The Daily Audio Bible
Today's audio is from the CSB. Switch to the CSB to read along with the audio.
Ang Paglalakbay sa Ilang
2 “At nagsibalik tayo at pumunta sa ilang papunta sa Dagat na Pula, ayon sa iniutos ng Panginoon sa akin. At sa matagal na panahon, nagpaikot-ikot tayo sa kaburulan ng Seir. 2 Pagkatapos, sinabi sa akin ng Panginoon, 3 ‘Matagal na kayong nagpapaikot-ikot sa kaburulang ito. Ngayon, dumiretso kayo sa hilaga. 4 Sabihin mo sa mga tao: Dadaan kayo sa teritoryo ng inyong kamag-anak na mga lahi ni Esau, na naninirahan sa Seir. Matatakot sila sa inyo, pero mag-ingat kayo sa kanila. 5 Huwag nʼyo silang pakikialaman, dahil ibinigay ko na sa kanila ang mga kaburulan ng Seir bilang kanilang lupain, at ni kapiraso man ng lupain nila ay hindi ko ibibigay sa inyo. 6 Babayaran ninyo ng pilak ang pagkain at inuming manggagaling sa kanila.’ 7 Alalahanin ninyo kung paano ko kayo pinagpala sa lahat ng ginawa ninyo. Ako ang Panginoon na inyong Dios ay nagbabantay sa inyo sa paglalakbay sa malawak na ilang na ito. Sa loob ng 40 taon, sinamahan ko kayo, at hindi kayo kinulang ng mga bagay na kailangan ninyo.
8 “Kaya dumaan tayo sa mga kadugo na lahi ni Esau, na naninirahan sa Seir. Hindi tayo dumaan sa daan ng Araba,[a] na nanggagaling sa mga bayan ng Elat at Ezion Geber. Nang naglalakbay na tayo sa daan sa ilang ng Moab, 9 sinabi sa akin ng Panginoon, ‘Huwag ninyong guguluhin o lulusubin ang mga Moabita na lahi ni Lot, dahil ibinigay ko sa kanila ang Ar bilang lupain nila, at ni kapiraso man ng lupain nila ay hindi ko ibibigay sa inyo.’ ”
10 (Noong una, naninirahan sa Ar ang marami at malalakas na tao na tinatawag na Emita. Silaʼy matatangkad katulad ng mga angkan ni Anak. 11 Tinatawag din silang Refaimeo, katulad ng mga angkan ni Anak, pero tinatawag silang Emita ng mga Moabita. 12 Sa Seir dati nakatira ang mga Horeo, pero pinalayas sila ng mga lahi ni Esau, at sila na ang nanirahan doon, katulad ng ginawa ng mga Israelita sa mga Cananeo sa lupain na ibinigay ng Panginoon sa kanila.)
13 Sinabi pa ni Moises, “Pagkatapos, inutos ng Panginoon na tumawid tayo sa Lambak ng Zered, kaya tumawid tayo. 14 Itoʼy pagkalipas ng 38 taon mula noong umalis tayo sa Kadesh Barnea. Nang mga panahong iyon, nangamatay ang mga sundalong Israelita sa henerasyong iyon, ayon sa isinumpa ng Panginoon sa kanila. 15 Pinarusahan sila ng Panginoon hanggang sa mamatay silang lahat sa kampo.
16 “Nang patay na ang lahat ng sundalo, 17 sinabi sa akin ng Panginoon, 18 ‘Sa araw na ito, tumawid kayo sa hangganan ng Moab sa Ar. 19 Kapag nakarating na kayo sa mga Ammonita, na mga lahi ni Lot, huwag ninyo silang guguluhin o lulusubin dahil ibinigay ko sa kanila ang lupaing iyon, at hindi ko kayo bibigyan kahit na maliit na bahagi nito.’
20 “Ang lupaing iyon ay kilala rin noong una na lupain ng mga Refaimeo, pero tinawag silang Zamzumeo ng mga Ammonita. 21 Napakarami nila at napakalalakas, at matatangkad katulad ng mga angkan ni Anak. 22 Ito rin ang ginawa ng Panginoon sa mga lahi ni Esau na nakatira sa Seir; pinagpapatay niya ang mga Horeo para makapanirahan ang mga lahi ni Esau sa kanilang lupain. Hanggang ngayon, naninirahan pa rin sila sa lupaing iyon. 23 Ito rin ang nangyari nang sinalakay ng taga-Caftor[b] ang mga taga-Avim na naninirahan sa mga baryo ng Gaza. Nilipol nila ang mga taga-Avim at tinirhan ang lupain ng mga ito.
24 “Pagkatapos, sinabi ng Panginoon, ‘Ngayon, tumawid na kayo sa Lambak ng Arnon. Ibinibigay ko sa inyo ang Amoreong si Haring Sihon ng Heshbon, at ang kanyang lupain. Salakayin ninyo siya at angkinin ang kanyang lupain. 25 Mula ngayon, loloobin kong matakot sa inyo ang lahat ng bansa sa buong mundo. Manginginig sa takot ang makakarinig ng tungkol sa inyo.’
Natalo ang Hari ng Heshbon na si Sihon(A)
26 “Kaya noong naroon tayo sa ilang ng Kedemot, nagsugo ako ng mga mensahero kay Haring Sihon ng Heshbon upang sabihin sa kanya ang mensahe para sa ikabubuti ng aming relasyon. Sinabi ko, 27 ‘Kung maaari, payagan nʼyo kaming dumaan sa inyong lupain. Sa pangunahing daan lang kami dadaan, hindi kami lilihis ng daan. 28 Babayaran namin ang aming makakain at maiinom. Ang pakiusap lang namin sa inyo, payagan nʼyo kaming dumaan sa inyong lupain 29 katulad ng ginawa ng mga lahi ni Esau na naninirahan sa Seir at ng mga Moabita na naninirahan sa Ar. Payagan nʼyo kaming dumaan hanggang sa makatawid kami sa Ilog ng Jordan papunta sa lupaing ibinibigay sa amin ng Panginoon naming Dios.’ 30 Pero hindi pumayag si Haring Sihon ng Heshbon na padaanin tayo dahil pinatigas ng Panginoon na inyong Dios ang kanyang puso para ibigay niya siya sa ating mga kamay, kagaya ng ginawa niya ngayon.
31 “Pagkatapos, sinabi ng Panginoon sa akin, ‘Sinimulan ko nang ibigay sa inyo si Sihon at ang kanyang lupain; kaya simulan na ninyo ang pagsalakay at pagsakop sa kanyang lupain.’
32 “Nang nakikipaglaban si Sihon at ang kanyang mga sundalo[c] sa atin doon sa Jahaz, 33 ibinigay siya ng Panginoon na ating Dios sa atin at pinatay natin siya, pati ang mga anak niya at ang lahat ng sundalo niya. 34 Nang panahong iyon, sinakop natin ang lahat ng kanyang bayan at nilipol sila ng lubusan[d] – mga lalaki, babae at mga bata. Wala tayong itinirang buhay. 35 Dinala natin ang kanilang mga hayop at mga ari-arian na ating nasamsam mula sa kanilang mga bayan.
36 “Tinulungan tayo ng Panginoon na ating Dios sa pag-agaw ng Aroer ang lugar sa tabi ng Lambak ng Arnon at sa mga bayan sa paligid ng lambak na ito, at ng mga lugar hanggang sa Gilead. Walang bayan na matibay ang mga pader na hindi natin kayang pasukin. 37 Pero ayon sa iniutos sa atin ng Panginoon na ating Dios, hindi tayo lumapit sa kahit aling lupain ng mga Ammonita, kahit sa Lambak ng Jabok o sa mga bayan sa palibot ng mga kaburulan.”
Natalo si Haring Og ng Bashan(B)
3 “Pagkatapos, dumiretso tayo sa Bashan pero pagdating natin sa Edrei, sinalakay tayo ni Haring Og ng Bashan at ng mga sundalo nito. 2 Ngunit sinabi sa akin ng Panginoon, ‘Huwag kang matakot sa kanya dahil siguradong ibibigay ko siya sa iyo pati ang kanyang mga sundalo at ang kanyang lupain. Gagawin mo sa kanya ang ginawa mo kay Sihon na hari ng mga Amoreo, na naghari sa Heshbon.’ 3 Kaya ibinigay sa atin ng Panginoon na ating Dios si Haring Og ng Bashan at ang lahat ng kanyang sundalo. Pinatay natin sila at wala tayong itinirang buhay. 4 Inagaw natin ang lahat ng 60 lungsod niya – ang buong teritoryo ng Argob kung saan naghahari si Haring Og ng Bashan. 5 Ang lahat ng lungsod na ito ay napapalibutan ng matataas na pader na may pintuan at kandado. Inagaw din natin ang napakaraming mga baryo na walang pader.
6 “Nilipol natin sila nang lubusan[e] katulad ng ginawa natin kay Haring Sihon ng Heshbon. Pinatay natin ang lahat ng tao sa bawat lungsod na ating naagaw – mga lalaki, babae at bata. 7 Ngunit dinala natin ang lahat ng hayop at mga ari-arian na nasamsam natin sa kanilang mga lungsod.
8 “Kaya naagaw natin mula sa dalawang hari ng mga Amoreo, ang lupain sa silangan ng Ilog ng Jordan mula sa Lambak ng Arnon hanggang sa Bundok ng Hermon. 9 (Ang Bundok ng Hermon ay tinatawag ng mga Sidoneo na Sirion at ng mga Amoreo na Senir.) 10 Inagaw natin ang lahat ng bayan na nasa talampas, ang buong Gilead at ang buong Bashan hanggang sa Saleca at Edrei, na mga bayan na sakop ng kaharian ni Og ng Bashan. 11 (Si Haring Og lang ang nag-iisang natira sa mga lahi ng Refaimeo. Ang higaan niyang bakal[f] ay may habang 13 talampakan at anim na talampakan ang lapad. Makikita pa ito ngayon sa Rabba na lungsod ng mga Ammonita.)
Ang Paghahati-hati ng Lupa(C)
12 “Nang maagaw natin ang lupaing ito, ibinigay ko sa mga lahi nina Reuben at Gad ang lupain sa hilaga ng Aroer malapit sa Lambak ng Arnon pati na ang kalahati ng kaburulan ng Gilead at ang mga bayan nito. 13 Ibinigay ko ang natirang bahagi ng Gilead at ng buong Bashan, na kaharian ni Og, sa kalahating lahi ni Manase. (Ang buong Argob sa Bashan ay tinatawag noon na Lupa ng mga Refaimeo.) 14 Si Jair na mula sa lahi ni Manase, ang nagmamay-ari ng buong Argob na sakop ng Bashan hanggang sa hangganan ng lupain ng mga Geshureo at ng mga Maacateo. Pinangalanan ni Jair ng mismong pangalan niya ang teritoryong ito, kaya hanggang sa ngayon, ang Bashan ay tinatawag na ‘Mga Bayan ni Jair.’ 15 Ibinigay ko ang Gilead sa pamilya ni Makir. 16 Ibinigay ko sa mga lahi nina Reuben at Gad ang mga lupain mula sa Gilead hanggang sa Lambak ng Arnon. Ang gitna ng Arnon ang kanilang hangganan sa timog, at ang kanilang hangganan sa hilaga ay ang Lambak ng Jabok, na hangganan din ng lupain ng mga Ammonita. 17 Ang hangganan sa kanluran ay ang Kapatagan ng Jordan[g] pati na ang Ilog ng Jordan, mula sa Lawa ng Galilea hanggang sa Dagat na Patay[h] sa ibabang bahagi ng libis ng Pisga sa silangan.
18 “Nang panahong iyon, inutusan ko ang mga angkan ninyo na naninirahan sa silangan ng Jordan,[i] ‘Kahit na ibinigay ng Panginoon na inyong Dios ang lupang ito para angkinin ninyo, kailangang tumawid ang lahat ng sundalo ninyo sa Ilog ng Jordan na armado at handang manguna sa inyong mga kapatid na Israelita sa pakikipaglaban. 19 Ngunit iiwan ninyo ang inyong mga asawaʼt anak, at ang napakarami ninyong hayop sa mga bayan na ibinigay ko sa inyo. 20 Kapag naangkin na ng mga kapwa ninyo Israelita ang lupain sa kabila ng Jordan na ibinigay sa kanila ng Panginoon na inyong Dios, at kapag nabigyan na sila ng kasiguraduhan katulad ng kanyang ginawa sa inyo, makabalik na kayo sa lupaing ibinigay ko sa inyo.’
Hindi Pinayagan si Moises na Makapasok sa Canaan
21 “At nang panahong iyon, sinabi ko rin kay Josue, ‘Nakita mo ang lahat ng ginawa ng Panginoon na inyong Dios sa dalawang haring iyon. Ganoon din ang gagawin ng Panginoon sa lahat ng kaharian na inyong pupuntahan. 22 Huwag kayong matakot sa kanila; ang Panginoon na inyong Dios mismo ang makikipaglaban para sa inyo.’
23 “Nang panahong iyon, nagmakaawa ako sa Panginoon. Sinabi ko, 24 ‘O Panginoong Dios, sinimulan na ninyong ipakita sa inyong lingkod ang inyong kadakilaan, dahil walang dios sa langit o sa lupa na makakagawa ng mga himala na inyong ginawa. 25 Kaya payagan po ninyo akong makatawid para makita ko ang magandang lupain sa kabila ng Jordan, ang magagandang kaburulan at ang mga kabundukan ng Lebanon.’
26 “Ngunit nagalit ang Panginoon sa akin dahil sa inyo, at hindi niya ako pinakinggan. Sinabi niya, ‘Tama na iyan! Huwag mo na akong kausapin tungkol sa mga bagay na iyan. 27 Umakyat ka sa tuktok ng Bundok ng Pisga at tumanaw sa lupain sa kahit saang direksyon, dahil hindi ka makakatawid sa Jordan. 28 Ngunit turuan mo si Josue sa kanyang gagawin. Palakasin mo ang loob niya dahil siya ang mamumuno sa mga taong ito sa pagtawid sa Jordan. Ibibigay niya sa kanila ang lupaing nakikita mo ngayon!’ 29 Kaya nanatili tayo sa lambak malapit sa Bet Peor.”
Pumili si Jesus ng Labindalawang Apostol(A)
12 Nang panahong iyon, pumunta si Jesus sa bundok at magdamag siyang nanalangin doon. 13 Kinaumagahan, tinawag niya ang mga tagasunod niya at pumili siya ng 12 mula sa kanila, at tinawag niya silang mga apostol. 14 Ito ay sina Simon (na tinawag niyang Pedro), Andres na kapatid nito, Santiago, Juan, Felipe, Bartolome, 15 Mateo, Tomas, Santiago na anak ni Alfeus, Simon na makabayan,[a] 16 Judas na anak ng isa pang Santiago, at si Judas Iscariote na siyang nagtraydor kay Jesus.
Nangaral at Nagpagaling si Jesus(B)
17 Pagkatapos niyang piliin ang mga apostol niya, bumaba sila mula sa bundok at tumigil sa isang patag na lugar. Naroon ang marami pa niyang tagasunod at ang mga taong nanggaling sa Judea, Jerusalem, at sa baybayin ng Tyre at Sidon. 18 Pumunta sila roon upang makinig sa kanya at mapagaling sa kanilang mga sakit. Pinagaling din ni Jesus ang lahat ng pinahihirapan ng masasamang espiritu. 19 Sinikap ng lahat ng tao roon na mahipo siya, dahil may kapangyarihang nagmumula sa kanya na nakapagpapagaling sa lahat.
Ang Mapalad at ang Nakakaawa(C)
20 Tiningnan ni Jesus ang mga tagasunod niya at sinabi sa kanila,
“Mapalad kayong mga mahihirap,
dahil kabilang kayo sa kaharian ng Dios.
21 Mapalad kayong mga nagugutom ngayon,
dahil bubusugin kayo.
Mapalad kayong mga umiiyak ngayon,
dahil tatawa kayo.
22 Mapalad kayo kung dahil sa pagsunod ninyo sa akin na Anak ng Tao ay kamuhian kayo, itakwil, insultuhin, at siraan ang inyong pangalan.
23 Ganoon din ang ginawa ng kanilang mga ninuno sa mga propeta noon. Kaya kung gawin ito sa inyo, magalak kayo at lumukso sa tuwa, dahil malaki ang gantimpala ninyo sa langit.
24 Ngunit nakakaawa kayong mga mayayaman,
dahil tinanggap na ninyo ang inyong kaligayahan.
25 Nakakaawa kayong mga busog ngayon,
dahil magugutom kayo.
Nakakaawa kayong mga tumatawa ngayon,
dahil magdadalamhati kayo at iiyak.
26 Nakakaawa kayo kung pinupuri kayo ng lahat ng tao,
dahil ganoon din ang ginawa ng kanilang mga ninuno sa mga huwad na propeta.”
Mahalin ang mga Kaaway(D)
27 “Ngunit sinasabi ko sa inyo na mga nakikinig sa akin: Mahalin ninyo ang inyong mga kaaway. Maging mabuti kayo sa mga galit sa inyo. 28 Pagpalain ninyo ang mga umaalipusta sa inyo. At idalangin ninyo ang mga nagmamalupit sa inyo. 29 Kapag sinampal ka sa isang pisngi, iharap mo rin ang kabila. Kapag may gustong kumuha ng balabal mo, ibigay mo. At kung pati ang damit mo ay kinukuha niya, ibigay mo na rin. 30 Bigyan mo ang sinumang humihingi sa iyo; at kapag may kumuha ng iyong ari-arian ay huwag mo na itong bawiin pa. 31 Gawin ninyo sa inyong kapwa ang gusto ninyong gawin nila sa inyo.
32 “Kung ang mamahalin lang ninyo ay ang mga nagmamahal sa inyo, anong gantimpala ang matatanggap ninyo mula sa Dios? Ginagawa rin iyan ng masasamang tao. 33 At kung ang gagawan lang ninyo ng mabuti ay ang mga taong mabuti sa inyo, anong gantimpala ang matatanggap ninyo mula sa Dios? Ginagawa rin iyan ng masasamang tao. 34 At kung ang pinahihiram lang ninyo ay ang mga taong inaasahan ninyong makakabayad sa inyo, anong gantimpala ang matatanggap ninyo mula sa Dios? Kahit ang masasamang tao ay nagpapahiram din sa kapwa nila masama sa pag-asang babayaran sila. 35 Ito ang inyong gawin: Mahalin ninyo ang inyong mga kaaway at gumawa kayo ng mabuti sa kanila. Kung magpapahiram kayo, magpahiram kayo nang hindi umaasa ng anumang kabayaran. At malaking gantimpala ang tatanggapin ninyo, at makikilala kayong mga anak ng Kataas-taasang Dios. Sapagkat mabuti siya kahit sa mga taong masama at walang utang na loob. 36 Maging maawain kayo tulad ng inyong Ama.”
Huwag Husgahan ang Kapwa(E)
37 “Huwag ninyong husgahan ang iba, upang hindi rin kayo husgahan ng Dios. Huwag kayong magsabi na dapat silang parusahan ng Dios, upang hindi rin niya kayo parusahan. Magpatawad kayo, upang patawarin din kayo ng Dios. 38 Magbigay kayo, upang bigyan din kayo ng Dios. Ibabalik sa inyo nang sobra-sobra at umaapaw ang ibinigay ninyo. Sapagkat kung paano kayo magbigay sa iba, ganoon din ang pagbibigay ng Dios sa inyo.”[b]
Awit ng Pasasalamat
67 O Dios, kaawaan nʼyo kami at pagpalain.
Ipakita nʼyo sa amin ang inyong kabutihan,
2 upang malaman ng lahat ng bansa ang inyong mga pamamaraan at pagliligtas.
3 Purihin ka sana ng lahat ng tao, O Dios.
4 Magalak sana ang lahat ng tao at umawit ng papuri sa inyo,
dahil sa makatarungan nʼyong paghahatol at pagpapatnubay sa lahat ng bansa.
5 O Dios, purihin sana kayo ng lahat ng bansa.
6-7 Mag-ani sana ng sagana ang mga lupain.
Nawaʼy pagpalain nʼyo kami, O Dios, na aming Dios.
At magkaroon sana ng takot sa inyo ang lahat ng tao sa buong mundo.
27 Ang taong naghahanap ng kabutihan ay makakatagpo nito, ngunit ang taong naghahanap ng gulo ay makakatagpo rin ng gulo.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®