Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Bible in 90 Days

An intensive Bible reading plan that walks through the entire Bible in 90 days.
Duration: 88 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Lucas 20:20 - Juan 5:47

Ang Katanungan tungkol sa Pagbabayad ng Buwis(A)

20 Kaya't siya'y minatyagan nila at nagsugo ng mga espiya na nagkunwaring matatapat, upang siya'y hulihin sa kanyang salita, para siya'y maibigay sa mga pinuno at awtoridad ng gobernador.

21 At kanilang tinanong siya, “Guro, nalalaman namin na ikaw ay nagsasabi at nagtuturo ng matuwid at wala kang pinapanigang tao, kundi itinuturo mo ayon sa katotohanan ang daan ng Diyos.

22 Nararapat bang kami ay magbuwis kay Cesar, o hindi?”

23 Subalit batid niya ang kanilang katusuhan at sinabi sa kanila,

24 “Ipakita ninyo sa akin ang isang denario. Kanino ang larawan at ang nakasulat dito?” At sinabi nila, “Kay Cesar.”

25 At sinabi niya sa kanila, “Kung gayo'y ibigay ninyo kay Cesar ang kay Cesar, at sa Diyos ang sa Diyos.”

26 At hindi nila nagawang hulihin siya sa kanyang salita sa harap ng mga taong-bayan. At sa pagkamangha nila sa kanyang sagot sila ay tumahimik.

Ang Muling Pagkabuhay ng mga Patay(B)

27 May(C) lumapit sa kanyang ilang Saduceo, na nagsasabing walang muling pagkabuhay.

28 At(D) kanilang tinanong siya, “Guro, isinulat ni Moises para sa amin na kung ang kapatid na lalaki ng isang tao ay mamatay, na may iniwang asawa subalit walang anak, pakakasalan ng lalaki ang balo at bibigyan ng anak ang kanyang kapatid.

29 Ngayon, mayroong pitong magkakapatid na lalaki. Nag-asawa ang panganay, at namatay na walang anak;

30 gayundin ang pangalawa;

31 at pinakasalan ng pangatlo ang babae, at namatay ang pito na pawang walang iniwang anak.

32 Pagkatapos ay namatay naman ang babae.

33 Kaya't sa muling pagkabuhay, sino ang magiging asawa ng babaing iyon sapagkat siya'y naging asawa ng pito.

34 At sinabi sa kanila ni Jesus, “Ang mga anak ng panahong ito ay nag-aasawa at pinag-aasawa,

35 subalit ang mga itinuturing na karapat-dapat makaabot sa panahong iyon at sa muling pagkabuhay mula sa mga patay, ay hindi nag-aasawa o pinag-aasawa.

36 Hindi na sila mamamatay pa, sapagkat katulad na sila ng mga anghel at sila'y mga anak ng Diyos, palibhasa'y mga anak ng muling pagkabuhay.

37 Subalit(E) ang tungkol sa muling pagkabuhay ng mga patay ay ipinakita maging ni Moises sa kasaysayan tungkol sa mababang punungkahoy, na doon ay tinawag niya ang Panginoon na Diyos ni Abraham, Diyos ni Isaac, at Diyos ni Jacob.

38 Ngunit siya'y hindi Diyos ng mga patay, kundi ng mga buháy, sapagkat sa kanya silang lahat ay nabubuhay.”

39 At ang ilan sa mga eskriba ay sumagot, “Guro, mahusay ang iyong pagsagot.”

40 Sapagkat hindi na sila nangahas magtanong pa sa kanya ng anuman.

Mga Tanong tungkol sa Anak ni David(F)

41 Kaya't sinabi niya sa kanila, “Paano nila nasasabi na ang Cristo ay anak ni David?

42 Gayong(G) si David mismo ang nagsasabi sa aklat ng Mga Awit,

‘Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon;
“Maupo ka sa aking kanan,
43     hanggang sa ang iyong mga kaaway ay gawin kong tuntungan ng iyong mga paa.”’

44 Tinatawag siya ni David na Panginoon, kaya't paanong siya'y naging anak niya?”

Ang Babala tungkol sa mga Eskriba(H)

45 At sa pandinig ng lahat ng mga tao ay sinabi niya sa kanyang mga alagad,

46 “Mag-ingat kayo sa mga eskriba na nagnanais lumakad na may mahahabang damit, at gustung-gusto ang mga pagpupugay sa mga pamilihan, ang pangunahing upuan sa mga sinagoga, at ang mga mararangal na lugar sa mga handaan.

47 Nilalamon nila ang mga bahay ng mga balo, at sa pagkukunwari ay nananalangin sila ng mahahaba. Sila ay tatanggap ng lalong malaking kahatulan.”

Ang Handog ng Babaing Balo(I)

21 Siya'y tumingala, at nakita niya ang mayayaman na naglalagay ng kanilang mga handog sa kabang-yaman.

Nakita rin niya ang isang mahirap na babaing balo na naglalagay ng dalawang kusing.

At sinabi niya, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, ang mahirap na babaing balong ito ay naglagay ng higit kaysa kanilang lahat.

Sapagkat silang lahat ay naglagay mula sa kanilang kasaganaan, samantalang siya mula sa kanyang kahirapan ay inilagay ang lahat ng kanyang kabuhayan.”

Nagsalita si Jesus tungkol sa Pagkawasak ng Templo(J)

At habang nagsasalita ang ilan tungkol sa templo, kung paanong ito'y napalamutian ng magagandang bato at ng mga handog ay kanyang sinabi,

“Tungkol sa mga bagay na ito na inyong nakikita ay darating ang mga araw na walang maiiwan dito ni isang bato sa ibabaw ng kapwa bato, na hindi ibabagsak.”

Kanilang tinanong siya, “Guro, kailan mangyayari ang mga bagay na ito? At ano ang magiging tanda kapag malapit nang mangyari ang mga bagay na ito?”

At sinabi niya, “Mag-ingat kayo na hindi kayo mailigaw, sapagkat marami ang darating sa aking pangalan, na magsasabi, ‘Ako siya!’ at, ‘Malapit na ang panahon!’ Huwag kayong sumunod sa kanila.

At kapag kayo'y nakarinig ng mga digmaan at mga kaguluhan, huwag kayong matakot. Sapagkat kailangang mangyari muna ang mga bagay na ito, subalit hindi pa ito ang wakas.”

10 Pagkatapos ay sinabi niya sa kanila, “Babangon ang isang bansa laban sa bansa at ang isang kaharian laban sa kaharian.

11 Magkakaroon ng malalakas na lindol, at sa iba't ibang dako ay magkakaroon ng taggutom at mga salot, at magkakaroon ng mga bagay na kakilakilabot, at ng mga dakilang tanda mula sa langit.

12 Subalit bago mangyari ang lahat ng mga bagay na ito ay pagbubuhatan nila kayo ng kanilang mga kamay at uusigin. Dadalhin kayo sa mga sinagoga, sa mga bilangguan at ihaharap kayo sa mga hari at mga gobernador dahil sa aking pangalan.

13 Ito ay magiging pagkakataon upang kayo ay magpatotoo.

14 Ipasiya(K) ninyo sa inyong mga puso na huwag humanda na ipagtanggol ang sarili,

15 sapagkat bibigyan ko kayo ng salita at karunungan na hindi malalabanan o matututulan man ng lahat ng sumasalungat sa inyo.

16 Kayo'y ipagkakanulo maging ng mga magulang at mga kapatid, mga kamag-anak at mga kaibigan, at ipapapatay nila ang iba sa inyo.

17 Kayo'y kapopootan ng lahat ng mga tao dahil sa aking pangalan.

18 Subalit hindi mawawala sa anumang paraan kahit isang buhok ng inyong ulo.

19 Sa inyong pagtitiis ay makakamit ninyo ang inyong mga kaluluwa.

Nagsalita si Jesus tungkol sa Pagbagsak ng Jerusalem(L)

20 “Subalit kapag nakita ninyong pinaliligiran ng mga hukbo ang Jerusalem, alamin nga ninyo na ang kanyang pagkawasak ay malapit na.

21 Kaya't ang mga nasa Judea ay dapat tumakas patungo sa mga bundok; at ang mga nasa loob ng lunsod ay lumabas, at ang mga nasa labas ng lupain ay huwag pumasok doon;

22 sapagkat(M) ito ang mga araw ng paghihiganti, upang matupad ang lahat ng mga bagay na nasusulat.

23 Kahabag-habag ang mga buntis at ang mga nagpapasuso sa mga araw na iyon! Sapagkat magkakaroon ng malaking pagdurusa sa ibabaw ng lupa at poot laban sa sambayanang ito.

24 Sila'y mabubuwal sa pamamagitan ng talim ng tabak at dadalhing bihag sa lahat ng mga bansa. Yuyurakan ang Jerusalem ng mga Hentil, hanggang sa matupad ang mga panahon ng mga Hentil.

Ang Pagdating ng Anak ng Tao(N)

25 “At(O) magkakaroon ng mga tanda sa araw, at buwan, at mga bituin, at sa lupa'y magkakaroon ng kahirapan sa mga bansa, na nalilito dahil sa ugong ng dagat at mga daluyong.

26 Ang mga tao ay manlulupaypay dahil sa takot, at mangangamba sa mga bagay na darating sa daigdig, sapagkat ang mga kapangyarihan sa mga langit ay mayayanig.

27 Pagkatapos(P) ay makikita nila ang Anak ng Tao na dumarating na nasa isang ulap na may kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian.

28 Kapag nagsimulang mangyari ang mga bagay na ito, tumingala kayo at itaas ninyo ang inyong mga ulo, sapagkat malapit na ang katubusan ninyo.”

Ang Aral tungkol sa Puno ng Igos(Q)

29 At isinalaysay niya sa kanila ang isang talinghaga: “Masdan ninyo ang puno ng igos at ang lahat ng mga punungkahoy;

30 kapag mayroon na silang mga dahon ay nakikita mismo ninyo at nalalaman na malapit na ang tag-araw.

31 Gayundin naman kayo, kapag nakita ninyong nangyayari ang mga bagay na ito, nalalaman ninyo na malapit na ang kaharian ng Diyos.

32 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, hindi lilipas ang salinlahing ito, hanggang sa maganap ang lahat ng mga bagay.

33 Ang langit at ang lupa ay lilipas, subalit ang aking salita ay hindi lilipas.

Kailangang Magbantay

34 “Subalit mag-ingat kayo sa inyong sarili, baka magumon ang inyong mga puso sa katakawan, at kalasingan, at sa mga alalahanin ukol sa buhay na ito, at biglang dumating ang araw na iyon na parang bitag.

35 Sapagkat ito ay darating sa lahat ng nabubuhay sa ibabaw ng lupa.

36 Subalit maging handa kayo sa bawat panahon, na nananalanging magkaroon kayo ng lakas upang makatakas sa lahat ng mga bagay na ito na mangyayari, at upang makatayo kayo sa harapan ng Anak ng Tao.”

37 Araw-araw(R) ay nagtuturo siya sa templo; subalit sa gabi ay lumalabas siya at ginugugol ang magdamag sa bundok na tinatawag na Olibo.

38 At lahat ng mga tao ay maagang pumaparoon sa kanya sa templo upang pakinggan siya.

Ang Pakana Laban kay Jesus(S)

22 Ang(T) pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa, na tinatawag na Paskuwa, ay papalapit na.

Naghahanap ng paraan ang mga punong pari at ang mga eskriba kung paano nila maipapapatay si Jesus[a] sapagkat natatakot sila sa mga tao.

Sumang-ayon si Judas na Ipagkanulo si Jesus(U)

Pumasok si Satanas kay Judas, na tinatawag na Iscariote, na isa sa labindalawa.

Siya'y umalis at nakipag-usap sa mga punong pari at mga punong-kawal kung paanong kanyang maipagkakanulo siya sa kanila.

At sila'y natuwa at nagkasundong bigyan siya ng salapi.

Kaya't pumayag siya at humanap ng tamang pagkakataon upang kanyang maipagkanulo siya sa kanila na hindi kaharap ang maraming tao.

Ang Paghahanda para sa Paskuwa(V)

Dumating ang araw ng Tinapay na Walang Pampaalsa, na noon ay kailangang ihandog ang kordero ng Paskuwa.

Kaya't isinugo ni Jesus[b] sina Pedro at Juan, na sinasabi, “Humayo kayo at ihanda ninyo ang paskuwa para sa atin, upang ating kainin ito.”

At kanilang sinabi sa kanya, “Saan mo gustong ihanda namin ito?”

10 At kanyang sinabi sa kanila, “Narito, pagpasok ninyo sa lunsod ay sasalubungin kayo ng isang lalaki na may dalang isang bangang tubig. Sundan ninyo siya hanggang sa bahay na kanyang papasukan.

11 At sabihin ninyo sa may-ari ng bahay, ‘Sinasabi ng Guro sa iyo, “Saan ang silid para sa panauhin na doon ay aking kakainin ang Paskuwa na kasalo ng aking mga alagad?”’

12 Ituturo niya sa inyo ang isang malaking silid sa itaas na may mga kagamitan. Doon kayo maghanda.”

13 At humayo sila, at natagpuan ito ayon sa sinabi niya sa kanila, at inihanda nila ang Paskuwa.

Ang Hapunan ng Panginoon(W)

14 Nang dumating ang oras ay naupo siya sa hapag, at ang mga apostol ay kasama niya.

15 Sinabi niya sa kanila, “Pinakahahangad kong kainin na kasalo kayo ang kordero ng Paskuwang ito bago ako magdusa,

16 sapagkat sinasabi ko sa inyo, ito'y hindi ko kakainin[c] hanggang sa ito'y ganapin sa kaharian ng Diyos.”

17 At siya'y tumanggap ng isang kopa at nang siya'y makapagpasalamat, sinabi niya, “Kunin ninyo ito, at inyong paghati-hatian.

18 Sapagkat sinasabi ko sa inyo, na mula ngayon ay hindi na ako iinom ng katas ng ubas, hanggang sa dumating ang kaharian ng Diyos.”

19 At siya'y dumampot ng tinapay, at nang siya'y makapagpasalamat, kanyang pinagputul-putol, at ibinigay sa kanila, na sinasabi, “Ito'y aking katawan na ibinibigay dahil sa inyo. Gawin ninyo ito sa pag-aalaala sa akin.”

20 Gayundin(X) naman ang kopa, pagkatapos ng hapunan, na sinasabi, “Ang kopang ito na nabubuhos nang dahil sa inyo ay ang bagong tipan sa aking dugo.[d]

21 Subalit(Y) tingnan ninyo, ang nagkakanulo sa akin ay kasama ko, at ang kamay niya ay nasa hapag.

22 Sapagkat ang Anak ng Tao ay patungo ayon sa itinakda, subalit kahabag-habag ang taong nagkakanulo sa kanya!”

23 At sila'y nagsimulang magtanungan sa isa't isa, kung sino sa kanila ang gagawa nito.

Ang Pagtatalu-talo tungkol sa Kadakilaan

24 Nagkaroon(Z) ng isang pagtatalu-talo sa gitna nila, kung sino kaya sa kanila ang ituturing na pinakadakila.

25 At(AA) kanyang sinabi sa kanila, “Ang mga hari ng mga Hentil ay nagpapapanginoon sa kanila; at ang mga may awtoridad sa kanila'y tinatawag na mga tagapagpala.

26 Subalit(AB) sa inyo'y hindi gayon. Sa halip, ang pinakadakila sa inyo ang maging pinakabata at ang pinuno ang siyang naglilingkod.

27 Sapagkat(AC) alin ang higit na dakila, ang nakaupo ba sa hapag, o ang naglilingkod? Hindi ba ang nakaupo sa hapag? Subalit ako'y kasama ninyo na gaya ng isang naglilingkod.

28 “Kayo'y yaong patuloy na kasama ko sa mga pagsubok sa akin.

29 At inilalaan ko sa inyo kung paanong ang Ama ay naglaan para sa akin ng isang kaharian,

30 upang(AD) kayo'y kumain at uminom sa aking hapag sa kaharian ko, at kayo'y umupo sa mga trono, na hinuhukuman ang labindalawang lipi ni Israel.”

Sinabi ni Jesus ang Pagkakaila ni Pedro(AE)

31 “Simon, Simon, narito, hiningi ni Satanas na ligligin kayo gaya ng trigo,

32 subalit ako ay nanalangin para sa iyo upang ang iyong pananampalataya ay huwag mawala; kung makabalik ka nang muli, ay palakasin mo ang iyong mga kapatid.”

33 At sinabi niya sa kanya, “Panginoon, handa akong sumama sa iyo sa bilangguan at sa kamatayan.”

34 Sinabi ni Jesus,[e] “Sinasabi ko sa iyo, Pedro, ang manok ay hindi titilaok sa araw na ito hanggang hindi mo ako naipagkakaila ng tatlong ulit.”

Walang Supot, Pagkain, Sandalyas

35 At(AF) sinabi niya sa kanila, “Nang kayo'y suguin ko na walang supot ng salapi, o supot ng pagkain, at mga sandalyas, kinulang ba kayo ng anuman?” At kanilang sinabi, “Hindi.”

36 Sinabi niya sa kanila, “Ngunit ngayon, ang mayroong supot ng salapi ay dalhin ito, at gayundin ang supot ng pagkain. At ang walang tabak ay ipagbili niya ang kanyang balabal, at bumili ng isang tabak.

37 Sapagkat(AG) sinasabi ko sa inyo na ang kasulatang ito ay kailangang matupad sa akin, ‘At ibinilang siya sa mga suwail’; sapagkat ang nasusulat tungkol sa akin ay natutupad.”

38 At sinabi nila, “Panginoon, tingnan ninyo, narito ang dalawang tabak.” Sinabi naman niya sa kanila, “Tama na iyan.”

Nanalangin si Jesus sa Bundok ng mga Olibo(AH)

39 At siya'y lumabas at pumaroon, gaya ng kanyang nakaugalian, sa bundok ng mga Olibo at sumunod naman sa kanya ang mga alagad.

40 Nang siya'y dumating sa pook na iyon, ay sinabi niya sa kanila, “Manalangin kayo upang hindi kayo pumasok sa panahon ng pagsubok.”[f]

41 Siya'y humiwalay sa kanila na may agwat na isang pukol ng bato. Siya'y lumuhod at nanalangin,

42 “Ama, kung ibig mo, ilayo mo sa akin ang kopang ito; gayunma'y huwag ang kalooban ko ang mangyari kundi ang sa iyo.”

[43 Nagpakita sa kanya ang isang anghel na mula sa langit na nagpalakas sa kanya.

44 Sa kanyang matinding paghihirap ay nanalangin siya ng higit na taimtim, at ang kanyang pawis ay naging gaya ng malalaking patak ng dugo na tumutulo sa lupa.]

45 Pagtayo niya mula sa pananalangin, lumapit siya sa mga alagad at naratnan silang natutulog dahil sa kalungkutan,

46 at sinabi sa kanila, “Bakit kayo natutulog? Bumangon kayo at manalangin, upang hindi kayo pumasok sa tukso.”

Ang Pagdakip kay Jesus(AI)

47 Samantalang nagsasalita pa siya, dumating ang maraming tao, at ang lalaking tinatawag na Judas, na isa sa labindalawa ay nangunguna sa kanila. Siya'y lumapit kay Jesus upang ito'y hagkan;

48 subalit sinabi ni Jesus sa kanya, “Judas, ipinagkakanulo mo ba ang Anak ng Tao sa pamamagitan ng isang halik?”

49 Nang makita ng mga kasama niya ang mangyayari ay kanilang sinabi, “Panginoon, mananaga ba kami sa pamamagitan ng tabak?”

50 At tinaga ng isa sa kanila ang alipin ng pinakapunong pari at tinagpas ang kanang tainga nito.

51 At sumagot si Jesus, “Tigil! Tama na!” At hinawakan niya ang tainga at pinagaling siya.

52 Pagkatapos ay sinabi ni Jesus sa mga punong pari, sa mga punong-kawal sa templo, at sa matatanda, na dumating laban sa kanya, “Kayo ba'y lumabas na parang laban sa isang tulisan, na may mga tabak at mga panghampas?

53 Nang(AJ) ako'y kasama ninyo sa templo araw-araw, hindi ninyo binuhat ang inyong mga kamay laban sa akin. Subalit ito ang inyong oras, at ng kapangyarihan ng kadiliman.”

Ipinagkaila ni Pedro si Jesus(AK)

54 At kanilang dinakip siya, inilayo, at dinala sa bahay ng pinakapunong pari. Si Pedro ay sumunod mula sa malayo.

55 At nang makapagpaningas sila ng apoy sa gitna ng patyo at makaupong magkakasama, si Pedro ay nakiupong kasama nila.

56 Samantalang siya'y nakaupo sa liwanag ng apoy, nakita siya ng isang alilang babae, tumitig sa kanya at nagsabi, “Ang taong ito ay kasama rin niya.”

57 Subalit itinanggi niya ito at sinabi, “Babae, hindi ko siya nakikilala.”

58 Pagkaraan ng isang sandali ay nakita siya ng isa pa at sinabi, “Ikaw ay isa rin sa kanila.” Subalit sinabi ni Pedro, “Ginoo, hindi ako.”

59 Nang makaraan ang may isang oras, may isa pa na nagpipilit na nagsasabi, “Tiyak na ang taong ito'y kasama rin niya, sapagkat siya'y taga-Galilea.”

60 Subalit sinabi ni Pedro, “Ginoo, hindi ko nalalaman ang sinasabi mo.” At kaagad, samantalang siya'y nagsasalita pa, tumilaok ang isang manok.

61 Lumingon ang Panginoon at tumingin kay Pedro. At naalala ni Pedro ang salita ng Panginoon, kung paanong sinabi niya sa kanya, “Bago tumilaok ang manok ngayon, ay ipagkakaila mo ako ng tatlong ulit.”

62 At siya'y lumabas, at umiyak nang buong pait.

Nilibak at Hinampas si Jesus(AL)

63 Nilibak at hinampas si Jesus ng mga lalaking nagbabantay sa kanya.

64 Siya'y piniringan din nila at pinagtatanong, “Hulaan mo! Sino ang humampas sa iyo?”

65 Nagsalita pa sila ng maraming mga panlalait laban sa kanya.

Si Jesus sa Harapan ng Sanhedrin(AM)

66 Nang mag-umaga na, nagkatipon ang kapulungan ng matatanda sa bayan, ang mga punong pari, at gayundin ang mga eskriba. Kanilang dinala siya sa kanilang Sanhedrin, at sinabi nila,

67 “Kung ikaw ang Cristo, sabihin mo sa amin.” Subalit sinabi niya sa kanila, “Kung sasabihin ko sa inyo, hindi ninyo ako paniniwalaan;

68 at kung kayo'y aking tanungin ay hindi kayo sasagot.

69 Ngunit magmula ngayon ang Anak ng Tao ay mauupo sa kanan ng kapangyarihan ng Diyos.”

70 Sinabi nilang lahat, “Kung gayo'y ikaw ba ang Anak ng Diyos?” At sinabi niya sa kanila, “Kayo ang nagsasabi na ako nga.”

71 Sinabi nila, “Kailangan pa ba natin ng saksi? Tayo na mismo ang nakarinig mula sa kanyang bibig.”

Si Jesus sa Harapan ni Pilato(AN)

23 Tumindig ang buong karamihan at dinala si Jesus[g] sa harap ni Pilato.

Nagsimula silang ipagsakdal siya na sinasabi, “Natagpuan namin ang taong ito na inililigaw ang aming bansa, at pinagbabawalan kaming magbuwis kay Cesar, at sinasabi na siya mismo ang Cristo, ang hari.”

At tinanong siya ni Pilato, “Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?” Sumagot siya at sinabi, “Ikaw ang nagsasabi.”

Sinabi ni Pilato sa mga punong pari at sa mga tao, “Wala akong makitang kasalanan sa taong ito.”

Subalit sila'y lalong nagpipilit na sinasabi, “Ginugulo niya ang sambayanan at nagtuturo sa buong Judea, magbuhat sa Galilea hanggang sa dakong ito.”

Si Jesus sa Harapan ni Herodes

Nang marinig ito ni Pilato, itinanong niya kung ang taong iyon ay taga-Galilea.

At nang kanyang malaman na siya'y sakop ni Herodes, kanyang ipinadala siya kay Herodes, na nang panahong iyon ay nasa Jerusalem din.

Nang makita ni Herodes si Jesus, siya ay tuwang-tuwa, sapagkat matagal na niyang nais na makita siya sapagkat nakabalita siya ng tungkol sa kanya; at siya'y umaasang makakita ng ilang himalang ginawa niya.

Kaya't kanyang tinanong siya ng matagal subalit si Jesus ay hindi sumagot ng anuman.

10 Ang mga punong pari at ang mga eskriba ay nanatili, at marahas siyang pinagbibintangan.

11 At hinamak siya at nilibak ni Herodes at ng mga kawal na kasama niya. Sinuotan siya ng maringal na damit at ibinalik kay Pilato.

12 Nang araw ding iyon ay naging magkaibigan si Herodes at si Pilato sa isa't isa; sapagkat sila'y dating magkagalit.

Si Jesus ay Hinatulang Mamatay(AO)

13 Tinipon ni Pilato ang mga punong pari, ang mga pinuno at ang mga taong-bayan,

14 at sinabi sa kanila, “Dinala ninyo sa akin ang taong ito na gaya ng isang nag-uudyok na maghimagsik ang bayan. At narito, nang aking siyasatin siya sa harapan ninyo, hindi ko nakitang nagkasala ang taong ito ng alinman sa mga bagay na ibinibintang ninyo laban sa kanya.

15 Maging si Herodes man, sapagkat kanyang ibinalik siya sa atin at tingnan ninyo, wala siyang ginawang anumang nararapat sa kamatayan.

16 Kaya't siya'y aking ipapahagupit at palalayain.”[h]

18 Subalit silang lahat ay sama-samang sumigaw, “Alisin ang taong ito, palayain si Barabas para sa amin.”

19 Ito'y isang taong nabilanggo dahil sa isang paghihimagsik na nangyari sa lunsod, at dahil sa pagpatay ng tao.

20 Si Pilato'y muling nagsalita sa kanila sa kagustuhang palayain si Jesus.

21 Subalit sila'y nagsigawan, “Ipako sa krus, ipako siya sa krus.”

22 Sa ikatlong pagkakataon ay kanyang sinabi sa kanila, “Bakit, anong kasamaan ang ginawa ng taong ito? Wala akong nakitang anumang batayan para sa parusang kamatayan. Kaya't siya'y aking ipapahagupit at saka palalayain.”

23 Subalit pinipilit nilang hingin na ipinagsisigawan na siya'y ipako sa krus. At nanaig ang kanilang mga tinig.

24 At ipinasiya ni Pilato na ipagkaloob ang kanilang hinihingi.

25 Pinalaya niya ang taong kanilang hinihiling, ang taong ibinilanggo dahil sa paghihimagsik at sa pagpatay, subalit kanyang ibinigay si Jesus gaya ng nais nila.

Ipinako si Jesus(AP)

26 Habang kanilang dinadala siyang papalayo, hinuli nila si Simon na taga-Cirene na nanggaling sa bukid, at ipinasan sa kanya ang krus upang dalhin kasunod ni Jesus.

27 Siya'y sinundan ng napakaraming tao, at ng mga babaing nagdadalamhati at nag-iiyakan para sa kanya.

28 Subalit humarap sa kanila si Jesus at sinabi, “Mga anak na babae ng Jerusalem, huwag ninyo akong iyakan, kundi iyakan ninyo ang inyong mga sarili at ang inyong mga anak.

29 Sapagkat narito, darating ang mga araw, na kanilang sasabihin, ‘Mapapalad ang mga baog, at ang mga tiyan na kailanma'y hindi nagdalang-tao, at ang mga dibdib na kailanman ay hindi nagpasuso!’

30 At(AQ) sila'y magpapasimulang magsalita sa mga bundok, ‘Bumagsak kayo sa amin,’ at sa mga burol, ‘Takpan ninyo kami.’

31 Sapagkat kung ginagawa nila ang mga bagay na ito kapag ang punungkahoy ay sariwa, anong mangyayari kapag ito ay tuyo?

32 Dinala rin upang pataying kasama niya ang dalawang kriminal.

33 Nang dumating sila sa lugar na tinatawag na Bungo, kanilang ipinako siya sa krus, kasama ng mga kriminal, isa sa kanyang kanan at isa sa kanyang kaliwa.

34 [Sinabi(AR) ni Jesus, “Ama, patawarin mo sila, sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.”] At sila ay nagpalabunutan upang paghatian ang kanyang damit.

35 Nakatayong(AS) nanonood ang taong-bayan. Subalit tinutuya naman siya ng mga pinuno, na sinasabi, “Iniligtas niya ang iba, iligtas niya ang kanyang sarili kung siya ang Cristo ng Diyos, ang Pinili.”

36 Nililibak(AT) din siya ng mga kawal na lumapit sa kanya, at inalok siya ng suka,

37 at sinasabi, “Kung ikaw ang Hari ng mga Judio, iligtas mo ang iyong sarili!”

38 Mayroon ding nakasulat na pamagat sa itaas niya, “Ito'y ang Hari ng mga Judio.”

39 Patuloy siyang pinagtawanan[i] ng isa sa mga kriminal na ipinako, na nagsasabi, “Hindi ba ikaw ang Cristo? Iligtas mo ang iyong sarili at kami!”

40 Subalit sinaway siya ng isa, at sa kanya'y sinabi, “Hindi ka pa ba natatakot sa Diyos, yamang ikaw ay nasa gayunding hatol ng kaparusahan?

41 Tayo ay nahatulan ng matuwid, sapagkat tinanggap natin ang nararapat na kabayaran sa ating mga gawa. Subalit ang taong ito'y hindi gumawa ng anumang masama.”

42 Sinabi niya, “Jesus, alalahanin mo ako, pagdating mo sa iyong kaharian.”

43 At sumagot siya, “Katotohanang sinasabi ko sa iyo, ngayon ikaw ay makakasama ko sa Paraiso.”

Ang Kamatayan ni Jesus(AU)

44 Nang magtatanghaling-tapat na, nagdilim sa ibabaw ng buong lupain hanggang sa ikatlo ng hapon,

45 habang(AV) madilim ang araw; at napunit sa gitna ang tabing ng templo.

46 Si(AW) Jesus ay sumigaw ng malakas at nagsabi, “Ama, sa mga kamay mo ay inihahabilin ko ang aking espiritu.” At pagkasabi nito ay nalagot ang kanyang hininga.

47 Nang makita ng senturion ang nangyari, pinuri niya ang Diyos at sinabi, “Tunay na ito'y isang taong matuwid.”

48 At ang lahat ng mga taong nagkatipon upang makita ang panoorin, nang makita nila ang mga bagay na nangyari ay umuwing dinadagukan ang kanilang mga dibdib.

49 At(AX) ang lahat ng mga kakilala niya at ang mga babaing sa kanya'y sumunod buhat sa Galilea ay nakatayo sa malayo at nakita ang mga bagay na ito.

Ang Paglilibing kay Jesus(AY)

50 Mayroong isang mabuti at matuwid na lalaking ang pangalan ay Jose, na bagaman kaanib ng sanggunian,

51 ay hindi sang-ayon sa kanilang panukala at gawa. Siya'y mula sa Arimatea, isang bayan ng mga Judio, at siya'y naghihintay sa kaharian ng Diyos.

52 Ang taong ito'y lumapit kay Pilato at hiningi ang bangkay ni Jesus.

53 At ito'y ibinaba niya, binalot ng isang telang lino, at inilagay sa isang libingang hinukay sa bato, na doo'y wala pang naililibing.

54 Noo'y araw ng Paghahanda, at malapit na ang Sabbath.

55 Ang mga babae na sumama sa kanya mula sa Galilea ay sumunod at tiningnan ang libingan at kung paano inilagay ang kanyang bangkay.

56 Sila'y(AZ) umuwi at naghanda ng mga pabango at mga panghaplos. At nang araw ng Sabbath sila'y nagpahinga ayon sa kautusan.

Nabuhay Muli si Jesus(BA)

24 Subalit nang unang araw ng sanlinggo sa pagbubukang-liwayway, pumunta sila sa libingan, dala ang mga pabango na kanilang inihanda.

At nakita nilang naigulong na ang bato mula sa libingan.

Subalit nang sila'y pumasok ay hindi nila nakita ang bangkay.[j]

Habang sila'y nagtataka tungkol dito, biglang may dalawang lalaki na nakasisilaw ang mga damit ang tumayo sa tabi nila.

Ang mga babae ay natakot at isinubsob ang kanilang mga mukha sa lupa, subalit sinabi ng mga lalaki sa kanila, “Bakit ninyo hinahanap ang buháy sa gitna ng mga patay?

Wala(BB) siya rito, kundi muling nabuhay. Alalahanin ninyo kung paanong siya ay nagsalita sa inyo noong siya'y nasa Galilea pa,

na ang Anak ng Tao ay kailangang ibigay sa mga kamay ng mga makasalanan, at ipako sa krus, at muling mabuhay sa ikatlong araw.”

At naalala nila ang kanyang mga salita,

at pagbabalik mula sa libingan, ibinalita nila ang lahat ng mga bagay na ito sa labing-isa, at sa lahat ng iba pa.

10 Ang nagbalita ng mga bagay na ito sa mga apostol ay sina Maria Magdalena, Juana, Maria na ina ni Santiago, at iba pang mga babaing kasama nila.

11 Subalit ang mga salitang ito'y inakala nilang walang kabuluhan at hindi nila pinaniwalaan.

[12 Subalit tumayo si Pedro at tumakbo sa libingan. Siya'y yumukod at pagtingin niya sa loob ay nakita niya ang mga telang lino na nasa isang tabi. Umuwi siya sa kanyang bahay na nagtataka sa nangyari.]

Ang Paglalakad Patungong Emaus(BC)

13 Nang araw ding iyon, dalawa sa kanila ang patungo sa isang nayong tinatawag na Emaus, na may animnapung estadia[k] ang layo sa Jerusalem,

14 at pinag-uusapan nila ang tungkol sa lahat ng mga bagay na ito na nangyari.

15 Samantalang sila'y nag-uusap at nagtatanungan, si Jesus mismo ay lumapit at naglakbay na kasama nila.

16 Subalit ang kanilang mga mata ay hindi pinahihintulutan na makilala siya.

17 At sinabi niya sa kanila, “Ano ba ang inyong pinag-uusapan sa inyong paglalakad?” At sila'y tumigil na nalulungkot.

18 Isa sa kanila, na ang pangalan ay Cleopas, ang sumagot sa kanya, “Ikaw lang ba ang tanging dayuhan sa Jerusalem na hindi nakakaalam ng mga bagay na nangyari sa mga araw na ito?”

19 Sinabi niya sa kanila, “Anong mga bagay?” At sinabi nila sa kanya, “Tungkol kay Jesus na taga-Nazaret, na isang propetang makapangyarihan sa gawa at sa salita sa harap ng Diyos at ng buong sambayanan,

20 at kung paanong siya ay ibinigay ng mga punong pari at ng mga pinuno upang hatulan ng kamatayan, at siya'y ipinako sa krus.

21 Subalit umasa kami na siya ang tutubos sa Israel.[l] Oo, at bukod sa lahat ng mga ito, ngayon ang ikatlong araw buhat nang mangyari ang mga bagay na ito.

22 Bukod dito, binigla kami ng ilan sa mga babaing kasamahan namin. Sila ay maagang pumunta sa libingan,

23 at nang hindi nila matagpuan ang kanyang bangkay, sila ay bumalik. Sinabi nilang sila ay nakakita ng isang pangitain ng mga anghel na nagsabing siya'y buháy.

24 Pumaroon sa libingan ang ilang kasama namin at nakita nila ang ayon sa sinabi ng mga babae, subalit siya'y hindi nila nakita.”

25 At sinabi niya sa kanila, “O napakahangal naman ninyo at napakakupad ang mga puso sa pagsampalataya sa lahat ng ipinahayag ng mga propeta!

26 Hindi ba kailangang ang Cristo ay magdusa ng mga bagay na ito at pagkatapos ay pumasok sa kanyang kaluwalhatian?”

27 At magmula kay Moises at sa mga propeta ay ipinaliwanag niya sa kanila ang mga bagay tungkol sa kanya sa lahat ng mga kasulatan.

28 Nang sila'y malapit na sa nayong kanilang paroroonan, nauna siya na parang magpapatuloy pa.

29 Subalit kanilang pinigil siya at sinabi, “Tumuloy ka sa amin, sapagkat gumagabi na, at lumulubog na ang araw.” At pumasok siya upang tumuloy sa kanila.

30 Habang siya'y nakaupong kasalo nila sa hapag, kanyang dinampot ang tinapay at binasbasan. Ito'y kanyang pinagputul-putol at ibinigay sa kanila.

31 Nabuksan ang kanilang mga mata, siya'y nakilala nila, at siya'y nawala sa kanilang mga paningin.

32 Sinabi nila sa isa't isa, “Hindi ba nag-aalab ang ating puso sa loob natin,[m] habang tayo'y kinakausap niya sa daan, samantalang binubuksan niya sa atin ang mga kasulatan?”

33 Sa oras ding iyon ay tumayo sila at bumalik sa Jerusalem at naratnang nagkakatipon ang labing-isa at ang kanilang mga kasama.

34 Sinasabi nila, “Talagang bumangon ang Panginoon at nagpakita kay Simon!”

35 At isinalaysay nila ang mga bagay na nangyari sa daan at kung paanong siya'y nakilala nila nang pagputul-putulin niya ang tinapay.

Nagpakita si Jesus sa Kanyang mga Alagad(BD)

36 Samantalang kanilang pinag-uusapan ang mga bagay na ito, si Jesus[n] ay tumayo sa gitna nila at sinabi sa kanila, “Sumainyo ang kapayapaan.”[o]

37 Subalit sila'y kinilabutan at natakot at inakala nila na nakakakita sila ng isang espiritu.

38 Sinabi niya sa kanila, “Bakit kayo'y natatakot at bakit may pag-aalinlangan sa inyong puso?

39 Tingnan ninyo ang aking mga kamay at mga paa, sapagkat ako nga ito. Hipuin ninyo ako, at tingnan, sapagkat ang isang espiritu'y walang laman at mga buto, na gaya ng inyong nakikita na nasa akin.”

[40 Pagkasabi niya nito ay ipinakita niya sa kanila ang kanyang mga kamay at mga paa.]

41 Samantalang nasa kanilang kagalakan ay hindi pa sila naniniwala at nagtataka, sinabi niya sa kanila, “Mayroon ba kayo ritong anumang makakain?”

42 At kanilang binigyan siya ng isang pirasong inihaw na isda.

43 Kanyang kinuha iyon at kumain sa harapan nila.

44 Pagkatapos ay sinabi niya sa kanila, “Ito ang aking mga salitang sinabi ko sa inyo, noong ako'y kasama pa ninyo, na kailangang matupad ang lahat ng mga bagay na nakasulat tungkol sa akin sa kautusan ni Moises, sa mga propeta, at sa mga awit.”

45 At binuksan niya ang kanilang mga pag-iisip upang maunawaan nila ang mga kasulatan.

46 Sinabi niya sa kanila, “Ganyan ang nasusulat, na kailangang magdusa ang Cristo at muling mabuhay mula sa mga patay sa ikatlong araw;

47 at ipangaral ang pagsisisi at pagpapatawad ng mga kasalanan sa kanyang pangalan sa lahat ng mga bansa, mula sa Jerusalem.

48 Kayo'y mga saksi ng mga bagay na ito.

49 At(BE) tingnan ninyo, ipapadala ko sa inyo ang pangako ng aking Ama, subalit manatili kayo sa lunsod, hanggang sa mabihisan kayo ng kapangyarihang galing sa itaas.”

Dinalang Paitaas sa Langit si Jesus(BF)

50 Kanyang(BG) inilabas sila hanggang sa tapat ng Betania at nang maitaas niya ang kanyang mga kamay, sila'y kanyang binasbasan.

51 At habang binabasbasan niya sila, kanyang iniwan sila [at dinala siya paitaas sa langit].

52 Siya'y sinamba nila at bumalik sila sa Jerusalem na may malaking kagalakan.

53 At sila'y palaging nasa templo na nagpupuri sa Diyos.[p]

Ang Salita ng Buhay

Sa simula ay ang Salita, at ang Salita ay kasama ng Diyos, at ang Salita ay Diyos.

Sa simula ay kasama na siya ng Diyos.

Lahat ng mga bagay ay ginawa sa pamamagitan niya at kung wala siya ay hindi nagawa ang anumang bagay na ginawa.

Nasa sa kanya ang buhay at ang buhay ay siyang ilaw ng mga tao.

Ang ilaw ay lumiliwanag sa kadiliman; at ito'y hindi nagapi ng kadiliman.

Mayroong(BH) isang tao na isinugo mula sa Diyos na ang pangalan ay Juan.

Siya ay dumating bilang saksi, upang magpatotoo tungkol sa ilaw, upang sa pamamagitan niya'y sumampalataya ang lahat.

Hindi siya ang ilaw, kundi dumating siya upang magpatotoo tungkol sa ilaw.

Siya ang tunay na ilaw na tumatanglaw sa bawat dumarating sa sanlibutan.

10 Siya noon ay nasa sanlibutan at ang sanlibutan ay ginawa sa pamamagitan niya, gayunma'y hindi siya nakilala ng sanlibutan.

11 Siya'y naparito sa kanyang sariling tahanan at siya'y hindi tinanggap ng kanyang sariling bayan.

12 Subalit ang lahat ng tumanggap sa kanya na sumasampalataya sa kanyang pangalan ay kanyang pinagkalooban sila ng karapatan na maging mga anak ng Diyos,

13 na ipinanganak hindi sa dugo, o sa kalooban ng laman, o sa kalooban ng tao, kundi ng Diyos.

14 At naging tao[q] ang Salita at tumahang kasama namin, at nakita namin ang kanyang kaluwalhatian, kaluwalhatiang gaya ng sa tanging Anak ng Ama, puspos ng biyaya at katotohanan.

15 Nagpatotoo si Juan tungkol sa kanya at sumigaw, “Siya yaong aking sinasabi, ‘Ang dumarating na kasunod ko ay naging una sa akin sapagkat siya'y nauna sa akin.’”

16 At mula sa kanyang kapuspusan ay tumanggap tayong lahat, biyaya na sinundan pa ng ibang biyaya.

17 Sapagkat ibinigay sa pamamagitan ni Moises ang kautusan; ang biyaya at ang katotohanan ay dumating sa pamamagitan ni Jesu-Cristo.

18 Walang sinumang nakakita kailanman sa Diyos. Ang Diyos na tanging Anak[r] na nasa kandungan ng Ama ang nagpakilala sa kanya.

Ang Patotoo ni Juan na Tagapagbautismo(BI)

19 Ito ang patotoo ni Juan nang suguin ng mga Judio ang mga pari at mga Levita mula sa Jerusalem upang siya'y tanungin, “Sino ka ba?”

20 Siya'y nagpahayag at hindi ikinaila kundi sinabing, “Hindi ako ang Cristo.”

21 Siya'y(BJ) kanilang tinanong, “Kung gayo'y, ikaw ba si Elias?” At sinabi niya, “Hindi ako.” “Ikaw ba ang propeta?” At siya'y sumagot, “Hindi.”

22 Sinabi nila sa kanya, “Sino ka ba? Bigyan mo kami ng isasagot sa mga nagsugo sa amin. Ano ang masasabi mo tungkol sa iyong sarili?”

23 Sinabi(BK) niya, “Ako ang tinig ng isang sumisigaw sa ilang na lugar, ‘Tuwirin ninyo ang daan ng Panginoon, gaya ng sinabi ng propeta Isaias.’”

24 Sila'y mga sugo buhat sa mga Fariseo.

25 Siya'y tinanong nila, “Kung gayo'y bakit ka nagbabautismo, kung hindi ikaw ang Cristo, o si Elias, o ang propeta?”

26 Sila'y sinagot ni Juan, “Ako'y nagbabautismo sa tubig; sa gitna ninyo'y may isang nakatayo na hindi ninyo kilala,

27 na pumaparitong kasunod ko at hindi ako karapat-dapat magkalag ng panali ng kanyang sandalyas.”

28 Ang mga bagay na ito'y nangyari sa Betania, sa kabilang ibayo ng Jordan, na pinagbabautismuhan ni Juan.

Ang Kordero ng Diyos

29 Kinabukasan, nakita ni Juan si Jesus na lumalapit sa kanya, at kanyang sinabi, “Narito ang Kordero ng Diyos, na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan!

30 Siya yaong aking sinasabi, ‘Kasunod ko'y dumarating ang isang lalaki na higit pa sa akin,[s] sapagkat siya'y nauna sa akin.

31 Hindi ko siya nakilala, dahil dito'y naparito ako na nagbabautismo sa tubig upang siya'y mahayag sa Israel.”

32 Nagpatotoo si Juan, “Nakita ko ang Espiritu na bumababang tulad sa isang kalapati na buhat sa langit at dumapo sa kanya.

33 Hindi ko siya nakilala subalit ang nagsugo sa akin upang magbautismo sa tubig ay nagsabi sa akin, ‘Ang nakita mong babaan ng Espiritu at manatili sa kanya, ay siya ang nagbabautismo sa Espiritu Santo.’

34 Aking nakita at pinatotohanan kong ito ang Anak ng Diyos.”

Ang Unang mga Alagad ni Jesus

35 Kinabukasan, muling naroon si Juan kasama ng dalawa sa kanyang mga alagad.

36 At kanyang tiningnan si Jesus samantalang siya'y naglalakad at sinabi, “Narito ang Kordero ng Diyos!”

37 Narinig siya ng dalawang alagad na nagsalita nito, at sila'y sumunod kay Jesus.

38 Paglingon ni Jesus at nakita silang sumusunod ay sinabi niya sa kanila, “Ano ang inyong hinahanap?” At sinabi nila sa kanya, “Rabi (na kung isasalin ang kahulugan ay Guro), saan ka nakatira?”

39 Sinabi niya sa kanila, “Halikayo at tingnan ninyo.” Pumunta nga sila at nakita kung saan siya nakatira; at sila'y nanatiling kasama niya nang araw na iyon. Noon ang oras ay mag-iikasampu.[t]

40 Ang isa sa dalawang nakarinig ng pagsasalita ni Juan, at sumunod sa kanya, ay si Andres na kapatid ni Simon Pedro.

41 Una niyang natagpuan ang kanyang kapatid na si Simon, at sa kanya'y sinabi, “Natagpuan na namin ang Mesiyas”—na kung isasalin ay Cristo.

42 Kanyang dinala si Simon kay Jesus. Siya'y tiningnan ni Jesus at sinabi, “Ikaw ay si Simon na anak ni Juan. Tatawagin kang Cefas”—(na kung isasalin ang kahulugan ay Pedro.)

Tinawagan ni Jesus sina Felipe at Nathanael

43 Kinabukasan ay ipinasiya ni Jesus na pumunta sa Galilea. Kanyang nakita si Felipe, at sa kanya'y sinabi ni Jesus, “Sumunod ka sa akin.”

44 Si Felipe nga ay taga-Bethsaida, sa lunsod nina Andres at Pedro.

45 Natagpuan ni Felipe si Nathanael, at sinabi sa kanya, “Natagpuan namin iyong isinulat ni Moises sa Kautusan, at gayundin ng mga propeta, si Jesus na taga-Nazaret, ang anak ni Jose.”

46 Sinabi sa kanya ni Nathanael, “Mayroon bang mabuting bagay na maaaring manggaling sa Nazaret?” Sinabi sa kanya ni Felipe, “Halika at tingnan mo.”

47 Nakita ni Jesus si Nathanael na lumalapit sa kanya, at sinabi ang tungkol sa kanya, “Narito ang isang tunay na Israelita na sa kanya'y walang pandaraya!”

48 Tinanong siya ni Nathanael, “Paano mo ako nakilala?” Si Jesus ay sumagot, “Bago ka tinawag ni Felipe, nang ikaw ay nasa ilalim ng puno ng igos ay nakita kita.”

49 Sumagot si Nathanael sa kanya, “Rabi, ikaw ang Anak ng Diyos; ikaw ang Hari ng Israel.”

50 Si Jesus ay sumagot sa kanya, “Dahil ba sa sinabi ko sa iyo, ‘Nakita kita sa ilalim ng puno ng igos,’ kaya ikaw ay sumasampalataya? Higit na dakilang mga bagay ang makikita mo kaysa rito.”

51 Sinabi(BL) niya sa kanya, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, makikita ninyong bukas ang langit, at ang mga anghel ng Diyos na nagmamanhik-manaog sa Anak ng Tao.”

Ang Kasalan sa Cana

Nang ikatlong araw ay nagkaroon ng isang kasalan sa Cana ng Galilea at naroon ang ina ni Jesus.

Inanyayahan din si Jesus at ang kanyang mga alagad sa kasalan.

Nang magkulang ng alak, sinabi ng ina ni Jesus sa kanya, “Wala silang alak.”

Sinabi sa kanya ni Jesus, “Babae, anong kinalaman niyon sa akin at sa iyo? Ang aking oras ay hindi pa dumating.”

Sinabi ng kanyang ina sa mga lingkod, “Gawin ninyo ang anumang sabihin niya sa inyo.”

Doon ay mayroong anim na tapayang bato para sa kaugaliang paglilinis ng mga Judio na naglalaman ang bawat isa ng dalawa o tatlong bangang tubig.

Sinabi sa kanila ni Jesus, “Punuin ninyo ng tubig ang mga tapayan.” Kanilang pinuno ang mga ito hanggang sa labi.

Sinabi niya sa kanila, “Kumuha kayo ngayon, at inyong dalhin sa pinuno ng handaan.” At kanila ngang dinala.

Nang matikman ng pinuno ng handaan ang tubig na naging alak, at hindi niya alam kung saan ito nanggaling (subalit nalalaman ng mga lingkod na kumuha ng tubig), tinawag ng pinuno ng handaan ang lalaking bagong kasal.

10 At sinabi sa kanya, “Ang bawat tao ay unang naghahain ng mataas na uring alak, pagkatapos ay ang mababang uring alak kapag ang mga panauhin ay nakainom na. Subalit hanggang ngayon ay itinabi mo ang mabuting alak.”

11 Ginawa ito ni Jesus, ang una sa kanyang mga tanda, sa Cana ng Galilea, at ipinahayag ang kanyang kaluwalhatian; at sumampalataya sa kanya ang kanyang mga alagad.

12 Pagkatapos(BM) nito ay bumaba siya sa Capernaum, kasama ang kanyang ina, mga kapatid, at ang kanyang mga alagad. Sila'y tumigil doon nang ilang araw.

Nilinis ni Jesus ang Templo(BN)

13 Malapit(BO) na noon ang Paskuwa ng mga Judio, at umahon si Jesus patungo sa Jerusalem.

14 Natagpuan niya sa templo ang mga nagtitinda ng mga baka, mga tupa, mga kalapati, at ang mga nagpapalit ng salapi na nakaupo.

15 Gumawa siya mula sa mga lubid ng isang panghagupit at itinaboy niya silang lahat papalabas sa templo kasama ang mga tupa at mga baka. Ibinuhos din niya ang salapi ng mga mamamalit, at itinaob ang kanilang mga mesa.

16 Sa mga nagtitinda ng mga kalapati ay sinabi niya, “Alisin ninyo rito ang mga bagay na ito; huwag ninyong gawing bahay-pamilihan ang bahay ng aking Ama.”

17 Naalala(BP) ng kanyang mga alagad na nasusulat, “Ang sigasig para sa iyong bahay ang tutupok sa akin.”

18 Ang mga Judio ay sumagot sa kanya, “Anong tanda ang maipapakita mo sa amin sa paggawa mo ng mga bagay na ito?”

19 Sinagot(BQ) sila ni Jesus, “Gibain ninyo ang templong ito at aking itatayo sa loob ng tatlong araw.”

20 Sinabi ng mga Judio, “Apatnapu't anim na taon ang pagtatayo ng templong ito, at itatayo mo sa loob ng tatlong araw?”

21 Subalit siya'y nagsasalita tungkol sa templo ng kanyang katawan.

22 Kaya't nang siya ay muling bumangon mula sa mga patay, naalala ng kanyang mga alagad na sinabi niya ito. At naniwala sila sa kasulatan at sa salitang sinabi ni Jesus.

Alam ni Jesus ang Likas ng Tao

23 Nang siya ay nasa Jerusalem nang kapistahan ng Paskuwa, marami ang sumampalataya sa kanyang pangalan, nang kanilang makita ang mga ginawa niyang tanda.

24 Subalit hindi ipinagkatiwala ni Jesus ang kanyang sarili sa kanila sapagkat kilala niya ang lahat ng mga tao,

25 at hindi niya kailangan ang sinuman upang magpatotoo tungkol sa tao, sapagkat alam niya ang isinasaloob ng tao.

Si Jesus at si Nicodemo

May isang lalaking kabilang sa mga Fariseo na ang pangalan ay Nicodemo, isang pinuno ng mga Judio.

Siya ay pumunta kay Jesus[u] nang gabi na, at sinabi sa kanya, “Rabi, nalalaman naming ikaw ay isang guro na mula sa Diyos; sapagkat walang makakagawa ng mga tanda na iyong ginagawa, malibang kasama niya ang Diyos.”

Sumagot sa kanya si Jesus, “Katotohanang sinasabi ko sa iyo, ‘Malibang ang isang tao'y ipanganak na muli[v] ay hindi niya makikita ang kaharian ng Diyos.’”

Sinabi sa kanya ni Nicodemo, “Paanong maipapanganak ang isang tao kung siya'y matanda na? Makakapasok ba siyang muli sa tiyan ng kanyang ina, at ipanganak?”

Sumagot si Jesus, “Katotohanang sinasabi ko sa iyo, malibang ang isang tao'y ipanganak ng tubig at ng Espiritu, hindi siya makakapasok sa kaharian ng Diyos.

Ang ipinanganak ng laman ay laman at ang ipinanganak ng Espiritu ay espiritu.

Huwag kang magtaka na aking sinabi sa iyo, ‘Kailangang kayo'y ipanganak na muli.’

Humihihip ang hangin kung saan nito ibig at naririnig mo ang ugong nito, ngunit hindi mo nalalaman kung saan ito nanggagaling at kung saan tutungo. Ganoon ang bawat isang ipinapanganak ng Espiritu.

Sumagot si Nicodemo sa kanya, “Paanong mangyayari ang mga bagay na ito?”

10 Sumagot si Jesus sa kanya, “Ikaw ay isang guro sa Israel at hindi mo nauunawaan ang mga bagay na ito?

11 Katotohanang sinasabi ko sa iyo, kami ay nagsasalita tungkol sa nalalaman namin, at nagpapatotoo sa nakita namin, subalit hindi ninyo tinanggap ang aming patotoo.

12 Kung sinabi ko sa inyo ang mga bagay na makalupa at hindi ninyo pinaniniwalaan, paano ninyong paniniwalaan kung sabihin ko sa inyo ang mga bagay na makalangit?

13 Wala pang umakyat sa langit, maliban sa kanya na bumabang galing sa langit, ang Anak ng Tao.[w]

14 Kung(BR) paanong itinaas ni Moises sa ilang ang ahas, kailangan din namang itaas ang Anak ng Tao;

15 upang ang sinumang sumampalataya sa kanya ay magkaroon ng buhay na walang hanggan.

16 Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan na ibinigay niya ang kanyang tanging Anak, upang ang sinumang sa kanya'y sumampalataya ay huwag mapahamak kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.

17 Sapagkat hindi sinugo ng Diyos ang Anak sa sanlibutan upang hatulan ang sanlibutan, kundi upang ang sanlibutan ay maligtas sa pamamagitan niya.

18 Ang sumasampalataya sa kanya ay hindi hinahatulan; ngunit ang hindi sumasampalataya ay hinatulan na, sapagkat hindi siya sumampalataya sa pangalan ng tanging Anak ng Diyos.

19 At ito ang kahatulan, na naparito ang ilaw sa sanlibutan, at inibig pa ng mga tao ang kadiliman kaysa ilaw sapagkat ang kanilang mga gawa ay masasama.

20 Sapagkat ang bawat isa na gumagawa ng masama ay napopoot sa ilaw, at hindi lumalapit sa ilaw, upang ang kanyang mga gawa ay huwag malantad.

21 Subalit ang gumagawa ng katotohanan ay lumalapit sa ilaw, upang malinaw na mahayag na ang kanyang mga gawa ay naaayon[x] sa Diyos.”

Si Jesus at si Juan na Tagapagbautismo

22 Pagkatapos ng mga bagay na ito, si Jesus at ang kanyang mga alagad ay pumunta sa lupain ng Judea. Doon ay nanatili siyang kasama nila at nagbabautismo.

23 Nagbabautismo rin si Juan sa Enon na malapit sa Salim, sapagkat doo'y maraming tubig. Ang mga tao'y pumunta roon at nabautismuhan.

24 Sapagkat(BS) si Juan ay hindi pa ipinapasok sa bilangguan.

25 Noon ay nagkaroon ng isang pagtatalo ang mga alagad ni Juan at ang isang Judio tungkol sa paglilinis.

26 Sila'y lumapit kay Juan, at sa kanya'y sinabi, “Rabi, iyong kasama mo sa kabila ng Jordan na iyong pinatotohanan ay nagbabautismo at ang lahat ay lumalapit sa kanya.”

27 Sumagot si Juan, “Hindi makakatanggap ng anuman ang isang tao, malibang ito'y ipinagkaloob sa kanya mula sa langit.

28 Kayo(BT) mismo ay aking mga saksi na sinabi kong, ‘Hindi ako ang Cristo, kundi ako'y sinugong una sa kanya.’

29 Ang babaing ikakasal ay para sa lalaking ikakasal. Ngunit ang kaibigan ng lalaking ikakasal na nakatayo at nakikinig sa kanya ay lubos na nagagalak dahil sa tinig ng lalaking ikakasal. Kaya't ang kaligayahan kong ito ay ganap na.

30 Siya'y kailangang tumaas, nguni't ako'y kailangang bumaba.”[y]

Siya na Mula sa Langit

31 Ang nanggagaling sa itaas ay mataas sa lahat, ang galing sa lupa ay taga-lupa nga, at nagsasalita tungkol sa mga bagay sa lupa; ang nanggagaling sa langit ay mataas sa lahat.

32 Nagpapatotoo siya ng kanyang nakita at narinig, ngunit walang taong tumatanggap ng kanyang patotoo.

33 Ang tumatanggap ng kanyang patotoo ay nagpapatunay[z] dito na ang Diyos ay totoo.

34 Sapagkat siya na sinugo ng Diyos ay nagsasalita ng mga salita ng Diyos, sapagkat hindi niya sinusukat ang pagbibigay niya ng Espiritu.

35 Minamahal(BU) ng Ama ang Anak at inilagay sa kanyang kamay ang lahat ng mga bagay.

36 Ang sumasampalataya sa Anak ay may buhay na walang hanggan; ngunit ang hindi sumusunod sa Anak ay hindi makakakita ng buhay, kundi ang poot ng Diyos ay nananatili sa kanya.

Si Jesus at ang Babaing Samaritana

Nang malaman ni Jesus[aa] na nabalitaan ng mga Fariseo na siya ay gumagawa at nagbabautismo ng mas maraming alagad kaysa kay Juan,

(kahit hindi nagbabautismo si Jesus, kundi ang kanyang mga alagad)

umalis siya sa Judea at muling bumalik sa Galilea.

Subalit kailangang dumaan siya sa Samaria.

Sumapit(BV) siya sa isang lunsod ng Samaria na tinatawag na Sicar, malapit sa bahagi ng lupang ibinigay ni Jacob kay Jose na kanyang anak.

Naroon ang balon ni Jacob. Nang pagod na si Jesus sa kanyang paglalakbay, naupo siya sa tabi ng balon. Noon ay malapit nang magtanghaling-tapat.

Dumating ang isang babaing Samaritana upang umigib ng tubig. Sinabi sa kanya ni Jesus, “Bigyan mo ako ng inumin.”

Sapagkat ang kanyang mga alagad ay pumunta sa lunsod upang bumili ng pagkain.

Sinabi(BW) sa kanya ng babaing Samaritana, “Paanong nangyari na ikaw na isang Judio, ay humihingi ng maiinom sa akin na isang babaing Samaritana? (Sapagkat hindi nakikisama ang mga Judio sa mga Samaritano.)[ab]

10 Sumagot si Jesus, “Kung nalalaman mo ang kaloob ng Diyos, at kung sino ang sa iyo'y nagsasabi, ‘Bigyan mo ako ng inumin;’ ikaw ay hihingi sa kanya, at ikaw ay bibigyan niya ng tubig na buháy.”

11 Sinabi sa kanya ng babae, “Ginoo, wala kang pansalok ng tubig, at malalim ang balon. Saan ka ngayon kukuha ng tubig na buháy?

12 Higit ka bang dakila kaysa sa aming amang si Jacob na sa ami'y nagbigay ng balon, at dito'y uminom siya, pati ang kanyang mga anak, at ang kanyang mga hayop?”

13 Sumagot si Jesus sa kanya, “Ang bawat uminom ng tubig na ito ay muling mauuhaw,

14 subalit ang sinumang umiinom ng tubig na aking ibibigay ay hindi na mauuhaw magpakailanman. Ang tubig na aking ibibigay sa kanya ay magiging isang bukal ng tubig tungo sa buhay na walang hanggan.

15 Sinabi sa kanya ng babae, “Ginoo, bigyan mo ako ng tubig na ito upang ako'y hindi na mauhaw o pumarito pa upang umigib.”

16 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Umalis ka na! Tawagin mo ang iyong asawa at bumalik ka rito.”

17 Ang babae ay sumagot sa kanya, “Wala akong asawa.” Sinabi sa kanya ni Jesus, “Tama ang sabi mo, ‘Wala akong asawa;’

18 sapagkat nagkaroon ka na ng limang asawa, at ang kinakasama mo ngayon ay hindi mo asawa. Totoo ang sinabi mong ito.”

19 Sinabi sa kanya ng babae, “Ginoo, nakikita kong ikaw ay isang propeta.

20 Sumamba ang aming mga ninuno sa bundok na ito; ngunit sinasabi ninyo na ang lugar na dapat pagsambahan ng mga tao ay sa Jerusalem.”

21 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Babae, maniwala ka sa akin na darating ang oras na inyong sasambahin ang Ama, hindi sa bundok na ito o sa Jerusalem.

22 Sinasamba ninyo ang hindi ninyo nakikilala. Sinasamba namin ang nakikilala namin sapagkat ang kaligtasan ay mula sa mga Judio.

23 Subalit dumarating ang oras at ngayon na nga, na sasambahin ng mga tunay na sumasamba ang Ama sa espiritu at katotohanan, sapagkat hinahanap ng Ama ang gayong mga sumasamba sa kanya.

24 Ang Diyos ay espiritu, at ang mga sumasamba sa kanya ay kailangang sumamba sa espiritu at katotohanan.”

25 Sinabi ng babae sa kanya, “Nalalaman ko na darating ang Mesiyas (ang tinatawag na Cristo). Pagdating niya, ay ipahahayag niya sa amin ang lahat ng mga bagay.”

26 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Ako nga iyon na kumakausap sa iyo!”

27 Nang oras na iyon ay dumating ang kanyang mga alagad. Sila'y nagtaka na siya'y nakikipag-usap sa isang babae, subalit walang nagsabi, “Ano ang gusto mo?” o, “Bakit ka nakikipag-usap sa kanya?”

28 Kaya't iniwan ng babae ang kanyang banga ng tubig at pumunta sa lunsod, at sinabi sa mga tao,

29 “Halikayo, tingnan ninyo ang isang tao na nagsabi sa akin ng lahat ng mga bagay na aking ginawa. Ito na nga kaya ang Cristo?”

30 Lumabas sila sa lunsod, at pumunta sa kanya.

31 Samantala, hinimok siya ng kanyang mga alagad, “Rabi, kumain ka.”

32 Subalit sinabi niya sa kanila, “Ako'y may pagkain na hindi ninyo nalalaman.”

33 Kaya't sinabi ng mga alagad sa isa't isa, “May nagdala kaya sa kanya ng pagkain?”

34 Sinabi sa kanila ni Jesus, “Ang pagkain ko ay ang gawin ang kalooban ng nagsugo sa akin at tapusin ang kanyang gawain.

35 Hindi ba sinasabi ninyo, ‘May apat na buwan pa at darating na ang pag-aani?’ Ngunit sinasabi ko sa inyo, masdan ninyo ang inyong paligid[ac] at inyong tingnan ang mga bukid na mapuputi na upang anihin.

36 Ang umaani ay tumatanggap ng upa, at nagtitipon ng bunga para sa buhay na walang hanggan, upang ang naghahasik at ang umaani ay magkasamang magalak.

37 Sapagkat dito'y totoo ang kasabihan, ‘Isa ang naghahasik, at iba ang umaani.’

38 Kayo'y sinugo ko upang anihin ang hindi ninyo pinagpaguran; iba ang nagpagod at kayo'y pumasok sa kanilang pinagpaguran.”

39 At marami sa mga Samaritano sa lunsod na iyon ang sumampalataya sa kanya dahil sa sinabi ng babae, na nagpatotoo, “Sinabi niya sa akin ang lahat ng mga bagay na aking ginawa.”

40 Kaya nang dumating sa kanya ang mga Samaritano, nakiusap sila sa kanya na manatili sa kanila; at siya'y nanatili roon ng dalawang araw.

41 At marami pang sumampalataya sa kanya dahil sa kanyang salita.

42 Sinabi nila sa babae, “Ngayo'y sumampalataya kami, hindi dahil sa iyong sinabi, sapagkat kami mismo ay nakarinig at nalalaman naming ito nga ang Tagapagligtas ng sanlibutan.”

Pinagaling ni Jesus ang Anak ng Isang Pinuno

43 Pagkaraan ng dalawang araw ay umalis siya roon at nagtungo sa Galilea,

44 sapagkat(BX) si Jesus din ang nagpatotoo na ang isang propeta ay walang karangalan sa kanyang sariling lupain.

45 Kaya't(BY) nang siya'y dumating sa Galilea ay tinanggap siya ng mga taga-Galilea, nang kanilang makita ang lahat ng mga bagay na kanyang ginawa sa Jerusalem sa kapistahan, sapagkat sila ay pumunta rin sa kapistahan.

46 Pagkatapos(BZ) ay pumunta siyang muli sa Cana ng Galilea na doo'y kanyang ginawang alak ang tubig. At sa Capernaum ay naroroon ang isang pinuno ng pamahalaan na ang anak na lalaki ay maysakit.

47 Nang mabalitaan niya na si Jesus ay dumating sa Galilea mula sa Judea, pumunta siya roon at nakiusap sa kanya na siya'y pumunta at pagalingin ang kanyang anak na lalaki sapagkat siya'y malapit nang mamatay.

48 Kaya't sinabi sa kanya ni Jesus, “Malibang makakita kayo ng mga tanda at mga kababalaghan ay hindi kayo mananampalataya.”

49 Sinabi ng pinuno sa kanya, “Ginoo, pumunta ka na bago mamatay ang aking anak.”

50 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Humayo ka na, ang anak mo ay mabubuhay.” Pinaniwalaan ng lalaki ang salitang sinabi sa kanya ni Jesus, at siya'y humayo sa kanyang lakad.

51 Habang siya'y papunta, sinalubong siya ng kanyang mga alipin na nagsasabing ang kanyang anak ay ligtas na.[ad]

52 Kaya't itinanong niya sa kanila ang oras nang siya'y nagsimulang gumaling. At sinabi nila sa kanya, “Kahapon, nang ika-isa ng hapon, nawalan siya ng lagnat.”

53 Kaya't nalaman ng ama na sa oras na iyon ay sinabi sa kanya ni Jesus, “Ang anak mo ay mabubuhay.” Kaya't siya'y sumampalataya, at ang kanyang buong sambahayan.

54 Ito ang ikalawang tanda na ginawa ni Jesus pagkatapos na siya'y pumunta sa Galilea mula sa Judea.

Pinagaling ang Isang Lumpo

Pagkaraan nito ay nagkaroon ng pista ang mga Judio, at umahon si Jesus patungo sa Jerusalem.

Sa Jerusalem nga'y may isang tipunan ng tubig sa tabi ng Pintuan ng mga Tupa, na sa wikang Hebreo ay tinatawag na Bet-zatha[ae] na may limang portiko.

Sa mga ito ay nakahiga ang maraming maysakit, mga bulag, mga pilay, at mga lumpo.[af]

[Sapagkat lumulusong ang isang anghel ng Panginoon sa mga tanging panahon sa tipunan ng tubig at kinakalawkaw ang tubig; at ang unang manaog sa tipunan ng tubig, pagkatapos na makalawkaw ang tubig ay gumagaling sa anumang sakit na dinaramdam.]

Naroon ang isang lalaki na may tatlumpu't walong taon nang maysakit.

Nang makita ni Jesus na siya'y nakahiga at nalamang siya'y matagal nang may sakit, ay sinabi niya sa kanya, “Ibig mo bang gumaling?”

Sumagot sa kanya ang lalaking may sakit, “Ginoo, walang taong maglusong sa akin sa tipunan ng tubig kapag kinakalawkaw ang tubig; at samantalang ako'y lumalapit ay nakalusong na muna ang iba bago ako.”

Sinabi sa kanya ni Jesus, “Bumangon ka, buhatin mo ang iyong higaan at lumakad ka.”

At kaagad gumaling ang lalaki, binuhat ang kanyang higaan at lumakad. Noon nga'y araw ng Sabbath.

10 Kaya't(CA) sinabi ng mga Judio sa taong pinagaling, “Ngayo'y araw ng Sabbath, at hindi ipinahihintulot na buhatin mo ang iyong higaan.”

11 Ngunit sila'y sinagot niya, “Ang nagpagaling sa akin ang siyang nagsabi sa akin, ‘Buhatin mo ang iyong higaan, at lumakad ka.’”

12 Siya'y kanilang tinanong, “Sino ang taong nagsabi sa iyo, ‘Buhatin mo ang iyong higaan at lumakad ka?’”

13 Ngunit hindi nakilala ng taong pinagaling kung sino iyon, sapagkat si Jesus ay umalis na sa maraming tao na naroroon.

14 Pagkatapos ay natagpuan siya ni Jesus sa templo, at sinabi sa kanya, “Tingnan mo, ikaw ay gumaling na; huwag ka nang magkasala, baka may mangyari pa sa iyo na lalong masama.”

15 Umalis ang lalaki at ibinalita sa mga Judio na si Jesus ang nagpagaling sa kanya.

16 Dahil dito'y inusig ng mga Judio si Jesus sapagkat ginagawa niya ang mga bagay na ito sa araw ng Sabbath.

17 Subalit sinagot sila ni Jesus, “Hanggang ngayo'y patuloy sa paggawa ang aking Ama, at ako'y patuloy rin sa paggawa.”

18 Dahil dito ay lalong pinagsikapan ng mga Judio na siya'y patayin sapagkat hindi lamang nilabag niya ang araw ng Sabbath, kundi tinatawag din na kanyang sariling Ama ang Diyos, at ginagawa ang sarili niya na kapantay ng Diyos.

Ang Kapangyarihan ng Anak

19 Kaya't sumagot si Jesus at sinabi sa kanila, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, hindi makakagawa ng anuman ang Anak sa kanyang sarili kundi ang nakikita niyang ginagawa ng Ama. Sapagkat ang lahat ng mga bagay na kanyang ginagawa ay siya ring ginagawa ng Anak.

20 Sapagkat minamahal ng Ama ang Anak, at sa kanya'y ipinapakita ang lahat ng mga bagay na kanyang ginagawa, at lalong dakilang mga gawa kaysa mga ito ang ipapakita niya sa kanya upang kayo'y mamangha.

21 Sapagkat kung paanong ibinabangon ng Ama ang mga patay at sila'y binubuhay, gayundin naman binubuhay ng Anak ang sinumang nais niya.

22 Ang Ama'y hindi humahatol sa kanino mang tao, kundi ipinagkaloob niya sa Anak ang buong paghatol;

23 upang parangalan ng lahat ang Anak, na gaya rin ng kanilang pagpaparangal sa Ama. Ang hindi nagpaparangal sa Anak ay hindi nagpaparangal sa Ama na sa kanya'y nagsugo.

24 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, ang nakikinig ng aking salita at sumasampalataya sa kanya na nagsugo sa akin ay may buhay na walang hanggan, at hindi darating sa kahatulan kundi lumipat na sa buhay mula sa kamatayan.

25 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, dumarating ang oras at ngayon na nga, na maririnig ng patay ang tinig ng Anak ng Diyos at ang makarinig ay mabubuhay.

26 Sapagkat kung paanong ang Ama ay may buhay sa kanyang sarili, ay pinagkalooban din niya ang Anak na magkaroon ng buhay sa kanyang sarili.

27 At siya'y binigyan niya ng kapangyarihang humatol sapagkat siya'y Anak ng Tao.

28 Huwag ninyong ipagtaka ito, sapagkat dumarating ang oras na ang lahat ng nasa libingan ay makakarinig ng kanyang tinig,

29 at(CB) magsisilabas, ang mga gumawa ng mabuti ay tungo sa pagkabuhay na muli sa buhay, at ang mga gumawa ng masama ay tungo sa pagkabuhay na muli sa kahatulan.

Mga Patotoo kay Jesus

30 “Hindi ako makakagawa ng anuman mula sa aking sarili. Humahatol ako ayon sa aking naririnig, at ang paghatol ko'y matuwid, sapagkat hindi ko hinahanap ang aking sariling kalooban kundi ang kalooban ng nagsugo sa akin.

31 Kung ako'y nagpapatotoo para sa aking sarili, ang patotoo ko ay hindi totoo.

32 Iba ang nagpapatotoo para sa akin at alam ko na ang patotoo niya para sa akin ay totoo.

33 Kayo'y(CC) nagpadala ng sugo kay Juan, at siya'y nagpatotoo sa katotohanan.

34 Hindi sa tinatanggap ko ang patotoong mula sa tao, subalit sinasabi ko ang mga bagay na ito upang kayo'y maligtas.

35 Siya ang ilawang nagniningas at lumiliwanag, at ninais ninyong kayo'y magalak sumandali sa kanyang liwanag.

36 Subalit mayroon akong patotoo na lalong dakila kaysa kay Juan. Ang mga gawaing ibinigay sa akin ng aking Ama upang ganapin, ang mga gawaing ito na aking ginagawa ay nagpapatotoo tungkol sa akin na ako'y sinugo ng Ama.

37 Ang(CD) Ama na nagsugo sa akin ay siyang nagpatotoo tungkol sa akin. Kailanma'y hindi ninyo narinig ang kanyang tinig, o hindi ninyo nakita ang kanyang anyo.

38 At walang salita niya na nananatili sa inyo sapagkat hindi kayo sumasampalataya sa kanyang sinugo.

39 Sinasaliksik ninyo ang mga kasulatan sapagkat iniisip ninyo na sa mga iyon ay mayroon kayong buhay na walang hanggan; at iyon ang nagpapatotoo tungkol sa akin.

40 Subalit ayaw ninyong lumapit sa akin upang kayo'y magkaroon ng buhay.

41 Hindi ako tumatanggap ng kaluwalhatiang mula sa mga tao.

42 Subalit nalalaman ko na ang pag-ibig ng Diyos ay wala sa inyo.

43 Naparito ako sa pangalan ng aking Ama at hindi ninyo ako tinanggap. Kung iba ang pumarito sa kanyang sariling pangalan, iyon ang inyong tatanggapin.

44 Paano kayo mananampalataya gayong tumatanggap kayo ng kaluwalhatian mula sa isa't isa at hindi ninyo hinahanap ang kaluwalhatiang mula sa tanging Diyos?

45 Huwag ninyong isiping paparatangan ko kayo sa Ama. May isang nagpaparatang sa inyo, si Moises, siya na inyong inaasahan.

46 Sapagkat kung kayo'y sumasampalataya kay Moises ay sasampalataya kayo sa akin, sapagkat siya'y sumulat tungkol sa akin.

47 Ngunit kung hindi kayo naniniwala sa kanyang mga sinulat ay paano kayong maniniwala sa aking mga salita?”

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001