Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Bible in 90 Days

An intensive Bible reading plan that walks through the entire Bible in 90 days.
Duration: 88 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Gawa 28:17 - Roma 14:23

17 Pagkaraan ng tatlong araw, tinipon niya ang mga pinuno ng mga Judio at nang sila'y matipon na, ay sinabi niya sa kanila, “Mga kapatid, bagaman wala akong ginawang anuman laban sa bayan, o sa mga kaugalian ng ating mga ninuno, ay ibinigay akong bilanggo buhat sa Jerusalem sa mga kamay ng mga taga-Roma.

18 Nang ako'y kanilang nasiyasat na, ibig sana akong palayain ng mga taga-Roma,[a] sapagkat walang anumang kadahilanang marapat sa kamatayan na natagpuan sa akin.

19 Subalit(A) nang tumutol ang mga Judio, napilitan akong dumulog kay Cesar, bagaman wala akong paratang laban sa aking bansa.

20 Kaya't sa dahilang ito, tinawag ko kayo upang makipagkita at makipag-usap sa inyo, yamang dahil sa pag-asa ng Israel ay nagagapos ako ng tanikalang ito.”

21 At sinabi nila sa kanya, “Kami'y walang natanggap na mga sulat na galing sa Judea tungkol sa iyo, ni walang pumaritong kapatid na nagbalita o nagsalita ng anumang masama tungkol sa iyo.

22 Subalit ibig naming marinig sa iyo kung ano ang iyong mga iniisip, sapagkat alam namin na maraming nagsasalita ng laban sa sektang ito sa lahat ng mga lugar.”

23 Nang sila'y makapagtalaga ng isang araw para sa kanya, nagtungo sila sa kanyang tinutuluyan at napakarami nila. Ipinaliwanag niya sa kanila ang pangyayari buhat umaga hanggang gabi na nagpapatotoo tungkol sa kaharian ng Diyos, at sinikap na sila'y mahikayat tungkol kay Jesus, mula sa kautusan ni Moises at mula sa mga propeta.

24 Ang iba'y nahikayat sa mga bagay na sinabi niya at ang iba'y hindi naniwala.

25 Nang sila'y hindi magkaisa, umalis sila pagkasabi ni Pablo ng isang pahayag: “Tama ang Espiritu Santo sa pagsasalita sa inyong mga ninuno sa pamamagitan ni propeta Isaias na sinasabi,

26 ‘Pumaroon(B) ka sa bayang ito, at sabihin mo,
tunay na inyong mapapakinggan, ngunit hindi kailanman mauunawaan,
    tunay na inyong titingnan ngunit hindi ninyo mamamasdan.
27 Sapagkat pumurol na ang puso ng bayang ito,
    at mahirap nang makarinig ang kanilang mga tainga,
    at pumikit na ang kanilang mga mata;
    baka sila'y makakita sa kanilang mga mata,
    at makarinig sa kanilang mga tainga,
at makaunawa sa kanilang puso, at magbalik-loob,
    at sila'y aking pagalingin.’

28 Maging hayag nawa sa inyo na ang kaligtasang ito ng Diyos ay ipinadala sa mga Hentil at sila'y makikinig.”

[29 At nang masabi na niya ang mga salitang ito'y nagsialis ang mga Judio, at sila-sila'y nagtalong mabuti.]

30 Nanirahan siya roon ng buong dalawang taon sa kanyang sariling inuupahang bahay, at tinatanggap ang lahat ng sa kanya'y nagsasadya,

31 na ipinangangaral ang kaharian ng Diyos at itinuturo ang mga bagay na tungkol sa Panginoong Jesu-Cristo, na may buong katapangan at walang sagabal.

Si Pablo na alipin ni Jesu-Cristo, tinawag upang maging apostol, ibinukod para sa ebanghelyo ng Diyos,

na kanyang ipinangako noong una sa pamamagitan ng kanyang mga propeta sa mga banal na kasulatan,

tungkol sa kanyang Anak na mula sa binhi ni David ayon sa laman

at ipinahayag na Anak ng Diyos na may kapangyarihan ayon sa Espiritu ng kabanalan, sa pamamagitan ng pagkabuhay mula sa mga patay, na ito'y si Jesu-Cristo na Panginoon natin.

Sa pamamagitan niya'y tumanggap kami ng biyaya at pagka-apostol, para sa pagsunod sa pananampalataya sa lahat ng mga bansa, dahil sa kanyang pangalan;

sa mga ito ay kasama kayo na mga tinawag kay Jesu-Cristo:

Sa lahat ninyong nasa Roma na mga iniibig ng Diyos, mga tinawag na banal: Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo.

Nais ni Pablo na Dumalaw sa Roma

Una, nagpapasalamat ako sa aking Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Cristo tungkol sa inyong lahat, sapagkat ang inyong pananampalataya ay ipinahahayag sa buong daigdig.

Sapagkat saksi ko ang Diyos, na aking pinaglilingkuran sa aking espiritu sa ebanghelyo ng kanyang Anak, na walang tigil na binabanggit ko kayo sa aking panalangin,

10 at lagi kong hinihiling sa anumang paraan sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos, na makapunta sa inyo.

11 Sapagkat nasasabik akong makita kayo upang maibahagi ko sa inyo ang ilang kaloob na espirituwal upang mapatibay kayo.

12 Samakatuwid ay upang kapwa tayo mapalakas sa pamamagitan ng pananampalataya ng isa't isa, na ito'y sa inyo at sa akin.

13 Nais(C) kong malaman ninyo, mga kapatid, na madalas kong binalak na makapunta sa inyo (subalit hanggang ngayon ako'y nahahadlangan), upang magkaroon din naman ako ng bunga sa inyo, gayundin naman sa iba pang mga Hentil.

14 Ako'y may pananagutan sa mga Griyego at sa mga barbaro, sa marurunong at gayundin sa mga mangmang.

15 Kaya't sa ganang akin, nasasabik din akong ipangaral ang ebanghelyo sa inyong mga nasa Roma.

Ang Kapangyarihan ng Ebanghelyo

16 Sapagkat(D) hindi ko ikinahihiya ang ebanghelyo; sapagkat ito ang kapangyarihan ng Diyos para sa kaligtasan ng bawat sumasampalataya, una'y sa Judio at gayundin sa Griyego.

17 Sapagkat(E) dito ang katuwiran ng Diyos ay nahahayag mula sa pananampalataya hanggang sa pananampalataya; gaya ng nasusulat, “Ngunit ang taong matuwid ay mabubuhay sa pamamagitan ng pananampalataya.”[b]

Ang Pagkakasala ng Sangkatauhan

18 Sapagkat ang poot ng Diyos ay nahahayag mula sa langit laban sa lahat ng kalikuan at kasamaan ng mga tao, na sa pamamagitan ng kanilang kasamaan ay pinipigil ang katotohanan.

19 Sapagkat ang maaaring malaman tungkol sa Diyos ay hayag sa kanila, yamang ito'y ipinahayag ng Diyos sa kanila.

20 Mula pa nang likhain ang sanlibutan, ang kanyang walang hanggang kapangyarihan at pagka-Diyos, bagaman hindi nakikita, ay naunawaan at nakita sa pamamagitan ng mga bagay na kanyang ginawa, upang wala silang maidadahilan;

21 sapagkat(F) kahit kilala nila ang Diyos, siya ay hindi nila niluwalhati bilang Diyos, ni pinasalamatan man, kundi naging walang kabuluhan sa kanilang mga pangangatuwiran at ang mga puso nilang walang katuturan ay nagdilim.

22 Sa pag-aangking marurunong, sila'y naging mga hangal,

23 at(G) ipinagpalit nila ang kaluwalhatian ng Diyos na hindi nasisira sa mga imaheng kahawig ng tao na nasisira, at ng mga ibon, ng mga hayop na may apat na paa at ng mga gumagapang.

24 Kaya't dahil sa mga pagnanasa ng kanilang mga puso ay hinayaan sila ng Diyos sa karumihan, upang lapastanganin ang kanilang mga katawan sa kani-kanilang sarili;

25 sapagkat pinalitan nila ng kasinungalingan ang katotohanan ng Diyos at sila'y sumamba at naglingkod sa nilalang sa halip na sa Lumalang, na siyang pinupuri magpakailanman! Amen.

26 Dahil dito'y hinayaan sila ng Diyos sa mga mahahalay na pagnanasa. Ipinagpalit ng kanilang mga babae ang likas na pakikipagtalik sa di-likas.

27 At gayundin naman ang mga lalaki, nang iwan ang likas na pakikipagtalik sa mga babae, ay nag-alab sa kanilang pagnanasa sa isa't isa. Gumagawa ng kahalayan ang mga lalaki sa mga kapwa lalaki, at tumatanggap sa kanilang sarili ng kaparusahan ng kanilang pagkakamali.

28 At palibhasa'y hindi nila minabuting kilalanin ang Diyos, hinayaan sila ng Diyos sa isang mahalay na pag-iisip, upang gawin ang mga bagay na hindi nararapat.

29 Napuno sila ng lahat ng uri ng kasamaan, kalikuan, kasakiman, kahalayan; at punô ng inggit, pagpaslang, pag-aaway, pandaraya, katusuhan, mahihilig sa tsismis,

30 mga mapanirang-puri, mga napopoot sa Diyos,[c] mga walang-pakundangan, mga palalo, mga mapagmataas, mga manggagawa ng masasamang bagay, mga suwail sa mga magulang,

31 mga hangal, mga hindi tapat sa kanilang mga pangako, hindi mapagmahal, mga walang awa.

32 Nalalaman nila ang mga iniuutos ng Diyos, na ang mga gumagawa ng gayong mga bagay ay karapat-dapat sa kamatayan, ngunit hindi lamang nila ginagawa ang gayon kundi sinasang-ayunan pa ang gumagawa ng mga iyon.

Ayon sa Katotohanan ang Hatol ng Diyos

Kaya't(H) wala kang maidadahilan, O tao, maging sino ka man na humahatol, sapagkat sa paghatol mo sa iba, ay ang iyong sarili ang hinahatulan mo; sapagkat ikaw na humahatol ay gumagawa rin ng gayong mga bagay.

Subalit nalalaman natin na ang hatol ng Diyos sa kanila na nagsisigawa ng gayong mga bagay ay ayon sa katotohanan.

At inaakala mo ba ito, O tao, na humahatol sa mga gumagawa ng gayong mga bagay, at gayundin ang ginagawa mo, na ikaw ay makakatakas sa hatol ng Diyos?

O hinahamak mo ang mga kayamanan ng kanyang kabutihan, pagtitiis, at pagtitiyaga na hindi mo nababatid na ang kabutihan ng Diyos ang umaakay sa iyo sa pagsisisi?

Ngunit ayon sa iyong katigasan at pusong hindi nagsisisi ay nagtitipon ka para sa iyong sarili ng poot sa araw ng kapootan at pagpapahayag ng matuwid na paghuhukom ng Diyos.

Kanyang(I) gagantihan ang bawat tao ayon sa kanyang mga gawa:

sa kanila na sa pamamagitan ng pagtitiyaga sa mabubuting gawa, na naghahanap ng kaluwalhatian at karangalan at ng kawalan ng kasiraan, ay magbibigay siya ng buhay na walang hanggan;

samantalang sa kanila na makasarili at hindi sumusunod sa katotohanan, kundi bagkus ay sumusunod sa kasamaan ay para sa kanila ang poot at galit.

Magkakaroon ng hirap at pighati sa bawat kaluluwa ng tao na gumagawa ng kasamaan, una'y sa Judio at gayundin sa Griyego;

10 subalit kaluwalhatian, karangalan, at kapayapaan sa bawat gumagawa ng mabuti, una'y sa Judio at gayundin sa Griyego:

11 sapagkat(J) ang Diyos ay hindi nagtatangi ng mga tao.

12 Sapagkat ang lahat ng nagkasala nang walang kautusan ay mapapahamak din nang walang kautusan; at ang lahat ng nagkasala sa ilalim ng kautusan ay sa kautusan hahatulan.

13 Sapagkat hindi ang mga tagapakinig ng kautusan ang siyang ganap sa harapan ng Diyos, kundi ang tumutupad sa kautusan ay aariing-ganap.

14 Sapagkat kung ang mga Hentil na likas na walang kautusan ay gumagawa ng mga bagay ng kautusan, ang mga ito, bagaman walang kautusan, ay siyang kautusan sa kanilang sarili.

15 Kanilang ipinakita na ang hinihiling ng kautusan ay nakasulat sa kanilang mga puso, na rito'y nagpapatotoo rin ang kanilang budhi, at ang kanilang mga pag-iisip ay nagbibintang o nagdadahilan sa isa't isa;

16 sa araw na hahatulan ng Diyos ang mga lihim ng mga tao ayon sa aking ebanghelyo, sa pamamagitan ni Jesu-Cristo.

Ang mga Judio at ang Kautusan

17 Ngunit kung ikaw na tinatawag na Judio ay umaasa sa kautusan, at nagmamalaki sa Diyos,

18 at nakakaalam ng kanyang kalooban, at sumasang-ayon sa mga bagay na magagaling, palibhasa'y naturuan ka ng kautusan,

19 at nagtitiwala ka sa sarili na ikaw ay taga-akay ng mga bulag, isang ilaw ng mga nasa kadiliman,

20 tagasaway sa mga hangal, guro ng mga bata, na taglay sa kautusan ang pinakadiwa ng kaalaman at katotohanan;

21 ikaw nga na nagtuturo sa iba, hindi mo ba tuturuan ang iyong sarili? Ikaw na nangangaral sa tao na huwag magnakaw, nagnanakaw ka ba?

22 Ikaw na nagsasabing huwag mangalunya, nangangalunya ka ba? Ikaw na nasusuklam sa mga diyus-diyosan, ninanakawan mo ba ang mga templo?

23 Ikaw na nagmamalaki dahil sa kautusan, nilalapastangan mo ba ang Diyos sa pamamagitan ng paglabag sa kautusan?

24 “Sapagkat(K) ang pangalan ng Diyos ay nalalait sa mga Hentil dahil sa inyo,” gaya ng nasusulat.

25 Sapagkat tunay na may kabuluhan ang pagtutuli kung tinutupad mo ang kautusan; ngunit kung ikaw ay sumusuway sa kautusan, ang iyong pagtutuli ay nagiging di-pagtutuli.

26 Kaya't kung ang di-pagtutuli ay tumutupad sa mga itinatakda ng kautusan, hindi ba ibibilang na pagtutuli ang kanilang di pagtutuli?

27 Kaya't ang mga di-tuli sa laman, subalit tumutupad ng kautusan, ay hahatol sa iyo na may kautusang nakasulat at may pagtutuli ngunit sumusuway sa kautusan.

28 Sapagkat ang isang tao'y hindi Judio sa panlabas lamang; ni ang pagtutuli ay hindi panlabas o sa laman.

29 Kundi(L) ang isang tao'y Judio sa kalooban; at ang pagtutuli yaong sa puso, sa espiritu at hindi sa titik; ang kanyang pagpupuri ay hindi mula sa mga tao, kundi mula sa Diyos.

Ano nga ang kalamangan ng Judio? O ano ang pakinabang sa pagtutuli?

Napakarami. Ang una sa lahat, ipinagkatiwala sa kanila ang mga aral ng Diyos.

Ano nga kung ang ilan ay hindi tapat? Ang kanila bang kawalan ng katapatan ay nagpapawalang saysay sa katapatan ng Diyos?

Huwag(M) nawang mangyari! Hayaang ang Diyos ay maging tapat, kahit na ang bawat tao'y sinungaling, gaya ng nasusulat,

“Upang ikaw ay ariing-ganap sa iyong mga salita,
    at magtagumpay ka kapag ikaw ay hinatulan.”

Subalit kung ang ating kasamaan ay nagpapatibay sa katarungan ng Diyos, ano ang ating sasabihin? Ang Diyos ba ay di-makatarungan sa paglalapat ng parusa sa atin? (Nagsasalita ako sa paraan ng tao.)

Huwag nawang mangyari! Sapagkat kung gayo'y paano hahatulan ng Diyos ang sanlibutan?

Subalit kung sa pamamagitan ng aking kasinungalingan ay sumagana ang katotohanan ng Diyos sa ikaluluwalhati niya, bakit hinahatulan pa rin akong tulad sa isang makasalanan?

At bakit hindi sabihin (gaya ng paninirang-puri sa atin ng iba na nagpapatotoo na sinasabi raw natin), “Gumawa tayo ng masama upang dumating ang mabuti?” Ang kahatulan sa kanila ay nararapat.

Walang Matuwid

Ano ngayon? Tayo bang mga Judio ay nakakalamang? Hindi, kahit na sa anong paraan; sapagkat amin nang napatunayan na ang lahat ng tao, maging mga Judio at mga Griyego, ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng kasalanan,

10 gaya(N) ng nasusulat,

“Walang matuwid, wala, wala kahit isa;
11     wala ni isang nakakaunawa,
    wala ni isang humahanap sa Diyos.
12 Lahat ay lumihis, sama-sama silang nawalan ng kabuluhan;
    walang gumagawa ng mabuti,
    wala, wala kahit isa.”
13 “Ang(O) kanilang lalamunan ay isang libingang bukas;
    sa pamamagitan ng kanilang mga dila ay gumagawa sila ng pandaraya.”
“Ang kamandag ng mga ulupong ay nasa ilalim ng kanilang mga labi.”
14     “Ang(P) kanilang bibig ay punô ng panunumpa at kapaitan.”
15 “Ang(Q) kanilang mga paa ay matutulin sa pagpapadanak ng dugo;
16     pagkawasak at kalungkutan ang nasa kanilang mga landas,
17 at ang daan ng kapayapaan ay hindi nila nakilala.”
18     “Walang(R) takot sa Diyos sa kanilang mga mata.”

19 Ngayon ay nalalaman natin na anumang sinasabi ng kautusan, iyon ay sinasabi sa mga nasa ilalim ng kautusan; upang matahimik ang bawat bibig, at ang buong sanlibutan ay mapasailalim ng hatol ng Diyos.

20 Sapagkat(S) sa pamamagitan ng mga gawa ng kautusan ay “walang tao[d] na ituturing na ganap sa paningin niya,” sapagkat sa pamamagitan ng kautusan ay ang pagkakilala ng kasalanan.

Ang Pag-aaring-ganap ng Diyos sa Tao

21 Subalit ngayon ay ipinahahayag ang pagiging matuwid ng Diyos na hiwalay sa kautusan at pinatotohanan ng kautusan at ng mga propeta;

22 ang(T) pagiging matuwid ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesu-Cristo sa lahat ng mga sumasampalataya. Sapagkat walang pagkakaiba,

23 yamang ang lahat ay nagkasala, at hindi nakaabot sa kaluwalhatian ng Diyos;

24 sila ngayon ay itinuturing na ganap ng kanyang biyaya bilang kaloob sa pamamagitan ng pagtubos na na kay Cristo Jesus;

25 na siyang inialay ng Diyos bilang handog na pantubos sa pamamagitan ng kanyang dugo na mabisa sa pamamagitan ng pananampalataya. Ito ay kanyang ginawa upang maipakita ang pagiging matuwid ng Diyos, sapagkat sa kanyang banal na pagtitiis ay kanyang pinalampas ang mga kasalanang nagawa sa nakaraan;

26 upang mapatunayan sa panahong kasalukuyan na siya'y matuwid at upang siya'y maging ganap at taga-aring-ganap sa taong mayroong pananampalataya kay Jesus.[e]

27 Kaya nasaan ang pagmamalaki? Ito'y hindi kasama. Sa pamamagitan ng anong kautusan? Ng mga gawa? Hindi, kundi sa pamamagitan ng kautusan ng pananampalataya.

28 Sapagkat pinaninindigan natin na ang tao ay itinuturing na ganap sa pananampalataya na hiwalay sa mga gawa ng kautusan.

29 O ang Diyos ba ay Diyos ng mga Judio lamang? Hindi ba Diyos din siya ng mga Hentil? Oo, ng mga Hentil din naman;

30 yamang(U) iisa ang Diyos, na kanyang ituturing na ganap ang pagtutuli sa pamamagitan ng pananampalataya, at ang di-pagtutuli sa pamamagitan ng pananampalataya.

31 Kung gayon, pinawawalang-saysay ba natin ang kautusan sa pamamagitan ng pananampalataya? Huwag nawang mangyari; kundi pinagtitibay pa nga natin ang kautusan.

Ang Halimbawa ni Abraham

Ano nga ang ating sasabihin na natuklasan ni Abraham na ating ninuno ayon sa laman?

Sapagkat kung si Abraham ay itinuring na ganap sa pamamagitan ng mga gawa, ay mayroon sana siyang ipagmamalaki, ngunit hindi sa Diyos.

Sapagkat(V) ano ang sinasabi ng kasulatan? “Sumampalataya si Abraham sa Diyos, at iyon ay ibinilang sa kanya na katuwiran.”

Ngayon sa gumagawa, ang kabayaran ay hindi itinuturing na biyaya, kundi siyang talagang nararapat.

Ngunit sa kanya na hindi gumagawa, kundi sumasampalataya sa kanya na umaaring-ganap sa masamang tao, ang kanyang pananampalataya ay itinuturing na katuwiran.

Gaya naman ng sinasabi ni David tungkol sa pagiging mapalad ng tao na itinuturing ng Diyos na matuwid na hiwalay sa gawa:

“Mapapalad(W) ang mga pinatatawad sa kanilang mga masasamang gawa,
    at ang mga tinakpan ang kanilang mga kasalanan.
Mapalad ang tao na hindi ibibilang laban sa kanya ng Panginoon ang kasalanan.”

Ipinahayag nga ba ang pagiging mapalad na ito sa pagtutuli, o gayundin sa di-pagtutuli? Sapagkat sinasabi natin, “Ang pananampalataya ay ibinilang na pagiging matuwid kay Abraham.”

10 Paano nga ito ibinilang? Iyon ba'y bago siya tinuli o nang tuli na siya? Iyon ay hindi pagkatapos na siya ay tuliin, kundi bago siya tinuli.

11 Tinanggap(X) niya ang tanda ng pagtutuli, na isang tatak ng pagiging matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya na nasa kanya nang siya'y di pa tuli. Ang layunin ay upang siya'y maging ama ng mga sumasampalataya, bagaman sila'y di-tuli, at upang ang pagiging matuwid ay maibilang din sa kanila,

12 gayundin ang ama ng pagtutuli na hindi lamang sa mga pagtutuli kundi pati naman sa mga sumusunod sa mga hakbang ng pananampalataya na taglay ng ating amang si Abraham na nasa kanya bago siya tinuli.

Makakamit ang Pangako sa Pamamagitan ng Pananampalataya

13 Sapagkat(Y) ang pangako na kanyang mamanahin ang sanlibutan ay hindi dumating kay Abraham o sa kanyang binhi sa pamamagitan ng kautusan kundi sa pamamagitan ng pagiging matuwid ng pananampalataya.

14 Sapagkat(Z) kung silang nasa kautusan ang siyang mga tagapagmana, walang kabuluhan ang pananampalataya, at pinawawalang saysay ang pangako.

15 Sapagkat ang kautusan ay gumagawa ng galit; ngunit kung saan walang kautusan ay wala ring paglabag.

16 Dahil(AA) dito, iyon ay batay sa pananampalataya, upang maging ayon sa biyaya; upang ang pangako ay maging tiyak para sa lahat ng binhi, hindi lamang sa nasa kautusan, kundi pati naman sa nasa pananampalataya ni Abraham (na ama nating lahat,

17 gaya(AB) ng nasusulat, “Ginawa kitang ama ng maraming bansa”) sa harapan ng Diyos na kanyang sinampalatayanan, na nagbibigay-buhay sa mga patay, at ang mga bagay na hindi buháy noon ay binubuhay niya ngayon.

18 Umaasa(AC) kahit wala nang pag-asa, siya'y sumampalataya na siya'y magiging “ama ng maraming bansa” ayon sa sinabi, “Magiging napakarami ang iyong binhi.”

19 Hindi(AD) siya nanghina sa pananampalataya, itinuring niya ang sariling katawan tulad sa patay na (sapagkat siya'y may mga isandaang taon na noon), at ang pagkabaog ng bahay-bata ni Sarah.

20 Gayunman, hindi siya nag-alinlangan sa pangako ng Diyos sa pamamagitan ng di-paniniwala, kundi pinalakas siya ng pananampalataya habang niluluwalhati niya ang Diyos,

21 at lubos na naniwala na kayang gawin ng Diyos ang kanyang ipinangako.

22 Kaya't ang kanyang pananampalataya[f] ay ibinilang na katuwiran sa kanya.

23 Ngayo'y hindi lamang dahil sa kanya isinulat ang salitang, “sa kanya'y ibinilang,”

24 kundi dahil din naman sa atin, na ibibilang sa atin na mga sumasampalataya sa kanya na muling bumuhay kay Jesus na ating Panginoon mula sa mga patay,

25 na(AE) ibinigay sa kamatayan dahil sa ating mga pagsuway at muling binuhay upang tayo'y ariing-ganap.

Mga Bunga ng Pag-aaring-ganap

Kaya't yamang tayo'y inaring-ganap sa pamamagitan ng pananampalataya, mayroon tayong[g] kapayapaan sa Diyos sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo.

Sa pamamagitan niya'y nakalapit tayo[h] sa biyayang ito na ating pinaninindigan, at nagagalak tayo sa pag-asa ng kaluwalhatian ng Diyos.

At hindi lamang gayon, kundi nagagalak rin tayo sa ating mga kapighatian sa pagkaalam na ang kapighatian ay nagbubunga ng pagtitiis,

at ang pagtitiis ng pagpapatibay; at ang pagpapatibay ng pag-asa.

At hindi tayo binibigo ng pag-asa, sapagkat ang pag-ibig ng Diyos ay ibinuhos sa ating mga puso sa pamamagitan ng Espiritu Santo na ibinigay sa atin.

Sapagkat noong tayo ay mahihina pa, sa tamang panahon si Cristo ay namatay para sa masasama.

Sapagkat bihirang mangyari na ang isang tao'y mamatay alang-alang sa isang taong matuwid; bagama't alang-alang sa isang mabuting tao marahil ay may mangangahas mamatay.

Subalit pinatutunayan ng Diyos ang kanyang pag-ibig sa atin, na noong tayo'y mga makasalanan pa, si Cristo ay namatay para sa atin.

Lalo pa nga, ngayong itinuturing tayong ganap sa pamamagitan ng kanyang dugo, ay maliligtas tayo sa galit ng Diyos sa pamamagitan niya.

10 Sapagkat kung noon ngang tayo'y mga kaaway, ay pinakipagkasundo tayo sa Diyos sa pamamagitan ng kamatayan ng kanyang Anak, lalo ngayong ipinagkasundo na, ay maliligtas tayo sa pamamagitan ng kanyang buhay.

11 At hindi lamang gayon, kundi tayo'y nagagalak rin sa Diyos sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo, na sa pamamagitan niya'y tinamo natin ngayon ang pakikipagkasundo.

12 Kaya't(AF) kung paanong sa pamamagitan ng isang tao ay pumasok ang kasalanan sa sanlibutan, at sa pamamagitan ng kasalanan ay ang kamatayan, kaya't dumating sa lahat ng mga tao ang kamatayan, sapagkat ang lahat ay nagkasala;

13 tunay na ang kasalanan ay nasa sanlibutan bago pa dumating ang kautusan, ngunit hindi ibinibilang ang kasalanan kung walang kautusan.

14 Gayunman, ang kamatayan ay naghari mula kay Adan hanggang kay Moises, kahit sa kanila na hindi nagkasala ng tulad sa paglabag ni Adan, na siyang anyo ng isa na darating.

15 Subalit ang kaloob na walang bayad ay hindi gaya ng pagsuway. Sapagkat kung sa pamamagitan ng pagsuway ng isa ang marami ay namatay, lalo pang sumagana para sa marami ang biyaya ng Diyos, at ang kaloob dahil sa biyaya ng isang tao, na si Jesu-Cristo.

16 At ang kaloob na walang bayad ay hindi gaya ng ibinunga ng pagkakasala ng isang tao; sapagkat ang kahatulan na dumating na kasunod ng pagkakasala ng isa ay nagbunga ng paghatol, subalit ang kaloob na walang bayad na kasunod ng maraming pagsuway ay nagbunga ng pag-aaring-ganap.

17 Sapagkat kung paanong sa pagsuway ng isa ay naghari ang kamatayan sa pamamagitan ng isa; ang tumatanggap ng kasaganaan ng biyaya at kaloob ng pagiging matuwid ay lalo pang maghahari sa buhay sa pamamagitan ng isa, si Jesu-Cristo.

18 Kaya't kung paanong sa pamamagitan ng isang pagsuway ay dumating ang kahatulan sa lahat ng mga tao; gayundin naman sa pamamagitan ng isang matuwid na gawa ay dumating sa lahat ng mga tao ang pag-aaring-ganap at buhay.

19 Sapagkat kung paanong sa pamamagitan ng pagsuway ng isang tao ang marami ay naging mga makasalanan, gayundin sa pamamagitan ng pagsunod ng isa ang marami ay magiging mga matuwid.

20 Subalit dumating ang kautusan na nagbunga ng pagdami ng pagsuway, ngunit kung saan marami ang kasalanan, ay lalong dumarami ang biyaya;

21 upang, kung paanong ang kasalanan ay naghari sa kamatayan, ay gayundin naman ang biyaya ay makapaghahari sa pamamagitan ng pagiging matuwid tungo sa buhay na walang hanggan sa pamamagitan ni Jesu-Cristo na Panginoon natin.

Patay sa Kasalanan Ngunit Buháy Dahil kay Cristo

Ano nga ang ating sasabihin? Magpapatuloy ba tayo sa pagkakasala upang ang biyaya ay sumagana?

Huwag nawang mangyari. Tayong mga namatay na sa pagkakasala, paano nga tayong mabubuhay pa roon?

O hindi ba ninyo nalalaman na tayong lahat na mga nabautismuhan kay Cristo Jesus ay mga nabautismuhan tungo sa kanyang kamatayan?

Kaya't(AG) tayo ay inilibing na kasama niya sa pamamagitan ng bautismo tungo sa kamatayan; na kung paanong si Cristo ay muling nabuhay mula sa mga patay sa pamamagitan ng kaluwalhatian ng Ama, gayundin naman tayo'y makakalakad sa panibagong buhay.

Sapagkat kung tayo'y naging kasama niya na katulad ng kanyang kamatayan, ay magkakagayon din naman tayo sa kanyang muling pagkabuhay.

Nalalaman natin na ang ating dating pagkatao ay kasama niyang ipinako sa krus, upang ang katawang makasalanan ay mawalan ng bisa, at upang tayo'y hindi na magpaalipin pa sa kasalanan;

sapagkat ang namatay ay pinalaya na mula sa kasalanan.

Subalit kung tayo'y namatay na kasama ni Cristo, sumasampalataya tayo na mabubuhay ding kasama niya.

Nalalaman nating si Cristo na nabuhay mula sa mga patay ay hindi na mamamatay; ang kamatayan ay wala nang paghahari sa kanya.

10 Sapagkat ang kamatayan na ikinamatay niya ay kanyang ikinamatay sa kasalanan nang minsanan; ngunit ang buhay na kanyang ikinabubuhay ay kanyang ikinabubuhay sa Diyos.

11 Gayundin naman kayo, ituring ninyong kayo'y tunay na mga patay na sa kasalanan, ngunit mga nabubuhay sa Diyos kay Cristo Jesus.

12 Kaya't huwag ninyong paghariin ang kasalanan sa inyong katawang may kamatayan, upang masunod ang mga pagnanasa nito.

13 At huwag din ninyong ihandog ang mga bahagi ng inyong katawan sa kasalanan bilang kasangkapan ng kasamaan tungo sa kasalanan, kundi ihandog ninyo ang inyong sarili sa Diyos, na tulad sa mga buháy mula sa mga patay, at ang mga bahagi ng inyong katawan bilang kasangkapan ng pagiging matuwid tungo sa Diyos.

14 Sapagkat ang kasalanan ay hindi makapaghahari sa inyo, sapagkat wala kayo sa ilalim ng kautusan kundi nasa ilalim ng biyaya.

Mga Alipin ng Katuwiran

15 Ano nga? Magkakasala ba tayo, dahil tayo'y wala sa ilalim ng kautusan, kundi nasa ilalim ng biyaya? Huwag nawang mangyari.

16 Hindi ba ninyo nalalaman na kung kanino ninyo inihahandog ang inyong mga sarili bilang alipin sa pagsunod, kayo'y mga alipin niya na inyong sinusunod; maging ng kasalanan tungo sa kamatayan, o ng pagsunod tungo sa pagiging matuwid?

17 Ngunit salamat sa Diyos, na bagama't kayo'y dating mga alipin ng kasalanan, kayo'y taos-pusong sumunod sa anyo ng aral na doon ay ipinagkatiwala kayo.

18 At pagkatapos na mapalaya kayo sa kasalanan ay naging mga alipin kayo sa paggawa ng matuwid.

19 Nagsasalita ako ayon sa pamamaraan ng tao dahil sa kahinaan ng inyong laman. Sapagkat kung paanong inihandog ninyo ang mga bahagi ng inyong katawan bilang alipin ng karumihan tungo sa higit at higit pang kasamaan, ngayon naman ay ihandog ninyo ang mga bahagi ng inyong katawan bilang alipin sa paggawa ng matuwid tungo sa kabanalan.

20 Sapagkat nang kayo ay mga alipin pa ng kasalanan, kayo'y malalaya tungkol sa pagiging matuwid.

21 Kaya't ano ngang bunga mayroon kayo sa mga bagay na ngayo'y ikinahihiya ninyo? Sapagkat ang kahihinatnan ng mga bagay na iyon ay kamatayan.

22 Subalit ngayong pinalaya na kayo sa kasalanan at naging mga alipin ng Diyos, na nagbubunga naman ng kabanalan, ang kahihinatnan ay buhay na walang hanggan.

23 Sapagkat ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan; ngunit ang kaloob ng Diyos na walang bayad ay buhay na walang hanggan kay Cristo Jesus na Panginoon natin.

Paglalarawan mula sa Pag-aasawa

O hindi ba ninyo nalalaman, mga kapatid (sapagkat ako'y nagsasalita sa mga nakakaalam ng kautusan), na ang kautusan ay umiiral lamang sa tao habang siya'y nabubuhay pa?

Sapagkat ang asawang babae ay itinali ng kautusan sa asawang lalaki habang ito ay nabubuhay; ngunit kung mamatay ang asawang lalaki, siya ay nakalagan na sa kautusan ng asawang lalaki.

Kaya nga, kung siya'y makikipisan sa ibang lalaki habang nabubuhay pa ang asawang lalaki, siya'y tatawaging mangangalunya; ngunit kung mamatay ang asawang lalaki, siya ay malaya na sa kautusan, at siya'y hindi isang mangangalunya kung siya man ay makipisan sa ibang lalaki.

Gayundin naman, mga kapatid ko, kayo'y namatay sa kautusan sa pamamagitan ng katawan ni Cristo; upang kayo'y makipisan sa iba, samakatuwid ay sa kanya na bumangon mula sa mga patay upang tayo'y magbunga para sa Diyos.

Sapagkat nang tayo'y nasa laman pa, ang mga pagnanasa ng mga kasalanan na pawang sa pamamagitan ng kautusan ay gumagawa sa mga bahagi ng ating katawan upang magbunga para sa kamatayan.

Subalit ngayon tayo'y nakalagan sa kautusan, yamang tayo'y namatay doon sa umalipin sa atin, upang makapaglingkod sa bagong buhay sa Espiritu, at hindi sa lumang batas na nakasulat.

Ang Kautusan at ang Kasalanan

Ano(AH) nga ang ating sasabihin? Ang kautusan ba'y kasalanan? Huwag nawang mangyari. Gayunma'y hindi ko sana nakilala ang kasalanan, kung hindi sa pamamagitan ng kautusan; sapagkat hindi ko sana nakilala ang pag-iimbot kung hindi sinasabi ng kautusan, “Huwag kang mag-iimbot.”

Ngunit ang kasalanan, pagkakita ng pagkakataon sa pamamagitan ng utos, ay gumawa sa akin ng sari-saring pag-iimbot, sapagkat kung walang kautusan ang kasalanan ay patay.

Minsan ako'y nabubuhay na hiwalay sa kautusan; subalit nang dumating ang utos, ay muling nabuhay ang kasalanan,

10 at ako'y namatay, at ang utos na tungo sa buhay ay natuklasan kong ito'y tungo sa kamatayan.

11 Sapagkat(AI) ang kasalanan, pagkakita ng pagkakataon sa pamamagitan ng utos, ay dinaya ako, at sa pamamagitan nito ay pinatay ako.

12 Kaya't ang kautusan ay banal, at ang utos ay banal, at matuwid, at mabuti.

13 Kung gayon, ang mabuti ba ang nagdala ng kamatayan sa akin? Hindi, kailanman! Kundi ang kasalanan na gumagawa ng kamatayan sa akin sa pamamagitan ng mabuti, upang ang kasalanan ay maihayag na kasalanan, at sa pamamagitan ng utos ay maging lubos na makasalanan.

Ang Pagnanais ng Mabuti

14 Sapagkat nalalaman natin na ang kautusan ay espirituwal, ngunit ako'y makalaman, na ipinagbili sa ilalim ng kasalanan.

15 Sapagkat(AJ) ang ginagawa ko'y hindi ko nalalaman; sapagkat ang hindi ko nais ang ginagawa ko; subalit ang kinapopootan ko, iyon ang ginagawa ko.

16 Ngunit kung ang hindi ko nais ang siya kong ginagawa, sumasang-ayon ako na mabuti ang kautusan.

17 Subalit ngayo'y hindi na ako ang gumagawa nito, kundi ang kasalanang nananatili sa akin.

18 Sapagkat nalalaman ko na walang mabuti na nananatili sa akin, samakatuwid ay sa aking laman. Ang pagnanais ng mabuti ay nasa akin, subalit hindi ko iyon magawa.

19 Sapagkat ang mabuti na aking nais ay hindi ko ginagawa, ngunit ang masama na hindi ko nais ay siya kong ginagawa.

20 Subalit kung ang hindi ko nais ang siya kong ginagawa, ay hindi na ako ang gumagawa nito, kundi ang kasalanang nananatili sa akin.

21 Kaya nga natagpuan ko ang isang kautusan na kung ibig kong gumawa ng mabuti, ang kasamaan ay malapit.

22 Sapagkat ako'y nagagalak sa kautusan ng Diyos sa kaibuturan ng aking pagkatao.

23 Subalit nakikita ko ang kakaibang kautusan sa aking mga bahagi na nakikipagbaka laban sa kautusan ng aking pag-iisip, at ako'y binibihag sa ilalim ng kautusan ng kasalanan na nasa bahagi ng aking katawan.

24 Kahabag-habag na tao ako! Sino ang magliligtas sa akin mula sa katawang ito ng kamatayan?

25 Ngunit salamat sa Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Cristo na Panginoon natin. Kaya nga, ako mismo ay naglilingkod sa kautusan ng Diyos sa pamamagitan ng aking pag-iisip, ngunit sa pamamagitan ng laman ay sa kautusan ng kasalanan.

Pamumuhay ayon sa Espiritu

Ngayon nga'y wala nang kahatulan sa mga na kay Cristo Jesus.

Sapagkat ang kautusan ng Espiritu ng buhay na na kay Cristo Jesus ay nagpalaya sa atin[i] mula sa kautusan ng kasalanan at ng kamatayan.

Sapagkat ang hindi magawa ng kautusan, yamang ito ay pinahina ng laman, ay ginawa ng Diyos sa pagsusugo sa kanyang sariling Anak sa anyo ng makasalanang laman, at tungkol sa kasalanan ay hinatulan niya ang kasalanan sa laman,

upang ang makatuwirang itinatakda ng kautusan ay matupad sa atin, na hindi lumalakad ayon sa laman, kundi ayon sa Espiritu.

Sapagkat ang mga ayon sa laman ay nagtutuon ng kanilang isipan sa mga bagay ng laman; subalit ang mga ayon sa Espiritu ay sa mga bagay ng Espiritu.

Sapagkat ang kaisipan ng laman ay kamatayan; subalit ang kaisipan ng Espiritu ay buhay at kapayapaan.

Sapagkat ang kaisipan ng laman ay pagkapoot laban sa Diyos; sapagkat hindi ito napapasakop sa kautusan ng Diyos, ni hindi nga maaari;

at ang mga nasa laman ay hindi makapagbibigay-lugod sa Diyos.

Ngunit kayo'y wala sa laman, kundi nasa Espiritu, yamang nananatili sa inyo ang Espiritu ng Diyos. Subalit kung ang sinuma'y walang Espiritu ni Cristo, siya'y hindi sa kanya.

10 At kung si Cristo ay nasa sa inyo, ang katawan ay patay dahil sa kasalanan; ngunit ang espiritu ay buháy dahil sa katuwiran.

11 Ngunit(AK) kung ang Espiritu niyaong bumuhay na muli kay Jesus ay nananatili sa inyo, siya na bumuhay na muli kay Cristo[j] mula sa mga patay ay magbibigay ng buhay sa inyong mga katawang may kamatayan, sa pamamagitan ng kanyang Espiritu na naninirahan sa inyo.

12 Kaya nga, mga kapatid, mga may utang tayo, hindi sa laman, upang mamuhay ayon sa laman;

13 sapagkat kung mamuhay kayo ayon sa laman, kayo ay mamamatay, subalit kung sa pamamagitan ng Espiritu ay pinapatay ninyo ang mga gawa ng laman, kayo ay mabubuhay.

14 Sapagkat ang lahat ng pinapatnubayan ng Espiritu ng Diyos ay sila ang mga anak ng Diyos.

15 Sapagkat(AL) (AM) hindi kayo tumanggap ng espiritu ng pagkaalipin upang muling matakot, kundi tumanggap kayo ng espiritu ng pagkukupkop, na dahil dito'y tumatawag tayo, “Abba![k] Ama!”

16 Ang Espiritu mismo ang nagpapatotoo kasama ng ating espiritu na tayo'y mga anak ng Diyos.

17 At kung mga anak, ay mga tagapagmana rin, mga tagapagmana ng Diyos, at mga kasamang tagapagmana ni Cristo; kung tunay ngang nagtitiis tayong kasama niya, upang tayo'y luwalhatiin namang kasama niya.

Ang Kaluwalhatiang Mapapasaatin

18 Itinuturing ko na ang pagtitiis sa panahong kasalukuyan ay hindi karapat-dapat maihambing sa kaluwalhatiang mahahayag sa atin.

19 Sapagkat ang masidhing inaasam ng sangnilikha ay ang inaasahang paghahayag ng mga anak ng Diyos.

20 Sapagkat(AN) ang sangnilikha ay nasakop ng kawalang kabuluhan, hindi sa kanyang kalooban, kundi dahil doon sa sumakop sa kanya, sa pag-asa

21 na ang sangnilikha naman ay mapapalaya mula sa pagkaalipin sa kabulukan tungo sa kalayaan ng kaluwalhatian ng mga anak ng Diyos.

22 Sapagkat nalalaman natin na ang buong sangnilikha ay sama-samang dumaraing at naghihirap sa pagdaramdam hanggang ngayon.

23 At(AO) hindi lamang sangnilikha, kundi pati naman tayo na mayroong mga unang bunga ng Espiritu, na tayo nama'y dumaraing din sa ating mga sarili, sa masidhing paghihintay ng pagkukupkop, ang pagtubos sa ating katawan.

24 Sapagkat tayo'y iniligtas sa pamamagitan ng pag-asang ito, ngunit ang pag-asang nakikita ay hindi pag-asa, sapagkat sino nga ang umaasa sa nakikita?

25 Subalit kung umaasa tayo sa hindi natin nakikita, hinihintay natin itong may pagtitiis.

26 At gayundin naman, ang Espiritu ay tumutulong sa ating kahinaan; sapagkat hindi tayo marunong manalangin nang nararapat; ngunit ang Espiritu mismo ang namamagitan[l] na may mga daing na hindi maipahayag;

27 ngunit ang Diyos na sumisiyasat ng mga puso ay nakakaalam kung ano ang kaisipan ng Espiritu, sapagkat siya ang namamagitan dahil sa mga banal ayon sa kalooban ng Diyos.

28 At nalalaman natin na sa lahat ng mga bagay ang Diyos ay gumagawa sa ikabubuti ng mga umiibig sa kanya, sa kanila na mga tinawag alinsunod sa kanyang layunin.

29 Sapagkat ang mga nakilala niya nang una pa ay itinalaga naman niya na maging katulad sa larawan ng kanyang Anak, upang siya ang maging panganay sa maraming magkakapatid;

30 at yaong mga itinalaga niya ay kanya namang tinawag at ang mga tinawag niya ay itinuring niyang ganap; at ang mga itinuring na ganap ay niluwalhati din naman niya.

Ang Pag-ibig ng Diyos

31 Ano nga ang ating sasabihin sa mga bagay na ito? Kung ang Diyos ay kakampi natin, sino ang laban sa atin?

32 Siya na hindi ipinagkait ang kanyang sariling Anak, kundi ibinigay dahil sa ating lahat, bakit naman hindi ibibigay sa atin nang walang bayad ang lahat ng mga bagay?

33 Sino ang magsasakdal ng anuman laban sa mga pinili ng Diyos? Ang Diyos ang siyang umaaring-ganap.

34 Sino ang hahatol? Si Cristo Jesus na namatay, oo, siyang muling binuhay mula sa mga patay, na siya ring nasa kanan ng Diyos, na siya ring namamagitan para sa atin.

35 Sino ang makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ni Cristo? Ang kahirapan ba, o ang kapighatian, o ang pag-uusig, o ang taggutom, o ang kahubaran, o ang panganib, o ang tabak?

36 Gaya(AP) ng nasusulat,

“Dahil sa iyo kami'y pinapatay sa buong araw;
    kami ay itinuring na mga tupa sa katayan.”

37 Ngunit sa lahat ng mga bagay na ito, tayo'y higit pa sa mga nagtatagumpay sa pamamagitan niya na sa atin ay umibig.

38 Sapagkat ako'y naniniwalang lubos, na kahit ang kamatayan man, ni ang buhay, ni ang mga anghel, ni ang mga pinuno, ni ang mga bagay na kasalukuyan, ni ang mga bagay na darating, ni ang mga kapangyarihan,

39 ni ang kataasan, ni ang kalaliman, ni ang alin pa mang nilalang, ay hindi makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos, na na kay Cristo Jesus na Panginoon natin.

Ang Pagkahirang ng Diyos sa Israel

Sinasabi ko ang katotohanang na kay Cristo; hindi ako nagsisinungaling, ito'y pinatotohanan ng aking budhi sa pamamagitan ng Espiritu Santo,

na mayroon akong malaking kalungkutan at walang tigil na kirot sa aking puso.

Sapagkat mamagalingin ko pang ako ay sumpain at mawalay kay Cristo alang-alang sa aking mga kapatid, na aking mga kamag-anak ayon sa laman.

Sila'y(AQ) mga Israelita, na sa kanila ang pagkukupkop, at ang kaluwalhatian, at ang mga tipan, at ang pagtanggap sa kautusan, at ang pagsamba at ang mga pangako;

sa kanila ang mga patriyarka, at sa kanila nagmula ang Cristo ayon sa laman, na siyang nangingibabaw sa lahat, Diyos na maluwalhati magpakailanman. Amen.

Subalit hindi sa ang salita ng Diyos ay nabigo. Sapagkat hindi lahat ng buhat sa Israel ay kabilang sa Israel;

ni(AR) hindi rin dahil sila'y binhi ni Abraham ay mga anak na silang lahat, kundi, “Kay Isaac tatawagin ang iyong binhi.”

Samakatuwid, ay hindi mga anak sa laman ang mga anak ng Diyos, kundi ang mga anak ng pangako ay siyang itinuturing bilang binhi.

Sapagkat(AS) ito ang salita ng pangako, “Sa mga ganito ring panahon ay darating ako, at magkakaroon si Sarah ng isang anak na lalaki.”

10 At hindi lamang iyon; kundi gayundin kay Rebecca nang siya'y naglihi sa pamamagitan ng isang lalaki, na si Isaac na ating ama.

11 Sapagkat bagaman ang mga anak ay hindi pa isinisilang, at hindi pa nakakagawa ng anumang mabuti o masama, (upang ang layunin ng Diyos ay manatili alinsunod sa pagpili,

12 na(AT) hindi sa pamamagitan ng mga gawa, kundi doon sa tumatawag) ay sinabi sa kanya, “Ang nakatatanda ay maglilingkod sa nakababata.”

13 Gaya(AU) ng nasusulat,

“Si Jacob ay aking minahal,
    ngunit si Esau ay aking kinasuklaman.”

14 Ano nga ang ating sasabihin? May kawalang-katarungan ba sa Diyos? Huwag nawang mangyari.

15 Sapagkat(AV) sinasabi niya kay Moises,

“Ako'y maaawa sa aking kinaaawaan,
    at ako'y mahahabag sa aking kinahahabagan.”

16 Kaya ito ay hindi ayon sa kalooban o pagsisikap ng tao, kundi ayon sa habag ng Diyos.

17 Sapagkat(AW) sinasabi ng kasulatan kay Faraon, “Dahil sa layuning ito, ay itinaas kita, upang aking maipakita sa pamamagitan mo ang aking kapangyarihan, at upang ang aking pangalan ay maipahayag sa buong lupa.”

18 Kaya nga siya'y may awa sa kanyang maibigan, at kanyang pinagmamatigas ang puso ng sinumang kanyang maibigan.

Ang Poot at Habag ng Diyos

19 Kaya't sasabihin mo sa akin, “Bakit humahanap pa siya ng kamalian? Sapagkat sino ang makakasalungat sa kanyang kalooban?”

20 Ngunit,(AX) sino ka, O tao, na makikipagtalo sa Diyos? Sasabihin ba ng bagay na hinubog doon sa humubog sa kanya, “Bakit mo ako ginawang ganito?”

21 O wala bang karapatan ang magpapalayok sa luwad, upang gumawa mula sa iisang limpak ng isang sisidlan para sa marangal na gamit at ang isa'y para sa pangkaraniwang gamit?

22 Ano nga kung sa pagnanais ng Diyos na ipakita ang kanyang poot, at ipakilala ang kanyang kapangyarihan, ay nagtitiis na may pagtitiyaga sa mga kinapopootan niya[m] na inihanda para sa pagkawasak;

23 upang maipakilala niya ang kayamanan ng kanyang kaluwalhatian sa mga kinaaawaan,[n] na kanyang inihanda nang una pa para sa kaluwalhatian,

24 maging sa atin na kanyang tinawag, hindi lamang mula sa mga Judio, kundi mula rin sa mga Hentil?

25 Gaya(AY) naman ng sinasabi niya sa Hoseas,

“Tatawagin kong ‘aking bayan’ ang hindi ko dating bayan;
    at ‘minamahal’ ang hindi dating minamahal.”
26 “At(AZ) mangyayari, na sa lugar na kung saan ay sinabi sa kanila, ‘Kayo'y hindi ko bayan,’
    doon sila tatawaging ‘mga anak ng Diyos na buháy.’”

27 At(BA) si Isaias ay sumisigaw tungkol sa Israel, “Bagaman ang bilang ng mga anak ng Israel ay maging tulad ng buhangin sa dagat, ang nalalabi lamang ang maliligtas:

28 sapagkat mabilis at tiyak na isasagawa ng Panginoon ang kanyang salita sa lupa.”

29 At(BB) gaya ng sinabi nang una ni Isaias,

“Kung hindi nag-iwan sa atin ng isang binhi ang Panginoon ng mga hukbo,
    tayo'y naging katulad sana ng Sodoma,
    at naging gaya ng Gomorra.”

Ang Israel at ang Ebanghelyo

30 Ano nga ang ating sasabihin? Ang mga Hentil na hindi nagsumikap sa katuwiran ay nagkamit ng katuwiran, samakatuwid ay katuwiran sa pamamagitan ng pananampalataya;

31 ngunit ang Israel na nagsusumikap sa katuwiran sa pamamagitan ng kautusan, ay hindi nakaabot sa pagsunod sa kautusang iyon.

32 Bakit? Sapagkat hindi nila pinagsikapan iyon batay sa pananampalataya, kundi batay sa mga gawa. Sila'y natisod sa batong katitisuran,

33 gaya ng nasusulat,

“Tingnan ninyo,(BC) inilalagay ko sa Zion ang isang batong ikabubuwal at batong katitisuran,
    at ang sumasampalataya sa kanya'y hindi malalagay sa kahihiyan.”

10 Mga kapatid, ang nais ng aking puso at ang dalangin ko sa Diyos alang-alang sa kanila ay ang sila ay maligtas.

Ako'y makapagpapatotoo na sila'y may sigasig para sa Diyos, subalit hindi ayon sa kaalaman.

Sapagkat sa kanilang pagiging mangmang sa katuwiran ng Diyos, at sa pagsisikap nilang maitayo ang sariling pagiging matuwid ay hindi sila nagpasakop sa pagiging matuwid ng Diyos.

Sapagkat si Cristo ang kinauuwian ng kautusan upang maging matuwid ang bawat sumasampalataya.

Ang Kaligtasan ay para sa Lahat

Sapagkat(BD) sumusulat si Moises tungkol sa pagiging matuwid na batay sa kautusan, na “ang taong gumagawa ng mga bagay na ito ay mabubuhay sa mga ito.”

Ngunit(BE) sinasabi ng pagiging matuwid na batay sa pananampalataya ang ganito, “Huwag mong sabihin sa iyong puso, ‘Sino ang aakyat sa langit?’” (Ito ay upang ibaba si Cristo.)

“O, ‘Sino ang mananaog sa kailaliman?’” (Ito ay upang iakyat si Cristo mula sa mga patay.)

Ngunit ano ang sinasabi nito? “Ang salita ay malapit sa iyo, nasa iyong bibig, at sa iyong puso.” Ito ay ang salita ng pananampalataya na aming ipinangangaral.

Sapagkat kung ipahahayag mo sa pamamagitan ng iyong bibig si Jesus na Panginoon, at sasampalataya ka sa iyong puso na binuhay siyang muli ng Diyos mula sa mga patay, ay maliligtas ka.

10 Sapagkat sa puso ang tao'y nananampalataya kaya't itinuturing na ganap, at sa pamamagitan ng bibig ay nagpapahayag kaya't naliligtas.

11 Sapagkat(BF) sinasabi ng kasulatan, “Ang bawat sumasampalataya sa kanya ay hindi malalagay sa kahihiyan.”

12 Sapagkat walang pagkakaiba sa Judio at Griyego; sapagkat ang Panginoon ay siya ring Panginoon ng lahat, at siya'y mapagbigay sa lahat ng tumatawag sa kanya.

13 Sapagkat,(BG) “Ang lahat ng tumatawag sa pangalan ng Panginoon ay maliligtas.”

14 Ngunit paano nga silang tatawag sa kanya na hindi nila sinampalatayanan? At paano sila sasampalataya sa kanya na hindi nila napakinggan? At paano sila makikinig kung walang mangangaral?

15 At(BH) paano sila mangangaral kung hindi sila sinugo? Gaya ng nasusulat, “Anong ganda ng mga paa ng mga nagdadala ng mabuting balita ng mabubuting bagay!”

16 Subalit(BI) hindi lahat ay sumunod sa ebanghelyo. Sapagkat sinasabi ni Isaias, “Panginoon, sino ang naniwala sa aming balita?”

17 Kaya ang pananampalataya ay nanggagaling sa pakikinig, at ang pakikinig ay sa pamamagitan ng salita ni Cristo.[o]

18 Ngunit(BJ) sinasabi ko, hindi ba nila narinig? Talagang narinig nila, sapagkat

“Ang tinig nila ay kumalat sa buong lupa,
    at ang kanilang mga salita, hanggang sa mga dulo ng daigdig.”

19 Ngunit(BK) sinasabi ko, hindi ba naunawaan ng Israel? Una ay sinasabi ni Moises,

“Papanibughuin ko kayo doon sa mga hindi isang bansa,
    sa pamamagitan ng isang bansang hangal ay gagalitin ko kayo.”

20 At(BL) si Isaias ay buong tapang na nagsasabi,

“Ako'y natagpuan nila na mga hindi humahanap sa akin;
    ako'y nahayag sa kanila na hindi nagtatanong tungkol sa akin.”

21 Subalit(BM) tungkol sa Israel ay sinasabi niya, “Sa buong araw ay iniunat ko ang aking mga kamay sa isang suwail at mapagsalungat na bayan.”

Kinahabagan ng Diyos ang Israel

11 Sinasabi(BN) ko nga, itinakuwil ba ng Diyos ang kanyang bayan? Huwag nawang mangyari. Sapagkat ako man ay Israelita, mula sa binhi ni Abraham, mula sa lipi ni Benjamin.

Hindi itinakuwil ng Diyos ang kanyang bayan na nang una pa'y kilala na niya. O hindi ba ninyo nalalaman ang sinasabi ng kasulatan tungkol kay Elias? Kung paanong nagmakaawa siya sa Diyos laban sa Israel?

“Panginoon,(BO) pinatay nila ang iyong mga propeta, giniba nila ang iyong mga dambana; at ako'y naiwang nag-iisa, at tinutugis nila ang aking buhay.”

Subalit(BP) ano ang sinasabi sa kanya ng kasagutan ng Diyos? “Nagtira ako para sa akin ng pitong libong lalaki na hindi lumuhod kay Baal.”

Gayundin sa panahong kasalukuyan ay may nalalabi na hinirang sa pamamagitan ng biyaya.

Ngunit kung ito'y sa pamamagitan ng biyaya, ito'y hindi na batay sa mga gawa; kung hindi, ang biyaya ay hindi biyaya.

Ano ngayon? Ang hinahanap ng Israel ay hindi niya nakamtan, ngunit ito'y nakamtan ng hinirang at ang iba'y pinapagmatigas,

ayon(BQ) sa nasusulat,

“Binigyan sila ng Diyos ng espiritu ng pagkakahimbing,
    ng mga matang hindi tumitingin,
    at ng mga taingang hindi nakikinig
hanggang sa araw na ito.”

At(BR) sinasabi ni David,

“Ang kanilang hapag nawa'y maging isang silo, isang bitag,
    isang katitisuran, at isang ganti sa kanila;
10 magdilim nawa ang kanilang mga mata, upang sila'y huwag makakita,
    mabaluktot nawa ang kanilang likod nang habang panahon.”

11 Sinasabi ko nga, natisod ba sila upang mahulog? Huwag nawang mangyari. Subalit sa pagkahulog nila'y dumating ang kaligtasan sa mga Hentil, upang pukawin sila sa paninibugho.

12 Ngayon kung ang pagkahulog nila ay siyang kayamanan ng sanlibutan, at ang pagkalugi nila ay siyang kayamanan ng mga Hentil, gaano pa kaya ang lubos na panunumbalik nila?

Ang Kaligtasan ng mga Hentil

13 Ngayo'y nagsasalita ako sa inyong mga Hentil. Palibhasa ako nga'y isang apostol sa mga Hentil, niluluwalhati ko ang aking ministeryo

14 baka sakaling mapukaw ko sa panibugho ang aking mga kapwa Judio at mailigtas ang ilan sa kanila.

15 Sapagkat kung ang pagkatakuwil sa kanila ay siyang pakikipagkasundo ng sanlibutan, ano kaya ang pagtanggap sa kanila, kundi buhay mula sa mga patay?

16 Kung ang masang inialay bilang unang bunga ay banal, ay gayundin ang buong limpak; at kung ang ugat ay banal, gayundin ang mga sanga.

17 Subalit kung ang ilang mga sanga ay nabali, at ikaw, na isang olibong ligaw ay isinanib sa kanila, at ikaw ay naging kabahagi nila sa ugat ng katabaan ng punong olibo,

18 huwag kang magmalaki sa mga sanga. Ngunit kung magmalaki ka, alalahanin mong hindi ikaw ang nagdadala sa ugat, kundi ang ugat ang nagdadala sa iyo.

19 Sasabihin mo nga, “Ang mga sanga ay nabali upang ako ay maisanib.”

20 Tama; sa kawalan nila ng pananampalataya ay nabali sila, at sa iyong pananampalataya'y nakatayo ka. Huwag kang magmalaki kundi matakot ka.

21 Sapagkat kung hindi pinanghinayangan ng Diyos ang mga likas na sanga, ikaw man ay hindi panghihinayangan.

22 Tingnan mo nga ang kabaitan at ang kabagsikan ng Diyos: sa mga nahulog ay kabagsikan, ngunit sa iyo ay ang kabaitan ng Diyos kung mananatili ka sa kanyang kabaitan; kung hindi, ikaw man ay puputulin.

23 At sila man, kung hindi sila magpapatuloy sa di-pagsampalataya, sila ay mapapasanib, sapagkat makapangyarihan ang Diyos upang sila'y isanib na muli.

24 Sapagkat kung ikaw nga na pinutol mula sa likas na olibong ligaw, at salungat sa kalikasan, ay isinanib ka sa pinayabong na punong olibo; gaano pa nga ang mga ito, na mga likas na sanga na maisasanib sa kanilang sariling punong olibo?

Nahahabag ang Diyos sa Lahat

25 Upang kayo'y huwag magmarunong sa inyong sarili, mga kapatid, nais kong malaman ninyo ang hiwagang ito, na ang pagmamatigas ay nangyari sa isang bahagi ng Israel hanggang makapasok ang buong bilang ng mga Hentil.

26 Sa(BS) ganoon ang buong Israel ay maliligtas; gaya ng nasusulat,

“Lalabas mula sa Zion ang Tagapagligtas;
    ihihiwalay niya ang kasamaan mula sa Jacob.”
27 “At(BT) ito ang aking tipan sa kanila,
    kapag inalis ko ang kanilang mga kasalanan.”

28 Tungkol sa ebanghelyo, sila'y mga kaaway alang-alang sa inyo; subalit tungkol sa paghirang, sila'y mga minamahal alang-alang sa mga ninuno.

29 Sapagkat ang mga kaloob at ang pagtawag ng Diyos ay hindi mababago.

30 Kung paanong kayo nang dati ay mga masuwayin sa Diyos, subalit ngayon kayo'y tumanggap ng habag sa pamamagitan ng kanilang pagsuway,

31 gayundin naman ang mga ito na ngayon ay naging mga masuwayin upang sa pamamagitan ng habag na ipinakita sa inyo, sila rin ay tumanggap ngayon ng habag.

32 Sapagkat kinulong ng Diyos ang lahat sa pagsuway upang siya'y mahabag sa lahat.

Papuri sa Diyos

33 O(BU) ang kalaliman ng mga kayamanan ng karunungan at ng kaalaman ng Diyos! Hindi masuri ang mga hatol niya, at hindi masiyasat ang kanyang mga daan!

34 “Sapagkat(BV) sino ang nakakaalam ng pag-iisip ng Panginoon?
    O sino ang kanyang naging tagapayo?”
35 “O(BW) sino ang nakapagbigay na sa kanya,
    at siya'y mababayaran?”

36 Sapagkat(BX) mula sa kanya, at sa pamamagitan niya, at para sa kanya ang lahat ng mga bagay. Sumakanya nawa ang kaluwalhatian magpakailanman. Amen.

Pamumuhay Cristiano

12 Kaya nga, mga kapatid, isinasamo ko sa inyo, alang-alang sa mga kahabagan ng Diyos, na inyong ialay ang inyong mga katawan na isang handog na buháy, banal, na kasiya-siya sa Diyos, na siya ninyong makatuwirang paglilingkod.[p]

Huwag ninyong tularan ang sanlibutang ito; kundi magbago kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong pag-iisip, upang mapatunayan ninyo kung alin ang mabuti, kasiya-siya, at lubos na kalooban ng Diyos.

Sapagkat sinasabi ko, sa pamamagitan ng biyaya na ibinigay sa akin, na ang bawat isa sa inyo ay huwag mag-isip sa kanyang sarili nang higit kaysa nararapat niyang isipin; kundi mag-isip nang may katinuan, ayon sa sukat ng pananampalataya na ipinamahagi ng Diyos sa bawat isa.

Sapagkat(BY) kung paanong sa isang katawan ay mayroon tayong maraming mga bahagi, at ang mga bahagi ay hindi magkakatulad ang gawain;

kaya't tayo na marami, ay iisang katawan kay Cristo, at mga bahagi na sama-sama sa isa't isa.

Tayo(BZ) ay may mga kaloob na magkakaiba ayon sa biyaya na ibinigay sa atin: kung propesiya ay gamitin ito ayon sa sukat ng pananampalataya;

kung paglilingkod ay sa paglilingkod, o ang nagtuturo ay sa pagtuturo;

o ang nangangaral ay sa pangangaral; ang nagbibigay ay magbigay na may magandang-loob; ang namumuno ay may pagsisikap; ang mahabagin ay may kasiglahan.

Ang pag-ibig ay maging walang pagkukunwari. Kapootan ninyo ang masama; panghawakan ang mabuti.

10 Magmahalan kayo na may pag-ibig bilang magkakapatid; sa pagpaparangal sa iba ay mag-unahan kayo,

11 huwag maging tamad sa pagsisikap, maging maalab sa espiritu, na naglilingkod sa Panginoon.

12 Magalak kayo sa pag-asa, maging matiisin sa kapighatian, matiyaga sa pananalangin.

13 Magbigay sa mga pangangailangan ng mga banal at magmagandang-loob sa mga dayuhan.

14 Pagpalain(CA) ninyo ang mga umuusig sa inyo; pagpalain ninyo, at huwag ninyong sumpain.

15 Makigalak kayo sa mga nagagalak; makiiyak kayo sa mga umiiyak.

16 Magkaisa(CB) kayo ng pag-iisip. Huwag ninyong ituon ang inyong pag-iisip sa mga palalong bagay, kundi makiayon kayo sa mga bagay na may kapakumbabaan. Huwag kayong magmagaling sa inyong mga sarili.

17 Huwag ninyong gantihan ang sinuman ng masama sa masama. Isipin ninyo ang mga bagay na kapuri-puri sa harapan ng lahat ng mga tao.

18 Kung maaari, hanggang sa inyong makakaya, ay makipamuhay kayo nang mapayapa sa lahat ng mga tao.

19 Mga(CC) minamahal, huwag ninyong ipaghiganti ang inyong sarili, kundi ipaubaya iyon sa galit ng Diyos; sapagkat nasusulat, “Akin ang paghihiganti; ako ang gaganti, sabi ng Panginoon.”

20 Kaya't(CD) “kung ang iyong kaaway ay magutom, pakainin mo; kung siya'y mauhaw, painumin mo; sapagkat sa paggawa mo ng ganito ay mga baga ng apoy ang ibubunton mo sa kanyang ulo.”

21 Huwag kang padaig sa masama, kundi daigin mo ng mabuti ang masama.

Tungkulin sa mga may Kapangyarihan

13 Ang bawat tao ay magpasakop sa mga namamahalang awtoridad, sapagkat walang pamamahala na hindi mula sa Diyos; at ang mga pamamahalang iyon ay itinalaga ng Diyos.

Kaya't ang lumalaban sa may kapangyarihan[q] ay lumalaban sa itinalaga ng Diyos; at ang mga lumalaban ay tatanggap ng kahatulan sa kanilang sarili.

Sapagkat ang mga pinuno ay hindi kilabot sa mabuting gawa, kundi sa masama. At ibig mo bang huwag magkaroon ng takot sa may kapangyarihan? Gawin mo ang mabuti, at magkakamit ka ng kapurihan mula sa kanya:

sapagkat siya'y lingkod ng Diyos para sa kabutihan mo. Ngunit kung masama ang ginagawa mo, matakot ka, sapagkat hindi walang kabuluhan ang pagdadala niya ng tabak. Siya'y lingkod ng Diyos, upang ilapat ang poot sa gumagawa ng masama.

Kaya't nararapat na magpasakop, hindi lamang dahil sa galit, kundi dahil din sa budhi.

Sapagkat(CE) sa gayunding dahilan ay nagbabayad din kayo ng buwis, sapagkat ang namamahala ay mga lingkod ng Diyos na patuloy na nangangasiwa sa bagay na ito.

Ibigay ninyo sa lahat ang sa kanila'y nararapat: buwis sa dapat buwisan; ambag sa dapat ambagan; paggalang sa dapat igalang; parangal sa dapat parangalan.

Tungkulin sa Kapwa

Huwag kayong magkautang ng anuman sa kaninuman, kundi mag-ibigan sa isa't isa, sapagkat ang umiibig sa kanyang kapwa'y nakatupad na ng kautusan.

Ang(CF) mga utos na, “Huwag kang mangangalunya; Huwag kang papatay; Huwag kang magnanakaw; Huwag kang mag-iimbot;” at kung mayroon pang ibang utos, ay nauuwi sa salitang ito, “Ibigin mo ang iyong kapwa na gaya ng iyong sarili.”

10 Ang pag-ibig ay hindi gumagawa ng masama sa kanyang kapwa; ang pag-ibig ang siyang katuparan ng kautusan.

11 Bukod dito, alam ninyo ang panahon, na ngayo'y oras na upang magising kayo sa pagkakatulog. Sapagkat ngayon ay higit na malapit na sa atin ang kaligtasan kaysa noong tayo'y sumampalataya nang una.

12 Malalim na ang gabi, at ang araw ay malapit na. Kaya't iwaksi na natin ang mga gawa ng kadiliman, at ating isakbat ang mga sandata ng liwanag.

13 Lumakad tayo nang maayos, gaya ng sa araw; huwag sa kalayawan at paglalasing, huwag sa kalaswaan at sa kahalayan, huwag sa mga away at paninibugho.

14 Kundi isuot ninyo ang Panginoong Jesu-Cristo, at huwag ninyong paglaanan ang laman, upang masunod ang mga pagnanasa nito.

Huwag Humatol sa Iyong Kapatid

14 Ngunit(CG) ang mahina sa pananampalataya[r] ay tanggapin ninyo, hindi upang mag-away tungkol sa mga kuru-kuro.

May taong naniniwala na makakain ang lahat ng mga bagay; ngunit ang mahina ay kumakain ng mga gulay.

Huwag hamakin ng kumakain ang hindi kumakain; at ang hindi kumakain ay huwag humatol sa kumakain; sapagkat sila'y tinanggap ng Diyos.

Sino kang humahatol sa alipin ng iba? Sa kanyang sariling panginoon siya ay tatayo o mabubuwal. Subalit siya'y patatayuin, sapagkat magagawa ng Panginoon na siya'y tumayo.

May taong nagpapahalaga sa isang araw nang higit kaysa iba, ngunit may iba namang nagpapahalaga sa bawat araw. Hayaang mapanatag ang bawat tao sa kanyang sariling pag-iisip.

Ang nagpapahalaga sa araw ay nagpapahalaga nito sa Panginoon; at ang kumakain ay kumakain para sa Panginoon, sapagkat siya'y nagpapasalamat sa Diyos; at ang hindi kumakain para sa Panginoon ay hindi kumakain at nagpapasalamat sa Diyos.

Walang sinuman sa atin ang nabubuhay sa kanyang sarili, at walang sinumang namamatay sa kanyang sarili.

Kung nabubuhay tayo, sa Panginoon tayo'y nabubuhay; o kung namamatay tayo, sa Panginoon tayo'y namamatay. Kaya't mabuhay man tayo o mamatay, tayo'y sa Panginoon.

Sapagkat dahil dito si Cristo ay namatay at muling nabuhay, upang siya'y maging Panginoon ng mga patay at gayundin ng mga buháy.

10 At(CH) ikaw, bakit mo hinahatulan ang iyong kapatid? O ikaw naman, bakit hinahamak mo ang iyong kapatid? Sapagkat tayong lahat ay tatayo sa harapan ng hukuman ng Diyos.

11 Sapagkat(CI) nasusulat,

“Kung paanong buháy ako, sabi ng Panginoon, ang bawat tuhod ay luluhod sa akin,
    at ang bawat dila ay magpupuri[s] sa Diyos.”

12 Kaya't ang bawat isa sa atin ay magbibigay-sulit sa Diyos ng kanyang sarili.

Huwag Maging Dahilan ng Pagkakasala ng Iyong Kapatid

13 Huwag na tayong humatol pa sa isa't isa; kundi ipasiya na huwag maglagay ng batong katitisuran o ng balakid sa daan ng kanyang kapatid.

14 Nalalaman ko, at naniniwala akong lubos sa Panginoong Jesus na walang anumang bagay na marumi sa kanyang sarili, maliban doon sa nagpapalagay na ang isang bagay ay marumi, sa kanya ito ay marumi.

15 Kung dahil sa pagkain ay nasasaktan ang kalooban ng iyong kapatid, hindi ka na lumalakad ayon sa pag-ibig. Huwag mong ipahamak dahil sa iyong pagkain ang mga taong alang-alang sa kanila ay namatay si Cristo.

16 Huwag nga ninyong hayaan na ang inyong kabutihan ay masabing masama.

17 Sapagkat ang kaharian ng Diyos ay hindi ang pagkain at pag-inom, kundi ang pagiging matuwid, kapayapaan, at ang kagalakan sa Espiritu Santo.

18 Sapagkat ang naglilingkod nang ganito kay Cristo ay kalugud-lugod sa Diyos, at tinatanggap ng mga tao.

19 Kaya nga sundin natin ang mga bagay na magbubunga ng kapayapaan, at ang mga bagay na makapagpapatibay sa isa't isa.

20 Huwag mong wasakin ang gawa ng Diyos dahil sa pagkain. Tunay na ang lahat ng mga bagay ay malilinis; gayunman ay masama para sa iyo na sa pamamagitan ng iyong kinakain ay matisod ang iba.

21 Mabuti ang hindi kumain ng karne, ni uminom ng alak, ni gumawa ng anuman na ikatitisod ng iyong kapatid.

22 Ang paniniwalang nasa iyo ay taglayin mo sa iyong sarili sa harapan ng Diyos. Mapalad ang hindi humahatol sa kanyang sarili dahil sa bagay na kanyang sinasang-ayunan.

23 Ngunit ang nag-aalinlangan ay hinahatulan kung kumakain, sapagkat hindi batay sa pananampalataya; at ang anumang hindi batay sa pananampalataya[t] ay kasalanan.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001