The Daily Audio Bible
Today's audio is from the NIV. Switch to the NIV to read along with the audio.
Natalo ang mga Cananeo
21 Nang mabalitaan ng Cananeong hari ng Arad na naninirahan sa Negev, na paparating ang mga Israelita na dumadaan sa Atarim, sinalakay niya sila at binihag ang iba sa kanila. 2 Pagkatapos, sumumpa ang mga Israelita sa Panginoon, “Kung ibibigay nʼyo po ang mga taong ito sa aming mga kamay, wawasakin namin nang lubusan ang kanilang mga bayan bilang handog sa inyo.” 3 Pinakinggan ng Panginoon ang pakiusap ng mga Israelita at ibinigay niya sa kanila ang mga Cananeo. Lubusan silang nilipol ng mga Israelita pati ang kanilang mga bayan bilang handog sa Panginoon, kaya tinawag itong lugar ng Horma.
Ang Tansong Ahas
4 Mula sa Bundok ng Hor, naglakbay ang mga Israelita na dumaan sa daan na papunta sa Dagat na Pula para makaikot sila sa lupain ng Edom. Pero nagsawa ang mga tao sa kanilang paglalakbay, 5 kaya nagreklamo sila sa Dios at kay Moises. Sinabi nila, “Bakit ba pinalabas mo pa kami sa Egipto para mamatay lang dito sa disyerto? Walang pagkain at tubig dito! At hindi na kami makakatiis sa nakakasawang ‘manna’ na ito!”
6 Kaya pinadalhan sila ng Panginoon ng mga makamandag na ahas at pinagkakagat sila, at marami ang nangamatay sa kanila. 7 Pumunta ang mga tao kay Moises at sinabi, “Nagkasala kami nang magsalita kami laban sa Panginoon at sa iyo. Ipanalangin ninyo sa Panginoon na tanggalin niya sa amin ang mga ahas na ito.” Kaya ipinanalangin ni Moises ang mga tao.
8 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Gumawa ka ng tansong ahas at ilagay ito sa dulo ng isang tukod. Ang sinumang nakagat ng ahas na titingin sa tansong ahas na ito ay hindi mamamatay.” 9 Kaya gumawa si Moises ng tansong ahas at inilagay niya ito sa dulo ng isang tukod. At ang mga nakagat ng ahas na tumingin sa tansong ahas ay hindi nga namatay.
Ang Paglalakbay Papunta sa Moab
10 Nagpatuloy sa paglalakbay ang mga Israelita, at nagkampo sila sa Obot. 11 Mula sa Obot, naglakbay uli sila at nagkampo sa Iye Abarim, sa disyerto na nasa bandang silangan ng Moab. 12 Mula roon, naglakbay sila at nagkampo sa Lambak ng Zered. 13 At mula sa Zered naglakbay na naman sila at nagkampo sa kabila ng Lambak ng Arnon, na nasa ilang na malapit sa teritoryo ng mga Amoreo. Ang Arnon ang hangganan sa gitna ng lupain ng mga Moabita at lupain ng mga Amoreo. 14 Iyan ang dahilan kung bakit nakasulat sa Aklat ng Pakikipaglaban ng Panginoon ang bayan ng Waheb na sakop ng Sufa, ang mga lambak ng Arnon, 15 pati ang gilid ng mga lambak na umaabot sa bayan ng Ar na nasa hangganan ng Moab.
16 Mula roon sa Arnon, nagpatuloy ang mga Israelita sa Beer, ang balon na kung saan sinabi ng Panginoon kay Moises, “Tipunin ninyo ang mga tao at bibigyan ko sila ng tubig.” 17 At doon umawit ang mga Israelita ng awit na ito:
Patuloy na magbibigay ng tubig ang balong ito!
Aawit tayo tungkol sa balong ito 18 na ipinahukay ng mga pinuno at mararangal na tao sa pamamagitan ng kanilang kapangyarihan.[a]
Mula sa disyerto nagpunta sila sa Matana; 19 mula sa Matana nagpunta sila sa Nahaliel; mula sa Nahaliel nagpunta sila sa Bamot, 20 at mula sa Bamot nagpunta sila sa lambak ng Moab, na kung saan makikita ang disyerto sa baba ng tuktok ng Pisga.
Natalo si Haring Sihon at si Haring Og(A)
21 Ngayon, nagsugo ng mga mensahero ang Israel kay Sihon na hari ng mga Amoreo. Ganito ang kanilang mensahe: 22 Kung maaari ay payagan nʼyo kaming dumaan sa inyong lupain. Hindi kami dadaan sa inyong mga bukid, o ubasan o iinom sa inyong mga balon. Dadaan lang kami sa inyong pangunahing daan hanggang sa makalabas kami sa inyong teritoryo.
23 Pero hindi pumayag si Sihon na dumaan ang mga Israelita sa kanyang teritoryo. Sa halip, tinipon niya ang kanyang mga sundalo at nagpunta sila sa disyerto para salakayin ang mga Israelita. Pagdating nila sa Jahaz, nakipaglaban sila sa mga Israelita. 24 Pero pinagpapatay sila ng mga Israelita, at inagaw nila ang kanilang lupain mula sa Arnon papunta sa Ilog ng Jabok. Pero hanggang sa hangganan lang sila ng lupain ng mga Ammonita dahil ang kanilang hangganan ay napapaderan.[b] 25 Kaya naagaw ng mga Israelita ang lahat ng lungsod ng mga Amoreo at tinirhan nila ito, pati ang Heshbon at ang lahat ng baryo na sakop nito. 26 Ang Heshbon ang kabisera ng lungsod ni Sihon na hari ng mga Amoreo. Natalo niya noon ang isang hari ng Moab at inagaw niya ang lahat ng lupain nito hanggang sa Arnon. 27 Iyan ang dahilan kung bakit sinasabi ng mga makata na,
“Pumunta kayo sa Heshbon, ang lungsod ni Sihon, at muli nʼyo itong ipatayo. 28 Noon, sumasalakay ang mga sundalo ng Heshbon katulad ng naglalagablab na apoy at lumamon sa bayan ng Ar na sakop ng Moab at sumira sa mataas na lugar ng Arnon. 29 Nakakaawa kayong mga taga-Moab! Bumagsak kayong mga sumasamba sa dios na si Kemosh. Kayo na mga anak niya ay pinabayaan niyang mabihag ni Sihon na hari ng Amoreo. 30 Pero ngayon, bagsak na ang mga Amoreo. Nagiba ang lungsod ng Heshbon, pati ang Dibon, Nofa at Medeba.”
31 Kaya nanirahan ang mga Israelita sa lupain ng mga Amoreo.
32 Pagkatapos, nagpadala si Moises ng mga espiya sa Jazer, at inagaw din nila ito pati ang mga baryo na sakop nito. Pinaalis nila ang mga Amoreo na naninirahan doon. 33 Pagkatapos, nagpunta naman sila sa Bashan, pero sinalakay sila ni Haring Og ng Bashan at ng kanyang buong sundalo roon sa Edrei.
34 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Huwag kang matakot sa kanya dahil siguradong ibibigay ko siya sa iyo at ang kanyang mga sundalo sa inyo, pati ang kanyang lupain. Gagawin mo sa kanya ang ginawa mo kay Sihon na hari ng mga Amoreo, na naghari sa Heshbon.”
35 Kaya pinagpapatay ng mga Israelita si Og pati ang mga anak niya at ang lahat niyang mamamayan, kaya walang natira sa kanila. At inangkin ng mga Israelita ang lupaing sakop ni Og.
Ipinatawag ni Haring Balak si Balaam
22 Nagpatuloy sa paglalakbay ang mga Israelita hanggang sa nakarating sila sa kapatagan ng Moab, at nagkampo sila sa silangan ng Ilog ng Jordan, sa harapan ng Jerico.
2 Alam ni Haring Balak ng Moab, na anak ni Zipor, ang lahat ng ginawa ng mga Israelita sa mga Amoreo, 3 at natakot siya at ang mga Moabita dahil sa dami ng mga Israelita.
4 Sinabi ng mga Moabita sa mga tagapamahala ng Midian, “Uubusin talaga tayo ng mga taong ito, tulad ng baka na nanginginain ng mga damo.”
Kaya si Balak na anak ni Zipor, na siyang hari ng Moab nang mga panahong iyon 5 ay nagsugo ng mga mensahero para ipatawag si Balaam na anak ni Beor na naninirahan sa Petor. Sa Petor, malapit sa Ilog ng Eufrates ipinanganak si Balaam. Ito ang mensahe ni Balak:
May mga taong nanggaling sa Egipto at masyado silang marami at naninirahan sila malapit sa amin. 6 Kaya pumunta ka rito at sumpain ang mga taong ito dahil mas makapangyarihan sila kaysa sa amin. At baka sakaling matalo ko sila at maitaboy palayo sa aking lupain. Dahil nalalaman ko na ang sinumang isinusumpa mo ay nasusumpa.
7 Kaya naglakbay ang mga tagapamahala ng Moab at Midian na dala ang bayad para kay Balaam. Sinabi nila sa kanya ang sinabi ni Balak. 8 At sinabi ni Balaam sa kanila, “Dito na lang kayo matulog ngayong gabi at sasabihin ko sa inyo bukas kung ano ang sasabihin ng Panginoon sa akin.” Kaya roon natulog ang mga pinuno ng Moab.
9 Nagtanong ang Dios kay Balaam, “Sino ang mga taong ito na kasama mo?” 10 Sumagot si Balaam sa Dios, “Sila po ang mga mensaherong isinugo ni Haring Balak ng Moab, na anak ni Zipor. Ganito ang kanyang mensahe: 11 May mga taong nanggaling sa Egipto at masyado silang marami. Kaya pumunta ka rito at sumpain ang mga taong ito para sa akin dahil baka matalo ko sila at maitaboy palayo.”
12 Pero sinabi ng Dios kay Balaam, “Huwag kang sasama sa kanila. At huwag mong isusumpa ang mga taong sinasabi nila, dahil pinagpala ko ang mga iyon.”
13 Paggising ni Balaam kinaumagahan, sinabihan niya ang mga pinuno ni Balak, “Umuwi na lang kayo sa inyong bansa dahil hindi pumayag ang Panginoon na sumama ako sa inyo.”
14 Kaya umuwi ang mga pinuno ng Moab at pumunta kay Balak at sinabi, “Ayaw sumama ni Balaam sa amin.”
15 Kaya muling nagpadala si Balak ng mga pinuno na mas marami at mas marangal pa sa nauna. 16 Pumunta sila kay Balaam at sinabi:
“Ito ang ipinapasabi ni Balak na anak ni Zipor: Huwag mong payagan na may humadlang sa pagpunta mo rito. 17 Babayaran kitang mabuti at gagawin ko ang anumang gustuhin mo. Sige na, pumunta ka na rito at sumpain ang mga taong ito para sa akin.”
18 Pero sumagot si Balaam sa kanila, “Kahit na ibigay pa ni Balak sa akin ang palasyo niyang puno ng pilak at ginto, hindi ko magagawang suwayin ang utos ng Panginoon na aking Dios, kahit na sa malaki o maliit lang na bagay. 19 Pero rito na lang muna kayo matulog ngayong gabi katulad ng ginawa ng iba ninyong mga kasama dahil baka may iba pang sabihin ang Panginoon sa akin.”
20 Noong gabing iyon, sinabi ng Dios kay Balaam, “Pumunta rito ang mga taong ito para tawagin ka, sumama ka na lang sa kanila, pero ang mga sasabihin ko lang sa iyo ang gawin mo.”
Nagpakita kay Maria ang Anghel
26 Nang ikaanim na buwan ng pagbubuntis ni Elizabet, inutusan ng Dios ang anghel na si Gabriel na pumunta sa nayon ng Nazaret sa Galilea. 27 Pinapunta siya sa isang birhen[a] na ang pangalan ay Maria. Nakatakda nang ikasal si Maria kay Jose na mula sa lahi ni Haring David. 28 Sinabi ni Gabriel kay Maria, “Matuwa ka,[b] Maria, ikaw na pinagpala ng Dios. Sumasaiyo ang Panginoon.”
29 Nabagabag si Maria sa sinabi ng anghel. Inisip niyang mabuti kung ano ang ibig sabihin noon. 30 Kaya sinabi sa kanya ng anghel, “Huwag kang matakot, Maria, dahil pinagpala ka ng Dios. 31 Magbubuntis ka at manganganak ng isang lalaki, at papangalanan mo siyang Jesus. 32 Magiging dakila siya at tatawaging Anak ng Kataas-taasang Dios. Ibibigay sa kanya ng Panginoong Dios ang trono ng ninuno niyang si David. 33 Maghahari siya sa mga lahi ni Jacob magpakailanman; ang paghahari niya ay walang katapusan.”
34 Nagtanong si Maria sa anghel, “Paano po ito mangyayari gayong dalaga pa ako?”
35 Sumagot ang anghel, “Sasaiyo ang Banal na Espiritu at lililiman ka ng kapangyarihan ng Kataas-taasang Dios. Kaya ang banal na sanggol na ipapanganak mo ay tatawaging Anak ng Dios. 36 Maging ang kamag-anak mong si Elizabet ay buntis din sa kabila ng kanyang katandaan. Alam ng lahat na baog siya, pero anim na buwan na siyang buntis ngayon. 37 Sapagkat walang imposible sa Dios.”
38 Sumagot si Maria, “Alipin po ako ng Panginoon. Mangyari nawa sa akin ang mga sinabi ninyo.” At iniwan siya ng anghel.
Ang Pagdalaw ni Maria kay Elizabet
39 Hindi nagtagal, nag-ayos si Maria at dali-daling pumunta sa isang bayan sa kabundukan ng Judea kung saan nakatira sina Zacarias. 40 Pagdating niya sa bahay nina Zacarias, binati niya si Elizabet. 41 Nang marinig ni Elizabet ang pagbati ni Maria, naramdaman niyang gumalaw nang malakas ang sanggol sa kanyang sinapupunan. Napuspos ng Banal na Espiritu si Elizabet 42 at malakas niyang sinabi, “Higit kang pinagpala ng Dios sa lahat ng babae, at pinagpala rin niya ang magiging anak mo! 43 Isang malaking karangalan na dalawin ako ng ina ng aking Panginoon. 44 Nang marinig ko ang pagbati mo sa akin, gumalaw nang malakas sa tuwa ang sanggol sa sinapupunan ko. 45 Mapalad ka dahil naniwala kang matutupad ang sinabi sa iyo ng Panginoon.”
Ang Awit ni Maria
46 At sinabi ni Maria,
“Buong puso kong pinupuri ang Panginoon,
47 at nagagalak ang aking espiritu sa Dios na aking Tagapagligtas!
48 Sapagkat inalala niya ako na kanyang abang lingkod.
Mula ngayon ay ituturing akong mapalad ng lahat ng henerasyon,
49 dahil sa dakilang mga bagay na ginawa sa akin ng Makapangyarihang Dios.
Banal siya!
50 Kinaaawaan niya ang mga taong may takot sa kanya sa bawat henerasyon.
51 Ipinakita niya ang dakila niyang mga gawa sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan.
Itinaboy niya ang mga taong mataas ang tingin sa sarili.
52 Ibinagsak niya ang mga makapangyarihang hari mula sa kanilang mga trono,
at itinaas niya ang mga nasa mababang kalagayan.
53 Binusog niya ng mabubuting bagay ang mga nagugutom,
ngunit pinaalis niya na walang dala ang mayayaman.
54-55 Tinulungan niya ang Israel na kanyang lingkod. Sapagkat hindi niya kinalimutan ang kanyang ipinangako sa ating mga ninuno, kay Abraham at sa kanyang lahi, na kaaawaan niya sila magpakailanman.”
56 At nakitira si Maria kina Elizabet ng mga tatlong buwan bago siya umuwi.
Dalangin para Tulungan ng Dios
57 O Dios, maawa kayo sa akin, dahil sa inyo ako nanganganlong.
Katulad ng sisiw na sumisilong sa ilalim ng pakpak ng inahing manok, sisilong ako sa inyo hanggang sa wala ng kapahamakan.
2 Tumatawag ako sa inyo, Kataas-taasang Dios,
sa inyo na nagsasagawa ng layunin sa aking buhay.
3 Mula sa langit ay magpapadala kayo ng tulong upang akoʼy iligtas.
Ilalagay nʼyo sa kahihiyan ang mga kaaway ko.
Ipapakita nʼyo ang inyong pag-ibig at katapatan sa akin.
4 Napapaligiran ako ng mga kaaway,
parang mga leong handang lumapa ng tao.
Ang mga ngipin nilaʼy parang sibat at pana,
mga dilaʼy kasintalim ng espada.
5 O Dios, ipakita nʼyo ang inyong kapangyarihan sa kalangitan at sa buong mundo.
6 Nabagabag ako dahil naglagay ng bitag ang aking mga kaaway.
Naghukay rin sila sa aking dadaanan, ngunit sila rin ang nahulog dito.
7 O Dios, lubos akong nagtitiwala sa inyo.
Aawit ako ng mga papuri para sa inyo.
8 Gigising ako ng maaga at ihahanda ko ang aking sarili at ang aking instrumentong may mga kwerdas para magpuri sa inyo.
9 Panginoon, pupurihin ko kayo sa gitna ng mga mamamayan.
At sa gitna ng mga bansa, ikaw ay aking aawitan.
10 Dahil ang pag-ibig nʼyo at katapatan ay hindi mapantayan at lampas pa sa kalangitan.
11 O Dios, ipakita nʼyo ang inyong kapangyarihan sa buong kalangitan at sa buong mundo.
9 Sinisira ng hindi makadios ang kapwa niya sa pamamagitan ng kanyang mga salita. Ang taong matuwid ay maililigtas ng kanyang kaalaman.
10 Kapag ang matuwid ay pinagpapala, mga taoʼy sumisigaw sa tuwa. At kapag ang masama ay napapahamak ganoon din ang kanilang ginagawa.
11 Umuunlad ang isang bayan sa pagpapala ng mga mamamayang matuwid, subalit nawawasak ito sa pamamagitan ng salita ng masama.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®