The Daily Audio Bible
Today's audio is from the NIV. Switch to the NIV to read along with the audio.
24 Kaya lumakad si Moises at sinabi sa mga tao ang sinabi ng Panginoon. Tinipon niya ang 70 tagapamahala at pinatayo sa palibot ng Tolda. 25 Pagkatapos, bumaba ang Panginoon sa pamamagitan ng ulap at nakipag-usap kay Moises. Kinuha niya ang ibang kapangyarihan[a] ni Moises at ibinigay sa 70 tagapamahala. At nang matanggap nila ito, nagsalita sila kagaya ng mga propeta pero hindi na ito nangyari pang muli.
26 Ang dalawa sa 70 tagapamahala na sina Eldad at Medad ay nagpaiwan sa kampo at hindi pumunta sa Tolda. Pero natanggap din nila ang kapangyarihan at nagsalita rin sila na kagaya ng mga propeta. 27 May isang binata na nagtatakbo papunta kay Moises at sinabi na nagsasalita sina Eldad at Medad doon sa kampo na kagaya ng mga propeta. 28 Sinabi ni Josue na anak ni Nun, na naging katulong ni Moises mula noong bata pa ito, “Amo, patigilin po ninyo sila.” 29 Pero sumagot si Moises, “Nababahala ka ba kung ano ang magiging resulta nito sa aking pagkapinuno? Kung sa akin lang, gusto kong bigyan ng Panginoon ng kapangyarihan ang lahat ng mamamayan at makapagsalita sila kagaya ng mga propeta.” 30 Pagkatapos, bumalik sa kampo si Moises at ang mga tagapamahala ng Israel.
31 Ngayon, nagpadala ang Panginoon ng hangin na nagdala ng mga pugo mula sa dagat. Lumipad-lipad sila sa palibot ng kampo at ibinagsak sa lupa; mga tatlong talampakan ang taas ng bunton nito at mga ilang kilometro ang lawak ng ibinunton na mga pugo. 32 Kaya nang araw na iyon at nang sumunod pang araw, nanghuli ang mga tao ng mga pugo araw at gabi. Walang nakakuha nang bababa pa sa 30 sako at ibinilad nila ito sa palibot ng kampo. 33 Pero habang nginunguya pa nila ang karne at hindi pa nalululon ito, nagalit ang Panginoon sa kanila, at pinadalhan sila ng salot. 34 Kaya tinawag ang lugar na iyon na Kibrot Hataava[b] dahil doon inilibing ang mga taong matatakaw sa karne. 35 Mula roon, naglakbay ang mga Israelita sa Hazerot, at doon nagkampo.
Ang Reklamo nila Miriam at Aaron
12 Ngayon, siniraan nila Miriam at Aaron si Moises dahil nakapag-asawa siya ng isang taga-Cush.[c] 2 Sinabi nila, “Sa pamamagitan lang ba ni Moises nakikipag-usap ang Panginoon? Nakikipag-usap din siya sa amin.” Pero narinig ito ng Panginoon.
3 (Mapagpakumbaba si Moises higit sa lahat ng mga tao sa mundo.)
4 Kaya nakipag-usap agad ang Panginoon kina Moises, Aaron at Miriam, “Lumabas kayong tatlo at pumunta sa Toldang Tipanan.” Kaya pumunta silang tatlo sa Tolda. 5 Pagkatapos, bumaba ang Panginoon sa pamamagitan ng ulap na parang haligi at tumayo sa pintuan ng Toldang Tipanan, at tinawag sina Aaron at Miriam. Paglapit ng dalawa, 6 sinabi ng Panginoon, “Pakinggan ninyo ito: Kung may propeta ako na nasa inyo, nakikipag-usap ako sa kanya sa pamamagitan ng pangitain at panaginip. 7 Pero hindi ako ganoon makipag-usap ako sa aking lingkod na si Moises na mapagkakatiwalaang pinuno ng aking mga mamamayan. 8 Kung makikipag-usap ako sa kanya, parang magkaharap lang kami dahil ang aking sinasabi sa kanya ay malinaw talaga. Parang nakikita niya ako. Kaya bakit hindi kayo natakot magsalita ng masama laban sa aking lingkod na si Moises?”
9 Nagalit ang Panginoon sa kanila, at umalis siya. 10 Nang umalis na ang ulap sa ibabaw ng Tolda, tinubuan si Miriam ng malubhang sakit sa balat,[d] at namuti ang kanyang balat. Pagkakita ni Aaron sa kanya, 11 sinabi ni Aaron kay Moises, “Pakiusap kapatid[e] ko, huwag po ninyo kaming pahirapan dahil sa aming kasalanang nagawa namin nang may kahangalan. 12 Huwag ninyong hayaang maging tulad si Miriam ng isang batang patay nang ipinanganak at bulok ang kalahating katawan.”
13 Kaya nagmakaawa si Moises sa Panginoon, “O Dios ko, nakikiusap po ako sa inyo na pagalingin ninyo si Miriam.” 14 Sumagot ang Panginoon kay Moises, “Hindi baʼt kapag dinuraan siya ng kanyang ama sa mukha para pasamain siya ay pagdurusahan niya ang kahihiyan sa loob ng pitong araw? Kaya palabasin siya sa kampo sa loob ng pitong araw, pagkatapos ng pitong araw, maaari na siyang makabalik.”
15 Kaya pinalabas si Miriam sa kampo sa loob ng pitong araw. Hindi nagpatuloy ang mga tao sa paglalakbay hanggang sa makabalik si Miriam sa kampo. 16 Pagkatapos noon, umalis sila sa Hazerot, at nagkampo sa disyerto ng Paran.
Ang mga Espiya(A)
13 Sinabi ng Panginoon kay Moises, 2 “Magpadala ka ng mga tao para mag-espiya sa Canaan – ang lupain na ibibigay ko sa inyong mga Israelita. Ang mga tao na iyong ipapadala ay ang mga pinuno ng bawat lahi ng Israel.” 3 Kaya sinunod ni Moises ang iniutos sa kanya ng Panginoon. Ipinadala niya sa Canaan ang mga pinuno ng mga Israelita mula roon sa Disyerto ng Paran. 4-15 Ito ang mga lahi at mga pangalan nila:
Lahi | Pinuno |
---|---|
Reuben | Shamua na anak ni Zacur |
Simeon | Shafat na anak ni Hori |
Juda | Caleb na anak ni Jefune |
Isacar | Igal na anak ni Jose |
Efraim | Hoshea na anak ni Nun |
Benjamin | Palti na anak ni Rafu |
Zebulun | Gadiel na anak ni Sodi |
Manase na anak ni Jose | Gadi na anak ni Susi |
Dan | Amiel na anak ni Gemali |
Asher | Seteur na anak ni Micael |
Naftali | Nabi na anak ni Vofsi |
Gad | Geuel na anak ni Maki |
16 Sila ang mga tao na ipinadala ni Moises para mag-espiya sa Canaan. (Pinalitan ni Moises ng Josue ang pangalan ni Hoshea na anak ni Nun.)
17 Bago sila pinaalis ni Moises para mag-espiya sa Canaan, sinabi ni Moises sa kanila, “Maglakad kayo pahilaga at pumunta sa timog ng Canaan,[f] at dumiretso sa kabundukan. 18 Tingnan ninyo kung ano ang itsura ng lupain, at kung malakas ba o mahina ang mga tao roon, at kung marami sila o kaunti lang. 19 Tingnan ninyo kung anong klase ng lupain ang kanilang tinitirhan, kung mabuti o hindi. Tingnan ninyo ang kanilang bayan kung napapalibutan ng pader o hindi. 20 Tingnan din ninyo kung masagana ang lupa o hindi, at kung may mga puno o wala. At pagsikapan ninyong makapagdala ng prutas sa inyong pagbalik.” (Panahon noon ng paghinog ng ubas.)
21 Kaya naglakad sila at tinanaw nila ang lupain mula sa ilang ng Zin hanggang sa Rehob malapit sa Lebo Hamat. 22 Nag-umpisa sila sa Negev hanggang sa nakarating sila sa Hebron, kung saan nakatira sina Ahiman, Sheshai at Talmai, na mga angkan ni Anak. (Itinayo ang Hebron pitong taon bago itinayo ang Zoan sa Egipto.) 23 Pagdating nila sa Lambak ng Eshcol, pumutol sila ng isang kumpol ng ubas. Masyadong mabigat ito kaya itinali nila ito sa isang tukod at magkatulong na binuhat ng dalawang tao. Nagdala rin sila ng mga prutas na pomegranata at igos. 24 Tinatawag ang lugar na iyon na Lambak ng Eshcol[g] dahil sa kumpol ng ubas na pinutol ng mga Israelita.
25 Pagkatapos ng 40 araw na pag-espiya sa lupain, bumalik sila 26 kina Moises, Aaron at sa buong mamamayan ng Israel sa Kadesh, doon sa disyerto ng Paran. Sinabi nila sa buong kapulungan ang kanilang nakita, at ipinakita nila ang kanilang dalang mga prutas. 27 Sinabi nila kay Moises, “Pumunta kami sa lugar na pinapuntahan mo sa amin, maganda at masaganang lupain[h] iyon. Sa katunayan, heto ang mga prutas. 28 Pero makapangyarihan ang mga taong nakatira roon, at malalaki ang kanilang mga lungsod at napapalibutan ng mga pader. Nakita pa namin ang mga angkan ni Anak. 29 Nakatira ang mga Amalekita sa Negev; ang mga Heteo, Jebuseo at mga Amoreo sa kabundukan; at ang mga Cananeo naman ay nakatira malapit sa dagat at sa tabi ng Ilog ng Jordan.”
30 Pinakalma ni Caleb ang mga tao sa harapan ni Moises, at sinabi niya, “Lalakad tayo at sasakupin natin ang lupain, dahil nasisiguro kong maaagaw natin ito.”
31 Pero sinabi ng mga tao na sumama kay Caleb para mag-espiya, “Hindi natin makakaya ang pagsalakay sa kanila dahil mas malakas sila sa atin.” 32 At ipinalaganap nila sa mga Israelita ang masamang balita tungkol sa lupain na kanilang tiningnan. Ito ang kanilang sinabi, “Hindi maganda ang lupaing nakita namin doon, at hindi lang iyan, malalaki ang mga taong nakita namin doon, sobrang tangkad. 33 May nakita pa kaming mga higante,[i] na mga angkan ni Anak. Parang mga tipaklong lang ang tingin namin sa aming mga sarili kung ikukumpara sa kanila, at ganyan din ang kanilang tingin sa amin.”
Huling Hapunan ni Jesus(A)
22 Habang kumakain sila, kumuha ng tinapay si Jesus. Nagpasalamat siya sa Dios at pagkatapos ay hinati-hati niya ito at ibinigay sa mga tagasunod niya at sinabi, “Kunin ninyo at kainin; ito ang aking katawan.” 23 Pagkatapos, kumuha siya ng inumin,[a] nagpasalamat sa Dios, at ibinigay sa kanila. At uminom silang lahat. 24 Sinabi niya sa kanila, “Ito ang aking dugo na ibubuhos para sa maraming tao. Ito ang katibayan ng bagong kasunduan ng Dios sa mga tao. 25 Sinasabi ko sa inyo ang totoo, hindi na ako muling iinom ng inuming mula sa ubas hanggang sa araw ng paghahari ng Dios. At sa araw na iyon, iinom ako ng bagong klase ng inumin.” 26 Umawit sila ng papuri sa Dios at pagkatapos ay pumunta sila sa Bundok ng mga Olibo.
Sinabi ni Jesus na Ikakaila Siya ni Pedro(B)
27 Sinabi ni Jesus sa mga tagasunod niya, “Iiwan ninyo akong lahat, dahil sinabi ng Dios sa Kasulatan, ‘Papatayin ko ang pastol at magsisipangalat ang mga tupa.’[b] 28 Ngunit pagkatapos na ako ay muling mabuhay, mauuna ako sa inyo sa Galilea.” 29 Sinabi ni Pedro kay Jesus, “Kahit iwanan po kayo ng lahat, hindi ko kayo iiwan.” 30 Sinagot siya ni Jesus, “Sinasabi ko sa iyo ang totoo, bago tumilaok ang manok nang pangalawang beses ngayong gabi, tatlong beses mong ikakaila na kilala mo ako.” 31 Pero iginiit pa rin ni Pedro, “Hinding-hindi ko kayo ikakaila, kahit na patayin pa akong kasama ninyo.” At ganoon din ang sinabi ng iba pa niyang kasamahan.
Nanalangin si Jesus sa Getsemane(C)
32 Pagkatapos, pumunta sila sa isang lugar na tinatawag na Getsemane. Pagdating nila roon, sinabi ni Jesus sa kanila, “Maupo kayo rito habang nananalangin ako.” 33 Isinama niya sina Pedro, Santiago, at Juan sa di-kalayuan. Balisang-balisa at nababahala si Jesus. 34 Sinabi niya sa kanila, “Para akong mamamatay sa labis na kalungkutan. Dito lang kayo at magpuyat.” 35 Lumayo siya nang kaunti, lumuhod sa lupa at nanalangin na kung maaari ay huwag na niyang danasin ang paghihirap na kanyang haharapin. 36 Sinabi niya, “Ama, magagawa nʼyo ang lahat ng bagay. Kung maaari, ilayo nʼyo sa akin ang mga paghihirap na darating.[c] Ngunit hindi ang kalooban ko ang masunod kundi ang kalooban ninyo.”
37 Binalikan ni Jesus ang tatlo niyang tagasunod at dinatnan silang natutulog. Sinabi niya kay Pedro, “Simon, natutulog ka ba? Hindi ka ba makapagpuyat kahit isang oras lang?” 38 At sinabi niya sa kanila, “Magpuyat kayo at manalangin para hindi kayo madaig ng tukso. Ang espiritu ay handang sumunod, ngunit mahina ang laman.”[d]
39 Muling lumayo si Jesus at nanalangin. Ganoon pa rin ang kanyang dalangin. 40 Pagkatapos, muli niyang binalikan ang mga tagasunod niya at nadatnan na naman niya silang natutulog, dahil antok na antok na sila. At nang gisingin sila ni Jesus, nahiya sila at hindi nila alam kung ano ang sasabihin nila kay Jesus. 41 Sa ikatlong pagbalik ni Jesus, sinabi niya sa kanila, “Natutulog pa rin ba kayo at nagpapahinga? Tama na iyan! Dumating na ang oras na ako na Anak ng Tao ay ipagkakanulo sa mga makasalanan. 42 Tayo na! Narito na ang nagtatraydor sa akin.”
Ang Pagdakip kay Jesus(D)
43 Nagsasalita pa si Jesus nang biglang dumating si Judas na isa sa 12 tagasunod. Marami siyang kasama na armado ng mga espada at pamalo. Isinugo sila ng mga namamahalang pari, mga tagapagturo ng Kautusan at ng mga pinuno ng mga Judio. 44 Ganito ang palatandaan na ibinigay ng traydor na si Judas sa mga huhuli kay Jesus: “Ang babatiin ko sa pamamagitan ng isang halik ang siyang pakay ninyo. Dakpin ninyo siya at dalhin, at bantayang mabuti.”
45 Kaya nang dumating si Judas, agad siyang lumapit kay Jesus at bumati, “Guro!” sabay halik sa kanya. 46 At dinakip agad ng mga tao si Jesus. 47 Bumunot ng espada ang isa sa mga tagasunod ni Jesus at tinaga ang alipin ng punong pari, at naputol ang tainga nito. 48 Sinabi ni Jesus sa mga humuli sa kanya, “Isa ba akong tulisan? Bakit kailangan pa ninyong magdala ng mga espada at mga pamalo para dakpin ako? 49 Araw-araw ay nasa templo ako at nagtuturo, at naroon din kayo. Bakit hindi ninyo ako dinakip? Ngunit kailangang mangyari ito upang matupad ang sinasabi ng Kasulatan tungkol sa akin.” 50 Iniwan siya noon din ng mga tagasunod niya at nagsitakas sila.
51 May isang binata roon na sumunod kay Jesus na nakabalabal lang ng telang linen. Dinakip din siya ng mga sundalo, 52 pero nakawala siya at tumakas nang hubad, dahil nahawakan nila ang kanyang balabal.
Ang Paghatol at Habag ng Dios
52 Ikaw, taong mapagmataas,
bakit mo ipinagyayabang ang kasamaan mo?
Hindi baʼt ang Dios ay palaging mabuti sa iyo?
2 Sa pagbabalak mo ng masama laban sa iba,
kasintalim ng pang-ahit ang iyong dila,
at lagi kang nagsisinungaling.
3 Minamahal mo ang kasamaan kaysa sa kabutihan,
at mas nais mong magsinungaling kaysa magsabi ng katotohanan.
4 Taong sinungaling, ang gusto moʼy makapanakit ng iba sa pamamagitan ng iyong pananalita.
5 Ngunit dudurugin ka ng Dios nang tuluyan.
Dadakpin ka at kakaladkarin palabas ng bahay;
bubunutin ka mula rito sa mundo ng mga buhay.
6 Makikita ito ng mga matuwid at magtataka sila. Pagtatawanan ka nila at sasabihing,
7 “Tingnan ninyo ang taong hindi nanalig sa Dios bilang matibay nilang kanlungan.
Sa halip, nagtiwala lang sa kanyang masaganang kayamanan,
at patindi nang patindi ang kanyang kasamaan.”
8 Ngunit ako ay tulad ng punong olibo
na yumayabong sa loob ng inyong templo.
Nagtitiwala ako sa inyong pag-ibig magpakailanman.
9 Pasasalamatan ko kayo magpakailanman dahil sa mga ginawa ninyo.
At sa harapan ng mga matatapat sa inyo, ipapahayag ko ang kabutihan ninyo.
11 Kinasusuklaman ng Panginoon ang nandaraya sa timbangan, ngunit ang nagtitimbang ng tama ay kanyang kinalulugdan.
2 Ang taong mayabang ay madaling mapahiya, ngunit may karunungan ang taong mapagpakumbaba.
3 Ang pamumuhay nang may katapatan ang gagabay sa taong matuwid, ngunit ang taong mandaraya ay mapapahamak dahil hindi tama ang kanyang pamumuhay.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®