Bible in 90 Days
Pinakain ni Jesus ang Limang Libo(A)
6 Pagkatapos ng mga bagay na ito, pumunta si Jesus sa kabilang pampang ng dagat ng Galilea, na siya ring Dagat ng Tiberias.
2 Sumusunod sa kanya ang napakaraming tao sapagkat nakita nila ang mga tanda na ginagawa niya sa mga maysakit.
3 Umakyat si Jesus sa bundok at doo'y naupo siya na kasama ng kanyang mga alagad.
4 Malapit na noon ang Paskuwa na pista ng mga Judio.
5 Itinanaw ni Jesus ang kanyang mga mata, at nang makita niya ang napakaraming taong lumalapit sa kanya ay sinabi niya kay Felipe, “Saan tayo makakabili ng tinapay, upang makakain ang mga taong ito?”
6 Ito'y sinabi niya upang siya'y subukin sapagkat nalalaman niya sa kanyang sarili kung ano ang gagawin niya.
7 Sumagot sa kanya si Felipe, “Hindi magkakasiya sa kanila ang dalawang daang denariong[a] tinapay, upang makakain ng kaunti ang bawat isa.”
8 Si Andres, na kapatid ni Simon Pedro, isa sa kanyang mga alagad ay nagsabi sa kanya,
9 “May isang batang lalaki rito na mayroong limang tinapay na sebada at dalawang isda, subalit gaano na ang mga ito sa ganito karaming mga tao?”
10 Sinabi ni Jesus, “Paupuin ninyo ang mga tao.” Madamo sa dakong iyon, kaya't umupo ang mga lalaki na may limang libo ang bilang.
11 Kinuha ni Jesus ang mga tinapay at nang makapagpasalamat ay ipinamahagi niya sa mga nakaupo. Binigyan din sila ng mga isda hanggang gusto nila.
12 Nang sila'y mabusog ay sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Tipunin ninyo ang mga pinagputul-putol na lumabis upang walang anumang masayang.”
13 Kaya't kanilang tinipon ang mga ito at nakapuno ng labindalawang kaing ng mga pinagputul-putol na limang tinapay na sebada na lumabis sa mga kumain.
14 Nang makita ng mga tao ang tandang ginawa niya ay kanilang sinabi, “Totoong ito nga ang propeta na darating sa sanlibutan.”
15 Nang mahalata ni Jesus na sila'y lalapit at pipilitin siyang gawing hari, siya'y muling umalis na nag-iisa patungo sa bundok.
Lumakad si Jesus sa Ibabaw ng Tubig(B)
16 Pagsapit ng gabi, lumusong ang kanyang mga alagad sa dagat.
17 Sumakay sila sa isang bangka at pinasimulan nilang tawirin ang dagat hanggang sa Capernaum. Madilim na noon at hindi pa dumarating sa kanila si Jesus.
18 Lumalaki ang mga alon sa dagat dahil sa malakas na hanging humihihip.
19 Nang sila'y makasagwan na ng may lima hanggang anim na kilometro[b] ay kanilang nakita si Jesus na lumalakad sa ibabaw ng dagat at papalapit sa bangka. Sila'y natakot,
20 subalit sinabi niya sa kanila, “Ako ito; huwag kayong matakot.”
21 Kaya't malugod siyang tinanggap nila sa bangka at kaagad na dumating ang bangka sa lupang kanilang patutunguhan.
Hinanap ng mga Tao si Jesus
22 Kinabukasan ay nakita ng mga taong nakatayo sa kabilang pampang ng dagat na doo'y walang ibang bangka maliban sa isa. Nakita rin nila na hindi sumakay sa bangka si Jesus na kasama ng kanyang mga alagad, kundi ang kanyang mga alagad lamang ang umalis.
23 Gayunman, may mga bangkang dumating mula sa Tiberias malapit sa pook na kanilang kinainan ng tinapay, pagkatapos na makapagpasalamat ang Panginoon.
24 Nang makita ng mga tao na wala roon si Jesus, o ang kanyang mga alagad man, sumakay sila sa mga bangka at dumating sa Capernaum na hinahanap si Jesus.
Si Jesus ang Tinapay ng Buhay
25 Nang siya'y kanilang makita sa kabilang pampang ng dagat, kanilang sinabi sa kanya, “Rabi, kailan ka dumating dito?”
26 Sinagot sila ni Jesus, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, ako'y inyong hinahanap hindi dahil sa nakakita kayo ng mga tanda, kundi dahil sa kayo'y kumain ng tinapay, at kayo'y nabusog.
27 Huwag kayong magsumikap nang dahil sa pagkaing nasisira, kundi dahil sa pagkaing tumatagal para sa buhay na walang hanggan na ibibigay sa inyo ng Anak ng Tao, sapagkat sa kanya inilagay ng Diyos Ama ang kanyang tatak.”
28 Sinabi nila sa kanya, “Ano ang kailangan naming gawin upang aming magawa ang mga gawa ng Diyos?”
29 Sumagot si Jesus sa kanila, “Ito ang gawa ng Diyos na inyong sampalatayanan ang kanyang sinugo.”
30 Sinabi naman nila sa kanya, “Ano ngayon ang tanda na iyong ginagawa na aming makikita upang sumampalataya kami sa iyo? Ano ang iyong ginagawa?
31 Ang(C) aming mga ninuno ay kumain ng manna sa ilang, gaya ng nasusulat, ‘Kanyang binigyan sila ng tinapay na galing sa langit upang kanilang makain.’”
32 Kaya't sinabi sa kanila ni Jesus, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, hindi si Moises ang nagbigay sa inyo ng tinapay na galing sa langit kundi ang aking Ama ang nagbibigay sa inyo ng tunay na tinapay na galing sa langit.
33 Sapagkat ang tinapay ng Diyos ay ang bumababang mula sa langit at nagbibigay ng buhay sa sanlibutan.
34 Sinabi nila sa kanila, “Panginoon, lagi mo kaming bigyan ng tinapay na ito.”
35 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Ako ang tinapay ng buhay. Ang lumalapit sa akin ay hindi magugutom, at ang sumasampalataya sa akin ay hindi kailanman mauuhaw.
36 Subalit sinabi ko sa inyo na nakita ninyo ako subalit hindi kayo sumasampalataya.
37 Ang lahat ng ibinibigay sa akin ng Ama ay lalapit sa akin; at ang lumalapit sa akin kailanman ay hindi ko itataboy.
38 Sapagkat ako'y bumaba mula sa langit hindi upang gawin ko ang aking sariling kalooban, kundi ang kalooban ng nagsugo sa akin.
39 At ito ang kalooban ng nagsugo sa akin na sa lahat ng ibinigay niya sa akin ay huwag kong iwala ang anuman, kundi muli kong bubuhayin sa huling araw.
40 Sapagkat ito ang kalooban ng aking Ama, na ang bawat nakakakita sa Anak at sa kanya'y sumampalataya ay magkaroon ng buhay na walang hanggan, at muli ko siyang bubuhayin sa huling araw.”
41 Kaya't ang mga Judio ay nagbulung-bulungan tungkol sa kanya sapagkat kanyang sinabi, “Ako ang tinapay na bumabang galing sa langit.”
42 Kanilang sinabi, “Hindi ba ito'y si Jesus, ang anak ni Jose, na kilala natin ang kanyang ama at ina? Paano niya nasasabi, ‘Ako'y bumabang galing sa langit?’”
43 Sumagot si Jesus sa kanila, “Huwag kayong magbulung-bulungan.
44 Walang taong makakalapit sa akin malibang ilapit siya ng Ama na nagsugo sa akin; at siya'y muli kong bubuhayin sa huling araw.
45 Nasusulat(D) sa mga propeta, ‘At tuturuan silang lahat ng Diyos.’ Ang bawat nakarinig at natuto sa Ama ay lumalapit sa akin.
46 Hindi dahil sa mayroong nakakita sa Ama maliban sa kanya na mula sa Diyos. Siya ang nakakita sa Ama.
47 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, ang sinumang sumasampalataya ay may buhay na walang hanggan.
48 Ako ang tinapay ng buhay.
49 Kumain ng manna sa ilang ang inyong mga ninuno, at sila'y namatay.
50 Ito ang tinapay na bumababang galing sa langit, upang ang sinumang makakain nito ay hindi mamatay.
51 Ako ang tinapay na buháy na bumabang galing sa langit. Kung ang sinuman ay kumain ng tinapay na ito, siya'y mabubuhay magpakailanman, at ang tinapay na aking ibibigay sa ikabubuhay ng sanlibutan ay ang aking laman.”
52 Kaya't ang mga Judio'y nagtalu-talo, na sinasabi, “Paanong maipakakain sa atin ng taong ito ang kanyang laman?”
53 Sinabi nga sa kanila ni Jesus, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, malibang inyong kainin ang laman ng Anak ng Tao at inumin ang kanyang dugo, wala kayong buhay sa inyong sarili.
54 Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay may buhay na walang hanggan, at siya'y muli kong bubuhayin sa huling araw.
55 Sapagkat ang aking laman ay tunay na pagkain, at ang aking dugo ay tunay na inumin.
56 Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay nananatili sa akin, at ako'y sa kanya.
57 Kung paanong ang buháy na Ama ay nagsugo sa akin at ako'y nabubuhay dahil sa Ama, gayundin ang kumakain sa akin ay mabubuhay dahil sa akin.
58 Ito ang tinapay na bumabang galing sa langit, hindi gaya ng tinapay na kinain ng inyong mga ninuno at sila'y namatay. Ang kumakain ng tinapay na ito ay mabubuhay magpakailanman.”
59 Sinabi niya ang mga bagay na ito sa sinagoga, samantalang siya'y nagtuturo sa Capernaum.
Mga Salita ng Buhay na Walang Hanggan
60 Nang ito ay marinig ng marami sa kanyang mga alagad, sila ay nagsabi, “Mahirap ang pananalitang ito. Sino ang may kayang makinig nito?”
61 Subalit si Jesus, palibhasa'y nalalaman niya na ang kanyang mga alagad ay nagbubulungan tungkol dito, ay nagsalita sa kanila, “Ito ba ay nakakatisod sa inyo?
62 Ano nga kung makita ninyong umaakyat ang Anak ng Tao sa kinaroroonan niya nang una?
63 Ang Espiritu ang nagbibigay-buhay, ang laman ay walang anumang pakinabang. Ang mga salitang sinabi ko sa inyo ay espiritu at buhay.
64 Subalit may ilan sa inyo na hindi sumasampalataya.” Sapagkat nalalaman na ni Jesus buhat pa nang una kung sinu-sino ang hindi sumasampalataya at kung sino ang magkakanulo sa kanya.
65 Sinabi niya, “Dahil dito'y sinabi ko sa inyo, walang taong makakalapit sa akin, malibang ipagkaloob sa kanya ng Ama.”
66 Dahil dito, marami sa kanyang mga alagad ay tumalikod at hindi na sumama sa kanya.
67 Kaya't sinabi ni Jesus sa labindalawa, “Ibig din ba ninyong umalis?”
68 Sumagot(E) sa kanya si Simon Pedro, “Panginoon, kanino kami pupunta? Ikaw ang may mga salita ng buhay na walang hanggan.
69 Kami'y sumasampalataya at nalalaman namin na ikaw ang Banal ng Diyos.”
70 Sumagot sa kanila si Jesus, “Hindi ba pinili ko kayo, ang labindalawa, at ang isa sa inyo ay diyablo?”
71 Siya nga ay nagsasalita tungkol kay Judas na anak ni Simon Iscariote,[c] sapagkat siya na isa sa labindalawa ang magkakanulo sa kanya.
Si Jesus at ang Kanyang mga Kapatid
7 Pagkatapos ng mga bagay na ito ay pumunta si Jesus sa Galilea. Ayaw niyang dumaan sa Judea, sapagkat pinagsisikapan ng mga Judio na siya'y patayin.
2 Malapit(F) na noon ang pista ng mga Judio, ang pista ng mga Tabernakulo.[d]
3 Sinabi sa kanya ng kanyang mga kapatid, “Umalis ka rito at pumunta ka sa Judea, upang makita ng iyong mga alagad ang iyong mga ginagawa.
4 Sapagkat walang taong nagnanais makilala ang gumagawa ng anumang bagay sa lihim. Kung ginagawa mo ang mga bagay na ito ay ipakilala mo ang iyong sarili sa sanlibutan.”
5 Sapagkat maging ang kanyang mga kapatid man ay hindi sumampalataya sa kanya.
6 Sinabi sa kanila ni Jesus, “Hindi pa dumating ang aking oras, subalit ang inyong oras ay laging naririyan.
7 Hindi kayo maaaring kapootan ng sanlibutan, ngunit ako'y kinapopootan nito, sapagkat ako'y nagpapatotoo laban dito na masasama ang kanyang mga gawa.
8 Kayo na ang pumunta sa pista. Ako'y hindi pupunta sa pistang ito, sapagkat hindi pa dumating ang aking oras.”
9 At nang masabi ang mga bagay na ito ay nanatili siya sa Galilea.
Si Jesus sa Pista ng mga Tabernakulo
10 Subalit nang makaahon na ang kanyang mga kapatid para sa pista, saka naman siya umahon, hindi hayagan kundi palihim.
11 Hinahanap nga siya ng mga Judio sa pista, at kanilang sinasabi, “Saan siya naroroon?”
12 Nagkaroon ng maraming bulung-bulungan tungkol sa kanya ang mga tao. Sinasabi ng ilan, “Siya'y mabuting tao.” Sinasabi naman ng iba, “Hindi, inililigaw niya ang mga tao.”
13 Subalit walang taong nagsalita nang hayag tungkol sa kanya dahil sa takot sa mga Judio.
14 Nang ang kapistahan ay nasa kalagitnaan na ay pumunta si Jesus sa templo at nagturo.
15 Namangha ang mga Judio, na nagsasabi, “Paanong nagkaroon ang taong ito ng karunungan, gayong hindi naman nag-aral kailanman?”
16 Sinagot sila ni Jesus, “Ang turo ko ay hindi akin, kundi sa kanya na nagsugo sa akin.
17 Kung ang sinuman ay nagnanais gumawa ng kalooban ng Diyos[e] ay makikilala niya kung ang turo ay mula sa Diyos, o kung ako'y nagsasalita mula sa aking sarili.
18 Ang nagsasalita nang mula sa kanyang sarili ay humahanap ng kanyang sariling kaluwalhatian; subalit ang humahanap ng kaluwalhatian ng nagsugo sa kanya ay siyang totoo, at sa kanya'y walang kasinungalingan.
19 Hindi ba ibinigay sa inyo ni Moises ang kautusan? Subalit wala sa inyong tumutupad ng kautusan. Bakit ninyo pinagsisikapang ako'y patayin?”
20 Sumagot ang maraming tao, “Mayroon kang demonyo! Sino ang nagsisikap na ikaw ay patayin?”
21 Sumagot si Jesus sa kanila, “Isang bagay ang aking ginawa at pinagtatakhan ninyong lahat ito.
22 Ibinigay(G) sa inyo ni Moises ang pagtutuli (hindi sa ito'y kay Moises, kundi mula sa mga patriyarka); at tinutuli ninyo sa Sabbath ang isang lalaki.
23 Kung(H) ang isang lalaki ay tumatanggap ng pagtutuli sa Sabbath, upang huwag malabag ang kautusan ni Moises, nagagalit ba kayo sa akin dahil sa pinagaling ko ang buong katawan ng isang tao sa Sabbath?
24 Huwag kayong humatol batay sa anyo, kundi humatol kayo nang matuwid na paghatol.”
Siya ba ang Cristo?
25 Sinabi ng ilang taga-Jerusalem, “Hindi ba ito ang taong kanilang pinagsisikapang patayin?
26 At narito, siya'y hayag na nagsasalita, at sila'y walang anumang sinasabi sa kanya. Tunay kayang nakikilala ng mga pinuno na ito ang Cristo?
27 Subalit nalalaman natin kung saan nagmula ang taong ito, subalit ang Cristo, pagdating niya ay walang makakaalam kung saan siya magmumula.”
28 Sumigaw si Jesus habang nagtuturo sa templo, “Ako'y inyong nakikilala at nalalaman din ninyo kung taga-saan ako. Hindi ako pumarito sa aking sariling awtoridad,[f] subalit ang nagsugo sa akin ay siyang totoo, na hindi ninyo nakikilala.
29 Nakikilala ko siya sapagkat ako'y mula sa kanya, at siya ang nagsugo sa akin.”
30 Kaya't sinikap nilang siya'y hulihin, subalit walang taong sumunggab sa kanya, sapagkat hindi pa dumating ang kanyang oras.
31 Gayunma'y marami sa mga tao ang sumampalataya sa kanya at kanilang sinabi, “Pagdating ng Cristo, gagawa ba siya ng mas maraming tanda kaysa mga ginawa ng taong ito?”
Nagpadala ng mga Kawal upang Dakpin si Jesus
32 Narinig ng mga Fariseo ang bulung-bulungan ng mga tao tungkol kay Jesus.[g] Nagsugo ang mga punong pari at ang mga Fariseo ng mga kawal upang siya'y hulihin.
33 Sinabi ni Jesus, “Makakasama pa ninyo ako ng kaunting panahon, at ako'y paroroon sa nagsugo sa akin.
34 Hahanapin ninyo ako, ngunit hindi ninyo ako matatagpuan, at kung saan ako naroroon ay hindi kayo makakapunta roon.”
35 Kaya't sinabi ng mga Judio sa isa't isa, “Saan pupunta ang taong ito na hindi natin siya matatagpuan? Pupunta kaya siya sa mga lupain kung saan nagkalat[h] ang ating mga kababayan sa lupain ng mga Griyego at magtuturo sa mga Griyego?
36 Ano ang salitang ito na kanyang sinabi, ‘Hahanapin ninyo ako, ngunit hindi ninyo ako matatagpuan, at kung saan ako naroroon, ay hindi kayo makakapunta roon’!”
Mga Daloy ng Tubig na Buháy
37 Nang(I) huling araw ng dakilang araw ng pista, si Jesus ay tumayo at sumigaw na nagsasabi, “Kung ang sinuman ay nauuhaw, lumapit siya sa akin at uminom.
38 Ang(J) sumasampalataya sa akin,[i] gaya ng sinasabi ng kasulatan, ‘Mula sa kanyang puso[j] ay dadaloy ang mga ilog ng tubig na buháy.’”
39 Ngunit ito'y sinabi niya tungkol sa Espiritu, na tatanggapin ng mga sumasampalataya sa kanya, sapagkat hindi pa ipinagkakaloob ang Espiritu, sapagkat si Jesus ay hindi pa niluluwalhati.
40 Nang marinig ng ilan mula sa maraming tao ang mga salitang ito, sila ay nagsabi, “Tunay na ito nga ang propeta.”
41 Sinasabi ng iba, “Ito ang Cristo.” Subalit sinasabi ng ilan, “Sa Galilea ba manggagaling ang Cristo?
42 Hindi(K) ba sinabi ng kasulatan na ang Cristo ay manggagaling sa binhi ni David, at mula sa Bethlehem, ang bayan ni David?”
43 Kaya't nagkaroon ng pagkakahati-hati sa maraming tao dahil sa kanya.
44 Nais ng ilan sa kanila na siya'y hulihin, subalit walang taong sumunggab sa kanya.
Ang Di-Paniniwala ng mga Pinunong Judio
45 Bumalik ang mga kawal sa mga punong pari at sa mga Fariseo, at sinabi ng mga ito sa kanila, “Bakit hindi ninyo siya dinakip?”
46 Sumagot ang mga kawal, “Kailanma'y walang taong nagsalita nang gayon.”
47 Sinagot sila ng mga Fariseo, “Kayo ba naman ay nailigaw na rin?
48 Mayroon ba sa mga pinuno, o sa mga Fariseo na sumasampalataya sa kanya?
49 Subalit ang mga taong ito na hindi nakakaalam ng kautusan ay mga sinumpa.”
50 Sinabi(L) sa kanila ni Nicodemo (iyong pumunta kay Jesus noon at isa sa kanila),
51 “Hinahatulan ba ng ating kautusan ang isang tao, malibang siya'y atin munang dinggin at alamin kung ano ang kanyang ginagawa?”
52 Sila'y sumagot sa kanya, “Ikaw ba'y taga-Galilea rin? Siyasatin mo at iyong makikita na sa Galilea ay walang lumitaw na propeta.”
[53 At ang bawat isa sa kanila ay umuwi sa kanya-kanyang sariling bahay.
Ang Babaing Nahuli sa Pangangalunya
8 Samantala, si Jesus ay pumunta sa bundok ng mga Olibo.
2 Kinaumagahan, siya ay bumalik sa templo, at ang buong bayan ay lumapit sa kanya. Siya'y naupo at sila'y tinuruan.
3 Dinala sa kanya ng mga eskriba at ng mga Fariseo ang isang babaing nahuli sa pangangalunya. Nang kanilang patayuin siya sa gitna,
4 ay sinabi nila sa kanya, “Guro, nahuli ang babaing ito sa akto ng pangangalunya.
5 Sa(M) kautusan ay ipinag-utos sa amin ni Moises na batuhin ang mga ganyan. Ano ngayon ang iyong masasabi tungkol sa kanya?”
6 Ngunit ito'y kanilang sinabi upang siya'y subukin, upang sa kanya'y may maiparatang sila. Subalit yumuko si Jesus, at isinulat ang kanyang daliri sa lupa.
7 Habang sila'y nagpapatuloy ng pagtatanong sa kanya, tumayo siya at sinabi sa kanila, “Ang walang kasalanan sa inyo ang siyang unang bumato sa kanya.”
8 At muli siyang yumuko, at isinulat ang kanyang daliri sa lupa.
9 Nang ito'y kanilang marinig ay isa-isa silang umalis, simula sa mga matatanda. At si Jesus ay naiwang nag-iisa at ang babaing nakatayo sa gitna.
10 Tumayo si Jesus at sinabi sa kanya, “Babae, nasaan sila? Wala na bang ni isang humatol sa iyo?”
11 At sinabi niya, “Walang sinuman, Panginoon.” Sinabi ni Jesus, “Hindi rin kita hinahatulan. Humayo ka na at mula ngayo'y huwag ka nang magkasala.”[k]]
Si Jesus na Ilaw ng Sanlibutan
12 Muling(N) nagsalita sa kanila si Jesus, “Ako ang ilaw ng sanlibutan. Ang sumusunod sa akin ay hindi kailanman lalakad sa kadiliman, kundi magkakaroon ng ilaw ng buhay.”
13 Sinabi(O) sa kanya ng mga Fariseo, “Nagpapatotoo ka tungkol sa iyong sarili; ang patotoo mo ay hindi totoo.”
14 Sumagot si Jesus, “Kung ako ma'y nagpapatotoo tungkol sa aking sarili, ang aking patotoo ay totoo; sapagkat nalalaman ko kung saan ako nanggaling, at kung saan ako pupunta. Subalit hindi ninyo nalalaman kung saan ako nanggaling, o kung saan ako pupunta.
15 Humahatol kayo ayon sa laman; ako'y hindi humahatol sa kaninuman.
16 At kung ako'y humatol man, ang hatol ko'y totoo, sapagkat hindi ako nag-iisa, kundi ako at ang Ama na nagsugo sa akin.
17 Maging(P) sa inyong kautusan ay nasusulat na ang patotoo ng dalawang tao ay totoo.
18 Ako ang nagpapatotoo tungkol sa aking sarili, at ang Amang nagsugo sa akin ay nagpapatotoo tungkol sa akin.”
19 Kaya't sinabi nila sa kanya, “Nasaan ang iyong Ama?” Sumagot si Jesus, “Hindi nga ninyo ako kilala o ang aking Ama. Kung ako'y inyong kilala ay kilala rin sana ninyo ang aking Ama.”
20 Sinabi niya ang mga salitang ito sa kabang-yaman habang nagtuturo siya sa templo. Subalit walang taong humuli sa kanya, sapagkat hindi pa dumating ang kanyang oras.
Ipinagpauna ni Jesus ang Kanyang Kamatayan
21 Muli niyang sinabi sa kanila, “Aalis ako, at ako'y inyong hahanapin, at mamamatay kayo sa inyong kasalanan. Sa aking pupuntahan ay hindi kayo makakapunta.”
22 Sinabi ng mga Judio, “Magpapakamatay kaya siya sapagkat kanyang sinabi, ‘Sa aking pupuntahan ay hindi kayo makakapunta.’”
23 Sinabi niya sa kanila, “Kayo'y mga taga-ibaba, ako'y taga-itaas. Kayo'y mga taga-sanlibutang ito; ako'y hindi taga-sanlibutang ito.
24 Kaya't sinabi ko sa inyo na kayo'y mamamatay sa inyong mga kasalanan, sapagkat malibang kayo'y sumampalataya na Ako Nga,[l] ay mamamatay kayo sa inyong mga kasalanan.”
25 Sinabi nila sa kanya, “Sino ka ba?” Sinabi sa kanila ni Jesus, “Bakit kailangan pang makipag-usap ako sa inyo?”
26 Mayroon akong maraming bagay na sasabihin at hahatulan tungkol sa inyo. Subalit ang nagsugo sa akin ay totoo, at sinasabi ko sa sanlibutan ang mga bagay na narinig ko sa kanya.”
27 Hindi nila naunawaan na siya ay nagsasalita sa kanila tungkol sa Ama.
28 Sinabi ni Jesus, “Kapag naitaas na ninyo ang Anak ng Tao, saka ninyo makikilala na ako nga siya, at wala akong ginagawa mula sa aking sarili kundi sinasabi ko ang mga bagay ayon sa itinuro sa akin ng Ama.
29 At siya na nagsugo sa akin ay kasama ko, hindi niya ako pinabayaang nag-iisa; sapagkat lagi kong ginagawa ang mga bagay na nakakalugod sa kanya.”
30 Samantalang sinasabi niya ang mga bagay na ito ay marami ang sumasampalataya sa kanya.
Ang Malalaya at ang mga Alipin
31 Pagkatapos ay sinabi ni Jesus sa mga Judiong sumasampalataya sa kanya, “Kung kayo'y mananatili sa aking salita, tunay ngang kayo'y mga alagad ko.
32 At inyong malalaman ang katotohanan, at ang katotohanan ang magpapalaya sa inyo.”
33 Sumagot(Q) sila sa kanya, “Kami'y mula sa binhi ni Abraham, at kailanma'y hindi pa naging alipin ng sinuman. Bakit mo sinasabing, ‘Kayo'y magiging malaya’?”
34 Sinagot sila ni Jesus, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, ang bawat nagkakasala ay alipin ng kasalanan.
35 Ang alipin ay walang palagiang lugar sa sambahayan. Ang anak ay may lugar doon magpakailanman.
36 Kaya't kung kayo'y palayain ng Anak, kayo'y magiging tunay na malaya.
37 Nalalaman ko na kayo'y binhi ni Abraham; subalit pinagsisikapan ninyong ako'y patayin, sapagkat ang salita ko'y walang paglagyan sa inyo.
38 Sinasabi ko ang mga bagay na aking nakita sa aking Ama, at kayo, ginagawa naman ninyo ang mga bagay na narinig ninyo mula sa inyong ama.”
Si Jesus at si Abraham
39 Sila'y sumagot sa kanya, “Si Abraham ang aming ama.” Sa kanila'y sinabi ni Jesus, “Kung kayo'y mga anak ni Abraham ay gagawin ninyo ang mga gawa ni Abraham.
40 Subalit ngayo'y pinagsisikapan ninyo akong patayin, isang taong nagsasabi sa inyo ng katotohanan na aking narinig sa Diyos. Ito'y hindi ginawa ni Abraham.
41 Ginagawa ninyo ang mga gawa ng inyong ama.” Sinabi nila sa kanya, “Hindi kami ipinanganak sa pakikiapid. Mayroon kaming isang Ama, ang Diyos.”
42 Sinabi sa kanila ni Jesus, “Kung ang Diyos ang inyong ama, ay inibig ninyo sana ako, sapagkat ako'y nagmula sa Diyos at ngayon ay naririto ako. Hindi ako naparito mula sa aking sarili kundi sinugo niya ako.
43 Bakit hindi ninyo nauunawaan ang aking sinasabi? Sapagkat hindi ninyo matanggap ang aking salita.
44 Kayo'y mula sa inyong amang diyablo, at ang nais ninyong gawin ay ang kagustuhan ng inyong ama. Siya'y isang mamamatay-tao buhat pa sa simula, at hindi naninindigan sa katotohanan, sapagkat walang katotohanan sa kanya. Kapag siya ay nagsasalita ng kasinungalingan, siya ay nagsasalita ayon sa kanyang sariling likas, sapagkat siya'y isang sinungaling, at ama ng kasinungalingan.
45 Ngunit dahil sa sinasabi ko ang katotohanan ay hindi kayo nananampalataya sa akin.
46 Sino sa inyo ang makakasumbat sa akin tungkol sa kasalanan? Kung sinasabi ko ang katotohanan, bakit hindi kayo sumasampalataya sa akin?
47 Ang mula sa Diyos ay nakikinig ng mga salita ng Diyos. Ang dahilan kung bakit hindi ninyo pinakikinggan ang mga ito ay sapagkat kayo'y hindi mula sa Diyos.”
48 Sumagot ang mga Judio sa kanya, “Hindi ba tama ang aming sinabi na ikaw ay isang Samaritano at mayroon kang demonyo?”
49 Sumagot si Jesus, “Ako'y walang demonyo, kundi pinararangalan ko ang aking Ama, at inyong sinisira ang aking karangalan.
50 Ngunit hindi ko hinahanap ang aking sariling kaluwalhatian. Mayroong isa na humahanap nito at siya ang hukom.
51 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, kung ang sinuman ay tutupad ng aking salita, hindi siya makakakita ng kamatayan kailanman.”
52 Sinabi ng mga Judio sa kanya, “Ngayo'y nalalaman naming mayroon kang demonyo. Namatay si Abraham at ang mga propeta, at sinasabi mo, ‘Kung ang sinuman ay tutupad ng aking salita, ay hindi niya matitikman magpakailanman ang kamatayan.’
53 Mas dakila ka pa ba kaysa sa aming amang si Abraham, na namatay? At namatay ang mga propeta? Ano ang palagay mo sa iyong sarili?”
54 Sumagot si Jesus, “Kung niluluwalhati ko ang aking sarili, ang kaluwalhatian ko ay walang kabuluhan. Ang aking Ama ang siyang lumuluwalhati sa akin, na sinasabi ninyong siya'y inyong Diyos.
55 Subalit hindi ninyo siya kilala, ngunit kilala ko siya. Kung aking sasabihing hindi ko siya kilala ay magiging katulad ninyo ako na sinungaling. Subalit kilala ko siya, at tinutupad ko ang kanyang salita.
56 Nagalak ang inyong amang si Abraham na makita niya ang aking araw. Nakita niya ito at siya'y nagalak.”
57 Sinabi sa kanya ng mga Judio, “Wala ka pang limampung taon, at nakita mo na si Abraham?”
58 Sinabi sa kanila ni Jesus, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, bago pa man si Abraham ay Ako Nga.”[m]
59 Kaya't sila'y dumampot ng mga bato upang ibato sa kanya, subalit nagtago si Jesus at lumabas sa templo.
Pinagaling ni Jesus ang Isang Bulag
9 Sa kanyang paglalakad, nakita niya ang isang lalaking bulag mula pa sa kanyang pagkapanganak.
2 Tinanong siya ng kanyang mga alagad, “Rabi, sino ang nagkasala, ang taong ito, o ang kanyang mga magulang, kaya siya'y ipinanganak na bulag?”
3 Sumagot si Jesus, “Hindi dahil sa ang taong ito'y nagkasala, o ang kanyang mga magulang man, kundi upang mahayag sa kanya ang mga gawa ng Diyos.”
4 Kailangan nating[n] gawin ang mga gawa niyong nagsugo sa akin,[o] samantalang araw pa. Dumarating ang gabi, na walang taong makakagawa.
5 Habang(R) ako'y nasa sanlibutan, ako ang ilaw ng sanlibutan.”
6 Nang masabi niya ang mga bagay na ito, siya'y dumura sa lupa, at gumawa ng putik mula sa dura, at pinahiran ng putik ang mga mata ng lalaki.
7 At sinabi sa kanya, “Humayo ka, maghugas ka sa imbakan ng tubig ng Siloam” (na ang kahulugan ay Sinugo). Humayo nga siya at naghugas at bumalik na nakakakita.
8 Kaya't ang mga kapitbahay at ang mga nakakita sa kanya nang una, na siya'y pulubi, ay nagsabi, “Hindi ba ito ang nakaupo noon at nagpapalimos?”
9 Sinabi ng iba, “Siya nga.” Ang sabi ng iba, “Hindi, subalit kamukha niya.” Sinabi niya, “Ako nga iyon.”
10 Kaya't sinabi nila sa kanya, “Paanong nabuksan ang iyong mga mata?”
11 Sumagot siya, “Ang taong tinatawag na Jesus ay gumawa ng putik, at pinahiran ang aking mga mata, at sinabi sa akin, ‘Pumunta ka sa Siloam, at maghugas ka.’ Kaya't ako'y umalis at naghugas, at nagkaroon ako ng paningin.”
12 Sinabi nila sa kanya, “Saan siya naroon?” Sinabi niya, “Hindi ko alam.”
Siniyasat ng mga Fariseo ang Pagpapagaling
13 Dinala nila sa mga Fariseo ang lalaki na dating bulag.
14 Noon ay araw ng Sabbath nang gumawa ng putik si Jesus, at binuksan ang kanyang mga mata.
15 Muli na naman siyang tinanong ng mga Fariseo kung paano siya nagkaroon ng paningin. At sinabi niya sa kanila, “Nilagyan niya ng putik ang aking mga mata, at hinugasan ko, at ako'y nakakita.”
16 Kaya't sinabi ng ilan sa mga Fariseo, “Ang taong ito'y hindi mula sa Diyos, sapagkat hindi siya nangingilin ng Sabbath.” Subalit sinabi ng iba, “Paanong makakagawa ng gayong mga tanda ang isang taong makasalanan?” At nagkaroon ng pagkakahati-hati sa kanila.
17 Muling sinabi nila sa bulag, “Ano ang masasabi mo tungkol sa kanya, sapagkat binuksan niya ang iyong mga mata?” At kanyang sinabi, “Siya'y isang propeta.”
18 Hindi naniwala ang mga Judio na siya'y dating bulag at nagkaroon ng kanyang paningin, hanggang sa kanilang tinawag ang mga magulang ng lalaki na nagkaroon ng paningin,
19 at tinanong sila, “Ito ba ang inyong anak, na sinasabi ninyong ipinanganak na bulag? Paanong nakakakita na siya ngayon?”
20 Sumagot ang kanyang mga magulang, “Alam naming ito'y aming anak, at siya'y ipinanganak na bulag.
21 Subalit kung paanong siya'y nakakakita ngayon, ay hindi namin alam, o kung sino ang nagbukas ng kanyang mga mata, ay hindi namin kilala. Tanungin ninyo siya, siya'y may sapat na gulang na, at siya'y magsasalita para sa kanyang sarili.”
22 Ang mga bagay na ito'y sinabi ng kanyang mga magulang sapagkat natatakot sila sa mga Judio. Sapagkat pinagkaisahan na ng mga Judio, na kung ang sinuman ay magpahayag na si Jesus[p] ang Cristo ay palalayasin mula sa sinagoga.
23 Kaya't sinabi ng kanyang mga magulang, “Siya'y may sapat na gulang na, tanungin ninyo siya.”
24 Dahil dito'y tinawag nilang muli ang taong dating bulag, at sinabi sa kanya, “Luwalhatiin mo ang Diyos. Nalalaman naming makasalanan ang taong ito.”
25 Sumagot siya, “Kung siya'y makasalanan ay hindi ko alam. Isang bagay ang nalalaman ko, bagaman ako'y dating bulag, ngayo'y nakakakita na ako.”
26 Sinabi nila sa kanya, “Ano ang ginawa niya sa iyo? Paano niya binuksan ang iyong mga mata?”
27 Kanyang sinagot sila, “Sinabi ko na sa inyo, at hindi kayo nakinig. Bakit ibig ninyong marinig uli? Ibig din ba ninyong maging mga alagad niya?”
28 At siya'y kanilang nilait at sinabi, “Ikaw ay alagad niya, subalit kami'y mga alagad ni Moises.
29 Alam naming nagsalita ang Diyos kay Moises, subalit tungkol sa taong ito, ay hindi namin nalalaman kung saan siya nagmula.”
30 Sumagot ang tao at sa kanila'y sinabi, “Ito ang nakapagtataka! Hindi ninyo alam kung saan siya nagmula, subalit binuksan niya ang aking mga mata.
31 Alam nating hindi pinapakinggan ng Diyos ang mga makasalanan, subalit kung ang sinuman ay sumasamba sa Diyos at gumaganap ng kanyang kalooban, ito ang kanyang pinapakinggan.
32 Buhat nang magsimula ang sanlibutan ay hindi narinig kailanman na binuksan ng sinuman ang mga mata ng isang taong ipinanganak na bulag.
33 Kung ang taong ito'y hindi galing sa Diyos, siya ay hindi makakagawa ng anuman.”
34 Kanilang sinagot siya, “Ipinanganak kang lubos sa kasalanan, at tuturuan mo pa kami?” At siya'y pinalayas nila.
Espirituwal na Pagkabulag
35 Nabalitaan ni Jesus na siya'y pinalayas nila at nang kanyang makita siya, ay sinabi niya, “Sumasampalataya ka ba sa Anak ng Tao?”[q]
36 Sumagot siya, “Sino ba siya, Ginoo, upang ako'y sumampalataya sa kanya?”
37 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Siya'y nakita mo na, at siya ang nakikipag-usap sa iyo.”
38 Sinabi niya, “Panginoon, sumasampalataya ako.” At siya'y sumamba sa kanya.
39 Sinabi ni Jesus, “Pumarito ako sa sanlibutang ito para sa paghatol, upang ang mga hindi nakakakita ay makakita, at upang ang mga nakakakita ay maging mga bulag.”
40 Ang ilan sa mga Fariseo na kasama niya ay nakarinig ng mga bagay na ito, at sinabi sa kanya, “Kami ba naman ay mga bulag din?”
41 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Kung kayo'y mga bulag, hindi kayo magkakaroon ng kasalanan. Subalit ngayong sinasabi ninyo, ‘Kami'y nakakakita,’ nananatili ang inyong kasalanan.”
Ang Mabuting Pastol
10 “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, ang pumapasok sa hindi pintuan ng kulungan ng mga tupa kundi umaakyat sa ibang daan, ang taong iyon ay tulisan at magnanakaw.
2 Ngunit ang pumapasok sa pintuan ay siyang pastol ng mga tupa.
3 Pinagbubuksan siya ng bantay sa pinto; at pinapakinggan ng mga tupa ang kanyang tinig. Tinatawag niya ang kanyang mga tupa sa pangalan, at sila'y inihahatid papalabas.
4 Kapag nailabas na niya ang lahat ng kanya, ay nangunguna siya sa kanila at sumusunod sa kanya ang mga tupa, sapagkat kilala nila ang kanyang tinig.
5 Ngunit hindi sila susunod kailanman sa iba, kundi lalayo sila sa kanya, sapagkat hindi nila kilala ang tinig ng iba.”
6 Sinabi ni Jesus sa kanila ang paghahambing na ito, subalit hindi nila naunawaan ang mga bagay na sinasabi niya sa kanila.
Si Jesus ang Mabuting Pastol
7 Kaya't muling sinabi sa kanila ni Jesus, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, ako ang pintuan ng mga tupa.
8 Ang lahat ng nauna sa akin ay mga tulisan at mga magnanakaw, subalit hindi sila pinakinggan ng mga tupa.
9 Ako ang pintuan. Ang sinumang pumasok sa pamamagitan ko ay maliligtas, at papasok at lalabas, at makakatagpo ng pastulan.
10 Ang magnanakaw ay dumarating lamang upang magnakaw, pumatay, at pumuksa. Ako'y pumarito upang sila'y magkaroon ng buhay, at magkaroon nito nang may kasaganaan.
11 Ako ang mabuting pastol. Ibinibigay ng mabuting pastol ang kanyang buhay para sa mga tupa.
12 Ang upahan at hindi pastol, at hindi may-ari ng mga tupa, nang makitang dumarating ang asong-gubat ay pinababayaan ang mga tupa at tumatakas. At inaagaw sila ng asong-gubat, at ikinakalat.
13 Siya'y tumatakas sapagkat siya'y upahan, at walang malasakit sa mga tupa.
14 Ako ang mabuting pastol. Kilala ko ang sariling akin, at kilala ako ng sariling akin.
15 Gaya(S) ng pagkakilala sa akin ng Ama, at ng pagkakilala ko sa Ama, at ibinibigay ko ang aking buhay para sa mga tupa.
16 Mayroon akong ibang mga tupa na wala sa kulungang ito. Kailangan ko rin silang dalhin dito at kanilang papakinggan ang aking tinig. Kaya't magkakaroon ng isang kawan na may isang pastol.
17 Dahil dito'y minamahal ako ng Ama, sapagkat ibinibigay ko ang aking buhay, upang ito'y kunin kong muli.
18 Walang nag-aalis nito sa akin, kundi kusa kong ibinibigay. May kapangyarihan akong ibigay ito, at may kapangyarihan akong kunin itong muli. Tinanggap ko ang utos na ito mula sa aking Ama.”
19 At muling nagkaroon ng pagkakabaha-bahagi sa mga Judio dahil sa mga salitang ito.
20 At marami sa kanila ang nagsasabi, “Mayroon siyang demonyo, at siya'y nauulol, bakit ninyo siya pinapakinggan?”
21 Sinasabi naman ng iba, “Hindi ito ang mga salita ng isang may demonyo. Kaya ba ng demonyo na magbukas ng mga mata ng bulag?”
Itinakuwil si Jesus
22 Nang panahong iyon, sa Jerusalem ay kapistahan ng Pagtatalaga. Noon ay tagginaw,
23 at naglalakad si Jesus sa templo sa portiko ni Solomon.
24 Kaya't pinalibutan siya ng mga Judio, at sinabi sa kanya, “Hanggang kailan mo kami ilalagay sa alanganin? Kung ikaw ang Cristo, sabihin mong maliwanag sa amin.”
25 Sinagot sila ni Jesus, “Sinabi ko na sa inyo, at hindi kayo naniwala. Ang mga gawang ginagawa ko sa pangalan ng aking Ama ay siyang nagpapatotoo sa akin.
26 Subalit hindi kayo naniwala, sapagkat hindi kayo kabilang sa aking mga tupa.
27 Pinapakinggan ng aking mga tupa ang aking tinig, at sila'y aking kilala, at sila'y sumusunod sa akin.
28 Sila'y binibigyan ko ng buhay na walang hanggan, at kailanma'y hindi sila mapapahamak, at hindi sila aagawin ng sinuman sa aking kamay.
29 Ang mga ibinigay sa akin ng aking Ama ay higit na dakila kaysa lahat, at walang makakaagaw ng mga ito sa kamay ng Ama.[r]
30 Ako at ang Ama ay iisa.”
31 Muling dumampot ng mga bato ang mga Judio upang siya'y batuhin.
32 Sinagot sila ni Jesus, “Maraming mabubuting gawa mula sa Ama ang ipinakita ko sa inyo. Alin sa mga gawang iyon ang dahilan at babatuhin ninyo ako?”
33 Sumagot(T) sa kanya ang mga Judio, “Hindi dahil sa mabuting gawa ka namin babatuhin, kundi dahil sa paglapastangan. Sapagkat ikaw, na isang tao, ay nag-aangkin na Diyos.”
34 Sinagot(U) sila ni Jesus, “Hindi ba nasusulat sa inyong kautusan, ‘Aking sinabi, kayo'y mga diyos?’
35 Kung tinawag niyang mga diyos ang mga dinatnan ng salita ng Diyos (at hindi maaaring masira ang kasulatan),
36 sinasabi ba ninyo tungkol sa kanya na hinirang ng Ama at sinugo sa sanlibutan, ‘Ikaw ay lumalapastangan,’ sapagkat sinasabi ko, ‘Ako ay Anak ng Diyos?’
37 Kung hindi ko ginagawa ang mga gawa ng aking Ama, ay huwag kayong sumampalataya sa akin.
38 Subalit kung ginagawa ko, kahit hindi kayo sumampalataya sa akin, ay sumampalataya kayo sa mga gawa; upang inyong malaman at maunawaan na ang Ama ay nasa akin, at ako'y nasa Ama.”
39 Muli nilang pinagsikapang siya'y hulihin, subalit siya'y tumakas sa kanilang mga kamay.
40 Siya'y(V) muling pumunta sa kabila ng Jordan, sa pook na noong una'y pinagbautismuhan ni Juan, at siya'y nanatili doon.
41 Marami ang pumunta sa kanya at kanilang sinabi, “Si Juan ay hindi gumawa ng tanda, ngunit lahat ng mga bagay na sinabi ni Juan tungkol sa taong ito ay totoo.”
42 At marami ang sumampalataya sa kanya roon.
Namatay si Lazaro
11 Noon(W) ay mayroong isang tao na maysakit, si Lazaro na taga-Betania, ang nayon nina Maria at Marta na kanyang mga kapatid.
2 Si(X) Maria ang siyang nagbuhos sa Panginoon ng pabango, at pinunasan ang mga paa nito ng kanyang buhok. Ang kanyang kapatid na si Lazaro ay may sakit.
3 Kaya't ang magkapatid na babae ay nagbalita kay Jesus,[s] “Panginoon, siya na iyong minamahal ay may sakit.”
4 Ngunit nang ito ay marinig ni Jesus ay sinabi niya, “Ang sakit na ito'y hindi tungo sa kamatayan, kundi para sa ikaluluwalhati ng Diyos, upang ang Anak ng Diyos ay luwalhatiin sa pamamagitan nito.”
5 Mahal nga ni Jesus si Marta, at ang kanyang kapatid na babae, at si Lazaro.
6 Nang mabalitaan niya na si Lazaro ay may sakit, siya'y nanatili ng dalawang araw pa sa dating lugar na kinaroroonan niya.
7 Pagkatapos nito ay sinabi niya sa mga alagad, “Pumunta tayong muli sa Judea.”
8 Sinabi sa kanya ng mga alagad, “Rabi, ngayo'y pinagsisikapan kang batuhin ng mga Judio, at muli kang pupunta roon?”
9 Sumagot si Jesus, “Hindi ba ang maghapon ay may labindalawang oras? Ang lumalakad samantalang araw ay hindi natitisod, sapagkat nakikita niya ang ilaw ng sanlibutang ito.
10 Ngunit ang taong lumalakad samantalang gabi ay natitisod, sapagkat wala sa kanya ang ilaw.
11 Pagkatapos nito'y sinabi niya sa kanila, “Si Lazaro na ating kaibigan ay natutulog, ngunit ako'y pupunta roon, upang gisingin siya.”
12 Sinabi ng mga alagad sa kanya, “Panginoon, kung siya'y natutulog, siya'y gagaling.”
13 Subalit ang sinasabi ni Jesus ay tungkol sa pagkamatay ni Lazaro,[t] subalit inakala nila na ang tinutukoy niya ay ang karaniwang pagtulog.
14 Kaya't pagkatapos ay maliwanag na sinabi sa kanila ni Jesus, “Namatay si Lazaro,
15 at ikinagagalak ko alang-alang sa inyo na ako'y wala roon, upang kayo'y sumampalataya. Gayunma'y tayo na sa kanya.”
16 Si Tomas na tinatawag na Kambal[u] ay nagsabi sa mga kapwa niya alagad, “Pumunta rin tayo upang mamatay na kasama niya.”
Si Jesus ang Muling Pagkabuhay at ang Buhay
17 Kaya't nang dumating si Jesus, ay naratnan niyang apat na araw nang nakalibing si Lazaro.
18 Ang Betania ay malapit sa Jerusalem, na may layong tatlong kilometro.[v]
19 At maraming mga Judio ang pumunta kina Marta at Maria, upang sila'y aliwin dahil sa kanilang kapatid.
20 Nang marinig ni Marta na si Jesus ay dumarating, siya ay pumunta at sinalubong siya, samantalang si Maria ay naiwan sa bahay.
21 Sinabi ni Marta kay Jesus, “Panginoon, kung narito ka sana hindi sana namatay ang kapatid ko.
22 Subalit kahit ngayon ay nalalaman ko, na anumang hingin mo sa Diyos ay ibibigay sa iyo ng Diyos.”
23 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Muling mabubuhay ang iyong kapatid.”
24 Sinabi ni Marta sa kanya, “Alam kong siya'y muling mabubuhay sa muling pagkabuhay sa huling araw.”
25 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Ako ang muling pagkabuhay at ang buhay. Ang sumasampalataya sa akin, bagama't siya'y mamatay, ay mabubuhay.
26 At ang bawat nabubuhay at sumasampalataya sa akin ay hindi mamamatay magpakailanman. Pinaniniwalaan mo ba ito?”
27 Sinabi niya sa kanya, “Opo, Panginoon. Sumasampalataya ako na ikaw ang Cristo, ang Anak ng Diyos, ang siyang darating sa sanlibutan.
Umiyak si Jesus
28 Nang masabi na niya ito ay umalis siya, at tinawag ang kapatid niyang si Maria at palihim na sinabi, “Ang Guro ay narito at tinatawag ka.”
29 Nang marinig niya ito, dali-dali siyang tumayo at pumunta sa kanya.
30 (Hindi pa noon dumarating si Jesus sa nayon, kundi naroroon pa sa lugar kung saan siya sinalubong ni Marta.)
31 Nakita ng mga Judio, na kanyang mga kasama sa bahay at umaaliw sa kanya, na si Maria ay dali-daling tumindig at lumabas. Sila ay sumunod sa kanya sa pag-aakalang pupunta siya sa libingan upang doo'y umiyak.
32 Pagdating ni Maria sa kinaroroonan ni Jesus, at nang makita siya ni Maria,[w] lumuhod ito sa kanyang paanan, na sinasabi sa kanya, “Panginoon, kung ikaw sana'y narito, hindi sana namatay ang aking kapatid.”
33 Kaya't nang makita ni Jesus na siya'y umiiyak, pati na ang mga Judiong dumating na kasama niya, siya ay nabagabag sa espiritu at nabahala,
34 at sinabi, “Saan ninyo siya inilagay?” Sinabi nila sa kanya, “Panginoon, halika at tingnan mo.”
35 Umiyak si Jesus.
36 Sinabi ng mga Judio, “Tingnan ninyo kung gaano ang pagmamahal niya sa kanya!”
37 Subalit ang ilan sa kanila'y nagsabi, “Hindi ba siya na nagbukas ng mga mata ng bulag ay napigilan sana niya ang taong ito na mamatay?”
Binuhay si Lazaro
38 Si Jesus na lubhang nabagabag na muli ay pumunta sa libingan. Iyon ay isang yungib at mayroong isang batong nakatakip doon.
39 Sinabi ni Jesus, “Alisin ninyo ang bato.” Si Marta, na kapatid ng namatay, ay nagsabi sa kanya, “Panginoon, nangangamoy na siya ngayon, sapagkat apat na araw na siyang patay.”
40 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Hindi ba sinabi ko sa iyo, na kung ikaw ay sasampalataya, ay makikita mo ang kaluwalhatian ng Diyos?”
41 Kaya't inalis nila ang bato. Tumingin si Jesus sa itaas at sinabi, “Ama, nagpapasalamat ako sa iyo na ako'y iyong pinakinggan.
42 At alam kong ako'y lagi mong pinapakinggan. Ngunit ito'y sinabi ko alang-alang sa maraming taong nasa palibot, upang sila'y sumampalataya na ako ay sinugo mo.”
43 At nang masabi niya ang mga ito ay sumigaw siya ng malakas na tinig, “Lazaro, lumabas ka!”
44 Ang taong namatay ay lumabas, na ang mga kamay at mga paa ay natatalian ng mga telang panlibing, at ang kanyang mukha ay may balot na tela. Sinabi sa kanila ni Jesus, “Siya'y inyong kalagan, at hayaan ninyong makaalis.”
Sabwatan Laban kay Jesus(Y)
45 Kaya't marami sa mga Judio na sumama kay Maria at nakakita ng ginawa niya ang sumampalataya sa kanya.
46 Subalit ang ilan sa kanila ay pumunta sa mga Fariseo, at sinabi sa kanila ang mga bagay na ginawa ni Jesus.
47 Kaya't ang mga punong pari at ang mga Fariseo ay nagpatawag ng pagpupulong at sinabi, “Ano ang gagawin natin? Ang taong ito'y gumagawa ng maraming tanda.
48 Kung siya'y ating pabayaan ng ganito, ang lahat ng mga tao ay maniniwala sa kanya. Darating ang mga Romano at wawasakin ang ating Templo[x] at ang ating bansa.”
49 Ngunit ang isa sa kanila, si Caifas na pinakapunong pari nang panahong iyon ay nagsabi sa kanila, “Wala talaga kayong nalalaman.
50 Hindi ba ninyo nauunawaan na mas mabuti para sa inyo na ang isang tao ay mamatay alang-alang sa bayan, kaysa mapahamak ang buong bansa?”
51 Hindi niya ito sinabi mula sa kanyang sarili, kundi bilang pinakapunong pari nang panahong iyon siya'y nagpropesiya na si Jesus ay mamamatay para sa bansa;
52 at hindi para sa bansa lamang, kundi upang tipunin niya sa iisa ang mga anak ng Diyos na nagkahiwa-hiwalay.
53 Kaya't mula nang araw na iyon ay binalak nilang siya'y patayin.
54 Mula noon, si Jesus ay hindi na naglalakad nang hayagan sa gitna ng mga Judio, kundi pumunta siya sa lupaing malapit sa ilang, sa isang bayan na tinatawag na Efraim. Siya'y nanirahan doon kasama ng mga alagad.
55 Ang Paskuwa nga ng mga Judio ay malapit na, at maraming umahon tungo sa Jerusalem mula sa lupaing iyon bago magpaskuwa, upang linisin ang kanilang mga sarili.
56 Hinahanap nila si Jesus, at sinasabi sa isa't isa habang nakatayo sila sa templo, “Ano sa palagay ninyo? Hindi kaya siya pupunta sa pista?”
57 Ang mga punong pari at ang mga Fariseo ay nag-utos na sinumang nakakaalam ng kinaroroonan ni Jesus[y] ay dapat ipagbigay-alam sa kanila upang siya'y kanilang madakip.
Pinahiran ng Pabango si Jesus sa Betania(Z)
12 Anim na araw bago magpaskuwa ay pumunta si Jesus sa Betania, na kinaroroonan ni Lazaro, na muling binuhay ni Jesus mula sa mga patay.
2 Siya'y ipinaghanda nila roon ng isang hapunan. Si Marta ay naglilingkod, at si Lazaro ay isa sa nakaupo[z] sa may hapag-kainan na kasalo niya.
3 Si(AA) Maria ay kumuha ng isang libra[aa] ng mamahaling pabango mula sa purong nardo at pinahiran ang mga paa ni Jesus, at pinunasan ang mga paa nito ng kanyang mga buhok. At ang bahay ay napuno ng amoy ng pabango.
4 Subalit si Judas Iscariote, isa sa kanyang mga alagad na magkakanulo sa kanya, ay nagsabi,
5 “Bakit hindi ipinagbili ang pabangong ito ng tatlong daang denario,[ab] at ibinigay sa mga dukha?”
6 Ngunit ito'y sinabi niya, hindi dahil nagmamalasakit siya sa mga dukha, kundi sapagkat siya'y isang magnanakaw. At palibhasa'y nasa kanya ang supot ay kinukuha niya ang inilalagay doon.
7 Kaya't sinabi ni Jesus, “Hayaan ninyo siya. Inilaan niya ito sa araw ng paglilibing sa akin.
8 Sapagkat(AB) ang mga dukha ay laging nasa inyo; ngunit ako'y hindi laging nasa inyo.”
Sabwatan Laban kay Lazaro
9 Nang malaman ng maraming mga Judio na siya'y naroroon, sila'y pumunta hindi dahil kay Jesus lamang, kundi upang makita nila si Lazaro, na muling binuhay mula sa mga patay.
10 Kaya't pinanukala ng mga punong pari na kanilang patayin din si Lazaro,
11 sapagkat dahil sa kanya'y marami sa mga Judio ang umaalis at naniniwala kay Jesus.
Matagumpay na Pagpasok sa Jerusalem(AC)
12 Kinabukasan, nang mabalitaan ng maraming taong dumalo sa pista na si Jesus ay darating sa Jerusalem,
13 sila'y(AD) kumuha ng mga palapa ng puno ng palma, at lumabas upang sumalubong sa kanya, na sumisigaw, “Hosana! Mapalad siya na dumarating sa pangalan ng Panginoon, ang Hari ng Israel.”
14 Nakakita si Jesus ng isang batang asno, at sumakay siya roon, gaya ng nasusulat,
15 “Huwag(AE) kang matakot, anak na babae ng Zion, tingnan mo, ang iyong Hari ay dumarating, na nakasakay sa isang anak ng asno.”
16 Sa simula ang mga bagay na ito ay hindi naunawaan ng kanyang mga alagad. Ngunit nang si Jesus ay niluwalhati na, saka nila naalala na ang mga bagay na ito ay sinulat tungkol sa kanya, at nangyari ang mga bagay na ito sa kanya.
17 Kaya't ang maraming tao na kasama niya, nang tawagin niya si Lazaro mula sa libingan, at siya'y buhayin mula sa mga patay, ay siyang nagpapatunay.
18 Ang dahilan kung bakit ang maraming tao ay sumalubong sa kanya ay sapagkat nabalitaan nila na ginawa niya ang tandang ito.
19 Sinabi ng mga Fariseo sa isa't isa, “Tingnan ninyo, wala kayong magagawa. Ang sanlibutan ay sumusunod sa kanya.”
Hinanap ng Ilang Griyego si Jesus
20 Kabilang sa mga umahon upang sumamba sa kapistahan ay ilang mga Griyego.
21 Ang mga ito'y lumapit kay Felipe, na taga-Bethsaida ng Galilea, at sinabi sa kanya, “Ginoo, ibig sana naming makita si Jesus.”
22 Umalis si Felipe at sinabi kay Andres. Sumama si Andres kay Felipe, at kanilang sinabi kay Jesus.
23 Sinagot sila ni Jesus, “Dumating na ang oras upang ang Anak ng Tao ay luwalhatiin.
24 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, maliban na ang butil ng trigo ay mahulog sa lupa at mamatay, ito ay mananatiling nag-iisa. Ngunit kung ito'y mamatay, ay nagbubunga ng marami.
25 Ang(AF) umiibig sa kanyang buhay ay mawawalan nito, at ang napopoot sa kanyang buhay sa sanlibutang ito ay maiingatan ito para sa buhay na walang hanggan.
26 Kung ang sinuman ay maglilingkod sa akin ay dapat sumunod sa akin, at kung saan ako naroroon, ay naroroon din ang lingkod ko. Kung ang sinuman ay maglilingkod sa akin, siya'y pararangalan ng Ama.
Nagsalita si Jesus tungkol sa Kanyang Kamatayan
27 “Ngayon ay nababagabag ang aking kaluluwa. At ano ang aking sasabihin? ‘Ama, iligtas mo ako sa oras na ito?’ Ngunit dahil dito ay dumating ako sa oras na ito.
28 Ama, luwalhatiin mo ang iyong pangalan.” At dumating ang isang tinig mula sa langit, “Niluwalhati ko na, at muli kong luluwalhatiin.”
29 Narinig ito ng maraming taong nakatayo roon at sinabi nilang kumulog. Sinabi naman ng iba na, “Isang anghel ang nakipag-usap sa kanya.”
30 Sumagot si Jesus, “Ang tinig na ito'y dumating para sa inyo, hindi para sa akin.
31 Ngayon ang paghatol sa sanlibutang ito. Ngayon ang pinuno ng sanlibutang ito ay palalayasin.
32 At ako, kapag ako'y itinaas na mula sa lupa, ang lahat ng mga tao ay papalapitin ko sa aking sarili.”
33 Ito'y sinabi niya, upang ipahiwatig kung sa anong uri ng kamatayan ang ikamamatay niya.
34 Sinagot(AG) siya ng mga tao, “Aming narinig mula sa kautusan na ang Cristo ay nananatili magpakailanman. Paano mong nasabi na ang Anak ng Tao ay kailangang itaas? Sino itong Anak ng Tao?”
35 Kaya't sinabi sa kanila ni Jesus, “Ang ilaw ay kasama ninyo ng kaunti pang panahon. Kayo'y lumakad habang nasa inyo ang ilaw, upang huwag kayong abutin ng dilim. Ang lumalakad sa dilim ay hindi nalalaman kung saan siya tutungo.
36 Samantalang nasa inyo ang ilaw, sumampalataya kayo sa ilaw, upang kayo'y maging mga anak ng ilaw.” Nang masabi ni Jesus ang mga bagay na ito siya'y umalis at nagtago sa kanila.
37 Bagama't gumawa siya sa harapan nila ng maraming mga tanda, sila ay hindi naniwala sa kanya;
38 upang(AH) matupad ang sinabi ni propeta Isaias:
“Panginoon, sino ang naniwala sa aming balita?
At kanino nahayag ang bisig ng Panginoon?”
39 Kaya't hindi sila makapaniwala, sapagkat sinabi rin ni Isaias,
40 “Binulag(AI) niya ang kanilang mga mata,
at pinatigas niya ang kanilang mga puso;
upang sila'y huwag makakita sa pamamagitan ng kanilang mga mata,
at makaunawa sa pamamagitan ng kanilang puso, at magbalik-loob,
at sila'y pagalingin ko.”
41 Ang mga bagay na ito'y sinabi ni Isaias, sapagkat nakita niya ang kanyang kaluwalhatian, at nagsalita tungkol sa kanya.
42 Gayunman, maging sa mga pinuno ay maraming sumampalataya sa kanya; subalit dahil sa takot sa mga Fariseo ay hindi nila ito ipinahayag, baka sila'y mapalayas sa sinagoga,
43 sapagkat inibig nila ang papuri ng mga tao kaysa papuri ng Diyos.
Paghatol sa Pamamagitan ng mga Salita ni Jesus
44 Si Jesus ay sumigaw at nagsabi, “Ang sumasampalataya sa akin ay hindi sa akin sumasampalataya, kundi doon sa nagsugo sa akin.
45 At ang nakakita sa akin ay nakakita doon sa nagsugo sa akin.
46 Ako'y naparito na isang ilaw sa sanlibutan, upang ang sinumang sumampalataya sa akin ay huwag manatili sa kadiliman.
47 Kung ang sinuman ay nakikinig sa aking mga salita, at hindi tumutupad ng mga iyon ay hindi ko siya hinahatulan, sapagkat hindi ako naparito upang humatol sa sanlibutan, kundi upang iligtas ang sanlibutan.
48 Ang nagtatakuwil sa akin at hindi tumatanggap sa aking mga salita ay mayroong isang humahatol sa kanya. Ang salitang aking sinabi ang siyang hahatol sa kanya sa huling araw.
49 Sapagkat ako'y hindi nagsasalita mula sa aking sarili kundi ang Ama na nagsugo sa akin ay siyang nagbigay sa akin ng utos, kung ano ang dapat kong sabihin, at kung ano ang dapat kong bigkasin.
50 Nalalaman ko na ang kanyang utos ay buhay na walang hanggan. Kaya't ang mga bagay na sinasabi ko ay aking sinasabi ayon sa sinabi ng Ama.”
Hinugasan ni Jesus ang mga Paa ng mga Alagad
13 Bago magpista ng Paskuwa, alam na ni Jesus na dumating na ang oras ng kanyang pagpanaw sa sanlibutang ito patungo sa Ama. Yamang minamahal niya ang sariling kanya na nasa sanlibutan, sila ay kanyang minahal hanggang sa katapusan.
2 Nang oras ng hapunan, inilagay na ng diyablo sa puso ni Judas Iscariote, na anak ni Simon, na ipagkanulo siya.
3 Alam ni Jesus na ibinigay na ng Ama ang lahat ng mga bagay sa kanyang mga kamay, at siya'y nanggaling sa Diyos at patungo sa Diyos.
4 Kaya tumindig siya pagkatapos maghapunan, itinabi ang kanyang damit, at siya'y kumuha ng isang tuwalya, at ibinigkis sa kanyang sarili.
5 Pagkatapos ay nagsalin siya ng tubig sa palanggana, at nagsimulang hugasan ang mga paa ng mga alagad, at pagkatapos ay pinunasan ng tuwalya na nakabigkis sa kanya.
6 Lumapit siya kay Simon Pedro na nagtanong sa kanya, “Panginoon, huhugasan mo ba ang aking mga paa?”
7 Sumagot si Jesus sa kanya, “Ang ginagawa ko'y hindi mo pa nauunawaan ngayon, ngunit malalaman mo pagkatapos ng mga ito.”
8 Sinabi sa kanya ni Pedro, “Hindi mo huhugasan ang aking mga paa kailanman.” Sinagot siya ni Jesus, “Kung hindi kita huhugasan, ay hindi ka magkakaroon ng bahagi sa akin.”
9 Sinabi sa kanya ni Simon Pedro, “Panginoon, hindi ang aking mga paa lamang, kundi pati ang aking mga kamay at ang aking ulo.”
10 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Ang napaliguan na ay hindi na kailangang hugasan maliban ang kanyang mga paa, sapagkat malinis nang lubos. Kayo'y malilinis na, ngunit hindi ang lahat.
11 Sapagkat nalalaman niya kung sino ang magkakanulo sa kanya, kaya't sinabi niya, “Hindi lahat sa inyo ay malilinis.”
12 Kaya(AJ) nang mahugasan niya ang kanilang mga paa, at makuha ang kanyang mga damit at muling maupo, ay sinabi niya sa kanila, “Nalalaman ba ninyo kung ano ang ginawa ko sa inyo?
13 Tinatawag ninyo akong Guro at Panginoon at tama kayo, sapagkat ako nga.
14 Kung ako nga, na Panginoon at Guro ay naghugas ng inyong mga paa, kayo man ay dapat ding maghugas ng mga paa ng isa't isa.
15 Sapagkat kayo'y binigyan ko ng halimbawa, upang gawin din ninyo ayon sa ginawa ko sa inyo.
16 Katotohanang(AK) sinasabi ko sa inyo, ang alipin ay hindi higit na dakila kaysa kanyang panginoon, o ang sinugo ay higit na dakila kaysa nagsugo sa kanya.
17 Kung nalalaman ninyo ang mga bagay na ito, mapapalad kayo kung inyong gagawin.
18 Hindi(AL) ako nagsasalita tungkol sa inyong lahat; nakikilala ko ang aking mga hinirang. Ngunit ito ay upang matupad ang kasulatan, ‘Ang kumain ng aking tinapay ay nagtaas ng kanyang sakong laban sa akin.’
19 Sinasabi ko na sa inyo ngayon bago ito mangyari, upang kapag ito ay nangyari ay maniwala kayo na Ako Nga.
20 Katotohanang(AM) sinasabi ko sa inyo, ang sinumang tumatanggap sa aking sinugo ay tumatanggap sa akin, at ang tumatanggap sa akin ay tinatanggap siya na nagsugo sa akin.”
Hinulaan ni Jesus ang Pagkakanulo sa Kanya(AN)
21 Nang masabi ni Jesus ang mga bagay na ito, siya'y nabagabag sa espiritu, at nagpatotoo, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, ako'y ipagkakanulo ng isa sa inyo.”
22 Ang mga alagad ay nagtinginan sa isa't isa na hindi tiyak kung sino ang tinutukoy niya.
23 Isa sa kanyang mga alagad, na minamahal ni Jesus, ang nakahilig malapit kay Jesus.
24 Hinudyatan siya ni Simon Pedro upang itanong kay Jesus kung sino ang tinutukoy niya.
25 Kaya't yamang nakahilig malapit kay Jesus ay sinabi sa kanya, “Panginoon, sino ba iyon?”
26 Sumagot si Jesus, “Siya iyong aking bibigyan ng tinapay pagkatapos na maisawsaw ko ito.” Kaya't nang maisawsaw niya ang tinapay, ay kinuha niya at ibinigay niya kay Judas, na anak ni Simon Iscariote.[ac]
27 Pagkatapos na matanggap ang kapirasong tinapay, si Satanas ay pumasok sa kanya. Sinabi sa kanya ni Jesus, “Gawin mong mabilis ang iyong gagawin.”
28 Hindi nalalaman ng sinumang nasa hapag ang dahilan kung bakit niya sinabi ang mga ito sa kanya.
29 Iniisip ng ilan na sapagkat si Judas ang may hawak ng supot, ay sinabi ni Jesus sa kanya, “Bumili ka ng mga bagay na ating kailangan sa pista,” o, magbigay siya ng anuman sa mga dukha.
30 Kaya't pagkatapos tanggapin ang tinapay ay nagmamadali siyang lumabas. Noon ay gabi na.
Ang Bagong Utos
31 Nang siya'y makalabas na, ay sinabi ni Jesus, “Ngayon ay niluwalhati ang Anak ng Tao, at ang Diyos ay niluwalhati sa kanya;
32 kung ang Diyos ay niluwalhati sa kanya, luluwalhatiin din siya ng Diyos sa kanya, at luluwalhatiin siya kaagad.
33 Maliliit(AO) na mga anak, makakasama pa ninyo ako nang kaunting panahon. Ako'y inyong hahanapin. At gaya ng sinabi ko sa mga Judio ay sinasabi ko sa inyo ngayon, ‘Sa pupuntahan ko, ay hindi kayo makakapunta.’
34 Isang(AP) bagong utos ang sa inyo'y ibinibigay ko, na kayo'y magmahalan sa isa't isa. Kung paanong minahal ko kayo, magmahalan din kayo sa isa't isa.
35 Sa pamamagitan nito ay makikilala ng lahat ng mga tao na kayo ay aking mga alagad, kung kayo'y may pag-ibig sa isa't isa.”
Sinabi ni Jesus ang Pagkakaila ni Pedro(AQ)
36 Sinabi sa kanya ni Simon Pedro, “Panginoon, saan ka pupunta?” Sumagot si Jesus, “Sa pupuntahan ko ay hindi ka makakasunod sa akin ngayon; ngunit pagkatapos ay makakasunod ka.”
37 Sinabi sa kanya ni Pedro, “Panginoon, bakit hindi ako makakasunod sa iyo ngayon? Ang aking buhay ay ibibigay ko para sa iyo.”
38 Sumagot si Jesus, “Ang buhay mo ba'y ibibigay mo dahil sa akin? Katotohanang sinasabi ko sa iyo, hindi titilaok ang manok, hanggang ipagkaila mo ako ng tatlong beses.
Si Jesus ang Daan tungo sa Ama
14 “Huwag mabagabag ang inyong puso. Sumampalataya kayo sa Diyos, sumampalataya rin naman kayo sa akin.
2 Sa bahay ng aking Ama ay maraming tahanan. Kung hindi gayon, sasabihin ko ba sa inyo na ako'y paparoon upang ihanda ko ang lugar para sa inyo?
3 At kung ako'y pumunta roon at maihanda ko ang isang lugar para sa inyo, ako'y babalik at kayo'y tatanggapin ko sa aking sarili, upang kung saan ako naroroon, kayo rin ay naroroon.
4 Nalalaman ninyo ang daan patungo sa lugar na aking pupuntahan.”[ad]
5 Sinabi sa kanya ni Tomas, “Panginoon, hindi namin alam kung saan ka pupunta. Paano namin malalaman ang daan?”
6 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Ako ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay. Sinuman ay hindi makakarating sa Ama kundi sa pamamagitan ko.
7 Kung ako'y kilala ninyo ay makikilala rin ninyo ang aking Ama. Mula ngayon siya'y inyong nakikilala at siya'y inyong nakita.”
8 Sinabi sa kanya ni Felipe, “Panginoon, ipakita mo sa amin ang Ama, at kami ay masisiyahan na.”
9 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Mahabang panahon nang ako'y kasama ninyo, at hindi mo ako nakikilala, Felipe? Ang nakakita sa akin ay nakakita sa Ama. Paano mong nasabi, ‘Ipakita mo sa amin ang Ama?’
10 Hindi ka ba sumasampalataya na ako'y nasa Ama, at ang Ama ay nasa akin? Ang mga salitang aking sinasabi sa inyo'y hindi ko sinasabi mula sa aking sarili, kundi ang Ama na nananatili sa akin ang gumagawa ng kanyang mga gawa.
11 Sumampalataya kayo sa akin na ako'y nasa Ama at ang Ama ay nasa akin. Subalit kung hindi ay sumampalataya kayo sa akin dahil sa mga gawa.
12 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, ang sumasampalataya sa akin ay gagawin din ang mga gawang aking ginagawa, at lalong dakilang mga gawa kaysa rito ang gagawin niya, sapagkat ako'y pupunta sa Ama.
13 At anumang hingin ninyo sa aking pangalan ay aking gagawin, upang ang Ama ay maluwalhati sa Anak.
14 Kung kayo'y humingi ng anuman sa pangalan ko ay gagawin ko.
Ang Pangakong Espiritu Santo
15 “Kung ako'y inyong minamahal ay tutuparin ninyo ang aking mga utos.
16 At hihingin ko sa Ama, at kayo'y bibigyan niya ng isa pang Mang-aaliw,[ae] upang makasama ninyo siya magpakailanman.
17 Ito ang Espiritu ng katotohanan na hindi kayang tanggapin ng sanlibutan; sapagkat siya'y hindi nito nakikita o nakikilala man. Siya'y nakikilala ninyo, sapagkat siya'y nananatiling kasama ninyo at siya ay mapapasa inyo.
18 Hindi ko kayo iiwang nag-iisa, ako'y darating sa inyo.
19 Kaunti pang panahon at hindi na ako makikita ng sanlibutan, ngunit makikita ninyo ako; sapagkat ako'y nabubuhay ay mabubuhay rin kayo.
20 Sa araw na iyon ay malalaman ninyong ako'y nasa aking Ama, at kayo'y nasa akin, at ako'y nasa inyo.
21 Siyang mayroon ng aking mga utos at tinutupad ang mga iyon ay siyang nagmamahal sa akin, at ang nagmamahal sa akin ay mamahalin ng aking Ama, at siya'y mamahalin ko, at ihahayag ko ang aking sarili sa kanya.”
22 Si Judas (hindi ang Iscariote) ay nagsabi sa kanya, “Panginoon, paano mong ihahayag ang iyong sarili sa amin, at hindi sa sanlibutan?”
23 Sumagot si Jesus sa kanya, “Kung ang isang tao ay nagmamahal sa akin, ay kanyang tutuparin ang aking salita, at siya'y mamahalin ng aking Ama, at kami'y lalapit sa kanya, at kami'y gagawa ng tahanang kasama siya.
24 Ang hindi nagmamahal sa akin ay hindi tumutupad ng aking mga salita, at ang salitang inyong narinig ay hindi akin, kundi sa Amang nagsugo sa akin.
25 Ang mga bagay na ito'y sinabi ko sa inyo, samantalang ako'y nananatiling kasama pa ninyo.
26 Subalit ang Mang-aaliw, ang Espiritu Santo na susuguin ng Ama sa aking pangalan, siya ang magtuturo sa inyo ng lahat ng mga bagay, at magpapaalala sa inyo ng lahat ng aking sinabi sa inyo.
27 Kapayapaan ang iniiwan ko sa inyo, ang aking kapayapaan ay ibinibigay ko sa inyo. Hindi gaya ng ibinibigay ng sanlibutan ang ibinibigay ko sa inyo. Huwag mabagabag ang inyong puso, o matakot man.
28 Narinig ninyong sinabi ko sa inyo, ‘Ako ay aalis, at babalik ako sa inyo. Kung ako'y inyong minamahal, kayo'y magagalak sapagkat ako'y pupunta sa Ama; sapagkat ang Ama ay higit na dakila kaysa akin.’
29 At ngayon ay sinabi ko sa inyo bago pa mangyari, upang kung ito'y mangyari, kayo ay maniwala.
30 Hindi na ako magsasalita pa ng marami sa inyo, sapagkat dumarating ang pinuno ng sanlibutan. Siya'y walang kapangyarihan sa akin.
31 Subalit ginagawa ko ang ayon sa iniutos sa akin ng Ama, upang malaman ng sanlibutan na minamahal ko ang Ama. Tumindig tayo at umalis na tayo rito.
Si Jesus ang Tunay na Puno ng Ubas
15 “Ako ang tunay na puno ng ubas, at ang aking Ama ang tagapag-alaga.
2 Ang bawat sanga sa akin na hindi nagbubunga ay inaalis niya; at ang bawat sanga na nagbubunga ay nililinis niya upang lalong magbunga.
3 Kayo'y malilinis na sa pamamagitan ng salita na aking sinabi sa inyo.
4 Kayo'y manatili sa akin, at ako'y sa inyo. Gaya ng sanga na hindi magbubunga buhat sa kanyang sarili malibang nakakabit sa puno, gayundin naman kayo, malibang kayo'y manatili sa akin.
5 Ako ang puno ng ubas, kayo ang mga sanga. Ang nananatili sa akin at ako'y sa kanya ay siyang nagbubunga ng marami. Sapagkat kung kayo'y hiwalay sa akin ay wala kayong magagawa.
6 Kung ang sinuman ay hindi manatili sa akin, siya'y itatapong katulad ng sanga at matutuyo, at sila ay titipunin at ihahagis sa apoy at masusunog.
7 Kung kayo'y mananatili sa akin, at ang mga salita ko'y mananatili sa inyo, hingin ninyo ang anumang inyong nais, at ito'y gagawin para sa inyo.
8 Sa pamamagitan nito'y naluluwalhati ang aking Ama, na kayo'y magbunga ng marami, at maging mga alagad ko.
9 Kung paanong minahal ako ng Ama, ay gayundin naman minamahal ko kayo. Manatili kayo sa aking pagmamahal.
10 Kung tinutupad ninyo ang aking mga utos, ay mananatili kayo sa aking pag-ibig gaya ng aking pagtupad sa mga utos ng aking Ama, at ako'y nananatili sa kanyang pag-ibig.
11 Ang mga bagay na ito ay sinabi ko sa inyo upang ang aking kagalakan ay mapasainyo, at ang inyong kagalakan ay malubos.
12 Ito(AR) ang aking utos, na kayo'y magmahalan sa isa't isa, gaya ng pagmamahal ko sa inyo.
13 Walang may higit pang dakilang pag-ibig kaysa rito, na ibigay ng isang tao ang kanyang buhay dahil sa kanyang mga kaibigan.
14 Kayo'y aking mga kaibigan kung ginagawa ninyo ang mga bagay na aking iniuutos sa inyo.
15 Hindi ko na kayo tatawaging mga alipin, sapagkat hindi nalalaman ng alipin kung ano ang ginagawa ng kanyang panginoon. Ngunit tinatawag ko kayong mga kaibigan sapagkat ang lahat ng mga bagay na narinig ko sa aking Ama ay ipinaalam ko sa inyo.
16 Ako'y hindi ninyo pinili, ngunit kayo'y pinili ko, at itinalaga ko kayo upang kayo'y humayo at magbunga, at ang mga bunga ninyo'y mananatili, upang ang anumang inyong hingin sa Ama sa aking pangalan ay ibigay niya sa inyo.
17 Ang mga bagay na ito ay iniuutos ko sa inyo, upang kayo'y magmahalan sa isa't isa.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001