The Daily Audio Bible
Today's audio is from the CSB. Switch to the CSB to read along with the audio.
Pagtatagumpay sa Pamamagitan ng Tulong ng Dios
9 “Makinig kayo, mga mamamayan ng Israel. Tatawid kayo ngayon sa Jordan para sakupin ang mga bansa na mas malaki at mas makapangyarihan kaysa sa inyo. Malalaki ang kanilang lungsod at may matataas na pader na parang umabot na sa langit. 2 Malalakas at matatangkad ang mga naninirahan dito – mga angkan ni Anak! Alam naman ninyo ang tungkol sa mga angkan ni Anak at narinig ninyo na walang makalaban sa kanila. 3 Ngunit ngayon, makikita ninyo na ang Panginoon na inyong Dios ang mangunguna sa inyo na parang apoy na lumalamon sa inyong mga kaaway. Tatalunin niya sila para madali ninyo silang maitaboy at malipol ayon sa ipinangako ng Panginoon sa inyo.
4 “Kapag naitaboy na sila ng Panginoon na inyong Dios sa inyong harapan, huwag ninyong sasabihin sa inyong mga sarili, ‘Dinala tayo ng Panginoon para angkinin ang lupaing ito dahil matuwid tayo.’ Hindi, palalayasin sila ng Panginoon dahil masama silang bansa. 5 Mapapasainyo ang kanilang lupain hindi dahil matuwid kayo o mabuti kayong mga tao kundi dahil masama sila, at para matupad ng Panginoon ang kanyang ipinangako sa inyong mga ninuno na sina Abraham, Isaac, at Jacob. 6 Alalahanin ninyo na hindi dahil matuwid kayo kaya ibinibigay ng Panginoon na inyong Dios ang magandang lupaing ito. Ang totoo, matitigas ang inyong ulo.
7 “Alalahanin ninyo kung paano ninyo ginalit ang Panginoon na inyong Dios sa disyerto. Mula nang araw na lumabas kayo sa Egipto hanggang ngayon, palagi na lang kayong nagrerebelde sa Panginoon. 8 Kahit doon sa Bundok ng Sinai,[a] ginalit ninyo ang Panginoon, kaya gusto na lang niya kayong patayin. 9 Nang umakyat ako sa bundok para kunin ang malalapad na bato, kung saan nakasulat ang kasunduan ng Panginoon na kanyang ginawa sa inyo, nanatili ako roon sa loob ng 40 araw at 40 gabi na walang kinakain at iniinom. 10 Ibinigay ng Panginoon sa akin ang dalawang malalapad na bato, na siya mismo ang sumulat ng mga utos na sinabi niya sa inyo na mula sa apoy doon sa Bundok ng Sinai habang nagtitipon kayo.
11 “Pagkatapos ng 40 araw at 40 gabi, ibinigay ng Panginoon sa akin ang dalawang malalapad na bato kung saan nakasulat ang kautusan. 12 At sinabi ng Panginoon sa akin, ‘Bumaba ka agad dahil ang mga mamamayan na pinangunahan mo sa paglabas sa Egipto ay naging masama na. Napakadali nilang tumalikod sa mga tuntunin na iniutos ko sa kanila at gumawa sila ng mga dios-diosan para sambahin nila.’
13 “At sinabi pa ng Panginoon sa akin, ‘Nakita ko kung gaano katigas ang ulo ng mga mamamayang ito. 14 Pabayaan mo akong puksain sila para hindi na sila maalala pa. Pagkatapos, gagawin kita at ang iyong salinlahi na isang bansa na mas makapangyarihan at mas marami pa kaysa sa kanila.’
15 “Kaya bumaba ako mula sa naglalagablab na bundok, dala ang dalawang malalapad na bato kung saan nakasulat ang tuntunin ng kasunduan. 16 At nakita ko ang pagkakasala nʼyo sa Panginoon na inyong Dios. Gumawa kayo ng dios-diosang guya.[b] Napakadali ninyong tumalikod sa mga iniutos ng Panginoon sa inyo. 17 Kaya sa harapan ninyo, ibinagsak ko ang dalawang malalapad na bato at nabiyak ang mga ito.
18 “Pagkatapos, nagpatirapa ako sa harapan ng Panginoon sa loob ng 40 araw at 40 gabi na walang kinakain at iniinom, dahil sa lahat ng mga ginawa ninyong kasalanan. Masama ang ginawa ninyo sa paningin ng Panginoon at nakapagpapagalit ito sa kanya. 19 Natakot ako dahil sa matinding galit ng Panginoon sa inyo dahil baka patayin niya kayo. Ngunit pinakinggan pa rin ako ng Panginoon. 20 Matindi rin ang galit ng Panginoon noon kay Aaron at gusto rin siyang patayin ng Panginoon, pero nanalangin din ako nang panahong iyon para sa kanya. 21 Pagkatapos, kinuha ko ang bakang ginawa ninyo, na nagtulak sa inyo sa kasalanan, at tinunaw ko ito sa apoy. Dinurog ko ito na kasingpino ng alikabok at isinabog sa sapa na umaagos mula sa bundok.
22 “Ginalit din ninyo ang Panginoon doon sa Tabera, sa Masa at sa Kibrot Hataava.
23 “Nang pinalakad kayo ng Panginoon mula sa Kadesh Barnea, sinabi niya sa inyo, ‘Lumakad kayo at angkinin na ninyo ang lupain na ibinigay ko sa inyo.’ Ngunit nagrebelde kayo, hindi ninyo sinunod ang utos ng Panginoon na inyong Dios. Hindi kayo nagtiwala o sumunod sa kanya. 24 Mula nang makilala ko kayo, puro na lang pagrerebelde ang ginagawa ninyo.
25 “Iyan ang dahilan kung bakit ako nagpatirapa sa harapan ng Panginoon sa loob ng 40 araw at 40 gabi dahil sinabi ng Panginoon na pupuksain niya kayo. 26 Nanalangin ako sa Panginoon, ‘O Panginoong Dios, huwag po ninyong puksain ang sarili ninyong mamamayan. Iniligtas po ninyo sila at inilabas sa Egipto sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan. 27 Huwag na ninyong pansinin ang katigasan ng ulo, ang kasamaan at ang mga kasalanan ng mga mamamayang ito, kundi alalahanin ninyo ang inyong mga lingkod na sina Abraham, Isaac, at Jacob. 28 Kung lilipulin nʼyo sila, sasabihin ng mga Egipcio, “Nilipol sila dahil hindi sila kayang dalhin ng Panginoon sa lupaing ipinangako niya sa kanila.” O sasabihin nila, “Pinatay sila ng Panginoon dahil galit siya sa kanila; inilabas niya sila sa Egipto at dinala sa disyerto para patayin.”
29 “ ‘Ngunit sila ay inyong mamamayan. Sila ang sarili ninyong mamamayan na inilabas ninyo sa Egipto sa pamamagitan ng inyong dakilang kapangyarihan.’
Ang Ikalawang Malalapad na Bato(A)
10 “Nang panahong sinabi sa akin ng Panginoon, ‘Gumawa ka ng dalawang malalapad na bato kagaya noong una, at umakyat ka sa bundok papunta sa akin. Gumawa ka rin ng kahon na yari sa kahoy. 2 Isusulat ko sa malalapad na bato ang mga salita na isinulat ko sa unang malalapad na bato na biniyak mo. At ilagay mo ito sa kahon.’
3 “Kaya gumawa ako ng kahon na yari sa akasya at ng dalawang malalapad na bato gaya noong una, at umakyat sa bundok dala ang dalawang malalapad na bato. 4 Isinulat ng Panginoon sa dalawang malalapad na batong ito ang isinulat niya noong una, ang Sampung Utos na ibinigay niya sa inyo nang nagsalita siya mula sa apoy noong araw na nagtipon kayo sa bundok. Nang maibigay na ito ng Panginoon sa akin, 5 bumaba ako sa bundok at inilagay ito sa kahong ginawa ko, ayon sa iniutos ng Panginoon, at hanggang ngayoʼy naroon pa ito.”
6 (Naglakbay ang mga Israelita mula sa balon ng mga taga-Jaakan[c] papunta sa Mosera. Doon namatay si Aaron at doon din inilibing. At si Eleazar na anak niya ang pumalit sa kanya bilang punong pari. 7 Mula roon, pumunta sila sa Gudgoda at sa Jotbata, isang lugar na may mga sapa. 8 Nang panahong iyon, pinili ng Panginoon ang lahi ni Levi para sila ang magbuhat ng Kahon ng Kasunduan ng Panginoon, para maglingkod sa kanyang presensya, at para magbasbas sa mga tao sa kanyang pangalan. At hanggang ngayoʼy ganito ang gawain nila. 9 Ito ang dahilan kung bakit walang bahagi o mana ang mga Levita sa lupain, hindi gaya ng ibang mga Israelita. Ang Panginoon ang bahagi nila ayon sa sinabi ng Panginoon na inyong Dios.)
10 Sinabi pa ni Moises, “Gaya ng ginawa ko noong una, nanatili ako sa bundok sa loob ng 40 araw at 40 gabi, at muli akong pinakinggan ng Panginoon at hindi niya kayo pinatay. 11 Sinabi niya sa akin, ‘Lumakad ka at pamunuan ang mga Israelita sa pagpasok at sa pag-angkin sa lupaing ipinangako kong ibibigay sa inyo at sa inyong mga ninuno.’
Igalang at Sundin ang Panginoon
12 “At ngayon, O mga mamamayan ng Israel, ang hinihingi lang ng Panginoon na inyong Dios sa inyo ay igalang ninyo siya, mamuhay ayon sa kanyang pamamaraan, mahalin siya, maglingkod sa kanya nang buong pusoʼt kaluluwa, 13 at sundin ang lahat ng mga utos at tuntunin niya na ibinibigay ko sa inyo sa araw na ito para sa ikabubuti ninyo.
14 “Sa Panginoon na inyong Dios ang kalangitan, kahit ang pinakamataas na langit, pati ang mundo at lahat ng narito. 15 Ngunit pinili ng Panginoon ang inyong mga ninuno para mahalin, at sa lahat ng bansa kayo na mula sa kanilang lahi ang pinili niya hanggang ngayon. 16 Kaya baguhin[d] ninyo ang mga puso ninyo at huwag nang patigasin ang mga ulo ninyo. 17 Sapagkat ang Panginoon na inyong Dios ay Dios ng mga dios at Panginoon ng mga panginoon. Makapangyarihan siya at kamangha-manghang Dios. Wala siyang pinapanigan at hindi siya tumatanggap ng suhol. 18 Ipinagtatanggol niya ang karapatan ng mga ulila at mga biyuda. Minamahal niya ang mga dayuhan[e] at binibigyan sila ng pagkain at mga damit. 19 Kaya mahalin din ninyo ang mga dayuhan, dahil mga dayuhan din kayo noon sa Egipto. 20 Igalang ninyo ang Panginoon na inyong Dios at paglingkuran ninyo siya. Manatili kayo sa kanya at sumumpa kayo sa pangalan lang niya. 21 Purihin ninyo siya, dahil siya ang Dios ninyo na gumawa ng dakila at kamangha-manghang bagay na nakita ninyo. 22 Nang dumating ang inyong mga ninuno sa Egipto, 70 lang silang lahat, pero ngayon, pinadami na kayo ng Panginoon na inyong Dios na katulad ng mga bituin sa langit.
Ang Talinghaga tungkol sa Manghahasik(A)
4 Isang araw, nagdatingan ang maraming tao mula sa ibaʼt ibang bayan at lumapit kay Jesus. Ikinuwento niya sa kanila ang talinghaga na ito:
5 “May isang magsasakang naghasik ng binhi. Sa kanyang paghahasik, may mga binhing nahulog sa tabi ng daan, natapakan ito ng mga dumadaan at tinuka ng mga ibon. 6 May mga binhi namang nahulog sa mabatong lugar. Tumubo ang mga ito, pero madaling nalanta dahil sa kawalan ng tubig. 7 May mga binhi namang nahulog sa lupang may matitinik na damo. Sabay na tumubo ang mga binhi at mga damo, pero sa bandang huli ay natakpan ng mga damo ang mga tumubong binhi. 8 Ang iba namaʼy nahulog sa mabuting lupa. Tumubo ang mga ito at namunga nang napakarami.”[a] Pagkatapos, sinabi ni Jesus, “Kayong mga nakikinig, dapat nʼyo itong pag-isipan!”[b]
Ang Layunin ng mga Talinghaga(B)
9 Tinanong si Jesus ng mga tagasunod niya kung ano ang kahulugan ng talinghaga na iyon. 10 Sumagot si Jesus, “Ipinagkaloob sa inyo na malaman ang mga lihim tungkol sa paghahari ng Dios, ngunit sa ibaʼy ipinapahayag ito sa pamamagitan ng talinghaga, upang ‘tumingin man silaʼy hindi makakita, at makinig man silaʼy hindi makaunawa.’ ”[c]
Ang Kahulugan ng Talinghaga tungkol sa Manghahasik(C)
11 Isinalaysay ni Jesus kung ano ang kahulugan ng talinghaga na iyon: “Ang binhi ay ang salita ng Dios. 12 Ang tabi ng daan, kung saan nahulog ang ilang binhi ay ang mga taong nakinig ng salita ng Dios, ngunit dumating ang diyablo at kinuha iyon sa mga puso nila upang hindi sila sumampalataya at maligtas. 13 Ang mabatong lugar, kung saan nahulog ang ibang binhi ay ang mga taong nakinig ng salita ng Dios at masaya itong tinanggap. Ngunit hindi taimtim sa puso nila ang pagtanggap, kaya hindi tumagal ang kanilang pananampalataya. Pagdating ng mga pagsubok ay agad silang tumatalikod sa kanilang pananampalataya. 14 Ang lupang may matitinik na damo, kung saan nahulog ang iba pang binhi ay ang mga taong nakinig ng salita ng Dios. Ngunit sa katagalan, nadaig sila ng mga alalahanin sa buhay, kayamanan at kalayawan sa mundong ito. Kaya hindi sila lumago at hindi namunga. 15 Ngunit ang mabuting lupang hinasikan ng binhi ay ang mga taong nakikinig sa salita ng Dios, at iniingatan ito sa kanilang malinis at tapat na puso, at pinagsisikapang sundin hanggang sa silaʼy mamunga.”
Ang Aral Mula sa Ilaw(D)
16 Sinabi pa ni Jesus, “Walang taong nagsisindi ng ilaw at pagkatapos ay tatakpan ng palayok o ilalagay sa ilalim ng higaan. Sa halip, inilalagay ang ilaw sa patungan para magbigay-liwanag sa lahat ng pumapasok sa bahay. 17 Ganoon din naman, walang natatagong hindi mahahayag at walang lihim na hindi malalaman at mabubunyag.[d]
18 “Kaya makinig kayong mabuti sa sinasabi ko, dahil ang taong sumusunod sa narinig niyang katotohanan ay bibigyan pa ng pang-unawa. Ngunit ang taong hindi sumusunod sa katotohanan, kahit ang inaakala niyang nauunawaan niya ay kukunin pa sa kanya.”
Ang Ina at mga Kapatid ni Jesus(E)
19 Ngayon, pinuntahan si Jesus ng kanyang ina at mga kapatid, pero hindi sila makalapit sa kanya dahil sa dami ng tao. 20 Kaya may nagsabi kay Jesus, “Nasa labas po ang inyong ina at mga kapatid, at gusto kayong makita.” 21 Sumagot si Jesus, “Ang mga nakikinig at sumusunod sa salita ng Dios ang siya kong ina at mga kapatid.”
19 Alam nʼyo kung paano nila ako hinihiya at iniinsulto.
Alam nʼyo rin kung sino ang lahat ng kaaway ko.
20 Nasaktan ako sa kanilang panghihiya sa akin
at sumama ang loob ko.
Naghintay ako na may dadamay at aaliw sa akin,
ngunit wala ni isa man.
21 Nilagyan nila ng lason ang aking pagkain at nang akoʼy mauhaw binigyan nila ako ng suka.
22 Habang kumakain sila at nagdiriwang,
mapahamak sana sila at ang kanilang mga kasama.
23 Mabulag sana sila at laging manginig.[a]
24 Ibuhos at ipakita nʼyo sa kanila ang inyong matinding galit.
25 Iwanan sana nila ang mga toldang tinitirhan nila
para wala nang tumira sa mga ito.
26 Dahil inuusig nila ang mga taong inyong pinarurusahan,
at ipinagsasabi sa iba ang paghihirap na nararanasan ng mga ito.
27 Idagdag nʼyo ito sa kanilang mga kasalanan at huwag nʼyo silang iligtas.
28 Burahin nʼyo sana ang kanilang pangalan sa aklat ng buhay[b]
at huwag isama sa talaan ng mga matuwid.
29 Nasasaktan ako at nagdurusa,
kaya ingatan nʼyo ako, at iligtas, O Dios.
30 Pupurihin ko ang Dios sa pamamagitan ng awit.
Pararangalan ko siya sa pamamagitan ng pasasalamat.
31 Kalulugdan ito ng Panginoon higit sa handog na mga baka.
32 Kapag nakita ito ng mga dukha, matutuwa sila.
Lahat ng lumalapit sa Dios ay magagalak.
33 Dinidinig ng Panginoon ang mga dukha
at hindi niya nalilimutan ang mga mamamayan niyang nabihag.
34 Purihin ninyo ang Dios kayong lahat ng nasa langit,
nasa lupa at nasa karagatan.
35 Dahil ililigtas ng Dios ang Jerusalem[c] at muli niyang itatayo ang mga lungsod ng Juda.
At doon titira ang kanyang mga mamamayan at aariin ang lupain na iyon.
36 Mamanahin ito ng kanilang lahi
at ang mga umiibig sa Dios ay doon maninirahan.
2 Ang mabuting tao ay kinalulugdan ng Panginoon, ngunit ang taong nagpaplano ng masama ay kanyang pinarurusahan.
3 Ang taong gumagawa ng masama ay walang katatagan, ngunit ang taong matuwid ay matatag tulad ng isang punongkahoy na malalim ang ugat.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®