Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Bible in 90 Days

An intensive Bible reading plan that walks through the entire Bible in 90 days.
Duration: 88 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Hoseas 13:7 - Amos 9:10

Kaya't ako'y magiging gaya ng leon sa kanila;
    gaya ng leopardo ako'y mag-aabang sa tabi ng daan.
Ako'y susunggab sa kanila na gaya ng oso na ninakawan ng kanyang mga anak,
    at pupunitin ko upang mabuksan ang takip ng kanilang puso;
at doo'y lalamunin ko sila na gaya ng leon;
    kung paanong lalapain sila ng mabangis na hayop.
Sa iyong ikapapahamak, O Israel;
    na ikaw ay laban sa akin, laban sa iyong katulong.
10 Nasaan(A) ngayon ang iyong hari upang mailigtas ka niya sa lahat ng iyong mga lunsod?
    Nasaan ang iyong mga hukom,
    na sa kanila'y sinabi mo, “Bigyan mo ako ng hari at mga pinuno?”
11 Sa(B) galit ko'y binigyan kita ng hari,
    at sa poot ko'y inalis ko siya.

12 Ang kasamaan ng Efraim ay nababalot;
    ang kanyang kasalanan ay nakaimbak.
13 Ang sakit ng panganganak ay dumarating para sa kanya;
    ngunit siya'y isang hangal na anak;
sapagkat sa tamang panahon ay hindi siya nagpapakita
    sa bungad ng sinapupunan.

14 Tutubusin(C) ko ba sila mula sa kapangyarihan ng Sheol?
    Tutubusin ko ba sila mula kay Kamatayan?
O Kamatayan, nasaan ang iyong mga salot?
    O Sheol, nasaan ang iyong pangwasak?
    Ang kahabagan ay nakatago sa aking mga mata.

15 Bagaman siya'y maging mabunga sa kanyang mga kapatid,
    ang hanging silangan ay darating,
    ang malakas na hangin ng Panginoon ay tataas mula sa ilang;
at ang kanyang bukal ay matutuyo,
    at ang kanyang batis ay magiging tigang.
Sasamsaman nito ang kanyang kabang-yaman
    ng bawat mahalagang bagay.
16 Papasanin ng Samaria ang kanyang pagkakasala;
    sapagkat siya'y naghimagsik laban sa kanyang Diyos:
sila'y ibubuwal ng tabak;
    ang kanilang mga sanggol ay pagluluray-lurayin
    at ang kanilang mga babaing buntis ay paluluwain ang bituka.

Panawagan upang Magsisi

14 O Israel, manumbalik ka sa Panginoon mong Diyos;
sapagkat ikaw ay nabuwal dahil sa iyong kasamaan.
Magdala kayo ng mga salita,
    at manumbalik kayo sa Panginoon;
sabihin ninyo sa kanya,
    “Alisin mo ang lahat ng kasamaan,
tanggapin mo ang mabuti;
    at aming ihahandog
    ang bunga ng aming mga labi.
Hindi kami ililigtas ng Asiria;
    hindi kami sasakay sa mga kabayo;
hindi na kami magsasabi
    sa gawa ng aming mga kamay, ‘Aming Diyos.’
Sa iyo'y nakakatagpo ng awa ang ulila.”

Aking gagamutin ang kanilang pagtataksil,
    malaya ko silang iibigin;
    sapagkat ang aking galit ay naalis na sa kanila.
Ako'y magiging tulad ng hamog sa Israel;
    siya'y mamumukadkad gaya ng liryo,
    at kakalat ang kanyang ugat tulad ng Lebanon.
Ang kanyang mga sanga ay yayabong,
    at ang kanyang kagandahan ay magiging gaya ng puno ng olibo,
    at ang kanyang bango ay tulad ng Lebanon.
Sila'y muling maninirahan sa kanyang lilim
    sila'y lalago gaya ng trigo,
at mamumulaklak na gaya ng puno ng ubas,
    at ang kanilang bango ay magiging gaya ng alak ng Lebanon.

O Efraim, ano ba ang kinalaman ko sa mga diyus-diyosan?
    Ako ang siyang sumasagot at nagbabantay sa iyo.[a]
Ako'y tulad sa sipres na laging luntian,
    sa akin nanggagaling ang iyong bunga.
Sinuman ang pantas, unawain niya ang mga bagay na ito;
    sinumang may pang-unawa, alamin niya ang mga ito;
sapagkat ang mga daan ng Panginoon ay matuwid,
    at nilalakaran ng mga taong matuwid,
    ngunit natitisod sa mga iyon ang mga makasalanan.

Ipinagluksa ng Bayan ang Pagkawasak ng mga Pananim

Ang salita ng Panginoon na dumating kay Joel na anak ni Pethuel:

Pakinggan ninyo ito, O matatanda,
    pakinggan ninyo, kayong lahat na naninirahan sa lupain!
May nangyari na bang ganitong bagay sa inyong mga araw,
    o sa mga araw ng inyong mga ninuno?
Sabihin ninyo iyon sa inyong mga anak,
    at ng inyong mga anak sa kanilang mga anak,
    at ng kanilang mga anak sa susunod na salinlahi.
Ang iniwan ng nagngangatngat na balang,
    ay kinain ng kuyog na balang.
Ang iniwan ng kuyog na balang
    ay kinain ng gumagapang na balang;
at ang iniwan ng gumagapang na balang
    ay kinain ng maninirang balang.

Gising, kayong mga maglalasing, at umiyak kayo;
    tumangis kayo, kayong lahat na manginginom ng alak,
dahil sa matamis na alak
    na inilayo sa inyong bibig.
Sapagkat(D) ang isang bansa ay sumalakay sa aking lupain,
    malakas at di mabilang,
ang kanyang mga ngipin ay mga ngipin ng leon,
    at siya'y may mga pangil ng babaing leon.
Kanyang sinira ang aking puno ng ubas,
    at sinibak ang aking puno ng igos;
kanyang binalatan at inihagis,
    ang kanilang mga sanga ay pumuti.

Managhoy ka na parang birheng may bigkis ng damit-sako
    para sa asawa ng kanyang kabataan.
Ang handog na butil at ang handog na inumin
    ay inalis sa bahay ng Panginoon.
Ang mga pari na mga lingkod ng Panginoon
    ay nagdadalamhati.
10 Ang mga bukid ay sira,
    ang lupain ay nagluluksa,
sapagkat ang trigo ay sira,
    ang bagong alak ay natuyo
    at ang langis ay kulang.

11 Mahiya kayo, O kayong mga magsasaka,
    tumangis kayong mga nag-aalaga ng ubasan,
dahil sa trigo at sebada;
    sapagkat ang ani sa bukid ay nasira.
12 Ang puno ng ubas ay natuyo,
    at ang puno ng igos ay nalalanta.
    Ang puno ng granada, ang puno ng palma at ang puno ng mansanas,
    at lahat ng punungkahoy sa parang ay tuyo;
sapagkat ang kagalakan ay nawala
    sa mga anak ng mga tao.

13 Magbigkis kayo ng damit-sako at tumaghoy, O mga pari at tumaghoy,
    manangis, kayong mga lingkod sa dambana.
Halikayo, palipasin ninyo ang magdamag na suot ang damit-sako,
    O mga lingkod ng aking Diyos!
Sapagkat ang handog na butil at ang handog na inumin
    ay ipinagkait sa bahay ng inyong Diyos.

14 Magtakda kayo ng pag-aayuno,
    tumawag kayo ng isang banal na pagtitipon.
Tipunin ninyo ang matatanda
    at ang lahat ng naninirahan sa lupain
sa bahay ng Panginoon ninyong Diyos,
    at dumaing kayo sa Panginoon.

15 Kahabag-habag(E) ang araw na iyon!
Sapagkat ang araw ng Panginoon ay malapit na,
    at ito'y darating na gaya ng pagkawasak mula sa Makapangyarihan sa lahat.
16 Hindi ba ang pagkain ay inalis
    sa ating harapan,
ang kagalakan at kasayahan
    mula sa bahay ng ating Diyos?

17 Ang mga binhi ay natutuyo sa ilalim ng lupa,
    ang mga kamalig ay walang laman,
ang mga imbakan ay wasak;
    sapagkat walang trigo.
18 Nag-uungalan ang mga hayop!
    Ang mga kawan ng mga baka ay nalilito
sapagkat wala silang pastulan;
    pati ang mga kawan ng tupa ay nagdurusa.

19 O Panginoon, tumatawag ako sa iyo.
Sapagkat tinupok ng apoy ang mga pastulan sa ilang,
at sinunog ng apoy ang lahat ng punungkahoy sa parang.
20 Maging ang mga hayop sa bukid ay humihingal sa iyo;
    sapagkat ang mga tubig sa batis ay natutuyo,
at tinupok ng apoy ang mga pastulan sa ilang.

Babala ng Araw ng Panginoon

Hipan ninyo ang trumpeta sa Zion,
    patunugin ninyo ang hudyat sa aking banal na bundok!
Manginig ang lahat ng naninirahan sa lupain,
    sapagkat ang araw ng Panginoon ay dumarating, ito'y malapit na;
isang araw ng kadiliman at pagkulimlim,
    araw ng mga ulap at makapal na dilim!
Gaya ng bukang-liwayway na kumakalat sa mga bundok,
    isang dakila at makapangyarihang hukbo ang dumarating;
hindi nagkaroon kailanman ng gaya nila,
    ni magkakaroon pa man pagkatapos nila,
    hanggang sa mga taon ng maraming salinlahi.

Isang apoy ang tumutupok sa harapan nila;
    at sa likuran nila'y isang nagliliyab na apoy.
Ang lupain ay parang halamanan ng Eden sa harapan nila,
    ngunit sa likuran nila'y isang sirang ilang;
    at walang nakatakas sa kanila.

Ang(F) anyo nila ay parang anyo ng mga kabayo;
    at sila'y tumatakbong gaya ng mga kabayong pandigma.
Gaya ng rumaragasang karwahe
    ay lumulukso sila sa tuktok ng mga bundok,
gaya ng hugong ng liyab ng apoy
    na tumutupok sa dayami,
    gaya ng isang makapangyarihang hukbo na nakahanda sa labanan.

Sa kanilang harapan ay nagdadalamhati ang mga tao,
    lahat ng mukha ay namumutla.
Sila'y sumasalakay na gaya ng mga mandirigma,
    kanilang iniakyat ang pader na gaya ng mga kawal.
Bawat isa'y patungo sa kanya-kanyang lakad,
    at hindi sila lumilihis ng kanilang mga daan.
Hindi sila nagtutulakan sa isa't isa;
    bawat isa'y lumalakad sa kanya-kanyang landas;
kanilang sinasagupa ang mga sandata,
    at hindi sila mapahinto.

Kanilang nilulukso ang lunsod;
    kanilang tinatakbo ang mga pader;
kanilang inaakyat ang mga bahay;
    sila'y pumapasok sa mga bintana na gaya ng magnanakaw.

10 Ang(G) lupa ay nayayanig sa harap nila,
    ang langit ay nanginginig.
Ang araw at ang buwan ay nagdidilim
    at ang mga bituin ay nawawalan ng kanilang kaningningan.
11 Pinatutunog(H) ng Panginoon ang kanyang tinig
    sa unahan ng kanyang hukbo;
sapagkat ang kanyang hukbo ay napakalaki,
    siya na nagsasagawa ng kanyang salita ay makapangyarihan.
Sapagkat ang araw ng Panginoon ay dakila at kakilakilabot;
    sinong makakatagal?

Isang Panawagan upang Magsisi

12 “Gayunma'y ngayon,” sabi ng Panginoon,
    “manumbalik kayo sa akin nang inyong buong puso,
    na may pag-aayuno, at may pagtangis, at pagdadalamhati.
13 At punitin ninyo ang inyong mga puso at hindi ang inyong mga damit.”
Manumbalik kayo sa Panginoon ninyong Diyos;
    sapagkat siya'y mapagbiyaya at mahabagin,
hindi magagalitin, at sagana sa tapat na pag-ibig
    at nalulungkot sa kasamaan.
14 Sinong nakakaalam kung siya'y hindi magbabalik-loob, at malulungkot,
    at mag-iiwan ng isang pagpapala sa likuran niya,
ng handog na butil at handog na inumin
    sa Panginoon ninyong Diyos?

15 Hipan ninyo ang trumpeta sa Zion;
    magtakda kayo ng isang ayuno,
tumawag kayo ng isang taimtim na pagtitipon.
16     Tipunin ninyo ang bayan.
Pakabanalin ang kapulungan;
    tipunin ang matatanda,
tipunin ang mga bata,
    at ang mga sanggol na pasusuhin.
Lumabas ang bagong kasal na lalaki sa kanyang silid,
    at ang bagong kasal na babae sa kanyang silid.

17 Tumangis ang mga pari, ang mga lingkod ng Panginoon
    sa pagitan ng portiko at ng dambana,
at kanilang sabihin, “Maawa ka sa iyong bayan, O Panginoon,
    at huwag mong gawing katatawanan ang iyong mana,
    na hinahamak ng mga bansa.
Bakit nila sasabihin sa gitna ng mga bayan,
    ‘Nasaan ang kanilang Diyos?’”

Ibinalik ng Panginoon ang Katabaan ng Lupain

18 At ang Panginoon ay nanibugho para sa kanyang lupain,
    at nahabag sa kanyang bayan.
19 At ang Panginoon ay sumagot at sinabi sa kanyang bayan,
“Narito, ako'y magpapadala sa inyo ng trigo, alak, at langis,
at kayo'y mabubusog;
at hindi ko kayo gagawing
    isang kahihiyan sa gitna ng mga bansa.

20 “Aking ilalayo nang malayo sa inyo ang mula sa hilaga,
    at itataboy ko siya sa tuyo at sirang lupain,
ang kanyang unaha'y sa dagat silangan,
    at ang kanyang hulihan ay sa dagat kanluran;
ang kanyang baho at masamang amoy ay aalingasaw,
    sapagkat siya'y gumawa ng malalaking bagay.

21 “Huwag kang matakot, O lupa,
    ikaw ay matuwa at magalak;
    sapagkat ang Panginoon ang gumawa ng mga dakilang bagay!
22 Huwag kayong matakot, kayong mga hayop sa parang;
    sapagkat ang mga pastulan sa ilang ay sariwa;
ang punungkahoy ay nagbubunga,
    ang puno ng igos at ang puno ng ubas ay saganang nagbubunga.

23 “Kayo'y matuwa, O mga anak ng Zion,
    at magalak sa Panginoon ninyong Diyos;
sapagkat kanyang ibinigay ang maagang ulan para sa inyong ikawawalang-sala,
    kanyang ibinuhos para sa inyo ang isang masaganang ulan,
    ang maaga at ang huling ulan, gaya nang dati.
24 Ang mga giikan ay mapupuno ng trigo,
    at ang mga sisidlan ay aapawan ng alak at langis.

25 “Aking isasauli sa inyo ang mga taon
    na kinain ng kuyog na balang,
ng gumagapang na balang, at ng maninirang balang, at ng nagngangatngat na balang
    na siyang aking malaking hukbo, na aking sinugo laban sa inyo.

26 “Kayo'y kakain nang sagana at mabubusog,
    at inyong pupurihin ang pangalan ng Panginoon ninyong Diyos,
    na gumawa ng kababalaghan sa inyo;
at ang aking bayan ay hindi na muling mapapahiya.
27 At inyong malalaman na ako'y nasa gitna ng Israel,
    at ako ang Panginoon ninyong Diyos, at wala nang iba;
at ang aking bayan ay hindi na muling mapapahiya.

Ang Araw ng Panginoon

28 “At(I) mangyayari pagkatapos nito,
    na ibubuhos ko ang aking Espiritu sa lahat ng laman;
at ang inyong mga anak na lalaki at mga anak na babae ay magsasalita ng propesiya,
    ang inyong matatanda ay mananaginip ng mga panaginip,
    ang inyong mga kabataang lalaki ay makakakita ng mga pangitain.
29 At maging sa mga lingkod na lalaki at babae
    ay ibubuhos ko sa mga araw na iyon ang aking Espiritu.

30 “At ako'y magbibigay ng mga tanda sa langit at sa lupa, dugo, apoy, at mga haliging usok.

31 Ang(J) araw ay magiging kadiliman, at ang buwan ay magiging dugo, bago dumating ang dakila at kakilakilabot na araw ng Panginoon.

32 At(K) mangyayari na ang sinumang tumatawag sa pangalan ng Panginoon ay maliligtas, sapagkat sa bundok ng Zion at sa Jerusalem ay pupunta ang mga nakatakas, gaya ng sinabi ng Panginoon, at kabilang sa mga naligtas ay yaong mga tinatawag ng Panginoon.

Hahatulan ng Diyos ang mga Bansa

“Sapagkat, narito, sa mga araw na iyon, at sa panahong iyon, kapag aking ibinalik ang kayamanan ng Juda at Jerusalem,

aking titipunin ang lahat ng bansa at ibababa ko sila sa libis ni Jehoshafat; at hahatulan ko sila roon, dahil sa aking bayan at dahil sa aking manang Israel, sapagkat kanilang pinangalat sila sa mga bansa, at pinaghatian ang aking lupain,

at nagsapalaran para sa aking bayan, at kanilang ibinigay ang isang batang lalaki dahil sa isang babaing upahan, at ipinagbili ang isang batang babae dahil sa alak, at ininom iyon.

“Ano(L) (M) kayo sa akin, O Tiro at Sidon, at buong lupain ng Filistia? Binabayaran ba ninyo ako dahil sa isang bagay? Kung ako'y inyong binabayaran, mabilis at madali kong gagantihan ang inyong gawa sa inyong sariling ulo.

Sapagkat inyong kinuha ang aking pilak at ginto, at inyong dinala sa inyong mga templo ang aking mga kayamanan.

Inyong ipinagbili ang mga anak ng Juda at Jerusalem sa mga taga-Grecia, at inilayo sila sa kanilang sariling hangganan.

Ngunit ngayon ay gigisingin ko sila sa dako na inyong pinagbilhan sa kanila, at aking sisingilin ang inyong gawa sa inyong sariling ulo.

At aking ipagbibili ang inyong mga anak na lalaki at babae sa kamay ng mga anak ni Juda, at kanilang ipagbibili sila sa mga Sabeo, sa isang bansang malayo; sapagkat nagsalita ang Panginoon.”

Ipahayag ninyo ito sa mga bansa:
Maghanda kayo ng pakikidigma,
    pasiglahin ninyo ang malalakas na lalaki.
Magsilapit ang lahat ng lalaking mandirigma,
    sila'y magsiahon.
10 Gawin(N) ninyong mga tabak ang inyong mga sudsod,
    at mga sibat ang inyong mga karit;
    hayaang sabihin ng mahina, “Ako'y malakas.”

11 Magmadali kayo, at magsiparito
    kayong lahat ng bansa sa palibot,
    magtipun-tipon kayo roon.
Ibaba mo ang iyong mga malalakas, O Panginoon.
12 Pasiglahin ng mga bansa ang kanilang sarili,
    at sila'y umahon sa libis ni Jehoshafat;
sapagkat doo'y uupo ako upang hatulan
    ang lahat ng bansa sa palibot.

13 Gamitin(O) ninyo ang karit,
    sapagkat ang aanihin ay hinog na.
Pumasok kayo, at inyong yapakan,
    sapagkat ang pisaan ng alak ay puno.
Ang imbakan ng alak ay inaapawan,
    sapagkat ang kanilang kasamaan ay napakalaki.

14 Napakarami, napakarami,
    ang nasa libis ng pagpapasiya!
Sapagkat ang araw ng Panginoon ay malapit na
    sa libis ng pagpapasiya.
15 Ang araw at ang buwan ay nagdidilim,
    at pinipigil ng mga bituin ang kanilang pagningning.

Pagpapalain ng Diyos ang Kanyang Bayan

16 At(P) ang Panginoon ay sumisigaw mula sa Zion,
    at binibigkas ang kanyang tinig mula sa Jerusalem;
    at ang langit at ang lupa ay nayayanig.
Ngunit ang Panginoon ay kanlungan sa kanyang bayan,
    at muog sa mga anak ni Israel.

17 “At inyong malalaman na ako ang Panginoon ninyong Diyos,
    na naninirahan sa Zion, na aking banal na bundok.
Kung magkagayo'y magiging banal ang Jerusalem,
    at hindi na ito daraanan ng mga dayuhan.

18 “At sa araw na iyon,
ang mga bundok ay tutuluan ng matamis na alak,
    at ang mga burol ay dadaluyan ng gatas,
at ang lahat ng batis ng Juda ay dadaluyan ng tubig;
at isang bukal ay lalabas mula sa bahay ng Panginoon,
    at didiligin ang libis ng Shittim.

19 “Ang Ehipto ay masisira,
    at ang Edom ay magiging ilang na sira,
dahil sa karahasang ginawa sa mga anak ni Juda,
    sapagkat sila'y nagpadanak ng dugong walang sala sa kanilang lupain.
20 Ngunit ang Juda'y tatahanan magpakailanman,
    at ang Jerusalem sa lahat ng salinlahi.
21 Ipaghihiganti ko ang kanilang dugo
    at hindi ko pawawalang-sala ang nagkasala,
    sapagkat ang Panginoon ay naninirahan sa Zion.”

Ang(Q) mga salita ni Amos, na kasama ng mga pastol ng Tekoa, na nakita niya tungkol sa Israel nang mga araw ni Uzias na hari ng Juda, at nang mga araw ni Jeroboam na anak ni Joas na hari ng Israel, dalawang taon bago lumindol.

At(R) kanyang sinabi:

“Ang Panginoon ay umuungal mula sa Zion,
    at ipinahahayag ang kanyang tinig mula sa Jerusalem;
    at ang mga pastulan ng mga pastol ay nagluluksa,
    at ang tuktok ng Carmel ay natutuyo.”

Hinatulan ng Diyos ang mga Kalapit-bayan ng Israel:

Ang Siria

Ganito(S) ang sabi ng Panginoon:
“Dahil sa tatlong pagsuway ng Damasco,
    at dahil sa apat, hindi ko pawawalang-bisa ang parusa,
sapagkat kanilang giniik ang Gilead
    ng panggiik na bakal.
Kaya't ako'y magsusugo ng apoy sa sambahayan ni Hazael,
    at tutupukin niyon ang mga tanggulan ni Ben-hadad.
Aking wawasakin ang mga halang ng pintuan ng Damasco,
    at aking ihihiwalay ang mga naninirahan mula sa Libis ng Aven,
at siyang humahawak ng setro mula sa Bet-eden;
at ang bayan ng Siria ay tutungo sa pagkabihag sa Kir,” sabi ng Panginoon.

Ang Filistia

Ganito(T) ang sabi ng Panginoon:
“Dahil sa tatlong pagsuway ng Gaza,
    at dahil sa apat, hindi ko pawawalang-bisa ang parusa;
sapagkat kanilang dinalang-bihag ang buong bayan,
    upang ibigay sila sa Edom.
Ngunit ako'y magsusugo ng apoy sa pader ng Gaza,
    at tutupukin nito ang mga tanggulan niyon.
Aking ihihiwalay ang mga naninirahan mula sa Asdod,
    at siyang humahawak ng setro mula sa Ascalon;
at aking ipipihit ang aking kamay laban sa Ekron,
    at ang nalabi sa mga Filisteo ay malilipol,”
sabi ng Panginoong Diyos.

Ang Tiro

Ganito(U) ang sabi ng Panginoon:
“Dahil sa tatlong pagsuway ng Tiro,
    at dahil sa apat, hindi ko pawawalang-bisa ang parusa,
sapagkat kanilang ibinigay ang buong bayan sa Edom,
    at hindi inalala ang tipan ng pagkakapatiran.
10 Kaya't ako'y magsusugo ng apoy sa pader ng Tiro,
    at tutupukin nito ang kanyang tanggulan.”

Ang Edom

11 Ganito(V) ang sabi ng Panginoon:

“Dahil sa tatlong pagsuway ng Edom,
    at dahil sa apat, hindi ko pawawalang-bisa ang parusa,
sapagkat hinabol niya ng tabak ang kanyang kapatid,
    at ipinagkait ang lahat ng habag,
at ang kanyang galit ay laging nangwawasak,
    at taglay niya ang kanyang poot magpakailanman.
12 Ngunit magsusugo ako ng apoy sa Teman,
    at tutupukin nito ang mga tanggulan ng Bosra.”

Ang Amon

13 Ganito(W) ang sabi ng Panginoon:
“Dahil sa tatlong pagsuway ng mga anak ni Amon,
    at dahil sa apat, hindi ko pawawalang-bisa ang parusa,
sapagkat kanilang pinaluwa ang bituka ng mga babaing nagdadalang-tao sa Gilead,
    upang kanilang mapalawak ang kanilang hangganan.
14 Kaya't ako'y magpapaningas ng apoy sa pader ng Rabba,
    at tutupukin nito ang kanyang mga tanggulan,
na may sigawan sa araw ng pakikipaglaban,
    na may bagyo sa araw ng ipu-ipo.
15 At ang kanilang hari ay tutungo sa pagkabihag,
    siya at ang kanyang mga pinuno na magkakasama,” sabi ng Panginoon.

Ang Moab

Ganito(X) ang sabi ng Panginoon:
“Dahil sa tatlong pagsuway ng Moab,
    at dahil sa apat, hindi ko pawawalang-bisa ang parusa;
sapagkat kanyang sinunog upang maging apog ang mga buto ng hari ng Edom.
Kaya't ako'y magsusugo ng apoy sa Moab,
    at tutupukin nito ang mga tanggulan ng Kiryot;
at ang Moab ay mamamatay sa gitna ng pagkakagulo,
    na may sigawan at tunog ng trumpeta.
At aking ihihiwalay ang hukom sa gitna niyon,
    at papatayin ko ang lahat ng pinuno niyon na kasama niya,” sabi ng Panginoon.

Ang Hatol ng Diyos sa Juda

Ganito ang sabi ng Panginoon:
“Dahil sa tatlong pagsuway ng Juda,
    at dahil sa apat, hindi ko pawawalang-bisa ang parusa,
sapagkat kanilang itinakuwil ang kautusan ng Panginoon,
    at hindi iningatan ang kanyang mga tuntunin,
kundi iniligaw sila ng kanilang mga kasinungalingang
    nilakaran din ng kanilang mga magulang.
Kaya't magsusugo ako ng isang apoy sa Juda;
    at tutupukin niyon ang mga tanggulan ng Jerusalem.”

Ang Hatol ng Diyos sa Israel

Ganito ang sabi ng Panginoon:
“Dahil sa tatlong pagsuway ng Israel,
    at dahil sa apat, hindi ko pawawalang-bisa ang parusa;
sapagkat kanilang ipinagbili ang matuwid dahil sa pilak,
    at ang nangangailangan sa isang pares na sandalyas—
kanilang tinapakan ang ulo ng dukha sa alabok ng lupa,
    at inililiko ang lakad ng mapagpakumbaba;
at ang lalaki at kanyang ama ay sumisiping sa iisang dalaga,
    kaya't nalapastangan ang aking banal na pangalan.
At sila'y nakahiga sa tabi ng bawat dambana,
    sa ibabaw ng mga kasuotang nakuha sa pamamagitan ng sangla;
at sa bahay ng kanilang Diyos ay umiinom sila ng alak
    na binili mula sa multa na kanilang ipinataw.

“Gayunma'y(Y) nilipol ko ang Amoreo sa harapan nila,
    na ang taas ay gaya ng taas ng mga sedro,
    at kasinlakas na gaya ng mga ensina;
nilipol ko ang kanyang bunga sa itaas, at ang kanyang mga ugat sa ilalim.
10 Iniahon ko rin kayo sa lupain ng Ehipto,
    at pinatnubayan ko kayo nang apatnapung taon sa ilang,
    upang angkinin ninyo ang lupain ng Amoreo.
11 At(Z) pinili ko ang ilan sa inyong mga anak upang maging mga propeta,
    at ang ilan sa inyong mga binata upang maging mga Nazirita.
    Di ba gayon, O bayan ng Israel?” sabi ng Panginoon.
12 “Ngunit pinainom ninyo ng alak ang mga Nazirita,
    at inutusan ninyo ang mga propeta,
    na sinasabi, ‘Huwag kayong magsalita ng propesiya!’

13 “Narito, pabibigatan ko kayo sa inyong dako,
    na gaya ng pagpapabigat sa isang karwaheng punô ng mga bigkis.
14 Ang pagtakas ay maglalaho sa matulin;
    at hindi mapapanatili ng malakas ang kanyang kalakasan;
    ni maililigtas ng makapangyarihan ang kanyang sarili.
15 Hindi makakatindig ang humahawak ng pana;
    at siyang matulin ang paa ay hindi makakatakas,
    ni siya mang nakasakay sa kabayo ay makapagliligtas ng kanyang buhay.
16 At siya na matapang sa mga makapangyarihan
    ay tatakas na hubad sa araw na iyon,” sabi ng Panginoon.

Pakinggan ninyo ang salitang ito na sinabi ng Panginoon laban sa inyo, O mga anak ni Israel, laban sa buong sambahayan na aking iniahon papalabas mula sa lupain ng Ehipto:

“Kayo lamang ang aking nakilala sa lahat ng angkan sa lupa;
    kaya't parurusahan ko kayo sa lahat ninyong mga kasamaan.

Ang Gawain ng Propeta

“Makakalakad ba ang dalawa na magkasama,
    malibang sila'y mayroong ginawang tipanan?
Uungal ba ang leon sa gubat,
    kapag wala siyang huli?
Sisigaw ba ang batang leon mula sa kanyang yungib,
    kung wala siyang nahuling anuman?
Malalaglag ba ang ibon sa silo sa ibabaw ng lupa,
    kapag walang silo para dito?
Lulukso ba ang panghuli mula sa lupa,
    kapag wala itong nahuling anuman?
Hihipan ba ang trumpeta sa isang lunsod,
    at ang taong-bayan ay hindi matatakot?
Sasapit ba ang kasamaan sa lunsod,
    malibang ginawa ito ng Panginoon?
Tunay na ang Panginoong Diyos ay walang gagawin,
    malibang kanyang ihayag ang kanyang lihim
    sa kanyang mga lingkod na mga propeta.
Ang leon ay umungal, sinong di matatakot?
    Ang Panginoong Diyos ay nagsalita;
    sinong hindi magsasalita ng propesiya?”

Ang Hatol sa Samaria

Ihayag ninyo sa mga muog sa Asdod,
    at sa mga muog sa lupain ng Ehipto,
at inyong sabihin, “Magtipun-tipon kayo sa mga bundok ng Samaria,
    at inyong masdan ang malaking kaguluhan sa gitna niya,
    at ang pagpapahirap na nasa gitna niya.”
10 “Hindi nila alam ang paggawa ng matuwid,” sabi ng Panginoon,
    “sila na nag-iimbak ng karahasan at pagnanakaw sa kanilang mga muog.”
11 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Diyos:
“Palilibutan ng isang kaaway ang lupain
    at kanyang ibabagsak ang iyong tanggulan,
    at ang iyong mga muog ay sasamsaman.”

12 Ganito ang sabi ng Panginoon: “Kung paanong inaagaw ng pastol sa bibig ng leon ang dalawang hita, o ang isang piraso ng tainga, gayon ililigtas ang mga anak ni Israel na naninirahan sa Samaria, na may sulok ng hiligan at bahagi ng isang kama.”

13 “Pakinggan ninyo, at magpatotoo kayo laban sa sambahayan ni Jacob,”
    sabi ng Panginoong Diyos, ng Diyos ng mga hukbo:
14 “Sa(AA) araw na aking parusahan ang Israel dahil sa kanyang pagsuway,
    ay aking parurusahan din ang mga dambana ng Bethel,
at ang mga sungay ng dambana ay tatanggalin,
    at sila'y malalaglag sa lupa.
15 At aking wawasakin ang bahay na pang-taglamig na kasabay ng bahay na pang-tag-init;
    at ang mga bahay na garing ay mawawala,
at ang malalaking bahay ay magwawakas,”
sabi ng Panginoon.

“Pakinggan ninyo ang salitang ito, O mga baka ng Basan,
    na nasa bundok ng Samaria,
na umaapi sa mga dukha,
    na dumudurog sa mga nangangailangan,
    na nagsasabi sa kanilang mga asawang lalaki, ‘Dalhin ninyo ngayon, upang kami'y makainom!’
Ang Panginoong Diyos ay sumumpa sa pamamagitan ng kanyang kabanalan:
    Ang mga araw ay tiyak na darating sa inyo,
na kanilang tatangayin kayo sa pamamagitan ng mga bingwit,
    pati ang kahuli-hulihan sa inyo sa pamamagitan ng mga pamingwit.
At kayo'y lalabas sa mga butas,
    na bawat isa'y tuluy-tuloy sa harapan niya.
    at kayo'y itatapon sa Harmon,” sabi ng Panginoon.

Ang Pagmamatigas ng Israel

“Pumunta kayo sa Bethel, at sumuway kayo;
    sa Gilgal, at paramihin ninyo ang pagsuway,
dalhin ninyo ang inyong mga handog tuwing umaga,
    at ang inyong mga ikasampung bahagi tuwing ikatlong araw;
kayo'y maghandog ng alay ng pasasalamat na may pampaalsa,
    at kayo'y maghayag ng mga kusang handog at inyong ipamalita ang mga iyon,
    sapagkat gayon ang nais ninyong gawin,
O bayan ng Israel!” sabi ng Panginoong Diyos.

“At binigyan ko naman kayo ng kalinisan ng mga ngipin sa lahat ninyong mga lunsod,
    at kakulangan ng tinapay sa lahat ninyong mga dako;
gayunma'y hindi kayo nanumbalik sa akin,” sabi ng Panginoon.

“At pinigil ko rin ang ulan sa inyo,
    nang tatlong buwan na lamang at pag-aani na;
ako'y nagpaulan sa isang bayan, at hindi ko pinaulan sa kabilang bayan:
    ang isang bukid ay inulanan, at ang bukid na hindi inulanan ay natuyo.
Sa gayo'y dalawa o tatlong bayan ang gumala sa isang bayan
    upang uminom ng tubig, at hindi napawi ang uhaw;
gayunma'y hindi kayo nanumbalik sa akin,” sabi ng Panginoon.

“Aking sinalot kayo ng pagkalanta at ng amag.
    Sinira ko ang inyong mga halamanan at ang inyong mga ubasan;
    ang inyong mga puno ng igos at mga puno ng olibo ay nilamon ng balang;
gayunma'y hindi kayo nanumbalik sa akin,” sabi ng Panginoon.

10 “Aking pinarating sa gitna ninyo ang salot na gaya ng sa Ehipto;
    ang inyong mga binata ay pinatay ko ng tabak,
kasama ang inyong mga kabayong nabihag;
    at aking pinaalingasaw ang baho ng inyong kampo hanggang sa mga butas ng inyong ilong;
gayunma'y hindi kayo nanumbalik sa akin,” sabi ng Panginoon.

11 “Ibinuwal(AB) ko kayo
    gaya nang ibinuwal ng Diyos ang Sodoma at Gomorra,
    at kayo'y naging gaya ng nagniningas na kahoy na inagaw sa apoy;
gayunma'y hindi kayo nanumbalik sa akin,” sabi ng Panginoon.
12 “Kaya't ganito ang gagawin ko sa iyo, O Israel;
    sapagkat aking gagawin ito sa iyo,
    humanda ka sa pagsalubong sa iyong Diyos, O Israel!”

13 Sapagkat, narito, siyang nag-aanyo ng mga bundok, at lumilikha ng hangin,
    at nagpapahayag sa tao kung ano ang kanyang iniisip;
na nagpapadilim ng umaga,
    at yumayapak sa matataas na dako ng lupa—
ang Panginoon, ang Diyos ng mga hukbo, ang kanyang pangalan!

Panawagan sa Pagsisisi

Pakinggan ninyo ang salitang ito na aking itinataghoy sa inyo, O sambahayan ni Israel:

“Siya'y bumagsak na,
    hindi na siya babangon pa, ang birhen ng Israel;
siya'y itinakuwil sa kanyang lupain,
    walang magbangon sa kanya.”
Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoong Diyos:
“Ang lunsod na lumabas na isang libo ay magkakaroon ng isandaang maiiwan,
at ang lumabas na isandaan ay magkakaroon ng sampung maiiwan,
    sa sambahayan ni Israel.”

Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon sa sambahayan ni Israel,
“Hanapin ninyo ako, at kayo'y mabubuhay;
    ngunit huwag ninyong hanapin ang Bethel,
at huwag pumasok sa Gilgal,
    ni dumaan sa Beer-seba;
sapagkat ang Gilgal ay tiyak na patungo sa pagkabihag,
    at ang Bethel ay mauuwi sa wala.

Inyong hanapin ang Panginoon, at kayo'y mabubuhay;
    baka siya'y magsiklab na parang apoy sa sambahayan ni Jose,
    at lalamunin nito ang Bethel, at walang makakapatay niyon.
O kayo na ginagawa ninyong mapait na kahoy ang katarungan,
    at inihahagis sa lupa ang katuwiran!

Siya(AC) na lumikha ng Pleyades at Orion,
    at ang gabing malalim ay ginagawang umaga,
    at pinadidilim ang araw upang maging gabi,
na tinatawag ang mga tubig ng dagat,
    at ibinubuhos ang mga iyon sa ibabaw ng lupa
ang Panginoon ang kanyang pangalan;
siya ang nagdadala ng biglang pagkawasak laban sa malakas,
    anupa't ang pagkawasak ay dumarating sa tanggulan.

10 Kanilang kinapopootan ang nananaway sa pintuan,
    at kanilang kinasusuklaman ang nagsasalita ng katotohanan.
11 Kaya't yamang inyong niyayapakan ang dukha,
    at pinagbubuwis ninyo siya ng trigo,
kayo'y nagtayo ng mga bahay na batong tinabas,
    ngunit hindi ninyo iyon tatahanan;
kayo'y nagtanim ng magagandang ubasan,
    ngunit hindi ninyo iinumin ang alak niyon.
12 Sapagkat alam ko kung gaano karami ang inyong mga pagsuway,
    at kung gaano kalaki ang inyong mga kasalanan—
kayong nagpapahirap sa matuwid, kayo na kumukuha ng suhol,
    at itinutulak sa isang tabi ng pintuan ang nangangailangan.
13 Kaya't siya na mabait ay tatahimik sa panahong iyon;
    sapagkat iyon ay masamang panahon.

14 Hanapin ninyo ang mabuti at hindi ang masama,
    upang kayo'y mabuhay;
at sa gayo'y ang Panginoon, ang Diyos ng mga hukbo, ay magiging kasama ninyo,
    gaya ng inyong sinasabi.
15 Inyong kapootan ang masama,
    at ibigin ang mabuti, at kayo'y magpairal ng katarungan sa pintuang-bayan.
Marahil ang Panginoon, ang Diyos ng mga hukbo,
    ay magiging mapagpala sa mga nalabi sa Jose.

16 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon, ng Diyos ng mga hukbo, ang Panginoon:
“Magkakaroon ng panaghoy sa lahat ng mga liwasan,
    at sila'y magsasabi sa lahat ng lansangan, ‘Kahabag-habag! Kahabag-habag!’
Kanilang tatawagin ang magbubukid upang magdalamhati,
    at sa pagtangis ang mga bihasa sa panaghoy.
17 At sa lahat ng ubasan ay magkakaroon ng panaghoy;
    sapagkat ako'y daraan sa gitna mo,” sabi ng Panginoon.
18 Kahabag-habag kayong nagnanais ng araw ng Panginoon!
    Sa anong layunin ang araw ng Panginoon sa inyo?
Iyon ay kadiliman at hindi kaliwanagan,
19     gaya ng isang tao na tumakas sa leon,
    at sinalubong siya ng oso,
o pumasok sa bahay at ikinapit ang kanyang kamay sa dingding,
    at isang ahas ang tumuka sa kanya.
20 Hindi ba kadiliman ang araw ng Panginoon, at hindi kaliwanagan,
    at kadiliman na walang ningning doon?
21 “Aking(AD) kinapopootan, aking hinahamak ang inyong mga kapistahan,
    at hindi ako malulugod sa inyong mga takdang pagtitipon.
22 Bagaman inyong inihahandog sa akin ang inyong mga handog na sinusunog at mga handog na butil,
    hindi ko iyon tatanggapin;
ni akin mang pagmamasdan
    ang mga handog pangkapayapaan ng inyong mga pinatabang hayop.
23 Ilayo mo sa akin ang ingay ng iyong mga awit;
    hindi ako makikinig sa himig ng iyong mga alpa.
24 Kundi paagusin ninyo ang katarungan na parang tubig,
    at ang katuwiran na parang batis na patuloy na umaagos.

25 “Nagdala(AE) ba kayo sa akin ng mga alay, at mga handog sa ilang sa loob ng apatnapung taon, O sambahayan ni Israel?

26 Inyong dinala si Sakkuth na inyong hari, at si Kaiwan na inyong mga larawan, ang bituin ng inyong diyos, na inyong ginawa para sa inyong sarili.

27 Kaya't kayo'y aking dadalhin sa pagkabihag sa kabila ng Damasco,” sabi ng Panginoon, na ang pangalan ay Diyos ng mga hukbo.

Ang Pagkawasak ng Israel

“Kahabag-habag sila na nagwawalang-bahala sa Zion,
    at sila na tiwasay sa bundok ng Samaria,
ang mga kilalang tao ng una sa mga bansa,
    na pinagmulan ng sambahayan ni Israel!
Dumaan kayo sa Calne, at inyong tingnan;
    at mula roon ay pumunta kayo sa Hamat na dakila;
    at pagkatapos ay bumaba kayo sa Gat ng mga Filisteo.
Magaling ba sila kaysa mga kahariang ito?
    O mas malaki ba ang kanilang nasasakupan kaysa inyong nasasakupan?
Naglalayo ba kayo ng araw ng sakuna
    at maglalapit ba kayo ng upuan ng karahasan?

“Silang mga nahihiga sa mga higaang garing,
    at nag-uunat ng kanilang sarili sa kanilang mga hiligan,
at kumakain ng mga batang tupa mula sa kawan,
    at ng mga guya na mula sa gitna ng kulungan;
na kumakatha ng mga tunog ng alpa na walang paghahanda;
    na kumakatha para sa kanilang sarili ng mga panugtog ng tugtugin, na gaya ni David;
na umiinom ng alak sa mga mangkok,
    at binubuhusan ang kanilang sarili ng pinakamagandang uri ng langis,
    ngunit hindi nahahapis sa pagkaguho ni Jose.
Kaya't sila ngayon ay tutungo sa pagkabihag sa unahan ng mga bihag,
    at ang kasayahan nila na nag-uunat ng sarili ay mapaparam.”

Ang Panginoong Diyos ay sumumpa sa kanyang sarili,
ang Panginoon, ng Diyos ng mga hukbo ay nagsabi:
“Aking kinapopootan ang kapalaluan ng Jacob,
    at aking kinamumuhian ang kanyang mga muog;
    kaya't aking ibibigay ang lunsod at lahat ng naroroon.”

At kung may natitirang sampung tao sa isang bahay, sila'y pawang mamatay.

10 At kapag ang isang tiyuhin o yaong sumusunog ng patay, ang magbubuhat upang ilabas ang buto mula sa bahay, at sasabihin doon sa nasa loob na bahagi ng bahay, “Mayroon ka pa bang kasama?” at kanyang sasabihin: “Wala”; kung magkagayo'y kanyang sasabihin: “Tumahimik ka! Hindi natin dapat banggitin ang pangalan ng Panginoon.”

11 Sapagkat narito, ang Panginoon ay mag-uutos
    na ang malaking bahay ay mawawasak,
    at ang munting bahay ay madudurog.
12 Tumatakbo ba ang mga kabayo sa malaking bato?
    Inaararo ba ng sinuman ang dagat sa pamamagitan ng mga toro?
Ngunit inyong ginawang lason ang katarungan,
    at ginawang mapait na kahoy ang bunga ng katuwiran.
13 Kayong nagagalak sa isang bagay na walang kabuluhan, na nagsasabi;
    “Hindi ba sa pamamagitan ng sarili naming lakas
    ay nagapi namin ang mga sungay para sa aming sarili?”
14 “Sapagkat aking ititindig laban sa inyo ang isang bansa,
    O sambahayan ni Israel,” sabi ng Panginoon, ng Diyos ng mga hukbo;
“at kanilang pahihirapan kayo mula sa pasukan sa Hamat
    hanggang sa batis ng Araba.”

Ang mga Balang sa Pangitain

Ganito ang ipinakita sa akin ng Panginoong Diyos: at narito, siya'y lumikha ng mga balang sa pasimula ng huling pagsibol ng pananim, at narito, ang huling pananim ay pagkatapos ng mga gapas para sa hari.

At nangyari, nang kanilang matapos kainin ang damo ng lupain, aking sinabi,

“O Panginoong Diyos, isinasamo ko sa iyo, magpatawad ka!
    Paanong tatayo ang Jacob? Sapagkat siya'y maliit!
    Siya'y napakaliit!”
Ang Panginoon ay nagbago ng isip tungkol dito,
    “Hindi mangyayari,” sabi ng Panginoon.

Ang Pangitaing Apoy

Ganito ang ipinakita sa akin ng Panginoong Diyos: at narito, ang Panginoong Diyos ay tumatawag, upang humatol sa pamamagitan ng apoy, at tinupok nito ang malaking kalaliman, at kinakain ang lupain.

Nang magkagayo'y sinabi ko,

“O Panginoong Diyos, itigil mo, isinasamo ko sa iyo!
    Paanong makakatayo ang Jacob?
    Siya'y maliit!”
Ang Panginoon ay nagbago ng isip tungkol dito,
“Ito'y hindi rin mangyayari,” sabi ng Panginoong Diyos.

Ang Pangitaing Panghulog

Ipinakita niya sa akin: Narito, ang Panginoon ay nakatayo sa tabi ng isang kuta na itinayo na may panghulog, na may panghulog sa kanyang kamay.

At sinabi ng Panginoon sa akin, “Amos, anong nakikita mo?” At aking sinabi, “Isang panghulog.” At sinabi ng Panginoon,

“Tingnan ninyo, ako'y maglalagay ng panghulog sa gitna ng aking bayang Israel;
    hindi na ako magdaraan pa sa kanila.
At ang matataas na dako ng Isaac ay magiging sira,
    at ang mga santuwaryo ng Israel ay mahahandusay na wasak;
    at ako'y babangon na may tabak laban sa sambahayan ni Jeroboam.”

Si Amos at si Amasias

10 Nang magkagayo'y nagsugo si Amasias na pari sa Bethel kay Jeroboam na hari ng Israel, na nagsasabi, “Si Amos ay nakipagsabwatan laban sa iyo sa gitna ng sambahayan ni Israel. Hindi kayang dalhin ng lupain ang lahat niyang mga salita.

11 Sapagkat ganito ang sabi ni Amos,

‘Si Jeroboam ay mamamatay sa pamamagitan ng tabak,
    at ang Israel ay tunay na pupunta sa pagkabihag
    mula sa kanyang lupain.’”

12 Sinabi ni Amasias kay Amos, “O ikaw na tagakita, humayo ka, at tumakas ka sa lupain ng Juda, at doo'y kumain ka ng tinapay, at magsalita ka ng propesiya roon.

13 Ngunit huwag ka nang muling magsalita ng propesiya sa Bethel, sapagkat iyon ay santuwaryo ng hari, at iyon ay templo ng kaharian.”

14 Nang magkagayo'y sumagot si Amos kay Amasias, “Ako'y hindi propeta, o anak man ng propeta; kundi ako'y pastol, at manggagawa sa mga puno ng sikomoro.

15 At kinuha ako ng Panginoon mula sa pagsunod sa kawan, at sinabi ng Panginoon sa akin, ‘Humayo ka, magsalita ka ng propesiya sa aking bayang Israel.’

16 “Kaya't ngayo'y pakinggan mo ang salita ng Panginoon,
Iyong sinasabi, ‘Huwag kang magpahayag ng propesiya laban sa Israel,
    at huwag kang mangaral laban sa sambahayan ni Isaac.’
17 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon:
‘Ang iyong asawa ay magiging masamang babae[b] sa lunsod,
    at ang iyong mga anak na lalaki at babae ay mabubuwal sa pamamagitan ng tabak,
    at ang iyong lupain ay mahahati sa pamamagitan ng pising panukat;
at ikaw ay mamamatay sa isang lupaing marumi,
    at ang Israel ay tiyak na dadalhing bihag papalayo sa kanyang lupain.’”

Ang Pangitaing Kaing ng Prutas

Ganito ang ipinakita ng Panginoong Diyos sa akin: isang kaing ng bungang-kahoy sa tag-init.

At kanyang sinabi, “Amos, anong nakikita mo?” At aking sinabi, “Isang kaing ng mga bungang-kahoy sa tag-init.” Nang magkagayo'y sinabi ng Panginoon sa akin,

“Ang wakas ay dumating sa aking bayang Israel;
    hindi na ako muling daraan sa kanila.
At ang mga awit sa templo ay magiging mga panaghoy sa araw na iyon,” sabi ng Panginoong Diyos;
“darami ang mga bangkay
    na itinatapon sa bawat dako. Tumahimik kayo!”

Ang Kapahamakan ng Israel

Pakinggan ninyo ito, O kayong tumatapak sa nangangailangan,
    upang inyong puksain ang mapagpakumbaba sa lupain,
na sinasabi, “Kailan matatapos ang bagong buwan,
    upang tayo'y makapagbili ng butil?
at ang Sabbath,
    upang ating mabuksan ang bilihan ng trigo,
upang ating mapaliit ang efa, at mapalaki ang siklo,
    at gumawa ng pandaraya sa pamamagitan ng maling timbangan;
upang ating mabili ng pilak ang dukha,
    at ng isang pares na sandalyas ang nangangailangan,
    at maipagbili ang ipa ng trigo?”

Ang Panginoon ay sumumpa sa pamamagitan ng kapalaluan ng Jacob:
“Tunay na hindi ko kalilimutan kailanman
ang alinman sa kanilang mga gawa.
Hindi ba manginginig ang lupain dahil dito,
    at mananaghoy ang bawat tumatahan doon?
Oo, lahat ng ito ay tataas na gaya ng Nilo,
    at tatangayin ng alon at lulubog uli, gaya ng Nilo ng Ehipto?”
“At sa araw na iyon,” sabi ng Panginoong Diyos,
    “Aking palulubugin ang araw sa katanghaliang-tapat,
    at aking padidilimin ang lupa sa maliwanag na sikat ng araw.
10 At aking papalitan ng panangis ang inyong mga kapistahan,
    at lahat ng inyong awit ay magiging panaghoy;
at ako'y maglalagay ng damit-sako sa lahat ng balakang,
    at pagkakalbo sa bawat ulo;
at gagawin ko iyon na gaya ng pagtaghoy sa isang bugtong na anak,
    at ang wakas niyon ay gaya ng mapait na araw.

Ang Taggutom sa Buong Lupa ay Ibinabala

11 “Ang mga araw ay dumarating,” sabi ng Panginoong Diyos,
    “na ako'y magpapasapit ng taggutom sa lupain,
hindi taggutom sa tinapay, o pagkauhaw sa tubig,
    kundi sa pakikinig sa mga salita ng Panginoon.
12 At sila'y lalaboy mula sa dagat hanggang sa dagat,
    at mula sa hilaga hanggang sa silangan;
sila'y tatakbo ng paroo't parito
    upang hanapin ang salita ng Panginoon,
    at hindi nila ito matatagpuan.

13 “Sa araw na iyon ay manlulupaypay sa uhaw
    ang magagandang birhen at ang mga binata.
14 Silang sumumpa sa pamamagitan ng Ashimah ng Samaria,
    at nagsasabi, ‘Habang buháy ang diyos mo, O Dan;’
at, ‘Habang buháy ang daan ng Beer-seba;’
    sila'y mabubuwal, at kailanma'y hindi na makakabangon.”

Ang mga Hatol ng Panginoon

Nakita ko ang Panginoon na nakatayo sa tabi ng dambana, at kanyang sinabi:

“Hampasin mo ang mga kapitel,
    upang ang mga tuntungan ay mauga;
    at basagin mo sila sa ulo nilang lahat,
at aking papatayin ng tabak ang nalabi sa kanila;
    hindi sila magkakaroon ng takas na makakaalis,
    o sinuman na makakatakas.

“Bagaman sila'y humukay hanggang sa Sheol,
    mula roo'y kukunin sila ng aking kamay;
bagaman sila'y umakyat hanggang sa langit,
    mula roo'y ibababa ko sila.
At bagaman sila'y magtago sa tuktok ng Carmel,
    mula roo'y hahanapin ko sila at kukunin,
at bagaman sila'y magkubli sa aking paningin sa kailaliman ng dagat,
    mula roo'y uutusan ko ang ahas, at tutuklawin sila niyon.
At bagaman sila'y mapunta sa pagkabihag sa harapan ng kanilang mga kaaway,
    doon ay aking uutusan ang tabak, at papatayin sila niyon.
at aking itititig ang aking mga mata sa kanila
    sa ikasasama, at hindi sa ikabubuti.”

Ang Panginoon, ang Diyos ng mga hukbo,
na siyang humihipo ng lupain at natutunaw,
    at lahat ng naninirahan doon ay tatangis;
at lahat niyon ay tumataas na gaya ng Nilo,
    at lulubog uli, na gaya ng Nilo ng Ehipto;
siya na gumagawa ng kanyang mga silid sa langit,
    at inilagay ang kanyang pabilog na bubong sa lupa;
siya na tumatawag ng tubig sa dagat
    at ibinubuhos ang mga iyon sa ibabaw ng lupa—
Panginoon ang kanyang pangalan.

“Di ba kayo'y parang mga anak ng Etiopia para sa akin,
    O mga anak ni Israel?” sabi ng Panginoon.
“Hindi ko ba pinaahon ang Israel mula sa lupain ng Ehipto,
    at ang mga Filisteo, mula sa Caftor, at ang mga taga-Siria mula sa Chir?
Ang mga mata ng Panginoong Diyos ay nasa makasalanang kaharian,
    at wawasakin ko iyon mula sa ibabaw ng lupa;
    gayunman hindi ko lubos na wawasakin ang sambahayan ni Jacob,” sabi ng Panginoon.
“Sapagkat narito, ako'y mag-uutos,
    at aking liligligin ang sambahayan ni Israel sa gitna ng lahat ng bansa,
gaya ng pagliliglig sa pamamagitan ng isang bithay,
    subalit hindi malalaglag sa lupa ang pinakamaliit na butil.
10 Lahat ng makasalanan sa aking bayan ay mamamatay sa pamamagitan ng tabak,
    sila na nagsasabi, ‘Ang kasamaan ay hindi aabot sa atin o sasalubong sa atin.’

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001