Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NLT. Switch to the NLT to read along with the audio.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Bilang 26:52-28:15

52 Pagkatapos, sinabi ng Panginoon kay Moises, 53 “Hati-hatiin mo sa kanila ang lupa bilang mana nila ayon sa dami ng bawat lahi. 54 Ang malaking lahi, bigyan ng mas malaki at ang maliit na lahi bigyan ng maliit. 55-56 Ang lupain ay kailangang hatiin sa pamamagitan ng palabunutan para malaman kung aling bahagi ang makukuha ng malaki at maliit na angkan ayon sa sensus.”

57 Ang mga Levita ay ang mga pamilya nina Gershon, Kohat at Merari. 58 At sa kanila nanggaling ang mga pamilya nina Libni, Hebron, Mahli, Mushi at Kora.

Si Kohat ang panganay ni Amram; 59 at ang asawa ni Amram ay si Jochebed na mula naman sa pamilya ng mga Levita. Ipinanganak si Jochebed sa Egipto. Sina Amram at Jochebed ang mga magulang nina Aaron, Moises at Miriam. 60 Si Aaron ang ama nina Nadab, Abihu, Eleazar at Itamar. 61 Pero namatay sina Nadab at Abihu nang gumamit sila ng apoy na hindi dapat gamitin sa kanilang paghahandog sa Panginoon.

62 Ang bilang ng mga lalaking Levita na may edad na isang buwan pataas ay 23,000. Hindi sila ibinilang sa kabuuang bilang ng mga Israelita dahil wala silang tinanggap sa lupaing minana ng mga Israelita.

63 Ito ang lahat ng mga Israelitang sinensus ni Moises at ng paring si Eleazar doon sa kapatagan ng Moab sa tabi ng Jordan malapit sa Jerico. 64 Wala ni isang natira sa mga kasama sa naunang sensus na ginawa nina Moises at Aaron sa ilang ng Sinai. 65 Sapagkat sinabi noon ng Panginoon sa kanila na tiyak na mamamatay sila roon sa ilang, at walang makakaligtas sa kanila maliban lang kina Caleb na anak ni Jefune at Josue na anak ni Nun.

Ang mga Anak na Babae ni Zelofehad

27 Si Zelofehad ay may mga anak na babae na sina Mahlah, Noe, Hogla, Milca at Tirza. Si Zelofehad ay anak ni Hefer at apo ni Gilead na anak ni Makir at apo ni Manase. Si Manase ay anak ni Jose. Ngayon, nagpunta ang mga babaeng ito sa pintuan ng Toldang Tipanan at tumayo sa harapan nina Moises, Eleazar, ng mga pinuno at ng buong kapulungan ng Israel. Sinabi ng mga babae, “Namatay ang aming ama roon sa ilang na walang anak na lalaki. Pero namatay siya hindi dahil sa tagasunod siya ni Kora na nagrebelde sa Panginoon, kundi dahil sa sarili niyang kasalanan. Dahil lang po ba sa walang anak na lalaki ang aming ama, mawawala na ang kanyang pangalan sa sambahayan ng Israel? Bigyan din ninyo kami ng lupa tulad ng natanggap ng aming mga kamag-anak.”

Kaya sinabi ni Moises sa Panginoon ang kanilang hinihingi. Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Tama ang sinabi ng mga anak na babae ni Zelofehad. Kailangang bigyan mo sila ng lupa kasama ng mga kamag-anak ng kanilang ama. Ibigay sa kanila ang lupa na dapat sana ay sa kanilang ama.

“At sabihin mo sa mga Israelita na kung mamatay ang isang tao na hindi nagkaanak ng lalaki, kailangang ibigay sa kanyang anak na babae ang kanyang lupa. At kung wala siyang anak na babae, ibigay sa kanyang kapatid na lalaki. 10 At kung wala siyang kapatid na lalaki, ibigay ang kanyang lupa sa kapatid na lalaki ng kanyang ama. 11 Kung walang kapatid na lalaki ang kanyang ama, ibigay ang kanyang lupa sa pinakamalapit niyang kamag-anak at ang kanyang kamag-anak ang magmamana ng lupa. Itoʼy susundin ng mga Israelita bilang isang legal na kautusang dapat sundin, ayon sa iniutos ko sa iyo, Moises.”

Pinili si Josue Bilang Kapalit ni Moises(A)

12 Pagkatapos, sinabi ng Panginoon kay Moises, “Umakyat ka sa kabundukan ng Abarim at tingnan mo roon ang lupaing ibinigay ko sa mga Israelita. 13 Pagkatapos mong makita ito, sasama ka na sa piling ng mga yumao mong ninuno, tulad ng kapatid mong si Aaron. 14 Dahil noong nagrebelde ang mga Israelita sa akin doon sa bukal ng ilang ng Zin, sinuway ninyo ni Aaron ang aking utos na ipakita ang aking kabanalan sa mga mamamayan.” (Ang bukal na ito ay ang Meriba na nasa Kadesh sa ilang ng Zin.) 15 Sinabi ni Moises sa Panginoon, 16 “O Panginoon, Dios na pinanggagalingan ng buhay ng lahat ng tao, pumili po sana kayo ng isang tao na mamumuno sa mga mamamayang ito 17 at mangunguna sa kanila sa labanan, upang ang inyong mga mamamayan ay hindi maging tulad ng mga tupang walang tagapagbantay.”

18 Kaya sinabi ng Panginoon kay Moises, “Ipatawag si Josue na anak ni Nun, na puspos ng Espiritu, at ipatong mo ang iyong kamay sa kanyang ulo. 19 Patayuin siya sa harapan ng paring si Eleazar at ng buong kapulungan, at ipaalam mo sa kanila na pinili mo siya para pumalit sa iyo. 20 Ibigay mo sa kanya ang iba mong kapangyarihan upang sundin siya ng buong mamamayan ng Israel. 21 Kay Eleazar niya malalaman ang aking pasya sa pamamagitan ng paggamit ni Eleazar ng ‘Urim’[a] sa aking presensya. Sa pamamagitan nito, masusubaybayan ni Eleazar si Josue at ang lahat ng mga Israelita sa kanilang gagawin.”

22 Kaya ginawa ni Moises ang iniutos sa kanya ng Panginoon. Ipinatawag niya si Josue at pinatayo sa harapan ng paring si Eleazar at ng buong kapulungan. 23 At ayon sa iniutos sa kanya ng Panginoon, ipinatong niya ang kanyang kamay kay Josue at ipinahayag na si Josue ang papalit sa kanya.

Ang Pang-araw-araw na mga Handog(B)

28 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Sabihin mo sa mga Israelita na kailangan silang maghandog sa akin ng mga handog sa pamamagitan ng apoy[b] sa nakatakdang panahon. Ang mga handog na ito ay ang pagkain ko, at ang mabangong samyo nito ay makalulugod sa akin. Kaya sabihin mo ito sa mga Israelita: ‘Ito ang mga handog sa pamamagitan ng apoy na inyong iaalay sa Panginoon araw-araw: dalawang tupa na isang taong gulang at walang kapintasan. Ang isang handog ay sa umaga at isa sa hapon, kasama ng handog bilang pagpaparangal sa Panginoon na dalawang kilo ng magandang klaseng harina na hinaluan ng isang litrong langis ng olibo. Ito ang pang-araw-araw na handog na inyong susunugin na iniutos noon ng Panginoon sa inyo sa Bundok ng Sinai. Ang mabangong samyo ng handog na ito sa pamamagitan ng apoy ay makalulugod sa Panginoon. Ang handog na inumin na isasama sa bawat tupa ay isang litrong alak at ibubuhos ito sa banal na lugar para sa Panginoon. Ito rin ang gagawin ninyo sa ikalawang tupa na ihahandog ninyo sa hapon. Samahan din ninyo ito ng isang handog bilang pagpaparangal sa Panginoon at handog na inumin. Ang mabangong samyo ng handog na ito sa pamamagitan ng apoy ay makalulugod sa Panginoon.

Ang mga Handog sa Araw ng Pamamahinga

“ ‘Sa araw ng Pamamahinga, maghandog kayo ng dalawang tupa na isang taong gulang at walang kapintasan, kasama ang handog na inumin at ang handog bilang pagpaparangal sa Panginoon na apat na kilo ng magandang klaseng harina na hinaluan ng langis. 10 Ito ang handog na sinusunog tuwing Araw ng Pamamahinga, bukod pa sa pang-araw-araw na handog kasama ang handog na inumin.

Ang Buwanang Handog

11 “ ‘Sa bawat unang araw ng buwan, maghahandog kayo ng handog na sinusunog sa Panginoon. Ang inyong handog ay dalawang batang toro, isang lalaking tupa at pitong batang lalaking tupa na isang taong gulang. Kailangan na walang kapintasan ang lahat ng mga ito. 12 Ang bawat toro ay sasamahan ng handog bilang pagpaparangal sa Panginoon na mga anim na kilo ng magandang klaseng harina na hinaluan ng langis, bawat isang lalaking tupa ay sasamahan din ng handog na may mga apat na kilo ng magandang klaseng harina na hinaluan ng langis bilang pagpaparangal sa Panginoon. 13 At ang batang lalaking tupa ay sasamahan ng handog na dalawang kilo ng magandang klaseng harina na hinaluan ng langis bilang pagpaparangal sa Panginoon. Itoʼy mga handog na sinusunog, ang mabangong samyo nito ay makalulugod sa Panginoon. 14 Ang bawat toro ay sasamahan ng handog na inumin na dalawang litrong katas ng ubas. At ang bawat batang tupa ay sasamahan ng mga isang litrong alak. Ito ang buwanang handog na sinusunog na inyong gagawin sa bawat simula ng buwan sa buong taon. 15 Maghandog pa kayo sa Panginoon ng isang lalaking kambing bilang handog sa paglilinis. Gawin ninyo ito bukod pa sa pang-araw-araw na handog na sinusunog at sa mga handog na inumin.’

Lucas 3:1-22

Ang Pangangaral ni Juan na Tagapagbautismo(A)

1-2 Noong ika-15 taon ng paghahari ni Emperador Tiberius, nagsalita ang Dios kay Juan na anak ni Zacarias doon sa ilang. Si Poncio Pilato ang gobernador noon ng Judea, si Herodes naman ang pinuno ng Galilea, at ang kapatid niyang si Felipe ang pinuno ng Iturea at Traconitis, at si Lisanias naman ang pinuno ng Abilenia. Ang mga punong pari noon ay sina Anas at Caifas. At dahil sa sinabi ng Dios kay Juan, nilibot niya ang mga lugar sa magkabilang panig ng Ilog ng Jordan. Nangaral siya sa mga tao na kailangan nilang pagsisihan ang kanilang mga kasalanan at magpabautismo, para patawarin sila ng Dios. Sa ginawa niyang ito, natupad ang isinulat ni Propeta Isaias,

    Maririnig ang sigaw ng isang tao sa ilang, na nagsasabi:
    ‘Ihanda ninyo ang daan para sa Panginoon,
    tuwirin ninyo ang mga landas na kanyang dadaanan!
Tambakan ninyo ang mga mababang lugar,
    at patagin ang mga bundok at burol.
    Tuwirin ninyo ang liku-likong daan,
    at ayusin ang mga baku-bakong daan.
At makikita ng lahat ng tao ang pagliligtas ng Dios.’ ”[a]

Maraming tao ang pumunta kay Juan para magpabautismo. Sinabi niya sa kanila, “Kayong lahi ng mga ahas! Sino ang nagsabi sa inyo na makakatakas kayo sa darating na parusa ng Dios? Kung tunay na nagsisisi kayo sa inyong mga kasalanan, patunayan ninyo ito sa inyong mga gawa. Huwag ninyong isipin na hindi kayo mapaparusahan dahil mula kayo sa lahi ni Abraham. Sapagkat tandaan ninyo: kahit ang mga batong itoʼy magagawa ng Dios na maging mga anak ni Abraham. Ngayon pa lang ay nakaamba na ang palakol sa pagputol sa mga puno. Ang mga punong hindi namumunga ng mabuting bunga ay puputulin at itatapon sa apoy.”

10 Tinanong ng mga tao si Juan, “Ano ang dapat naming gawin?” 11 Sumagot siya, “Kung mayroon kayong dalawang damit, ibigay ninyo ang isa sa taong walang damit. At kung may pagkain kayo, bigyan ninyo ang walang makain.” 12 May mga dumating din na maniningil ng buwis upang magpabautismo. Sinabi nila, “Guro, ano po ang dapat naming gawin?” 13 Sumagot sa Juan, “Huwag kayong sumingil ng higit sa dapat singilin!” 14 May mga sundalo ring nagtanong sa kanya, “Kami naman po, ano ang dapat naming gawin?” At sinagot niya sila, “Huwag kayong mangingikil sa mga tao, at huwag kayong magpaparatang ng hindi totoo. Makontento kayo sa mga sahod ninyo!”

15 Nang marinig ng mga tao ang pangangaral ni Juan, inisip nila na baka si Juan na ang Cristo na hinihintay nila. 16 Pero sinabi ni Juan sa kanila, “Binabautismuhan ko kayo sa tubig, ngunit may isang darating na mas makapangyarihan kaysa sa akin. Ni hindi ako karapat-dapat na maging alipin niya.[b] Babautismuhan niya kayo sa Banal na Espiritu at sa apoy. 17 Tulad siya ng isang taong dala-dala ang kanyang gamit upang ihiwalay ang ipa sa butil ng trigo. Ilalagay niya ang mga trigo sa bodega, at ang ipa naman ay susunugin niya sa apoy na hindi mamamatay kailanman.”

18 Marami pang mga bagay ang ipinangaral ni Juan sa pagpapahayag niya ng Magandang Balita. 19 Kahit ang pinunong si Herodes ay pinagsabihan niya, dahil kinakasama nito ang hipag nitong si Herodias, at dahil sa iba pang mga kasamaang ginawa nito. 20 Sa bandang huli, nadagdagan pa ang kasalanan ni Herodes dahil ipinabilanggo niya si Juan.

Ang Pagbabautismo kay Jesus(B)

21 Isang araw, pagkatapos mabautismuhan ni Juan ang mga tao, nagpabautismo rin si Jesus. At nang nananalangin si Jesus, bumukas ang langit, 22 at bumaba sa kanya ang Banal na Espiritu sa anyo ng isang kalapati. At may boses na narinig mula sa langit na nagsabi, “Ikaw ang minamahal kong Anak; lubos kitang kinalulugdan.”

Salmo 61

Panalangin para Ingatan ng Dios

61 O Dios, pakinggan nʼyo ang aking panawagan.
    Dinggin nʼyo ang aking dalangin.
Mula sa dulo ng mundo,
    tumatawag ako sa inyo dahil nawalan na ako ng pag-asa.
    Dalhin nʼyo ako sa lugar na ligtas sa panganib,[a]
dahil kayo ang aking kanlungan,
    tulad kayo ng isang toreng matibay
    na pananggalang laban sa kaaway.
Hayaan nʼyo akong tumira sa inyong templo magpakailanman
at ingatan nʼyo ako tulad ng manok na nag-iingat ng kanyang mga sisiw sa ilalim ng kanyang mga pakpak.
Dahil napakinggan nʼyo, O Dios, ang aking mga pangako sa
    at binigyan nʼyo ako ng mga bagay na ibinibigay nʼyo sa mga may takot sa inyo.
Pahabain nʼyo ang buhay ng hari at paghariin nʼyo siya sa mahabang panahon sa pamamagitan ng kanyang mga lahi.
Sanaʼy maghari siya magpakailanman na kasama nʼyo, O Dios,
    at ingatan nʼyo siya sa inyong pag-ibig at katapatan.
At akoʼy palaging aawit ng papuri sa inyo,
    at tutuparin kong lagi ang aking mga pangako sa inyo.

Kawikaan 11:16-17

16 Ang babaeng maganda ang ugali ay nag-aani ng karangalan, ngunit ang taong marahas ay magaling lang sa pag-angkin ng kayamanan. Ang taong tamad ay maghihirap,[a] ngunit ang taong masipag ay yayaman.
17 Kung mabait ka para iyon sa iyong kabutihan, ngunit kung malupit ka para iyon sa iyong kapahamakan.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®