Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the CSB. Switch to the CSB to read along with the audio.

Ang Biblia (1978) (ABTAG1978)
Version
Genesis 31:17-32:12

Lihim na pagalis ni Jacob sa Canaan.

17 Nang magkagayo'y tumindig si Jacob, at pinasakay sa mga kamello ang kaniyang mga anak at ang kaniyang mga asawa;

18 At dinala ang kaniyang lahat na hayop, at ang kaniyang buong pagaaring tinipon, ang hayop na kaniyang napakinabang, na kaniyang tinipon, sa Padan-aram, upang pumaroon kay Isaac na kaniyang ama, sa lupain ng Canaan.

19 Si Laban nga ay yumaon upang gupitan ang kaniyang mga tupa: at ninakaw ni Raquel ang mga larawang tinatangkilik ng kaniyang ama.

20 At tumanan si Jacob na di nalalaman ni Laban na taga Siria, sa di niya pagbibigay alam na siya'y tumakas.

21 Ganito tumakas si Jacob sangpu ng buong kaniya; at bumangon at tumawid sa (A)ilog Eufrates, at siya'y (B)tumungo sa bundok ng Gilead.

Hinabol at hinamon ni Laban si Jacob.

22 At binalitaan si Laban sa ikatlong araw, na tumakas si Jacob.

23 At ipinagsama niya ang kaniyang mga kapatid, at hinabol niyang pitong araw; at kaniyang inabutan sa bundok ng Gilead.

24 At (C)naparoon ang Dios kay Laban na taga Siria, sa panaginip sa gabi, at sa kaniya'y sinabi, (D)Ingatan mong huwag kang magsalita kay Jacob ng mabuti o masama man,

25 At inabutan ni Laban si Jacob, At naitirik na ni Jacob ang kaniyang tolda sa bundok; at si Laban sangpu ng kaniyang mga kapatid ay nagtirik din sa bundok ng Gilead.

26 At sinabi ni Laban kay Jacob, Anong ginawa mo na tumanan ka ng di ko nalalaman, at dinala mo ang aking mga anak na parang mangabihag sa tabak?

27 Bakit ka tumakas ng lihim, at tumanan ka sa akin; at hindi mo ipinaalam sa akin, upang ikaw ay napagpaalam kong may sayahan at may awitan, may tambol at may alpa;

28 At hindi mo man lamang ipinahintulot sa aking (E)humalik sa aking mga anak na lalake at babae? Ngayon nga'y gumawa ka ng kamangmangan.

29 (F)Nasa kapangyarihan ng aking kamay ang gawan ko kayo ng masama: (G)nguni't ang Dios ng inyong ama ay kinausap ako kagabi, na sinasabi, Ingatan mong huwag kang magsalita kay Jacob ng mabuti o masama man.

30 At ngayon, bagaman iyong inibig yumaon, sapagka't pinagmimithian mong datnin ang bahay ng iyong ama ay (H)bakit mo ninakaw ang aking mga dios?

31 At sumagot si Jacob, at sinabi kay Laban, Sapagka't ako'y natakot: sapagka't sinabi kong baka mo alising sapilitan sa akin ang iyong mga anak.

32 Kaya kung kanino mo masumpungan ang iyong mga dios, ay (I)huwag mabuhay: sa harap ng ating mga kapatid ay iyong kilalanin kung anong mayroon akong iyo, at dalhin mo sa iyo. Sapagka't hindi nalalaman ni Jacob na si Raquel ang nagnakaw.

33 At pumasok si Laban sa tolda ni Jacob, at sa tolda ni Lea, at sa tolda ng dalawang alilang babae, datapuwa't hindi niya nasumpungan; at lumabas sa tolda ni Lea, at pumasok sa tolda ni Raquel.

34 Nakuha nga ni Raquel ang mga larawan, at naisiksik sa mga daladalahan ng kamello at kaniyang inupuan. At inapuhap ni Laban ang buong palibot ng tolda, nguni't hindi niya nasumpungan.

35 At sinabi niya sa kaniyang ama, Huwag magalit ang aking panginoon na ako'y hindi (J)makatindig sa harap mo; sapagka't ako'y mayroon ng kaugalian ng mga babae. At kaniyang hinanap, datapuwa't hindi masumpungan ang mga larawan.

Ang galit na sagot ni Jacob.

36 At naginit si Jacob at nakipagtalo kay Laban, at sumagot si Jacob, at sinabi kay Laban, Ano ang aking sinalangsang at ang aking kasalanan, upang ako'y habulin mong may pagiinit?

37 Yamang inapuhap mo ang lahat ng aking kasangkapan, anong nasumpungan mong kasangkapan, ng iyong bahay? Ilagay mo rito sa harap ng aking mga kapatid at ng iyong mga kapatid, upang hatulan nila tayong dalawa.

38 Ako'y natira sa iyo nitong dalawang pung taon: ang iyong mga babaing tupa, at ang iyong mga babaing kambing ay hindi nawalan ng kanilang mga anak, at ang mga tupang lalake ng iyong kawan ay hindi ko kinain.

39 (K)Ang nilapa ng mga ganid ay hindi ko dinala sa iyo; ako ang nagbata ng kawalan; sa aking kamay mo hiningi, maging nanakaw sa araw, o nanakaw sa gabi.

40 Ganito nakaraan ako; sa araw ay pinupugnaw ako ng init, at ng lamig sa gabi; at ang pagaantok ay tumatakas sa aking mga mata.

41 Nitong dalawang pung taon ay natira ako sa iyong bahay; pinaglingkuran kitang (L)labing apat na taon dahil sa iyong dalawang anak, at anim na taon dahil sa iyong kawan: at (M)binago mo ang aking kaupahan na makasangpu.

42 (N)Kung hindi sumaakin ang Dios ng aking ama, ang Dios ni Abraham, (O)at ang Katakutan ni Isaac, ay walang pagsalang palalayasin mo ako ngayong walang dala. (P)Nakita ng Dios ang aking kapighatian, ang kapaguran ng aking mga kamay, (Q)at sinaway ka niya kagabi.

Tipan sa Galaad.

43 At sumagot si Laban at sinabi kay Jacob, Ang mga anak na babaing ito, ay aking mga anak at itong mga anak ay mga anak ko, at ang mga kawan ay mga kawan ko, at ang lahat ng iyong nakikita ay akin: at anong magagawa ko ngayon sa mga anak kong babae, o sa kanilang mga anak na ipinanganak nila?

44 At ngayo'y halika, (R)gumawa tayo ng isang tipan, ako't ikaw na (S)maging patotoo sa akin at sa iyo.

45 At (T)kumuha si Jacob ng isang bato, at itinindig na pinakaalaala.

46 At sinabi ni Jacob sa kaniyang mga kapatid, Manguha kayo ng mga bato; at kumuha sila ng mga bato at kanilang ginawang isang bunton: at sila'y nagkainan doon sa malapit sa bunton.

47 At pinanganlan ni Laban na Jegarsahadutha, datapuwa't pinanganlan ni Jacob na Galaad.

48 At sinabi ni Laban, Ang (U)buntong ito ay saksi sa akin at sa iyo ngayon. Kaya't ang pangalan niya'y tinawag na Galaad;

49 At (V)Mizpa sapagka't kaniyang sinabi, Bantayan ng Panginoon ako at ikaw, pag nagkakahiwalay tayo.

50 Kung pahirapan mo ang aking mga anak, o kung magasawa ka sa iba bukod sa aking mga anak, ay wala tayong ibang kasama; tingnan mo, ang (W)Dios ay saksi sa akin at sa iyo.

51 At sinabi ni Laban kay Jacob, Narito, ang buntong ito at ang batong pinakaalaalang ito, na aking inilagay sa gitna natin.

52 Maging saksi ang buntong ito, at saksi ang batong ito, na hindi ko lalagpasan ang buntong ito sa dako mo, at hindi mo lalagpasan ang buntong ito at ang batong pinakaalaalang ito sa pagpapahamak sa amin.

53 Ang Dios ni Abraham at ang Dios ni Nachor, ang Dios ng ama nila ay siyang humatol sa atin. At si Jacob ay sumumpa ng ayon sa (X)Katakutan ng kaniyang amang si Isaac.

54 At naghandog si Jacob ng hain sa bundok, at tinawag ang (Y)kaniyang mga kapatid upang magsikain ng tinapay: at sila'y nagsikain ng tinapay, at sila'y nagparaan ng buong gabi sa bundok.

55 At bumangong maaga sa kinaumagahan si Laban, at hinagkan ang (Z)kaniyang mga anak na lalake at babae, at pinagbabasbasan: at yumaon at umuwi si Laban.

Si Jacob sa Mahanaim.

32 At ipinagpatuloy ni Jacob ang kaniyang paglakad, at sinalubong siya ng mga anghel ng Dios.

At sinabi ni Jacob nang makita niya sila, (AA)Ito'y hukbo ng Dios: at tinawag niya ang pangalan ng dakong yaon na Mahanaim.

Ang takot ni Jacob kay Esau.

At si Jacob ay nagpasugo sa unahan niya kay Esau, na kaniyang kapatid sa lupain ng Seir, na (AB)parang ng Edom.

At inutusan niya sila, na sinasabi, Ganito ninyo sabihin sa aking panginoong kay Esau, Ganito ang sabi ng iyong lingkod na si Jacob, Dumoon ako kay Laban at ako'y natira roon hanggang ngayon.

At mayroon akong mga baka, at mga asno, at mga kawan, at mga aliping lalake at babae: at ako'y nagpasugo upang magbigay alam sa aking panginoon, (AC)upang makasumpong ng biyaya sa iyong paningin.

At ang mga sugo ay nagsipagbalik kay Jacob, na nagsipagsabi, Dumating kami sa iyong kapatid na kay Esau, (AD)at siya rin naman ay sumasalubong sa iyo, at apat na raang tao ang kasama niya.

Nang magkagayo'y natakot na mainam si Jacob at (AE)nahapis at kaniyang binahagi ang bayang kasama niya, at ang mga kawan, at ang mga bakahan, at ang mga kamelyo ng dalawang pulutong.

At kaniyang sinabi, Kung dumating si Esau sa isang pulutong, at kaniyang saktan, ang pulutong ngang natitira ay tatanan.

(AF)At sinabi ni Jacob, Oh (AG)Dios ng aking amang si Abraham, at Dios ng aking amang si Isaac, Oh Panginoon, (AH)na nagsabi sa akin, Magbalik ka sa iyong lupain at sa iyong kamaganakan, at gagawan kita ng magaling:

10 Hindi ako marapat sa kababababaan ng lahat ng kaawaan, at ng buong katotohanan na iyong ipinakita sa iyong lingkod: sapagka't dala ko ang aking tungkod, na dinaanan ko ang Jordang ito; at ngayo'y naging dalawang pulutong ako.

11 Iligtas mo ako, ipinamamanhik ko sa iyo, sa kamay ng aking kapatid, sa kamay ni Esau; sapagka't ako'y (AI)natatakot sa kaniya, baka siya'y dumating at ako'y saktan niya, ang ina pati ng mga anak.

12 (AJ)At ikaw ang nagsabi, Tunay na ikaw ay gagawan ko ng magaling, at gagawin ko ang iyong binhi na parang buhangin sa dagat, na hindi mabibilang dahil sa karamihan.

Mateo 10:24-11:6

24 (A)Hindi mataas ang alagad sa kaniyang guro, ni hindi rin mataas ang alila sa kaniyang panginoon.

25 Sukat na sa alagad ang maging katulad ng kaniyang guro, at sa alila ang maging katulad ng kaniyang panginoon. Kung pinanganlan nilang Beelzebub (B)ang panginoon ng sangbahayan, gaano pa kaya ang mga kasangbahay niya!

26 Huwag nga ninyo silang katakutan: (C)sapagka't walang bagay na natatakpan, na hindi mahahayag; at natatago na hindi malalaman.

27 Ang sinasabi ko sa inyo sa kadiliman, ay sabihin ninyo sa kaliwanagan; at ang narinig ninyo sa bulong, ay inyong ipagsigawan sa mga bubungan.

28 At huwag kayong mangatakot sa mga nagsisipatay ng katawan, datapuwa't hindi nangakakapatay sa kaluluwa: kundi bagkus ang katakutan ninyo'y yaong makapupuksa sa kaluluwa at sa katawan sa (D)impierno.

29 Hindi baga ipinagbibili ng isang beles ang dalawang maya? at kahit isa sa kanila'y hindi mahuhulog sa lupa kung hindi pahintulot ng inyong Ama:

30 Datapuwa't maging ang mga buhok ng inyong ulo ay pawang bilang na lahat.

31 Huwag nga kayong mangatakot: kayo'y lalong mahalaga kay sa maraming maya.

32 Kaya't ang bawa't kumikilala (E)sa akin sa harap ng mga tao, ay kikilalanin ko naman (F)siya sa harap ng aking Ama na nasa langit.

33 Datapuwa't (G)sinomang sa aki'y magkaila sa harap ng mga tao, ay ikakaila ko naman siya sa harap ng aking Ama na nasa langit.

34 Huwag ninyong (H)isiping ako'y naparito upang magdala ng kapayapaan sa lupa: hindi ako naparito upang magdala ng kapayapaan, kundi tabak.

35 Sapagka't ako'y naparito upang papagalitin ang lalake (I)laban sa kaniyang ama, at ang anak na babae laban sa kaniyang ina, at ang manugang na babae laban sa kaniyang biyanang babae:

36 At ang magiging kaaway ng tao ay ang kaniya ring sariling kasangbahay.

37 Ang (J)umiibig sa ama o sa ina ng higit kay sa akin ay hindi karapatdapat sa akin; at ang umiibig sa anak na lalake o anak na babae ng higit kay sa akin ay hindi karapatdapat sa akin.

38 At (K)ang hindi nagpapasan ng kaniyang krus at sumusunod sa akin, ay hindi karapatdapat sa akin.

39 Ang nakasusumpong ng kaniyang buhay ay (L)mawawalan nito; at ang mawalan ng buhay dahil sa akin ay makasusumpong niyaon.

40 Ang tumatanggap sa inyo ay (M)ako ang tinatanggap, at ang tumatanggap sa akin ay tinatanggap ang nagsugo sa akin.

41 Ang tumatanggap sa isang propeta dahil sa pangalan ng propeta ay tatanggap ng ganti ng isang propeta: at ang tumatanggap sa isang taong matuwid dahil sa pangalan ng isang taong matuwid ay tatanggap ng ganti ng isang taong matuwid.

42 At (N)sinomang magpainom sa isa sa maliliit na ito ng kahit isang sarong tubig na malamig, dahil sa pangalang alagad, katotohanang sinasabi ko sa inyo na hindi mawawala ang ganti sa kaniya.

11 At nangyari, na nang matapos nang masabi ni Jesus ang kaniyang mga utos sa kaniyang labingdalawang alagad, ay umalis siya roon upang magturo at mangaral sa mga bayan nila.

(O)Nang marinig nga ni Juan (P)sa bilangguan ang mga gawa ni Cristo, ay nagpasugo siya sa pamamagitan ng kaniyang mga alagad,

At sinabi sa kaniya, Ikaw baga (Q)yaong paririto, o hihintayin namin ang iba?

At sumagot si Jesus at sa kanila'y sinabi, Magsiparoon kayo at sabihin ninyo kay Juan ang mga bagay na inyong nangaririnig at nangakikita:

Ang mga bulag ay nangakakakita, (R)ang mga pilay ay nangakalalakad, ang mga ketongin ay nangalilinis, at ang mga bingi ay nangakaririnig, at ang mga patay ay ibinabangon, at (S)sa mga dukha ay ipinangangaral ang mabubuting balita.

At mapalad ang sinomang hindi (T)makasumpong ng anomang katitisuran sa akin.

Mga Awit 13

Panalangin ng pagdaing sa panahon ng bagabag. Sa Pangulong Manunugtog. Awit ni David.

13 Hanggang kailan, Oh Panginoon? iyong kalilimutan ako magpakailan man?
(A)Hanggang kailan ikukubli mo ang iyong mukha sa akin?
Hanggang kailan kukuhang payo ako sa aking kaluluwa,
Na may kalumbayan sa aking puso buong araw?
Hanggang kailan magpapakataan ang aking kaaway sa akin?
Iyong bulayin, at sagutin mo ako, Oh Panginoon kong Dios:
(B)Liwanagan mo ang aking mga mata, baka ako'y matulog ng tulog na kamatayan;
(C)Baka sabihin ng aking kaaway,
Ako'y nanaig laban sa kaniya;
Baka ang aking mga kaaway ay mangagalak (D)pagka ako'y nakilos.
Nguni't ako'y tumiwala sa iyong kagandahang-loob.
Magagalak ang aking puso sa iyong pagliligtas:
Ako'y aawit sa Panginoon,
(E)Sapagka't ginawan niya ako ng sagana.

Mga Kawikaan 3:16-18

16 Karamihan ng mga araw ay nasa kanang kamay niya,
Sa kaniyang kaliwang kamay ay (A)mga kayamanan at karangalan.
17 (B)Ang kaniyang mga daan ay mga daan ng kaligayahan,
At lahat niyang mga landas ay kapayapaan.
18 Siya ay (C)punong kahoy ng buhay sa mga nanghahawak sa kaniya:
At mapalad ang bawa't isa na nangamamalagi sa kaniya.

Ang Biblia (1978) (ABTAG1978)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978