Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Bible in 90 Days

An intensive Bible reading plan that walks through the entire Bible in 90 days.
Duration: 88 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Leviticus 1:1-14:32

Ang Handog na Sinusunog

1-2 Tinawag ng Panginoon si Moises at kinausap doon sa Toldang Tipanan.[a] Inutusan niya si Moises na sabihin sa mga taga-Israel:

Kapag may naghahandog sa inyo ng hayop sa Panginoon, maghandog siya ng baka, tupa, o kambing. Kung baka ang kanyang iaalay bilang handog na sinusunog, kinakailangan ay lalaking baka at walang kapintasan. Ihahandog niya ito malapit sa may pintuan ng Toldang Tipanan, para sa pamamagitan ng handog na ito ay tanggapin siya ng Panginoon. Ipapatong niya ang kanyang kamay sa ulo ng bakang inihahandog niya, at itoʼy tatanggapin ng Panginoon para matubos siya sa kanyang mga kasalanan.[b] Pagkatapos, kakatayin niya ang bakang iyon sa presensya ng Panginoon. At ang dugo nitoʼy iwiwisik sa paligid ng altar, sa bandang pintuan ng Toldang Tipanan ng mga pari na mula sa angkan ni Aaron. Pagkatapos mabalatan at hiwa-hiwain ng naghahandog ang baka, ang mga paring mula sa angkan ni Aaron ay magpapaningas ng apoy sa altar at lalagyan ng panggatong na inayos ng mabuti. At ilalagay nila nang maayos sa apoy ang mga hiniwang karne, pati ang ulo at taba. Pero huhugasan muna ng naghahandog ang mga lamang-loob, ang mga hita at pagkatapos, susunugin ng pari ang mga ito roon sa altar bilang handog na sinusunog. Ang mabangong samyo ng handog na ito sa pamamagitan ng apoy[c] ay makalulugod sa Panginoon.

10 Kapag tupa o kambing ang iaalay ng tao bilang handog na sinusunog, kailangan ding lalaki at walang kapintasan. 11 Kakatayin niya ito sa presensya ng Panginoon doon sa gawing hilaga ng altar. At ang dugo nitoʼy iwiwisik sa paligid ng altar ng mga paring mula sa angkan ni Aaron. 12 At pagkatapos na hiwa-hiwain ito ng naghahandog, ilalagay ito nang maayos ng pari sa apoy pati na ang ulo at taba. 13 Pagkatapos, huhugasan ng naghahandog ang mga lamang-loob at mga paa, at saka ibibigay sa pari para sunugin sa altar bilang handog na sinusunog. Ang mabangong samyo ng handog na ito sa pamamagitan ng apoy ay makalulugod sa Panginoon.

14 Kapag ibon ang iaalay ng isang tao bilang handog na sinusunog para sa Panginoon, kinakailangang kalapati o batu-bato.[d] 15 Itoʼy dadalhin ng pari sa altar, pipilipitin niya ang leeg hanggang sa maputol at patutuluin ang dugo sa paligid ng altar. Ang ulo nito ay susunugin doon sa altar. 16 Pagkatapos, aalisin niya ang butsi at bituka[e] nito, at ihahagis sa gawing silangan ng altar sa pinaglalagyan ng abo. 17 At pagkatapos, bibiyakin niya ang ibon sa pamamagitan ng paghila ng mga pakpak nito, pero hindi niya paghihiwalayin, at saka niya susunugin ang ibon doon sa altar bilang handog na sinusunog. Ang mabangong samyo ng handog na ito sa pamamagitan ng apoy ay makalulugod sa Panginoon.

Handog ng Pagpaparangal sa Panginoon

Kapag may nag-aalay ng handog ng pagpaparangal[f] sa Panginoon, gagamitin niya ang magandang klaseng harina, at lalagyan niya ng langis[g] at insenso. Dadalhin niya ito sa mga paring mula sa angkan ni Aaron. Kukuha ang pari ng isang dakot na pinagsama-samang harina at langis, at susunugin niya ito sa altar kasama na ang insenso na inilagay sa harina. Susunugin niya ito na pinakaalaala sa Panginoon.[h] Ang mabangong samyo ng handog na ito sa pamamagitan ng apoy[i] ay makalulugod sa Panginoon. Ang natirang harina ay para kay Aaron at sa kanyang angkan, at ito ang pinakabanal na bahagi na mula sa handog sa pamamagitan ng apoy para sa Panginoon.

Kapag may naghahandog ng tinapay na niluto sa hurno para parangalan ang Panginoon, kailangang gawa ito sa magandang klaseng harina at hindi nilagyan ng pampaalsa. Maaaring maghandog ng makapal na tinapay na hinaluan ng langis o ang manipis na tinapay na pinahiran ng langis.

Kung ang tinapay na ihahandog ay niluto sa kawali, kinakailangang gawa ito sa magandang klaseng harina at may halong langis, pero walang pampaalsa. Pipira-pirasuhin ito at lalagyan ng langis. Itoʼy handog ng pagpaparangal.

Kung ang tinapay na ihahandog ay niluto sa kawali, kinakailangang gawa ito sa magandang klaseng harina at nilagyan ng langis.

Ang ganitong uri ng mga handog ay dadalhin sa pari para ihandog sa Panginoon doon sa altar. Babawasan ito ng pari at ang ibinawas na iyon ay susunugin niya sa altar na pinakaalaala sa Panginoon. Ang mabangong samyo ng handog na ito sa pamamagitan ng apoy ay makalulugod sa Panginoon. 10 Ang natirang harina ay para kay Aaron at sa kanyang angkan, at ito ang pinakabanal na bahagi na mula sa handog sa pamamagitan ng apoy na inihandog para sa Panginoon.

11 Huwag kayong mag-alay ng mga handog na may pampaalsa bilang handog ng pagpaparangal sa Panginoon, dahil hindi kayo dapat magsunog ng mga pampaalsa o pulot sa inyong paghahandog sa Panginoon ng handog sa pamamagitan ng apoy. 12 Maaari ninyong ihandog ang pampaalsa o pulot bilang handog mula sa una ninyong ani,[j] pero huwag ninyong susunugin sa altar. 13 Lagyan ninyo ng asin ang lahat ng inyong handog ng pagpaparangal, dahil ang asin ay tanda ng inyong walang hanggang kasunduan sa Panginoon. Kaya lagyan ninyo ng asin ang lahat ng inyong handog.

14 Kapag maghahandog kayo mula sa una ninyong ani para parangalan ang Panginoon, maghandog kayo ng mga giniling na butil[k] na binusa. 15 Lagyan ninyo ito ng langis at insenso. Itoʼy handog ng pagpaparangal. 16 At mula sa handog na itoʼy kukuha ang pari ng giniling na butil na nilagyan ng langis at insenso at susunugin na pinakaalaala sa Panginoon. Itoʼy handog sa pamamagitan ng apoy para sa Panginoon.

Handog para sa Mabuting Relasyon

Kapag may naghahandog ng baka bilang handog para sa mabuting relasyon, kinakailangang ang ihahandog niya sa presensya ng Panginoon ay walang kapintasan. Ipapatong niya ang kanyang kamay sa ulo ng baka na ihahandog niya at pagkatapos, papatayin niya sa may pintuan ng Toldang Tipanan. At iwiwisik ng mga paring mula sa angkan ni Aaron ang dugo nito sa paligid ng altar. Kukuha ang pari ng bahagi na susunugin niya para sa Panginoon. Kukunin niya ang lahat ng taba na nasa loob ng tiyan, at ang nasa lamang-loob, ang mga bato[l] at ang taba nito, pati na ang maliit na bahagi ng atay. Ang mga itoʼy susunugin ng mga pari sa altar kasama ng handog na sinusunog. Ang mabangong samyo ng handog na ito sa pamamagitan ng apoy[m] ay makalulugod sa Panginoon.

Kung ang ihahandog niya para sa mabuting relasyon ay tupa o kambing, lalaki man o babae, kinakailangang itoʼy walang kapintasan. Kung maghahandog siya ng tupa sa Panginoon, ipapatong niya ang kanyang kamay sa ulo ng tupa at papatayin niya sa harap ng Toldang Tipanan. At iwiwisik ng mga paring mula sa angkan ni Aaron ang dugo nito sa paligid ng altar. At mula sa handog na itoʼy kukuha ng bahagi na susunugin para sa Panginoon; ang mga taba, ang buntot na mataba na sagad sa gulugod ang pagkakaputol, ang lahat ng taba sa lamang-loob, 10 ang mga bato at ang taba nito, pati na ang maliit na bahagi ng atay. 11 Ang lahat ng itoʼy susunugin ng pari sa altar bilang handog na pagkain.[n] Itoʼy handog sa pamamagitan ng apoy para sa Panginoon.

12 Kung maghahandog siya ng kambing sa presensya ng Panginoon, 13 ipapatong niya ang kanyang kamay sa ulo ng kambing at papatayin niya sa harap ng Toldang Tipanan. Iwiwisik ng paring mula sa angkan ni Aaron ang dugo nito sa palibot ng altar. 14 Pagkatapos, kukuha ang pari ng bahagi na susunugin niya para sa Panginoon mula sa handog na ito. Kukunin niya ang lahat ng taba sa lamang-loob, 15 ang mga bato at ang taba nito, pati na ang maliit na bahagi ng atay. 16 Ang lahat ng itoʼy susunugin ng pari sa altar bilang handog na pagkain. Ang mabangong samyo ng handog na ito sa pamamagitan ng apoy ay makalulugod sa Panginoon. Ang lahat ng taba ay sa Panginoon.

17 Huwag kayong kakain ng taba o dugo. Dapat ninyong sundin ang tuntuning ito kahit saan kayo tumira, kayo at ang susunod pa ninyong mga henerasyon.

Ang Handog sa Paglilinis

1-2 Nag-utos din ang Panginoon kay Moises na sabihin sa mga taga-Israel na ang sinumang makalabag sa kanyang utos nang hindi sinasadya ay kinakailangang gawin ito:

Kung ang punong pari ang nagkasala ng hindi sinasadya at dahil dito ay nadamay ang mga tao, maghahandog siya sa Panginoon ng isang batang toro na walang kapintasan bilang handog sa paglilinis. Dadalhin niya ang toro sa presensya ng Panginoon doon sa pintuan ng Toldang Tipanan. At ipapatong niya ang kanyang kamay sa ulo ng toro at saka niya ito papatayin. Kukuha ng dugo ng toro ang punong pari at dadalhin niya sa loob ng Tolda. Ilulubog niya ang kanyang daliri sa dugo at iwiwisik ng pitong beses sa harap ng tabing na tumatabing sa Pinakabanal na Lugar, sa presensya ng Panginoon. Pagkatapos, papahiran niya ng dugo ang parang sungay sa mga sulok ng altar na pagsusunugan ng insenso sa loob ng Tolda sa presensya ng Panginoon. At ang natitirang dugo ng toro ay ibubuhos niya sa ilalim ng altar na pagsusunugan ng handog na sinusunog. Ang altar na itoʼy malapit sa pintuan ng Tolda. Pagkatapos, kukunin niya ang lahat ng taba sa lamang-loob ng toro, ang mga bato at ang taba nito, pati na ang maliit na bahagi ng atay. 10 (Ganito rin ang gagawin sa hayop na handog para sa mabuting relasyon.) Pagkatapos, ang mga itoʼy susunugin ng pari sa altar na pinagsusunugan ng handog na sinusunog. 11-12 Pero ang natitirang bahagi ng hayop, katulad ng balat, laman, ulo, mga paa at nasa loob ng tiyan, pati na ang lamang-loob,[o] ay dadalhin sa labas ng kampo at susunugin sa lumalagablab na siga ng mga kahoy, doon sa itinuturing na malinis na lugar na pinagtatapunan ng abo.

13 Kung ang buong mamamayan ng Israel ay makalabag sa utos ng Panginoon nang hindi sinasadya, sila ay nagkasala pa rin kahit hindi nila ito nalalaman. 14 Kapag alam na nila na silaʼy nagkasala nga, ang lahat ng mamamayan ay maghahandog ng batang toro bilang handog sa paglilinis. Dadalhin nila ang toro sa Toldang Tipanan. 15 Pagkatapos, ipapatong ng mga tagapamahala ng Israel ang kanilang kamay sa ulo ng toro at saka papatayin sa presensya ng Panginoon. 16 Kukuha ng dugo ng toro ang punong pari at dadalhin niya sa loob ng Tolda. 17 At ilulubog niya ang kanyang daliri sa dugo at iwiwisik ng pitong beses sa tabing na tumatabing sa Pinakabanal na Lugar, sa presensya ng Panginoon. 18 Pagkatapos, papahiran niya ng dugo ang parang sungay sa mga sulok ng altar na nasa loob ng Tolda sa presensya ng Panginoon. At ang natitirang dugo ay ibubuhos niya sa ilalim ng altar na pinagsusunugan ng handog na sinusunog. Ang altar na itoʼy malapit sa pintuan ng Tolda. 19-21 At ang gagawin niya sa toro na itoʼy katulad din ng ginawa niya sa torong handog sa paglilinis. Kukunin niya ang lahat ng taba ng toro at susunugin sa altar, at susunugin ang toro sa labas ng kampo. Sa pamamagitan ng gagawing ito ng punong pari, ang mga taga-Israel ay matutubos sa kanilang mga kasalanan at patatawarin ng Panginoon ang mga kasalanan nila. Ito ang handog sa paglilinis para sa buong sambayanan ng Israel.

22 Kung ang isang pinuno ay nakalabag sa utos ng Panginoon na kanyang Dios nang hindi sinasadya, nagkasala pa rin siya. 23 At kapag nalaman niya na siya pala ay nagkasala, maghahandog siya ng isang lalaking kambing na walang kapintasan. 24 Ito ay handog para sa paglilinis ng kanyang kasalanan. Ipapatong niya ang kanyang kamay sa ulo ng kambing at papatayin ito sa presensya ng Panginoon sa dakong pinagpapatayan ng mga hayop na inihahandog bilang handog na sinusunog. 25 Ilulubog ng pari ang kanyang daliri sa dugo ng kambing at ipapahid sa parang sungay sa mga sulok ng altar na pinagsusunugan ng mga handog na sinusunog. At ang natitirang dugo ay ibubuhos niya sa ilalim ng altar. 26 Susunugin niya ang lahat ng taba sa altar katulad ng kanyang ginawa sa mga taba ng hayop na handog para sa mabuting relasyon. Sa pamamagitan ng gagawing ito ng pari, matutubos ang tao sa kanyang mga kasalanan at patatawarin siya ng Panginoon.

27 Kung ang isang pangkaraniwang tao ay makalabag sa alin mang utos ng Panginoon nang hindi sinasadya, nagkasala pa rin siya. 28 At kapag nalaman niyang siyaʼy nagkasala, maghahandog siya ng babaeng kambing na walang kapintasan para sa nagawa niyang kasalanan. 29 Ipapatong niya ang kanyang kamay sa ulo ng kambing na handog sa paglilinis, at papatayin niya ito sa may Tolda, sa dakong pinagpapatayan ng mga hayop na handog na sinusunog. 30 Ilulubog ng pari ang kanyang daliri sa dugo ng kambing at ipapahid sa parang sungay sa mga sulok ng altar na pinagsusunugan ng mga handog na sinusunog. At ang natitirang dugo ay ibubuhos niya sa ilalim ng altar. 31 Pagkatapos, kukunin niya ang lahat ng taba ng kambing katulad ng ginawa niya sa hayop na handog para sa mabuting relasyon. At susunugin niya sa altar ang taba at magiging mabangong samyo na handog at makalulugod sa Panginoon. Sa pamamagitan ng gagawing ito ng pari, ang taoʼy matutubos at patatawarin siya ng Panginoon.

32 Kung tupa naman ang ihahandog ng tao para maging malinis siya sa kanyang kasalanan, kinakailangang itoʼy babaeng tupa na walang kapintasan. 33 Ipapatong niya ang kanyang kamay sa ulo ng tupa at papatayin sa Tolda sa patayan ng mga hayop na handog na sinusunog. 34 Ilulubog ng pari ang kanyang daliri sa dugo ng tupa at ipapahid sa parang sungay sa mga sulok ng altar na pinagsusunugan ng handog na sinusunog. Ang natitirang dugo ay ibubuhos niya sa ilalim ng altar. 35 Pagkatapos, kukunin niya ang lahat ng taba ng tupa katulad ng ginawa niya sa tupang handog para sa mabuting relasyon. At susunugin niya ang taba sa altar pati na ang iba pang mga handog sa pamamagitan ng apoy para sa Panginoon. Sa pamamagitan ng gagawing ito ng pari, matutubos ang tao sa kanyang mga kasalanan at patatawarin siya ng Panginoon.

Kung ang isang taoʼy ipinatawag sa hukuman para sumaksi sa pangyayaring kanyang nakita o nalalaman, at siyaʼy tumanggi, may pananagutan siya. Kung may nakahipo ng anumang bagay na itinuturing na marumi, katulad ng mga patay na hayop na marumi,[p] siyaʼy nagkasala at naging marumi[q] kahit hindi niya alam na nakahipo siya. Kung siyaʼy nakahipo ng mga maruming bagay ng tao,[r] kahit hindi niya alam na siyaʼy naging marumi, ituturing pa ring nagkasala siya kapag nalaman niya. Kung ang isang tao ay nanumpa nang pabigla-bigla, mabuti man o masama ang isinumpa niya, siyaʼy nagkasala kapag nalaman niya ang kanyang ginawa. Kapag nalaman ng isang tao na nagkasala siya ng alinman sa mga nabanggit, kinakailangang ipahayag niya ang kanyang kasalanan. At bilang kabayaran sa kasalanang nagawa niya, maghahandog siya sa Panginoon ng babaeng tupa o kambing bilang handog sa paglilinis. Ihahandog ito ng pari para matubos siya sa kanyang kasalanan.

Pero kung hindi niya kayang maghandog ng tupa, maghahandog siya ng dalawang kalapati o dalawang ibon na batu-bato bilang kabayaran sa kanyang kasalanan. Ang isaʼy bilang handog sa paglilinis at ang isaʼy bilang handog na sinusunog. Dadalhin niya ito sa pari at ang unang ihahandog ng pari ay ang handog sa paglilinis. Pipilipitin ng pari ang leeg ng ibon pero hindi ito puputulin. At ang dugo nitoʼy iwiwisik niya sa paligid ng altar, at ang natitirang dugo ay ibubuhos sa ilalim ng altar. Ito ang handog sa paglilinis. 10 Ihahandog din ng pari ang isa pang handog na sinusunog ayon sa paraan ng paghahandog nito. Ganito ang paraan na gagawin ng pari para matubos ang tao sa kanyang kasalanan at patatawarin siya ng Panginoon.

11 Pero kung hindi niya kayang maghandog ng dalawang kalapati o dalawang ibon na batu-bato, maghahandog na lang siya ng dalawang kilo ng magandang klaseng harina. Huwag niyang lalagyan ng langis at insenso dahil itoʼy handog sa paglilinis at hindi handog ng pagpaparangal. 12 Dadalhin niya ito sa pari at babawasan ng pari ng isang dakot bilang pag-alaala sa Panginoon. Ang isang dakot na iyon ay susunugin niya sa altar pati ang iba pang mga handog sa pamamagitan ng apoy para sa Panginoon. Ito ang handog sa paglilinis. 13 Sa pamamagitan ng gagawing ito ng pari, matubos ang tao sa anumang kasalanang nagawa niya at patatawarin siya ng Panginoon. Ang natirang handog na harina ay sa pari na, gaya ng ginagawa sa handog ng pagpaparangal.

Ang Handog na Pambayad ng Kasalanan

14 Ibinigay din ng Panginoon ang utos na ito kay Moises:

15 Kapag ang taoʼy lumabag sa utos ng Panginoon dahil sa hindi niya ibinigay ang anumang nauukol para sa Panginoon, kahit hindi niya sinasadya, kailangang maghandog siya ng lalaking tupa na walang kapintasan bilang kabayaran sa kanyang kasalanan. Maaari rin niyang bayaran ng pilak na katumbas ng halaga ng lalaking tupa ayon sa bigat ng pilak sa timbangang ginagamit ng mga pari. Itoʼy handog na pambayad ng kasalanan.[s] 16 Kinakailangan niyang bayaran ang hindi niya naibigay na nauukol sa Panginoon, at dadagdagan pa niya ng 20 porsiyento ng halagang hindi niya naibigay. Ibibigay niyang lahat ito sa paring maghahandog ng tupa bilang handog na pambayad ng kanyang kasalanan at patatawarin siya ng Panginoon.

17 Kung may tao namang lumabag sa utos ng Panginoon nang hindi niya alam, siyaʼy nagkasala pa rin at may pananagutan sa Panginoon. 18-19 Kung alam na niyang nagkasala siya, kinakailangang magdala siya sa pari ng lalaking tupa na walang kapintasan na ihahandog niya bilang pambayad sa kanyang kasalanan. Maaari rin niyang bayaran ng pilak na katumbas ng halaga ng lalaking tupa ayon sa bigat ng pilak sa timbangan na ginagamit ng mga pari. Sa pamamagitan ng gagawing ito ng pari, matutubos ang tao sa kanyang kasalanang hindi sinasadya at patatawarin siya ng Panginoon.

Ito pa ang sinabi ng Panginoon kay Moises tungkol sa taong lumabag sa nais ng Panginoon sa pamamagitan ng pandaraya sa kanyang kapwa tungkol sa bagay na ipinatago o iniwan sa kanya, o pagnanakaw ng mga bagay na iyon, o pagsasamantala, o pagsisinungaling tungkol sa isang bagay na nawala na hindi raw niya nakita, o pagsumpa ng kasinungalingan na hindi niya nagawa ang alinman sa mga kasalanang nabanggit. Kapag napatunayan na talagang nagkasala siya, kinakailangang ibalik niya ang kanyang ninakaw, o ang anumang nakuha niya sa pandaraya, o ang mga bagay na iniwan o ipinatago sa kanya, o ang mga bagay na nawala na nakita niya, o anumang bagay na ayon sa kanyang panunumpa ay wala sa kanya, pero ang totoo ay nasa kanya. Kinakailangan niya itong ibalik sa may-ari na walang kulang at dadagdagan pa ng 20 porsiyento ng halaga nito. Ibibigay niya ito sa may-ari sa araw na maghahandog siya bilang pambayad sa kanyang kasalanan. Magdadala siya sa pari ng isang tupang walang kapintasan, at ihahandog niya ito sa Panginoon bilang kabayaran sa kanyang kasalanan. At kinakailangang ang halaga nito ay ayon sa bigat ng pilak sa timbangan na ginagamit ng mga pari. Sa pamamagitan ng gagawing ito ng pari, matutubos ang tao sa kanyang kasalanan, at siyaʼy patatawarin ng Panginoon sa alin mang kasalanang nabanggit na kanyang nagawa.

Karagdagang mga Tuntunin tungkol sa Handog na Sinusunog

8-9 Inutusan ng Panginoon si Moises na sabihin kay Aaron at sa mga anak niyang lalaki ang tungkol sa mga tuntuning ito, tungkol sa handog na sinusunog.

Ang handog na ito ay kinakailangang iwanan sa altar hanggang umaga, at kinakailangang patuloy ang pagningas ng apoy sa altar; huwag itong pabayaang mamatay. 10 Kinaumagahan, isusuot ng pari ang mga kasuotan niyang gawa sa telang linen: ang damit pang-ilalim na tatakip sa kanyang kahubaran at ang damit-panlabas. Kukunin niya ang abo ng handog na iyon at ilalagay sa tabi ng altar. 11 Pagkatapos, magpapalit siya ng damit at dadalhin niya ang abo sa labas ng kampo sa itinuturing na malinis na lugar. 12 Kinakailangang ang apoy sa altar ay patuloy na nagniningas. Huwag itong papatayin. Tuwing umagaʼy gagatungan ito ng pari, at aayusin nang mabuti ang mga handog na sinusunog sa itaas ng mga panggatong pati na ang mga taba ng hayop mula sa inialay na handog para sa mabuting relasyon. 13 Patuloy na paniningasin ang apoy sa altar, at huwag itong pabayaang mamatay.

Karagdagang mga Tuntunin tungkol sa Handog na Pagpaparangal sa Panginoon

14 Ito ang mga tuntunin tungkol sa handog na pagpaparangal:

Ang mga paring mula sa angkan ni Aaron ang magdadala nito sa Panginoon sa harap ng altar. 15 Dadakot ang pari sa handog na harinang may halong langis at dadalhin niya sa altar pati ang mga insensong inilagay sa harina. Susunugin niya ito bilang alaala sa Panginoon. Ang mabangong samyo ng handog na itoʼy makalulugod sa Panginoon. 16-17 Ang natitirang harina ay lulutuin at kakainin ni Aaron at ng kanyang mga angkan. Pero itoʼy lulutuin nilang walang pampaalsa, at doon nila kakainin sa banal na lugar sa bakuran ng Toldang Tipanan. Inilaan iyon ng Panginoon para sa kanila bilang bahagi ng pagkaing inihandog sa kanya. Ang handog na pagpaparangal sa Panginoon ay napakabanal, katulad ng handog sa paglilinis, at handog na pambayad ng kasalanan. 18 Ang lahat ng lalaking mula sa angkan ni Aaron hanggang sa kahuli-hulihang angkan ay maaaring kumain nito, dahil ito palagi ang kanilang bahagi sa handog sa pamamagitan ng apoy para sa Panginoon hanggang sa susunod pang mga henerasyon. Ang mga humahawak ng mga handog na ito ay dapat banal.

19 Ito ang sinabi ng Panginoon kay Moises 20 tungkol sa handog para sa Panginoon na iaalay ni Aaron sa araw nang ordinahan siya bilang punong pari, at siya ring gagawin ng angkan niyang papalit sa kanya.

Maghahandog siya ng dalawang kilo ng magandang klaseng harina. Ito ay handog na pagpaparangal sa Panginoon na dapat gawin magpakailanman. Ang kalahati nitoʼy ihahandog niya sa umaga at ang kalahati naman ay sa hapon. 21 Ang harinang ito ay hahaluan ng mantika at lulutuin sa kawali, pagpipira-pirasuhin at ihahandog sa Panginoon bilang handog na pagpaparangal. Ang mabangong samyo nito ay makalulugod sa kanya. 22 Kinakailangang sunugin itong lahat, dahil itoʼy handog para sa Panginoon. Dapat itong sundin magpakailanman. Kailangang gawin ito ng angkan ni Aaron na papalit sa kanya bilang punong pari. 23 Ang lahat ng handog ng pagpaparangal ng mga pari ay kinakailangang sunugin, hindi ito maaaring kainin.

Karagdagang Tuntunin Tungkol sa Handog na Paglilinis sa Kasalanan

24 Inutusan din ng Panginoon si Moises 25 na sabihin kay Aaron at sa mga anak niyang lalaki ang tungkol sa ganitong mga tuntunin.

Ang handog sa paglilinis ay kinakailangang patayin sa presensya ng Panginoon doon sa patayan ng handog na sinusunog. Ang handog sa paglilinis ay napakabanal. 26 Ang paring maghahandog nitoʼy dapat kumain nito roon sa bakuran ng Toldang Tipanan, na isang banal na lugar. 27 Ang sinumang makahipo nito ay mahahawaan ng pagkabanal nito. Ang damit na matatalsikan ng dugo ng handog na itoʼy dapat labhan doon sa banal na lugar sa Tolda. 28 Ang palayok na pinaglutuan ng handog na ito ay dapat basagin. Pero kung kaldero, itoʼy dapat kuskusin at hugasang mabuti ng tubig. 29 Ang lahat ng lalaki sa sambahayan ng pari ay maaaring kumain. Itoʼy napakabanal na handog. 30 Pero kung ang dugo ng handog na itoʼy dinala roon sa Banal na Lugar sa loob ng Tolda para gawing pantubos sa kasalanan ng tao, hindi maaaring kainin ang natirang karne na inihandog. Susunugin na lang ito.

Mga Karagdagang Tuntunin Tungkol sa Handog na Pambayad ng Kasalanan

Ito ang mga tuntunin tungkol sa handog na pambayad ng kasalanan. Napakabanal ng handog na ito.

Ang handog na pambayad ng kasalanan ay doon papatayin sa pinagpapatayan ng mga handog na sinusunog. At ang dugo nitoʼy iwiwisik sa paligid ng altar. Ang lahat ng taba nito ay ihahandog – ang matabang buntot, ang tabang bumabalot sa lamang-loob, ang mga bato at ang taba nito, pati na ang maliit na bahagi ng atay. Lahat ng itoʼy susunugin ng pari sa altar bilang handog sa Panginoon sa pamamagitan ng apoy. Itoʼy handog na pambayad ng kasalanan. Ang matitira ay maaaring kainin ng mga anak na lalaki ng mga pari, pero dapat nila itong kainin doon sa banal na lugar dahil napakabanal nito. Iisa ang tuntunin sa handog sa paglilinis at sa handog na pambayad ng kasalanan. Ang karne sa mga handog na ito ay para sa paring naghandog nito. Ang balat naman ng hayop na inialay bilang handog na sinusunog ay para rin sa paring nag-alay nito. Ganoon din sa lahat ng handog na butil na inialay bilang handog na pagpaparangal sa Panginoon, na niluto sa hurno o sa kawali. 10 At ang lahat ng handog na pagpaparangal, may halo man itong langis o wala ay para na sa mga paring mula sa angkan ni Aaron at paghahati-hatian nila ito ng pantay-pantay.

Mga Karagdagang Tuntunin para sa Handog para sa Mabuting Relasyon

11 Ito ang mga tuntunin tungkol sa handog para sa mabuting relasyon[t] na iniaalay sa Panginoon.

12 Kung ang hayop na handog para sa mabuting relasyon ay inialay bilang handog ng pagpapasalamat sa Panginoon, sasamahan niya ito ng tinapay. Magdadala siya ng tinapay na walang pampaalsa katulad ng makapal na tinapay na hinaluan ng langis, manipis na tinapay na pinahiran ng langis, at tinapay na mula sa magandang klaseng harina na hinaluan ng langis. 13 Maliban dito, magdadala rin siya ng tinapay na may pampaalsa. 14 Siyaʼy maghahandog mula sa bawat uri ng tinapay na ito bilang kaloob sa Panginoon. At ang mga tinapay na ito na inihandog ay para na sa paring nagwiwisik ng dugo ng hayop na handog para sa mabuting relasyon. 15 Ang karne ng hayop na inihandog bilang pagpapasalamat sa Panginoon ay dapat kainin ng taong naghandog nito at ng sambahayan niya at ng mga pari sa araw ding iyon, at dapat walang matira kinaumagahan.

16 Pero kung ang kanyang handog para sa mabuting relasyon ay inialay niya bilang handog para tuparin ang isang panata o handog na kusang-loob, ang karne ay makakain sa araw ng paghahandog at ang matitira ay maaari pa ring kainin kinabukasan. 17 At kung mayroon pa ring matira hanggang sa pangatlong araw, dapat na itong sunugin. 18 Kapag may kumain pa nito sa pangatlong araw, hindi na tatanggapin ng Panginoon ang handog na ito at magiging walang kabuluhan ang handog niya. Ang handog na ito ay ituturing na kasuklam-suklam at magiging pananagutan pa ng sinumang kumain nito. 19 Kapag ang karne ay hindi sinasadyang nadikit sa anumang bagay na itinuturing na marumi, hindi na iyon dapat kainin, kundi susunugin na lang. Tungkol sa mga karneng maaaring kainin, itoʼy maaaring kainin ng sinumang itinuturing na malinis ayon sa batas. 20 Pero ang sinumang itinuturing na marumi[u] at kakain ng karneng handog para sa mabuting relasyon ay huwag ninyong ituring na kababayan. 21 Ang sinumang nakahipo ng mga bagay na itinuturing na marumi, katulad ng dumi o sakit ng taong nakakahawa, hayop na itinuturing na marumi, o anumang bagay na kasuklam-suklam at pagkatapos ay kumain ng karne na inihandog sa Panginoon ay huwag na ninyong ituring na kababayan.

Pagbabawal ng Pagkain ng Dugo at Taba

22 Nag-utos ang Panginoon kay Moises 23 na sabihin ito sa mga taga-Israel:

Huwag kayong kakain ng taba ng baka, tupa o kambing. 24 Ang taba ng hayop na namatay o pinatay ng ibang hayop ay maaari ninyong gamitin sa anumang nais ninyo, pero huwag ninyong kakainin. 25 Ang sinumang kakain ng taba ng hayop na maaaring ihandog[v] sa Panginoon ay huwag na ninyong ituring na kababayan. 26 At saan man kayo tumira, huwag kayong kakain ng dugo ng hayop o ibon. 27 Ang sinumang kakain ng dugo ay huwag na ninyong ituring na kababayan.

Ang Bahagi ng mga Pari sa mga Handog

28 Nag-utos din ang Panginoon kay Moises 29 na sabihin ito sa mga taga-Israel:

Ang sinumang mag-aalay ng handog para sa mabuting relasyon ay dapat magbukod ng bahagi ng handog na iyon para sa Panginoon na ibibigay sa mga pari. 30 At ang bahaging iyon ng handog ay dadalhin mismo ng maghahandog sa altar upang ialay sa Panginoon bilang handog sa pamamagitan ng apoy. Dadalhin niya ang taba at pitso ng hayop, at itataas niya ang pitso sa presensya ng Panginoon bilang handog na itinataas. 31 Pagkatapos, susunugin ng paring namumuno ng seremonya ang taba sa altar, pero ang pitso ay para kay Aaron at sa kanyang angkan. 32-33 Ang kanang hita ng hayop na inihandog ay ibibigay sa paring naghahandog ng dugo at taba nito. 34 Sapagkat ibinibigay ng Panginoon ang pitso at paa ng inyong handog kay Aaron at sa kanyang mga angkan. Ito ang bahaging para sa kanila magpakailanman.

35 Iyon ang bahagi ng mga handog sa pamamagitan ng apoy para sa Panginoon na ibinigay kay Aaron at sa kanyang mga angkan mula sa araw na silaʼy itinalagang maglingkod sa Panginoon bilang mga pari. 36 Nang araw na inordinahan sila, nag-utos ang Panginoon sa mga taga-Israel na dapat nilang ibigay ang bahaging iyon ng mga pari na para sa kanila magpakailanman, at dapat nila itong sundin hanggang sa susunod pang mga henerasyon.

37 Iyon ang tuntunin tungkol sa handog na sinusunog, handog sa paglilinis, handog na pambayad ng kasalanan, handog sa pagtatalaga at handog para sa mabuting relasyon. 38 Ang mga tuntuning ito ay ibinigay ng Panginoon kay Moises doon sa ilang sa Bundok ng Sinai, noong nag-utos ang Panginoon sa mga taga-Israel na maghandog sa kanya.

Pagtatalaga kay Aaron at sa mga Anak Niyang Lalaki(A)

Sinabi ng Panginoon kay Moises, 2-3 “Papuntahin mo si Aaron at ang mga anak niyang lalaki roon sa pintuan ng Toldang Tipanan, at tipunin mo ang lahat ng taga-Israel doon. Sabihin mo sa mga pari na dalhin nila ang kanilang mga damit pampari, ang langis na pamahid, ang toro na handog sa paglilinis, ang dalawang lalaking tupa, at ang basket na may tinapay na walang pampaalsa.”

Sinunod ni Moises ang iniutos sa kanya ng Panginoon, at nagtipon ang mga taga-Israel sa may pintuan ng Toldang Tipanan. Sinabi sa kanila ni Moises na ang gagawin niya ay iniutos sa kanya ng Panginoon. Dinala niya sa gitna si Aaron at ang mga anak niyang lalaki at silaʼy pinaliguan. Ipinasuot niya kay Aaron ang damit bilang punong pari: ang damit-panloob, ang sinturon, ang damit-panlabas, at ang espesyal na damit[w] at binigkisang mabuti ng hinabing sinturon na maganda ang pagkakagawa. Ipinalagay din ni Moises ang isang lalagyan sa dibdib at doon inilagay ang “Urim” at “Thummim”.[x] At ipinasuot din niya ang turban sa ulo ni Aaron at sa harap ng turban ay ikinabit ang gintong sagisag ng pagtatalaga kay Aaron para sa Panginoon. Ginawang lahat ito ni Moises ayon sa iniutos sa kanya ng Panginoon.

10 Pagkatapos, kinuha ni Moises ang langis at winisikan ang Tolda at ang lahat ng nasa loob bilang pagtatalaga ng lahat ng ito para sa Panginoon. 11 Winisikan din niya ng langis ang altar ng pitong beses at ang lahat ng kagamitan na naroon, pati ang planggana at ang patungan nito. Ginawa ito para ihandog sa Panginoon. 12 Pagkatapos, binuhusan niya ng langis ang ulo ni Aaron bilang pagtatalaga sa kanya sa Panginoon. 13 At pinalapit niya sa gitna ang mga anak na lalaki ni Aaron at ipinasuot sa kanila ang kasuotan nila na pampari at nilagyan ng sinturon. Ipinasuot din sa kanila ang kanilang mga turban. Ginawa ito ni Moises ayon sa iniutos sa kanya ng Panginoon. 14 Pagkatapos nitoʼy ipinakuha ni Moises ang baka na handog sa paglilinis. At ipinatong ni Aaron at ng mga anak niya ang mga kamay nila sa ulo ng baka. 15 Pagkatapos, pinatay ni Moises ang baka at kumuha siya ng dugo. Inilubog niya ang kanyang daliri sa dugo at pinahiran niya ang parang sungay sa mga sulok ng altar para luminis ito. At ang natirang dugo ay ibinuhos niya sa ilalim ng altar. Sa ganitong paraan niya itinalaga ang altar para sa Panginoon upang maging karapat-dapat na lugar na pinaghahandugan ng mga pantubos sa kasalanan. 16 Kinuha rin ni Moises ang lahat ng taba ng lamang-loob ng baka, ang maliit na bahagi ng atay, ang mga bato pati ang taba nito, at sinunog niya ang lahat ng ito roon sa altar. 17 Ang mga natirang bahagi ng baka, katulad ng laman, balat at lamang-loob ay sinunog niya sa labas ng kampo. Ginawa ito ni Moises ayon sa iniutos ng Panginoon. 18 Pagkatapos, ipinakuha ni Moises ang lalaking tupa bilang handog na sinusunog. Ipinatong ni Aaron at ng mga anak niyang lalaki ang kanilang mga kamay sa ulo ng tupa. 19 At pinatay ni Moises ang tupa at iwinisik ang dugo sa paligid ng altar. 20-21 Kinatay niya ang tupa at hinugasan ang mga lamang-loob at paa, at saka sinunog lahat doon sa altar pati na ang ulo at taba bilang handog na sinusunog. Ang mabangong samyo ng handog na ito sa pamamagitan ng apoy ay makalulugod sa Panginoon. Ginawa ito ni Moises ayon sa utos sa kanya ng Panginoon. 22 Ipinakuha rin ni Moises ang pangalawang lalaking tupa. Ito ang handog para sa pagtatalaga. Ipinatong ni Aaron at ng mga anak niyang lalaki ang mga kamay nila sa ulo ng tupa. 23 At pinatay ni Moises ang tupa, kumuha siya ng dugo nito at ipinahid sa ibabang bahagi ng kanang tainga ni Aaron at sa kanang hinlalaki ng kamay at paa niya. 24 Pinapunta rin ni Moises sa gitna ang mga lalaking anak ni Aaron at pinahiran din niya ng dugo sa ibabang bahagi ng kanang tainga nila, at ang kanang hinlalaki ng kanilang kamay at paa. Pagkatapos, iwinisik niya ang natirang dugo sa palibot ng altar. 25 Kinuha rin niya ang mga taba, ang matabang buntot, ang lahat ng taba sa lamang-loob, ang maliit na bahagi ng atay, ang mga bato pati ang taba nito, at ang kanang hita. 26-27 Pagkatapos, kumuha rin si Moises ng tinapay mula sa basket na inihandog sa Panginoon – isang makapal na tinapay na walang pampaalsa, isang tinapay na may halong langis at isang tinapay na manipis. Pinahawakan niya ang lahat ng ito kay Aaron at sa mga anak nito pati na ang lahat ng taba at ang kanang hita ng tupa. At itinaas nila ito sa Panginoon bilang handog na itinataas. 28 Pagkatapos, kinuha iyon ni Moises sa kanila at sinunog sa altar kasama ng handog na sinusunog. Iyon ang handog bilang pagtatalaga sa kanila. Ang mabangong samyo ng handog na ito sa pamamagitan ng apoy ay makalulugod sa Panginoon. 29 Kinuha rin ni Moises ang pitso ng tupa at itinaas sa Panginoon bilang handog na itinataas. Ito ang bahagi niya sa tupang handog ng pagtatalaga. Ang lahat ng itoʼy ginawa ni Moises ayon sa iniutos sa kanya ng Panginoon.

30 Pagkatapos, kumuha si Moises ng banal na langis[y] at ng dugo roon sa altar at winisikan niya si Aaron at ang mga anak niya pati na ang kanilang mga damit. Sa ganitong paraan niya sila inihandog pati ang kanilang mga damit sa Panginoon. 31 At sinabi ni Moises kay Aaron at sa mga anak niyang lalaki, “Lutuin ninyo ang karne malapit sa pintuan ng Toldang Tipanan, at ayon sa iniutos ko sa inyo kainin ninyo ito kasama ang mga tinapay na nasa basket na handog para sa pagtatalaga. 32 Ang matitirang karne at tinapay ay susunugin ninyo. 33 Huwag kayong aalis dito sa loob ng pitong araw hanggaʼt hindi natatapos ang pagtatalaga sa inyo. 34 Ang Panginoon ang nag-utos sa atin na gawin natin ang ating ginagawa ngayon, para matubos kayo sa inyong mga kasalanan. 35 Kinakailangang manatili kayo rito araw at gabi sa loob ng pitong araw, at gawin ninyo ang ipinapagawa sa inyo ng Panginoon para hindi kayo mamatay, dahil ito ang iniutos sa akin ng Panginoon na dapat ninyong gawin.” 36 Kaya sinunod ni Aaron at ng mga anak niya ang lahat ng iniutos ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises.

Sinimulan ng mga Pari ang Kanilang Gawain

Nang ikawalong araw, pagkatapos ng pagtatalaga, ipinatawag ni Moises si Aaron at ang mga anak niyang lalaki at ang mga tagapamahala ng Israel. Sinabi ni Moises kay Aaron, “Kumuha ka ng isang batang toro, at isang lalaking tupa na parehong walang kapintasan, at ihandog sa Panginoon. Ang baka ay handog sa paglilinis, at ang tupa ay handog na sinusunog. Sabihin mo sa mga taga-Israel na magdala sila ng lalaking kambing bilang handog sa paglilinis. At kumuha rin sila ng baka at tupa na kapwa isang taon at walang kapintasan, at ihandog bilang handog na sinusunog. Kumuha rin sila ng isang baka at lalaking tupa bilang handog para sa mabuting relasyon.[z] Ihahandog nila ito kasama ng handog na butil na may halong langis, dahil magpapakita ang Panginoon sa inyo sa araw na ito.”

Kaya dinala nila roon sa harap ng Toldang Tipanan ang lahat ng dadalhin ayon sa sinabi ni Moises sa kanila. At silang lahat ay nagtipon doon sa presensya ng Panginoon. Sinabi ni Moises sa kanila, “Inuutusan kayo ng Panginoon na gawin ninyo ang paghahandog na ito para ipakita niya sa inyo ang kanyang kapangyarihan.” Pagkatapos, sinabi niya kay Aaron, “Lumapit ka sa altar at ialay mo ang iyong handog sa paglilinis at handog na sinusunog para matubos ka at ang sambahayan mo[aa] sa inyong mga kasalanan. At ialay mo rin ang handog ng mga tao para sila rin ay matubos sa kanilang mga kasalanan ayon sa iniutos ng Panginoon.”

Kaya lumapit si Aaron sa altar at pinatay niya ang handog na batang toro bilang handog sa paglilinis. Ang dugo nitoʼy dinala sa kanya ng kanyang mga anak, at inilubog niya ang kanyang daliri sa dugo at iwinisik sa parang sungay sa mga sulok ng altar, at ang natirang dugo ay ibinuhos niya sa ilalim ng altar. 10 Sinunog niya sa altar ang mga taba at ang mga bato, pati na ang maliit na bahagi ng atay ayon sa utos ng Panginoon kay Moises. 11 Ang karne at ang balat ay sinunog niya sa labas ng kampo. 12 Pagkatapos, pinatay din ni Aaron ang mga hayop na para sa handog na sinusunog. Ang dugo ay dinala ng kanyang mga anak sa kanya at iwinisik niya sa palibot ng altar. 13 Dinala rin sa kanya ng mga anak niya ang hiniwa-hiwang mga karne ng handog na hayop, pati ang ulo, at sinunog niya ang mga ito sa altar. 14 Hinugasan niya ang lamang-loob, at mga paa, at sinunog niya ang mga ito sa altar pati na ang iba pang parte ng handog na hayop.

15 Pagkatapos, dinala niya sa gitna ang mga handog na para sa mga tao. Pinatay niya ang kambing na handog sa paglilinis ng mga tao katulad ng kanyang ginawa sa una niyang handog na inialay para maging malinis siya sa kanyang mga kasalanan. 16 Pagkatapos, dinala rin niya sa gitna ang hayop para sa handog na sinusunog, at inihandog niya ayon sa paraan ng paghahandog nito. 17 Dinala rin niya sa gitna ang handog na mga butil. Dumakot siya ng isang dakot na butil at sinunog sa altar kasama ng handog na sinusunog tuwing umaga.

18 Pinatay din ni Aaron ang baka at ang lalaking tupa para sa mga tao na kanilang handog para sa mabuting relasyon. Ang dugo ay dinala sa kanya ng kanyang mga anak at iwinisik niya sa palibot ng altar. 19 Ang taba ng mga ito – ang matabang buntot, ang mga taba sa lamang-loob, ang mga bato, pati na ang maliit na bahagi ng atay 20 ay ipinatong ng mga anak ni Aaron sa pitso ng mga handog na hayop. At sinunog ni Aaron ang mga taba sa altar. 21 Ayon din sa utos ni Moises, itinaas ni Aaron ang pitso at ang kanang hita ng hayop bilang handog na itinataas.

22 Pagkatapos maihandog ni Aaron ang lahat ng ito, itinaas niya ang kanyang mga kamay sa mga tao at binasbasan niya, at pagkatapos, bumaba siya mula sa altar. 23-24 At pumasok sina Moises at Aaron sa loob ng Toldang Tipanan. Paglabas nila, muli nilang binasbasan ang mga tao. At ipinakita ng Panginoon ang kanyang kapangyarihan sa mga tao sa pamamagitan ng apoy na sumunog sa mga handog na nasa altar. Nang itoʼy makita ng mga tao, nagsigawan sila sa tuwa at nagpatirapa para sambahin ang Panginoon.

Namatay si Nadab at Abihu

10 Ang dalawang anak ni Aaron na sina Nadab at Abihu ay kapwa kumuha ng lalagyan ng insenso. Nilagyan nila ito ng mga baga at insenso at inihandog sa Panginoon. Pero ang ginawa nilang itoʼy hindi ayon sa utos ng Panginoon, dahil iba ang apoy na kanilang ginamit para rito.[ab] Kaya nagpadala ng apoy ang Panginoon at sinunog sila hanggang sa silaʼy mamatay sa presensya ng Panginoon doon sa Toldang Tipanan. Sinabi ni Moises kay Aaron, “Iyan ang ibig sabihin ng Panginoon nang sabihin niya,

‘Dapat malaman ng mga pari[ac] na akoʼy banal,
at dapat akong parangalan ng lahat ng tao.’ ”

Hindi umimik si Aaron. Ipinatawag ni Moises si Mishael at si Elzafan na mga anak ni Uziel na tiyuhin ni Aaron at sinabi niya sa kanila, “Kunin ninyo ang mga bangkay ng inyong mga pinsan sa Tolda at dalhin ninyo sa labas ng kampo.” Kaya kinuha nila ang mga bangkay, sa pamamagitan ng paghawak sa mga damit nito at dinala sa labas ng kampo ayon sa utos ni Moises. Pagkatapos, sinabi ni Moises kay Aaron at sa mga anak niyang sina Eleazar at Itamar, “Huwag ninyong guguluhin ang inyong buhok o pupunitin man ang inyong damit para ipakita ang inyong pagluluksa sa namatay. Kapag ginawa ninyo iyon, pati kayo ay mamamatay at magagalit ang Panginoon sa lahat ng taga-Israel. Pero maaaring magluksa ang mga Israelitang kamag-anak ninyo para sa kanilang dalawa na sinunog ng Panginoon. Huwag muna kayong umalis sa pintuan ng Tolda.[ad] Mamamatay kayo kapag umalis kayo, dahil pinili kayo ng Panginoon para maging mga pari sa pamamagitan ng pagpahid sa inyo ng langis.” At sinunod nila ang iniutos ni Moises.

Sinabi ng Panginoon kay Aaron, “Ikaw at ang iyong mga anak ay hindi dapat uminom ng alak o ng anumang inuming nakakalasing kapag papasok sa Tolda. Kapag ginawa ninyo iyon, mamamatay kayo. Dapat ninyong sundin ang tuntuning ito, kayo at ng susunod pang mga henerasyon. 10 Dapat ninyong malaman kung alin ang para sa Panginoon at kung alin ang para sa lahat, kung alin ang malinis at marumi. 11 Kinakailangang turuan ninyo ang kapwa ninyo Israelita tungkol sa lahat ng tuntuning ibinigay ko sa inyo sa pamamagitan ni Moises.”

12 Sinabi ni Moises kay Aaron at sa dalawang anak niyang natitira na sina Eleazar at Itamar, “Kunin ninyo ang natirang handog na pagpaparangal mula sa mga handog sa pamamagitan ng apoy para sa Panginoon. Lutuin ninyo iyon nang walang pampaalsa at kainin ninyo malapit sa altar dahil napakabanal niyon. 13 Iyon ang inyong bahagi mula sa handog sa pamamagitan ng apoy para sa Panginoon. Ito ang iniutos sa akin ng Panginoon. 14 Pero ang pitso at hita ng hayop na itinaas at inihandog sa Panginoon ay para sa iyo at sa iyong buong sambahayan. Kainin ninyo iyon sa lugar na itinuturing nating malinis. Itoʼy ibinibigay sa inyo bilang bahagi ninyo mula sa handog ng mga taga-Israel na handog para sa mabuting relasyon. 15 Kapag naghandog ang mga taga-Israel, ihandog nila ang pitso, at hita ng hayop pati na ang mga taba bilang handog sa pamamagitan ng apoy. Ang pitso at hita ay itataas nila sa Panginoon bilang handog na itinataas. Pagkatapos, ibibigay nila ito sa inyo dahil ito ang inyong bahagi sa handog. Itoʼy para sa inyo, at sa inyong mga angkan magpakailanman ayon sa iniutos ng Panginoon.”

16 Nang siyasatin ni Moises ang tungkol sa kambing na handog sa paglilinis,[ae] napag-alaman niyang nasunog na itong lahat.[af] Kaya nagalit siya kina Eleazar at Itamar at sinabihan, 17 “Bakit hindi ninyo kinain ang handog sa paglilinis sa banal na lugar? Ang handog na iyon ay napakabanal, at iyon ay ibinigay ng Panginoon sa inyo para matubos ang mga tao sa kanilang mga kasalanan sa presensya ng Panginoon. 18 Sapagkat ang dugo nito ay hindi dinala sa loob ng Banal na Lugar, kinain sana ninyo iyon doon sa Tolda, ayon sa sinabi ko sa inyo.”

19 Pero sumagot si Aaron kay Moises, “Kanina, naghandog ang aking mga anak ng kanilang handog sa paglilinis at handog na sinusunog,[ag] pero namatay ang dalawa sa kanila. Sa nangyaring ito sa aking mga anak, matutuwa kaya ang Panginoon kung kinain ko ang handog sa paglilinis ngayong araw?” 20 Sumang-ayon si Moises sa sagot ni Aaron.

Ang mga Hayop na Itinuturing na Malinis at Marumi(B)

11 1-3 Inutusan ng Panginoon si Moises at si Aaron na sabihin sa mga taga-Israel ang mga sumusunod:

“Pwede ninyong kainin ang anumang hayop na lumalakad sa lupa na biyak ang kuko at nginunguyang muli ang kinain nito.[ah] 4-8 Pero huwag ninyong kakainin ang mga hayop na nginunguyang muli ang kinain nito pero hindi naman biyak ang mga kuko katulad ng kamelyo at kuneho. Huwag din ninyong kakainin ang baboy dahil kahit biyak ang kuko nito hindi naman nginunguyang muli ang kinain nito. Ituring ninyo na maruruming[ai] hayop ang mga ito. Huwag kayong kakain ng karne ng mga ito o hihipo ng mga patay na hayop na ito.

9-12 “Pwede nʼyong kainin ang mga isda sa dagat o tubig-tabang na may mga palikpik at kaliskis. Pero huwag ninyong kakainin ang mga walang palikpik at kaliskis, at huwag din kayong hihipo ng mga patay na isdang ito. Ituring ninyong kasuklam-suklam ang mga isdang ito.

13-19 “Huwag ninyong kakainin ang mga ibon[aj] katulad ng agila, uwak, ibon na kumakain ng bangkay ng tao o hayop, lawin, kuwago, ibong naninila, ibong dumadagit ng isda, tagak, at paniki.[ak] Ituring ninyong kasuklam-suklam ang mga ibon na ito.

20-23 “Pwede nʼyong kainin ang mga kulisap na lumilipad at gumagapang na may malalaking paa sa paglundag, katulad ng balang, kuliglig, at tipaklong. Pero huwag ninyong kakainin ang iba pang mga kulisap na lumilipad at gumagapang. Ituring ninyong kasuklam-suklam ang mga ito.

24-28 “Huwag kayong hihipo ng bangkay ng hayop na hindi biyak ang kuko at hindi nginunguyang muli ang kinain nito. Huwag din kayong hihipo ng bangkay ng mga hayop na apat ang paa at may kukong pangkalmot.[al] Ituring ninyong marumi ang mga hayop na ito. Ang sinumang makahipo ng bangkay nila ay dapat maglaba ng kanyang damit,[am] pero ituturing pa rin siyang marumi hanggang sa paglubog ng araw.

29-31 “Ituring ninyong marumi ang mga hayop na gumagapang katulad ng daga, bubwit, butiki, tuko, bayawak, buwaya, bubuli at hunyango.[an] Ang sinumang makahipo ng mga bangkay nito ay ituturing na marumi hanggang sa paglubog ng araw. 32 Ang alin mang bagay na mahulugan ng patay na katawan nito ay magiging marumi, maging itoʼy yari sa kahoy, tela, balat, o sako at ginagamit kahit saan. Itoʼy dapat hugasan ng tubig,[ao] pero ituturing pa rin na marumi hanggang sa paglubog ng araw. 33 Kapag ang palayok o banga ay nahulugan ng patay na hayop na ito, ang lahat ng laman sa loob nito ay marumi na, at itoʼy dapat nang basagin. 34 Ang lahat ng pagkain na nilagyan ng tubig na mula sa bangang iyon ay marumi na. At marumi na rin ang anumang inumin na nasa bangang iyon. 35 Ang alin mang mahulugan ng patay na katawan ng mga iyon ay magiging marumi. Kapag ang nahulugan ay pugon o palayok, ituring ninyong marumi iyon at dapat basagin. 36 Ang batis o balon na mahulugan ng kanilang patay na katawan ay mananatiling malinis,[ap] pero ang sinumang makahipo ng patay na katawan na iyon ay magiging marumi. 37 Ang alin mang binhi na mahulugan nito ay mananatiling malinis, 38 pero kung ang binhi ay nakababad na sa tubig, ang binhing iyon ay magiging marumi na.

39 “Kung mamatay ang alin mang hayop na maaaring kainin, ang sinumang humipo nito ay ituturing na marumi, hanggang sa paglubog ng araw. 40 Ang sinumang kukuha at kakain nito ay dapat maglaba ng kanyang damit pero ituturing pa rin siyang marumi hanggang sa paglubog ng araw.[aq]

41-42 “Huwag ninyong kakainin ang anumang hayop na gumagapang dahil kasuklam-suklam ito: ang anumang gumagapang sa pamamagitan ng kanyang tiyan o apat na paa o maraming paa dahil iyon ay marumi. 43-44 Huwag ninyong dudungisan ang inyong sarili sa pamamagitan ng pagkain ng alinman sa mga ito, dahil ako ang Panginoon na inyong Dios. Italaga ninyo ang inyong sarili para sa akin at kayoʼy magpakabanal dahil akoʼy banal. 45 Ako ang Panginoon na naglabas sa inyo sa Egipto para akoʼy maging Dios ninyo. Kaya dapat kayong mamuhay nang banal dahil akoʼy banal.

46 “Sa pamamagitan ng mga tuntuning ito tungkol sa lahat ng uri ng hayop, ibon at isda, 47 malalaman ninyo kung alin ang malinis at marumi, ang pwede at hindi pwedeng kainin.”

Mga Tuntunin Tungkol sa Babaeng Nanganak

12 Inutusan ng Panginoon si Moises na sabihin ito sa mga taga-Israel:

Kung ang isang babae ay nanganak ng lalaki, siyaʼy ituturing na marumi[ar] sa loob ng pitong araw, tulad nang panahong siya ay may buwanang dalaw. Sa ikawalong araw, tutuliin ang kanyang anak. Dahil sa siyaʼy dinudugo pa, maghihintay pa siya hanggang sa makalipas ang 33 araw bago siya ituring na malinis[as] dahil sa dugo ng panganganak. Hindi siya maaaring humipo ng kahit anumang bagay at hindi siya maaaring pumunta sa Toldang Tipanan hanggang sa matapos ang kanyang paglilinis. Kung babae ang anak niya, ituturing siyang marumi sa loob ng 14 na araw, tulad nang panahong siya ay siyaʼy may buwanang dalaw. Maghihintay pa siya ng 66 na araw bago siya ituring na malinis mula sa dugo ng panganganak.

Kapag tapos na ang mga araw ng kanyang paglilinis para sa anak na lalaki o babae, magdadala siya sa pari malapit sa may pintuan ng Toldang Tipanan ng isang tupang may isang taong gulang, bilang handog na sinusunog at isang inakay na kalapati o batu-bato bilang handog sa paglilinis. 7-8 Ihahandog ito ng pari sa Panginoon para maalis ang kanyang karumihan dahil sa kanyang pagdurugo sa panganganak at magiging malinis siya. Kung hindi niya kayang maghandog ng tupa, maghahandog siya ng dalawang kalapati o dalawang ibon na batu-bato. Ang isa ay bilang handog na sinusunog at ang isa ay bilang handog sa paglilinis. Sa pamamagitan ng gagawing ito ng pari, maaalis ang karumihan niya at ituturing na siyang malinis. Ito ang mga tuntunin tungkol sa babaeng nanganak.

Mga Tuntunin Tungkol sa Nakakahawang Sakit sa Balat

13 Ang mga tuntuning ito ay ibinigay ng Panginoon kina Moises at Aaron: Kung ang balat ng isang tao ay namamaga, may mga butlig at namumuti, iyon ay tanda ng malubhang sakit sa balat.[at] Siyaʼy dapat dalhin sa paring si Aaron o sa isa sa mga paring mula sa angkan niya. Susuriin ng pari ang balat niya, at kung makita niyang ang balahibo ay namumuti at parang tagos sa laman, may nakakahawang sakit sa balat ang taong iyon. Ipapahayag ng pari na ang taong iyon ay itinuturing na marumi.[au] Pero kung ang namumuting balat ay hindi tagos sa laman at hindi rin namumuti ang balahibo, ibubukod siya ng pari sa mga tao sa loob ng pitong araw. Sa ikapitong araw, susuriin siyang muli ng pari, at kung makita niyang ganoon pa rin ang kanyang balat, at hindi kumalat, siyaʼy ibubukod pa rin ng pari sa mga tao sa loob pa rin ng pitong araw. At sa ikapitong araw, muli siyang susuriin ng pari. At kung gumaling na ang kanyang sakit sa balat at hindi ito kumalat, ipapahayag ng pari na siyaʼy malinis[av] na, dahil itoʼy butlig lang. Pagkatapos nito, lalabhan ng tao ang kanyang damit,[aw] at siyaʼy ituturing na malinis na. Pero kung kumalat ang mga butlig sa kanyang balat pagkatapos na siyaʼy magpasuri sa pari at ipinahayag na siyaʼy malinis na, dapat muli siyang magpasuri sa pari. At kung kumalat na ang mga butlig, muling ipapahayag ng pari na marumi siya dahil may sakit siya sa balat na nakakahawa.

Ang sinumang may nakakahawang sakit sa balat ay dapat magpasuri sa pari. 10 Kung sa tingin ng pari ay namumuti ang namamagang balat o namumuti ang balahibo, at nagkakasugat na, 11 itoʼy isang sakit na paulit-ulit at nakakahawa. Kaya ipapahayag ng pari na marumi siya. Hindi na kailangang ibukod pa siya para suriin dahil tiyak nang marumi siya.

12 Kung sa pagsusuri ng pari ay kumalat na ang sakit sa buong katawan ng tao, 13 kailangan pa rin niya itong suriing mabuti. At kung talagang kumalat na nga sa buong katawan ang sakit, at namumuti na ang lahat ng kanyang balat, ipapahayag ng pari na siyaʼy malinis.[ax] 14-15 Pero kung sa pagsusuri ng pari ay nagkakasugat na ang kanyang sakit sa balat, ipapahayag niya na ang taong itoʼy marumi at may sakit sa balat na nakakahawa. At ang lumalabas sa sugat ay ituturing na marumi. 16 Ngunit kung gumaling ang sugat at pumuti ang balat, muli siyang magpapasuri sa pari. 17 At kung makita ng pari na talagang magaling na ito, ipapahayag ng pari na malinis na siya.

18 Kung ang isang taoʼy may bukol na gumaling, 19 pero muling namaga o namuti, itoʼy dapat ipasuri sa pari. 20 At kung nagkasugat at ang mga balahibo ay pumuti, ipapahayag ng pari na marumi ang taong iyon, dahil ang taong itoʼy may sakit sa balat na nakakahawa at nagsimula ito sa bukol. 21 Pero kung sa pagsusuri ng pari ay nakita niyang hindi naman nagkakasugat ang balat at hindi rin namumuti ang balahibo at parang gumagaling na ito, ibubukod siya ng pari sa mga tao sa loob ng pitong araw. 22 Ngunit kung itoʼy kumalat sa ibang bahagi ng balat, ipapahayag ng pari na siyaʼy marumi dahil iyon ay tanda na may sakit siya sa balat na nakakahawa. 23 Pero kung hindi naman kumalat, at itoʼy peklat lang ng gumaling na bukol, ipapahayag ng pari na siyaʼy malinis.

24 Kung ang isang tao ay napaso at naimpeksiyon ito, at ito ay namumuti o namumula, 25 itoʼy dapat ipasuri sa pari at kung itoʼy nagkakasugat at ang balahibo ay namumuti, may sakit siya sa balat na nagsimula sa paso. Itoʼy nakakahawa kaya ipapahayag ng pari na siyaʼy marumi. 26 Pero kung sa pagsusuri ng pari ay wala namang nagkakasugat at hindi rin namumuti ang balahibo, at parang gumagaling na ito, ibubukod siya ng pari sa mga tao sa loob ng pitong araw. 27 At sa ikapitong araw, muli siyang susuriin ng pari kung ang sakit ay kumalat sa ibang bahagi ng balat, ipapahayag ng pari na marumi siya dahil iyon ay tanda ng sakit sa balat na nakakahawa. 28 Pero kung hindi naman kumakalat at medyo gumagaling na, pamamaga lang iyon ng napaso. Kaya ipapahayag ng pari na siyaʼy malinis.

29 Kung ang isang tao[ay] ay may tanda ng nakakahawang sakit sa balat sa ulo o sa baba, 30 dapat ipasuri niya iyon sa pari. Kung iyon ay sugat na nga, at ang buhok o balbas ay naninilaw at madalang ang pagtubo, ipapahayag ng pari na ang taong iyon ay marumi, dahil may sakit siya sa balat na nakakahawa sa ulo o baba. 31 Pero kung sa pagsusuri ng pari ay nakita niya na hindi naman lumalalim ang sugat at wala ng maitim na buhok o balbas, ibubukod siya ng pari sa mga tao sa loob ng pitong araw. 32 At sa ikapitong araw, muling susuriin ng pari ang kanyang sakit sa balat. At kung hindi naman kumalat at hindi rin nagkasugat ang balat at hindi rin naninilaw ang buhok o balbas, 33 dapat niyang kalbuhin ang kanyang buhok o ahitin ang kanyang balbas, maliban sa bahaging may sakit sa balat. At muli siyang ibubukod ng pari ng pitong araw pa. 34 At sa ikapitong araw, muling susuriin ng pari ang kanyang sakit. At kung hindi na kumalat ang sakit sa balat at hindi rin nagkasugat, ipapahayag ng pari na siyaʼy malinis. Kaya lalabhan niya ang kanyang damit, at ituturing na siyang malinis. 35 Pero kung ang sakit sa balat ay muling kumalat sa kanyang katawan pagkatapos na maipahayag ng pari na malinis na siya, 36 muli siyang susuriin ng pari. At kung kumalat na ang sakit sa kanyang balat, hindi na niya kailangang magpasuri pa sa pari kung may buhok o balbas na naninilaw dahil tiyak na marumi siya. 37 Pero kung sa pagsusuri ng pari ay hindi iyon kumalat, at may itim na buhok o balbas na tumutubo, magaling na iyon. Kaya ipapahayag ng pari na siyaʼy malinis.

38 Kung may namumuti sa balat ng isang tao, 39 kinakailangang magpasuri siya sa pari. At kung ang mga namumuting balat ay maputla, iyon ay mga butlig lang na tumutubo sa balat. Kaya ang taong iyon ay ituturing na malinis.

40-41 Kung ang isang tao ay nakakalbo sa bandang noo o sa gitna ng ulo, malinis siya. 42-44 Pero kung may namumula at namamaga sa nakakalbong bahagi ng kanyang ulo, dapat siyang magpatingin sa pari. At kung ang namumula at namamaga ay katulad sa nakakahawang sakit sa balat na tumutubo sa ibang bahagi ng katawan, ipapahayag ng pari na marumi siya.

45 Ang taong may sakit sa balat na nakakahawa ay dapat magsuot ng punit na damit, guluhin niya ang kanyang buhok, at takpan ang ibabang bahagi ng kanyang mukha. At siyaʼy sisigaw, “Akoʼy marumi! Akoʼy marumi!” 46 Siyaʼy ituturing na marumi habang siyaʼy hindi gumagaling sa sakit niyang iyon. At dapat siyang tumirang nag-iisa sa labas ng kampo.

Mga Tuntunin Tungkol sa Amag sa Damit

47-50 Kung ang may sakit sa balat na nakakahawa ay magkakaroon ng amag[az] sa damit na lana o linen o anumang gamit na yari sa balat, itoʼy dapat ipasuri sa pari. Pagkatapos suriin ng pari ang damit o balat, ibubukod niya iyon sa loob ng pitong araw. 51-52 Sa ikapitong araw, muli itong titingnan ng pari. At kung kumalat pa ang amag, ituturing na marumi ang damit o balat na iyon, at dapat sunugin dahil ang amag na ito ay kumakalat 53 Pero kung sa pagsusuri ng pari ay nakita niyang hindi naman ito kumakalat, 54 palalabhan niya ang damit o balat na iyon, at ibubukod sa loob ng pitong araw. 55 Pagkatapos ng pitong araw, muli itong titingnan ng pari. Kung ang amag ay hindi nagbabago ang kulay, ang damit o balat na iyon ay ituring na marumi kahit hindi na kumalat ang amag, at dapat sunugin, nasa labas man o nasa loob ng damit ang amag. 56 Pero kung sa pagsusuri ng pari ay nakita niyang kumukupas ang amag, punitin na lang niya ang bahaging iyon ng damit o balat na may amag. 57 Ngunit kung may lumitaw pa ring amag at kumalat, dapat nang sunugin ang damit o balat. 58 Kung nawala ang amag pagkatapos labhan ang damit o balat, muli itong labhan at itoʼy ituturing na malinis na. 59 Ito ang mga tuntunin kung papaano malalaman ang malinis o maruming damit na lana o linen o anumang gamit na yari sa balat na nagkaroon ng amag.

Paglilinis ng Tao Matapos Gumaling sa Nakakahawang Sakit sa Balat.

14 1-2 Ito ang mga tuntuning ibinigay ng Panginoon kay Moises tungkol sa paglilinis ng taong gumaling sa malubhang sakit sa balat:

Pagkatapos maipahayag ng pari na ang taoʼy gumaling na sa kanyang sakit, lalabas ang pari sa kampo at susuriin niya ang katawan ng taong iyon. Kung gumaling na nga siya sa kanyang sakit, magpapakuha ang pari ng dalawang malinis[ba] na ibong buhay, isang putol na kahoy na sedro, panaling pula, at isang kumpol ng halaman na isopo. Ipapatay ng pari ang isang ibon sa ibabaw ng palayok na may tubig na galing sa isang bukal. Pagkatapos, muli siyang kukuha ng buhay na ibon, kahoy na sedro, taling pula, at halamang isopo, at ilulubog lahat sa tubig na may dugo ng pinatay na ibon. At ang tubig na may dugo ay kanyang iwiwisik ng pitong beses sa taong gumaling sa kanyang sakit sa balat, at kanyang ipapahayag na magaling na ang taong iyon. At pagkatapos, pakakawalan ng pari ang buhay na ibon sa bukid.

Pero bago siya ituring na malinis, kinakailangang labhan muna niya ang kanyang damit, magpaahit ng kanyang buhok at balahibo, at maligo. Pagkatapos nito, maaari na siyang pumasok sa kampo pero hindi pa rin siya makakatira sa loob ng kanyang tolda sa loob ng pitong araw. Sa ikapitong araw, muli niyang ipapaahit ang kanyang buhok at balahibo, lalabhan ang kanyang damit at maliligo.

10 Sa ikawalong araw, kinakailangang magdala siya ng dalawang lalaking tupa at isang babaeng tupa na isang taong gulang, at walang kapintasan. Magdala rin siya ng anim na kilo ng magandang klaseng harina na hinaluan ng langis bilang handog ng pagpaparangal sa Panginoon. At magdala rin siya ng isang basong langis. 11 Pagkatapos, dadalhin ng pari ang tao at ang handog niya sa presensya ng Panginoon malapit sa pintuan ng Toldang Tipanan.

12 Kukunin ng pari ang isang lalaking tupa at ang isang basong langis, at ihahandog niya ito bilang handog na pambayad ng kasalanan. Pagkatapos, itataas niya ito sa Panginoon bilang handog na itinataas. 13 At papatayin niya ang tupa sa Banal na Lugar, doon sa pinagpapatayan ng mga handog sa paglilinis at handog na sinusunog. Ang tupang ito na handog ay napakabanal, at ito ay para sa mga pari, katulad ng handog na pambayad ng kasalanan. 14 Pagkatapos, kukuha ang pari ng dugo ng tupang handog na pambayad ng kasalanan at ipapahid sa ibabang bahagi ng kanang tainga ng taong naghandog at sa kanyang kanang hinlalaki sa kamay at paa. 15 Kukuha rin ang pari ng langis at magbubuhos sa kanyang kaliwang palad, 16 at ilulubog niya sa langis ang mga daliri niya sa kanang kamay at iwiwisik ng pitong beses sa presensya ng Panginoon. 17 Ang ibang langis sa kanyang palad ay ipapahid niya sa ibabang bahagi ng kanang tainga at kanang hinlalaki ng kamay at paa ng taong pinahiran niya mismo ng dugo. 18-20 Ang natitira pang langis sa palad ng pari ay ipapahid niya sa ulo ng taong iyon, at saka niya ihahandog ang handog sa paglilinis. Pagkatapos nito, papatayin ng pari ang handog na sinusunog at ihahandog niya ito sa altar pati ang handog ng pagpaparangal. Ganito ang gagawin ng pari sa presensya ng Panginoon para matubos ang karumihan ng tao at magiging malinis siya.

21 Pero kung mahirap ang tao at hindi niya kayang maghandog ng mga ito, magdala na lang siya ng isang lalaking tupa bilang handog na pambayad sa kanyang kasalanan. Itataas niya ang handog na ito sa Panginoon para matubos siya sa kanyang kasalanan. Magdala rin siya ng dalawang kilo ng magandang klaseng harina na may halong langis bilang handog ng pagpaparangal sa Panginoon. At magdala pa siya ng isang basong langis. 22 Magdadala rin siya ng dalawang kalapati o dalawang ibon na batu-bato. Alinman ang kanyang makakayanan sa mga ito, ang isaʼy bilang handog sa paglilinis at ang isa naman ay bilang handog na sinusunog.

23 Sa ikawalong araw, ang lahat ng handog na itoʼy dadalhin niya sa presensya ng Panginoon malapit sa may pintuan ng Toldang Tipanan. At ibibigay niya ito sa pari. 24 Kukunin ng pari ang tupang ihahandog bilang pambayad ng kasalanan at ang isang basong langis, at itataas niya iyon sa presensya ng Panginoon bilang handog na itinataas. 25 Pagkatapos, papatayin niya ang tupa at kukuha siya ng dugo nito at ipapahid sa ibabang bahagi ng kanang tainga ng taong nililinis at sa hinlalaki niya sa kanang kamay at paa. 26 Pagkatapos, maglalagay ang pari ng langis sa kanyang kaliwang palad, 27 at ilulubog niya sa langis ang mga daliri sa kanang kamay at iwiwisik ng pitong beses sa presensya ng Panginoon. 28 Ang ibang langis sa kanyang palad ay ipapahid niya sa ibabang bahagi ng kanang tainga ng taong nililinis at sa hinlalaki nito sa kanang kamay at paa, doon mismo sa pinahiran ng dugo. 29-31 Ang natirang langis sa palad ng pari ay ipapahid sa ulo ng tao. Pagkatapos, ihahandog ng pari ang dalawang kalapati o dalawang ibon na batu-bato. Ang isaʼy handog sa paglilinis at ang isaʼy para sa handog na sinusunog. Ihahandog din niya ang handog ng pagpaparangal. Sa pamamagitan ng gagawing ito ng pari sa presensya ng Panginoon, maaalis ang karumihan ng tao. 32 Ito ang mga tuntunin tungkol sa paglilinis ng taong may sakit sa balat at kung ano ang dapat niyang gawin kung hindi niya kaya ang handog sa paglilinis.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®