Bible in 90 Days
Nagsalita ang Diyos sa Pamamagitan ng Kanyang Anak
1 Noong unang panahon, ang Diyos ay nagsalita sa ating mga ninuno sa iba't ibang panahon at sa iba't ibang paraan sa pamamagitan ng mga propeta,
2 subalit sa mga huling araw na ito ay nagsalita siya sa atin sa pamamagitan ng Anak, na kanyang itinalagang tagapagmana ng lahat ng mga bagay, na sa pamamagitan din niya'y ginawa ang mga sanlibutan.
3 Siya ang kaningningan ng kaluwalhatian ng Diyos[a] at tunay na larawan ng kanyang likas, at kanyang inaalalayan ang lahat ng bagay sa pamamagitan ng kapangyarihan ng kanyang salita. Nang magawa na niya ang paglilinis ng mga kasalanan, siya ay umupo sa kanan ng Kamahalan sa kaitaasan,
4 palibhasa'y naging higit na mataas kaysa mga anghel, palibhasa'y nagmana ng higit na marilag na pangalan kaysa kanila.
Higit na Dakila ang Anak kaysa mga Anghel
5 Sapagkat(A) kanino sa mga anghel sinabi ng Diyos[b] kailanman,
“Ikaw ay aking Anak,
ako ngayon ay naging iyong Ama?”
At muli,
“Ako'y magiging kanyang Ama,
at siya'y magiging aking Anak?”
6 At(B) muli, nang kanyang dinadala ang panganay sa daigdig ay sinasabi niya,
“Sambahin siya ng lahat ng mga anghel ng Diyos.”
7 Tungkol(C) sa mga anghel ay sinasabi niya,
“Ginagawa niyang mga hangin ang mga anghel,
at ang kanyang mga lingkod ay ningas ng apoy.”
8 Ngunit,(D) tungkol naman sa Anak ay sinasabi niya,
“Ang iyong trono, O Diyos, ay magpakailanman;
at ang setro ng katuwiran ang siyang setro ng iyong kaharian.
9 Inibig mo ang katuwiran, at kinapootan ang kasamaan;
kaya't ang Diyos, ang Diyos mo, ay binuhusan ka
ng langis ng kagalakang higit pa sa iyong mga kasamahan.”
10 At,(E)
“Ikaw, Panginoon, nang pasimula'y inilagay mo ang saligan ng lupa,
at ang mga langit ay mga gawa ng iyong mga kamay;
11 sila'y mapaparam, subalit ikaw ay nananatili,
at silang lahat ay malulumang gaya ng kasuotan;
12 gaya ng isang balabal sila'y iyong ilululon,
at gaya ng damit, sila ay mapapalitan.
Ngunit ikaw ay ikaw pa rin,
at ang iyong mga taon ay hindi magwawakas.”
13 Ngunit(F) kanino sa mga anghel sinabi niya kailanman,
“Maupo ka sa aking kanan,
hanggang sa ang iyong mga kaaway ay gawin kong tuntungan ng iyong mga paa?”
14 Hindi ba silang lahat ay mga espiritung nasa banal na gawain, na sinugo upang maglingkod sa kapakanan ng mga magmamana ng kaligtasan?
Ang Dakilang Kaligtasan
2 Kaya't dapat nating pag-ukulan ng higit pang pansin ang mga bagay na ating narinig, baka tayo'y matangay na papalayo.
2 Sapagkat kung ang salita na ipinahayag sa pamamagitan ng mga anghel ay may bisa, at ang bawat paglabag at pagsuway ay tumanggap ng kaukulang parusa,
3 paano nga tayo makakatakas, kung ating pababayaan ang ganito kadakilang kaligtasan? Ito ay ipinahayag noong una sa pamamagitan ng Panginoon, at pinatunayan sa atin ng mga nakarinig sa kanya,
4 na pawang pinatotohanan din ng Diyos sa pamamagitan ng mga tanda at ng mga kababalaghan at iba't ibang himala at ng mga kaloob ng Espiritu Santo, na ipinamahagi ayon sa kanyang kalooban.
Naging Dakila sa Pagiging Hamak
5 Sapagkat hindi ipinasakop ng Diyos[c] sa mga anghel ang sanlibutang darating, na siya naming sinasabi,
6 Ngunit(G) may nagpatunay sa isang dako, na sinasabi,
“Ano ang tao upang siya'y iyong alalahanin?
O ang anak ng tao upang siya'y iyong pagmalasakitan?
7 Siya'y ginawa mong mababa kaysa mga anghel nang sandaling panahon;
siya'y pinutungan mo ng kaluwalhatian at ng karangalan,
at siya'y inilagay mo sa ibabaw ng mga gawa ng iyong mga kamay.[d]
8 Ipinasakop mo ang lahat ng bagay sa ilalim ng kanyang mga paa.”
Nang masakop niya ang bawat bagay, wala siyang iniwan na hindi niya nasasakop. Ngunit ngayon ay hindi pa natin nakikitang nasasakop niya ang lahat ng mga bagay,
9 kundi nakikita natin si Jesus, na sa sandaling panahon ay ginawang mababa kaysa mga anghel, na dahil sa pagdurusa ng kamatayan ay pinutungan ng kaluwalhatian at karangalan, upang sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos ay maranasan niya ang kamatayan alang-alang sa lahat.
10 Sapagkat nararapat na ang Diyos,[e] na para sa kanya at sa pamamagitan niya ay nagkaroon ng lahat ng mga bagay, sa pagdadala ng maraming anak tungo sa kaluwalhatian, ay gawing sakdal ang tagapagtatag ng kanilang kaligtasan sa pamamagitan ng mga pagdurusa.
11 Sapagkat ang gumagawang banal at ang mga ginawang banal ay pawang nagmula sa isa. Dahil dito'y hindi nahihiya si Jesus[f] na tawagin silang mga kapatid,
12 na(H) sinasabi,
“Ipahahayag ko ang iyong pangalan sa aking mga kapatid,
sa gitna ng kapulungan ay aawitan kita ng mga himno.”
13 At(I) muli,
“Ilalagak ko ang aking pagtitiwala sa kanya.”
At muli,
“Narito ako at ang mga anak na ibinigay sa akin ng Diyos.”
14 Kaya, yamang ang mga anak ay nakibahagi sa laman at dugo, at siya man ay nakibahagi rin sa mga bagay na ito, upang sa pamamagitan ng kamatayan ay kanyang mapuksa ang may kapangyarihan sa kamatayan, samakatuwid ay ang diyablo,
15 at mapalaya silang lahat na dahil sa takot sa kamatayan sa buong buhay nila ay nasa ilalim ng pagkaalipin.
16 Sapagkat(J) maliwanag na hindi ang mga anghel ang kanyang tinutulungan, kundi ang kabilang sa binhi ni Abraham.
17 Kaya't kailangang siya ay maging kagaya ng kanyang mga kapatid sa lahat ng mga bagay, upang siya ay maging isang maawain at tapat na pinakapunong pari sa mga bagay na nauukol sa Diyos, upang gumawa ng handog na pantubos sa mga kasalanan ng mga tao.
18 Palibhasa'y nagtiis siya sa pagkatukso, siya'y makasasaklolo sa mga tinutukso.
Higit na Dakila kay Moises
3 Kaya, mga banal na kapatid, mga kabahagi sa makalangit na pagkatawag, isaalang-alang ninyo na si Jesus, ang Apostol at Pinakapunong Pari ng ating pagpapahayag,
2 ay(K) tapat sa nagtalaga sa kanya, gaya ni Moises na tapat sa buong sambahayan ng Diyos.[g]
3 Sapagkat siya ay itinuring na karapat-dapat sa higit na kaluwalhatian kaysa kay Moises, yamang ang nagtayo ng bahay ay may higit na karangalan kaysa bahay.
4 Sapagkat ang bawat bahay ay may nagtayo, subalit ang nagtayo ng lahat ng mga bagay ay ang Diyos.
5 At si Moises ay naging tapat sa buong sambahayan ng Diyos[h] gaya ng isang lingkod, bilang patotoo sa mga bagay na sasabihin.
6 Subalit si Cristo ay tapat sa bahay ng Diyos,[i] bilang isang anak, at tayo ang bahay na iyon kung ating iingatang matibay hanggang sa katapusan ang ating pagtitiwala at pagmamalaki sa ating pag-asa.
Kapahingahan para sa Bayan ng Diyos
7 Kaya't(L) gaya ng sinasabi ng Espiritu Santo,
“Ngayon, kung marinig ninyo ang kanyang tinig,
8 huwag ninyong papagmatigasin ang inyong mga puso gaya ng sa paghihimagsik,
gaya ng sa araw ng pagsubok sa ilang,
9 na doon ay sinubok ako ng inyong mga ninuno,
bagaman nakita nila ang aking mga gawa sa loob ng
10 apatnapung taon.
Kaya't nagalit ako sa lahing ito,
at aking sinabi, ‘Sila'y laging naliligaw sa kanilang puso,
at hindi nila nalaman ang aking mga daan.’
11 Gaya ng sa aking galit ay aking isinumpa,
‘Hindi sila papasok sa aking kapahingahan.’”
12 Mga kapatid, mag-ingat kayo, na walang sinuman sa inyo ang may pusong masama at walang pananampalataya na naglalayo sa buháy na Diyos.
13 Ngunit magpayuhan kayo sa isa't isa araw-araw, habang ito ay tinatawag na “ngayon,” upang walang sinuman sa inyo ang papagmatigasin ng pagiging madaya ng kasalanan.
14 Sapagkat tayo'y nagiging kabahagi ni Cristo kung ating hinahawakang matatag ang pasimula ng ating pagtitiwala hanggang sa katapusan.
15 Gaya(M) ng sinasabi,
“Ngayon, kung marinig ninyo ang kanyang tinig,
huwag ninyong papagmatigasin ang inyong mga puso, na gaya ng sa paghihimagsik.”
16 Sinu-sino(N) ba sila na matapos makarinig ay naghimagsik? Hindi ba ang lahat ng umalis sa Ehipto sa pamamagitan ni Moises?
17 Ngunit kanino siya galit nang apatnapung taon? Hindi ba sa mga nagkasala, na ang mga katawan ay nabuwal sa ilang?
18 At kanino siya sumumpa na hindi sila makakapasok sa kanyang kapahingahan, kung hindi sa mga sumuway?
19 Kaya't nakikita natin na sila'y hindi nakapasok dahil sa kawalan ng pananampalataya.
4 Kaya't habang nananatiling bukas ang pangakong makapasok sa kanyang kapahingahan, mag-ingat tayo na baka sinuman sa inyo ay hindi makaabot doon.
2 Sapagkat dumating sa atin ang magandang balita, gaya rin naman sa kanila, ngunit hindi nila pinakinabangan ang pangangaral na narinig nila, sapagkat hindi sila naging kalakip sa pamamagitan ng pananampalataya ng mga taong nakarinig.
3 Sapagkat(O) tayong sumasampalataya ay pumapasok sa kapahingahang iyon, gaya ng sinabi ng Diyos,[j]
“Gaya ng aking isinumpa sa aking pagkagalit,
sila'y hindi papasok sa aking kapahingahan,”
bagama't ang mga gawa niya mula nang itatag ang sanlibutan ay natapos na.
4 Sapagkat(P) sa isang dako ay sinabi niya ang ganito tungkol sa ikapitong araw, “At nagpahinga ang Diyos nang ikapitong araw sa lahat ng kanyang mga gawa.”
5 At(Q) sa dakong ito ay muling sinabi, “Sila'y hindi papasok sa aking kapahingahan.”
6 Kaya't yamang nananatiling bukas para sa ilan upang makapasok doon, at ang mga pinangaralan ng magandang balita nang una ay hindi nakapasok dahil sa pagsuway,
7 siya(R) ay muling nagtakda ng isang araw, “Ngayon,” na pagkatapos ng ilang panahon ay sinabi sa pamamagitan ni David, gaya ng sinabi noong una,
“Ngayon, kung marinig ninyo ang kanyang tinig,
huwag ninyong papagmatigasin ang inyong mga puso.”
8 Sapagkat(S) kung sila ay nabigyan ni Josue ng kapahingahan, hindi na sana nagsalita ang Diyos tungkol sa ibang araw pagkatapos ng mga ito.
9 Kaya't may natitira pang isang pamamahingang Sabbath para sa bayan ng Diyos.
10 Sapagkat(T) ang pumasok sa kanyang kapahingahan ay nagpahinga rin sa kanyang mga gawa, gaya ng Diyos sa kanyang mga gawa.
11 Kaya't magsikap tayong pumasok sa kapahingahang iyon, upang huwag mabuwal ang sinuman sa pamamagitan ng gayong halimbawa ng pagsuway.
12 Sapagkat ang salita ng Diyos ay buháy, mabisa, at higit na matalas kaysa alin mang tabak na may dalawang talim, at tumatagos hanggang sa pinaghihiwalayan ng kaluluwa at espiritu, ng mga kasukasuan at ng utak sa buto, at may kakayahang kumilala ng mga pag-iisip at mga hangarin ng puso.
13 At walang nilalang na nakukubli sa harapan niya, kundi ang lahat ng mga bagay ay hubad at hayag sa mga mata niya na ating pagsusulitan.
Si Jesus ang Pinakapunong Pari
14 Yamang tayo'y mayroong isang marangal at Pinakapunong Pari na pumasok sa kalangitan, si Jesus na Anak ng Diyos, ay hawakan nating matatag ang ating ipinahahayag.
15 Sapagkat tayo'y mayroong isang Pinakapunong Pari na marunong makiramay sa ating mga kahinaan, isa na tinukso sa lahat ng mga paraan gaya rin naman natin, gayunma'y walang kasalanan.
16 Kaya't lumapit tayong may katapangan sa trono ng biyaya, upang tayo'y tumanggap ng awa, at makatagpo ng biyaya na makakatulong sa panahon ng pangangailangan.
5 Bawat pinakapunong pari na pinili mula sa mga tao ay pinangasiwa sa mga bagay na may kaugnayan sa Diyos, para sa kanilang kapakanan, upang siya'y makapaghandog ng mga kaloob at ng mga alay para sa mga kasalanan.
2 Siya ay marunong makitungo na may kaamuan sa mga mangmang at naliligaw, yamang siya man ay napapaligiran ng kahinaan.
3 Dahil(U) dito, kailangang siya'y maghandog para sa kanyang sariling mga kasalanan, at gayundin para sa taong-bayan.
4 At(V) sinuman ay hindi kumukuha ng karangalang ito para sa kanyang sarili, kundi siya ay tinatawag ng Diyos, na gaya ni Aaron.
5 Maging(W) si Cristo man ay hindi lumuwalhati sa kanyang sarili upang maging pinakapunong pari, kundi itinalaga ng nagsabi sa kanya,
“Ikaw ay aking Anak,
ako ngayon ay naging Ama mo.”
6 Gaya(X) rin naman ng sinasabi niya sa ibang dako,
“Ikaw ay pari magpakailanman,
ayon sa pagkapari ni Melquizedek.”
7 Sa(Y) mga araw ng kanyang buhay dito sa mundo,[k] si Jesus[l] ay naghandog ng mga panalangin at mga pakiusap na may malakas na pagtangis at pagluha sa may kapangyarihang magligtas sa kanya mula sa kamatayan, at siya'y pinakinggan dahil sa kanyang magalang na pagpapasakop.
8 Bagama't siya'y isang Anak, siya'y natuto ng pagsunod sa pamamagitan ng mga bagay na kanyang tiniis,
9 at nang maging sakdal, siya ang naging pinagmulan ng walang hanggang kaligtasan ng lahat ng mga sumusunod sa kanya;
10 yamang itinalaga ng Diyos bilang pinakapunong pari ayon sa pagkapari ni Melquizedek.
Babala Laban sa Pagtalikod
11 Tungkol sa kanya'y marami kaming masasabi, at mahirap ipaliwanag, palibhasa'y naging mapurol na kayo sa pakikinig.
12 Sapagkat(Z) bagaman sa panahong ito'y dapat na kayo'y mga guro na, kailangang muling may magturo sa inyo ng mga unang simulain ng aral ng Diyos. Kayo'y nangangailangan ng gatas, at hindi ng pagkaing matigas.
13 Sapagkat bawat tumatanggap ng gatas ay walang alam sa salita ng katuwiran palibhasa'y isa siyang sanggol.
14 Ngunit ang pagkaing matigas ay para sa mga nasa hustong gulang, na dahil sa pagsasagawa ay nasanay ang kanilang mga pandama na makilala ang pagkakaiba ng mabuti at masama.
Ang Panganib ng Pagtalikod
6 Kaya't iwan na natin ang mga unang simulain ng aral ni Cristo, at tayo'y magpatuloy sa kasakdalan, na huwag nating muling ilagay ang saligan ng pagsisisi mula sa mga patay na gawa at pananampalataya sa Diyos,
2 ng aral tungkol sa mga bautismo,[m] pagpapatong ng mga kamay, muling pagkabuhay ng mga patay, at ng walang hanggang paghuhukom.
3 At ating gagawin ito, kung ipahihintulot ng Diyos.
4 Sapagkat hindi mangyayari na ang mga dating naliwanagan na, at nakalasap ng kaloob ng kalangitan, at mga naging kabahagi ng Espiritu Santo,
5 at nakalasap ng kabutihan ng salita ng Diyos, at ng mga kapangyarihan ng panahong darating,
6 at pagkatapos ay tumalikod ay muling panumbalikin sa pagsisisi, yamang sa kanilang sarili ay muli nilang ipinapako sa krus ang Anak ng Diyos, at itinataas sa kahihiyan.
7 Sapagkat ang lupang umiinom ng ulang madalas na pumapatak sa kanya, at tinutubuan ng mga halamang angkop doon na dahil sa kanila ito ay binungkal, ay tumatanggap ng pagpapalang mula sa Diyos.
8 Subalit(AA) kung ito'y tinutubuan ng mga tinik at dawag, ito ay walang kabuluhan at malapit nang sumpain, at ang kanyang kahihinatnan ay ang pagkasunog.
9 Ngunit, mga minamahal, kami ay lubos na naniniwala sa mga mabubuting bagay tungkol sa inyo, at sa mga bagay na may kinalaman sa kaligtasan, bagama't kami ay nagsasalita ng ganito.
10 Sapagkat ang Diyos ay hindi masama; hindi niya kaliligtaan ang inyong gawa at ang pag-ibig na inyong ipinakita sa kanyang pangalan, sa inyong paglilingkod sa mga banal, gaya ng ginagawa ninyo ngayon.
11 At nais namin na ang bawat isa sa inyo ay magpakita ng gayunding sigasig upang inyong malaman ang ganap na katiyakan ng pag-asa hanggang sa katapusan;
12 upang kayo'y huwag maging mga tamad, kundi mga taga-tulad kayo sa kanila na sa pamamagitan ng pananampalataya at ng pagtitiis ay nagmamana ng mga pangako.
Ang Katiyakan ng Pangako ng Diyos
13 Nang mangako ang Diyos kay Abraham, palibhasa'y walang sinumang higit na dakila na kanyang panunumpaan, siya ay nanumpa sa kanyang sarili,
14 na(AB) sinasabi, “Tiyak na pagpapalain at pararamihin kita.”
15 Kaya't si Abraham,[n] nang makapaghintay na may pagtitiis, ay tumanggap ng pangako.
16 Nanunumpa ang mga tao sa harap ng higit na mataas sa kanila, at ang sumpang binitawan bilang katibayan ay nagwawakas ng bawat usapin.
17 Gayundin naman, sa pagnanais ng Diyos na maipakita sa mga tagapagmana ng pangako na hindi maaaring mabago ang kanyang pasiya, pinagtibay niya ito sa pamamagitan ng isang sumpa;
18 upang sa pamamagitan ng dalawang bagay na di-mababago, na dito'y hindi maaaring magsinungaling ang Diyos, tayong nagtungo sa kanlungan ay magkaroon ng higit na katiyakang panghawakan ang pag-asang nakalagay sa harapan natin.
19 Taglay(AC) natin ito bilang isang tiyak at matibay na angkla ng kaluluwa, isang pag-asa na pumapasok sa loob ng santuwaryo, sa kabila ng tabing,
20 na(AD) doo'y naunang pumasok para sa atin si Jesus, na naging pinakapunong pari magpakailanman ayon sa pagkapari ni Melquizedek.
Ang Pagkapari ni Melquizedek
7 Itong(AE) si Melquizedek, hari ng Salem, pari ng Kataas-taasang Diyos, ang siyang sumalubong kay Abraham sa pagbabalik niya galing sa paglipol sa mga hari at siya'y kanyang binasbasan,
2 at sa kanya ay ibinahagi ni Abraham ang ikasampung bahagi ng lahat. Una, ang kahulugan ng kanyang pangalan ay hari ng katuwiran; ikalawa, siya rin ay hari ng Salem, na ang kahulugan ay hari ng kapayapaan.
3 Walang ama, walang ina, walang talaan ng angkan, ni walang pasimula ng mga araw o katapusan ng buhay, subalit ginawang katulad ng Anak ng Diyos, siya ay nananatiling pari magpakailanman.
4 Talagang napakadakila ang taong ito! Maging si Abraham na patriyarka ay nagbigay sa kanya ng ikasampung bahagi ng mga samsam.
5 At(AF) ang mga anak ni Levi na tumanggap ng katungkulang pari ay mayroong utos ayon sa kautusan na maglikom ng ikasampung bahagi mula sa taong-bayan, samakatuwid ay sa kanilang mga kapatid, bagaman ang mga ito ay mga nagmula sa balakang ni Abraham.
6 Ngunit ang taong ito na hindi mula sa kanilang lahi ay tumanggap ng mga ikasampung bahagi mula kay Abraham, at binasbasan ang tumanggap ng mga pangako.
7 Hindi mapapabulaanan na ang nakabababa ay binabasbasan ng nakatataas.
8 At dito, ang mga taong may kamatayan ay tumatanggap ng ikasampung bahagi, subalit sa kabilang dako ay ang isa na pinatutunayang nabubuhay.
9 Maaaring sabihin na maging si Levi, na siyang tumatanggap ng mga ikasampung bahagi ay nagbayad ng ikasampung bahagi sa pamamagitan ni Abraham,
10 sapagkat siya'y nasa mga balakang pa ng kanyang ninuno nang siya'y salubungin ni Melquizedek.
Ang Paring Tulad ni Melquizedek
11 Ngayon, kung may kasakdalan sa pamamagitan ng pagkapari ng mga Levita, (sapagkat batay dito ay tinanggap ng bayan ang kautusan), ano pa ang karagdagang pangangailangan upang lumitaw ang isa pang pari, ayon sa pagkapari ni Melquizedek, sa halip na ayon sa pagkapari ni Aaron?
12 Sapagkat nang palitan ang pagkapari ay kailangan din namang palitan ang kautusan.
13 Sapagkat ang tinutukoy ng mga bagay na ito ay kabilang sa ibang angkan, na doon ang sinuma'y hindi naglingkod sa dambana.
14 Sapagkat maliwanag na ang ating Panginoon ay nagmula sa Juda at tungkol sa liping iyon ay walang sinabing anuman si Moises tungkol sa mga pari.
15 At ito ay lalo pang naging maliwanag nang lumitaw ang ibang pari, na kagaya ni Melquizedek,
16 na naging pari, hindi ayon sa itinatakda ng batas na ukol sa laman, kundi ayon sa kapangyarihan ng isang buhay na hindi mapupuksa.
17 Sapagkat(AG) pinatotohanan,
“Ikaw ay pari magpakailanman,
ayon sa pagkapari ni Melquizedek.”
18 Sa kabilang dako, mayroong pagpapawalang-bisa sa naunang utos, sapagkat ito ay mahina at walang pakinabang
19 (sapagkat ang kautusan ay walang pinasasakdal), sa gayon ay ipinapakilala ang isang higit na mabuting pag-asa, na sa pamamagitan nito ay lumalapit tayo sa Diyos.
20 At iyon ay mayroong panunumpa. Yaong nang una ay naging pari ay nagsimula sa kanilang katungkulan na walang panunumpa,
21 ngunit(AH) ang isang ito ay naging pari na may panunumpa,
“Nanumpa ang Panginoon at hindi siya magbabago ng kanyang isip,
‘Ikaw ay pari magpakailanman.’”
22 Sa gayon, si Jesus ay naging tagapanagot ng isang higit na mabuting tipan.
23 Marami sa bilang ang dating mga pari, sapagkat sila'y hinadlangan ng kamatayan upang makapagpatuloy sa panunungkulan.
24 Subalit hawak niya ang pagiging pari magpakailanman, sapagkat siya ay nagpapatuloy magpakailanman.
25 Dahil dito, siya'y may kakayahang iligtas nang lubos ang mga lumalapit sa Diyos sa pamamagitan niya, yamang lagi siyang nabubuhay upang mamagitan para sa kanila.
26 Sapagkat nararapat na tayo'y magkaroon ng gayong Pinakapunong Pari, banal, walang sala, walang dungis, hiwalay sa mga makasalanan, at ginawang lalong mataas kaysa mga langit.
27 Hindi(AI) gaya ng ibang mga pinakapunong pari, hindi niya kailangang maghandog ng alay araw-araw, una para sa kanyang sariling mga kasalanan, at saka para sa mga kasalanan ng bayan; ito'y ginawa niyang minsan magpakailanman nang kanyang ihandog ang kanyang sarili.
28 Sapagkat hinihirang ng kautusan bilang mga pinakapunong pari ang mga taong may kahinaan, ngunit ang salita ng panunumpa na dumating na kasunod ng kautusan ay humirang sa Anak na ginawang sakdal magpakailanman.
Ang Tagapamagitan ng Mas Mabuting Tipan
8 Ngayon,(AJ) ang pangunahing bagay na aming sinasabi ay ito: Mayroon tayong gayong Pinakapunong Pari na nakaupo sa kanan ng trono ng Kamahalan sa kalangitan,
2 isang ministro sa santuwaryo at sa tunay na tabernakulo na itinayo ng Panginoon, hindi ng tao.
3 Sapagkat itinalaga ang bawat pinakapunong pari upang maghandog ng mga kaloob at ng mga alay. Kaya't kailangan din namang siya'y magkaroon ng kanyang ihahandog.
4 Kaya't kung siya'y nasa lupa, hindi siya maaaring maging pari, sapagkat mayroon nang mga paring naghandog ng mga kaloob ayon sa kautusan.
5 Sila'y(AK) naglilingkod sa anyo at anino ng makalangit na santuwaryo; sapagkat si Moises ay binalaan ng Diyos nang malapit na niyang itayo ang tabernakulo, “Tiyakin mo na iyong gagawin ang lahat ng mga bagay ayon sa huwarang ipinakita sa iyo sa bundok.”
6 Subalit ngayo'y nagtamo si Cristo[o] ng ministeryong higit na marangal, yamang siya'y tagapamagitan sa isang higit na mabuting tipan na pinagtibay sa higit na mabubuting pangako.
7 Sapagkat kung ang unang tipang iyon ay walang kapintasan, hindi na sana kailangang humanap pa ng pangalawa.
8 Sapagkat(AL) nang makakita ang Diyos[p] ng kapintasan sa kanila, ay sinabi niya,
“Ang mga araw ay tiyak na darating, sabi ng Panginoon,
na ako'y gagawa ng isang bagong tipan sa sambahayan ni Israel
at sa sambahayan ni Juda,
9 hindi ayon sa tipang aking ginawa sa kanilang mga ninuno,
nang araw na hawakan ko sila sa kamay, upang sila'y ihatid papalabas sa lupain ng Ehipto,
sapagkat sila'y hindi nagpatuloy sa aking tipan,
kaya't ako'y hindi nagmalasakit sa kanila, sabi ng Panginoon.
10 Ito ang tipang aking gagawin sa sambahayan ni Israel
pagkatapos ng mga araw na iyon, sabi ng Panginoon:
ilalagay ko ang aking mga kautusan sa kanilang pag-iisip,
at isusulat ko ang mga iyon sa kanilang mga puso,
at ako'y magiging Diyos nila,
at sila'y magiging bayan ko.
11 At hindi magtuturo ang bawat isa sa kanila sa kanyang kababayan,
o magsasabi ang bawat isa sa kanyang kapatid, ‘Kilalanin mo ang Panginoon,’
sapagkat ako'y makikilala nilang lahat,
mula sa pinakahamak hanggang sa pinakadakila sa kanila.
12 Sapagkat ako'y magiging mahabagin sa kanilang mga kasamaan,
at ang kanilang mga kasalanan ay hindi ko na aalalahanin pa.”
13 Sa pagsasalita tungkol sa “bagong tipan,” ginawa niyang lipas na ang una. At ang ginawang lipas na at tumatanda ay malapit nang maglaho.
Ang Panlupa at ang Panlangit na mga Santuwaryo
9 Ngayon, maging ang unang tipan ay nagkaroon ng mga alituntunin sa pagsamba at ng isang panlupang santuwaryo.
2 Sapagkat(AM) inihanda ang unang tabernakulo na kinaroroonan ng ilawan, dulang, at ng mga tinapay na handog; ito ay tinatawag na Dakong Banal.
3 Sa(AN) likod ng ikalawang tabing ay ang tabernakulo na tinatawag na Dakong Kabanal-banalan.
4 Dito(AO) ay nakatayo ang isang gintong dambana ng insenso at ang kaban ng tipan na ang paligid ay nababalutan ng ginto, na siyang kinaroroonan ng sisidlang-ginto na kinalalagyan ng manna at ng tungkod ni Aaron na namulaklak, at ang mga tapyas na bato ng tipan.
5 Sa(AP) ibabaw nito ay ang mga kerubin ng kaluwalhatian na lumililim sa trono ng awa. Ang mga bagay na ito ay hindi namin masasabi ngayon ng isa-isa.
6 Pagkatapos(AQ) magawa ang ganitong pagkahanda, ang mga pari ay patuloy na pumapasok sa unang tabernakulo upang gawin ang kanilang katungkulan sa paglilingkod;
7 subalit(AR) sa ikalawa ay nag-iisang pumapasok ang pinakapunong pari, minsan sa isang taon, na may dalang dugo bilang handog niya para sa kanyang sarili at sa mga kasalanang nagawa nang di sinasadya ng taong-bayan.
8 Sa pamamagitan nito, itinuturo ng Espiritu Santo na hindi pa naihahayag ang daan patungo sa santuwaryo, habang nakatayo pa ang unang tabernakulo.
9 Iyon ay isang sagisag[q] ng panahong kasalukuyan, na sa panahong yaon ang mga kaloob at ang mga alay na inihahandog ay hindi makapagpapasakdal sa budhi ng sumasamba,
10 kundi tungkol lamang sa mga pagkain at mga inumin at iba't ibang paghuhugas, na mga alituntunin tungkol sa katawan na ipinatutupad hanggang sa ang panahon ay dumating upang maisaayos ang mga bagay.
11 Ngunit nang dumating si Cristo na Pinakapunong Pari ng mabubuting bagay na darating,[r] sa pamamagitan ng lalong dakila at lalong sakdal na tabernakulo na hindi gawa ng mga kamay ng tao, samakatuwid ay hindi sa sangnilikhang ito,
12 at hindi rin sa pamamagitan ng dugo ng mga kambing at mga toro, kundi sa pamamagitan ng kanyang sariling dugo, siya ay pumasok na minsan magpakailanman sa Dakong Banal, sa gayo'y tinitiyak ang walang hanggang katubusan.
13 Sapagkat(AS) kung ang dugo ng mga kambing at ng mga toro, at ang abo ng dumalagang baka na iwiniwisik sa mga nadungisan ay makapagpapabanal sa ikalilinis ng laman,
14 gaano pa kaya ang dugo ni Cristo, na sa pamamagitan ng walang hanggang Espiritu ay inihandog ang kanyang sarili na walang dungis sa Diyos, ay maglilinis ng ating budhi mula sa mga gawang patay upang maglingkod sa Diyos na buháy?
15 Kaya't siya ang tagapamagitan ng isang bagong tipan, upang ang mga tinawag ay tumanggap ng pangako na pamanang buhay na walang hanggan. Yamang naganap ang isang kamatayan na tumutubos sa kanila mula sa mga pagsalangsang sa ilalim ng unang tipan.
16 Sapagkat kung saan mayroong tipan, ang kamatayan ng gumawa niyon ay dapat matiyak.
17 Sapagkat ang isang tipan ay pinagtitibay sa kamatayan, yamang ito'y walang bisa habang nabubuhay pa ang gumawa ng tipan.
18 Kaya't maging ang unang tipan ay hindi pinagtibay ng walang dugo.
19 Sapagkat(AT) nang sabihin ni Moises ang bawat utos sa buong bayan ayon sa kautusan, kumuha siya ng dugo ng baka at ng mga kambing, na may tubig at mapulang balahibo at isopo, at winisikan niya ang aklat at gayundin ang buong bayan,
20 na sinasabi, “Ito ang dugo ng tipan na iniutos ng Diyos sa inyo.”
21 Sa(AU) gayunding paraan, ang tabernakulo at ang lahat ng mga kasangkapang ginagamit sa banal na pagsamba ay pinagwiwisikan niya ng dugo.
22 Sa(AV) katunayan, sa ilalim ng kautusan, halos lahat ng mga bagay ay nililinis ng dugo, at kung walang pagdanak ng dugo ay walang kapatawaran ng mga kasalanan.
Ang Sakripisyong Nag-aalis ng Kasalanan
23 Kaya't kailangan na ang mga sinipi mula sa mga bagay sa kalangitan ay linisin ng mga ito, ngunit ang mga bagay sa sangkalangitan ay sa pamamagitan ng higit na mabubuting handog kaysa mga ito.
24 Sapagkat si Cristo ay hindi pumasok sa santuwaryo na ginawa ng mga kamay ng tao na mga kahalintulad lamang ng mga tunay na bagay, kundi sa mismong langit, upang dumulog ngayon sa harapan ng Diyos para sa atin.
25 Hindi upang ihandog na paulit-ulit ang kanyang sarili, gaya ng pinakapunong pari na pumapasok sa Dakong Banal taun-taon na may dalang dugo na hindi mula sa kanya,
26 sapagkat kung gayon ay kailangan siyang paulit-ulit na maghirap mula pa nang lalangin ang sanlibutan. Subalit ngayon, minsanan siyang nahayag sa katapusan ng panahon para sa pag-aalis ng mga kasalanan sa pamamagitan ng pag-aalay ng kanyang sarili.
27 At yamang itinakda sa mga tao ang mamatay na minsan, at pagkatapos nito ay ang paghuhukom,
28 ay(AW) gayundin naman si Cristo, na inihandog na minsan upang dalhin ang mga kasalanan ng marami, ay magpapakita sa ikalawang pagkakataon, hindi upang harapin ang kasalanan, kundi upang iligtas ang mga sabik na naghihintay sa kanya.
10 Yamang ang kautusan ay anino lamang ng mabubuting bagay na darating, at hindi ang tunay na larawan ng mga bagay na ito, kailanman ay hindi nito mapapasakdal ang mga lumalapit sa pamamagitan ng gayunding mga alay na laging inihahandog taun-taon.
2 Sapagkat kung di gayon, hindi ba sana ay itinigil nang ihandog ang mga iyon? Kung ang mga sumasamba na nalinis nang minsan, sana ay hindi na sila nagkaroon pa ng kamalayan sa kasalanan.
3 Ngunit sa pamamagitan ng mga handog na ito ay may pagpapaalala ng mga kasalanan taun-taon.
4 Sapagkat hindi maaaring mangyari na ang dugo ng mga toro at ng mga kambing ay makapag-alis ng mga kasalanan.
5 Kaya't(AX) pagdating ni Cristo[s] sa sanlibutan ay sinabi niya,
“Hindi mo nais ang alay at handog,
ngunit ipinaghanda mo ako ng isang katawan;
6 sa mga handog na sinusunog at sa mga handog para sa mga kasalanan
ay hindi ka nalugod.
7 Kaya't sinabi ko, ‘Narito, ako'y dumating upang gawin ang iyong kalooban, O Diyos,’
sa balumbon ng aklat ay nasusulat tungkol sa akin.”
8 Nang sabihin niya sa itaas na, “Hindi mo ibig at hindi mo rin kinalugdan ang alay at mga handog, at mga buong handog na sinusunog at mga alay para sa kasalanan” na inihahandog ayon sa kautusan,
9 pagkatapos ay idinagdag niya, “Narito, ako'y dumating upang gawin ang iyong kalooban.” Inalis niya ang una, upang maitatag ang ikalawa,
10 at sa pamamagitan ng kalooban niya tayo'y ginawang banal sa pamamagitan ng pag-aalay ng katawan ni Cristo minsan magpakailanman.
11 At(AY) bawat pari ay tumatayo araw-araw na naglilingkod at paulit-ulit na nag-aalay ng gayunding mga handog na kailanman ay hindi nakapag-aalis ng mga kasalanan.
12 Ngunit(AZ) nang makapaghandog si Cristo[t] ng isa lamang alay para sa mga kasalanan para sa lahat ng panahon, siya ay umupo sa kanan ng Diyos,
13 at buhat noon ay naghihintay hanggang sa ang kanyang mga kaaway ay maging tuntungan ng kanyang mga paa.
14 Sapagkat sa pamamagitan ng isang pag-aalay ay kanyang pinasakdal para sa lahat ng panahon ang mga pinababanal.
15 At ang Espiritu Santo ay nagpapatotoo rin sa atin, sapagkat pagkatapos niyang sabihin,
16 “Ito(BA) ang tipan na aking gagawin sa kanila,
pagkatapos ng mga araw na iyon, sabi ng Panginoon;
ilalagay ko ang aking mga kautusan sa kanilang mga puso,
at isusulat ko ang mga iyon sa kanilang pag-iisip,”
17 sinabi(BB) rin niya,
“At ang kanilang mga kasalanan at mga kasamaan ay hindi ko na aalalahanin pa.”
18 Kung saan may kapatawaran ng mga ito, ay wala ng pag-aalay para sa kasalanan.
Lumapit Tayo sa Diyos
19 Kaya, mga kapatid, yamang mayroon tayong pagtitiwala na pumasok sa santuwaryo sa pamamagitan ng dugo ni Jesus,
20 na kanyang binuksan para sa atin ang isang bago at buháy na daan, sa pamamagitan ng tabing, samakatuwid ay sa kanyang laman,
21 at yamang mayroon tayong isang pinakapunong pari sa bahay ng Diyos,
22 tayo'y(BC) lumapit na may tapat na puso sa lubos na katiyakan ng pananampalataya, na ang mga puso ay winisikang malinis mula sa isang masamang budhi at nahugasan ang ating katawan ng dalisay na tubig.
23 Panghawakan nating matatag ang pagpapahayag ng ating pag-asa nang walang pag-aalinlangan, sapagkat siya na nangako ay tapat.
24 At ating isaalang-alang kung papaano gigisingin ang isa't isa sa pag-ibig at sa mabubuting gawa,
25 na huwag nating pabayaan ang ating pagtitipon, gaya ng ugali ng iba, kundi palakasin ang loob ng isa't isa, lalung-lalo na kapag inyong nakikita na papalapit na ang Araw.
26 Sapagkat kung sinasadya nating magkasala, matapos nating tanggapin ang lubos na pagkakilala sa katotohanan, ay wala ng natitira pang alay para sa mga kasalanan,
27 kundi(BD) isang kakilakilabot na paghihintay sa paghuhukom, at isang naglalagablab na apoy na tutupok sa mga kaaway.
28 Ang(BE) sumuway sa kautusan ni Moises, sa patotoo ng dalawa o tatlong saksi, ay walang awang namamatay.
29 Gaano(BF) pa kayang higpit na parusa sa akala ninyo, ang nararapat sa kanila na yumurak sa Anak ng Diyos at lumapastangan sa dugo ng tipan na nagpabanal sa kanila, at umalipusta sa Espiritu ng biyaya?
30 Sapagkat(BG) kilala natin ang nagsabi, “Akin ang paghihiganti, ako ang gaganti.” At muli, “Huhukuman ng Panginoon ang kanyang bayan.”
31 Isang kakilakilabot na bagay ang mahulog sa mga kamay ng Diyos na buháy.
32 Subalit alalahanin ninyo ang mga nakaraang araw, na pagkatapos na kayo'y maliwanagan, ay nagtiis kayo ng matinding pakikipaglaban na may pagdurusa,
33 na kung minsan ay hayagang inilalantad sa pag-alipusta at pag-uusig, at kung minsan ay nagiging mga kabahagi ng mga nagdaranas ng gayon.
34 Sapagkat kayo'y nahabag sa mga bilanggo, at tinanggap ninyo nang buong galak ang pagkasamsam sa inyong mga ari-arian, palibhasa'y inyong nalalamang mayroon kayong isang pag-aaring higit na mabuti at tumatagal.
35 Kaya't huwag ninyong itakuwil ang inyong pagtitiwala na may dakilang gantimpala.
36 Sapagkat kailangan ninyo ng pagtitiis, upang kapag inyong nagampanan ang kalooban ng Diyos ay tanggapin ninyo ang pangako.
37 Sapagkat(BH) “sa sandaling panahon,
ang siyang dumarating ay darating, at hindi maaantala.
38 Ngunit ang aking matuwid na lingkod ay mabubuhay sa pananampalataya.
Ngunit kung siya'y tumalikod, ang aking kaluluwa ay hindi malulugod sa kanya.”
39 Ngunit tayo'y hindi kabilang sa mga umuurong kaya't sila'y napapahamak, kundi kabilang sa mga may pananampalataya kaya't naliligtas.
Ang Pananampalataya
11 Ngayon, ang pananampalataya ay ang katiyakan sa mga bagay na inaasahan, ang paninindigan sa mga bagay na hindi nakikita.
2 Tunay na sa pamamagitan nito ang mga tao noong una ay tumanggap ng patotoo.
3 Sa(BI) pananampalataya ay nauunawaan natin na ang mga sanlibutan ay nilikha sa pamamagitan ng salita ng Diyos, anupa't ang mga bagay na nakikita ay nagmula sa mga bagay na hindi nakikita.
Ang Pananampalataya nina Abel, Enoc, at Noe
4 Sa(BJ) pananampalataya si Abel ay nag-alay sa Diyos ng higit na dakilang handog kaysa kay Cain. Sa pamamagitan nito siya'y pinuri bilang matuwid at ang Diyos ang nagpapatotoo sa pamamagitan ng pagtanggap sa kanyang mga kaloob. Patay na siya, gayunma'y nagsasalita pa sa pamamagitan ng kanyang pananampalataya.
5 Sa(BK) pananampalataya si Enoc ay dinalang paitaas anupa't hindi na niya naranasan ang kamatayan. “Hindi na siya natagpuan, sapagkat siya'y kinuha ng Diyos.” Sapagkat bago siya dinalang paitaas, pinatotohanan na ang Diyos ay nalugod sa kanya.
6 At kung walang pananampalataya ay hindi maaaring kalugdan ng Diyos,[u] sapagkat ang sinumang lumalapit sa kanya ay dapat sumampalatayang may Diyos at siya ang tagapagbigay-gantimpala sa mga masigasig na humahanap sa kanya.
7 Sa(BL) pananampalataya si Noe, nang mabigyan ng Diyos ng babala tungkol sa mga bagay na hindi pa nakikita, ay pinakinggan ang babala at gumawa ng isang daong para sa kaligtasan ng kanyang sambahayan. Sa pamamagitan nito ay hinatulan niya ang sanlibutan, at siya'y naging tagapagmana ng katuwirang ayon sa pananampalataya.
Ang Pananampalataya ni Abraham
8 Sa(BM) pananampalataya si Abraham, nang tawagin, ay sumunod upang pumunta sa isang lugar na kanyang tatanggapin bilang pamana; at siya'y pumunta na hindi nalalaman ang kanyang pupuntahan.
9 Sa(BN) pananampalataya siya'y dumayo sa lupang pangako na tulad ng sa ibang lupain, at nanirahan sa mga tolda na kasama sina Isaac at Jacob, na kapwa mga tagapagmana ng gayunding pangako.
10 Sapagkat siya'y umaasa sa lunsod na may mga kinasasaligan, na ang nagplano at nagtayo ay ang Diyos.
11 Sa(BO) pananampalataya, maging si Sarah na isang baog ay tumanggap ng kakayahang magkaanak, bagaman lipas na sa tamang gulang, palibhasa'y itinuring niyang tapat ang nangako.
12 Kaya't(BP) mula naman sa isang lalaki na parang patay na, ay isinilang ang mga inapo na kasindami ng mga bituin sa langit, at gaya ng di mabilang na mga buhangin sa tabi ng dagat.
13 Ang(BQ) lahat ng mga ito ay namatay sa pananampalataya na hindi tinanggap ang mga pangako, ngunit mula sa malayo ang mga iyon ay kanilang natanaw at binati. Kanilang ipinahayag na sila'y pawang mga dayuhan at manlalakbay sa ibabaw ng lupa,
14 sapagkat ang mga nagsasabi ng gayong mga bagay ay nagpapakilalang sila ay naghahanap ng sariling bayan.
15 Kung kanilang naalala ang kanilang pinanggalingan, nagkaroon sana sila ng pagkakataong makabalik.
16 Ngunit sila ay nagnanais ng isang higit na mabuting lupain, samakatuwid ay ang makalangit. Kaya't ang Diyos ay hindi nahihiyang tawaging Diyos nila, sapagkat kanyang ipinaghanda sila ng isang lunsod.
17 Sa(BR) pamamagitan ng pananampalataya, nang subukin si Abraham, ay kanyang inihandog si Isaac. Siya na tumanggap ng mga pangako ay handang maghandog ng kanyang bugtong na anak,
18 na(BS) tungkol sa kanya ay sinabi, “Kay Isaac ay tatawagin ang iyong binhi.”
19 Itinuring niya na maging mula sa mga patay ay maaaring buhayin ng Diyos ang isang tao, at sa matalinghagang pananalita, siya'y muli niyang tinanggap.
20 Sa(BT) pananampalataya, binasbasan ni Isaac sina Jacob at Esau tungkol sa mga bagay na mangyayari.
21 Sa(BU) pananampalataya, si Jacob nang mamamatay na ay binasbasan niya ang bawat isa sa mga anak ni Jose, at sumamba sa ibabaw ng kanyang tungkod.
22 Sa(BV) pananampalataya, nang malapit nang mamatay si Jose ay binanggit niya ang tungkol sa paglikas ng mga Israelita, at nagbilin tungkol sa kanyang mga buto.
Ang Pananampalataya ni Moises
23 Sa(BW) pananampalataya, nang ipanganak si Moises ay itinago siya ng tatlong buwan ng kanyang mga magulang, sapagkat kanilang nakitang maganda ang bata, at hindi sila natakot sa utos ng hari.
24 Sa(BX) pananampalataya, nang nasa hustong gulang na si Moises ay tumangging siya'y tawaging anak ng anak na babae ni Faraon,
25 na pinili pa ang mapasama sa kaapihan ng bayan ng Diyos, kaysa magkaroon ng pansamantalang kasiyahan ng kasalanan.
26 Kanyang itinuring na malaking kayamanan ang magdusa alang-alang kay Cristo, kaysa sa mga kayamanan ng Ehipto, sapagkat kanyang pinagtutuunan ng pansin ang gantimpala.
27 Sa pananampalataya ay iniwan niya ang Ehipto, at hindi natakot sa poot ng hari, sapagkat siya ay matiyagang nagpatuloy na tulad sa nakakakita sa kanya na hindi nakikita.
28 Sa(BY) pananampalataya'y itinatag niya ang paskuwa at ang pagwiwisik ng dugo, upang huwag silang galawin ng Mamumuksa ng mga panganay.
Ang Pananampalataya ng Iba Pang Israelita
29 Sa(BZ) pananampalataya'y tinahak nila ang Dagat na Pula na tulad sa tuyong lupa, ngunit nang tangkaing gawin ito ng mga Ehipcio ay nalunod sila.
30 Sa(CA) pananampalataya'y gumuho ang pader ng Jerico, pagkatapos na malibot sa loob ng pitong araw.
31 Sa(CB) pananampalataya si Rahab, na nagbibili ng aliw, ay hindi napahamak na kasama ng mga sumuway, sapagkat payapa niyang tinanggap ang mga espiya.
32 At(CC) ano pa ang dapat kong sabihin? Sapagkat kukulangin ako ng panahon kung isasalaysay ko pa ang tungkol kina Gideon, Barak, Samson, Jefta, David, Samuel, at sa mga propeta;
33 na(CD) ang mga ito, sa pamamagitan ng pananampalataya'y lumupig ng mga kaharian, naglapat ng katarungan, nagtamo ng mga pangako, nagpatikom ng mga bibig ng mga leon,
34 pumatay(CE) ng bisa ng apoy, tumakas sa mga talim ng tabak, lumakas mula sa kahinaan, naging makapangyarihan sa digmaan, nagpaurong ng mga hukbong dayuhan.
35 Tinanggap(CF) ng mga babae ang kanilang mga patay sa pamamagitan ng pagkabuhay na muli. Ang iba'y pinahirapan at tumangging tumanggap ng paglaya upang makamit nila ang higit na mabuting pagkabuhay na muli.
36 Ang(CG) iba'y nagtiis ng pagkalibak at paghagupit, at maging ng mga tanikala at pagkabilanggo.
37 Sila'y(CH) pinagbabato hanggang mamatay, nilagari, pinagpapatay sa tabak, sila'y naglibot na may suot na balat ng mga tupa at kambing, mga naghihirap, pinag-uusig, inaapi
38 (na sa mga iyon ay hindi karapat-dapat ang sanlibutan). Sila'y nagpalabuy-laboy sa mga ilang, sa mga kabundukan, sa mga yungib, at sa mga lungga sa lupa.
39 At ang lahat ng mga ito, bagaman pinuri dahil sa kanilang pananampalataya, ay hindi nila tinanggap ang ipinangako,
40 yamang naghanda ang Diyos ng lalong mabuting bagay para sa atin, upang huwag silang gawing sakdal na hiwalay sa atin.
Ang Halimbawa ni Jesus
12 Kaya't yamang napapalibutan tayo ng gayong kakapal na bilang ng mga saksi, itabi natin ang bawat pabigat at ang pagkakasalang madaling bumibitag sa atin, at tumakbo tayong may pagtitiis sa takbuhing inilagay sa harapan natin.
2 Pagmasdan natin si Jesus na siyang nagtatag at nagpasakdal ng ating pananampalataya, na dahil sa kagalakang inilagay sa kanyang harapan ay tiniis niya ang krus, hindi inalintana ang kahihiyan, at siya'y umupo sa kanan ng trono ng Diyos.
3 Isaalang-alang ninyo siya na nagtiis ng gayong pagsalungat ng mga makasalanan laban sa kanyang sarili, upang kayo'y huwag manghina o manlupaypay.
4 Sa inyong pakikipaglaban sa kasalanan, hindi pa kayo humantong sa pagdanak ng inyong dugo.
5 At(CI) nakalimutan na ninyo ang pangaral na sinasabi niya sa inyo bilang mga anak,
“Anak ko, huwag mong ipagwalang-bahala ang disiplina ng Panginoon;
huwag kang manlupaypay kung ikaw ay sinasaway niya;
6 sapagkat dinidisiplina ng Panginoon ang kanyang minamahal,
at pinarurusahan ang bawat itinuturing na anak.”
7 Magtiis kayo alang-alang sa disiplina. Kayo ay pinapakitunguhan ng Diyos bilang mga anak, sapagkat ano ngang anak ang hindi dinidisiplina ng ama?
8 Ngunit kung kayo ay hindi dinidisiplina, na siyang naranasan ng lahat, kung gayon kayo'y mga anak sa labas, at hindi mga tunay na anak.
9 Bukod dito, tayo'y nagkaroon ng mga ama sa laman upang tayo'y disiplinahin, at sila'y ating iginagalang. Hindi ba dapat na tayo'y lalong pasakop sa Ama ng mga espiritu upang tayo'y mabuhay?
10 Sapagkat tayo'y kanilang dinidisiplina nang maikling panahon ayon sa kanilang minamabuti, ngunit dinidisiplina niya tayo alang-alang sa ikabubuti natin, upang tayo'y makabahagi sa kanyang kabanalan.
11 Subalit ang lahat ng disiplina sa kasalukuyan ay tila hindi kanais-nais kundi masakit, subalit sa hinaharap ay magdudulot ng mapayapang bunga ng katuwiran sa mga nasanay sa pamamagitan nito.
Mga Tagubilin at mga Babala
12 Kaya't(CJ) itaas ninyo ang mga kamay na nanghihina at muling palakasin ang mga tuhod na nanlulupaypay,
13 at(CK) gumawa kayo ng matuwid na landas para sa inyong mga paa, upang huwag malinsad ang pilay, kundi bagkus ay gumaling.
14 Pagsikapan ninyong magkaroon ng kapayapaan sa lahat at ng kabanalan na kung wala nito'y walang sinumang makakakita sa Panginoon.
15 Pakaingatan(CL) ninyo na baka ang sinuma'y mahulog mula sa biyaya ng Diyos; baka may ilang ugat ng kapaitan ang sumibol at bumagabag sa inyo at mahawa nito ang marami.
16 Tiyakin(CM) ninyong walang sinuman sa inyo na maging gaya ni Esau na mapakiapid, o lapastangan, na kapalit ng isang pinggang pagkain ay ipinagbili ang kanyang sariling pagkapanganay.
17 Nalalaman(CN) ninyo na pagkatapos, nang nais niyang magmana ng pagpapala, siya'y itinakuwil sapagkat wala na siyang natagpuang pagkakataon upang magsisi, bagama't pinagsikapan niya iyon na may pagluha.
18 Sapagkat(CO) hindi pa kayo lumapit sa bundok na nahihipo, sa apoy na nagliliyab, sa kadiliman, sa kapanglawan, at sa unos,
19 sa tunog ng trumpeta, at sa tunog ng mga salita na ang nakarinig ay nakiusap na huwag nang magsalita pa sa kanila ng anuman.
20 Sapagkat(CP) hindi nila matiis ang iniuutos na, “Maging isang hayop man ang tumuntong sa bundok ay pagbababatuhin.”
21 At(CQ) kakilakilabot ang nakikita kaya't sinabi ni Moises, “Ako'y natatakot at nanginginig.”
22 Subalit kayo'y lumapit sa Bundok ng Zion, at sa lunsod ng Diyos na buháy, sa makalangit na Jerusalem, at sa mga di-mabilang na mga anghel, sa isang masayang pagtitipon,
23 at sa kapulungan ng mga panganay na nakatala sa langit, at sa Diyos na Hukom ng lahat, at sa mga espiritu ng mga matuwid na pinasakdal,
24 at(CR) kay Jesus na tagapamagitan ng bagong tipan, at sa dugong iwinisik na nagsasalita ng lalong mabuti kaysa dugo ni Abel.
25 Pag-ingatan(CS) ninyong huwag itakuwil ang nagsasalita; sapagkat kung hindi nakatakas ang mga nagtakuwil sa nagbabala sa kanila sa lupa, lalo pa tayo kung tatalikuran natin ang nagbabala buhat sa langit!
26 Sa(CT) pagkakataong iyon niyanig ng kanyang tinig ang lupa. Subalit ngayo'y nangako siya na sinasabi, “Minsan pang yayanigin ko, hindi lamang ang lupa, kundi pati ang langit.”
27 Ngayon ang salitang, “Minsan pa,” ay nagpapahiwatig ng pag-aalis ng mga bagay na niyanig, gaya ng mga bagay na ginawa, upang manatili ang mga bagay na hindi nayayanig.
28 Kaya't yamang tinanggap natin ang isang kahariang hindi mayayanig, magkaroon tayo ng biyaya na sa pamamagitan nito ay makapaghahandog tayo sa Diyos ng kalugud-lugod na paglilingkod, na may paggalang at takot,
29 sapagkat(CU) ang Diyos natin ay isang apoy na tumutupok.
Paglilingkod na Kaaya-aya sa Diyos
13 Ipagpatuloy ninyo ang pag-iibigang magkakapatid.
2 Huwag(CV) ninyong kalimutan ang magpatulóy ng mga dayuhan, sapagkat sa paggawa nito ang iba ay nakapagpatulóy na ng mga anghel nang hindi nila namamalayan.
3 Alalahanin ninyo ang mga bilanggo na parang kayo'y nakabilanggong kasama nila; ang mga inaapi na parang kayo na rin sa katawan.
4 Maging marangal sa lahat ang pag-aasawa, at huwag dungisan ang higaan, sapagkat ang mga nakikiapid at ang mga mangangalunya ay hahatulan ng Diyos.
5 Umiwas(CW) kayo sa pag-ibig sa salapi at kayo'y masiyahan na kung anong mayroon kayo, sapagkat sinabi niya, “Sa anumang paraan ay hindi kita iiwan, o pababayaan man.”
6 Kaya't(CX) panatag nating masasabi,
“Ang Panginoon ang aking katulong; hindi ako matatakot:
Anong magagawa sa akin ng tao?”
7 Alalahanin ninyo ang mga namumuno sa inyo, silang nagsalita sa inyo ng salita ng Diyos; tingnan ninyo ang kinalabasan ng kanilang pamumuhay, tularan ninyo ang kanilang pananampalataya.
8 Si Jesu-Cristo ay siya ring kahapon, ngayon, at magpakailanman.
9 Huwag kayong padala sa sari-sari at kakaibang mga turo, sapagkat mabuti na ang puso ay patibayin ng biyaya; hindi sa pamamagitan ng mga pagkain, na di pinakinabangan ng mga tumupad ng mga iyon.
10 Tayo ay may isang dambana, na kung saan ang mga naglilingkod sa tabernakulo ay walang karapatang kumain.
11 Sapagkat(CY) ang katawan ng mga hayop na ang mga dugo'y dinadala ng pinakapunong pari sa santuwaryo para sa kasalanan ay sinusunog sa labas ng kampo.
12 Kaya si Jesus man ay nagdusa sa labas ng pintuan ng lunsod upang gawing banal ang mga tao sa pamamagitan ng kanyang sariling dugo.
13 Kaya't puntahan natin siya sa labas ng kampo na dala ang kanyang kahihiyan.
14 Sapagkat dito'y wala tayong lunsod na magtatagal, ngunit hinahanap natin ang lunsod na darating.
15 Kaya't sa pamamagitan niya ay maghandog tayong patuloy ng alay ng pagpupuri sa Diyos, samakatuwid ay ng bunga ng mga labi na nagpapahayag ng kanyang pangalan.
16 Huwag ninyong kaliligtaan ang paggawa ng mabuti at ang pamamahagi, sapagkat ang Diyos ay nalulugod sa mga gayong handog.
17 Sumunod kayo at pasakop sa mga namumuno sa inyo, sapagkat sila'y matamang nagbabantay alang-alang sa inyong mga kaluluwa bilang mga mananagot. Hayaang gampanan nila ito na may kagalakan at hindi nang may hapis, sapagkat kung ganito'y hindi ito magiging kapaki-pakinabang sa inyo.
18 Idalangin ninyo kami, sapagkat kami'y naniniwalang kami ay may mabuting budhi, na nagnanais na mabuhay na marangal sa lahat ng mga bagay.
19 At ako'y lalo pang nakikiusap sa inyo na inyong gawin ito, upang ako'y madaling maibalik sa inyo.
Basbas
20 Ngayon, ang Diyos ng kapayapaan na bumuhay mula sa mga patay sa ating Panginoong Jesus, ang dakilang pastol ng mga tupa, sa pamamagitan ng dugo ng walang hanggang tipan,
21 nawa'y gawin niya kayong ganap sa bawat mabuting bagay upang magawa ninyo ang kanyang kalooban, at gawin sa atin ang nakakalugod sa paningin niya, sa pamamagitan ni Jesu-Cristo, na sa kanya ang kaluwalhatian magpakailanman. Amen.
Pangaral at Pagbati
22 Mga kapatid, ngayon ay nananawagan ako sa inyo na inyong pagtiisan ang aking salita ng pangaral, sapagkat sa pamamagitan ng iilang mga salita ay sumulat ako sa inyo.
23 Nais kong malaman ninyo na ang ating kapatid na si Timoteo ay pinalaya na; at kung siya'y dumating agad, kasama ko siyang makikita kayo.
24 Batiin ninyo ang lahat ng mga namumuno sa inyo at ang lahat ng mga banal. Kayo'y binabati ng mga nasa Italia.
25 Ang biyaya'y sumainyo nawang lahat. Amen.
Pagbati
1 Si(CZ) Santiago, na alipin ng Diyos at ng Panginoong Jesu-Cristo, ay bumabati sa labindalawang lipi na nasa Pangangalat.
Pananampalataya at Karunungan
2 Mga kapatid ko, ituring ninyong buong kagalakan kapag kayo'y nahaharap sa sari-saring pagsubok,
3 yamang inyong nalalaman na ang pagsubok sa inyong pananampalataya ay nagbubunga ng pagtitiis.
4 At inyong hayaan na malubos ng pagtitiis ang gawa nito, upang kayo'y maging sakdal at ganap, na walang anumang kakulangan.
5 Ngunit kung ang sinuman sa inyo ay nagkukulang ng karunungan, humingi siya sa Diyos na nagbibigay nang sagana sa lahat at hindi nanunumbat, at iyon ay ibibigay sa kanya.
6 Ngunit humingi siyang may pananampalataya na walang pag-aalinlangan, sapagkat ang nag-aalinlangan ay katulad ng alon sa dagat na hinihipan at ipinapadpad ng hangin.
7 Sapagkat ang taong iyon ay hindi dapat mag-akala na siya'y tatanggap ng anumang bagay mula sa Panginoon.
8 Siya ay isang taong nagdadalawang isip, di-matatag sa lahat ng kanyang mga lakad.
Kahirapan at Kayamanan
9 Ngunit ang kapatid na hamak ay hayaang magmalaki sa kanyang pagkakataas,
10 at(DA) ang mayaman sa kanyang pagkaaba, sapagkat siya'y lilipas na gaya ng bulaklak sa parang.
11 Sapagkat ang araw ay sumisikat na may nakakapasong init at tinutuyo ang damo at nilalagas ang bulaklak nito, at nawawala ang kagandahan nito. Gayundin ang taong mayaman ay malalanta sa gitna ng kanyang abalang pamumuhay.
Tukso at Pagsubok
12 Mapalad ang taong nagtitiis ng pagsubok, sapagkat kapag siya ay subok na, siya'y tatanggap ng putong ng buhay, na ipinangako ng Panginoon[v] sa mga nagmamahal sa kanya.
13 Huwag sabihin ng sinuman kapag siya'y tinutukso, “Ako'y tinutukso ng Diyos,” sapagkat ang Diyos ay hindi natutukso ng masasama, at hindi rin siya nanunukso sa sinuman.
14 Ngunit ang bawat tao ay natutukso ng sarili niyang pagnanasa, kapag siya ay nahila at naakit nito;
15 at kapag ang pagnanasang iyon ay naipaglihi, ito ay nanganganak ng kasalanan, at ang kasalanan kapag malaki na ay nagbubunga ng kamatayan.
16 Huwag kayong padaya, mga minamahal kong kapatid.
17 Ang bawat mabuting kaloob at ang bawat sakdal na kaloob ay pawang buhat sa itaas, na nanggagaling sa Ama ng mga ilaw, na sa kanya ay walang pag-iiba, o anino man ng pagbabago.
18 Alinsunod sa kanyang sariling kalooban, tayo ay ipinanganak niya sa pamamagitan ng salita ng katotohanan, upang tayo'y maging isang uri ng mga unang bunga sa kanyang mga nilalang.
Pakikinig at Pagtupad
19 Unawain ninyo ito, minamahal kong mga kapatid: ang bawat tao ay dapat na maging mabilis sa pakikinig, marahan sa pagsasalita, mabagal sa pagkagalit;
20 sapagkat ang galit ng tao ay hindi gumagawa ng katuwiran ng Diyos.
21 Kaya't alisin ninyo ang lahat ng karumihan at ang nalalabing kasamaan, at tanggapin ninyo na may kaamuan ang salitang itinanim, na may kapangyarihang magligtas ng inyong mga kaluluwa.
22 Ngunit maging tagatupad kayo ng salita, at hindi tagapakinig lamang, na dinadaya ninyo ang inyong mga sarili.
23 Sapagkat kung ang sinuman ay tagapakinig ng salita at hindi tagatupad, siya ay katulad ng isang tao na tinitingnan ang kanyang likas na mukha sa salamin;
24 sapagkat minamasdan niya ang kanyang sarili at umaalis, at agad niyang nalilimutan kung ano ang kanyang katulad.
25 Ngunit ang tumitingin sa sakdal na kautusan, ang kautusan ng kalayaan, at nananatili na hindi tagapakinig na malilimutin, kundi tagatupad na gumagawa, siya ay pagpapalain sa kanyang gawain.
26 Kung inaakala ng sinuman na siya'y relihiyoso, subalit hindi pinipigil ang kanyang dila, kundi dinadaya ang kanyang puso, ang relihiyon ng taong iyon ay walang kabuluhan.
27 Ang dalisay na relihiyon at walang dungis sa harapan ng ating Diyos at Ama ay ito: ang dalawin ang mga ulila at ang mga balo sa kanilang kahirapan, at panatilihin ang sarili na hindi nadungisan ng sanlibutan.
Babala Laban sa Pagtatangi
2 Mga kapatid ko, huwag kayong magkaroon ng pagtatangi habang tinataglay ninyo ang pananampalataya sa[w] ating Panginoong Jesu-Cristo, ang Panginoon ng kaluwalhatian.
2 Sapagkat kung pumasok sa inyong pagtitipon ang isang taong may mga gintong singsing sa mga daliri at may magandang kasuotan, at may pumasok ding isang dukha na may hamak na damit,
3 at inyong pinansin ang may suot ng damit na maganda, at sinabi, “Maupo ka rito,” at sa dukha ay inyong sinabi, “Tumayo ka riyan,” o “Maupo ka sa ibaba ng tuntungan ng aking mga paa,”
4 hindi ba kayo'y gumagawa ng mga pagtatangi sa inyong mga sarili, at nagiging mga hukom na may masasamang pag-iisip?
5 Makinig kayo, minamahal kong mga kapatid. Hindi ba pinili ng Diyos ang mga dukha sa sanlibutang ito upang maging mayayaman sa pananampalataya at mga tagapagmana ng kaharian na kanyang ipinangako sa mga nagmamahal sa kanya?
6 Ngunit inyong hinamak ang dukha. Hindi ba ang mayayaman ang umaapi sa inyo at kumakaladkad sa inyo sa mga hukuman?
7 Hindi ba sila ang lumalapastangan sa mabuting pangalan na itinawag sa inyo?
8 Mabuti(DB) ang inyong ginagawa kung tunay na inyong ginaganap ang kautusang maka-hari, ayon sa kasulatan, “Ibigin mo ang iyong kapwa na gaya ng iyong sarili.”
9 Subalit kung kayo'y nagpapakita ng pagtatangi, kayo ay nagkakasala at kayo'y inilalantad ng kautusan bilang mga lumalabag.
10 Sapagkat sinumang tumutupad ng buong kautusan, subalit lumalabag sa isa, ay nagkakasala sa lahat.
11 Sapagkat(DC) siya na nagsabi, “Huwag kang mangalunya,” ay nagsabi rin, “Huwag kang papatay.” Ngayon, kung ikaw ay hindi nangangalunya, ngunit pumapatay ka, ikaw ay lumalabag sa kautusan.
12 Kaya't magsalita kayo at kumilos na gaya ng mga taong hahatulan sa pamamagitan ng kautusan ng kalayaan.
13 Sapagkat ang paghuhukom ay walang awa sa mga hindi nagpakita ng awa; ang awa ay nagtatagumpay laban sa paghuhukom.
Pananampalataya at Gawa
14 Ano ang pakinabang mga kapatid ko, kung sinasabi ng sinuman na siya'y may pananampalataya, ngunit walang mga gawa? Maililigtas ba siya ng kanyang pananampalataya?
15 Kung ang isang kapatid na lalaki o babae ay namumuhay nang hubad at kinukulang sa pagkain sa araw-araw,
16 at ang isa sa inyo ay magsabi sa kanila, “Humayo kayong payapa, magpainit kayo at magpakabusog,” subalit hindi ninyo sila binibigyan ng mga bagay na kailangan ng katawan; anong pakinabang niyon?
17 Kaya't ang pananampalataya na nag-iisa, kung ito ay walang mga gawa ay patay.
18 Subalit may magsasabi, “Ikaw ay mayroong pananampalataya, at ako'y mayroong mga gawa.” Ipakita mo sa akin ang iyong pananampalatayang walang mga gawa, at ipapakita ko sa pamamagitan ng aking mga gawa ang aking pananampalataya.
19 Sumasampalataya ka na ang Diyos ay iisa; mabuti ang iyong ginagawa. Ang mga demonyo man ay sumasampalataya at nanginginig pa.
20 Subalit nais mo bang malaman, O taong hangal, na ang pananampalataya na walang mga gawa ay baog?
21 Hindi(DD) ba ang ating amang si Abraham ay inaring-ganap sa pamamagitan ng mga gawa, nang kanyang inihandog si Isaac na kanyang anak sa ibabaw ng dambana?
22 Nakikita mo na ang pananampalataya ay gumagawang kalakip ng kanyang mga gawa, at ang pananampalataya ay naging ganap sa pamamagitan ng mga gawa.
23 Kaya't(DE) natupad ang kasulatan na nagsasabi, “Si Abraham ay sumampalataya sa Diyos, at iyo'y ibinilang sa kanya na katuwiran,” at siya'y tinawag na kaibigan ng Diyos.
24 Nakikita ninyo na ang tao'y inaaring-ganap sa pamamagitan ng mga gawa at hindi sa pamamagitan ng pananampalataya lamang.
25 Gayundin,(DF) hindi ba't si Rahab na masamang babae[x] ay inaring-ganap sa pamamagitan ng mga gawa, nang tanggapin niya ang mga sugo at pinalabas sila sa ibang daan?
26 Sapagkat kung paanong ang katawan na walang espiritu ay patay, gayundin naman ang pananampalataya na walang mga gawa ay patay.
Ang Dila
3 Mga kapatid ko, huwag maging guro ang marami sa inyo, yamang nalalaman nating hahatulan tayo ng mas mahigpit.
2 Sapagkat tayong lahat ay natitisod sa maraming bagay. Kung ang sinuman ay hindi natitisod sa pananalita, ito ay isang taong sakdal, may kakayahang pigilan ang buong katawan.
3 Kung tayo nga'y naglalagay ng mga preno sa bibig ng mga kabayo upang sumunod sila sa atin, ibinabaling natin ang kanilang buong katawan.
4 Tingnan ninyo ang mga barko: bagama't napakalalaki at itinutulak ng malalakas na hangin, gayunma'y napapabaling sa pamamagitan ng isang napakaliit na timon saanman naisin ng piloto.
5 Gayundin naman, ang dila ay isang maliit na bahagi ngunit nagyayabang ng malalaking bagay. Tingnan ninyo kung paanong sinusunog ng maliit na apoy ang malalaking gubat!
6 At ang dila'y isang apoy. Ang dila na kasama ng ating mga sangkap ay isang sanlibutan ng kasamaan. Dinudungisan nito ang buong katawan, at sinusunog ang pag-inog ng kalikasan, at ito mismo ay sinusunog ng impiyerno.[y]
7 Sapagkat ang bawat uri ng mga hayop at mga ibon, ng mga hayop na gumagapang at mga nilalang sa dagat ay mapapaamo at napapaamo na ng tao,
8 subalit ang dila ay hindi napapaamo ng tao, isang hindi napipigilang kasamaang punô ng lasong nakamamatay.
9 Sa(DG) pamamagitan nito ay pinupuri natin ang Panginoon at Ama, at sa pamamagitan nito ay nilalait natin ang mga taong ginawa ayon sa larawan ng Diyos.
10 Mula sa iisang bibig ay lumalabas ang pagpupuri at panlalait. Mga kapatid ko, hindi dapat maging ganito.
11 Ang isang bukal ba ay binubukalan ng matamis at mapait?
12 Mga kapatid ko, maaari ba na ang puno ng igos ay magbunga ng olibo, o ng mga igos ang puno ng ubas? Hindi rin maaaring daluyan ng tabang ang maalat na tubig.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001