The Daily Audio Bible
Today's audio is from the NLT. Switch to the NLT to read along with the audio.
Ang Ikalawang Sensus
26 Pagkatapos ng salot, sinabi ng Panginoon kina Moises at Eleazar na anak ng paring si Aaron, 2 “Isensus ninyo ang buong mamamayan ng Israel ayon sa kanilang pamilya – lahat ng may edad na 20 taon pataas na may kakayahan sa paglilingkod bilang sundalo ng Israel.” 3 Kaya nakipag-usap sina Moises at Eleazar na pari sa mga Israelita roon sa kapatagan ng Moab sa tabi ng Jordan malapit sa Jerico. 4 Sinabi niya sa kanila, “Isensus ninyo ang mga taong may edad na 20 taon pataas, ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises.”
Ito ang mga Israelitang lumabas sa Egipto:
5 Ang mga lahi ni Reuben na panganay na anak ni Jacob,[a] ay ang mga pamilya nina Hanoc, Palu, 6 Hezron at Carmi. 7 Sila ang mga pamilyang nanggaling kay Reuben; 43,730 silang lahat.
8 Ang anak ni Palu ay si Eliab, 9 at ang mga anak ni Eliab ay sina Nemuel, Datan at Abiram. Itong sina Datan at Abiram ay ang mga pinuno ng kapulungan na sumama kay Kora sa pagrerebelde sa Panginoon sa pamamagitan ng paglaban kina Moises at Aaron. 10 Pero nilamon sila ng lupa kasama ni Kora, at nasunog ng apoy ang kanyang 250 tagasunod. At naging babala sa mga Israelita ang pangyayaring ito. 11 Pero hindi namatay ang mga anak ni Kora.
12 Ang mga lahi ni Simeon ay ang mga pamilya nina Nemuel, Jamin, Jakin, 13 Zera at Shaul. 14 Sila ang mga pamilyang nanggaling kay Simeon; 22,200 silang lahat.
15 Ang mga lahi ni Gad ay ang mga pamilya nina Zefon, Haggi, Shuni, 16 Ozni, Eri, 17 Arod at Areli. 18 Sila ang mga pamilya na nanggaling kay Gad; 40,500 silang lahat.
19-20 May dalawang anak na lalaki si Juda na sina Er at Onan, na namatay sa lupain ng Canaan. Pero may mga lahi rin naman si Juda na siyang pamilya nina Shela, Perez at Zera. 21 Ang mga angkan ni Perez ay ang pamilya nina Hezron at Hamul. 22 Sila ang mga pamilyang nanggaling kay Juda; 76,500 silang lahat.
23 Ang mga lahi ni Isacar ay ang mga pamilya nina Tola, Pua, 24 Jashub at Shimron. 25 Sila ang mga pamilyang nanggaling kay Isacar; 64,300 silang lahat.
26 Ang mga lahi ni Zebulun ay ang mga pamilya ni Sered, Elon at Jaleel. 27 Sila ang mga pamilyang nanggaling kay Zebulun; 60,500 silang lahat.
28 Ang mga lahi ni Jose ay nanggaling sa dalawa niyang anak na sina Manase at Efraim. 29 Ang mga lahi ni Manase ay ang mga pamilya ni Makir at ang anak nitong si Gilead. 30 Ang mga angkan ni Gilead ay ang mga pamilya nina Iezer, Helek, 31 Asriel, Shekem, 32 Shemida at Hefer. 33 Ang anak ni Hefer na si Zelofehad ay walang anak na lalaki, pero may mga anak siyang babae na sina Mahlah, Noe, Hogla, Milca at Tirza. 34 Sila ang mga pamilyang nanggaling kay Manase; 52,700 silang lahat.
35 Ang mga lahi naman ni Efraim ay ang mga pamilya nina Shutela, Beker, Tahan. 36 Ang mga angkan ni Shutela ay ang mga pamilya ni Eran. 37 Sila ang mga pamilya na nanggaling kay Efraim; 32,500 silang lahat. Ito ang mga pamilyang nanggaling kina Manase at Efraim na mga lahi ni Jose.
38 Ang mga lahi ni Benjamin ay ang sambahayan nina Bela, Ashbel, Ahiram, 39 Shufam at Hufam. 40 Ang mga angkan ni Bela ay ang mga pamilya nina Ard at Naaman. 41 Sila ang mga pamilya na nanggaling kay Benjamin; 45,600 silang lahat.
42 Ang mga lahi ni Dan ay ang mga pamilya ni Shuham. 43 Shuhamita ang lahat ng lahi ni Dan; at 64,400 silang lahat.
44 Ang mga lahi ni Asher ay ang mga pamilya nina Imna, Ishvi at Beria. 45 Ang mga angkan ni Beria ay ang mga pamilya nina Heber at ni Malkiel. 46 (May anak na babae si Asher na si Sera.) 47 Sila ang mga pamilyang nanggaling kay Asher; 53,400 silang lahat.
48 Ang mga lahi ni Naftali ay ang mga pamilya nina Jazeel, Guni 49 Jezer at Shilem. 50 Sila ang mga pamilyang nanggaling kay Naftali; 45,400 silang lahat.
51 Kaya ang kabuuang bilang ng mga lalaking Israelitang nasensus ay 601,730.
36 Naroon din sa templo ang isang babaeng propeta na ang pangalan ay Ana. Anak siya ni Fanuel na mula sa lahi ni Asher. Matandang-matanda na siya. Pitong taon lang silang nagsama ng kanyang asawa 37 bago siya nabiyuda. At ngayon, 84 na taon na siya.[a] Palagi siyang nasa templo; araw-gabi ay sumasamba siya sa Dios sa pamamagitan ng pananalangin at pag-aayuno. 38 Lumapit siya nang oras ding iyon kina Jose at Maria at nagpasalamat sa Dios. At nagsalita rin siya tungkol sa bata sa lahat ng naghihintay sa araw ng pagliligtas ng Dios sa Jerusalem.
39 Nang maisagawa na nina Jose at Maria ang lahat ng dapat nilang gawin ayon sa Kautusan ng Panginoon, umuwi na sila sa kanilang bayan, sa Nazaret na sakop ng Galilea. 40 Lumaki ang batang si Jesus, at naging malakas at napakatalino. At pinagpala siya ng Dios.
Ang Batang si Jesus sa Templo
41 Bawat taon pumupunta ang mga magulang ni Jesus sa Jerusalem para dumalo sa Pista ng Paglampas ng Anghel.[b] 42 Nang 12 taon na si Jesus, muli silang pumunta roon gaya ng nakaugalian nila. 43 Pagkatapos ng pista, umuwi na sila, pero nagpaiwan si Jesus sa Jerusalem. Hindi ito namalayan ng mga magulang niya. 44 Ang akala nilaʼy kasama siya ng iba nilang kababayan na pauwi na rin, kaya nagpatuloy sila sa paglalakad buong araw. Bandang huli ay hinanap nila si Jesus sa kanilang mga kamag-anak at mga kaibigan. 45 Nang malaman nila na wala si Jesus sa kanila, bumalik sila sa Jerusalem para roon siya hanapin. 46 At nang ikatlong araw, natagpuan nila si Jesus sa templo na nakaupong kasama ng mga tagapagturo ng Kautusan. Nakikinig siya sa kanila at nagtatanong. 47 Namangha ang lahat ng nakarinig sa mga isinasagot niya at sa kanyang katalinuhan. 48 Nagtaka ang mga magulang niya nang matagpuan siya roon. Sinabi ng kanyang ina, “Anak, bakit mo ito ginawa sa amin? Balisang-balisa na kami ng iyong ama sa paghahanap sa iyo!” 49 Sumagot si Jesus, “Bakit po ninyo ako hinahanap? Hindi ba ninyo alam na dapat ay narito ako sa bahay ng aking Ama?” 50 Pero hindi nila naunawaan ang ibig niyang sabihin.
51 Umuwi si Jesus sa Nazaret kasama ng kanyang mga magulang, at patuloy siyang naging masunuring anak. Ang lahat ng bagay na ito ay iningatan ng kanyang ina sa kanyang puso. 52 Patuloy na lumaki si Jesus at lalo pang naging matalino. Kinalugdan siya ng Dios at ng mga tao.
Panalangin para Tulungan ng Dios
60 O Dios, itinakwil nʼyo kami at pinabayaang malupig.
Nagalit kayo sa amin ngunit ngayon, manumbalik sana ang inyong kabutihan.
2 Niyanig nʼyo ang kalupaan at pinagbitak-bitak,
ngunit nakikiusap ako na ayusin nʼyo po dahil babagsak na ito.
3 Kami na mga mamamayan nʼyo ay labis-labis nʼyong pinahirapan.
Para nʼyo kaming nilasing sa alak, sumusuray-suray.
4 Ngunit, para sa aming mga may takot sa inyo, nagtaas kayo ng bandila bilang palatandaan
ng aming pagtitipon sa oras ng labanan.
5 Iligtas nʼyo kami sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan.
Pakinggan nʼyo kami,
upang kaming mga iniibig nʼyo ay maligtas.
6 O Dios, sinabi nʼyo roon sa inyong templo,
“Magtatagumpay ako! Hahatiin ko ang Shekem at ang kapatagan ng Sucot
para ipamigay sa aking mga mamamayan.
7 Sa akin ang Gilead at Manase,
ang Efraim ay gagawin kong tanggulan[a]
at ang Juda ang aking tagapamahala.[b]
8 Ang Moab ang aking utusan[c] at ang Edom ay sa akin din.[d]
Sisigaw ako ng tagumpay laban sa mga Filisteo.”
9 Sinong magdadala sa akin sa Edom
at sa bayan nito na napapalibutan ng pader?
10 Sino na ang makakatulong, O Dios, ngayong itinakwil nʼyo na kami?
Ni hindi na nga kayo sumasama sa aming mga kawal.
11 Tulungan nʼyo kami laban sa aming mga kaaway,
dahil ang tulong ng tao ay walang kabuluhan.
12 Sa tulong nʼyo, O Dios,
kami ay magtatagumpay
dahil tatalunin nʼyo ang aming mga kaaway.
15 Delikado ang mangakong managot sa utang ng iba, kaya iwasan itong gawin upang hindi ka magkaproblema.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®