Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Bible in 90 Days

An intensive Bible reading plan that walks through the entire Bible in 90 days.
Duration: 88 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Galacia 3:26 - Colosas 4:18

26 Sapagkat kay Cristo Jesus, kayong lahat ay mga anak ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya.

27 Sapagkat ang lahat na sa inyo na binautismuhan kay Cristo ay ibinihis si Cristo.

28 Walang Judio o Griyego, walang alipin o malaya, walang lalaki o babae, sapagkat kayong lahat ay iisa kay Cristo Jesus.

29 At(A) kung kayo'y kay Cristo, kayo nga'y mga binhi ni Abraham, mga tagapagmana ayon sa pangako.

Ganito ang ibig kong sabihin: ang tagapagmana, habang bata pa ay hindi nakahihigit sa mga alipin bagama't siya ang may-ari ng lahat,

subalit siya ay nasa ilalim ng mga tagapangalaga at mga katiwala hanggang sa panahong itinakda ng ama.

Gayundin tayo, nang tayo'y mga bata pa, tayo'y naalipin sa mga panimulang aral ng sanlibutan.

Subalit nang dumating ang ganap na kapanahunan, isinugo ng Diyos ang kanyang Anak, na ipinanganak ng isang babae, at ipinanganak sa ilalim ng kautusan,

upang(B) tubusin ang mga nasa ilalim ng kautusan, upang matanggap natin ang pagkupkop bilang mga anak.

At sapagkat kayo'y mga anak, isinugo ng Diyos ang Espiritu ng kanyang Anak sa ating[a] mga puso, na sumisigaw, “Abba,[b] Ama!”

Kaya't hindi ka na alipin kundi anak; at kung anak, ay tagapagmana.

Pinagsabihan ni Pablo ang mga Taga-Galacia

Subalit noong una, nang hindi pa ninyo kilala ang Diyos, kayo'y naging mga alipin ng mga hindi likas na diyos.

Subalit ngayong nakikilala na ninyo ang Diyos, o sa halip ay kinikilala na kayo ng Diyos, bakit muli kayong nagbabalik sa mahihina at hamak na mga panimulang aral, na sa mga iyon ay nais ninyong muling maging mga alipin?

10 Nangingilin kayo ng mga araw, mga buwan, mga panahon, at mga taon.

11 Ako'y natatakot na nagpagal ako sa inyo nang walang kabuluhan.

12 Mga kapatid, nakikiusap ako sa inyo, kayo'y maging kagaya ko, sapagkat ako'y naging katulad din ninyo. Wala kayong ginawang masama sa akin.

13 Nalalaman ninyo na dahil sa karamdaman ng katawan ay una kong ipinangaral sa inyo ang ebanghelyo.

14 Bagaman ang aking kalagayan ay naging isang pagsubok sa inyo, hindi ninyo ako hinamak o kinasuklaman kundi tinanggap na gaya sa isang anghel ng Diyos, gaya ni Cristo Jesus.

15 Nasaan na ngayon ang inyong kagandahang-loob?[c] Sapagkat ako'y nagpapatotoo sa inyo, na kung maaari sana ay dinukit na ninyo ang inyong mga mata at ibinigay sa akin.

16 Ako ba ngayo'y naging kaaway ninyo sa pagsasabi ko sa inyo ng katotohanan?

17 Sila'y masigasig sa inyo, subalit hindi para sa mabuting layunin; nais nilang ihiwalay kayo, upang kayo'y maging masigasig sa kanila.

18 Subalit mabuti ang maging laging masigasig sa mabuting bagay at hindi lamang kapag ako'y kaharap ninyo.

19 Minamahal kong mga anak, na para sa inyo ay muli akong nakakaranas ng hirap ng panganganak hanggang si Cristo ay mabuo sa inyo.

20 Nais kong makaharap kayo ngayon at baguhin ang aking tono, sapagkat ako'y nag-aalinlangan tungkol sa inyo.

Paghahambing kina Hagar at Sarah

21 Sabihin ninyo sa akin, kayong nagnanais mapasailalim ng kautusan, hindi ba ninyo naririnig ang kautusan?

22 Sapagkat(C) nasusulat na si Abraham ay nagkaroon ng dalawang anak, isa mula sa aliping babae, at ang isa ay sa babaing malaya.

23 Subalit ang mula sa alipin ay ipinanganak ayon sa laman, at ang mula sa babaing malaya ay sa pamamagitan ng pangako.

24 Ang mga bagay na ito ay isang paghahambing, sapagkat ang mga babaing ito'y dalawang tipan. Ang isa ay si Hagar na mula sa bundok ng Sinai na nanganganak para sa pagkaalipin.

25 Ngayon, si Hagar ay bundok ng Sinai sa Arabia at katumbas ng kasalukuyang Jerusalem, sapagkat siya'y nasa pagkaalipin kasama ng kanyang mga anak.

26 Ngunit ang Jerusalem na nasa itaas ay malaya, na siyang ating ina.

27 Sapagkat(D) nasusulat,

“Magalak ka, ikaw na baog, ikaw na hindi nanganganak;
    bigla kang umawit at sumigaw, ikaw na hindi nakakaranas ng sakit sa panganganak;
sapagkat mas marami pa ang mga anak ng pinabayaan
    kaysa mga anak ng may asawa.”

28 At kayo, mga kapatid, tulad ni Isaac, ay mga anak ng pangako.

29 Subalit(E) kung paanong inusig noon ng ipinanganak ayon sa laman ang ipinanganak ayon sa Espiritu, gayundin naman ngayon.

30 Subalit(F) ano ang sinasabi ng kasulatan? “Palayasin ang aliping babae at ang kanyang anak, sapagkat hindi magmamana ang anak ng babaing alipin na kasama ng anak ng babaing malaya.”

31 Kaya, mga kapatid, hindi tayo mga anak ng babaing alipin, kundi ng babaing malaya.

Ang Kalayaan kay Cristo

Para sa kalayaan ay pinalaya tayo ni Cristo; kaya't magpakatatag kayo at huwag pasakop na muli sa pamatok ng pagkaalipin.

Makinig kayo! Akong si Pablo ay nagsasabi sa inyo na kung kayo'y patutuli, si Cristo ay hindi magiging pakinabang sa inyo.

At muli kong pinatotohanan sa bawat taong nagpatuli na siya'y may pananagutang tumupad sa buong kautusan.

Kayo'y hiwalay kay Cristo, kayong mga nagnanais ariing-ganap sa pamamagitan ng kautusan; nahulog kayo mula sa biyaya.

Sapagkat sa pamamagitan ng Espiritu, sa pananampalataya ay naghihintay tayo sa pag-asa ng katuwiran.

Sapagkat kay Cristo Jesus, ang pagtutuli o di-pagtutuli ay walang kabuluhan, kundi ang pananampalataya na gumagawa sa pamamagitan ng pag-ibig.

Kayo ay tumatakbo noon ng mabuti, sino ang humadlang sa inyo sa pagsunod sa katotohanan?

Ang paghikayat na iyon ay hindi nagmula sa tumatawag sa inyo.

Ang(G) kaunting lebadura ay nagpapaalsa sa buong masa.

10 Ako'y nagtitiwala sa Panginoon, na hindi kayo mag-iisip ng iba pa. Subalit sinuman siyang nanggugulo sa inyo ay tatanggap ng parusa.

11 Ngunit ako, mga kapatid, kung ipinangangaral ko pa ang pagtutuli, bakit pa ako inuusig? Kung gayon, ang katitisuran ng krus ay inalis na.

12 Ibig ko sana na ang mga nanggugulo sa inyo ay kapunin nila ang kanilang sarili.

13 Sapagkat kayo, mga kapatid, ay tinawag sa kalayaan; subalit huwag lamang ninyong gagamitin ang inyong kalayaan bilang isang kadahilanan para sa laman, kundi sa pamamagitan ng pag-ibig ay maging alipin kayo ng isa't isa.

14 Sapagkat(H) ang buong kautusan ay natutupad sa isang pangungusap, “Ibigin mo ang iyong kapwa na gaya ng iyong sarili.”

15 Ngunit kung kayo-kayo ang nagkakagatan at nagsasakmalan, mag-ingat kayo, baka kayo'y magkaubusan.

Ang mga Gawa ng Laman

16 Subalit sinasabi ko, lumakad kayo ayon sa Espiritu, at huwag ninyong bigyang-kasiyahan ang mga pagnanasa ng laman.

17 Sapagkat(I) ang laman ay nagnanasa laban sa Espiritu, at ang Espiritu ay laban sa laman; sapagkat ang mga ito ay laban sa isa't isa, upang hindi ninyo magawa ang mga bagay na nais ninyong gawin.

18 Subalit kung kayo'y pinapatnubayan ng Espiritu, kayo ay wala sa ilalim ng kautusan.

19 Ngayon ay hayag ang mga gawa ng laman, ang mga ito ay pakikiapid, karumihan, kahalayan,

20 pagsamba sa diyus-diyosan, pangkukulam, alitan, pagtatalo, paninibugho, pagkagalit, pagkamakasarili, pagkakabaha-bahagi, mga pagkakampi-kampi,

21 pagkainggit, paglalasing, kalayawan, at ang mga katulad nito. Binabalaan ko kayo, gaya ng aking pagbabala noong una sa inyo, na ang mga gumagawa ng gayong mga bagay ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos.

Ang Bunga ng Espiritu

22 Subalit ang bunga ng Espiritu ay pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, pagtitiyaga, kagandahang-loob, kabutihan, katapatan,

23 kaamuan, at pagpipigil sa sarili. Laban sa mga ito ay walang kautusan.

24 At ipinako sa krus ng mga na kay Cristo Jesus ang laman na kasama ang masasamang pagnanasa at mga kahalayan nito.

25 Kung tayo'y nabubuhay sa pamamagitan ng Espiritu, lumakad din tayo sa patnubay ng Espiritu.

26 Huwag tayong maging palalo, na ginagalit ang isa't isa at naiinggit sa isa't isa.

Magtulungan sa Isa't isa

Mga kapatid, kung ang isang tao ay natagpuan sa anumang pagsuway, kayong mga espirituwal ay dapat panunumbalikin siya sa espiritu ng kaamuan. Tingnan ang iyong sarili, baka ikaw ay matukso rin.

Dalhin ninyo ang mga pasanin ng isa't isa, at sa gayon ay matutupad ninyo ang kautusan ni Cristo.

Sapagkat kung inaakala ng sinuman na siya'y may kabuluhan, gayong wala naman siyang kabuluhan, ay dinadaya niya ang kanyang sarili.

Ngunit subukin ng bawat isa ang kanyang sariling gawa, at kung magkagayon, ang kanyang dahilan upang magmalaki ay sa kanyang sarili lamang, at hindi sa kanyang kapwa.

Sapagkat ang bawat tao ay dapat magdala ng kanyang sariling pasan.

Ang tinuturuan ng salita ay dapat magbahagi sa nagtuturo ng lahat ng mga bagay na mabuti.

Huwag kayong padaya; ang Diyos ay hindi maaaring lokohin, sapagkat ang anumang ihasik ng tao, ay siya rin niyang aanihin.

Sapagkat ang naghahasik para sa kanyang sariling laman ay mula sa laman mag-aani ng kasiraan; subalit ang naghahasik sa Espiritu, mula sa Espiritu ay mag-aani ng buhay na walang hanggan.

At huwag tayong manghinawa sa paggawa ng mabuti, sapagkat sa takdang panahon ay mag-aani tayo, kung hindi tayo manlulupaypay.

10 Kaya't habang may pagkakataon, gumawa tayo ng mabuti sa lahat, lalung-lalo na sa mga kabilang sa sambahayan ng pananampalataya.

Babala at Basbas

11 Tingnan ninyo kung sa gaano kalalaking mga titik sumusulat ako sa inyo sa pamamagitan ng aking sariling kamay!

12 Ang mga nais gumawa ng magandang palabas sa laman ang siyang pumipilit sa inyo na magpatuli, upang hindi sila usigin dahil sa krus ni Cristo.

13 Sapagkat maging ang mga nagpatuli ay hindi rin naman tumutupad ng kautusan; ngunit ibig nila kayong magpatuli upang sila'y makapagmalaki sa inyong laman.

14 Subalit huwag nawang mangyari sa akin ang magmalaki, maliban sa krus ng ating Panginoong Jesu-Cristo, na sa pamamagitan nito ang sanlibutan ay ipinako sa krus para sa akin, at ako'y sa sanlibutan.

15 Sapagkat[d] ang pagtutuli o ang di-pagtutuli ay walang kabuluhan, kundi ang bagong nilalang.

16 Kapayapaan at kaawaan nawa ang sumakanilang lahat na lumalakad sa alituntuning ito, at maging sa Israel ng Diyos.

17 Buhat ngayon ay huwag akong guluhin ng sinuman; sapagkat taglay ko sa aking katawan ang mga bakas ng paghihirap ni Jesus.

18 Mga kapatid, ang biyaya ng ating Panginoong Jesu-Cristo ay sumainyo nawang espiritu. Amen.

Pagbati

Si(J) Pablo, apostol ni Cristo Jesus sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos, sa mga banal [na nasa Efeso], at sa mga mananampalataya kay Cristo Jesus:

Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo.

Mga Pagpapalang Espirituwal kay Cristo

Purihin nawa ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo, na siyang nagpapala sa atin kay Cristo ng bawat pagpapalang espirituwal sa sangkalangitan,

ayon sa pagkapili niya sa atin sa kanya bago itinatag ang sanlibutan, upang tayo'y maging banal at walang dungis sa harapan niya sa pag-ibig.

Tayo'y itinalaga sa pagkukupkop upang maging kanyang mga anak sa pamamagitan ni Jesu-Cristo, ayon sa kabutihan ng kanyang kalooban,

para sa ikapupuri ng kanyang maluwalhating biyaya, na ipinagkaloob niya ng walang bayad sa atin sa pamamagitan ng Minamahal.

Sa(K) kanya'y mayroon tayong katubusan sa pamamagitan ng kanyang dugo, na kapatawaran ng ating mga kasalanan, ayon sa mga kayamanan ng kanyang biyaya,

na pinasagana niya sa atin sa lahat ng karunungan at pagkaunawa,

na ipinaalam niya sa atin ang hiwaga ng kanyang kalooban, ayon sa mabuting layunin na kanyang itinakda kay Cristo,

10 bilang katiwala ng kaganapan ng panahon, upang tipunin ang lahat ng mga bagay kay Cristo, ang mga bagay na nasa sangkalangitan, at ang mga bagay na nasa ibabaw ng lupa;

11 sa kanya ay tumanggap din tayo ng isang mana, na itinalaga nang una pa ayon sa layunin niya na gumagawa ng lahat ng mga bagay ayon sa kanyang pasiya at kalooban;

12 upang tayo na unang umasa kay Cristo ay mabuhay upang purihin ang kanyang kaluwalhatian.

13 Sa kanya'y kayo rin naman, na nakarinig ng salita ng katotohanan, ang ebanghelyo ng inyong kaligtasan, at kayo na sumampalataya sa kanya, ay tinatakan ng ipinangakong Espiritu Santo.

14 Siya ang katibayan ng ating mana, hanggang sa ikatutubos ng pag-aari, sa ikapupuri ng kanyang kaluwalhatian.

Panalangin ni Pablo

15 Dahil dito, sapagkat narinig ko rin naman ang inyong pananampalataya sa Panginoong Jesus, at ang inyong pag-ibig sa lahat ng mga banal,

16 hindi ako tumitigil ng pagpapasalamat para sa inyo, na binabanggit kayo sa aking mga panalangin,

17 upang ang Diyos ng ating Panginoong Jesu-Cristo, ang Ama ng kaluwalhatian, ay magkaloob sa inyo ng espiritu ng karunungan at ng pahayag sa isang ganap na pagkakilala sa kanya,

18 yamang naliwanagan ang mga mata ng inyong puso, upang malaman ninyo kung ano ang pag-asa sa kanyang pagtawag, kung ano ang mga kayamanan ng kaluwalhatian ng kanyang pamana sa mga banal,

19 at kung ano ang di-masukat na kadakilaan ng kanyang kapangyarihan sa atin na sumasampalataya, ayon sa paggawa ng kapangyarihan ng kanyang lakas.

20 Kanyang(L) isinagawa ito kay Cristo, nang kanyang muling buhayin siya mula sa mga patay, at pinaupo sa kanyang kanan sa sangkalangitan,

21 higit na mataas kaysa lahat ng pamunuan, kapamahalaan, kapangyarihan, at paghahari, at sa bawat pangalan na pinangalanan, hindi lamang sa panahong ito, kundi maging sa darating na panahon.

22 At(M) kanyang inilagay ang lahat ng mga bagay sa ilalim ng kanyang mga paa, at ginawa siyang ulo ng lahat ng mga bagay sa iglesya,

23 na(N) siyang katawan niya, ang kapuspusan niya na pumupuspos ng lahat sa lahat.

Mga Patay na Binuhay

Kayo(O) noo'y mga patay sa inyong mga pagsalangsang at mga kasalanan,

na dati ninyong nilakaran, ayon sa lakad ng sanlibutang ito, ayon sa pinuno ng kapangyarihan ng himpapawid, ng espiritu na ngayon ay gumagawa sa mga anak ng pagsuway.

Tayong lahat ay dating nabuhay sa gitna ng mga ito, sa mga pagnanasa ng laman, na ating ginagawa ang mga nais ng laman at ng pag-iisip, at tayo noo'y katutubong mga anak ng kapootan, gaya naman ng mga iba.

Ngunit ang Diyos, palibhasa'y mayaman sa awa, dahil sa kanyang malaking pag-ibig sa atin,

maging noong tayo'y mga patay sa pamamagitan ng ating mga pagsuway, binuhay niya tayo kay Cristo—sa pamamagitan ng biyaya kayo'y naligtas,

at tayo'y muling binuhay na kasama niya, at pinaupong kasama niya sa sangkalangitan, kay Cristo Jesus,

upang kanyang maipakita sa mga panahong darating ang di-masukat na kayamanan ng kanyang biyaya sa kagandahang-loob sa atin sa pamamagitan ni Cristo Jesus.

Sapagkat sa biyaya kayo'y naligtas sa pamamagitan ng pananampalataya, at ito'y hindi sa pamamagitan ng inyong sarili, ito'y kaloob ng Diyos;

hindi sa pamamagitan ng mga gawa, upang ang sinuman ay huwag magmalaki.

10 Sapagkat tayo'y kanyang pinakamahusay na gawa, na nilalang kay Cristo Jesus para sa mabubuting gawa, na inihanda ng Diyos nang una pa upang siya nating lakaran.

Iisa kay Cristo

11 Kaya nga, alalahanin ninyo na noong una, kayo'y mga Hentil sa laman, tinatawag na di-tuli ng mga tinatawag na tuli sa laman, na ginawa ng mga kamay ng tao,

12 na nang panahong iyon, kayo ay walang Cristo, hiwalay sa pagiging mamamayan ng Israel, at mga dayuhan sa mga tipan ng pangako, walang pag-asa at walang Diyos sa sanlibutan.

13 Subalit ngayon ay na kay Cristo Jesus, kayo na noong una ay malayo, ay inilapit sa pamamagitan ng dugo ni Cristo.

14 Sapagkat siya ang ating kapayapaan, na kanyang pinag-isa ang dalawa, at sa pamamagitan ng kanyang laman ay giniba ang gitnang pader ng alitang humahati.

15 Kanyang(P) pinawalang-bisa ang kautusang mga batas sa mga alituntunin upang siya ay lumalang sa kanyang sarili ng isang bagong tao, kapalit ng dalawa, sa gayo'y gumagawa ng kapayapaan,

16 at(Q) kanyang papagkasunduin ang dalawa sa isang katawan sa Diyos sa pamamagitan ng krus, na sa pamamagitan niyon ay pinatay ang alitan.

17 At(R) siya'y dumating at ipinangaral ang kapayapaan sa inyo na malalayo, at kapayapaan sa mga malalapit.

18 Sapagkat sa pamamagitan niya, kapwa tayong makakalapit sa isang Espiritu patungo sa Ama.

19 Kaya nga, hindi na kayo mga dayuhan at banyaga, kundi kayo'y mga kapwa mamamayan ng mga banal at mga kaanib ng sambahayan ng Diyos,

20 na itinayo sa saligang inilagay ng mga apostol at ng mga propeta, na si Cristo Jesus ang batong panulok.

21 Sa kanya ang buong gusali ay nakalapat na mabuti at lumalaki tungo sa pagiging isang banal na templo sa Panginoon;

22 na sa kanya kayo rin ay magkasamang itinatayo upang maging tahanan ng Diyos sa Espiritu.

Ang Gawain ni Pablo sa mga Hentil

Dahil dito, akong si Pablo ay bilanggo ni Cristo Jesus alang-alang sa inyong mga Hentil,—

kung tunay na inyong narinig ang pagkakatiwala ng biyaya ng Diyos na ibinigay sa akin para sa inyo;

na sa pamamagitan ng pahayag ay ipinaalam sa akin ang hiwaga, gaya ng nauna kong isinulat sa iilang mga salita.

Sa(S) inyong pagbasa ay mauunawaan ninyo ang aking pagkaunawa sa hiwaga ni Cristo.

Sa naunang mga salinlahi ay hindi ito ipinaalam sa mga anak ng mga tao, na gaya ngayon na ipinahayag na sa kanyang mga banal na apostol at propeta sa pamamagitan ng Espiritu:

na ang mga Hentil ay mga kapwa tagapagmana, at mga bahagi ng iisang katawan, at mga kabahagi sa pangako kay Cristo Jesus sa pamamagitan ng ebanghelyo.

Tungkol sa ebanghelyong ito ako'y naging lingkod ayon sa kaloob ng biyaya ng Diyos na sa akin ay ibinigay ayon sa paggawa ng kanyang kapangyarihan.

Bagaman ako ang pinakahamak sa lahat ng mga banal, ang biyayang ito ay ibinigay sa akin upang ipangaral sa mga Hentil ang mga di-masukat na mga kayamanan ni Cristo;

at maliwanagan ang lahat ng mga tao kung ano ang pagiging katiwala sa hiwaga, na sa lahat ng panahon ay inilihim ng Diyos na lumalang ng lahat ng mga bagay,

10 upang sa pamamagitan ng iglesya ay maipaalam ngayon sa mga pinuno at sa mga kapamahalaan sa sangkalangitan ang iba't ibang anyo ng karunungan ng Diyos.

11 Ito ay ayon sa walang hanggang panukala na kanyang ginawa kay Cristo Jesus na Panginoon natin,

12 na sa kanya'y makakalapit tayo sa Diyos na may lakas ng loob at pagtitiwala sa pamamagitan ng ating pananampalataya sa kanya.

13 Kaya't hinihiling ko na huwag kayong manlupaypay sa mga pagdurusa ko dahil sa inyo, na ito'y para sa inyong kaluwalhatian.

Ang Pag-ibig ni Cristo

14 Dahil dito ay iniluluhod ko ang aking mga tuhod sa Ama,[e]

15 na sa kanya'y ipinangalan ang bawat sambahayan sa langit at sa lupa,

16 upang sa inyo'y ipagkaloob niya ayon sa kayamanan ng kanyang kaluwalhatian, na kayo'y palakasin ng kapangyarihan sa pamamagitan ng kanyang Espiritu sa pagkataong-loob;

17 upang si Cristo ay manirahan sa inyong mga puso sa pamamagitan ng pananampalataya, kung paanong kayo'y nag-uugat at tumitibay sa pag-ibig.

18 Aking idinadalangin na magkaroon kayo ng kapangyarihang matarok, kasama ng lahat ng mga banal, ang luwang, haba, taas, at lalim,

19 at upang makilala ang pag-ibig ni Cristo na higit sa kaalaman upang kayo'y mapuno ng lahat ng kapuspusan ng Diyos.

20 Ngayon, sa kanya na makakagawa ng higit na sagana kaysa lahat ng ating hinihingi o iniisip, ayon sa kapangyarihang gumagawa sa atin,

21 sumakanya nawa ang kaluwalhatian sa iglesya at kay Cristo Jesus sa lahat ng mga salinlahi, magpakailanpaman. Amen.

Pagkakaisa sa Katawan ni Cristo

Kaya't ako na bilanggo sa Panginoon ay nagsusumamo sa inyo na kayo'y lumakad ng nararapat sa pagkatawag na sa inyo'y itinawag,

na(T) may lubos na kapakumbabaan at kaamuan, may pagtitiyaga, na magparaya sa isa't isa sa pag-ibig;

na nagsisikap na mapanatili ang pagkakaisa ng Espiritu sa buklod ng kapayapaan.

May isang katawan at isang Espiritu, kung paanong tinawag kayo sa isang pag-asa ng pagkatawag sa inyo,

isang Panginoon, isang pananampalataya, isang bautismo,

isang Diyos at Ama ng lahat, na siyang nasa ibabaw ng lahat, at sumasa lahat, at nasa lahat.

Subalit sa bawat isa sa atin ay ibinigay ang biyaya ayon sa sukat ng kaloob ni Cristo.

Kaya't(U) sinasabi,

“Nang umakyat siya sa itaas ay dinala niyang bihag ang pagkabihag,
    at nagbigay siya ng mga kaloob sa mga tao.”

(Nang sabihing, “Umakyat siya,” anong ibig sabihin nito, kundi siya'y bumaba rin sa mas mababang bahagi ng lupa?

10 Ang bumaba ay siya ring umakyat sa kaitaasan ng sangkalangitan upang kanyang mapuspos ang lahat ng mga bagay.)

11 Pinagkalooban niya ang iba na maging mga apostol, ang iba'y propeta, ang iba'y ebanghelista, at ang iba'y pastor at mga guro;

12 upang ihanda ang mga banal sa gawain ng paglilingkod, sa ikatitibay ng katawan ni Cristo,

13 hanggang makarating tayong lahat sa pagkakaisa ng pananampalataya, at sa ganap na pagkakilala sa Anak ng Diyos, hanggang maging taong may sapat na gulang, hanggang sa sukat ng ganap na kapuspusan ni Cristo.

14 Tayo'y huwag nang maging mga bata, na tinatangay-tangay ng mga alon at dinadala-dala ng bawat hangin ng aral, sa pamamagitan ng pandaraya ng mga tao, sa pamamagitan ng kanilang mga katusuhan sa paraang mapandaya.

15 Kundi humahawak sa katotohanan na may pag-ibig, lumago tayong lahat sa kanya, na siyang ulo, samakatuwid ay si Cristo,

16 na(V) sa kanya ang buong katawan na nakalapat na mabuti at nagkakaisa sa pamamagitan ng bawat litid, ayon sa paggawa sa sukat ng bawat bahagi ay nagpapalaki sa katawan tungo sa ikatitibay ng sarili sa pag-ibig.

Ang Bagong Buhay kay Cristo

17 Kaya't sinasabi ko ito at pinatototohanan sa Panginoon, na kayo'y hindi na dapat lumakad na gaya ng lakad ng mga Hentil, sa kawalang-saysay ng kanilang mga pag-iisip.

18 Nagdilim ang kanilang mga pang-unawa, palibhasa'y nahiwalay sa buhay ng Diyos, dahil sa kanilang kamangmangan, dahil sa katigasan ng kanilang mga puso;

19 sila'y naging manhid at ibinigay ang kanilang sarili sa kahalayan, sakim sa paggawa ng bawat uri ng karumihan.

20 Ngunit hindi sa gayong paraan ninyo natutunan si Cristo!

21 Kung tunay na siya'y inyong narinig at tinuruan sa kanya, kung paanong ang katotohanan ay na kay Jesus,

22 alisin(W) ninyo ang dating paraan ng inyong pamumuhay, ang dating pagkatao na pinasama sa pamamagitan ng mapandayang pagnanasa,

23 at magbago sa espiritu ng inyong pag-iisip,

24 at(X) kayo'y magbihis ng bagong pagkatao, na nilalang ayon sa wangis ng Diyos, sa katuwiran at kabanalan ng katotohanan.

25 Kaya't(Y) pagkatapos itakuwil ang kasinungalingan, ang bawat isa ay magsalita ng katotohanan sa kanyang kapwa, sapagkat tayo'y mga bahagi ng isa't isa.

26 Magalit(Z) kayo ngunit huwag magkasala; huwag hayaang lubugan ng araw ang inyong galit,

27 at huwag bigyan ng pagkakataon ang diyablo.

28 Ang nagnanakaw ay huwag nang magnakaw pa, kundi magtrabaho at gumawa siya sa pamamagitan ng kanyang sariling mga kamay ng mabuting bagay, upang siya'y may maibahagi sa nangangailangan.

29 Anumang masamang salita ay hindi dapat lumabas sa inyong bibig, kundi ang mabuti lamang para sa ikatitibay,[f] ayon sa pangangailangan, upang ito ay makapagbigay ng biyaya sa mga nakikinig.

30 At huwag ninyong pighatiin ang Espiritu Santo ng Diyos, na sa pamamagitan niya kayo'y tinatakan para sa araw ng pagtubos.

31 Lahat ng pait, galit, poot, pag-aaway, at paninirang-puri ay inyong alisin, pati lahat ng kasamaan,

32 at(AA) maging mabait kayo sa isa't isa, mga mahabagin, nagpapatawad sa isa't isa, gaya ng pagpapatawad sa inyo ng Diyos kay Cristo.

Lumakad sa Liwanag

Kaya kayo'y tumulad sa Diyos, gaya ng mga anak na minamahal,

at(AB) lumakad kayo sa pag-ibig, gaya ng pag-ibig ni Cristo sa atin at ibinigay ang kanyang sarili para sa atin bilang handog at alay sa Diyos upang maging samyo ng masarap na amoy.

Ngunit ang pakikiapid, ang lahat ng karumihan, o kasakiman, ay huwag sanang mabanggit sa inyo, gaya ng nararapat sa mga banal.

Gayundin ang karumihan at hangal na pagsasalita, o mga pagbibiro na di-nararapat, kundi ang pagpapasalamat.

Sapagkat inyong nalalaman na bawat mapakiapid, o mahalay, o sakim, na sumasamba sa mga diyus-diyosan, ay walang mamanahin sa kaharian ni Cristo at ng Diyos.

Huwag kayong padaya sa mga salitang walang katuturan, sapagkat dahil sa mga bagay na ito'y dumarating ang galit ng Diyos sa mga anak ng pagsuway.

Kaya't huwag kayong makibahagi sa kanila;

sapagkat kayo'y dating kadiliman, subalit ngayon ay liwanag sa Panginoon. Lumakad kayong gaya ng mga anak ng liwanag—

(sapagkat ang bunga ng liwanag ay nasa lahat ng mabuti, matuwid at katotohanan)

10 na inaalam kung ano ang kalugud-lugod sa Panginoon.

11 At huwag kayong makibahagi sa mga gawa ng kadiliman na walang ibubunga, kundi inyong ilantad ang mga ito.

12 Sapagkat ang mga bagay na palihim nilang ginagawa ay kahiya-hiyang sabihin,

13 subalit ang lahat ng mga bagay na inilantad sa pamamagitan ng liwanag ay nakikita,

14 sapagkat anumang bagay na nakikita ay liwanag. Kaya't sinasabi, “Gumising ka, ikaw na natutulog, at bumangon mula sa mga patay, at si Cristo ay magliliwanag sa iyo.”

15 Kaya't maging maingat kayo sa inyong paglakad, hindi gaya ng mga mangmang, kundi gaya ng marurunong,

16 na(AC) sinasamantala ang panahon, sapagkat ang mga araw ay masasama.

17 Kaya't huwag kayong maging mga hangal, kundi unawain ninyo kung ano ang kalooban ng Panginoon.

18 Huwag kayong magpakalasing sa alak, na ito ay labis na kahalayan, kundi mapuno kayo ng Espiritu.

19 Kayo'y(AD) magsalita sa isa't isa sa mga awit at mga himno at mga awiting espirituwal, na sa inyong mga puso ay nag-aawitan at gumagawa ng himig sa Panginoon,

20 laging nagpapasalamat sa lahat ng mga bagay sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Cristo, sa Diyos na ating Ama.

Ang Relasyong Mag-asawa

21 Pasakop kayo sa isa't isa dahil sa takot kay Cristo.

22 Mga(AE) asawang babae, pasakop kayo sa inyu-inyong mga asawa, gaya ng pagpapasakop ninyo sa Panginoon.

23 Sapagkat ang asawang lalaki ang ulo ng asawang babae, gaya ni Cristo na ulo ng iglesya, na siya ang tagapagligtas ng katawan.

24 Subalit kung paanong ang iglesya ay napapasakop kay Cristo, gayundin ang mga asawang babae sa kanilang mga asawa sa lahat ng mga bagay.

25 Mga(AF) asawang lalaki, mahalin ninyo ang inyu-inyong mga asawa, gaya ni Cristo na nagmahal sa iglesya, at ibinigay ang kanyang sarili alang-alang sa kanya;

26 upang kanyang pakabanalin siya, na nilinis sa pamamagitan ng paghuhugas ng tubig sa salita,

27 upang kanyang maiharap sa kanyang sarili ang isang maluwalhating iglesya, na walang batik, o kulubot, o anumang gayong bagay, kundi siya ay maging banal at walang dungis.

28 Gayundin naman, nararapat ibigin ng mga asawang lalaki ang kanya-kanyang sariling asawa gaya ng kanilang sariling mga katawan. Ang umiibig sa kanyang sariling asawa ay umiibig sa kanyang sarili.

29 Sapagkat walang sinumang napoot sa kanyang sariling katawan, kundi inaalagaan at iniingatan ito, gaya naman ni Cristo sa iglesya;

30 sapagkat tayo ay mga bahagi ng kanyang katawan.

31 Dahil(AG) dito iiwan ng lalaki ang kanyang ama at ina, magsasama sila ng kanyang asawa, at ang dalawa ay magiging isang laman.

32 Ang hiwagang ito ay dakila, subalit ako ay nagsasalita tungkol kay Cristo at sa iglesya.

33 Gayunman, dapat ibigin ng bawat isa sa inyo ang kanyang sariling asawa gaya ng kanyang sarili, at igalang ng babae ang kanyang asawa.

Mga Anak at mga Magulang

Mga(AH) anak, sundin ninyo ang inyong mga magulang sa Panginoon, sapagkat ito'y matuwid.

“Igalang(AI) mo ang iyong ama at ina”—ito ang unang utos na may pangako,

“upang maging mabuti ang inyong kalagayan at ikaw ay mabuhay nang matagal sa ibabaw ng lupa.”

At(AJ) mga ama, huwag ninyong ibunsod sa galit ang inyong mga anak, kundi akayin ninyo sila sa pagsasanay at pangaral ng Panginoon.

Mga Alipin at mga Panginoon

Mga(AK) alipin, sundin ninyo ang inyong mga panginoon sa laman na may takot at panginginig, sa katapatan ng inyong puso, na gaya ng kay Cristo,

hindi ang paglilingkod sa paningin, na gaya ng pagbibigay-lugod sa mga tao, kundi gaya ng mga alipin ni Cristo, na ginagawa ang kalooban ng Diyos mula sa puso,

naglilingkod na may mabuting kalooban, na gaya ng paglilingkod sa Panginoon, at hindi sa mga tao,

yamang nalalaman na anumang mabuting bagay na gawin ng bawat tao, ito ay kanyang muling tatanggapin mula sa Panginoon, maging alipin o malaya.

At(AL) mga panginoon, gayundin ang inyong gawin sa kanila, iwasan ang pananakot yamang nalalaman ninyo na kayo ay may iisang Panginoon sa langit, at siya'y walang itinatanging tao.

Ang Buong Kasuotang Pandigma

10 Sa kahuli-hulihan, patuloy kayong magpakalakas sa Panginoon, at sa kapangyarihan ng kanyang lakas.

11 Isuot ninyo ang buong kasuotang pandigma ng Diyos upang kayo'y makatagal laban sa mga pakana ng diyablo.

12 Sapagkat ang ating pakikipaglaban ay hindi laban sa laman at dugo, kundi laban sa mga pinuno, laban sa mga may kapangyarihan, laban sa mga kapangyarihang di-nakikita na naghahari sa sanlibutan sa kadilimang ito, laban sa hukbong espirituwal ng kasamaan sa kalangitan.

13 Kaya't kunin ninyo ang buong baluti ng Diyos, upang kayo'y makatagal sa araw na masama, at kung magawa na ninyo ang lahat ay tumayong matatag.

14 Kaya't(AM) tumindig kayo, na ang inyong mga baywang ay nabibigkisan ng katotohanan na suot ang baluti ng katuwiran,

15 at(AN) nakasuot sa inyong mga paa ang pagiging handa para sa ebanghelyo ng kapayapaan.

16 Kasama ng lahat ng mga ito, taglayin ninyo ang kalasag ng pananampalataya, na sa pamamagitan nito ay inyong masusugpo ang mga nag-aapoy na palaso ng masama.

17 At(AO) taglayin ninyo ang helmet ng kaligtasan, at ang tabak ng Espiritu, na siyang salita ng Diyos.

18 Manalangin kayo sa Espiritu sa lahat ng panahon sa bawat panalangin at pagsamo. At sa bagay na ito ay maging handa na may buong pagtitiyaga at pagsusumamo para sa lahat ng mga banal.

19 Idalangin din ninyo ako upang ako'y pagkalooban ng pananalita sa pagbubukas ng aking bibig, upang ipahayag na may katapangan ang hiwaga ng ebanghelyo,

20 na dahil dito ako'y isang sugong may tanikala; upang ito'y aking maipahayag na may katapangan gaya ng nararapat na aking sabihin.

Pangwakas na Pagbati

21 At(AP) (AQ) upang malaman din ninyo ang mga bagay tungkol sa akin at ang aking kalagayan, si Tiquico ang siyang magsasalaysay sa inyo ng lahat ng mga bagay. Siya na aking minamahal na kapatid at tapat na lingkod sa Panginoon.

22 Isinusugo ko siya sa inyo para sa bagay na ito, upang malaman ninyo ang mga bagay tungkol sa amin, at upang kanyang pasiglahin ang inyong mga puso.

23 Kapayapaan nawa sa mga kapatid, at pag-ibig na may pananampalataya mula sa Diyos Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo.

24 Ang biyaya nawa'y sumakanilang lahat na mayroong pag-ibig na di-kumukupas sa ating Panginoong Jesu-Cristo.[g]

Pagbati

Si(AR) Pablo at si Timoteo, na mga alipin ni Cristo Jesus, sa lahat ng mga banal kay Cristo Jesus na nasa Filipos, kasama ang mga obispo at ang mga diakono:[h]

Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo.

Panalangin ni Pablo para sa mga Taga-Filipos

Ako'y nagpapasalamat sa aking Diyos tuwing kayo'y aking naaalala,

na laging nananalanging may kagalakan sa bawat panalangin ko para sa inyong lahat,

dahil sa inyong pakikibahagi sa pagpapalaganap ng ebanghelyo, mula nang unang araw hanggang ngayon.

Ako'y panatag sa bagay na ito, na ang nagpasimula sa inyo ng mabuting gawa ay siyang magtatapos nito hanggang sa araw ni Jesu-Cristo.

Matuwid na aking isipin ang gayon tungkol sa inyong lahat, sapagkat kayo'y nasa aking puso,[i] yamang kayong lahat ay kabahagi ko sa biyaya, sa aking mga tanikala, at sa pagtatanggol at pagpapatunay sa ebanghelyo.

Sapagkat saksi ko ang Diyos, kung gaano ang pananabik ko sa inyong lahat sa pagmamahal[j] ni Cristo Jesus.

Idinadalangin ko na ang inyong pag-ibig ay lalo pang sumagana sa kaalaman at sa lahat ng pang-unawa;

10 upang inyong makilala ang mga bagay na magaling; at kayo'y maging mga tapat at walang kapintasan hanggang sa araw ni Cristo;

11 na mapuspos ng mga bunga ng katuwiran, sa pamamagitan ni Jesu-Cristo, sa kaluwalhatian at kapurihan ng Diyos.

Ang Mabuhay ay si Cristo

12 Ibig kong malaman ninyo, mga kapatid, na ang mga bagay na nangyari sa akin ay nakatulong sa paglago ng ebanghelyo,

13 anupa't(AS) ang aking mga tanikala kay Cristo ay nahayag sa lahat ng mga bantay ng pretorio, at sa mga iba pa,

14 at ang karamihan sa mga kapatid sa Panginoon, na nagkaroon ng tiwala dahil sa aking mga tanikala ay lalong nagkaroon ng katapangang ipahayag ng walang takot ang salita ng Diyos.

15 Tunay na ipinangangaral ng iba si Cristo dahil sa pagkainggit at sa pakikipagpaligsahan, ngunit ang iba naman ay dahil sa mabuting kalooban.

16 Ang huli ay gumagawa dahil sa pag-ibig, palibhasa'y nalalaman na ako'y itinalaga sa pagtatanggol sa ebanghelyo;

17 ngunit ipinangangaral ng una si Cristo dahil sa pagkakampi-kampi, hindi sa katapatan, na ang hangarin ay dagdagan ng hirap ang aking mga tanikala.

18 Ano nga? Kahit sa anumang paraan, maging sa pagkukunwari o sa katotohanan, ay ipinahahayag si Cristo; at sa ganito'y nagagalak ako. Oo, at ako'y patuloy na magagalak,

19 sapagkat nalalaman ko na ang kahihinatnan nito'y sa aking ikaliligtas, sa pamamagitan ng inyong mga panalangin at sa saganang tulong ng Espiritu ni Jesu-Cristo.

20 Ayon sa aking lubos na inaasahan at pag-asa, na sa anuman ay hindi ako mapapahiya, kundi sa buong katapangan, na gaya ng dati, gayundin naman ngayon, ay dadakilain si Cristo sa aking katawan, maging sa pamamagitan ng buhay, o sa pamamagitan ng kamatayan.

21 Sapagkat sa ganang akin ang mabuhay ay si Cristo, at ang mamatay ay pakinabang.

22 Ngunit kung ako ay mabubuhay sa laman, ito'y magiging mabungang pagpapagal para sa akin. Ngunit hindi ko alam kung alin ang aking pipiliin.

23 Sapagkat ako'y naiipit sa pagitan ng dalawa: ang aking nais ay umalis at makasama si Cristo, sapagkat ito'y higit na mabuti.

24 Gayunma'y ang manatili sa laman ay higit na kailangan dahil sa inyo.

25 At sa paniniwalang ito, aking nalalaman na ako'y mananatili at magpapatuloy na kasama ninyong lahat, sa ikasusulong ninyo at ikagagalak sa pananampalataya;

26 upang sumagana ang inyong pagmamapuri kay Cristo Jesus sa akin sa pamamagitan ng aking muling pagharap sa inyo.

27 Ang inyo lamang pamumuhay ay maging karapat-dapat sa ebanghelyo ni Cristo, na kahit ako ay dumating at kayo'y makita, o wala man sa harap ninyo at mabalitaan ko ang mga bagay patungkol sa inyo na kayo'y naninindigan sa isang espiritu, na may isang isipan na magkakasamang nagsisikap para sa pananampalataya ng ebanghelyo,

28 at sa anuman ay huwag kayong matakot sa inyong mga kaaway. Para sa kanila ito ay tanda ng kanilang kapahamakan, ngunit ng inyong kaligtasan, at ito'y mula sa Diyos.

29 Sapagkat sa inyo'y ipinagkaloob alang-alang kay Cristo, hindi lamang ang manampalataya sa kanya, kundi ang magtiis din naman alang-alang sa kanya,

30 yamang(AT) taglay ninyo ang gayunding pakikipaglaban na inyong nakita sa akin, at ngayo'y nababalitaan ninyo tungkol sa akin.

Tularan ang Pagpapakumbaba ni Cristo

Kaya nga kung mayroong anumang kasiglahan kay Cristo, kung mayroong anumang kaaliwan ng pag-ibig, kung mayroong anumang pakikisama ng Espiritu, kung mayroong anumang pagkagiliw at habag,

ay lubusin ninyo ang aking tuwa sa pagkakaroon ng gayunding pag-iisip, magtaglay ng gayunding pag-ibig, na magkaisa ng diwa, at may isa lamang pag-iisip.

Huwag ninyong gawin ang anuman sa pagpapaligsahan o pagmamataas, kundi sa kababaan, ituring na ang iba ay higit na mabuti kaysa inyong sarili.

Huwag tingnan ng bawat isa sa inyo ang kanyang sariling kapakanan, kundi ang kapakanan ng iba.

Magkaroon kayo sa inyo ng ganitong pag-iisip na na kay Cristo Jesus din naman,

na siya, bagama't nasa anyo ng Diyos,
    ay hindi niya itinuring na isang bagay na dapat panghawakan
    ang pagiging kapantay ng Diyos,
kundi hinubaran niya ang kanyang sarili
    at kinuha ang anyong alipin
    na naging katulad ng tao.
At palibhasa'y natagpuan sa anyo ng tao,
    siya'y nagpakababa sa kanyang sarili,
    at naging masunurin hanggang sa kamatayan,
    maging sa kamatayan man sa krus.
Kaya siya naman ay itinaas ng Diyos,
    at siya'y binigyan ng pangalang higit sa lahat ng pangalan;
10 upang(AU) sa pangalan ni Jesus
    ay lumuhod ang bawat tuhod,
    sa langit at sa lupa, at sa ilalim ng lupa,
11 at ipahayag ng bawat dila
    na si Jesu-Cristo ay Panginoon,
    sa ikaluluwalhati ng Diyos Ama.

Magsilbing Ilaw sa Sanlibutan

12 Kaya nga, mga minamahal ko, kung paanong lagi ninyo akong sinusunod, hindi lamang sa harapan ko, kundi higit ngayon na ako'y hindi ninyo kasama, ay isagawa ninyo ang inyong sariling kaligtasan na may takot at panginginig;

13 sapagkat Diyos ang gumagawa sa inyo maging sa pagnanais at sa paggawa, para sa kanyang mabuting kalooban.

14 Gawin ninyo ang lahat ng mga bagay na walang pabulong-bulong at pagtatalo,

15 upang(AV) kayo'y maging walang sala at walang malay, mga anak ng Diyos na walang dungis sa gitna ng isang salinlahing liko at masama, na sa gitna nila'y lumiliwanag kayong tulad ng mga ilaw sa sanlibutan,

16 na nanghahawakan sa salita ng buhay upang may ipagkapuri ako sa araw ni Cristo, na hindi ako tumakbo nang walang kabuluhan ni nagpagal man nang walang kabuluhan.

17 Oo, kahit ako'y ibuhos bilang inuming handog sa ibabaw ng alay at paglilingkod ng inyong pananampalataya, ako'y natutuwa at nakikigalak sa inyong lahat.

18 At sa gayunding paraan kayo'y natutuwa at nakikigalak sa akin.

Sina Timoteo at Epafrodito

19 Ngunit umaasa ako sa Panginoong Jesus na suguin kaagad sa inyo si Timoteo, upang ako naman ay mapanatag sa pagkaalam ko ng mga bagay tungkol sa inyo.

20 Sapagkat wala akong sinuman na katulad niya na tunay na magmamalasakit sa inyong kapakanan.

21 Sapagkat pinagsisikapan nilang lahat ang para sa kanilang sariling kapakanan, hindi ang mga bagay ni Jesu-Cristo.

22 Ngunit nalalaman ninyong subok na si Timoteo,[k] kung paanong naglilingkod ang anak sa ama ay kasama ko siyang naglingkod sa ebanghelyo.

23 Siya nga ang aking inaasahang suguin kaagad, kapag nakita ko kung ano ang mangyayari sa akin.

24 At nagtitiwala ako sa Panginoon na di-magtatagal at makakarating din naman ako.

25 Ngunit iniisip kong kailangan pa ring isugo sa inyo si Epafrodito, na aking kapatid, kamanggagawa, at kapwa kawal, ang inyong sugo at lingkod para sa aking pangangailangan.

26 Yamang siya'y nananabik sa inyong lahat at siya'y namanglaw, sapagkat inyong nabalitaan na siya'y nagkasakit.

27 Totoo ngang nagkasakit siya na malapit nang mamatay. Ngunit kinahabagan siya ng Diyos; at hindi lamang siya kundi pati ako, upang ako'y huwag magkaroon ng patung-patong na kalungkutan.[l]

28 Kaya't higit akong masigasig na suguin siya, upang, pagkakitang muli ninyo sa kanya, kayo'y magalak at mabawasan ang aking kalungkutan.

29 Kaya tanggapin ninyo siya sa Panginoon nang buong galak; at ang gayong mga tao ay parangalan ninyo,

30 sapagkat dahil sa pagpapagal kay Cristo ay nabingit siya sa kamatayan, na isinusuong sa panganib ang kanyang buhay upang punan ang kakulangan sa inyong paglilingkod sa akin.

Paghiwalay sa Nakaraan

Kahuli-hulihan, mga kapatid ko, magalak kayo sa Panginoon. Ang sumulat sa inyo ng gayunding mga bagay ay hindi kalabisan sa akin kundi para sa inyong ikaliligtas.

Mag-ingat kayo sa mga aso, mag-ingat kayo sa masasamang manggagawa, mag-ingat kayo sa mga hindi totoong pagtutuli.[m]

Sapagkat tayo ang pagtutuli, na sumasamba sa Diyos sa espiritu at nagmamapuri kay Cristo Jesus, at walang anumang pagtitiwala sa laman—

bagama't ako'y may dahilang magtiwala rin sa laman. Kung ang iba ay may dahilang magtiwala sa laman, ay lalo na ako:

tinuli(AW) nang ikawalong araw, mula sa lahi ng Israel, mula sa lipi ni Benjamin, isang Hebreo na isinilang ng Hebreo; tungkol sa kautusan, ay Fariseo,

tungkol(AX) sa sigasig, ay taga-usig ng iglesya; ayon sa katuwirang nasa kautusan ay walang kapintasan.

Gayunman ang mga bagay na sa akin ay naging pakinabang, ay inari kong kalugihan, alang-alang kay Cristo.

Higit pa roon, ang lahat ng mga bagay ay inaari kong kalugihan dahil sa higit na kahalagahan na makilala si Cristo Jesus na Panginoon ko. Alang-alang sa kanya'y tiniis ko ang kalugihan ng lahat ng mga bagay, at inari kong basura lamang, upang makamit ko si Cristo,

at ako'y matagpuan sa kanya, na walang sarili kong katuwiran na mula sa kautusan, kundi ang katuwiran sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo, ang katuwirang buhat sa Diyos na batay sa pananampalataya;

10 upang makilala ko siya, at ang kapangyarihan ng kanyang muling pagkabuhay at ang pakikisama sa kanyang mga kahirapan, na ako'y matulad sa kanya sa kanyang kamatayan,

11 upang aking makamit sa anumang paraan ang muling pagkabuhay mula sa mga patay.

Pagpapatuloy sa Mithiin

12 Hindi sa ito'y aking nakamit na, o ako'y sakdal na; kundi nagpapatuloy ako upang iyon ay aking maabot, kung paanong ako ay inabot din ni Cristo Jesus.

13 Mga kapatid, hindi ko pa inaaring naabot ko na, ngunit isang bagay ang ginagawa ko, nililimot ko ang mga bagay na nasa likuran, at tinutungo ang mga bagay na hinaharap,

14 nagpapatuloy ako tungo sa mithiin para sa gantimpala ng dakilang pagtawag ng Diyos kay Cristo Jesus.

15 Kaya nga, tayong nasa hustong gulang ay magkaroon ng parehong kaisipan; at kung iba ang inyong iniisip tungkol sa anumang bagay, ito rin ay ipahahayag sa inyo ng Diyos.

16 Lamang, panghawakan natin ang ating naabot na.

17 Mga(AY) kapatid, kayo'y magkaisang tumulad sa akin, at tandaan ninyo ang mga lumalakad ng gayon, ayon sa halimbawang nakikita ninyo sa amin.

18 Sapagkat marami ang mga lumalakad na siyang madalas kong sabihin sa inyo, at ngayo'y sinasabi ko sa inyo na may pagluha, na sila ang mga kaaway ng krus ni Cristo.

19 Ang kanilang kahihinatnan ay kapahamakan, ang kanilang tiyan ang kanilang diyos, at ang kanilang kahihiyan ang kanilang kapurihan, na nakatuon ang isip sa mga bagay na makalupa.

20 Sapagkat ang ating pagkamamamayan ay nasa langit; mula roon ay hinihintay naman natin ang Tagapagligtas, ang Panginoong Jesu-Cristo,

21 na siyang magbabago ng ating hamak na katawan upang maging katulad ng katawan ng kanyang kaluwalhatian, ayon sa kapangyarihan na kumikilos sa kanya upang maipailalim sa kanyang sarili ang lahat ng mga bagay.

Kaya nga, mga kapatid kong minamahal at pinananabikan, aking katuwaan at putong, magpakatibay kayo sa Panginoon, mga minamahal ko.

Mga Pangaral

Nakikiusap ako kina Euodias at Sintique, na magkaisa sila ng pag-iisip sa Panginoon.

Oo, nakikiusap din naman ako sa iyo, tapat na katuwang sa pasanin na iyong tulungan ang mga babaing ito, sapagkat sila'y nagpagal na kasama ko sa ebanghelyo, at kasama rin naman ni Clemente, at ng ibang aking mga kamanggagawa, na ang kanilang pangalan ay nasa aklat ng buhay.

Magalak kayong lagi sa Panginoon; muli kong sasabihin, Magalak kayo.

Malaman nawa ng lahat ng mga tao ang inyong kahinahunan. Ang Panginoon ay malapit na.

Huwag kayong mabalisa sa anumang bagay; kundi sa lahat ng mga bagay, sa pamamagitan ng panalangin at pagsamo na may pagpapasalamat ay ipaalam ninyo ang inyong mga kahilingan sa Diyos.

At ang kapayapaan ng Diyos, na hindi maabot ng pag-iisip, ang mag-iingat ng inyong mga puso at mga pag-iisip kay Cristo Jesus.

Kahuli-hulihan, mga kapatid, anumang bagay na totoo, anumang bagay na kagalang-galang, anumang bagay na matuwid, anumang bagay na malinis, anumang bagay na kaibig-ibig, anumang bagay na kapuri-puri, kung mayroong anumang kagalingan, at kung may anumang nararapat papurihan, ay isipin ninyo ang mga bagay na ito.

Ang mga bagay na inyong natutunan, tinanggap, narinig at nakita sa akin, ang mga bagay na ito ang gawin ninyo; at ang Diyos ng kapayapaan ay sasainyo.

Pasasalamat sa Kaloob ng mga Taga-Filipos

10 Ako'y totoong nagagalak sa Panginoon, na ngayon sa wakas ay inyong muling binuhay ang inyong pagmamalasakit sa akin; na dito'y katotohanang nagkaroon kayo ng malasakit, ngunit wala kayong pagkakataon.

11 Hindi sa nagsasalita ako dala ng pangangailangan, sapagkat aking natutunan ang masiyahan sa anumang kalagayang aking kinaroroonan.

12 Marunong akong magpakababa, at marunong din akong magpakasagana; sa bawat bagay at sa lahat ng bagay ay natutunan ko ang lihim sa kabusugan, at maging sa kagutuman, at maging sa kasaganaan at maging sa kasalatan.

13 Lahat ng mga bagay ay aking magagawa sa pamamagitan niyang nagpapalakas sa akin.

14 Gayunman ay mabuti ang inyong ginawa na kayo'y nakiramay sa aking kapighatian.

15 At kayong mga taga-Filipos, nalalaman naman ninyo, na nang pasimula ng ebanghelyo, nang ako'y umalis sa Macedonia, wala ni isang iglesya na nakipagkaisa sa akin sa pagbibigay at pagtanggap kundi kayo lamang;

16 sapagkat(AZ) (BA) kahit ako'y nasa Tesalonica ay nagpapadala kayong minsan at muli para sa aking kailangan.

17 Hindi sa ako'y naghahanap ng kaloob; kundi hinahanap ko ang bunga na dumarami para sa inyo.

18 Ngunit(BB) mayroon ako ng lahat ng bagay at sumasagana; ako'y busog, palibhasa'y tumanggap kay Epafrodito ng mga bagay na galing sa inyo na mabangong samyo, isang handog na kaaya-aya at kalugud-lugod sa Diyos.

19 At pupunuan ng aking Diyos ang bawat kailangan ninyo ayon sa kanyang mga kayamanan sa kaluwalhatian kay Cristo Jesus.

20 Ngayon, nawa'y sumaating Diyos at Ama ang kaluwalhatian magpakailanman. Amen.

Mga Pagbati at Basbas

21 Batiin ninyo ang bawat banal kay Cristo Jesus. Binabati kayo ng mga kapatid na kasama ko.

22 Binabati kayo ng lahat ng mga banal, lalung-lalo na ng mga kasambahay ni Cesar.

23 Sumainyo nawang espiritu ang biyaya ng Panginoong Jesu-Cristo.[n]

Pagbati

Si Pablo, na apostol ni Cristo-Jesus sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos, at si Timoteo na ating kapatid,

Sa mga banal at tapat na mga kapatid kay Cristo na nasa Colosas: Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama.

Pasasalamat para sa mga Taga-Colosas

Lagi kaming nagpapasalamat sa Diyos na Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo, sa aming pananalangin para sa inyo,

sapagkat nabalitaan namin ang inyong pananampalataya kay Cristo Jesus, at ang pag-ibig ninyo sa lahat ng mga banal,

dahil sa pag-asa na nakalaan para sa inyo sa langit, na inyong narinig noong una sa salita ng katotohanan, ang ebanghelyo,

na dumating sa inyo. Gayundin naman kung paanong ito ay namumunga at lumalago sa buong sanlibutan, ay gayundin naman sa inyo, mula nang araw na inyong marinig at maunawaan ang biyaya ng Diyos sa katotohanan.

Ito(BC) ay inyong natutunan kay Epafras na aming minamahal na kapwa alipin. Siya ay isang tapat na lingkod ni Cristo alang-alang sa inyo,[o]

at siya rin namang sa amin ay nagpahayag ng inyong pag-ibig sa Espiritu.

Kaya't mula nang araw na aming marinig ito, hindi kami tumigil ng pananalangin para sa inyo at sa paghiling na kayo'y punuin ng kaalaman ng kanyang kalooban sa buong karunungan at pagkaunawang espirituwal,

10 upang kayo'y lumakad nang nararapat sa Panginoon, na lubos na nakakalugod sa kanya, namumunga sa bawat gawang mabuti, at lumalago sa pagkakilala sa Diyos.

11 Nawa'y palakasin kayo sa buong kapangyarihan, ayon sa kalakasan ng kanyang kaluwalhatian, para sa lahat ng katatagan at pagtitiyaga na may galak;

12 na nagpapasalamat sa Ama, na ginawa niya tayong karapat-dapat na makabahagi sa mana ng mga banal sa kaliwanagan.

13 Iniligtas niya tayo sa kapangyarihan ng kadiliman at inilipat tayo sa kaharian ng kanyang minamahal na Anak,

14 na(BD) sa kanya ay mayroon tayong katubusan, na siyang kapatawaran ng mga kasalanan.[p]

Si Cristo ang Pangunahin sa Lahat ng Bagay

15 Siya ang larawan ng Diyos na hindi nakikita, ang panganay sa lahat ng mga nilalang;

16 sapagkat sa pamamagitan niya nilalang ang lahat ng mga bagay sa langit at sa lupa, ang mga bagay na nakikita at ang mga bagay na hindi nakikita, maging mga trono o mga pagka-panginoon, maging mga pinuno o mga may kapangyarihan—lahat ng mga bagay ay nilalang sa pamamagitan niya at para sa kanya.

17 Siya mismo ay una sa lahat ng mga bagay, at ang lahat ng mga bagay ay nahahawakang sama-sama sa kanya.[q]

18 Siya(BE) ang ulo ng katawan, ang iglesya; siya ang pasimula, ang panganay mula sa mga patay, upang siya ay maging pangunahin sa lahat ng mga bagay.

19 Sapagkat minagaling na ang buong kapuspusan ay manirahan sa kanya,

20 at(BF) sa pamamagitan niya ay pagkasunduin ng Diyos sa kanyang sarili ang lahat ng mga bagay, sa lupa man o sa langit, na ginagawa ang kapayapaan sa pamamagitan ng dugo ng kanyang krus.

21 At kayo, na nang dati ay hiwalay at mga kaaway sa pag-iisip, sa pamamagitan ng masasamang gawa,

22 ay pinakipagkasundo niya ngayon sa kanyang katawang laman, sa pamamagitan ng kamatayan, upang kayo'y iharap na mga banal at walang dungis at walang kapintasan sa harapan niya,

23 kung kayo'y nagpapatuloy na matatag at matibay sa pananampalataya, at hindi nakikilos sa pag-asa sa ebanghelyo na inyong narinig, na ipinangaral sa lahat ng mga nilalang sa silong ng langit. Akong si Pablo ay naging ministro ng ebanghelyong ito.

Pagmamalasakit ni Pablo sa Iglesya

24 Ngayo'y nagagalak ako sa aking mga pagtitiis alang-alang sa inyo, at sa aking laman ay pinupunan ko ang kakulangan sa mga paghihirap ni Cristo alang-alang sa kanyang katawan, na siyang iglesya.

25 Ako'y naging ministro nito, ayon sa katungkulang ipinagkatiwala ng Diyos sa akin para sa inyo, upang lubos na maipahayag ang salita ng Diyos,

26 ang hiwaga na nakatago sa lahat ng mga panahon at mga salinlahi, ngunit ngayo'y ipinahayag sa kanyang mga banal.

27 Sa kanila'y ninais ng Diyos na ipaalam kung gaano kalaki ang mga kayamanan ng kaluwalhatian ng hiwagang ito sa gitna ng mga Hentil, na ito'y si Cristo na nasa inyo, na siyang pag-asa sa kaluwalhatian.

28 Siya ang aming ipinahahayag, na binabalaan ang bawat tao at tinuturuan ang bawat tao, sa buong karunungan, upang ang lahat ay maiharap naming sakdal kay Cristo.

29 Dahil dito'y nagpapagal din naman ako at nagsisikap ayon sa kanyang paggawa na gumagawa sa akin na may kapangyarihan.

Sapagkat ibig kong malaman ninyo kung gaano kalaki ang aking pagsisikap alang-alang sa inyo, at sa mga nasa Laodicea, at sa lahat na hindi pa nakakita sa akin nang mukhaan.

Upang maaliw sana ang kanilang mga puso, sa kanilang pagkakaisa sa pag-ibig, at magkaroon ang lahat ng mga kayamanan ng buong katiyakan ng pagkaunawa, at magkaroon ng kaalaman ng hiwaga ng Diyos, na si Cristo,

na sa kanya nakatago ang lahat ng mga kayamanan ng karunungan at kaalaman.

Ito'y sinasabi ko upang huwag kayong madaya ng sinuman sa mga pananalitang kaakit-akit.

Sapagkat bagaman ako'y wala sa katawan, gayunma'y nasa inyo ako sa espiritu, at nagagalak na makita ko ang inyong kaayusan, at ang katatagan ng inyong pananampalataya kay Cristo.

Kapuspusan ng Buhay kay Cristo

Kaya't kung paanong tinanggap ninyo si Cristo Jesus na Panginoon, ay lumakad kayong gayon sa kanya,

na nakaugat at nakatayo sa kanya, at matibay sa pananampalataya, gaya ng itinuro sa inyo, na sumasagana sa pasasalamat.

Kayo'y mag-ingat, baka sa inyo'y may bumihag sa pamamagitan ng pilosopiya at walang kabuluhang pandaraya, ayon sa tradisyon ng mga tao, ayon sa mga simulain ng sanlibutan, at hindi ayon kay Cristo.

Sapagkat sa kanya'y naninirahan ang buong kapuspusan ng pagka-Diyos sa katawan,

10 at kayo'y napuspos sa kanya, na siyang ulo ng lahat ng pamunuan at kapangyarihan.

11 Sa kanya ay tinuli rin kayo ng pagtutuling hindi gawa ng mga kamay, sa pamamagitan ng paghuhubad ng katawang laman sa pagtutuli ni Cristo;

12 nang(BG) ilibing kayong kasama niya sa bautismo, kayo rin ay muling binuhay na kasama niya sa pamamagitan ng pananampalataya sa kapangyarihan ng Diyos, na muling bumuhay sa kanya mula sa mga patay.

13 At(BH) kayo'y mga patay dahil sa inyong mga kasalanan at sa di-pagtutuli ng inyong laman ay kanyang binuhay kayong kasama niya, nang ipinatawad niya sa inyo ang lahat ng mga kasalanan,

14 na(BI) pinawi ang sulat-kamay[r] na laban sa atin na nasa mga tuntuning salungat sa atin, at ito'y kanyang inalis at ipinako sa krus.

15 Inalisan niya ng sandata ang mga pinuno at ang mga may kapangyarihan at sila'y ginawa niyang hayag sa madla, na nagtatagumpay sa kanila sa pamamagitan nito.

16 Kaya't(BJ) ang sinuman ay huwag humatol sa inyo tungkol sa pagkain at inumin, o tungkol sa kapistahan, o bagong buwan o mga araw ng Sabbath,

17 na ang mga ito ay isang anino ng mga bagay na darating, ngunit ang katawan ay kay Cristo.

18 Huwag ninyong hayaan na agawan kayo ng gantimpala sa pamamagitan ng kusang pagpapakababa at pagsamba sa mga anghel, na pinanghahawakan ang mga bagay na kanyang nakita, na nagyayabang nang walang dahilan sa pamamagitan ng kanyang makalamang pag-iisip,

19 at(BK) hindi kumakapit sa Ulo, na sa kanya'y ang buong katawan, na tinutustusan at pinagsasanib sa pamamagitan ng mga kasukasuan at mga litid ay lumalago ng paglagong mula sa Diyos.

Babala Laban sa Maling Turo

20 Kung kayo'y namatay na kasama ni Cristo mula sa mga simulain ng sanlibutan, bakit kayo'y nabubuhay na parang nasa sanlibutan pa rin? Bakit kayo'y nagpapasakop sa mga alituntuning,

21 “Huwag humipo, huwag tumikim, huwag humawak”?

22 Ang lahat ng mga alituntuning ito ay masisira sa paggamit, palibhasa'y mga utos at mga aral lamang ng mga tao.

23 Ang mga bagay na ito'y mayroong anyo ng karunungan sa pagsambang ayon sa sariling kagustuhan, sa pagpapakababa, at sa pagpapahirap sa katawan, ngunit wala silang kabuluhan laban sa kalayawan ng laman.

Ang Bagong Buhay kay Cristo

Kung(BL) kayo nga'y muling binuhay na kasama ni Cristo, ay hanapin ninyo ang mga bagay na nasa itaas, na kinaroroonan ni Cristo, na nakaupo sa kanan ng Diyos.

Ituon ninyo ang inyong pag-iisip sa mga bagay na nasa itaas, hindi sa mga bagay na nasa ibabaw ng lupa,

sapagkat kayo'y namatay na, at ang inyong buhay ay natatagong kasama ni Cristo sa Diyos.

Kapag si Cristo na inyong[s] buhay ay nahayag, ay mahahayag nga rin kayo na kasama niya sa kaluwalhatian.

Patayin ninyo ang anumang makalupa na nasa inyo: pakikiapid, karumihan, masamang pita, masasamang pagnanasa, at kasakiman na ito'y pagsamba sa mga diyus-diyosan.

Dahil sa mga bagay na ito ay dumarating ang poot ng Diyos sa mga anak ng pagsuway.[t]

Ang mga ito rin ang nilakaran ninyo noong una, nang kayo'y nabubuhay pa sa mga bagay na ito.

Ngunit ngayon ay itakuwil ninyo ang lahat ng mga ito: galit, poot, masamang pag-iisip, panlalait, at maruming pananalita mula sa inyong bibig.

Huwag(BM) kayong magsinungaling sa isa't isa, yamang hinubad na ninyo ang dating pagkatao pati ang mga gawa nito,

10 at(BN) kayo'y nagbihis na ng bagong pagkatao, na binabago sa kaalaman ayon sa larawan ng lumalang sa kanya.

11 Dito'y wala ng Griyego at Judio, tuli at di-tuli, ng barbaro, ng Scita, ng alipin, ng malaya; kundi si Cristo ang lahat at nasa lahat!

12 Bilang(BO) mga hinirang ng Diyos, mga banal at minamahal, magbihis kayo ng kahabagan, ng kabaitan, ng kababaang-loob, ng kaamuan, at ng katiyagaan.

13 Pagtiisan(BP) ninyo ang isa't isa, at kung ang sinuman ay may reklamo laban sa kanino man, magpatawaran kayo sa isa't isa, kung paanong pinatawad kayo ng Panginoon, ay gayundin naman ang inyong gawin.

14 At higit sa lahat ng mga bagay na ito ay magbihis kayo ng pag-ibig na siyang tali ng kasakdalan.

15 At maghari sa inyong puso ang kapayapaan ni Cristo, na doon ay tinawag din naman kayo sa isang katawan. At kayo'y maging mapagpasalamat.

16 Manirahan(BQ) nawang sagana sa inyo ang salita ni Cristo ayon sa lahat ng karunungan; magturo at magpaalalahanan kayo sa isa't isa sa pamamagitan ng mga salmo at ng mga himno at mga awiting espirituwal, na umaawit na may pasasalamat sa Diyos sa inyong mga puso.

17 At anumang inyong ginagawa, sa salita, o sa gawa, gawin ninyong lahat sa pangalan ng Panginoong Jesus, na nagpapasalamat kayo sa Diyos Ama sa pamamagitan niya.

Mga Tuntunin sa mga Pamilyang Cristiano

18 Mga(BR) babae, pasakop kayo sa inyu-inyong asawa, gaya ng nararapat sa Panginoon.

19 Mga(BS) lalaki, ibigin ninyo ang inyu-inyong asawa at huwag kayong maging malupit sa kanila.

20 Mga(BT) anak, sumunod kayo sa inyong mga magulang sa lahat ng mga bagay, sapagkat ito'y nakakalugod sa Panginoon.

21 Mga ama,(BU) huwag ninyong ibunsod sa galit ang inyong mga anak, baka manghina ang loob nila.

22 Mga(BV) alipin, sumunod kayo sa lahat ng mga bagay sa mga panginoon ninyo sa lupa, hindi naglilingkod kung may tumitingin, na gaya ng pagbibigay-lugod sa mga tao, kundi sa katapatan ng puso, na may takot sa Panginoon.

23 Anuman ang inyong ginagawa, ay inyong gawin ng buong puso, na gaya ng sa Panginoon, at hindi sa mga tao;

24 yamang inyong nalalaman na sa Panginoon ay tatanggapin ninyo ang gantimpalang mana. Paglingkuran ninyo ang Panginoong Jesu-Cristo.

25 Sapagkat(BW) ang gumagawa ng masama ay pagbabayarin sa kasamaang kanyang ginawa; at walang itinatanging tao.

Mga(BX) panginoon, pakitunguhan ninyo ang inyong mga alipin nang matuwid at makatarungan, yamang nalalaman ninyo na kayo man ay mayroon ding Panginoon sa langit.

Iba Pang Tagubilin

Magpatuloy kayo sa pananalangin, at kayo'y magbantay na may pagpapasalamat.

At idalangin din ninyo kami, na buksan ng Diyos para sa amin ang pinto para sa salita, upang aming maipahayag ang hiwaga ni Cristo, na dahil din dito ako'y nakagapos,

upang ito'y aking maipahayag, gaya ng aking nararapat na sabihin.

Lumakad(BY) kayo na may karunungan sa harap ng mga nasa labas, na inyong samantalahin ang pagkakataon.

Ang inyong pananalita nawa'y laging may biyaya, na may timplang asin, upang inyong malaman kung paano ninyo dapat sagutin ang bawat isa.

Mga Pagbati at Basbas

Ang(BZ) lahat na mga bagay tungkol sa akin ay ipababatid sa inyo ni Tiquico, na minamahal na kapatid at tapat na ministro, at kapwa alipin sa Panginoon.

Siya(CA) ang aking sinugo sa inyo ukol sa bagay na ito, upang malaman ninyo ang aming kalagayan, at upang kanyang pasiglahin ang inyong mga puso;

kasama(CB) niya si Onesimo, tapat at minamahal na kapatid, na siya'y isa sa inyo. Sila ang magbabalita sa inyo tungkol sa lahat ng mga bagay na nangyayari dito.

10 Binabati(CC) kayo ni Aristarco na kasama kong bilanggo, at ni Marcos na pinsan ni Bernabe—tungkol sa kanya'y tumanggap kayo ng mga utos—kung magpupunta siya sa inyo, siya ay inyong tanggapin,

11 at si Jesus na tinatawag na Justo. Ang mga ito lamang sa aking mga kamanggagawa sa kaharian ng Diyos ang kabilang sa pagtutuli at sila'y naging kaaliwan ko.

12 Binabati(CD) kayo ni Epafras, na isa sa inyo, na alipin ni Cristo Jesus, na siyang laging nagsisikap para sa inyo sa kanyang pananalangin, upang kayo'y tumayong sakdal at lubos na nakakatiyak sa lahat ng kalooban ng Diyos.

13 Sapagkat nagpapatotoo ako para sa kanya na siya'y labis na nagpagal para sa inyo, at sa mga nasa Laodicea, at sa mga nasa Hierapolis.

14 Binabati(CE) kayo ni Lucas, ang minamahal na manggagamot, at ni Demas.

15 Batiin ninyo ang mga kapatid na nasa Laodicea, at si Nimfa, at ang iglesyang nasa kanyang bahay.

16 At kapag nabasa na ang sulat na ito sa inyo, ay ipabasa rin ninyo sa iglesya ng mga taga-Laodicea; at basahin naman ninyo ang sulat na mula sa Laodicea.

17 At(CF) sabihin ninyo kay Arquipo, “Sikapin mong gampanan ang ministeryo na tinanggap mo sa Panginoon.”

18 Akong si Pablo ay sumusulat ng pagbating ito ng sarili kong kamay. Alalahanin ninyo ang aking mga tanikala. Sumainyo nawa ang biyaya.[u]

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001