The Daily Audio Bible
Today's audio is from the NRSVUE. Switch to the NRSVUE to read along with the audio.
Babala Laban sa Pagsamba sa mga Dios-diosan
13 “Kung may isang propeta o tagapagpaliwanag ng panaginip na nangako sa inyo, na magpapakita siya ng mga himala at kamangha-manghang bagay, 2 at nangyari ang sinabi niya, at sabihin niya sa inyo, ‘Sumunod tayo at sumamba sa ibang mga dios na hindi pa natin nakikilala.’ 3 Huwag kayong maniwala sa kanya, dahil sinusubukan lang kayo ng Panginoon na inyong Dios kung minamahal nʼyo ba siya nang buong pusoʼt kaluluwa. 4 Ang Panginoon ninyong Dios lang ang dapat ninyong sundin at igalang. Tuparin ninyo ang kanyang mga utos at sundin nʼyo siya; paglingkuran siya at manatili kayo sa kanya. 5 Dapat patayin ang propeta o ang tagapagpaliwanag ng panaginip dahil itinuturo niyang magrebelde kayo sa Panginoon na inyong Dios na naglabas sa inyo sa Egipto at nagligtas sa inyo sa pagkaalipin. Tinatangka ng mga taong ito na ilayo kayo sa mga pamamaraang iniutos ng Panginoon na inyong Dios na sundin ninyo. Sa pamamagitan nito, mawawala ang masasamang gawa sa inyong bansa.
6 “Halimbawang ang iyong kapatid o anak, o ang iyong minamahal na asawa o ang pinakamatalik mong kaibigan ay lihim kang hinikayat at sabihing, ‘Halika, sumamba tayo sa ibang mga dios’ (mga dios na hindi pa natin nakikilala maging ng ating mga ninuno. 7 Kapag hinikayat ka niyang sambahin ang mga dios na sinasamba ng mga tao sa paligid ninyo o ng mga tao sa malalayong lugar), 8 huwag kang magpapadala o makikinig sa kanya. Huwag mo siyang kaaawaan o kakampihan. 9 Dapat mo siyang patayin. Ikaw ang unang babato at susunod ang lahat ng tao, para patayin siya. 10 Babatuhin siya hanggang sa mamatay dahil tinangka niyang ilayo kayo sa Panginoon na inyong Dios na naglabas sa inyo sa Egipto kung saan kayo inalipin. 11 Pagkatapos itong marinig ng mga Israelita, natakot sila, at hindi na sila gumawa ng masasamang gawa.
12 “Kung makabalita kayo na ang isa sa mga bayang ibinibigay ng Panginoon na inyong Dios na inyong titirhan, 13 ay may masasamang taong nag-uudyok sa mga naninirahan sa bayang iyon na sumamba sila sa ibang mga dios na hindi pa nila nakikilala, 14 dapat alamin ninyong mabuti kung totooito. At kung totoong nangyari nga ang kasuklam-suklam na gawang ito, 15 dapat ninyong patayin ang lahat ng naninirahan sa bayang iyon pati na ang kanilang mga hayop. Lipulin ninyo silang lahat bilang handog sa Panginoon. 16 Tipunin ninyo ang lahat ng masasamsam ninyo sa bayang iyon at tumpukin sa gitna ng plasa, at sunugin ninyo ito bilang isang handog na sinusunog sa Panginoon na inyong Dios. Mananatiling wasak ang bayang iyon magpakailanman; hindi na iyon dapat itayong muli. 17 Huwag kayong magtatago ng anumang bagay mula sa bayang iyon na naitakda nang wasakin nang lubusan. Kung susundin ninyo ito, aalisin ng Panginoon ang kanyang matinding galit, at kaaawaan niya kayo. At sa kanyang awa, pararamihin niya kayo ayon sa ipinangako niya sa inyong mga ninuno. 18 Gagawin ito ng Panginoon na inyong Dios kung susundin ninyo ang lahat ng utos na ibinibigay ko sa inyo ngayon at kung gagawa kayo ng matuwid sa kanyang paningin.
Mga Utos tungkol sa Pagluluksa sa Patay
14 “Mga anak kayo ng Panginoon na inyong Dios. Kaya kung magluluksa kayo sa patay, huwag ninyong susugatan ang mga sarili ninyo o aahitan ang mga ulo ninyo. 2 Sapagkat mga mamamayan nga kayo ng Panginoon na inyong Dios. Sa lahat ng tao sa mundo, kayo ang kanyang pinili na maging espesyal niyang mga mamamayan.
Ang mga Hayop na Itinuturing na Malinis at Marumi(A)
3 “Huwag kayong kakain ng anumang hayop na itinuturing na marumi. 4 Ito ang mga hayop na pwede ninyong kainin: baka, tupa, kambing, 5 usa, mailap na kambing, mailap na tupa at iba pang klase ng usa.[a] 6 Pwede ninyong kainin ang anumang hayop na biyak ang kuko at ngumunguya ng kanilang kinain. 7 Ngunit huwag ninyong kakainin ang mga hayop na nginunguyang muli ang kinain nito pero hindi biyak ang kuko, gaya ng kamelyo, kuneho at daga sa batuhan. Ituring ninyong marumi ang mga hayop na ito. 8 Huwag din ninyong kakainin ang baboy, dahil kahit biyak ang kuko nito, hindi naman nginunguya ang kinakain nito. Huwag ninyong kakainin ang mga hayop na ito o hahawakan ang kanilang patay na katawan.
9 “Pwede ninyong kainin ang anumang hayop na nabubuhay sa tubig na may mga palikpik at mga kaliskis. 10 Pero huwag ninyong kainin ang walang palikpik at kaliskis. Ituring ninyo itong marumi. 11 Pwede ninyong kainin ang anumang klase ng ibon na itinuturing na malinis. 12-18 Pero huwag ninyong kakainin ang mga ibon katulad ng agila, uwak, ibon na kumakain ng bangkay ng tao o hayop, lawin, kuwago, ibong naninila, ibong dumadagit ng isda, tagak, at paniki.[b] 19 Huwag din ninyong kakainin ang mga insektong may pakpak na gumagapang. 20 Pero pwede ninyong kainin ang mga insektong itinuturing na malinis.
21 “Huwag ninyong kakainin ang anumang hayop na patay na. Maaari ninyo itong ipagbili sa mga dayuhan o ibigay sa mga dayuhang naninirahang sa bayan nʼyo, at kakainin nila ito. Pero huwag kayong kakain nito, dahil ibinukod kayo bilang mamamayan ng Panginoon na inyong Dios.
“Huwag ninyong lulutuin ang batang kambing sa gatas ng kanyang ina.
Ang Ikapu
22 “Dapat ninyong ibukod ang ikasampung bahagi ng lahat ng ani ng inyong bukid bawat taon. 23 Dalhin ninyo ang ikasampung bahagi ng trigo, bagong katas ng ubas at langis, at ang panganay ng inyong mga hayop sa lugar na pipiliin ng Panginoon na inyong Dios, kung saan pararangalan siya. Doon ninyo ito dalhin sa kanyang presensya. Gawin ninyo ito para matuto kayo na laging gumalang sa Panginoon na inyong Dios. 24 Pero kung malayo sa inyo ang lugar na pinili ng Panginoon, at mahihirapan kayo sa pagdadala ng ikasampung bahagi ng mga pagpapala ng Panginoon na inyong Dios, 25 ipagpalit ninyo ang ikasampung bahagi ninyo sa pilak at dalhin ninyo ito roon sa lugar na pinili ng Panginoon na inyong Dios. 26 Pagkatapos, ang pilak na iyon ang ipambili ninyo ng baka, tupa, katas ng ubas o ng iba pang inumin, o ng anumang magustuhan ninyo. Pagkatapos, kainin ninyo ito ng inyong pamilya sa presensya ng Panginoon na inyong Dios at magsaya. 27 At huwag ninyong kalilimutan ang mga Levita na naninirahan sa bayan ninyo, dahil wala silang bahagi o lupang minana.
28 “Sa katapusan ng bawat tatlong taon, tipunin ninyo ang ikasampung bahagi ng ani ninyo sa taong iyon, at dalhin ninyo ito sa pinagtataguan nito sa mga bayan ninyo. 29 Ibigay ninyo ito sa mga Levita na walang lupang minana, sa mga dayuhan na naninirahang kasama ninyo, sa mga ulila at sa mga biyuda sa bayan ninyo para makakain din sila at mabusog. Kung gagawin ninyo ito, pagpapalain kayo ng Panginoon na inyong Dios sa lahat ng ginagawa ninyo.
Ang Taon ng Pagkansela ng Utang
15 “Sa katapusan ng bawat ikapitong taon, dapat ninyong kanselahin na ang lahat ng utang. 2 Ito ang gawin ninyo: Hindi na dapat singilin ng nagpautang ang utang ng kapwa niya Israelita. Hindi na niya ito sisingilin dahil umabot na ang panahon na itinakda ng Panginoon na kanselahin ang mga utang. 3 Pwede ninyong singilin ang mga dayuhan pero kanselahin dapat ninyo ang utang ng kapwa ninyo Israelita.
4 “Kailangang walang maging mahirap sa inyo sa lupaing ibinibigay sa inyo ng Panginoon na inyong Dios na inyong aangkinin, dahil tiyak na pagpapalain niya kayo, 5 basta sundin ninyong mabuti ang Panginoon na inyong Dios at tuparin ang lahat ng utos na ibinibigay ko sa inyo ngayon. 6 Pagpapalain kayo ng Panginoon na inyong Dios ayon sa ipinangako niya sa inyo. Maraming bansa ang mangungutang sa inyo, pero kayo ay hindi mangungutang. Pamamahalaan ninyo ang maraming bansa pero hindi kayo mapamamahalaan.
7 “Kung may mahirap sa bayan ninyo, sa lupaing ibinibigay sa inyo ng Panginoon na inyong Dios, huwag kayong maging maramot sa kanya. 8 Kundi maging mapagbigay kayo at pautangin ninyo siya ng kanyang mga pangangailangan. 9 Huwag kayong mag-iisip ng masama, na dahil sa malapit na ang ikapitong taon, ang taon ng pagkakansela ng mga utang, hindi na lang kayo magpapautang sa mga kababayan ninyong mahihirap. Kapag dumaing sa akin ang mga mahihirap na ito dahil sa inyong ginawa, may pananagutan kayo. 10 Magbigay kayo sa kanila nang bukal sa loob. Kung gagawin ninyo ito, pagpapalain kayo ng Panginoon na inyong Dios sa lahat ng inyong ginagawa. 11 Hindi maiiwasan na may mahihirap sa inyong bayan, kaya inuutusan ko kayong maging lubos na mapagbigay sa kanila.
Ang Pagpapalaya sa mga Alipin(B)
12 “Kung ang kapwa mo Hebreo, lalaki man o babae ay ipinagbili ang sarili niya sa iyo bilang alipin, at naglingkod siya sa iyo sa loob ng anim na taon, kailangang palayain mo siya sa ikapitong taon. 13 At kapag palalayain mo na siya, huwag mo siyang paaalisin na walang dala. 14 Bigyan mo siya nang saganang hayop, trigo at katas ng ubas ayon sa pagpapala ng Dios sa iyo. 15 Alalahanin ninyo na mga alipin din kayo noon sa Egipto at pinalaya rin kayo ng Panginoon na inyong Dios. Iyan ang dahilan kaya ibinibigay ko ang mga utos na ito sa inyo ngayon.
16 “Pero kung sabihin ng alipin mo sa iyo, ‘Hindi po ako aalis sa inyo dahil mahal ko kayo at ang pamilya ninyo, at mabuti ang kalagayan ko dito sa inyo,’ 17 dalhin mo siya sa pintuan ng bahay mo, butasan ang tainga niya at magiging alipin mo siya sa buong buhay niya. Ganito rin ang gawin mo sa iyong aliping babae.
18 “Huwag sasama ang loob mo kung palalayain mo ang alipin mo dahil ang halaga ng pagseserbisyo niya sa iyo sa loob ng anim na taon ay doble pa sa sweldo na tinatanggap ng isang trabahador. Kung gagawin mo ito, pagpapalain ng Panginoon na inyong Dios ang lahat ng ginagawa mo.
19 “Ibukod ninyo para sa Panginoon na inyong Dios ang lahat ng panganay na lalaki ng inyong mga hayop. Huwag ninyong pag-aararuhin ang mga panganay ng inyong mga baka o pagugupitan ang mga panganay ng inyong mga tupa. 20 Sa halip, kainin ninyo ito at ng inyong pamilya sa presensya ng Panginoon na inyong Dios bawat taon, sa lugar na pipiliin niya. 21 Pero kung may kapintasan ang hayop na ito, halimbawaʼy pilay o bulag o anumang malalang kapansanan, hindi ninyo ito dapat ihandog sa Panginoon na inyong Dios. 22 Sa halip, kainin ninyo ito sa inyong mga bayan. Ang lahat ay makakakain nito, itinuturing man siyang malinis o marumi, katulad ng pagkain ninyo ng usa at ng gasela. 23 Pero huwag ninyong kainin ang dugo, kundi ibuhos ninyo ito sa lupa gaya ng tubig.
Ang Anak ni Jairus at ang Babaeng Dinudugo(A)
40 Pagdating ni Jesus sa kabila ng lawa, masaya siyang tinanggap ng mga tao dahil hinihintay siya ng lahat. 41 Dumating naman ang isang lalaking namumuno sa sambahan ng mga Judio, na ang pangalan ay Jairus. Lumuhod siya sa harap ni Jesus at nakiusap na kung maaari ay pumunta siya sa bahay niya, 42 dahil naghihingalo ang kaisa-isa niyang anak na babae na 12 taong gulang.
Habang papunta si Jesus sa bahay ni Jairus, nagsisiksikan sa kanya ang mga tao. 43 May isang babae roon na 12 taon nang dinudugo at hindi mapagaling ng kahit sino. [Naubos na lahat ang mga ari-arian niya sa pagpapagamot.] 44 Nang makalapit siya sa likuran ni Jesus, hinipo niya ang laylayan[a] ng damit ni Jesus, at biglang tumigil ang kanyang pagdurugo. 45 Nagtanong si Jesus, “Sino ang humipo sa akin?” Nang walang umamin, sinabi ni Pedro, “Guro, alam nʼyo naman po na napapaligiran kayo ng maraming taong nagsisiksikan papalapit sa inyo.” 46 Pero sinabi ni Jesus, “May humipo sa akin, dahil naramdaman kong may kapangyarihang lumabas sa akin.” 47 Nang malaman ng babae na hindi pala lihim kay Jesus ang ginawa niya, lumapit siyang nanginginig sa takot at lumuhod sa harap ni Jesus. Pagkatapos, sinabi niya sa harapan ng lahat kung bakit niya hinipo si Jesus, at kung paanong gumaling siya kaagad. 48 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Anak, pinagaling[b] ka ng iyong pananampalataya. Umuwi kang mapayapa.”
49 Habang kausap pa ni Jesus ang babae, dumating ang isang lalaki galing sa bahay ni Jairus. Sinabi niya kay Jairus, “Patay na po ang anak ninyo. Huwag nʼyo nang abalahin ang guro.” 50 Nang marinig iyon ni Jesus, sinabi niya kay Jairus, “Huwag kang matakot. Manampalataya ka lang at mabubuhay siyang muli.” 51 Pagdating nila sa bahay, wala siyang pinayagang sumama sa loob, maliban kina Pedro, Santiago at Juan, at ang mga magulang ng bata. 52 Nag-iiyakan ang mga taong naroroon, kaya sinabi ni Jesus sa kanila, “Huwag kayong umiyak. Hindi patay ang bata kundi natutulog lang.” 53 Pinagtawanan nila si Jesus dahil alam nilang patay na ang bata. 54 Pero hinawakan ni Jesus ang kamay ng bata at sinabi sa kanya, “Nene, bumangon ka.” 55 At noon din ay bumalik ang kanyang espiritu at bumangon siya agad. At iniutos ni Jesus na pakainin ang bata. 56 Labis na namangha ang mga magulang ng bata. Pero pinagbilinan sila ni Jesus na huwag sabihin kaninuman ang nangyari.
Sinugo ni Jesus ang Labindalawang Apostol(B)
9 Isang araw tinipon ni Jesus ang 12 apostol at binigyan ng kapangyarihang magpalayas ng lahat ng masasamang espiritu at magpagaling ng mga sakit. 2 Pagkatapos, sinugo niya sila upang mangaral tungkol sa paghahari ng Dios at magpagaling ng mga may sakit. 3 Sinabi niya sa kanila, “Huwag kayong magdala ng anuman sa inyong paglalakbay, kahit tungkod, bag, pagkain, pera o bihisan. 4 Kapag tinanggap kayo sa isang bahay, doon kayo makituloy hanggang sa pag-alis ninyo sa bayang iyon. 5 At kung ayaw kayong tanggapin ng mga tao sa isang bayan, umalis kayo roon at ipagpag ninyo ang alikabok sa mga paa nʼyo bilang babala sa kanila.” 6 Pagkatapos noon, umalis ang mga apostol at pumunta sa mga nayon. Nangaral sila ng Magandang Balita at nagpagaling ng mga may sakit kahit saan.
Panalangin para sa Habang Buhay na Pagliligtas
71 Panginoon, sa inyo ako humihingi ng kalinga.
Huwag nʼyong pabayaang akoʼy mapahiya.
2 Tulungan nʼyo ako at iligtas sapagkat ikaw ay matuwid.
Dinggin nʼyo ako at iligtas.
3 Kayo ang aking maging batong kanlungan na lagi kong malalapitan.
Ipag-utos nʼyo na iligtas ako, dahil kayo ang aking matibay na batong pananggalang.
4 O Dios ko, iligtas nʼyo ako mula sa kamay ng masasama at malulupit na tao.
5 Kayo ang aking pag-asa, O Panginoong Dios.
Mula noong akoʼy bata pa, nagtiwala na ako sa inyo.
6 Mula nang akoʼy isilang, kasama na kita at akoʼy inyong iningatan.
Pupurihin ko kayo magpakailanman.
7 Naging halimbawa ang buhay ko para sa marami,
dahil kayo ang aking naging kalakasan at tagapag-ingat.
8 Maghapon ko kayong pinapupurihan dahil sa inyong kahanga-hangang kagandahan.
9 Huwag nʼyo akong iiwan kapag akoʼy matanda na.
Huwag nʼyo akong pababayaan kapag akoʼy mahina na.
10 Dahil nag-uusap-usap ang aking mga kaaway at nagpaplano na akoʼy patayin.
11 Sinasabi nilang, “Pinabayaan na siya ng Dios,
kaya habulin natin siya at dakpin dahil wala namang magliligtas sa kanya.”
12 O Dios ko, huwag nʼyo po akong layuan;
at agad akong tulungan.
13 Nawa silang nagpaparatang sa akin ay mapahiya at mapahamak.
Ang mga nagnanais na akoʼy saktan ang siya sanang kutyain at malagay sa kahihiyan.
14 Ngunit ako, O Dios ay palaging aasa at lalo pang magpupuri sa inyo.
15 Maghapon kong sasabihin
na matuwid kayo at nagliligtas,
kahit na hindi ko lubusang maunawaan.
16 Pupunta ako sa inyong templo Panginoong Dios
at pupurihin ko ang inyong mga kahanga-hangang ginawa.
Ihahayag ko sa mga tao na kayo ay makatarungan.
17 O Dios, mula pagkabataʼy itinuro nʼyo na sa akin ang tungkol sa inyong mga kahanga-hangang gawa at hanggang ngayon,
inihahayag ko ito sa mga tao.
18 At ngayong akoʼy matanda na at maputi na ang buhok,
huwag nʼyo akong pabayaan, O Dios.
Maihayag ko sana ang inyong lakas at kapangyarihan sa susunod na henerasyon,
at sa lahat ng mga darating sa hinaharap.
19 O Dios, ang inyong katuwiran ay hindi kayang maunawaan ng lubusan.
Kahanga-hanga ang inyong mga gawa.
Tunay ngang walang sinuman ang tulad ninyo.
20 Bagamaʼt pinaranas nʼyo ako ng maraming hirap, bibigyan nʼyo akong muli ng bagong buhay.
Katulad koʼy patay na muli nʼyong bubuhayin.
21 Bibigyan nʼyo ako ng mas higit na karangalan,
at muli akong aaliwin.
22 O Dios ko, dahil sa inyong katapatan pupurihin ko kayo sa pamamagitan ng pagtugtog ng alpa.
O Banal na Dios ng Israel,
aawit ako ng mga papuri sa inyo sa pamamagitan ng pagtugtog ng lira.
23 Dahil akoʼy iniligtas nʼyo, sisigaw ako sa tuwa habang tumutugtog
at umaawit ng papuri sa inyo.
24 Lagi kong ipapahayag na kayo ay matuwid dahil nabigo at nalagay sa kahihiyan ang mga nagnais na mapahamak ako.
5 Ang iniisip ng taong matuwid ay tama, ngunit ang mga payo ng taong masama ay pandaraya.
6 Ang salita ng taong masama ay nakamamatay, ngunit ang salita ng taong matuwid ay nakapagliligtas.
7 Mapapahamak at maglalaho ang mga taong masama, ngunit mananatili ang lahi ng mga taong matuwid.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®