninyo ang mga iniutos ko sa kanila. 9 Alalahanin ninyo kung ano ang ginawa ng Panginoon na inyong Dios kay Miriam nang naglalakbay kayo paglabas sa Egipto.
10 “Kung magpapautang kayo ng kahit ano sa kapwa ninyo Israelita, huwag kayong papasok sa bahay niya para kumuha ng anumang isasanla niya. 11 Maghintay lang kayo sa labas at dadalhin niya ito sa inyo. 12-13 Kung mahirap ang tao, at pangbalabal ang isinanla niya sa inyo, huwag ninyong palilipasin ang gabi na nasa inyo ito. Isauli ito sa kanya habang hindi pa lumulubog ang araw para magamit niya ito sa kanyang pagtulog, at pasasalamatan ka pa niya. Ituturing ito ng Panginoon na inyong Dios na gawang matuwid.
14 “Huwag ninyong dadayain ang mahihirap na trabahador sa kanilang upa, Israelita man siya o dayuhan na naninirahan sa inyong bayan. 15 Bayaran ninyo siya ng isang araw na sweldo bago lumubog ang araw dahil mahirap siya at inaasahan niyang matanggap ito. Sapagkat kung hindi, baka dumaing siya sa Panginoon laban sa inyo at itoʼy ituturing na kasalanan ninyo.
16 “Hindi dapat patayin ang magulang dahil sa kasalanan ng kanilang mga anak, o ang mga anak dahil sa kasalanan ng kanilang magulang; ang bawat isa ay papatayin lang dahil sa kanyang sariling kasalanan.
17 “Bigyan ninyo ng hustisya ang mga dayuhan at ang mga ulila. Huwag ninyong kukunin ang balabal ng biyuda bilang sanla sa kanyang utang. 18 Alalahanin ninyong alipin kayo noon sa Egipto at iniligtas kayo ng Panginoon na inyong Dios. Ito ang dahilan kung bakit inuutusan ko kayong gawin ito.
19 “Kapag nag-aani kayo at may naiwang bigkis sa bukid, huwag na ninyo itong babalikan para kunin. Iwan na lang ninyo ito para sa mga dayuhan, sa mga ulila at sa mga biyuda, para pagpalain kayo ng Panginoon na inyong Dios sa lahat ng inyong ginagawa. 20 Kung mamimitas kayo ng olibo, huwag na ninyong babalikan ang mga naiwan. Itira na lang ninyo ito sa mga dayuhan, sa mga ulila at sa mga biyuda. 21 Kung aani kayo ng ubas, huwag na ninyong babalikan ang mga naiwan. Itira nʼyo na lang ito sa mga dayuhan, sa mga ulila at sa mga biyuda. 22 Alalahanin ninyo na mga alipin kayo noon sa Egipto. Ito ang dahilan kung bakit inuutusan ko kayong gawin ito.
25 “Halimbawa, may pinagtalunan ang dalawang tao at dinala nila ang kanilang kaso sa korte, at idineklara ng mga hukom kung sino sa kanila ang may kasalanan at walang kasalanan. 2 Kung sinentensyahan ng hukom na hagupitin ang may kasalanan, padadapain siya sa harap ng hukom at hahagupitin ayon sa bigat ng kasalanan na kanyang ginawa. 3 Ngunit hindi ito hihigit pa sa 40 hagupit dahil magiging kahiya-hiya na ito kung hihigit pa roon.
4 “Huwag ninyong bubusalan ang baka habang gumigiik pa ito.
5 “Kung may dalawang magkapatid na lalaking naninirahan sa iisang bayan, at namatay ang isa sa kanila nang hindi nagkaanak, hindi makapag-aasawa ang babae ng iba maliban lang sa pamilya ng kanyang asawa. Ang kapatid ng kanyang asawa ang dapat na maging asawa niya. Tungkulin niya ito sa kanyang hipag. 6 Ang panganay nilang anak ay ituturing na anak ng namatay na kapatid para hindi mawala ang kanyang pangalan sa Israel.
7 “Pero kung ayaw mapangasawa ng kapatid ng namatay ang biyuda, pupunta ang biyuda sa mga tagapamahala roon sa pintuan ng bayan at sasabihin, ‘Hindi pumayag ang aking hipag na bigyan ng lahi ang kanyang kapatid sa Israel. Ayaw niyang tuparin ang kanyang tungkulin sa akin bilang hipag.’ 8 At ipapatawag siya ng mga tagapamahala ng bayan at makikipag-usap sila sa kanya. Kung talagang ayaw pa rin niyang pakasalan ang biyuda, 9 lalapitan siya ng biyuda sa harap ng mga tagapamahala at kukunin niya ang sandalyas ng kanyang hipag at duduraan niya sa mukha at sasabihin, ‘Ganyan ang gagawin sa lalaking hindi pumapayag na bigyan ng lahi ang kanyang kapatid na namatay.’ 10 Ang pamilya ng taong ito ay tatawagin sa Israel na pamilya ng taong kinuhanan ng sandalyas.
11 “Kung may dalawang lalaking nag-aaway at lumapit ang asawa ng isa para tumulong sa kanyang asawa sa pamamagitan ng pagdakot sa ari ng kalaban, 12 kailangang putulin ang kamay ng babae nang walang awa.
13-14 “Huwag kayong mandaraya sa inyong pagtimbang at pagtakal. 15 Gumamit kayo ng tamang timbangan at takalan, para mabuhay kayo nang matagal sa lupaing ibinibigay sa inyo ng Panginoon na inyong Dios. 16 Sapagkat kasuklam-suklam sa Panginoon na inyong Dios ang taong mandaraya.
17 “Alalahanin ninyo ang ginawa ng mga Amalekita sa inyo nang lumabas kayo sa Egipto. 18 Sinalakay nila kayo noong pagod na pagod na kayo, at pinagpapatay nila ang inyong mga kasama na nasa hulihan. Wala silang takot sa Panginoon. 19 Kaya patayin ninyo ang lahat ng mga Amalekita kapag binigyan na kayo ng Panginoon na inyong Dios ng kapayapaan doon sa lupaing ibinibigay niya sa inyo na inyong aangkinin. Huwag ninyo itong kalilimutan.
Ang Unang Ani at ang Ikapu
26 “Kapag naangkin na ninyo ang lupaing ibinibigay ng Panginoon na inyong Dios bilang inyong mana, at doon na kayo naninirahan, 2 ilagay ninyo ang naunang mga bahagi ng inyong ani sa basket. At dalhin ninyo ito sa lugar na pinili ng Panginoon na inyong Dios, kung saan pararangalan siya. 3 Pumunta kayo sa paring naglilingkod sa panahong iyon, at sabihin sa kanya, ‘Sa pamamagitan ng handog na ito, kinikilala ko sa araw na ito, na ang Panginoon na ating Dios ang nagdala sa akin sa lupaing ito na kanyang ipinangako sa ating mga ninuno na ibibigay sa atin.’
4 “Pagkatapos, kukunin ng pari ang basket sa inyo at ilalagay ito sa harap ng altar ng Panginoon na inyong Dios. 5 At sasabihin ninyo ito sa presensya ng Panginoon na inyong Dios, ‘Ang amin pong ninuno na si Jacob ay isang Arameong walang permanenteng tirahan. Pumunta siya sa Egipto at nanirahan doon kasama ang kanyang pamilya. Kaunti lang sila noon, pero dumami sila at nang bandang huli ay naging makapangyarihang bansa. 6 Ngunit pinagmalupitan po kami ng mga Egipcio. Pinahirapan nila kami at pinilit na magtrabaho. 7 Humingi kami ng tulong sa inyo, Panginoon, ang Dios ng aming mga ninuno, at pinakinggan nʼyo kami. Nakita nʼyo ang mga paghihirap, mga pagtitiis at pagpapakasakit namin. 8 Kaya kinuha nʼyo kami sa Egipto, Panginoon na aming Dios, sa pamamagitan ng dakila nʼyong kapangyarihan at nakakatakot na mga gawa. Gumawa kayo ng himala at mga kamangha-manghang bagay. 9 Dinala nʼyo kami sa lugar na ito, at ibinigay sa amin ang maganda at masaganang lupain[b] na ito. 10 Kaya heto po kami ngayon, O Panginoon, dinadala namin ang unang bahagi ng ani ng lupaing ibinigay ninyo sa amin.’ Pagkatapos ninyo itong sabihin, ilagay ninyo ang basket sa presensya ng Panginoon na inyong Dios, at sumamba kayo sa kanya. 11 Magsaya kayo dahil mabuti ang mga bagay na ibinibigay ng Panginoon na inyong Dios sa inyo at sa inyong pamilya. Isama rin ninyo sa pagdiriwang ang mga Levita at ang mga dayuhan na naninirahang kasama ninyo.
12 “Sa bawat ikatlong taon, ibigay ninyo ang ikasampung bahagi ng inyong ani sa mga Levita, sa mga dayuhan, sa mga ulila at sa mga biyuda, para mayroon silang masaganang pagkain. 13 Pagkatapos, sabihin ninyo sa presensya ng Panginoon na inyong Dios, ‘Kinuha ko na po sa aking bahay ang banal na bahagi, iyon ang ikasampung bahagi, at ibinigay sa mga Levita, sa mga dayuhan, sa mga ulila at sa mga biyuda ayon sa lahat ng iniutos nʼyo sa amin. Hindi po ako sumuway o lumimot sa kahit isang utos ninyo. 14 Hindi ko po ito kinain habang nagdadalamhati ako; hindi ko ito ginalaw habang itinuturing akong marumi at hindi ko po ito inihandog sa patay. O Panginoon na aking Dios, sinunod ko po kayo. Ginawa ko ang lahat ng iniutos ninyo sa amin. 15 Tingnan po ninyo kami mula sa inyong banal na tahanan sa langit, at pagpalain ang mga mamamayan ninyong Israelita at ang maganda at masaganang lupain na ibinigay ninyo sa amin ayon sa ipinangako ninyo sa aming mga ninuno.’
Sundin ang mga Utos ng Panginoon
16 “Sa araw na ito, inuutusan kayo ng Panginoon na inyong Dios na sundin ninyong lahat ang utos at tuntuning ito. Sundin ninyo itong mabuti nang buong pusoʼt kaluluwa. 17 Ipinahayag ninyo sa araw na ito na ang Panginoon ang inyong Dios at mabubuhay kayo ayon sa kanyang pamamaraan, dahil susundin ninyo ang kanyang mga utos at mga tuntunin, at susundin ninyo siya. 18 At ipinahayag din ng Panginoon sa araw na ito, na kayo ang espesyal na mamamayan ayon sa kanyang ipinangako, at dapat kayong sumunod sa lahat ng utos niya. 19 Ayon sa kanyang ipinangako, gagawin niya kayong higit kaysa sa lahat ng bansa; pupurihin at pararangalan kayo. Kayo ay magiging mga mamamayang pinili ng Panginoon na inyong Dios.”
Ang Altar sa Bundok ng Ebal
27 Pagkatapos, inutusan nila Moises at ng mga tagapamahala ng Israel ang mga mamamayan, “Sundin ninyong lahat ang mga utos na ibinibigay ko sa inyo sa araw na ito. 2 Kapag nakatawid na kayo sa Jordan, doon sa lupaing ibinibigay sa inyo ng Panginoon na inyong Dios, magtumpok kayo ng malalaking bato, at pahiran ninyo ang palibot nito ng apog. 3 Isulat ninyo sa mga batong ito ang lahat ng kautusan kapag nakapasok na kayo sa maganda at masaganang lupain[c] na ibinibigay sa inyo ng Panginoon na inyong Dios, ang Dios ng inyong mga ninuno, ayon sa ipinangako niya sa inyo. 4 Kapag nakatawid na kayo sa Jordan, itayo ninyo ang mga batong ito sa Bundok ng Ebal, ayon sa iniutos ko sa inyo sa araw na ito, at pahiran ninyo ng apog ang palibot nito. 5 Pagkatapos, gumawa kayo roon ng batong altar para sa Panginoon na inyong Dios. Huwag kayong gagamit ng anumang kagamitang bakal sa pagtatabas nito. 6 Ang mga bato na gagawin ninyong altar ay dapat hindi pa natabasan. Pagkatapos, maghandog kayo sa altar na ito ng mga handog na sinusunog para sa Panginoon na inyong Dios. 7 Maghandog din kayo ng handog para sa mabuting relasyon sa Panginoon at kainin ninyo ito roon, at magsaya kayo sa presensya ng Panginoon na inyong Dios. 8 At isulat ninyo nang malinaw ang mga kautusan ng Dios sa mga batong pinahiran ninyo ng apog.” 9 Sinabi pa ni Moises at ng mga pari na mga Levita sa lahat ng Israelita, “Makinig kayo, O mga mamamayan ng Israel! Sa araw na ito, naging mamamayan na kayo ng Panginoon na inyong Dios. 10 Kaya sundin ninyo ang Panginoon na inyong Dios at tuparin ang lahat ng utos at tuntunin niyang ibinibigay ko sa inyo ngayon.”
Ang mga Sumpa
11 Nang araw na iyon, iniutos ni Moises sa mga tao, 12 “Kapag nakatawid na kayo sa Jordan, ito ang mga angkan na tatayo sa Bundok ng Gerizim para basbasan ang mga tao: ang lahi nina Simeon, Levi, Juda, Isacar, Jose at Benjamin. 13 At ito ang mga lahi na tatayo sa Bundok ng Ebal para sumpain ang mga tao: ang lahi nina Reuben, Gad, Asher, Zebulun, Dan at Naftali.
14 “Ang mga Levita naman ay sisigaw nang malakas:
15 “Sumpain ang taong gagawa ng anumang mga dios-diosan na gawa sa bato o tanso at sasambahin ito kahit palihim. Sapagkat kinasusuklaman ng Panginoon ang dios-diosang ginawa ng tao.” At sasagot ang lahat ng tao, “Amen!”[d]
16 “Sumpain ang taong hindi gumagalang sa kanyang magulang.” At sasagot ang lahat ng tao, “Amen!”
17 “Sumpain ang taong nagnakaw ng lupain ng kanyang kapwa sa pamamagitan ng paglilipat ng muhon ng lupain nito.” At sasagot ang lahat ng tao, “Amen!”
18 “Sumpain ang taong nagliligaw ng bulag sa daan.” At sasagot ang lahat ng tao, “Amen!”
19 “Sumpain ang taong hindi nagbibigay ng hustisya sa mga dayuhan, sa mga ulila at sa mga biyuda.” At sasagot ang lahat ng tao, “Amen!”
20 “Sumpain ang taong nakikipagtalik sa asawa ng kanyang ama, dahil ipinapahiya niya ang kanyang ama.” At sasagot ang lahat ng tao, “Amen!”
21 “Sumpain ang taong nakikipagtalik sa anumang hayop.” At sasagot ang lahat ng tao, “Amen!”
22 “Sumpain ang taong nakikipagtalik sa kanyang kapatid na babae, kapatid man niya ito sa ama o sa ina.” At sasagot ang lahat ng tao, “Amen!”
23 “Sumpain ang taong nakikipagtalik sa kanyang biyenang babae.” At sasagot ang lahat ng tao, “Amen!”
24 “Sumpain ang taong pumatay ng kanyang kapwa kahit walang nakakaalam.” At sasagot ang lahat ng tao, “Amen!”
25 “Sumpain ang taong tumatanggap ng suhol para pumatay ng inosenteng tao.” At sasagot ang lahat ng tao, “Amen!”
26 “Sumpain ang tao na hindi susunod o gagawa sa lahat ng utos na ito.” At sasagot ang lahat ng tao, “Amen!”
Ang Pagpapala sa Pagsunod(A)
28 “Kung lubos ninyong susundin ang Panginoon na inyong Dios at gagawin ang lahat ng utos niya na ibinibigay ko sa inyo ngayon, gagawin niya kayong nakakahigit sa lahat ng bansa rito sa mundo. 2 Kung susundin ninyo ang Panginoon na inyong Dios, mapapasainyo ang lahat ng pagpapalang ito:
3 “Pagpapalain niya ang mga lungsod at mga bukid ninyo. 4 Pagpapalain niya kayo ng maraming anak, masaganang ani at maraming hayop. 5 Pagpapalain niya kayo ng masaganang ani at pagkain. 6 Pagpapalain niya ang lahat ng ginagawa ninyo. 7 Ipapatalo ng Panginoon sa inyo ang mga kaaway na sasalakay sa inyo. Sama-sama silang sasalakay sa inyo pero magkakanya-kanya sila sa pagtakas. 8 Pagpapalain ng Panginoon na inyong Dios ang lahat ng ginagawa ninyo at pupunuin niya ng ani ang mga bodega ninyo. Pagpapalain niya kayo sa lupaing ibinibigay niya sa inyo. 9 Ayon sa ipinangako ng Panginoon na inyong Dios, gagawin niya kayo na pinili niyang mamamayan, kung susundin ninyo ang kanyang mga utos at mamumuhay ng ayon sa kanyang pamamaraan. 10 At sa ganoon ay malalaman ng lahat ng tao sa mundo na pinili kayo ng Panginoon, at matatakot sila sa inyo. 11 Pagpapalain kayo ng Panginoon doon sa lupaing ipinangako niya sa inyong mga ninuno na ibibigay sa inyo. Pararamihin niya ang inyong mga anak, mga hayop at ang inyong ani. 12 Padadalhan kayo ng Panginoon ng ulan sa tamang panahon mula sa taguan ng kayamanan niya sa langit, at pagpapalain niya ang lahat ng ginagawa ninyo. Magpapautang kayo sa maraming bansa, pero kayo ay hindi mangungutang. 13 Gagawin kayo ng Panginoon na pinuno ng mga bansa, at hindi tagasunod lang. Lagi kayong nasa itaas at hindi sa ilalim kung susundin ninyong mabuti ang mga utos ng Panginoon na inyong Dios na ibinibigay ko sa inyo ngayon. 14 Kaya huwag ninyong susuwayin ang alinman sa iniuutos ko sa inyo sa araw na ito, at huwag kayong susunod sa ibang mga dios at maglilingkod sa kanila.
Ang mga Sumpa sa Hindi Pagsunod(B)
15 “Ngunit kung hindi kayo susunod sa Panginoon na inyong Dios at hindi susunding mabuti ang lahat ng utos niya at tuntunin na ibinibigay ko sa inyo ngayon, mararanasan ninyo ang lahat ng sumpang ito: 16 Susumpain ng Panginoon ang inyong mga lungsod at bukid. 17 Susumpain niya ang inyong mga ani at pagkain. 18 Susumpain niya kayo sa pamamagitan ng pagbibigay sa inyo ng kaunting anak, ani, at hayop. 19 Susumpain niya ang lahat ng gagawin ninyo. 20 Maguguluhan at malilito kayo sa lahat ng gagawin ninyo hanggang sa malipol kayo at tuluyang mawala, dahil sa masama ninyong ginagawa sa pamamagitan ng pagsuway sa kanya.[e] 21 Padadalhan kayo ng Panginoon ng mga salot hanggang sa mamatay kayo roon sa lupain na titirhan at aangkinin ninyo. 22 Pahihirapan kayo ng Panginoon sa sakit na hindi gumagaling, lagnat, pamamaga, mainit na hangin, mahabang tagtuyot,[f] at peste sa mga halaman hanggang sa mamatay kayo. 23 Magiging parang tanso ang langit na hindi magbibigay ng ulan at ang lupa ay matutuyo at magiging kasintigas ng bakal. 24 Sa halip na tubig ang ibigay ng Panginoon sa inyo bilang ulan, alikabok ang ibibigay niya. Pauulanin niya ng alikabok hanggang sa mamatay kayo.
25 “Ipapatalo kayo ng Panginoon sa inyong mga kaaway. Sama-sama kayong sasalakay sa kanila, pero magkakanya-kanya kayo sa pagtakas. Magiging kasuklam-suklam kayo sa lahat ng kaharian sa mundo. 26 Kakainin ng mga ibon at mababangis na hayop ang mga bangkay ninyo, at walang magtataboy sa kanila. 27 Pahihirapan kayo ng Panginoon sa mga bukol na ipinadala niya sa mga Egipcio. Patutubuan niya kayo ng tumor, pangangati at galis na hindi gumagaling. 28 Gagawin kayong baliw ng Panginoon, bubulagin at lilituhin. 29 Mangangapa kayo kahit na araw tulad ng isang bulag. Hindi kayo uunlad sa lahat ng ginagawa ninyo. Palagi kayong aapihin at pagnanakawan, at walang tutulong sa inyo.
30 “Aagawin[g] ng ibang lalaki ang babaeng magiging asawa ninyo. Magpapatayo kayo ng mga bahay pero hindi kayo ang titira rito. Magtatanim kayo ng ubas pero hindi kayo ang makikinabang sa mga bunga nito. 31 Kakatayin ang baka ninyo sa inyong harapan, pero hindi ninyo ito makakain. Pipiliting kunin sa inyo ang inyong mga asno, at hindi na ito ibabalik sa inyo. Ibibigay ang inyong mga tupa sa inyong mga kaaway, at walang tutulong sa inyo upang mabawi ito. 32 Habang nakatingin kayo, bibihagin ang mga anak ninyo ng mga taga-ibang bansa, at araw-araw kayong aasang babalik sila, pero wala kayong magagawa. 33 Kakainin ng mga taong hindi ninyo nakikilala ang pinaghirapan ninyo, at palagi kayong aapihin at pahihirapan. 34 At kapag nakita ninyo itong lahat, mababaliw kayo. 35 Patutubuan kayo ng Panginoon ng mga bukol na hindi gumagaling mula sa sakong hanggang sa ulo ninyo.
36 “Kayo at ang pinili ninyong hari ay ipapabihag ng Panginoon sa bansang hindi ninyo kilala maging ng inyong mga ninuno. Doon, sasamba kayo sa ibang mga dios na gawa sa kahoy at bato. 37 Kasusuklaman kayo, hahamakin, at kukutyain ng mga naninirahan sa mga bansa kung saan kayo binihag.
38 “Marami ang itatanim ninyo pero kakaunti lang ang inyong aanihin, dahil kakainin ito ng mga balang. 39 Magtatanim kayo ng ubas at aalagaan ninyo ito, pero hindi kayo makakapamitas ng bunga nito o makakainom ng katas mula rito, dahil kakainin ito ng mga uod. 40 Magtatanim kayo ng maraming olibo kahit saan sa inyong lugar, pero wala kayong makukuhang langis mula rito, dahil malalaglag ang mga bunga nito. 41 Magkakaanak kayo pero, mawawala sila sa inyo dahil bibihagin sila. 42 Kakainin ng maraming insekto ang lahat ng inyong puno at pananim.
43 “Unti-unting magiging makapangyarihan ang mga dayuhang naninirahang kasama ninyo habang kayo naman ay unti-unting manghihina. 44 Papautangin nila kayo pero hindi kayo makapagpapautang sa kanila. Sila ang mamumuno sa inyo at kayo ang susunod sa kanila. 45 Mangyayari ang lahat ng sumpang ito sa inyo hanggang sa mamatay kayo, kung hindi ninyo susundin ang Panginoon na inyong Dios at ang kanyang mga utos at mga tuntunin na ibinigay niya sa inyo. 46 Magiging babala sa inyo at sa inyong mga salinlahi ang mga sumpang ito magpakailanman. 47 Dahil hindi kayo naglingkod nang may kaligayahan at kagalakan sa Panginoon na inyong Dios sa panahon ng inyong kasaganaan, 48 ibibigay niya kayo sa mga kaaway na ipinadala niya sa inyo at maglilingkod kayo sa kanila. Gugutumin kayo, uuhawin, kukulangin ng damit at mawawalan ng lahat ng bagay. Pahihirapan niya kayo na parang kinabitan ng pamatok na bakal sa leeg hanggang sa mamatay kayo.
49 “Ipapasalakay kayo ng Panginoon sa isang bansa na mula sa malayong lugar, sa dulo ng mundo, na hindi ninyo maintindihan ang salita. Sasalakayin nila kayo katulad ng pagsila ng agila sa mga kaaway. 50 Mababangis sila at walang awa sa matanda man o bata. 51 Kakainin nila ang mga hayop at mga ani ninyo hanggang sa mamatay kayo. Wala silang ititirang trigo, bagong katas ng ubas, langis o hayop hanggang sa malipol kayo. 52 Sasalakayin nila ang lahat ng lungsod na ibinibigay ng Panginoon na inyong Dios sa inyo hanggang sa gumuho ang nagtataasang pader nito na pinagtitiwalaan ninyo.
53 “Sa panahong pinapalibutan kayo ng mga kaaway, kakainin ninyo ang inyong mga anak na ibinigay sa inyo ng Panginoon na inyong Dios dahil sa sobrang gutom. 54 Kahit na ang mahinahon at napakabait na tao sa inyo ay hindi na maaawa sa kanyang kapatid, sa minamahal niyang asawa at sa natira niyang anak. 55 Hindi niya sila bibigyan ng kinakain niyang laman ng kanyang anak dahil natatakot siyang maubusan ng pagkain. Ganyan ang mangyayari sa inyo sa panahon na papalibutan ng inyong mga kaaway ang lahat ng lungsod ninyo. 56 Kahit na ang mahinhin at napakabait na babae ay magiging mabangis sa kanyang minamahal na asawaʼt mga anak. 57 Itatago niya ang kanyang anak na kapapanganak pa lang at ang inunan nito para kainin nang lihim, dahil natatakot siyang walang makain habang pinapalibutan ng inyong mga kaaway ang mga lungsod.
58 “Kung hindi ninyo susunding mabuti ang lahat ng mga utos na nakasulat sa aklat na ito, at hindi igagalang ang kahanga-hanga at kamangha-manghang pangalan ng Panginoon na inyong Dios, 59 padadalhan niya kayo at ang inyong mga lahi ng malulubhang karamdaman na sobrang sakit at wala nang lunas para rito. 60 Ipapalasap niya sa inyo ang nakakatakot na mga karamdaman na ipinadala niya sa Egipto, at mananatili ito sa inyo. 61 Ipapalasap din sa inyo ng Panginoon ang lahat ng uri ng karamdaman na hindi naisulat sa aklat ng kasunduan, hanggang sa mamatay kayo. 62 Kahit na kasindami kayo ng bituin sa langit, kakaunti lang ang matitira sa inyo dahil hindi kayo sumunod sa Panginoon na inyong Dios. 63 Gaya ng kasiyahan ng Panginoon sa pagpapaunlad at pagpaparami sa inyo, ikasisiya rin niya ang pagwasak at pagpatay sa inyo, hanggang sa mawala kayo sa lupaing titirhan at aangkinin ninyo.
64 “Pangangalatin kayo ng Panginoon sa lahat ng bansa sa bawat sulok ng mundo. At dooʼy sasamba kayo sa ibang mga dios na gawa sa kahoy at bato, na hindi ninyo nakikilala o ng inyong mga ninuno. 65 Wala kayong kapayapaan doon at wala rin kayong lugar na mapagpapahingahan. Hindi kayo bibigyan ng Panginoon ng kapanatagan at mawawalan kayo ng pag-asa, at palaging mamumuhay sa kabiguan. 66 Laging manganganib ang inyong buhay; araw at gabi kayoʼy matatakot, at walang katiyakan ang inyong buhay. 67 Dahil sa takot ninyo sa mga bagay na nakikita ninyo sa paligid, sasabihin ninyo kapag umaga, ‘Sana, gabi na.’ At kapag gabi naman, sasabihin ninyong, ‘Sana, umaga na.’ 68 Pababalikin kayo ng Panginoon sa Egipto sakay ng barko, kahit na sinabi ko sa inyo na hindi na kayo dapat bumalik doon. Ipagbibili ninyo roon ang inyong mga sarili sa inyong mga kaaway bilang mga alipin, pero walang bibili sa inyo.”
Ang Pagbago ng Kasunduan
29 Ito ang mga tuntunin ng pagsunod sa kasunduang ipinagawa ng Panginoon kay Moises sa mga Israelita sa Moab, maliban pa sa kasunduan na ginawa niya sa kanila sa Horeb.
2 Ipinatawag ni Moises ang lahat ng Israelita at sinabi sa kanila, “Nakita ninyo ang lahat ng ginawa ng Panginoon sa Faraon at sa lahat ng opisyal niya at sa buong bansa nito. 3 Nakita ninyo noon ang matinding pagsubok[h], ang mga himala at ang mga kamangha-manghang gawa. 4 Pero hanggang ngayon, hindi pa ito ipinauunawa ng Panginoon sa inyo. 5 Sa loob ng 40 taon na pinangunahan ko kayo sa ilang, hindi naluma ang mga damit at sandalyas ninyo. 6 Wala kayong pagkain doon o katas ng ubas o ng iba pang inumin, pero binigyan kayo ng Panginoon ng mga kailangan ninyo para malaman ninyong siya ang Panginoon na inyong Dios.
7 “Pagdating natin sa lugar na ito, nakipaglaban sa atin si Haring Sihon ng Heshbon at si Haring Og ng Bashan, pero tinalo natin sila. 8 Inagaw natin ang lupain nila at ibinigay ito sa mga lahi nina Reuben, Gad at sa kalahating lahi ni Manase bilang mana nila.
9 “Kaya sundin ninyong mabuti ang mga ipinatutupad ng kasunduang ito, para maging matagumpay kayo sa lahat ng ginagawa ninyo. 10 Sa araw na ito, nakatayo kayo sa harap ng presensya ng Panginoon na inyong Dios: ang mga pinuno ng mga angkan ninyo, ang mga tagapamahala, ang mga opisyal at lahat ng kalalakihan ng Israel, 11 ang mga asawaʼt mga anak ninyo, at ang mga dayuhan na naninirahang kasama ninyo na inyong tagasibak at taga-igib. 12 Nakatayo kayo rito ngayon para gawin ang kasunduan sa Panginoon na inyong Dios. Sinusumpaan ng Panginoon ang kasunduang ito ngayon. 13 Gusto niyang mapatunayan sa inyo sa araw na ito na kayo ang mamamayan niya at siya ang Dios ninyo ayon sa ipinangako niya sa inyo at sa inyong mga ninuno na sina Abraham, Isaac, at Jacob. 14-15 Pero hindi lang kayo na nakatayo ngayon dito sa presensya ng Panginoon na inyong Dios ang saklaw ng kasunduang ito, kundi pati ang lahat ng inyong lahi na ipapanganak pa lang.
16 “Nalalaman ninyo kung paano tayo nanirahan sa Egipto noon at kung paano tayo naglakbay sa lupain ng iba pang mga bansa papunta sa lugar na ito. 17 Nakita ninyo ang kanilang kasuklam-suklam na mga dios-diosan na ginawa mula sa kahoy, bato, pilak at ginto. 18 Siguraduhin ninyong wala ni isa sa inyo, babae o lalaki, sambahayan o angkan, na tatalikod sa Panginoon na ating Dios at sasamba sa mga dios ng mga bansang iyon para wala ni isa sa inyo ang maging katulad ng ugat na tumutubong mapait at nakakalason. 19 Ang sinumang nakarinig ng mga babala ng sumpang ito ay huwag mag-iisip na hindi siya masasaktan kahit na magpatuloy siya sa kanyang gusto. Pagbagsak ang idudulot nito sa inyong lahat. 20 Hindi siya patatawarin ng Panginoon. Maglalagablab ang galit ng Panginoon sa kanya tulad ng apoy, at mangyayari sa kanya ang lahat ng sumpa na nakasulat sa aklat na ito, at buburahin ng Panginoon ang kanyang pangalan sa mundo. 21 Ibubukod siya ng Panginoon sa lahat ng lahi ng Israel, at pahihirapan siya ayon sa mga sumpa ng kasunduan na nakasulat dito sa Aklat ng Kautusan.
22 “Sa mga susunod na henerasyon, ang inyong mga lahi at ang mga dayuhang galing sa malayong lugar ay makakakita ng mga kalamidad at mga karamdamang ipapadala ng Panginoon sa inyo. 23 Ang buong lupain ninyo ay magiging katulad ng disyerto na natabunan ng asupre at asin. Walang magtatanim sa lupaing ito dahil hindi tutubo ang mga pananim. Magiging katulad ito ng pagkawasak ng Sodom at Gomora, Adma at Zeboyim na ibinagsak ng Panginoon dahil sa matindi niyang galit. 24 Pagkatapos, magtatanong ang mga bansa, ‘Bakit ginawa ito ng Panginoon sa kanyang bansa? Bakit napakatindi ng kanyang galit?’
25 “At sasagutin sila nang ganito, ‘Dahil sinuway ng mga taong ito ang kasunduang ginawa sa kanila ng Panginoon, ang Dios ng kanilang mga ninuno, nang inilabas niya sila sa Egipto. 26 Sumamba sila at naglingkod sa ibang mga dios na hindi nila nakikilala, na ipinagbawal ng Panginoon na sambahin nila. 27 Kaya nagalit nang matindi ang Panginoon sa kanilang bansa at ipinalasap niya sa kanila ang lahat ng sumpa na nakasulat sa aklat na ito. 28 Sa matinding galit ng Panginoon, pinalayas niya sila sa kanilang bansa at ipinabihag sa ibang mga bansa kung saan sila naninirahan ngayon.’ 29 May mga lihim na bagay na ang Panginoon lang ang nakakaalam, pero ipinahayag niya sa atin ang kanyang kasunduan, at dapat natin itong sundin maging ng ating lahi magpakailanman.
Ang mga Dapat Gawin upang Pagpalain ng Dios
30 “Kapag nangyari na sa inyo ang mga bagay na ito – ang mga pagpapala at ang mga sumpa na aking sinabi sa inyo – at maalala ninyo ito kapag naroon na kayo sa mga bansa kung saan ipinabihag kayo ng Panginoon na inyong Dios, 2 at kung sa mga oras na iyon ay magbabalik-loob kayo sa Panginoon na inyong Dios, at susundin ninyo nang buong puso at kaluluwa ang lahat ng iniutos ko sa inyo ngayon, 3 kaaawaan kayo ng Panginoon na inyong Dios at titipunin mula sa lahat ng bansa kung saan ipinabihag niya kayo, at pagkatapos ay muling magiging mabuti ang kalagayan ninyo. 4 Kahit itinaboy pa niya kayo sa pinakamalayong bahagi ng mundo, titipunin pa rin kayo ng Panginoon na inyong Dios 5 at pababalikin sa lupain ng inyong mga ninuno, at aangkinin ninyo ito. Pauunlarin at padadamihin pa niya kayo kaysa sa inyong mga ninuno. 6 Babaguhin ng Panginoon na inyong Dios ang mga puso ninyo at ang mga puso ng inyong lahi para mahalin ninyo siya nang buong pusoʼt kaluluwa, at mabubuhay kayo nang matagal. 7 Ipaparanas ng Panginoon na inyong Dios ang lahat ng sumpang ito sa inyong mga kaaway na napopoot at gumigipit sa inyo. 8 Muli ninyong susundin ang Panginoon at tutuparin ang lahat ng utos niya na ibinibigay ko sa inyo ngayon. 9 Pauunlarin kayo ng Panginoon na inyong Dios sa lahat ng ginagawa ninyo. Pararamihin niya ang inyong mga anak, mga hayop at ang inyong mga ani, dahil natutuwa ang Panginoong pagpalain kayo gaya ng pagpapala niya sa inyong mga ninuno. 10 Mangyayari ito kung susundin ninyo ang Panginoon na inyong Dios at tutuparin ang lahat ng utos niya at tuntuning nakasulat sa Aklat ng Kautusan, at kung manunumbalik kayo sa kanya nang buong pusoʼt kaluluwa.
11 “Hindi mahirap unawain at gawin ang mga utos na ito na ibinibigay ko sa inyo ngayon. 12 Wala ito sa langit para magtanong kayo, ‘Sino ba ang aakyat sa langit para kunin ito at ipahayag sa atin upang masunod natin?’ 13 Wala rin naman ito sa kabila ng dagat para magtanong kayo, ‘Sino ba ang tatawid sa dagat para kunin ito at ipahayag sa atin upang masunod natin?’ 14 Nasa inyo ito, sa bibig at puso ninyo, kaya sundin ninyo ito.
15 “Makinig kayo! Sa araw na ito, pinapapili ko kayo: buhay o kamatayan, kasaganaan o kahirapan. 16 Inuutusan ko kayo ngayon na mahalin ang Panginoon na inyong Dios, na mamuhay ayon sa kanyang pamamaraan, at sundin ang kanyang mga utos at tuntunin. Kung gagawin ninyo ito, mabubuhay kayo nang matagal at dadami, at pagpapalain kayo ng Panginoon doon sa lupaing titirhan at aangkinin ninyo.
17 “Ngunit kung tatalikod kayo at hindi susunod sa kanya, at kung sasamba kayo at maglilingkod sa ibang mga dios; 18 ngayon pa lang, binabalaan ko na kayo na siguradong mamamatay kayo. Hindi kayo mabubuhay nang matagal sa lupaing titirhan ninyo at mamanahin doon sa kabila ng Jordan.
19 “Sa araw na ito, tinawag ko ang langit at lupa na maging saksi kung alin dito ang pipiliin ninyo: buhay o kamatayan, pagpapala o sumpa. Piliin sana ninyo ang buhay para mabuhay kayo nang matagal pati na ang inyong mga anak.[i] 20 Mahalin ninyo ang Panginoon na inyong Dios. Sundin ninyo siya at manatili kayo sa kanya, dahil siya ang inyong buhay. Kung gagawin ninyo ito, mabubuhay kayo nang matagal doon sa lupain na ipinangako niyang ibibigay sa inyong mga ninuno na sina Abraham, Isaac, at Jacob.”
Si Josue ang Pumalit kay Moises(C)
31 Nagpatuloy si Moises sa pakikipag-usap sa lahat ng Israelita. 2 Sinabi niya, “Akoʼy 120 taong gulang na at hindi ko na kayo kayang pamunuan. At sinabi rin ng Panginoon sa akin na hindi ako makakatawid sa Jordan. 3 Ang Panginoon na inyong Dios mismo ang mangunguna sa inyo sa pagtawid. Wawasakin niya ang mga bayan doon, at aangkinin ninyo ang mga lupain nila. Pangungunahan kayo ni Josue sa pagtawid ayon sa sinabi ng Panginoon. 4 Wawasakin ng Panginoon ang mga bayang ito gaya ng ginawa niya kina Sihon at Og, na mga hari ng mga Amoreo, at sa kanilang lupain. 5 Ibibigay sila ng Panginoon sa inyo, at kailangang gawin ninyo sa kanila ang iniutos ko sa inyo. 6 Magpakatatag kayo at magpakatapang. Huwag kayong matatakot sa kanila dahil ang Panginoon na inyong Dios ay kasama ninyo; hindi niya kayo iiwan o pababayaan man.”
7 Pagkatapos, ipinatawag ni Moises si Josue, at sa harap ng lahat ng Israelita ay sinabi sa kanya, “Magpakatatag ka at magpakatapang, dahil ikaw ang mangunguna sa mga taong ito sa pagpunta at pagsakop sa lupaing ipinangako ng Panginoon sa kanilang mga ninuno na ibibigay sa kanila. Tutulungan mo silang angkinin ang lupain. 8 Pangungunahan ka ng Panginoon at sasamahan ka niya; hindi ka niya iiwan o pababayaan man. Kaya huwag kang matakot ni panghinaan ng loob.”
Ang Pagbasa ng Kautusan
9 Isinulat ni Moises ang mga utos na ito at ibinigay sa mga paring lahi ni Levi, na siyang mga tagabuhat ng Kahon ng Kasunduan ng Panginoon, at sa lahat ng tagapamahala ng Israel. 10 Pagkatapos, inutusan sila ni Moises, “Sa katapusan ng bawat pitong taon na siyang taon ng pagkakansela ng mga utang, habang Pista ng Pagtatayo ng mga Kubol, 11 babasahin ninyo ang mga utos na ito sa lahat ng mga Israelita kung magtitipon sila sa presensya ng Panginoon na inyong Dios sa lugar na pipiliin niya. 12 Tipunin ang mga tao – mga lalaki, babae, bata at mga dayuhang naninirahan sa bayan nʼyo – upang makapakinig sila at matutong gumalang sa Panginoon na inyong Dios at sumunod nang mabuti sa lahat ng ipinatutupad ng mga utos na ito. 13 Gawin ninyo ito para ang inyong mga anak na hindi pa nakakaalam ng mga utos na ito ay makarinig din nito at matutong gumalang sa Panginoon na inyong Dios habang nabubuhay kayo sa lupaing aangkinin ninyo sa kabila ng Jordan.”
Itinakda ang Pagrerebelde ng mga Israelita
14 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Malapit ka nang mamatay, kaya ipatawag mo si Josue at pumunta kayo sa Toldang Tipanan, dahil tuturuan ko siya roon ng gagawin niya.” Kaya pumunta sina Moises at Josue sa Toldang Tipanan.
15 Nagpakita ang Panginoon sa pamamagitan ng ulap na parang haligi roon sa may pintuan ng Tolda. 16 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Malapit ka nang mamatay at makasama ng mga ninuno mo. Kung wala ka na, ang mga taong ito ay sasamba sa ibang mga dios na sinasamba ng mga tao sa lupaing pupuntahan nila. Itatakwil nila ako at susuwayin ang kasunduang ginawa ko sa kanila. 17 Sa araw na iyon, magagalit ako sa kanila at itatakwil ko sila. Tatalikuran ko sila at silaʼy malilipol. Maraming kapahamakan at kahirapan ang darating sa kanila, at sa panahong iyon, magtatanong sila, ‘Dumating ba sa atin ang mga kapahamakang ito dahil hindi tayo sinasamahan ng Panginoon?’ 18 Tatalikuran ko sila sa panahong iyon dahil sa lahat ng kasamaang ginawa nila at pagsamba sa ibang mga dios.
19 “Kaya isulat mo ang awit na ito at ituro sa mga Israelita. Ipaawit mo ito sa kanila para maging saksi ito laban sa kanila. 20 Dadalhin ko sila sa maganda at masaganang lupain[j] na ipinangako kong ibibigay sa kanilang mga ninuno. Doon, mabubuhay sila nang masagana; kakain sila ng lahat ng pagkaing gusto nila, at mabubusog sila. Pero tatalikuran nila ako at sasamba sa ibang mga dios. Susuwayin nila ang aking kasunduan. 21 Kung dumating na sa kanila ang maraming kapahamakan at mga kahirapan, ang awit na ito ang magiging saksi laban sa kanila, sapagkat hindi ito malilimutan ng kanilang mga lahi. Nalalaman ko kung ano ang pinaplano nilang gawin kahit na hindi ko pa sila nadadala sa lupaing ipinangako ko sa kanila.” 22 Sa araw na iyon, isinulat ni Moises ang awit at itinuro sa mga Israelita.
23 Itinalaga ng Panginoon si Josue na anak ni Nun. Sabi niya, “Magpakatatag ka at magpakatapang, dahil ikaw ang magdadala sa mga Israelita sa lupain na ipinangako ko sa kanila, at sasamahan kita.”
24 Pagkatapos na maisulat ni Moises ang lahat ng utos sa aklat, 25 inutusan niya ang mga Levita, na siyang mga tagabuhat ng Kahon ng Kasunduan ng Panginoon. Sinabi niya, 26 “Kunin ninyo ang Aklat ng Kautusan na ito at ilagay sa tabi ng Kahon ng Kasunduan ng Panginoon na inyong Dios. Mananatili ito roon bilang saksi laban sa mga mamamayan ng Israel. 27 Sapagkat nalalaman ko kung gaano kayo kasuwail kung gaano katigas ang inyong ulo. Kahit nga ngayong kasama ninyo ako, nagrerebelde na kayo sa Panginoon, ano pa kaya kung patay na ako! 28 Tipunin ninyo sa harapan ko ang lahat ng tagapamahala ng inyong angkan at ang lahat ng opisyal para sabihin ko sa kanila ang mga bagay na ito. At tatawagin ko ang langit at ang lupa bilang saksi laban sa kanila. 29 Sapagkat nalalaman ko na kung patay na ako, siguradong gagawa kayo ng kasamaan at itatakwil ninyo ang lahat ng iniuutos ko sa inyo. Sa bandang huli, darating sa inyo ang lahat ng kapahamakan dahil gagawa kayo ng masama sa paningin ng Panginoon at gagalitin ninyo siya sa pamamagitan ng mga gagawin ninyo.”
Ang Awit ni Moises
30 Ito ang kabuuan ng awit na ipinarinig ni Moises sa mga Israelita:
32 O langit, makinig, sapagkat magsasalita ako!
O lupa, pakinggan ang aking mga salita.
2 Ang aking mga katuruan ay papatak gaya ng ulan at hamog.
Ang aking mga salita ay katulad ng patak ng ulan sa mga damo;
katulad rin ng ambon sa mga pananim.
3 Ipahahayag ko ang pangalan ng Panginoon.
Purihin natin ang kadakilaan ng ating Dios!
4 Siya ang Bato na kanlungan;
matuwid ang lahat ng gawa niya
at mapagkakatiwalaan ang lahat ng kanyang mga pamamaraan.
Matapat siyang Dios at hindi nagkakasala;
makatarungan siya at maaasahan.
5 Ngunit nagkasala kayo sa kanya at hindi na kayo itinuring na mga anak niya,
dahil sa inyong kasamaan.
Makasalanan kayo at madayang henerasyon!
6 Ganito pa ba ang igaganti ninyo sa Panginoon, kayong mga mangmang at kulang sa pang-unawa?
Hindi baʼt siya ang inyong ama na lumikha sa inyo at nagtaguyod na kayoʼy maging isang bansa?
7 Alalahanin ninyo ang mga taon na lumipas;
isipin ninyo ang mga lumipas na henerasyon.
Tanungin ninyo ang inyong mga magulang at mga matatanda, at ihahayag nila ito sa inyo.
8 Nang binigyan ng Kataas-taasang Dios ang mga bansa ng lupain nila at nang pinagbukod-bukod niya ang mga mamamayan,
nilagyan niya sila ng hangganan ayon sa dami ng mga anghel ng Dios.[k]
9 Pinili rin ng Panginoon ang lahi ni Jacob bilang mamamayan niya.
10 Nakita niya sila sa disyerto, sa lugar na halos walang tumutubong pananim.
Binabantayan niya sila at iniingatan katulad ng pag-iingat ng tao sa kanyang mata.
11 Binantayan niya sila gaya ng pagbabantay ng agila sa kanyang mga inakay habang tinuturuan niya itong lumipad.
Ibinubuka niya ang kanyang mga pakpak para saluhin at buhatin sila.
12 Ang Panginoon lang ang gumagabay sa kanyang mga mamamayan,
walang tulong mula sa ibang mga dios.
13 Sila ang pinamahala niya sa mga kabundukan,
at pinakain ng mga ani ng lupa.
Inalagaan niya sila sa pamamagitan ng pulot mula sa batuhan at ng langis ng olibo mula sa mabatong lupa.
14 Binigyan niya sila ng keso at gatas ng mga baka at kambing,
at binigyan ng matatabang tupa at kambing mula sa Bashan.
Binigyan din niya sila ng pinakamagandang trigo at pinainom ng katas ng ubas.
15 Naging maunlad ang mga Israelita[l] pero nagrebelde sila.
Tumaba sila at lumakas,
ngunit tinalikuran nila ang Dios na lumikha sa kanila,
at sinuway nila ang kanilang Bato na kanlungan na kanilang Tagapagligtas.
16 Pinagselos nila at ginalit ang Panginoon dahil sa kanilang pagsamba sa mga dios na kasuklam-suklam.
17 Naghandog sila sa mga demonyo na hindi tunay na dios – mga dios na hindi nila kilala at kailan lang lumitaw,
at hindi iginalang ng kanilang mga ninuno.
18 Kinalimutan nila ang Dios na Bato na kanlungan na lumikha sa kanila.
19 Nakita ito ng Panginoon,
at dahil sa kanyang galit, itinakwil niya sila na kanyang mga anak.
20 Sinabi niya, “Tatalikuran ko sila, at titingnan ko kung ano ang kanilang kahihinatnan,
sapagkat silaʼy masamang henerasyon, mga anak na hindi matapat.
21 Pinagselos nila ako sa mga hindi tunay na dios,
at ginalit nila ako sa kanilang walang kwentang mga dios-diosan.
Kaya pagseselosin ko rin sila sa pamamagitan ng pagpapala ko sa ibang mga lahi.
Gagalitin ko sila sa pamamagitan ng pagpapala ko sa mga mangmang na bansa.
22 Naglalagablab na parang apoy ang aking galit;
susunugin nito ang lupa at ang lahat ng naroon,
pati ang kailaliman ng lupa,[m] at ang pundasyon ng mga bundok.
23 “Padadalhan ko sila ng mga kalamidad, at tatamaan sila ng aking mga pana.
24 Gugutumin ko sila; at mangamamatay sila sa gutom at karamdaman.
Padadalhan ko sila ng mababangis na hayop para atakihin sila at mga ahas para silaʼy tuklawin.
25 Sa labas ng kanilang bahay, marami ang mamamatay sa labanan,
at sa loob nitoʼy maghahari ang takot.
Mamamatay ang lahat, maging ang mga kabataan, matatanda at mga bata.
26 Sinabi ko na pangangalatin ko sila hanggang sa hindi na sila maalala sa mundo.
27 Ngunit hindi ko papayagang magyabang ang kanilang mga kaaway. Baka sabihin nila, ‘Natalo natin sila. Hindi ang Panginoon ang gumawa nito.’ ”
28 Ang Israel ay isang bansa na walang alam at pang-unawa.
29 Kung matalino lang sila, mauunawaan sana nila ang kanilang kahihinatnan.
30 Paano ba mahahabol ng isang tao ang 1,000 Israelita?
Paano matatalo ng dalawang tao ang 10,000 sa kanila?
Mangyayari lamang ito kung ibinigay sila ng Panginoon na kanilang Bato na kanlungan.
31 Sapagkat ang Bato na kanlungan ng ating mga kaaway ay hindi katulad ng ating batong kanlungan;
at kahit sila ay nakakaalam nito.
32 Kasinsama ng mga naninirahan sa Sodom at Gomora ang ating mga kaaway,
katulad ng ubas na mapait at nakakalason ang bunga,
33 at katulad ng alak na gawa sa kamandag ng ahas.
34 Nalalaman ng Panginoon ang kanilang ginagawa,
iniipon niya muna ito at naghihintay ng tamang panahon para parusahan sila.
35 Sabi niya, “Ako ang maghihiganti at magpaparusa sa kanila,
sapagkat darating ang panahon na madudulas sila.
Malapit nang dumating ang panahon ng kanilang pagbagsak.”
36 Ipagtatanggol ng Panginoon ang kanyang mga mamamayan;
kaaawaan niya ang kanyang mga lingkod, kapag nakita niya na wala na silang lakas at kakaunti na lang ang natira sa kanila, alipin man o hindi.
37 At pagkatapos ay magtatanong ang Panginoon sa kanyang mamamayan, “Nasaan na ngayon ang inyong mga dios, ang batong kanlungan ninyo?
38 Nasaan na ngayon ang inyong mga dios na kumakain ng taba at umiinom ng alak na inyong handog?
Magpatulong kayo sa kanila, at gawin ninyo silang proteksyon!
39 Tingnan ninyo ngayon; ako lang ang Dios!
Wala nang iba pang dios maliban sa akin.
Ako ang pumapatay at ako ang nagbibigay-buhay;
ako ang sumusugat at nagpapagaling,
at walang makatatakas sa aking mga kamay.
40 Ngayon, itataas ko ang aking mga kamay at manunumpa,
‘Ako na nabubuhay magpakailanman,
41 hahasain ko ang aking espada at gagamitin ko ito sa aking pagpaparusa:
Gagantihan ko ang aking mga kaaway at pagbabayarin ang mga napopoot sa akin.
42 Dadanak ang kanilang dugo sa aking pana, at ang aking espada ang papatay sa kanilang mga katawan.
Mamamatay sila pati na ang sugatan at mga bilanggo.
Mamamatay pati ang kanilang mga pinuno.’ ”
43 Mga bansa, purihin nʼyo ang mga mamamayan ng Panginoon.[n]
Sapagkat gaganti ang Panginoon sa mga pumatay sa kanyang mga lingkod.
Gaganti siya sa kanyang mga kaaway, at lilinisin niya ang kanyang lupain at ang kanyang mamamayan.
44 Ito nga ang inawit ni Moises kasama si Josue sa harapan ng mga Israelita. 45-46 Pagkatapos niyang sabihin ito, sinabi ni Moises sa mga tao, “Itanim ninyo sa inyong mga puso ang lahat ng sinasabi ko sa inyo sa araw na ito. Ituro rin ninyo ito sa inyong mga anak para matupad nilang mabuti ang lahat ng sinasabi sa mga utos na ito. 47 Hindi lang karaniwang salita ang mga utos na ito; magbibigay ito sa inyo ng buhay. Kung susundin ninyo ito, mabubuhay kayo nang matagal sa lupain na aangkinin ninyo sa kabila ng Jordan.”
Ipinaalam ang Kamatayan ni Moises
48 Nang araw ding iyon, sinabi ng Panginoon kay Moises, 49 “Pumunta ka sa Moab, sa kabundukan ng Abarim, at umakyat ka sa bundok ng Nebo na nakaharap sa Jerico. Tanawin mo roon ang Canaan, ang lupaing ibinibigay ko sa mga Israelita na kanilang aangkinin. 50 Sapagkat sa bundok na iyan ka mamamatay at isasama na sa iyong mga kamag-anak na sumakabilang buhay na, gaya ni Aaron na iyong kapatid nang mamatay siya sa Bundok ng Hor at isinama na rin sa mga kamag-anak niya na sumakabilang buhay na. 51 Sapagkat dalawa kayong nawalan ng pagtitiwala sa akin sa harap ng mga Israelita nang naroon kayo sa tubig ng Meriba sa Kadesh, sa ilang ng Zin. Hindi ninyo pinarangalan ang aking kabanalan sa kanilang harapan. 52 Kaya makikita mo lang sa malayo ang lupaing ibinibigay ko sa mga Israelita, pero hindi ka makakapasok doon.”
Binasbasan ni Moises ang mga Lahi ng Israel
33 Ito ang basbas na sinabi ni Moises na lingkod ng Dios sa mga Israelita bago siya namatay. 2 Sinabi niya,
“Dumating ang Panginoon galing sa Sinai;
nagpakita siya galing sa Bundok ng Seir katulad ng pagsikat ng araw.
Sumikat siya sa mga tao galing sa Bundok ng Paran.
Dumating siya kasama ang libu-libong mga anghel,
at ang kanyang kanang kamay ay may dala-dalang naglalagablab na apoy.[o]
3 Tunay na minamahal ng Panginoon ang kanyang mamamayan.
Pinoprotektahan niya ang mga taong kanyang pinili.
Kaya siyaʼy sinusunod nila at tinutupad ang kanyang utos.
4 Ibinigay ni Moises sa ating mga lahi ni Jacob ang kautusan bilang mana.
5 Naging hari ang Panginoon ng Israel nang magtipon ang kanilang mga pinuno at ang kanilang mga angkan.”
6 Sinabi ni Moises tungkol sa lahi ni Reuben,
“Sanaʼy hindi mawala ang mga lahi ni Reuben kahit kakaunti lang sila.”
7 Sinabi ni Moises tungkol sa lahi ni Juda
“O Panginoon, pakinggan po ninyo ang paghingi ng tulong ng lahi ni Juda.
Muli po ninyo silang isama sa ibang mga lahi ng Israel.
Protektahan at tulungan ninyo sila laban sa kanilang mga kaaway.”
8 Sinabi ni Moises tungkol sa lahi ni Levi,
“O Panginoon, ibinigay po ninyo ang ‘Urim’ at ‘Thummim’[p] sa tapat ninyong mga lingkod na lahi ni Levi.
Sinubukan ninyo sila sa Masa at sinaway sa tabi ng tubig ng Meriba.
9 Nagpakita sila ng malaking katapatan sa inyo kaysa sa kanilang mga magulang, mga kapatid at mga anak.
Sinunod po nila ang inyong mga utos, at iningatan ang inyong kasunduan.
10 Tuturuan nila ang mga Israelita ng inyong mga utos at tuntunin,
at maghahandog sila ng insenso at mga handog na sinusunog sa inyong altar.
11 O Panginoon, pagpalain nʼyo po sila, at sanaʼy masiyahan kayo sa lahat ng kanilang ginagawa.
Ibagsak po ninyo ang kanilang mga kaaway upang hindi na sila makabangon pa.”
12 Sinabi ni Moises tungkol sa lahi ni Benjamin,
“Minamahal ng Panginoon ang lahi ni Benjamin,
at inilalayo niya sila sa kapahamakan at pinoprotektahan sa buong araw.”
13 Sinabi ni Moises tungkol sa lahi ni Jose,
“Sanaʼy pagpalain ng Panginoon ang kanilang lupain at padalhan silang lagi ng ulan at ng tubig mula sa ilalim ng lupa.
14 Sa tulong ng araw, mamunga sana nang maayos ang kanilang mga pananim at mamunga sa tamang panahon nito.
15 Sana ang kanilang sinaunang kabundukan at kaburulan ay magkaroon ng mabuti at masaganang mga bunga.
16 Umani sana ng pinakamagandang produkto ang kanilang lupa dahil sa kabutihan ng Dios na nagpahayag sa kanila sa naglalagablab na mababang punongkahoy. Manatili sana ang mga pagpapalang ito sa lahi ni Jose dahil nakakahigit siya sa kanyang mga kapatid.
17 Ang kanyang lakas ay katulad ng lakas ng batang bakang lalaki.
Ang kanyang kapangyarihan ay katulad ng kapangyarihan ng sungay ng mailap na baka.
Sa pamamagitan nito, ibabagsak niya ang mga bansa kahit na ang nasa malayo.
Ganito ang aking pagpapala sa maraming mamamayan ng Efraim at Manase.”
18 Sinabi ni Moises tungkol sa lahi nila Zebulun at Isacar,
“Matutuwa ang lahi nina Zebulun at Isacar dahil uunlad sila sa kanilang lugar.
19 Iimbitahan nila ang mga tao na pumunta sa kanilang bundok para maghandog ng tamang handog sa Dios.
Magdiriwang sila dahil maraming pagpapala na nakuha nila sa dagat at sa baybayin nito.”
20 Sinabi ni Moises tungkol sa lahi ni Gad,
“Purihin ang Dios na nagpapalawak ng teritoryo ng lahi ni Gad!
Nabubuhay sila sa lupaing ito katulad ng leon na handang sumunggab ng kamay o ng ulo ng kanyang kaaway.
21 Pinili niya ang pinakamagandang lupain na nababagay sa mga pinuno.
Kapag nagtitipon ang mga tagapamahala ng mga mamamayan ng Israel, sinusunod nila ang mga ipinatutupad ng Panginoon at ang kanyang mga tuntunin para sa Israel.”
22 Sinabi ni Moises tungkol sa lahi ni Dan,
“Ang lahi ni Dan ay katulad sa mga batang leon na tumatalon-talon mula sa Bashan.”
23 Sinabi ni Moises tungkol sa lahi ni Naftali,
“Ang lahi ni Naftali ay sagana sa pagpapala ng Panginoon. Maangkin sana nila ang lupain sa kanluran[q] at sa timog.”
24 Sinabi ni Moises tungkol sa lahi ni Asher,
“Pagpalain sana ng Panginoon ang lahi ni Asher ng higit pa sa lahat ng lahi ng Israel.
Sana ay maging masaya sa kanila ang kapwa nila mga Israelita at maging sagana ang kanilang langis.
25 At sanaʼy maprotektahan ng mga tarangkahang bakal at tanso ang mga pintuan ng kanilang lungsod,
at sanaʼy manatili ang kanilang kadakilaan habang silaʼy nabubuhay.
26 Walang katulad ang Dios ng Israel.[r]
Sa kanyang kadakilaan, sumasakay siya sa ulap para matulungan kayo. Sa kanyang kadakilaan dumarating siya mula sa kalangitan.
27 Ang walang hanggang Dios ang inyong kanlungan;
palalakasin niya kayo sa pamamagitan ng walang hanggan niyang kapangyarihan.
Palalayasin niya ang inyong mga kaaway sa inyong harapan,
at iuutos niya sa inyo ang pagpapabagsak sa kanila.
28 Kaya mamumuhay ang Israel na malayo sa kapahamakan, sa lupaing sagana sa trigo at bagong katas ng ubas,
at kung saan ang hamog na mula sa langit ay nagbibigay ng tubig sa lupa.
29 Pinagpala kayo, mga mamamayan ng Israel!
Wala kayong katulad – isang bansa na iniligtas ng Panginoon.
Ang Panginoon ang mag-iingat at tutulong sa inyo,
at siya ang makikipaglaban para sa inyo.
Gagapang ang inyong mga kaaway papunta sa inyo, at tatapakan ninyo sila sa likod.”[s]
Ang Pagkamatay ni Moises
34 Mula sa kapatagan ng Moab, umakyat si Moises sa Bundok ng Nebo sa tuktok ng Pisga na nakaharap sa Jerico. Doon ipinakita ng Panginoon ang buong lupain – mula sa Gilead hanggang sa Dan, 2 ang buong lupain ng Naftali, ang lupain ng Efraim at ng Manase, ang buong lupain ng Juda hanggang sa Dagat ng Mediteraneo,[t] 3 ang Negev, at ang buong lupain mula sa Lambak ng Jerico (ang lungsod ng mga palma) hanggang sa Zoar.
4 Pagkatapos, sinabi ng Panginoon kay Moises, “Iyan ang lupaing ipinangako ko kina Abraham, Isaac at Jacob, at sinabi kong ibibigay ko ito sa kanilang salinlahi. Ipinakita ko ito sa iyo, pero hindi ka makakapunta roon.”
5 Kaya namatay si Moises na lingkod ng Panginoon, ayon sa sinabi ng Panginoon. 6 Inilibing siya sa Moab, sa lambak na nakaharap sa Bet Peor, pero hanggang ngayon ay walang nakakaalam kung saan talaga siya inilibing. 7 Si Moises ay 120 taong gulang nang mamatay, pero malakas pa rin siya, at malinaw pa ang paningin. 8 Nagluksa ang mga Israelita kay Moises doon sa kapatagan ng Moab sa loob ng 30 araw.
9 Ngayon, si Josue na anak ni Nun ay binigyan ng Espiritu ng karunungan dahil pinili siya ni Moises na pumalit sa kanya sa pamamagitan ng pagpapatong ng kamay nito sa kanya. Kaya sinunod siya ng mga Israelita, at ginawa nila ang lahat ng iniutos ng Panginoon kay Moises.
10 Mula noon, wala nang propeta pa sa Israel na katulad ni Moises, na nakakausap ng Panginoon nang harapan. 11 Isinugo ng Panginoon si Moises para gumawa ng mga himala at mga kamangha-manghang bagay sa Egipto laban sa Faraon, sa kanyang mga opisyal at sa buong bansa. 12 Wala nang nakagawa pa ng mga makapangyarihan at kamangha-manghang bagay na katulad ng ginawa ni Moises sa harap ng lahat ng Israelita.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®