Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Bible in 90 Days

An intensive Bible reading plan that walks through the entire Bible in 90 days.
Duration: 88 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mateo 5-15

Ang Sermon sa Bundok

Nang makita ni Jesus ang napakaraming tao, umakyat siya sa bundok, at pagkaupo niya ay lumapit sa kanya ang mga alagad niya.

At binuka niya ang kanyang bibig at tinuruan sila, na sinasabi:

Ang Mapapalad(A)

“Mapapalad ang mga dukha sa espiritu, sapagkat kanila ang kaharian ng langit.

“Mapapalad(B) ang mga nahahapis, sapagkat sila ay aaliwin.

“Mapapalad(C) ang mga mapagpakumbaba, sapagkat mamanahin nila ang lupa.

“Mapapalad(D) ang mga nagugutom at nauuhaw sa katuwiran, sapagkat sila ay bubusugin.

“Mapapalad ang mga mahabagin, sapagkat sila'y kahahabagan.

“Mapapalad(E) ang mga may malinis na puso, sapagkat makikita nila ang Diyos.

“Mapapalad ang mga mapagpayapa, sapagkat sila ay tatawaging mga anak ng Diyos.

10 “Mapapalad(F) ang mga inuusig dahil sa katuwiran, sapagkat kanila ang kaharian ng langit.

11 “Mapapalad(G) kayo kapag kayo ay nilalait, inuusig, at pinagsasabihan ng sari-saring kasamaan na pawang kasinungalingan dahil sa akin.

12 “Magalak(H) kayo at magsaya, sapagkat malaki ang gantimpala ninyo sa langit, sapagkat gayundin nila inusig ang mga propeta na nauna sa inyo.

Asin at Ilaw(I)

13 “Kayo(J) ang asin ng lupa; ngunit kung ang asin ay tumabang, paano maibabalik ang alat nito? Wala na itong kabuluhan, maliban sa itapon sa labas at tapakan ng mga tao.

14 “Kayo(K) ang ilaw ng sanlibutan. Ang isang lunsod na nakatayo sa ibabaw ng isang burol ay hindi maitatago.

15 Hindi(L) nila sinisindihan ang isang ilawan at inilalagay sa ilalim ng isang takalan, kundi sa talagang patungan at nagbibigay ng liwanag sa lahat ng nasa bahay.

16 Paliwanagin(M) ninyo nang gayon ang inyong ilaw sa harap ng mga tao; upang makita nila ang inyong mabubuting gawa, at luwalhatiin nila ang inyong Ama na nasa langit.

Ang Kautusan at mga Propeta

17 “Huwag ninyong isiping pumarito ako upang sirain ang kautusan o ang mga propeta; pumarito ako hindi upang sirain, kundi upang tuparin ang mga ito.

18 Sapagkat(N) katotohanang sinasabi ko sa inyo, hanggang sa mawala ang langit at lupa, ang isang tuldok o isang kudlit ay hindi mawawala sa kautusan, hanggang sa matupad ang lahat ng mga bagay.

19 Kaya't sinumang sumuway sa isa sa pinakamaliit sa mga utos na ito, at magturo nang gayon sa mga tao ay tatawaging pinakamaliit sa kaharian ng langit; ngunit ang sinumang tumupad at magturo ng mga ito ay tatawaging dakila sa kaharian ng langit.

20 Sapagkat sinasabi ko sa inyo, malibang humigit ang inyong katuwiran sa katuwiran ng mga eskriba at mga Fariseo, ay hindi kayo makakapasok sa kaharian ng langit.

Turo tungkol sa Galit

21 “Narinig(O) ninyo na sinabi sa mga tao noong unang panahon, ‘Huwag kang papatay; at ang sinumang pumatay ay mananagot sa hukuman.’

22 Ngunit sinasabi ko sa inyo, na ang bawat napopoot sa kanyang kapatid ay mananagot sa hukuman at ang sinumang magsabi sa kanyang kapatid, ‘Raca,’[a] ay mananagot sa Sanhedrin; at ang sinumang magsabi, ‘Ulol ka,’ ay magdurusa sa nag-aapoy na impiyerno.[b]

23 Kaya't kung maghahandog ka ng iyong kaloob sa dambana, at doon ay naalala mo na ang iyong kapatid ay mayroong anumang laban sa iyo,

24 iwan mo roon sa harap ng dambana ang kaloob mo, at humayo ka; makipagkasundo ka muna sa iyong kapatid, at saka ka magbalik at maghandog ng iyong kaloob.

25 Makipagkasundo ka agad sa nagsakdal sa iyo, habang kasama mo pa siya sa daan; baka ibigay ka ng nagsakdal sa iyo sa hukom, at ibigay ka naman ng hukom sa tanod, at ipasok ka sa bilangguan.

26 Katotohanang sinasabi ko sa iyo, hindi ka makakalabas doon hanggang hindi mo nababayaran ang kahuli-hulihang kusing.

Turo tungkol sa Pangangalunya

27 “Narinig(P) ninyo na sinabi, ‘Huwag kang mangangalunya.’

28 Ngunit sinasabi ko sa inyo, na ang bawat tumitingin sa isang babae na may pagnanasa ay nagkasala na sa kanya ng pangangalunya sa kanyang puso.

29 Kung(Q) ang kanan mong mata ang sanhi ng iyong pagkakasala, dukitin mo ito at itapon, sapagkat mabuti pang mawalan ka ng isa sa mga bahagi ng iyong katawan kaysa ang buong katawan mo ay mapatapon sa impiyerno.

30 At(R) kung ang kanan mong kamay ang sanhi ng iyong pagkakasala, putulin mo ito at itapon, sapagkat mabuti pang mawalan ka ng isa sa mga bahagi ng iyong katawan kaysa ang buong katawan mo ay mapunta sa impiyerno.

Turo tungkol sa Paghihiwalay ng Mag-asawa(S)

31 “Sinabi(T) rin naman, ‘Sinumang makipaghiwalay sa kanyang asawang babae, dapat niyang bigyan ito ng kasulatan ng paghihiwalay.’

32 Ngunit(U) sinasabi ko sa inyo, na ang bawat nakikipaghiwalay sa kanyang asawang babae maliban sa pakikiapid, ay nagtutulak sa kanya sa pakikiapid; at ang sinumang mag-asawa sa babaing hiniwalayan ay nagkakasala ng pangangalunya.

Turo tungkol sa Panunumpa

33 “Narinig(V) din ninyo na sinabi sa mga tao noong unang panahon, ‘Huwag mong sisirain ang iyong panata kundi tutuparin mo ang iyong mga ipinanata sa Panginoon.’

34 Ngunit(W) sinasabi ko sa inyo, huwag ninyong ipanumpa ang anuman, maging ang langit, sapagkat iyon ang trono ng Diyos;

35 kahit(X) ang lupa, sapagkat ito ang tuntungan ng kanyang mga paa; kahit ang Jerusalem, sapagkat iyon ang lunsod ng dakilang Hari.

36 Huwag mong ipanumpa maging ang iyong ulo, sapagkat hindi mo magagawang puti o itim ang isang buhok.

37 Ngunit ang inyong pananalita ay maging oo kung oo; Hindi kung hindi; anumang higit pa rito ay buhat sa masama.

Turo tungkol sa Paghihiganti(Y)

38 “Narinig(Z) ninyo na sinabi, ‘Mata sa mata, at ngipin sa ngipin.’

39 Ngunit sinasabi ko sa inyo, ‘Huwag ninyong labanan ang masamang tao.’ At kung ikaw ay sampalin ng sinuman sa kanang pisngi, iharap mo rin sa kanya ang kabila.

40 Kung ipagsakdal ka ng sinuman, at kunin ang iyong baro, ibigay mo rin sa kanya ang iyong balabal.

41 Kung may sinumang pumilit sa iyo na lumakad ka ng isang milya, lumakad ka ng dalawang milya na kasama niya.

42 Bigyan mo ang humihingi sa iyo, at huwag mong pagkaitan ang ibig humiram mula sa iyo.

Ibigin ang Kaaway(AA)

43 “Narinig ninyo na sinabi, ‘Ibigin mo ang iyong kapwa, at kapootan mo ang iyong kaaway.’

44 Ngunit sinasabi ko sa inyo, Ibigin ninyo ang inyong mga kaaway, at idalangin ninyo ang umuusig sa inyo,

45 upang kayo'y maging mga anak ng inyong Ama na nasa langit, sapagkat pinasisikat niya ang kanyang araw sa masasama at sa mabubuti, at nagpapaulan sa mga matuwid at sa mga di-matuwid.

46 Sapagkat kung umiibig kayo sa mga umiibig lamang sa inyo, anong gantimpala mayroon kayo? Hindi ba gayundin ang ginagawa maging ng mga maniningil ng buwis?

47 At kung mga kapatid lamang ninyo ang inyong binabati, anong ginagawa ninyo na higit kaysa iba? Hindi ba't kahit ang mga Hentil ay gayundin ang ginagawa?

48 Kaya't kayo(AB) nga'y maging sakdal, gaya ng inyong Ama sa langit na sakdal.

Turo tungkol sa Paglilimos

“Mag-ingat(AC) kayo na huwag ninyong gawin ang inyong kabanalan sa harap ng mga tao upang makita nila. Sapagkat kung gayon, wala kayong gantimpala mula sa inyong Ama na nasa langit.

“Kaya, kapag ikaw ay naglilimos, huwag kang magpapatunog ng trumpeta sa harapan mo, gaya ng ginagawa ng mga mapagkunwari sa mga sinagoga at sa mga lansangan, upang papurihan sila ng mga tao. Katotohanang sinasabi ko sa inyo, tinanggap na nila ang kanilang gantimpala.

Ngunit kapag ikaw ay naglilimos, huwag mong hayaang malaman ng iyong kaliwang kamay ang ginagawa ng iyong kanang kamay,

upang maging lihim ang iyong paglilimos; at ang iyong Ama na nakakakita ng mga lihim ay gagantimpalaan ka.

Turo tungkol sa Pananalangin(AD)

“At(AE) kapag kayo ay nananalangin, huwag kayong maging tulad sa mga mapagkunwari; sapagkat ibig nilang tumayo at manalangin sa mga sinagoga at sa mga panulukan ng mga lansangan upang makita sila ng mga tao. Katotohanang sinasabi ko sa inyo, tinanggap na nila ang kanilang gantimpala.

Ngunit kapag ikaw ay mananalangin, pumasok ka sa iyong silid, at pagkasara mo ng iyong pinto ay manalangin ka sa iyong Ama na nasa lihim, at ang iyong Ama na nakakakita ng mga lihim ay gagantimpalaan ka.[c]

“At sa pananalangin ay huwag kayong gumamit ng walang kabuluhang paulit-ulit, na tulad ng ginagawa ng mga Hentil, sapagkat inaakala nilang sila ay pakikinggan dahil sa marami nilang salita.

Huwag nga kayong tumulad sa kanila, sapagkat alam na ng inyong Ama ang mga bagay na inyong kinakailangan, bago pa kayo humingi sa kanya.

Manalangin nga kayo nang ganito: Ama naming nasa langit, sambahin nawa ang pangalan mo.

10 Dumating nawa ang kaharian mo. Masunod nawa ang kalooban mo, kung paano sa langit, gayundin naman sa lupa.

11 Bigyan mo kami ngayon ng aming pagkain sa araw-araw.[d]

12 At patawarin mo kami sa aming mga utang, gaya rin namin na nagpapatawad sa mga may utang sa amin.

13 At huwag mo kaming dalhin sa tukso, kundi iligtas mo kami sa masama.[e]

14 Sapagkat(AF) kung pinatatawad ninyo ang mga tao sa kanilang mga kasalanan, patatawarin din naman kayo ng inyong Ama na nasa langit.

15 Ngunit kung hindi ninyo pinatatawad ang mga tao sa kanilang mga kasalanan, hindi rin naman kayo patatawarin ng inyong Ama sa inyong mga kasalanan.

Turo tungkol sa Pag-aayuno

16 “At kapag kayo ay nag-aayuno, huwag kayong magmukhang mapanglaw, tulad ng mga mapagkunwari, sapagkat pinasasama nila ang kanilang mga mukha upang ipakita sa mga tao ang kanilang pag-aayuno. Katotohanang sinasabi ko sa inyo, tinanggap na nila ang kanilang gantimpala.

17 Ngunit kapag nag-aayuno ka, lagyan mo ng langis ang iyong ulo, at maghilamos ka ng iyong mukha;

18 upang ang iyong pag-aayuno ay hindi makita ng mga tao, kundi ng iyong Ama na nasa lihim, at gagantimpalaan ka ng iyong Ama na nakakakita ng lihim na bagay.

Ang Kayamanan sa Langit(AG)

19 “Huwag(AH) kayong magtipon ng mga kayamanan para sa inyong sarili sa lupa, na dito ay naninira ang bukbok at ang kalawang[f] at ang mga magnanakaw ay nakakapasok at nakakapagnakaw;

20 kundi magtipon kayo para sa inyong sarili ng mga kayamanan sa langit, na doon ang bukbok at ang kalawang ay hindi makapaninira at ang mga magnanakaw ay hindi rin makakapasok ni makakapagnakaw.

21 Sapagkat kung nasaan ang iyong kayamanan, naroon din naman ang iyong puso.

Ang Ilawan ng Katawan(AI)

22 “Ang mata ang ilawan ng katawan: Kung tapat ang iyong mata, ang buong katawan mo'y mapupuno ng liwanag.

23 Ngunit kung masama ang iyong mata, ang iyong buong katawan ay magiging kadiliman. Kaya't kung ang liwanag na nasa iyo ay kadiliman, anong laki ng kadiliman!

Diyos o Kayamanan(AJ)

24 “Walang makapaglilingkod sa dalawang panginoon, sapagkat kapopootan niya ang isa at iibigin ang ikalawa; o magiging tapat siya sa isa, at hahamakin ang ikalawa. Hindi kayo makapaglilingkod sa Diyos at sa kayamanan.[g]

Tungkol sa Pagkabalisa(AK)

25 “Kaya nga sinasabi ko sa inyo, huwag kayong mabalisa sa inyong buhay, kung ano ang inyong kakainin, o kung ano ang inyong iinumin; kahit sa inyong katawan, kung ano ang inyong isusuot. Hindi ba higit ang buhay kaysa pagkain, at ang katawan kaysa damit?

26 Tingnan ninyo ang mga ibon sa himpapawid: hindi sila naghahasik, o gumagapas, o nag-iimbak man sa mga kamalig, ngunit pinapakain sila ng inyong Ama na nasa langit. Hindi ba higit na mahalaga kayo kaysa kanila?

27 Sino sa inyo na dahil sa pagkabalisa ay mapapahaba ang kanyang buhay?[h]

28 At bakit kayo nababalisa tungkol sa pananamit? Pansinin ninyo ang mga liryo sa parang, kung paano silang lumalaki; hindi sila gumagawa o humahabi man.

29 Gayunma'y(AL) sinasabi ko sa inyo, kahit si Solomon sa buong kaluwalhatian niya ay hindi nakapagdamit nang tulad sa isa sa mga ito.

30 At kung gayon binibihisan ng Diyos ang damo sa parang, na ngayon ay buháy, at sa kinabukasan ay itinatapon sa kalan, hindi ba lalo niya kayong bibihisan, O kayong maliliit ang pananampalataya?

31 Kaya huwag kayong mabalisa, na magsasabing, ‘Ano ang aming kakainin?’ o, ‘Ano ang aming iinumin?’ o, ‘Ano ang aming isusuot?’

32 Sapagkat hinahanap ng mga Hentil ang lahat ng mga bagay na ito; at batid ng inyong Ama sa langit na kailangan ninyo ang lahat ng mga bagay na ito.

33 Ngunit hanapin muna ninyo ang kanyang kaharian[i] at ang kanyang katuwiran, at ang lahat ng mga bagay na ito ay pawang idaragdag sa inyo.

34 “Kaya't huwag ninyong alalahanin ang bukas, sapagkat ang bukas ang mag-aalala sa kanyang sarili. Sapat na para ngayon ang kabalisahan sa araw na ito.

Ang Paghatol sa Kapwa(AM)

“Huwag humatol upang hindi kayo mahatulan.

Sapagkat(AN) sa hatol na inyong ihahatol ay hahatulan kayo; at sa panukat na inyong isusukat, ay susukatin kayo.

Bakit mo nakikita ang puwing na nasa mata ng iyong kapatid, ngunit hindi mo pinapansin ang troso na nasa iyong sariling mata?

O paano mong nasasabi sa iyong kapatid, ‘Hayaan mong alisin ko ang puwing sa iyong mata,’ samantalang mayroong troso sa iyong sariling mata?

Ikaw na mapagkunwari, alisin mo muna ang troso sa iyong sariling mata at nang magkagayon, makakakita ka nang malinaw upang maalis mo ang puwing sa mata ng iyong kapatid.

“Huwag ninyong ibigay sa mga aso ang mga banal na bagay; at huwag kayong magtapon ng inyong mga perlas sa harap ng mga baboy; baka yurakan nila ang mga ito ng kanilang mga paa, at pagbalingan kayo at lapain.

Humingi, Humanap, Tumuktok(AO)

“Humingi kayo, at kayo ay bibigyan; humanap kayo, at kayo ay makakatagpo, tumuktok kayo, at kayo'y pagbubuksan.

Sapagkat ang bawat humihingi ay tumatanggap; at ang humahanap ay nakakatagpo; at ang tumutuktok ay pinagbubuksan.

Mayroon bang tao sa inyo, na kung humingi ng tinapay sa kanya ang kanyang anak ay bato ang ibibigay?

10 O kung humingi siya ng isda ay bibigyan niya ito ng ahas?

11 Kung kayo nga na masasama ay marunong magbigay ng mabubuting kaloob sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang inyong Ama na nasa langit ang magbigay ng mabubuting bagay sa mga humihingi sa kanya?

Ang Ginintuang Aral

12 “Kaya,(AP) anumang bagay na ibig ninyong gawin sa inyo ng mga tao, gayon ang gawin ninyo sa kanila; sapagkat ito ang kautusan at ang mga propeta.

Ang Makipot na Pintuan(AQ)

13 “Pumasok kayo sa makipot na pintuan, sapagkat maluwang ang pintuan at malapad ang daang patungo sa kapahamakan, at marami ang pumapasok doon.

14 Sapagkat makipot ang pintuan at masikip ang daang patungo sa buhay, at kakaunti ang nakakatagpo niyon.

Sa Bunga Makikilala(AR)

15 “Mag-ingat kayo sa mga bulaang propeta, na lumalapit sa inyo na may damit tupa, ngunit sa loob ay mga ganid na asong-gubat.

16 Makikilala ninyo sila sa kanilang mga bunga. Nakakapitas ba ng mga ubas sa mga tinikan, o ng mga igos sa mga dawagan?

17 Gayundin naman, ang bawat mabuting puno ay mabuti ang bunga, ngunit ang masamang puno ay masama ang bunga.

18 Hindi maaaring mamunga ng masama ang mabuting puno at mamunga ng mabuti ang masamang puno.

19 Bawat(AS) puno na hindi mabuti ang bunga ay pinuputol, at itinatapon sa apoy.

20 Kaya't(AT) makikilala ninyo sila sa kanilang mga bunga.

Hindi Ko Kayo Nakilala Kailanman(AU)

21 “Hindi lahat ng nagsasabi sa akin ‘Panginoon, Panginoon,’ ay papasok sa kaharian ng langit, kundi ang gumaganap ng kalooban ng aking Ama na nasa langit.

22 Sa araw na iyon ay marami ang magsasabi sa akin, ‘Panginoon, Panginoon, hindi ba nagpropesiya kami sa iyong pangalan, at nagpalayas ng mga demonyo sa iyong pangalan, at sa iyong pangalan ay gumawa kami ng maraming gawang makapangyarihan?’

23 At(AV) kung magkagayon ay ipahahayag ko sa kanila, ‘Hindi ko kayo kilala kailanman; lumayo kayo sa akin, kayong mga gumagawa ng kasamaan!’

Ang Matalino at ang Hangal na Nagtayo ng Bahay(AW)

24 “Kaya't ang bawat nakikinig sa mga salita kong ito at ginaganap ang mga ito ay matutulad sa isang matalinong tao na nagtayo ng kanyang bahay sa ibabaw ng bato.

25 Bumagsak ang ulan, at dumating ang baha. Humihip ang mga hangin at hinampas ang bahay na iyon, ngunit hindi iyon bumagsak, sapagkat itinayo sa ibabaw ng bato.

26 Ang bawat nakikinig sa mga salita kong ito at hindi ginaganap ang mga ito ay matutulad sa isang taong hangal na nagtayo ng kanyang bahay sa buhanginan.

27 Bumagsak ang ulan, at dumating ang baha. Humihip ang mga hangin at hinampas ang bahay na iyon, at iyon ay bumagsak; napakalakas nga ng kanyang pagbagsak.”

28 At(AX) nang matapos na ni Jesus ang mga salitang ito, namangha ang napakaraming tao sa kanyang aral;

29 sapagkat nagturo siya sa kanila na tulad sa may awtoridad at hindi gaya ng kanilang mga eskriba.

Pinagaling ni Jesus ang Isang Ketongin(AY)

Nang bumaba si Jesus[j] mula sa bundok, sinundan siya ng napakaraming tao;

at lumapit sa kanya ang isang ketongin, at lumuhod sa harapan niya na nagsasabi, “Panginoon, kung ibig mo ay malilinis mo ako.”

Iniunat ni Jesus ang kanyang kamay, at hinawakan niya ito na nagsasabi, “Ibig ko. Maging malinis ka.” At nalinis kaagad ang kanyang ketong.

At(AZ) sinabi ni Jesus sa kanya, “Ingatan mong huwag sabihin kaninuman, kundi humayo ka, magpakita ka sa pari, at ihandog mo ang kaloob na ipinag-utos ni Moises bilang patotoo sa kanila.”

Pinagaling ang Alipin ng Senturion(BA)

Pagpasok niya sa Capernaum ay lumapit sa kanya ang isang senturion na nakikiusap sa kanya,

at nagsasabi, “Panginoon, ang aking alipin ay nakaratay sa bahay, lumpo, at lubha siyang nahihirapan.”

Sinabi niya sa kanya, “Pupuntahan ko siya at pagagalingin.”

Ngunit sumagot ang senturion at sinabi, “Panginoon, hindi ako karapat-dapat sa iyo na puntahan mo ang aking bahay,[k] ngunit sabihin mo lamang ang salita at gagaling ang aking alipin.

Sapagkat ako ay isang taong nasa ilalim ng awtoridad na may mga kawal na nasa ilalim ko. Sinasabi ko sa isa, ‘Humayo ka,’ at siya ay humahayo; at sa iba naman, ‘Halika,’ at siya ay lumalapit; at sa aking alipin, ‘Gawin mo ito,’ at ginagawa nga niya.”

10 Nang marinig ito ni Jesus ay namangha siya, at sinabi sa mga sumusunod sa kanya, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, kahit sa Israel man ay hindi ako nakatagpo ng ganito kalaking pananampalataya.

11 Sinasabi(BB) ko sa inyo, marami ang manggagaling sa silangan at sa kanluran at mauupong kasalo ni Abraham, ni Isaac at ni Jacob sa kaharian ng langit,

12 ngunit(BC) ang mga anak ng kaharian ay itatapon sa kadilimang nasa labas. Doon nga ang pagtangis at pagngangalit ng mga ngipin.”

13 Sinabi ni Jesus sa senturion, “Humayo ka na; mangyayari para sa iyo ang ayon sa iyong pananampalataya.” At gumaling nga ang alipin nang oras ding iyon.

Maraming Pinagaling si Jesus(BD)

14 Nang pumasok si Jesus sa bahay ni Pedro, nakita niya ang biyenang babae nito na nakaratay dahil sa lagnat.

15 Hinawakan niya ang kamay ng babae, at nawala ang kanyang lagnat. Bumangon siya at naglingkod kay Jesus.

16 Nang gabing iyon ay dinala nila sa kanya ang maraming inaalihan ng mga demonyo. Pinalayas niya ang mga espiritu sa pamamagitan ng salita at pinagaling ang lahat ng mga may sakit.

17 Ito(BE) ay upang matupad ang sinabi sa pamamagitan ni propeta Isaias: “Kinuha niya ang ating mga sakit at pinasan niya ang ating mga karamdaman.”

Ang Pagsunod kay Jesus(BF)

18 Nang makita ni Jesus ang napakaraming tao sa palibot niya, ipinag-utos niyang tumawid sa kabilang pampang.

19 Lumapit ang isang eskriba at nagsabi sa kanya, “Guro, susunod ako sa iyo saan ka man magtungo.”

20 Sinabi ni Jesus sa kanya, “May mga lungga ang mga asong-gubat, at ang mga ibon sa himpapawid ay may mga pugad; ngunit ang Anak ng Tao ay walang mapagpahingahan ng kanyang ulo.”

21 Isa pa sa mga alagad ay nagsabi sa kanya, “Panginoon, hayaan mo muna akong makauwi at mailibing ko ang aking ama.”

22 Ngunit sinabi sa kanya ni Jesus, “Sumunod ka sa akin; at hayaan mong ang mga patay ang maglibing sa sarili nilang mga patay.”

Pinatigil ni Jesus ang Bagyo(BG)

23 Nang makasakay si Jesus[l] sa bangka, sumunod sa kanya ang kanyang mga alagad.

24 At dumating ang isang malakas na bagyo sa dagat, anupa't matatabunan na ng alon ang bangka; ngunit siya ay natutulog.

25 Lumapit sila sa kanya at siya ay ginising, na nagsasabi, “Panginoon, iligtas mo kami; mamamatay kami!”

26 Sinabi niya sa kanila, “Bakit kayo natatakot, O kayong maliliit ang pananampalataya?” Kaya't bumangon siya at sinaway ang mga hangin at ang dagat, at nagkaroon ng lubos na kapayapaan.

27 Kaya't namangha ang mga tao, na nagsasabi, “Anong uring tao ito na maging ang mga hangin at ang dagat ay sumusunod sa kanya?”

Pinagaling ang mga Gadarenong Inaalihan ng mga Demonyo(BH)

28 Nang makarating si Jesus[m] sa kabilang pampang, sa lupain ng mga Gadareno, ay sinalubong siya ng dalawang inaalihan ng mga demonyo na lumabas mula sa mga libingan. Napakabangis nila kaya't walang makadaan doon.

29 Sila ay sumigaw na nagsasabi, “Anong gagawin mo sa amin, O Anak ng Diyos? Naparito ka ba upang pahirapan kami bago dumating ang takdang panahon?”

30 Sa may kalayuan sa kanila ay may isang kawan ng maraming baboy na nanginginain.

31 At nagmakaawa sa kanya ang mga demonyo, na nagsasabi, “Kung palalayasin mo kami ay papuntahin mo kami sa kawan ng mga baboy.”

32 Sinabi niya sa kanila, “Humayo kayo.” Lumabas nga sila at pumasok sa mga baboy, at ang buong kawan ng mga baboy ay bumulusok sa bangin patungo sa dagat at namatay sila sa tubig.

33 Tumakas ang mga tagapag-alaga ng mga iyon; at pagpasok nila sa bayan ay sinabi nila ang buong pangyayari at ang nangyari sa mga inalihan ng mga demonyo.

34 Lumabas ang buong bayan upang salubungin si Jesus at pagkakita nila sa kanya, pinakiusapan nila siyang umalis sa kanilang nasasakupan.

Pinagaling ni Jesus ang Isang Lumpo(BI)

Pagkatapos sumakay sa isang bangka, tumawid si Jesus[n] at dumating sa kanyang sariling bayan.

Dinala nila sa kanya ang isang lumpo na nakaratay sa isang higaan. Nang makita ni Jesus ang kanilang pananampalataya, sinabi niya sa lumpo, “Anak, lakasan mo ang iyong loob, pinatatawad na ang iyong mga kasalanan.”

Ang ilan sa mga eskriba ay nagsabi, “Nilalapastangan ng taong ito ang Diyos.”

Ngunit palibhasa'y alam ni Jesus ang kanilang mga iniisip ay sinabi niya, “Bakit nag-iisip kayo sa inyong mga puso ng masama?

Sapagkat alin ba ang mas madali, ang sabihing, ‘Pinatatawad na ang iyong mga kasalanan?’ o sabihing, ‘Tumindig ka at lumakad?’

Ngunit upang malaman ninyo na sa lupa ay may awtoridad ang Anak ng Tao na magpatawad ng mga kasalanan,” kaya't sinabi niya sa lumpo, “Tumindig ka, buhatin mo ang iyong higaan, at umuwi ka sa bahay mo.”

Tumindig siya at umuwi sa kanyang bahay.

Nang makita ito ng maraming tao, sila ay natakot at niluwalhati nila ang Diyos, na nagbigay ng gayong awtoridad sa mga tao.

Ang Pagtawag kay Mateo(BJ)

Habang si Jesus ay naglalakad mula roon, nakita niya ang isang tao na tinatawag na Mateo na nakaupo sa tanggapan ng buwis. Sinabi niya sa kanya, “Sumunod ka sa akin.” At siya ay tumayo at sumunod sa kanya.

10 Habang(BK) nakaupo[o] siya sa may hapag-kainan sa bahay, dumating ang maraming maniningil ng buwis at mga makasalanan at umupong kasalo ni Jesus at ng kanyang mga alagad.

11 Nang makita ito ng mga Fariseo, sinabi nila sa kanyang mga alagad, “Bakit nakikisalo ang inyong guro sa mga maniningil ng buwis at mga makasalanan?”

12 Ngunit nang marinig niya ito ay sinabi niya, “Ang mga walang sakit ay hindi nangangailangan ng manggagamot, kundi ang mga may sakit.

13 Kaya,(BL) humayo kayo at pag-aralan ninyo kung ano ang kahulugan nito: ‘Habag ang ibig ko, at hindi handog.’ Sapagkat hindi ako pumarito upang tawagin ang mga matuwid, kundi ang mga makasalanan.”

Tinanong si Jesus tungkol sa Pag-aayuno(BM)

14 Pagkatapos ay lumapit sa kanya ang mga alagad ni Juan na nagsasabi, “Bakit kami at ang mga Fariseo ay nag-aayuno[p] ngunit ang mga alagad mo ay hindi nag-aayuno?”

15 At sinabi sa kanila ni Jesus, “Maaari bang magluksa ang mga panauhin sa kasalan samantalang kasama pa nila ang lalaking ikakasal? Ngunit darating ang mga araw na ang lalaking ikakasal ay kukunin sa kanila, at saka sila mag-aayuno.

16 Sinuman ay hindi nagtatagpi ng bagong tela sa lumang damit; sapagkat binabatak ng tagpi ang damit at lumalala ang punit.

17 Hindi rin inilalagay ang bagong alak sa mga lumang sisidlang balat; sapagkat kung gayon, puputok ang mga balat, at matatapon ang alak, at masisira ang mga balat; ngunit inilalagay ang bagong alak sa mga bagong balat, at pareho silang tumatagal.

Muling Binuhay ang Anak ng Pinuno at Pinagaling ang Isang Babae(BN)

18 Samantalang sinasabi niya sa kanila ang mga bagay na ito, may dumating na isang pinuno at lumuhod sa harapan niya at nagsabi, “Kamamatay pa lamang ng aking anak na babae, ngunit puntahan mo siya at ipatong mo ang iyong kamay sa kanya, at mabubuhay siya.”

19 Tumayo si Jesus at sumunod sa kanya, kasama ang kanyang mga alagad.

20 Samantala, may isang babaing labindalawang taon nang dinudugo ang lumapit sa likuran niya at hinipo nito ang laylayan ng kanyang damit;

21 sapagkat sinabi niya sa kanyang sarili, “Kung mahihipo ko lamang ang kanyang damit ay gagaling ako.”

22 Nang lumingon si Jesus at nakita siya ay sinabi niya, “Anak, lakasan mo ang iyong loob; pinagaling ka ng iyong pananampalataya.” Gumaling nga ang babae sa oras ding iyon.

23 Nang dumating na si Jesus sa bahay ng pinuno, at makita niya ang mga manunugtog ng plauta at ang maraming tao na nagkakagulo,

24 ay sinabi niya, “Umalis na kayo, sapagkat hindi patay ang batang babae kundi natutulog lamang.” At siya ay pinagtawanan nila.

25 Ngunit nang mapalabas na ang maraming tao, pumasok siya at hinawakan ang kamay ng batang babae at ito ay bumangon.

26 At kumalat ang balitang ito sa buong lupaing iyon.

Nakakita ang Dalawang Bulag

27 Nang papaalis na si Jesus mula roon, sinundan siya ng dalawang lalaking bulag na sumisigaw ng malakas, “Mahabag ka sa amin, Anak ni David.”

28 Nang makapasok na siya sa bahay, lumapit sa kanya ang mga lalaking bulag; at sinabi sa kanila ni Jesus, “Sumasampalataya ba kayo na magagawa ko ito?” Sinabi nila sa kanya, “Opo, Panginoon.”

29 Kaya't hinipo niya ang kanilang mga mata, na sinasabi, “Mangyari sa inyo ang ayon sa inyong pananampalataya.”

30 At nabuksan ang kanilang mga mata. Mahigpit silang pinagbilinan ni Jesus, “Ingatan ninyo na walang makakaalam nito.”

31 Ngunit sila ay umalis, at ikinalat ang balita tungkol sa kanya sa buong lupaing iyon.

Nakapagsalita ang Isang Pipi

32 Nang makaalis na sila, dinala sa kanya ang isang lalaking pipi na inaalihan ng demonyo.

33 Nang mapalabas na ang demonyo, nagsalita ang dating pipi. Namangha ang maraming tao at nagsabi, “Wala pang nakitang tulad nito sa Israel.”

34 Ngunit(BO) sinabi ng mga Fariseo, “Nagpapalayas siya ng mga demonyo sa pamamagitan ng pinuno ng mga demonyo.”[q]

Nahabag si Jesus sa mga Tao

35 Nilibot(BP) ni Jesus ang lahat ng mga lunsod at mga nayon, na nagtuturo sa mga sinagoga nila at ipinangangaral ang magandang balita ng kaharian, at pinapagaling ang bawat sakit at bawat karamdaman.

36 Nang(BQ) makita niya ang napakaraming tao, nahabag siya sa kanila, sapagkat sila ay nangangamba at nanlulupaypay na gaya ng mga tupa na walang pastol.

37 Kaya't(BR) sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Tunay na napakarami ng aanihin, ngunit kakaunti ang manggagawa;

38 idalangin ninyo sa Panginoon ng anihin, na magpadala ng mga manggagawa sa kanyang aanihin.”

Ang Labindalawang Apostol(BS)

10 Pagkatapos ay tinawag ni Jesus[r] ang kanyang labindalawang alagad, at kanyang binigyan sila ng kapangyarihan sa masasamang espiritu, upang kanilang mapalayas sila at pagalingin nila ang bawat sakit at karamdaman.

Ang mga pangalan ng labindalawang apostol ay ito: ang una ay si Simon na tinatawag na Pedro, si Andres na kanyang kapatid; si Santiago na anak ni Zebedeo, at si Juan na kanyang kapatid;

si Felipe at si Bartolome; si Tomas at si Mateo na maniningil ng buwis; si Santiago na anak ni Alfeo, at si Tadeo;

si Simon na Cananeo, at si Judas Iscariote, na nagkanulo sa kanya.

Isinugo ni Jesus ang Labindalawa(BT)

Ang labindalawang ito ay isinugo ni Jesus, at inutusan na sinasabi, “Huwag kayong pupunta sa pook ng mga Hentil, at huwag kayong papasok sa alinmang bayan ng mga Samaritano;

kundi puntahan ninyo ang mga nawawalang tupa sa bahay ni Israel.

At(BU) habang kayo ay humahayo, ipangaral ninyo at sabihing, ‘Malapit na ang kaharian ng langit.’

Pagalingin ninyo ang mga maysakit, buhayin ninyo ang mga patay, linisin ninyo ang mga ketongin, palayasin ninyo ang mga demonyo. Tinanggap ninyong walang bayad, ibigay ninyong walang bayad.

Huwag kayong magdala ng ginto, o pilak, o tanso sa inyong mga lalagyan ng pera;

10 o(BV) supot sa inyong paglalakbay, o dalawang baro o mga sandalyas, o tungkod, sapagkat ang manggagawa ay karapat-dapat sa kanyang pagkain.

11 Sa alinmang bayan o nayon kayo makapasok, hanapin ninyo kung sino roon ang karapat-dapat; at makitira kayo sa kanya hanggang sa inyong pag-alis.

12 Pagpasok ninyo sa bahay, batiin ninyo ito.

13 At kung karapat-dapat ang sambahayan, hayaang mapunta roon ang inyong kapayapaan, ngunit kung hindi karapat-dapat, hayaang mabalik sa inyo ang inyong kapayapaan.

14 Sinumang(BW) hindi tumanggap sa inyo, o duminig sa inyong mga salita, pag-alis ninyo sa bahay o bayang iyon, ay ipagpag ninyo ang alabok ng inyong mga paa.[s]

15 Katotohanang(BX) sinasabi ko sa inyo, higit pang mapapagtiisan sa araw ng paghuhukom ang mga lupain ng Sodoma at Gomorra, kaysa bayang iyon.

Mga Pag-uusig na Darating(BY)

16 “Ngayon,(BZ) sinusugo ko kayong tulad ng mga tupa sa gitna ng mga asong-gubat, kaya't maging matalino kayong gaya ng mga ahas at maamong gaya ng mga kalapati.

17 Mag-ingat(CA) kayo sa mga tao, sapagkat ibibigay nila kayo sa mga hukuman at hahagupitin nila kayo sa kanilang mga sinagoga,

18 at kakaladkarin nila kayo sa harap ng mga gobernador at mga hari dahil sa akin, upang magpatotoo sa kanila at sa mga Hentil.

19 Ngunit kapag kayo ay naibigay na nila, huwag kayong mangamba kung paano kayo magsasalita o kung ano ang inyong sasabihin, sapagkat ipagkakaloob sa inyo sa oras na iyon ang inyong sasabihin;

20 sapagkat hindi kayo ang magsasalita, kundi ang Espiritu ng inyong Ama ang magsasalita sa pamamagitan ninyo.

21 Ipagkakanulo(CB) ng kapatid ang kanyang kapatid tungo sa kamatayan, at ng ama ang kanyang anak at maghihimagsik ang mga anak laban sa kanilang mga magulang, at ipapapatay nila ang mga ito.

22 At(CC) kapopootan kayo ng lahat dahil sa aking pangalan. Ngunit ang magtiis hanggang sa wakas ay maliligtas.

23 Kapag inuusig nila kayo sa isang bayan, tumakas kayo tungo sa kasunod, sapagkat katotohanang sinasabi ko sa inyo, ‘Hindi ninyo mapupuntahan lahat ang mga bayan ng Israel, bago dumating ang Anak ng Tao.’

24 “Hindi(CD) nakahihigit ang alagad sa kanyang guro, o ang alipin sa kanyang panginoon.

25 Sapat(CE) na sa alagad ang maging tulad ng kanyang guro at sa alipin ang maging tulad ng kanyang panginoon. Kung tinawag nilang Beelzebul ang panginoon ng sambahayan, gaano pa kaya nila lalaitin ang mga kasambahay niya!

Ang Dapat Katakutan(CF)

26 “Kaya,(CG) huwag ninyo silang katakutan sapagkat walang bagay na natatakpan na hindi mahahayag; at walang natatago na hindi malalaman.

27 Anumang sinasabi ko sa inyo sa dilim, sabihin ninyo sa liwanag; at ang narinig ninyo sa bulong ay ipagsigawan ninyo sa ibabaw ng mga bubungan.

28 At huwag ninyong katakutan ang mga pumapatay ng katawan, ngunit hindi nakakapatay ng kaluluwa, kundi katakutan ninyo siyang makakapuksa ng kaluluwa at ng katawan sa impiyerno.

29 Hindi ba ipinagbibili ng isang kusing ang dalawang maya? Ngunit isa man sa kanila ay hindi nahuhulog sa lupa na hindi batid ng inyong Ama.

30 At maging ang mga buhok sa inyong ulo ay bilang na lahat.

31 Huwag nga kayong matakot; kayo ay higit na mahalaga kaysa maraming maya.

Pagkilala kay Cristo(CH)

32 “Kaya't ang bawat kumikilala sa akin sa harapan ng mga tao ay kikilalanin ko rin sa harapan ng aking Ama na nasa langit.

33 Ngunit(CI) sinumang magkaila sa akin sa harapan ng mga tao, ay ipagkakaila ko rin naman sa harapan ng aking Ama na nasa langit.

Hindi Kapayapaan kundi Tabak(CJ)

34 “Huwag ninyong isiping pumarito ako upang magdala ng kapayapaan sa lupa; hindi ako pumarito upang magdala ng kapayapaan, kundi ng tabak.

35 Sapagkat(CK) pumarito ako upang paglabanin ang lalaki at ang kanyang ama, ang anak na babae at ang kanyang ina, at ang manugang na babae at ang kanyang biyenang babae.

36 At ang magiging kaaway ng tao ay ang sarili niyang mga kasambahay.

37 Ang umiibig sa ama o sa ina nang higit kaysa akin ay hindi karapat-dapat sa akin; at ang umiibig sa anak na lalaki o anak na babae nang higit kaysa akin ay hindi karapat-dapat sa akin;

38 at(CL) ang hindi nagpapasan ng kanyang krus at sumusunod sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin.

39 Ang(CM) nagsisikap magligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito; at ang mawalan ng kanyang buhay dahil sa akin ay makakatagpo nito.

Mga Gantimpala sa Tumatanggap(CN)

40 “Ang(CO) tumatanggap sa inyo ay tumatanggap sa akin at ang tumatanggap sa akin ay tumatanggap sa nagsugo sa akin.

41 Ang tumatanggap sa isang propeta alang-alang sa pangalan ng propeta ay tatanggap ng gantimpala ng isang propeta; at ang tumatanggap sa isang taong matuwid alang-alang sa pangalan ng isang taong matuwid ay tatanggap ng gantimpala ng isang taong matuwid.

42 At sinumang magbigay ng kahit isang basong tubig na malamig sa isa sa maliliit na ito sa pangalan ng isang alagad, katotohanang sinasabi ko sa inyo, tiyak na hindi siya mawawalan ng kanyang gantimpala.”

Ang mga Sinugo ni Juan na Tagapagbautismo(CP)

11 Nang matapos pagbilinan ni Jesus ang kanyang labindalawang alagad, umalis siya roon upang magturo at mangaral sa mga bayan nila.

Nang marinig ni Juan sa bilangguan ang mga gawa ng Cristo, nagpasabi siya sa pamamagitan ng kanyang mga alagad,

at sinabi sa kanya, “Ikaw ba iyong darating o maghihintay kami ng iba?”

Sumagot si Jesus at sinabi sa kanila, “Humayo kayo at sabihin ninyo kay Juan ang inyong naririnig at nakikita:

Ang(CQ) mga bulag ay nakakakita, ang mga pilay ay nakakalakad, ang mga ketongin ay nalilinis, ang mga bingi ay nakakarinig, at ang mga patay ay muling binubuhay at ipinangangaral sa mga dukha ang magandang balita.

Mapalad ang sinumang hindi natitisod sa akin.”

Habang papaalis na ang mga ito, nagpasimulang magsalita si Jesus sa maraming tao tungkol kay Juan: “Ano ang pinuntahan ninyo sa ilang upang makita? Isa bang tambo na inuuga ng hangin?

Ngunit ano ang pinuntahan ninyo upang makita? Isa bang taong nakasuot ng malalambot na damit? Tingnan ninyo, ang mga nagsusuot ng malambot na damit ay nasa mga bahay ng mga hari.

Ngunit ano ang pinuntahan ninyo upang makita? Isa bang propeta? Oo, sinasabi ko sa inyo, at higit pa kaysa isang propeta.

10 Ito(CR) yaong tungkol sa kanya ay nasusulat,

‘Narito, ipinapadala ko ang aking sugo na nauuna sa iyo,
    na maghahanda ng iyong daan sa harapan mo.’

11 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, sa mga ipinanganak ng mga babae ay wala pang lumitaw ni isa na higit na dakila kaysa kay Juan na Tagapagbautismo; gayunman, ang pinakamaliit sa kaharian ng langit ay higit na dakila kaysa kanya.

12 Mula(CS) sa mga araw ni Juan na Tagapagbautismo hanggang ngayon, ang kaharian ng langit ay sapilitang pinapasok at sinasakop ng mga taong mararahas.

13 Sapagkat ang lahat ng mga propeta at ang kautusan ay nagpropesiya hanggang kay Juan;

14 at(CT) kung ibig ninyong tanggapin, siya si Elias na darating.

15 Ang may pandinig ay makinig.

16 “Ngunit sa ano ko ihahambing ang lahing ito? Ito ay tulad sa mga batang nakaupo sa mga pamilihan na tumatawag sa kanilang mga kasama,

17 na sinasabi, ‘Tinugtugan namin kayo ng plauta, ngunit hindi kayo sumayaw; tumangis kami, ngunit hindi kayo nahapis.’

18 Sapagkat dumating si Juan na hindi kumakain o umiinom at sinasabi nila, ‘Mayroon siyang demonyo.’

19 Dumating ang Anak ng Tao na kumakain at umiinom, at sinasabi nila, ‘Tingnan ninyo, ang isang taong matakaw at isang maglalasing, isang kaibigan ng mga maniningil ng buwis at ng mga makasalanan!’ Ngunit ang karunungan ay pinapagtibay ng kanyang mga gawa.”[t]

Babala sa mga Lunsod na Di-nagsisi(CU)

20 Kaya't pinasimulan niyang sumbatan ang mga lunsod na ginawan niya ng karamihan sa kanyang mga makapangyarihang gawa sapagkat hindi sila nagsisi.

21 “Kahabag-habag(CV) ka, Corazin! Kahabag-habag ka, Bethsaida! Sapagkat kung sa Tiro at Sidon ginawa ang mga makapangyarihang gawa na ginawa sa inyo, matagal na sana silang nagsisi na may damit-sako at abo.

22 Ngunit sinasabi ko sa inyo, higit pang mapagtitiisan sa araw ng paghuhukom ang Tiro at Sidon kaysa inyo.

23 At(CW) ikaw, Capernaum, itataas ka ba hanggang sa langit? Ibababa ka hanggang sa Hades. Sapagkat kung sa Sodoma ginawa ang mga makapangyarihang gawa na ginawa sa iyo, nanatili sana iyon hanggang sa araw na ito.

24 Ngunit(CX) sinasabi ko sa inyo, higit pang mapapagtiisan sa araw ng paghuhukom ang lupain ng Sodoma kaysa inyo.”

Ang Dakilang Paanyaya(CY)

25 Nang oras na iyon ay sinabi ni Jesus, “Pinasasalamatan kita, Ama, Panginoon ng langit at lupa, sapagkat ikinubli mo ang mga bagay na ito sa mga pantas at matatalino, at ipinahayag mo sa mga sanggol;

26 oo, Ama, sapagkat gayon ang mapagpala mong kalooban.[u]

27 Ang(CZ) lahat ng mga bagay ay ibinigay sa akin ng aking Ama. Walang nakakakilala sa Anak kundi ang Ama; at walang nakakakilala sa Ama, kundi ang Anak, at sinumang piliin ng Anak na pagpahayagan niya.

28 Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na nanlulupaypay at lubhang nabibigatan at kayo'y bibigyan ko ng kapahingahan.

29 Pasanin(DA) ninyo ang aking pamatok, at matuto kayo sa akin; sapagkat ako'y maamo at may mapagpakumbabang puso at makakatagpo kayo ng kapahingahan para sa inyong mga kaluluwa.

30 Sapagkat madaling dalhin ang aking pamatok at magaan ang aking pasan.”

Ang Katanungan tungkol sa Sabbath(DB)

12 Nang(DC) panahong iyon ay dumaan si Jesus sa bukirin ng mga trigo nang araw ng Sabbath. Nagutom ang kanyang mga alagad at nagsimula silang pumitas ng mga uhay at kumain.

Ngunit nang makita ito ng mga Fariseo, sinabi nila sa kanya, “Tingnan mo, ginagawa ng mga alagad mo ang hindi ipinahihintulot na gawin sa Sabbath.”

Subalit(DD) sinabi niya sa kanila, “Hindi ba ninyo nabasa ang ginawa ni David nang nagutom siya at ang mga kasamahan niya;

kung(DE) paanong pumasok siya sa bahay ng Diyos, at kumain siya ng tinapay na handog, na hindi ipinahihintulot na kainin niya o ng mga kasamahan niya, kundi ng mga pari lamang?

O(DF) hindi ba ninyo nabasa sa kautusan, kung paanong sa mga araw ng Sabbath ay winalang-galang ng mga pari sa templo ang Sabbath, at hindi sila nagkasala?

Ngunit sinasabi ko sa inyo, isang higit na dakila kaysa templo ang narito.

Ngunit(DG) kung nalaman ninyo kung ano ang kahulugan nito, ‘Habag ang ibig ko, at hindi handog,’ hindi sana ninyo hinatulan ang mga walang sala.

Sapagkat ang Anak ng Tao ay panginoon ng Sabbath.”

Ang Lalaking Tuyo ang Isang Kamay(DH)

Umalis si Jesus[v] doon at pumasok sa kanilang sinagoga.

10 At doon ay may isang taong tuyo ang isang kamay. Siya ay tinanong nila, “Matuwid bang magpagaling sa araw ng Sabbath?” upang siya'y maparatangan nila.

11 Sinabi(DI) niya sa kanila, “Sino kaya sa inyo, na kung mayroon siyang isang tupa, at nahulog ito sa isang hukay sa araw ng Sabbath, ay hindi ba niya ito aabutin, at hahanguin?

12 Gaano pa ngang higit na mahalaga ang isang tao kaysa isang tupa! Kaya't matuwid na gumawa ng mabuti sa araw ng Sabbath.”

13 Pagkatapos ay sinabi niya sa lalaki, “Iunat mo ang iyong kamay.” At iniunat nga niya, at naibalik ito sa dati, magaling na gaya ng isa.

14 Ngunit umalis ang mga Fariseo at nagpulong laban sa kanya kung papaano siya pupuksain.

Ang Lingkod na Hinirang

15 Nang malaman ito ni Jesus ay umalis siya roon. Sinundan siya ng marami at pinagaling niya silang lahat,

16 at ipinag-utos niya sa kanila, na siya'y huwag nilang ipamamalita.

17 Ito ay upang matupad ang sinabi sa pamamagitan ni propeta Isaias, na sinasabi:

18 “Narito(DJ) ang lingkod ko na aking hinirang,
    ang minamahal ko na kinalulugdan ng aking kaluluwa.
Ilalagay ko sa kanya ang aking Espiritu,
    at ipahahayag niya ang katarungan sa mga Hentil.
19 Hindi siya makikipagtalo, o sisigaw,
    o maririnig ng sinuman ang kanyang tinig sa mga lansangan.
20 Hindi niya babaliin ang tambong nasugatan,
    o papatayin ang nagbabagang mitsa,
hanggang ang katarungan ay dalhin niya sa tagumpay;
21     at aasa ang mga Hentil sa kanyang pangalan.”

Paglapastangan sa Espiritu Santo(DK)

22 Pagkatapos ay dinala kay Jesus[w] ang isang bulag at pipi na inaalihan ng demonyo, at kanyang pinagaling ito kaya't ang dating pipi ay nakapagsalita at nakakita.

23 At ang lahat ng tao ay namangha at nagsabi, “Ito na kaya ang Anak ni David?”

24 Ngunit(DL) nang marinig ito ng mga Fariseo ay sinabi nila, “Ang taong ito'y nagpapalayas ng mga demonyo sa pamamagitan lamang ni Beelzebul na pinuno ng mga demonyo.”

25 Ngunit nalalaman niya ang mga iniisip nila, at sinabi niya sa kanila, “Ang bawat kahariang nahahati laban sa kanyang sarili ay mawawasak; at ang bawat lunsod o bahay na nahahati laban sa kanyang sarili ay hindi makakatayo.

26 Kung pinalalayas ni Satanas si Satanas, siya ay nahahati laban sa kanyang sarili; paano ngang makakatayo ang kanyang kaharian?

27 At kung sa pamamagitan ni Beelzebul ay nagpapalayas ako ng mga demonyo, sa pamamagitan nino sila pinalalayas ng inyong mga anak? Kaya't sila ang magiging mga hukom ninyo.

28 Ngunit kung sa pamamagitan ng Espiritu ng Diyos ay nagpapalayas ako ng mga demonyo, dumating na nga sa inyo ang kaharian ng Diyos.

29 O paano bang makakapasok ang sinuman sa bahay ng malakas na tao at nakawin ang mga ari-arian nito, kung hindi muna gagapusin ang malakas na tao? At saka pa lamang niya mapagnanakawan ang bahay nito.

30 Ang(DM) hindi panig sa akin ay laban sa akin, at ang hindi ko kasamang nagtitipon ay nagkakalat.

31 Kaya't sinasabi ko sa inyo, ang bawat kasalanan at paglapastangan ay ipatatawad sa mga tao; ngunit ang paglapastangan laban sa Espiritu ay hindi ipatatawad.

32 At(DN) ang sinumang magsabi ng isang salita laban sa Anak ng Tao ay patatawarin; ngunit ang sinumang magsalita laban sa Espiritu Santo ay hindi patatawarin maging sa panahong ito o sa darating.

Sa Bunga Nakikilala(DO)

33 “O(DP) gawin ninyong mabuti ang puno at mabuti ang bunga nito o gawin ninyong masama ang puno at masama ang bunga nito; sapagkat ang puno ay nakikilala sa pamamagitan ng kanyang bunga.

34 Kayong(DQ) lahi ng mga ulupong! Paano kayo makapagsasalita ng mabubuting bagay gayong kayo ay masasama? Sapagkat sa kasaganaan ng puso ay nagsasalita ang bibig.

35 Ang mabuting tao ay naglalabas ng mabubuting bagay mula sa kanyang mabuting kayamanan, at ang masamang tao ay naglalabas ng masasamang bagay mula sa kanyang masamang kayamanan.

36 Subalit sinasabi ko sa inyo, na sa araw ng paghuhukom ay pananagutan ng mga tao ang bawat salita na binigkas na walang ingat.

37 Sapagkat sa pamamagitan ng iyong mga salita ay pawawalang-sala ka at sa pamamagitan ng iyong salita ay mahahatulan ka.”

Hinanapan si Jesus ng Tanda(DR)

38 Pagkatapos,(DS) ilan sa mga eskriba at mga Fariseo ang nagwika sa kanya, “Guro, ibig naming makakita ng isang tanda mula sa iyo.”

39 Ngunit(DT) sumagot siya sa kanila, “Humahanap ng tanda ang isang masama at mapangalunyang lahi; ngunit walang tanda na ibibigay sa kanya, liban sa tanda ng propeta Jonas.

40 Sapagkat(DU) kung paanong si Jonas ay nasa tiyan ng isang dambuhala sa dagat[x] sa loob ng tatlong araw at tatlong gabi, gayundin naman ang Anak ng Tao ay tatlong araw at tatlong gabing mapapasailalim ng lupa.

41 Ang(DV) mga tao ng Ninive ay tatayo sa paghuhukom na kasama ng lahing ito at hahatulan nila ito, sapagkat nagsisi sila sa pangangaral ni Jonas; at masdan ninyo, may isang higit na dakila kaysa kay Jonas ang narito.

42 Ang(DW) reyna ng timog ay tatayo sa paghuhukom na kasama ng lahing ito, at hahatulan niya ito, sapagkat nanggaling siya sa mga dulo ng daigdig upang makinig sa karunungan ni Solomon; at masdan ninyo, may isang higit na dakila kaysa kay Solomon ang narito.

Ang Pagbabalik ng Maruming Espiritu(DX)

43 “Kaya't nang makalabas mula sa isang tao ang maruming espiritu, nagpagala-gala ito sa mga dakong walang tubig na humahanap ng mapapagpahingahan, ngunit wala siyang matagpuan.

44 Kaya't sinasabi niya, ‘Babalik ako sa aking bahay na pinanggalingan.’ Pagdating niya ay natagpuan niya iyong walang laman, nawalisan at naiayos na.

45 Pagkatapos ay umalis siya, at nagsasama pa ng pitong espiritu na higit na masasama kaysa kanya, at sila'y pumapasok at naninirahan doon; at ang huling kalagayan ng taong iyon ay naging masahol pa kaysa una. Gayundin ang mangyayari sa masamang lahing ito.”

Ang Ina at mga Kapatid ni Jesus(DY)

46 Samantalang nagsasalita pa si Jesus[y] sa maraming tao, ang kanyang ina at mga kapatid na lalaki ay nakatayo sa labas at ibig nilang makausap siya.

47 [May nagsabi sa kanya, “Narito, ang iyong ina at mga kapatid ay nakatayo sa labas, at ibig ka nilang makausap.”][z]

48 Ngunit sumagot siya at sinabi sa nagsabi sa kanya, “Sino ang aking ina at sinu-sino ang aking mga kapatid?”

49 Itinuro niya ang kamay niya sa kanyang mga alagad, at sinabi, “Narito ang aking ina at ang aking mga kapatid!

50 Sapagkat sinumang gumagawa ng kalooban ng aking Ama na nasa langit, ay siyang aking mga kapatid na lalaki at babae, at ina.”

Ang Talinghaga tungkol sa Manghahasik(DZ)

13 Nang araw ding iyon ay lumabas si Jesus sa bahay at umupo sa tabi ng dagat.

Nagtipun-tipon(EA) sa palibot niya ang napakaraming tao, kaya't sumakay siya sa isang bangka at umupo roon samantalang ang lahat ng tao ay nakatayo sa baybayin.

At nagsalita siya sa kanila ng maraming bagay sa pamamagitan ng mga talinghaga, na sinasabi: “Makinig kayo! Isang manghahasik ang humayo upang maghasik.

Habang siya'y naghahasik, may mga binhing nahulog sa tabing daan; at dumating ang mga ibon at kinain nila ang mga ito.

Ang iba nama'y nahulog sa batuhan na doo'y kakaunti lamang ang lupa; at kaagad silang sumibol yamang hindi malalim ang lupa.

Kaya't pagsikat ng araw, ang mga iyon ay natuyo at dahil sa walang ugat ang mga iyon ay tuluyang nalanta.

Ang iba ay nahulog sa mga tinikan. Lumaki ang mga tinik at sinakal ang mga iyon.

Ang iba ay nahulog sa mabuting lupa, at namunga. Ang iba ay tig-iisang daan, ang iba ay animnapu, ang iba ay tatlumpu.

Ang mga may pandinig ay makinig.”

Ang Layunin ng mga Talinghaga(EB)

10 Lumapit ang mga alagad, at sinabi nila sa kanya, “Bakit ka nagsasalita sa kanila sa pamamagitan ng mga talinghaga?”

11 Sumagot siya at sinabi sa kanila, “Sapagkat sa inyo ipinagkaloob na malaman ang mga hiwaga ng kaharian ng langit, ngunit hindi ipinagkaloob sa kanila.

12 Sapagkat(EC) sinumang mayroon ay lalong bibigyan, at magkakaroon siya ng kasaganaan; ngunit sinumang wala, pati ang nasa kanya ay kukunin.

13 Dahil dito ay nagsasalita ako sa kanila sa pamamagitan ng mga talinghaga, sapagkat sa kanilang pagtingin ay hindi sila nakakakita, at sa kanilang pakikinig ay hindi sila nakakarinig, at hindi sila nakakaunawa.

14 Natutupad(ED) nga sa kanila ang propesiya ni Isaias, na nagsasabi:

‘Sa pakikinig kayo'y makakarinig, ngunit kailanma'y hindi makakaunawa,
    at sa pagtingin kayo'y titingin, ngunit kailanma'y hindi makakabatid.
15 Sapagkat naging manhid na ang puso ng bayang ito,
    at mahirap nang makarinig ang kanilang mga tainga,
    at ipinikit nila ang kanilang mga mata;
baka ang kanilang mga mata'y makakita,
    at makarinig ang kanilang mga tainga,
at makaunawa ang puso nila,
    at manumbalik sa akin, at sila'y aking pagalingin.’

16 Ngunit(EE) mapapalad ang inyong mga mata, sapagkat ang mga ito'y nakakakita; at ang inyong mga tainga, sapagkat ang mga ito'y nakakarinig.

17 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, maraming propeta at mga taong matuwid ang naghangad na makita ang inyong nakikita, ngunit hindi nila nakita; at marinig ang inyong naririnig, ngunit hindi nila ito narinig.

Paliwanag sa Talinghaga tungkol sa Manghahasik(EF)

18 “Pakinggan ninyo ang talinghaga ng manghahasik.

19 Kung ang sinuman ay nakikinig ng salita ng kaharian, at hindi niya ito inuunawa, darating ang masama at aagawin ang naihasik sa kanyang puso. Ito ang naihasik sa tabing daan.

20 Ang napahasik sa mga batuhan ay iyong nakikinig ng salita, at agad niyang tinatanggap ito na may kagalakan.

21 Gayunma'y hindi siya nagkaugat kundi sandali lamang tumatagal; at kapag dumating ang kapighatian o pag-uusig dahil sa salita ay kaagad siyang natitisod.

22 Ang napahasik sa mga tinikan ay iyong nakikinig ng salita; ngunit ang kabalisahan ng sanlibutan at ang daya ng mga kayamanan ay sumasakal sa salita at iyon ay nagiging walang bunga.

23 Ang napahasik naman sa mabuting lupa, ay iyong nakikinig ng salita at inuunawa ito, na siyang talagang namumunga. Ang isa ay isandaan, ang iba ay animnapu, at ang iba ay tatlumpu.”

Ang Talinghaga tungkol sa mga Damo sa Triguhan

24 Nagbigay siya sa kanila ng isa pang talinghaga, na sinasabi, “Ang kaharian ng langit ay tulad sa isang taong naghasik ng mabuting binhi sa kanyang bukid.

25 Ngunit samantalang natutulog ang mga tao, dumating ang kaaway at naghasik ng mga damo sa triguhan, at umalis.

26 Kaya't nang sumibol ang mga halaman at namunga ay lumitaw rin ang damo.

27 At ang mga alipin ng puno ng sambahayan ay dumating at sinabi sa kanya, ‘Panginoon, hindi ba't mabuting binhi ang inihasik mo sa iyong bukid? Saan kaya nanggaling ang mga damo?’

28 Sinabi niya sa kanila, ‘Isang kaaway ang gumawa nito.’ At sinabi sa kanya ng mga alipin, ‘Ibig mo bang kami'y pumaroon at tipunin ang mga iyon?’

29 Ngunit sinabi niya, ‘Huwag; baka sa pagtitipon ninyo ng mga damo ay inyong mabunot pati ang trigo.

30 Hayaan ninyong magkasama silang tumubo hanggang sa anihan, at sa panahon ng pag-aani ay sasabihin ko sa mga manggagapas, Tipunin muna ninyo ang mga damo at pagbigkisin ninyo upang sunugin; ngunit tipunin ninyo ang trigo sa aking kamalig.’”

Ang Talinghaga tungkol sa Binhi ng Mustasa(EG)

31 Nagbigay siya sa kanila ng isa pang talinghaga, na sinasabi, “Ang kaharian ng langit ay tulad sa isang butil ng binhi ng mustasa na kinuha ng isang tao, at inihasik sa kanyang bukid.

32 Iyon ang pinakamaliit sa lahat ng mga binhi, ngunit nang tumubo ay siyang pinakamalaki sa mga halaman at nagiging punungkahoy, anupa't ang mga ibon sa himpapawid ay dumarating at nagpupugad sa kanyang mga sanga.

Ang Talinghaga ng Pampaalsa(EH)

33 Nagsalaysay siya sa kanila ng isa pang talinghaga: “Ang kaharian ng langit ay tulad sa pampaalsa na kinuha ng isang babae, at inihalo[aa] sa tatlong takal na harina, hanggang sa ang lahat ay malagyan ng pampaalsa.”

Ang Paggamit ni Jesus sa mga Talinghaga(EI)

34 Ang lahat ng mga bagay na ito'y sinabi ni Jesus sa maraming tao sa pamamagitan ng mga talinghaga, at wala siyang sinabi sa kanila na hindi sa pamamagitan ng talinghaga.

35 Ito(EJ) ay upang matupad ang sinabi sa pamamagitan ng propeta,[ab]

“Bubuksan ko ang aking bibig sa pagsasalita ng mga talinghaga;
isasalaysay ko ang mga natatagong bagay mula pa nang itatag ang sanlibutan.”[ac]

Ang Kahulugan ng Talinghaga ng mga Damo sa Triguhan

36 Pagkatapos ay iniwan ni Jesus[ad] ang napakaraming tao at pumasok sa bahay. Lumapit sa kanya ang kanyang mga alagad, na nagsasabi, “Ipaliwanag mo sa amin ang talinghaga ng mga damo sa bukid.”

37 Sumagot siya at sinabi, “Ang naghahasik ng mabuting binhi ay ang Anak ng Tao.

38 Ang bukid ay ang sanlibutan. Ang mabuting binhi naman ay ang mga anak ng kaharian, subalit ang mga damo ay ang mga anak ng masama.

39 Ang kaaway na naghasik ng mga ito ay ang diyablo. Ang anihan ay ang katapusan ng sanlibutan; at ang mga manggagapas ay ang mga anghel.

40 Kaya't kung paanong tinitipon ang mga damo upang sunugin sa apoy, gayundin ang mangyayari sa katapusan ng sanlibutan.

41 Susuguin ng Anak ng Tao ang kanyang mga anghel, at titipunin nila sa labas ng kanyang kaharian ang lahat ng mga sanhi ng pagkakasala at ang mga gumagawa ng kasamaan;

42 at itatapon nila ang mga ito sa pugon ng apoy. Doon ay magkakaroon ng pagtangis at pagngangalit ng mga ngipin.

43 Kung magkagayo'y magliliwanag ang mga matuwid na tulad ng araw sa kaharian ng kanilang Ama. Ang mga may pandinig ay makinig!

Ang Nakatagong Kayamanan

44 “Ang kaharian ng langit ay tulad sa nakatagong kayamanan sa isang bukid; na natagpuan ng isang tao, at tinabunan niya ito. Sa kanyang kagalakan ay umalis siya at ipinagbili ang lahat ng kanyang ari-arian at binili ang bukid na iyon.

Ang Mamahaling Perlas

45 “Gayundin naman, ang kaharian ng langit ay tulad ng isang mangangalakal na naghahanap ng magagandang perlas;

46 at nang makatagpo ng isang mamahaling perlas ay umalis at ipinagbili ang lahat ng kanyang ari-arian at binili iyon.

Ang Lambat

47 “Gayundin naman, ang kaharian ng langit ay tulad sa isang lambat na inihagis sa dagat at nakahuli ng iba't ibang uri ng isda.

48 Nang ito ay mapuno, hinila nila ito sa pampang. Umupo sila at tinipon sa mga sisidlan ang mabubuti, ngunit itinapon ang masasama.

49 Gayon ang mangyayari sa katapusan ng sanlibutan. Lalabas ang mga anghel at kanilang ihihiwalay ang masasama sa matutuwid,

50 at itatapon sila sa pugon ng apoy. Doon ay magkakaroon ng pagtangis at pagngangalit ng mga ngipin.

Kayamanang Bago at Luma

51 “Naunawaan ba ninyo ang lahat ng mga bagay na ito?” Sinabi nila sa kanya, “Oo.”

52 At sinabi niya sa kanila, “Kaya't ang bawat eskriba na sinanay para sa kaharian ng langit ay tulad sa isang puno ng sambahayan na naglalabas mula sa kanyang kayamanan ng mga bagay na bago at luma.”

Hindi Tinanggap si Jesus sa Nazaret(EK)

53 Nang matapos na ni Jesus ang mga talinghagang ito, iniwan niya ang pook na iyon.

54 Dumating siya sa sarili niyang bayan at kanyang tinuruan sila sa kanilang sinagoga, anupa't sila'y namangha, at nagsabi, “Saan kumuha ang taong ito ng ganitong karunungan at ng ganitong mga gawang makapangyarihan?”

55 Hindi ba ito ang anak ng karpintero? Hindi ba ang kanyang ina ay tinatawag na Maria? At ang kanyang mga kapatid ay sina Santiago, Jose, Simon, at Judas?

56 Hindi ba't kasama natin ang lahat ng kanyang mga kapatid na babae? Saan kinuha ng taong ito ang lahat ng mga bagay na ito?”

57 At(EL) natisod sila sa kanya. Ngunit sinabi sa kanila ni Jesus, “Ang isang propeta ay di nawawalan ng karangalan, maliban sa kanyang sariling bayan at sambahayan.”

58 At hindi siya gumawa roon ng maraming gawang makapangyarihan dahil sa kawalan nila ng pananampalataya.

Ang Pagkamatay ni Juan na Tagapagbautismo(EM)

14 Nang panahong iyon ay narinig ng tetrarkang[ae] si Herodes ang balita tungkol kay Jesus.

At sinabi niya sa kanyang mga lingkod, “Ito ay si Juan na Tagapagbautismo na muling binuhay[af] sa mga patay; kaya't nagagawa niya ang mga kababalaghang ito.”

Sapagkat(EN) dinakip ni Herodes si Juan, iginapos niya ito at inilagay sa bilangguan dahil kay Herodias, na asawa ng kanyang kapatid na si Felipe.[ag]

Sapagkat(EO) sinabi ni Juan sa kanya, “Hindi ipinahihintulot sa iyo na angkinin mo siya.”

Bagama't ibig niyang ipapatay si Juan, natakot siya sa mga tao sapagkat kanilang itinuturing si Juan[ah] na isang propeta.

Ngunit nang dumating ang pagdiriwang ng kaarawan ni Herodes, sumayaw sa gitna nila ang anak na babae ni Herodias, at ito ay ikinatuwa ni Herodes.

Kaya't siya'y nangako na may sumpa na kanyang ibibigay ang anumang hilingin nito.

Sa udyok ng kanyang ina ay sinabi niya, “Ibigay mo sa akin dito sa isang pinggan ang ulo ni Juan na Tagapagbautismo!”

Nalungkot ang hari, ngunit dahil sa kanyang mga sumpa at sa mga panauhin, ipinag-utos niyang ibigay iyon.

10 Nagsugo siya at pinapugutan niya ng ulo si Juan sa bilangguan.

11 Dinala na nasa isang pinggan ang kanyang ulo at ibinigay sa dalaga, at dinala naman nito sa kanyang ina.

12 Dumating ang mga alagad ni Juan,[ai] kinuha ang bangkay at inilibing ito. Pagkatapos, sila'y umalis at ibinalita kay Jesus.

Ang Pagpapakain sa Limang Libo(EP)

13 Nang marinig ito ni Jesus, umalis siya roon na sakay ng isang bangka tungo sa isang ilang na lugar na wala siyang kasama. Nang mabalitaan ito ng maraming tao, naglakad silang sumunod sa kanya mula sa mga bayan.

14 Pagdating niya sa pampang, nakita niya ang napakaraming tao. Nahabag siya sa kanila at pinagaling niya ang mga maysakit sa kanila.

15 Nang nagtatakipsilim na, lumapit sa kanya ang mga alagad niya, na nagsasabi, “Ilang na lugar ito, at lumipas na ang maghapon. Papuntahin mo na ang mga tao sa mga nayon upang makabili sila ng kanilang makakain.”

16 Ngunit sinabi ni Jesus sa kanila, “Hindi na kailangang umalis pa sila; bigyan ninyo sila ng makakain.”

17 At sinabi nila sa kanya, “Mayroon lamang tayong limang tinapay at dalawang isda.”

18 Sinabi niya, “Dalhin ninyo rito sa akin.”

19 Ipinag-utos niya sa maraming tao na umupo sa damuhan. Pagkakuha niya sa limang tinapay at dalawang isda, tumingala siya sa langit, binasbasan niya ang mga ito, pinagputul-putol at ibinigay ang mga tinapay sa mga alagad, at ibinigay naman ng mga alagad sa maraming tao.

20 Kumain silang lahat at nabusog. Kinuha nila ang mga lumabis na pinagputul-putol na tinapay, at napuno ang labindalawang kaing.

21 At ang mga kumain ay may limang libong lalaki, bukod pa sa mga babae at sa mga bata.

Lumakad si Jesus sa Ibabaw ng Tubig(EQ)

22 Pagkatapos ay pinasakay niya kaagad ang kanyang mga alagad sa bangka at pinauna niya sa kabilang ibayo, habang pinapauwi niya ang maraming tao.

23 Pagkatapos niyang pauwiin ang maraming tao ay umakyat siyang mag-isa sa bundok upang manalangin. Pagsapit ng gabi, siya'y naroong nag-iisa.

24 Ngunit ang bangka ng mga sandaling iyon ay malayong-malayo na sa dalampasigan[aj] na hinahampas ng mga alon, sapagkat pasalungat sa kanila ang hangin.

25 Nang madaling-araw na[ak] ay lumapit siya sa kanila na lumalakad sa ibabaw ng dagat.

26 At nang makita ng mga alagad na siya ay lumalakad sa ibabaw ng dagat, nasindak sila, na nagsasabi, ‘Multo!’ Nagsigawan sila sa takot.

27 Ngunit nagsalita kaagad sa kanila si Jesus, na nagsasabi, “Lakasan ninyo ang inyong loob; ako ito. Huwag kayong matakot.”

28 Sumagot sa kanya si Pedro at nagsabi, “Panginoon, kung ikaw iyan, ipag-utos mo sa akin na lumapit sa iyo sa ibabaw ng tubig.”

29 Sinabi niya, “Halika.” Kaya't bumaba si Pedro sa bangka at lumakad sa ibabaw ng tubig patungo kay Jesus.

30 Ngunit nang mapansin niya ang hangin,[al] natakot siya, at nang siya'y papalubog na ay sumigaw siya, “Panginoon, iligtas mo ako!”

31 Inabot kaagad ni Jesus ang kamay niya at hinawakan siya, na sinasabi sa kanya, “O ikaw na maliit ang pananampalataya, bakit ka nag-alinlangan?”

32 Nang makasakay na sila sa bangka, ay huminto na ang hangin.

33 Sinamba siya ng mga nasa bangka, na nagsasabi, “Tunay na ikaw ang Anak ng Diyos.”

Pinagaling ni Jesus ang mga Maysakit sa Genesaret(ER)

34 Nang makatawid na sila, dumating sila sa lupain ng Genesaret.

35 Nang makilala siya ng mga tao sa pook na iyon ay nagpakalat sila ng balita sa buong lupain at dinala sa kanya ang lahat ng mga maysakit.

36 Nakiusap sila sa kanya na mahipo man lamang nila ang laylayan ng kanyang damit; at ang lahat ng humipo nito ay gumaling.

Mga Minanang Turo(ES)

15 Pagkatapos ay lumapit kay Jesus ang mga Fariseo at ang mga eskriba na nanggaling sa Jerusalem, at sinabi nila,

“Bakit lumalabag ang iyong mga alagad sa tradisyon ng matatanda? Hindi sila naghuhugas ng kanilang mga kamay bago sila kumain ng tinapay.”

Sumagot siya sa kanila at sinabi, “Bakit lumalabag naman kayo sa utos ng Diyos dahil sa inyong tradisyon?

Sapagkat(ET) sinabi ng Diyos, ‘Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina;’ at ‘Ang magsalita ng masama sa ama o sa ina, ay dapat mamatay.’

Ngunit sinasabi ninyo na sinumang magsabi sa kanyang ama o sa kanyang ina, ‘Anumang pakikinabangin mo mula sa akin ay ipinagkaloob ko na sa Diyos.’ Ang taong iyon ay hindi na kailangang gumalang pa sa kanyang ama.

Kaya, pinawalang-saysay ninyo ang salita[am] ng Diyos dahil sa inyong tradisyon.

Kayong mga mapagkunwari, tama ang ipinahayag ni Isaias tungkol sa inyo nang sabihin niya,

‘Iginagalang(EU) ako ng bayang ito sa kanilang mga labi,
    ngunit ang kanilang puso ay malayo sa akin.
At walang kabuluhan ang pagsamba nila sa akin,
    na itinuturo nila bilang mga aral ang mga alituntunin ng mga tao.’”

Ang Nagpaparumi sa Tao(EV)

10 Pinalapit ni Jesus[an] sa kanya ang mga tao at sinabi sa kanila, “Pakinggan ninyo ito at unawain.

11 Hindi ang pumapasok sa bibig ang nagpaparumi sa tao, kundi ang lumalabas sa bibig ang nagpaparumi.”

12 Pagkatapos ay dumating ang mga alagad at sinabi sa kanya, “Alam mo bang nasaktan ang mga Fariseo nang marinig nila ang pananalitang ito?”

13 Ngunit sumagot siya at sinabi, “Ang bawat halamang hindi itinanim ng aking Ama na nasa langit ay bubunutin.

14 Hayaan(EW) ninyo sila; sila'y mga bulag na taga-akay.[ao] At kung ang bulag ay umakay sa bulag, kapwa sila mahuhulog sa hukay.”

15 Sumagot naman si Pedro at sinabi sa kanya, “Ipaliwanag mo sa amin ang talinghaga.”

16 At sinabi niya, “Pati ba naman kayo'y wala pa ring pang-unawa?

17 Hindi pa ba ninyo nalalaman na ang anumang pumapasok sa bibig ay tumutuloy sa tiyan, at inilalabas sa daanan ng dumi?

18 Ngunit(EX) ang mga bagay na lumalabas sa bibig ay nagmumula sa puso at siyang nagpaparumi sa tao.

19 Sapagkat nagmumula sa puso ang masasamang pag-iisip, pagpatay, pangangalunya, pakikiapid, pagnanakaw, pagsaksi sa kasinungalingan, at paglapastangan.

20 Ito ang mga bagay na nagpaparumi sa tao; ngunit ang kumain nang hindi naghuhugas ng mga kamay ay hindi nagpaparumi sa tao.”

Ang Pananalig ng Babaing Cananea(EY)

21 Umalis doon si Jesus at pumunta sa nasasakupan ng Tiro at Sidon.

22 May isang babaing Cananea na mula sa lupaing iyon ang lumabas at nagsimulang sumigaw, “Mahabag ka sa akin, O Panginoon, Anak ni David; ang anak kong babae ay pinahihirapan ng isang demonyo.”

23 Ngunit hindi siya sumagot sa kanya kahit isang salita. Lumapit ang kanyang mga alagad at nakiusap sa kanya, na nagsasabi, “Paalisin mo siya, sapagkat nagsisisigaw siya at sumusunod sa hulihan natin.”

24 Ngunit sumagot siya at sinabi, “Ako'y hindi sinugo maliban sa mga nawawalang tupa ng sambahayan ni Israel.”

25 Ngunit lumapit siya at lumuhod sa kanya, na nagsasabi, “Panginoon, tulungan mo ako.”

26 Siya'y sumagot at sinabi, “Hindi mabuti na kunin ang tinapay ng mga anak at itapon ito sa mga aso.”

27 Ngunit sinabi niya, “Oo, Panginoon. Subalit maging ang mga aso ay kumakain ng mga mumo na nalalaglag mula sa hapag ng kanilang mga panginoon.”

28 Nang magkagayo'y sumagot si Jesus at sinabi sa kanya, “O babae, napakalaki ng iyong pananampalataya! Mangyayari sa iyo ang sinasabi mo.” At gumaling ang kanyang anak sa oras ding iyon.

Maraming Pinagaling si Jesus

29 Umalis si Jesus doon at dumaan sa baybayin ng Dagat ng Galilea. Umakyat siya sa bundok at naupo roon.

30 Lumapit sa kanya ang napakaraming tao na dala ang mga pilay, mga lumpo, mga bulag, mga pipi, at marami pang iba. Inilagay nila ang mga ito sa kanyang paanan at sila'y pinagaling niya.

31 Kaya't namangha ang maraming tao nang makita nilang nagsasalita ang mga pipi, gumaling ang mga lumpo, lumalakad ang mga pilay, at nakakita ang mga bulag, at niluwalhati nila ang Diyos ng Israel.

Ang Pagpapakain sa Apat na Libo(EZ)

32 Pagkatapos ay tinawag ni Jesus ang kanyang mga alagad, at sinabi, “Nahahabag ako sa napakaraming taong ito, sapagkat tatlong araw na silang sumasama sa akin at wala silang makain; at hindi ko nais na paalisin silang gutom, baka himatayin sila sa daan.”

33 At sinabi sa kanya ng mga alagad, “Saan tayo kukuha sa ilang na lugar ng sapat na tinapay upang mapakain ang ganito karaming tao?”

34 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Ilang tinapay mayroon kayo?” Sinabi nila, “Pito, at ilang maliliit na isda.”

35 Iniutos niya sa mga tao na umupo sa lupa.

36 Kinuha niya ang pitong tinapay at ang mga isda; nang siya'y makapagpasalamat, pinagputul-putol niya ito at ibinigay sa mga alagad, at ibinigay naman ng mga alagad sa mga tao.

37 Kumain silang lahat at nabusog. Kinuha nila ang natira sa mga pinagputul-putol at napuno pa ang pitong kaing.

38 Ang mga kumain ay apat na libong lalaki, bukod pa sa mga babae at sa mga bata.

39 Pinaalis na niya ang maraming mga tao. Sumakay siya sa isang bangka at nagtungo sa nasasakupan ng Magdala.[ap]

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001