The Daily Audio Bible
Today's audio is from the NLT. Switch to the NLT to read along with the audio.
24 Samantala, nang mapag-isip-isip ni Balaam na gusto ng Panginoon na pagpalain ang Israel, hindi na siya nangkulam katulad ng ginawa niya noong una. Sa halip, humarap siya sa disyerto 2 at nakita niya ang mga Israelita na nagkakampo ayon sa kani-kanilang lahi. Pagkatapos, pinuspos siya ng Espiritu ng Dios, 3 at sinabi niya, “Ako si Balaam na anak ni Beor, at may malinaw akong pang-unawa.[a] 4 Narinig ko ang salita ng Dios, at nakakita ako ng isang pangitain na mula sa Makapangyarihang Dios. Nagpatirapa ako at nagpahayag siya sa akin.[b] Ito ang aking mensahe:
5 ‘Anong ganda ng mga toldang tinitirhan ng mga mamamayan ng Israel na mga lahi ni Jacob.
6 Katulad ito ng mga nakalinyang palma, o ng mga tanim sa tabi ng ilog.
Katulad din ito ng puno ng aloe na itinanim ng Panginoon, o ng mga puno ng sedro sa tabi ng tubig.
7 Umaapaw ang mga tubig sa kanilang mga lalagyan, at nagtatanim sila ng buto sa mga lupang sagana sa tubig.
Ang kanilang hari ay magiging mas makapangyarihan kaysa kay Agag na hari ng Amalekita, at ang kanilang kaharian ay magiging tanyag.
8 Inilabas sila ng Dios sa Egipto; para sa kanila, katulad siya ng isang malakas na toro.
Lulupigin nila ang kanilang mga kaaway; tutuhugin sa tulis ng pana at dudurugin ang kanilang mga buto.
9 Katulad sila ng mga leon na kapag nakatulog na ay wala nang mangangahas pang gumising sa kanila.
Pagpapalain ang mga nagpapala sa kanila at susumpain ang mga sumusumpa sa kanila.’ ”
10 Dahil dito, matindi ang galit ni Balak kay Balaam. Isinuntok niya ang kanyang kamao sa kanyang palad at sinabi, “Ipinatawag kita para sumpain ang aking mga kaaway, pero binasbasan mo pa sila ng tatlong beses. 11 Umuwi ka na lang! Nangako ako sa iyong babayaran kita ng malaking halaga, pero hindi pumayag ang Panginoon na matanggap mo ang bayad.” 12 Sumagot si Balaam kay Balak, “Hindi baʼt sinabihan ko ang iyong mga mensahero, 13 na kahit ibigay mo pa sa akin ang iyong palasyong puno ng pilak at ginto, hindi ako makakagawa ng sarili kong kagustuhan, masama man ito o mabuti. Kung ano ang sinasabi ng Panginoon sa akin, iyon lang ang aking sasabihin. 14 Uuwi ako ngayon din sa aking mga kababayan, pero bago ako umalis, paaalalahanan muna kita kung ano ang gagawin ng mga Israelitang ito sa iyong mga mamamayan balang araw.”
Ang Ikaapat na Mensahe ni Balaam
15 Pagkatapos, sinabi ni Balaam ang mensaheng ito: “Ako si Balaam na anak ni Beor, at may malinaw akong pang-unawa.[c] 16 Narinig ko ang salita ng Kataas-taasang Dios, at nakakita ako ng pangitain mula sa Makapangyarihang Dios. Nagpatirapa ako sa kanya at nagpahayag siya sa akin.[d] Ito ang aking mensahe:
17 “May nakita ako sa aking pangitain na hindi pa nangyayari. Sa hinaharap, mamamahala ang isang hari[e] sa Israel mula sa lahi ni Jacob. Ibabagsak niya ang mga Moabita at ang lahat ng lahi ni Set. 18 Sasakupin niya ang Edom na kanyang kaaway, na tinatawag din na Seir, habang tumatatag ang Israel. 19 Mamumuno ang isang pinuno sa Israel[f] at ibabagsak niya ang mga natirang buhay sa lungsod ng Moab.”
Ang Huling Mensahe ni Balaam
20 Pagkatapos, nakita ni Balaam sa kanyang pangitain ang mga Amalekita at sinabi niya, “Ang Amalek noon ang nangunguna sa mga bansa, pero sa huli, babagsak ito.”
21 Pagkatapos, nakita na naman ni Balaam sa kanyang pangitain ang mga Keneo at sinabi niya, “Matatag ang inyong tinitirhan, dahil nakapatong ito sa mga bato 22 pero babagsak kayo kapag binihag kayo ng Asiria.”
23 At sinabi pa ni Balaam ang mensaheng ito, “Kahabag-habag, sino ba ang mabubuhay kung gagawin ito ng Dios? 24 Darating ang mga barko mula sa Kitim at sasakupin nila ang mga mamamayan ng Asiria at ng Eber, pero babagsak din ang Kitim.”
25 Pagkatapos, umuwi si Balaam at ganoon din si Balak.
Sumamba ang mga Israelita kay Baal
25 Habang nagkakampo ang mga Israelita sa Shitim, nakipagtalik ang mga lalaki sa mga babaeng Moabita. 2 Hinikayat sila ng mga babaeng ito sa paghahandog sa mga dios-diosan, at kumain sila ng mga handog na ito at sumamba sa mga dios-diosan ng Peor. 3 Kaya nahikayat ang mga Israelita sa pagsamba kay Baal ng Peor. Kaya nagalit nang matindi ang Panginoon sa kanila.
4 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Kunin mo ang lahat ng pinuno ng mga taong ito, at patayin sila sa aking presensya habang nakatingin ang mga tao, para mawala na ang matindi kong galit sa Israel.” 5 Kaya sinabi ni Moises sa mga hukom ng Israel, “Kailangang patayin ninyo ang mga taong sumamba kay Baal ng Peor.”
6 Ngayon, may isang Israelitang nagdala ng isang Midianitang babae sa kanyang pamilya. Nakita ito ni Moises at ng buong kapulungan ng Israel habang nagluluksa sila roon sa pintuan ng Toldang Tipanan. 7 Pagkakita rito ni Finehas na anak ni Eleazar at apo ng paring si Aaron, umalis siya sa kapulungan at kumuha ng sibat. 8 Sinundan niya ang tao sa loob ng tolda, at sinibat niya ang dalawa. Pagkatapos, huminto ang salot sa Israel, 9 pero 24,000 ang namatay dahil sa salot.
10 Sinabi ng Panginoon kay Moises, 11 “Inalis ni Finehas na anak ni Eleazar at apo ng paring si Aaron ang aking galit sa mga Israelita. Sa pamamagitan ng kanyang ginawa, ipinakita niya ang kanyang kagustuhan na protektahan ang aking karangalan sa gitna nila. Kaya hindi ko sila nilipol. 12 Kaya sabihin mo sa kanya na gagawa ako ng kasunduan sa kanya na pagpapalain ko siya. 13 At sa kasunduang ito, siya at ang kanyang mga angkan ang magiging mga pari magpakailanman dahil ipinakita niya ang aking galit at tinubos niya ang mga Israelita sa kanilang mga kasalanan.”
14 Ang Israelitang namatay kasama ng babaeng Midianita ay si Zimri na anak ni Salu, na pinuno ng isang pamilya na lahi ni Simeon. 15 At ang Midianitang babae ay si Cozbi na anak ni Zur. Si Zur ay isang pinuno ng isang pamilyang Midianita.
16 Sinabi ng Panginoon kay Moises, 17 “Ituring ninyong kaaway ang mga Midianita, at patayin ninyo sila, 18 dahil itinuring din nila kayong kaaway sa pamamagitan ng panlilinlang sa inyo roon sa Peor at dahil din kay Cozbi na anak ng isang pinunong Midianita. Pinatay ang babaeng ito noong dumating ang salot sa Peor.”
Ang Kapanganakan ni Jesus(A)
2 Nang mga panahong iyon, ang Emperador ng Roma na si Augustus ay gumawa ng kautusan na dapat magpatala ang lahat ng mga mamamayan ng bansang nasasakupan niya. 2 (Ito ang kauna-unahang sensus na naganap nang si Quirinius ang gobernador sa lalawigan ng Syria.) 3 Kaya umuwi ang lahat ng tao sa sarili nilang bayan upang magpalista.
4 Mula sa Nazaret na sakop ng Galilea, pumunta si Jose sa Betlehem na sakop ng Judea, sa bayang sinilangan ni Haring David, dahil nagmula siya sa angkan ni David. 5 Kasama niya sa pagpapalista ang magiging asawa niyang si Maria, na noon ay malapit nang manganak. 6 At habang naroon sila sa Betlehem, dumating ang oras ng panganganak ni Maria. 7 Isinilang niya ang panganay niya, na isang lalaki. Binalot niya ng lampin ang sanggol at inihiga sa sabsaban, dahil walang lugar para sa kanila sa mga bahay-panuluyan.
Nagpakita ang mga Anghel sa mga Pastol
8 Malapit sa Betlehem, may mga pastol na nasa parang, at nagpupuyat sa pagbabantay ng kanilang mga tupa. 9 Biglang nagpakita sa kanila ang isang anghel ng Panginoon, at nagningning sa paligid nila ang nakakasilaw na liwanag ng Panginoon. Ganoon na lang ang pagkatakot nila, 10 pero sinabi sa kanila ng anghel, “Huwag kayong matakot dahil naparito ako upang sabihin sa inyo ang magandang balita na magbibigay ng malaking kagalakan sa lahat ng tao. 11 Sapagkat isinilang ngayon sa Betlehem, sa bayan ni Haring David, ang inyong Tagapagligtas, ang Cristo[a] na siyang Panginoon. 12 Ito ang palatandaan upang makilala ninyo siya: makikita ninyo ang sanggol na nababalot ng lampin at nakahiga sa isang sabsaban.”
13 Pagkatapos magsalita ng anghel, biglang nagpakita ang napakaraming anghel at sama-sama silang nagpuri sa Dios. Sinabi nila,
14 “Purihin ang Dios sa langit! May kapayapaan na sa lupa, sa mga taong kinalulugdan niya!”
15 Nang makaalis na ang mga anghel pabalik sa langit, nag-usap-usap ang mga pastol, “Tayo na sa Betlehem at tingnan natin ang mga pangyayaring sinabi sa atin ng Panginoon.” 16 Kaya nagmamadali silang pumunta sa Betlehem at nakita nila sina Maria at Jose, at ang sanggol na nakahiga sa sabsaban. 17 At isinalaysay nila ang mga sinabi sa kanila ng anghel tungkol sa sanggol. 18 Nagtaka ang lahat ng nakarinig sa sinabi ng mga pastol. 19 Pero iningatan ito ni Maria sa kanyang puso, at pinagbulay-bulayan ang lahat ng ito. 20 Bumalik sa parang ang mga pastol na labis ang pagpupuri sa Dios dahil sa lahat ng kanilang narinig at nakita, na ayon nga sa sinabi ng anghel.
Pinangalanang Jesus ang Sanggol
21 Pagdating ng ikawalong araw ay tinuli ang sanggol at pinangalanang Jesus. Ito ang pangalang ibinigay ng anghel bago siya ipinaglihi.
Inihandog si Jesus sa Templo
22 Dumating ang araw na maghahandog sina Jose at Maria sa templo ng Jerusalem ayon sa Kautusan ni Moises patungkol sa mga babaeng nanganak upang maituring silang malinis. Dinala rin nila ang sanggol sa Jerusalem para ihandog sa Panginoon. 23 Sapagkat nasusulat sa Kautusan ng Panginoon, “Ang bawat panganay na lalaki ay kailangang ihandog sa Panginoon.”[b] 24 At upang maituring na malinis si Maria, naghandog sila ayon sa sinasabi ng Kautusan ng Panginoon: “isang pares ng batu-bato o dalawang inakay na kalapati.”[c]
25 May isang tao roon sa Jerusalem na ang pangalan ay Simeon. Matuwid siya, may takot sa Dios, at sumasakanya ang Banal na Espiritu. Naghihintay siya sa pagdating ng haring magliligtas sa Israel. 26 Ipinahayag sa kanya ng Banal na Espiritu na hindi siya mamamatay hanggaʼt hindi niya nakikita ang haring ipinangako ng Panginoon. 27 Nang araw na iyon, sa patnubay ng Banal na Espiritu ay pumunta siya sa templo. At nang dalhin doon nina Maria at Jose si Jesus upang ihandog sa Panginoon ayon sa Kautusan, nakita ni Simeon ang sanggol. 28 Kinarga niya ito at pinuri ang Dios. Sinabi niya:
29 “Panginoon, maaari nʼyo na akong kunin na inyong lingkod,
dahil natupad na ang pangako nʼyo sa akin.
Mamamatay na ako nang mapayapa,
30 dahil nakita na ng sarili kong mga mata ang Tagapagligtas,
31 na inihanda ninyo para sa lahat ng tao.
32 Siya ang magbibigay-liwanag sa isipan ng mga hindi Judio na hindi nakakakilala sa iyo,
at magbibigay-karangalan sa inyong bayang Israel.”
33 Namangha ang ama at ina ng sanggol sa sinabi ni Simeon tungkol sa sanggol. 34 Binasbasan sila ni Simeon at sinabi niya kay Maria, “Ang batang itoʼy itinalaga upang itaas at ibagsak ang marami sa Israel. Magiging tanda siya mula sa Dios. Pero marami ang magsasalita ng laban sa kanya. 35 Kaya ikaw mismo ay masasaktan, na parang sinaksak ng patalim ang puso mo. At dahil sa gagawin niya, mahahayag ang kasamaang nasa isip ng maraming tao.”
Panalangin Laban sa Masama
59 O Dios, iligtas nʼyo ako sa aking mga kaaway.
At sa mga kumakalaban sa akin, ako ay inyong ingatan.
2 Iligtas nʼyo ako sa masasama at sa mga mamamatay-tao.
3 Panginoon, tingnan nʼyo!
Inaabangan nila ako para patayin,
kahit na wala akong nagawang kasalanan sa kanila.
4-5 Wala akong nagawang kasalanan,
ngunit handa silang salakayin ako.
Sige na po, Panginoong Dios na Makapangyarihan, Dios ng Israel.
Tingnan nʼyo na ang nangyayari; tulungan nʼyo ako!
Kumilos na kayo, at parusahan nʼyo ang mga bansang hindi sumasampalataya sa inyo.
Huwag nʼyong kahabagan ang mga taksil na iyon.
6 Bumabalik sila kapag gabi at tumatahol
gaya ng aso habang naglilibot sila sa bayan.
7 Pakinggan nʼyo ang kanilang pananalita; kasing sakit ng tusok ng espada.
At sinasabi pa nila, “Wala namang nakakarinig sa atin.”
8 Ngunit, pinagtatawanan nʼyo lang sila Panginoon.
Kinukutya nʼyo ang mga taong hindi sumasampalataya sa inyo.
9 O Dios ikaw ang aking kalakasan.
Maghihintay ako sa inyo dahil ikaw ang aking tagapagtanggol,
10 at ikaw ang Dios na nagmamahal sa akin.
Manguna ka sa akin at ipakita mo sa akin ang pagbagsak ng aking mga kaaway.
11 Pero huwag nʼyo silang patayin agad
para hindi makalimutan ng aking mga kababayan
kung paano nʼyo pinarurusahan ang inyong mga kaaway.
O Panginoon na aming pananggalang,
iligaw nʼyo at ibagsak ang aking mga kaaway sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan.
12 Nagkakasala sila dahil sa kasamaan ng kanilang sinasabi.
Mahuli sana sila sa kanilang kayabangan.
Nagmumura sila at nagsisinungaling,
13 kaya sa inyong galit, lipulin nʼyo sila hanggang sa silaʼy maglaho.
Sa gayon ay malalaman ng buong mundo na kayo, O Dios, ang naghahari sa Israel.
14 Bumabalik ang mga kaaway ko kapag gabi at tumatahol
gaya ng aso habang naglilibot sila sa bayan.
15 Naglilibot sila para humanap ng pagkain at umaalulong kapag hindi nabusog.
16 Ngunit ako ay aawit tungkol sa inyong kapangyarihan.
Tuwing umaga aawit ako nang may kagalakan tungkol sa inyong pag-ibig.
Sapagkat kayo ang aking kanlungan sa oras ng kagipitan.
17 O Dios, kayo ang aking kalakasan.
Aawit ako ng mga papuri sa inyo,
dahil kayo ang aking kanlungan at Dios na sa akin ay nagmamahal.
14 Babagsak ang bansa kung ang namumuno nito ay walang gumagabay, ngunit kung maraming tagapayo tiyak ang tagumpay.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®